Basahin ang Kawikaan, Mangangaral, at Awit ng mga Awit
Isaulo ang Kawikaan 1:7; Mangangaral 12:13-14
Pagbabasa ng Karunungang Hebreo
[1]Ang aklat ng Job, Kawikaan, Mangangaral, at ilang bahagi ng Mga Awit ay kilala kapwa bilang Aklat na Patula at bilang Literaturang Karunungan. Ang Literaturang Karunungan ay nagtuturo sa mga mambabasa kung paano magkakaroon ng tunay na biblikal na karunungan. Ang Kawikaan ay nagtuturo na ang pagkatakot sa Panginoon ay ang simula ng karunungan; Ang Awit ng mga Awit ay nagtuturo na magkakaroon tayo ng pusong may karunungan sa pamamagitan ng “pagbibigay halaga sa ating bawat araw,” sa tamang paggamit ng ating oras.[2]Ang pagkakaroon ng karunungan ay mahalagang layunin para sa bawat tao. Ang tunay na karunungan ay nakakamit sa pamamagitan ng pagtuturo, obserbasyon, at karanasan.[3]
Isinulat ni John Calvin, isang theologian noong ika-16 na siglo na ang tunay na karunungan ay binubuo ng dalawang bagay: ang kaalaman patungkol sa Dios at kaalaman patungkol sa ating sarili. Ang mga aklat ng karunungan ay sumasalamin sa dalawang aspeto ng karunungan. Si Job ay nagkaroon ng bagong kaalaman patungkol sa Dios. Ang Kawikaan ay nagtuturo sa isang kabataan na alamin ang patungkol sa kanyang sarili at magkaroon ng takot sa Dios. Ang Mangangaral ay nagtapos gamit ang mensaheng, “Matakot ka sa Dios, at sundin mo ang kanyang mga utos: dahil ito ang tungkulin ng bawat tao.”[4]
Ang mga aklat na ito ay nagpapakita ng ang karunungan ay parehong vertical/pataas (“ang pagkatakot sa Panginoon ang pasimula ng karunungan”) at horizontal/pahalang (Ang Kawikaan ay tumatalakay sa relasyon ng mag-asawa, mga anak, at mga ugnayan sa komunidad). Sa pag-aaral ng mga aklat na ito, nagkakaroon tayo ng mas malalim na kaalaman patungkol sa Dios at ating sarili.
[1]Ang tunay na karunungan ay binubuo halos ng dalawang bahagi: ang kaalaman patungkol sa Dios at kaalaman patungkol sa ating sarili.
Hinango kay John Calvin, Institutes of the Christian Religion
Ang isang kawikaan ay nangungusap ng ibang-iba kaysa sa isang utos. Kung saan ang utos ay nagsasabing, “Huwag kang…,” ang kawikaan ay nangungusap sa isang pangkalahatang alituntunin ng buhay. Ang kawikaan ay maikli, hindi malilimutang pahayag ng katotohanan. Ang pag-unawa sa katangian ng kawikaan ay makakatulong sa pagbibigay kahulugan sa aklat ng mga kawikaan. Kasama sa mga katangian ng kawikaan:
(1) Ang kawikaan ay nagpapahayag ng pangkalahatang alituntunin na naaangkop sa maraming magkakaibang mga sitwasyon.
(2) Ang kawikaan ay batay sa karanasan sa buhay. Ang kawikaan ay madalas na nagbubuod ng katotohanang subok na ng panahon mula sa karanasan sa buhay.
(3) Ang kawikaan ay hindi isang pangako; ito ay pangkalahatang obserbasyon patungkol sa buhay. Habang ang ilang mambabasa ay itinuturing na ganap na pangako ang talata katulad ng Kawikaan 22:6, ang ibang kawikaan ay nagpapakita na maaaring piliin ng isang bata ang landas ng kahangalan kahit na siya ay pinalaki sa tamang landas.
(4) Ang kawikaan ay hindi isang utos. Ang aklat ng Kawikaan ay hindi listahan ng mga patakaran na dapat sundin; ito ay koleksyon ng mga alituntunin na gagabay sa isang tao patungo sa tunay na krunungan.
Noong pinag-uusapan ng mga tagapagturo ang canon, pinagtalunan nila ang tila magkakasalungat sa Kawikaan 26:4-5. “Huwag mong sagutin ang hangal ayon sa kahangalan niya, baka ikaw sa kanya ay mapagaya. Sagutin mo ang hangal ayon sa kahangalan niya, baka siya’y maging marunong sa kanyang sariling mga mata.” Sinasabi sa mambabasa ng ikaapat na talata na huwag sagutin ang hangal ayon sa kanyang kahangalan; sinasabi ng ikalimang talata na sagutin ang hangal.
Nakita ng mga tagapagturo na dapat alam ng taong marunong ang katangian ng isang hangal. Ang “simple” na hangal ay kayang maturuan at dapat sagutin sa paraang pipigil sa kanya na maging “marunong sa kanyang sariling mga mata.” Gayunpaman, ang “nanunuya” na hangal ay dapat iwasan dahil tinatanggihan niyang matuto; ang taong sumusubok na samagot sa hangal na ito ay mahihila pababa sa antas ng taong hangal. Napagtanto ng mga tagapagturo na walang alinman sa mga talatang ito ang ganap na pag-uutos; sa halip, ang mga ito ay nagbibigay ng alituntunin na gagabay sa marunong na tao sa pagharap sa mga taong hindi marunong.
Ang pangunahing talata ng aklat ay ang Kawikaan 25:11: “Kapag ang salitang binigkas ay angkop sa pagkakataon, ito’y parang gintong mansanas na nakalagay sa isang lalagyang pilak.” Ang naaangkop na salitang binigkas sa tamang pagkakataon ay kasing ganda ng gintong palamuti sa lalagyang pilak. Ang karunungan ay binubuo sa pamamagitan ng pag-alam ng naaangkop na salita para sa sitwasyon.
► Talakayin ang suliranin na humahamon sa iyo sa ministeryo at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan mula sa Kawikaan na nagbabangit patungkol sa problema. Talakayin ang mga alituntunin na angkop sa iyong sitwasyon.
Ang Mensahe ng Kawikaan
Ang aklat ng Kawikaan ay mayroong limang pangunahing mga koleksyon. Ang bawat koleksyon ay nakatuon sa ibat-ibang aspeto ng karunungan.
Koleksiyon 1:Mga Talumpati Tungkol sa Karunungan(1–9)
Pagkatapos ng isang panimula na nagbubuod sa layunin ng Kawikaan,[1] ang unang koleksyon ay nagpapakita ng pagkakaiba sa pagitan ng karunungan at kamangmangan. Karamihan sa koleksyon ay nasa anyo ng “talumpati ng mga kawikaan”, mahabang talata tungkol sa katangian ng karunungan.
Pinaghahambing ng Kawikaan 1:7 ang dalawang landas: karunungan at kamangmangan. Ang natitirang bahaging koleksyon ay nagpapayo sa isang batang lalaki na sikaping matamo ang landas ng karunungan at iwasan ang landas ng kamangmangan. Ipinapakilala ng koleksyon 1 ang dalawang landas na ito sa mambabasa.
Koleksiyon 2: Ang mga Kawikaan ni Solomon (10:1 – 22:16)
Ang Kawikaan 10:1 ay panimula sa koleksyong ito sa pamagat na, “Ang mga kawikaan ni Solomon.” Ang koleksyong ito ay pangunahing binubuo ng dalawang-linya ng kawikaan na nagpapayo sa mambabasa sa praktikal na mga aspeto ng karunungan.[2] Marami sa mga kawikaang ito ay antithetic parallels; pinaghahambing nila ang landas ng marunong at landas ng hangal.
Kasama sa mga paksang tinalakay sa koleksyong ito ang maraming praktikal na mga aspeto ng buhay: pera, pagsasalita, disiplina, at trabaho. Ang tila walang tiyak na istraktura ng bahaging ito ay sumasalamin sa paraan kung paano natin hinaharap ang mga tunay na problema ng buhay. Inihahanda ng karunungan ang tao sa pagharap sa mga dumarating na sitwasyon.
Koleksyon 3: “Ang Mga Salita ng Marunong” (22:17 – 24:34)
Ang koleksyong ito ay nagsisimula sa isang pangbungad na pahayag: “Hindi ko ba naisulat para sa iyo ang tatlumpung kawikaan ng payo at karunungan, upang malaman mo kung alin ang tama at totoo?”[3] Ang pahayag na ito ay nagpapakita ng ugnayan sa pagitan ng koleksyong ito at koleksyon ng karunungan ng Egipcio na tinatawag na Instruction of Amenemope. Ang relasyong ito ay nagpapakita ng mahalagang prinsipyo ng Kawikaan: ang karunungan ay maaaring makamtan sa pamamagitan ng maraming pagkukunan. Kapag natagpuan ng isang Hudio ang karunungan mula sa Egyptian sources, binabasa nila ito sa pamamagitan ng mga lente ng makadios na katotohanan at inilalapat nila ito sa pang-araw-araw na buhay . Naunawaan nila na “Ang lahat ng totoo ay katotohanan ng Dios.”
Ang karunungang Egipcio ay naglalaman ng ilang mga elementong katulad ng karunungan ng Kawikaan. Gayunpaman, ang karunungan mula sa Biblia ay naiiba sa isang mahalagang aspeto mula sa lahat ng makamundong karunungan; ang biblical na karunungan ay batay sa pagkatakot sa Dios. Isang paghahambing ang magpapakita ng pagkakaibang ito:
“Huwag mong aalisin ang muhon na nakalagay sa hanggahan ng nilinang na lupain o ibahin ang hanggahan ng balo, kung hindi isang masamang pangyayari ang magdadala sa iyo.” (Tuntunin ni Amenemope) Instruction of Amenemope).[4]
“Huwag mong babaguhin ang matagal ng nakalagay na muhon ng lupa; upang agawin o sakupin ang lupa ng mga ulila: Sapagkat ang kanilang tagapagtanggol ay makapangyarihan; siya ang magtatanggol sa kanila laban sa inyo” (Kawikaan 23:10).
Ang dalawang talata ay kapwa nagbibigay babala laban sa pagnanakaw ng pag-aari ng iba. Ang pagkakaiba ay nasa dahilan ng pagsunod. Sa Kawikaan, ang alintuntuning ito ay hindi batay sa ilang malabong “kakila-kilabot na bagay” ngunit sa likas ng katangian ng Dios. Ang tagapagligtas ng mahihirap “ay makapangyarihan”;ipagtatanggol niya ang kapakanan ng mga mahihina. Katulad nito ang turo ng Levitico 19. Ang mamamayan ng Dios ay dapat mamuhay sa paraang sumasalamin sa kalikasan ng Dios: “Nagpakabanal kayo: sapagkat AKO ang PANGINOON na inyong Dios ay banal.”[5]
Koleksyon 4: Iba Pang Kawikaan ni Solomon (25–29)
Ang koleksyong ito ay naglalaman ng “mga kawikaan ni Solomon, na kinopya ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda.”[6] Ang bahaging ito ay nagbibigay ng mga patnubay sa pamumuno batay sa praktikal na karanasan.
Koleksyon 5: Mga kasabihan ni Agur (30) at ni Lemuel (31)
Ang huling mga kabanata ng Kawikaan ay kinapapalooban ng isang serye ng “numerical sayings,” ang mga kawikaan na nagsisimula sa nalalaman at kumilos patungo sa hindi nalalaman. Sinasalamin nito ang likas na katangian ng tunay na karunungan; pinahihintulutan nitong harapin natin ang hindi nalalaman gamit ang karunungang nakukuha mula sa karanasan sa buhay.
► Basahin ang Kawikaan 30:24-28. Humanap ng prinsipyong nagbubuklod sa apat na halimbawang ibinigay ni Agur. Talakayin kung paano tayo dapat patnubayan ng prinsipyong ito sa ating paggamit ng karunungan.
Angkop para sa isang aklat na idinesenyo upang magturo sa mga kabataang lalaki, ang Kawikaan ay nagtatapos sa isang acrostic poem sa mga pagpapala ng isang mabuting asawang babae. Sa buong aklat ng Kawikaan, nagbabala ang may-akda laban sa mga ugnayan sa mga hangal na kababaihan. Ang aklat ay nagtapos sa pamamagitan ng pagpapakita kung gaano kapalad ang isang binata kapag nakatagpo siya ng isang mabuting asawa.
Dahil ang aklat ng Kawikaan ay nasusulat sa ibang istilo kaysa sa iba pang mga libro ng Lumang Tipan, dapat mong pag-aralan ito sa ibang paraan kaysa sa Pentateuch o sa mga Propeta. Ang ilang mga katanungan para itanong kapag nagbabasa ng isang kawikaan ay: [1]
(1) “Ang kawikaan bang ito ay tumuturo sa karunungan o patungo sa kamangmangan?” Pinaghahambing ng aklat ng Kawikaan ang dalawang mga landas na ito.
(2) “Ano ang idinagdag ng ikalawang kalahati ng kawikaan sa unang kalahati?”
(3) “Ano ang pinagmulan ng karunungan sa kawikaang ito?” Ang katotohanan ba ay nagmula sa biblikal na kapahayagan, personal na karanasan, sinaunang tradisyon, pagmamasid sa mundo, o isang kombinasyon ng mga ito?
(4) “Paano naaangkop ang kawikaang ito sa aking sitwasyon?” Ang kawikaan ay hindi isang pangako na nalalapat sa bawat pangyayari.
(5) “Mayroon bang iba pang mga talata sa Kawikaan na nauugnay sa paksang pinag-aaralan ko?” Maghanap ng maraming mga kawikaan na nalalapat sa iyong sitwasyon.
(6) “Natutukoy ba ng iba pang mga aklat ng Biblia ang paksang pinag-aaralan ko?”
(7) “Mayroon bang karakter sa Biblia na naglalarawan ng kawikaan na inaaral ko?”
Pagbibigay-kahulugan sa Kawikaan: Isang Halimbawa
“Ang pagmamataas ay nagbubunga ng kahihiyan: subalit sa mapagpakumbaba ay karunungan”. (Kawikaan 11:2).
(1) Ang Kawikaan 11:2 ay nagtuturo sa dalawalang direksyon: ang kayabangan ay nahahantong sa kahihiyan; ang pagpapakumbaba ay humahantong sa karunungan.
(2) Ang unang kalahating bahagi ng kawikaan ay nagpapakita ng bunga ng pagmamataas: kahihiyan. Ang ikalawang kalahating bahagi ay nagpapakita ng bunga ng pagpapakumbaba: karunungan.
(3) Ang katotohanang ito ay nakikita sa turo ng Biblia, sa sinaunang tradisyon, at makikita sa pamamagitan ng pag-oobserba ng buhay ng mga mapagmataas. Masakit na matutunan ang leksiyong ito mula sa karanasan.
(4) Bagaman ang kanilang kahihiyan ay maaaring hindi kaagad makita, ang kawikaang ito ay matutupad sa buhay ng mapagmataas.
(5) Ang pagmamataas ay isang tema sa buong Kawikaan. Kasama sa iba pang mga kawikaan na tumatalakay sa pagmamalaki ay ang 13:10; 16:5,18; 18:12; and 29:23.
(6) Ang kapalaluan ay tinalakay sa iba pang mga talata, kasama ang Mga Awit 10:4 at 138:6; Isaias 2:11; 1 Corinto 13:4; at Santiago 4:6.
(7) Ang pagbagsak ni Haring Saul ay nagbibigay ng isang malagim na ilustrasyon ng katotohanan ng Kawikaan 11: 2. Ang pagpapala ng Dios kay Haring David ay nagbibigay ng isang ilustrayon ng huling bahagi ng talatang ito.
[1]Adapted from Tremper Longman III, How to Read Proverbs. InterVarsity Press, 2002.
Ang Pangungusap ng Aklat ng Kawikaan sa Panahon Ngayon
Posible ba para sa isang Kristiyano na maging matuwid habang kulang sa karunungan? Iminumungkahi ng Biblia na ito ay posible. Si Lot ay matuwid; ngunit hindi siya marunong.[1] Bagaman maaaring nakarating sa langit si Lot, ang kanyang kamangmangan ay nakapinsala sa mga buhay ng kanyang pamilya, sumira sa kanyang impluwensya sa iba, at nagdala sa kanya ng isang matinding lungkot.
Maraming mga beses, ang patotoo ng mga Kristiyano ay nasisira dahil nabigo ang mga Kristiyano na kumilos nang may karunungan. Nahati ang mga simbahan; nasira ang mga pagsasama ng mag-asawa, at tinalikuran ng mga kabataan ang kanilang pananampalataya dahil sa mga hangal na kilos ng mga pinuno ng simbahan. Sa isang personal na antas, ang mga problema sa pamilya, kahirapan sa pananalapi, at mga paghihirap na may kaugnayan sa ibang tao ay pinalala ng kakulangan ng karunungan.
Ang aklat ng Kawikaan ay maaaring gumabay sa mga Kristiyano sa pamumuhay ng may karunungan. Ipinakita ng Kawikaan ang kaugnayan ng panloob na kabanalan at ang mundo sa paligid natin.[2] Tinutulungan tayo ng Kawikaan na mamuhay sa paraan na ang mundo ay mapagpapala ng buhay ng Kristiyano.
[2]G.R. French. “Ang mga Kawikaan ay batay sa pagkaka-ugnay ng nasasaloob na pagiging maka-Dios at ang mundo sa ating kapaligiran.”
Isang Mas Malapit na Pagtanaw sa Hangal
Sa Kawikaan, ang salitang "hangal" ay may kasamang apat na magkakaibang mga salitang Hebreo. Ang bawat termino ay naglalarawan ng ibang uri ng kahangalan. Dahil dito, dapat na magkakaiba ang tugon natin sa bawat uri ng hangal.
Ang Walang Kaalaman
Sa Kawikaan, ang mga kabataan ay madalas na tinatawag na "walang kaalaman.”[1] Ang mga walang kaalaman ay hindi buo ang kaalaman at walang muwang. Gumagawa sila ng mga kahangalan at kung minsan ay nasasama sa mga hangal. Sila ay mga iresponsableng bata pa. Dahil hindi nila kayang makita ang panganib ng kanilang mga desisyon,[2] madali silang maligaw.[3]
Ang pagkakaiba sa pagitan ng walang kaalaman at ng hangal ay mabubuod sa isang salita: maaaring maturuan. Ang mga hangal ay “Kinamumuhian ang karunungan at tagubilin,”[4] ngunit ang walang kaalaman ay makikinig. Ang layunin ng Kawikaan ay kilusin ang walang kaalaman patungo sa karunungan.
Ang Hangal
Mayroong dalawang salitang Hebreo na maaaring isalin bilang “hangal.” Ang unang salita ay nagmumungkahi sa isang taong matigas ang ulo, mainipin, at ayaw tuklasin ang karunungan. Siya ay “walang pagpapahalaga sa karunungan”[5] at nagpapatuloy sa kamangmangan.[6] Dahil hindi niya pinahahalagahan ang karunungan, hindi niya kailanman hahangarin sa sarili niya ang pagkakaroon ng karunungan.[7]
Ang pangalawang salita na naglalarawan ng isang hangal ay mas matindi. Ang hangal na ito ay wasak ang moralidad; tinatanggihan niya ang pagkatakot sa Panginoon.[8] Balewala sa hangal “ang paggawa ng kasalanan.”[9]
Ang ugat ng kamangmangan ay moralidad, hindi intelektwal. Sa karaniwang pag-uusap, ang hangal ay isang taong hindi marunong. Sa Banal na Kasulatan, ang hangal ay isang taong tinatanggihan ang pagkatakot sa Panginooon.
Ang Mapanlait
Ang pinakamalalang uri ng hangal sa Kawikaan ay ang mapanlait o mapanuya. Ang terminong ito ay ginamit ng labing-pitong beses sa Kawikaan. Hindi lamang tinatanggihan ng mapangutya ang karunungan, natutuwa siya sa pangunguna sa iba sa kamangmangan. Kinamumuhian niya ang mga nagtutuwid sa kanya[10] at nagdadala ng kaguluhan kung saan man siya pumunta.[11] Malubha ang paghatol sa mapanlait; sapagka't tinanggihan ng mapanlait ang karunungan, tinatanggihan ng karunungan ang mapanlait.[12]
Ang Lunas Para sa Kahangalan
Upang mahanap ang lunas para sa kahangalan, dapat nating maunawaan ang sanhi ng kahangalan: pinili ng hangal na hindi magtiwala sa Dios at magtiwala sa kanyang sariling karunungan.[13] Sa isang pangunahing talata, ang dalawang mga pagpipiliang ito ay inilalagay ng magkatabi. Maaari tayong magtiwala sa Panginoon ng buong puso natin o kaya ay sumalig tayo sa ating sariling pang-unawa; hindi natin ito maaaring gawin ng magkasabay.[14] Ang pagtitiwala sa Panginoon ay naghahatid sa karunungan; ang pagtitiwala sa ating sarili ay naghahatid sa kahangalan.
Kung gayon, ang lunas sa kahangalan, ay ang pagkatakot sa Panginoon. Ang sanhi ng kahangalan ay espirituwal; ang lunas sa kahangalan ay espirituwal din. Ang problema sa isang hangal ay isang puso na lumalaban sa Dios. Upang matulungan ang hangal, dapat ayusin ng isang magulang, guro, o pastor ang puso. Hindi natin mababago ang isang hangal; sa halip, ang kanyang puso ay dapat mabago ng Dios.
Bagaman hindi direktang kinilala ng Mangangaral si Solomon bilang may-akda, ang pambungad na talata ay tumuturo kay Solomon: “Ang mga salita ng Mangangaral, anak ni David, hari sa Jerusalem.” Ang paglalarawan ng kayamanan at tagumpay ng may-akda ay naaangkop sa kung ano ang alam natin tungkol kay Solomon. Maaaring isinulat ang Mangangaral malapit sa pagtatapos ng buhay ni Solomon, marahil habang siya ay nag balik-loob mula sa kanyang pagtalikod. Inilalagay nito ang aklat malapit sa 935 B.C.
Mga Katuruan Patungkol sa Karunungan
Bago subukang tuklasin ang tema ng Mangangaral, kapaki-pakinabang na maunawaan ang katangian ng mga katuruan patungkol sa karunungan ng mga Hebreo. Ngayon, inaasahan natin na ang isang guro ay magbibigay ng mga leksiyon na nagbibigay ng malinaw na mga sagot sa mga katanungan ng mga mag-aaral. Ang mga guro sa sinaunang Hebreo ay gumagamit ng ibang estilo ng pagtuturo. Nagtatanong sila ng mga katanungan at inilalarawan ang mga sitwasyon na kinakailangan mahanapan ng mga sagot ng mga mag-aaral. Sa sunod-sunod na kasabihan sa Kawikaan 30, isang serye ng mga paglalarawan ang nangangailangang mahanapan ng mag-aaral ng isang pangkaraniwang prinsipyo. Ang responsibilidad ng guro ay hindi upang magbigay ng mga sagot, kundi upang gabayan ang mag-aaral sa paghahanap ng mga sagot.[1]
Ang sagot ng Dios kay Job ay gumagamit ng ganitong uri ng pagtuturo. Hindi sinabi ng Dios kay Job, “Narito ang tatlong punto ng balangkas tungkol sa aking katangian.” Sa halip, nagtanong ang Dios ng isang serye ng mga katanungan na nagpapakita ng kanyang katangian kay Job. Ang mga katanungan ay mga gabay kay Job patungo sa katotohan.
Ginamit ng Mangangaral ang parehong istilo ng pagtuturo. Inihahayag nito ang mga tension ng buhay na dapat harapin ng isang marunong na tao. Sa halip na magbigay ng kasagutan, ang Mangangaral ay nagtatanong ng mga katanungang nagpapakita ng tunay na problema. Pagkatapos ay hinahamon nito ang mga mambabasa na hanapin ang sagot sa mga paghihirap sa buhay. Katulad ng mga katanungan ng Dios kay Job, ang mga paghihirap sa Mangangaral ay naglalayong gabayan ang mga mambabasa patungo sa karunungan.
[1]Upang pag-aralan ang paksang ito, basahin ang Discovering the Way of Wisdom. MI: Kregel Academic, 2004, na isinulat nina Curtis, Edward M. at John J.Brugaletta.
Ang Mensahe ng Mangangaral
Ang mensahe ng Mangangaral ay matagal nang pinagtatalunan. Dahil sa paulit-ulit na salitang “walang kabuluhan,” maraming mga tagapagsalin ng wika ang tumitingin sa aklat bilang isang negatibo, halos walang pag-asang aklat. Maraming mga mambabasa ang nagtanong, “Bakit may aklat na nakakawalang pag-asa sa Biblia?” Ang pag-unawa sa estilo ng pagtuturo ng Hebreo ay tumutulong sa atin na makita ang Mangangaral bilang isang gabay sa paghahanap ng karunungan. Dalawang paksa ang bahagi ng paghahanap sa karunungan.
Paksa 1: Walang Kabuluhan
Ang paulit-ulit na paksa sa Mangangaral ay ang kawalang kabuluhan ng buhay. Ang aklat ay nagsisimula sa isang nakakawalang-pag-asang talata, “Walang kabuluhan, sabi ng Mangangaral, walang kabuluhan; lahat ay walang kabuluhan.”[1] Ang terminong walang kabuluhan ay paulit-ulit sa kabuan ng aklat.
Ang walang kabuluhan ay nagmumungkahi ng isang pansamantalang bagay. Ipinakikita ng Mga Awit 144:4 ang kaiklian ng buhay, “Ang tao ay katulad ng walang kabuluhan: ang kanyang mga araw ay parang anino na lumilipas.” Sa Mangangaral, kasiyahan, kayamanan, maging ang buhay mismo ay pansamantala lamang.
Ang walang kabuluhan ay minsan na tumutukoy sa absurdity o kawalan ng hustisya. “Narito pa ang isang bagay sa ibabaw ng lupa na walang kabuluhan; na may mga matuwid na tao, kung kanino nangyayari ang ayon sa gawa ng masama; at, may mga masasamang tao, kung kanino nangyari ang ayon sa gawa ng matuwid: sinabi ko rin na ito ay walang kabuluhan.”[2]
Minsan ipinapahiwatig ng walang kabuluhan ang kawalang kahulugan. Ang may akda ng Mangangaral ay naghahanap ng kahulugan sa kasiyahan at natagpuan niya na ito ay walang kabuluhan; wala itong pangmatagalang kabuluhan.[3]
Sa literatura ng Hebreo, ang anyo ng “x ng x” at tumutukoy sa kasukdulan. Ang “Banal ng mga banal” ay ang pinakabanal na lugar; ang “Awit ng mga Awit” ay ang pinakamahusay sa lahat ng mga awit. “Walang kabuluhan sa mga walang kabuluhan” ay nagmumungkahi ng pinaka-walang-saysay, pinaka walang kabuluhan sa lahat ng walang saysay, walang kahulugang bagay. At, ano ang pinaka walang saysay na mga bagay? “ang Lahat ay walang kabuluhan.” Ang buhay mismo ay walang kabuluhan. Ipinapakita nito ang lubos na kawalan ng pag-asa ng ganitong paksa.
Paksa 2: Kagalakan
Hindi lamang ang “Walang kabuluhan” ang tanging mensahe ng Mangangaral. Habang ang mga nakamit ng tao ay walang kabuluhan, isinama rin ng Mangangaral ang positibong mga larawan ng buhay. Makikita ito sa pangalawang paksa na lumitaw sa buong Mangangaral, ang paksa ng “kagalakan.”
Pagkatapos ng larawan ng walang kabuluhan sa kabanata 1 at 2, nagtapos ang may akda sa: “Walang mas mabuti para sa isang tao, kaysa sa siya ay kumain at uminom, at upang masiyahan ang kanyang kaluluwa sa mabuti niyang paggawa. Ito rin ang nakita ko, ito ay mula sa kamay ng Dios.”[4] Ang mensahe na ang buhay ay regalo ng Dios ay inuulit sa buong aklat. Ang mensahe ng kagalakan ay isa rin pangunahing mensahe sa Mangangaral.[5]
Ang Tema ng Mangangaral: Isang Paghahanap sa Kahulugan ng Buhay
Ang dalawang paksa, walang kabuluhan at kagalakan, ay tila magkasalungat. Gayunpaman, mayroong isa pang pares ng mga talata na nauulit sa buong aklat. Dalawampu't siyam na beses, ang Mangangaral ay tumutukoy sa “buhay sa ilalim ng Araw.” Ang “Buhay sa ilalim ng araw” ay ang buhay na nakikita lamang mula sa isang pang-daigdig na pananaw. Paulit-ulit, “ang buhay sa ilalim ng araw” ay ipinapares sa “walang kabuluhan.”
Limang beses, tinutukoy ng Mangangaral ang “regalo ng Dios” o buhay na bigay “mula sa kamay ng Dios.” Ito ay madalas na ipinapares sa “kagalakan” or “katuwaan.”
Magkasamang nagtuturo ang mga talatang ito sa isang tema na nagbubuo sa aklat. Katulad ng Kawikaan, ang Mangangaral ay nagbibigay ng dalawang landas. Sa Kawikaan, ang mga pagpipilian ay karunungan o kahangalan. Sa Mangangaral, ang pagpipilian ay walang kabuluhan (ang buhay sa ilalim ng araw) o kagalakan (buhay bilang regalo ng Dios.) Ang buhay na tinitingnan lamang mula sa isang makalupang pananaw ay walang kahulugan at walang kabuluhan. Ang buhay sa pagkatakot sa Dios ay kagalakan.
Ang karunungan ng Mangangaral ay ito: “Inilagay ng Dios ang walang hanggan sa puso ng tao, gayunman, ito’y upang hindi niya matuklasan kung ano ang ginawa ng Dios mula pa noong una hanggang katapusan.”[6] Binigyan ng Dios ang tao ng pagkabatid ng walang hanggan at ng tunay na kagalakan. Gayunpaman, hindi natin kailanman makikita ang kagalakan na ito sa ating sariling pagsisikap. Ang tunay na kagalakan ay matatagpuan lamang sa pakikipag-ugnayan sa Dios, sa pagkakaroon ng takot sa Dios.
Ang tema ng dalawang mga landas ay naibuod sa panimulang talata (“walang kabuluhan ang lahat”) at ang pagwawakas sa (“Matakot ka sa Dios at sundin mo ang kanyang mga utos: sapagkat ito ang buong tungkulin ng tao”). Ang Mangangaral ay hindi isang aklat ng kawalan ng pag-asa; ito ay isang aklat ng karunungang nagtuturo sa totoong kagalakan.
[5]Ang mensahe ng kaligayahan ay hindi minsanang pagbubukod sa tema ng vanity. Ang mga paanyaya upang maging maligaya ay matatagpuan sa Ecclesiastes 2:24-26; 3:12, 22; 5:18; 8:15; 9:7-9; at 11:9-10.
Ang mensahe ng Mangangaral ay inulit sa Bagong Tipan. Ang kawalang saysay ng buhay na hiwalay sa Dios ay nakikita sa mga babala ni Jesus laban sa paghabol ng kayamanan.[1] Kasabay nito, ipinangako ni Jesus na ang lahat ng mga bagay na kinakailangan para sa buhay ay ipagkakaloob para sa mga inuunang hanapin ang kanyang kaharian.[2] Ang pamumuhay para sa mga bagay ng mundong ito ay walang kabuluhan; ang buhay na ipinamumuhay bilang regalo ng Dios ay nagdudulot ng tunay na kagalakan.
Ang aklat na ito ay tinatawag na Awit ng mga Awit o kaya ay Awit ni Solomon: “Ang awit ng mga awit, na siyang nanggaling kay Solomon.”[1] Ang pamagat na “Awit ng Mga Awit” ay nangangahulugan na ang awiting ito ay ang pinakamahusay sa lahat ng mga awit. Ang pamagat na “Awit ni Solomon” ay nag-uugnay sa aklat na ito kay Haring Solomon.
Pagbibigay Kahulugan sa Awit ng Mga Awit
Ang pinakamalaking tanong na may kaugnayan sa Awit ng mga Awit ay “Paano natin bibigyang kahulugan ang aklat na ito?” Mayroong dalawang pangunahing pamamaraan sa pagbabasa ng aklat na ito: alegorikal at patula.
Alegorikal na Pagbibigay Kahulugan
Ang mga mambabasa ay madalas na nagtatanong kung bakit ang isang aklat na nakatuon sa romantikong pag-ibig ay bahagi ng Banal na Kasulatan. Dahil dito, mayroong isang mahabang tradisyon ng pagbibigay kahulugan sa Awit ng Mga Awit na alegorikal. Ang mga komentarista mula sa Origen sa ikatlong siglo hanggang kay Hudson Taylor sa ikadalawampung siglo ay sumulat ng mga alegorikal na komentaryo sa Awit ng Mga Awit.
Ang isang alegorikal na paraan para sa Awit ng Mga Awit ay kapag tinitingnan ang tula bilang larawan ng pag-ibig ng Dios sa kanyang bayan. Nakita ng mga mambabasang Hudyo ang aklat bilang larawan ng pag-ibig ng Dios para sa Israel; ang mga Kristiyanong tagapagsalin ay nakikita ito bilang larawan ng pag-ibig ng Dios para sa iglesya.
Ang mga hindi tumatanggap sa isang alegorikal na pamamaraan ay mayroong dalawang argumento. Una, mismong ang Awit ng Mga Awit ay hindi nagtuturo na ito ay isang alegorikal na kahulugan. Pangalawa, ang isang alegorikal na pamamaraan ay madalas na walang malinaw na kahulugan. Habang nagbabasa ka ng mga komentaryo sa Awit ng Mga Awit, nagiging malinaw na ang bawat komentarista ay nagbibigay kahulugan sa mga larawang patula sa iba’t-ibang paraan. Ang alegorikal na pagpapakahulugan ay maaaring mag-iwan sa bawat mambabasa bilang kanyang sariling awtoridad sa Salita ng Dios.
Patulang Pagpapakahulugan
Ang isang patula na pamamaraan sa Awit ng Mga Awit ay nakikita ang aklat na ito bilang larawan ng pag-ibig ng tao.[2] Kung ito ay nakikita bilang isang drama na nagtatapos sa kasal o isang koleksyon ng mga tula ng pag-ibig na walang pasalaysay na istraktura, nakikita ng pamamaraang ito ang aklat bilang isang koleksyon ng mga tula ng pag-ibig.
Para sa karamihan/katagalan ng kasaysayan ng iglesia, ang isang patulang pamamaraan ay hindi gaanong kilala kaysa sa alegorikal na pagpapakahulugan. Sa ikadalawampung siglo, ang literal na pagbibigay kahulugan ay naging mas karaniwan.[3]
Sa pamamaraang ito, ang Awit ng Mga Awit ay nakikita bilang isang patulang larawan ng romantikong pag-ibig. Gamit ang rural imagery, ang Awit ng Mga Awit ay nagpapakita ng pagmamahal ng kasintahang lalaki at ng kanyang minamahal; ito ay larawan ng pag-ibig sa pagitan ng isang lalaki at asawang babae. Nakita ng ilang mga manunulat ang Awit ng Mga Awit na tumutugma sa Kawikaan 31. Ipinapakita ng Kawikaan 31 ang praktikal na panig ng pag-aasawa; ang Awit ng Mga Awit ay nagpapakita ng istorya ng romansa ng kasal.
Dahil walang pahiwatig sa mga talata mismo na nagpapahiwatig na ang aklat ay isang alegorya, ang mga sumusuporta sa patulang pagpapakahulugan ay nagsasabi na ang aklat ay dapat bigyang pakahulugan ng literal. Itinatanong ng mga sumasalungat sa patulang pakahulugan ang pagkakaroon ng romantikong tula sa Banal na Kasulatan. Ipinapaliwanag nila na ang aklat ay mas angkop bilang isang alegorya ng pag-ibig ng Dios sa kanyang bayan.
[2]Maaari din itong tawagin na “literal” na pagpapakahulugan. Gayunman, kahit ang literal na pagharap dito ay kumikilala na ang mga tula ay gumagamit ng mga metaphors o paghahambing na hindi dapat literal ang pagbibigay-kahulugan. Sa kadahilanang ito, “patulang” pagpapakahulugan ay mas mabuting katawagan.
[3]May mga mas naunang nagbigay pansin na naghikayat ng patulang pagbasa ng Awit ng mga Awit. Kabilang dito sina Josephus sa unang siglo at si Theodore ng Mopsuestia sa ika-4 na siglo. Sina Adam Clarke at John Calvin ay kapwa umayon sa patulang pagbibigay-kahulugan, bagaman ang dalawa ay kapwa nakakita ng aspetong allegorical sa teksto.
Ang Mensahe ng Awit ng Mga Awit
Maraming mga mambabasa ang nagtatanong, “Bakit ang aklat na ito ay nasa Biblia?” Maaaring bahagi ng dahilan ay upang ipakita ang kahalagahan ng sangkatauhan. Ipinakita ng Mangangaral na ang mga pagpapala ng buhay ay mga regalo ng Dios, na ibinigay upang maging kagalakan ng mga may takot sa kanya; sa parehong paraan, ipinapakita ng Awit ng Mga Awit na ang pag-ibig ng tao ay isang regalo ng Dios na dapat pahalagahan.
Ang Dios ay interesado sa kabuuan ng mga tao. Ang ilang unang mga pilosopong Griyego, katulad ni Plato, ay nakita ang espiritu na mabuti, ngunit ang laman bilang masama. Kung minsan, ang ilang mga Kristiyano ay ganito rin ang ginagamit na pananaw. Sinasabi ng pananaw na ito na ang katawan ay masama; ang espiritu ay mabuti. Gayunpaman, itinuturo ng Genesis na matapos gawin ng Dios ang tao, “nakita Niya ang lahat ng Kanyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan sapagkat ito, ay napakabuti.”[1] Bagaman ang pagkahulog sa kasalanan ay sumira sa sansinukob, pinahahalagahan pa rin ng Dios ang mundong ginawa niya. Sa mga nasa unang iglesia na nagbawal sa pag-aasawa, tumugon si Pablo, “Sapagkat ang lahat ng nilikha ng Dios ay mabuti, at walang dapat ituring na masama kung tinatanggap nang may pasasalamat.”[2] Ang Awit ng Mga Awit ay isang biblikal na patotoo sa kahalagahan ng pag-ibig ng tao. Sa loob ng mga hangganan ng pag-aasawa, ang pisikal na pag-ibig ay dapat maging kagalakan bilang regalo ng Dios.
Ang Pangungusap ng Awit ng Mga Awit sa Panahon Ngayon
Sa panahon ng World War II, si Dietrich Bonhoeffer, isang German na pastor na siyang nanguna sa mga Kristiyano sa pagsalungat kay Adolf Hitler, ay nakipagkasundong magpakasal kay Maria von Wedemeyer. Ang ilan sa mga kapwa pastor ay binabatikos ang kanyang desisyon na magpakasal sa isang panahon ng kaguluhan sa bansa. Sinasabi nila na si Bonhoeffer ay dapat manatiling nakatuon sa “espirituwal na alalahanin.” Gayunpaman, iginiit ni Bonhoeffer na tama ang pag-aasawa lalo na sa panahon ng kaguluhan. Naniniwala siya, kasama ang Genesis, Mangangaral, at ang Awit ng Mga Awit, na ang mabuting nilikha ng Dios ay dapat ipagdiwang. Hindi tatanggihan ni Bonhoeffer ang mga ibinigay ng Dios na kagalakan bilang “un-spiritual.” Sinabi ni Bonhoeffer na ang ating “oo sa Dios” ay isang “Oo” sa magandang bagay ng mundong nilikha ng Dios.[1]
Sa ngayon, ang pag-aasawa ay nasa ilalim ng pag-atake mula sa maraming mga panig. Sa secular na mundo, ang pag-aasawa ay itinuturing bilang isang hindi napapanahong institusyon. Ang malawak na diborsyo, pag-aasawa ng lalake sa lalake o babae sa babae, at pagsasama ng mga hindi mag-asawa ay bumabalewala sa kabanalan ng pag-aasawa. Marami sa Kristiyanong tahanan, ang buhay may asawa ay nananatili – ngunit hindi ito maligaya, hindi pag-aasawa na puno ng pag-iibigan. Ang Awit ng Mga Awit ay nagpapakita ng romantikong pag-ibig bilang regalo ng Dios na dapat maging kagalakan ng bawat anak ng Dios . Dapat ang kagalakang ito ay maimodelo sa mundo ng mga Kristiyanong mag-asawa. Bagaman walang mag-asawa ang ligtas sa mga hamon ng buhay, dapat ipakita ng mga Kristiyano na ang pag-aasawa na ipinapamuhay ng may biblikal na prinsipyo ay maaaring maging isang panghabang-buhay na kagalakan sa parehong mag-asawa. Ang isang mapagmahal na Kristiyanong mag-asawa ay isang makapangyarihang patotoo sa ating mundo. Ito ay bahagi ng legacy/pamana ng Awit ng Mga Awit.
Ipakita ang iyong pagkaunawa sa leksiyong ito sa mga sumusunod na takdang aralin:
(1) Pumili ng isa sa mga sumusunod na takdang aralin:
Option 1: Takdang Araling Pang Grupo
Magtalaga ng isang paksa sa bawat miyembro ng inyong grupo (pera, pananalita, pag-aasawa, atbp.). Habang binabasa mo ang Mga Kawikaan, ilista ang lahat ng mga talatang nauugnay sa inyong itinalagang paksa. Sa huli, magbigay ng isang maikling pagtatanghal sa grupo ng “Ang Itinuturo ng Mga Kawikaan sa….”
Option 2: Takdang Araling Pang Indibidwal
Pumili ng isang paksa tulad ng pera, pananalita, pag-aasawa, atbp. Habang binabasa mo ang Kawikaan, ilista ang lahat ng mga talata na nauugnay sa inyong itinalagang paksa. Sumulat ng isang pahinang salaysay na may pamagat na, “Ang Itinuturo ng Kawikaan sa….”
(2) Kumuha ng isang pagsusulit sa leksiyong ito. Kasama sa pagsusulit ang mga itinalagang talata na nakatakdang isa-ulo.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Leksiyon 8
(1) Ayon kay John Calvin, ang tunay na karunungan ay binubuo ng anong dalawang bagay?
(2) Ilista ang dalawa sa apat na katangian ng isang kawikaan na ibinigay sa leksiyong ito.
(3) Ano ang pinaka karaniwang uri ng kawikaan sa Koleksyon 1 (Kawikaan 1–9)?
(4) Ilista ang apat sa pitong mga katanungan na ibinigay sa leksiyong ito para sa pagbibigay kahulugan sa Kawikaan.
(5) Ano ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng “walang alam” at ng “hangal” sa Kawikaan?
(6) Ano ang Pangunahing tema ng Mangangaral?
(7) Ano ang dalawang paksa na nababakas sa Mangangaral?
(8) Ano ang dalawang paraan sa pagbibigay kahulugan sa Awit ng Mga Awit?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.