Sa Ingles na Biblia, ang mga aklat mula sa Josue hanggang Ester at tinatawag na “mga aklat ng kasaysayan.” Inuulat nila ang kasaysayan ng Israel mula sa pagsakop sa Canaan, hanggang sa pagkawasak ng Jerusalem noong 586 B.C., hanggang sa pagbabalik simula noong 536 B.C.
Sa Hebreong Biblia, marami sa mga aklat na ito ng (Josue, Mga Hukom, Samuel, at Mga Hari) ay tinatawag na “Mga Naunang Propeta.” Ang “propeta” ay ang nagdadala ng mensahe ng Dios sa mga tao. Ang mga aklat ng kasaysayan ay higit pa sa kawili-wiling kuwento tungkol sa Israel; ang mga ito ay nagpapahayag ng mensahe ng Dios sa mga tao.
Sa Josue at Mga Hukom, ay itinuturo ng Dios na pinagpapala niya ang pagiging tapat at pinaparusahan ang pagiging hindi tapat. Sa Mga Hari, ipinakita ng Dios na ang pagkakatapon ay resulta ng pagrerebelde ng Israel. Sa Ezra at Nehemias, pinagtibay muli ng Dios sa Israel na hindi niya sila kinalimutan. Ang mga aklat ng kasaysayan ay nagpapakita ng pagiging tapat ng Dios sa kanyang mga mamamayan, ang kanyang “walang-hanggang awa ” sa Israel.
Ang mga aklat na ito ay “kasaysayan na may layunin.” Ipinapakita nito na kumikilos ang Dios sa kasaysayan ng pakikipagtipan ng Israel. Dahil dito, ang mga aklat na ito ay mahalaga sa mga Kristiyanong mambabasa ngayon; ang mga ito ay nagpapakita kung paano kumikilos ang Dios sa kasaysayan ng sangkatauhan upang tapusin ang kanyang mga layunin.
Ang unang tatlong aklat ng kasaysayan ay nagtatala ng unang kasaysayan ng Israel bilang isang theocracy (direktang pinamamahalaan ng Dios). Sa pamamagitan ni Moises at Josue bilang kumakatawan sa Dios, ang ganitong uri ng gobyerno ay matagumpay. Sa kasamaang-palad, dahil ang Israel ay hindi tapat sa panahon ng Mga Hukom ito ay humantong sa mga problema sa lipunan. Ang monarkiya (pinamamahalaan ng isang hari) ay kinailangan upang pag-isahin ang mga bansa.
Josue
Tema: Ang Pagsakop sa Canaan
Ang pagtubos sa Israel mula sa pagkakaalipin ang simula ng plano ng Dios para sa kanyang mamamayan; ang pag-ari sa Canaan ay ang sumunod na hakbang bilang katuparan ng pangako ng Dios kay Abraham. Sa Josue, ang Banal na Mandirigma ang nagdala sa kanyang mamamayan sa pangakong kapahingahan. Ipinagpatuloy ni Josue ang istorya na naumpisahan sa Exodo at naantala dahil sa pagsuway ng Israel sa panahon ng aklat ng Mga Bilang.
Ipinakita ni Josue ang katapatan ng Dios sa Israel noong sila ay tapat sa kanya. Ang pagsunod sa Dios ay nagdadala ng pagpapala, ang prinsipyong itinuturo sa Deuteronomio. Ito ay ipinakita sa Jerico at sa labanan laban sa nagsanib pwersang mga hari sa Josue 10. Ang pagsuway sa Dios ay nagdadala ng kanyang parusa; ito ay ipinakita sa Ai. Sa ganitong paraan, ang Josue ay nagpaunang-tanaw sa kasaysayan ng Israel sa paglipas ng panahon.
Ang May-akda at Petsa
Ang mga pangyayari sa aklat ng Josue ay nangyari mula 1405-1380 B.C. Sa panahong ito, ang Canaan ay nasa ilalim ng nasabing pamamahala ng Egipto, ngunit may napakaliit na direktang pamumuno mula sa Egipto. Bilang resulta, ang mga Cananeo ay hindi nakapagharap ng nagkakaisang pwersa laban sa pagsakop ng Israel.
Ang aklat ng Josue ay marahil naisulat pagkatapos ng mga pangyayaring natala dito. Ang Josue 24:26 ay nagmumungkahi kay Josue bilang may-akda ng aklat. Katulad ng sa Deuteronomio, ang mga talata ay idinagdag sa bandang huli pagkatapos isalarawan ang pagkamatay ng may-akda.[1]
Pangkalahatang Pagtanaw sa Josue
Ang Pagsakop sa Canaan: Josue 1-12
Pagtawid patungo sa Lupain (Josh. 1-5)
Ang aklat ng Josue ay nagsimula sa pagpapakita ng Dios kay Josue pagkatapos ng pagkamatay ni Moises. Ipinangako ng Dios na sasamahan niya si Josue katulad ng pagsama niya kay Moises.
Sa paghahanda sa pagsakop, nagpadala si Josue ng dalawang espiya upang tingnan ang lupain, partikular ang lugar ng Jerico. Ang mga espiya ay kinupkop ni Rahab, isang babaeng bayaran sa lungsod. Hiniling ni Rahab sa mga espiya na protektahan siya kapag nasakop na ng Israel ang bayan. Ipinahayag niya ang kanyang pananampalataya sa Dios ng Israel. Sa isang halimbawa sa Lumang Tipan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya, itong Hentil na babaeng bayaran ay nagmana ng mga pangakong ibinigay sa Israel at naging bahagi ng messianic line/salinlahi ng Mesiyas.[2]
Sa halip na mapasok ng Israel ang Canaan mula sa timog (ang pinaka direktang ruta), Pinahintulutan ng Dios na pangunahan ni Josue ang mga lipi patawid sa Ilog Jordan. Ang himalang ito, ay pag-uulit sa pagtawid sa Dagat na Pula sa pangunguna ni Moises, na nagpapatibay/nagpapatotoo kay Josue bilang pinunong pinili ng Dios para sa kanyang mamamayan.[3]
Pagkatapos nilang tawirin ang Ilog Jordan, muling itinatag ni Josue ang dalawang pang-alaala sa tipan. Una, pagkatapos ng maraming taon ng pag-ikot-ikot noong panahong pinababayaan ng Israel ang pagsasagawa ng pagtutuli, kaya ang mga lalaki ay ipinatuli. Pangalawa, ang Pista ng Paskua ay ipinagdiwang sa kauna-unahang pagkakataon sa Lupang Pangako.
Pagkuha sa Lupain (Josh. 6-12)
Ang pagsakop sa Canaan ay nagpapakita na sa pagiging tapat ng Israel sa Dios, binibigyan sila ng Dios ng tagumpay laban sa kanilang mga kaaway. Ang pagsunod sa mga utos ng Dios ng pagmamartsa paikot sa Jericho, ang Israel ay tumanggap ng malaking tagumpay. Gayunpaman, dahil sa kasalanan ni Achan, ang Israel ay natalo ng mas maliit na bayan, ng Ai. Pagkatapos maparusahan si Achan, binigyan ng Dios ang Israel ng tagumpay laban sa Ai at pagkatapos ay sa Bethel.
Ang istorya ng Gabaon ay nagsisilbing babala sa mga namumuno. Ang plano ng Dios para kay Josue na malupig ang lahat ng tao sa Canaan. Nilinlang ng mga pinuno ng Gabaon, isang lungsod sa Canaan, si Josue sa pagkukunwaring sila ay mula sa malayong lugar. Kahit hindi kinunsulta ni Josue ang nais na direksyon ng Dios, nakipagtipan si Josue sa mga Gabaon.[4] Ang mga bunga ng kanyang kamangmangang desisyon ay nagdulot ng paghihirap para sa Israel paglipas ng daang taon sa panahon ng paghahari ni David.[5]
Ang pinaka mabilis na resulta ng kasunduan ay ang paglusob sa Gibeon ng mga hari ng Canaan mula sa timog. Dahil sa kasunduan, dumating ang Israel para tumulong sa Gabaon. Ang Dios ay nakipaglaban para sa Israel, at sa araw na iyon na “tumigil ang araw”, nagpaulan ng yelo ang Dios sa mga kaaway ng Israel. Ang tema ng kapangyarihan ng Dios para sa kanyang mamamayan ay paulit-ulit na nakikita sa kabuuan ng Josue 10:
“At ipinahiya sila ng Dios”
“ipinadala ng Panginoon ang malalaking bato”
“ibinigay ng Panginoon sa kanila ang mga Amorreo”
“nakipaglaban ang Panginoon para sa Israel”
Ang tagumpay laban sa mga Cananeo ay naipanalo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, hindi sa pamamagitan ng lakas ng Israel.
Ang Josue 11 ay nagkukwento tungkol sa tagumpay laban sa hilagang bahagi ng Canaan. Sa pagtatapos ng Josue 12, napasa-ilalim na ng Israel ang halos buong Canaan pagkatapos nila itong sakupin sa loob ng halos pitong taon.
Ang Paninirahan sa Canaan: Josue 13-24
Paghahati ng Lupain (Josh. 13-21)
Ngayon na ang Israel ay mayroon ng epektibong pamamahala sa lupain, may maliliit na pagtutol mula sa mga katutubong mamamayan. Ang bawat indibiduwal na lipi ay binigyan ng responsibilidad na tapusin ang pagsakop. Sa kasamaang palad, ang Mga Hukom ay nagpapakita na hindi natapos ng mga lipi ang kanilang misyon.
Ang Josue 14-19 ay nagtatala ng pagkakahati-hati ng lupain sa bawat lipi. May partikular na importansya sa kasaysayan ng Israel ang pagtatakda ng anim na “lunsod na kublihan/taguan” at apatnaput-walong lunsod para sa mga Levita. Ang mga lunsod na taguan ay inilaan para bigyan ng proteksyon ang sinumang aksidenteng nakapatay ng tao.[6] Ang taong tumakas papunta sa lunsod na taguan ay protektado mula sa di makatarungang paghihiganti ng pamilya ng taong napatay nila. Sa parehong pagkakataon, ang katotohanang ang taong pumatay ay kailangang manatili sa lunsod na taguan hanggang sa pagkamatay ng punong pari ay ipinapakita ang mataas na halaga ng buhay sa kautusan ni Moises; kahit na ang hindi sinasadyang pagkamatay ay seryosong pinahahalagahan.
Ang mga Levita ay hindi tumanggap ng sarili nilang minanang lupain. Sa halip, ang liping ito ay nagkahiwa-hiwalay sa buong lupain, upang makapamuhay silang kasama ng lahat ng tao at magbigay ng espirituwal na paggabay sa buong Israel.
Paglilingkod sa Dios sa Lupain (Josh. 22-24)
Ang bahaging ito ay nagsimula sa isang kwentong naglalarawan ng pagkakaisa ng mga bansa. Ang Israel ay hindi isang confederation ng mga nagsasariling mga lipi; sila ay isang bayan na naglilingkod sa Dios. Ang Josue 23 at 24 ay nagbigay ng huling hamon sa mga tao. Sa pangyayaring katulad ng mga huling talumpati ni Moises sa Deuteronomio, si Josue ay nanawagan sa mga mamamayan ng Israel na pagtibayin muli ang kanilang pagtatalaga ng kanilang sarili sa Dios sa seremonya ng pagpapanumbalik ng tipan. Ang aklat ay nagtapos sa kamatayan ni Josue sa edad na 110 taon.
► Bilang isang tagapanguna ng iglesia, paano mo ihahanda ang iyong iglesya para sa pagbabago ng pamumuno? Pag-usapan ang mga praktikal na hakbang sa ganitong pagbabago.
Sa pagtatapos ng Deuteronomio, ipinatong ni Moises ang kanyang kamay kay Josue para sa pagbibigay simbolo ng pagsasalin ng pamumuno. Sa pagtatapos ng Josue, walang malinaw na pagsasalin ng pamumuno mula kay Josue patungo sa isang bagong pinuno. Sa halip, sa isang talata na nagpapahiwatig ng mga parating na problema sa Mga Hukom, naitala sa Josue, “Nanatiling naglilingkod sa PANGIOON ang bayang Israel habang nabubuhay si Josue, Kahit wala na siya nanatiling silang tapat kay Yahweh habang nabubuhay ang mga pinunong nakakatalastas ng mga kababalaghang ginawa ng Panginoon para sa Israel.”[7] Sa simula ng Mga Hukom ay ipapakita na ang pamantayan ni Josue ay hindi naipasa sa mga sumunod na henerasyon.
Deuteronomio
Josue
Nagtatapos sa pagpapanumbalik ng tipan. (29-32)
Nagtatapos sa pagpapanumbalik ng tipan (23-24)
Nagtatapos sa kamatayan ng isang dakilang tagapanguna, si Moises.
Nagtatapos sa kamatayan ng isang dakilang tagpanguna, si Josue
Isang Mas Malapit na Pagtanaw sa Pakikidigma ni Yahweh
Ang pakikidigma ni Yahweh, o banal na digmaan, ay ipinaliwanag sa Deuteronomio 20. Ang kabanatang ito ang nagbigay ng panuntunan para sa pagsasagawa ng pakikidigma ng Israel.
Sa nakalipas na ilang taon, may dalawang factor na nag-akay sa panibagong pagtalakay sa mga utos ng Dios na wasakin ang mga Cananeo. Una, ang mga hindi madaling maniwala ay tumutukoy sa kautusang ito upang ikatwiran na si Jehovah ay isang dios na uhaw sa dugo na dapat parusahan, hindi sambahin. Ikalawa, ang pagsikat ng jihad ng Islam, ang Holocaust, ang genocide (pagpatay ng sanggol) sa mga lugar tulad ng Rwanda at Bosnia ay naging dahilan upang magtanong ang mga Kristiyano, “Ang jihad ba ay pareho ng banal na digmaan na iniutos sa Josue? Ang Israel ba sa Lumang Tipan ay guilty/may kasalanan din ng parehong kalupitan na isinasagawa sa kasalukuyan sa pangalan ni Allah?”
Samantalang ang tanong na ito ay lampas sa saklaw ng maiksing pagsisiyasat, may ilang mga prinsipyo na dapat isaalang-alang sa pag-aaral ng Josue.[1]
(1) Ang pakikidigma ni Yahweh ay sumasalamin sa katarungan ng Dios. Ang mga Cananeo (katulad ng lahat ng tao) ay mga makasalanan na nararapat lamang sa matuwid na hatol ng Dios. Maaaring ikatwiran na ang sorpresa ay hindi ang pagwasak ng Dios sa mga Cananeo, kundi nang kaawaan niya ang nalalabing sangkatauhan.[2] Lahat ng tao ay nararapat tumanggap ng paghatol Dios.
Ang testimonya ni Rahab sa mga Israelitang espiya ay nagpapakita na ang mga Cananeo ay maaaring narinig na ang tungkol sa kapangyarihan ng Dios.[3] Gayunpaman, maliban kay Rahab, walang Cananeo ang nagsisi at lumapit sa Dios. Ang kagustuhan ng Dios na patawarin si Rahab (at sa mga susunod na henerasyon, Nineve) ay nagmumungkahi na ang pagsisisi ng mga Cananeo ay maaaring syang nagdala ng awa ng Dios.
(2) Ang pakikidigma ni Yahweh ay lumalarawan sa soberenya ng Dios sa daigdig. Ang Lupang Pangako (katulad ng lupain sa buong mundo) ay pagmamay-ari ng Dios. Hindi “kinuha” ng Dios ang lupain mula sa mga Cananeo; ang lupain ay sa Dios kaya maaari niya itong ibigay sa sinumang piliin nya. Sa sinaunang Malapit na Silangan, ang lahat ng digmaan ay itinuturing na banal na digmaan, digmaan sa pagitan ng mga dios.[4] Sa mga salot sa Egipto, pinatunayan ni Jehovah na siya’y higit na dakila kaysa sa mga dios ng Egipto; sa pagkawasak ng mga lunsod ng Cananeo, pinatunayan ni Jehovah na siya’y higit na mas makapangyarihan kaysa sa mga dios ng mga Cananeo. Ang digmaan ng Israel laban sa mga Cananeo ay pakikidigma laban sa mga dios ng Canaan. Ang tagumpay ng Israel ay nagpapakita ng soberenya ng Dios sa buong mundo.
(3) Ang pakikidigma ni Yahweh ay nagpapakita ng kabanalan ng Dios. Ang banal na Dios ay naghangad na protektahan ang kanyang mamamayan mula sa mga korapsyon ng pagsamba sa dios-diosan ng mga Cananeo. Ang kaseryosohan ng problemang ito ay makikita sa Mga Hukom; pagkalipas ng ilang panahon ay naakit ang Israel sa mga dios-diosan ng mga nakaligtas na Cananeo. Ang lubusang pagkawasak lamang ng mga Cananeo ang maaaring maging proteksyon ng Israel mula sa lubusang pagtalikod. Ang banal na pakikidigma ni Josue ang nagtuturo sa Israel at sa mga bansa tungkol sa likas na kabanalan ng Dios.
(4) Ang pakikidigma ni Yahweh ay nagpapakita ng pagmamahal ng Dios. Mula sa Genesis 3:15 hanggang sa kabuuan ng Lumang Tipan, ang layunin ng Dios ay ipadala ang Mesiyas sa pamamagitan ng sanlinlahi ni Abraham. Si Abraham at ang kanyang lahi ay pinagpala upang maging pagpapala at pagpalain ang lahat ng mga bansa. At upang makamit ang layuning ito, kailangang protektahan ng Dios ang bayan ng Israel mula sa korapsyon ng pagsamba sa dios-diosan ng mga Cananeo. Mahirap man kung iisipin, ang pagkawasak ng mga Cananeo ay nagpapakita ng mapagmahal na layunin ng Dios para sa lahat ng tao.
Ang pakikidigma ni Yahweh ay dumating sa kakaibang panahon sa kasaysayan at hindi naka disenyo sa modernong panahon ng mga Kristiyano. Hindi ito depensa sa mga modernong kasamaan na nagagawa sa ngalan ng relihiyon. Ang kautusan ni Moises ang nagpapakita ng pagkakaiba sa pagitan ng mga pakikidigma sa labas ng Lupang Pangako at mga pakikidigma sa loob ng lupain; wala kahit sino ngayon ang nasa posisyon ng Israel sa panahon ng pagsakop sa Canaan.[5] Sa nakita natin sa “Mas Malapit na Pagtanaw sa Kautusan,” kailangan nating basahin ang Josue na gamit ang lente ng pagdating ni Kristo.
Panghuli, bilang tugon sa mga nagdududa, dapat nating tandaan na hindi ito etnikong paglilinis; ito ay espirituwal na pakikidigma laban sa pagsamba sa mga dios-diosan. Wala itong “neutrality/nakapagitna” patungkol sa Dios; ang isang tao ay maaring lumapit sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya o kaya ay hindi tanggapin ang Dios sa pamamagitan ng pagrerebelde. Ang mga taong hindi tumatanggap sa Dios (sa Lumang Tipan at Bagong Tipan) ay haharap sa kanyang pangwakas na paghatol.
Sa mga huling kasaysayan nito, ang Israel ay nahulog sa pagsamba sa mga dios-diosan. Bilang tugon, nagdeklara ang Dios ng pakikidigma laban sa kanyang sariling mamamayan.[6] Ang pakikidigma laban sa mga Cananeo ay nakakatakot; gayunpaman, hindi ito tungkol sa pagpatay sa lahi. Kahit ito ay hindi ganoon kakomportable sa atin, ang pakikidigma ni Josue ay nagpapakita ng isang banal, tapat humatol, at mapagmahal na Dios na hindi pinalalampas ang kasalanan.
[1]Para sa dagdag na impormasyon sa usaping ito, basahin ang:
Stanley Gundry, Show Them No Mercy: Four Views on God and Cananeo Genocide, Zondervan, 2003.
Paul Copan, Is God a Moral Monster?: Making Sense of the Old Testament God, Baker Books, 2011.
[2]Daniel Gard in Stanley Gundry, Show Them No Mercy: Four Views on God and Cananeo Genocide, Zondervan, 2003, p. 140.
[4]Ang mga natitirang gawa ng sining mula sa sinaunang Asiria ay nagpapakita na ang hari at ang dios ng Asiria na si Ashur ay nagguguhit ng pana upang labanan ang mga kaaway ng Asiria; ang tagumpay ng hari ng Asiria ay tinitingnan bilang tagumpay ni Ashur. Gayundin, tingnan ang 1 Samuel 5:2 kung saan binibigyang kahulugan ng mga Filisteo ang kanilang tagumpay laban sa Israel bilang tagumpay ni Dagon laban kay Jehovah.
[6]Tingnan ang Deut. 28:25; Panaghoy 2:5; Amos 9:7-8.
Mga Hukom
Tema: Apostasy/Lubusang Pagtalikod ng Israel
Ang Mga Hukom ay nagsimula sa pagsasalaysay ng pagkakaisa ng mga lipi ni Yahweh sa kanilang pagsakop sa Canaan; ang aklat ay nagtapos sa pakikibahagi ng mga lipi ni Yahweh sa digmaang sibil pagkatapos ng teribleng krimen ng mga miyembro ng lipi ni Benjamin. Ang Mga Hukom ay nagsimula sa mga taong nagsisilbi sa Dios; ang aklat ay nagtapos sa pagtalikod nila sa kanilang relihiyon at kaguluhan sa lipunan.
Ang dahilan ng pagbagsak ng Israel ay ibinuod sa Mga Hukom 2:6-11. Pagkatapos ng magiting na mga tagumpay na naitala sa Josue, at pagkatapos ng pagpapanumbalik ng tipan sa dulo ng Josue, ipinapakita ng Mga Hukom kung gaano kabilis na nahulog ang Israel sa pagtalikod sa pananampalataya. Pitong beses inulit ang, “Ang Israel ay gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON.”[1]
Ano ang dahilan ng nakapanlulumong pagbagsak? Sinagot ng aklat ng Mga Hukom ang tanong na ito sa dalawang pahayag.[2] Una, “walang hari sa Israel.” Ang aklat ng Mga Hukom ay marahil naisulat sa mas maagang panahon ng monarkiya at nagpapakita ng pangangailangan ng hari upang pag-isahin ang bansa. Pangalawa, “ang bawat tao ay gumagawa ng kahit anong gusto nilang gawin.” Sa halip na magkaisa ang bansa sa pagiging tapat sa pagsunod sa Dios, ang bawat isa ay sinusunod ang kanilang sariling kagustuhan.
Ang layunin ng Mga Hukom ay upang ipakita ang resulta ng pagtalikod ng mga Israelita sa kanilang pananampalataya. Paulit-ulit, ipinakita ng Mga Hukom na “ibinenta” ng Dios ang Israel sa kamay ng kanyang mga kaaway dahil sa kasalanan ng Israel. Ang sumpa ng Deuteronomio 27-28 ay natupad sa Mga Hukom.
May akda at Petsa
Ang mga pangyayari sa Mga Hukom ay sumasaklaw sa mga taon na tinatayang mula sa 1380-1050. Walang may akdang kinikilala sa mismong aklat, bagaman sa mga tradisyon ng mga Judio ay kinikilala si Samuel bilang may akda. Ito marahil ay naisulat sa mas maagang panahon ng monarkiya, bago masakop ni David ang Jerusalem mula sa mga Jebuseo.[3]
Ano ang Hukom?
Ang “hukom” ay hindi isang legal na opisyal katulad ng naiisip nating hukom ngayon. At hindi rin katulad ng isang hukom na opisyal ng pulitika katulad ng hari o opisyal ng relihiyon katulad ng isang pari. Ang mga Hukom ay mga lider ng militar na binigyan ng kakayahan ng Dios upang iligtas ang kanyang mga mamamayan mula sa pang-aapi. Ang mga hukom ay mga tagapanguna ng indibiduwal na mga lipi, pero hindi ng buong bansa. Ang pamumuno ng mga hukom ay marahil lumalampas sa nakatakdang pangungunahan, katulad sa isang hukom na nangunguna sa isang lipi o grupo ng mga lipi habang ang isa pang hukom ay nangunguna sa iba pang lipi o grupo ng mga lipi.
Pangkalahatang Pagtanaw sa Mga Hukom
Ang Mga Ugat ng Pagtalikod sa Pananampalataya ng Israel (Mga Hukom 1:1 – 3:6)
Sa panahon ng Mga Hukom, kontrolado ng mga lipi ng Israel ang mga bulubunduking bayan samantalang kontrolado naman ng mga Cananaeo ang mga baybaying rehiyon; nabigo ang Israel na tapusin ang pagsakop sa ilalim ng pamamahala ni Josue. Ang Mga Hukom ay nagbigay ng dalawang dahilan kung bakit hindi nila natapos ang pagsakop. Sa Mga Hukom 1:19 ay ipinapakita ang dahilan ng pagiging tao; “Hindi mapaalis ng Juda ang mga naninirahang mga residente ng lambak, dahil meron silang mga karwaheng bakal.” Mula sa pananaw ng tao, ang mga Cananeo ay masyadong malakas para sa Juda.
Gayunpaman, marahil ay itatanong natin, “hindi ba’t mas malakas ang Dios kaysa sa mga karwaheng bakal ng mga Cananeo?” Ang Mga Hukom 2 ay nagsisiwalat ng mas malalim na dahilan sa hindi pagtapos ng pagsakop. Kahit sa mga araw ng pananakop, nabigo ang Israel na lubusang sundin ang Dios. Hinatulan ng Dios ang kanilang hindi pagsunod sa pamamagitan ng pag-iiwan ng mga naninirahan sa lupain upang “maging parang tinik sila sa inyong daraanan” at upang subukin ang Israel.[4]
Ang Cycles ng Pagtalikod sa Pananampalataya at Pagliligtas (Mga Hukom 3:7 – 16:31)
Ang mga kabanatang ito ay naglalarawan sa anim na cycle ng pagtalikod sa pananampalataya at pagliligtas. Ang pattern ay ipinakita sa Mga Hukom 2 at pagkatapos ay isinalarawan sa buhay ng Mga Hukom. Anim na beses na:
Ang mga anak ng Israel “ay gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.”
“Ibinenta sila ng Panginoon sa kamay ng kanilang mga kaaway.”
Sila ay “lubusang nahihirapan” at umiiyak sa pagtawag sa Dios.
Nagpapadala ang Panginoon ng hukom at “ililigtas sila mula sa kamay ng kanilang kaaway.”[5]
Ang Mga Hukom ay nagpapakita ng patuloy na pagbaba ng kalidad ng mga hukom. Walang negatibong nasabi tungkol sa unang hukom na si Othniel. “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasakanya” at siya ay ginamit ng Dios upang iligtas ang Israel.[6] Gayunpaman, ang mga sumunod na mga Hukom ay nabigong pantayan kung anong klaseng hukom si Othniel.
Nagtagumpay si Ehud sa pamamagitan ng pandaraya.[7] Si Deborah ay isang matapat na pinuno, ngunit ang kanyang awit ng tagumpay ay naghahayag ng isang bayang hati-hati at may nangyayaring pagtutunggali ng mga pangkat.[8]
Si Gideon ay mabagal maniwala sa Dios. Nangailangan pa siya ng tatlong himala bilang pagpapatunay ng pagtawag ng Dios. Hindi nagtagal ay pinangunahan niya ang Israel sa maling pagsamba.[9]
Hindi katulad ng mga naunang mga hukom, walang nakatala na “pinili” ng Dios si Jephthah. Sa halip, ang mga tao ang pumili sa kanya bilang tagapanguna ng Gilead. Para kay Jephthah ang Dios ay isang dios kung saan maaari siyang makipagtawaran at magbibigay ng isang huwad na pangako upang makuha ang pabor ng Dios.[10]
Si Samson, ang huli sa mga hukom, ay tila lamang isang anino ng nais ng Dios na isang pinuno. Sinira niya ang kanyang pangako bilang Nazareno at nagkasala ng pagkakaroon ng imoral na relasyon sa isang Cananeo. Higit sa lahat, si Samson ay mas naging matagumpay noong siya ay namatay kaysa noong siya ay buhay.[11]
Ginamit ng Dios ang mga hukom upang iligtas ang kanyang mamamayan. Gayunpaman, ang pagsusuri sa Mga Hukom ay nagpapakita ng tuloy-tuloy na pagkahulog ng bayan sa espirituwal na pagtalikod sa pananampalataya, pagkabulok ng kanilang moralidad, at pagkakagulo ng lipunan.
Ang Pagbagsak ng Lipunan ng Israel (Mga Hukom 17 – 21)
Ang Mga Hukom ay nagtapos sa dalawang istorya na nagpapakita ng pagbagsak ng lipunan ng Israel. Ang istorya ng lipi ng Dan sa pagkuha nila sa dios-diosan ni Mikas at ang kanyang pari ay nagpapakita ng pagkasira ng buhay relihiyon.[12] Ang Israel ngayon ay nagkasala ng pagsamba sa dios-diosan na nagdala ng paghatol ng Dios sa Cananeo. Bakit mayroong pagkabulok sa espirituwal? “Sa mga panahong iyon ay walang hari sa Israel, ang bawat tao ay gumagawa ng kahit anong gusto nilang gawin.”[13]
Ang kakila-kilabot na istorya ng paggahasa at pagpatay sa mga kalunya ng Levita ay katulad ng istorya ng Sodom at Gomorrah. Ang Israel ay nagkasala ng parehong kasalanang sekswal at karahasang ginawa ng mga Cananeo. Bilang tugon sa krimen ng mga Benjaminita, ang Israel ay nauwi sa digmaang sibil. Bakit nagkaroon ng pagkabulok sa moralidad at sa lipunan? “Sa mga panahong iyon ay walang hari sa Israel, ang bawat tao ay gumagawa ng kahit anong gusto nilang gawin.”[14]
Tema: Ang Katapatan sa Panahon ng Pagtalikod sa Pananampalataya
Dalawang talata ang nagpapakita ng importansya ng Ruth sa kasaysayan ng Lumang Tipan. Una, ang istorya ng Ruth ay nangyari “sa mga panahon na namumuno ang mga hukom.”[1] Ito ay nagpapakita na sa panahon ng mga pagtalikod sa pananampalataya, may isang kabataang babae na nanatiling tapat sa Dios. Nakamamangha, ang halimbawang ito ng kabutihan ay isang Moabita. Samantalang ang mga mamamayan ng Israel ay patungo sa kaguluhan na nakita sa katapusan ng Mga Hukom, ang isang Moabita ay tapat kay Jehovah.
Pangalawa, Sina Boaz at Ruth ay nagkaroon ng anak: “At tinawag nila ito sa pangalang Obed: siya ang ama ni Jesse, ang ama ni David.”[2] Bilang lola-sa-tuhod ni David, si Ruth ay importante sa pambansang kasaysayan ng Israel.
Ruth: Isang Drama sa Apat ng Kaganapan
Unang Kaganapan: Ang Pagbalik nina Naomi at Ruth sa Bethlehem (Ruth 1)
Ang aklat ng Ruth ay katulad ng isang maiksing istorya kung saan ang mga karakter at mga tagpo ay nabuo sa isang maiksing pangungusap. Ang tagpo ay “sa panahon ng Mga Hukom.” Ang mga lugar ay ang Bethlehem at Moab. Ang mga pangunahing karakter ay mga ordinaryong Israelita at Moabita.
Si Elimelech at ang kanyang pamilya ay naglakbay patungo sa Moab upang takasan ang taggutom sa Juda. Namalagi sila doon sa loob ng sampung taon, sa mga panahon na ang parehong anak ni Elimelech ay nakapangasawa ng Moabita. Ang tatlong lalaki ay namatay sa Moab at si Naomi ay naghanda na para bumalik na mag-isa sa Bethlehem.
Si Orpah, isa sa mga balo, ay nanatili sa Moab. Ang isa pang balo, si Ruth, ay nagpumilit na bumalik sa Bethlehem kasama ng kanyang biyenan. Sa isang pahayag ng pangako na laging napapanahon, nangako si Ruth na mabubuhay at mamamatay siyang kasama ni Naomi at maglilingkod sa Dios ng Israel.
Ang dalawang babae ay bumalik sa Bethlehem, ngunit sobrang nahirapan si Naomi kaya’t hiniling niya sa mga tao sa bayan na tawagin siyang Mara (“Mapait”) sa halip na Naomi (“Kaaya-aya”).
Pangalawang Kaganapan: Ang Pagtatagpo sa Pagitan ni Ruth at Boaz (Ruth 2)
Dahil sa batas ng paghihimalay,[3] nakaipon si Ruth ng pagkain para kay Naomi at sa kanyang sarili. Siya ay “nangyaring” nasa lupain na bukid ni Boaz, isang mayamang kamag-anak ni Elimelech, ang kanyang namatay na biyenang lalaki.
Nang makita ni Boaz si Ruth na nagtratrabaho sa kanyang bukid, isinaayos niya na maprotektahan si Ruth at mabigyan ito ng dagdag na sebada. Kahit ang pagkikita sa pagitan ni Boaz at Ruth ay maaaring mukhang nagkataon lamang, kinikilala ni Naomi ang paggabay ng kamay ng Dios.[4] Sinabi ni Naomi kay Ruth na manatili siya sa bukid ni Boaz sa panahon ng anihan ng sebada at trigo.
Pangatlong Kaganapan: Inalok ni Ruth si Boaz ng Kasal (Ruth 3)
Bilang malapit na kamag-anak ni Elimelech, si Boaz ay tumayo sa posisyon ng “tagapagligtas-ng-kamag-anak,” sa pagtupad sa tradisyon ng Lumang Tipan ng leviratemarriage.[5] Sa Israel, ang lahat ng lupain ay nananatili sa mga pamilyang pinagbigyan nito pagkatapos ng pananakop. Kung ang pamilya ay napilitang ibenta ang kanilang ari-arian dahil sa hirap ng buhay, ang kamag-anak ang magiging tagapagligtas at responsable upang makuhang muli ang ari-arian at maibalik ito sa mga orihinal na pamilya. Sa pag-asang si Boaz ang magsasagawa ng tungkuling ito, si Naomi ay gumawa ng isang plano kung saan makapag-aalok ng kasal si Ruth kay Boaz.
Sa pamamagitan ng rituwal na aksyon sa giikan ni Boaz, inalok ni Ruth ng kasal si Boaz. Masaya namang tinanggap ni Boaz ang kahilingan ni Ruth, kahit na inaamin niyang may ibang mas malapit na kamag-anak si Naomi kaysa sa kanya. Ang kamag-anak na iyon ay dapat bigyan ng oportunidad upang bawiin ang minana ni Naomi.
Pang-Apat na Kaganapan: Si Boaz ang Nagsilbing Kamag-anak na Tagapagligtas para kay Ruth (Ruth 4)
Nang sumunod na umaga, pumunta si Boaz sa tarangkahan ng lungsod kung saan nagaganap ang mga transaksyon ng negosyo. Nang dumaan ang malapit na kamag-anak na ito, sinabi ni Boaz sa kanya na may oportunidad siyang bilhin ang lupang pg-aari ni Elimelech. Gustong tubusin ng hindi pinangalanang kamag-anak na ito ang ari-arian. Gayunpaman, nang sabihin ni Boaz sa kanya na kailangan niyang pakasalan si Ruth bilang bahagi ng pagbawi, hindi gusto ng kamag-anak na “papangitin” ang kanyang sariling mamanahin. Kung papakasalan niya si Ruth, ang kanilang mga anak ay magdadala ng pangalan at mana ng unang asawa ni Ruth. Maaari nitong masira ang sarili niyang ari-arian at maka-apekto sa mamanahin ng kanyang mga anak. Upang maprotektahan ang kanyang estado/kalagayan, hindi tinanggap ng kamag-anak ang oportunidad.
Ito ang nagbigay ng daan kay Boaz at Ruth na magpakasal. Binigyan sila ng Dios ng anak na lalaki, at si Naomi ang naging sentrong karakter sa pagtatapos ng aklat. Nawalan siya ng dalawang anak na lalaki; ngunit ngayon ay hawak niya sa kanyang mga bisig ang anak na lalaki ni Boaz at Ruth.
Katulad ng Esther, isa pang maiksing istorya na tampok ang isang babaeng naging tapat sa panahon ng mahirap na kalagayan, ang aklat ng Ruth ay nagpapakita ng soberenya ng Dios sa mga bagay na parang nagkataon lamang. Si Ruth ay naging lola sa tuhod ni David at higit sa lahat, ang ninuno ni JesuCristo.
[5]Ang Levirate marriage ay ang pagpapakasal ng isang malapit na kamag-anak sa biyuda ng isang namatay para sa layuning ipagpatuloy ang pangalan at mana ng unang asawang lalaki. Ang hindi pinangalanang kamag-anak sa Ruth 4:6 ay tumangging pakasalan si Ruth dahil makakasira ito sa kanyang sariling karapatan sa pagmamana.
Konklusyon
Ang Josue – Ruth sa Bagong Tipan
Ang Jesus ay ang Griegong anyo sa Bagong Tipan ng pangalan sa Hebreo na Josue. Gaya ng pangunguna ni Josue sa mamamayan ng Dios palabas sa Egipto papuntang Canaan, pinangunahan ni Jesus ang mga mamamayan ng Dios mula sa pagkakaalipin patungo sa Sabbath, ang araw ng pamamahinga.[1]
Sa kabila ng pagbagsak ng lipunan ng Israel, ilan sa mga hukom ang nakita bilang halimbawa ng pananampalataya sa Hebrews 11. Sina Gideon, Barak, Jepthah, at maging si Samson ay naparangalan dahil sa kanilang pananampalataya sa Dios. Kahit pa ang mga lalaking ito ay hindi namuhay ayon sa kanilang potensyal, kumilos ang Dios sa pamamagitan nila upang tuparin ang kanyang mga layunin.
Si Ruth ay isa sa mga babaeng binanggit sa mga talaan ng angkan ni Jesus.[2] Ang katapatan ng balong Moabitang ito ang naging dahilan upang mapabilang siya sa salinlahi ng Mesiyas. May ilang mga pagkakapareho ang mga istorya ni Ruth at Maria. Parehong nanganak sa Bethlehem. Parehong babaeng may maliit na katanyagan (isang Moabita at isang hindi pa naikakasal na bababe na nagbuntis) na naging tapat sa Dios. Parehong nagpakita na pinagpapala ng Dios ang mga nagiging tapat sa kanya.
Ang mga aklat na ito ay naglalarawan sa prinsipyo ng paghahasik at pag-ani na ipinakita sa Deuteronomio. Ang Josue at Ruth ay nagpapakita ng pagpapala ng Dios sa mga tapat. Ang Mga Hukom ay nagpapakita ng pagpaparusa sa mga hindi sumusunod sa kanya.
Nagsasalita ang Josue – Ruth sa Kasalukuyan
Sa mga bayan na nawasak ng kahirapan dahil sa pag-aaway sa pagitan ng Islam at Kristiyanismo, ang usapin tungkol sa banal na digmaan ay nagpapatuloy upang subukin ang iglesya. Dapat maingat na pag-aralan ng mga Kristiyano sa mga bansang ito ang prinsipyong nakabalangkas sa “Isang Mas Malapit na Pagtanaw sa Banal na Digmaan” bilang gabay sa mga kaguluhan ngayon.
Sa isang mas malawak na sukat, ang mga Kristiyano ngayon ay humaharap sa usapin ng katapatan at ng kawalan ng katapatan na kinaharap din ni Josue, Ruth, at mga tao sa panahon ng Mga Hukom. Ngayon, kung hindi na tayo namumuhay ayon sa isang theocracy, ang tugon ng Dios ay hindi palaging ganoon kabilis at bilang isang temporally visible/mukhaang makikita katulad ng sa Lumang Tipan. Hindi ito nangangahulugan na kahit ang kawalan ng katapatan ay hindi hahatulan o ang pagiging tapat ay hindi ginagantimpalaan. Ang pagiging modelo ni Josue at Ruth at maging ang negatibong halimbawa ni Samson ay nagsisilbing paalala sa atin na ang Dios ay nagpapatuloy sa paghahanap ng mga taong magtatapat sa kanya.
Ipakita ang iyong pagkakaunawa sa leksiyon ito sa mga sumusunod na takdang aralin:
(1) Pumili ng isa sa mga sumusunod na takdang aralin:
Option 1: Takdang Araling Pang Grupo
Magtalaga ng isang miyembro na pag-aralan ang bawat sumusunod na mga hukom: Gideon, Deborah, Jephthah, at Samson. Talakayin ang mga kalakasan at kahinaan ng bawat hukom.
Option 2: Takdang Aralin Pang Indibidwal.
Sumulat ng isang sermon tungkol sa buhay ng isa sa mga hukom. Ipakita kung paano ginamit ng Dios ang kanyang buhay upang matupad ang kanyang layunin.
(2) Kumuha ng pagsusulit sa leksiyong ito. Kabilang sa pagsusulit ang mga kasulatan na nakatakda upang isaulo.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Leksiyon 4
(1) Ano ang pangalan ng mga aklat ng kasaysayan sa Hebreong Biblia?
(2) Ipaliwanag ang “theocracy.”
(3) Ilista ang tema ng bawat aklat:
(4) Ang dalawang pangunahing bahagi ng Josue ay ang mga sumusunod:
(5) Ano ang pangunahing layunin ng aklat ng Josue?
(6) Ano ang layunin ng mga Lunsod na Kublihan?
(7) Maglista ng apat na prinsipyo na dapat isa-alang-alang sa pag-aaral ng Pakikidigma ni Yahweh sa Josue.
(8) Ano ang pangunahing layunin ng Mga Hukom?
(9) Ano ang apat na hakbang sa cycles ng apostasy at pagliligtas sa Mga Hukom?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.