Lesson 2: Mga Maling Kuro-kuro tungkol sa Apologetics
22 min read
by Mark Bird
Mga Tagubilin
(1) Magbigay ng isang pagsusulit gamit ang Mga Tanong sa Pagbabalik-Aral mula sa Aralin 1.
(2) Sabihin sa bawat mag-aaral na magbigay ng maikling buod ng kanilang pakikipag-usap para sa takdang-aralin sa “Ang Apologetics at ang Kamay” para sa Aralin 1.
(3) Isasaulo ng mga mag-aaral ang 2 Corinto 10:4-5.
(4) Talakayin ang bawat tanong na may markang ►.
(5) Itanong ang bawat Tanong sa Pagbabalik-Aral sa panahon ng leksiyon at muli sa katapusan ng klase.
“Jia, may tanong ako para sa iyo!” Paglingon ni Jia, nakita niya si Lee na masayang kumakaway mula sa tinitirhan nito. Nag-isip si Jia, “Maaari ko bang masagot ang kanyang mga tanong? Maikling panahon pa lamang mula nang ako’y maging Kristiyano. Paano kung gumawa siya ng paraan upang pagdudahan ko ang aking bagong pananampalataya?” Subali’t naniniwala si Jia na ang mga Kristiyano ay dapat “maging handa na magtanggol sa sinumang nagtatanong sa iyo ng dahilan ng iyong pag-asa na nasa iyo.”[1] Kaya’t siya’y ngumiti at sinabi, “Ano ang iyong tanong, Lee?”
“Noong isang linggo, ipinaliwanag mo sa akin ang tungkol sa pagkakaiba ng Marcos at Juan. Tinatanggap ko na naging mabuti ang iyong sagot! Hindi ko kailanman nalalaman ang pagkakaiba sa pagbilang ng oras. Subali’t paano mo patutunayan na totoo ang kuwento tungkol kay Jesus? Marahil ang bagay na ito ay gawa-gawa lamang! Ako ay isang tao sa makabagong panahon. Humahanap ako ng siyentipikong katibayan bago ko paniwalaan ang anumang bagay. Patunayan mo sa siyentipikong paraan na si Jesus ay ipinako, inilibing at muling nabuhay mula sa mga patay at marahil ako’y magiging isang mananampalataya!”
Sa araling ito, pag-aaralan natin ang apat na karaniwang maling kuro-kuro patungkol sa Kristiyanismo na karaniwang pinaninindigan ng maraming tao. Maraming hindi mananampalataya at kahit ang ibang mga Kristiyano, ang nagkakasundo sa apat na pahayag na ito na ating tatalakayin. Subalit ang mga pahayag na ito ay mali at maaaring makahadlang sa isang hindi mananampalataya na nagsisikap na unawain ang Ebanghelyo. Kailangan nating sagutin ang mga tanong na ito kung ang mga ito ang nakahahadlang sa kanila upang maging Kristiyano.
Maling Kuro-kuro 1: Kailangang Patunayan ang Kristiyanismo gamit ang Siyentipikong Pamamaraan
May mga di-mananampalataya na nagsasabi. “Matatanggap ko ang Kristiyanismo kung mapatutunayan mo sa akin ito gamit ang pamamaraang siyentipiko.”
Upang maunawaan ang problema sa pahayag na ito, kailangan mong maunawaan ang kahulugan ng “siyentipikong pamamaraan”. Pinatutunayan ng siyentipikong pamamaraan ang isang bagay sa pag-uulit ng experiment na paulit-ulit sa isang kontroladong kapaligiran habang itinatala ang mga resulta. Nangangailangan ang siyentipikong pamamaraan ng eksperimentong paulit-ulit na gagawin.
Maaari ba nating patunayan gamit ang siyentipikong pamamaraan na mayroon ngang gravity? Oo! Maaari nating ihulog ang isang bato nang dalawampung beses at itala na “Dalawampung beses sa dalawampung pagsubok, ang bato ay lumagpak sa lupa.” Ito ang puwersa ng gravity.
Maaari ba nating patunayan gamit ang siyentipikong pamamaraan na si Jesus ay ipinako, inilibing at nabuhay muli mula sa libingan? Hindi! Ito ay isang pangyayari sa kasaysayan na hindi maaaring ulitin. Hindi natin maaaring patayin si Jesus nang dalawampung beses, ilibing siya at hintayin ang isa pang muling pagkabuhay!
Ang mga agnostic (hindi naniniwala na may dios) na ipinipilit na ang mga pangyayari sa kasaysayan ay dapat patunayan gamit ang siyentipikong pamamaraan ay nalilito sa dalawang lubusang magkaibang paraan ng pagpapatunay. Upang patunayan ang mga pangyayari sa kasaysayan, hindi natin maaaring gamitin ang siyentipikong pamamaraan dahil hindi natin maaaring ulitin ang mga pangyayari. Upang patunayan ang mga pangyayari sa kasaysayan, kailangan nating gumamit ng legal-historical na paraan ng pagpapatunay.
Legal-Historical na Paraan ng Pagpapatunay
Ang legal-historical na paraan ng pagpapatunay ay humahanap ng mga tiyakang ebidensiya para sa isang pangyayari. Tumitingin ito sa mga:
Nasusulat na patotoo
Pasalitang patotoo
Pisikal na Ebidensiya
Halimbawa, sinisikap nating alamin kung, “Nabuhay ba si Chairman Mao Tse-tung noong 1972?” Ito ay hindi isang siyentipikong tanong; ito ay isang tanong na pangkasaysayan. Upang patunayan na nabuhay si Chairman Mao, gagamitin natin ang legal-pangkasaysayan na pamamaraan. Hahanapin natin ang:
Nasusulat na patotoo:
Makatatagpo ba tayo ng mga nakasulat na dokumento mula 1972?
Ang mga talambuhay ba na isinulat ng mga tao na nakakikilala kay Mao ay nagkukuwento mula sa taong 1972?
Patotoong pasalita:
Makatatagpo ba tayo ng sinumang nagsasabi na. “Nakilala ko si Mao Tse-tung noong 1972”?
Makatatagpo ba tayo ng mga talumpati na ginawa ni Chairman Mao noong 1972?
Pisikal na katibayan:
May mga larawan ba si Chairman Mao noong 1972?
►Bago basahin ang susunod na talata talakayin ang mga klase ng legal-pangkasaysayan na katibayan na hahanapin mo para sa buhay ni Jesus ng Nazareth.
Ilagay natin si Jesus ng Nazaret sa pagsubok na ginamit natin kay Chairman Mao.
Nakasulat na patotoo:
(1) Makakikita ba tayo ng mga nasusulat na dokumento na tumutukoy kay Jesus?
Si Josephus, isang historyador na Judio, ay tumukoy kay Jesus sa kanyang Antiquities, isang nakasulat na kasaysayan sa unang siglo.
(2) May mga talambuhay ba na isinulat ang mga taong nakakikilala sa kanya?
Ang bawat isa sa apat na ebanghelyo ay isang talambuhay na pangkasaysayan. Ang Mateo at Juan ay isinulat ng kanyang malalapit na tagasunod. Itinala ni Marcos ang mga alaala ni Simon Pedro. Si Lucas ay isang maingat na iskolar na nag-imbestiga ng bawat isang kuwento sa kanyang ebanghelyo.[1]
Pasalitang patotoo:
Ang isang senturyon na Romano ay nagpatotoo, “Tunay na ang taong ito ang Anak ng Dios!”[2]
Ang mga ebanghelyo ay naglalaman ng detalyadong tala ng mga sariling salita ni Jesus. Ang ilan sa mga ito, tulad ng Sermon sa Bundok, ay mahahaba. Ang mga pasalitang patotoo ay naging nasusulat na patotoo sa mga Ebanghelyo.
Pisikal na katibayan:
Si Tomas, ang lalaking hindi matanggap ang patotoo ng iba pang disipulo, ay humipo sa mga kamay ni Jesus, at napabulalas ng,”Aking Panginoon at aking Dios!”[3]
Si Santiago, na kapatid ni Jesus, ay hindi naniwala sa mga sinabi ni Jesus sa panahon ng kanyang panlupang ministeryo. Siya ay naging isang mananampalataya nang kanyang makita ang Panginoong muling nabuhay.[4]
Kristiyanismo: Natatangi sa Mga Relihiyon sa Daigdig
Natatangi ang Kristiyanismo sa lahat ng relihiyon sa mundo. Napakakaunti ng katibayan para sa buhay ni Mohammad o ni Buddha. Ang mga relihiyong ito ay hindi maaaring patunayan kung totoo o hindi gamit ang legal-historical na pamamaraan. Mapatutunayang totoo ang Kristiyanismo gamit ang parehong klase ng ebidensiya na ginamit natin upang patunayan ang buhay ng kahit na sino pang ibang nilalang sa kasaysayan.
Mahalaga ba ang siyensiya para sa Kristiyanong apologetics? Oo. Ang mga siyentipikong katotohanan ay sumusuporta sa katotohanan ng Biblia. Nakatutulong ang mga siyentipikong katotohanan upang suportahan ang mga katotohanan ng Biblia. Subalit ang buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus ay dapat suriin gamit ang legal-pangkasaysayang pamamaraan.
Kapag ang isang di-Kristiyano ay nagsabi, “Kailangan mong patunayan ang Kristiyanismo gamit ang siyentipikong pamamaraan, “ ipakita mo sa kanya na ang mga pangyayari na hindi maaaring ulitin tulad ng kapanganakan ng isang tao at kanyang kamatayan ay mapatutunayan, hindi sa pamamagitan ng siyentipikong pamamaraan kundi sa pamamagitan ng legal-pangkasaysayang pamamaraan. Ipakita ang legal-pangkasaysayang katibayan para sa buhay ni Cristo Jesus. Maaalis nito ang isa sa mga katitisurang bato sa landas patungo sa krus.
Mga Tanong sa Pagbabalik-Aral
(1) Ano ang mga pangunahing elemento ng siyentipikong pamamaraan?
(2) Sa halip na siyentipikong pamamaraan, ang mga pangyayaring pangkasaysayan ay mapatutunayan gamit ang anong pamamaraan?
(3) Ano ang tatlong uri ng ebidensiya na ginagamit sa legal-historical na katibayan?
Maling Kuro-kuro 2: Ang Kristiyanismo ay Dapat Patunayan nang 100% na Katiyakan
Ang ikalawang maling kuro-kuro tungkol sa apologetics ay nagsasabi na “Hindi ko matatanggap ang Kristiyanismo malibang may sapat na ebidensiya upang patunayan nang lubusang katiyakan na ito ay totoo.”
► Bago basahin ang susunod na taludtod, paano ka tutugon sa maling kuro-kuro na ito? Makatwiran ba ang pangungusap na ito?
Sa inyong pagtalakay sa tanong na ito, may nagsabi ba ng “Hindi mo maaaring patunayan ang alinmang pangyayari sa kasaysayan nang may 100% na katiyakan?” Narito ang isang mabuting tugon. Dahil ito’y nangyari sa nakalipas at wala tayo doon noon, hindi natin mapatutunayan ang anuman nang may 100% na katiyakan.
Isipin ang ilang halimbawa sa kasaysayan:
Noong 49 B.C., si Julius Caesar ay tumawid sa Rubicon nang siya’y papunta sa Roma. Mayroon ba tayong paraan upang patunayan ito ng 100% katiyakan? Wala; hindi natin mababalikan ang araw na iyon sa kasaysayan upang obserbahan si Caesar. Subalit walang sinumang historyador ang magpapabulaan sa pangyayaring ito sa kasaysayan. Naniniwala ang mga historyador na tumawid si Caesar sa Rubicon dahil may sapat na ebidensiya na legal at pangkasaysayan bilang suporta sa pangyayaring ito.
Noong 1789, naging presidente ng Estados Unidos si George Washington. Mayroon ba tayong paraan upang patunayan ito ng 100% katiyakan? Wala, hindi natin mababalikan ang araw na iyon sa kasaysayan upang saksihan ang inagurasyon ni Washington. Subali’t walang historyador na nagpapabulaan sa pangyayaring ito sa kasaysayan.
Noong 1917, iniwan ni Nicholas II ang trono bilang Czar ng Rusya. Mayroon bang paraan upang patunayan ito ng 100% katiyakan? Wala. Hindi natin maaaring balikan ang araw na iyon sa kasaysayan upang saksihan ang pagsasauli ng korona/abdication ni Czar Nicolas II. Subali’t walang historyador na nagpapabulaan sa pangyayaring ito sa kasaysayan.
Hindi natin mapatutunayan ang mga pangyayari sa kasaysayan nang may 100% katiyakan. Sa halip, nag-iipon tayo ng mga tala hanggang mayroon tayong sapat na katunayan upang makagawa ng isang pasya tungkol sa kung ano ang nangyari. Kahit sa korte, ang prosecutor ay hindi nangangailangang magbigay ng absolute proof. Ang jury ay kailangan lamang makumbinse lagpas sa makat’wirang pag-aalinlangan na ang isang krimen ay totoo ngang naganap.
Ganito tayo nabubuhay sa araw-araw. Nagpapasya tayo ayon sa sapat na ebidensiya, hindi sa lubusang katibayan.
Bilang Kristiyanong apologists, hindi natin kailangang “patunayan ang Kristiyanismo nang may 100%.” Sa halip, kailangan nating ipakita na mayroong sapat na ebidensiya upang paniwalaan ang katotohanan ng pananampalatayang Kristiyano.[1] Ang ebidensiyang pangkasaysayan para sa Kristiyanismo ay hindi lubos, subalit ito ay sapat.
► Talakayin: Kung hindi natin mapatutunayan nang may 100% katiyakan na totoo ang Kristiyanismo, ibig sabihin ba nito na hindi natin kailanman malalaman nang may katiyakan na ito ay totoo?
Sa palagay mo, ang ibig sabihin ba nito ay hindi natin maaaring malaman kailanman na totoo ang Kristiyanismo! May pagkakaiba ang malaman nang lubusan ang isang bagay at patunayan nang lubusan ang isang bagay.
Bibigyan kita ng isang simpleng halimbawa. Ngayon ay Setyembre 15, 2016. Lubos kong nalalaman kung ano ang aking almusal sa araw na ito. Kumain ako ng strawberries at isang bowl ng cereal at uminom ako ng isang tasang kape. Alam ko ito, subali’t hindi ko ito mapatutunayan sa iyo. Wala ka roon; hindi ako kumuha ng larawan para sa ebidensiya. Alam ko iyon; hindi ko iyon mapatutunayan.
Maaari mong malaman nang lubos na katiyakan na totoo ang Kristiyanismo. Kapag pinag-aralan mo ang ebidensiya para sa katotohanan ng Kristiyanismo at humakbang nang may pananampalataya na kinakailangan upang tanggapin si Cristo, ang Banal na Espiritu ang magpapatotoo sa iyong puso na ang iyong pinaniniwalaan ay lubusang totoo. Mamumuhay ka at kikilos na tila ba mayroon kang lubusang katibayan dahil mayroon kang sapat na dahilan upang panindigan iyon ng 100%. Ito ay tinatawag na moral na katiyakan (moral certainty). Malalaman mo nang may katiyakan na totoo ang pananampalatayang Kristiyano kahit na hindi mo kayang patunayan ito nang 100% na katibayan.
[1] “Walang sapat na ebidensiya para sa pananampalatayang Kristiyano upang kumbinsihin ang sinuman na hindi naman lumalaban dito.
Subali’t walang sapat na ebidensiyia upang akayin ang sinuman sa kaharian ng Dios na hindi patungo doon.”
- Blaise Pascal,Franses na pilosopo at siyentipiko
Maling Kuro-kuro 3: Lahat ng Katotohanan ay Ayon sa Iyong Paniniwala
Sa kasalukuyan, karaniwan nang sinasabi, “Ang lahat ng katotohanan ay ayon sa iyong paniniwala.” Sa ibang salita, kapag pinaniwalaan mo ang isang bagay, ito ay totoo para sa iyo—kahit na hindi ito totoo sa iba.
Isipin mo na may isang baso ng lason sa ibabaw ng mesa sa kwartong ito. Halimbawa, pumasok ka sa kwartong ito nang uhaw na uhaw. Uminom ka, dahil naniniwala ka na ang baso ay naglalaman ng tubig. Kahit na lubos kang naniniwala na ang baso ay puno ng tubig, magkakasakit ka. Hindi nagiging totoo ang isang bagay kahit naniniwala ka dito.
Ang katotohanan ay katotohanan kahit ano pa man ang ating paniniwala. Ang paniniwala na ang lason ay tubig ay hindi bumabago sa katotohanan. Ang katotohanan ay hindi ayon sa ating paniniwala.
Ang pangungusap na “lahat ng katotohanan ay ayon sa ating paniniwala” ay kumukontra sa kanyang sarili. Ganap ang pangungusap na ito, subali’t sinasabi nito na walang anumang ganap na pangungusap. Kung ang lahat ng katotohanan ay ayon sa ating paniniwala, ang pangungusap na “ang lahat ng katotohanan ay ayon sa ating paniniwala” ay hindi totoo! Isipin ninyo ang pag-uusap na ito sa pagitan ng isang Kristiyano (si Tomas) at ng isang agnostic (si Aldous).
Aldous: “Maaaring totoo ang ebanghelyo para sa iyo; hindi ito totoo para sa akin”
Tomas: “Ibig sabihin ang lahat ng katotohanan ay ayon sa iyong paniniwala?”
Aldous: “Oo! Tama iyan.”
Tomas: “Sinasabi mo na walang anumang bagay na ganap. Walang anumang totoo sa lahat ng sitwasyon?”
Aldous: “Tama yan! Maaaring totoo sa iyo ang Kristiyanismo, subali’t hindi ito totoo para sa akin.”
Tomas: “Interesante yan! Sinasabi mo sa akin walang pasubali na walang anumang ganap. Kung tama ka, samakatuwid, mali ka!
Nauunawaan mo ba? Ito ay kumukontra sa kanyang sarili. Hindi maaaring tama sa lahat ng pagkakataon na ‘walang anumang totoo sa lahat ng pagkakataon’. Ang pangungusap na “Walang anumang mga ganap” ay inihahayag bilang isang ganap na pahayag. Hindi ito maaaring maging totoo.
Mga Tanong sa Pagbabalik-Aral
(4) Bakit natin sinasabi na, “Hindi mo maaaring patunayan ang alinmang pangyayari sa kasaysayan nang may 100% katiyakan”?
(5) Hindi mo mapatutunayan ang isang bagay nang ganap na katiyakan, subali’t mayroon kang sapat na katibayan upang magkaroon ka ng pinaniniwalaan sa iyong kalooban na ito nga ay totoo (at payag kang mamuhay ayon sa paniniwalang iyon), mayroon kang __________ _____________.
(6) Ang kaisipan na ang lahat ng katotohanan ay ayon sa iyong paniniwala ay __________ _____________. Hindi ito maaaring maging totoo.
Maling Kuro-kuro 4: Ang Sinseridad ay Mas Mahalaga Kaysa sa Katotohanan
Ang maling kuro-kurong ito ay kaugnay ng maling kuro-kuro 3. Sinasabi nito na “Hindi mahalaga kung ano ang iyong pinaniniwalaan basta sinsero ka sa iyong paniniwala. Hindi talaga mahalaga kung sino o ano ang iyong sinasampalatayanan. Ang mahalaga ay mayroon kang pinaniniwalaan.”
►Paano ka tutugon sa maling kuro-kurong ito?
Ang mga taong naniniwala sa maling kuro-kuro 3 (“Ang lahat ng katotohanan ay ayon sa iyong paniniwala”) ay karaniwang naniniwala rin sa maling paniniwala 4. Gayunman, nakita na natin na ang paniniwala na ang lason ay tubig ay hindi dahilan upang maging totoo iyon. Ang paniniwala sa isang bagay ay hindi nagpapaging totoo dito. Ito ay tunay na mahalaga lalo na patungkol sa ating kaligtasan. Ang paniniwala lamang na ako ay ligtas ay hindi sapat. Hindi mahalaga kung gaano man ako kasinsero. Ang mahalaga ay kung sino/ano ang aking pinaniniwalaan. Kung ano ang ating pinaniniwalaan ay tinatawag na bagay (object) ng ating pananampalataya.
Ang bagay (object) ng ating pananampalataya ay mahalaga. Muli, ilarawan natin ito gamit ang isang halimbawa sa tunay na buhay. Isipin mo ang dalawang taong nakatayo sa gilid ng bangin. Sinasabi ni Tomas, “Kailangan kong makakita ng isang matibay na tulay na maaari kong pagtiwalaan na makapagtatawid sa akin dito sa bangin.” Sinasabi ni Aldous, “Hindi mahalaga kung ang tulay ay matibay, basta sinsero ang aking paniniwala na matibay ito.” Sino sa dalawa ang ligtas na makatatawid sa bangin?
Iisa lamang ang taong makapagliligtas sa atin—si Cristo Jesus. Dapat nating ilagak ang ating pananampalataya sa Kanya. Wala tayong mabuting mapapala kung ilalagak natin ang ating pananampalataya sa isang tao o isang bagay na hindi naman makapagliligtas sa atin, kahit gaano pa tayo kasinsero.
Ni hindi nga tayo naililigtas ng ating pananampalataya; tayo ay inililigtas ni Cristo kapag inilagak natin ang ating pananampalataya sa kanya. Naliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo.[1] Tanging si Cristo lamang ang nakapagliligtas.
Ni hindi nga ang lakas ng ating pananampalataya ang nagliligtas sa atin; kundi ang bagay (object) ng ating pananampalataya. Isipin ninyo ang dalawang tao. Si Abdul ay isang Muslim na may malakas na pananampalataya sa mga katuruan ni Mohammad; si Nabeel ay isang Kristiyano na mahina pa sa kanyang pananampalataya. Tunay ang pananampalataya ni Nabeel, kahit mahina pa.
►Sino ang ligtas: Si Abdul na may malakas na pananampalataya kay Mohammad o si Nabeel na may mahina (ngunit tunay) na pananampalataya kay Cristo?
Ang Kristiyano ang tanging nag-iisang ligtas, kahit na mas mahina ang kanyang pananampalataya. Bakit? Dahil inilagak niya ang kanyang pananampalataya sa tamang tao.
Maraming tao ang nagsasabi na ang isang tao sa alinmang relihiyon ay maliligtas basta siya ay sinsero. Basta naniniwala sila na ang daang kanilang dinadaanan ay tama, magiging O.K. sila. Tingnan natin kung tama ito.
►Tingnan ang mapang ito ng Iowa.[2] Aling daan ang patungo sa Davenport mula sa Des Moines?
Ang sagot ay Interstate 80. Kung dadaan ako sa Interstate 35 mula sa Des Moines at sinserong maniwala na ito ay patungo sa Davenport, makakarating ba ako sa Davenport? Hindi!
Ang paniniwala na ang isang partikular na daan ay magdadala sa akin sa isang tiyak na lugar ay hindi nangangahulugan na makakarating nga ako doon. Dapat ay nasa tamang daan ako. Gayundin, ang paniniwala na ako ay nasa daang patungo sa langit ay hindi nangangahulugan na makararating nga ako doon sa daang ito. Kailangan kong matiyak na ako ay nasa tamang daan. Ang sumulat ng Kawikaan ay nagbabala, “May daan na tila tama sa isang tao, subali’t ito ang daan tungo sa kamatayan.” [3] Sinabi ni Jesus, “Ako ang daan…walang makararating sa Ama kung hindi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6). Alinmang daan na hindi sa pamamagitan ni Jesus ay hindi maghahatid sa atin sa Langit.
Mga Tanong sa Pagbabalik-Aral
(7) Hindi sapat na maniwala lamang. Dapat nating ilagak ang ating pananampalataya sa wastong _______________.
(8) Ilista ang apat na maling paniniwala tungkol sa apologetics na pinag-aralan sa araling ito. Magbigay ng maikling tugon sa bawat maling paniniwala.
[2] Image: Iowa Counties and Major Highways, author Bill Whittaker, retrieved from https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Iowa_overview.jpg#/media/File:Iowa_overview.jpg April 18, 2020, CC BY-SA
Pagsasabuhay ng Apologetics - Ang Pagbabalik-loob ni Josh McDowell
Bilang isang kabataang lumalaki sa Michigan, hinanap ni Josh McDowell (1939- ) ang sagot sa tatlong malalaking katanungan: Sino ako? Bakit ako naririto? Saan ako patungo?[1]
Hinanap ni Josh ang sagot sa mga tanong na ito sa sambahan, subali’t hindi niya natagpuan ang mga sagot sa sambahan na dinaluhan niya. Hinanap ni Josh ang sagot sa edukasyon, subalit natuklasan niya na ang kanyang guro at kapwa mag-aaral ay walang kasagutan sa malalaking tanong na ito. Inakala niya na ang sagot sa kanyang mga tanong ay matatagpuan sa mga pagtitipon, subali’t nakita niya na ang katuwaan sa mga parti ay dagling nagwawakas—at siya’y nanatiling naguguluhan sa kanyang layunin sa buhay at sa kanyang kahahantungan.
Inisip ng mga nakapaligid kay McDowell na siya’y masaya, subali’t sa kanyang kalooban, nandoon ang kahungkagan. Sa panahong ito, nakakita siya ng isang grupo ng mga mag-aaral at guro na masasaya at tila nagtataglay ng kapayapaan ng kalooban.
Isang araw, naupo si Josh upang makipag-usap sa mga mag-aaral na ito. Binanggit nila ang kanilang pananampalataya sa Dios. Nilait sila ni McDowell at sinabing, “Ang Kristiyanismo ay para sa mga taong mahihina, hindi para sa matatalino at mataas ang pinag-aralan.” Gayunman, siya ay na-impress ng mga taong ito kaya’t tinanong niya ang isa sa mga mag-aaral, “Bakit kayo tunay na naiiba sa iba pang mga mag-aaral at guro sa paaralang ito? Ano ang bumago sa inyong buhay?” Nakagulat kay McDowell ang sagot nito sa kanya; sinabi niya, “Si Cristo Jesus”.
Nang mangatwiran si Josh McDowell na hindi siya maaaring maniwala kay Jesus, hinamon siya ng kanyang kaibigan na pag-aralang mabuti ang mga inaangkin ni Cristo Jesus: na siya ang Anak ng Dios; na siya’y nabuhay bilang isang tao sa mundo; na siya’y namatay sa krus para sa kasalanan ng sanlibutan; na siya’y inilibing at muling nabuhay pagkalipas ng tatlong araw; at na siya’y nabubuhay pa at may kakayahang baguhin ang buhay ng tao sa kasalukuyan.
Tinanggap ni McDowell ang hamong ito upang patunayan na ang kuwento ng Kristiyano ay hindi totoo. Bilang isang mag-aaral ng pre-law, alam ni Josh kung paano magsisiyasat ng mga ebidensiya. Nagsimula siya sa pag-aaral ng Biblia. Nais niyang humanap ng ebidensiya na ang Biblia ay hindi mapagkakatiwalaan.
Sa loob ng mga buwan, pinag-aralan ni Josh ang katibayan para sa Biblia. Ang kanyang natuklasan ang bumago sa kanyang buhay. Natuklasan niya na ang Luma at Bagong Tipan ang ilan sa pinakamapagkakatiwalaang mga dokumento sa sinaunang panahon. Ito ang nag-udyok sa kanya sa mas mahirap pang katanungan, “Si Jesus ba ay higit pa sa pagiging karpintero lamang? Tunay nga bang siya ang Anak ng Dios?” Dumating si McDowell sa konklusyon na tunay ngang si Jesus ang Anak ng Dios.
Sa oras na matagpuan ng ating mga isip ang katotohanan ng ebanghelyo, magiging handa na tayo upang harapin ang katanungan ng ating puso. Matapos kilalanin ang katotohanan ng Biblia, hindi pa rin bukas ang loob ni McDowell upang tanggapin si Cristo bilang kanyang Panginoon. Mayroong dalawang dahilan sa kanyang pag-aatubili: kasiyahan at pagmamataas.
Alam ni McDowell na kapag siya’y naging Kristiyano masisira ang kanyang mabuting buhay at kakailanganin niyang isuko ang pagkontrol sa kanyang buhay. Sinabi ni McDowell, “Ako ay isang lumalakad na lugar-ng-digmaan. Sinasabi ng aking isip na ang Kristiyanismo ay totoo, subali’t ang aking kalooban ay ubos-lakas na tumututol dito.”
Nakipaglaban din siya sa kanyang pagmamataas. Kung ang ebanghelyo ay totoo, ang lahat ng kanyang naunang mga paniniwala ay mali. Hinarap ni McDowell ang parehong mga pakikibaka na hinarap ni C.S. Lewis. Gayunman, makalipas ang mga buwan ng pakikibaka, naging isang Kristiyano si Josh McDowell.
Simula sa oras na iyon, nagbago na ang buhay ni McDowell. Sinira ng apologetics ang mga hadlang pangkaisipan tungo sa pananampalataya. Pagkatapos, dinala siya ng Banal na Espiritu sa pagkakataon upang sumampalataya. Bilang mga Kristiyano magagamit natin ang apologetics upang dalhin ang mga di-mananampalataya sa sitwasyon kung saan sila’y bukas sa pakikinig sa salita ng Dios.
Magalang na pinakinggan ni Jia ang tanong ni Lee, “Mapatutunayan mo ba ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus sa pamamagitan ng paraang siyentipiko?”[1] Naalala niya na “ang mga sandata ng ating pakikipaglaban ay hindi sa laman subalit may maka-Dios na kapangyarihan upang wasakin ang mga tanggulan. Mabilis siyang nanalangin sa Dios na bigyan siya ng kakayahang makipag-usap nang may kapangyarihang nagmumula sa Dios.
Tumugon si Jia, “Lee, tatanungin kita. Alam na alam mo ang kasaysayan ng Tsina. Kapag nasagot mo ang aking tanong, handa akong sagutin ang iyong katanungan. Okay ba iyon?” Natitiyak ni Lee na masasagot niya ang katanungan ni Jia; kaya’t may pagtitiwala siyang sumagot, “Oo, siyempre!.”
Sinabi ni Jia, “Mayroon akong mga alinlangan tungkol kay Sun Yat-sen. Sinasabi sa atin ng ating mga aklat kasaysayan na siya ang nagtatag ng Republika ng Tsina. Tinawag pa nga siyang ‘Ama ng Bayan’. Subali’t maaari mo bang patunayan ayon sa siyensiya at may 100% na katiyakan na nabuhay nga si Sun Yat-sen?”
Tumawa si Lee. “Kalokohang tanong! Siyempre, nabuhay si Sun Yat-sen! Madaling patunayan yan. Kukuha ako ng diyaryo noong 1925. Ipapakita nito kung kailan namatay si Presidente Sun.”
Nakangiti siyang pinigil ni Jia, “Hindi, hindi! Alalahanin mo na humihingi ka ng patibay ayon sa siyensiya. Ibig sabihin noon kailangan mong ‘ulit-ulitin ang isang pangyayari nang maraming ulit habang itinatala ang mga resulta’. Hihintayin kita rito habang ginagawa mong muling isilang si Sun Yat-sen!”
“Hindi patas yan,” sambit ni Lee. “Imposible na muling ulitin ang buhay ni Sun Yat-sen, subali’t alam natin na siya ay nabuhay! Mayroon tayong mga nasulat na patotoo mula sa mga manunulat sa panahong siya ay nabuhay; mayroon tayong mga talumpati na isinulat ng mga taong nakarinig na siya ay nagsalita; mayroon din tayong mga larawan ni Presidente Sun. Hindi mo maaaring isa-isangtabi ang mga patunay na ito na legal-kasaysayan, hindi ba?
“Tama ka,” sabi ni Jia. “Naniniwala ako na nabuhay si Sun Yat-sen. Hindi ko iyon mapatutunayan ayon sa siyensiya nang 100% katiyakan, subalit mayroong sapat na ebidensiya para sa kanyang buhay. Iyan din ang parehong dahilan na naniniwala akong nabuhay, namatay at muling binuhay mula sa patay. Ang ebanghelyo ay isinulat ng mga taong kilalang kilala siya; isinulat ni Mateo ang mga sermon ni Jesus; ang ilan sa mga nag-alinlangan sa kanya ay naging mga mananampalataya nang makita nila ang pisikal na ebidensiya sa kanyang muling pagkabuhay.
“Dumating ang ebanghelyo sa Tsina sa pamamagitan ng India. Dinala ito sa India ng isang apostol na ang pangalan ay Tomas. Lee, naaalala ko sa iyo si Tomas. Tinawag nila siyang ‘Si Tomas na Mapag-alinlangan’ dahil sinabi niyang, ‘Malibang makita ko sa kanyang mga kamay ang marka ng mga pako…, hindi ako kailanman maniniwala.’’[2] Lee, 200 taon na ang nakalilipas, si Tomas ay may parehong mga pag-aalinlangan tulad mo. Subali’t ibinukas niya ang kanyang isipan sa mga ebidensiya—at ang kanyang buhay ay nagbago magpasawalanghanggan. Maaari ring mangyari iyon sa iyo. Ang katibayan ay nakatala sa mga ebanghelyo. Basahin mo ang mga iyon, hayaan mong mangusap ang Dios, at makatatagpo ka ng mabuting dahilan upang maniwala.”
(1) Ang Apologetics at ang Ulo: Sisimulan mo ang susunod na klase sa isang pagsusulit batay sa mga tanong sa pagbabalik-aral mula sa Aralin 2. Pag-aralang mabuti ang mga tanong na ito bilang paghahanda sa pagsusulit.
(2) Ang Apologetics at ang Puso: Ipanalangin ang di-mananampalataya na nakausap mo noong nakaraang linggo. Ipanalangin na buksan ng Dios ang kanyang mga mata sa katotohanan. Ipanalangin sa Dios na ibigay sa iyo ang mga sagot habang kinakausap mo sila sa hinaharap. Pasalamatan ang Dios sa pagkakataon na maging isang patotoo sa taong ito.
(3) Ang Apologetics at ang Kamay: Kumausap ng isang tao na naniniwala sa kahit isa man lang sa apat na maling paniniwala sa leksiyong ito. Upang malaman kung ang isang tao ay naniniwala sa mga maling paniniwalang ito, magtanong ng tulad nito:
“Paano patutunayan ang Kristiyanismo kung ito ay maaaring patunayan?”
“Gaano karaming katibayan ang kailangan upang maniwala ka sa Kristiyanismo?”
“Ang katotohanan ba ay depende sa iyong paniniwala?”
“Gaano kahalaga na ang pinaniniwalaan mo ay ang tamang bagay o tao?”
Itanong sa di-mananampalataya ang kanyang mga dahilan kung bakit pinaniniwalaan ang kanyang pinaniniwalaan. Tanungin siya kung papayagan kang ibahagi sa kanya ang iyong natutuhan mula sa leksiyong ito. Kung papayag siya ibahagi ang ilustrasyon at mga halimbawa mula sa leksiyong ito. Huwag makipagtalo, kundi magbigay ng mga simple at malinaw na sagot sa mga maling paniniwala ng di-mananampalataya. Sumulat ng mga notes tungkol sa inyong pag-uusap upang ibahagi sa iyong susunod na pagkikita sa klase.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 2
(1) Ano ang mga pangunahing elemento ng siyentipikong pamamaraan?
(2) Sa halip na sa siyentipikong pamamaraan, ang mga pangyayari sa kasaysayan ay dapat patunayan sa pamamagitan ng anong paraan?
(3) Ano ang tatlong klase ng ebidensiya na ginagamit sa legal-pangkasaysayang patunay?
(4) Bakit natin sinasabi na “Hindi mo maaaring patunayan ang alinmang pangyayari sa kasaysayan nang 100% katiyakan”?
(5) Kung hindi mo maaaring patunayan ang anuman nang lubos na katiyakan, subali’t mayroon kang sapat na patunay upang magkaroon ng paniniwala sa kalooban na ito ay totoo (at ikaw ay handang mamuhay ayon sa paniniwala na iyon ), mayroon kang_____________________________.
(6) Ang ideya na ang lahat ng katotohanan ay ayon sa iyong paniniwala ay __________________. Hindi ito maaaring maging totoo.
(7) Hindi sapat na maniwala lamang. Kailangan nating ilagak ang ating pananampalataya sa tamang _____________________.
(8) Ilista ang apat na maling paniniwala tungkol sa apologetics na napag-aralan sa leksiyong ito. Magbigay ng maikling tugon sa bawat maling paniniwala.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.