Maraming pagkakatulad ang Ezekiel at Daniel sa Jeremias. Lahat ng aklat na ito ay nagmula sa mga taon na sumasaklaw sa pagbagsak ng Jerusalem. Si Daniel at Ezekiel ay nasa Babilonia habang si Jeremias naman ay nasa Jerusalem. Habang pinagmamasdan ni Jeremias ang pagbagsak ng Jerusalem, nakita naman ni Ezekiel ang mga pangitain ng pagkawasak mula sa kanyang tahanan sa Babilonia. Si Daniel, na mas bata kaysa kina Jeremias at Ezekiel, ay dinala sa Babilonia sa unang pagsakop sa Jerusalem.
Habang ang bawat aklat na ito ay naglalaman ng mensahe ng pag-asa at pagpapanumbalik, ang pagpapanumbalik sa darating na hinaharap ay pinagtutuunan ng isang malaking pansin sa Ezekiel at Daniel higit sa aklat ng Jeremias. Ang pangunahing mensahe ng aklat ng Jeremias ay ang paghatol sa Jerusalem; Nakita ni Ezekiel ang isang nakasisiglang pangitain ng pagpapanumbalik; Nakita ni Daniel ang pangitain ng lubos na katuparan ng layunin ng Dios sa darating na hinaharap.
Tala ng Mga Panahon ng aklat ng Ezekiel at Daniel
Petsa
Kaganapan
605 B.C.
Dinala si Daniel sa Babilonia
597 B.C.
Dinala si Ezekel sa Babilonia
586 B.C.
Ang Pagbagsak ng Jerusalem
571 B.C.
Wakas ng ministeryo ni Ezekiel
539 B.C.
Sinakop ng Persia ang Babilonia
538 B.C.
Unang Pagbabalik mula sa pagkakatapon
536 B.C.
Wakas ng ministeryo ni Daniel
Background ng Ezekiel
Ang Ezekiel sa isang sulyap
May Akda
Ezekiel
Tagapakinig
Mga pinatapon sa Babilonia
Petsa
c. 593-571 B.C.
Tema
Paghuhukom at Pagpapanumbalik
Layunin
Upang bigyang babala sa parating na paghatol
Upang ipangako ang pagpapanumbalik sa hinaharap
Ang Ebanghelyo
sa Ezekiel
Nakita ni Ezekiel ang isang araw na ang presensya ng Dios ay muling makakapiling ng Kanyang mamamayan. Ito ay natupad sa pagdating ni Jesus (Jn. 1:14).
Nakita ni Ezekiel ang isang ilog na nagdadala ng buhay kung saan man ito dumaloy. Sinabi ni Jesus na siya ang pinagmumulan ng tubig na nagbibigay buhay (Jn. 4:10-14).
Kalagayang Pangkasaysayan ng Ezekiel
Ang pangalang Ezekiel ay nangangahulugang “pinalakas ng Dios.” Ipinanganak siya ng mas maaga bago natuklasan ni Josias ang Kautusan noong 621 B.C. Bilang anak ng isang pari, nasaksihan ni Ezekiel ang pagbabagong-buhay na kasabay ng mga reporma ni Josias at marahil ay narinig ang pangangaral ni Jeremias.
Si Ezekiel ay dinala sa Babilonia bilang bahagi ng pagpapauwi sa mga bihag noong 597 B.C. kasunod ng pag-aalsa ni Jehoakim. Nanirahan siya sa isang pamayanan ng mga pinatapon na nasa kanal ng Chebar canal malapit sa lungsod ng Nippur. Si Ezekiel ay may asawa, ngunit walang nabanggit na anumang anak.
Sa halip na maglingkod bilang isang pari sa Jerusalem, si Ezekiel ay naglingkod bilang isang propeta kasama ng mga bihag.[1] Ang ministeryo ng isang pari ay nagsimula sa edad na tatlumpu at nagwakas sa edad na limampu.[2] Ang unang pangitain ni Ezekiel ay dumating nang siya ay malapit nang maging tatlumpung taong gulang at ang pangitain na nagwakas sa aklat ay dumating nang si Ezekiel sa limampung taong gulang.[3] Katulad ni Jeremias, ang mga mensahe sa Ezekiel ay hindi laging magkakasunod. Ang mga propesiya ni Ezekiel na tatalunin ni Nebucodonosor ang Ehipto[4] ay ibinigay noong 571 B.C., dalawang taon pagkatapos ng pangitaing na tumapos sa aklat na ito.
Ang pangunahing tagapakinig ni Jeremias ay ang mga mamamayan ng Jerusalem, ngunit ang sinulatan niya ay ang mga bihag sa Babilonia. Ang pangunahing tagapakinig ni Ezekiel ay ang mga Hudyo sa Babilonia, ngunit ang sinulatan niya ay ang mga mamamayan ng Jerusalem.
Layunin
Ang mga bihag sa Babilonia ay maraming katanungan:
“Hanggang kailan magtatagal ang pagkakabihag sa amin?”
“Ano ang mangyayari sa aming lungsod?”
“May pag-asa pa ba sa kinabukasan?”
Tumugon si Ezekiel na ang pagkakabihag ay tatagal ng maraming taon. Sumulat siya upang bigyan ng babala ang mga tao sa Jerusalem na malapit na silang ipatapon sa Babilonia. Pagkaraan ng pagkawasak ng lungsod, dinala ni Ezekiel ang pangako ng pagpapanumbalik sa Dios. Sa huli, ang aklat ng Ezekiel ay isang mensahe ng pag-asa; hindi sinukuan ng Dios ang kanyang mga mamamayan.
Ang Mga Tanong ng mga Ipinatapon
Sagot ni Ezekiel
Malapit na kaya ang pagkatalo ng Babilonia?
Hindi. Ang Babilonia ay magkakaroon ng higit pang mga tagumpay laban sa Juda. Marami sa mga nananatili sa Jerusalem ay pauuwiin (Ezek. 12).
Ano na ang mangyayari sa Jerusalem?
Ang Jerusalem ay mawawasak (Ezek. 5).
Bakit kami pinarurusahan sa mga ginawa ng aming mga ninuno?
Ang bawat tao ay may pananagutan sa kanilang sariling kasalanan. “Ang kaluluwa na nagkasala, ito ay mamamatay”
(Ezek. 18).
Mayroon bang pag-asa para sa mamamayan ng Dios?
Oo! Nangako ang Dios ng isang maluwalhating hinaharap (Ezek. 40-48).
Ang pagkatawag kay Ezekiel, katulad ng marami sa kanyang mga mensahe, ay dumating sa pamamagitan ng isang pangitain mula sa Dios. Ang pangitain ay binubuo ng limang yugto:
Ang Tagpo (1:1-3)
Ang paglapit sa trono ng Dios (1:4-28)
Ang Pagtawag (2:1-3:11)
Ang Pag-alis mula sa trono ng Dios (3:12-13)
Ang Tagpo (3:14-15)
Katulad ni Isaias at Jeremias, tinawag si Ezekiel na mangaral sa mga taong ayaw makinig. Sinabi ng Dios kay Ezekiel na mas madaling magsalita sa mga taong may ibang wika kaysa sa mga suwail na mamamayan ng Juda. Sila ay “may matigas na ulo at suwail na puso.” Gayunpaman, tiniyak ng Dios kay Ezekiel, “Patitigasin ko ang iyong kalooban nang katulad nila.”[1] Pinalakas ng Dios si Ezekiel para sa kanyang mahirap na misyon.
Paghuhukom sa Juda (Ezek. 4–24)
Sa pamamagitan ng isang serye ng mga pangitain at simbolikong pagkilos, nagdala si Ezekiel ng isang mensahe ng paghatol sa mga bihag sa Babilonia. Ang sentro ng mensahe sa aklat ay ang pangitain ni Ezekiel sa kabanata 8 hanggang 11. Nakita ni Ezekiel ang isang pangitain ng mga karumal-dumal na gawain sa templo mismo; ang mga matatanda ay nagsasagawa ng pagsamba sa dios-diosan sa templo. Bilang tugon, inutusan ng Dios ang anim na tagapatay upang wasakin ang mga tao at upang “punuin ang mga korte ng mga pinatay.”[2] Nakita ni Ezekiel kung paano umalis ang kaluwalhatian ng Dios sa templo. Ang bahaging ito (Ezek. 10–11) ay katulad sa Mensahe ni Jeremias sa Templo (Jer. 7) na ang mensahe ay ang paghatol sa templo.
Nagbigay si Ezekiel ng isang serye ng mga mensahe at talinghaga na tumutukoy sa pagbagsak ng Jerusalem. Ang mensahe ng paghatol ay naging sukdulan sa pagkamatay ng asawa ni Ezekiel. Inutusan ng Dios si Ezekiel na huwag magpakita ng panlabas na pagdadalamhati. Nang tanungin ng mga tao kung bakit hindi siya nagdadalamhati sa pagkamatay ng kanyang asawa, sinabi sa kanila ni Ezekiel na ang Jerusalem ay magdurusa ng katulad na labis na kakila-kilabot na mga bagay at ang mga nakaligtas ay hindi na nanaising magsagawa pa ng mga ritwal ng pagdadalamhati para sa kanilang mga mahal sa buhay.[3]
Paghuhukom sa mga Dayuhang Bansa (Ezek. 25–32)
Ang isang mahalagang tema sa mga propetikong aklat ay ang soberenya ng Dios sa lahat ng mga bansa. Hindi katulad ng mga dios-diosan ng mga kalapit bayan ng Israel, si Jehovah ay hindi isang lokal na dios-diosan. Sa pagpapakita ng soberenya ng Dios sa lahat ng tao, dinala ni Ezekiel ang mga Kasulatan ng propesiya ng paghuhukom laban sa Ammon, Moab, Edom, Filisteo, Tiro, Sidon, at Ehipto. “Makikilala ng mga kalaban ng Israel na Ako ang PANGINOON, kapag nagpatupad ako ng mga paghatol sa kanila, at aking ipapahayag ang aking kabanalan sa kanya.”[4]
Pagpapanumbalik sa Israel (Ezek. 33–39)
Pagkatapos ng pagbagsak ng Jerusalem, ang mensahe ni Ezekiel na paghatol ay napalitan ng mensahe ng pagpapanumbalik. Alang-alang sa pangalan ng Dios, ibabalik niya ang mga mamamayan.[5] Sa pagpapanumbalik ng pisikal, ibabalik sila ng Dios sa lupain; sa espirituwal na pagpapanumbalik, babaguhin ng Dios ang kanilang mga puso. Ipinangako ng Dios na lilinisin niya ang Israel sa pamamagitan ng tubig (gagawin silang malinis sa panlabas) at ibibigay sa kanila ang bagong puso at bagong espiritu (gagawin silang malinis sa panloob).[6] Ang Bagong buhay ng Israel ay inilarawan sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa isang lambak ng tuyong buto na naipanumbalik sa pamamagitan ng hininga ng Espiritu ng Dios.
Ang Bagong Templo ng Israel (Ezek. 40–48)
Nagwakas ang Ezekiel sa isang pangitain na nagbibigay inspirasyon na basahin, ngunit mahirap bigyang kahulugan o ipaliwanag. Dinala ng Dios si Ezekiel sa isang mataas na bundok at nagpakita sa kanya ng isang pangitain ng isang bagong templo. Nakita ni Ezekiel ang isang bagong templo, ang altar at mga handog, ang isang ilog na umaagos mula sa templo na siyang nagdadala ng kagalingan sa mga bansa, ang mga hangganan ng tribo ng naibalik na bansa, at ang labindalawang pintuan ng Jerusalem. Ang pinakamahalaga, nakita ni Ezekiel ang kaluwalhatian ng Dios na bumalik sa Jerusalem.[7]
Ang mga tagapagpaliwanag ng Biblia ay hindi nagkakaisa patungkol sa eksaktong kahulugan ng mga pangitain. Dahil ang mga maka-Dios na Kristiyano na nakatuon sa katotohanan ng Banal na Kasulatan ay hindi sumasang-ayon sa mga detalye ng pangitain, dapat tayong maging maunawain sa mga mananampalataya na possibleng iba para sa kanila ang kahulugan ng pangitain. Ang ilan sa mga maaaring posibilidad sa pagbibigay kahulugan sa mga pangitain ay kinabibilangan ng:
(1) Nakikita ng ilan ang pangitaing ito bilang isang pangako na ang templo ay itatayong muli pagkatapos na makabalik ng Juda sa Jerusalem. Sa pananaw na ito, ang kakulangan ng pananampalataya ang pumipigil sa mga tao na makamit ang lahat ng ipinakita ng Dios kay Ezekiel.
(2) Nakikita ng ilan ang pangitaing ito bilang isang larawan ng nakalipas na sanlibong taon. Sa pananaw na ito, sa loob ng isang libong taon na paghahari ni Cristo sa mundo, ang templo ay itatayong muli at ang handog ay ibabalik bilang paalala ng pagbabayad-salang kamatayan ni Cristo.
(3) Nakikita ng ilan ang pangitain na ito bilang larawan ng pagkilos ng Dios sa pamamagitan ng mga iglesia ngayon. Sa pananaw na ito, tinutupad ng Dios ang kanyang pangako sa pamamagitan ng iglesia.
(4) Nakikita ng ilan ang pangitaing ito bilang isang talinghaga para sa presensya ng Dios na kasama ng kanyang mga mamamayan sa bagong langit at bagong mundo. Sa pananaw na ito, ang templo at mga sakripisyo ay larawan ng pagsamba sa langit; hindi sila maibabalik sa isang literal na paraan.
(5) Sa Panghuli, nakikita ng ilan ang pangitaing ito na naglalaman ng literal at simbolikong mga katangian. Sa pananaw na ito, ang Ezekiel 40–48 ay bahagyang nabigyan ng katuparan sa pagbalik sa Jerusalem at lubusang mabibigyang katuparan sa mga huling araw.
Ang Propetikong Estilo ni Ezekiel
Ang isa sa mga pinaka-kamangha-manghang aspeto ng Ezekiel ay ang paraan ng propeta sa pagpaparating ng mensahe ng Dios sa kanyang mga tagapakinig. Ang dalawang aspeto ng propesiya ni Ezekiel ay mahalaga para maintindihan ang aklat: ang paggamit ni Ezekiel ng mga drama at ng kanyang mga pangitain.
Inutusan si Ezekiel na isadula/gawin ang ilan sa kanyang mensahe. Isinulat niya ang pangalang “Jerusalem” sa isang bloke ng putik at pinalibutan ito ng anyong paglusob upang ipahayag ang propesiyang pagsakop ni Nebucodonosor sa Jerusalem.[8] Humiga siya nang patagilid sa kaliwa sa loob ng 390 na araw bilang tanda ng kasamaan ng Israel; siya ay humiga nang patagilid sa kanang bahagi sa loob ng apatnapung araw bilang tanda ng kasamaan ng Judah.[9]
Kinalbo ni Ezekiel ang kanyang ulo at hinati-hati ang mga bahagi ng buhok. 1/3 ay sinunog, na kumakatawan sa apoy sa Jerusalem; 1/3 ay pinutol putol gamit ang espada, na kumakatawan sa kamatayan sa labanan; 1/3 ay itinapon sa hangin, na kumakatawan sa pagkalat ng mga Hudyo sa pagpapatapon. Sinabi ng Dios kay Ezekiel na magtabi ng ilang piraso ng buhok at itali ito sa kanyang sinturon; ito ang bahagi na mananatili sa Jerusalem.[10]
Ang mga pangitain ni Ezekiel ay maaaring mahirap bigyang kahulugan. Ang ilang mambabasa ay nabighani ng mga detalye ng mga pangitain na naging dahilan upang hindi nila makita ang pangkalahatang mensahe. Si Ezekiel ay gumagamit ng mga wika na nagpapakita na hindi niya sinisikap magbigay ng eksaktong representasyon ng kanyang nakita; labinlimang beses na tinukoy niya “ang mga katulad” ng isang bagay at tatlong beses na inilarawan niya ang isang bagay na “katulad nito.” Gumagamit siya ng wika ng tao upang ilarawan ang isang bagay na hindi kayang ilarawan ng tao.
Bagamat maaaring hindi natin maunawaan ang bawat detalye ng pangitain ni Ezekiel, ang kabuuan ng mensahe ay maliwanag: Hahatulan ng Dios ang kanyang bayan sa kanilang kasalanan. Pagkatapos, kapag naparusahan na sila, panunumbalikin ng Dios ang kanyang mamamayan. Ang Kanyang kaluwalhatian ay muling mananatili kasama ng kanyang mamamayan.
[6]Ezek. 36:24-25. Ang paglilinis na gumagamit ng tubig para sa panlabas na kalinisan ay tumutukoy sa Mga Bilang 19:19-21. Sa Juan 3:5, ginamit din ni Jesus ang lengguwaheng ito sa pakikipag-usap niya kay Nicodemo.
[7]Lumisan ang kaluwalhatian ng Dios sa Ezekiel 11; bumalik ito sa Ezekiel 43.
Si Daniel ay dinala sa Babilonia noong 605 B.C. kasama ang unang pangkat ng mga Hudyong binihag. Marahil isang binatilyo pa lamang siya sa panahong iyon, ginugol niya ang natitirang bahagi ng kanyang mahabang buhay bilang isang propeta sa Babilonia. Ang aklat ng Daniel ay nagtatala ng mga kaganapan hanggang sa 536 B.C., ang ikatlong taon ng pamamahala ni Haring Cyrus sa Persia.[1] Nakita mismo ni Daniel ang pagbagsak ng Judah, ang pagbagsak ng emperyo ng Babilonia, at ang pagbangon ng emperyo ng Persia.
Isang sulyap sa Daniel
May akda
Daniel
Petsa
c. 605-536 B.C.
Tagapakinig
Ang Mamamayan ng Dios sa lahat ng panahon
Tema
Ang kaharian ng Dios
Layunin
Ipakita ang katapatan sa Dios (Dan. 1-6)
Ipakita ang soberenya ng Dios sa kasaysayan (Dan. 7-12)
Ang Ebanghelyo sa Daniel
Ang pangako na tagumpay ng Dios ay bahagyang nabigyan ng katuparan sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Cristo.
Ang pangakong ito ay ganap na matutupad sa Ikalawang Pagbalik ni Cristo.
Ang pangalang Daniel ay nangangahulugang “Ang Dios ang aking hukom,” isang angkop na pangalan para sa isang propetang nangangaral ng isang mensahe ng soberenya ng Dios sa buong mundo. Ipinakita ni Daniel na ang Dios ang hukom sa mundo. Tatapusin ng Dios ang kanyang layunin sa kasaysayan.
Layunin
Nagsusulat sa panahon ng pang-aapi at kaguluhan, ipinaparating ng aklat ng Daniel ang dalawang mahalagang katotohanan: ang kahalagahan ng katapatan sa Dios at ang katotohanan ng soberenya ng Dios sa kasaysayan ng sangkatauhan. Sa kabila ng mga kasalukuyang kalagayan, hanggang sa huli ay ipagtatanggol ng Dios ang kanyang bayan. Ipinapakita ni Daniel na ang lahat ng kasaysayan ng mundo, hindi lamang ang kasaysayan ng Israel, ay tumutupad sa mga layunin ng Dios.
Ang istorya ni Daniel at ng kanyang tatlong kaibigan ay nagbibigay ng mga modelo ng katapatan sa panahon ng pagkakabihag. Ipinakita nila na maaaring manatiling tapat kahit sa isang paganong mundo.
Ang mga panimulang pangungusap ni Daniel ay nagtatag sa tema ng soberenya ng Dios:
“Nang ikatlong taon ng paghahari ni Haring Jehoiakim sa Juda, si Nebucodonosor na hari ng Babilonia ay dumating sa Jerusalem at kinubkob ito. Pinahintulutan ng Panginoon na bihagin niya si Haring Jehoiakim, at sinamsam ang ilang kasangkapan sa Templo.”[1]
Sinakop ni Nebucodonosor ang Jerusalem; ngunit ang Panginoon ang siyang “nagbigay sa hari ng Juda sa kamay ni Nebucodonosor.” Ang Dios ang siyang nagbigay ng tagumpay sa Babilonia.
Dahil ang Dios ay may soberenya sa lahat, ang mamamayan ng Dios ay dapat na maging tapat sa kanya kahit na sa mga panahon na ang mga kaaway ng Dios ay tila nasa kontrol. Ang aklat ng Daniel ay nagpapakita ng katapatan sa Dios na may isang serye ng mga ilustrasyon:
Si Daniel at ang kanyang mga kaibigan ay tumanggi na “dumihan ang kanilang sarili” sa pamamagitan ng mga pamamaraan ng Babilonia. Pinarangalan ng Dios ang kanilang katapatan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pabor mula sa isang haring pagano. (Dan. 1).
Ibinigay ng Dios kay Daniel ang kahulugan ng panaginip ni Nebucodonosor. Itinaas ng Dios si Daniel at kanyang mga kaibigan sa maimpluwensyang katayuan sa Babilonia (Dan. 2).
Tumanggi ang mga kaibigan ni Daniel na yumuko sa isang dios-diosang pagano.[2] Pinarangalan ng Dios ang kanilang katapatan sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanilang buhay sa nagbabagang pugon. Namangha ang hari nang makita niya ang tatlong kalalakihan na sinamahan ng ika-apat na tao na “katulad ng Anak ng Dios” (Dan. 3).
Ipinakita na Dios ang kanyang soberenya nang ibagsak niya at gawing mapagpakumbaba si Nebucodonosor (Dan. 4).
Ipinakita ng Dios ang kanyang soberenya sa pamamagitan ng pagkuha ng kaharian mula kay Belshazzar at ibigay ito kay Dario na Mede (Dan. 5).
Noong ipinatapon si Daniel sa kulungan ng mga leon dahil sa kanyang katapatan sa Dios, iniligtas siya ng Dios mula sa tiyak na kamatayan (Dan. 6).
Ito ay higit pa sa mga istoryang pangbata; nagbibigay ang mga ito ng malakas na ilustrasyon ng katapatan sa lahat ng sitwasyon. Nang manatiling tapat sa Dios si Daniel at ang kanyang mga kaibigan, ang Dios ay nanatiling tapat sa kanila.
Mga Pangitain ng Soberenya ng Dios (Daniel 7–12)
Ang bahaging ito ay maingat na iniugnay sa unang bahagi ng aklat. Ang dalawang bahagi ay magkaugnay sa pamamagitan ng wika (ang kabanata 2–7 ay nasa wikang Aramaiko, hindi Hebreo). Ang dalawang bahaging ito ay magkaugnay rin sa pamamagitan ng thematic focus sa soberenya ng Dios.
Nakakita si Daniel ng mga pangitain na nagpapatotoo sa soberenya ng Dios sa kasaysayan ng sangkatauhan. Ang Dios ay hindi lamang Dios ng mga Hudyo; siya ay Dios ng buong mundo.
Ang mga pangitain ni Daniel 7–12 ay hindi magkakasunod. Sa halip, nasasaklaw nito ang parehong materyal ng maraming beses. Iminumungkahi ng isang manunulat na ang mga kabanata 7–12 ay katulad ng isang hagdan na paikot; ang bawat kabanata ay nagdadala sa atin sa isang mas mataas na punto, na nagbibigay ng isang mas malinaw na pananaw sa pagkilos ng Dios sa kasaysayan ng sangkatauhan.[3]
Isang Pangitain ng Apat na Malaking Halimaw (Dan. 7)
Ang apat na malaking halimaw na umahon mula sa dagat ay naihahambing sa kaluwalhatian ng ‘Ancient of Days’ na nasa kanyang trono. Ang pinakanakakatakot ay ang ika-apat na halimaw; mayroon itong sampung sungay at ngipin na bakal at kinain nito ang anumang naiwan ng iba pang mga halimaw. Matapos talunin ang mga halimaw, ang Anak ng Tao ay binigyan ng kaluwalhatian at kapangyarihan ng Mula sa Sinaunang Panahon.
Nang humingi si Daniel ng kahulugan, sinabihan siya na ang apat na malaking halimaw ay apat na kaharian na babangon mula sa lupa. Lalamunin/Tatalunin ng ika-apat na kaharian ang iba. Ang sampung sungay ay ang sampung hari na magmumula sa ika-apat na kaharian. Ang pinakamaliit ay magpapasuko ng tatlong hari at magsasalita laban sa Kataas-taasang Dios. Tututulan niya ang mga pinabanal sa loob ng “tatlo at kalahating panahon,” pagkatapos nito ay mabubuhay ang mga pinabanal sa isang walang hanggang kaharian.
Isang Pangitain ng isang Lalaking Tupa at isang Lalaking Kambing (Dan. 8)
Sa pangitaing ito, isang lalaking tupa na may dalawang sungay (ang isa ay mas malaki kaysa sa isa) ay makapangyarihan sa lahat. Nagapi ng kambing na may isang sungay sa gitna ng ulo ang tupa, ngunit ang kanyang sungay ay mapuputol at papalitan ng apat na mas maliit na sungay. Mula sa isa sa mga ito, tumubo ang isang malaking sungay na umabot sa langit. Itinapon nito ang ilan sa mga bituin sa mundo, tinapakan ang mga ito, at itinayo ang sarili bilang isang Prinsipe. Ipinaliwanag ni Gabriel kay Daniel na ang tupang may dalawang sungay ay kumakatawan sa mga hari ng Media at Persia. Ang kambing ay kumakatawan sa Gresya; ang malaking sungay ay ang hari nito; ang mas maliliit na sungay ay ang mas maliliit na kaharian na nagmula sa Gresya; ang sungay na lumaki hanggang langit ay isang masamang hari na sisirain ang mga pinabanal. Ang haring ito ay pupuksain, ngunit hindi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng tao.
Isang Pangitain ng Pitumpung Linggo (Dan. 9)
Habang namamagitan si Daniel para sa nagdurusang mga Hudyo, sinabi sa kanya ni Gabriel na dapat magdusa ang Israel sa loob ng pitumput pitong linggo dahil sa kanilang kasalanan. Pagkatapos ay itatayo nilang muli ang Jerusalem at maghihintay ng animnapu’t siyam na pitong beses hanggang sa lumitaw Ang (Nakatakdang) Hinirang. Sisirain ng isa pang pinuno ang Jerusalem, gagawa ng isang linggong tipan sa Israel, at magsasagawa ng isang karumaldumal na pagwasak hanggang ibuhos sa kanya ang wakas.
Mga Pangitain sa Hinaharap ng Israel (Dan. 10–11)
Nakita ni Daniel ang isang lalaking nakasuot ng lino na may gintong sinturon, na may mukhang parang kidlat, mga mata na parang nagliliyab na sulo, at mga braso at mga binti na parang tanso. Isang mensahero ang nagsabi kay Daniel na tatlong hari ang lilitaw sa Persia at ang pang-apat ang mangunguna sa paglaban sa Greece. Pagkatapos ng paglitaw ng makapangyarihang hari, ang kanyang kaharian ay mahahati sa apat na parte. Ang mga digmaan sa pagitan ng mga hari sa Timog at Hilaga ay magtatapos sa pagkakamit ng kapangyarihan ng hari ng Hilaga. Uusigin niya ang mga sumasampalataya sa Dios at itatatag niya ang “abomination of desolation/kasuklam-suklam na kalapastanganan”
Konklusyon sa Pangitain ni Daniel (Dan. 12)
Sa Pangwakas, ang archangel na si Michael ay babangon sa panahon ng matinding pagkabalisa upang mailigtas ang lahat ng taong nakasulat ang pangalan sa Aklat. Mangyayari ito pagkatapos ng isang “oras, mga oras, at kalahating oras.”[4] Sinabi sa kanya ng anghel na ito ay aabutin ng 1,290 araw mula sa karumaldumal na pagkawasak/ kasuklam-suklam.
Mga Emperyo sa mga Pangitain ni Daniel
Ang karaniwang pag-unawa sa mga emperyo sa mga pangitain ni Daniel ay makikita sa talaan sa ibaba.
Mga Emperyo sa mga Pangitain ni Daniel
Kaharian
Imahe sa Dan. 2
Halimaw sa Dan. 7
Mga Halimaw sa Dan. 8
Babilonia
Ulo na may purong ginto
Katulad ng isang leon na may mga pakpak ng agila
Medo-Persia
Dibdib at braso na pilak
Katulad ng isang oso
Tupang mayroong dalawang sungay
Gresya
Tiyan at hita na tanso
Tulad ng isang leopardo na may apat na pakpak at apat na ulo
Ang lalaking kambing na may isang malaking sungay, apat na sungay at maliit na sungay
Roma
Mga binti na bakal, paa na bakal at putik
Hindi maihahambing na halimaw na may sampung sungay at maliit na sungay
Kaharian ng Dios
Ang bato na naging isang malaking bundok
Natanggap ng Mesiyas at ng mga pinabanal ang kaharian
Tema ng Daniel
Habang hindi sumasang-ayon ang mga iskolar patungkol sa mga detalye ng mga pangitain ni Daniel, mayroong tatlong tema na makikita sa kabuuan ng aklat.
Ang Soberenya ng Dios
Sa pamamagitan ng mga istorya ng pag-iingat ng Dios sa kabanata 1–6 at mga pangitain sa kabanata 7–12, ipinakita ni Daniel ang soberenya ng Dios, hindi lamang sa Jerusalem kundi maging sa buong mundo. Para sa mga bihag na naninirahan sa lupain ng dayuhan, ito ay isang malakas na mensahe. Mula sa pambungad na patotoo ng soberenya ng Dios sa pagbibigay sa Juda kay Nebucodonosor sa pamamagitan ng mga propetikong larawan ng Sinaunang Panahon na nagtatag ng isang walang hanggang kaharian para sa kanyang mga mamamayan, ipinakita ni Daniel na ang Dios ang siyang namamahala sa kasaysayan ng sangkatauhan.
Ang Pagmamataas ng Sangkatauhan
Itinuro ni Daniel na inililigtas ng Dios ang mga tapat sa kanya at hinahatulan ang mga mapagmataas. Sa kabanata 1–6, inilalagay ng mga pinuno ng Babilonia ang kanilang sarili laban sa Dios at kanyang mga mamamayan. Ang mga istorya ng kahihiyan ni Nebucodonosor(Dan. 4) at paghatol ng Dios kay Belshazzar (Dan. 5) ay nagpapakita na ibinabagsak at ginagawang mapagpakumbaba ng Dios ang isang taong mapagmataas.[5]
Sa kabanata 7–12, isang serye ng mga pinuno ng mundo ang sumasalungat sa mga layunin ng Dios. Kalaunan, ang bawat isa sa mga ito ay natalo. Pinalitan ng Mula sa Sinaunang Panahon at ng Anak ng Tao ang mga pinuno sa lupa. Sa mga huling kabanata ng Daniel, dinurog ng mga pwersa ng kalangitan ang mga kaaway ng Dios.
Ang Lubos na Tagumpay ng mga Mamamayan ng Dios
Kahit paano natin bigyang kahulugan ang mga kaharian sa pangitain ni Daniel, ang lubos na tagumpay ng mga mamamayan ng Dios ay maliwanag. Inilarawan ni Daniel ang pagkaantala sa pagdating ng walang hanggang kaharian ng Dios, isang pagkaantala kung saan ang mga mamamayan ng Dios ay magdurusa sa pamamagitan ng mga pagsubok at pag-uusig. Gayunpaman, ang mga taong matapat ay masisiyahan sa pagtanggap ng pangwakas na tagumpay.
Ang pangunahing mensahe ni Daniel ay isang hamon sa katapatan sa panahon ngayon. Dahil sa pangwakas na tagumpay ng Dios at ng kanyang mamamayan, ang mga mananampalataya ay dapat mabuhay nang may katapatan sa panahon ngayon.
[5]Pansinin kung paano inihahayag ni Daniel ang pagmamataas ni Belsazar sa pagtanggi nito na magpasakop sa Dios na nagpabagsak sa kanyang amang si Nebucodonosor, sa napakadramatikong pamamaraan. (Dan. 5:17-28).
Ang Pangungusap ng aklat ng Ezekiel at Daniel Sa Panahon Ngayon
Kung minsan ay tinutukso ang mga iglesia na lumayo mula sa mundo patungo sa isang nakabukod na “espirituwal” na pag-aalala habang naiiwan ang iba pang bahagi ng buhay. Sinabi ni Abraham Kuyper , “Wala kahit isang square inch sa kabuuan ng ating pag-iral bilang tao na hindi masasabi ni Cristo, na siyang may soberenya sa lahat lahat, na: ‘Akin iyan!’” Naunawaan ng Dutch iskolar, pulitiko, at Kristiyanong ito ng ika-19 na siglo na ang Dios ang may soberenya sa lahat.
Ang mga huling kabanata ng Ezekiel at ang huling kalahating bahagi ng Daniel ay nagpapahayag ng soberenya ng Dios sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Kumikilos ang Dios ayon sa kanyang mga layunin. Ito ay mahalaga dahil sa dalawang kadahilanan:
(1) Nagbibigay ito ng tiwala sa harap ng oposisyon sa mundo. Bilang mga bihag sa lupain ng dayuhan, pinagkatiwalaan nina Daniel at Ezekiel ang Dios na maisakatuparan ang kanyang mga layunin. Nabuhay si Daniel upang makitang maisakatuparan ang ilan sa mga layuning iyon; Marahil ay hindi nabuhay nang matagal si Ezekiel na naging dahilan kung bakit hindi na niya nakitang bumalik ang mga nabihag. Gayunman, pareho nilang alam na isasakatuparan ng Dios ang kanyang mga layunin. Bilang mga Kristiyano sa ika-21 siglo, maaari tayong mamuhay na may pagtitiwala na kontrolado ng Dios ang buong mundo. Walang makakatalo o makakapigil sa kanyang mga layunin.
(2) Ito ay nagpapaalala sa ating responsibilidad na mamuhay nang may katapatan sa ating pang araw-araw na buhay. Hindi dapat hadlangan ng mga Kristiyano ang proseso ng pulitika, ang sistemang pang-edukasyon, paglago ng kultura, o iba pang uri ng impluwensya kay Satanas. Kung saan man tayo inilagay ng Dios, dapat tayong mamuhay bilang mga kinatawan ng kataas-taasang Dios. Para kay Ezekiel, nangangahulugan ito ng katapatan bilang isang propeta habang nasa pagkakabihag. Para kay Daniel, nangangahulugan ito ng katapatan bilang isang maimpluwensyang miyembro ng gobyerno. Saan ka nais ng Dios na magamit para sa kanyang kaharian?
Konklusyon: ang aklat ng Ezekiel at Daniel sa Bagong Tipan
Nabanggit sa Bagong Tipan ang aklat ng Ezekiel na hindi bababa sa animnapu’t limang beses. Halos limampu sa mga ito ay nasa aklat ng Pahayag.
Ipinangako ni Daniel na tatalunin ng Dios ang kasamaan at pamumunuan ang mundo; gayon pa man ang pagbabalik sa Jerusalem noong 538 B.C. ay hindi nagdala ng pagkatalo sa kasamaan. Ipinakita ng Bagong Tipan ang katuparan ng pangakong ito. Ipinakita ni Pablo na sa krus ay tinalo ni Jesus ang mga kapangyarihan ng kasamaan.[1]
Ang pangako ni Daniel ay lubos na nabigyang katuparan sa aklat ng Pahayag. Ang aklat ng Pahayag ay ipinakita ang pangwakas na tagumpay ng Dios kay Satanas. Sa Daniel 7, apat na mga halimaw ang bumangon mula sa dagat; sa aklat ng Pahayag 13, isang halimaw ang bumangon mula sa dagat. Sa aklat ng Pahayag 19:11-21, si Jesus ang Banal na Mandirigma na siyang tumalo sa mga kapangyarihan ng kasamaan.
Isang Mas Malapit na Pagtanaw sa Literatura ng mga Huling Araw
Ang aklat ng Daniel,aklat ng Pahayag at mga bahagi ng aklat ng Ezekiel at Zacarias ay tinatawag na apocalyptic literature/literatura ng mga huling araw. Ang Apocalyptic writing/pagsusulat tungkol sa mga huling araw ay kilalang kilala sa mundo ng mga Hudyo. Maraming halimbawa na hindi biblikal na ganito ang anyo ng pagkasulat.
sa klase ng pagkasulat. Ang Apocalyptic literature/literatura ng mga huling araw ay naiiba sa iba pang mga estilo ng mga sulat sa Biblia at nangangailangan ng maingat na pagpapakahulugan.
Ang pagsusulat tungkol sa hinaharap ay naghahayag ng katotohanan na nakatago. Ang Biblical apocalyptic literature/literaturang tungkol sa mga huling araw ayon sa Biblia ay tumitingin sa mga pangyayari sa kasaysayan ng mundo ayon sa layunin ng Dios. Ito ay particular na nakatuon sa katuparan ng pangwakas na layunin ng Dios sa pagtatapos ng panahon. Kung ang karamihan sa propeta ng Lumang Tipan ay nakatuon sa Israel at sa tipan, tinitingnan naman ni Daniel ang mga secular na emperyo ng mundo ayon sa pangwakas na layunin ng Dios.
Ang literatura tungkol sa hinaharap ay naglalarawan ng propetikong katotohanan sa pamamagitan ng mga pangitain. Ginamit ni Daniel ang terminong “pangitain” ng mahigit sa tatlumpu’t tatlong beses. Ang pangitain ay kadalasang nagkakasanib-sanib, kaya’t naging mahirap gawan ng tamang pagkakasunod-sunod. Maraming pangitain ang maaaring magpakita ng nagkakasanib na pananaw sa parehong pangyayari upang magpakita ng ibang pananaw sa isang pangyayari. Sa pamamagitan ng mga pangitain, si Daniel (at ang sumunod ay si Juan na taga-Pahayag) ay nagbukas ng bagong bintana para makita ang espirituwal na mundo. Ang pagsusulat tungkol sa hinaharap/apocalyptic writing ay nagpapakita na ang espirituwal na mundo ay kasing tunay ng pisikal na mundo.
Ang literatura tungkol sa hinaharap ay gumagamit ng mga dramatikong simbolo upang iparating ang katotohanan. Ang aklat ng Daniel at aklat ng Pahayag ay gumamit ng maraming magkakatulad na simbolo. Kapwa sa Daniel at sa Pahayag, ang mga dambuhalang mga nilalang ay sumisimbolo sa masasamang kaharian. Ang mga halimaw ay karaniwang nagmula sa iba’t-ibang uri, at sila’y naging kasuklam-suklam sa Israel.[1]
Ang literatura tungkol sa hinaharap ay lubos na mahalaga sa panahon ng pang-aapi. Pinalakas ni Daniel ang loob ng mga mamamayang Judyo sa panahon ng pag-uusig ni Antiochus Epiphanes. Ang aklat ng Pahayag ay isinulat sa panahon ng pag-uusig ng mga Romano sa iglesya. Sa mga panahong ito, ipinapakita ng literatura tungkol sa hinaharap na ang Dios ay ang Banal na Mandirigma na siyang lumalaban para sa kanyang mamamayan. Ang pangunahing layunin para sa biblical apocalyptic writing ay upang hikayatin ang katapatan sa panahon ngayon dahil lubos tayong makapagtitiwala sa plano ng Dios para sa hinaharap.
Ang mambabasa ng apocalyptic literature ay dapat magtuon ng isip sa mga pangunahing tema nang hindi nalulula sa mga detalye. Sa Daniel, ang malaking tema ay ang soberenya ng Dios sa kasaysayan ng sangkatauhan. Bagaman maraming emperyo ang sumasalungat sa Dios, ang kanyang lubos na tagumpay ay sigurado. Ipinakita ni Daniel sa kanyang mga mambabasa ang kahalagahan ng katapatan sa pamamagitan ng pagtiyak sa kanila na dadalhin ng Dios ang pangwakas na tagumpay.
[1]Halimbawa, ang unang halimaw sa Daniel 7 ay “katulad ng isang leon, at may mga pakpak ng agila.”
Mga Takdang Aralin sa Leksiyon
Ipakita ang iyong pagka-unawa sa leksiyong ito sa mga sumusunod na takdang-aralin:
(1) Pumili ng isa sa mga sumusunod na takdang aralin:
Option 1: Takdang Aralin na Pang Grupo
Basahin ang pangitain ng Ezekiel patungkol sa bagong templo sa Ezekiel 40–48. Magtalaga ng isa sa mga pagpipilian na pagbibigay kahulugan na tinalakay sa araling ito sa bawat miyembro ng inyong grupo. Ang bawat miyembro ay dapat pag-aralan ang Ezekiel 40–48 at ipaliwanag kung paano bibigyang kahulugan ang pangitain ni Ezekiel sa kanilang itinalagang pamamaraan.
Option 2: Takdang Aralin na Pang Indibidwal
Sumulat ng isang pahinang salaysay sa pangitain ni Ezekiel ng bagong templo. Pumili ng isa sa mga pagpipiliang pagbibigay kahulugan na tinalakay sa leksiyong ito at ipaliwanag ang pangitain ayon sa pagbibigay kahulugang napili.
Sumulat ng isang pahina ng detalyadong balangkas para sa isang sermon sa plano ng Dios para sa kasaysayan ng sangkatauhan ayon sa Daniel 7–12.
(2) Kumuha ng isang pagsusulit sa leksiyong ito. Kabilang sa pagsusulit na ito ang mga Banal na Kasulatang nakatakdang isa-ulo.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Leksiyon 11
(1) Ano ang kahulugan ng pangalang Ezekiel?
(2) Ano ang layunin ng aklat ng Ezekiel?
(3) Ano ang pagkakatulad ng Ezekiel sa Sermon sa Templo ni Jeremias?
(4) Ilista ang limang maaaring pagpilian para sa pagbibigay kahulugan sa pangitain ni Ezekiel ng isang bagong templo.
(5) Si Ezekiel ay dinala sa Babilonia noong _________ B.C. Si Daniel ay dinala sa Babilonia noon ____________ B.C.
(6) Ano ang tatlong tema na pangunahing sentro ng Aklat ng Daniel?
(7) Ano ang dalawang wika na ginamit sa Aklat ng Daniel?
(8) Sa tradisyunal na pagbibigay kahulugan, aling imperyo ang kumakatawan sa bawat isa sa mga larawang ito?
Isang leon na may mga pakpak ng agila: __________
Katulad ng isang oso: __________
Isang lalaking kambing na may isang malaking sungay: __________
Mga binti na bakal, paa na bakal at putik: __________
Isang bato na naging isang malaking bundok: __________
(9) Aling aklat sa Biblia ang pangunahin o bahagyang binubuo ng apocalyptic writing?
(10) Aling aklat ng Bagong Tipan ang bumanggit ng madalas sa aklat ng Ezekiel at Daniel?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.