Si Dale Carnegie, Isang Lalaking Nagpahalaga sa Mga Tao
Si Dale Carnegie ay nabantog dahil sa kanyang libro na How to Win Friends and Influence People./Paano Magkakaroon ng mga Kaibigan at Makaimpluwensiya sa Mga Tao. Naniniwala siya na ang lahat ng tao ay karapat-dapat sa atensiyon at respeto dahil sila ay natural na mahalaga bilang mga tao. Itinatag ang Dale Carnegie Institute para ituro ang kanyang mga prinsipyo.
Isang pagkakataon, ang Dale Carnegie Institute ay nagturo ng klaseng panggabi para sa mga propesyunal na mangangalakal, tinuruan sila kung paano maging palakaibigan at lumikha ng mga kaugnayan sa mga tao. Nang kumuha ng pagsusulit ang mga mag-aaral, sila ay nagulat sa isang tanong. Ang hindi inaasahang tanong ay: “Ano ang pangalan ng babaeng laging naglilinis sa lobby kapag kayo ay umaalis sa klase?” Maraming beses nang nila siyang dinaanan sa kanilang paglabas galing sa klase bago umuwi, ngunit hindi nila siya itinuring na mahalaga para pansinin, kahit na galing sila sa isang klase tungkol sa kung paano magiging palakaibigan at lumikha ng mga kaugnayan. Inisip nila na dapat lang nilang gamitin ang kanilang bagong kakayahan sa paggawa ng koneksiyon sa mga mahahalagang tao.
Ang Kristiyanong Kahalagahan ng Sangkatauhan
Ang lahat ng tao na naglagak ng kanilang pananampalataya kay Kristo Hesus ay mga miyembro ng iisang katawan—ang katawan ni Kristo: “Wala nang Judio o Griego, wala nang alipin o malaya, wala nang lalaki at babae, dahil kayong lahat ay iisa kay Kristo Hesus” (Galacia 3:28).[1]
Ang ebanghelyo ni Lucas ay nagsasabi tungkol sa isang pag-uusap nang banggitin ni Hesus ang utos na “Ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.” Tinanong siya ng isang mambabatas, “Sino ang aking kapwa?” (Lucas 10:29). Mahalaga ang tanong dahil ipinalagay ng mambabatas na hindi niya kailangang magmahal sa sinuman. Iniisip niya na ang kautusan ay humihingi lamang sa kanya na mahalin ang mga tao sa isang espesipikong grupo.
Ang mga tao sa lahat ng kultura ay mayroong magkakatulad na moralidad. Alam nila na ang pagnanakaw, pagpatay, at pang-aapi ay mali. Gayunman, hindi nila nararamdaman na ang lahat ay karapat-dapat sa pantay-pantay na pagtrato. Marahil hindi sila magnanakaw sa isang kaibigan, ngunit sila’y magnanakaw sa isang hindi kilala. Marahil hindi sila papatay ng isang tao sa kanilang bansa, ngunit papatay sila ng isang banyaga. Marahil hindi nila aapihin ang kanilang sariling kamag-anak, nguni’t aapihin nila ang taong nagmula sa grupo na kanilang hinahamak.
Naniniwala ang mga Kristiyano na ang bawat tao ay nasa wangis ng Dios, na may walang hanggang kahalagahan.
Kailanman na ang isang anghel ay nagpapakita sa tao, tulad ng nakatala sa Kasulatan, ang kanyang unang salita ay “Huwag kang matakot,” dahil ang kanyang mismong presensiya ay lubhang kahanga-hanga. Kung minsan ang mga tao ay nagpapatirapa sa harap ng mga anghel sa pagnanais na sumamba.[2] Ngunit ang mga tao ay mas mahalaga kaysa sa mga anghel.[3]
Maaaring makakilala ka ng isang tao na pulubi na may mababang uri, hindi nakapag-aral, hindi matalino, masama ang pagkatao, kulang sa kakayahan, walang impluwensya, nakapandidiri ang hitsura, at nakakainis ang pagkatao, gayunman ay gumagawa siya ng mga pagpapasiya na may pangwalang hanggang resulta. Kapag siya ay tinubos ng Dios, siya ay magiging isang taong higit pa kaysa sinumang nakita natin sa mundo.[4] Samakatuwid, karapat-dapat siyang igalang.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Galacia 3:28 para sa grupo.
Binabanggit ng talatang ito ang tatlong paraan na ang mga tao ay madalas na ginugrupo— liping kinabibilangan, kalagayang panlipunan, at kasarian. Kabilang sa kalagayang panlipunan ang kalagayang pang-ekonomiya. Maaari tayong magdagdag ng iba pang klasipikasyon tulad ng edad, natapos na edukasyon, at mga kakayahan. Alinman sa mga pag-uuring ito ay hindi nakakaapekto sa kahalagahan ng isang tao para sa Dios.
► Maaari bang ang isang tao ay maging mas mahalaga kaysa sa ibang tao? Ipaliwanag.
Ang isang tao na may mataas na karunungan, edukasyon, kakayahan, pisikal na lakas, karanasan sa pamumuno, o pera ay mas mahalaga para matupad ang ilangmga bagay. Gayunman, mali na ituring na ang isang tao ay mas mahalaga bilang isang tao dahil sa mga katangiang iyon. Ang mga katangiang iyon ay may praktikal na halaga, ngunit ang pangunahing likas na katangian ng sangkatauhan na nilikha sa wangis ng Dios ay may walanghanggan at walang katapusang kahalagahan.
[2]Isang halimbawa nito ang Pahayag 22:8-9, “Ako, si Juan, ang nakarinig at nakakita sa mga bagay na ito. At nang marinig at makita ko sila, ako ay nagpatirapa upang sumamba sa paaanan ng anghel na nagpakita niyon sa akin, nguni’t sinabi niya sa akin, ‘Hindi mo dapat gawin iyan! Ako ay kapwa lingkod, kasama mo at ng iyong mga kapatid na propeta, at kasama ng mga tumutupad sa mga salita ng aklat na ito. Sambahin mo ang Dios’” (English Standard Version).
[4]Ipinapaliwanag ng 1 Corinto 15 ang kamangha-manghang pagbabagong-anyo ng mga katawan ng mga Kristiyano na magaganap sa oras ng Muling Pagkabuhay.
Hindi Matuwid na Opinyon
Ang mga tao ay may tendensiya na mag-isip na lahat ng taong nagmula sa mga grupong etniko ay nagtataglay ng tiyak na katangian. Kung minsan ang mga pagpapahayag na ito ay ginagawa sa pagtukoy sa kulay ng balat, tulad ng “Ang lahat ng Puti ay __________” o “Ang lahat ng Itim ay ___________.”
Kung minsan ang pangungusap ay tumutukoy sa isang bansa, tulad ng Haitians o Germans o mga Hapon. Kung minsan ito ay mas espesipik, tulad ng pangalan ng tribo o ng grupong etniko sa loob ng isang bansa.
Ang mga pangungusap ng mga tao tungkol sa mga kategorya ng mga tao kung minsan ay may pagpuri, ngunit kadalasan ang mga ito ay pagpintas. Maaaring nagsasabi ang pangungusap na ang bawat isa sa grupong iyon ay nagtataglay ng isang kapintasan.
Narito ang ilang halimbawa ng mga mapanuri/mapamintas na pangungusap ng mga tao tungkol sa mga etnikong grupo o mamamayan. Ang pangalan ng iba’t-ibang etnikong grupo ay maaaring ilagay sa blangko.
Ang mga ___________ ay tamad.
Ang mga ___________ ay madalas na nalalasing.
Ang mga ___________ ay magnanakaw kapag nagkaroon sila ng pagkakataon.
Ang mga ___________ ay madalas makipag-away.
Ang mga ___________ ay hindi tinatapos nang maayos ang gawain.
Ang mga ___________ ay hindi sapat ang talino para makatapos ng pag-aaral.
Ang mga ___________ ay madaling magalit.
Ang mga ___________ ay laging nagsisinungaling.
Hindi maikakaila na mayroong pagkakaiba-iba sa mga grupong etniko, at ang mga pagkakaibang ito ay higit pa sa panlabas at pisikal na anyo. Ang isang grupong etniko ay maaaring magaling sa isang klaseng laro o uri ng gawain dahil sa kanilang kakayahang pisikal at pangkaisipan.
Ang grupo ng mga tao ay may mga katangiang pangkultura. Itinuturo ng kultura sa mga tao na tumugon sa mga tiyak na sitwasyon sa tiyak na paraan, kung kaya’t natututuhan natin na asahan ang tiyak na gagawin ng mga tao mula sa partikular na kultura.
Hindi mali na pansinin ang mga pisikal at pangkulturang katangian ng isang grupo. Gayunman, mali kung huhusgahan natin ang katangian ng isang tao dahil sa kanyang grupong etniko o kultura. Ang isang taong nagmula sa alinmang etnikong grupo ay maaaring makadios, matapat, at mabait. Mali kung siya ay tatratuhin na tila ba masama ang kanyang pagkatao kahit hindi mo siya kilala bilang isang indibidwal.
Ang ating mga pansariling karanasan ay nakakaepekto sa paraan ng ating pagtingin sa ibang tao. Kung ang isang tao ay tinatrato ng masama ng mga tao mula sa ibang grupong etniko, maaari siyang magsimula ng pakiramdam na pare-pareho ang lahat ng kabilang sa grupong iyon. Ang pananaw na iyon ay napalalakas kapag ang taong iyon ay paulit-ulit na tinatrato nang masama ng taong mula sa etnikong grupong iyon, o kung ang masamang karanasan ay nangyari noong siya ay bata pa.
Ang mga pangmatagalang di-pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang grupong etniko ay nakapag-iiwan ng henerasyon ng mga taong mayroong maling paniniwala laban sa isa’t-isa.
Kapag naririnig ng isang bata ang kanyang mga magulang at ibang nakatatanda na nag-uusap tungkol sa mga tao mula sa isang grupong etniko, nabubuo ang kanyang palagay tungkol sa nabanggit na grupo.
Dapat siyasatin ng isang Kristiyano ang kanyang sariling mga saloobin patungkol sa mga grupong etniko at ipanalangin na tulungan siya ng Dios na magpakita ng pagkakapantay-pantay at pagmamahal. Dapat nating tandaan na pinangangalagaan ng Dios ang iba sa parehong paraan na pinangangalagaan niya tayo at hindi siya nalulugod kapag hindi natin pantay na tinatrato ang iba.
Hindi Matuwid na Opinyn sa Ministeryo
Ang kuwento ni Jonas sa Lumang Tipan ay nagtuturo. Sinasabi sa atin ni Jonas kung bakit siya tumatakas mula sa Dios:
Kaya’t siya ay nanalangin sa PANGINOON at sinabi, “O Panginoon, hindi nga ba’t sinasabi kong ito nga ang inyong gagawin noong nasa aking bayan pa ako? Kaya’t ako ay tumakas noon patungo sa Tarsis; dahil alam kong kayo ay Dios na mahabagin at mapagmahal, hindi madaling magalit at sagana sa kagandahang-loob, alam kong lagi kayong handang magpatawad. Samakatuwid ngayon, O PANGINOON, kunin mo na sa akin ang aking buhay, dahil mas mabuti pa sa akin ang mamatay kaysa mabuhay!” (Jonas 4:2-3).
Tumakas si Jonas mula sa Dios dahil sa kanyang malalim na pagkamuhi para sa mga taga-Asiria at dahil alam niya na ang pagtawag sa kanya ng Dios upang magtrabaho sa mga taga-Ninive ay nangangahulugan na mayroong malaking posibilidad na ang Dios ay magiging mabuti sa kanila.
Ang panlipunang konsepto ng lahi ay hindi konsepto mula sa Biblia. Itinuturo ng Biblia na ang lahat ng tao ay iisang lahi—ang lahi ng sangkatauhan: “Mula sa isang tao’y nilikha niya ang lahat ng lahi sa buong mundo. Itinakda niya sa simula’t-simula pa ang kani-kanilang panahon at hangganan.” (Mga Gawa 17:26).
Tinatawag ng Dios ang iglesya upang iabot ang ebanghelyo sa bawat grupong etniko sa mundo (Mga Gawa 1:8). Ang kahalagahan ng kaluluwa ng tao ay hindi nagbabago anuman ang kanilang pinagmulang grupong etniko.
Ang Hindi Pagrespeto sa Mga Kategorya ng mga Tao
Dahil ang mga tao ay may kaugalian na tanggapin ang mga makamundo, makasanlibutang prayoridad, may tendensiya sila na gumamit ng maling paraan ng pagtatakda ng kahalagahan ng tao. Maraming lipunan ang nagkakategorya sa ilang tao bilang mas mababa ang halaga at tinatrato sila na tila sila ay mas mababa kaysa pagiging tao.
Nasa ibaba ang isang listahan ng mga paraan na ang iba’t-ibang lipunan ay tinatrato ang ilang kategorya ng tao nang walang respeto. Ang ilan sa mga gawaing ito ay nasa kasaysayan; ang iba ay isinasagawa pa rin.
Tunay na mga halimbawa ng walang-galang na kategorya ng mga tao:
Wala nang silbi ang matatanda, kung kaya’t sila ay iniiwan sa hiwalay na lugar hanggang sa mamatay.
Itinuturing na pag-aari ng mga tao ang ibang tao na galing sa ibang grupong etniko bilang mga alipin at maaari nilang ibenta o pakitunguhan sa anumang paraang nais nila.
May mga negosyo na naglalagay ng mga karatula na nagsasabing hindi sila kumukuha ng mga taong mula sa partikular na pinagmulang grupong etniko.
Ang mga babae ay itinuturing na pag-aari ng kanilang asawang lalaki, na maaaring pakitunguhan sa anumang paraaang nais ng lalaki.
Ang mga sanggol na babae ay pinababayaang mamatay dahil ang nais ng pamilya ay isang batang lalaki.
Ipinadadala ng pamahalaan ng isang bansa ang mga sundalo sa isang tiyak na rehiyon upang patayin ang bawat isang miyembro ng isang partikular na grupong etniko.
Inaabandona ang mga bata dahil mayroon silang kapansanan sa pag-iisip o sa katawan.
Isang bansa na nagbabawal sa babae na magmaneho ng sasakyan o mag-aral sa unibersidad.
Ang mga taong nagsasalita ng karaniwang wika ng bansa ngunit hindi ang wika na itinuturo sa paaralan ay hindi pinahihintulutang magsalita para sa kanilang sarili sa opisina ng pamahalaan.
May mga taong kinukuhang manggagawa dahil sa pagkakaroon ng pangalang Ingles sa halip na pangalang Africano.
Ang mga batang babae ay maaaring ibenta ng kanilang ama upang maging alipin o sa prostitusyon.
Ang mga sanggol ay pinapatay bago pa man sila isilang dahil ang mga ina ay hindi pa handang magkaroon ng mga anak.
May mga pilosopiya at relihiyon na sumusuporta sa maling pakikitungo ng ilang kategorya ng tao.
Ang mga Atheistic evolutionists ay hindi naniniwala na ang mga tao ay espesyal na nilikha sa wangis ng Dios. Naniniwala sila na ang mga modernong tao ay umunlad sa pamamagitan ng pakikipagpaligsahan at pagwasak sa mas mahihina at mas mababa ang katalinuhan na mga pagkakaiba-iba ng sangkatauhan. Naniniwala sila na ang “kaligtasan ng buhay nang pinakakarapat-dapat” ang siyang gumawa sa atin. Kung iyon ay totoo, nararapat lamang na magpatuloy ang tao sa pagwasak sa mas mahihinang anyo ng sangkatauhan. Ngunit nalalaman natin na ang lahat ng tao ay nilikha sa wangis ng Dios at sagayun ay espesyal ito para sa Dios.
Maraming bansa sa mundo ang nagpapahintulot sa mga doktor na patayin ang mga sanggol bago pa ito isilang. May mga pamahalaan na nag-utos na patayin ang mga sanggol dahil sa labis na bilang ng populasyon. Sa maraming bansa, hinihiling ng mga ina sa doktor na patayin ang kanilang mga sanggol bago ito isilang dahil wala sila sa mabuting kalagayan upang magkaroon ng anak. Ito ay pagwawalang-halaga sa halaga ng tao at sa mga karapatan ng isang taong hindi makapagsasalita para sa kanyang sarili.
Ang mga relihiyon na tulad ng Hinduismo at Buddhismo ay naniniwala na ang mga tao ay nagdurusa dahil sa kanilang sariling maling ginawa sa mga nakaraan nilang buhay. Naniniwala sila na ang mga taong inaapi ay nararapat lamang sa kalagayan nila sa ngayon. Naniniwala sila na kung ang isang tao ay makapagtitiis sa pagdurusa at pang-aapi, maaari siyang magkaroon ng mas mabuting buhay sa susunod. Ang mga relihiyong iyon ay nagbibigay ng kaunting dahilan lamang upang tulungan ang isang taong inaapi, dahil iniisip nila na dumadaan ang taong ito sa kinakailangang proseso.
Ang mga maling pilosopiya at relihiyon ay nagpapahintulot sa mga tao na hayaan ang mga kasuklam-suklam na maling pakikitungo sa mga grupo ng mga tao. Tinatanggap ng mga lipunan ang mga kalagayan ng sobrang kawalang katarungan sa lipunan bilang normal. Naiiba ang mga Kristiyano. Ang Kristiyanong doktrina ng espesyal na paglikha sa wangis ng Dios ay nagbibigay ng sapat na batayan ng kahalagahan ng tao.
► Anong kawalang-respeto sa isang kategorya ng tao ang normal sa inyong lipunan?
Ang Mabuting Kapwa
Katulad ng maraming talinhaga ni Hesus, ang kuwento ng Mabuting Samaritano (Lucas 10:29-37) ay kagulat-gulat sa kanyang mga tagapakinig. Nang sabihin niya kung paanong nilampasan ng pari at ng Levita ang lalaking sugatan nang hindi ito tinutulungan, walang sinumang nagulat. Ang mga pari at mga Levita ay bahagi ng samahang panrelihiyon, ngunit iniisip ng mga tao na sila ay pinarurumi ng salapi at kapangyarihan.
Inasahan ng mga tagapakinig na ang ikatatlong tao ang magiging bida sa kuwento, ngunit sila’y nagulat at nabigo nang ito ay isang Samaritano. Ang mga Samaritano ay magkahalo sa kanilang etnikong pinagmulan, at sila ay naguguluhan sa kanilang relihiyon. Kinamumuhian sila ng mga Judio dahil sa dalawang kadahilanan.
Tandaan na ang isang abogadong Judio ang nagtanong kay Hesus, “Sino ang aking kapwa?” Gusto niyang tiyakin ni Hesus kung sino ang tao na kailangan niyang mahalin, na nagtatakda ng maliit na kategorya. Katulad ng karamihan sa mga tao sa mundo, iniisip niya na ang kanyang moral na obligasyon ay para lamang sa isang piling kategorya ng tao, at hindi niya kinakailangang magpahalaga o mangalaga para sa iba.
Sinagot ni Hesus ang tanong sa pamamagitan ng pagpapakita na dapat tayong magmalasakit para sa sinumang ating nakakasalamuha. Ang sinumang taong nakakaharap natin ay ang ating kapwa. Subali’t sinagot din ni Hesus ang tanong na walang sinumang nagtanong, Sino ang mabuting kapwa? O Anong klase ng tao ang nagpapakita ng ganitong pag-ibig? Ipinakita niya na ang isang taong hindi iginagalang ng lipunan ay maaaring maging isang taong nagbibigay lugod sa Dios at nagpapakita ng pag-ibig na nais makita ng Dios.
Binibigyang babala ni Apostol Santiago ang iglesya na huwag pararangalan ang mga tao batay sa panuntunan ng mundo.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Santiago 2:1-9 para sa grupo. Ano ang nakita ninyong ginagawa ng mga iglesya na katulad nito?
Maraming tao na itinuturing na mahalaga sa mundo ay hindi mga taong pinararangalan ng Dios. Maraming taong nakapagbibigay lugod sa Dios ang hindi pinararangalan sa mundo. Sinabi ni Hesus na sa walang hanggan ang estado o kalagayan ng maraming tao ay magiging kabaligtaran (Mateo19:30).
Kapag nagkita-kita ang magkakapatid na Kristiyano, ang taong mahirap ay tatanggap ng kalagayang hindi niya natanggap sa mundo, dahil siya ay iginagalang bilang isang kapatid na Kristiyano. Ang mayaman ay mawawalan ng kanyang kalagayan habang nasa mundo pa, dahil hindi siya inilalagay ng kanyang pera sa mas mataas na posisyon kaysa sa iba sa iglesya (Santiago 1:9-10).
Pagkaalipin
Ang pagkaalipin ay ang kundisyon kung saan ang isang tao ay itinuturing bilang pag-aari ng ibang tao. Sa karamihan sa mga bansa na nagpapahintulot ng pang-aalipin, ang alipin ay walang karapatan bilang isang tao. Magagawa ng may-ari ang anumang kanyang naisin sa alipin na tila ba ang alipin ay isang hayop o makina. Ang sariling pagnanais at ambisyon ng alipin ay nakabatay sa kagustuhan ng may-ari. Ang asawang lalaki at asawang babae ay maaaring paghiwalayin ng kanilang may-ari, at ang mga anak ay maaaring kunin sa kanilang mga magulang.
Sa Lumang Tipan, hinigpitan ng Dios ang pang-aalipin at iningatan ang ilang karapatan para sa alipin. Ang pagpapahalaga sa mga karapatan ng isang alipin ay hindi karaniwan sa panahong iyon. Sa Bagong Tipan, sinabi ng Dios na siya ang Panginoon ng lahat ng tao, hindi kumikiling sa sinuman dahil sa kalagayan, at ang panginoon ng mga alipin ay dapat mabuti at makatarungan (Efeso 6:9). Ang prinsipyo na ang alipin ay dapat tratuhin nang may pagsasaalang-alang na nararapat sa bawat tao sa wakas ay nagbunga ng pagbuwag sa pang-aalipin sa mga bansang pinakanaimpluwensiyahan ng Biblia.
Umiiral pa rin ang pang-aalipin sa maraming lugar sa iba’t-ibang anyo. Halimbawa, sa ilang lugar, ang mga anak ay ipinagbibili para magtrabaho o pag-abusong seksuwal. Kung minsan ang mga anak ay ibinibigay sa mga paganong templo bilang kabayaran sa paglaya mula sa karamdaman o mga sumpa. Kung minsan ang mga kababaihan ay nananatili sa prostitusyon nang laban sa kanilang kagustuhan. Kung minsan may mga taong ilegal na dinadala sa ibang bansa para doon ay gawing alipin.
Pagpapahirap na Pang-ekonomiya
Sa isang lugar na walang kalayaang pang-ekonomiya, ang mga kundisyon ay tila nakakatulad ng pang-aalipin. Walang kalayaan ang mga tao na magkaroon ng kanilang sariling negosyo. Kaunti lamang ang pagkakataon ng isang tao na baguhin ang kanyang pinagkakakitaan para sa mas mabuting kalagayan. May mga taong nagtatrabaho na ang kinikita ay halos hindi nakatutugon sa pagkain ng pamilya. Bihira silang bumili ng anuman bukod sa kanilang pangunahing pagkain. Hindi nila makakayang magpadoktor. Kahit gaano pa siya magpakahirap sa trabaho, hindi sila kailanman makatitira sa mas mabuting tirahan, dahil ang pera ay hindi kailanman sapat para sa kanilang pangangailangan. Ang kanilang amo ay hindi magdadagdag ng upa dahil lagi silang makatatagpo ng taong magtatrabaho sa mas mababang sahod.
Ang pagpapahirap na pang-ekonomiya ay masalimuot at hindi lamang pagkakamali ng mga amo. Sa ilang bansa maraming manggagawa ngunit kakaunti ang pabrika at malalaking negosyo. Kung ang pamahalaan ay masama, maaari nitong pigilin ang malalaking negosyo upang makapagsimula sa paghingi ng matataas na buwis at mga suhol. Kapag maraming negosyo ang pinahihintulutan, magiging mataas ang pasahod sa mga manggagawa dahil ang mga manggagawa ay maaaring pumili kung saan magtatrabaho at kinakailangan silang akitin ng mga negosyo sa pamamagitan ng mas mataas na pasahod at kundisyon. Dahil kakaunting negosyo ang pinahihintulutan, at ang mga manggagawa ay may kakaunting pagpipilian para makapagtrabaho, maaaring bayaran ng amo ang manggagawa ng mas mababang sahod. Hindi kikita ang mga manggagawa ng sapat upang matugunan ang kanilang pangangailangang pinansiyal.
Ang layunin ng pamahalaan ay ang paglingkuran ang mga tao sa pamamagitan ng pagprotekta sa kanila mula sa pag-atake at pagbabantay sa kanilang mga kalayaan. Ang mga pangunahing kalayaan ng tao ay: ang kalayaang ipahayag ang inyong opinyon, upang gawin ang relihiyon, upang magtrabaho para kumita, at magkaroon ng mga ari-arian. Ang taong hindi pinahihintulutang gawin ang mga bagay na iyon ay hindi tinatrato bilang lubos na tao.
Kung minsan tinatanggap ng mga Kristiyano sa isang lugar ang mga kalagayan bilang normal, at hindi sinisikap na tulungan ang mga taong pinahihirapan sa ekonomiya.
Si Jamyla ay nakatira sa isang maliit na baranggay kung saan walang pagkakataon para magtrabaho. Iniwan niya ang kanyang tatlong anak sa kanilang lola at nagtungo sa lunsod upang magtrabaho bilang isang kasambahay sa bahay ng isang pastor sa sahod na $50 kada buwan-buwan. Bihira niyang makita ang kanyang mga anak. Karamihan sa mga tao ay hindi itinuturing na mabuti para sa isang ina na mahiwalay sa kanyang mga anak sa ganitong paraan, ngunit maging ang mga Kristiyano ay uupa ng isang taong nasa kalagayan ni Jamyla. Nag-iisip sila kung bakit dapat silang umupa ng higit pa roon, kung ang taong ito ay sumasang-ayon na magtrabaho sa gayung sahod? Bakit sila dapat mag-alala na siya ay nahiwalay sa kanyang mga anak kung siya ang pumili na iwan sila at magtrabaho?
► May tungkulin ba ang mga Kristiyano na makialam sa sitwasyon ni Jamyla? Paano?
Ang aklat ng Amos ay nagpapahayag ng maraming pagkakataon tungkol sa pagpapahirap na pang-ekonomiya. Sa Amos 5:11-12 nagsasalita ang propeta tungkol sa mga suhol na nagiging dahilan kaya’t ang hukom ay pumapanig sa taong may pera at ipinagkakait sa mahihirap ang katarungan. Sa Amos 8:4-6 itinatakwil ng propeta ang mga tao na gumagamit ng maling panukat upang linlangin ang mahihirap. Sa Amos 4:1 sinasabi niya na ang mga babae ay nagkakasala rin kung sila ay namumuhay nang marangya mula sa perang kinita ng kanilang asawang lalaki mula sa pang-aapi sa mahihirap. Sinabi ng propeta na dapat bumuhos ang katarungan nang tulad sa isang ilog (Amos 5:24), nangangahulugan na ito ay dapat maging masagana at maaaring tanggapin ng lahat.
Kahalagahan ng Tao at Tungkulin ng Awtoridad
Ang katotohanan na ang bawat tao ay may walang hanggang kahalagahan ay hindi nangangahulugan na hindi dapat magkaroon ng istruktura ng awtoridad sa mga tao. Ang pantay na kahalagahan ay hindi nangangahulugan ng pantay na awtoridad. Halimbawa, kahit ang bawat persona ng Trinidad ay lubusan at pantay-pantay na Dios, ang Anak ay nagpapasakop sa Ama (Juan 6:38). Inutusan ng Dios ang asawang babae na sundin ang kanyang asawang lalaki; ngunit iyon ay hindi nangangahulugan na ang babae ay mas mababa kaysa sa lalaki (Efeso 5:22). Sinabi ng Dios sa mga anak na sundin ang kanilang mga magulang; ngunit hindi ito nangangahulugan na sila ay mas mababa kaysa sa kanilang mga magulang, maliban sa paglago (Efeso 6:1)
Itinatag ng Dios ang pamahalaan (Roma 13: 1-5). Itinatag rin Niya ang awtoridad sa iglesya (Hebreo 13:17).
Dapat tandaan ng lahat ng pinuno na sila ay mga tagapag-lingkod (Mateo 20:25-28). Ang paglilingkod sa pamamagitan ng pangunguna ay nangangahulugan na pangunahan ang iba para sa ikabubuti ng mga sumusunod. Ang isang pinuno ay hindi nangunguna para sa kanyang sariling kapakinabangan kundi isinasakripisyo niya ang kanyang sariling kapakanan upang paglingkuran ang mga sumusunod sa kanya.
► Paano mo ipapaliwanag ang katotohanan na sa isang kahulugan ang ilang tao ay mas mahalaga kaysa sa iba samantalang sa isang kahulugan ang lahat ng tao ay may pantay-pantay na kahalagahan?
Pagsasabuhay Para sa Mga Kristiyano
Tiyakin na ang lahat ng tao ay napangangalagaan ng pamilya sa iglesya.
Inaalala ba at tinutulungan ang mga matatanda kapag kinakailangan nila?
Ang mga bata ba ay pinahahalagahan at tinuturuan at pinalalakas ang loob ayon sa antas ng kanilang paglago?
Ang mahihirap ba ay malugod na tinatanggap at komportable sa inyong iglesya?
Iniiwasan ba ninyong parangalan ang mga tao sa iglesya dahil sa kanilang kayamanan o kalagayan sa lipunan?
Malugod bang tinatanggap ang mga tao mula sa lahat ng grupong etniko sa pakikisama at pakikibahagi sa buhay at ministeryo ng iglesya?
Mayroon bang grupong etniko sa inyong lugar na nangangailangang bahaginan ng ebanghelyo?
Mayroon bang mga taong inaapi sa inyong pamayanan na nangangailangan ng taong magiging tagapamagitan para sa kanila?
Dapat ipakita ng pamilyang Kristiyano ang kahalagahan ng lahat ng tao. Dapat kapwa igalang ang asawang lalaki at asawang babae. Dapat isaalang-alang ang kanilang mga pangangailangan. Ang mga bata ay hindi dapat ipagwalang-bahala o tratuhin na hindi mahalaga. Dapat maayos na disiplinahin ang mga anak. Wala kang karapatan na maging malupit sa iyong anak o asawang babae nang higit sa iyong karapatan na tratuhin din sa gayun paraan ang iyong kapwa.
Dapat nating tulungan ang mahihirap sa paraang nagpapalakas sa kanilang dignidad. Huwag kayong magbibigay na nakikita ng publiko para parangalan ang iyong sarili habang hinihiya ang mahihirap. Kung bibigyan mo ang isang taong mahirap ng patas na paraan upang kumita ng kanyang kinakailangan, iniingatan mo ang kanyang dignidad dahil maaari siyang makapili, at maaari siyang magtrabaho kapalit ng suweldo. Ang pinakamabuting tulong ay nagbibigay sa isang mahirap ng pagkakataon na baguhin ang kanilang kalagayan.
Binigyang diin ng mga propeta sa Lumang Tipan na nais ng Dios na palayain ng kanyang bayan ang mga inaapi (Isaias 58:6).
Binibigyang-diin ng Bagong Tipan ang katotohanan na dumating si Hesus sa mga taong mahihirap. Isinilang siya sa isang lugar kung saan inaalagaan ang mga hayop. Karamihan sa kanyang mga kaibigan at tagasunod ay mga taong nagtatrabaho at mahihirap. Nagpakita ng pagkalinga si Hesus para sa mga taong hindi mahalaga sa kanilang lipunan: ang mahihirap, mga ketongin, mga balo, mga taga-ibang-bayan, at mga bata. Sinabi niya na dumating siya upang magdala ng mabuting balita sa mahihirap. Sinabi niya na ang ebanghelyo ang magpapalaya sa mga inaapi.
Simula pa sa mga unang araw ng iglesya, aktibo na ang mga Kristiyano sa kanilang mga lipunan. Dinala nila ang mga inabandonang mga bata sa kanilang tahanan, pinalaya ang mga alipin, at tinulungan ang mga maysakit. Pinangalagaan nila ang mga tao na itinuturing na walang halaga ng kanilang lipunan.
Sinabi ni Hesus na dapat nating ipanalangin na dumating na ang kaharian ng Dios at matupad ang kanyang kalooban sa lupa katulad nang sa langit (Mateo 6:10). Alam natin na lahat ng pang-aapi ay magwawakas kapag ang kaharian ng Dios ay lubusan nang dumating sa mundo. Sa ngayon, dapat tayong manalangin upang mamagitan ang Dios para sa mga taong inaapi sa lahat ng dako.
Para sa Pagbabahaginan ng grupo
Para sa karamihan sa mga grupo, ang paksang ito ay magiging dahilan ng maraming talakayan. Ang ilang mag-aaral ay maaaring may matinding pakiramdam tungkol sa kanilang mga naranasan o naobserbahan.
► Paano magbabago ang iyong saloobin tungkol sa ibang grupong etniko kung maaalala mo ang halaga sa Dios ng bawat tao?
► Ano ang isang bagay na sana ay iba ang iyong ginawa dahil sa nalalaman mo ngayon ang tungkol sa halaga ng tao? Hikayatin ang mga mag-aaral na ibahagi ang kanilang sariling pagtatalaga ng sarili nang higit sa pagpapahayag ng galit tungkol sa ginawa ng iba.
► Paano dapat makaapekto sa ministeryo ng isang iglesya ang kahalagahan ng tao?
Panalangin
Aming Ama sa Langit,
Salamat po sa paglikha sa amin na espesyal na mga nilalang ayon sa iyong wangis. Tulungan mo po akong respetuhin ang lahat ng tao. Tulungan mo po akong pagsisihan ang anumang maling paniniwalang mayroon ako at mga pagkagalit na mayroon ako para sa mga tao.
Dalangin ko po na bibigyan mo ng katarungan ang mga tinatrato ng mali sa buong mundo dahil sa kanilang etnikong pinagmulan, kasarian, edad o anumang ibang katangian.
Tulungan mo po akong ipagtanggol ang mga taong inaapi at gumawa upang ang aming lipunang kinabibilangan ay maging patas para sa lahat. Tulungan mo po ang aming iglesya at bawat indibidwal na Kristiyano na ipakita ang iyong pagmamahal sa mundo sa mga tiyak na paraan.
Amen
Leksiyon 11 Mga Takdang Aralin
(1) Sumulat tungkol sa tungkuling ibinigay ng Dios sa iglesya na baguhin ang pakikisama sa mga tao sa kanilang lipunan.
Ano ang dapat ginagawa ng inyong iglesya?
Ano ang dapat ginagawa ng bawat isang Kristiyano?
Ano ang iyong gagawin?
(2) Pag-aralan ang Deuteronomio 24:10-22. Ilista ang mga utos na nagpapakita ng kahalagahan ng mga tao. Ipaliwanag ang layunin ng bawat kautusan.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.