(1) Magbigay ng pagsusulit gamit ang Mga Tanong sa Pagbabalik-Aral mula sa Aralin 2.
(2) Hilingin sa bawat mag-aaral na magbigay ng maikling buod ng kanilang pakikipag-usap para sa takdang-aralin sa “Apologetics at ang mga Kamay” mula sa Aralin 2.
(3) Isasaulo ng mga mag-aaral ang Romans 1:19-20.
(4) Talakayin ang bawat tanong na may markang ►.
(5) Itanong ang bawat Tanong sa Pagbabalik-aral sa panahon ng leksiyon at muli sa katapusan ng klase.
Hindi nakita ni Jia ang kanyang kaibigang si Lee sa loob ng dalawang linggo. Nang ipagtanong niya sa isang kapitbahay, nalaman niya na namatay ang ina ni Lee pagkatapos ng matagal na pagkakasakit. Umuwi si Lee sa Taoyuan upang makasama ang kanyang pamilya.
Nang muling makita ni Jia si Lee pagkalipas ng ilang linggo, ipinahayag niya dito ang kanyang kalungkutan sa pagkamatay ng ina nito. Nagpasalamat si Lee sa kanyang kabutihan subali’t galit ito nang magsalita, “Ito ang dahilan kaya hindi ako makapaniwala sa Dios ng mga Kristiyano. Kung mayroong Dios, bakit niya pinahintulutang labis na magdusa ang aking ina? Sinasabi mong ang iyong Dios ay tunay na makapangyarihan at tunay na mapagmahal. Kung tunay niyang minahal ang aking ina at tunay na may kapangyarihan upang tapusin ang kanyang pagdurusa, bakit niya pinahintulutan na labis siyang magdusa? Marahil mayroong Dios, subali’t wala siyang kapangyarihan upang tulungan tayo. O marahil mayroong Dios, subali’t hindi siya tunay na nagmamalasakit tungkol sa ating mga pagdurusa. O maaaring wala ngang Dios. Naniniwala akong tayo’y nag-iisa sa sanlibutang ito.”
►Paano mo sasagutin si Lee?
Maaari bang Malaman Ninuman na Walang Dios?
Maaari bang malaman nang lubusan ninuman na walang Dios? Isipin mo na ang lahat ng kaalaman sa sanlibutan ay isang malaking bilog. Isipin mo ngayon ang iyong kaalaman bilang isang bilog sa loob ng kabuuang kaalaman sa sanlibutan.
Malibang ang bilog ng iyong kaalaman ay maging kasinlaki ng bilog ng lahat ng kaalaman sa sanlibutan, hindi mo alam ang lahat ng bagay! Kapag hindi kabilang ang pag-iral ng Dios sa iyong kaalaman sa kasalukuyan, maaaring ang Dios ay imiiral sa mas malawak na bilog ng kaalaman at hindi sa iyong bilog. Kailangan mong taglayin ang lahat ng kaalaman sa sanlibutan upang patunayan na hindi umiiral ang Dios. Maraming hindi mananampalataya ang umaamin dito, at sumasang-ayon na maaari ngang mayroong Dios, subali’t hindi pa nila siya natutuklasan.
Kung maaaring umiral ang Dios, ang isang matapat na tao ay dapat pumayag na siyasatin ang ebidensiya para sa pag-iral ng Dios. Siniyasat nina C.S. Lewis at Josh McDowell ang ebidensiyang ito at naniwala na umiiral nga ang Dios (Mayroon ngang Dios) at ipinahayag niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng Biblia.
Ang leksiyong ito ay sisiyasat sa ebidensiya na mayroon ngang Dios. Matutuklasan natin na maraming dahilan upang maniwala tayo na mayroon ngang Dios.
Ebidensiya na Mayroon ngang Dios: Ang Pangangatwirang Kosmolohikal
Ang salitang cosmological ay nagmula sa cosmos, na ibig sabihin ay “mundo”. Ang Pangangatwirang Kosmolohikal ay nangangailangan ng sapat na paliwanag para sa pag-iral ng mundo. Ang pangangatwirang ito ay nagtatanong, “Bakit umiiral ang mundo?” Ang konklusyon nito, “Ang mundo ay umiiral dahil ito ay nilikha ng Dios – isang personal, walang hanggan, Isa na sariling-umiiral.”
Ang Pangangatwirang Kosmolohikal ay nagsisimula sa ideya na ang lahat ng bagay ay dapat may sapat na paliwanag. Halimbawa, tinanong mo ako, “Saan nagmula ang silyang inuupuan mo?” Halimbawa sumagot ako, “Basta lang lumitaw ang silya; walang lumikha sa silya; walang sinumang nagdala ng silya sa kuwartong ito; basta lamang lumitaw ang silya.” Alam mo na ito ay mali. Ang lahat ng bagay ay dapat may sapat na paliwanag, kabilang dito ang sanlibutan sa kanyang kabuuan.
Ang Pangangatwirang Kosmolohikal ay may tatlong pahayag at isang konklusyon:[1]
Pahayag 1: Ang sanlibutan ay hindi maaaring magmula sa wala.
Pahayag 2: Ang sanlibutan ay hindi maaaring basta na lang umiral bilang kung ano ito.
Pahayag 3: Ang sanlibutan ay hindi maaaring magmula sa impersonal matter o enerhiya.
Konklusyon: Samakatuwd, ang sanlibutan ay dapat nilikha ng isang personal, walang hanggan, at Isa na sariling-umiral.
Talakayin natin ang mga posibleng paliwanag para sa sanlibutan.
(1) May mga taong nagsasabi na ang sanlibutan ay nagmula sa wala.
Paanong ang wala ay makalilikha ng ibang bagay? Ang wala ay dapat maging isang bagay upang makalikha ng iba pang bagay. Kapag sinabi nating ang sanlibutan ang lumikha sa kanyang sarili, kailangan nating sabihin na ang sanlibutan ay umiiral na bago pa ito umiral. Ang sanlibutan ay kailangang kapwa narito na at wala pa rito nang sabay sa parehong panahon. Ito ay sumasalungat sa kanyang sarili. Ang isang bagay ay hindi maaaring umiral at hindi umiral sa parehong pagkakataon.
(2) May mga nagsasabi na ang sanlibutan ay umiiral na mula pa sa simula.
Ang dalawang Batas ng Termodinamiks ay nagpapakita na imposible na ang sanlibutan ay umiral na mula pa sa simula.
Ang Unang Batas ng Termodinamiks ay nagpapahayag na ang bagay/enerhiya ay hindi maaaring likhain o sirain. Ang Ikalawang Batas ng Termodinamiks at nagpapahayag na ang enerhiyang magagamit sa sanlibutan ay unti-unting nagiging enerhiyang hindi magagamit. Kapag pinagsama mo ang dalawang batas, ipinapakita nito na ang sanlibutan ay nagsimula na may nakatakdang dami ng enerhiyang magagamit na unti-unting nauubos.
Ano ang kahalagahan nito? Ang sanlibutan ay unti-unting namamatay. Kung ito ay umiral na mula pa sa simula tulad nito (kabilang ang natural na mga batas ng sanlibutan), ang enerhiya sa mundo ay dapat ubos na ngayon, ang lahat ng bagay ay dapat pare-pareho ang temperatura, at lahat tayo ay dapat patay na.
(3) May mga nagsasabi na ang sanlibutan ay nagmula sa bagay o enerhiya.
Kung ang sanlibutan ay nagmula sa isang impersonal na lakas, ang tanging mga kadahilanan na umiiral ay ang impersonal, at oras at pagkakataon. Imposible para sa isang bagay na walang personalidad na makalikha ng personalidad. Kung ang isang impersonal ay hindi makalilikha ng personalidad, ang sanlibutan ay dapat nilikha ng isang personal at walang hanggang Persona.
(4) Kung walang ibang paliwanag ang sapat, ang sanlibutan ay dapat nilikha ng isang personal, walang hanggan, at Isa na sariling-umiral.
Dahil ang ibang pagpipilian ay hindi valid, ang tanging makatwirang paliwanag para sa sanlibutan ay ang pagkakaroon ng isang Manlilikha na umiiral-sa-kanyang-sarili.
Ang isa pang anyo ng kosmolohikal na pangangatwiran ay may dalawang pahayag at isang konklusyon:
Pahayag 1: Anumang nagsisimulang umiral ay may dahilan.
Pahayag 2: Nagsimulang umiral ang sanlibutan.
Konklusyon: May dahilan ang sanlibutan.
Ang Pahayag 1 ay suportado ng katotohanan na ang alinmang bagay ay hindi maaaring magmula sa wala. Ito ay paulit-ulit na pinatunayan ng siyensiya. Ang ating pangkaraniwang karanasan ay nagpapatotoo rito.
Ang Pahayag 2 ay suportado ng expansion ng sanlibutan at ng ikalawang batas ng termodinamiks. Karamihan sa mga siyentipiko ay sumasang-ayon na ang sanlibutan ay may pinagmulan.[2]
Kung totoo ang Pahayag 1 at Pahayag 2, sa gayun ang Konklusyon ay totoo: Ang sanlibutan ay may dahilan. Ano ang anyo ng Dahilang ito? Dapat ito ay walang dahilan (imposible ang infinite regress ng mga dahilan), hindi pisikal, at hindi malirip ang lawak ng kapangyarihan. Ang Dahilan ay dapat napakataas ng katalinuhan upang makalikha ng ganoon kadetalyadong disenyo at kaayusan sa sanlibutan. Maaari rin nating ikatwiran na ang Dahilan ay isang persona.[3] Ang Dahilan ay dapat isang persona dahil ang mga personal na nilalang na tulad natin—may kapangyarihan, katalinuhan at kalooban –ay hindi maaaring magmula sa isang bagay na hindi nagtataglay ng ganito ring mga katangian. Ang personal, lubos ang kapangyarihang nilalang na ito ay ang Dios!
Ito ang Kosmolohikal na Pangangatwiran para sa pag-iral ng Dios. Narito ang ilang tanong na dapat itanong kapag nakikipag-usap sa isang tao tungkol sa unang dahilan:
"Sumasang-ayon ka ba sa karamihan sa mga siyentipiko na nagsasabing ang sanlibutan ay may simula?”
Kapag sumagot sila ng oo, itanong: “Naniniwala ka ba na ang isang bagay (tulad ng sanlibutan) ay maaaring magmula sa wala?”
Kapag sumagot sila ng hindi, itanong: “Ibig sabihin kung ang isang bagay ay umiiral, sagayun may isang bagay na umiiral na noon pa man, tama?”
“Maaari kayang ang bagay na iyon na umiiral na noon pa man ay dapat nagtataglay ng kapangyarihan, katalinuhan, at kalooban upang likhain ang lahat ng bagay sa sanlibutan?”
“Sa palagay mo, kung ang walang-hanggan, lubos ang kapangyarihang Personang ito na nag-ukol ng ng lahat ng panahon upang ilagay tayo dito, hindi kaya niya ipapaalam sa atin kung bakit Niya ginawa iyon?”
“Ayon sa Biblia, ang dahilan kung bakit tayo inilagay dito ng Dios ay upang magkaroon tayo ng personal na kaugnayan sa kanya.”
Mga Tanong sa Pagbabalik-Aral
(1) Ano ang itinatanong ng Pangangatwirang Kosmolohikal?
(2) Paano sinasagot ng Pangangatwirang Kosmolohikal ang tanong na ito?
(3) Ano ang tatlong di-makatwirang paliwanag para sa sanlibutan?
(4) Ipahayag ang pangangatwirang kosmolohikal sa isang deductive na anyo na may dalawang pahayag at isang konklusyon.
[1] Ang pangangatwiran mula sa mga pahayag hanggang sa konklusyon ay isang matagal nang nakatatag na anyo ng lohika. Ang pahayag ay isang simpleng pangungusap. Sa isang valid na logical argument, kung ang lahat ng pahayag ay totoo, ang konklusyon ay dapat totoo.
[2] Personalidad at ang Pag-iral ng Dios
“Wala pang sinumang nakapagpakita kung paanong ang panahon at pagkakataon ay makagagawa ng complexity sa sanlibutan, lalo na ang personalidad ng tao.”
- Sinipi mula kay Francis Schaeffer, Naroon Siya at Hindi Siya Tahimik
[3]Maaari nating ikatwiran na ang personal na Dahilan ang tanging paraan upang ipaliwanag kung paanong ang isang dahilan na hindi saklaw ng panahon ay maaaring makalikha ng isang temporal na epekto (simula ng sanlibutan). Kung walang kalooban, walang permanenteng dahilan na walang permanenteng epekto. Ang isang personal na nilalang na may kalayaan ang kalooban ay maaaring makalikha ng isang bagay na spontaneous at bago, tulad ng paglikha ng sanlibutan.
Para sa may detalyadong paliwanag para sa pangangatwirang ito, basahin ang sinulat ni William Lane Craig tungkol sa pangangatwirang cosmological para sa pag-iral ng Dios. Mabuti ang pahayag niya sa kanyang aklat na On Guard.
Ebidensiya na Mayroon ngang Dios: Ang Pangangatwirang Teleolohical
Isang pangangatwirang kaugnay ng Pangangatwirang Cosmological ay ang Pangangatwirang Teleolohical. Ang salitang teleological ay nagmula sa Griyegong salita na telos, na ibig sabihin ay “hangarin”. Ito ay tungkol sa layunin o disenyo.
Itinatanong ng Pangangatwirang Teleological, “Paano nagkaroon ang sanlibutan ng kanyang maingat na disenyo?” Sinasabi nito na “ang metikulosong disenyo sa sanlibutan ay nangangailangan ng isang Designer.” “ Mayroong isang layunin o dahilan na siyang gumagabay sa ating sanlibutan. Tingnan natin ang ilang halimbawa mula sa siyensiya.[1]
Ang Mata
Ang mata[2] ng tao ay isang mapakametikulosong disenyo. Bawat bahagi ng mata ay tumutupad sa isang layunin sa kabuuang disenyo nito. Walang alinmang bahagi ng mata ang “iiral” hanggang ang mata ay maging kumpleto. Ang iris ng mata ay walang silbi kung wala ang iba pang bahagi ng mata.
Kung ang mata ay umiral mula sa walang layuning matter, ang lahat ng bahagi ng mata ay dapat lumitaw nang sabay sabay. Ito ay naglalarawan sa paglikha, hindi ebolusyon. Napakaimposible na ang isang bagay na nagtataglay ng ganitong disenyo at layunin ay basta na lamang lumitaw o umiral dahil sa pagkakataon.[3] Ang Dios lamang ang tanging designer na maaaring lumikha ng ganito kametikulosong disenyo.
DNA
Ang isang hibla ng DNA[4] ay mas complex pa kaysa sa pinakaadvanced na modernong kompyuter. Ang lahat ng impormasyon ng katawan ng tao ay nakatala sa isang hibla ng DNA ng tao na mas maliit pa kaysa sa tuldok sa dulo ng isang pangungusap.
Ang dami ng impormasyon na maaaring itala sa isang pinhead volume ng DNA ay katumbas ng isang salansan ng mga aklat na 500 beses ang taas sa distansiya mula sa mundo hanggang sa buwan. Ang Pangangatwirang Teleological ay nagsasabi na ang complexity ng DNA ng tao ay nangangailangan ng isang designer na magtataglay ng dakilang katalinuhan. Ang Dios lamang ang tanging designer na may kakayahang gawin ang gayung disenyo.
Ang Kapaligiran ng Mundo
Napag-isipan na ba ninyo ang kahanga-hangang lugar natin sa sanlibutan? Kung mas malapit tayo sa araw, kahit bahagya lamang, tayo ay masusunog na. Kung tayo naman ay mas malayo nang kahit bahagya lamang, tayo ay mamamatay sa sobrang lamig. Ang atmosphere ng mundo ay tamang tama lamang upang sumuporta sa buhay. Ang lahat ng bagay na kinakailangan natin upang mabuhay ay matatagpuan sa planetang mundo. Ipinahihiwatig nito na ang mundo at ang atmosphere nito ay nilikha para sa atin ng isang matalinong Persona na lumikha sa sanlibutan nang may disenyo. Ang mundo ay hindi resulta lamang ng pagkakataon. Ang mundo ay nilikha ng Diyos para sa isang layunin.
[1] “Halimbawang walang katalinuhan sa likod ng sanlibutan, walang malikhaing isipan. Sagayun, walang sinumang nagdisenyo ng aking utak para sa layuning mag-isip.
Subali’t kung gayun, paano ko pagtitiwalaan ang aking sariling pag-iisip? Katulad lang ito ng pagtatapon ng isang basong gatas at pagkatapos ay aasang kung paano ito tumalsik ay magbibigay sa iyo ng mapa ng London.
Subali’t kung hindi ko mapagkakatiwalaan ang aking sariling pag-iisip, hindi ko rin mapagkakatiwalaan ang mga pangangatwiran tungkol sa Atheism. Wala akong dahilan upang maging Atheist o anupamang iba. Malibang sumanpalataya ako sa Dios, hindi ako maaaring maniwala sa pag-iisip: kayat hindi ko maaaring gamitin ang pag-iisip upang hindi maniwala sa Dios.”
- C.S. Lewis, Ang Pangangatwiran para sa Kristiyanismo
[2] Image: The Human Eye, author National Eye Institute, retrieved from https://www.flickr.com/photos/nationaleyeinstitute/7544457124/sizes/o/in/photostream/ April 18, 2020, Public Domain
[3] Upang matutuhan ang iba pang bagay tungkol sa disenyo ng Dios sa mata, bisitahin ang www.answersingenesis.org/go/eye.
Ebidensiya na Mayroong Dios: Ang Pangangatwirang Moral
Ang Moral na Pangangatwiran para sa pag-iral ng Dios ay nagtatanong, “Bakit nagtataglay ang sangkatauhan ng damdamin ng tama at mali mula pa sa pagkapanganak?” Ang sagot, “Ang damdamin ng tama at mali ng sangkatauhan ay nagmumula sa Dios, ang Supreme Tagapagbigay ng Batas na siyang nagbibigay sa atin ng moralidad.”
Ang pangangatwirang ito ay ginawa ni C.S.Lewis sa Mere Christianity. Sumulat siya tungkol sa damdamin ng “dapat” na tinataglay ng lahat ng tao sa lahat ng kultura. Kahit na kung minsan ay hindi nagkakasundo-sundo ang iba’t-ibang kultura kung ano ang tama at mali, ang lahat ng tao mula sa lahat ng kultura ay nakakaalam na “dapat” nilang gawin ang isang bagay, o “hindi dapat gawin” ang ibang bagay. Saan nagmumula ang damdaming ito ng “dapat”? Ang Pangangatwiriang Moral ay nagsasabi na ang damdaming moral na ito ng tama at mali ay dapat magmula sa isang Supreme na Tagapagbigay ng Batas.
Narito ang pormal na lohical na pangangatwiran:
Pahayag 1: Kung hindi umiiral ang Dios, ang layunin na moral na mga pinahahalagahan at tungkulin ay hindi rin umiiral.
Pahayag 2: Umiiral ang mga moral na mga pinahahalagahan at tungkulin.
Konklusyon: Samakatuwid, umiiral ang Dios.
Pahayag 1 ay nagsasabi na kung hiwalay sa Dios, maaring walang layuning moralidad. Ang moralidad ay hindi maaaring maging pare-pareho sa bawat tao kung walang transcendente at personal na Tagapagbigay ng Batas. Lahat ng tao ay mananagot sa kanya. Ang mga utos na moral ay may kahulugan lamang kapag may isang taong nagbibigay ng batas at may isa pang tao na tumatanggap nito. Kapag may mga batas na pantay pantay na inilalapat sa bawat tao sa mundo, sa gayun may isang transcendente na Persona na pinagmulan ng batas na iyon at ang lahat ng tao ay mananagot. Dagdag pa rito, ang moral guilt ay nararapat lamang kapag ang mga batas mula sa isang tao ay nalabag. Hindi nararamdaman ang guilt kapag nilabag ang isang batas. Dapat mayroong isang mas mataas na awtoridad na nakaugnay at siyang nilabag.
Pahayag 2 ay nagsasabi na ang moral na mga pinahahalagahan ay umiiral lamang na mayroong layunin. Ang mga ito ay wasto mayroon o wala mang naniniwala sa mga ito; at ang mga ito ay natutuklasan, hindi iniimbento. Kahit ang ilang atheist ay tinatanggap ito. Halimbawa, ang atheist na si Peter Cave ay nagsabi, “Kahit anupamang pangangatwirang may pag-aalinlangan ang iharap sa ating paniniwala na ang pagpatay sa inosente ay mali ayon sa moral, tayo ay higit na nakatitiyak na ang pagpatay ay mali ayon sa moral kaysa sa pagiging matuwid ng ating pangangatwiran. Ang pagpapahirap sa isang inosenteng bata para sa tuwa lamang na makukuha dito ay mali ayon sa moral. Dapat na itong tigilan.”
Kung kapwa totoo ang Pahayag 1 at Pahayag 2, sagayun ang konklusyon na ang Dios ay umiiral ay totoo rin.
►Basahin ang Roma 2:12-16. Ano ang itinuturo ni Pablo tungkol sa batas na moral na isinulat sa puso ng mga taong hindi nagtataglay ng Biblia?
Mga Tanong sa Pagbabalik-Aral
(5) Ano ang itinatanong ng Pangangatwirang Teleolohical?
(6) Paano sinasagot ng Pangangatwirang Teleolohical ang tanong na ito?
(7) Ano ang itinatanong ng Pangangatwirang Moral?
(8) Paano sinasagot ng Pangangatwirang Moral ang tanong na ito?
(9) Iprisinta ang pangangatwirang moral sa syllogistic form (may 2 pahayag at isang konklusyon).
Ang #1 Pagtutol sa Pagsasabing Mayroong Dios: Kasamaan at Paghihirap
Ang pinakakaraniwang pagtutol sa pagsasabing mayroong Dios ay: “Kung mayroong mabuti at lubos ang kapangyarihang Dios, bakit mayroong kasamaan at paghihirap sa mundo? Ang pag-iral ng kasamaan ay nagpapatunay na walang mabuti at lubos ang kapangyarihang Dios.” Madalas ang pagtutol na ito ay ipinahahayag sa ganitong paraan:
Pahayag 1: Hindi ipahihintulot ng isang mabuting Dios ang paghihirap sa mundo.
Pahayag 2: Maaaring alisin ng lubos ang kapangyarihang Dios ang lahat ng paghihirap.
Konklusyon: Samakatuwid, walang mabuti at lubos ang kapangyarihang Dios.
Inaasahan ng mga tao na agad bibigyang solusyon ng isang mabuti, lubos na makapangyarihang Dios ang kasalanan at paghihirap. Sinasabi nila na kung ang Dios ay kapwa mabuti at lubos na makapangyarihan, gagawin niyang ligtas ang mundo sa mga sakit at kasamaan. Paano tayo tutugon sa tanong na ito, “Bakit may kasamaan sa mundo?”
►Paano ka tutugon sa tanong na ito, “Kung ang Dios ay kapwa mabuti at lubos na makapangyarihan, bakit niya pinahihintulutan ang kasamaan sa mundo?”
Narito ang ilang sagot sa pagtutol na ito:
(1) Ang suliranin sa kasamaan ay nagpapahiwatig na mayroong Dios.
Alalahanin mo ang Pangangatwirang Moral para sabihing mayroong Dios. Ang bawat suliranin ay nagpapahiwatig na mayroong Dios. Hindi natin malalaman na mayroong kasamaan kung walang lubos na batayan ng tama at mali. Ang lubos na batayang ito ng tama at mali ay nagmula sa isang Ganap na Tagapagbigay ng Batas, ang Dios.
Kung walang Tagapagbigay ng Batas, hindi mo masasabing may kasamaan sa mundo. Kung walang Tagapagbigay ng Batas, ang tinatawag mong kasamaan, maaari kong tawaging kabutihan. Kung halimbawang piliin ko na magnakaw ng pera mula sa iyo, iyon ay hindi mabuti o masama; iyon ay isa lamang pagpili. Tanging ang isang Tagapagbigay ng Batas ang nagtatakda ng absolute na tama at mali.
Tanging kung tinatanggap natin ang isang batas pangmoral ng tama at mali kaya tayo nahaharap sa pag-iral ng kasamaan. Ang suliranin sa kasamaan ay naghahayag sa atin na mayroong mabuting Dios. Subali’t kung ang Dios ay mabuti at lubos na makapangyarihan, bakit niya pinahihintulutan ang kasamaan sa mundo?
(2) Ang kasamaan ay resulta ng malayang pagpili ng tao na suwayin ang Dios.
Mayroong kasamaan sa mundo dahil inabuso ng mga unang tao ang kanilang kalayaan at pinili nilang suwayin ang Dios. Ang paghihirap ang bunga ng pagsuway ng sangkatauhan.
Sinuway nina Adan at Eba ang Dios at ang naging bunga nito, ang buong mundo ay isinumpa.[1] Kahit ang mga inosenteng tao ay nagdusa dahil sa sumpang ito.
May mga magtatanong, “Subali’t bakit lumikha ang Dios ng nilalang na malaya? Kung nilikha ng Dios ang mga tao na walang kapangyarihang piliin ang kasalanan, walang magiging paghihirap sa mundo.”
Ang isang sagot sa tanong na ito: Nilikha ng Dios ang sangkatauhan para sa pag-ibig at relasyon. Imposible ang pag-ibig kung walang kalayaang pumili. Binigyan ng Dios ang sangkatauhan ng kalayaan na piliin ang pag-ibig—o ang piliin na magrebelde.
(3) Nagkaloob na ang Dios ng sagot sa suliranin ng kasamaan at paghihirap.
May mga magtatanong, “Bakit hindi gumagawa ng solusyon ang Dios tungkol sa kasamaan at paghihirap sa mundo? Bakit niya pinahihintulutang magpatuloy ang paghihirap?
Ang tugon dito: Mayroon nang ginawa ang Dios tungkol dito. Kay Jesus, ang Dios ng walang hanggang pag-ibig ay pumasok sa kasaysayan ng sangkatauhan at naging bahagi ng wasak na mundo na ating tinatahanan. Kinuha niya sa kanyang sarili ang paghihirap at maging ang kamatayan. Pagkatapos, winasak niya ang kamatayan sa kanyang muling pagkabuhay. Dahil sa pagbabayad-utang ni Cristo, tayo ay maaaring mapalaya sa kasalanan at sa hinaharap ay makatakas sa ating paghihirap na pangwalanghanggan.
Bakit ang tagal ng panahon para maalis ang ating mga paghihirap? Naninirahan pa rin tayo sa isang wasak na mundo; at ang Dios ay kumikilos muna tungkol sa kasalanan, ang ultimate na dahilan ng ating mga paghihirap. Ang pagkilos laban sa kasalanan ay nagiging matagal dahil ang mga tao ay may kalayaan ng kalooban.
Ang katotohanan na ang paghihirap ay resulta ng moral na kasamaan ay hindi nangangahulugan na ang lahat ng paghihirap ay ang direktang resulta ng indibidwal na kasalanan. Ang lahat ay nakararanas ng paghihirap dahil sa kasalanan ni Adan, hindi tiyakang dahil sa kaniyang sariling kasalanan. Sa ating wasak na mundo, kahit ang mga inosenteng tao ay nakararanas ng di makatarungang paghihirap dahil sa kasalanan ng iba. Subalit ang lahat ng paghihirap ay magwawakas rin para sa mga tao na nagpahintulot sa Dios na ayusin ang kasalanan sa kanilang sariling puso at buhay.
Kahit nakararanas tayo ng paghihirap sa kasalukuyan, mayroon tayong kaaliwan mula sa Dios. Bilang mga Kristiyano, mayroon tayong katiyakan na “ang lahat ng bagay ay nagkakalakip-lakip para sa ikabubuti ng mga taong nagmamahal sa Dios.”[2] Bagaman hindi natin iyon nauunawaan sa ngayon, may layunin ang Dios sa mga bagay na pinahihintulutan niya sa ating mga buhay. Inaalis ng Dios ang mga paghihirap at ginagamit ito para sa ating kabutihan. Ginagamit niya kahit ang mga sakit sa ating buhay upang akayin ang mga tao sa isang relasyon sa kanyang sarili. Sinabi ni C.S.Lewis, “Bumubulong ang Dios sa atin sa ating mga kasiyahan, nagsasalita sa ating konsiyensiya, subali’t sumisigaw sa ating mga paghihirap. Ito ang megaphone ng Dios upang gisingin ang isang mundong ayaw makinig.”[3]
Mga Tanong sa Pagbabalik-Aral
(10) Ano ang pinakakaraniwang pagtutol kung sasabihin nating mayroong Dios?
(11) Magbigay ng tatlong sagot sa tanong na, “Paanong ang isang mabuti at lubos ang kapangyarihang Dios ay iiral kung mayroong kasamaan sa mundo?”
[3] C.S. Lewis, The Problem of Pain, (NY: Macmillan Publishing, 1962), p. 93.
Pagsasabuhay ng Apologetics - Ang Patotoo ni Lee Strobel (1952 - )
“Halos buong buhay ko ako ay isang atheist.[1] Iniisip ko na ang ideya ng isang lubos na mapagmahal, lubos ang kapangyarihang manlilikha ay isang kahangalan. Journalism at batas ang aking pinag-aralan. Ako ay isang taong hindi madaling maniwala. Ako ang legal editor ng Chicago Tribune. Kung kaya’t kailangan ko ng ebidensiya bago ako maniwala sa anumang bagay.
“Isang araw sinabi ng aking asawa na siya ay naging tagasunod na ni Jesu-Cristo. Inisip ko na ito na ang wakas ng aming pagiging mag-asawa. Subalit agad akong nakakita ng positibong pagbabago sa kanyang mga pinahahalagahan, sa kanyang karakter, sa paraan ng kanyang pakikitungo sa akin at sa mga anak namin. Kaakit-akit iyon at nagkaroon ako ng kagustuhang suriin ang kanyang bagong pananampalataya.
“Pumunta ako sa sambahan isang araw at narinig ko ang mensahe ni Jesus sa paraang nauunawaan ko. Narinig ko na ang kapatawaran ay isang libreng kaloob, na si Jesu-cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan, at maaari niya tayong makasama sa walang hanggan. Atheist pa rin ako, subalit lumabas ako na nagsasabi sa aking sarili, ‘Kung ito ay totoo, ito ay mayroong napakalaking epekto sa aking buhay.’
“Sa loob ng halos dalawang taon, ginamit ko ang aking kasanayan sa journalism at batas upang siyasatin ang katotohanan ng Kristiyanismo. Noong Nobyembre 8, 1991, napagtanto ko na upang maging isang atheist kailangan kong huwag pansinin ang lahat ng ebidensiya na tumuturo sa katotohanan ng ebanghelyo. At hindi ko iyon magawa. Ako ay sinanay sa journalism at batas upang tumugon sa katotohanan. Kaya’t nang araw ding iyon, tinanggap ko si Jesu-Cristo bilang akong tagapagpatawad ng kasalanan at bilang aking Panginoon. At katulad ng aking asawa, ang aking buhay ay nagsimulang magbago. Ang aking mga pinahahalagahan, ang aking karakter, ang layunin ng aking buhay ay nagsimulang mabago. Ngayon, kapag ako’y nagbabalik-tanaw, hindi ko maihahambing ang aking buhay noon sa karanasan at tuwa ng pagsunod kay Jesu-Cristo.”
[1] Ang Transcript ay hinango sa https://youtu.be/E8IE9Y4wudk.
Konklusyon
Habang naghahanda si Jia na sagutin si Lee, naramdaman niya ang Banal na Espiritu na nagsasabi sa kanya na ang sagot sa tanong ni Lee ay higit pa sa tugon na pangkaisipan lamang. Kailangan niya itong kausapin sa puso, hindi lamang sa kanyang isip.
Sinabi ni Jia kay Lee, “Una, nais kong malaman mo na nararamdaman ko ang iyong sakit. Kaibigan kita at kapag ikaw ay nasasaktan, nasasaktan din ako. Higit pa sa riyan, nais kong malaman mo na nadarama ng Dios ang iyong sakit. Pinagmasdan ng Dios Ama ang kanyang minanahal na Anak nang ito’y mamatay sa krus. Nalalaman niya ang sakit ng mawalan ng isang taong malapit sa kanya.
“Hindi ko kayang ipaliwanag ang lahat ng paghihirap sa ating mundo, subali’t alam ko na nilikha ng Dios ang mundo nang walang paghihirap. Nilikha niya ang isang perpektong mundo na walang kamatayan. Ngunit nakakalungkot, ang ating unang ama, si Adan ay nagrebelde laban sa Dios at nagdala ng kasalanan sa mundong ito. Nagbunga ng paghihirap at kamatayan ang kasalanan. Alam ni Adan bago pa man niya suwayin ang batas ng Dios na ang kanyang kasalanan ay magbubunga ng kamatayan sa mundong ito. Sinira ng tao ang perpektong mundo na nilikha ng Dios. Ang bawat isa sa atin ay nagpapatuloy sa kasalanan na nagsimula kay Adan. Ang bawat isa sa atin ay sumusuway sa batas ng Dios.
“Dahil sa kasalanan ni Adan, tayo ay isinilang sa isang nagdurusang mundo. Nakatira tayo sa isang wasak na mundo. Subali’t, Lee, maaari ba akong magsabi ng dalawang bagay na dapat mong tandaan sa kabila ng iyong mga luha?”
“Una, ang Dios mismo ay naging bahagi ng ating magdurusang mundo. Isinugo Niya ang kanyang Anak upang maging bahagi ng ating mundo. Isinugo Niya ang Kanyang Anak upang mamatay upang ang ating mundo sa hinaharap ay maging ligtas mula sa sumpa ng kasalanan.
“Pangalawa, dahil isinugo ng Dios ang kanyang Anak, maaari kang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ang parehong Biblia na nagbibigay babala laban sa kaparusahan sa kasalanan ay nangangako na sinumang tumanggap kay Jesu-Cristo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Nangangako ang aklat na ito na sa hinaharap ‘papahirin ng Dios ang bawat luha sa kanilang mga mata, at wala nang kamatayan, wala na ring pagkalumbay o pag-iyak o sakit.’[1].
“Lee, isipin mo ang Dios na labis tayong minahal kaya’t isinugo niya ang Kanyang Anak upang mamatay at magdulot ng lunas sa kamatayan. Ito ay Dios na lubos na makapangyarihan, gayunma’y ibinigay ang kanyang sarili dahil sa pagmamahal sa atin. Ang Dios na iyon ay umiibig sa iyo ng isang kahanga-hangang pag-ibig.”
(1) Apologetics at ang Ulo: Sisimulan mo ang susunod na klase sa isang pagsusulit gamit ang mga tanong sa pagbabalik-aral mula sa Aralin 3. Pag-aralang mabuti ang mga tanong na ito bilang paghahanda sa pagsusulit.
(2) Apologetics at ang Puso: Kung minsan madaling “ipaliwanag” ang kahirapan at pagdurusa; mas mahirap na makiramay sa mga naghihirap. Ipanalangin sa Dios na bigyan ka ng malambot na puso para sa mga naghihirap. Ipanalangin na magsalita siya sa pamamagitan mo ng mga salitang makaaaliw sa mga naghihirap.
(3) Makipag-usap sa isang di-mananampalataya tungkol sa mga pangangatwiran sa pagsasabing mayroong Dios. Ibahagi ang tatlong pangangatwiran mula sa araling ito. Kung maaari, ibahagi ang mga pangangatwirang ito sa di-mananampalataya na kinausap mo sa katapusan ng Aralin 2.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 3
(1) Ano ang itinatanong ng Pangangatwirang Kosmolohikal?
(2) Paano sinasagot ng Pangangatwirang Kosmolohikal ang tanong na ito?
(3) Ano ang tatlong di-makatwirang paliwanag para sa sanlibutan?
(4) Ipahayag ang Pangangatwirang Kosmolohikal sa deductive form na may 2 pahayag at isang konklusyon.
(5) Ano ang itinatanong ng Pangangatwirang Teleolohikal?
(6) Paano sinasagot ng Pangangatwirang Teleolohikal ang tanong na ito?
(7) Ano ang itinatanong ng Pangangatwirang Moral?
(8) Paano sinasagot ng Pangangatwirang Moral ang tanong na ito?
(9) Iprisinta ang Pangangatwirang Moral sa syllogistic form (may isang pahayag at isang konklusyon).
(10) Ano ang pinakakaraniwang pagtutol sa pagsasabing ‘mayroong Dios’?
(11) Magbigay ng tatlong sagot sa tanong na ito, “Paanong ang isang mabuti at lubos ang kapangyarihang Dios ay umiiral, kung mayroong kasamaan sa mundo?”
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.