Basahin ang Job at Mga Awit 1-29, 51-92, at 119-150
Isa-ulo ang Mga Awit 119:1-8
Pagbabasa sa Hebrew Poetry/Hebreong Tula
Ang mga aklat ng tula sa Lumang Tipan ay kinabibilangan ng Job, Mga Awit, Kawikaaan, Mangangaral, at Awit ng mga Awit. Marami pang ibang mga aklat sa Lumang Tipan ang may mga tula, ngunit sa mga aklat na ito ay namamayani ang tula.
Hindi katulad ng mga Ingles na tula, ang mga Hebreong tula ay hindi base sa tugma ng mga salita. Ang pag-unawa sa katangian ng Hebreong tula ay makakatulong sa iyo na mas mapahalagahan ang kagandahan ng mga aklat ng tula.
Parallellism/Paralelismo
Ang Parallelism ay ang pinakamahalagang elemento sa Hebreong tula. Sa parallelism, dalawang linya na may magkaibang salita ang ginagamit upang ipahayag ang parehong ideya. Ang Hebreong tula ay magsasabi ng isang bagay at uulitin ito ng may kaunting pagkakaiba sa perspektibo. Tatlong uri ng paralelismo:
Synonymous parallelism: pinagtitibay ng pangalawang linya ang unang linya na may parehong mga salita.
“Ituro mo sa akin, O Panginoon, ang iyong kalooban, at ang iyong mga landas, sa akin ay ipaalam.”[1]
“Ang matuwid na landas ay patungo sa buhay; at ang daang ito ay hindi hahantong sa kamatayan.”[2]
Antithetic parallelism: inihahambing ang unang linya sa pangalawang linya. Ang ganitong uri ay ginagamit sa Kawikaan upang ihambing ang landas ng matalino at ang landas ng mangmang.
“Ang matalinong anak ay ligaya ng magulang: ngunit tinik sa dibdib ang anak na mangmang.” [3]
“Ang alaala ng matuwid, mananatili kailanman. Ngunit pangalan ng masama ay tiyak na mapaparam.”[4]
Synthetic parallelism: ang pangalawang linya ay nagdaragdag sa ideya ng unang linya.
“Ang PANGINOON ang aking pastol; hindi ako magkukulang.”[5]
“Ang puso mo’y ingatang mabuti at alagaan; pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay.”[6]
Figures of Speech
Habang ang lahat ng biblikal na mga aklat ay naglalaman ng mga figures of speech, ang paglalarawang ito ay partikular na importante sa mga aklat ng tula. Ang mga figures of speech na makikita sa mga aklat na ito ay kinabibilangan ng:
Ang isang metaphor ay naghahambing ng dalawang bagay na magkapareho. “Ang Panginoon ang aking pastol”[7] ay mas madaling maalala at mas makahulugan kaysa sa “iniingatan ako ng Dios.”
Sinasadyang exaggeration ang ginagamit ng Hyperbole upang bigyang diin ang isang punto. Sa mga awit ng panaghoy, isinalarawan ni David ang kanyang pighati, “Gabi-gabi ay binabaha ko ng luha ang aking tulugan.”[8]
Personification binibigyan ang isang bagay ng karakter ng isang tao. “Ang mga bundok ay nagsiluksong mga tupang lalaki ang kagaya, ang mga burol na parang mga batang tupa.”[9]
Anthropomorphism ay gumagamit ng karakter ng mga tao upang maipahiwatig ang katotohanan tungkol sa kalikasan ng Dios. “Nakikita ng mata ng Dios, pinagmamasdan niya ang lahat ng tao”[10]
Acrostic Poetry
Sa acrostic poetry, ang bawat talata ay nag-uumpisa sa sunod-sunod na letra ng alpabeto. Nagpapahiwatig ito ng pagiging ganap (“Mula A hanggang Z…”) Dalawa sa pinakasikat na Hebrew acrostics ay ang Mga Awit 119, sa kautusan ng Dios, at sa Kawikaan 31, sa babaeng walang bahid-dungis. Sa Mga Awit 119, ang bawat talata ay naglalaman ng 8 mga taludtod na nag-uumpissa sa parehong letra sa alpabetong Hebreo. Sa Mga Awit 31, ang bawat talata ay nag-uumpisa sa sunod-sunod na letra ng alpabetong Hebreo.
►Talakayin ang iyong “theology of suffering/teolohiya ng paghihirap/pagdurusa.” Talakayin ang mga katanungang pangteolohika katulad ng, “Bakit pinapayagan ng Dios na magdusa ang isang inosente?” at maging mga pastoral na katanungan, katulad ng, “Paano natin matutulungan ang isang inosenteng tao na harapin ang kanyang paghihirap?”
Petsa at May-akda ng Job
Ang aklat ng Job ay hindi nagbigay ng petsa, ngunit ang mga pangyayari ay malamang na nangyari sa panahon ng mga patriyarka. Ang ama ay nagbibigay ng handog para sa kanyang pamilya; ang kayamanan ay sinusukat sa dami ng alagang hayop; at si Job ay may mahabang buhay. Ang mga katotohanang ito ang nagmumungkahi na ang petsa ng partriyarka ang akma para sa pangyayari sa Job.
Kung pagbabasehan ang petsa, walang palatandaan tungkol sa may-akda. Mga iminungkahing may-akda ay sina Job, Elihu, Moises, Solomon, at isang tao mula sa panahon ng Isaias.
Tema ng Job
Sa mababaw na pagtingin, ang tema ng Job ay parang tungkol sa paghihirap. Ang pangunahing pangyayari sa aklat ay ang pagkaubos ng ari-arian, pamilya, at kalusugan ni ni Job. Ang pag-uusap ay umiikot sa tanong tungkol sa paghihirap ni Job. Bilang karagdagan, may iba pang sinaunang mga nasulat sa Malapit na Silangan na katulad sa Job na sumusuri sa tanong ng paghihirap.[1]
Gayunpaman, hindi iminumungkahi ni Job ang paghihirap bilang tema. Si Job mismo ay hindi itinatanong ang dahilan ng kanyang paghihirap, at hindi hinarap ng Dios ang paghihirap ni Job sa kanyang sagot. Kung ang aklat ay pangunahing tumutukoy sa paghihirap, aasahan natin na magbibigay ang Dios ang sagot sa kahulugan ng paghihirap. Sa halip, hindi binanggit ng Dios ang tungkol sa paghihirap ni Job.
Bahagi ng mensahe ng Job ay tungkol sa integridad sa gitna ng paghihirap. Si Job ay nagpatotoo ng kanyang integridad.[2] Ang Dios ang testigo sa integridad ni Job sa kanyang pagpapahayag kay Satanas.[3] Ang integridad ni Job ay mahalagang aspeto ng aklat ng Job.
Ang pangunahing tema ng Job ay “Ang Paghahanap sa Dios.” Hindi hiningi ni Job ang pagpapanumbalik ng kanyang mga ari-arian at kahit ang kagalingan; ang kanyang kahilingan ay “Kung alam ko lamang kung saan siya matatagpuan, siya’y aking hahanapin, aking pupuntahan!”[4] Kilalang-kilala ni Job ang Dios; ngayon ay pakiramdam niyang napalayo siya sa Dios. Ang kanyang paghahanap ay hindi para ipaliwanag ang kanyang paghihirap, kundi ang kapahayagan ng Dios.
Ang temang ito ay pinatotohanan ni Job sa kanyang tugon pagkatapos ng kapahayagan ng Dios: “Nakilala kita sa naririnig ko lamang, Nuni’t ngayo’y akin nang namasdan.”[5] Nang makita niya ang Dios, si Job ay lubusang nasiyahan. Ang sagot ng Dios kay Job ay hindi ang pagpapaliwanag tungkol sa kanyang paghihirap; ang sagot para kay Job ay ang Dios mismo.
[1]May dalawang sinaunang pag-uusap tungkol sa pagdurusa mula sa Malapit na Silangan noong 1300-1000 B.C. “Pupurihin ko ang Panginoon ng karunungan” ay isang monologue (isa lamang ang nagsasalita) sa Mesopotamia kung saan ang isang maharlikang taga Babilonia ay nagdurusa ng malaking kahirapan at pgkatapos ay pinapanumbalik ng dios na si Marduk. Ang Babylonian Theodicyis ay isan dialogue sa pagitan ng isang nagdurusa at ng isang kaibigan na nagsisikap na ipaliwanag ang paghihirap
Ang aklat ng Job ay nahahati sa tatlong malaking bahagi:
Paunang Salita (Job 1–2)
Pag-uusap na Patula (Job 3 – 42:6)
Pagwawakas/Epilogue (Job 42:7-17)
Ang Paunang Salita (Job 1–2)
Sa paunang salita, natutunan natin na si Job ay inosenteng tao;siya ay “perpekto at walang kapintasan.” Ang paghihirap ni Job ay hindi bunga ng kahit anong kasalanan sa kanyang parte. Siya ay isang taong may integridad na maituturo ng Dios bilang modelo ng pananampalataya. Sa kabila ng pagkawala ng kanyang mga ari-arian at pamilya, pagkakaroon niya ng pisikal na paghihirap, at maging ang nakakawalang pag-asang payo ng kanyang asawa, si Job ay hindi “nagkasala sa pamamagitan ng kanyang mga labi.”
Sa paunang salita, natutunan natin ang limitasyon ng kapangyarihan ni Satanas. Sa kanyang pag-atake kay Job, si Satanas ay hindi makakapagpatuloy ng higit sa pinayagan ng Dios. Kabaligtaran sa popular na paniniwalang si Satanas at ang Dios ang magkatapat sa kapangyarihan, si Satanas ay hindi makalalagpas sa hangganang itinakda ng Dios.
Sa paunang salita, natutunan natin na may relasyon sa pagitan ng pisikal na mundo na nakikita natin at sa espirituwal na mundo na hindi natin nakikita. Kahit walang kamalayan si Job sa pag-uusap sa pagitan ng Dios at ni Satanas, nakasalalay sa espirituwal na labang iyon ang mga pagsubok ni Job.
Ang Dialogue/pag-uusap-usap sa pagitan ni Job at kanyang tatlong kaibigan (Job 3–27)
Sa pagtatapos ng panimulang salita, ipinakilala tayo sa tatlong kaibigan na dumating upang aliwin si Job. Naupo silang tahimik sa loob ng isang linggo, at nagluluksang kasama ni Job. Sa pagtatapos ng linggo, binasag ni Job ang katahimikan sa pamamagitan ng pagrereklamo kung saan naisumpa niya ang araw ng kanyang kapanganakan at hiniling ang ginhawa sa pamamagitan ng kamatayan. Bilang tugon, sinubukan ng kanyang mga kaibigan na ipaliwanag ang paraan ng Dios sa pagkilos sa mundo.[1]
Ang dialogue sa pagitan ni Job at ng kanyang mga kaibigan ay nasa patulang anyo. Dahil sa ganitong estilo, maaaring maging mahirap itong basahin. Maraming mga inuulit-ulit at pinahabang dialogue. Gayunpaman, sa ugat nito ang dialogue ay simple lamang: Ipinipilit ng kanyang mga kaibigan na ang paghihirap ni Job ay dahil sa kanyang mga kasalanan sa buhay; ipinilit naman ni Job na siya ay inosente sa kahit anong kamalian.
Habang ang bawat kaibigan niya ay gumagawa ng sarili nilang usapin sa ibat-ibang paraan, ang batayan ng argumento ay ang:
Ang paghihirap ay dahil sa kaparusahan o pagtutuwid sa kasalanan.
Ang Dios ay makatarungang Dios.
Samakatwid, si Job ay maaaring nagkasala ng ibang kasalanan kaya siya pinarurusahan ng Dios.
Bawat isang kaibigan ay nakipagtalo sa ibat-ibang paraan. Si Eliphaz ang pinaka maingat na magsalita. Hinimok niya si Job na tanggapin ang pagtutuwid ng Dios. Sigurado si Eliphaz na ang Dios ang makapagpapanumbalik sa nagsisising si Job. Binigyang punto naman ni Bildad ang tradisyon ng pagsang-ayon sa kaugalian na dapat parusahan ng Dios ang kasalanan; samakatuwid, si Job ay maaaring nakagawa nga ng kasalanan. Si Zophar ang hindi masyadong nakikiayon sa magkakaibigan, ang nagsabi na ang sinasabi ni Job ay “walang kabuluhan.”[2] Kaya nga, ipinilit niyang, ang Dios ay naging maawain kay Job; na karapat-dapat lamang si Job na tumanggap ng mas higit pang pagpaparusa kaysa sa kanyang tinanggap.
Bilang pagtugon sa kanyang mga kaibigan, ipinilit ni Job ang kanyang pagiging inosente. Naniniwala si Job na inuusig siya ng Dios nang hindi patas; pero naniniwala din siya, kung kaya nyang i-depensa ang kanyang sarili sa harap ng Dios, ang Dios ay maaaring makinig at ipawalang-sala si Job.
Ang usapang ito ay humaba sa pamamagitan ng tatlong paulit-ulit na pag-uusap sa pagitan ni Job at kanyang mga kaibigan. Ang kanyang mga kaibigan ay lalong nagalit kay Job nang itanggi ni Job na aminin ang kanyang pagkakamali; nagpatuloy si Job na ipilit ang kanyang pagiging inosente.
Mga Talumpati ni Job (Job 28–31)
Ang kabanatang 28, ang estilo ng aklat ay nagbago.Ang Job 28–31 ay naglalaman ng apat na talumpati ni Job.
(1) Ang Job 28 ay tula tungkol sa karunungan. Pinuri ni Job ang kahalagahan ng karunungan, nagpapakita na ang tangkang paghahanap ng tao sa karunungan ay walang saysay,at ipinahayag na Dios lamang ang nag-iisang nakaaalam ng daan tungo sa totoong karunungan. Ito ay importanteng hakbang sa paghahanap ni Job sa sagot ng Dios.
(2) Ang Job 29 ay ang paglalarawan ni Job sa kanyang nakaraang buhay, ang kanyang buhay bago ang pangyayari ng prologue. Pinagpala siya sa lahat ng paraan at nirerespeto sa kanyang komunidad.
(3) Ang Job 30 ay paglalarawan ni Job ng kanyang kasalukuyang paghihirap. Ang mga taong rumerespeto sa kanya dati ang kumukutya sa kanya ngayon.
(4) Ang Job 31 ay patotoo ni Job sa kanyang integridad. Bilang tugon sa mga akusasyon ng kanyang mga kaibigan, ipinilit ni Job na siya ay inosente sa anumang pagkakamali. Tinapos niya ang kanyang pagpapahayag sa kanyang pagpirma sa pagtatapat sa kanyang pagkainosente: “Mayroon sanang nakikinig sa mga sinasabi ko! (Isinusumpa kong ang lahat ng ito ay totoo! Sagutin sana ako ng Dios na makapangyarihan!)”[3] Sa pagbabasa ng Job 31, dapat nating maalala na ang Dios mismo ang tumestigo sa pagiging inosente ni Job sa Job 1:8. si Job ay hindi nagsasalitang parang isang hangal; tunay na namuhay siya ng maingat at maka-diyos na buhay.
Talumpati ni Elihu (Job 32–37)
Si Elihu ay isang kabataang lalaki na laging nakikinig sa dalawang naunang pagsasalita. Galit siya kay Job dahil sinusubukan ni Job na ipawalang sala ang kanyang sarili. Galit siya sa mga kaibigan niya dahil hindi nila nakumbinsi na si Job ay may sala.
Ikinakatwiran ni Elihu na ang Dios ay nangungusap sa pamamagitan ng paghihirap at sakit; dapat tanggapin ni Job ng may kababaang loob ang pagtutuwid ng Dios. Ipinipilit ni Elihu na ang Dios ay makatarungan at si Job ay mali sa pagkwestyon sa Dios. Sa kanyang huling talumpati, ikinakatwiran ni Elihu na ang Dios ay higit na mas nakakataas kaysa sa sangkatauhan at hindi siya apektado ng mga pangyayari sa mundo. Ang ating papel ay pagpapasakop ng may kababaang loob.
Habang ang ilan sa mga aspeto ng mga talumpati ni Elihu ay nauugnay sa sagot ng Dios (partikular ang kanyang soberenya sa lahat ng kalikasan), Wala namang sinabing bago si Elihu. Matagal nang alam ni Job na ang Dios ay makapangyarihan/soberenya sa lahat ng bagay; matagal nang alam ni Job na nangungusap ang Dios sa pamamagitan ng paghihirap; sa talumpati ni Job tungkol sa karunungan ay nagsaad siya na ang Dios ang nag-iisang pinanggagalingan ng totoong karunungan. Kahit na totoo ang ilan sa mga aspetong binanggit ni Elihu, siya, at katulad ng iba niyang kaibigan, ay nabigong kilalanin ang sentrong dahilan sa paghihirap ni Job: Naniniwala si Job na siya ay pinaparusahan sa kasalanang hindi niya ginawa.
Nagsasalita Ang Dios (Job 38–42)
Kung babasahin natin ang Job na may pangunahing pag-aaral tungkol sa paghihirap, ang sagot ng Dios ay magkakaroon ng napakaliit na kahulugan. Hindi niya kailanman binanggit ang paghihirap ni Job. Hindi niya kailanman sinagot ang tanong ni Job. Sa halip, nagtanong ang Dios ng magkakasunod na tanong na nagpahayag ng kanyang sarili kay Job. Ang mga tanong ay nagpaalala kay Job sa kanyang limitadong karunungan. Ang mga tanong ng Dios ang nagturo kay Job sa kapangyarihan at sa karunungan ng Dios na pamahalaan ang buong sansinukob. Ipinapakita nito na maaari niyang pagkatiwalaan ang Dios kahit na hindi niya nauunawaan ang mga paraan ng Dios. Bilang tugon, ipinahayag ni Job ang kanyang kasiyahan, “Narinig ko ang tungkol sa iyo, subali’t ngayon ay nakita na kita ng aking mga mata.” Nagsisi si Job sa kanyang pag-aakusa laban sa Dios at mas lalo pa siyang nasiyahan, sa personal na karanasan sa kapangyarihan ng Dios.
Ang Epilogue/Pagwawakas (Job 42:7-17)
Sa pagwawakas, kinagalitan ng Dios ang mga kaibigan ni Job dahil sa kanilang mga maling pangangatwiran at ibinalik ang mga kayamanan ni Job. Hindi nabanggit si Satanas sa epilogue; ang kanyang kaso ay napawalang-saysay. Tunay nga, totoong may tao na nakapaglilingkod sa Dios dahil lamang sa kanyang pagmamahal at walang halong ibang dahilan.
[1]Ang Theodicy ay isang pagsisikap na bigyang katwiran ang mga paraan ng Dios sa mundo. Ang aklat ng Job ang pinakamalaking theodicy sa Biblia. Sa Habakkuk tinalakay din ang usaping ito sa dialogue sa pagitan ng propeta at ng Dios.
Sa Bagong Tipan, ang Job ay nagsisilbing modelo ng pagkamasigasig.[1] Ang mga tanong na nabanggit sa Job ay patuloy na nakagugulo sa isip ng mga tao sa Bagong Tipan. Ang mga disipulo ay nagtanong kung ang taong ipinanganak na bulag ay pinarusahan dahil sa kanyang kasalanan;[2] Nagtitiis si Pablo sa isang “tinik sa kanyang laman” na hindi inaalis ng Dios,[3] ang mga bayani ng pananampalataya sa Hebreo 11 ay namatay na hindi natanggap ang pangako.
Ang paghihirap ay isang patuloy na usapin para sa mga mananampalataya. Gayunpaman, ang Roma 8:28-29 ang nagbibigay katiyakan sa atin na kumikilos ang Dios ayon sa kanyang kabutihan sa pamamagitan ng lahat ng dumadating sa buhay ng kanyang mga anak. Ang kanyang sukdulang layunin ay matulad tayo sa imahen ng kanyang anak. At ito ay makakamit ng lahat ng nagmamahal sa Dios at mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
Ang mga mambabasa ng Job ay madalas nakatutok sa tanong na, “Bakit naghihirap ang mga matuwid?” Hindi sinagot ng Job ang tanong na ito. Ang mas importanteng tanong ay, “Bakit naglilingkod sa Dios ang mga matuwid?” Para kay Satanas, ang sagot ay, “Si Job ay naglilingkod sa iyo dahil sa biyayang tinatanggap niya. Kunin mo ang pagpapala at itatanggi ka niya.” Para sa mga kaibigan niya ang motibasyon sa pagliingkod sa Dios ay ang pag-iwas sa gulo. Ipinalagay nilang ang matapat na pagsunod sa Dios ang makakapigil sa paghihirap.
Para kay Job, malaki ang pagkakaiba ng kanyang sagot. Pinaglilingkuran niya ang Dios dahil sa pagmamahal niya. Kahit na hindi niya naiintindihan kung ano ang nangyari, tumanggi si Job na iwanan ang kanyang pananampalataya. Dito nagbigay si Job ng modelo para sa totoong pagmamahal sa Dios. Ang mga kaibigan ni Daniel ay nagpatotoo, “Ang aming Dios na aming pinaglilingkuran ay kaya kaming iligtas mula sa nag-aapoy na pugon…Subali’t kung hindi man niya gawin iyon, dapat ninyong malaman, O Hari, na hindi pa rin kami maglilingkod sa inyong mga dios.”[1] Kahit hindi kami iligtas ng Dios, hindi naming siya ipagkakaila.
Ang Hebreo 11 ay nagsasabi tungkol sa mga bayani ng pananampalataya na nakakita ng kapangyarihan ng Dios na kasama nila: sina Enoch, Abraham, Moises, at Rahab. Nagsasabi din ito tungkol sa “iba” na hindi nailigtas mula sa paglilitis. “Mayroon namang nilibak at hinagupit, at mayroon ding bilanggong gapos ng tanikala, mga pinagbabato, nilagari hanggang maputol ang katawan, mga pinatay sa pamamagitan ng espada: nagpagala-gala sila na suot lamang ang balat ng tupa at balat ng kambing; mga naghikahos, inusig, pinahirapan.” Ang mga taong ito ay may pananampalataya, pero sila ay “hindi nakatanggap ng pangako sa kanilang panahon.”[2]
Ang mga Kasulatang ito ay humihikayat sa atin na pag-isipan: “Bakit ako naglilingkod sa Dios?” Naglilingkod ba ako sa kanya dahil sa mga biyaya? Pinaglilingkuran ko ba siya upang makaiwas sa paghihirap? O, pinaglilingkuran ko siya dahil sa pagmamahal? Si Job, at ang mga kaibigan ni Daniel, at ang “iba pa” ng Hebreo 11 ay nagpapakita ng mga taong naglingkod sa Dios dahil sa kanilang pagmamahal. Ngayon, katulad sa panahon nila, ang Dios ay naghahanap ng mga taong maglilingkod sa kanya mula sa hindi makasariling pagmamahal, ng mga taong nagmamahal sa Dios ng kanilang buong puso.
Ang salitang “mga awit” ay nagmula sa salitang Griyego na nangangahulugang “kanta.” Ang titulong Hebreo ng aklat na ito ay nangangahulugang “papuri,” isang pamagat na nagpapakita ng layunin ng aklat. At maging ang mga awit ng panaghoy ay nagtapos sa papuri. Ang aklat ng Mga awit ay nagbibigay ng mga salitang maaaring gamitin ng mga mamamayan ng Dios upang ipahiwatig ang kanilang papuri sa Dios.
Mga Pamagat sa Mga Awit
Mahigit sa 100 na mga awit ang may pamagat na nagbibigay impormasyon tungkol sa mga awit. Ang mga pamagat na ito ay naglalaman ng mga detalye tungkol sa may-akda, mga Kalagayang Pangkasaysayan, at mga tagubiling pang musika. Kahit na hindi natin alam kung ang mga pamagat ay kabilang ba sa orihinal na manuskripto, matatagpuan ang mga ito sa mga pinaka naunang mga kopya.
Marami sa mga awit ang nakasaad ang pangalan ng may-akda. Pitumpu’t tatlo ang may pamagat na “Mga Awit ni David.” Ang Mga Awit 50 at 73-83 ay nakaugnay kay Asap, ang “punong manunugtog” para sa pampublikong pagsamba sa pangunguna ni David. Lumilitaw na ang “mga anak ni Korah,” ay ginamit sa pamagat sa sampung mga awit, ay mga miyembro ng samahan ng mang-aawit ng templo. Si Solomon ay kinikilala sa dalawang mga awit. Ang Mga Awit 90 ay ang “panalangin ni Moises.”
Ang ibang mga pamagat ay nagbibigay ng impormasyon tungkol sa Kalagayang Pangkasaysayan sa mga awit. Ang Mga Awit 3 ay isinulat habang si David ay tumatakas sa kanyang anak na si Absalom. Noong maraming sumusuporta sa rebolusyon ni Absalom, naalala ni David: “Ngunit kayo, O PANGINOON ang aking kalasag; aking kaluwalhatian, pinalalakas n’yo ako at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.”[1] Isinulat ni David ang Mga Awit 52, 54, 56, 57, at 59 noong mga panahong siya ay tumatakas mula kay Saul.[2] Ang pinaka sikat ay ang isinulat ni David na kahanga-hangang panalangin ng pagsisisi sa Mga Awit 51 pagkatapos siyang kumprontahin ni Natan tungkol sa kanyang pakikiapid kay Bathsheba.
Para sa mga modernong mambabasa, ang mga di nauunawaang titulo ay ang mga magbibigay ng panuntunan sa musika at liturhiya. Mga pamagat katulad ng “Sa Sheminith,”[3] “Sa Alamoth,”[4] at “Sa Muthlabben”[5] ay mga tagubiling musikal. Ang ibang mga pamagat ay tumutukoy sa mga kailangang gamiting instrumento. Ang ibang mga pamagat ay tumutukoy sa tono kung saan ang mga awit ay dapat kantahin: “Sa Gittith,”[6] “Altaschith,”[7] at “Para sa Tupa ng Bukang-Liwayway.”[8]
Ang Istraktura ng Aklat ng Mga Awit
Sa maraming paraan, Ang aklat ng mga Mga Awit ay nahahawig sa modernong himnaryo. Ito ay koleksyon ng mga awit at panalanging ginamit sa sama-samang pagsamba sa templo, at para sa personal na pagsamba ng bawat Israelita.
Ang aklat ng Mga Awit ay nahahati sa limang bahagi. Ang bawat bahagi ay nagtatapos sa doxolohiya.
Aklat 1 (Mga Awit 1–41) ay nagtatapos sa, “Purihin ang PANGINOON, ang Dios ng Israel, magpakailanman. Amen, at Amen.”
Aklat 2 (42–72) ay nagtatapos sa, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha…. Amen, at Amen. Dito nagwawakas ang panalangin ni David na anak ni Jesse.”
Aklat 3 (73–89) ay nagtatapos sa, “Purihin ang PANGINOON magpakailanman. Amen, at Amen.”
Aklat 4 (90–106) ay nagtatapos sa, “Purihin ang PANGINOON, ang Dios ng Israel magpakailanman: at ang lahat ay magsabing, Amen. Purihin ang PANGINOON.”
Aklat 5 (107–150) ay nagtapos sa Mga Awit 150, isang doxolohiya na nagwawakas sa Mga Awit sa papuri.
Lumalabas na ang bawat isa sa limang koleksyon ay nakalap sa magkakaibang panahon sa kasaysayan ng Israel. Ang ilan (katulad ng aklat 1 at 2) ay isinulat bilang unang Mga Awit ni David na mga pinakaunang koleksyon. Ang aklat 5 ay tumutukoy sa pagkakatapon at maaaring nakalap ng mas huling panahon.[9] Sa pangkalahatan ang mga koleksyon na ito ay hinahayaan tayong makisali sa sinaunang Israel sa pagpupuri sa Dios, sa pag-iyak sa Dios sa panahon ng kaguluhan/trouble, at pagsamba sa Dios bilang ating manlilikha at tagapagligtas.
[1]Ang aklat ng Mga Awit ay naglalaman ng ilang magkakaibang uri (o janra) ng kanta. Samantalang ang kabuuang tema ng Mga Awit ay pagpupuri, hindi lahat ng Mga Awit ay awit ng papuri. Mayroong malawak ng uri ng estilo ng Mga Awit. Ang Mga Awit ay kinapapalooban ng:
Para sa sama-samang pagpupuri (Awit 136)
Para sa pribadong paghihinagpis (Awit 56)
Para sa tagubilin (Awit 1 at 119)
Para bigyang karangalan ang hari (Awit 72)
Para ipagdiwang ang maharlikang kasal (Awit 45)
Para sa paglalakbay sa banal na lugar ng Jerusalem (Awit 120-134)
Sa pangkalahatang pagtanaw sa Pagpupuri, susuriin natin ang ilan sa mga pangunahing kategorya ng mga awit.
Himno ng Papuri
Ilan sa mga himno ay para sa indibidwal na papuri; ang iba ay para sa sama-samang pagpupuri. Dalawang halimbawa na nagpapakita kung paano nagpupuri sa Dios ang sumulat ng mga awit.
Halimbawa 1
Mga Awit 19 ay isang indibidwal na himno ng papuri. Ang himno ay kumikilos sa tatlong saknong.
Stanza 1 (1-6): Ang Dios ay Nahayag sa kanyang mga Nilikha
Ang mga Nilikha ng Dios ay nagpapatotoo sa kapangyarihan at sa pagkamakapangyarihan ng Maylikha. Ang kalangitan mismo ay nagpapatotoo sa kaluwalhatian ng Dios. Sa mga talatang ito, ginamit ni David ang pangalang “Dios” (Elohim sa Hebreo) na nagsasabi tungkol sa kadakilaan at pagkamakapangyarihan ng Dios.
Stanza 2 (7-10): Ang Panginoon ay nahahayag sa Kanyang Kautusan
Isang mas personal na rebelasyon ng Dios ang makikita sa kanyang Salita. Sa pamamagitan ng “kautusan,” ng “patotoo,” ng “pamantayan/statutes,” ng “kautusan,” ng “takot,” at ang “mga paghatol” ng Panginoon, nakita natin ang paghahayag niya ng kanyang sarili. Sa bahaging ito, ginamit ni David ang pangalang “ang Panginoon” (Yahweh sa Hebreo). Ang Yahweh ay ang personal, na pangalan sa tipan kung paano inihayag ng Dios ang kanyang sarili sa Israel kung paanong inihayag ng Dios ang kanyang sarili sa Exodo 3:14. Ang kautusan ng Dios ay hindi isang pabigat sa mga mananampalataya; ito’y mas matamis pa sa pulot at mas kaibig-ibig pa sa ginto.
Stanza 3 (11-14): Ang Tugon ng Mga Sumasamba sa Tagapagligtas
Bilang tugon sa pagpapahayag ng Dios, nanalangin si David para sa paghuhugas at pagpapalaya mula sa kasalanan. Nanalangin siya na ang kanyang mga salita at iniisip ay maging katanggap-tanggap sa “aking kalakasan, at aking tagapagligtas.”
Halimbawa 2
Ang Mga Awit 136 ay isang samasamang himno ng papuri. Ito ay kinakanta bilang tugong himno. Ang pinuno ang aawit ng unang kalahati ng bawat talata; ang mga tao ay tutugon ng, “sapagkat ang kanyang awa ay mananatili magpakailanman.” Mula sa paglikha (1-9) at sa kanyang kabutihan sa Israel (10-26), ang walang hanggang awa ng Dios ay nahayag.
Mga Awit ng Pasasalamat
Ang Mga Awit ng pasasalamat at kaugnay sa particular na pagkakataon ng pagliligtas ng Dios. Sa mga awit ng pasasalamat, inilarawan ng salmista ang mga nakaraang sakuna at pagkatapos ay nagpasalamat sa Dios dahil sa kanyang pagliligtas sa kanila mula sa sakuna. Para sa halimbawa isang awit ng pasasalamat, basahin ang Mga Awit 18 kung saan nagdiwang si David dahil sa proteksyon ng Dios habang tinutugis ni Saul si David.
Mga Awit ng Panaghoy
Nasa limampung mga awit ay mga Awit ng Panaghoy. Ang panaghoy ay karaniwang naglalaman ng apat na elemento, pero hindi sila laging pareho ng pagkakaayos:
Deskripsyon ng reklamo. Maraming panaghoy ang nagbabanggit ng kaaway; ang iba ay inilalarawan ang mga problemang kinakaharap ng salmista. Sa Mga Awit 13 ay pagrereklamo dahil tila itinago ng Dios ang kanyang mukha habang ang mga kaaway ni David ay nagbubunyi.
Petisyon sa Dios. Dito ang salmista ay umiiyak para sa pagliligtas ng Dios. Madalas may ispesipikong kahilingan. Sa Mga Awit 13, Hiniling ni David na pakinggan siya ng Dios at upang “bigyang liwanag ang aking mga mata.”
Pagpapahayag ng pananalig sa Dios. Sa Mga Awit 13, Pagkatapos tumawag para sa tulong ng Dios, sinabi ni David, “Nagtiwala ako sa iyong kahabagan.” Sa mga salitang ito, ang salmista ay bumaling mula sa sitwasyon ng kawalan ng pag-asa patungo sa pagpapahayag ng pananampalataya.
Papuri sa Dios. Marami sa mga panaghoy ay nagtatapos sa papuri sa Dios. Ang Mga Awit 13 ay nagtapos sa, “Panginoon, aawitan kita dahil napakabuti n’yo sa akin mula pa noon.” Ang pangwakas na pagpupuri ay mahalagang elemento ng biblikal na panaghoy, at nagbibigay ng modelo para sa ating pag-iyak sa Dios.
Sa pagpapahayag ng ating mga reklamo at pangangailangan, hindi natin dapat tutulan ang layunin ng Dios. Ang pagpapahayag ng tiwala sa Dios at ang pangwakas na pagpupuri sa Dios ay upang tiyakin na tayo ay nananatiling nagpapasakop sa soberenya ng Dios. Sa Mga Awit 13, walang nagbago sa buhay ni David sa pagitan ng ika-4 at ika-5 talata. Ang kanyang panglabas na kalagayan ay nanatiling pareho gaya ng nasa mga talatang 1-2. Ang mga pagbabago ay pangloob; Si David ay determinadong magtiwala sa awa ng Dios at umawit sa Panginoon. Ang modelong ito ang dapat maging gabay natin sa ating mga pananalangin: buong katapatan sa paghahayag ng ating mga pangangailangan na may kasamang buong pagpapasakop sa tunay na layunin ng Dios sa ating buhay.
Ang Mga Awit ng panaghoy ay nagpapalagay na mayroong tama at mali sa mundo, na ang Dios ay mapagkakatiwalaan na ipawalang sala ang tama, at ang salmista ay nasa panig ng tama. Dahil dito, ang salmista ay nagtitiwala na ang Dios ay mamamagitan para sa kaniya.
Ang Mga Awit ng pagsisisi ay kaugnay sa Mga Awit ng panaghoy. Gayunpaman, sa mga awit na ito, hinahanap ng salmista ang pagpapatawad ng Dios para sa kasalanan niya. Ang pinakasikat na Mga Awit ng pagsisisi ay ang Mga Awit 51 kung saan nanalangin si David upang hingin ang awa ng Dios pagkatapos ng kanyang kasalanan kay Bathsheba. Ang iba pang Mga Awit ng pagsisisi ay kinabibilangan ng Mga Awit 6, 32, 38, at 130.
[1]Madaling maunawaan kung bakit ang aklat ng Salmo ay ang paboritong aklat ng mga santo. Sa bawat tao, sa bawat okasyon ay may makikita sa Salmo na angkop sa kanyang pangangailangan, kung alin ang sa pariramdam niyang mas angkop na para bang iyon ay itinalaga para sa kanyang kapakanan.
Martin Luther, Pasimula saSalmo
Isang Mas Malapit na Pagtanaw sa
Basahin ang pangunahing pagkakaiba sa
pagitan ng isang Awit ng Sumpa at Utos ni Hesus
“Kayong mga taga Babilonia, kayo’y wawasakin! Mapalad ang mga taong lilipol sa inyo gaya ng ginawa ninyong paglipol sa amin. Mapalad silang kukuha ng inyong mga sanggol. at ihahampas sa mga bato.”
(Awit 137:8-9).
“Ngunit sinasabi ko sa inyo na mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo. “
(Mateo 5:44).
Ang Problema
Kabilang sa aklat ng Mga Awit ang halos tatlumpu’t limang panalangin ng sumpa, ang mga awit ay humihiling sa Dios na ibuhos ang paghatol sa mga kaaway ng salmista. Ang mga Kristiyano ay naguguluhan sa mga panalanging ito. Paano naaakma ang mga panalanging ito sa ipinag-uutos ni Jesus na mahalin ang iyong kaaway?
Ilang mga komentarista ang nagsabing ito ay nagpapakita ng pagkakaiba sa pagitan ng Lumang Tipan at Bagong Tipan. Gayunpaman, kahit ang Lumang Tipan ay nagtuturo na mahalin natin ang ating mga kaaway.[1] Bilang karagdagan, ang Bagong Tipan ay naglalaman ng mga halimbawa ng sumpa para sa mga gumagawa ng mali.[2] Paano natin dapat basahin ang Mga Awit ng sumpa bilang mga Kristiyano?
Prinsipyo sa Pagbabasa ng Mga Awit ng Pagsusumpa
(1) Ito ay base sa prinsipyo ng pagtatanim at pag-ani. Ang Deuteronomio, Kawikaan, at Galacia aynagtuturo ng “kung ano man ang itinanim ng tao, ay iyon din ang kaniyang aanihin.”[3] Ang prinsipyong ito ay isinalarawan sa mga aklat ng kasaysayan at ipinangaral sa mga aklat ng propesiya. Ang mga awit ng pagsusumpa ay humihiling sa Dios na ipakita ang kanyang katarungan. Ang mga nagbalik mula sa pagkakatapon ay humihiling sa Dios na “pagbayarin” ang Babilonia ng kabayarang nararapat lamang para sa mga ginawa ng taga-Babilonia.[4]
(2) Ang mga kaaway ng Israel ay sukdulang kaaway ng Dios. Bilang hari, si David ay hinirang ng Dios bilang kanyang kinatawan. Ang kanyang mga kaaway ay salungat sa layunin ng Dios para sa Israel. Ang panalangin ng pagsusumpa ay naghahanap na ipagtanggol sila ng katarungan ng Dios.
(3) Ang salmista ay hindi gumagawa ng mga bagay sa kanyang sariling kamay. Idinalangin ni David ang paghihiganti ng Dios sa kanyang mga kaaway, ngunit tumanggi siyang personal na gumanti kay Saul. Ipinaubaya ni David ang kanyang mga kaaway sa kamay ng Dios.
Maaari Ba Nating Gamiting Panalangin ang Mga Awit ng Pagsusumpa sa Panahon Natin Ngayon?
Kahit makita natin na ang mga awit ng pagsusumpa ay alinsunod sa biblical na katarungan, dapat pa rin nating itanong kung paano natin magagamit ang mga awit sa ating pagsamba sa panahon ngayon. May dalawang magkasalungat na reaksyon patungkol sa mga awit ng pagsusumpa.
(1) May ilang mga Kristiyano ang naniniwala na sa sermon ni Jesus sa Bundok ay ipinagbabawal na gamitin ang mga panalangin ng pagsusumpa ng isang mananampalataya ng Bagong Tipan.
(2) May ilang mga Kristiyano ang madalas na gumagamit ng mga panalangin ng pagsusumpa bilang elemento ng espirituwal na pakikidigma.
Ang dalawang pananaw ay kapwa nagpapakita ng ilang aspeto ng katotohanan. Ang mga awit na ito ay sumasalamin sa biblical na katotohanan, ngunit itinuro sa atin ni Jesus na mahalin natin ang ating mga kaaway. Sinumang nagnanais na gamiting panalangin ang mga awit ng pagsusumpa ay dapat itanong ang tatlong katanungan upang matiyak ang motibasyon para sa pagsusumpa.
(1) Ang motibasyon ko ba ay ang kabanalan ng Dios o ang aking galit? Ang salmista ay nag-aalala para sa Dios at sa kanyang kaharian. Isinulat ni Pablo, “Kung magagalit man kayo, huwag kayong magkakasala.”[5] Ang makatwirang pagkagalit ay tumutugon sa kasalanan laban sa Dios; ang galit na nakasentro sa sarili ay tumutugon sa nagawang kamalian laban sa sarili. Ang mga bagay na dapat maging dahilan ng aking galit ay mga kasalanan laban sa kaharian ng Dios, hindi mga kasalanan laban sa aking sarili at personal na “kaharian.”
(2) Hinahanap ko ba ang banal na katarungan o personal na paghihiganti? Ang mga Biblikal na panalangin ng pagsusumpa ay naghahangad na itaguyod ang katarungan,[6] at maipakita ang soberenya ng Dios,[7] at upang hanapin ng mga masama ang Dios.[8] Ang mga modernong pagsusumpa ay minsang nauudyukan ng pagnanais na maghiganti.
(3) Alin ang mas magbibigay sa akin ng kaligayahan: ang pagsisisi ng aking mga kaaway o ang paghatol sa aking mga kaaway? Hinangad ni Jonas ang paghatol na walang ibinigay na puwang para sa pagsisisi at awa ng Dios. Ang Biblikal na pagsusumpa ay ipinapaubaya ang mga kaaway sa soberenya ng Dios. Dahil dito, maaari tayong magalak kapag ang ating kaaway ay magsisisi at tumanggap ng pagpapatawad ng Dios.
Samantalang ang mga gabay na ito ay naglalaan ng puwang para sa mga biblikal na panalangin ng pagsusumpa, lubhang nililimitahan nito ang paggamit ng mga panalanging ito sa sarili nating mga buhay. Kung may nagkasala sa atin, ang Biblia (sa mga awit ng pagsusumpa, sa mga turo ni Jesus, at sa personal na modelo katulad ni David) ay nagtuturo sa atin na ibaling natin sa Dios ang sitwasyon, sa kaniya na gumagawa para sa ikabubuti ng kanyang mga anak.[9]
Ang Mga Awit ng Karunungan ay nahahawig sa Kawikaan sa pagbibigay ng praktikal na payo para sa pang-araw-araw ng buhay. Nagtuturo ito sa mga mambabasa kung paano mamuhay sa paraang kalugod-lugod sa Dios. Katulad sa Kawikaan, ang aklat ng Mga Awit ay nagtuturo na, “Ang pagkatakot sa PANGINOON ay ang pasimula ng karunungan.”[1]
Ang Mga Awit ng Karunungan ay kadalasang pinaghahambing ang dalawang landas, ang landas ng masama at ang landas ng mabuti. Ang Mga Awit 1 ay isang halimbawa ng mga awit ng karunungan.
Katulad ng Mangangaral at Job, ang may akda ng mga awit ng karunungan ay may pakikipagtalo sa isipan tungkol sa kasaganahan ng mga masasama at sa paghihirap ng mabubuti. Sa Mga Awit 73, halos mawala ang pananampalataya ni Asap dahil sa kasaganahan ng mga masama. Ang sagot kay Asap, gaya ng kay Job, ay ang makita ang Dios. Habang nakatayo si Asap sa santuwaryo, napagtanto niya na ang katapusan ng mga masasama ay pagkawasak at lagim. Tinapos niya ang mga awit sa pagpapahayag ng kanyang pananampalataya: “Ngunit ako, minabuti kong maging malapit sa Dios. Kayo, Panginoong Dios, ang pinili kong kanlungan, upang maihayag ko ang lahat ng inyong mga ginawa.”[2]
Mga Awit ng Maharlika
Ang maharlikang Mga Awit ay nagpapakita sa hari ng Israel bilang pinunong hinirang ng Dios. Ang pinuno ng Israel ay hindi tulad ng mga hari sa mga nakapaligid na mga bansa; Siya ay lingkod ng Dios na kumakatawan sa pamumuno ng Dios.[3]
Ang Mga Awit 2 ay maaaring naging awit sa koronasyon para sa bagong hari. Ang mga hari ng mundo ay nagtalaga ng kanilang mga sarili laban sa Dios “at laban sa kanyang mga hinirang,” ngunit “itinayo ko (ng Dios) ang aking hari sa ibabaw ng aking banal na bundok ng Zion.” Ang Dios ang magtatalaga sa hari; itatrato niya ang hari bilang kanyang anak; at bibigyan niya siya ng tagumpay laban sa mga kaaway ng Israel. Ang Dios ang siyang magbibigay ng kapangyarihan sa mga maka-dios na hari ng Israel.
Ang mga Awit Tungkol sa Mesiyas
Sa maraming pagkakataon, inilalarawan ng maharlikang Mga Awit ang pandaigdigang paghahari na hindi natupad sa kasaysayan ng Israel. Wala sa mga hari ng Israel ang nagtataglay ng “paghahari sa buong mundo.”[4]
Ang mga awit tungkol sa Mesiyas ay humula sa pagdating ng Hari na siyang perpekto/lubusang tutupad sa paghahari na bahagi lamang natupad sa mga naging Hari ng Israel. Ang hari ng Israel ay “ang hinirang” na namahala sa buong Israel; si Jesus ay dumating bilang “Ang Nag-iisang Hinirang” ( ang Mesiyas) na siyang lubusang tumupad sa layunin para sa hari ng Israel.
Ang Mga Awit 22 ay isang halimbawa ng mga awit na natupad sa buhay ni Jesus. Habang si David ang orihinal na sumulat ng mga awiting ito ayon sa kanyang personal na kawalang-pag-asa, tinupad ni Jesus ang mga propesiya sa kanyang matinding paghihirap sa krus.[5]
Ang Mga Awit ay nagbibigay ng modelo para sa Kristiyanong pagsamba sa panahon ngayon. Bilang sagot sa maraming usapin patungkol sa pagsamba na naghahati sa mga Kristiyano, ang Mga Awit ay nagbibigay ng pagbalanse.
Ang mga awit ay nagpapakita na ang ating pagsamba ay dapat na mayroong parehong pagpupuri sa Dios (mga awit ng papuri) at Tagubilin para sa mamamayan ng Dios (mga awit ng karunungan). Ang ating pagsamba ay dapat na mayroong kapwa indibidwal na pagsamba at sama-samang pagsamba. Ang ating pagsamba ay dapat mayroong parehong pagpapasalamat para sa mga personal na ginawa ng Dios para sa atin at papuri para sa kung sino ang Dios para sa lahat ng tao.
Ang mga awit ay nagpapakita ng balanse ng panaghoy at papuri. Ipinapakita nito na sa ating pagsamba ay maaari nating dalhin ang ating mga reklamo at mga problema sa Dios. Ipinapakita din nito na dapat nating isuko ang ating mga reklamo sa makapangyarihang plano ng Dios. Ang mga awit ng panaghoy ay natapos sa pagpupuri. Tinatawag ng Dios ang kanyang mga mamamayan sa kumpletong katapatan at kumpletong pagsuko sa kanyang layunin.
Mga Takdang Aralin sa Leksiyon
Ipakita ang pagkaunawa mo sa leksiyong ito sa mga sumusunod na mga takdang aralin:
(1) Pumili ng isa sa mga sumusunod na mga takdang aralin:
Option 1: Takdang Araling pang Grupo
Magtalaga sa bawat miyembro ng inyong grupo sa isa sa mga karakter sa Job (Eliphaz, Bildad, Zophar, at Elihu). Basahin ang mga talumpati ng nakatalagang karakter para sa iyo at talakayin ang kalakasan at kahinaan ng argumento ng bawat karakter.
Option 2: Indibidwal na Takdang Aralin.
Habang binabasa mo ang nakatakdang talata ng Mga Awit, gumawa ng listahan ng katangian ng Dios na makikita sa Mga Awit. Sa bawat isang katangian, maglista ng 8-10 mga talatang nagpapakita ng katangian.
(2) Kumuha ng pagsusulit sa leksiyong ito. Kabilang sa pagsusulit ang mga Kasulatan na nakatakdang isa-ulo.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Leksiyon 7
(1) Ipaliwanag ang tatlong uri ng Hebreong paralelismo.
(2) Ipaliwanag ang acrostikong tula.
(3) Ano ang pangunahing tema ng aklat ng Job?
(4) Ano ang tatlong pangunahing punto sa argumento ng mga kaibigan ni Job?
(5) Ano ang mga paksa sa mga salaysay ni Job sa Job 28-31?
(6) Ano ang tatlong uri ng impormasyong makikita sa pamagat ng indibidwal na mga awit?
(7) Ano ang apat na elemento na nakapaloob sa karamihan ng mga awit ng panaghoy?
(8) Maglista ng tatlong prinsipyo upang maunawaan ang mga awit ng pagsusumpa.
(9) Ano ang relasyon sa pagitan ng maharlika at mga awit tungkol sa Mesiyas?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.