Ang Kalagayang Pangkasaysayan ng mga Propeta sa Pagtatapos ng Pagkakabihag
Ang mga propeta noong matapos ang pagkakabihag ay nagpahayag patungkol sa mga bagay na kinakaharap ng Juda matapos makabalik mula sa pagkakabihag:
Mga pulitikal na pagsubok: Ang Juda ay pinamamahalaan ng Persya, walang hari na katulad ni David, at ang mga kalapit bayan ng Jerusalem ay sumasalungat na maitayong muli ang lunsod.
Mga espiritwal na pagsubok: hindi pa naitatayong muli ang templo, ang pag-aasawa ng mga hindi mananampalatayang Hentil na nagdulot ng pagkakahalo-halo ng iba’t ibang paniniwala at, maraming mga Hudyo ang hindi na sumusunod sa Araw ng Sabbath.
Mga panlipunan na pagsubok: mayroong tension sa pagitan ng mga bumalik at ng mga nanatili sa Jerusalem, mali ang pagtrato ng mga mayayaman sa mahihirap, at talamak ang paghihiwalay ng mga mag-asawa.
Noong 539 B.C., nahulog sa kamay ng Persia ang Babilonia. Ang pinuno ng Persia, na si Cyrus, ay nagpalabas ng kautusan na nagpapahintulot sa pagbabalik ng mga Hudyo sa Juda. Nang sumunod na taon, pinangunahan ni Zerubabel ang 50,000 na tao mula sa Babilonia patungo sa Jerusalem. Sa kanilang pagdating, ay sinimulan na nila ang muling pagtatayo ng templo. Subalit, ang kanilang mga kaaway ay sumasalungat sa proyekto ng muling pagtatayo ng templo kaya natigil ito. Noong 520 B.C., hinimok nila Hageo at Zacarias ang mga tao upang ipagpatuloy ang muling pagtatayo ng templo. Dahil dito, sila ay nakilala bilang “mga propeta ng templo.” Nagpatuloy ang pagtatayo ng templo noong 520 B.C. at natapos ang pagpapatayo ng templo noong 516 B.C.
Noong 458 B.C.,pinangunahan ni Ezra ang isang grupo ng mga bihag pabalik sa Jerusalem. Taglay ang kanyang pagpapahalaga sa tipan, pinangunahan ni Ezra ang pagpapanumbalik ng pagsamba sa Dios at mga pagbabagong panlipunan.
Nagbalik si Nehemias sa Jerusalem noong 444 B.C. at pinangunahan ang pagsisikap na muling maitayo ang mga pader ng bayan. Hinarap niya ang maraming problema na katulad ng kinaharap ni Ezra: mga isyu sa pag-aasawa, ang pagkabigo nilang sumunod sa araw ng Sabbath, at kakulangan ng katapatan sa tipan. Si Malakias, na nagministeryo halos sa kaparehong panahon, ay nagpahayag din patungkol sa mga katulad na problema.
Hageo: Ang Muling Pagtatayo ngTemplo
Isang Sulyap sa aklat ng Hageo
May Akda
Hageo
Tagapakinig
Sa Juda matapos ang pagkabihag
Petsa
520 B.C.
Tema
Ang Muling Pagtatayo ng Templo
Layynini
Para himukin ang mga mamamayan ng Dios na muling itayo ang templo
Ang Ebanghelyo sa aklat ng Hageo
Ang pangako ng Hageo 2:9 ay natupad sa Lucas 2:28-32.
Layunin ng Hageo
Nagsimulang magpahayag si Hageo noong 520 B.C. Siya ay nagdala ng isang serye ng apat na mensaheng may kaugnayan sa templo. Dahil sa mga pagsubok sa buhay na kinakaharap sa Jerusalem, nawala na ang sigla at pagnanais ng mga tao na itayong muli ang templo. Halos dalawang dekada matapos ang pagbabalik ni Zerubabel, nanatili pa ring giba ang templo. Si Hageo ang naging mensahero ng Dios sa ngalan ng tahanan ng Dios.
Ang Mensahe ng aklat ng Hageo
Isang Mensahe tungkol sa Prayoridad (Hageo. 1)
Naitayo nang muli ng mga tao ang kani-kanilang bahay, ngunit hindi pa nila naitatayong muli ang templo ng Dios. Sinabi ng Dios, “Matitiis nyo bang tumira sa magagandang bahay, habang wasak ang templo?”[1]
Mas binigyan ng prayoridad ng mga tao ang kanilang mga pansariling pangangailangan kaysa sa tahanan ng Dios. Nagbabala ang Dios na sila ay nagdaranas ng mahinang ani, kakulangan sa pagkain, hindi sapat na pananamit, at pagkaubos ng sahod – dahil hindi nila inuna ang Dios.
Nanawagan ang Dios sa mga tao na unahin ang kanyang mga prayoridad higit kaysa sa kanilang mga pansariling interes. Bilang tugon, “ang mga tao ay nagkaroon ng banal na pagkatakot sa Panginoon” at “muli nilang itinayo ang templo ng kanilang Panginoong Dios, na makapangyarihan sa lahat.”[2]
Ang Espiritwal na Kasaganahan Ba Ay Garantiya ng Materyal na Kasaganahan?
Ang mensahe ng Hageo ay katulad ng sa 3 Juan 1:2. “Mga Minamahal, idinadalangin ko na maging malusog kayo at nasa mabuting kalagayan, tulad ng buhay mong espiritwal na alam kong nasa mabuti ring kalagayan.” Ito ay makikita rin sa Deuteronomio 27-28, kung saan may pangako ng materyal na pagpapala sa mga sumusunod at materyal na sumpa sa mga suwail.
Bagaman mahalaga ang katuruang ito, hindi ito ang kabuang mensahe ng Biblia. May ilang mangangaral na ginagamit ang mga Kasulatan katulad ng sa Hageo 1 para ituro na ang sinumang tapat na mananampalataya ay makakaranas ng pinansyal na kasaganahan at malusog na pangangatawan. Dapat nating basahin ang Hageo 1 at 3 Juan na kaugnay ng Kasulatan katulad ng aklat ng Job at Hebreo 11:37, gayundin naman ang mga karanasan ng mga tao katulad ni Jeremias na tapat na naglingkod sa Dios ng walang materyal na pagpapala. Sa katunayan nga, maraming tao ang dumanas ng pagkawala ng mga materyal na bagay dahil sa kanilang pagsunod sa Dios. Maaaring lumago at sumagana sa espiritwal kahit na wala ang mga materyal na pagpapala. Si Hageo ay nagpahayag sa isang partikular na sitwasyon; hindi niya ipinahayag ang isang pangkalahatang prinsipyo na naggagarantiya ng kasaganahan sa bawat tapat na anak ng Dios.
Hageo: Ang Muling Pagtatayo ngTemplo (Patuloy)
Ang Mensahe ng aklat ng Hageo (Patuloy)
Isang Mensahe tungkol sa Kawalan ng Pag-asa (Hageo. 2:1-9)
Anim na linggo matapos ang kanyang unang mensahe, bumalik si Hageo dala ang isa pang mensaheng mula sa Dios. Sinabi niya, “Sino sa inyo ang nakakita ng kagandahan ng templong ito noon? Ano ngayon ang tingin ninyo rito? Kung ihahambing ninyo sa dati ay maaaring sabihin ninyo na balewala lang ito?” Ang ilan sa mga matatanda na nakakaalala ng kagandahan ng templo ni Solomon ay napaluha nang makita ang mag maliit at mas mahinang pagkakagawa ng bagong templo.[1]
Bilang tugon, nangako ang Dios na magiging mas higit ang kagandahan ng bagong templo kaysa sa naunang templo. Ang pangakong ito ay natupad noong dalhin ang batang si Jesus sa templo. Nanalangin si Simeon, “Dahil nakita na ng sarili kong mga mata ang Tagapagligtas… na magbibigay karangalan sa inyong bayang Israel.”[2]
Isang Mensahe tungkol sa Pagsuway (Hageo. 2:10-19)
Makalipas ang dalawang buwan, nagbalik si Hageo dala ang isa pang mensaheng mula sa Dios. Pinaalalahanan niya ang mga pari tungkol sa kautusan ng pagtuturing ng malinis at marumi. Sa ilalim ng kautusan, ang isang inihandog na hayop o bagay ay nagiging marumi kung ito ay nasagi o nadikit sa kahit ano na marumi. Ang karumihan ay nakakahawa.
Pagkatapos ay tinukoy ni Hageo ang buhay ng mga tao sa Jerusalem. Sila ay gumagawa sa templo, ngunit ang kanilang maruruming pamumuhay ang nagpapadumi sa kanilang paggawa. Pinaalalahanan ni Hageo ang kanyang mga tagapakinig ng isang mensahe na mahalagang malaman din ng mga Kristiyanong manggagawa sa kasalukuyan; “Ang iyong paglakad kasama ng Dios ay higit na mas mahalaga kaysa sa iyong pagtratrabaho para sa Dios.”
Hinamon ni Hageo ang mga tao sa pagsunod. Siya ay nagwakas sa kanyang mensahe sa pamamagitan ng pangako ng Dios, “Mula sa araw na ito ay pagpapalain Ko kayo.”
Isang Mensahe tungkol sa Takot (Hageo. 2:20-23)
Habang binabasa natin ang aklat ng Hageo, dapat nating tandaan na pinalilibutan ng mga kaaway ang Jerusalem. Ang mga kaaway na ito ay minsan ng nagtagumpay na napahinto ang pagtatayong muli ng templo.[3] Nangako ang Dios na tatalunin ang sinumang sasalungat sa Juda. Kahit na hindi tanyag ang Juda kung ikukumpara sa mga nakapalibot na bansa, siya ay pinili ng Dios at siya ay pagmamay-ari ng Dios. Iniingatan Niya ang kanyang mga mamamayan mula sa kapahamakan. Wala silang dahilan upang matakot.
[1]Ipinapakita ng Ezra 3:12 na samantalang may mga tao na sumisigaw sa galak sa muling pagtatayo ng templo, mayroon ding mga lumuha.
Zacarias: Binubuong Muli ng Dios ang Kanyang Kaharian
Isang Sulyap sa Aklat ng Zacarias
May Akda
Zacarias
Tagapakinig
Ang Juda pagkatapos ng Pagkabihag
Petsa
520 B.C.
Tema
Ang Pagbubuong muli ng Kaharian ng Dios
Layunin
Upang ipahayag ang propesiya tungkol sa parating na pagpapanumbalik at pagbubuong muli ng Kaharian ng Dios. Darating ang isang araw na lahat ng bansa ay sasamba sa Jerusalem.
Ang Ebanghelyo sa Zacarias
Binigyang katuparan ni Jesus ang pangako ng isang mapagpakumbabang Hari, isang tapat na Pastol, at isang matuwid na Sanga.
Ang Layunin ng Zacarias
Si Zacarias ay isang miyembro ng pamilya ng mga pari na nagbalik sa Juda kasama ni Zerubabel.[1] Katulad ni Hageo, si Zacarias ay isang “propeta ng templo.” Ang kanyang unang mensahe ay ibinigay halos dalawang buwan matapos ang unang mensahe ni Hageo. Kasabay ng pagpapakita ng kahalagahan ng templo, ipinakita rin ni Zacarias na binubuong muli ng Dios ang kanyang kaharian, kapwa ngayon at sa hinaharap.
Mensahe ng Zacarias
Ang Walong Pangitain (Zacarias 1:1 – 6:8)
Nagsimula ang Zacarias sa isang panawagan sa Juda na magbalik-loob sa Dios. Dahil sa hindi pagtanggap ng kanilang mga ninuno sa mga propeta, sila ay ipinabihag ng Dios. Ngayon sila ay nakabalik, at nanawagan sa kanila si Zacarias na muling manumbalik sa kanilang pananampalataya at katapatan.
Ang pasimulang ito ay sinundan ng serye ng walong pangitain sa gabi. Walong beses, nakakita ng pangitain si Zacarias, nagtanong siya sa anghel ng kahulugan ng mga ito, at nakatanggap siya ng pagpapaliwanag ng mga pangitain. Ang mga pangitaing ito ay nagbibigay pansin sa mga isyu na may kinalaman sa lipunang nagbalik mula sa pagkakabihag: ang paghatol sa mga bansa na nagmalupit sa Juda, pag-iingat mula sa kanilang mga kaaway, ang templo, at kasalanan sa lipunan.
(1) Ang mga Mangangabayong umiikot sa buong mundo (Zacarias. 1:7-17). Mensahe: Inihahanda ng Dios ang pagpapanumbalik at pagtitipong muli sa kanyang mga mamamayan at paghatol sa mga umaapi sa kanila.
(2) Apat na sungay at apat na panday (Zacarias. 1:8-21). Mensahe: Hahatulan ng Dios ang mga kaaway ng Juda. Sila ay ipakakalat din kung paanong pinangalat nila ang mga mamamayan ng Dios.
(3) Lalaking may panukat (Zacarias. 2:1-13). Mensahe: Minarkahan ng Dios ang Jerusalem na sa kanya. Siya ang pader na nagtatangol sa bayan.
(4) Si Josue ang punong pari (Zacarias. 3:1-10). Mensahe: Ang pagpapanumbalik sa mga pari. Sa Jeremias 13:1-11, ipinakita na ang mga telang lino ng mga pari ay narumihan. Kahit na nakatayo si Satanas sa kanan ni Josue ang punoong pari upang akusahan siya, inalis ng Dios ang maruming damit at binigyan siya ng malinis na kasuotan. Pinapanumbalik ng Dios ang mga pari at ipapadala ang magiging “Sanga” na siyang magdadala ng isang panibagong araw ng kapayapaan sa Israel.
(5) Gintong ilawan at dalawang puno ng olibo (Zacarias. 4:1-14). Mensahe: Ang muling pagtatayo ng templo. Ang muling pagtatayo ng templo ay pagkilos ng Dios at siya ang magpapatuloy nito.
(6) Isang lumilipad na Kasulatan (Zacarias. 5:1-4). Mensahe: Paghatol sa kasalanan. Ang malaking Kasulatan na may sukat na 9 metro at 4½ metro ay naglalaman ng mga sumpa para sa mga lumalabag sa Kautusan ng Dios. Ang kasalanan sa lipunan ng mga taong galing sa pagkakabihag ay hahatulan din ng katulad ng paghatol bago pa ang pagkabihag.
(7) Isang babaeng nasa loob ng basket (Zacarias. 5:5-11). Mensahe: Kasalanan sa lipunan ng mga taong galing sa pagkakabihag. Ang babae ay sumisimbolo sa kasalanan at inilagay sa basket at pagkatapos ay tinakpan. Pagkatapos, mayroong mga lumilipad na mensahero na tumangay ng basket upang dalhin sa Babilonia, at sa ganun ay tinatanggal ang kasalanan mula sa Jerusalem.
(8) Apat na karwahe (Zacarias. 6:1-8). Mensahe: Paghatol sa mga kaaway ng Juda. Ang pangitaing ito ay katulad ng unang pangitain. May apat na karwahe, na nagrerepresenta sa Espiritu ng Dios na kumikilos sa buong mundo ay nagpapakita ng soberenya ng Dios sa buong mundo. Hinatulan ng Dios ang mga kaaway ng Juda at patuloy na pinapanumbalik at iniingatan ang Kanyang mga mamamayan.
Ang mga Propetikong Mensahe (Zacarias. 6:9-14:21)
Ang Zacarias ay kinapapalooban ng isang serye ng propetikong mensahe. Ipinadala ng Dios si Zacarias upang koronahan ang ulo ni Josue, ang punong pari. Ito ay kumakatawan sa padating na “Sanga” na siyang mamumuno bilang isang pari at hari. Ang mensahe ng mesiyas ay tumutukoy sa pagdating ni Jesu-Cristo.
Sa Zacarias 7-8, ang propeta ay tumugon sa isang katanungan mula sa isang delegasyon ng mga tao mula sa Bethel. Habang nasa panahon ng pagkakabihag, ang mga tao ay nag-ayuno noong ika-limang buwan ng taon upang ipagluksa ang pagkawasak ng templo. Ang delegasyong ito ay nagtatanong kung kailangan pa ang pag-aayuno ngayong nakumpleto na ang muling pagtatayo ng templo.
Ang sagot ni Zacarias ay higit na mas malawak kaysa sa naunang tanong. Nagtanong ang Dios, ‘Ang inyo bang pag-aayuno ay simbolo ng totoong pagsisisi, o ito ay nakasanayan na lamang na ritwal?’ Kung ang pag-aayuno ay simbolo ng totoong pagsisisi, at kung natutunan ng Juda ang leksiyon na itinuturo ng kanilang pagkabihag, hindi na kailangan pa ang pag-aayuno. Subalit, kung ang pag-aayuno ay ginagawa na lamang bilang mga ritwal, ang mga ito ay walang kabuluhan noon at ngayon.
Pagkatapos ay ipinangako ng Dios na gagawin niyang pagdiriwang ang pag-aayuno ng Juda. Darating ang araw na ang mga Hudyo ay pararangalan higit sa lahat ng tao sa buong mundo. “Ang pag-aayuno sa ika-apat na buwan… ay magiging kasiyahan at kagalakan, at masayang araw ng pagdiriwang para sa sambahayan ng Juda, …at, maraming tao na mula sa mga makapangyarihang bansa ang pupunta sa Jerusalem upang dumulog at manalangin sa PANGINOONG Makapangyarihan.”[2]
Ang Zacarias 9-14 ay nakatuon sa pagdating ng Mesiyas. Ang mga kaaway ng Israel (Ang Siria at Filistea) ay aalisin mula sa lupain. Sa isang nakakagulat nalarawan, nangako ang Dios na may ililigtas siya na bahagi na mula sa mga Hentil.[3] Ipinahayag ni Zacarias ang pagdating ng isang araw na ang tunay na Hari ng Israel ay darating sa Jerusalem sakay ng isang asno at ililigtas ang kanyang mga mamamayan. Hindi katulad ng mayabang na pinuno na nagdala sa Juda sa kapahamakan, ang pinunong ito ay mapagpakumbaba at matuwid. Siya ay tatayo bilang mabuting pastol na magproprotekta sa kanyang kawan. Kapag tinanggihan ng mga tupa ang pastol, sila ay pangangalatin. Gayunpaman, tutubusin ng Dios ang kanyang kawan at ililigtas ang Jerusalem. Mabubuong muli ang Juda at lahat ng bansa ay pupunta sa Jerusalem upang sumamba.
Ang aklat ng Zacarias sa Bagong Tipan
Ang Zacarias ay madalas na nababanggit sa Bagong Tipan. Ang mga komentarista ay nakapagtala ng animnapu’t-pitong pagbanggit sa Bagong Tipan mula sa talata ng Zacarias.[4] Sa pagtatala ng Ebanghelyo ng paghihirap ni Cristo, ang Zacarias 9-14 ay ang pinakamaraming beses na nabanggit na bahagi ng Lumang Tipan. Ang Zacarias ay pumapangalawa lamang sa Ezekiel sa dami ng bilang ng pagkakabanggit sa aklat ng Pahayag. Kabilang sa mga propesiya tungkol sa Mesiyas sa Zacarias ay:
Ang matuwid na Sanga (3:8; 6:12-13)
Ang Haring mababang-loob at nakasakay sa asno (9:9-10)
Ang Pastol na tinanggihan at ipinagbili sa halagang tatlumpung pirasong pilak (11:4-13; 13:7)
Nagwakas ang Malakias sa isang pangako ng mensahero na maghahanda ng daraanan ng Panginoon; Ang aklat ng Mateo at Marcos ay nagsimula kay Juan na Tagapag bautismo na naghahanda ng daraanan ng Mesiyas.
Ang Layunin ng Malakias
Ang pangalang Malakias ay nangangahulugang “aking mensahero.” Dahil tinukoy niya ang mga kasalanang binigyang pansin ni Ezra at Nehemias, maaaring si Malakias ay kasabay na panahon ng dalawang nabanggit na pinuno. Maaaring nangaral si Malakias sa pagitan ng 475 at 425 B.C.
Bagaman hindi bumalik sa pagsamba sa dios-diosan ang Juda, wala ring halaga ang kanilang pagsunod sa kautusan. Ang pagpapahayag nila ng katapatan kay Jehovah ay hindi naman nasamahan ng mga binagong buhay. Sumulat si Malakias upang ipahayag ang akusasyon ng Dios laban sa Juda.
Sinagot rin ni Malakias ang mga reklamo ng Juda laban kay Jehovah. Nangako sila Hageo at Zacarias na ang muling pagtatayo ng templo ay magdadala ng kapayapaan, kasaganahan, at pagbabalik ng presensya ng Dios. Sa halip, ang Juda ay dumaranas ng taggutom, suliranin sa ekonomiya, at kahinaang politikal. Sinisi ng mga tao si Jehovah sa pagkabigo nitong tuparin ang Kanyang mga pangako. Sumulat si Malakias upang ipahayag ang tugon ng Dios sa mga reklamo.
►Kinompronta ni Malakias ang Juda dahil sa kanilang pagkabigo na maabot ang mga ninanais ng Dios. Kahit na nagdadala sila ng mga handog sa templo at ginagawa ang mga ritwal na itinakda ng kautusan, hindi nila pinararangalan ang Dios. Bago basahin ang mga akusasyon ni Malakias, talakayin ang mga paraan kung paano maaaring nilalapastangan ng mga Kristiyano ngayon ang Dios.
Ang Mensahe ng Malakias
Ang aklat ng Malakias ay binubuo ng serye ng anim na “disputations” o argumento. Ang bawat argumento ay naipahayag sa tatlong bahagi:
(1) Gumawa ang Dios ng pahayag tungkol sa ugali at kilos ng Juda.
(2) Tumugon ang mga tao sa pamamgitan ng katanungan.
(3) Sumagot ang Dios sa mga katanungan.
Unang Argumento: Ang Pagmamahal ng Dios sa kanyang mamamayan (Mal. 1:2-5)
(1) Panimula: sinabi ng Panginoon “Minamahal ko kayo,”.
(2) Tanong: “Paano mo kami minamahal?”
(3) Sagot: Pinarangalan ng Dios ang Israel (Jacob) at pinarusahan naman ang Edom (Esau).[1]
Ikalawang Argumento: Ang paglapastangan sa Dios ng mga pari (Mal. 1:6-2:9)
(1) Panimula: Pinararangalan ng anak ang kanyang Ama. Kung ako ang iyong Ama, nasaan ang nararapat na karangalan para sa akin? Bakit nilalapastangan ng mga pari ang aking pangalan?
(2) Tanong: “Paano naming nilapastangan ang inyong pangalan?”
(3) Sagot: Sa pamamagitan ng paghahandog ng maruruming pagkain sa aking altar. Sa halip na parangalan ang altar ng Panginoon, ang mga handog ng pari ay mga hayop na pilay at may sakit.
Ikatlong Argumento: Pagkabigo na igalang ang tipan ng pag-aasawa (Mal. 2:10-16)
(1) Panimula: Ang Juda ay hindi naging tapat at nilapastangan ang tipan.
(2) Tanong: “Paano naming nilapastangan ang tipan?”
(3) Sagot: a) Sa pag-aasawa ng mga sumasamba sa dios-diosan at Sa pagsira sa tipan ng pag-aasawa sa pamamagitan ng paghihiwalay.
Ika-apat na Argumento: Ang katarungan ng Dios (Mal. 2:17-3:5)
(1) Panimula: “Iniinis ninyo ang Panginoon sa inyong mga pananalita.”
(2) Tanong: “Paano naming siya iniinis?”
(3) Sagot: Sa pamamagitan ng pag-aakusa sa Dios na binabalewala ang kasamaan.
Tiniyak ng Dios sa Juda na magpapadala siya ng mensahero na siyang maghahanda ng dadaanan ng Panginoon mismo sa kanyang pagdating sa templo. Hahatulan niya ang lahat ng kasalanan.
Ikalimang Argumento: Pagnanakaw ng Ikapu para sa Dios (Mal. 3:6-12)
(1) Panimula: “Ako ang Panginoon, ay hindi nagbabago. Manumbalik kayo sa akin, at babalik Ako sa inyo.”
(2) Tanong: “Paano kami makakapanumbalik sa inyo?”
(3) Sagot: Sa pagpapakita ng katapatan sa pagkakaloob ng ikapu para sa Dios.
Ika-anim na Argumento: Masasakit na salita laban sa Dios (Mal. 3:13-4:3)
(1) Panimula: “Masasakit ang inyong sinabi tungkol sa akin, sabi ng PANGINOON.”
(2) Tanong: “Ano ang sinabi naming masasakit tungkol sa inyo?”
(3) Sagot: Sinabi ninyo, “Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios.” Inaakusahan ng mga tao ang Dios ng pagkabigo na pagpalain ang mga sumusunod at hatulan ang mga suwail. Bilang tugon, ipinangako ng Dios na darating ang Araw ng Panginoon. Sa araw na iyon, hahatulan ng Dios ang mga masasama at iingatan ang mga tapat.
Konklusyon (4:4-6)
Sa kanyang konklusyon, muling ipinahayag ni Malakias ang mensahe ng buong aklat. Hinimok niya ang Juda na lumingon sa nakaraan (“Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises”) at tumingin sa hinaharap (“Tingnan nyo at ipapadala Ko sa inyo si Elias” upang ihanda ang “dakila at nakakatakot na araw ng Panginoon”).
[1]Tingnan ang Obadias para sa paghatol ng Dios sa Edom.
Isang Mas Malapit na Pagtanaw kay Cristo sa Lumang Tipan
Sa ating pagtatapos ng pagsasaliksik sa Lumang Tipan, maglaan ng oras upang tingnan ang ilan sa mga propesiya na natupad sa pagdating ni Cristo. Ilang daang taon bago pa ang pagsilang ni Cristo, ipinahayag na ng Dios ang mga tiyak na detalye sa kanyang buhay. Ang katuparan ng mga propesiyang ito ang nagpapatotoo kay Jesus bilang ang ipinangakong Tagapagligtas.
Propesiya
Propesiya sa Lumang Tipan
Katuparan sa Bagong Tipan
Ang Mesiyas ay isisilang sa Bethlehem
Mikas 5:2
Mat. 2:1-6; Lucas 2:1-20
Maglalakbay ang Mesiyas mula sa Egipto
Hosea 11:1
Mat. 2:12-15
Papatayin ang mga sanggol bilang resulta ng pagsilang ng Mesiyas
Ipagbibili ang Mesiyas sa halagang tatlumpung piraso ng pilak
Zacarias 11:12
Mat. 26:14-15
Tatalikuran ang Mesiyas ng kanyang mga tagasunod
Zacarias 13:7
Mat. 26:56
Mananahimik ang Mesiyas sa harap ng mga nagsasakdal sa kanya.
Isaias 53:7
Mat. 27:12-14; Lucas 23:8-10
Pahihirapan at duduraan ang Mesiyas
Isaias 50:6
Mat. 27:30
Mamamatay ang Mesiyas sa pagpapako sa krus
Awit 22:14-17
Mat. 27:31
Mararamdaman ng Mesiyas na siya ay pinabayaan ng Dios
Awit 22:1
Mat. 27:46
Bibigyan ng suka ang Mesiyas upang inumin
Awit 69:21
Juan 19:28-30
Hindi mababali ang mga buto ng Mesiyas
Awit 34:20; Exodo 12:46
Juan 19:31-36
Magdurusa ang Mesiyas kasama ng mga kriminal at ipapanalangin ang mga umuusig sa kanya.
Isaias 53:12
Mat. 27:38; Lucas 23:32-34
Ililibing ang Mesiyas sa libingan ng isang lalaking mayaman.
Isaias 53:9
Mat. 27:57-60
Muling bubuhayin mula sa mga patay ang Mesiyas.
Awit 16:8-10
Mateo 28:1-10
[1]Mahalaga ang propesiyang ito dahil inaasahan ng mga Judio na ang magiging sentro ng ministeryo ng Mesiyas ay ang Jerusalen.
Ang Hageo, Zacarias, at Malakias ay Nangungusap sa Iglesia sa Kasalukuyan
Ang Hageo ay nagpapaalala na tayo ay mga mamamayan ng Dios at kanyang tinutupad ang kanyang layunin sa pamamagitan ng iglesia. Ang pangako ng Hageo 2:9 ay hindi kumpletong natupad sa muling pagtatayo ng templo. Ang Dakong Kabanal-banalan ay hindi na naglalaman ng Kahon ng Kasunduan at ang kaluwalhatian ng Dios ay hindi na muling nakita katulad ng nakita sa paghahandog sa unang Templo.[1]
Gayunpaman, simula sa pagdalaw ng sanggol na si Jesus sa templo at hanggang sa pagpapatuloy ng ministeryo ng iglesia ngayon, ang pangakong ito ay binibigyang katuparan. Sa ministeryo ni Cristo sa mundo, tayo ay “nakakita ng Kanyang kaluwalhatian, ang kadakilaan niya bilang kaisa-isang Anak ng Ama.”[2] Sa ministeryo ng unang iglesiya, ang kaluwalhatian ng Dios ay nakita sa buong Emperyo ng Roma. Ngayon, bilang templo ng Dios,[3] tayo ay nagpapatuloy na ipahayag ang kaluwalhatian ng Dios sa buong mundo.
Bahagi ng mensahe ni Hageo ay batay sa batas ng ritwal na pagiging dalisay mula sa Lumang Tipan. Sa kautusan ni Moises, ang anumang bagay na malinis ayon sa ritwal, kapag nadikit sa isang bagay na hindi malinis ay nagiging marumi. Gayunman, sa pamamagitan ng pagdating ni Jesus, ito ay nabaligtad na. Si Jesus (malinis) ay humihipo sa mga ketongin (marumi) at sila ay lumilinis. Ang mga Kristiyano ay tinawag upang maging asin ng sanlibutan, na nagdadala ng kadalisayan sa isang mundong marumi. Sa Filipos, ipinaalaala ni Pablo sa kanyang mga mambabasa na kahit tayo’y nabubuhay “sa gitna ng baluktot at masamang bayan”, dapat tayong “magliwanag bilang ilaw sa sanlibutan.”[1] Hindi tayo dapat matakot na makasalamuha ang isang maruming mundo. Sa halip, tayo ay tinawag upang dalhin ang kabanalan ng Dios sa ating mundo at baguhin ang mga taong nakakasalamuha natin.
Ang Zacarias at Malakias ay nagpapakita ng pagtawag ng Dios na dapat tayong magpatuloy sa pagiging tapat sa Kanya. Sumusulat matapos ang pagbabalik mula sa pagkabihag, ang mga propetang ito ay nagpapakita na hindi natin maaaring gawing sandigan ang mga biyaya ng kahapon. Maaaring akalain na ang mga leksiyon habang nakabilanggo ay makakapigil sa Israel na bumalik sa kanyang dating kawalan ng katapatan. Gayunpaman, si Zacarias noong 520 B.C. at Malakias matapos ang dalawang henerasyon ay nagpapakita kung gaano kadali nating nakakalimutan ang mga leksiyon na itinuturo sa atin ng Dios. Dapat tayong tuloy-tuloy na bumalik sa awtoridad ng Salita ng Dios.
(1) Kumpletuhin ang isa sa mga sumusunod na takdang aralin.
Option 1: Takdang Aralin na Pang Grupo
Gamit ang mga modelo na ipinakita sa Leksiyon 13 (paglipat mula sa orihinal na mensahe ng “kanilang bayan” papunta sa aplikasyon sa “ating bayan”), gamitin ang isa sa mga argumento ng Malakias sa iglesya sa kasaalukuyan. Talakayin ang orihinal na mensahe ng Juda, ang pagkakaiba sa pagitan ng Juda at ng iglesya ngayon, ang prinsipyong itinuturo sa Malakias, at ang aplikasyon nito sa iglesya sa panahon ngayon.
Option 2: Takdang Aralin Pang-Indibidwal
Maghanda ng isang detalyadong sermon o balangkas ng pag-aaral ng Biblia mula sa Malakias tungkol sa “Katapatan sa Dios.” Gamitin ang balangkas ng argumento para maipakita kung paano maaaring nangungusap ang Dios sa iglesya sa panahon ngayon.
(2) Kumuha ng pagsusulit sa leksiyong ito. Kabilang sa pagsusulit ang talata ng Kasulatan na nakatakdang isa-ulo.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Leksiyon 14
(1) Ano ang tatlong suliraning espiritwal na tinukoy ng mga propeta matapos ang pagkakabihag?
(2) Ano ang petsa ng pagkakasulat sa Hageo at Zacarias?
(3) Nagdala si Hageo ng apat na mensahe. Ilista ang paksa para sa bawat mensahe.
(4) Ano ang tema ng Zacarias?
(5) Ilista ang dalawang propesiya tungkol sa Mesiyas na natagpuan sa Zacarias.
(6) Bakit natin pinaniniwalaan na nangaral si Malakias sa pagitan ng 475 at 425 B.C.?
(7) Ilista ang tatlong bahagi ng bawat “argument” ng Dios sa Malakias.
Print Course
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.