Sa pagtatapos ng leksiyong ito, ang mag-aaral ay dapat:
(1) Italaga ang sarili sa pagsunod sa mga prinsipyo ng Dios para sa wastong paggamit at pangangasiwa ng pananalapi at lahat ng mapagkukunan ng pangangailangan.
(2) Unawain ang mga espirituwal na panganib na kaugnay ng hindi wastong paniniwala tungkol at paggamit ng pera at kung paano maiiwasan ang mga ito.
Namuhay si John Wesley sa England mula 1703 hanggang 1791. Ipinangaral niya ang ebanghelyo sa labas sa mga taong mahihirap na hindi tinatanggap sa mga iglesya. Namuhay siya ng maingat, sinisikap na parangalan ang Dios sa bawat detalye ng kanyang buhay, kabilang dito ang kanyang paggamit ng pera. Itinuro niya na kapag ang mga Kristiyano ay kumikita ng pera, dapat nilang ipunin ang lahat ng kanilang makakaya at ibigay ang lahat ng kanilang makakaya. Siya ay isang matapat na halimbawa ng paggamit ng disiplinadong kaugaliang pampananalapi. Binawasan niya ang kanyang taunang gastusin, upang magkaroon siya ng mas maraming maipamimigay. Pagkatapos, nang tumaas ang kanyang kinikita, pinanatili niya ang kanyang mga gastos, at ipinamigay ang natira. Bagaman kumita siya ng 30,000 pounds sa kanyang buong buhay, nang siya ay mamatay mayroon lamang siyang kaunting barya sa kanyang bulsa. Alam ni Wesley na pinagtitiwalaan ng Dios ang mga tao upang pamahalaan ang pera para sa kanya, at itinuro na ang mga Kristiyano ay dapat sumunod sa mga prinsipyo ng Dios sa pangangasiwa sa pera.
Panimula
Binanggit ng Bagong Tipan ang pera nang higit sa alinmang ibang paksa, hindi dahil napakahalaga ng pera para sa Dios, kundi dahil napakaraming suliranin ng mga tao patungkol sa pera.
Bilang Manlilikha, ang Dios ang may-ari ng lahat ng tao at ang kayamanan na taglay nila. Bilang mga Kristiyano, tayo ay pag-aari ng Dios sa espesyal na paraan, dahil tinubos niya tayo. Dapat nating ituring ang ating mga sarili bilang mga tagapangasiwa ng mga pag-aari na dapat gamitin para sa kaluwalhatian ng Dios. Hindi mali na magkaroon ng kasiyahan sa mga mabubuting bagay. Nagagalak ang Dios na pagpalain tayo kapag tinatanggap natin ang lahat ng bagay nang may pasasalamat at kababaang-loob.
Subalit ang pera ay isang espirituwal na panganib para sa karamihan ng mga tao.
Mga Babala at Panuntunan Para sa Mayayaman
► Ano ang ibig sabihin ng pagiging mayaman?
May iba’t-ibang dahilan na ang isang tao ay maaaring ituring na mayaman.
Kapag mayroon kang pera na ipambibili ng higit sa pangunahing pangangailangan, mas mayaman ka kaysa sa kalahati ng lahat ng tao sa mundo. Maraming tao ang nagtatrabaho araw-araw upang kumita ng para sa pagkain nila sa araw na iyon; kapag may isang bagay na nangyayari na nakapipigil sa kanilang pagtratrabaho, wala silang pagkain sa araw na iyon.
Karaniwang itinuturing ng mga tao na ang isang tao ay mayaman kapag mas marami siyang pag-aari kaysa karamihan sa mga tao sa kanyang sariling lipunan. Ipinapakita ng kanyang paraan ng pamumuhay na gumagastos siya ng higit na pera kaysa karamihan sa mga tao. Itinuturing siya ng mga tao na nasa mas mataas na kalagayan sa lipunan. Maaari siyang magkaroon ng kasiyahan sa mga karangyaan na hindi kayang bilhin nang karamihan sa mga tao. Mayroon siyang impluwensiya sa mga tao na may awtoridad. Ang mga tao ay handang maglingkod sa kanya dahil sa kanyang pag-aari.
Ang Biblia ay may mga espesyal na direksiyon at mga babala para sa mayayaman.
Isang napakaseryosong babala ang pangungusap ni Hesus na napakahirap para sa isang mayaman na makapunta sa langit (Mateo 19:24).
Makakakuha tayo ng pang-unawa sa mga panganib ng kayamanan mula sa mensahe ni Apostol Pablo para sa mayayaman.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Timoteo 6:17-19 para sa grupo.
Nagbigay ng babala si Pablo sa mayayaman na huwag nilang ituring ang kanilang sarili na mas mataas ang kalagayan kaysa sa ibang tao. Mayroong tukso para sa mayayaman na isipin na mas mataas ang kanilang uri kaysa sa iba. Binigyang babala rin ni Santiago ang iglesya na huwag gawin ang parehong pagkakamali, na pinararangalan ang mga tao dahil sa kanilang kayamanan o kalagayang panlipunan (Santiago 2:1-4).
Ang taong mayaman ay hindi dapat makaramdam ng seguridad dahil sa kanyang kayamanan kundi dapat siyang umasa sa Dios. Mas mahirap para sa isang mayaman ang maramdaman ang pangangailangan sa ibibigay ng Dios kapag mayroon siyang sobrang pananalapi. Mayroong tukso na maging walang-ingat sa espirituwal dahil hindi nararamdaman ang pangangailangan sa tulong ng Dios (Deuteronomio 8:6-18).
Ang mayayaman ay dapat maging bukas-palad sa pagbibigay at gumawa ng mga mabubuting bagay gamit ang kanilang pera.
Isa sa mga kahatulan sa mayayamang tao sa sanlibutan sa Santiago 5:5 ay ang kanilang pamumuhay nang may kasiyahan habang ang ibang tao ay nagdurusa. Maraming mabubuting bagay ang magagawa kung matalino ang pagbibigay. Hindi makabibili ng kaligayahan ang pera, ngunit ito ay makababawas ng maraming kalungkutan. Hindi wasto para sa isang tao na ipagwalang-bahala ang paghihirap ng ibang tao habang nabubuhay siya sa karangyaan.
Sa pamamagitan ni propeta Amos, ipinapahayag ng Dios ang kanyang puso para sa katarungan para sa tao (habag at malasakit para sa mahihirap at inaapi) sa mga salitang ito: “Subalit hayaang umagos ang katarungan na tulad ng tubig, at ang pagiging matuwid tulad ng isang makapangyarihang bukal” (5:24). Ipinahayag ng Dios ang hatol sa kaginhawahan kapag ang kaginhawahan ay nagbubunga ngkapanatagan, pagpapasarap sa buhay, at pagiging kakaiba sa kalagayan ng mahihirap (Amos 6:1; 3-6; 8:4-7, 11-12).
Ang bawat Kristiyano ay dapat magsakripisyo sa pagbibigay sa pagtulong sa mahihirap at inaapi, dapat magbigay ng ikapu bilang suporta sa lokal na iglesya, at dapat magbigay upang sumuporta sa gawaing pangmisyon para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sinabi ni John Wesley na mayroong tatlong dahilan kung bakit ang iglesya sa kanyang panahon ay nakagawa lamang ng kaka-unting epekto sa mundo:
(1) Kakulangan ng matibay na doktrina
(2) Kakulangan ng disiplinang may pananagutan
(3) Kakulangan ng pansariling pagsasakripisyo
Ang Pagmamahal sa Pera
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Timoteo 6:8-10 para sa grupo.
Ang mga babala tungkol sa pera ay hindi nakatuon sa mayayaman lamang. Maraming mahihirap ang may pakiramdam na hindi sila kailanman magiging masaya dahil sila ay mahirap. Sinasabi ng Biblia na ang pag-ibig sa pera ay nagiging dahilan ng lahat ng uri ng kasamaan. Ang babalang iyon ay maaaring gamitin sa lahat ng tao.
Ang pag-ibig sa pera ay hindi kailanman masisiyahan. Ang isang taong nagmamahal sa pera ay hindi kailanman masisiyahan anumang dami mayroon nito (Mangangaral 5:10). Sinasabi sa atin ng Biblia na dapat nating iwasan ang pag-ibig sa pera at makontento sa ating mga pangunahing pangangailangan (Hebreo 13:5).
Ang taong nasasabik sa kagustuhang yumaman ay maraming matukso upang ikompromiso ang kanyang katauhan. Sa proseso ng pagsisikap na maging mayaman, maaaring talikuran ng isang tao ang kanyang pananampalataya at dumanas ng maraming kalungkutan sa halip na kaligayahan na tulad ng kanyang inaasahan.
Kung minsan nakakaakit ng mga tagasunod ang mga tagapangunang panrelihiyon sa pamamagitan ng pangakong sila ay yayaman. Sinasabi nila na ang isang taong may pananampalataya ay dapat may kayamanan. Maraming tao sa mahihirap na lipunan ang naaakit ng ganitong mga pangako dahil mahirap ang kanilang mga buhay. Palaging nagsasalita at nangangaral ang mga lider na ito tungkol sa pera at ipinagmamalaki nila na naipapakita rin nila ang parehong mga tanda ng tagumpay sa pananalapi tulad ng naipapakita ng mga tao sa sanlibutan.
Sinasabi ng Biblia na ang pagiging makaDios nang may pagiging kontento sa buhay ay isang mahalagang katangian. Ang isang taong naghahangad ng kayamanan sa pamamagitan ng paraang panrelihiyon ay nakaharap sa parehong panganib ng sinumang tao sa mundo na naghahangad ng kayamanan. Ang mga iglesya na nangangako ng kayamanan ay nakakaakit ng mga taong hindi pa nagbabalik-loob sa pamamagitan ng pag-akit sa kanilang personal na pagnanasa. Gayunman, ang mga iglesyang ito ay napupuno ng mga taong umaasa ngunit hindi kailanman natatanggap ang ipinapangako sa kanila. Ang tanging tao na yumayaman sa ebanghelyo ng kayamanan ay ang mga mangangaral na kumukolekta ng mga kaloob mula sa mga taong naniniwala sa kanila.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Filipos 4:10-13 para sa grupo.
Nagpapasalamat si Pablo sa mga mananampalataya sa Filipos na nagpadala ng kaloob para isuporta sa kanya. Sinabi niya sa kanila na natutuhan na niyang makontento sa anumang kundisyon, maging kagutuman. Ang pangungusap na ito ay nagpapakita sa atin na hindi laging masagana ang pera ni Pablo. Sinabi niya na sa tulong ng Dios magagawa niya ang lahat ng bagay. Ang konteksto ng pangungusap ay nagpapakita na ibig niyang sabihin na sa anumang kundisyon maaari siyang maging kontento at matapat sa Dios.
Katapatan
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Kawikaan 11:1 para sa grupo.
Ang talatang ito ay nagsasalita tungkol sa mga timbangan na ginagamit sa pagbebenta ng mga bagay ayon sa timbang, tulad ng prutas o gulay o karne. Kung minsan ang mga tao ay may timbangan na nakadisenyo upang magbigay ng maling timbang upang makakuha ng ekstrang pera. Sinasabi ng talatang ito na kinamumuhian ng Dios ang kawalang katapatan.
Maraming tao ang gumagawa ng hindi matapat na bagay para sa pera. Ang susunod na leksiyon sa kursong ito ay sa paksa ng katapatan.
Pagtitiwala sa Dios
Sumulat si Apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos at ipinangako na ipagkakaloob ng Dios ang kanilang mga pangangailangan. Ito ay isang kamangha-manghang pangako. Dapat nating tingnan ang sipi kung saan ito natatagpuan upang makita kung ano ang sitwasyong umiiral.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Filipos 4:15-19 para sa grupo.
Nagpadala ng suportang pinansyal ang iglesya kay Pablo. Sinabi niya na iyon ay isang sakripisyo para sa Dios. Ipinangako niya na ipagkakaloob ng Dios ang kanilang mga pangangailangan. Hindi niya ipinangako ang malaking pagpapadami ng kanilang pera.
Ang pangakong ito ay hindi para sa mga taong naging iresponsable o bulagsak. Ito ay para sa mga taong napamahalaan ang kanilang pananalapi ayon sa prayoridad na espirituwal.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Mateo 6:25-33 para sa grupo.
Nagsalita si Hesus kung paanong pinakakain ng Dios ang mga ibon at pinagaganda ang mga bulaklak at ipinangako na pangangalagaan niya tayo. Sinabi niya sa atin na huwag mag-alala tungkol sa ating ikabubuhay. Ipinapangako Niya na kung uunahin natin ang kaharian ng Dios ipagkakaloob niya ang ating mga pangangailangan.
Karaniwang nag-aalala ang mga tao hindi lamang para sa araw na ito kundi tungkol sa hinaharap. Hindi ipinangako ng Dios na ipagkakaloob ang lahat nang kailangan bago pa ang panahon na kakailanganin iyon. Alalahanin na sa Lumang Tipan nang bumagsak ang manna, dumarating ito araw-araw (Exodo 16). Gayundin naman, sinabi ni Hesus na dapat nating ipanalangin ang ating “tinapay sa araw-araw” (Mateo 6:11). Nais ng Dios na pagtiwalaan natin siya sa araw-araw.
Sinabi ni Santiago na ginawa ng Dios na “mayaman sa pananampalataya” ang mahirap (Santiago 2:5). Ang mga mahihirap ay may mas mabuting pagkakataon na umasa sa Dios kaysa sa mga taong may seguridad sa pananalapi.
Ang pagtitiwala sa Dios ay hindi nangangahulugan na dapat tayong maging iresponsable. Karaniwang nagkakaloob ang Dios sa atin sa pamamagitan ng ating trabaho (Efeso 4:28). Kung ang isang tao ay hindi nakahandang magtrabaho, hindi siya dapat umasa na pagkakalooban siya ng Dios, at ang ibang tao ay hindi dapat obligahin na magbigay sa kanya (2 Tesalonica 3:10).
Hindi natin dapat asahan ang probisyon ng Dios upang gawin tayong mayaman. Pinagpapala ng Dios ang ilang tao ng kayamanan, ngunit hindi kayamanan ang plano ng Dios para sa lahat ng tao. Ang isang taong may matinding pagnanais na yumaman ay magkakaroon ng suliraning espirituwal.
Gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan
Ang gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan ay mga bagay na taglay ng mga tao upang tulungan silang makalikha. Halimbawa ng mga ito ay lupa, isang set ng kagamitan, o isang kompyuter. Maaaring gamitin ng isang tao ang isang gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan upang kumita, subali’t dapat niyang panatilihin iyon at hindi maaaring ibenta. Kung hindi, matitigil ang produksiyon. Ang isang reperensiya sa Biblia na tumutukoy sa gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan ay Kawikaan 14:4, “Kapag walang baka, ang kulungan ay malinis, subali’t maaaring magkaroon ng maraming kita mula sa lakas ng isang baka.”
Maaaring hindi maunawaan ng isang taong mahirap ang konsepto ng gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan. Halimbawa, maaari niyang isipin na ang kanyang kaibigan ay maraming pera dahil mayroon siyang mamahaling set ng kagamitan, o may kompyuter, o may sasakyan. Iniisip niya na ang kanyang kaibigan o kamag-anak na mayroong ganoong gamit ay dapat makapagbigay sa kanya ng pera kapag kailangan niya ito. Gayunman, ang alinman sa mga bagay na iyon ay maaaring isang gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan na hindi maaaring ibenta nang hindi magiging dahilan upang mawalan ito ng hanapbuhay.
► Ano ang iba pang halimbawa ng gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan sa inyong kapaligiran?
Kung hindi nauunawaan ng isang tao kung paano gumagana para sa ibang tao ang gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan, marahil hindi niya nalalaman kung anong katulad na mga bagay ang maaari niyang magamit. Maaaring hindi niya masabi nang tiyakan kung ano ang pinakakailangan niya o kung anong uri ng tulong ang makakabago sa kanyang kalagayan. Maaari niyang ilarawan ang tulong bilang isang agaran, maikling pagbuti sa kanyang pang-araw-araw na pagsisikap, sa halip na bilang isang tunay na pagbabago ng buhay.
Isang aspeto ng kahirapan ay ang kawalan ng gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan. Malibang ang isang taong naghihirap ay matutuhan ang pangangailangan ng pagkakaroon, pangangalaga at pagpapaunlad gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan, hindi siya maiaalis sa pagpapakalingan.
Sa ilang kultura, mahirap para sa isang tao ang mag-ipon ng pera at pagbuo ng mga gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan, dahil ang mga tao sa kanyang paligid ay umaasa na ibabahagi niya sa iba ang lahat ng bagay. Hindi nila nauunawaan kung bakit siya nag-iipon ng pera samantalang mayroong ibang nangangailangan ng pera. Inaasahan nila na ibabahagi niya kung ano ang mayroon siya kahit na sila ay naging iresponsable.
Dapat igalang ng isang Kristiyano ang mga inaasahan ng kanyang kultura gayundin ang paglalapat ng mga prinsipyong biblikal. Sinasabi sa atin ng Kasulatan na hindi natin tungkulin na tulungan ang isang tao na ayaw gawin kung ano ang kanyang makakaya (2 Tesaslonica 3:10). Kung ipamimigay ng isang tao ang kanyang gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan upang tulungan ang isang taong iresponsable, kapwa sila mananatiling mahirap.
Ipinahihiwatig ng Kasulatan na ang klase ng kaunlaran na ibinibigay ng Dios ay ang pagkakaroon ng mga tao ng kanilang sariling gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan. Sinabi ni Propeta Mikas na sa isang pinagpalang lipunan, ang bawat tao ay dapat may kasiguraduhang magmay-ari ng “kanyang sariling baging at puno ng igos” (Mikas 4:4). Tumutukoy iyon sa pribadong pagmamay-ari ng ari-arian at paraan ng paglikha ng mga bagay. Sa ilang lugar, ang agrikultura ay maaaring hindi ang pinakamabuting anyo ng produksiyon, subali’t ang prinsipyo na ang mga taong pinagpala ay dapat magtaglay ng kanilang kinakailangan upang makalikha ng mga mapagkukunan ng pangangailangan.
Madalas ang mga taong mahirap na naging Kristiyano ay nagsisimulang higit na umunlad, hindi lamang dahil sa direktang pagpapala ng Dios kundi dahil sa kanilang mas mabuting paraan ng pamumuhay. Tumigil sila sa pagsasayang ng pera sa mga bagay na tulad ng alak, pagsusugal, at mga maling anyo ng paglilibang. Sila ay nagiging mas mabuting manggagawa at nagkakaroon ng mas mabuting reputasyon. Pinagpapala ng Dios ang kanilang suporta sa mnisteryo. Madalas ang ikalawang henerasyon ng isang pamilyang Kristiyano ay nasa higit na mas mabuting kalagayan kaysa sa unang henerasyon.
► Ano ang mga paraan na maaaring magawa o ipunin ng mga tao sa inyong kapaligiran upang mapabuti ang kanilang kalagayan sa pananalapi?
Pagsusugal
Ang pagsusugal ay pagtataya ng pera sa pagsisikap na makakuha ng pera nang walang hirap. Ang bawat taong nananalo ay kumukuha ng pera sa ibang taong natatalo, na hindi nagbabalik ng anuman. Maraming tao ang nalululong sa pagsusugal, sinasayang ang kanilang pera, at nabibigong pangalagaan ang kanilang pamilya. Maraming tao ang nakagamit na ng perang hindi naman sa kanya upang magsugal, umaasa na mananalo at mababayaran iyon. Maraming nakulong sa bilangguan dahil sa pagnanakaw para lamang nakapagsugal. Maraming taong naghihirap ang nagsusugal dahil may pakiramdam sila na wala silang pag-asang baguhin ang kanilang sitwasyon maliban sa maging masuwerte at manalo ng pera.
Taliwas ang pagsusugal sa maraming prinsipyo ng Kristiyano:
(1) Ang prinsipyo ng pagkakaroon ng kayamanan sa pamamagitan ng pagtatrabaho (Efeso 4:28)
(2) Ang prinsipyo ng pagiging kuntento (1 Timoteo 6:6)
(3) Ang prinsipyo ng paghahasik at pag-aani (Galacia 6:7)
Gayundin, nais ng Dios na magkaloob tayo ng paglilingkod o produkto para sa kita sa halip na kumiha ng pera mula sa ibang tao sa pamamagitan ng swerte. Nakasasama ang pagsusugal dahil ito ay nakakalulong at nagpaparami ng krimen.
Ang pagsusugal ay taliwas sa pagdepende sa Dios. Dapat tanungin ng isang tao ang kanyang sarili, “Naniniwala ba ako na pinangangalagaan ako ng Dios?” “Maaari ko bang ipanalangin na ibibigay ng Dios ang kailangan ko?” “Naniniwala ba ako na ang paraang nais ng Dios upang pagkalooban ako ng Dios ay sa pamamagitan ng pagtataya ng pera para magsugal, umaasa na makakuha ng pera mula sa iba?” “Iniisip ko ba na gagantimpalaan ako ng Dios sa pagsusugal kung mananalo ako ng malaking halaga?” Ang isang taong nagsusugal ay hindi nagtitiwala sa Dios sa kanyang kalagayang pinansyal. Kapag tunay tayong nagtitiwala sa Dios, sinusunod natin ang kanyang malinaw na mga tagubilin sa atin, nalalaman natin na matapat niyang ipagkakaloob ang ating mga pangangailangan habang tayo ay sumusunod sa kanya.
Utang
Kapag ang isang tao ay humihiram o umutang ng pera, iniisip niya na mababayaran niya iyon mula sa perang kikitain niya sa hinaharap. Samakatuwid, ang paghiram ay ang paggastos ng pera mula sa hinaharap kahit na ang hinaharap ay magdadala rin ng mga bagong pangangailangan.
Sinasabi ng Biblia na ang umuutang ay alipin ng nagpapautang (Kawikaan 22:7). Ang umuutang ay lumilikha ng mga obligasyon na naglilimita sa kanyang kalayaan.
May ilang uri ng pangungutang na mas masama kaysa sa iba. Kapag ang isang tao ay nangungutang para sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, pumapasok siya sa mas masamang kalagayan. Mauubos ang pagkain, at mananatili ang utang, at siya ay magiging mas mahirap pa kaysa dati.
Kapag ang isang tao ay nangungutang ng pera para sa isang bagay na hindi kinakailangan, halimbawa ay personal na palamuti, hindi kinakailangang pananamit, libangan, o dekorasyon sa bahay, ginagastos niya ang kanyang pera sa hinaharap. Nililimitahan niya ang kanyang kalayaan sa hinaharap; sa hinaharap hindi na niya magagawang piliin na bumili ng mga bagay dahil nagastos na niya ang pera.
May mga negosyo na nagpapautang ng pera na may mataas na dagdag na tubo. Ang mga taong umuutang sa kanila, hindi magtatagal, ay higit na mas marami ang pagkakautang kaysa sa orihinal nilang hiniram. May mga tindahan na nagbebenta ng mga bagay nang utang sa mataas na interest rate. Sa wakas nagbabayad ng higit na malaking halaga ang mga tao para sa bagay na kanilang binili nang utang dahil hindi sila nakapaghintay hanggang sa panahon na mayroon na silang sapat na pera upang bilhin iyon sa normal na halaga.
Kung minsan nangungutang ng pera ang mga tao upang maibigay ang mamahaling kasal na inaasahan ng kanilang kultura. Nagsisimula sila sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa nang may malaking utang. Ang iglesya bilang isang pamilya ng pananampalataya ay dapat tumulong sa mga miyembro nito sa pagbuo ng mga bagong kaugalian o paghanap ng mga paraan upang gawing maganda ang kasal nang hindi kinakailangang lubhang malaki ang gastos.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 13:7-8 para sa grupo.
Sinasabi ng mga talatang ito na dapat nating ibalik ang utang natin sa kanila. Utang natin ang respeto at pagsunod sa mga awtoridad. Utang natin ang mga buwis sa pamahalaan. Ang unang pangungusap sa talatang 8 ay nagbubuod sa mga pangungusap sa talatang 7. Hindi tayo dapat mabigong ibigay sa sinuman kung ano ang dapat nating ibigay. Hindi ito nangangahulugan na hindi tayo kailanman dapat manghiram, dahil kung binabayaran natin tulad nang pinagkasunduan natin sa nagpautang, hindi tayo nabibigong ibigay kung ano ang ating nararapat ibigay.
Nagnanakaw ang isang tao kapag nangungutang siya nang walang intensiyon na bayaran iyon, o ang manghiram at pagkatapos ay magpasya na hindi na ito bayaran (Awit 37:21)
Karamihan sa mga kautusan sa Lumang Tipan ay nakaukol sa bansang Israel bilang isang primitibong lipunang agrikultural. Karamihan sa mga tao ay nabubuhay sa pagsasaka at sa pagdadala kung ano ang kinakailangan sa kanilang sambahayan. Pag-aari ng mga pamilya ang parehong lupa sa maraming henerasyon. Samakatuwid, bihira sa isang tao ang humihiram ng pera upang bumili ng lupa o magsimula ng negosyo. Kung ang isang tao ay humihiram ng pera, ito ay dahil siya ay nasa masamang sitwasyon at nangangailangan ng pera para sa mga pangunahing pangangailangan. Nais ng Dios na ang Israel ay maging isang pamilya ng pananampalataya na nangangalaga para sa mga miyembro nito. Sinabi ng Dios sa kanila na magpahiram ng pera sa mga taong nangangailangan nang hindi humihingi ng anumang tubo (Exodo 22:25). Isa sa mga katangian ng isang taong matuwid na inilarawan sa Awit 15 ay ang kanyang pagpapautang ng pera na walang tubo.[1]
Hindi masama para sa isang namumuhunan na humingi ng tubo kapag siya ay nagpapautang ng pera upang tulungan siyang magsimula ng negosyo.[2] Ang tubo ang gantimpala para sa namumuhunan sa pagtulong niya na maging posible ang negosyo.
Ang mga taong nakikipagnegosyo sa mahihirap ay hindi lamang dapat nag-iisip kung paano kikita ng tubo (Kawikaan 22:16a). Hindi tama na magbenta ng mga produktong mababa ang kalidad o maningil ng hindi angkop na presyo, dahil ang mahihirap ay walang ibang pagpipilian. Hindi tama na magpautang o magbenta ng mga gamit na ipinauutang para sa layunin ng kumuha ng mataas na patubo mula sa mga taong humihiram lamang dahil sa mahihirap na kalagayan. Dapat humanap ng mga paraan ang isang negosyente upang mapabuti ang kalagayan ng kanyang mga mamimili.
Sinabi ni Propeta Ezekiel na ang kasalanan ng Sodoma ay hindi lamang ang sekswal na imoralidad kundi ang mga tao ay namumuhay sa karangyaan nguni’t “hindi pinalalakas ang kamay ng mahihirap” (Ezekiel 16:49). Tinatawag tayo ng Dios hindi lamang upang magbigay sa mahihirap, kundi upang tumulong din sa mga natatanging mga paraan upang mas palakasin sila.
Ang mga kautusan ng Dios para sa sinaunang Israel ay nagpapakita sa atin ng kanyang mga prayoridad. Sa kasalukuyan ang mga batas ng ating bansa ay hindi pareho sa mga batas na ibinigay ng Dios sa Israel, ngunit ang mga inaalala niya ay iyon pa rin at pareho rin ang mga prinsipyo. Dapat humanap ang iglesya ng mga paraan kung paano palalakasin ang mahihirap, unang mangangalaga para sa pamilya ng pananampalataya, pagkatapos ay gagawa ng pagkakaiba sa komunidad.
May mga tao na ginagastos agad ang lahat ng kanilang pera sa oras na matanggap nila iyon. Madalas silang nahihirapan sa mga pangangailangan bago sila magkaroon muli ng pera. Hindi nila nagagawang magkaroon ng responsibilidad para sa iba.
Ang badyet ay isang plano ng pangangasiwa sa karaniwang mga paggastos. Karamihan sa mga tao ay may mga gastusin na kanilang inaasahan sa mga tiyak na panahon, at dapat silang maglaan ng pera para sa mga pangangailangang iyon bago pa man dumating ang araw. Halimbawa, ang isang tao ay umuupa ng bahay. Maaari siyang magbayad buwan-buwan o taun-taon. Kailangan niyang magpatuloy na magtabi ng isang bahagi ng kanyang kinikita upang makapagbayad siya ng upa kapag dumating na ang oras. Kung ang kanyang upa ay taunan, maaari niyang hawakan ang bahagi ng perang iyon sa mahabang panahon, at mayroong tukso na gamitin iyon, subali’t dapat niyang ilaan ang perang iyon at ituring na nagasta na ang pera.
Ang unang perang dapat ilaan ay ang ikapu (Kawikaan 3:9-10). Dapat mong ipangako na magbigay ng 10% ng iyong kinikita upang suportahan ang ministeryo. Huwag mong tingnan kung mayroon kang sobrang pera para sa ikapu pagkatapos mong gumastos. Pagpapalain ng Dios ang iyong katapatan.[1]
Pagkatapos mabayaran ang mga pangunahing pangangailangan mula sa kanyang natitirang sweldo, dapat siyang maglaan para sa mga hindi inaasahang gastos. Dapat siyang maglaan ng pera para sa pagpapaunlad sa kanyang kalagayan, tulad ng pag-iipon ng pera para makabili ng kanyang sariling bahay. Dapat din niyang sikapin na gawing puhunan ang bahagi ng kita para madagdagan ang kanyang kita. Ang isang halimbawa ng maliit na pamumuhunan ay ang pagbili ng mga kagamitan na magbibigay sa kanya ng pagkakataon na higit na mabayaran sa pagtrabaho.
Ang isang taong may gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan (isang bagay na nakakatulong sa kanya upang makagawa ng dagdag na kita) tulad ng isang sasakyan o gusali ay dapat maglaan ng pera upang panatilihin at alagaan ang kagamitan. Kung ang taong iyon ay nagkakaroon ng dagdag na kita dahil sa kanyang kotse ngunit hindi nagtatabi ng pera, hindi niya magagawang bayaran ang mga pangunahing pagpapaayos ng sasakyan o bumili ng iba, at sa kalaunan ang kanyang dagdag na kita ay matitigil na.
Ang isang tao na hindi nagbabadyet ay kadalasang hindi nagagawang tuparin ang kanyang mga responsibilidad. Maaari siyang umasa sa iba upang tulungan siya at hindi niya kayang tumulong sa iba. Hindi kailanman bumubuti ang kanyang kalagayan dahil hindi siya namumuhunan sa anumang paraan.
Ikinuwento ni Hesus ang Mabuting Samaritano na tumulong sa lalaking sugatan.[2] Pansinin na ang Samaritano ay mayroong pera at isang asno na ginamit upang dalhin ang sugatang lalaki. Paano kung naibenta na ng Samaritano ang kanyang asno at ginastos na ang lahat ng kanyang pera? Kahit na mayroon siyang mabuting pagnanais na tumulong, malilimitahan siya sa kanyang kakayahan na pumagitan sa sitwasyon.
Sa pagbabadyet nagkakaroon ng kakayahan ang tao na paghandaan ang kanyang mga pangangailangan, magkaroon ng pananagutan para sa mga taong umaasa sa kanya, mamuhunan para sa kanyang hinaharap, tumugon sa mga di inaasahang pangyayari, at sumuporta sa ministeryo.
[1]Isang malalim na pag-aaral tungkol sa pag-iikapu ang ginawa sa kurso ng Shepherds Global Classroom na Doctrine and Practice of the Church, available at https://www.shepherdsglobal.org/courses
Sa mga unang araw ng iglesya, pagkatapos ng Pentekostes, ang mga mananampalataya ay naglaan ng sarili sa pamilya ng pananampalataya kung kaya’t tiniyak nilang natutugunan ang pangangailangan ng bawat isa. Ibinabahagi nila ang kanilang ari-arian, at walang sinumang nagsabi na pag-aari nila ang anuman. Marami sa kanila ang nagbenta ng ari-arian at ibinigay ang pinagbilhan sa iglesya (Mga Gawa 2:44-45). Bagaman hindi natin maaaring asahan ang buhay sa iglesya na laging maging katulad nito, nakikita natin na kapag ang iglesya ay nasa pinakamabuti nitong kalagayan, mayroong pagiging bukas-palad, at kagustuhang mangalaga sa pamilya.
Tinitiyak ng mga mananampalatayang taga-Tesalonica na lahat ng mga miyembro ay may pagkain, subalit ang ilan ay hindi nagtatrabaho. Ang mga taong iyon ay namumuhay sa karangyaan, umaasa sa pagiging bukas palad ng iglesya. Hindi sinabi ni Pablo sa iglesya na mali ang pangangalaga sa mga miyembro ng pamilya ngunit ang isang tao ay hindi dapat bigyan ng pagkain kung hindi siya handang magtrabaho (2 Tesalonica 3:10). Para sa ilan, ang gawain ay maaaring hindi ang pagtatrabaho para sa sweldo, kundi ang pagtulong sa ibang mananampalataya ayon sa pangangailangan. May mga tao na hindi makapagtrabaho nang may sweldo, nguni’t halos ang lahat ay may magagawa upang makatulong.
Sa ibang mga sulat ni Pablo nagbigay siya ng mga direksiyon sa pagtulong sa mga balo at pagsuporta sa mga pastor (1 Timoteo 5:3-18, Galacia 6:6).
Ang bawat Kristiyano ay dapat maging bahagi ng isang lokal na pamilya ng pananampalataya at dapat italaga ang sarili sa pagtulong sa mga pangangailangan ng mga miyembro at suporta sa ministeryo.
Para sa Pagbabahaginan sa Grupo
► Paano makapagtatrabaho ng sama-sama ang iglesya upang mangalaga sa mga pangangailangan sa iglesya habang inuutusan ang mga tao na magkaroon ng pananagutan?
► Anong mga pagkakataon ang umiiral sa inyong kapaligiran para sa mga tao sa iglesya upang sama-samang magtrabaho upang magpaunlad ng mga gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan?
Panalangin
Aming Ama sa Langit,
Salamat sa inyong pangako na tutugunan ang aking mga pangangailangan. Tulungan mo po akong maging matapat sa aking mga tungkulin na humanap ng aking ikabubuhay at para rin sa iba na umaasa sa akin. Tulungan mo po akong maging mapagbigay kung ano ang mayroon ako. Tulungan mo po akong mgaging matalino sa pagtugon sa mga pangangailangan ng iba.
Idinadalangin ko po ang inyong mga pagpapalang pinansiyal, ngunit higit sa lahat nais kong manatili ang mga prayoridad na espirituwal at masiyahan dahil sa aking relasyon sa iyo.
Amen
Leksiyo 9 Mga Takdang Aralin
(1) Mataimtim na ipanalangin at isaalang-alang ang mga prinsipyong ayon sa Kasulatan na ibinigay sa leksiyong ito. Sagutan at isulat ang bawat isa sa mga sumusunod na katanungan.
Anong mga tuksong aking kinahaharap patungkol sa pera at mga mapagkukunan ng pangangailangan?
Sa paanong paraan ako ngayon kumikita ng pera at mapagkukunan ng pangangailangan?
Paano ko ginagamit at pinamamahalaan ang pera at mapagkukunan ng pangangailangan?
Ano ang kahulugan ng pagtitiwala sa Dios patungkol sa pera at mapagkukunan ng pangangailangan?
Anong gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan ang taglay ko ngayon?
Mayroon bang gumaganang mapagkukunan ng pangangailangan na dapat kong paghandaan na kunin sa hinaharap? Kung mayroon, paano ko iyon gagawin?
Sa anong mga paraan ko ginamit nang di-wasto ang pera at mapagkukunan ng pangangailangan?
Paano ko itatama ang anumang maling paggamit ng pera at mapagkukunan ng pangangailangan na nakalista sa itaas?
(2) Sumulat ng isang pahinang presentasyon ng mga prinsipyo mula sa leksiyong ito, na gumagawa ng mga tiyak na paglalapat sa inyong kapaligiran. Ano ang dapat maunawaan ng mga tao sa inyong kapaligiran tungkol sa Kristiyanong pagkaunawa sa pera?
(3) Isaulo ang Kawikaan 3:13-17 at sumulat ng isang parapo na pagbubulay dito. Sa simula ng susunod na oras ng klase, isulat ang talatang ito mula sa iyong memorya at ibigay sa tagapanguna sa klase ang iyong parapo.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.