Ang aklat ng Jeremias, ang ikalawa sa pinakamahabang aklat sa Biblia, ay nagpapakita ng larawan ng mga huling araw bago ang pagbagsak ng Jerusalem. Si Jeremias ay kilala bilang “Ang Tumatangis na Propeta” dahil sa kanyang panaghoy o dalamhati para sa mga kasalanan ng mga mamamayan ng Dios at pagkawasak ng bayan ng Dios.
Sa aklat ng Jeremias makikita natin ang paghihirap at pagsisikap ng propeta na magdala ng mensahe ng Dios sa mga mamamayan ng Judah. Sa aklat ng Panaghoy, makikita natin ang pighati ng propeta habang nakikita niya ang pagkawasak ng kanyang minamahal na bayan na winasak ng Babilonia.
Isang Sulyap sa aklat ng Jeremias at Panaghoy
May-akda
Jeremias
Tagapakinig
Judah
Petsa
627-580 B.C.
Tema
Ang Pagbagsak ng Jerusalem
Layunin
Upang Bigyang babala ang Judah sa parating na paghatol
Pagtatala ng pagkawasak ng Jerusalem
Ang Ebanghelyo sa Jeremias
Si Jesus ay dumating bilang ang Matuwid na Sanga na magdadala ng kaligtasan sa Juda (Jer. 23:1-8).
Katulad ni Jeremias, si Jesus ay itinakwil din ng kanyang mga mamamayan.
Katulad ni Jeremias, nakita ni Pablo ang biyaya ng Dios sa mensahe ng putik at magpapalayok.
Background sa Jeremias
Ang Kalagayang Pangkasaysayan ng Jeremias at mga Panaghoy
Si Jeremias ay anak ni Hilkia, isang pari mula sa Anatot, isang lupain ng mga Levita, limang kilometro sa hilaga ng Jerusalem. Sa halip na sundan ang kanyang ama sa pagiging pari, si Jeremias ay tinawag na maglingkod bilang isang propeta. Ang kabuuan ng kanyang buhay ay itinalaga sa pagdadala ng mensahe ng Dios sa nalalapit na paghatol ng Dios laban sa Juda. Bilang palatandaan ng parating na kapahamakan sa Jerusalem, inutusan ng Dios si Jeremias na huwag mag-asawa.[1]
Si Jeremias ay dumanas ng matinding pag-uusig, kasama na ang pagtatangkang pagpatay, pagbugbog, pag-akusa ng pagtataksil, at pagkakabilango. Matapos ang pagbagsak ng Jerusalem, isang grupo ang nagdala kay Jeremias sa Ehipto laban sa kanyang kagustuhan.[2]
Si Jeremias ay nagpahayag ng propesiya sa panahon ng apatnapung taon bago ang pagbagsak ng Jerusalem. Maaaring sinimulan niya ang kanyang ministeryo noong panahon ng paghahari ni Josias, ang huling mabuting hari ng Juda. Si Josias ay pinatay habang nakikipaglaban sa Faraon ng Ehipto na si Neco sa Megiddo noong 609 B.C. Ito ang nagpasimula sa panahon ng pagbagsak ng Juda. Si Jehoahaz, na anak ni Josia ay naglingkod lamang ng tatlong buwan bago siya dalhin sa Ehipto. Inilagay ng Ehipto ang kanyang kapatid na si Jehoiakim, bilang hari. Noong 605 B.C. nilusob ng Babilonia ang Jerusalem at kinuha ang unang grupo ng mga taga Juda para gawing bihag.[3]
Noong 598 B.C. nagrebelde si Jehoakim laban sa Babilonia, ngunit namatay rin sa panahon ng paglusob ng Babilonia sa Jerusalem. Ang kanyang anak, na si Jehoakin, ay namuno sa loob lamang ng tatlong buwan bago siya natalo ni Nebucodonosor. Si Jehoyakin ay dinala sa Babilobya kasama ng ikalawang grupo ng mga bihag noong 597 B.C.[4] Inilagay ni Nebucodonosor si Zedekias, ang isa pang anak ni Josias, upang maging hari. Namuno si Zedekias hanggang 586 B.C., ngunit ito ay naging panahon ng patuloy na pagbagsak ng Juda. Tumanggi si Zedekias na making sa mga babala ni Jeremias at ipinakulong pa nito ang propeta.
Sa pagtatangka na pabagsakin ang pamumuno ng Babilonia, sinubukan ni Zedekias na makipagtulungan sa ibang mga hari.[5] Bilang tugon dito, sinakop muli ni Nebucodonosor ang Juda noong 587-586 B.C. Sa panahon ng pangatlong pagsalakay, pinagnakawan ni Nebucodonosor ang Jerusalem at itinalaga si Gedalia bilang gobernador.[6] Sa loob ng kabuuan ng kanyang pambansang kasaysayan, hindi na muling nagkaroon ang Juda ng hari na katulad ni David.
Ang ministeryo ni Jeremias ay maaaring hatiin sa tatlong yugto:
627-605 B.C. Siya ay nagpahayag ng propesiya habang ang Juda ay tinatakot at pinagbabantaan ng Asiria at Ehipto.
605-586 B.C. Siya ay nagpahayag ng propesiya sa panahon ng mga pag-atake ng Babilonia sa Juda.
586-ca. 580 B.C. Siya ay nagministeryo sa Jerusalem at Ehipto matapos ang pagbagsak ng Juda.
Layunin
Ipinakita ni Jeremias ang mga paulit-ulit na pagbibigay ng babala ng Dios sa Juda. Dahil sa pagtanggi nila na magsisi, tiyak na ang paghatol ng Dios. Dinala rin ni Jeremias ang pangako ng pagpapanumbalik sa mga natirang bahagi na nanatiling tapat sa Dios. Bagamat hindi tumugon ang mga tagapakinig ni Jeremias sa kanyang mensahe, ang aklat na kanyang iniwan ay nagpapakita ng tala ng katapatan ng Dios sa mga huling araw ng Juda.
Ang aklat ng Jeremias ay walang sinusundang pagkakasunod sunod. Ito ay nagkukulang sa malinaw na balangkas na maaaring iugnay sa matinding paghihirap sa kabuuan ng buhay ni Jeremias.
Maaari kang magkaroon ng pangkalahatang pagtanaw sa buhay ni Jeremias at sa pagbagsak ng Jerusalem sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga sumusunod na kabanata sa ganitong pagkakasunod-sunod:
Kabanata
Tinatayang Petsa
Paksa
1
627 B.C.
Ang pagtawag kay Jeremias
7
609-597
Ang Pangangaral sa Templo
11-13
Hindi Tiyak
Pagsalungat sa ministeryo ni Jeremias
26
608 B.C.
Pagbabantang pagpatay kay Jeremias
25
605 B.C.
Pitumpung taon ng pagkakabihag
36
605 B.C.
Sinunog ni Jehoakim ang mga kasulatan ni Jeremiah
29
597 B.C.
Sulat sa mga bihag
20
597-586 B.C.
Ang pagsalungat ng paring si Pashhur
27-28
594 B.C.
Pakikipagharap kay Ananias
32
588 B.C.
Bumili si Jeremias ng lupain
37-38
588 B.C.
Nakulong si Jeremiah
39 & 52
586 B.C.
Pagbagsak ng Jerusalem
40-41
586 B.C.
Si Gedalia bilang gobernador
42-43
586/585 B.C.
Si Jeremias ay dinala sa Ehipto
Ang mga natirang talata ay nagtatala ng mga mensahe ni Jeremias para sa mga mamamayan ng Dios, mga mensahe na karaniwang binalewala ng kanyang mga tagapakinig.
Balangkas ng Jeremias
Ang Pagkatawag kay Jeremias (Jer. 1)
►Ilarawan ang iyong pagkakatawag sa ministeryo. Paano napapatunayan ang pagkakatawag na ito sa iyong ministeryo?
Bago ang kapanganakan ni Jeremias, itinalaga siya ng Dios na maging propeta ng mga bansa. Nag siya ay tawagin ng Dios upang maging propeta, tumugon si Jeremias na siya ay bata pa at hindi pa handa sa ganoong responsibilidad. Sumagot ang Dios sa pamamagitan ng tatlong pangitain para kumpirmahin ang pagkakatawag kay Jeremias:
(1) Hinipo ng Dios ang labi ni Jeremias para ibigay at ilagay ang mga salitang sasabihin niya (Jer. 1:9-10).
(2) Binigyan ng Dios si Jeremias ng isang pangitain ng isang puno ng almendro at sinabi sa kanya na nagbabantay ang Dios para siguraduhing matutupad ang kanyang Salita (Jer. 1:11-12).[1]
(3) Binigyan ng Dios si Jeremias ng pangitain ng kumukulong palayok, na nagpapakita ng parusang ibubuhos sa lupain (Jer. 1:13-14).
Ang Pagtataksil ng Juda sa Tipan (Jer. 2–10)
Sa pamamagitan ng mga pangangaral, mga leksiyong gumagamit ng iba’t-ibang bagay, at mga talinhaga, ipinakita ni Jeremias ang pagtataksil ng Juda sa Tipan. Ang Juda ay katulad ng isang taksil na asawang babae na naghahabol sa ibang manliligaw. Sa “Pangangaral sa Templo” ng Jeremias 7, tinuligsa ng propeta ang mga sumasamba na naniniwalang maliligtas sila dahil sa templo. Kung paanong pinahintulutan ng Dios ang pagkawasak ng Shilo (Ang unang lugar ng sambahan ng Israel), gayundin naman ay hahayaan niyang mawasak ang templo.[2] Ang tahanan ng Dios ay naging pugad ng magnanakaw at hindi na ito banal, dahil ang mga sumasamba dito ay hindi banal.
Ang mga Reklamo ni Jeremias sa Dios at sa Juda (Jer. 11–20)
Ang bahaging ito, ay tinatawag na “Pagtatapat ni Jeremias,” ay kinapapalooban ng mga panalangin kung saan si Jeremias ay nagrereklamo sa Dios tungkol sa katigasan ng ulo ng kanyang mga tagapakinig. Si Jeremias ay ipinadala upang magpahayag sa mga taong tumangging tanggapin ang kanyang mensahe at nagkaisa upang patayin ang mensahero.
Si Jeremias ay nalungkot sa pagpapahayag ng mensahe ng kawalan ng pag-asa. Sinabi ng Dios kay Jeremias, “Kahit sina Moises at Samuel pa ang magmakaawa sa akin para sa mga taong ito, hindi ko sila kahahabagan.”[3] Dahil tumanggi ang Juda na magsisi, wala ng iba pang natitira kundi ang paghatol. Ang huwad na propeta ay nagsabi sa mga tao na ang Dios ay nagdadala ng kapayapaan; sa halip sila ay mamamatay o bibihagin.[4] Walang kapayapaan para sa Juda na ganap na tumalikod sa Dios.
Ang komprontasyon ni Jeremias sa mga Pinuno at Propeta ng Juda (Jer. 21–29)
Kinompronta ni Jeremias si Haring Joaquin, sa hindi nito pagsunod sa nilakaran ng kanyang mga ninuno sa pagsunod sa Dios. Sa halip na isang pagpapaliwanag sa ritwal na kaugnay sa paglilibing sa isang hari, nagpahayag si Jeremias na si Jehoakim ay kakaladkarin sa labas ng bayan at itatapong parang patay na asno.
Kinompronta ni Jeremias ang mga sinungaling na propeta na nagbibiggay ng mga huwad na mensahe ng pag-asa para sa mga tao na hinatulan na ng Dios.
Sa panahon ng paglusob ng mga kaaway, si Jeremias ay tumayo sa labas ng templo upang ipahayag sa mga tao ang mensahe ng paghatol. Sinabi niya sa kanila na haharap sila sa pitumpung taon ng pagkakabihag. Puno na ang kopa ng galit ng Dios; ang Jerusalem ay iinom sa kopang ito kasama na ang mga bansa na tumatalikod sa Dios.
Si Jeremias ay nagsuot ng pamatok sa kanyang leeg bilang simbolo ng pagpapasakop ng Jerusalem sa Babilonia sa hinaharap. Binali ni Hanania, isang huwad na propeta, ang pamatok, at sinabing malapit nang palayain ng Dios ang bansa mula kay Nebucodonosor. Bilang hatol, kinuha ng Dios ang buhay ni Hanania.
Ang panghuling propesiya sa bahaging ito ay nasa anyo ng isang liham para sa mga bihag sa Babilonia. Kahit na ipinahayag ni Hanania at ng iba pang huwad na propeta ang pagkatalo ng Babilonia, sinabi ni Jeremias sa mga bihag na magtayo ng mga tirahan, magtanim at manalangin na magkaroon ng kapayapaan sa Babilonia, dahil sila ay mananatili doon sa loob ng pitumpung taon.
Ang Pangako ng Pagpapanumbalik sa Hinaharap (Jer. 30–33)
Ang mga kabanatang ito ay karaniwang tinatawag na “Aklat ng Kaaliwan.” Kahit na karamihan sa mensahe ng Jeremias ay mensahe ng paghatol, sinasabi niya sa kanyang mga tagapakinig na titipunin at bubuuing muli ng Dios ang Juda. Kahit na hindi naging tapat ang Israel sa tipan, gagawa ulit ng bagong tipan ang Dios “sa kanilang mga puso” at “hindi na aalalahanin pang muli ang kanilang mga kasalanan.”[5]
Sinabi ng Dios kay Jeremias na bumili ng lupa mula sa kanyang pinsan na si Hanamel. Ito ay isang nakakagulat na utos dahil ang Jerusalem ay malapit ng mawasak! Nang humingi ng paliwanag si Jeremias, ibinigay ng Dios ang isang napakagandang pangako na darating ang isang araw kung saan “muling magbibilihan ng mga bukid, at lalagdaan at tatatakan ang mga Kasulatan ng pagkabili, sa harapan ng mga saksi… sapagkat ibabalik Ko ang kanilang kayamanan, Ako ang PANGINOON ang nagsasabi nito.”[6] Hindi kinalimutan ng Dios ang kanyang mga mamamayan. Kahit sa paghatol, siya ay nangangako ng pagpapanumbalik sa hinaharap.
Ang mga huling araw ng Jerusalem (Jer. 34–45)
Ang mga kabanatang 34-45 ay nagtatala ng mga huling araw ng Jerusalem. Patuloy na tinatanggihan ng mga pinuno ng Juda ang Salita ng Dios hanggang sa huling oras. Si Jeremias ay trinato bilang traydor, at ipinakulong dahil sa kanyang mensahe ng paghatol sa panahon ng pagkakabihag. Gayunpaman, ang mensahe ng paghatol ng Dios ay natupad: bumagsak ang Jerusalem, si Haring Zedekias ay nadakip, at ang kanyang mga anak ay pinatay bago siya binulag. Ang huling nakita ni Zedekia ay ang pagkamatay ng kanyang mga anak.
Pagkatapos na mapatay, si Gigalia, ang utusang gobernador ng Babilonia, isang grupo ng mga taga Juda ang tumakas papuntang Ehipto, dinala si Jeremias at ang kanyang kalihim na si Baruc. Kahit sa Ehipto, marami pa ding mga taga Juda ang patuloy na sumasamba sa mga dios-diosan. Nagpahayag si Jeremias ng patuloy na pagdurusa bilang resulta ng kanilang patuloy na pagsamba sa mga dios-diosan.
Propesiya para sa Iba pang Bansa (Jer. 46–51)
Habang ang maraming bahagi ng Jeremias ay inilaan para sa mga mensahe ng paghatol sa Juda, ang soberenya ng Dios ay umaabot at nagpapatuloy sa iba pang mga bansa. Sa ibang bahagi ng mga propesiya, si Jeremias ay nagpropesiya laban sa Ehipto, Filisteo, Moab, Ammon, Edom, Damasco, Kedar, Hazor, at Elam. Sa pangwakas, limangpung taon bago ito mangyari, nagpropesiya si Jeremias patungkol sa pagbagsak ng Babilonia sa Media.[7]
Ang bahaging ito ay nagpapakita ng soberenya ng Dios sa lahat ng tao. Ginamit ng Dios ang ibang bansa upang hatulan ang Israel, ngunit hahatulan din niya ang mga bansang ito at panunumbalikin at titipuning muli ang kanyang mga mamamayan sa Jerusalem. Ginamit ng Dios ang Asiria para parusahan ang Israel; pagkatapos ay kanyang pinahintulutan si Nebucodonosor na talunin ang Asiria. Pagkatapos ng pagkakabihag, panunumbalikin at patatawarin ng Dios ang Juda.[8]
Muling Ipinahayag ang Pagbagsak ng Jerusalem(Jer. 52)
Ang Jeremias ay nagtapos sa muling pagpapahayag ng pagbagsak ng Jerusalem. Ang Jeremias 52 ay nakakatulad ng 2 Hari 24-25 at Jeremias 39. Ang aklat ay nagtapos sa kapahayagan ng pag-asa. Ang sumunod kay Nebucodonosor, ang Masamang si Merodach, ay pinalaya si Haring Jehoyakin mula sa kulungan at hinayaan siyang kumain kasalo ng hari sa hapag. Ito ay nagpapaalala sa mga mambabasa ng Jeremias na ang lahi ni David ay iningatan. Ang Dios ay patuloy na kumakalinga sa kanyang mga mamamayan, kahit sa pagkakabihag.
[1]Ang tanda ng isang puno ng almendro ay isang paglalaro sa salitang Hebreo. Ang álmond/almendro” ay ang Hebreong salita na shaqed; “binantayan” ay ang salitang shoqed. Ang puno ng almendro ang unang nagsusupling sa tagsibol, kayat sinasabi ng mga Hebreo na ang puno ng almendro ay “nagbabantay/naghihintay sa tagsibol.” Sa parehong paraan, sinasabi ng Dios kay Jeremias na hinihintay niya ang katuparan ng mga mensahe ng propesiya.
[7]Jer.51:11. Taong 550 B.C., isinanib ni Ciro ang Medes sa Imperyo ng Persia. Winasak ng imperyong ito ang Babilonia noong 539 B.C. at nagpahintulot sa mga taga-Israel na bumalik sa Jerusalem.
Isang Mas Malapit na Pagtanaw sa “Propetikong pagsasakdal”
Sa Pentateuch, nakita natin ang kahalagahan ng tipan sa kasaysayan ng Israel. Ang mga Kautusan ni Moises ay hindi lamang isang grupo o listahan ng mga patakaran na gagabay sa Israel. Ang tipan ng Dios sa Israel ay batay sa isang pagsasamahan na may pag-ibig. Ang pagsuway ng Israel ang siyang sumira sa tipan na nagbibigkis sa Dios at Israel.
Ang mga propeta ay kadalasang nagbibigay diin sa mga Kautusan ni Moises upang ipakita ang pagsira ng Israel sa kanyang tipan sa Dios. Tinatawag natin ang mga ito na “propetikong pagsasakdal,” isang listahan ng akusasyon laban sa Juda. Ipinakita ni Jeremias ang pagsira ng Juda sa tipan at nararapat lamang na danasin ang mga sumpa na bahagi ng tipan. Ang chart sa ibaba ay nagpapakita ng mga katangian ng mga propetikong pagsasakdal sa Jeremias.
Ang Propetikong Pagsasakdal
Jeremias
Pagtawag sa nagkasala o isinasakdal
“Pakinggan ninyo ang mensahe ng PANGINOON, Kayong mga mamamayan ng Israel, mula sa lahi ni Jacob” (Jer. 2:4).
Pagpapaalala sa kabutihan ng Dios sa Juda
“Mula roon ay dinala ko kayo sa magandang lupain para makinabang sa kasaganaan ng ani nito” (Jer. 2:5-7).
Mga akusasyon laban sa Israel
“Kaya’t muli kong susumbatan ang aking bayan, sabi ng PANGINOON, at uusigin ko hanggang kaapu-apuhan...Pinalitan ng aking bayan ang kanilang niluluwalhati, ng kanilang dios, kahit na ang mga ito ay hindi naman talagang dios..Dalawa ang kasalanan ng aking bayan: Tinalikuran nila ako, ako na bukal na nagbibigay-buhay, at humukay sila ng mga balon, ngunit mga balong butas na walang naiipong tubig.” (Jer. 2:9-13).
Pagtawag na sumaksi laban sa Juda
“Kaya’t manginig kayo sa takot, O Kalangitan, manggilalas kayo at manghilakbot, akong si Yahweh ang nagsasalita” (Jer. 2:12).
Pagtangis sa kataksilan ng Juda
“Malilimutan ba ng dalaga ang kanyang mga alahas, o ng babaing ikakasal ang kanyang damit pangkasal? Subalit ako’y kinalimutan ng sarili kong bayan nang napakahabang panahon. (Jer. 2:31-32).
Pangako ng Pagpapanumbalik kung magsisisi ang Juda
“Magbalik kayo sa akin, kayong mga taksil na anak, sapagkat ako ang inyong Panginoon…Sa araw na iyon, ang Jerusalem ay tatawaging ‘Luklukan ni Yahweh’. Lahat ng bansa’y magkakatipon doon upang sambahin ako.” (Jer. 3:13-17).
Mga Panaghoy
Background at Straktura ng Mga Panaghoy
Bagamat wala namang tinutukoy ang aklat ng Mga Panaghoy kung sino ang may akda, ang mga tradisyong Hudyo at Kristiyano ay ipinaalagay na si Jeremias ang may akda nito. Ito ay naisulat ilang taon lamang matapos ang pagbagsak ng Jerusalem, ang pangunahing tema ng aklat. Maaaring isinulat ni Jeremias ang Mga Panaghoy bago siya gawing bihag sa Ehipto.
Ang Mga Panaghoy ay binubuo ng limang tula na nagpapakita ng panaghoy dahil sa pagkawasak ng Jerusalem. Ang mga tulang ito ay nagpapahayag ng personal na pagtangis ng sumulat nito.
Ang bawat kabanata maliban sa Panaghoy 5 ay nasa espesyal na anyo na tinatawag na acrostic. Ang alpabeto ng Hebreo ay binubuo ng dalawampu’t dalawang letra. Sa Mga Panaghoy 1,2, at 4, ang bawat letra ang nagsisimula ng talata. Ang Mga Panaghoy 1:1 ay nagsisimula sa aleph, ang unang letra sa alpabeto ng Hebreo. Ang Mga Panaghoy 1:2 ay nagsisimua sa beth at ang pattern na ito ay nagpapatuloy sa kabuuan ng kabanata. Ang Mga Panaghoy 3 ay naglalaman ng animnapu’t anim na talata, dalawampu’t dalawang grupo na may tatlong talata bawat isa. Ang paggamit ng anyo ng katulad sa tula ay nagbibigay ng balangkas ng bumubuhos na kalungkutan at dalamhati ni Jeremias.
Layunin ng Mga Panaghoy
Ang mga tulang ito ay nagtatala ng labis na kalungkutan ng may-akda sa pagbagsak ng Jerusalem. Kanilang nililiwanag na ang pagdurusa ng Jerusalem ay resulta ng pagkakasala ng Juda, at hindi ng pagkabigo ng Dios. Ang aklat ng Jeremias ay nakatuon sa parating na pagbagsak ng Jerusalem; Ang Mga Panaghoy ay muli namang binabalikan ang naging pagbagsak ng bayan.
Mensahe ng Mga Panaghoy
Ang Mga Panaghoy ay nagsisimula mula sa pagdadalamhati patungo sa pananalangin. Ito ay nagsimula sa panaghoy na naglalarawan sa kalunos lunos na katapusan ng Jerusalem. Ang dating dakilang bayan ay naging balo. Siya ay hindi naging tapat sa Dios, at ngayon siya ay “pinahirapan dahil napakarami nitong kasalanan.”[1] Ang teyolohiya ng Mga Panaghoy ay katulad at umaayon sa aklat ng Mga Hari at Jeremias. Ang mga aklat na ito ay nagpapakita na bumagsak ang Jerusalem:
Dahil sa mga pagkakasala ng mga tao (Lam. 1:18)
Dahil sa mga huwad na propeta at makasalanang pari (Lam. 4:13)
Ang Panaghoy 3 ay nagpapatuloy na magluksa para sa Jerusalem, ngunit pinasimulan din ang tema ng awa ng Dios. Ang Panaghoy 3:19-39 ay sumasalamin sa kabutihan at hindi nagmamaliw na pag-ibig ng Dios.
Pagkatapos ng isa pang panaghoy na naglalarawan ng kondisyon noong nilusob ang Jerusalem (Panaghoy 4), ang sumulat ay nagtapos sa isang panalangin ng pagpapanumbalik. Kinikilala ng Mga Panaghoy na ang tanging pag-asa na lamang ng Juda ay ang awa ng Dios: “O,PANGINOON, ibalik ninyo kami sa inyo at kami ay babalik![2]
Ang Pangungusap ng aklat ng Jeremias sa Panahon Ngayon
Ilang bahagi ng iglesia ngayon ay nabibilanggo sa isang turo na nangangako ng mabuting kalusugan at kasaganaan sa mga Kristiyano, lalo na sa mga nagmiministeryo. Sa ilang mga bansa, ang mga mangangaral ng “prosperity gospel” ay kabilang sa mga pinakamayayamang tao sa bansa; ang mga mahihirap ay buong pagsasakripisyo na nagkakaloob para suportahan ang mga magarbong pamumuhay ng kanilang mga pinuno. Ang gawaing ito ay malayo sa ipinakitang modelo ng Biblia.
Ipinakita ng aklat ng Jeremias na ang pagiging tapat sa mensahe ng Dios ay may kapalit na malaking halaga. Si Jeremias ay nagdusa sa kanyang pangako ng katapatan sa pagkatawag sa kanya ng Dios; Si Jesus ay nagdusa sa kanyang pagsunod sa misyon ng Dios Ama; ang mga lingkod ng Dios ngayon ay tinawag na maging tapat sa kabila ng pagharap sa mga pagsalungat.
Ang pangako ng Jeremias 29:11 ay dapat basahin sa konteksto ng parating na pagkakabihag sa Babilonia. Nangako ang Jeremias sa mga tao na, “Sapagkat nalalaman ko ang aking mga iniisip tungkol sa iyo, sabi ng PANGINOON, kaisipan ng kapayapaan, at hindi kasamaan, upang pagkalooban ka ng inaasahang katapusan.” Gayunpaman, ang mga mamamayan ng Dios ay malapit ng humarap sa matinding pagdurusa. Mabuti ang plano ng Dios para sa kanyang mga mamamayan; ngunit hindi nito ginagarantiya na ang buhay ay malaya sa pagdurusa. Dahil sa kasalanan at sa epekto nito sa ating mundo, kahit ang mga mamamayan ng Dios ay nagdurusa din.
Gayunpaman, katulad ng ipinapakita ng Mga Panaghoy, kahit sa mga pagsubok ay nananatiling tapat ang Dios sa kanyang mga mamamayan. Kahit sa kaguluhan, maaari nating pagtiwalaan ang kabutihan ng Dios. “Ang pag-ibig ng PANGINOON ay hindi nagmamaliw; ang kanyang awa ay walang hanggan; araw araw ay ipinapakita niya ang kanyang habag; dakila ang katapatan ng Panginoon.”[1]
Ang aklat ng Jeremias ay madalas na binabanggit ng mga manunulat ng Bagong Tipan. Ang aklat ng Pahayag ay nagbabanggit ng mga talata mula sa Jeremias upang ilarawan ang parating na pagkawasak ng “Babilonia,” ang kaaway ng mga mamamayan ng Dios.[1]
Maraming pagkakatulad ang mga ministeryo ni Jeremias sa ministeryo ni Jesus. Katulad ng pagtangis ni Jeremias dahil sa pagkawasak ng Jerusalem, tumangis din si Jesus para sa bayan at nagpahayag ng pagkawasak ng templo.[2] Sa paglilinis ng templo, ginamit ni Jesus ang pananalita ni Jeremias upang ilarawan ang paglapastangan sa tahanan ng Dios para gawin itong pugad ng magnanakaw.[3] Si Jeremias at Jesus ay parehong itinakwil ng mga taong kanilang pinaglingkuran.
Ginamit ni Pablo ang mga pananalita ni Jeremias sa pagsusulat ng soberenya ng Dios sa pagtawag sa mga Hentil patungo sa kaligtasan. Ang magpapalayok ay may kapangyarihan sa putik at “ipinaalam ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan.”[4]
Ang pinakamahalaga, ang ebanghelyo ay nakita sa mga pangako sa Jeremias ng pagpapanumbalik ng Dios sa kanyang mga mamamayan. Ang pagpapanumbalik na ito ay hindi lubos na natupad sa kasaysayan ng Israel. Sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus, ang pagpapanumbalik na ito ay natupad at nangyari sa pamamagitan ng iglesia.
[1]Kabilang sa halimbawa ang Pahayag 18:4, 8, and 24.
Ipakita ang iyong pagkaunawa sa leksyong ito sa pamamagitan ng mga sumusunod na takdang aralin:
(1) Pumili ng isa sa mga sumusunod na takdang aralin:
Option 1: Takdang Aralin pang Grupo
Talakayin ang mga “Mga Pagtatapat” ni Jeremias sa Jeremias 11-20. Itala ang mga reklamo ni Jeremias at ang mga sagot ng Dios. Ihalintulad ang mga reklamo ni Jeremias sa mga paghihirap na inyong kinakaharap sa ministeryo. Anong mga aral ang maaaring makuha ng inyong grupo mula sa halimbawa ni Jeremias? Magsulat ng isang pahinang buod ng inyong talakayan.
Option 2: Takdang Aralin na pang indibidwal
Sumulat ng isang detalyadong balangkas para sa isang sermon patungkol sa katapatan ng Dios sa pagkakaloob ng kanyang awa ayon sa aklat ng Jeremias at Mga Panaghoy.
Sumulat ng isang detalyadong balangkas para sa isang sermon patungkol sa paghatol ng Dios ayon sa aklat ng Jeremias at Mga Panaghoy.
(2) Kumuha ng pagsusulit sa leksyong ito. Kabilang sa pagsusulit ang mga talata ng Biblia na nakatakdang isa-ulo.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Leksiyon 10
(1) Bakit tinawag si Jeremias bilang “ang Tumatangis na Propeta?”
(2) Ang ang pinagmulan na pamilya ni Jeremias?
(3) Itala ang mga petsa para sa tatlong grupo na binihag. Para sa unang dalawang grupo, magpangalan ng isang propetang binihag.
(4) Ano ang mga pangunahing layunin ng Jeremias at Mga Panaghoy?
(5) Ano ang isang “propetikong pagsasakdal”?
(6) Ano ang mga “pagtatapat ni Jeremias”?
(7) Ano ang “Aklat ng Kaaliwan” sa Jeremias?
(8) Anong anyo ng tula ang ginamit sa kabanata 4 at 5 ng Mga Panaghoy?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.