Ang mga aklat ng Exodo hanggang Deuteronomio ay mga tala ng pangyayari mula sa mga unang araw ng bayan ng Israel. Ang mga aklat na ito ay nagsasalaysay ng istorya ng paglaya ng Israel mula sa Egipto, ang pagbibigay ng kautusan sa Bundok Sinai, ang mga taon ng kanilang pag-iikot-ikot sa ilang, at paghahanda sa pagpasok sa Lupang Pangako.
Katulad ng Genesis, ang Exodo hanggang Deuteronomio ay isinulat ni Moises. Ang Exodo ay nagsimula pagkatapos ng pananatili ng Israel sa loob ng 400 na taon sa Egipto. Kahit may mga di pagkakaunawaan tungkol sa petsa, ang mas malamang na petsa para sa Exodo mula Egipto ay 1446 B.C.[1] Nagtatapos ang Deuteronomio habang naghahanda ang Israel sa pagpasok sa Canaan sa taong 1405 B.C.
[1]Isinasaalang-alang ng mga ebangheliko ang dalawang posibleng petsa para sa exodus. Ayon sa 1 Hari 6:1 at sa Hukom 11:26, ang mas malamang na petsa ay 1446 B.C. Ayon sa archaeological na datos at sa simbolikong pagkaunawa/symbolic understanding ng 1 Hari 6:1, ilan sa mga ebangheliko ang sinusuportahan ang petsa ng malapit sa 1275 B.C. Gayunpaman, ang diretsong pagbasa ng 1 Mga Hari at mga Hukom ay nagsasabing 1446 B.C. ang mas malamang na tamang petsa.
Exodo
Tema: ang Pagliligtas at Relasyon
Binabakas ng Exodo ang dalawang pangunahing tema. Tinitingnan ng Exodo 1–15 ang pagliligtas ng Dios sa Israel mula sa Egipto. Ipinapaalala naman ng Paskua ang pagliligtas na ito. Sa buong kasaysayan ng Israel, ang pagdiriwang ng Paskua ay taunang pag-alala sa grasya ng Dios sa pagliligtas sa Israel mula sa pagkaka-alipin.
Ang Exodo 16–40 ay nakatuon sa mapagpalang relasyon ng Dios sa Israel. Ang pagbibigay ng kautusan sa Bundok Sinai ay pangunahing sandali ng pagtatatag ng relasyong ito.
Exodus
Mga kabanata 1-15
Pagtubos mula sa Egipto
Paskua
Mga kabanata 16-40
Relasyon kay Jehovah
10 Utos
Pangkalahatang pagtanaw sa Exodo
Pagtubos: Exodo 1–15
Ang Exodo ay nagsimula sa pagpapahirap at pang-aapi sa bayang Israel sa Egipto. Bagama’t tinanggap ng Faraon ang pamilya ni Jose, nakalipas na ang 400 na taon at ang angkan ni Jacob ay nakikita ngayon bilang banta sa Egipto. Narinig ng Dios ang pag-iyak ng kanyang mamamayan at itinindig si Moises bilang tagapagligtas.
Apat na kaganapan na naglalarawan ng pagliligtas sa Israel mula sa Egipto:
Ang mahimalang kapanganakan at pagkatawag kay Moises ang sagot ng Dios sa pag-iyak ng kanyang mamamayan.
Ang sampung salot ay nagpapakita ng sovereignty ng Dios. Ang mga salot ay higit pa sa pagpapakita ng kapangyarihan ng Dios; ang mga salot ay direktang pag-atake sa mga dios-diosan ng Egipto. Nakita ng mga Egipcio ang ilog Nilo bilang pinanggagalingan/bukal ng buhay; ginawang dugo ng Dios ang tubig. Isa sa mga diosa ng mga Egipcio ay inilalarawan bilang isang palaka; nagpadala ang Dios ng mga salot na palaka. Ang panganay/unang anak ng bawat pamilya ng Egipcio ay inilaan para sa mga dios-diosan; kinuha ng Dios ang mga panganay na anak. Ang mga salot ay nagpapakita na si Jehovah ay pinakamakapangyarihan sa lahat ng tao, maging sa Egipto man o sa Israel.
Ang Paskua ay nagmamarka sa posisyon ng Israel bilang mamamayang pinili ng Dios. Ang pista ay naging permanenteng pag-alala sa makapangyarihang pagliligtas ng Dios.
Ang pagtawid sa Dagat na Pula ay nagpapakita ng kapangyarihan ng Dios na iligtas ang kanyang mamamayan.
Relasyon: Exodo 16–40
Tinubos ng Dios ang Israel upang bumuo ng isang malapit na relasyon sa kanyang mamamayan. Ang mga kaganapan sa Exodo 16–40 ay nangyari sa Bundok Sinai. Duon kinatagpo ng Dios ang kanyang mamamayan ay minarkahan sila bilang kanyang “pinakakaingatang pag-aari.”[1]
Dalawang simbolong nagmamarka sa relasyon sa pagitan ni Jehovah at Israel:
(1) Ang pagbibigay ng Sampung Utos ang nagbigay ng balangkas ng tipan para sa relasyon. Katulad ng pagpapatuli sa pakikipagtipan kay Abraham, ang pagsunod sa kautusan ay hindi nagbubunga ng kaligtasan. Sa halip, ang pagsunod sa kautusan ay resulta ng relasyon kay Jehovah.
(2) Ang tabernakulo ay nagbibigay ng nakikitang simbolo ng presensya ng Dios ng kasama ng kanyang mamamayan. Matatagpuan sa gitna ng kampo, ang tabernakulo ay patuloy na pagpapa-alala na si Jehovah ay namamalagi sa kalagitnaan ng kanyang piniling mamamayan.
Ang tabernakulo ang nagturo sa Israel ng konsepto ng kabanalan. Habang lumalapit ang mga Israelita sa tabernakulo, batid nilang sila ay lumalapit mula sa “maruming” lugar (labas ng kampo) patungo sa “malinis” na lugar (loob ng kampo) sa tabernakulo mismo na siyang “banal” at ibinukod para sa Dios at mga pari. Ang “Dakong Kabanal-banalan”ay nakikitang simbolo ng pinanahanang lugar ng Dios. Ito ay nagpapakita ng kabanalan ng Dios at kanyang pagnanais para sa mga pinabanal.
Ang Exodo sa Bagong Tipan
Sa Bagong Tipan, Si Jesus ang perpektong Tupang inialay sa Paglagpas ng Anghel/Paskua.[2] Siya ang tumupad sa pangako ng Paskua at ng Tabernakulo. Ginamit ni Juan ang salitang Griyego para sa “tabernakulo” upang isalarawan ang ministeryo ni Jesus sa mundo ng isinulat niya na, “At ang Salita ay nagkatawang-tao, at namuhay (tabernakulo) na kasama natin.”[3] Kung paanong ang tabernakulo ay kumakatawan sa presensya ng Dios sa kanyang mamamayan, si Jesus ay presensya ng Dios sa piling ng sangkatauhan.
[3]Juan 1:14. Ang salitang “nananahan” ay isang salitang literal na may kahulugang, “nasa tabernakulo.”
Levitico
Aklat
Kung Ano ang Itinuturo
Nito Tungkol sa Diyos
Simbolo
Exodus
Presensya ng Dios
tabernakulo
Levitico
Ang Dios ay Banal
mga handog
Tema: Kabanalan
Nakakahinayang lamang na kinaliligtaan ng maraming Kristiyano ang Levitico. Bagamat ang Levitico ay naglalarawan ng mga kaugaliang kakaiba sa atin, ang aklat na ito ay naghahatid ng importanteng mensahe: ang Banal na Dios ay nangangailangan ng bayang banal. Ang aklat ng Levitico ay sumasagot sa katanungang, “Paano dapat mamuhay ang mga pinabanal sa presensya ng Dios?” Ang tema ng Levitico ay kabanalan.
Napakahalagang maunawaan ang bahagi ng Levitico sa Pentateuch. Nailigtas na ng Dios ang Israel mula sa Egipto at tinawag sila para sa kanyang sarili. Ang mga handog at kautusan ay hindi ibinigay upang magkamit ng pabor sa Dios. Sa halip, ang mga handog at mga kautusan ng kabanalan ang nagbibigay ng balangkas para sa pamumuhay sa presensya ng Banal na Dios.
Isang susi sa pagbabasa ng Levitico ay ang balanseng nakita sa Lev. 20:7–8.“italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin, kaya, magpakabanal kayo, sapagkat Ako ang PANGINOON ninyong Dios. Ingatan ninyo ang aking mga tuntunin at inyong isagawa; Ako ang PANGINOON na nagpapabanal sa inyo.”[1] Tayo ay inutusan na “pabanalin ang ating sarili at magpakabanal.” Ngunit, hindi natin dapat kalimutan na siya “ang Dios na nagpapabanal sa inyo.” Ang Dios na nagligtas sa Israel sa pamamagitan ng kanyang biyaya sa Exodo ay ang Dios na nagpabanal sa Israel sa Levitico. Ang Dios na tumawag sa atin para sa kanyang sarili ay ang Dios nagpapabanal sa atin.
Pangkalahatang Pagtanaw sa Levitico
Kautusan ng Paghahandog (Levitico 1–7)
Si Ralph Wood, isang tagapagturo sa Baylor University, ay minsang nagsabi sa isang grupo ng mag-aaral na pagkumparahin ang dalawang eksena: isang modernong iskolar na nagsabing ang doktrina ng kasalanan ay isang superstitious myth at ang isang paganong bata na naghandog ng manok sa altar sa isang liblib na nayon. Tinanong ni Professor Wood, “Aling lalaki ang mas malayo sa katotohanan?” kalaunan ay napagtanto ng mga mag-aaral na ang batang pagano, gaano man kaprimitibo, ay nakauunawa ng isang bagay na hindi nauunawaan ng modernong iskolar: ang kasalanan ay nangangailangan ng sakripisyo. Nangangailangan ang mga makasalanan ng paraan ng pagbabayad-utang. Bagaman ang batang pagano ay humahanap ng kapatawaran sa maling paraan, kahit ang pagano ay nakauunawa na ang kasalanan ay nangangailangan ng pagbabayad-utang.[2]
Ang pangangailangan para sa isang handog/sakripisyo ay makikita sa buong Banal na Kasulatan:
Sa Genesis 3:21, gumawa ang Dios ng damit para kay Adan at Eba mula sa balat ng hayop.
Sa Genesis 4, ang hindi karapat-dapat na handog ni Cain ay hindi tinanggap ng Dios.
Sa Genesis 22:14, pinangalanan ni Abraham ang lugar na pinaghandugan ng “Jehovah-jireh.”[3]
Sa Levitico, ang sistema ng pagsasakripisyo ay ipinaliwanag.
Sa Hebrews 9 at 10, Si Jesus ay nakita bilang ang handog na “minsan para sa lahat” na umako ng mga kasalanan ng maraming tao.
Sa Levitico 1–7 ay inilahad ang kautusan sa paghahandog. Ang mga handog na ito ang tumulong sa mga Israelita na maunawaan kung paano lumapit sa Banal na Dios.
Ang sinusunog na handog (Lev. 1) ay ang pangunahing alay sa Lumang Tipan. Bago patayin ang hayop, ilalagay ng isang sumasamba ang kanyang kamay sa ulo ng hayop, na nagpapakita na ang makasalanan mismo ang dapat tumanggap ng parusa ng kamatayan.[4] Pagkatapos ay susunugin ng lubusan ang hayop sa altar.
Ang handog ng mga butil (Lev. 2) ay regalong handog na kadalasang may kasamang mga sinusunog na handog o handog para sa kapayapaan.
Ang handog para sa kapayapaan(Lev. 3) -- ipinagdiriwang ang pakikipag-fellowship sa pagitan ng sumasamba at ng Dios. Ito ang nagpapatotoo sa tipan ng pakikipag-ugnayan sa pagitan ng Dios at Israel. Ito ang tanging handog na pinaghahatian sa pagitan ng sumasamba, ng pari, at ng Dios.[5]
Ang handog para sa kasalanan (Lev. 4:1–5:13) ay ibibigay bilang pagsisisi para sa mga hindi sinasadyang paglabag sa kautusan o kung may hindi nagawang bagay na kailangang gawin na inuutos ng kautusan. Ang kasalanan ang nagpaparumi sa tao; ang handog na ito ang nagpapanumbalik sa kanila na maging dalisay/malinis.
Ang handog para sa paglabag o pagkakasala(Lev. 5:14–6:7) ay inihahandog din para sa paglabag sa kautusan. Ang handog na ito ay halos kapareho sa handog para sa kasalanan, pero marahil ito ay tumatalakay sa mas seryosong paglabag, partikular sa mga nangangailangan ng kabayaran at pagsasauli ng ari-arian.
Kahit na sa bandang huli ay itinuring ng mga Israelita ang mga handog na ito bilang mga ritwal lamang, ang sistema ng paghahandog ay ginawa upang magpakita ng tunay na pagsisisi. “Sins of a high hand” (mga kasalanang ginawa bilang sinasadyang paglabag) ay hindi saklaw ng mga handog na ito.[6] Ang karapatdapat na handog ay dapat ibigay mula sa pusong tunay na nagsisisi.
Pagtatatag ng Pagkasaserdote/Priesthood (Levitico 8–10)
Dahil ang Dios ay banal, ang bawat pagsamba ay dapat na mangyari sa paraan na kanyang itinakda. Ang Exodo 32 ay nagpapakita ng resulta nang subukan nilang pagsabayin/pagsamahin ang pagsamba kay Jehovah at sa gintong guya ng Egipto.[7]Ang Levitico 10 ay nagpapakita ng pagpaparusa ng Dios sa mga sumasamba sa maling paraan. Ang banal na Dios ay nag-uutos na lumapit tayo sa kanya ayon sa kanyang iniatas.
Ang Kautusan patungkol sa Pagiging Malinis at Pagiging Marumi (Levitico 11–16)
Sa loob ng 400 na taon, nanirahan ang Israel sa Egipto, napapaligiran ng mga paganong walang kamalayan sa kabanalan. Nang tawagin ng Dios ang Israel upang maging banal, kailangan nilang matutunan ang paghiwalay mula sa kasalanan ng mga nakapaligid na mga bayan. Ito ang nagpahintulot sa Israel na kumatawan sa banal na karakter ng Dios sa lahat ng bansa.
Ginamit ng Dios ang mga kautusan patungkol sa pagiging malinis at marumi upang magbigay ng leksiyon patungkol sa kahulugan ng kabanalan at kadalisayan. Gamit ang mga aspeto ng pang-araw-araw na buhay (pagkain, panganganak, mga sakit sa balat, at mga kahinaan ng katawan/bodily discharges). Ipinakita ng Dios na ang lahat sa buhay ay pagmamay-ari niya.
Ang ilan sa mga pagkakaiba sa pagitan ng malinis at marumi ay hindi malinaw sa mga modernong tagabasa. Isa sa pinakamalapit na mga paliwanag ay ang isang malinis na hayop ay akma sa kung ano ang inaasahan ng tao na makita sa kanyang klasipikasyon. Halimbawa, ang isang nilalang na nakatira sa tubig na wala ang inaasahang palikpik o kaliskis ay marumi; ang mga lumilipad na insekto na maraming paa ay marumi.[8]Habang ang dahilan sa klasipikasyon nito ay hindi laging malinaw, ang saligang mensahe ay malinaw: Dapat nalalaman ng mamamayan ng Dios ang kaibahan sa pagitan ng dalisay at mga bagay na marumi.
Ang Alituntunin ng Kabanalan: Ang Paglakad Kasama ng Dios (Levitico 17–27)
Ang huling bahagi ng Levitico ay nagpapatuloy mula sa mga rituwal ng paghahandog, ang pagkasaserdote, at kadalisayan sa rituwal patungo sa pagtuon sa banal na pamumuhay. Sa alituntunin ng kabanalan, ang Israel ay tinawag upang maging halimbawa sa kabanalan sa bawat bahagi ng buhay: relasyon sa lipunan, pamilya, seksuwalidad, banal na araw, at pakikitungo sa mga mahihirap. Ang panawagan sa kabanalan ay ayon sa katangian ng Dios: “Magpakabanal kayo: dahil Ako ang PANGINOON na inyong Dios ay banal.”[9] Ang paalala na “Ako ang iyong Panginoon” o “Ako ang PANGINOON na inyong Dios” ay ginamit ng apatnaput-pitong beses sa mga kabanatang ito. Ang kabanalan ng mamamayan ng Dios ay sumasalamin sa kabanalan ng Dios.
Ang Levitico sa Bagong Tipan
Maraming particular na aplikasyon ng Levitico ang hindi na ipinatutupad dahil sa pagdating ni Kristo; siya ang tumupad ng kautusan.[10] Gayunman, ang prinsipyo ng kabanalang itinuro ng Levitico ay patuloy na umiiral. Ang mga kautusang ito ang naghayag sa kabanalan ng Dios, kabanalang nakalaan sa pamamagitan ni Kristo para sa lahat ng mga sumasampalataya.[11]
[5]Ang bahaging para sa Dios (ang “taba” – ang pinakamabuting parte) ay sinusunog. Ang mga bahaging natira ay kinakain ng sumasamba at ng saserdote o pari.
[6]Ayon sa Bilang 15:30-31, walang handog para sa sinsadyang kasalanan. Sa halip ang nagkasala ay dapat na “itiwalag/tanggalin/putulin..” Sa Awit 51, nalalaman ni David na ang kanyang sinadya at pinagplanuhang pagpatay kay Urias ay hindi matatakpan ng isang handog na pambayad sa kasalanan. Sa halip, inilagay niya ang kanyang sarili sa awa/habag ng Dios; “hindi ka nalulugod sa mga handog na sinunog. Ang handog sa Dios ay isang wasak na espiritu: isang wasak at nagsisising puso, O Dios, hindi mo ito tatanggihan.”
[7]Tingnan ang Exo. 32:4 (“Ito ang inyong dios, O Israel, na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Egipto”) at Exo. 32:5 (“Ipagpipista natin bukas ang Panginoon.”)
[8]Ang isang nilalang na nabubuhay sa tubig ay inaasahang mayroong palikpik o mga kaliskis. Ang mga paa ng insekto ay nakaugnay sa paggapang, hindi sa paglipad. Kaya’t ang mga nilalang na ito ay may mga katangiang hindi naaangkop sa mga inaasahang pagkaraniwan sa kanilang uri.
[9]Lev. 19:2. Ang parehong ideya ay inulit sa Lev. 20:7, 26; 21:8. Sa Bagong Tipan, ito ay inulit sa I Pedro. 1:15-16 at parehong ideya ay makikita sa Mat. 5:48.
►Kung tayo ay naligtas dahil sa biyaya, anong partikular na papel ang ginagampanan ng kautusan sa buhay natin bilang mga mananampalataya ng Bagong Tipan?
Ang “kautusan” ay madalas na nagagamit sa maling paraan sa mga iglesya ngayon. Para sa marami, ang kautusan ay lipas na sa panahon at lubusang wala ng kabuluhan para sa mga Kristiyano. Binabanggit nila ang babala ni Pablo laban sa mga sumusubok na makuha ang pabor ng Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan,[1]habang binabalewala ang ibang pahayag katulad ng, “Subali’t nalalaman natin na ang batas ay mabuti, kung ginagamit ito ng tao nang naaayon sa batas.”[2] Ang parehong pahayag ay dapat isaalang-alang sa ating pag-aaral ng kautusan ng Lumang Tipan sapagkat “lahat ng Kasulatan… ay kapaki-pakinabang para sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, at sa pagsasanay sa matuwid na pamumuhay.”[3]
Para sa iba, ang pagsunod sa kautusan ay nagiging paraan upang magkamit ng pabor mula sa Dios. Ipinagmamalaki nila ang kanilang mga sarili sa kanilang maingat na pagsunod sa bawat detalye ng kautusan. Naniniwala silang ang mga ito ay magbubunga ng pabor ng Dios; ito mismo ang pinaka dahilan kung bakit ang mga Judaizers ay nagkasala.
Paano ba dapat tanggapin ng mga Kristiyano ang kautusan? Maraming mga Kristiyano ang tumutugon sa pamamagitan ng paghati sa kautusan ng Lumang Tipan sa tatlong kategorya. Pinagtalunan nila na ang moral na kautusan (katulad ng Sampung Utos) ay patuloy na umiiral ngayon. Pinagtalunan din nila ang kautusang civil (mga kautusang para lamang sa Israel bilang isang bansa) at ang batas para sa mga seremonya/ ceremonial law(mga kautusang kaugnay sa mga handog, sa pagkasaserdote, at mga rituwal sa pagiging dalisay) ay hindi na akma/nababagay gamitin.
Samantalang ito ang pangkaraniwang pagkakahati-hati, may mga kinakaharap tayong mga problema sa pagtukoy kung alin ang mga akma sa bawat kategorya. Basahin ang kabuuan ng Levitico 19, at subukang ilagay ang bawat kautusan sa isa sa tatlong kategorya. Makikita ninyo na ito ay magiging subjective/ayon sa kalagayan. Ang batas ng paggagapas ba sa Lev. 19:9-10 ay isang kautusang civil na kaugnay lamang sa Israel bilang isang bansa, o ito ay isang moral na mandato para alagaan ang mga mahihirap sa lahat ng lipunan? Ang makatarungang balanse ng Lev. 19:36 ay mga kautusang civil, ngunit nagpapakita rin ito ng moral na prinsipyo ng katapatan.
Wala kahit saan sa Levitico 19 na ipinapahiwatig ni Moises ang pagkakaiba sa pagitan ng civil, pangseremonya, at moral na mga kautusan. Dahil walang pagkakaibang ginawa, at dahil ang Salita ng Dios ay pangwalang hanggan, marahil ang tamang pagtanggap sa kautusan ay basahin ito bilang pagpapahayag ng karakter ng Dios na gumagabay sa mamayan ng Dios sa lahat ng panahon.
Sa ganitong pagtanggap sa kautusan, tinatanong natin: “Ano ang ipinapahayag ng kautusang ito tungkol sa banal na karakter ng Dios at kanyang pamantayan para sa mga taong banal?” Pagkatapos ay basahin natin ang kautusan sa pamamagitan ng pagdating ni Cristo at isabuhay ito sa ating kalagayan ngayon.
Ang mga sumusunod na modelo ay nagpapakita kung ano ang itsura nito:
(1) Basahin ang kautusan ng Lumang Tipan
(2) Hanapin ang prinsipyong itinuturo o ang aspeto ng karakter ng Dios na ipinapahayag
(3) Humanap ng mga pagbabago sa aplikasyong ginagawa dahil sa pagdating ni Cristo
(4) Tukuyin ang modernong pagsasanay/kaugalian
Para magamit ang modelong ito, kunin ang halimbawa mula sa batas ng pag-aani (Lev. 19:9-10).
(1) Ang sinaunang kautusan ay nagsasabing: “kapag napitasan na ninyong minsan ang inyong ubasan, huwag na ninyong babalikan ang natira; bayaan na ninyo iyon sa mga taga-ibang bayan, ulila at babaing balo.”
(2) Ang kautusan ay ayon sa karakter ng Dios: “Ako ang PANGINOON na iyong Dios.” Ang Dios ay kumakalinga sa mga mahihirap; mahal niya ang mga nangangailangan.[4]
(3) Naimodelo ni Jesus ang kanyang pagmamalasakit sa mga nangangailangan sa kanyang buong ministeryo sa lupa. Hindi binago ni Jesus ang kautusang ito; sa halip, ipinakita niya ang prinsipyong ito sa kanyang pang-araw-araw na ministeryo.
(4) Sa isang kumunidad ng agrikultura, ang isang modernong kasanayan ay maaaring napakalapit sa kasanayan ng Israel – ang pag-iiwan ng maaaning pagkain para sa mga nangangailangan. Sa isang lipunang industriyal, ang modernong kasanayan ay maaaring may kalakip na pagbibigay ng pera o praktikal na tulong para sa mga mahihirap. Ang pagsasagawa ng mga ito ay maaaring magkaiba, ngunit ang prinsipyo ay nananatili na ginagawa sa bawat kumunidad. Ang mga mamamayan ng Dios ay dapat magmahal at magmalasakit sa mga mahihirap katulad ng Dios na siya mismo ay nagmahal at nagmalasakit sa mga mahihirap. Inulit ito sa 1 Juan 3:17-18 at Santiago 2:14-16. Ang prinsipyong ito ng sinaunang batas “sibil ay umiiral pa rin sa ating panahon.
Ang Levitico 19 ay nagsisilbing modelo kung paano bibigyang-kahulugan ang lahat ng alituntunin ng kabanalan. Ito ang tumatawag sa mga mamamayan ng Dios na magpakabanal sa lahat ng bahagi ng buhay. Ilan sa mga aspeto ng Levitico 19 ay repleksyon ng Sampung Utos; ang ilan ay ayon sa kautusan ng paghahandog; ang ilan ay ayon sa ideya ng pagiging malinis at marumi; ang ilan ay ayon sa pagmamahal sa kanilang kapwa; lahat ay nagpapakita ng ating obligasyon na maging banal katulad ng ating PANGINOON na ating Dios ay banal.
[4]Upang makita ang prnsipyo, dapat nating itanong nang madalas, “Bakit ibinigay ng Dios ang kautusang ito?” Halimbawa, pinagbabawalan ng Dios ang isang nagpapautang na kunin ang gilingan (Deut. 24:6). Bakit? Dahil aalisin nito ang tanging paraan ng taong ito upang maghanap-buhay. Ang pag-unawa sa “bakit” ng isang particular na utos ay nakakatulong sa atin ng makita ang unibersal na prinsipyong itinuturo.
Mga Bilang
Tema: Ang mga Bunga ng Pagsuway
Ang English na pangalan ng aklat ng Mga Bilang ay mula sa dalawang censuses/paglilista na parte ng aklat; isa sa umpisa at isa sa hulihan ng aklat. Ang titulong Hebreo (“Sa Disyerto”) ay paglalarawan ng apatnapung-taon ng pagpapaikot-ikot ng Israel sa disyerto pagkatapos nilang umalis sa Bundok ng Sinai. Ang Mga Bilang ay nagpapakita ng matinding bunga ng pagsuway sa Dios. At bilang resulta ng pagsuway ng mga Israelita, ang buong henerasyon ay namatay sa loob ng apatnapung-taon ng kanilang pagpapaikot-ikot sa disyerto.
Hindi katulad ng ibang aklat ng Pentateuch, Ang Mga Bilang ay walang malinaw na sinusundang literary pattern. Ang aklat ay nasa chronological order/pagkakasunod-sunod sa panahon, ngunit walang ibang nangingibabaw na istruktura. Sa halip, ito ay binabasang parang isang talaan ng nangyayari araw-araw sa isang paglalakbay na maraming ibat-ibang uri ng materyales: kuwento, tula, propesiya, mga pagpapala, kautusan, at dalawang pagpapatala.
Bagamat ang Mga Bilang ay naglalaman ng maraming ibat-ibang uri ng materyales, ang kanyang pangunahing layunin ay malinaw: upang ipakita ang ibinubunga ng pagsuway ng Israel at upang ipakita ang patuloy na katapatan ng Dios sa Israel. “kung tayo man ay hindi tapat, siya’y nananatiling tapat – sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili.”[1]
Pangkalahatang Pagtanaw sa Mga Bilang
Ang Israel sa Bundok ng Sinai (Mga Bilang. 1:1-10:10)
Ang Mga Bilang ay nag-uumpisa sa isang pagpapatala/sensus ng mga tao habang sila ay naghahanda sa pag-alis sa Bundok ng Sinai at maglakbay patungo sa Lupang Pangako. Ang sensus ay sinundan ng panuntunan sa pag-aayos ng mga tolda, ang mga kautusan na dapat sundin ng mga Israelita, at paghahanda para sa pag-alis.
Ang Israel sa Disyerto (Mga Bilang 10:11-21:35)
Ang sentrong bahagi ng Mga Bilang ay nagtala ng mga taon ng pagpapaikot-ikot nila sa Disyerto, ang resulta ng kanilang pagsuway noong sila ay nasa Kadesh. Kahit bago pa ang kabiguan sa pagpasok sa Lupang Pangako, ang kawalan ng pagtitiwala ng Israel sa Dios ay nakita sa kanilang pagrereklamo noong sila ay nasa Taberah,[2]ang kanilang reklamo tungkol sa manna noong sila ay nasa Kibroth-hattaavah,[3] at ang paghihimagsik ni Aaron at Miriam laban sa pangunguna ni Moises.[4]
Pagkatapos ng pag-uulat ng mga espiya tungkol sa kanilang misyon sa Canaan, ang mga tao ay tumanggi nang paniwalaan ang pagtatagumpay na ipangako ng Dios. Ang kaparusahan, pinatay ng Dios ang mga walang pananampalatayang mga espiya sa isang salot at idineklarang walang sinuman na may higit sa dalampung taong gulang, maliban kay Caleb at Josue, ang makakapasok sa Lupang Pangako.
Sa mga natitirang bahagi kabilang ang serye ng mga kautusan patungkol sa paghahandog, ang pagpaparusa sa paghihimagsik nina Korah, Dathan at Abiram, kompirmasyon sa linya ng pagkapari ni Aaron, at kautusan kaugnay sa tabernakulo at ng karumihan. Samantalang may ilang iskolar na nakikita ang pagkakaayos bilang random/’walang sinusunod na ayos, ang bahaging ito ay nagsasalarawan ng biyaya ng Dios sa Israel. Sa pagsubaybay sa mensahe ng kaparusahan na may kasamang pagbabalik-loob sa mga kautusan kaugnay sa paghahandog, ipinapakita ng Dios na hindi niya iniwan ang kanyang bayan. Katulad ng mga kautusan sa Bundok Sinai na nagpapakita ng mapagpalang pag-aalaga ng Dios sa kanyang mamamayan, ang mga kautusan sa Mga Bilang ay nagpapakita ng pag-iingat ng Dios sa Israel sa kabila ng kanilang pagsuway. Sa kaparehong paraan, ang kompirmasyon sa linya ng pagkapari ni Aaron at ang mga kautusan ay kaugnay sa tabernakulo ang nagpapatuloy ng importansya ng tabernakulo at pagkasaserdote sa Israel. Hindi kinalimutan ng Dios ang Israel; patuloy siyang mananahan sa piling ng kanyang mamamayan.
Sa ika-21 kabanata, ang mga tao ay pinadalan ng salot na may mga ahas na makamandag dahil sa kanilang paghihimagsik.[5]Sa pagtugon sa pagsisisi ng mga tao, inutusan ng Dios si Moises na maglagay ng tansong ahas sa isang poste. Sa pamamagitan ng pagtingin sa ahas, ang taong nakagat ay mabubuhay. Sa Juan, itinuro ito ni Jesus bilang uri ng kanyang gagawing pagliligtas para sa lahat ng titingin sa kanya ng may pananampalataya.[6]
Ang Israel sa Kapatagan ng Moab (Mga Bilang. 22:1-36:13)
Ang huling bahagi ng Mga Bilang ay nagpapakita ng pangalawang paghahanda ng Israel sa pagpasok sa Canaan. Ang mga kabanatang ito ay nangyari, tinatayang apatnapung taon matapos ang pagbubukas ng aklat. Dahil sa pagsuway, ang labing-isang araw na paglalakbay ay inabot ng apatnapung taon.[7]
Sa mga nakapagitang mga taon, ang buong henerasyon ng mga Israelitang hindi nanampalataya ay namatay. Walang alinman sa mga namatay sa Mga Bilang 15-21 ang naiugnay sa pagsalakay ng mga kalaban. Ang pagkamatay ng mga hindi nanampalatayang henerasyon ay resulta ng paghatol ng Dios, at hindi dahil sa lakas ng mga kalaban ng Israel.[8]
Habang naghihintay sa kapatagan ng Moab ang Israel, binayaran ng pinuno ng mga Moabita na si Balak si Balaam upang isumpa ang Israel. Ang sumpa ni Balaam ay ginawang pagpapala ng Dios sa mga tao. Kasama sa naging pagpapala ni Balaam ay ang isa sa mga propesiya ng Lupang Tipan tungkol sa dakilang Mesiyas. Sa kabila ng pagsuway ng Israel, patuloy na iningatan ng Dios ang kanyang bayan.
Ang kwentong ito ng proteksyon ng Dios sa Israel ay agad na nasundan ng isa pang kwento ng paghuhukom. Ang Israel ay sumamba sa mga dios ng Moab at pinarusahan sa pamamagitan ng salot na pumatay sa 24,000 na mga Israelita.[9] Muli, ang kaparusahan sa pagsuway ay malinaw.
Ito ay sinundan ng pangalawang sensus, sa paghahanda sa pag-alis sa kapatagan ng Moab, isang pagbabalik-aral tungkol sa mga kautusan sa paghahandog, at pagtuturo sa paghahati-hati ng lupa. Hindi kinalimutan ng Dios ang kanyang mamamayan.
Ang Lumang Henerasyon
(Mga Bilang. 1-14)
Ang Bagong Henerasyon
(Mga Bilang. 21-36)
Unang sensus: 603,550 warriors
(Mga Bilang. 1)
Pangalawang sensus: 601,730 warriors
(Mga Bilang. 26)
Paglalakbay mula sa Sinai hanggang Kadesh
Paglalakbay mula sa Kadesh hanggang Moab
Ang Mga Kautusan ng Pagpapabanal
(Mga Bilang. 4-9)
Ang Mga Kautusan ng mga handog at panunumpa (Mga Bilang. 28-30)
Ang Mga Bilang sa Bagong Tipan
Binigyang punto ni Pablo ang kasalanan ng Israel noong ito ay nasa Moab, ang kanilang hindi pagtanggap sa awtoridad, at ang kanilang mga pagrereklamo bilang babala sa mga taga-Corinto. Itong mga mananampalataya ng Bagong Tipan ay nasa panganib ng parehong pagkakamali. Nagbabala si Pablo, “Kaya kung iniisip ninyo na matatag na kayo sa inyong pananampalataya, mag-ingat kayo at baka kayo mahulog sa kasalanan.” Kasama ng babalang ito, hinikayat ni Pablo ang mga mambabasa, “Walang pagsubok na dumarating sa inyo na hindi naranasan ng ibang tao: ang Dios ay tapat, hindi niya tayo pababayaang subukin ng higit pa sa ating makakaya; kaya kung dumaranas kayo ng pagsubok gagawa siya ng paraan, para mapagtagumpayan ninyo ito.”[10]
Sa aklat ng Hebreo, nagbabala ang may akda ng sulat para sa mga Kristiyano laban sa kawalan ng pananampalataya na naging dahilan kung bakit hindi makapasok ng Canaan ang mga Israelita. Dahil pinatigas ng mga Israelita ang kanilang mga puso, pinigilan silang makapasok sa Lupang pangako. Sa parehong paraan, ang mga mambabasa ng aklat ng Hebreo na may “masamang puso ng hindi pananampalataya” ay hindi makakapasok sa Araw ng pamamahinga na ipinangako sa pamamagitan ng ebanghelyo.[11]
Ang Deuteronomio ay isa sa pinaka mahalagang aklat sa Lumang Tipan. Ito ang pagtatapos ng Pentateuch at ang pundasyon ng mga aklat ng kasaysayan. Sa kabuuan ng Lumang Tipan, susukatin ng mga propeta ang Israel batay sa mga prinsipyong itinuro sa Deuteronomio.
Ang pangalang Deuteronomio ay nangangahulugang “pangalawang kautusan.” Ang “pangalawang kautusan” ay hindi bago, subali’t ito’y pagpapanumbalik sa tipan para sa bagong henerasyon. Sa kabila ng hindi pagiging tapat ng Israel sa disyerto, hindi kinalimutan ng Dios ang kanyang mamamayan. Ipinakita ng Deuteronomio na ang mga tipan kay Abraham at Moises ay nananatili pa rin.
Pangkalahatang Pagtanaw sa Deuteronomio
Ang Deuteronomio ay naglalaman ng tatlong talumpati ni Moises. Ang mga talumpating ito ay nagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng Israel at pagtingin sa hinaharap bilang mamamayan ng Dios.
Unang Talumpati – Makasaysayan: Ano Ang Ginawa Ng Dios (Deut. 1-4)
Sa kanyang unang talumpati, binalikan ni Moises ang kasaysayan ng Israel. Ito ay hindi simpleng pagbabaliktanaw sa kasaysayan; ito ay teolohiya ng kasaysayan. Ipinakita ni Moises ang kahalagahan ng pagpapanatili ng tipan sa pamamagitan ng pagbabalik tanaw sa kasaysayan ng Israel. Ipinakita niya ang kinahantungan ng pagsuway ng Israel nang tumanggi silang pumasok sa Canaan. Pagkatapos ay ipinakita rin Niya ang ginawang pag iingat ng Dios noong naging masunurin ang Israel sa mga kautusan ng Dios. Itinuro rin ni Moises ang kanyang sarili bilang isang halimbawa ng isang taong pinanatili sa labas ng Canaan dahil sa pagsuway. Hindi dapat kalimutan ng Israel ang kasunduan.[1]
Ang unang talumpating ito ay naglalatag ng importanteng teolohikal na pundasyon para sa huling bahagi ng kasaysayan ng Lumang Tipan, ang doktrina ng “paghahasik at pag-ani.”[2] Ang mga nalalabing kasaysayan ng Lumang Tipan ang magpapakita ng prinsipyong ito. Noong ang Israel ay masunurin, pinagpapala siya ng Dios; noong siya ay tumalikod at sumamba sa mga dios-diosan, ipinatapon sila ng Dios.
Pangalawang Talumpati – Legal: Ano Ang Mga Iniuutos ng Dios (Deut. 5-26)
Ang buod ng Deuteronomio ay isang pagbabalik-tanaw sa tipan. Sa Deuteronomio 5-11, Si Moises ay nagbalik-aral sa pangkalahatang kondisyon ng kautusan; sa Deuteronomio 12-26, isinabuhay ni Mpses ang tipan sa ispesipikong kondisyon sa lipunan ng Israel. Ipinakita ng mga kabanatang ito kung paano isasabuhay ang tipan sa buhay ng Israel sa Canaan.[3]
Ang pangkalahatang pagtanaw ni Moises sa kautusan ay nagsisimula sa pagbabalik tanaw ng Sampung Utos. Ang dalawang prinsipyo na siyang ugat ng pakikipagtipan ay ang “pagkatakot sa Dios” at ang “pagmamahal sa Dios.”
Sa Deuteronomio 5:29, Sinabi ng Dios, “Sana nga’y manatili ang takot nila sa akin at lagi nilang sundin ang aking mga utos, upang mapanuto sila, at ang kanilang mga anak sa habampanahon!” Ang tamang pagkatakot sa Dios ang magpapanatili sa Israel.
Ang Deuteronomio 6:4-5 ay naglalaman ng buod ng tipan: “Pakinggan mo, O Israel: Ang Panginoong ating Dios, ang nag-iisang PANGINOON: Ibigin ninyo ang PANGINOON na inyong Dios nang buong puso, ng buong kaluluwa at ng buong lakas.”[4] Tinukoy ito ni Jesus bilang ang “una at pinakadakilang utos.”[5]
Ang dalawang prinsipyong ito, ang pagkatakot sa Dios at pagmamahal sa Dios ay hindi magkasalungat. Ang salitang pagkatakot at pagmamahal ay parehong terminong pang relasyon. Sa Lumang Tipan, ang “pagkatakot sa Dios” ay nangangahulugan ng pamumuhay ng may tamang relasyon sa kanya. Ang pagkatakot sa Dios ay hindi ang nanginginig na takot ng isang alipin; ito ay ang angkop na kamalayan sa kung sino talaga ang Dios at ang ating tugon sa kanya. Ang pagkatakot at pagmamahal ay parehong positibong termino.
Ang mga huling bahagi sa talumpating ito ang nakabuo ng dalawang prinsipyong ito at ginamit ang mga ito sa pang araw-araw na buhay. Sa pagbabalik aral sa Sampung Utos at pagsasabuhay ng kautusan sa pamumuhay sa Canaan, ipinakita ni Moises kung paano ang pagkatakot sa Dios at pagmamahal para sa Dios ay maipapakita sa araw-araw na buhay. Ang kautusan ay higit pa sa listahan ng mga patakaran; ito ay ang dahilan para sa pamumuhay ng isang relasyon ng pagmamahal.
Pangatlong Talumpati – Propesiya: Ano ang Gagawin ng Dios (Deut. 27-31)
Nakatuon sa hinaharap, ang panghuling talumpati ni Moises ay para sa paghahanda sa Israel sa pagsasalin ng pamumuno kay Josue at paghamon sa Israel na magpatuloy sa katapatan sa Tipan.
Ang Deuteronomio 27-28 ay naglalaman ng mga tagubilin para sa mga seremonya ng pagpapanumbalik ng pakikipagtipan na dapat gawin pagkatapos pumasok ang Israel sa Canaan. Sa seremonyang ito, kailangang gumawa ng altar ang mga Israelita malapit sa Shechem, isang lungsod sa pagitan ng Bundok ng Ebal at Bundok Gerizim. Ang mga lipi ay mahahati sa dalawang grupo, ang kalahati ng mga lipi ay sa isang bundok at sa kabila naman ang natitirang kalahati ng mga lipi. Bibigkasin ng mga Levita ang mga babala ng tipan, at ang mga tao ay tutugon ng mga pagpapala at mga sumpa ang tipan. Ang seremonyang ito ay isinagawa sa Josue 8:30-35. Isa itong dramatikong paraan upang ipaalala sa bagong henerasyon ng kanilang obligasyon sa tipan.
Ang Deuteronomio 29-30 ay naglalaman ng huling mensahe ni Moises. Pagkatapos paalalahanan ang mga Israelita tungkol sa katapatan ng Dios sa kanilang nakaraan, ihinula ni Moises na ang Israel ay babaling sa ibang dios at mabibihag. Gayunpaman, ihinuhula din niya ang awa ng Dios na magbabalik sa kanila sa lupain. Nagtapos si Moises sa isang pagpili: “Saksi ko ang langit at ang lupa na ngayo’y inilahad ko sa inyo ang buhay o kamatayan, at ang pagpapala o sumpa: kaya’t piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay magtagal.”[6]
Sa Deuteronomio 31, itinalaga ni Moises si Josue bilang kanyang tagapagmana at gumawa ng probisyon para sa kautusan na babasahin tuwing ika-pitong taon sa Pista ng Tabernakulo. Ito ang magpapaalala sa bawat henerasyon sa mga probisyon ng kautusan.
Appendices/Apendise (Deut. 32-34)
Sa ilalim ng direksyon ng Dios, gumawa si Moises ng probisyon upang tulungan ang Israel na maalala ang tipan/kautusan.Tinuruan ni Moises ang mga Israelita ng isang awit na buod ng tipan. Ang awit na ito ay pagbabalik-tanaw sa kabutihan ng Dios sa Israel, ihinuhula ang pagrerebelde at pagkabihag ng Israel sa hinaharap at mga pangako ng Dios ng pagpapatawad at pagpapanumbalik. Ang awit ng Deuteronomio 32 ay isa pang paalala sa mga probisyon ng tipan.
Ang Deuteronomio 33 ay naglalaman ng huling pagbabasbas ng pagpapala sa bawat lipi. Katulad ng isang amang nagbabasbas ng pagpapala sa kanyang mga anak, Si Moises ay nagpahayag ng pagpapala sa bawat lipi.[7]
Ang Deuteronomio 34 ay isang patalastas ng kamatayan na maaaring isinulat ni Josue. Dahil sa kasalanan ni Moises sa Meribah, hindi siya pinayagang makapasok sa lupang pangako.[8] Gayunpaman, pinahintulutan ng Dios na makita ni Moises ang lupain mula sa bundok ng Nebo. Inilibing ng Dios si Moises sa Moab, at si Josue ang naging tagapanguna ng mga mamamayan ng Israel.
Deuteronomio sa Huling Bahagi ng Lumang Tipan
Ang tipan sa Deuteronomio ay nagbibigay ng batayan para sa huling “propesiyang paghahabla sa hukuman” laban sa Israel. Ang mga propeta ng Israel ay tumuturo sa Deuteronomio nang ipakita nila ang kataksilan ng Israel sa Dios. Ang istraktura ng Deuteronomio ay sumusunod sa disenyo na pangkaraniwan sa pulitikal na pakikipagtipan o kasunduan sa panahon ni Moises. Mula sa Egipto, ang anyong ito ay maaaring naging pamilyar sa mga Israelita at nakakatulong sa kanila upang maunawaan kung gaano kaseryoso ang kanilang pakikipagtipan sa Dios.
Nakakalungkot, kalaunan ay nakalimutan ng Israel ang kanilang pangako at sumira sila sa tipan. Sa aklat ng Mga Hukom, ang Israel ay nagsimula nang talikuran ang tipan. Ang Mga Hukom, mga Hari, at ang mga propeta ang magpapakita ng kabiguan ng Israel sa pananatiling tapat sa tipan na ipinahayag sa Deuteronomio.
Ang Tipan ng Dios sa Israel
Sinaunang Kasunduan sa Malapit na Silangan
Tipan ng Dios sa Israel
Pasimulang ipinakikilala ang kasunduan
Deut. 1:1-5
Pangkasaysayang Prologue nagbabalik-tanaw sa relasyon sa pagitan ng dalawang partido
Deut. 1:6 – 4:49
Mga Ipinapahayag ng Tipan
Deut. 5:1 – 26:19
Mga Sumpa at pagpapala sa paglabag
(o pagtupad) sa tipan
Deut. 27:1 – 28:68
Probisyon para sa pana-panahong pagbasa ng tipan
Deut. 31:9-29
Listahan ng mga saksi sa tipan
Deut. 32:1-47
Ang Deuteronomio sa Bagong Tipan
Ang Deuteronomio ay nabanggit ng higit na walumpung beses sa Bagong Tipan, isa sa pinakamadalas na mabanggit mula sa mga aklat ng Lupang Tipan. Ang Deuteronomio ay nangakong magtatalaga ang Dios ng propetang tulad ni Moises; ito ay nabigyang katuparan sa ministeryo ni Jesus sa Lupa.[9] Binanggit ni Jesus ang Deuteronomio ng maraming beses, kabilang ang kanyang tugon sa panunukso ni Satanas sa ilang.[10]
[2]Ang mga Biblikal na mga iskolar ay tinatawag ito bilang prinsipyo ng “deuteronomic theology” o “retribution theology.” Ito ang pundasyon ng mga aklat ng kasaysayan, ang mga aklat ng propesiya, at muling binanggit sa Gal. 6:6-7.
[3]Isang halimbawa ang Deut. 22:8: “Lalagyan ninyo ng barandilya ang bubong ng bahay na gagawin ninyo para hindi kayo managot sakaling may mahulog mula roon. (Magandang Balita Biblia). Ang kautusang ito ay hindi kabilang sa Exodo o sa Levitico. Ang mga kautusan kaugnay sa pagtatayo ng bahay ay hindi kailangan para sa mga tao sa disyerto. Kailangan ang mga ito para sa pagpapatupad ng batas sa bagong kalagayan ng nakatatag na mga lungsod sa Canaan. Bagaman ang pagpapatupad ay bago, ang prinsipyo ay hindi. Inilalapat ng Deuteronomio 22:8 ang naunang inihayag na prinsipyo, “Ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” (Lev. 19:18. Kaugnay rin ito sa Exodo 20:13, “Huwag kang papatay” (Magandang Balita Biblia). Ang pagtupad sa kautusang ito ay higit pa sa kawalan ng pagpatay, ito ay isang aktibong proteksiyon ng ibang tao—isang prinsipyong muling binanggit ni Jesus sa Mateo 5:21-24.
Konklusyon: Nagsasalita Ang Pentateuch Sa Kasalukuyan
Para sa maraming iglesya, marami sa bahagi ng Pentateuch ay binabalewala/hindi pinapansin. Ang mga istorya ng paglikha at ng baha ay batayan para sa mga aralin ng mga bata at paksa ng mga debate tungkol sa paglikha at ng ebolusyon. Ang Sampung Utos ay kinakabisado sa Sunday School. Gayunpaman, marami sa bahagi ng Exodo hanggang sa Deuteronomio ay hindi pinapansin ng maraming Kristiyano. Ito ay isang kasawian, dahil ang mga aklat na ito ay mahalaga para sa mga Kristiyano sa ika-21 siglo.
Ang Exodo ay nagpapakita ng plano ng Dios para sa pagtubos at pagbuo ng relasyon sa sangkatauhan. Kung mauunawaan ng tama, ang kautusan ay naghahayag ng pagnanais ng Dios na magtatag at panatilihin ag kanyang relasyon sa kanyang mamamayan. Para sa atin, ganoon din sa Israel, sinabi ng Dios: “Huwag kayong matakot, sapagkat sinusubok lang kayo ng Dios. Ibig lang niyang magkaroon kayo ng takot sa kanya, pagkat ayaw niya kayong magkasala.”[1] Ang tamang relasyon sa Dios ay nangangahulugan na hindi natin kailangang matakot sa kahit anong bagay.
Ang Leviticus ay nagpapakita ng kabanalan. Ipinapakita nito na ang banal na Dios ay nag-uutos sa kanyang mamamayan na maging banal. Bagamat ang sistema ng paghahandog ay hindi na ipinatutupad, ang prinsipyo ng kabanalan ay nananatiling mahalaga para sa pamumuhay ng isang tamang relasyon sa Dios.
Ang Mga Bilang ay nagbigay babala sa mga iglesya laban sa hindi pagsunod. Sa Lumang Tipan, ang mga mamamayan ng Dios ay hinatulan dahil sa kanilang hindi pagsunod. Ngayon, ang mamamayan ng Dios ay hahatulan din kung hindi tayo susunod sa Dios.
Ang Deuteronomio ay nagbigay ng gabay sa paggamit ng prinsipyo ng kautusan sa pabago-bagong sitwasyon. Sa Deuteronomio, tinuruan ni Moises ang Israel kung paano gamitin ang prinsipyo ng kautusan sa pamumuhay nila sa Lupang Pangako. Kahit pa magbago ang mga kalagayan ng buhay natin, ang prinsipyo ng kautusan ng Dios ay hindi nagbabago. Ang pag-aaral sa Deuteronomio ay nagtuturo sa atin kung paano gamitin o isabuhay ang prinsipyo ng Biblia sa bagong sitwasyon.
Ipakita ang iyong pagkakaunawa sa leksiyong ito sa pamamagitan ng mga sumusunod na takdang aralin:
(1) Pumili ng isa sa mga sumusunod na takdang aralin:
Option 1: Takdang Aralin PangGrupo
Pagkatapos basahin ang “Isang Mas Malapit na Pagtanaw sa Kautusan,” pag-aralan ang Leviticus 19. Para sa bawat kautusan sa kabanatang ito, alamin ang prinsipyong itinuturo at pagkatapos ay talakayin kung paano magagamit/maisasabuhay ang prinsipyong ito sa panahon natin ngayon. Ang baway miyembro ng iyong grupo ay kailangang sumulat ng isang maiksing sanaysay na nagpapakita ng kahit isang napapanahong aplikasyon ng Leviticus 19.
Option 2: Takdang Aralin pang Indibidual.
Pagkatapos basahin ang “Isang Mas Malapit na Pagtanaw sa Kautusan,” pag-aralan ang Leviticus 19. Sumulat ng 1-2 pahinang sanaysay kung saan ililista mo ang bawat kautusan sa kabanatang ito, tutukuyin ang mga prinsipyong itinuturo nito, at pagkatapos ay ipakita kung paano magagamit/maisasabuhay ang prinsipyong ito sa panahon natin ngayon.
(2) Kumuha ng pagsusulit ayon sa materyal mula sa kabanatang ito. Kabilang sa pagsusulit ang mga Kasulatang nakatakdang isaulo.
Leksiyon 3 Mga Tanong sa Pagsusulit
1. Ano ang mas malamang na petsa ng pag-alis ng Israel mula sa Egipto?
2. Ilista ang tema para sa bawat aklat:
3. Ang dalawang pangunahing bahagi ng Exodo ay ang ____________________ at ____________________.
4. Sa Exodo, ang apat na pangyayari na nagpapakita ng pagliligtas sa Israel mula sa Egipto ay ang mga sumusunod:
5. Sa Exodo, ang dalawang pangyayari na nagmarka ng pagtatatag ng relasyon sa pagitan ni Jehovah at Israel ay ang mga sumusunod:
6. Tukuyin ang bawat paghahandog/kaloob mula sa Levitico.
_________________: ang kaloob na regalo na kasabay ng iba pang handog
_________________: ang pangunahing handog sa Lumang Tipan
_________________: tumutukoy sa paglabag na nangangailangan ng pagbabayad
_________________: pagbabayad para sa hindi sinasadyang paglabag sa kautusan
_________________: pagdiriwang ng pagsasama ng sumasamba at ng Dios
7. Ang __________________________ ng Levitico 17-27 ay nagtuturo sa Israel kung paano mamuhay sa isang paraan na nagpapakita ng kabanalan sa pang-araw-araw na buhay.
8. Ang apat na hakbang sa pagsasabuhay ng kautusan ng Lumang Tipan sa panahon natin ngayon ay ang mga sumusunod:
9. Ang tatlong pangunahing bahagi ng Mga Bilang ay ang _______________________, __________________, at ________________.
10. Ang tatlong talumpati ni Moises sa Deuteronomio ay ang mga sumusunod:
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.