► Ano ang katulad ng ministeryo ng mga propeta sa Lumang Tipan? Gaano karami sa kanilang mensahe ang malinaw sa kanilang tagapakinig, at gaano karami ang patuloy na nalilihim hanggang sa hinaharap?
Ang mga Aklat ng Propesiya ng Lumang Tipan ay kinabibilangan ng Pangunahing Mga Propeta (Isaias, Jeremias, Ezekiel, at Daniel) gayundin ang labindalawang Minor na mga propeta (Hosea, Joel, Amos, Obadias, Jonas, Micas, Nahum, Habakkuk, Zefanias, Hagai, Zacarias, at Malakias). Bago pag-aralan ang indibidwal na mga aklat, kapaki-pakinabang na pag-aralan ang gampanin ng propeta sa Israel sa Lumang Tipan.
Ang “klasiko” o “nagsusulat” na mga propeta ay naglingkod mula halos sa 800 B.C. hanggang 450 B.C. Ang mas naunang mga propeta tulad nila Elias at Eliseo ay hindi nag-iwan ng isang nakasulat na tala ng kanilang pangangaral. Ang labing anim na manunulat na mga propeta ay naaalala sa pamamagitan ng mga aklat na sa kanila nakapangalan.
Gumamit ang Hebreyong Biblia ng tatlong salita upang tukuyin ang isang propeta. Ang mga pamagat o titulo ay nagpapakita ng gampanin ng propeta sa Israel. Ang unang dalawang salita (hozeh at ro’eh) ay nagmula sa isang ugat na salita na ang kahulugan ay “upang makita.” Sinasabi sa atin ng mga salitang ito na ang isang propeta ay isang “seer,” isang taong nakakakita ng mga bagay na nais ng Dios. Ang pangatlong salita (nabi) ay nangangahulugang “isang tinawag.” Ito ay tumutukoy sa isang taong tinawag ng Dios upang dalhin ang mensahe ng Dios sa ibang tao.
Ang mga aklat ng propesiya ay nagpapakita ng ilang katangian ng mga propeta:
(1) Ang mga propeta ay hindi nagsasalita ng kanilang sariling mensahe; nagdadala sila ng mensahe ng Dios. Mahigit sa 350 na beses, ang mga aklat ng propesiya ay naglalaman ng mga talatang “Ganito ang sinabi ng Panginoon.” Ang mga propeta ay tinawag upang dalhin ang Salita ng Dios sa mga mamamayan ng Dios.
(2) Sinabi ng mga propeta ang mensahe ng Dios sa kanilang sariling henerasyon. Ang kanilang mensahe ay ibinigay muna sa kanilang sariling mamamayan. Kapag binabasa natin ang mga isinulat ng mga propeta, dapat nating itanong, “Paano naunawaan ng pangunahing mga tagapakinig ang mensahe ng mga propeta?” Ang kaalaman kung paano naunawaan ng unang tagapakinig ang mensahe ng mga propeta ay makakatulong sa atin na mas maunawaang mabuti ang kanyang mensahe para sa kasalukuyan.
(3) Sinabi ng mga propeta ang mensahe ng Dios para sa mga susunod na henerasyon. Ang mga propeta ay “seers.” Ang unang salita ng Isaias ay katulad ng salita ng mga ibang propeta: “Ang pangitain ni Isaiah ang anak ni Amoz.”[1] Sa pamamagitan ng mga pangitain at espesyal na pahayag, inihayag ng Dios sa kanyang mga propeta ang mga katotohanan sa hinaharap. Nakita ng mga propeta ang parehong hinaharap na paghatol at pagpapanumbalik.
Habang pinag-aaralan natin ang aklat ng mga propesiya, makikita natin ang mga temang madalas na inulit-ulit. May tatlong tema ang lumitaw sa buong aklat na ito:
Katapatan sa Tipan
Paulit-ulit, ipinaalala ng mga propeta sa kanilang mga tagapakinig na ang Israel ay tinawag upang maging mga mamamayang hinirang ng Dios. Sa lugar ng Sinai, ang Israel ay nakipagtipan sa Dios. Ang tipang ito ay higit pa sa mga ritwal at mga handog; hinihingi nito ang personal na kabanalan sa harap ng Dios at katarungan sa ibang tao. Hinarap ng mga propetang katulad nila Micas at Amos ang Israel sa kabiguan ng bansa na mamuhay sa pagsunod sa tipan.
Ang Araw ng Panginoon
Tinukoy ng mga propeta ang “araw ng Panginoon” ng mahigit sa dalampung beses. Ang araw ng Panginoon ay ginamit sa tatlong pamamaraan ng mga propeta:
Ang araw ng Panginoon ay magiging panahon ng paghatol sa mga taong hindi sumasampalataya.
Ang araw ng Panginoon ay magiging panahon ng paglilinis sa mga mamamayan ng Dios.
Ang araw ng Panginoon ay magiging panahon ng kaligtasan para sa mga matapat.
Ang Pagdating ng Mesiyas
Isang mahalagang mensahe ng mga propeta ay ang pangako ng pagdating ng Mesiyas. Ang mga iskolar sa Biblia ay nakahanap ng higit sa 300 na propesiya sa Lumang Tipan na tumutukoy sa pagdating ng Mesiyas.
Upang bigyang babala ang Juda sa darating na paghatol
Upang ipangako ang darating na kaligtasan sa Juda
Ang Ebanghelyo sa Isaias
Ang Mesiyas ay ipapanganak ng isang birhen.
Maglilingkod siya sa mga Hentil.
Siya ay mamamatay upang tubusin ang mga makasalanan.
Sa pamamagitan ng Mesiyas, ang kaharian ng Dios ay mabubuksan sa lahat tao sa lahat ng mga bansa.
Kalagayang Pangkasaysayan
Si Isaiah, ang anak ni Amoz, ay naglingkod sa maharlikang korte ng Juda sa panahon ng huling bahagi ng ika-8 siglo B.C. Ang pangalan ni Isaias ay nangangahulugang “Iniligtas ng Panginoon,” isang pangalan na nagpapakita ng pangunahing tema ng ministeryo ni Isaias, kaligtasan para sa bayan ng Dios.
Ang pagkakatawag kay Isaias sa isang propetikong ministeryo ay dumating “sa taon na namatay si Haring Uzias.”[1] Naitala niya ang pagkamatay ni Sennacherib noong 681 B.C.[2] Ang mga petsang ito ay tumutukoy sa petsa ng aklat ng Isaias marahil ay nasa taong 740-680 B.C.
Naglingkod si Isaias sa panahon ng pamumuno ni Jotam, Ahaz, Hezekias, at Manases. Sinasabi ng tradisyon ng mga Hudyo na pinatay ni Manases si Isaias sa pamamagitan ng pagpapalagari sa kanya sa kalahati.
Sa mga unang taon ng ministeryo ni Isaias, pinalawak ni Tiglath-Pileser III ang emperyo ng Asiria. Si Pekah, ang hari ng hilagang kaharian ay sumalakay sa Juda dahil tumanggi si Achaz na sumali sa isang alyansa laban sa Asiria. Sa mga pagtutol ni Isaias, umapela si Achaz sa Asiria. Ang mensahe ni Isaias ay nagbigay ng isang senyales para sa agarang hinaharap at isang propesiya ng pagsilang ng Mesiyas.[3]
Pagkamatay ni Achaz, ang kanyang anak na si Hezekias ay nagrebelde laban sa Asiria at sumali sa isang alyansa sa Ehipto. Bilang tugon, sinalakay ng pinuno ng Asiria na si Sennacherib ang Judah noong 701 B.C. Si Hezekias ay natalo noong una at napilitang magbigay ng buwis sa Asiria.[4] Nang maglaon, nagrebelde si Hezekias laban kay Sennacherib. Bilang tugon sa panalangin ni Hezekias, sinalakay ng anghel ng Dios ang hukbo ng Asiria, na pumatay ng 180,000 na kalalakihan at pinalayas ang mga Asirian sa labas ng Juda. Ang natitirang paghahari ni Hezekias ay isang panahon ng kapayapaan.[5]
Layunin
Sa pagbagsak ng hilagang kaharian, ang Juda ay humarap sa isang pagsubok. Susundin ba niya ang Israel sa pagtalikod o magiging tapat siya sa Dios? Binigyang babala ni Isaias ang Juda sa paghatol sa kanilang kasalanan. Hinikayat niya ang Juda na may pangakong kaligtasan kung magbabalikloob sila sa tipan.
[1]Isaias 6:1. Namatay si Haring Uzias mga 740 B.C.
[3]Isaias 7:10-17 – nagpakita kung paanong ang mensahe ng propeta ay nagsalita kapwa sa kanyang mga kapanahon at maging sa hinaharap. Noong 735 B.C. sinabi ni Isaias kay Ahaz na bago umabot sa tamang edad ang anak na lalaki na isinilang sa araw na iyon, ang Siria at Efraim (ang kaharian sa Hilaga) ay mawawasak. Ito’y bahaging natupad nang bumagsak ang Siria taong 732 B.C. at ang pagbagsak ng Hilagang Kaharian noong 722 B.C. Ang lubusang pagkatupad ng “Emmanuel” na ipinanganak ng isang birhen ay natupad sa kapanganakan ni Jesus ang Mesiyas (Mateo 1:20-23).
Minsan ay nakikita si Isaias bilang isang “maliit na larawan ng Biblia.” Ang unang tatlumpu’t siyam na kabanata (na katulad ng tatlumpu’t siyam na aklat ng Lumang Tipan) na nagpapakita ng katarungan ng Dios sa paghatol sa Juda at sa mga nakapalibot na bansa. Dahil ang Dios ay isang banal na Dios, hindi niya maaaring hindi pansinin ang kasalanan. Ang huling dalawampu’t pitong kabanata (na katulad sa dalawampu’t pitong na aklat ng Bagong Tipan) sa pagbibigay pag-asa sa Juda na mayroong pangako ng isang darating na Mesiyas.
Ang isang aklat na sumasaklaw sa animnapung taon, apat na hari, dalawang tanyag na emperyo (ang Asiria at Babilonia), at nagpropesiya ng mga pangyayari na magaganap ng daang taon sa hinaharap ay mahirap na ibuod sa ilang maiikling talata. Habang binabasa mo ang Isaias, ang balangkas na ito ay gagabay sa iyo sa buong aklat. Ang buod ng mga tema ay nagmumungkahi ng mga mahahalagang ideya na dapat sundin.
Balangkas ng Isaias
(1) Mga propesiya ng Paghatol (Isa. 1–35)
Isang pagbibigay diin sa paghatol
Pangunahing binibigyang pansin ang paghihimagsik ng mga tao sa panahon ni Isaias
Nagbabala na ang hilagang kaharian ng Israel ay matatalo ng Asiria
Mga mensahe ng paghatol sa maraming mga bansa, kabilang ang Israel, Asiria, Babilonia, Filisteo, Moab, Damasco, Cush, Ehipto, Edom, Juda, at Tiro
Kaligtasan para sa mga matapat (Isa. 35)
(2) Makasaysayang Pagitan/Interlude (Isa. 36–39)
Banta ni Sennacherib at ang pagpapalaya ng Dios (Isa. 36–37)
Ang istorya ni Sennacherib ang tumapos sa pagbibigay diin sa Asiria ng Isaias 1-35. Nangyari ito noong 701 B.C. at ipinakita na ang pananalig sa Dios ay nagdudulot ng pagpapala ng Dios.
Ang sakit ni Hezekias at mahimalang paggaling (Isa. 38)
Ang kahangalang pagbisita ni Hezekias kay Merodach-baladan mula sa Babylon (Isa. 39)
Ang istorya ng pagbisita ni Merodach-baladan noong 711 B.C. ay nagpapasimula ng pagbibigay-diin sa Babylonian ng Isaias 40-66. Ang mga kasalanan ng Juda ay hahantong sa pagkatapon sa Babiloniya.[1]
(3) Propesiya ng Kaaliwan Tungkol sa Mesiyas (Isa. 40–66)
Isang pagbibigay diin sa pagpapanumbalik at pangako
Binigyang pansin ang katapatan ng mga tao sa lahat ng mga henerasyon
Kaaliwan at pagpapalaya sa Juda (Isa. 40–48)
Ang pagdating ng Lingkod ay magbibigay ng daan sa katubusan (Isa. 49–55)
Pagpapanumbalik ng Dios sa lahat ng matapat sa tipan (Isa. 56–66)
Mga Mahalagang Tema sa Isaias
Ang Mga Natira
Pananatilihin ng Dios ang isang bahagi sa mga tapat sa Dios sa kabila ng pagtalikod ng mga bansa sa Dios.[2] Pinangalanan ni Isaias ang isa sa kanyang mga anak na “Shear-jashub” bilang isang mensahe ng propesiya na ibabalik ng Dios ang tapat na mga natira sa Jerusalem pagkatapos ng pagkakatapon.[3]
Ang Dios, ang Banal na Dios ng Israel
Sa simula ng kanyang propetikong ministeryo, nakita ni Isaias “ang Panginoon ay nakaupo sa isang trono, nasa kataas-taasan at dinadakila.” Ang Dios ay napapalibutan ng mga serapin na umaawit ng ganito, “Banal, Banal, Banal, ang PANGINOON na makapangyarihan sa lahat: ang buong mundo ay puno ng kanyang kaluwalhatian.”[4] Ang pangitaing ito ang bumago sa buhay at ministeryo ni Isaias. Dalawampu’t siyam na beses, ginamit ni Isaias ang ekspresyong “Banal na Dios ng Israel,” isang pangalang nagpapakita ng kabanalan ng Dios.[5] Isang mahalagang aspeto ng mensahe ni Isaias ay ang pagharap ng Israel sa paghatol dahil hindi nila pinansin ang kabanalan ng Dios na sinasabing sinasamba nila.
Ang soberenya ng Banal na Dios ng Israel ay nakita sa kanyang paghatol sa mga kaaway ng Israel. Iniutos ng Dios kay Isaias na pangalanan ang isa sa kanyang mga anak na “Maher-shalal-hash-baz,” isang pangalang kumakatawan sa mabilis na paghatol sa mga kaaway ng Dios.[6] Sa pagkagulat ng Juda, ang soberenya ng Dios ay nakita rin sa kanyang paghatol sa Juda dahil sa kanilang pagtalikod sa Dios.
Higit sa lahat, ang Banal na Dios ng Israel ay siyang magpapanumbalik sa kanyang mga mamamayan. Nakita ni Isaias ang isang araw na ang bayan ng Dios ay hindi na tatawaging “Itinakwil,” ngunit tatawaging “Kaligayahan ng Dios.” Nakita rin niya ang isang araw na ang lupain ay hindi na tatawaging "Pinabayaan," ngunit tatawagin na "Ikinasal sa Dios.”[7] Sa halip na isang bansa na tumalikod, ang Juda ay tatawaging “banal na bayan”; sa halip na itinapon, sila ay magiging “tinubos ng Panginoon”; sa halip na tinanggihan, sila ay magiging “hinanap”; sa halip na inabandona, ang Jerusalem ay tatawaging “isang lungsod na hindi pinabayaan.”[8]
Ang Pagdating ng Mesiyas
Dahil sa pagbibigay diin sa pagdating ng Mesiyas, kung minsan ay tinatawag ang Isaias na “Ikalimang Ebanghelyo.” Nagpropesiya si Isaias na tutubusin ng Mesiyas ang Juda at ang lahat ng sumasampalataya sa kanya. Sa kanyang unang sermon sa Nazareth, nagbasa si Jesus mula sa aklat ng Isaias at inihayag na siya ay dumating upang matupad ang mga pangako na ginawa ng propeta.[9]
Sa huling bahagi ng Isaias, paunang sinabi ng propeta ang pagdating ng Mesiyas, ang Nag-iisang Hinirang ng Dios. Siya ay ipapanganak ng isang birhen[10]; maglilingkod siya sa mga nangangailangan[11]; magdurusa siya upang tubusin ang sangkatauhan[12]; balang- araw ay maghahari siya sa kaluwalhatian.[13] Dahil sa Mesiyas, ang kinabukasan ng mga mamamayan ng Dios ay maliwanag – anuman ang kanilang kasalukuyang mga kalagayan.
[1]Ipinapakita ng Isaias 38:6 na ang mga pangyayari sa Isaias 38-39 ay naganap mas una kaysa Isaias 36-37. Ang pagkakasunod-sunod sa aklat ay marahil sinadya upang bigyang-diin ang pampaksang istruktura ng Isaias. Tinapos sa Isaias 36-37 ang pagbibigay-diin sa Asiria; nagsisimula ang pagbibigay-diin sa Babilonia sa Isaias 38-39. Ang istrukturang hindi sunod-sunod sa panahon ay karaniwan sa mga aklat ng propesiya.
Isang Mas Malapit na Pagtanaw sa Pag-akda ng Isaias
Ang ilang mga kritikong nakikipag talakayan patungkol sa may-akda ng aklat ng Isaias ay nagsasabing hindi lamang si Isaias ang sumulat nito. Sinasabi nila na ang Isaiah 1–39 ay mula mismo kay Isaias, samantalang ang mga kabanata 40–66 ay isinulat ng pangalawang may-akda na nabuhay ng mahigit sa 100 taon pagkatapos ni Isaias. Tinatawag nila ang may-akdang ito na “Isaias ng Jerusalem” at “Pangalawang Isaias.” Pinagdududahan ng mga kritikong ito ang patotoo ng Bagong Tipan kay Isaias bilang may akda. Ang mga Evangelicals naman ay naniniwala na ang Dios ang nagsalita sa buong aklat ng Isaias sa pamamagitan ng kanyang propeta. Ipinapakita ng chart na ito ang argumento ng mga kritikong iskolar at ang tugon ng isang ebangheliko.
Usapin
Paniniwala ng mga Liberal na Kritiko
Paniniwala ng mga Ebangheliko.
Naglingkod si Isaias mula 740-680 B.C. Tinukoy niya ang pagbabalik mula sa pagkakatapon, na nagsimula noong 538 B.C. Binanggit niya ang pangalan ni Ciro sa 44:28 at 45:1.
Dahil si Cyrus ay nabuhay 100 taon matapos mamatay ang propetang si Isaias, hindi maaaring hulaan ng propeta ang isang maghahari sa hinaharap.
Inihayag ng Dios ang hinaharap kay Isaias – kabilang ang pangalan ni Cyrus/Ciro, ang hinaharap na pinuno ng Persia.
Ang Isaias 1–39 ay pangunahing tungkol sa Asiria at sa paghatol. Ang Isaias 40-66 ay pangunahing tungkol sa Babilonia at sa kaligtasan.
Ang isang manunulat ay hindi maaaring magkaroon ng gayun kalaking paghahambing sa kanyang mga sinusulat. Tinatayang ang Isaias 40-66 ay isinulat ng ibang manunulat.
Nagsalita si Isaias kapwa sa kanyang mga tagapakinig noon (paghatol sa kasalanan) at mambabasa sa hinaharap (pagpapanumbalik para sa matapat). Ito ang dahilan sa malaking pagkakaiba.
Ang ilang lengguwahe na ginamit sa Isaias 40-66 (lalo na ang lengguwahe ng “kaaliwan”) ay hindi ginamit sa Isaias 1-39.
Ang pagkakaiba sa lengguwahe ay nagpapahiwatig ng ibang manunulat.
Ang magkakaibang paksa ng 1-39 at 40-66 ay nangangailangan ng magkaibang lengguwahe. Gayunman, parehong ginamitan ng mga salita tulad ng “ang Banal ng Israel” ang dalawang parte ng aklat.
Mga Dahilan upang tanggapin si Isaias bilang may-akda ng buong aklat
Pinangalanan ng Isaias 1:1 si Isaias, anak ni Amoz, bilang may-akda.
Ang lahat ng unang Hebreong kopya ng Isaias ay nagpapakita na ang aklat ay isang buong aklat. Walang katibayan na ang Isaias 1–39 at 40–66 kailanman ay itinuring bilang dalawang magkahiwalay na mga aklat.
Mayroong dalawampung mga pagbanggit sa Isaias sa Bagong Tipan. Ang mga pagtukoy na ito ay nagmula sa dalawang mga seksyon ng Isaias at itinuturing si Isaias bilang may-akda ng buong aklat.
Ang Pangungusap ng aklat ng Isaias sa Panahon Ngayon
Ang mensahe ni Isaias ay napapanahon kapwa sa kanyang panahon at sa ating panahon. Sa isang bansang nahaharap sa pagpili sa pagsunod sa Israel sa pagtalikod o pananatiling tapat sa Dios, binanggit ni Isaias ang paghatol na darating sa mga hindi tapat sa Dios. Nagbigay siya ng babala sa Juda at iba pang bansa na ang Banal na Dios ng Israel ay hindi maaaring balewalain ang kasalanan. Sa panahon natin na ang kultura ay umaayon sa sanlibutan, dapat nating alalahanin na hinahatulan ng Dios ang kasalanan.
Sa isang bansa na malapit nang maharap sa pagpapatapon sa Babilonia, binanggit ni Isaias ang pagpapala ng Dios sa natirang bahagi na nananatiling tapat sa Dios. Sa harap ng mga banta ngayon sa mga Kristiyano, dapat nating alalahanin na pinaparangalan ng Dios ang mga nananatiling tapat. Ipinangako niya na papakinggan at panunumbalikin ang mga nagsisisi. Malakas na nagsasalita si Isaias sa mga pangangailangan ng ika-21 na siglo.
Konklusyon: Ang aklat ng Isaias sa Bagong Tipan
Ang Isaias ay isa sa mga aklat ng Lumang Tipan na madalas na binabanggit na talata sa Bagong Tipan. Kasama sa mga tema mula sa Isaias na ginamit sa Bagong Tipan:
Si Juan Bautista bilang tinig na sumisigaw sa ilang (Isa. 40:3; Mat. 3:3)
Ang kapanganakan ni Jesus mula sa isang birhen (Isa. 7:14; Mat. 1:23)
Ang paggamit ni Jesus ng mga talinghaga (Isa. 6:9-10; Mat. 13:13-15)
Ang ministeyo ni Jesus sa mga Hentil (Isa. 9:1-2 at 61:1-3; Mat. 4:13-16 at Luc. 4:14-21)
Ang pagbabalik-loob ng mga bansa (Isa. 11:10 at 65:1; Rom. 15:12 at 10:20)
Sa buong ministeryo ni Jesus, nakita ng mga manunulat ng ebanghelyo si Jesus bilang katuparan ng mga propesiya ni Isaias. Ang mga ipinangako ng Dios na panunumbalikin at tutubusin niya ang kanyang mga mamamayan ay natupad ng bahagya sa pagbalik mula sa Babilonia; ang mga pangako ay mas lubusang naisakatuparan sa ginawang pagtubos ni Jesus ng Nazaret. Ang panghuli at pangwakas na katuparan ay makikita kapag ang pamilya ng Dios ay muling magkakasama-sama sa pagsamba sa paligid ng trono ng Dios.
Mga Takdang Aralin sa Leksiyon
Ipakita ang iyong pagkakaunawa sa leksiyong ito sa mga sumusunod na takdang aralin:
(1) Pumili ng isa sa mga sumusunod na takdang aralin:
Option 1: Takdang Araling Pang Grupo
Talakayin ang paglalarawan kay Jesus sa Isaias 53. Ipakita kung paano tinupad ni Jesus ang mga propesiyang ito. Sumulat ng isang maikling buod ng talakayan ng inyong grupo.
Option 2: Takdang Araling Pang Indibidwal.
Habang binabasa mo ang aklat ng Isaias, gumawa ng isang listahan ng mga propesiya tungkol sa pagdating ng Mesiyas. Ilista ang mga talata ng Banal na Kasulatan sa Isaias na naglalaman ng isang propesiya patungkol sa Mesiyas. Pagkatapos ay ilista ang mga talata sa Bagong Tipan na nagpapakita ng katuparan ng propesiya.
(2) Kumuha ng pagsusulit sa leksiyong ito. Kabilang sa pagsusulit ang mga talata ng Banal na Kasulatang nakatakdang isa-ulo.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Leksiyon 9
(1) Ang talata ________________________ ay nagpapakita na ang mga propeta ay nagdadala ng Salita ng Dios, hindi ang kanilang sariling mensahe.
(2) Ang paggamit ng pangalang ________ upang ilarawan ang mga propeta ay nagpapakita na inihayag ng Dios ang mga katotohanan sa hinaharap sa kanyang mga propeta.
(3) Ilista ang tatlong tema na lumitaw sa buong propetikong aklat.
(4) Ang araw ng Panginoon ay may kasamang tatlong aspeto. Ano-ano ang mga ito?
(5) Naglingkod si Isaias sa panahon ng paghahari ng sinong apat na hari ng Juda?
(6) Ilista ang dalawang layunin para sa aklat ng Isaias.
(7) Sino ang natira ayon sa aklat ni Isaias?
(8) Anong ginamit na pangalan ng Dios sa Isaias upang maipakita ang kabanalan ng Dios at ang soberenya ng Dios?
(9) Ilista ang tatlong mga kadahilanan upang tanggapin si Isaias bilang may-akda ng buong aklat ng Isaias.
(10) Maglista ng dalawang mga larawan mula kay Isaias na ginamit sa Bagong Tipan.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.