Lesson 9: Ang Pagiging Katangi-tangi ng Kristiyanismo sa Mundo ng mga Relihiyon
32 min read
by Mark Bird
Mga Tagubilin
(1) Magbigay ng isang pagsusulit gamit ang Mga Tanong sa Pagbabalik-aral mula sa Aralin 8.
(2) Atasan ang bawat mag-aaral na magbigay na maikling buod ng kanilang pakikipag-usap para sa takdang-aralin para sa “Apologetics at mga Kamay” sa dulo ng Aralin 8.
(3) Isasaulo ng mga mag-aaral ang Mga Gawa 4:11-12.
(4) Talakayin ang bawat tanong na may markang ►.
(5) Itanong ang bawat Tanong sa Pagbabalik-aral sa panahon ng klase at muli sa dulo ng klase.
Sa 1893 World’s Fair sa Chicago, ang isang Parliament of Religions ay nagpahintulot sa mga kinatawan mula sa bawat isa sa mga pangunahing relihiyon sa mundo na magsalita. Ang mga tagapagsalita mula sa bawat relihiyon ay nagsikap na kumbinsihin ang mga tagapakinig na ang kanilang relihiyon ay mas nakahihigit kaysa sa iba.
Ang huling kinatawan ay si Joseph Cook, isang pastor na kumakatawan sa pananampalatayang Kristiyano. Bago magsalita si Cook, inatake ng tagapagsalitang Hindu ang Kristiyanismo sa pagsasabing “ito ang pinakamasama sa lahat ng relihiyon” dahil tinatawag nito ang mga tao na “mga makasalanan”.
Sa halip na atakihin ni Cook ang ibang relihiyon, nagsimulang ikuwento ni Joseph Cook ang kuwento ni Lady Macbeth mula sa dakilang play ni Shakespeare. Sinabi niya kung paanong dahil sa paninibugho at ambisyon, hinikayat ni Lady Macbeth ang kanyang asawa na patayin ang haring si Duncan, habang ito ay bumibisita sa kanilang kastilyo.
Makalipas iyon, si Lady Macbeth ay labis na binagabag ng kanyang budhi. Sa araw, siya ay ambisyosa at matapang. Subali’t sa gabi, si Lady Macbeth ay naglalakad nang tulog sa palasyo, paulit-ulit na hinuhugasan ang kanyang kamay at umiiyak, “Marumi pa! Magiging malinis pa ba ang mga kamay na ito?”
Tinanong ni Joseph Cook ang mga kinatawan ng bawat relihiyon, “Mayroon bang anumang bagay sa inyong relihiyon na maaaring makahugas sa guilt (pag-uusig ng budhi) at dugo sa kamay ni Lady Macbeth?” Walang sinumang nagsalita. Walang relihiyong maaaring maghugas ng dugo sa mga kamay ni Lady Macbeth. Pagkatapos, humarap si Rev. Cook sa mga nakikinig at nagsabi, “Ang dugo ni Kristo Hesus , ang Anak ng Dios, ang maglilinis sa atin sa lahat ng ating kasalanan!”
Sa leksiyong ito, makikita natin na ang Kristiyanismo ay naiiba sa lahat ng ibang relihiyon. Ang pagkakaiba ng ebanghelyo at ng ibang relihiyon ay ito: naniniwala tayo na dumating ang Dios sa ating mundo sa katauhan ng kanyang Anak na si Hesus, upang pagkalooban tayo ng daan upang mapatawad ang ating mga kasalanan at ibalik tayo sa kanyang wangis.
Ang Kristiyanismo Ba Ang Tanging Tunay na Pananampalataya?
Ang isang napakakaraniwang tanong sa isang Kristiyano ay, “Hindi ba’t pare-pareho lang ang lahat ng relihiyon? Iba’t-ibang daan lang sila patungo sa parehong layunin. Basta matatagpuan mo ang landas na tama sa iyo, okay lang.”
►Paano ka tutugon sa Hindu na nagsabing, “Ang Kristiyanismo at Hinduismo ay dalawang landas patungo sa parehong layunin?”
Ang sumusunod na pagtalakay ay tutulong sa atin na makita nang mas malinaw kung ano ang nagbubukod sa Krisktiyanismo sa lahat ng iba pang pananaw ng sanlibutan.
May limang pangunahing paniniwala patungkol sa pag-iral at kalikasan ng Dios: Atheism, Pantheism, Panantheism, Polytheism at Monotheism.
Itinuturo ng atheism na walang Dios. Itinatanggi nito na mayroon pang ibang bagay sa kabila ng natural na mundo.
Itinuturo ng Pantheism na mayroong divine being, subalit ang being na ito ay hindi nakahiwalay sa mundo. Ang pantheistic god ay hindi isang personal being na lumikha sa sanlibutan. Siya ay isang Espiritu o Pag-iisip na kapareho o identical sa sanlibutan. Ang Hinduism ay isang halimbawa ng pantheistic na relihiyon.
Itinuturo ng Panentheism na ang Dios ay hiwalay sa mundo subali’t siya ay nakadepende sa mundo para sa kanyang pag-iral. May co-dependence sa pagitan ng Dios at ng mundo.
Itinuturo ng Polytheism na maraming dios. Ang Mormonism ay isang halimbawa ng relihiyon na polytheistic. Gayunman, itinuturo ng Biblia na mayroon lamang isang divine being.
“Kaya nga’t sinasabi ng Panginoon, ang Hari ng Israel at kanyang Manunubos, ang Panginoon ng Israel: ‘Ako ang Simula at Ako ang Wakas; walang ibang Dios maliban sa akin.’”[1]
“Walang ibang Dios na una sa akin, ni mayroon pa mang iba na darating.” [2]
Walang alinman sa mga pananaw ng mundo na nabanggit ang nagkakaloob ng landas upang muling pag-ugnayin ang tao at ang Dios. Ang mga paniniwalang ito ay sinalungat ng Biblia at ng mga ebidensiyang philosophical at scientific. Ang mga katibayang ating pinag-aralan sa araling ito ay nagtuturo sa isang transcendent, independent, walang-hanggan, hindi-pisikal, matalinong Dios na lumikha sa sanlibutan at nakikipag-ugnayan sa sangkatauhan.
Itinuturo ng monotheism na mayroong isang transcendent, walang hanggan, personal na divine being.
Ang Deism ay isang anyo ng monotheism na nagtuturo na mayroong isang transcendent, walang hanggan, matalinong Dios na lumikha ng sanlibutan. Gayunman, matapos likhain ang sanlibutan, ang Dios ng Deism ay hindi na nakasangkot sa mga pangyayari sa sangkatauhan. Hindi siya pumasok sa ating mundo upang magbigay kabayaran para sa ating mga kasalanan. Hindi niya ipinahayag ang kanyang sarili sa atin sa personal na paraan. Hindi maaaring magkaloob ng kaligtasan sa atin ang Deism dahil hindi ito nagkakaloob ng landas para sa kapatawaran o muling pakikipagkasundo sa Dios.
Ang tatlong pinakamalalaking monotheistic na relihiyon ay ang Judaism, Islam at Kristiyanismo. Ang mga relihiyong ito ay nagtuturo na ang Dios ay namagitan sa mundo upang magkaloob sa atin ng kaligtasan.
Ang Judaism, na itinatag ng Dios sa pamamagitan ni Abraham at Moses ay natupad kay Kristo. Maliban sa Hudiong naniniwala sa Mesiyas (Kristiyano), tinanggihan ng modernong Judaismo si Hesus bilang katuparan ng mga propesiya tungkol sa Mesiyas. Ang sistema ng pagsasakripisyo ng mga Hudio ay nagtuturo kay Hesus bilang ang panghuling sakripisyo para sa ating mga kasalanan. Walang batayan para sa kapatawaran sa kasalanan ang mga modernong Hudio kapag tinanggihan nila si Hesus. Ni hindi na sila nagsasagawa ng mga sakripisyo sa kasalukuyan.
Ang Islam ay binuo noong ikapitong siglo sa Mecca at Medina. Nilikha ni Mohammad ang isang huwad na relihiyon na nakabatay sa mga binaluktot na katuruan ng Judaismo at Kristiyanismo. Maraming magkakatulad na paniniwala sa mga relihiyong ito dahil pare-pareho ang kanilang pinag-ugatan, subali’t mula pa sa simula inilayo na ng Islam ang kanyang mga tagasunod mula sa katotohanan ng pagiging Dios ni Kristo at kanyang kamatayan at muling Pagkabuhay.
Walang sapat na batayan para sa kapatawaran ang Islam dahil wala itong substitutionary atonement/pamalit na pambayad-kasalanan. Sa Islam, ang isang tao ay mapapatawad lamang kung ang kanyang mabubuting gawa ay higit na marami kaysa sa kanyang masasamang ginawa. Gayunman, alam natin na walang sapat na dami ng kabutihan, kahit mayroon pa tayo nito, ang maaaring makatakip o makabayad sa ating mga kasalanan laban sa walang hanggang banal na Dios.
Tanging ang Kristiyanismo ang may paraan para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Nangangailangan tayo ng isang tagapamagitan upang muling pag-ugnayin ang pagitan ng tao at ng Dios. Ihiniwalay tayo ng kasalanan mula sa Dios, subali’t tanging ang isang tagapamagitan na kapwa Dios at tao ang makapagbibigay ng bayad-kasalanan at magdudulot ng pakikipagkasundo.[3] Bilang Dios, kinatawan ni Hesus ang Dios sa tao. Bilang tao, kinatawan ni Hesus ang tao sa Dios. Siya ang Dios-taong Tagapamagitan, na sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay ay muling nag-ugnay sa Dios at sa tao.
Kinakailangang kapwa Dios at tao si Hesus upang matupad ang kanyang ginawa. Ang isang sakripisyong kamatayan ay kinakailangan upang magbayad sa kasalanan. Tanging bilang isang tao maaaring mamatay si Hesus. At tanging bilang Dios maaaring maging sapat na bayad kasalanan si Hesus para sa ating mga kasalanan laban sa isang walang hanggang Dios. Gayundin, kailangang Dios si Hesus upang mawasak ang kamatayan at kasalanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay.
Ang pambayad-kasalanang kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus na Dios-tao ang nagbubukod sa Kristiyanismo mula sa alinmang ibang relihiyon. Tanging ang Kristiyanismo ang nagkakaloob ng daan upang muling ibalik ang tao sa imahen ng Dios. Iyon ang dahilan kung bakit sinabi ni Hesus na siya ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay, at walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Niya.[4]
Mga Tanong sa Pagbabalik-Aral
(1) Ano ang limang pangunahing paniniwala patungkol sa pag-iral at kalikasan ng Dios? Ipaliwanag ang bawat isa.
(2) Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng Kristiyanismo at ng ibang pangunahing paniniwala?
Kinakailangan ba ang Doktrina ng Trinidad para sa Pananampalatayang Kristiyano?
Kung si Hesus ay Dios, ibig sabihin ba nito na mayroong higit sa isang Dios? Hindi. Ang doktrina ng Trinidad ay nagtuturo na mayroong tatlong persona sa isang divine being na tinatawag na Dios. Ang tatlong Personang ito ay ang Ama, ang Anak at ang Banal na Espiritu. Maraming dahilan upang ipagtanggol ang doktrina ng Trinidad laban sa mga sumasalungat dito.
Isang nagbubukod na katangian ng Kristiyanismo ang doktrina ng Trinidad (isang Dios na ipinahayag sa tatlong persona). Ang doktrinang ito ang nagbubukod sa Kristiyanismo mula sa Judaismo at Islam, ang dalawang ibang pangunahing monotheistic na relihiyon.
Tinatanggihan ng Islam ang doktrina ng Trinidad, kahit naniniwala ang mga Muslim sa isang transcendent personal na Dios. Sinasabi ng mga Muslim na hindi maaaring magkaroon ng anak ang Dios, kaya’t tinatanggihan nila si Jesus bilang Anak ng Dios, o ang Dios Anak. Bahagi ng problema ay ang pag-iisip ng mga Muslim na ang Pagiging Anak ay nagpapahiwatig ng natural, pisikal na pagiging ama. Hindi iyon ang doktrinang Kristiyano ng pagiging Anak ni Hesus. Kailanman walang panahon na ang Anak ay hindi Anak. Ang kanyang pagiging Anak ay hindi sa pisikal; ang kanyang pagiging Anak ay isang natatanging kaugnayan na taglay ni Hesus sa kanyang Ama mula pa sa walang hanggan. Si Hesus ay Anak na bago pa man siya ipinaglihi ng Banal na Espiritu at ipinanganak ng birheng Maria upang manirahang kasama natin bilang isang tao.
May mga hindi Kristiyano na nag-iisip na ang mga Kristiyano ay naniniwala sa tatlong Dios/tri-theists.[1] Subali’t hindi iyon totoo. Monotheistic ang mga Kristiyano. Naniniwala tayo na mayroon lamang isang divine being, subalit mayroong tatlong Persona sa loob ng nag-iisang Dios na iyon. Ang tatlong Personang ito ay nagtataglay ng pare-parehong kalikasan. Hindi sila hiwa-hiwalay na mga dios.
Ang Katibayan ng Biblia para sa Trinidad
Narito ang isang paliwanag ng Biblia para sa doktrinang Kristiyano na mayroong isang Dios na nagpahayag ng kanyang sarili sa tatlong Persona: Ang Ama. Ang Anak, at ang Banal na Espiritu. Itinuturo sa Biblia ang lahat ng mga sumusunod na pahayag. Ito ang nagsisilbing batayan ng doktrina ng Trinidad.
Pahayag 1: Mayroon lamang iisang Dios.
“Makinig ka, O Israel, ang Panginoon ating Dios ay Iisang Panginoon.”[2]
“Sapagka’t Ako ay Dios, at wala nang iba; Ako ay Dios, at walang ibang katulad ko.”[3]
Pahayag 2: Ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay tinukoy sa Kasulatan bilang Dios.
Ang Banal na Espiritu ay bumaba sa anyo ng isang kalapati
Ang Ama ay nagsalita mula sa Langit, at nagsabi, “Ikaw ang Aking minamahal na Anak, na lubos kong kinalulugdan.”
Ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay hindi maaaring iisang persona lamang; ang bawat isa sa kanila ay kumikilos sa magkakaibang tungkulin nang sabay sabay.
Sa bandang katapusang ng kanyang ministeryo, sinabi ni Hesus na hihilingin niya sa Ama na ipadala sa atin ang “isa pang Tutulong” – ang Banal na Espiritu.[8] Mayroong tatlong magkakahiwalay na persona na kaugnay sa kahilingang ito.
Konklusyon: Ang nag-iisang tunay na Dios ng Biblia ay nagpahayag ng kanyang sarili upang umiral sa tatlong magkakahiwalay na Persona: Ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu. Ang Dios ay iisa sa kalikasan, subali’t tatlong Persona.
Bagaman ang salitang Trinidad ay hindi matatagpuan sa Biblia, ang doktrina ng Trinidad ay batay sa malinaw na mga pangungusap sa Kasulatan. Malinaw na ipinapakita ng Biblia na mayroong tatlong magkakahiwalay na Persona. Ang bawat isa sa mga Personang ito ay tinukoy bilang ang nag-iisang Dios ng sanlibutan.
Ito ay hindi isang pagsasalungatan dahil hindi naman sinasabi ng mga Kristiyano na ang Dios ay kapwa isang persona at tatlong persona. Hindi sinasabi ng mga Kristiyano na ang Dios ay kapwa isang Dios at tatlong Dios. Sa halip, sinasabi ng mga Kristiyano na ang Dios ay iisa sa essence at tatlo sa persona.
Isang paglalarawan ng Trinidad
Ang sanlibutan ay isa sa pinakamagandang paglalarawan ng Trinidad. Ang buong pisikal na sanlibutan (uni = isa) ay binubuo ng tatlo at tanging tatlong kinakailangang aspeto – space, panahon at matter. Kung aalisin mo ang alinman sa tatlong ito, hindi na kumpleto ang iyong sanlibutan.
Ang space ay binubuo ng haba, lapad at kapal – tatlo subalit iisa. Kung aalisin mo ang alinman sa mga dimensiyong ito, mawawala na ang iyong space.
Ang panahon ay binubuo ng nakaraan, kasalukuyan at hinaharap –tatlo subali’t iisa. Kung aalisin mo ang alinman sa mga aspetong ito, mawawala na ang iyong panahon.
Ang matter ay binubuo ng enerhiya na kumikilos at nagbubunga ng phenomena –tatlo subali’t iisa. Kung walang enerhiya, hindi magkakaroon ng pagkilos o phenomena. Kung walang pagkilos, walang enerhiya o phenomena. Kung walang phenomena, ito ay dahil walang enerhiya o pagkilos.[9]
Ang idea ng “tatlo ngunit iisa” ay bahagi ng mismong kalikasan ng sanlibutan. Maaari kayang nilikha ng Dios ang kanyang sanlibutan upang isalamin ang kanyang kalikasang Trinitarian? Naniniwala ako na iniwan ng Dios ang kanyang fingerprints sa kanyang nilikha. Kung paanong ang isang sanlibutan ay umiiral bilang space, panahon, at matter, ang nag-iisang Dios ay umiiral bilang ang Ama, ang Anak at ang Banal na Espiritu.
Ang Tradisyunal na Diagram ng Trinidad
Ang Biblikal na doktrina ng Trinidad ay itinuro na ng iglesya mula pa sa mga apostol. Nasa ibaba ang isang diagram na ginagamit ng iglesya upang ilarawan ang Trinidad.
Ang doktrina ng Trinidad ay kinakailangan sa doktrina ng Kristiyano.
May nagsasabi na hindi mahalaga na paniwalaan ang doktrina ng Trinidad, subali’t sila’y nagkakamali. Ang doktrina ng Trinidad ang batayan ng mga pangunahing katuruan na kinakailangan sa ebanghelyo. Halimbawa, ang mga tumatanggi sa Trinidad ay karaniwang tumatanggi rin na si Hesus ay Dios. Subali’t kung si Hesus ay hindi Dios, ang kanyang kamatayan ay hindi magbibigay sa atin ng kaligtasan.
Kung itinatanggi natin na ang Ama, ang Anak at ang Banal na Espiritu ay magkakahiwalay na Persona, itinatanggi rin natin ang katangiang personal o pangrelasyon ng Dios. Halimbawa, ang Dios ay hindi magiging isang mapagmahal na Dios mula sa magpawalang hanggan kung kinakailangan pa niyang lumikha muna upang mahalin ang sinuman. Subali’t kung ang Dios ay mahigit pa sa isang persona, ang mga Personang ito ay maaaring magmahal sa isa’t-isa mula sa walang hanggan.
Ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay mga Personang namumuhay na may relasyon sa isa’t-isa.
Hindi impersonal na entities ang Ama, ang Anak at ang Banal na Espiritu. Bawat isa ay nagtataglay ng pagiging persona at nabubuhay sa personal na relasyon sa isa’t-isa. Tinatawag natin silang Persona dahil sila’y nabubuhay na may relasyon sa isa’t-isa. Bawat miyembro ng Trinidad ay maaaring tumukoy sa kanyang sarili bilang “Ako” at sa isa pang miyembro ng Trinidad bilang “Ikaw”. Bagaman ang Ama, ang Anak at ang Banal na Espiritu ay iisang Dios, sila ay magkakahiwalay na Persona na nagmamahal sa isa’t-isa, nagbibigay sa isa’t-isa, nakikipag-talastasan sa isa’t-isa, ang nabubuhay para sa isa’t-isa. Sila ay mga tunay na Persona.
Ang doktrina ng Trinidad ay nakakaapekto sa human personhood at mga relasyon.
Ang Trinidad ang pinagmumulan ng ating pagiging tao. Nilikha tayo ng Dios sa kanyang wangis. Tulad ng Trinidad, nagagawa nating makipag-ugnayan sa isa’t-isa at sa Dios. Mayroon tayong pag-iisip, kalooban at damdamin na nagbibigay sa atin ng kakayahang ito.
Nakakaapekto ang Trinidad sa paraan ng ating pakikipag-ugnayan sa isa’t-isa, gayundin sa Dios. Dahil ang mga miyembro ng Trinidad ay nabubuhay sa pagbibigay ng sariling pag-ibig sa isa’t-isa, tayo rin ay dapat mamuhay na may mapagmahal na relasyon sa iba. Ganito tayo nilikha ng Dios. Tayo ay nilikha sa wangis ng Dios. Tayo ay nilikha upang mahalin ang iba tulad ng pagmamahal ng mga miyembro ng Trinidad sa isa’t-isa.
► Maipapaliwanag mo ba ang doktrina ng Trinidad sa isang Muslim na naniniwala na ang mga Kristiyano ay maniniwala sa tatlong dios?
Mga Tanong sa Pagbabalik-Aral
(3) Ano ang tatlong pahayag at konklusyon na nagpapakita ng ebidensiya ayon sa Biblia para sa doktrina ng Trinidad?
(4) Ano ang tatlong aspeto ng sanlibutan na nagpapakita ng doktrina ng Trinidad?
[1] Ang isang tri-theist ay naniniwala sa tatlong hiwa-hiwalay na dios.
[9] Para sa dagdag na kaalaman, tingnan ang Ang Trinidad sa Sanlibutan, na isinulat ni Nathan Wood. Michigan: Kregel Publications, 1984.
Paano Dapat Tumugon ang mga Kristiyano sa Animism?
Sa Africa, maraming di-mananampalataya ang may malaking respeto at maging takot sa mga espiritu. Madalas tinatanong ng mga taong ito ang Kristiyano, “Bakit dapat kong pagtiwalaan ang isang Dios na hindi ko nakikita gayung nakaharap na ng aking pamilya ang espiritu ng aming mga ninuno? Nakita na namin ang kanilang kapangyarihan. Nakikita namin na sila ay umiiral. Bakit namin dapat sambahin ang isang Dios na hindi naming nakikita?”
Maging ito man ay tawaging “Animism” o “Relihiyon ng Tribu” o “Tradisyunal na Relihiyon”, ang pananaw na ito ay nagbibigay ng malaking hamon sa apologetics na Kristiyano. Kapag sinisikap mong mag-ebanghelyo sa mga animists, hindi sila karaniwang nagtatanong ng, “Ano ang ebidensiyang manuskrito para sa Biblia?” o “Ano ang cosmological na pangangatwiran para patunayan na mayroong Dios?”
Minsan tinanong ni Randall McElwain ang isang grupo ng mga pastor na African, “Paano ninyo pinatutunayan na mayroong Dios sa mga di-mananampalataya?” Tumugon sila sa pamamagitan ng pagtawa. “Ang bawat isa sa Africa ay may sapat na katalinuhan upang malaman na mayroong Dios! Tanging ang mga Amerikano at ang mga kanluranin ang hangal na nagdududa na mayroong Dios. Hindi itinatanong ng aming mga mamamayan kung “Mayroon bang Dios?’ Ang itinatanong nila, ‘Aling dios ang pinakamakapangyarihan?”
Paano dapat tumugon ang isang Kristiyano sa animism? Titingnan natin ang apat na tanong:
Ano ang animism?
Ano ang pagkakaiba ng animism at Kristiyanismo?
Maaari bang pagsamahin ang animism at ang Kristiyanismo?
Paano natin pinakamabuting maipapahayag ang ebanghelyo sa mga animists?
Ano ang animism?
Inilalarawan ng animism ang mga puwersa mula sa kalikasan at mga ninuno bilang buhay na nilalang na may distinct na identities. Ang mga “espiritu sa kalikasan” ay naninirahan sa mga bagay tulad ng mga hayop, halaman at mga bato. “Ang mga espiritu ng mga ninuno” ay mga miyembro ng pamilya na namatay na. Karaniwan silang binibigyang respeto bilang mga iginagalang na miyembro ng grupo.
Ayon sa karamihan sa mga relihiyon sa tribu, limitado ang mga espiritung ito. Ang kanilang kapangyarihan ay nagmumula sa kanilang hindi-pisikal na kalagayan. Karaniwan silang hindi mahuhulaan at maaaring magdulot ng malaking kaguluhan para sa mga tao. Maaari silang kumilos nang hindi nakikita dahil wala silang katawan, subalit hindi limitado ang tinataglay nilang kapangyarihan. Dahil dito, maaari silang kontrolin ng isang witch doctor/albularyo o ng ibang pinunong pangrelihiyon. Kung minsan maaari silang kontrolin sa pamamagitan ng “magical” na mga salita o talisman o agimat.
Marami sa mga animistic na ginagawa ay nakatuon sa pagpapalubag-sa-galit sa mundo ng mga espiritu. Maging ang gamitin nila ay perang sinusunog bilang alay sa mga ninuno o mga sakripisyo para sa mga espiritu sa kalikasan, sinisikap ng mga animists na paglubagin ang galit sa mundo ng mga espiritu.
Ano ang pagkakaiba ng animism at ng Kristiyanismo?
Takot sa halip ng pag-ibig
Marahil ang pinakamalaking pagkakaiba ng animism at Kristiyanismo ay ang relasyon sa pagitan ng Dios at ng tao. Sa animism, ang relasyon sa pagitan ng tao at ng mga espiritu sa kalikasan o mga ninuno ay dahil sa takot. Karaniwang namumuhay ang mga animists na may hindi nawawalang takot sa kung ano ang maaaring gawin ng kanilang mga ninuno. Wala silang pinagsasamahang pagbabatian o relasyon. Ang layunin ng karamihan sa mga animists ay magbigay ng sapat na respeto sa mga espiritu upang makaiwas sa gulo. Ginagamit ang mga alay at panalangin upang maibigay ang mga hinihingi ng mga espiritu. Ang mga mangkukulam o shaman ay binabayaran upang kontrolin ang mundo ng mga espiritu.
Salungat dito, ang mga Kristiyano ay sumasamba sa Dios na nagnanais ng isang relasyong may pag-ibig sa kanyang mga tao. Lumakad ang Dios sa Hardin kasama nina Adan at Eba. Isinugo ng Dios ang kanyang Anak upang manirahan kasama natin at mamatay upang bayaran ang kaparusahan sa ating mga kasalanan. Napaglubag na ni Cristo ang makatwirang poot ng Dios. Ang ating mga kasalanan ang nagdala ng poot ng Dios, subali’t nagkaloob ang Dios ng pambayad-utang sa pamamagitan ng kaloob ng kanyang nag-iisang Anak.[1]
Dahil nabayaran na ni Hesus ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan, ang ating relasyon sa Dios ay maaaring dahil sa pag-ibig, hindi dahil sa takot. Kung tutugon tayo sa kanyang handog na libreng kaligtasan, nangako ang Dios na gugugulin natin ang walang hanggan sa kanyang presensiya. Hindi natin kailangang mabuhay na may takot. Maaari tayong mabuhay sa isang relasyon ng pag-ibig.
Fatalism sa halip na pag-asa
Nakikita ng mga animists ang kamatayan bilang pinagmumulan ng matinding takot. Walang pangako ng buhay pagkatapos ng libingan. Walang pangako ng muling pakikipagkita sa pamilya. Walang pag-asa sa isang maawaing Dios.
Bilang paghahambing, ang mga Kristiyano ay umaasa sa walang hanggan sa presensiya ng isang mapagmahal na Dios. Para sa isang Kristiyano, ang buhay ay kumikilos patungo sa hinaharap ng walang katapusang kaligayahan.
Malayong mga espiritu sa halip na isang personal na Dios
Isa pang pagkakaiba sa pagitan ng animism at Kristiyanismo ay ang pagbibigay diin ng animists sa mga espiritu sa halip na sa Dios. Kahit ang mga animists na kumikilala sa isang supreme na Dios ay nagbibigay ng mas maraming atensiyon sa mga espiritu kaysa sa Dios.
Bilang paghahambing, dapat ibigay ng mga Kristiyano ang kanilang atensiyon sa Dios at hindi sa mundo ng mga espiritu. Nagpapatotoo ang Biblia sa katotohanan ng mundo ng mga espiritu. Gayunman, ang Biblia ay nagbibigay ng ilang detalye tungkol sa daigdig na ito. Walang itinuturo ang Biblia tungkol sa paraan kung paano makikipag-ugnayan sa mga espiritu (maging ito man ay mabuting espiritu o masamang espiritu). Walang sinasabi ito kung paano natin magagamit ang kapangyarihan ng mga espiritu upang tulungan tayo. Bakit? Dahil tanging ang Dios ang pinagmumulan ng ating kapangyarihan at karunungan.
Maaari bang pagsamahin ang animism at Kristiyanismo?
May mga Kristiyano ang nagsabi, “Oo, ang Kristiyanismo ang tunay na relihiyon. Gayunman, maaari nating isama ang pananampalatayang Kristiyano sa tradisyunal na relihiyon ng mga animistic na grupo.” Ang pagsasama ng tunay na Kristiyanismo at ng ibang relihiyon ay tinatawag na syncretism.
Maraming “independent churches” sa Africa ang nagsama ng mensahe ng Kristiyanismo sa mga katutubong relihiyon ng Africa. Karaniwan itong nagsisimula sa isang sinserong pagsubok na i-contextualize (iangkop sa buhay) ang ebanghelyo para sa mga Africano. May mga African pastors na umamin sa kabiguan ng maraming misyonerong kanluranin na maibahagi ang ebanghelyo sa Africa nang wala ang lahat ng mga cultural “baggage” na mula sa kanluran. Ang mga pastor na ito ay nagnanais na ang mga Kristiyanong Africano ay umawit ng mga awiting African, magdamit ng African na kasuutan, at sumamba sa isang genuine na paraang Africano.
Bagaman ang mga pagsisikap na ito ay nagsimula sa mabuting intensiyon, maraming sambahan ang nagsagawa ng mga gawaing salungat sa ebanghelyo. Sa “syncretistic na Kristiyanismong” ito, ang Dios ay malayo, tulad ng mga espiritung dios na malayo rin. Ang mga ninuno ay tinitingnan bilang mga tagapamagitan sa mga sumasamba at sa Dios. Kaunti lamang ang pagbibigay-diin sa pambayad-utang na kamatayan ni Cristo. Sa halip, binibigyang-diin ng mga pastor ang kapangyarihan laban sa mundo ng mga espiritu, ang mahimalang pagpapagaling, at pagbibigay-kahulugan sa mga panaginip.[2]
Kung ang lahat ng relihiyon ay pantay-pantay, katanggap-tanggap ang syncretism. Gayunman, ayon sa nakita na natin sa simula, mayroon lamang isang daan patungo sa Dios. Makalalapit ang sanlibutan sa Dios sa pamamagitan lamang ni Kristo Hesus. Ang lahat ng ibang landas ay mali. Ang mga ito ay hindi nagdadala sa atin sa Dios. Hindi natin pwedeng sundan ang isang maling landas at ang totoong landas nang sabay na panahon.
Halimbawang alukin kita ng isang basong inumin. Sinabi ko sa iyo, “Ang basong ito ay naglalaman ng dalawang inuming pinaghalo ko. Ang isa sa mga inumin sa baso ay napakasustansiya. Ang isa pang inumin ay isang nakamamatay na lason na maaaring makamatay sa iyo. Pinagsama ko ang dalawang iyon, upang kung inumin mo, makakainom ka ng kaunti mula sa parehong inumin. Sa gayun ding paraan, imposible bang sambahin ang Dios at sambahin ang huwad na relihiyon nang sabay. Sinabi ni Pablo, “Hindi ka maaaring uminom sa tasa ng Panginoon at sa tasa ng mga demonyo. Hindi ka maaaring makibahagi sa hapag ng Panginoon.”[3]
Sa Lumang Tipan, ang ilang tao sa Israel ay nagnanais na sumamba kay Jehovah samantalang nais din nilang sambahin ang huwad na dios na si Baal. Tinanong sila ni Elijah, “Hanggang kailan kayo magpapalipat-lipat sa dalawang magkaibang kaisipan? Kung ang Panginoon ay Dios, sundin ninyo siya; subali’t kung si Baal, sundin ninyo siya.”[4]
Sa ating mga doktrina, sa ating mga ginagawa sa pagsamba, at sa ating paraan ng pamumuhay, maaari nating sundin si Cristo o maaari nating sundin ang mga huwad na dios. Hindi natin maaaring gawin ang pareho.
Paano natin pinakamabuting maibabahagi ang ebanghelyo sa mga animists?
Dahil ang pinakamalakas na aspeto ng animism ay ang takot, dapat ipakita ng mga Kristiyano ang kapangyarihan ng Dios laban sa takot. Sa pagpapakita ng pagmamahal ng Kristiyano at sa maingat na pagbabahagi ng mabuting balita ng ebanghelyo, makakatulong ang isang Kristiyano na mapagtagumpayan ng isang animist ang kanilang takot sa mga espiritu. Hanggang hindi napagtatagumpayan ang takot, maraming animists ang matatakot na tumugon sa ebanghelyo. Kailangang ipakita ng Kristiyano, sa pamamagitan ng kanilang pag-ibig para sa kanilang animistic na kapitbahay at sa pamamagitan ng kanilang mapagtiwalang pananampalataya sa isang mabuting Dios, na ang pag-ibig sa Dios ang pumapawi sa takot. Isinulat ni Juan, “Walang takot sa pag-ibig, subalit ang perpektong pag-ibig ay pumapawi sa takot. Dahil ang takot ay may kaugnayan sa kaparusahan, at sinumang natatakot ay hindi pa nagiging perpekto sa pag-ibig.”[5]
Nagpapalaya sa Takot si Kristo Hesus
Ikinuwento ni John Seamands ang tungkol sa tribong Iban sa Malaysia. Ang animistic na tribong ito ay nabubuhay sa palagiang takot sa mga panaginip, mga daga at maging sa isang klase ng ibon. Nang ang isang grupo ng mga Kristiyano mula sa Tsina ay dumating sa Malaysia pagkatapos ng Boxer Rebellion, ang mga Iban ay namangha na ang mga Kristiyano ay lumakad sa loob ng gubat nang hindi natatakot. Nagtanong sila, “Hindi ba kayo natatakot sa masasamang espiritu?” Sumagot ang mga Chinese na Kristiyano, “Hindi! Buhay ang aming Dios. Mahal niya kami at siya ay mas makapangyarihan kaysa alinmang ibang puwersa.” Sa ngayon, mayroon nang iibong bilang ng mga Kristiyanong Iban. Ang kanilang unang patotoo ay karaniwang ito, “Pinalaya ako ni Cristo Jesus mula sa aking takot.”[6]
Dahil ang ebanghelyo ay hindi limitado sa kanluraning paraan ng pamumuhay, hindi dapat ipagkamali ng mga Kristiyano ang ebanghelyo sa kulturang kanluranin. Sa simula ng ikadalawampung siglo, may mga misyonerong nagsikap na magtatag ng “maliit na Britanya” sa ibang bansa. Sila’y nakasuot ng kanluraning kasuutan, umaawit ng kanluraning himno habang nakaupo sa mga upuan sa isang sambahang istilong kanluranin na may steeple. Dapat nating dalhin ang ebanghelyo sa paraang epektibong naipapahayag sa mga taong nais nating abutin.
Sa pangwakas, dahil madalas na pinahihina ng syncretism ang ebanghelyo, dapat malinaw na ipahayag ng Kristiyano ang ebanghelyo. Dapat nating ipakilala ang animist sa isang personal na Dios na nagmamahal sa kanila at nagnanais ng relasyon sa kanila. Dapat nating ipakilala ang animist kay Kristo Hesus na namatay upang magbayad-utang sa ating mga kasalanan at muling nabuhay mula sa libingan nang may tagumpay laban sa kamatayan.
Hindi natin dapat palitan ang buod na mensahe ng buhay, pambayad-utang na kamatayan, at muling pagkabuhay ni Kristo ng mga pagsisikap upang pahangain ang mga animists gamit ang mahimalang mga tanda at pangyayari, o pamamaraan ng pananalangin upang “puwersahin” ang Dios na gawin ang ating hinihingi. Ang ating Dios ay hindi isang katutubong espiritu/tribal spirit na maaari nating pasunurin sa ating mga nais; siya ang pinakamakapangyarihan sa sanlibutan. Kapag itinuturo natin na ang Dios ay maaaring pasunurin sa ating nais sa pamamagitan ng pamamaraan ng pananalangin at “faith rituals”, dinadala natin siya sa level ng isang katutubong dios. Ang apologetics para sa isang animist ay hindi kailanman dapat pahinain ang ebanghelyo para mapahanga ang mga nakakikita at nakaririnig.
Si Hesu-Kristo Ay Mas Makapangyarihan Kaysa Masasamang Espiritu
Karaniwang ihahambing ng mga animists na sa unang pagkakataon pa lamang naririnig ang ebanghelyo ang kapangyarihan ng Kristiyanong Dios sa kapangyarihan ng kanilang katutubong espiritu. Ang isang malakas na apologetic para sa mga animist ay ang pagpapakita ng kapangyarihan ng Dios. Bagaman hindi natin dapat sikaping pasunurin ang Dios ayon sa ating mga plano, dapat tayong maging sensitibo sa pagpapahintulot sa kanyang Espiritu upang kumilos sa pamamagitan natin upang ipakita ang kapangyarihan ng Dios.
Isang misyonero sa Pilipinas ang bumisita sa isang batang babae na nagtataglay ng isang karamdamang hindi maipaliwanag. Ang batang babae ay nagmula sa isang tribo na hindi pa nagtatagal na makarinig ng ebanghelyo para sa unang pagkakataon. Ang lahat ng nakatira sa pamayanang iyon ay nakakaalam na ang sakit ng batang babae ay mula sa demonyo. Inaatake ni Satanas ang buong village dahil ang mga tao ay tumugon sa pangangaral ng ebanghelyo.
Sinabi ng misyonero, “Nararamdaman ko ang kapangyarihan ng kasamaan.” Nanalangin ang misyonero at ang mga pastor na Filipino para sa batang babae sa pangalan ni Kristo Hesus. Umawit sila ng mga awit tungkol sa kapangyarihan ng pangalan ni Hesus at ang kapangyarihan ng kanyang tumigis na dugo. Agad-agad na lumaya ang bata. Ang kanyang paggaling ay isang malaking patotoo sa animistic na tribong ito. Nakita nila na ang Dios ay mas makapangyarihan kaysa sa kanilang mga katutubong espiritu. Hindi na nila kinatatakutan ang mga espiritu.
Mga Tanong sa Pagbabalik-Aral
(5) Ilarawan ang animism. Ano ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng animism at Kristiyanismo?
(6) Ilarawan ang syncretism. Bakit hindi katanggap-tanggap ang syncretism sa Kristiyano?
[6] Marami sa mga materyales sa seksiyong ito ay sinipi sa Tell It Well na isinulat ni John T. Seamands, , (Kansas City: Beacon Hill Press, 1981).
Paano naman Ang Mga Hindi Kailanman Nakarinig ng Ebanghelyo?
Itinuturo ng Biblia na tanging si Jesus ang daan patungo sa langit. Ito ay nagsisimula ng isang mahirap na katanungan. Paano naman ang mga taong namatay nang hindi nakaririnig ng ebanghelyo? Mayroon bang pag-asa para sa taong ito? Maaari ba silang maligtas?
Naniniwala akong ang sagot ay oo. Ang aking sagot ay hindi batay sa direktang tugon ng Biblia, subali’t batay sa set ng katotohanan ayon sa Biblia na hindi tuwirang nakaugnay sa katanungan. Ang Dios ay makatwiran at mapagmahal na Dios na hindi nagnanais na ang sinuman ay mapahamak. Pinagkalooban niya ang lahat ng tao ng paraan upang maligtas, at ang Banal na Espiritu ay nasa mundo at inilalapit kay Kristo ang lahat ng tao sa pamamagitan ng iba’t-ibang paraan. Naniniwala ako na kung ang isang tao na walang pagkakataong makabasa ng Biblia ay tutugon sa pangkalahatang kapahayagan ng sannilikha at budhi ay naghahanap sa Dios mula sa kanyang puso, ipapahayag ng Dios sa kanya ang sapat na kaalaman para siya maligtas. Ang kaalamang ito ay darating sa pamamagitan ng isang misyonero, isang anghel, panaginip o sa isang direktang pahayag mula sa Dios.
Ang espesyal na pahayag na ito ay maaaring limitado. Walang katuruan sa Biblia na ang buong nilalaman ng ebanghelyo ayon sa kasaysayan ay kinakailangan upang pagtiwalaan si Kristo para sa kaligtasan. Ang pananampalatayang nagliligtas ay maaaring ibatay sa limitadong pagkaunawa sa nilalaman ng pananampalataya.
Ang object ng pananampalataya ng taong ito ay si Kristo pa rin, bagaman maaaring hindi pa niya alam ang pangalan ni Hesus o ang doktrina ng Trinidad. Ang mananampalatayang ito ay simpleng nauunawaan na ang Dios na Manlilikha ay nagkaloob ng daan upang lagyan ng tulay ang pagitan ng tao at ng Dios. Wala man ang lubos na kapahayagan ng ebanghelyo, ang seeker na ito ay maaaring ilagak ang kanyang pananampalataya sa Isang isinugo upang pag-ugnayin ang pagitang iyon.
Hindi ibig sabihin nito na maaaring paniwalaan ng tao ang anumang kanilang nais. Sa pamamagitan ng biyaya ng Dios, dapat iwan ng seeker ang mga huwad na dios sa kanyang paligid, kilalanin ang kanyang kawalang kakayahan at abutin nang may pananampalataya ang tunay na Manlilikhang Dios. Kapag sa paglipas ng panahon at nalaman ng seeker na ito ang mas marami pang bagay tungkol kay Kristo, dapat niyang yakapin ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Hindi niya maaaring itanggi ang mga pangunahing doktrinang Kristiyano.
Ang doktrina ng prevenient grace ay mahalaga para sa tanong na ito. Ipinaliliwanag ang prevenient grace bilang “ang biyaya na dumarating bago ang kaligtasan.” Itinuturo ng Biblia na ang biyayang ito ay ibinibigay sa bawat isa sa mundo. Isinulat ni Pablo, “Ang biyaya ng Dios na nagdadala ng kaligtasan ay nahayag na sa lahat ng tao.” [1] Universal ang previenient grace, subalit ito ay maaari ring tanggihan.
Kung ang biyaya ng Dios na nagdadala ng kaligtasan ay nahayag sa “lahat ng tao,” ito ay nagpapahiwatig na ang Dios ay magbibigay rin ng paraan upang tumugon sa biyaya. Kung ang isang tao ay tutugon sa prevenient grace, gaano man siya kalayo mula sa impluwensiya ng mga misyonero, bibigyan pa rin siya ng Dios ng liwanag at biyaya.
Ang biyayang ito ang magbibigay ng kakayahan sa naghahanap sa Dios na gamitin ang kanyang pananampalataya kay Jesus. Ang biyayang ito ay epektibo kahit hindi pa naririnig ng naghahanap sa Dios ang buong mensahe ng ebanghelyo o kung inihahayag ng Dios ang katotohanan sa pamamagitan ng isang anghel o sa panaginip. Ililigtas ng Dios ang sinumang buong-pusong humahanap sa nag-iisang tunay na Dios ng sannilikha.[2]
Walang sinumang haharap sa Dios at matapat na masasabing naging imposible para sa kanya na matagpuan ang tunay na Dios at magtiwala kay Hesus. Kung hindi natin hahanapin ang Dios, mapagtatanto natin sa paghuhukom na nagkaroon tayo ng pagkakataon na hanapin ang tunay na Dios. Kung tunay nating hinanap nang buong puso ang Dios, pagkakalooban tayo ng sapat na katotohanan upang magtiwala kay Kristo para sa ating kaligtasan.
Mahalaga pa rin ang pag-eebanghelyo. Bagaman maaaring ang isang hindi nakarinig ng ebanghelyo ay umiyak sa Dios upang kahabagan, mahalaga pa rin na ang mga Kristiyano ay aktibong magbahagi ng ebanghelyo. Ang pakikinig sa ebanghelyo ay nagpapadali para sa isang tao na tumugon sa katotohanan. Ang Kristiyanong nagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi lamang nagdadala ng mensahe; sila ay nangungusap sa budhi ng mga makasalanan. Hinihikayat niya ang mga makasalanan na ibigay ang kanilang puso sa Dios.
Dahil inilalapit ng Dios sa kanyang sarili ay lahat, ang lahat ay magkakaroon ng pagkakataon na hanapin at matagpuan ang tunay na Dios. Napadadali ang pagtugon sa Dios kapag ang mga Kristiyano ay nananalangin para sa mga naliligaw at aktibong nagbabahagi ng ebanghelyo. Ang doktrina ng prevenient grace ay dapat makahikayat sa atin upang mas magbahagi pa ng ebanghelyo, dahil alam natin na kumikilos ang Dios sa bawat puso. Kung inililigtas ng Dios ang mga tao kahit wala tayong ginagawa, gaano pa kaya karami ang kanyang gagawin kung tayo ay namamagitan sa panalangin para sa mga naliligaw at nagpapatotoo sa kanila?
Marami nang kaso ang natagpuan ng mga misyonero kung saan inihanda ng Dios para sa ebanghelyo ang mga taong hindi pa nakaririnig nito. Nagawang iugnay ng mga misyonero ang ebanghelyo sa mga element sa kultura ng mga taong ito. Napadali nito para sa mga tao na maunawaan at tumugon sa ebanghelyo. Para sa dagdag na kaalaman tungkol dito, basahin ang mga aklat na Eternity in Their Hearts at Peace Child na isinulat ni Don Richardson.
►Anong mga elemento sa inyong kultura ang nagpapakita ng prevenient grace ng Dios na naghahanda ng daan para sa ebanghelyo?
Pagsasabuhay ng Apologetics - Ang Pagbabalik-loob ni Lamin Sanneh
Si Dr. Lamin Sanneh (1942-2019)[1] ay si D. Willis James, professor ng Pagmimisyon at Pandaigdigang Kristiyanismo sa Unibersidad ng Yale, kung saan naglilingkod din siya bilang Professor ng Kasaysayan. Nag-aral si Professor Sanneh ng Arabic at Islamic studies sa Ingglatera at Beirut, Lebanon. Nakapagturo rin siya kapwa sa Unibersidad ng Harvard at Yale.
Si Dr. Sanneh ay pinalaking isang matapat na Muslim sa Gambia. Nasisiyahan siya sa excitement ng Ramadan at ang pagkakataon na ipakita ang kanyang debosyong pangrelihiyon sa panahong ito ng pag-aayuno. Bilang isang kabataan, si Lamin ay isang napakatapat na Muslim na natutuwa sa disiplina ng kanyang pananampalatayang Islam.
Sa kanyang pagbabasa ng Qur’an, madalas siyang natutuon sa sinasabi ng Qur’an tungkol kay Jesus. Itinuturo nito na si Jesus ay isang propeta at isang mensahero mula sa Dios, subali’t si Hesus ay hindi namatay sa krus. Naging interesado si Sanneh sa buhay ni Hesus. Gayunman, natatakot siya na ang kanyang interes ay maglayo sa kanya sa Islam. Idinalangin niya na protektahan siya ng Dios mula sa kanyang interes kay Hesus!
Gayunman, ang interes ni Sanneh ay naging lalo pang mas masidhi. Hindi niya matakasan ang tanong na ito, “Sino ang namatay sa krus?” Sinabi ng Qur’an na hindi namatay si Hesus, sa halip naglagay ang Dios ng ibang tao kapalit ni Hesus. Nais malaman ni Sanneh, “Sino ang inilagay ng Dios kapalit ni Hesus?” Nagsimula siyang mag-isip. “Marahil tunay ngang namatay si Hesus sa krus. Marahil pinahintulutan ito ng Dios. Kung gayun, bakit pinahintulutan ng Dios na mamatay si Hesus?”
Nagsimulang pag-isipan ni Dr. Sanneh ang kanyang sariling buhay. Naranasan na niya ang trahedya sa kanyang pamilya. Itinanong niya, “Paano kung pinahintulutan ng Dios na maghirap si Hesus bilang bahagi ng ating mundo? Paano kung namatay si Hesus sa krus upang gapiin ang kamatayan?” Nagsimula siyang mapagtanto na kinakailangan ang krus bilang paraan ng Dios upang makapasok sa ating mundo.
Matagal na panahon pa makalipas iyon na nakatanggap si Dr. Sanneh ng kopya ng Biblia. Subali’t nabuksan na ng Espiritu ng Dios ang mga mata ni Sanneh sa kanyang pangangailangan sa isang Tagapagligtas. Nang makatanggap si Sanneh ng kopya ng Biblia, nagsimula siyang basahin ang Mga Gawa at Roma. Nalaman niya na ang Dios ay nagkaloob ng pagiging makatwiran hindi sa pamamagitan ng kanyang mahihigpit na disiplina, kundi sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Nagsimula siyang makita na tanging sa biyaya lamang tayo mapapalaya mula sa ating kawalang-kakayahan na mabigyang lugod ang isang perpektong Dios.
Naging isang mananampalataya si Professor Sanneh dahil binuksan ng Dios ang kanyang mga mata sa kanyang pangangailangan ng isang Tagapagligtas. Pagkatapos ginamit ng Dios ang kanyang Salita upang ipakita kay Lamin Sanneh ang landas patungo sa Dios.
[1] Sinipi mula kay Lamin Sanneh, “Jesus, More Than a Prophet” sa Kelly Monroe, Finding God at Harvard: Spiritual Journeys of Christian Thinkers, (MI: Zondervan, 1996).
Mga Takdang-Aralin ng Aralin
(1) Apologetics at ang Ulo: Kumuha ng pagsusulit gamit ang Mga Tanong sa Pagbabalik-aral mula sa Aralin 9. Pag-aralang mabuti ang mga tanong na ito bilang paghahanda sa pagsusulit.
(2) Apologetics at ang Puso: Karamihan sa mga nilalaman ng araling ito ay tumutugon sa mga katanungan ng mga animists o mga Muslim. May kilala ka bang nabibilang sa alinman sa mga relihiyong ito? Kung mayroon, ang pagpapahayag ng ebanghelyo sa kanila ay higit pa sa simpleng paghahanda ng isang listahan ng mga tanong at mga sagot. Upang maging epektibo, ang ating patotoo ay dapat ibigay sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Magsimulang manalangin na
Bigyan ka ng Dios ng pagkakataon na ibahagi ang ebanghelyo sa iyong kaibigang animist o Muslim
Bigyan ka ng Dios ng anointing upang maibahagi ang ebanghelyo nang mga kapangyarihan at kalinawan
(3) Apologetics at ang mga Kamay: Makipag-usap sa isang animist o Muslim. Kung nakikipag-usap ka sa isang animist, ipakita kung paanong ang perpektong pag-ibig ng Dios ay pumapawi ng takot. Kung nakikipag-usap ka sa isang Muslim, ipakita kung paanong ang Dios ay Tatlo-sa-Iisa.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 9
(1) Ano ang limang pangunahing paniniwala tungkol sa pag-iral at kalikasan ng Dios? Ilarawan ang bawat isa.
(2) Ano ang pagkakaiba ng Kristiyano at ng iba pang pangunahing mga paniniwala?
(3) Ano ang tatlong pahayag at konklusyon na nagpapakita sa ebidensiyang Biblikal para sa doktrina ng Trinidad?
(4) Ano ang tatlong aspeto ng sanlibutan na naglalarawan sa doktrina ng Trinidad?
(5) Ano ang kahulugan ng animism? Ano ang pinakamalaking pagkakaiba ng animism at ng Kristiyanismo?
(6) Ano ang kahulugan ng syncretism? Bakit hindi katanggap-tanggap ang syncretism sa mga Kristiyano?
Lesson 9:Ang Pagiging Katangi-tangi ng Kristiyanismo sa Mundo ng mga Relihiyon
Print Course
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.