Ang huling tatlong aklat ng kasaysayan ay mula sa mga taong sumunod pagkatapos ng taong ipag-utos ni Cyrus na payagan ang mga Hudio na makabalik sa Jerusalem.[1] Binabakas nito ang pagbabalik sa Jerusalem mula sa pagkakatapon, ang muling pagtatayo ng templo at ng pader ng Jerusalem, at ang mga hirap na kakaharapin sa muling pagtatayo ng lungsod ng mga bumalik mula sa pagkakatapon. Ang mga aklat na ito ay importante sa kasaysayan ayon sa tipan sa dalawang kadahilanan.
Ang Ezra at Nehemias ay napapakita ng mga pagsubok na kakaharapin ng mga mamamayan ng Dios sa pagpapanatili ng kanilang espirituwal at pambansang pagkakakilanlan. Ang muling pagtatayo ng templo at ang pagpapanumbalik sa Ezra ay ang nagpanumbalik ng espirituwal na pagkakakilanlan ng Israel. Ang muling pagtatayo ni Nehemias ng pader ay isang importanteng hakbang sa pagpapanumbalik ng pagkakakilanlan ng bansang Israel.
Ang mga aklat na ito ay nagpapakita ng pangangalaga mula sa Dios para sa kanyang mga mamamayan sa mga taong sumunod sa pagkakatapon. Ang aklat ng Ezra at Nehemias ay nagpapakita ng malasakit ng Dios para sa mga nagsibalik. Ang aklat ng Esther ay nagpapakita ng malasakit ng Dios para sa mga nananatili pa rin sa Persia.
Timeline ng mga Pangyayari sa Aklat ng Pagpapanumbalik
Petsa
Pangyayari
538 B.C.
Unang pagbalik – pinangunahan ni Zerubbabel (Ezra 1-4)
516 B.C.
Natapos ang Templo (Ezra 5-6)
483-473 B.C.
Kinaawaan ng Dios ang mga Judio sa Persia (Ester)
458 B.C.
Pangalawang pagbabalik – pinangunahan ni Ezra (Ezra 7-12)
444 B.C.
Itinayo muli ni Nehemias ang pader ng Jerusalem
Pagkakaisa ni Ezra-Nehemias
Sa Hebreong Biblia, ang Ezra at Nehemias ay isang aklat lamang. Hindi sila magkahiwalay sa mga Kristiyanong Biblia hanggang sa ika-apatnapung siglo. Ang mga aklat na ito ay maraming pagkakapareho:
Pareho sila ng mga Kalagayang Pangkasaysayan/historical setting.
Parehong kaugnay sa pagbalik sa Jerusalem sa ilalim ni Artaxerxes I ng Persia.
Parehong kinapapalooban ng mga talaan ng mga mamamayang Judio.
Ang Nehemias 7-12 ay buod ng mga pagpapanumbalik sa Ezra at Nehemias.
Mga Pinuno sa Persya sa Panahon ng Pagpapanumbalik
Binabakas ng aklat ng Ezra ang dalawang pagkakataon ng pagbabalik. Ipinapakita nito ang muling pagtatayo ng templo at mga kinaharap na pagsubok ng mga nagbalik.
Ayon sa tradisyon, si Ezra ang kinikilala bilang may-akda ng Ezra-Nehemias, gayundin ang posibilidad na siya ang may-akda ng 1 & 2 Cronica. Ang pag-uulit ng pagpapatupad ng kautusan ni Ciro sa pagtatapos ng 2 Cronica at sa simula ng Ezra ay nagpapakita ng pagkakaisa ng mga aklat na ito.
Si Ezra ay isang Levita, mula sa angkan ni Aaron.[1] Naglingkod siya sa kanyang kapwa Judio sa bilangguan at pinangunahan ang isang grupo pabalik sa Jerusalem noong 458 B.C. Naglilingkod siya bilang pinunong pang-espirituwal nang bumalik si Nehemias noong 444 B.C. Magkasama silang dalawa sa pangunguna sa isang espirituwal, etikal at moral na pagbabalik-loob. Si Ezra ay partikular na importante sa pangunguna sa mga tao pabalik sa Salita ng Dios.
Istraktura ng Ezra
Pagbabalik ni Zerubbabel (1–6)
Ang Pagbabalik (1–2)
Pagkatapos masakop ang Babilonia, ibinigay ni Ciro ang permiso sa mga Judio na bumalik na sa Jerusalem. Sa usapin ng kasaysayan, umaakma ito sa polisiya ng mga pinuno ng Persya. Hinahayaan ng mga pinuno ng Persiya na manatili sa kanilang bayan ang mga bansang natalo nila. Kumilos ang Dios sa pamamagitan ng isang paganong pinuno upang matupad ang kanyang dakilang plano para sa kanyang mamamayan. Ang kaparehong paraan na ito ay makikita sa Bagong Tipan nang kumilos ang Dios sa pamamagitan ni Caesar Augustus upang dalhin sina Jose at Maria sa Bethlehem upang maipanganak ang Mesiyas sa bayan ni David.
Polisiya ng mga Emperyo Para sa Mga Nasakop Na Bansa
Asiria
Winasak ang pagkakakilanlan ng mga nalupig na bansa sa pamamagitan ng pakikihalubilo ng mga bihag mula sa ibat-ibang lugar
Winasak ang Hilagang Kaharin ng Israel
Babilonia
Dinadala ang mga nalupig na mga bansa sa Babilonia, ngunit pinapayagan silang panatilihin ang kanilang pagkakakilanlan habang sila ay bihag
Nasakop ang Juda
Persia
Pinapayagan nilang manatili ang mga nalupig na bansa sa kanilang sariling bayan
Pinayagan ang Juda na makabalik sa Jerusalem
Ang aklat ng Ezra ay nagsimula sa pagbabalik sa ilalim ni Zerubbabel, kabilang ang sensus ng 49,697 ng mga nagbalik. Si Zerubbabel, isang miyembro ng angkan ni David, ay nalagay sa posisyon ng pamamahala dahil sa mga Persyano at naging simbolo ng pag-asa para sa mga nagbabalik mula sa pagkakatapon.
Ang Gawain: muling Pagtatayo ng Templo (3–6)
Pagdating sa Jerusalem nag-umpisa nang magtrabaho ang mga tao sa templo (536 B.C.; Ezra 3). Itinatag nilang muli ang pagsamba at naglatag ng mga pundasyon para sa templo. Gayunpaman, ang mga Samaritanong naninirahan malapit sa Jerusalem ay tumututol sa muling pagtatayo at nagawa nga nilang ipahinto ang gawain (Ezra 4).[2]
May puwang na halos 15 taon sa pagitan ng Ezra 4 at 5. Ang Ezra 4 ay nagtapos sa halos 534 B.C. noong ang oposisyon mula sa mga Samaritano ay nagpatigil sa gawain sa templo. Ang Ezra 5 ay nagsimula sa pagpapatuloy ng gawain noong 520 B.C. at sa pagbibigay pag-asa ng mga “propeta sa templo” na sina Ageo at Zacarias. Natapos ang templo noong 516 B.C.; ang Ezra 6 ay tala ng pagdiriwang sa pag-aalay ng templo.
Pagbabalik ni Ezra (7-10)
Ang Pagbabalik (7-8)
Walong taon pagkatapos ng pagbalik ni Zerubbabel, pinangunahan ni Ezra ang 1,758 na katao pabalik sa Jerusalem. “itinalaga ni Ezra ang kanyang puso sa pag-aaral ng Kautusan ng PANGINOON, at pagtupad at pagtuturo ng mga tuntunin at mga utos sa Israel.”[3] Pinangunahan niya ang espirituwal na pagpapanumbalik ng bayan ng Dios.
Ang Gawain: Mga Reporma sa Lipunan (9-10)
Ang hamon sa unang grupo ng mga babalik ay ang pagtatayo muli ng templo. Ibang pagsubok naman ang kinaharap ni Ezra: Ang pag-aasawa sa pagitan ng mga Judio at sa mga kalapit bayan nila. Hindi ito usapin tungkol sa pag-aasawa ng ibang lahi; ito ay usaping pang relihiyon. Sa Mga Hukom at sa buhay ni Solomon, nakita natin kung paanong ang pag-aasawa ng hindi mananampalataya ay madaling nagdala sa mga Israelita sa pagtalikod sa kanilang pananampalataya. Sa dalawang kadahilanan, ito ay parikular na naging problema sa pagpapanumbalik ng komunidad:
Ang Jerusalem ay napapaligiran ng mga hindi-mananampalataya. Ang pagsamba sa ibang mga dios ay palagiang tukso.
Ang Persia ay isang syncretistic empire.[4] Ang pilosopiya kung bakit naging madali para kay Ciro na payagang bumalik ang mga Hudio sa kanilang lupain, at sa parehong pagkakataon, ito rin ang pilosopiya kung bakit naging madali ang pagtanggap sa ibat-ibang paniniwalang pangrelihiyon. Ang mga Persyano ay hindi nakatalaga/committed sa alinmang sistemang pang-relihiyon. Sa halip, pinaghahalo-halo ng mga Pesyano ang ibat-ibang mga paniniwala. Sa ganitong kapaligiran, madaling isinusuko ng mga Hudio ang kanilang pagkakakilanlan bilang mga mamamayan ng Dios.
Dahil dito, mabilis na hinarap ni Ezra ang usapin tungkol sa pag-aasawa ng ibang lahi. Ang kanyang panalangin ng pangungumpisal ay nagpapakita ng kaseryosohan ng bigat ng usaping ito at humimok sa mga tao na naising harapin ang problema. Natapos ang aklat sa Ezra 10, sa plano ni Ezra na buwagin ang pag-aasawa ng ibang lahi.
[2]Hindi tinunton ni Ezra ang lahat ng bagay ayon sa pagkakasunod-sunod sa panahon. Ang Ezra 4:6-23 ay lumilipat mula sa panahon ni Ciro tungo sa pagtutol ng mga Samaritano sa loob ng limampung taon pagkalipas noon sa ilalim ni Asuero. Ang buong kabanata ay pinag-isa ng tema ng pagtutol ng mga Samaritano sa muling pagtatayo ng templo. Ipinapakita nito na ang pagtutol ay higit pa sa isang pansamantalang di-pagkakasundo. Ang istruktura ng Ezra 4 ay:
Ezra 4:1-5 – pagtutol sa muling pagtatayo ng templo sa ilalim ni Ciro (536 B.C.)
Ezra 4:6-23 – pagtutol sa mulng pagtatayo ng pader sa mas matagal na panahon (marahil pagkatapos ng pagbalik ni Ezra noong 458 B.C.)
Ezra 4:24 – pagtutol sa muling pagtatayo ng templo sa ilalim ni Ciro (536 B.C).
[4]Ang Syncretism ay ang paghahalu-halo ng iba’t-ibang paniniwalang panrelihiyon sa isang pangkalahatang sistema.
Nehemias
Tema: Muling Pagtatayo ng Pader
Petsa: 445 – c.432 B.C.
Katulad ni Daniel, si Nehemias ay isa ring Judio na ipinatapon na nagkaroon ng mataas na posisyon sa Imperyo ng Persya. Ang tagapagdala ng kopa ay posisyon na pinagkakatiwalaan. Dahil sa mga masasamang balak sa hari, responsibilidad ng tagapagdala ng kopa na bantayan ito mula sa mga lason. Dagdag pa rito, dahil lagi siyang nakakalapit sa hari, ang tagapagdala ng kopa ay madalas na may malaking impluwensya sa mga pulitikal na mga desisyon.
Noong 445 B.C., bumalik si Nehemias sa Jerusalem at ginugol ang sumunod na dalawampung taon niya sa Jerusalem. Si Ezra ay isang Levita na nanguna sa muling pagpapanumbalik na espirituwal; si Nehemias ay lider ng bayan na nanguna sa muling pagtatayo ng pader ng bayan. Pareho silang tapat sa Dios at sa mamamayan ng Dios. Ang propetikong ministeryo ni Malakias ay maaaring nakasabay sa mga taon ni Nehemias sa Jerusalem; ang aklat ng Malakias ay tumutukoy sa parehong kasamaang tinutukoy sa huling bahagi ng Nehemias.
► Basahin ang panalangin ni Nehemias sa 1:4-11; 4:4-5; at 13:29. Talakayin ang kahalagahan ng pananalangin sa kanyang ministeryo at ang ginampanan ng panalangin sa inyong ministeryo. Mahalaga ba ang panalangin sa inyong ministeryo katulad ng sa ministeryo ni Nehemias?
Istraktura ng Nehemias
Muling Pagtatayo ng Pader (1-6)
Naitala sa Ezra ang muling pagtatayo ng templo, proyektong natapos noong 516 B.C. Gayunpaman, dahil sa mga oposisyong nakatala sa Ezra 4, ang pader ay hindi natapos. Bilang resulta, ang bayan ay palaging nanganganib mula sa kanilang mga kaaway.
Si Nehemias ang nag-organisa sa proyekto ng muling pagtatayo, ang paghihikayat sa mga tao na gumawa, humarap sa mga oposisyon, at tapusin ang mga gawain sa nakamamanghang limamput dalawang araw. Ang aklat ng Nehemias ay nagbigay ng mahalagang aklat-batayan patungkol sa pamumuno ayon sa Biblia.
Ang panalangin ay importanteng bahagi ng ministeryo ni Nehemias. Paulit-ulit, sa aklat ng Nehemias ay naitala ang kanyang mga panalangin sa panahon ng krisis. Nang marinig ni Nehemias ang balita tungkol sa kalagayan ng Jerusalem, siya ay “umupo at umiyak, at ilang araw na nagdalamhati, nag-ayuno, at nanalangin sa presensya ng Dios ng kalangitan.”[1] Bago niya dalhin ang kanyang kahilingan sa hari, “nanalangin si Nehemias sa Dios ng kalangitan.”[2] Nang tinutulan ni Sanbalat at ng kanyang mga kasamahan ang pagtatayong muli ng pader, nanalangin si Nehemias para sa proteksyon ng Panginoon.[3] Sa panahon ng kagipitan, paulit-ulit na bumabalik si Nehemias sa panalangin.
Pagpapanumbalik sa mga Tao (7-13)
Ang ikalawang kalahati ng Nehemias ay nakatuon sa mga pagbabago sa espirituwal na pinangunahan ni Ezra at Nehemias. Ang listahan ng mga nakabalik mula sa pagkatapon ay akma sa sensus sa Ezra 2. Katulad ng talaan ng angkan sa Cronica, ang mga listahan ng mga bumalik mula sa pagkakatapon sa Ezra at Nehemias ay nagpapakita ng proteksyon ng Dios sa kanyang mamamayan.
Ang huling bahagi ng Nehemias ay nakatuon sa mga pagbabagong espirituwal. Ang Nehemias 1-6 ay nagpapakita ng muling pagtatayo sa pisikal na pader sa paligid ng lunsod; sa Nehemias 7-13 ipinapakita ang muling pagtatayo ng espirituwal na pader sa paligid ng mamamayan ng Dios. Ang kasaysayan ng Jerusalem ay nagpapakita na ang pisikal na pader ay walang depensa kapag ang mamamayan ng Dios ay hindi tapat sa kautusan ng Dios.
Ang Nehemias 8-10 ay pagbabalik-tanaw sa ministeryo ni Ezra. Katulad ng iniutos ni Moises, ang kautusan ay binasa sa mga tao sa isang seremonya ng pagpapanibago ng Tipan.[4] Inamin ng mga tao ang kanilang kasalanan sa bayan at sumumpa ng katapatan sa Tipan. Ang Nehemias 11 at 12 ay nagbigay ng isa pang sensus na sinundan ng pag-aalay ng pader.
Sa ilang panahon, may mga pagkakataon na bumabalik si Nehemias sa Susa. Nang bumalik siya sa Jerusalem, natuklasan niyang nilalapastangan ng mga tao ang Sabbath, isang usaping tinalakay din ni Malakias sa halos parehong panahon. Ilan pang karagdagan, may ilang mga nakapag-asawa ng mga babaeng mula sa mga nakapaligid (hindi-mananampalataya) na bayan, ang usaping ito ay tinalakay ni Ezra ng dalawang dekadang mas maaga. Sa Nehemias 13 nakatala kung paano inasikaso ni Nehemias ang mga problemang ito.
Mas Malapit na Pagtanaw sa Espirituwal ng Pangunguna
Maraming mga aklat tungkol sa pangungunang espirituwal ang nakabatay sa mga prinsipyong itinuro sa Nehemias.[1] Kabilang sa mga leksiyon tungkol sa pangunguna mula sa Nehemias ang:
(1) Ang mga tagapangunang espirituwal ay dapat mga taong may pangitain.
Si Nehemias ay may kakayahang makita ang isang layunin at makita ang mga hakbang na kinakailangan upang matupad ang layunin. Pagkatapos niyang mag-ikot sa Jerusalem sa gabi, sinabi niya sa mga tagapanguna, “Tayo na, at ating itayo ang pader ng Jerusalem.”[2] Kung saan nakita ng iba ay mga guho lamang, ang nakita ni Nehemias ay pader.
Hinahanap ng isang tagapangunang espirituwal ang pangitain ng Dios. Mahalaga ang pagbibigay-diin ni Nehemias sa panalangin, dahil nagpapakita ito na hinahanap niya ang plano ng Dios. Kapag wala ang nagpapatuloy na pag-asa sa Dios, maaaring ipalit ni Nehemias ang kanyang sariling pangitain. Dapat makita ng isang tagapangunang espirituwal ang pangitain ng Dios para sa samahang kanyang pangungunahan.
Sa kabuuan ng aklat, ipinakikita ni Nehemias ang kanyang kakayahan na ipahayag/ipaalam ang kanyang pangitain sa iba. Sa isa sa mga pinakamadilim na araw sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, WWII, pumasok si Winston Churchill sa Cabinet Room at sinabi, “Mga Kalalakihan, natagpuan ko itong tunay na nakaka-inspire”. Nalalaman ni Churchill kung paano ipapahayag ang kanyang pangitain sa kanyang mga tagasunod at upang hikayatin sila na magpatuloy sa pagsulong. Nalalaman ng mga dakilang tagapanguna kung paano hahamunin ang kanyang mga tagasunod upang magsumikap sa panahon ng kahirapan.
(2) Ang isang Espiritwal na tagapanguna ay dapat magplano ng maingat.
Ang isang tagapanguna na may pangitain subali’t nabigong magplano ng maingat ay bihirang natutupad ang kanyang pangitain. Si Nehemias ay dalubhasa sa pagplaplano. Nang tanungin siya ng hari tungkol sa kanyang kahilingan, nagbigay si Nehemias ng ispesipikong kahilingan: panahong malayo sa kanyang mga gawain sa palasyo, mga materyales para sa mga pader, sulat para sa pinahintulutang paglalakbay.[3] Hindi lang simpleng sinabi ni Nehemias, “Ito ay gawain ng Dios, kaya ang Dios na ang bahala sa ibang mga detalye.”
Maingat na pinlano ni Nehemias ang bawat hakbang ng proyekto, ang paghahati-hati ng mga trabaho sa mga tao. Nagtalaga siya ng mga manggagawa sa mga gawain na mas magiging makabuluhan para sa kanila, isang importanteng istratehiya upang maingganya sila.[4] Hinahanap ng isang espiritwal na tagapanguna ang layunin ng Dios, at hinahanap ang patnubay ng Dios sa pagpaplano ng proyekto.
(3) Ang Espiritwal na tagapanguna ay dapat isang taong matapang.
Nang mag-umpisa ang Israel sa pagtatayo, nag-umpisa ding magkaroon ng mga taong sumasalungat sa proyekto. Pinagtawanan ni Sanbalat at Tobias ang proyekto; at hindi nagtagal ay gumawa sila ng pagbabanta laban kay Nehemias. Nagbalak silang imbitahin si Nehemias sa isang pagpupulong kung saan pwede nila siyang saktan. Ang tugon ni Nehemias ay isang kahanga-hangang halimbawa ng isang pinunong may abilidad na magtuon sa kanyang layunin sa harap ng mga pagtutol/kumakalaban: “Mahalaga ang ginagawa ko ngayon, at hindi ako makakapunta riyan. Bakit ko ititigil ang paggawa para lang pumunta riyan?.”[5] Tumanggi ni Nehemias na mahadlanggan sa paggawa. Kahit na ang kanyang buhay ay nasa bingit ng kapahamakan, ipinagpatuloy niya ang pangitaing ibinigay sa kanya ng Dios. Ang isang espiritwal na tagapanguna ay dapat isang taong matapang.
(4) Ang Espiritwal na tagapanguna ay mayroong espiritu ng paglilingkod, at hindi espiritu ng “karapatan ko iyan”.
Sa panahon na ang mga tagapanguna ay madalas gumagamit ng kanilang mga posisyon upang isulong ang pansariling kapakanan, ang halimbawa ni Nehemias ay makapangyarihan. Ginagamit ng ilan sa mga namumuno sa Jerusalem ang kanilang pusisyon para sa pansariling kapakinabangan. Sinabi ni Nehemias, “Ngunit hindi ko ito ginawa, dahil may takot ako sa Dios. Sa halip, ginawa ko ang lahat para maitayong muli ang pader sa tulong ng mga tauhan ko, at wala kaming inangkin na lupa.”[6] Ginagamit ng isang espiritwal na tagapanguna ang kanyang posisyon para sa ikakabuti ng mga taong pinaglilingkuran niya, hindi para sa sarili niyang pag-unlad.
Si Robert Morrison, isang tanyag na misyonero sa China, ay sumulat: “Ang pinakamalaking kamalian sa ating mga misyon ay walang gustong pumangalawa.”[7] Ang isang espiritwal na tagapanguna ay naghahanap ng pagkakataon upang maglingkod, hindi para ssa sariling-pagpapaunlad/pag-angat. Ginagamit nila ang kanilang mga posisyon para sa ikakabuti ng mga taong pinangungunahan nila.
(5) Alam ng Espiritwal na tagapanguna ang kahalagahan ng pananalangin.
Pangunahin ang pananalangin sa pamumuno ni Nehemias. Wala siyang ginagawang malaking hakbang nang hindi niya ipinapanalangin. Sa Josue, nakita natin ang resulta ng makipagkasundo si Josue sa Gibeon bago lumapit sa Dios para sa kanyang patnubay.[8] Iniwasan ni Nehemias ang pagkakamaling iyon; ang bawat desisyon niya ay ginagawa niya pagkatapos ng kanyang pananalangin.
Ang Ebanghelyo ni Lucas ay nagbibigay ng makapangyarihang ilustrasyon sa kahalagahan ng pananalangin para sa mga espiritwal na tagapanguna. “Nang panahong iyon, pumunta siya (Jesus) sa bundok upang manalangin at magdamag siyang nanalangin sa Dios. Kinaumagahan, tinawag niya ang mga tagasunod niya: at pumili siya ng 12 mula sa kanila, at tinawag niyang mga apostol.”[9] Bago niya piliin ang labingdalawa, ginugol ni Jesus ang magdamag sa pananalangin. Kung nakita ng anak ng Dios ang kahalagahan ng pananalangin bago gumawa ng malaking desisyon, gaano pa tayo na dapat manalangin bago magdesisyon bilang mga tagapanguna!
(6) Ang isang Espirituwal na tagapanguna ay dapat makibagay sa pangangailangan ng bawat sitwasyon.
Ang isang magiting na tagapanguna sa digmaan ay maaaring maging nakapamiminsalang lider sa panahon ng katahimikan. Ang isang pastor na nangunguna sa isang bagong iglesya ay maaaring mahirapang manguna sa isang mas matagal nang iglesya. Ang bawat organisasyon ay nangangailangan ng ibang klaseng pangunguna sa ibat-ibang mga yugto ng kanilang paglago.
Si Nehemias ay nagpakita ng pagiging modelo para sa mga tagapanguna na humaharap sa mga pagsubok. Ang isang espiritwal na tagapanguna ay kailangang magkaroon ng mabuting pagpapasya upang makasabay sa pangangailangan ng bawat sitwasyon. “Ang isang epektibong tagapanguna ay nagunguna ayon sa kung ano ang idinidikta ng sitwasyon. Ang isang tao na nangunguna sa isang sitwasyon ay maaaring hindi magamit ang parehong paraaan sa pangunguna sa iba.”[10]
Bilang tagapagdala ng kopa, si Nehemias ay nasa posisyong maimpluwensya. Doon, ang kanyang impluwensya ay base sa kanyang abilidad na makinig at magpayo sa hari. Ang hari naman ay laging nirerespeto ang kanyang mga mungkahi; sa gayun, hindi sana niya tinanggap ang mga utos ni Nehemias.
Sa pagtatayong muli ng pader ng Jerusalem, gumamit si Nehemias ng ibang pamamaraan. Dito, Ang kanyang pangunguna ay base sa kanyang abilidad na magtatag at magbigay inspirasyon. Hindi siya pwedeng magbigay ng tahimik na mungkahi; kailangan nyang mag-utos at palakasin ang loob ng mga nanghihinang loob na mamamayan ng Jerusalem.
Pagkatapos, si Nehemias ay naglingkod bilang gobernador (Neh. 7-13). Ang mga tao ay sumira sa tipan at kailangang manguna ni Nehemias base sa otoridad at paninindigan. Makikita natin ito sa Nehemias 13; “Ako ay nag-utos”; “Ako ay nakipagtalo sa mga tagapanguna”; “Itinakda ko sila sa kanilang tamang lugar.” Ito ay ibang paraan ng pangunguna iba kaysa sa pagdadala ng kopa o sa pagiging manggagawa. Ang Espiritwal na tagapanguna ay dapat may tamang pagpapasya upang malaman kung paano pangungunahan ang organisasyon sa bawat sitwasyon.
Bilang pinuno ng iglesya o lider ng isang ministeryo, makikinabang ka sa maingat na pag-aaral ng Nehemias at sa kanyang paraan ng pangunguna. Si Nehemias ay isang modelo ng tunay na Espirituwal na tagapanguna.
[1]Para sa karagdagang pag-aaral tungkol kay Nehemias at sa pangunguna, makatutulong ang mga sumusunod na aklat.
Gene Getz. Nehemias: Becoming a Disciplined Leader.
J.I. Packer. A Passion for Faithfulness: Wisdom from the Book of Nehemias.
David McKenna. Becoming Nehemias: Leading with Significance.
J. Oswald Sanders. Spiritual Leadership.
[4]Halimbawa, ang mga saserdote ay nagtatrabaho sa Pintuan ng mga Tupa, ang tarangkahan pinakamalapit sa templo (3:1). Nagkumpuni si Jedaya malapit sa kanyang bahay (3:10). Nagbigay si Nehemias ng mga takdang gawain na mahalaga sa mga manggagawa; ito ang nagbigay sa kanila ng pagmamay-ari sa kanilang mga trabaho.
► Ang aklat ng Ester ay nagpapakita ng “kalooban/providence” ng Dios para protektahan ang kanyang mga mamamayan. Maaari bang magbigay ka ng isang halimbawa ng kalooban ng Dios sa iyong buhay o sa buhay ng inyong iglesya?
Ang mga pangyayari sa aklat ng Ester ay nangyari sa pagitan ng Ezra 6 at 7. Habang pinoprotektahan ng Dios ang kanyang mga mamamayan sa Jerusalem, patuloy pa rin niyang pinoprotektahan ang kanyang mga mamamayan na nasa Persia. Kahit sa Jerusalem o sa Persia, kontrolado ng Dios ang lahat.
Ang may-akda ng Ester ay hindi kilala. May mga nagmungkahing ang may akda ay si Mardoqueo, ngunit ang aklat ng Ester mismo ay walang tinutukoy kung sino ang may-akda.
Ang mga pangyayari sa Ester marahil ay nangyari humigit-kumulang 483-473 B.C. habang naghahari si Asuero.[1] Nangyari ito sa Susa, punong-lunsod ng Persia.
Katulad ng aklat ng Ruth, ang aklat ng Ester ay maiksing kwento tungkol sa isang dalagang naging modelo ng katapatan habang humaharap sa panganib. Si Ruth ay isang Moabita na tapat kay Jehovah habang naninirahan sa Israel; Si Ester ay isang Judio na tapat kay Jehovah habang naninirahan sa Persia. Ang katapatan ni Ruth ang nagbigay sa kanya ng lugar sa salin-lahi ng Mesiyas; ang katapatan ni Ester ang nagligtas sa mga mamamayan ng Dios mula sa pagkalipol.
Mga Nilalaman ng Ester
May mga manunulat na tinanong ang kahalagahan ng aklat ng Ester. Nakikita nila ito bilang isang sekyular na aklat na nakaugnay sa isang sekyular na aklat ng pista ng mga Judio, ang Purim.[2] Sa aklat ng Ester ay hindi nabanggit ang Dios, pananalangin, at ang tipan. Hindi nabanggit ang aklat na ito sa Bagong Tipan, ni hindi natagpuan ang aklat na ito na kasama ng mga Balumbon na nakita sa Dagat na Patay/Dead Sea Scrolls. Gayunpaman, ang aklat na ito ay mahusay sa pampalakas ng loob ng mga mananampalataya. Ang Ester ay nagpapakita ng makapangyarihang mensahe ng pag-asa sa mga mamamayan ng Dios. Ang aklat ng Ester ay nagtuturo ng:
Ang Soberenya ng Dios
Kahit hindi nabanggit ang pangalan ng Dios, siya ang “hindi pinangalanang sentrong karakter” sa aklat ng Ester. Ang mga bagay na maaaring tawagin bilang pagkakataon o coincidence sa katunayan ay “providence” o kalooban ng Dios, ang kumikilos na kamay ng Dios. Pansinin ang ilan sa mga “pagkakataon” sa kuwentong ito:
Sa lahat ng babae sa kaharian, si Ester, isang Judio, “nagkataon na” mapili bilang reyna.[3]
Si Mardoqueo “nagkataon na” ay mapunta sa tamang lugar at tamang oras upang marinig ang planong pagpatay kay Haring Asuero. Sinabi ni Mardoqueo kay Ester ang pagbabanta, na siya namang nagsabi sa hari.[4]
Si Asuero “nagkataon na” dumaranas ng hirap sa pagtulog noong gabi bago ang plano ni Esther na sabihin ang planong masama ni Haman sa hari.[5]
Sa dami ng mga talaan na maaaring basahin na maaaring makatulong para makatulog si Asuero, ang mambabasa “nagkataon na” nabuksan ang talaan ng paglilingkod ni Mardoqueo sa hari.[6]
Si Haman “nagkataon na” papasok sa silid ng hari habang iniisip ni Asuero kung paano niya gagantimpalaan si Mardoqueo.[7]
Katulad ng pagdadala kay Ruth ng makapangyarihang Dios sa bukid ni Boaz, prinoprotektahan ng makapangyarihang Dios ang kanyang mga mamamayan sa Persia. Nakita ni Mardoqueo ang pag-iingat at pagkilos ng Dios: “Anong malay mo, baka nga napunta ka riyan para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon?”[8]
Ang kahalagahan ng Katapatan
Sa buong aklat ng Ester, ang katapatan ng mga lingkod ng Dios ay pinagtuunan ng pansin. Ang istorya ng Ester ay kinapapalooban ng maraming pagkakahawig sa kwento ni Jose. Pareho na nagtatampok ng mga kabataan na naging tapat kahit nasa dayuhang bayan. Parehong mga karakter ay inilagay sa posisyong maimpluwensya sa gobyerno. Parehong karakter ay ginamit ng Dios upang mapangalagaan ang kanyang mga mamamayan sa panahon ng kapahamakan.
Ang katapatan ni Ester ay makikita sa kabuuan ng kwento. Ang kanyang pahayag na, “kung mamamatay ako, mamamatay ako,” ay isang pangako ng katapatan na ipagpatuloy ang kanyang responsibilidad kahit ano pa man ang maging kapalit.
Ang aklat ng Ester ay nagpapakita ng katapatan ni Mardoqueo. Katulad nina Jose, at Daniel, si Mardoqueo ay itinaas sa posisyong maimpluwensya, isang posisyon na nakatulong sa kanya upang matapos ang layunin ng Dios.[9]
Ang Kahangalan ng Kasamaan
Sa panahon ng modernong pagdiriwang ng Purim, nagpapalabas ng isang pagsasadula ng istorya ni Ester. Sa tuwing maririnig ang pangalan ni Haman, ang mga nanonood ay sumisigaw sa tuwa at kinukutya ang mga kalaban ng mamamayan ng Dios. Habang ang pagdiriwang ay nasa sekyular na uri, at habang marami sa nagdiriwang ng Purim ay nakalimutan na ang walanghanggang soberenya ng Dios sa istorya, maging ang paraan ng pagdiriwang ay sumasalamin sa parte ng mensahe ng Ester – ang kahangalan o ang kalokohan ng kasamaan.
Sina Asuero at Haman ay kapwa naging larawan ng pangungutya sa istorya. Si Asuero ay isang makapangyarihang pinuno sa mahigit na 127 na probinsya. Nagdaos siya ng pista sa loob ng 180 araw upang ipagdiwang ang kanyang kayamanan at kapangyarihan, pero hindi niya kayang pamahalaan ang kanyang asawa.
Natuklasan ni Haman na ang kanyang masamang balak ay naging laban sa kanya. Sinubukan ni Haman na parangalan ang kanyang sarili, ngunit hinirang siya upang parangalan si Mardoqueo, ang kanyang kaaway.[10] Sinubukan ni Haman na wasakin ang mga Judio, ngunit nawasak niya ang kanyang sarili at ang kanyang pamilya.[11] Katulad ng itinuturo ng Kawikaan, “kinasusuklaman ng Dios ang mga palalo.”[12]
[1]Si Asuero ay karaniwang kilala sa kanyang pangalang Griego, Xerxes I. Namuno siya sa Persia mula noong 486-465 B.C.
[2]Ang Purim ay patuloy na ipinagdiriwang sa buwan ng Marso. Ito ay galing sa salitan pur , o “pagsasapalaran”. Pinili ni Haman ang araw para sa pagwasak ng mga Judio sa pamamagitan ng pagsasapalaran. Sa araw ng Purim, ipinagdiriwang ng mga Judio ang kanilang pagkaligtas mula sa kanilang mga kaaway.
Ang 2 Mga Hari ay nagtapos sa pagpapatapon sa mga Judio, ang templo ay wasak, walang hari sa trono, at walang senyales ng Mesiyas. Ang pangako kay Abraham ay tila walang laman. Ang Ezra at Nehemias ay nagpapakita ng muling pagsilang ng pangakong iyon. Kahit na walang hari, ang mga Israelita ay nakabalik sa kanilang sariling lupain at ang entablado ay nakahanda na sa pagdating ng Mesiyas. Ang Ester ay mahalaga dahil, katulad ni Jose sa katapusan ng Genesis, ipinakita sa kanyang istorya kung paano pinangalagaan ng Dios ang salinlahi ng Mesiyas. Bagaman ang mga aklat na ito ay hindi lumitaw sa Bagong Tipan, mahalaga ang mga ito sa kapanganakan ng Mesiyas. Sa pamamagitan ni Ezra (isang pari), kay Nehemias (ang tagadala ng kopa), at Ester (isang reyna sa isang paganong lupain), inihanda ng Dios ang daan sa kapanganakan ng kanyang Anak.
Ang Pangungusap ng mga Aklat ng Kasaysayan sa Panahon Ngayon
Sa ika-4 kabanata, nakita natin na sa Hebreong Biblia ay ginagamit ang pamagat na “Naunang mga Propeta” para sa mga aklat ng kasaysayan. Ipinapakita nito ang kanilang layunin: na magdala ng mensahe ng Dios sa mga mamamayan ng Dios. Ang bawat aklat ng kasaysayan ay may mensahe para sa atin ngayon.
Ang mga Hukom, Samuel, at Mga Hari ay nagpapakita ng prinsipyo ng pagtatanim at pag-aani. Habang nagtatapat ang mga mamamayan ng Dios sa tipan, nararanasan nila ang biyaya ng Dios; nang sumira sila sa tipan, naranasan nila ang paghatol ng Dios. Ang prinsipyong ito ay minsan nang maling nagamit sa mga iglesya. Kailangang maging maingat tayo sa paggamit ng kasaysayan ng bayan ng Israel sa ibang sitwasyon. May ilang mga tagapagsalin ang gumamit ng mga aklat na ito upang ituro na ang mga Kristiyano na sumusunod sa Dios ng tapat ay nakasisiguradong magkakaroon ng pinansyal na kasaganahan at pisikal na kalusugan. Ang aklat ng Job at ng Mga Awit ng panaghoy ay nagpapakita na ang mga maka-dios na mga tao ay maaaring madusa. Gayunpaman, ang saligan ng prinsipyong ito ay nananatiling totoo; ang pagsang-ayon at biyaya ng Dios ay nakasalalay sa mga nagtatapat sa kanya.
Sa Josue, Ruth, Nehemias, at Ester ay ipinapakita ang kahalagahan ng pagiging tapat sa Dios. Makapangyarihan ang Dios, ngunit kumikilos ang Dios sa pamamagitan ng mga tao. Ang parehong katotohanan ay dapat na kilalanin kung nais nating manatiling totoo sa mga turo ng Salita ng Dios. Ipinahayag ni Mardoqueo ang katotohanang ito nang sabihin niya kay Ester, “Kapag ipinagwalang-bahala mo ang pangyayaring ito, tiyak na may magliligtas din sa mga Judio ngunit ikaw at ang iyong angkan ay malilipol. Anong malay mo, baka nga napunta ka riyan para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon?”[1] Kinilala ni Mardoqueo ang pagiging makasoberenya ng Dios; na ililigtas ng Dios ang kanyang mga mamamayan sa kahit anong paraan. Gayunpaman, kinikilala din ni Mardoqueo ang responsibilidad ni Esther na maging tapat. Isang pahayag na nagmula kay Ignatius ang nagsasabi na dapat kang “manalangin na tila ang lahat ng bagay ay depende sa Dios, at magtrabaho na tila ba ang lahat ng bagay ay nakadepende sa iyo,”
Ano ang ipinapahayag nito sa atin ngayon? Katulad ni Josue, Ruth, Nehemias at Ester, kailangan nating buong pusong italaga ang ating sarili sa paglilingkod sa Dios, wala nang isinasaalang-alang pa. At pagkatapos, katulad ng mga santo, kailangan na tayo ay walang tutol sa kanyang mga kagustuhan. Katulad ni Ester, kailangan nating mapanatili sa atin ang espiritu ng pagsuko sa mga plano ng Dios: “kung mamamatay ako, mamamatay ako.”
Panghuli, ang aklat ng kasaysayan ay nagdadala ng isang mensahe ng pag-asa. Ang Ezra, Nehemias, at Cronica ay nagpapakita na kahit sa panahon ng pagkakatapon sa kanila, hindi pa tapos ang Dios sa kanyang mamamayan. Ngayon, maaari tayong magkaroon ng lakas ng loob na malaman na ang Dios ay patuloy pa ring tinatapos ang kanyang dakilang layunin. Ang mga aklat ng kasaysayan ay nagpapaalala sa atin ng soberenya ng Dios sa pagtapos ng kanyang dakilang layunin. Maaari na nating harapin ang kinabukasan nang may pananalig na kontrolado ng Dios ang lahat.
(1) Pumili ng isa sa mga sumusunod na mga takdang aralin:
Opsyon 1: Takdang araling pang Grupo
Basahin ang aklat ng Nehemias at gumawa ng listahan ng mga prinsipyo para sa pamamahala. Maaari kang mag-umpisa sa mga prinsipyo na naibahagi sa kabanatang ito, ngunit marami pa ang nasa Nehemias. Bilang isang grupo, pag-usapan ang mga prinsipyo na makikita nyo. Ipakita kung paano mo gagamitin ang mga prinsipyong ito sa inyong ministeryo.
Opsyon 2: Takdang Araling pang indibidwal. Mamili ng isa.
Sumulat ng 1-2 sanaysay tungkol sa “Revival” ayon sa Ezra at sa kanyang muling pagpapanumbalik sa Jerusalem.
Sumulat ng 1-2 sanaysay sa “Ispirituwal na Pangunguna” batay sa Nehemias. Humanap ng 2-3 prinsipyo sa pangunguna maliban sa mga nakalista na sa kabanatang ito. Ipakita kung paano mo gagamitin ang mga prinsipyo sa iyong ministeryo.
Sumulat ng 1-2 pahina ng sanaysay sa “pangangalaga ng Dios” base sa Ester.
(2) Kumuha ng pagsusulit sa leksiyong ito. Ang pagsususlit ay kinapapalooban ng nakatalagang Kasulatan para isaulo.
Mga Katanungan sa Pagsusulit sa Leksiyon 6
(1) Ilista ang mga petsa para sa mga pangunahing pangyayari sa panahon ng pagpapanumbalik.
Ang unang pagbabalik na pinangunahan ni Zerubbabel:
Pagkayari ng templo:
Mga pangyayari sa Ester:
Pangalawang pagbabalik sa pangunguna ni Ezra:
Pagbabalik ni Nehemias:
(2) Ilista ang mga tema ng bawat aklat.
Ezra: ______________________
Nehemias: ______________________
Ester: ______________________
(3) Maglista ng dalawang pagkakapareho sa pagitan ng aklat ng Ezra at Nehemias.
(4) Ang imperyo ng ___________ ay pumayag na manatili ang mga nasakop nilang bansa sa kanilang sariling bayan.
(5) Sina ____________ at _____________ ay tinatawag na “temple prophets/propeta sa templo.”
(6) Bakit ang pag-aasawa sa pagitan ng mga Hudio at ng mga kalapit-bayan ay naging seryosong usapin para kay Ezra at Nehemias?
(7) Sinong minor na propeta ang tumalakay sa parehong mga usapin katulad ni Nehemias?
(8) Maglista ng tatlong prinsipyo sa pangunguna mula sa Nehemias.
(9) Maglista ng tatlong pangunahing leksiyong itinuro sa Ester.
(10) Ang pista ng mga Judio na iniuugnay sa aklat ng Ester ay ang ______________.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.