Basahin ang Obadias, Jonas, Mikas, Nahum, Habakuk, at Zefanias
Isaulo ang Mikas 6:8; Nahum 1:7-8; Habakkuk 3:2
Panimula
Hindi katulad ng mga dios-diosan ng sinaunang mundo, si Jehovah ay hindi isang lokal na dios. Si Jehovah ang natatangi at mananatiling may soberenidad, at kapangyarihan sa buong mundo. Ito ay nakita sa mensahe ng mga Minor Prophets sa iba pang mga bansa sa labas ng Israel. Sa mga aklat na napag-aralan sa kabanatang ito, ang Dios ay nangusap sa Edom, Nineve, Israel, Juda, at Zefanias sa buong mundo sa pamamagitan ng mga propeta. Sa kabanatang ito, makikita natin ang soberenya ng Dios maging sa mga taong hindi kumikilala sa kanyang awtoridad. Ang Dios ay may soberenya sa buong daigdig.
Obadias: Isang Mensahe sa Edom
Isang sulyap sa aklat ng Obadias
May Akda
Obadias
Tagapakinig
Edom
Petsa
Sa pagitan ng 587 at 553 B.C.
Tema
Ang Pagbagsak ng Edom
Layunin
Upang maipahayag sa pamamagitan ng propesiya ang pagkawasak ng Edom dahil sa kanilang kalupitan sa Juda noong panahon ng pananakop ng Babylonia.
Ang Ebanghelyo sa aklat ng Obadias
Pagkatapos ng pagkakatapon, Ang Juda ay muling pinanumbalik. At sa pamamagitan niya, ang Mabuting Balita ay makakarating sa mga Hentil.
Kalagayang Pangkasaysayan ng Obadias
Ang libro ng Obadias ay dapat basahin sa konteksto ng matagal na alitan sa pagitan ng Edom, na mula sa lahi ni Esau, at ng Israel, na mula sa lahi ni Jacob. Noong panahon ng Exodo, hindi pinahintulutan ng mga taga Edom ang mga Israelita na dumaan sa kanilang lupain.[1] Noong panahon ng pananakop ng Babylonia, ikinatuwa ng mga taga-Edom ang pagkawasak ng Jerusalem. Ang kasamaan ng Edom sa Judah noong 587 B.C. ang nagbigay inspirasyon upang maisulat ang pagsumpa sa Mga Awit 137:7-9 at gayundin ng propesiya ni Obadias.
Wala tayong ibang alam tungkol kay propeta Obadias bukod sa kanyang pangalan. Ang kahulugan ng kanyang pangalan ay “siyang naglilingkod kay Yahweh” at ito ay isang pangkaraniwang pangalan sa Lumang Tipan.[2]
Ang Mensahe ni Obadias
Ang propesiya ni Obadias ay parehong mensahe ng paghatol sa Edom at mensahe ng pag-asa at kaaliwan sa Juda. Una, si Obadias ay nagdala ng mensahe ng paghatol laban sa Edom. Ang Edom ay mapagmataas na naniniwala na ang kinalalagyan ng kanilang kapitolyo/centro, ang Sela, ay nasa matas na lugar, madaling protektahang bato ang magtatanggol sa kanila mula sa kanilang mga kaaway.[3] Gayunpaman, dahil sa kanilang kasamaan laban sa Juda, wawasakin ng Dios ang Edom. Dahil ang Dios ay makatarungan, hindi niya hahayaang hindi maparusahan ang kasalanan ng Edom. Ang propesiya ni Obadias ay nagkaroon ng katuparan ng masakop ang Edom noong 553 B.C.
Si Obadias ay nagdala rin ng mensahe ng pag-asa at kaaliwan. Ipinaalala niya sa Juda ang tipan ng pagmamahal ng Dios sa kanyang bayan. Kahit pagkatapos ng pagkawasak ng Jerusalem, nangako ang Dios ng pag-asa para sa kanyang bayan. Ang verse na pinagbabatayan ng Obadias (1:15) ay nagpapahayag ng pangako na malapit na ang araw ng paghuhukom/paghatol ng Dios sa lahat ng bansa.
Upang maipakita ang pagnanais ng Dios na mailigtas ang lahat ng tao, maging ang mga kaaway ng Israel
Ang Ebanghelyo sa aklat ng Jonas
Itinuro ni Jesus ang aklat ng Jonas bilang simbolo ng muling pagkabuhay.
Sa pamamagitan ng pagmiministeryo ng mga apostol at unang iglesya, naipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng bansa.
Ang Kalagayang Pangkasaysayan ng Jonas
Si Jonas ay nagpropesiya sa panahon ng kahinaan ng Emperyo ng Assyria. Ipinahayag niya sa propesiya ang paglawak ng kaharian sa hilaga sa panahon ni Jeroboam II.[1]
Isang agresibong emperyo, ang mga taga Assyria ang pinaka malaking banta sa kalayaan ng Israel. Makikita sa mga napreserbang likhang sining ang pagkagusto ng mga taga Assyria na pahirapan ang kanilang mga kaaway. Nang matanggap ni Jonas ang utos ng Dios para mangaral at bigyang babala ang mga tao sa Nineve, siya ay tumakas papuntang Tarsis.
[3]Hindi niya nais na mangaral ng mensahe na maaaring magtulak upang magsisi ang mga taga Nineve. Alam niya na kapag nagsisi ang mga taga Nineve, hindi na parurusahan ng Dios ang bayang ito.[4] Sa pananaw ni Jonas bilang isang tapat na Israelita, ang pagkawasak/paglipol sa Nineve ay magiging isang pagpapala para sa Israel.
Ang Layunin ng Aklat ng Jonas
Ang aklat ng Jonas ay nagpapakita ng awa/habag ng Dios, kahit na sa mga kaaway ng Israel. Ipinakita ni Jonas na ang awa ng Dios ay hindi lamang para sa “atin” (Israel); ang awa ng Dios ay para rin sa “kanila” (Nineve).
Taliwas kung ano ang Dios, si propeta Jonas ay walang nararamdamang awa/habag para sa Nineve. Ang aklat ng Jonas ay nagtutulak sa atin upang pag-isipan kung, “Ako ba ay katulad ni Jonas o katulad ng Dios?”
Ang aklat ba ng Jonas ay Isang Kwento ng Tunay na pangyayari?
May ilang manunulat ang nakikipag-argumento na ang kwento ng aklat ng Jonas ay hindi totoong pangyayari, kundi isa lamang parabola na naglalayong magturo ng leksyon tungkol sa pagkabigo ng Israel na maisakatuparan ang misyon ng Dios sa lahat ng bansa. Gayunpaman, wala namang makita sa aklat ng Jonas na nagpapahiwatig na ito ay isa ngang parabola lamang. Ang kwento ay ipinahayag bilang tunay na pangyayari at naglalaman ng makasaysayan at heograpiyang detalye na inaasahan natin sa isang tunay na pagsasalaysay.
Isa sa mga mensahe ng aklat ng Jonas ay ang soberenya ng Dios. Ang Dios “ ay nagpadala ng napakalakas na hangin”; Siya ay“ naghanda/nagpadala ng isang malaking isda upang lulunin si Jonas”; Siya ay “nagpatubo ng malagong halaman” upang maging silungan ni Jonas,at Siya ay “naghanda/nagpadala ng uod” upang sirain ang halaman. Ang mensahe ng soberenya ng Dios sa lahat ng kanyang nilikha ay walang kabuluhan kung ang kwento ay hindi totoo.
Ipinahayag ni Jesus ang kuwento tungkol sa aklat ng Jonas bilang isang kasaysayan. Siya ay nagbabala na ang, “Sa Araw ng Paghuhukom, muling mabubuhay ang mga taga-Nineve at kokondenahin ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas; At pagmasdan nyo, narito ang higit pa kay Jonas.”[5]
Sa mga kadahilanang ito, alam natin na totoong pangyayari ang naitala sa aklat ng Jonas.
Ang Mensahe ng Aklat ng Jonas
Unang Bahagi: Pagtuturo patungkol sa Pagsunod (Jonas 1-2)
Ang Kabanata 1 at 2 ay nagtuturo ng pagsunod. Noong tawagin ng Dios si Jonas para pumunta sa Nineve, ang unang pagtugon ni Jonas ay tumakas patungo sa ibang direksyon. “Ngunit tumakas agad si Jonas patungo sa Tarsis.” Sumakay siya ng barko para tumakas sa “presensya ng Dios.”[6] Ang propetang ito ng Dios ay naniniwalang makakatakas siya mula sa presensya ng pinakamakapangyarihang Dios. Gayunpaman, ang lahat ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Dios. “Nagpadala ang Dios ng napakalakas na hangin” na nagbantang wasakin ang barko.
Nang magpalabunutan ang mga tripulante upang malaman kung sino ang dahilan ng malakas na bagyo, nalaman nilang si Jonas ang maysala. Hindi katulad ni Jonas (na walang pakialam sa Nineve), ang mga tripulante ay lubos na nag-aalala para sa kanilang kapwa kaya sinubukan pa nilang sagipin ang buhay ni Jonas. Mas nagpakita pa ng habag ang mga paganong tripulanteng ito kaysa sa isang propeta ng Dios. Kaya noong buhatin at ihagis na nila si Jonas sa dagat, ang bagyo ay agad na kumalma. Naligtas pa rin ang buhay ni Jonas dahil “naghanda ang Panginoon ng isang malaking isda upang lulunin si Jonas.”
Ang unang bahagi ay nagwawakas sa isang panalangin ng pasasalamat ni Jonas para sa habag ng Dios. Nangako si Jonas na “tutuparin ko ang aking ipinangako”; natutunan niya ang isang leksiyon ng pagsunod sa Dios.
Ikalawang Bahagi: Isang Leksiyon sa Pagkahabag (Jonas 3-4)
Katulad ng unang kabanata, ang Jonas 3 ay nagsimula sa pagtawag ng Dios. Sa pagkakataong ito, sumunod na si Jonas; “kaya bumangon si Jonas, at agad na nagpunta sa Nineve.” Natutunan na ni Jonas ang leksiyon sa pagsunod; ngayon ay tinuruan siya ng Dios patungkol sa pagkahabag.
Nangaral si Jonas ng mensahe ng paghuhukom sa Nineve. Sa unang kabanata, ang mga pagano ay higit na nagpakita ng pagiging mahabagin ng Dios kaysa kay Jonas. Sa unang kabanata, makikita nating sinubukan ng mga paganong tripulante na iligtas ang buhay ni Jonas. Sa kabanata tatlo, ang paganong hari ng Nineve ang nagsabi na maaaring kaawaan pa rin ng Dios ang kanilang bayan. “Baka sakaling magbago ng pasya ang Dios, at mapawi na ang kanyang matinding galit, at hindi na niya tayo puksain?” Ipinangaral ng Dios ang paghatol; ipinangaral ng paganong hari ang habag ng Dios.
Katulad ng ikalawang kabanata, ang Jonas 4 ay naglalaman ng isang panalangin. Ang Jonas 2 ay isang panalangin ng pasasalamat para sa tinanggap na habag mula sa Dios para kay Jonas; ang Jonas 4 ay naglalaman ng isang panalangin ng pagrereklamo para sa ipinapakitang habag ng Dios sa Nineve. Nagrereklamo si Jonas sapagkat hindi na lilipulin ng Dios ang bayan ng Nineve. Ang kabanatang ito ay nagtapos sa pagtuturo ng Dios ng leksiyon kay Jonas, isang leksiyon patungkol sa malaking habag ng Dios para sa naliligaw.
Ang aklat ng Jonas sa Bagong Tipan
Ang aklat ng Jonas ay naisasalamin sa Bagong Tipan sa dalawang paraan. Una, inihalintulad ni Jesus na ang pagliligtas ng Dios kay Jonas sa tiyan ng malaking isda ay katulad ng kanyang muling pagkabuhay mula sa kamatayan.[7]
Pangalawa, ipinakita ng Jonas ang pagkabigo ng Israel na matupad ang misyon sa lahat ng bansa. Mula sa ipinangako ng Dios kay Abraham sa Genesis 12:2-3, malinaw na pinagpala ang Israel upang maging daluyan ng pagpapala sa lahat ng bansa. Ipinapakita ng aklat ng Jonas ang pagkabigo ng Israel na tuparin ang misyong ito. Sa pamamagitan ng pagdating ni Cristo, ang misyong ito ay muling pinanumbalik nang ibinigay niya ang utos na ito sa mga tagasunod niya: “Kaya humayo kayo, at turuan ninyo ang lahat ng bansa.”[8]
Ang aklat ng Jonas sa ika-21 siglo
Madaling kutyain si Jonas, ang nag-aatubiling propeta na hindi sang-ayon na patawarin ng Dios ang Nineve; gayunpaman, ang aklat ng Jonas ay nagtuturo din sa atin na tingnan ang mundo sa pamamagitan ng paningin ng Dios. Kung aking babasahin ang Jonas, dapat kong tanungin ang aking sarili:
Ano ang nagbibigay sa akin ng kagalakan: ang pagkawasak ng aking kaaway o ang pagsisisi ng aking kaaway?
Nangangaral ba ako ng habag ng Dios ng may buong pagnanais katulad ng pagnanais na ipangaral ang paghuhukom ng Dios?
Nag-aatubili ba ako na puntahan ang mga kaaway ng mga mamamayan ng Dios?
Mayroon ba akong mga katangian ni Jonas o katangian ng Dios?
[2]Image: "KCE Lachish impale" taken by kevincellis36109, retrieved from https://www.flickr.com/photos/36339698@N00/17005960457/ licensed under CC BY 2.0, desaturated from the original.
Upang maipakita na hahatulan ng Dios ang Juda dahil sa pagsuway sa tipan.
Ang Ebanghelyo sa aklat ng Micas
Inilalarawan ng Mikas ang mensahe ni Jesus na relihiyon mula sa puso. Ang tunay na relihiyon ay higit pa sa mga ritwal; ang tunay na relihiyon ay ibinuod sa Mikas 6:8: “Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod sa Dios.”
Kalagayang Pangkasaysayan ng Mikas
Bago ang pagbagsak ng hilagang kaharian, si Micas, isang propeta mula sa Moreshet, ay nangaral sa Juda. Ang kanyang mensahe ay nagdulot ng pagpapanumbalik noong panahon ng paghahari ni Hezekias.
Layunin ng aklat ng Micas
Gamit ang anyo ng isang usapin laban sa tipan, ipinakita ni Micas na hindi naging tapat ng Juda sa tipan.[1] Ipinangaral Micas ang pagpaparusa para sa mga hindi sumusunod sa tipan, at isang mensahe ng pag-asa para sa mga nagsisisi. Ipinakita ni Micas na ang pagiging matuwid ay higit pa sa pagsunod sa mga ritwal; ang tunay na pagiging matuwid ay “maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod sa Dios.”[2]
Ang Mensahe ng aklat ng Micas
Ang aklat ng Micas ay nagdadala ng isang serye ng tatlong propesiya. Ang bawat bahagi ay nagsisimula sa salitang “makinig.” Ang bawat mensahe ay nagsisimula sa paghatol at pagkatapos ay nagbibigay ng isang mensahe ng muling pagpapanumbalik.
Unang Mensahe (Micas 1–2)
Ang unang sulat ni Micas ng propesiya ng paghatol sa Samaria at Jerusalem, ang mga sentrong bayan ng Israel at Juda. Gigibain ng Dios ang Samaria at sisirain ang mga dios-diosan nito. Para sa Jerusalem, ipinangako ng Dios ang kahihiyan na katulad ng pagkakalbo kapag dinala ang Judah sa pagkakabihag.
Sa Micas 1:10-15, ipinakita ng propeta ang ruta na kalaunan ay sinundan ni Sennacherib sa kanyang paglalakbay patungo sa Jerusalem noong 701 B.C. Sa kanyang pagsalakay sa Juda, nilusob at sinakop ni Sennacherib ang mga bayan ng Gat, Afra, Shafir, Zaanan, Beth-ezel, Marot, Lakish, Moreshet-gat, at Aczib. Ang propesiya ni Micas ay particular na tumutugma sa kanyang propesiya ng paghatol ng Dios.
Ang Kasulatan ng paghatol ay nagwakas sa isang pangako ng muling pagpapanumbalik sa natitirang mamamayan ng Dios. Ang Panginoon ang mangunguna sa kanyang mamamayan sa pakikipaglaban.
Ikalawang Mensahe (Mikas 3–5)
Ang ikalawang mensahe ni Micas ay nagsisimula sa pagtuligsa sa masasamang pinuno ng Juda. Ang mga pinuno ng bayan ay isinalarawan na tulad ng mga kanibal na kumakain sa kanilang mga nasasakupan (3:1-4). Mayroon namang “bayarang propeta” na nagpapahayag ng pagpapala sa mga nagbabayad ng malaki at sinusumpa naman ang mga walang maibayad (3:5-8). Ang mga pinuno, mga pari, at mga propeta ay mga isinumpa at pinarusahan.
Katulad ng naunang mensahe, ang mensaheng ito ay nagsimula rin sa paghatol at nagwakas sa mensahe ng pag-asa. Darating ang isang araw kung saan “ang bundok na kinatatayuan ng templo ng Panginoon ay maitatatag”; ang mga tao mula sa iba’t-ibang bansa ay daragsa upang matutunan ang mga pamamaraan ng Panginoon na makapangyarihan. Ililigtas ng Dios ang mga nananatiling tapat at paghaharian sila. Babawiin Niya ang bundok ng Zion mula sa Babilonia at papastulan Niya ang kanyang kawan.
Ang ganap na pagliligtas sa Juda ay magaganap sa pagdating ng “mamumuno sa Israel. Ang kanyang pinagmulan ay buhat pa noong una, noong unang panahon pa.” na mula sa Bethlehem Efrata. Ang ebanghelyo ng Mateo ay tumutukoy sa aklat ng Micas bilang propesiya ng kapanganakan ni Cristo Jesus.[3]
Ikatlong Mensahe (Micas 6–7)
Ang Paratang ng Dios laban sa Judah
(Micas 6:1-8)
6:1-2
Panawagan upang sumaksi (ang mga bundok at burol ay saksi sa pagiging hindi tapat ng Juda)
6:3
Isang pagkakataon upang tumugon ang Juda
6:4-5
Isang paalala ng pabor ng Dios sa Juda sa kanilang nakaraan
6:6-7
Ang nanunuyang pagtugon ng mga mamamayan
6:8
Ang sagot ng Dios – isang buod ng pinapahayag sa kautusan: katarungan, habag, at kapakumbabaan
Ang huling mensahe ng aklat ng Micas ay gumagamit ng anyo ng isang usapin laban sa tipan. Pinaparatangan ng Dios ang kanyang mamamayan ng pagiging hindi tapat sa tipan. At sa halip na aminin ang kanilang pagkakamali at pagsuway, ang mga mamamayan ay tumugon ng isang serye ng nanunuyang mga katanungan:
Nais ba ng Dios ang mga batang guya na sinusunog bilang handog?
Nais ba ng Dios ang libo-libong tupa at sampung libong ilog ng langis?
Nais ba ng Dios na ihandog natin ang ating mga anak bilang kabayaran sa ating mga kasalanan?
Tumugon ang Dios sa pamamagitan ng muling pagpapahayag ng hindi nagbabagong panuntunan ng kautusan: katarungan, habag, at kapakumbabaan sa harap ng Dios.
Kasunod ng mga paratang, ipinahayag ng Dios ang Kanyang paghatol sa Jerusalem (6:9–7:7). Dahil sinunod ng Juda ang mga kasamaang ginawa at ipinayo ni Ahab, kaya pababagsakin ng Dios ang bansa.
Muli ang aklat ng Micas ay kumilos mula sa paghatol patungo sa mensahe ng pag-asa. Matapos mabigo sa paghahanap ng taong may takot sa Dios sa lugar ng Juda (7:1-7), nagwakas ang Micas sa isang panalangin na “papastulan ng Dios ang kanyang mamamayan sa pamamagitan ng kanyang tungkod” at muli silang maitatanghal sa mata ng mga bansa. Nagtapos siya ng may matibay na pagtitiwala: Ang Dios ay Dios na nagpapatawad ng kasalanan at nalulugod sa pagbibigay ng awa.
Ang Mensahe ng Aklat ng Micas para sa ika-21 Siglo
Ang Jeremias 26:17-19 ay nagpapakita na ang mensahe ni Micas ay nagdulot ng muling pagpapanumbalik ng mga tao sa Dios. Bilang resulta, ang Juda ay nakaligtas sa hatol ng parusa ng Dios nang higit sa isang daang taon. Ito ang dapat magbigay sa atin ng lakas ng loob habang dinadala natin ang mensahe ng Dios sa panahon natin ngayon. Bagama’t marami ang hindi tumatanggap sa Salita ng Dios, tutugon ang mga natirang bayan; Ang Salita ng Dios ay hindi babalik nang walang bisa. Ito ay dapat na magpalakas at magpasigla sa atin upang maging tapat sa pagpapahayag ng Kanyang Salita sa panahon natin ngayon.
[1]Para sa istruktura ng usapin tungkol sa tipan, tingnan ang Leksiyon 10 ng kursong ito.
Upang maipahayag ang propesiya ng paghatol ng Dios sa kasamaan ng bayan ng Nineve at ng Imperyo ng Asiria.
Ang Ebanghelyo sa Nahum
Ang Nahum 1:15 ay paanyaya upang maging matapat ang Juda. Siya ay nagdala ng magandang balita ng kapayapaan; darating ang Mesiyas!
Kalagayang pangkasaysaysan ng Nahum
Ipinangaral ni Nahum ang sermon na nais ipangaral ni Jonas: ang pagkawasak ng Nineve. Ang aklat ng Jonas ay nagpapakita ng pagkahabag ng Dios bilang tugon sa pagsisisi ng Nineve; ipinapakita ng aklat ng Nahum ang paghatol ng Dios bilang tugon sa pagrerebelde ng Nineve.
Ang muling panunumbalik sa Dios na dulot ng pagbisita ni Jonas sa Nineve ay naging pansamantala lamang. Nangaral si Jonas sa pagitan ng 793 at 753 B.C. Noong 745 B.C. ay naghari si Tiglath-pileser III at itinatag ang Imperyo ng Asiria na itinuring na pinakamalupit na imperyo sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Noong 722 B.C, winasak ng Asiria ang kaharian sa hilaga.
Si Sennacherib, ang namumuno sa Imperyo ng Asiria mula 704-681 B.C. Ginawa niyang kabisera ang bayan ng Nineve. Sinakop niya ang karamihan sa lupain ng Juda, ngunit iniligtas naman ng Dios ang Jerusalem at kinalaunan ay pinalaya rin ang Juda sa pagkakasakop ng Asiria. Makalipas lamang ang 663 B.C., pinahayag ni Nahum ang propesiya ng paghatol ng Dios sa Nineve at sa Imperyo ng Asiria.[1] Ang propesiyang ito ay binigyang katuparan noon 612 B.C. nang nawasak ang Nineve. Noong 609 B.C., ang mga natitirang mamamayan ng Imperyo ng Asiria ay nasakop at tuluyan ng nawala ang imperyong ito sa kasaysayan. Ang paghatol ng Dios ay tiyak at sigurado.
Layunin ng aklat ng Nahum
Ipinangaral ni Obadias ang ganap at tiyak na pagkawasak ng Edom; ipinangaral ni Nahum ang ganap at tiyak na pagkawasak ng Nineve. Sa pagkakataong ito, wala ng pagsisisi; “walang lunas sa iyong malubhang sugat.”[2] Ang aklat ng Nahum ay nagpapahayag ng pagkawasak ng Nineve at nagbibigay naman ng pag-asa sa mga mamamayan ng Juda sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng katiyakan na hahatulan ng Dios ang kanilang mga kaaway.
Ang Mensahe ng Nahum
Ang kabuuan ng aklat ng Nahum ay patungkol sa paghatol ng Dios sa Nineve. Ang unang Kabanata ay nagpapakita ng isang larawan ng Dios bilang isang Banal na Mandirigma na nakikipaglaban para sa kanyang mga mamamayan. Ang Dios ay matuwid na hukom; Siya “ay maghihiganti sa kanyang mga kaaway, at ipaparanas sa kanyang mga kaaway ang kanyang galit.”
Bagama’t noong una ay nagpakita ang Dios ng habag sa pamamagitan ng pagliligtas sa nagsisising Nineve, Siya rin ay “makapangyarihan, at hindi hahayaang mapawalang sala ang mga masasama.” Tinalikuran ng Nineve ang Dios, kaya ngayon ay maghihiganti siya sa mga ito.
Ang pangunahing pagkakaiba na inihayag sa aklat ay makikita sa Nahum 1:7-8. Para sa matuwid, “Ang Dios ay mabuti, isang matibay na tanggulan sa panahon ng kaguluhan.” Para sa mga masama, “Sa pamamagitan ng rumaragasang baha ay magiging ganap ang kanyang katapusan.”
Ang ikalawang Kabanata ay nagsasalarawan ng pagkawasak ng Nineve sa pamamagitan ng mga larawan ng digmaan sa lansangan at paghahalintulad sa isang leon na nilalapa at pinipira-piraso ang kanyang nahuling biktima.
Ang ikatlong Kabanata ay nagwakas sa mensahe ni Nahum ng isang “woe oracle/pahayag na ‘kawawa ako’” kung saan ay ipinahayag niya ang mga kasalanan ng “ang lunsod ng dugo” na “puno ng kasinungalingan at kasakiman.” Inisa-isa ni Nahum ang mga kasamaan ng Nineve at pagkatapos ay ipinahayag ang huling paghatol ng Dios: “Hahayaan kong tingnan ng mga bansa ang iyong kahubaran at ng mga kaharian ang iyong kahihiyan. Tatabunan kita ng dumi at gagawing hamak at mandidiri sa iyo ang mga tao.”[3] Magagalak ang lahat sa balita ng pagbagsak ng Asiria. “Ang lahat ng makakarinig ng balita patungkol sa sinapit mo ay matutuwa at magpapalakpakan. Dahil silang lahat ay nakaranas ng iyong kalupitan”[4]
Ang aklat ng Nahum ay nagtuturo na hindi hahayaan ng Dios na banal na hindi maparusahan ang kasalanan. Bagama’t ginamit ng Dios ang Asiria upang parusahan ang Israel at Juda sa kanilang mga kasalanan, hindi niya binabalewala ang kasalanan ng Asiria. Sa huli, iningatan niya ang mga natitirang tapat na mamamayan ng Juda at tinalo ang kanyang mga kaaway. Ang katapatan ng Dios sa kanyang mga mamamayan ay hindi nagbabago.
[1]Ang Nahum 3:8 ay tumutukoy sa pagkawasak ng Thebes sa Ehipto (Ginagamit ng KJV ang mas matandang pangalang “No” para sa lunsod). Ito ay naganap noong 663 B.C. Nangaral si Nahum sa pagitan ng pagbagsak ng Tebes (663 B.C.) at ang pagbagsak ng Nineve (612 B.C.).
Habakuk: Isang Pag-uusap sa pagitan ng Dios at Kanyang Propeta
Isang sulyap sa aklat ng Habakuk
May Akda
Habakuk
Petsa
Maaaring sa pagitan ng 608 at 605 B.C.
Tema
Pag-unawa sa Pamamaraan ng Dios
Layunin
Upang ipakita ang mga layunin ng Dios kay Habakkuk
Ang Ebanghelyo sa aklat ng Habakuk
Ang Habakuk. 2:4 ay tatlong beses na nabanggit sa Bagong Tipan. “Ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pananampalataya” ito ang plano ng Dios sa kanyang mamamayan sa lahat ng panahon.
Kalagayang Pangkasaysayan ng Habakuk
Ang Habakkuk ay kakaiba sa ibang aklat ng mga propesiya; wala itong direktang tinutukoy na tagapakinig. Sa halip, ang aklat ay binubuo ng mga pag-uusap sa pagitan ng Dios at ng propeta.
Si Habakuk ay nagministeryo sa mga taon na patungo sa pagbagsak ng Jerusalem. Karamihan sa mga iskolar ay naniniwala na ang pag-uusap sa Habakuk ay nangyari sa panahon bago ang paghahari ni Nebucodonosor noong 605 B.C. Sa loob ng dalawampung taon ng pagpapahayag ni Habakuk ng mga pahayag mula sa Dios, ang propesiya ay mabibigyang katuparan.
Layunin ng Habakuk
Ang aklat ng Habakuk ay nagpapakita ng layunin ng Dios sa propeta. Sa pamamagitan ng mga katanungan ni Habakuk at mga pagtugon ng Dios, natutunan ng propeta na magtiwala sa makapangyarihang plano ng Dios.
Ang Mensahe ng Habakuk
Unang Katanungan: Bakit sumasagana ang masamang bayan ng Juda? (Habakuk. 1:1-11)
Habang nakikita ni Habakuk ang pagbagsak ng espiritwal at moral ng Juda, siya ay nabalisa sa tila ba kawalan ng pagtugon ng Dios patungkol dito. Nagtanong si Habakuk, “Bakit po ninyo ipinapakita sa akin ang mga kasalaan at kaguluhan, at bakit hindi ninyo tinitingnan ang kasamaan?”[1] Para kay Habakuk, na tila ang katarungan ay napilipit na.
Nagulat ang propeta sa naging tugon ng Dios. Sinabing Dios kay Habakuk na pamamahalain niya ang mga taga Cadeo para hatulan ang Juda.[2] Ang kanilang mga kabayo ay mas mabilis kaysa sa mga hayop na leopardo; para silang magiging mga agila na gutom sa pangbibiktima.
Ikalawang Katanungan: Paano gagamitin ng Dios ang Babilonia para hatulan ang Juda? (Habakuk. 1:12 – 2:20)
Habang ipinakikita ng Dios sa unang tugon niya na hindi niya binabalewala ang kasamaan, ito ay nagbunga pa sa mas malalaking katanungan. Paano hahatulan ng Dios ang Juda sa pamamagitan ng isang mas higit na masamang bansa? Tunay nga na ang Juda ay nararapat lamang na hatulan, ngunit ang Babilonia ay mas higit na masama kaysa sa Juda. Tinanong ni Habakuk ang Dios, Paano kayo “nananatiling walang kibo gayong pinupuksa ng masasama ang mga taong higit na mabuti kaysa sa kanila?’”[3]
Bilang tugon, sinabi ng Dios kay Habakuk na isulat ang isang pangitain. Tiyak ang paghatol ng Dios at ito ay mangyayari ayon sa ipinangako ng Dios. Dapat na magpasya si Habakuk kung alin sa dalawa ang kanyang magiging tugon. Maaari siyang maging mapagmataas o kaya naman ay magpasakop ng may pananampalataya sa mga layunin ng Dios.
Ang mensaheng ito ay sinundan ng pagpapahayag ng plano ng Dios sa paghatol sa Babilonia. Sa pamamagitan ng serye ng limang woe oracles/pahayag ng pagiging “kawawa”, ipinakita ni Habakuk na ang Babilonia ay mapipilitang inumin ang tasa ng galit ng Panginoon. Sila ay nagtitiwala sa mga dios-diosan, ngunit ang kanilang pagtitiwala sa mga dios-diosan ay walang kabuluhan. Hindi katulad ng mga walang kabuluhang dios-diosan, “Ang Panginoon ay nasa kanyang banal na templo.” Ang natatangi at nararapat lamang na pagtugon ay pagtahimik sa harapan ng kanyang soberenya.
Ang panalangin ng Pagpapasakop ni Habakuk (Habakuk. 3)
Bilang tugon sa mga ipinahayag ng Dios, si Habakuk ay sumang-ayon at nagpasakop sa mga layunin ng Dios. Siya ay nanalangin na sa paghatol ng Dios ay magpakita rin ng awa sa kanila; inilarawan niya ang kapangyarihan at soberenya ng Dios; at siya ay nagpasakop sa layunin ng Dios. Nagwakas ang propeta sa pagpapahayag ng pagtitiwala: “Ang PANGINOONG Dios ay ang aking kalakasan, pinapalakas niya ang aking mga paa tulad ng mga paa ng usa, upang makaakyat ako sa mataas na lugar.”
Ang aklat ng Habakuk sa Bagong Tipan
Ang pahayag sa Habakuk na, “Ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pananampalataya,” ay tatlong beses binanggit sa Bagong Tipan. Sa Roma 1:17, binanggit ni Pablo ang sinabi sa Habakuk upang ipakita na itinuturing tayong matuwid ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa Galacia 3:11, ipinakita na salungat ito sa mga pagtatangka ng mga Hudyo na maituring na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan. Sa halip na maituring na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan, itinuro ni Pablo na “ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pananampalataya.” Sa Hebreo 10:38, binigyang diin sa talatang ito ang patuloy na aspeto ng pananampalataya. Sa halip na “tumalikod muli,” ang matuwid ay magpapatuloy na “mamuhay ng may pananampalataya.” Sa Bagong Tipan, katulad ng sa Lumang Tipan, ang pananampalataya at pagtitiwala sa mga layunin ng Dios ang siyang tumutulong sa atin upang mabigyang kaluguran ang Dios.
Upang bigyang babala ang Juda at lahat ng bansa patungkol sa araw ng Panginoon
Ang Ebanghelyo sa aklat ng Zefanias
Ang aklat ng Zefanias ay nakatuon sa isang panahon kung saan ang lahat ng bansa ay sasamba sa Dios ng Israel. Ito ay nabigyang katuparan sa mga iglesia na binubuo ng kapwa Hudyo at Hentil (Efeso 3:1-6).
Kalagayang Pangkasaysayan ng Zefanias
Ang pangalang Zefanias ay nangangahulugang “itinago ni Jehovah,” isang pangalang nagpapakita na ang kanyang mga magulang ay posibleng tapat sa Dios kahit na sa mga panahon ng pagtalikod ng Juda noong panahon sa ilalim ng pamamahala ni Haring Ahaz. Ipinahayag ni Zefanias ang propesiya noong panahon ng paghahari ni Josias, ang huling mabuting hari ng Juda. Siya ay kasabayan nina Habakuk at Jeremias. Dahil tinukoy ni Zefanias na ang pagbagsak ng Nineve ay pangyayari sa hinaharap, ang kanyang ministeryo ay maaaring nagtapos bago ang 612 B.C.[1]
Sa panimula ng Zefanias ay binabakas niya ang kanyang mga ninuno na mula pa sa ika-apat na salinlahi ni Haring Hezekias.[2] Siya ay bahagi ng maharlikang pamilya at maaaring kapamilya ni Haring Josias.
Layunin ng Zefanias
Higit pa sa ibang mga propeta, si Zefanias ay nagpahayag patungkol sa araw ng Panginoon. Anim na beses sa maliit na aklat na ito, tinukoy ng propeta ang araw ng Panginoon. Katulad ni Joel, Ezekiel, at Amos, ipinakita ni Zefanias na ang araw na ito ng Panginoon ay magdadala ng parehong paghuhukom sa mga suwail at pagpapala sa mga tapat. Ipinakita ng Zefanias na ang araw na ito ng Panginoon ay makakaapekto sa lahat ng tao, hindi lamang para sa Juda at mga mamamayan ng tipan.
Mensahe ng Zefanias
Unang ipinahayag sa Zefanias ang pagpaparusa ng Dios sa Juda. Dahil sa pagsamba ng Juda kay Baal, sa “mga anghel sa langit,” at iba pang mga dios-diosan, parurusahan ng Dios ang buong bayan. Ang mga kabahayan sa Jerusalem ay mapapabayaan din. Ang araw ng Panginoon ay ipapahayag bilang “ang araw ng galit ng Dios, isang araw ng pighati at paghihirap, isang araw ng pagkasira at kalungkutan, isang araw ng kadiliman kawalan ng pag-asa, isang araw ng mga ulap at makapal na dilim, isang araw na maririnig ang tunog ng propeta at babala laban sa mga lungsod, at sa may matataas na tore.”[3]
Pagkatapos ay nagpahayag naman si Zefanias sa mga bansa. Ang mga Filisteo ay daranas ng pagpaparusa ng Dios; Ang Moab at Ammon ay sisirain; Ang mga taga-Etiopia (Cush) ay papatayin; at ang Asiria ay wawasakin din. Ang araw ng Panginoon ay araw ng pagpaparusa sa mga bansang ito.
Ang mga Hudyong tagapakinig ni Zefanias ay maaaring nagagalak sa pagkakarinig na parurusahan ang kanilang mga kaaway. Gayunpaman, muling bumalik si Zefanias sa tema ng pagpaparusa sa Juda. “Nakakaawa ang Jerusalem! Ang mga mamamayan nito ay nagrerebelde sa Dios at gumagawa ng karumihan. Ang kanyang mga pinuno ay mapang-api!”[4] Nakakalungkot, ang marumi at bayang gumagawa ng karumihan ay ang Jerusalem. Ang kanyang mga pinuno, hukom, propeta at pari ay parurusahan dahil hindi nila tinanggap ang pagtutuwid ng Dios. Dahil dito, ang pagpaparusa na ibubuhos sa “lahat ng bansa” ay ibubuhos din sa Juda.
Ang araw ng Panginoon ay araw ng paghuhukom. Ngunit kung ang mga tao ay magsisisi, ito ay maaaring maging araw ng muling pagpapanumbalik. Ipinangako ng Dios na may ititira siya sa Juda na “magtitiwala sa pangalan ng Panginoon.” At sila ay “hindi gagawa ng kasamaan, o magsasalita o magsisinungaling.”[5] Ipinangako ng Dios na iingatan niya ang mga taong ito mula sa kanilang kaaway.
Sa mga huling talata ng Zefanias, nangako ang Dios na ililigtas niya ang Jerusalem. Ililigtas niya ang kanyang mamamayan at gagawin silang “tanyag at sila ay pararangalan ng lahat ng tao sa mundo.”
►Ang Minor Prophets ay nagdala ng mensahe ng Dios sa lahat ng bansa. Ang mensahe ay karaniwang nakalaan sa isa lang tiyak na tagapakinig ng propeta. Ayon sa 2 Timoteo 3:16, ang lahat ng Kasulatan ay kagamit-gamit sa lahat ng Kristiyano sa lahat ng panahon. Paano nangungusap ang mensahe ng Minor Prophets sa panahon natin ngayon?
Isang Mas Malapit na Pagtanaw sa Pagbibigay Kahulugan sa Lumang Tipan
Para sa maraming mambabasa, ang mga aklat ng propesiya sa Lumang Tipan ay ilan sa mga pinakamahirap intindihing aklat sa Biblia. Ang ilang mambabasa ay nagsasabi na ang mga aklat ng propesiya ay wala namang mensahe para sa panahon natin ngayon. Ang ilang tagapagsalin ay naghahanap ng nakatagong mensahe sa mga aklat na ito. Ang mga paraang ito ay kapwa naglalayo sa atin sa pinakapangunahing katotohanan ng mga propeta ng Lumang Tipan.
Paano nangungusap ang mga propesiya ng Lumang Tipan sa mga Kristiyano sa panahon natin ngayon? Sila Scott Duvall at Daniel Hays ay nagbigay ng modelo kung paano natin dapat bigyang kahulugan at isabuhay ang Biblia sa panahon natin ngayon. Ito ay isang modelo na mahusay na magagamit sa pagbibigay kahulugan sa mga propetikong aklat. Ito ay binubuo ng limang katanungan na ayon sa teksto ng Biblia.[1]
(1) Ang Kanilang Bayan: Ano ang orihinal na mensahe ng propeta?
Ito ay nagtatanong kung paano pinakikinggan ng mga orihinal na tagapakinig ang mensahe ng propeta. Ano ang mensahe ng propeta sa kanyang panahon? Ito ay tumutulong upang maiugnay natin ang ating pagbibigay kahulugan sa orihinal na mensahe. Mapanganib na “basahin” sa Banal na Kasulatan ang isang mensahe na maaaring ang mismong mga orihinal na tagapakinig ay hindi ito nakita o naunawaan.[2]
Halimbawa, si Nahum ay nangaral ng isang mensahe ng pagpaparusa sa Nineve. Narinig ng kanyang mga tagapakinig ang isang pahayag na ang Nineve ay wawasakin dahil sa kanyang kalupitan, sekswal na imoralidad, at kanyang pagsamba sa mga dios-diosan. Ito ang orihinal na mensahe ng propeta.
(2) Ang Ilog: Ano ang naghihiwalay sa mga orihinal na tagapakinig mula sa kasalukuyan?
Pinag-aaaralan ng katanungang ito kung paanong ang kultura, mga salita, panahon, at sitwasyon sa ngayon ay naiiba mula sa tagpo sa Biblia. Tinitingnan din nito ang pagkakaiba sa pagitan ng luma at bagong tipan.
Ang aklat ng Nahum ay patungkol sa isang partikular na bayan sa partikular na panahon. Habang binabasa natin ang Nahum, malalaman natin na ang bayan ng Nineve ay wala na. Karamihan sa mga mambabasa ngayon ay hindi naman namumuhay sa bansa na malupit at pinagmamalupitan ang iba pang mga bansa sa mundo. At higit pa dyan, tayo ay namumuhay sa bagong tipan kung saan ang pagpaparusa ng Dios ay hindi naman nakikita ng kasing linaw noong panahon ng lumang tipan.
(3) Ang Tulay: Ano ang prinsipyo sa likod ng orihinal na mensahe ng propeta?
Ang katanungang ito ay nagtutulak sa mambabasa na tumingin ng higit sa pangunahing kalagayan ng propeta upang makita ang prinsipyong itinuturo. Ang prinsipyong ito ay mailalapat sa lahat ng panahon at lahat ng kultura. Ito ay hindi lamang para sa pangunahing tagapakinig ng propeta.
Kahit na maraming pagkakaiba sa pagitan ng ating panahon at sa panahon ng Nahum, ang prinsipyo ng katarungan ng Dios ay pangkalahatan. Ang isang banal at makatarungang Dios ay hindi maaaring palampasin ang mga kasalanan ng Asiria. Ang katarungan ng Dios ay makikita sa kabuuan ng Banal na Kasulatan at kasaysayan ng sangkatauhan; ang mensahe ay hindi nalilimitahan o hindi lang para sa Nineve.
(4)Ang Mapa: Paano nakikita ang prinsipyo sa kabuuan ng Banal na Kasulatan?
Isinasaalang-alang ng katanungang ito ang talatang pinag-aaralan ng may pagtingin sa kabuuan ng pagkakapahayag sa Biblia. Ito ay tumutulong sa atin na makasigurado na hindi natin inilalayo ang isang talata mula sa biblikal na konteksto nito at sa gayun ay “makahanap” ng prinsipyong salungat sa itinuturo ng Biblia sa kabuuan ng Banal na Kasulatan. Para sa mga talata sa Lumang Tipan, ang hakbang na ito ay nagbibigay ng espesyal na atensyon sa kung ano ang ipinapahayag ng pagdating ni Cristo Jesus patungkol sa prinsipyo.
Kung ating pag-aaralan ang prinsipyo ng katarungan ng Dios sa kabuuan ng Banal na Kasulatan, makikita natin na ang aklat ng Nahum ay tumutugma sa ibang mga katuruan sa Biblia patungkol sa katangian ng Dios. Ang Pentateuch ay nagtuturo na dapat parusahan ng Dios ang kasalanan. Ipinapakita ng mga makasaysayang aklat na ito ang kanyang katarungan na kumikilos – kahit maging sa kanyang sariling mamamayang Israel. Ang mga propeta ay paulit-ulit na nagpatotoo sa katarungan ng Dios. Sa Bagong Tipan, ipinangaral ni Jesus ang tungkol sa awa ngDios gayundin naman ang tungkol sa paghatol ng Dios.[3] Ipinapaalala sa atin ni Pablo na ang “Ang Dios ay hindi madadaya ninuman: sapagkat kung ano ang itinanim ng tao, ay iyon din ang aanihin niya.”[4]
(5) Ang Ating Bayan: Paano ginagamit ang prinsipyo sa panahon ngayon?
Ito ang pagkakataon kung saan ang mambabasa mula sa pagbibigay kahulugan ay tutungo kung paano ito gagamitin. Ang hakbang na ito ay nagtatanong kung paano natin isasabuhay ang prinsipyong itinuturo sa praktikal na paraan para sa kasalukuyan.
Kapag binasa natin ang aklat ng Nahum, itinatanong natin, “Paano makikita ang katarungan ng Dios sa panahon natin ngayon?” at “Paano tayo dapat mamuhay na ayon sa katarungan ng Dios?” Ang katarungan ng Dios ay maaaring hindi makita sa isang agaran at dramatikong pamamaraan na katulad ng nakita natin sa Lumang Tipan. Gayunpaman, ang katarungan ng Dios ay nananatili at hindi nagbabago, at ang kanyang paghatol ay tiyak. Sa ating pagbabahagi ng Salita ng Dios sa ating panahon, dapat nating ipahayag hindi lamang ang awa ng Dios, kundi maging ang Kanyang paghatol. Kahit na ang mensaheng ito ay hindi higit na popular sa panahon ngayon kaysa sa panahon ng propeta ng Lumang Tipan, ito ay pangunahing katotohanan na nararapat lamang na ipahayag ng mga tapat sa buong Salita ng Dios.
[1]Hinango kina J.Scott Duvall at John Daniel Hays. Grasping God’s Word, 3rd ed. Zondervan, 2012.
Image: "Interpreting the Bible" drawing by Anna Boggs, available from https://www.flickr.com/photos/sgc-library/52377290578, licensed under CC BY 2.0.
[2]Ang teknikal na salita sa pagbibigay-kahulugan sa Kasulatan ay exegesis – bigyang kahulugan o “hanguin mula” sa teksto patungo sa kahulugan nito. Ang kabaligtaran ng exegesis ay eisegesis. Ang eisegesis ay nagsisimula sa aking sariling mga ideya at hinahanap ang mga ideyang iyon sa loob ng teksto. Bilang mag-aaral ng Kasulatan, dapat tayong magsimula sa orihinal na kahulugan, hindi sa ating sariling mga ideya.
[3]Ang Mat. 11:20-24 ay isa sa mga halimbawa ng mensahe ni Jesus patungkol sa darating na paghuhukom.
Isang Pang-Sariling Gabay para sa Pag-aaral ng Minor Prophets
(1) Basahin ang buong aklat sa isang upuan upang makuha ang pangkalahatang ideya ng mensahe ng propeta. [1]
(2) Pag-aralan ang tungkol sa may akda. Mula sa impormasyon na makikita sa umpisa ng aklat ng propeta, sagutin ang mga sumusunod na katanungan patungkol sa propeta:
Saan siya nagmula?
Ano ang alam natin tungkol sa kanyang mga magulang?
Ano ang kanyang trabaho?
Ano ang alam natin tungkol sa kanyang pamilya?
Kailan at gaano siya katagal nagministeryo?
(3) Pag-aralan ang kalagayang pangkasaysayan. Hanapin ang mga sumusunod na impormasyon:
Kanino siya nagpahayag ng propesiya?
Sino ang mga haring namumuno sa panahon ng kanyang pagmiministeryo?
Ano ang mga espiritwal at panlipunang kalagayan noong panahon niya?
Sino ang iba pang propeta na nagministeryo sa parehong panahon niya?
(4) Basahin ulit ang aklat sa ikalawang pagkakataon at magsulat ng pamagat para sa bawat kabanata na nagbubuod sa nilalaman nito. Habang nagbabasa ka, salungguhitan o kulayan ang mga salita na madalas na nababanggit. Pag natapos mo na ito, alamin mo ang mga mahalagang tema sa aklat.
(5) Ilista ang mga pangunahing kasalanan na natagpuan sa aklat.
(6) Ilista ang mga pangunahing propesiya na natagpuan sa aklat.
(7) Sumulat ng isang pahinang-buod ng aklat batay sa mga sagot sa mga naunang nabanggit na katanungan.
[1]Adapted from Danny McCain, Notes on Old Testament Introduction. Africa Christian Textbooks, 2002. Pgs 347-348.
Takdang Aralin sa Leksiyon
(1) Kumpletuhin ang isa sa mga sumusunod na takdang aralin.
Option 1: Takdang Araling Pang Grupo
Suriin ang isa sa mga Minor Prophets gamit ang modelo na binanggit sa “Isang Mas Malapit na Pagtingin sa Propesiya sa Lumang Tipan.” Talakayin ang orihinal na mensahe ng propeta, ang mga pagkakaiba sa pagitan ng panahon ng mga propeta at ating panahon, at ang mga prinsipyong itinuro ng propeta. Hanapin ang 2-3 na paraan na kung paano gamitin o isabuhay ang mensahe ng propeta sa kasalukuyang panahon.
Option 2: Takdang Araling Pang Indibidwal
Suriin ang isa sa mga Minor Prophets gamit ang “Isang Pang-Sariling Gabay para sa Pag-aaral ng Minor Prophets.”
(2) Kumuha ng pagsusulit sa leksiyong ito. Kabilang sa pagsusulit ang talata ng Banal na Kasulatang nakatakdang isa-ulo.
Maga Tanong Para sa Leksiyon 13
(1) Ano ang layunin ng aklat ng Obadias?
(2) Ano ang tema ng aklat ng Jonas?
(3) Maglista ng dalawang paraan kung paano ipinapakita sa aklat ng Jonas ang soberenya ng Dios.
(4) Ano ang dalawang leksiyong itinuturo sa aklat ng Jonas?
(5) Ayon sa aklat ng Micas, ano ang tatlong katangian na nagbubuod sa hinihingi ng kautusan?
(6) Ano ang ibinigay na propesiya patungkol sa kapanganakan ni Jesus sa aklat ng Micas?
(7) Para kanino naisulat ang aklat ng Nahum?
(8) Ilista ang dalawang katanunganni Habakuk at ang tugon ng Dios.
(9) Ano ang pangunahing tema ng Zefanias?
(10) Ano ang limang hakbang na ibinigay para sa pagbibigay-kahulugan sa propesiya sa Lumang Tipan?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.