Ang huling labindalawang aklat ng Lumang Tipan ay tinatawag na Minor Prophets. Sa Hebreyong Biblia, ang mga aklat na ito ay nakapaloob sa isang scroll na tinatawag na “Ang Aklat ng Labingdalawa.”
Dahil ang Minor Prophets ay mas maigsi kaysa sa mga Major Prophets, kaya ang ilang mambabasa ay inaakalang ang mga aklat na ito ay hindi mahalaga. Gayunpaman, ang mga propetang ito ay hindi “minor” kung ang pagbabatayan ay ang kanilang mensahe at impluwensya. Ang “Minor” ay tumutukoy sa laki ng mga aklat, hindi sa laki ng mensahe. Ang mensahe ng mga propetang ito ay may malaking impluwensya sa mundo ng sinaunang Israel at Juda at patuloy na nangungusap sa mga iglesia sa panahon ngayon.
Mga Tinatayang Petsa ng Minor Prophets
ika-8 Siglo
Jonas, Amos, Oseas, Mikas
ika-7 Siglo
Nahum, Sofonias, Habacuc
ika-6 Siglo
Obadias, Ageo, Zecarias
ika-5 Siglo
Malakias, Joel (malamang)
Hosea: Matinding Pighati ng Dios
Isang Sulyap sa Oseas
May Akda
Hosea
Tagapakinig
Ang hilagang kaharian
Petsa
Huling kalahati ng ika- 8 siglo
Tema
Matinding Pighati ng Dios
Layunin
Upang kumprontahin ang Israel sa kanyang espiritual na pangangalunya
Ang Ebanghelyo sa Oseas
Ang sagot sa espirituwal na pangangalunya ng Israel ay ang pagbabalik loob sa Dios at sa haring mula kay David (Oseas 3:5). Mangyayari ito sa panahon ng Mesiyas bilang walang hanggang Hari, si Jesus, na muling pagsasama-samahin ang mga tapat sa ilalim ng kanyang pamamahala.
Panahong Pangkasaysayan ng Hosea
Si Hosea at Amos ay mga propeta noong ika-8 siglo sa hilagang kaharian.[1] Sila ay naglingkod kapanahon ng paglilingkod ni Isaias sa Juda.
Sa unang bahagi ng ika-8 siglo B.C., si Jeroboam II ang hari ng hilagang kaharian. Ito ay isang panahon ng kaunlaran sa Israel. Ang kapangyarihan ng Asiria ay pansamantalang nabawasan ng mga hidwaan at kaguluhan sa mga tahanan. Pinalawak ng Israel ang mga hangganan nito at nakinabang mula sa pangangalakal sa mga kalapit bayan. Ang Israel at Juda ay mas maraming hawak na teritoryo katulad ng panahon ng Israel sa pamamahala ni Haring David.
Sa kasamaang palad, bagaman ang Israel ay umunlad sa ekonomiya, hindi ito umunlad sa espirituwal. Sa espirituwal na aspeto, ang Israel ay tumalikod; ang mga mamamayan ng hilagang kaharian ay sumamba kay Baal kasabay ng pagsamba kay Jehovah.[2]
Marahil si Hosea ay nagsimula sa kanyang ministeryo sa pagtatapos ng paghahari ni Jeroboam II. Ang Asiria ay muling nakakuha ng kapangyarihan at sa mga sumunod na panahon ay naging pinakamalakas na emperyo sa mundo sa pamamahala ni Tiglath-Pileser III. Sa loob lang ng ilang taon, sinakop ng Asiria ang Samaria at winasak ang hilagang kaharian.
Layunin ng Hosea
Nangaral si Hosea laban sa espirituwal na pangangalunya ng Israel. Siya’y nagbigay babala na ang pagsamba ng Israel kay Baal ay magdadala ng parusa ng Dios. Ipinakita niya ang sakit na nararamdaman ng Dios sa pagiging hindi tapat ng Israel.
►Madalas na ginagamit ng Biblia ang talinghaga ng pag-aasawa upang maisalarawan ang kaugnayan sa pagitan ng Dios at ng kanyang mamamayan. Kung ang pag-aasawa na meron ang tao ay nagpapakita ng relasyon ng Dios sa kanyang mamamayan, ano ang itinuturo nito sa atin patungkol sa pag-aasawa?
Tema ng Hosea
Ang Espirituwal na Pangangalunya
Sa buong Banal na Kasulatan, ang pag-aasawa ay isang larawan ng relasyon ng Dios sa kanyang mamamayan. Ang pag-aasawa ay isang panghabang buhay na pangako sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Sa parehong paraan, itinatag ng Dios ang isang walang hanggang tipan sa Israel. Ang pag-aasawa at tipan sa Dios ay mga eksklusibong relasyon. Kung paanong ang isang asawang lalaki o isang asawang babae ay hindi dapat maging hindi-tapat sa kanyang asawa, ang mamamayan ng Dios ay hindi dapat maging hindi-tapat sa Dios. Sa Hosea, ipinakita ng Dios na ang Israel ay nagkasala ng espirituwal na pangangalunya sa ibang mga dios-diosan na parehong kahulugan na ang isang asawang babae na lumingon sa ibang manliligaw ay nagkasala ng pangangalunya.
Ang salitang naglalarawan na ginamit ni Hosea ay akma sa katangian ng pagsamba sa mga dios-diosan ng Israel. Si Baal ay ang dios-diosan ng panahon ng mga Siria-Palestino. Siya ang itinuturing nilang nagkokontrol ng pag-ulan, agrikultura, at pagiging mabunga. Sa paganong dambana, ang mga tao ay “sumasamba” kay Baal na may ritwal na prostitusyon. Naniniwala sila na ang kanilang sekswal na pag-uugali ay naging dahilan upang tumugon si Baal ng matabang binhi at ulan para sa lupain. Ang imahinasyon ni Hosea ay nagpapakita na ang kasalanan ng Israel sa mga patutot ng kulto ay salamin ng kanilang espirituwal na prostitusyon.
Inutusan ng Dios si Hosea na pakasalan si Gomer, isang “asawa ng iba’t-ibang lalaki”[3] Naniniwala ang ilang mga komentarista na si Gomer ay naging isang babaeng bayaran bago ang kasal. Dahil sa hirap na tanggapin na mag-uutos ang Dios ng ganoong pagkilos, naniniwala ang iba na inutusan ng Dios si Hosea na pakasalan ang isang babe na kalaunan ay hindi naging tapat. Panghuli, ang ilan ay naniniwala na si Gomer ay isang sumasamba sa dios-diosan na kumakatawan sa espirituwal na pangangalunya ng bansa. Anuman ang tiyak na pagbibigay kahulugan ng mga talata, ang pagiging hindi tapat ni Gomer kay Hosea ay isang larawan ng pagiging hindi tapat ng Israel kay Jehovah.
Ang mga pangalan ng anak ni Hosea ay mga propetiko. Ang Jezreel ay ipinangalan mula sa lambak kung saan magkakaroon ng malaking pagtatagumpay ang Asiria laban sa Israel. Ang Lo-Ruhamah ay nangangahulugang “Walang Awa,” dahil hindi magpapakita ng awa ang Dios sa mapaghimagsik na bansa. Ang Lo-Ammi ay nangangahulugang “Hindi Ko Sila Bayan,” sapagkat tatanggihan ng Dios ang bansa na bumabaling sa mga dios-diosan.
Ang Pamilya ni Oseas
Gomer
Nagpapakita ng espirituwal na pangangalunya ng Israel
Jezreel
Ang lambak kung saan tatalunin ng Asiria ang Israel
Lo-Ruhamah
“Walang Awa”
Lo-Ammi
“Hindi ang Bayan Ko”
Pagkatapos ng kanyang pagiging hindi tapat na nagdulot kay Gomer ng kahiya-hiyang pagbebenta bilang isang alipin, sinabi ng Dios kay Hosea na bilhin muli ang kanyang asawa. Sa parehong paraan, pagkatapos iwanan ng Israel ang kanilang mga huwad na dios-diosan, muling tutubusin at iuuwi ng Dios ang Israel.
Ang Pag-akusa ng Dios Laban sa Israel
Sa Leksiyon 10, tiningnan natin ang propetikong pag-akusa kung saan inaakusahan ng Dios ang Israel sa kanyang pagiging hindi tapat sa tipan. Ito ang parehong wika na ginamit sa Hosea 4-5 noong nagdala ng sakdal ang Dios laban sa Israel.
Nagbabala si Hosea na hindi na tunay na nakikilala o nalalaman ng Israel ang tungkol sa Dios. Sa Hebreo, “ang kaalaman/pagkilala” ay higit pa sa kaalamang intelektwal; ito ay isang termino ng relasyon. Upang makilala ang isang tao ay nangangahulugang magkaroon ng karanasan ng relasyon sa kanya. Hindi na nakikilala ng Israel ang Dios; tinanggihan nila ang kautusan at mga propeta; sila ay “winasak dahil sa kawalan ng kaalaman.”[4] Ipinagpalit nila ang relasyon sa Dios para sa relasyon kay Baal.
Ang Pag-asa ng Muling Pagpapanumbalik
Katulad ng ibang mga propeta, si Hosea ay nagwakas sa pangako ng muling pagpapanumbalik kung iiwan ng Israel ang kanilang espirituwal na pangangalunya at magbabalik-loob kay Jehovah. Mahal ng Dios ang Israel at tinubos siya upang ilabas sa Ehipto. Ngayon, hinangad ng Dios na muling panumbalikin ang Israel sa kanya.
Kasama sa Hosea 14 ang isang panawagan ng pagsisisi at pangako ng kagalingan. Bagaman inaasahan ng Israel na magiging kaalyado nila ang Asirya, ang Asirya ay magiging kanyang kalaban, hindi niya naging kaibigan. Gayunpaman, kung ang Israel ay magsisisi, ipinangako ng Dios, “Pagagalingin ko ang kanilang pagtalikod, mamahalin ko sila ng walang katapusan.”[5] Dapat hatulan ng Dios ang Israel dahil sa kanilang kasalanan, ngunit nagbigay din siya ng pag-asa ng muling pagpapanumbalik.
Hosea sa Bagong Tipan
Paulit-ulit na binanggit ang Hosea sa Bagong Tipan. Ipinakita sa Mateo na ang pagbabalik ni Jesus mula sa Ehipto ay isang katuparan ng Hosea.[6] Ang paggamit sa mga salita ni Hosea, ipinaalala ni Jesus sa kanyang mga kaaway na ang awa ay higit na mas mahalaga kaysa sa handog.[7] Ang Hosea ang tinutukoy ni Pablo nang ituro niya na ang Dios ay lumilikha ng mga mamamayan na kabilang ang parehong Hudyo at Hentil.[8] Ang kaalaman patungkol sa Dios (kaalaman na pinabayaan ng Israel) ay malapit nang makarating sa mga Hentil.
[1]Tinukoy ni Oseas ang hilagang kaharian ng Israel bilang “Efraim” nang tatlumpu’t-limang beses.
[2]Ang pagsasama ng pagsamba kay Jehovah at ibang mga dios ay tinatawag na “syncretism.” Ito ay paulit-ulit na suliranin para sa Israel, kabilang ang pagsamba sa gintong guya sa Exodus 32 at muli nang si Solomon ay nagsimulang sumamba sa mga dios ng kanyang banyagang mga asawa.
[3]Oseas 1:2. Sa kabuuan ng natitirang bahagi ng Lumang Tipan, ang talatang ito ay tumutukoy sa pangkasalukuyan o nakalipas na hindi pagiging tapat; hindi ito kailan man tumutukoy sa kawalang katapatan sa hinaharap. Ito ay nagbibigay ng suporta sa unang pagbibigay-kahulugan sa utos ng Dios.
Si Joel ay nagministeryo pagkatapos ng teribleng pagsalanta ng mga balang sa lupain. Ginamit ni Joel ang mga sakunang dumating bilang isang halimbawa para sa paghatol sa hinaharap, ang “araw ng Panginoon.”
Konti lang ang nalalaman patungkol kay propeta Joel bukod sa kanyang pangalan (na ang kahulugan ay “si Jehovah ay Dios”) at ang kanyang ama (siya ang anak ni Pethuel).
Isang Sulyap sa aklat ng Joel
May Akda
Juda
Tagapakinig
Marahil noong 500-450 B.C.
Petsa
Ang Araw ng Panginoon
Tema
Ang Araw ng Panginoon
Layunin
Magpropesiya ng parating na araw ng paghuhukom
Magpropesiya ng parating na araw ng pagpapanumbalik
Ang Ebanghelyo sa Joel
Ang pangako ng Joel ay natupad sa Araw ng Pentecostes.
Pati na ang petsa ng aklat ay hindi sigurado; Walang mga kaganapan ang tumutukoy sa petsa nito. Dahil hindi binanggit ni Joel ang alinman sa kaharian ng hilaga o isang hari ng Juda, malamang na nangaral si Joel pagkatapos ng pagbabalik mula sa pagkakabihag/pagkakatapon. Gayunpaman, maraming hindi pagkakasundo patungkol dito ang mga iskolar sa Biblia.
Layunin ng Joel
Nanawagan si Joel sa Juda na magbalik-loob sa Dios. Ang mga pananalanta ng mga balang ay nagsisilbing simbolo ng parating na paghuhukom sa mga suwail. Gayunpaman, ang aklat ng Joel ay nagbibigay rin ng propesiya ng parating na araw ng pagpapanumbalik para sa mga tapat.
Tema ng Joel
Ang Pananalanta ng mga Balang at ang Araw ng Panginoon (Joel 1:1–2:17)
Ang Joel 1:2–2:17 ay isang pagdadalamhati patungkol sa isang pananalanta ng mga balang. Ang pananalanta na ito ay mas masahol kaysa sa ibang nakitang sakuna ninuman; ito ay katulad ng isang hukbo na sumira sa lupain.
Ang pananalanta ng mga balang ay isang tanda ng mas masahol na bagay na darating, Sa halip na isang panahon ng pagpapanumbalik, ang araw ng Panginoon ay isang panahon ng paghatol sa mga mamamayan ng Dios kung hindi sila magsisisi. Hindi sapat na “gupitin ang iyong mga kasuotan” bilang mga panlabas na palatandaan; ang tunay na pagsisisi ay dapat nagmumula sa puso. Ninanais ng Dios na ang Juda ay “palitan ang inyong puso.” Kung ang mga tao ay magbabalik-loob sa Dios, makikita nila na “Siya ay mahabagin at mapagmahal, hindi madaling magalit, at wagas ang pag-ibig. Handang magpatawad at hindi nagpaparusa sa nagsisisi.”[1]
Isang Propetikong Mensahe para sa Hinaharap (Joel 2:18–3:21)
Kasabay ng paghatol, ipinangako ng Dios ang muling pagpapanumbalik. Una, panunumbalikin ng Dios ang lupain. Ibabalik niya “ang mga taon na kinain ng mga balang.”[2] Pagkatapos, ipinangako ng Dios ang espirituwal na pagpapanumbalik.
Kung paanong ang pisikal na pananalasa ng mga balang ay sumisimbolo ng espirituwal na sakuna, ang muling pagpapanummbalik ng lupain ay isang simbolo ng parating na espirituwal na paggising. Ibubuhos ng Dios ang kanyang Espiritu sa kanyang mga mamamayan mula sa lahat ng antas ng lipunan.
Sa panahong iyon, malalaman ng buong mundo ang soberenya ng Dios. Ang mga kaaway ng mamamayan ng Dios ay parurusahan habang matatamasa ng Juda ang espesyal na pagpapala ng Dios.
Ang aklat ng Joel sa Bagong Tipan
Ipinangako ng aklat ng Joel na ibubuhos ng Dios ang kanyang Espiritu sa lahat ng nabubuhay. Ito ay higit pa sa muling pagpapanumbalik na naganap na sa pana-panahon ng kasaysayan ng Israel. Ang mga muling pagpapanumbalik ang nagpaantala ng patuloy na paglayo ng Israel mula sa plano ng Dios, ngunit pinatunayan nila na iyon ay pansamantala lamang kaysa isang permanenteng pagbabago. Bilang karagdagan, ang mga ito ay limitado lamang sa Israel.
Inaasahan ni Joel ang panahon kung saan ibubuhos ng Dios ang kanyang Espiritu sa “lahat ng nabubuhay.” Noong Araw ng Pentekostes, ipinahayag ni Pedro na ang propesiya ni propeta Joel ay natupad na.[3] Kasunod ng pagbubuhos ng Banal na Espiritu ng Dios sa itaas na silid, ipinahayag ng mga apostol ang ebanghelyo sa Jerusalem, Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng mundo.
Hindi ito pansamantalang pagpapanumbalik. Sa halip, ang pangako ng araw ng Panginoon ay patuloy na natutupad sa pamamagitan ng ministeryo ng iglesia. Habang ipinapangaral natin at gumagawa ng mga tagasunod niya, ginagawa natin ito sa katiyakan na ang Espiritu ng Dios ay kumikilos sa pamamagitan natin upang maisakatuparan ang layunin ng Dios para sa sangkatauhan. Ang kanyang Espiritu ay patuloy na ibinubuhos sa lahat ng nabubuhay sa pamamagitan ng gawain ng iglesia.
Amos: Isang Pastol para sa Tunay na Pagiging Matuwid
Isang sulyap sa aklat ng Amos
May Akda
Amos
Tagapakinig
Ang Hilagang Kaharian
Petsa
Kalagitnaan ng-8 siglo B.C.
Tema
Isang Pastol para sa Tunay na Pagiging Matuwid
Layunin
Upang magbigay propesiya sa paghatol ng Dios sa Israel dahil sa kanyang baluktot na pag-uugali – parehong, sa Dios at sa kanyang kapwa
Ang Ebanghelyo sa Amos
Katulad ni Amos, ipinakikita ni Jesus na ang pag-ibig sa Dios (ang unang dakilang utos) ay dapat makita sa ating pag-ibig sa ating kapwa (ang ikalawang dakilang utos) Maraming tema sa sulat ni Santiago ang nakakatulad kay Amos.
Kalagayang Pangkasaysayan ng Amos
Si Amos ay isang pastol mula sa Tekoa, isang maliit na bayan sa timog ng Jerusalem. Sa tag-araw, inililipat ng mga pastol ang kanilang mga kawan sa mas mababang lugar. Sa mga buwan na ito, nag-aalaga si Amos ng sycamoro na nagbubunga ng igos.
Inatasan ng Dios si Amos na maglakbay sa hilagang kaharian. Bilang isang pastol, si Amos ay kulang sa mga katangian ng isang propeta. Ang masaklap, bilang isang propeta mula sa Juda, si Amos ay hindi binigyan ng tiwala ng mga mamamayan sa hilagang kaharian.[1]
Sa pagdami ng sumasalungat sa kanyang mensahe, nangaral si Amos ng isang mensahe ng paghatol sa isang panahon kung saan ang hilagang kaharian ay dumaranas ng tagumpay sa ekonomiya at pampulitika. Ipinagpalagay ng maraming Israelita na ang kasaganahan ay tanda ng pagpapala ng Dios. Sa kanilang paningin, ang mensahe ng paghatol ni Amos ay hindi pinatutunayan ng nakikitang kasaganaan ng Israel. Gayunpaman, si Amos ay tapat sa pagkakatawag ng Dios, na magdala ng isang mensahe ng paghatol.
Layunin ng Amos
Sa isang bansang nakakaranas ng kaunlaran, si Amos ay nagpropesiya ng paghatol. Sa halip na isang bagong araw ng kaunlaran, ang Israel ay nahaharap sa isang araw ng paghuhukom. Ang paghatol ng Dios ay sanhi ng pagtanggi ng Israel na kumilos ng may katarungan tungo sa pinakamababang mga miyembro ng lipunan. Ipinangaral ni Amos na ang katuwiran ay higit pa sa pagsunod sa mga ritwal sa templo; ang katuwiran ay nangangailangan ng tamang pag-uugali tungo sa ating kapwa.
Tema ng Amos
Paghatol (Amos 1:1–9:10)
Karamihan sa aklat ng Amos ay mensahe ng paghatol. Sinasagot ni Amos ang tatlong katanungan:
(1) Sino ang nagpapadala ng paghatol? Ang Asiria ay hindi nabanggit sa aklat; Ipinakita ni Amos na ang darating na paghuhukom ay mula sa Dios. Paulit-ulit, ganito ang ibinibigay niyang mensahe: “Dumadagundong ang tinig ng Panginoon…Ganito ang sabi ng Panginoon…Kaya’t sila’y paparusahan ko…magpapadala ako ng apoy…wawasakin ko ang pintuan ng Lungsod ng Damasco.”[2]
(2) Paano darating ang paghuhukom? Sa pamamagitan ng taggutom, tagtuyot, salot, at mga peste ay ang magiging instrumento ng paghatol ng Dios.[3] Sasakupin ng Asiria ang mga lupain at wawasakin ang lupain katulad ng pagwasak ng leon sa isang tupa, na nag-iiwan lamang ng isang hita o isang pirasong tenga.[4] Ang mga namumuno sa mga bansa ay tatangayin[5] at ang mga lupain ay kukunin.[6]
(3) Bakit ipinadala ng Dios ang Paghatol? Ang paghatol ng Dios ay bunga ng kasalanan ng Israel. Mula sa lahat ng mga bansa, tanging ang Israel at Juda lamang ang kilala ng Dios. Natamasa ng Israel ang mga pribilehiyo ng tipan; nakalimutan niya ang mga responsibilidad ng tipan. Dahil sa kilala siya ng Dios, ang Israel ay nahaharap sa parusa ng Dios.[7] Ang tipan ay may dalang pribilehiyo at responsibilidad.
Ang pagpapahayag ng paghatol ay ibinibigay sa pamamagitan ng isang serye ng mga propetikong mensahe. Ang bawat bahagi ng Amos ay nagdadala ng mensaheng ito sa iba’t ibang paraan. Kabilang sa mensahe ng Amos ay ang:
Mga Kasulatan ng Paghuhukom Laban sa mga Bansa (Amos 1–2)
Nagsimula si Amos sa pamamagitan ng mga talumpati ng pahuhukom laban sa mga bansa: Damasco, Filisteo, at Tiro. Pagkatapos ay lumipat siya sa mga bansa na kamag-anak ng Israel: Ang Edom, Ammon, at Moab. Ang mga bansang ito ay nakagawa ng mga karumaldumal na krimen laban sa Israel. Pagkatapos magsalita ni Amos patungkol sa espirituwal na kasalanan ng Juda – sinabi niya ang patungkol sa pagtalikod sa kautusan at pagsunod sa mga dios-diosan.
Matapos niyang magsalita sa mga nakapaligid na mga bansa ng Israel, binanggit ni Amos ang mga kasalanan ng hilagang kaharian. Sa puntong ito, ang mga tagapakinig ni Amos ay maaaring sumang-ayon sa kanyang mensahe. Gayunpaman, sa hindi inaasahang pagkakataon, sinabi ni Amos na ang araw ng Panginoon ay magiging isang araw din ng paghatol sa Israel. Ang Israel ay hahatulan dahil sa kanyang mga kasalanan: sa pang-aapi sa mga mahihina (ibinebenta nila “ang mahihirap para sa halaga ng isang pares ng sapatos”[8]), ang kanilang mga sekswal na mga kasalanan, at pagdiriwang ng mga dios-diosan.
Mga Propesiya Laban sa Israel (Amos 3–6)
Nagtanong si Amos ng isang serye ng mga katanungan upang ipakita ang hustisya ng paghuhukom ng Dios sa Israel.[9] Inihambing niya ang kasalanan ng Israel sa mga Filisteo at mga Ehiptio.[10] Binigyang pansin niya ang mga kasalanan ng mga tiyak na pangkat ng mga Israelita: ang mga masasamang kababaihan ng Samaria, ang mga nagdadala ng mga handog habang nabubuhay sa kasalanan, at mga pinuno na mayabang sa kanilang kayamanan at tinatamasang seguridad.[11]
Kumanta si Amos ng isang panaghoy para sa libing sa Israel, isang awiting ginagamit sa pagluluksa sa patay.[12] Anuman ang mga babala, tumanggi ang Israel na magsisi. Inaasahan nila na hahatulan ng Dios ang ibang bansa; hindi nila napagtanto na hahatulan ng Dios ang Israel dahil sa kanilang mga kasalanan.
Mga Pangitain ng Paghuhukom (Amos 7:1 – 9:10)
Binigyan ng Dios si Amos ng isang serye ng limang pangitain na nagpapakita ng paparating na paghuhukom. Nakita ni Amos:
(1) Ang isang salot na balang na nagbabantang wasakin ang lupain. Ipinapakita nito ang paghatol ng Dios sa Israel. Namagitan si Amos para sa Israel at napahinuhod ang Dios.
(2) Ang isang apoy na sobrang init na tinupok ang Mediterranean Sea. Muli, Namagitan si Amos para sa Israel at muli ay napahinuhod ang Dios.
(3) Isang plumb line upang sukatin ang pagiging matuwid ng isang pader. Nang sukatin ayon sa pamantayan ng pagiging matuwid ng Dios, ang Israel ay baluktot. Dahil dito, pababagsakin ng Dios ang pader.
(4) Isang basket ng hinog na prutas. Inilalarawan nito ang kalagayan ng Israel; hinog na siya para sa dagliang paghatol. Sinusunod ng mga tao ang araw ng Sabbath; ngunit pagkatapos ng Sabbath, tinatrato nila ang ibang tao nang hindi tama. Kabilang sa pagiging tunay na matuwid ang wastong pag-uugali; hindi sapat ang mga ritwal ng mga relihiyon.
(5) Ang Dios ay nakatayo sa tabi ng dambana at nagpapahayag ng tiyak na paghatol. Walang makakatakas. Sa isang nakakatakot na talata ng kanyang mga naunang pangako na babantayan niya ang kanyang mga mamamayan, sinabi ng Dios, “Ipinasiya ko nang sila’y puksain at hindi tulungan.”[13]
Muling Pagpapanumbalik (Amos 9:11-15)
Si Amos, katulad ni Hosea, ay nagwakas sa isang mensahe ng pag-asa. Hindi nakalimutan ng Dios ang kanyang mamamayan. Ang aklat ay nagwakas sa isang mensahe ng muling pagpapanumbalik sa hinaharap.
Ang Dakilang Pagpapanumbalik
Paghuhukom (1:1-9:10)
Muling Pagpapanumbalik (9:11-15)
Pagbagsak: Ang birhen ng Israel ay bumagsak na; hindi na siya muling babangon pa.(5:2).
Pagbangon: Muli kong ibabangon ang nawasak na kaharian ni David (9:11).
Wasak na Pader: At ikaw ay lalabas sa mga siwang ng pader(4:3).
Inayos na mga Pader: Isasara ko ang mga nasirang dako (9:11).
Pagkawasak: Wawasakin ko ang mga bahay na pantaglamig at pantag-araw; Guguho ang mga bahay na garing, ang malalaking bahay ay wawasaking lahat. (3:15).
Muling Pagtatayo: Muli kong itatayo ang mga guho. (9:11).
Taggutom: Nagtanim kayo ng magagandang ubasan, hindi nyo malalasap man lang ang alak mula dito.(5:11).
Pagpipiyesta: Magtatanim sila ng mga ubasan, at iinom ng alak mula rito; magtatanim din sila ng halamanan at kakain ng bunga niyon. (9:14).
Pagkakulong: Dahil dito’y itatapon ko kayo sa kabila pa ng Damasco (5:27).
Pagbabalik: At ibabalik ko ang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila, at hindi na sila maaalis pang muli roon. (9:15).
Ang Amos sa Bagong Tipan
Sa Sermon sa Bundok, nangaral si Jesus ng isang mensahe na katulad ng kay Amos: ang pagiging matuwid ay dapat nakikita sa ating mga pagkilos tungo sa ating kapwa. Ang parehong mensahe na ito ay makikita sa aklat ng Santiago. Hindi sapat ang pagsasabi lang ng pananampalataya; ang pananampalatayang iyon ay dapat ipinamumuhay sa pang araw-araw na buhay.
► May mga panahon na binabalewala ng iglesia ang mga kasalanan ng lipunan habang pinipilit na makapag bahagi ng ebanghelyo. Sa ibang mga panahon, binabalewala ng mga iglesia ang mensahe ng ebanghelyo habang nangangaral laban sa katiwalian sa lipunan.[14] Sa inyong lipunan, paano nangangaral ng mabisa ang iglesia patungkol sa kasalanan ng lipunan habang pinapanatili ang diin ng Biblia sa pangangaral ng ebanghelyo?
[14]Ito ay karaniwang tinatawag na “ebanghelyong panlipunan”.
Isang Mas Malapit na Pagtanaw sa “Pagiging Matuwid” ayon sa mga Propeta
Isa sa mga mahahalagang talata ng Amos ay ang 5:24: “Sa halip ay padaluyin ninyo ang katarungan, gaya ng isang ilog; gayundin ang katuwiran tulad ng isang di natutuyong batis.” Ang talatang ito ay naging tema para sa maraming kilusan o samahang naglalayon ng hustisya para sa lipunan, na ilan sa mga ito ay nalimutan na ang ebanghelyo sa kanilang pagmamalasakit sa aksyong panglipunan.
Gayunpaman, ang mensahe ng Amos ay malayo mula sa isang “social gospel”/ebanghelyong panlipunan na pumapalit sa nakakapagligtas na mensahe ni Cristo Jesus sa mga aksyong panglipunan. Sa halip, ipinakita ni Amos na ang tunay na pagiging matuwid ay ayon sa katangian ng Dios. Ang tunay na pagiging matuwid sa harapan ng Dios ay magbubunga ng tamang pag-uugali sa ating kapwa. Ang mensaheng ito ay paulit-ulit sa buong Banal na Kasulatan:
Sinabi ng Dios, “Dapat kayong magpakabanal: sapagkat AKO na inyong PANGINOON ang inyong Dios ay banal.” Ito ay sinundan ng mga serye ng kautusan na tumutukoy sa pakikitungo ng Israel sa mga mahihirap, sa mga trabahador, sa mga may kapansanan, at kapwa Israelita.[1]
Ipinahayag ni Job ang kanyang pagiging walang kasalanan sa harap ng Dios. Bilang bahagi ng kanyang pagtatanggol, nagpatotoo siya sa kanyang matuwid na pagtrato sa kanyang kapwa.[2]
Pinuna ng mga Pariseo si Jesus sa pakikisalo sa pagkain ng mga makasalanan. Bilang tugon, binanggit ni Jesus ang Hosea 6:6: “Humayo kayo at unawain ang kahulugan nito: Habag ang nais ko at hindi ang inyong handog. Sapagkat naparito ako upang tawagin upang magsisi ang mga makasalanan, hindi ang mga matutuwid.”[3]
Pinagsabihan ni Santiago ang mga Kristiyano na nagpapakita ng pagtatangi sa mayayaman, na hindi nagawang pakainin ang mga mga nagugutom at bihisan ang mga walang maisuot, at nagkasala ng pagsasalita ng masama. Ibinuod ni Santiago ang mga kahulugan ng “dalisay na relihiyon”: “ang pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.”[4]
Inilarawan ng pagiging matuwid ang katangian ng Dios; ang pakikitungo sa ating kapwa na may hustisya ay pagsasalamin sa katangian ng Dios. Bilang mga Kristiyano ng ika-21 siglo, dapat nating ipakita ang katangian ng Dios sa mga taong hindi naniniwala. Ang tamang pakikipag-ugnayan sa Dios ay magbubunga ng pagbabago ng ating pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Iyon ang kahulugan ng pagiging matuwid sa Amos; ito ang kahulugan ng pagiging matuwid sa panahon natin ngayon.
Kaunting Kristiyano lamang ang naging mas mabisang modelo ng isang pangako sa parehong pagbabahagi ng ebanghelyo at sa prinsipyo ng hustisya ng Kristiyano ng higit kaysa kay William Wilberforce, isang Ingles na pulitiko na nabuhay mula 1759–1833.
Si Wilberforce ay nahalal sa House of Commons sa edad na 21. Pagkatapos ng apat na taon, siya ay naging isang Kristiyano. Ang buong buhay ng batang aristocrat na ito ay binago sa pamamagitan ng kanyang pagbabalik-loob. Ito ay hindi lamang isang bribadong “patotoo ng pananampalataya.” Ang pananaw niya sa kanyang karera sa pulitika, ang kanyang pamumuhay na nakatuon sa sarili, at ang paggamit ng kanyang kayamanan ay binagong lahat ng kanyang pagbabalik-loob.
Naniniwala si William Wilberforce na dapat parehong pagtuunan ng pansin ng mga Kristiyano ang pag-eebanghelyo sa mga nawawala at ang para sa pisikal na pangangailangan ng mga nagdurusa. Bilang resulta, nagtrabaho siya kasama ng maraming organisasyon upang matulungan ang mga mahihirap at maikalat ang ebanghelyo. Sinuportahan niya ang mga misyonero sa India at Africa. Nagtrabaho siya para makapagbigay ng mas mahusay na mga ospital, asylums, mga paaralan, at kulungan. Sinuportahan niya ang mga paaralang pang-Linggo, mga refugees, inang walang asawa, at mga mahihirap na nagtatrabaho. Sa buong buhay niya, ibinigay ni Wilberforce ang ikaapat na bahagi ng kanyang kinikita sa isang taon sa mga mahihirap.
Ang pinaka nagtagal na kontribusyon ni Wilberforce bilang isang pinuno sa pulitika ay ang kanyang laban sa pang-aalipin. Kumbinsido siya na ang pang-aalipin ay hindi tugma sa pagmamahal sa ating kapwa bilang mga Kristiyano. Itinuon ni Wilberforce halos ang kanyang buong karera sa pulitika upang labanan ang kasamaang ito. Sa una, ilan lamang ang nag-iisip na maaari siyang magkaroon ng pagkakataon na talunin ang mga makapangyarihang samahan na nagproprotekta sa pang-aalipin. Ang mga negosyanteng Ingles ay nagdadala ng halos 50,000 na alipin sa isang taon mula sa Africa patungo sa Atlantic. Ang pangangalakal ay protektado ng mga pulitiko bilang isang “karapatan” ng isang mamamayan ng Britanya, at ipinagtatanggol ng mga negosyante bilang isang pangangailangang pang-ekonomiya, at tinanggap ng maraming mga Kristiyano bilang isang nakakalungkot ngunit kasamaang kinakailangan.
Hindi matanggap ni Wilberforce ang kasamaang ito. Inilagay siya ng Dios sa isang posisyong maimpluwensya. Nakita nita ang posisyong ito bilang isang pagkakataon upang mapaglingkuran ang Dios. Desidido siyang “padaluyin ang katarungan tulad ng isang ilog, at ang katarungan tulad ng isang hindi natutuyong batis.” Nang malaman niya ang patungkol sa kasamaan ng pang-aalipin, nagpursigi si Wilberforce na wasakin ang nakakahiyang kasalanang ito. Isinulat niya, “Hayaan ninyo ang mga bunga nito ay mangyari kung ano ang dapat: Mula sa oras na ito ay determinado ako na hindi ako titigil hangga’t hindi ko naipapatigil ang gawaing ito.”
Simula noong 1789, pinasimulan ni Wilberforce ang mga panukalang batas bawat taon laban sa pangangalakal ng alipin. Labindalawang mga panukalang batas laban sa pang-aalipin ang natalo sa pagitan ng 1789 at 1805. Sa wakas, noong 1807, winasak/pinawalang-bisa na ng Parliyamento ang pangangalakal ng alipin sa Imperyo ng Britanya.
Pagkatapos ay sinimulan ni Wilberforce ang isang pakikipaglaban upang maalis mismo ang pang-aalipin (hindi lamang ang pangangalakal ng bagong alipin) sa buong Imperyo. Nagtrabaho si Wilberforce ng isa pang dalawampu’t limang taon upang makita ang pagtanggal ng pang-aalipin. Tatlong araw bago siya namatay,ipinasa ng House of Commons ang batas na nagpapalaya sa lahat ng mga alipin sa Imperyo ng Britanya.
Mga Takdang Aralin sa Leksiyon
Ipakita ang iyong pagkakaunawa sa leksiyong ito sa mga sumusunod na takdang aralin:
(1) Kumpletuhin ang isa sa mga sumusunod na takdang aralin.
Option 1: Takdang Aralin na Pang Grupo
Pag-usapan ang isang bahagi ng kawalan ng katarungan sa inyong lipunan kung saan dapat magsalita ang iglesia. Gamit ang modelo ng Amos, ipakita kung paano dapat tugunan ng iglesia ang sitwasyon. Sumulat ng isang pahina na buod ng inyong talakayan.
Option 2: Takdang Aralin pang Indibidwal
Maghanda ng isang detalyadong balangkas ng sermon patungkol sa “Paghuhukom at pag-ibig ng Dios para sa Hindi tapat na Bayan.” Ipakita kung paano nangungusap ang mensahe ni Hosea sa ating panahon ngayon.
(2) Kumuha ng pagsusulit ayon sa leksiyong ito. Kabilang sa pagsusulit ay ang Banal na Kasulatan na nakatakdang isaulo.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Leksiyon 12
(1) Ano ang tawag sa Mga Minor na Propeta sa Hebreong Biblia?
(2) Ano ang pagkakaiba ng mga Major Prophets at Mga Minor Prophets?
(3) Ilarawan ang mga kondisyon ng ekonomiya at espiritwal ng kaharian sa hilaga sa panahon ng ika-8ng siglo B.C.
(4) Ano ang pangunahing layunin para sa Hosea?
(5) Ano ang mga propesiya sa bawat pangalan ng anak ni Hosea para sa Israel?
(6) Sa Lumang Tipan, ano ang kahulugan ng salitang “kilala”?
(7) Ano ang pangunahing tema ng Joel?
(8) Sa Joel, ano ang kalamidad na nagpapakita ng propesiya ng parating na paghuhukom?
(9) Ayon sa Bagong Tipan, kailan natupad ang propesiya ni Joel sa isang parating na muling pagbuhay sa espiritwal na kalagayan?
(10) Ano ang layunin ng aklat ng Amos?
(11) Ilista ang limang pangitain ng paghuhukom sa Amos at ibigay ang kahulugan ng mga ito.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.