Si George Washington Carver, Siyentipikong Pang-Agrikultura
Si George Washington Carver ay isinilang bilang alipin sa America mga taong 1860. Pagkatapos nabigyang wakas ang pagkaalipin, ninais niyang mag-aral. Ang edukasyon ay hindi madaling makuha para sa mga kabataang itim sa panahong iyon, ngunit isang mabait na babae ang nagsabi sa kanya, “Dapat mong pag-aralan ang lahat ng iyong makakaya pagkatapos bumalik ka sa mundo at ibigay ang iyong karunungan pabalik sa mga tao.” Nanalangin si George, “Panginoon, ipakita mo sa akin ang mga lihim ng sanlibutan,” at sinabi niyang tumugon ang Dios, “Napakaliit mo upang maunawaan ang mga lihim ng sanlibutan.” Pagkatapos nanalangin si George, “Kung gayun, Panginoon, ipakita mo sa akin ang mga lihim ng isang mani,” at sinabi niyang sumang-ayon ang Dios. Mahalaga ang mani dahil ito ang pangunahing tanim na itinatanim ng maraming mahihirap na magsasaka. Nalalaman ni George na ang pag-imbento ng marami pang produkto mula sa mani ay magtataas ng halaga ng mga produktong mani. Natuklasan ni George ang 300 na maaaring produkto mula sa mani at 100 produkto mula sa kamote. Nagturo siya ng agrikultura sa Tuskegee Institute sa loob ng 47 taon at nakatagpo siya ng mga paraan upang magturo ng mga bagong pamamaraan sa mga magsasaka, tinutulungan sila na paunlarin ang kanilang lupa at magkaroon ng mas mabuting mga ani. Si George Washington Carver ay isang malaking pagpapala dahil sa kanyang pananampalataya sa Dios at sa kanyang pagtitiwala na ang nilikha ng Dios, kung maayos na pamamahalaan, ay makapagdadala ng dakilang benepisyo sa sangkatauhan.
Isang Pagbibigay-kahulugan: Ang Ecology/Kapaligiran ay ang pag-aaral sa mga paraan kung paanong nagkakaugnay-ugnay sa isa’t-isa ang mga bagay na nabubuhay at ang kanilang kapaligiran.
Ang Awtoridad ng Tao sa Kalikasan
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Genesis 1:1 at 1:26-28 para sa grupo.
Ang responsibilidad ng tao para sa mundo ay batay sa katotohanan na nilikha ng Dios ang mundo para sa Kanyang kapurihan (Awit 148) at inilagay niya rito ang mga tao bilang tagapamahala. Bilang mga tao na nilikha sa imahen ng Dios, tayo ay nilikha upang maghari tulad ng ginawa ng Dios; upang “magkaroon ng kapamahalaan” na naaayon sa kalikasan ng Dios. Sinabi ng Salmista, “Gayunman ay nilikha mo ang tao na bahagyang mas mababa kaysa sa makalangit na nilikha at pinutungan siya ng kaluwalhatian at karangalan. Ibinigay mo sa kanya ang kapamahalaan sa mga gawa ng iyong mga kamay, inilagay mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang mga paa” (Awit 8:5-6).[1] May natatanging gampanin ang tao sa mundo. Hindi sila basta isa pang klase ng hayop. Binigyan ng Dios ang mga tao ng gampanin na pamahalaan ang mundo at ang mga nilikha na nabubuhay doon.
Sinabi ng Dios kina Adan at Eba na magpakarami at punuin ang mundo. Sinabi niya sa kanila na supilin ang mundo. Ang proseso ng pagsupil sa mundo ay ipagpapatuloy ng kanilang mga salinlahi. Kabilang sa gawain ng pagsupil sa mundo ay pagtuklas, pag-aralang manirahan sa mga bagong lugar, pagtuklas at paggamit ng mga mineral, pagpapaamo sa mga hayop, at pagpapaunlad sa teknolohiya.
Ang lahat ng bagay ay mabuti nang likhain niya iyon. Ang gawain ng tao na pangangalaga sa Garden ng Eden (Genesis 2:15) ay kasiya-siyang gawain na magkakatugmang pagsasamahan sa kalikasan. Pagkatapos nagkaroon ng kasalanan, ang kalikasan ay naapektuhan ng sumpa, at naging mahirap ang gawain ng tao (Genesis 3:17-19). Wala na ang orihinal na pagiging perpekto ng mundo,[2] ngunit patuloy itong nagpapakita ng kaluwalhatian ng Dios sa kanyang kahanga-hangang disenyo.
Pagkatapos ng baha, sinabi ng Dios na ang mga tao ay maaaring kumain ng mga hayop (Genesis 9:3). Ang batas na ibinigay ng Dios kay Moises ay nagbawal sa mga tao na kumain ng ilang uri ng hayop, ngunit sa Bagong Tipan sinasabi sa atin na tayo ay pinahihintulutan nang kainin ang anumang nilikha na maaaring kainin (Marcos 7:19, 1 Timoteo 4:4). Ang mga hayop ay walang karapatan na naglalagay sa kanila sa antas na maihahambing sa mga tao.
Ang Reponsibilidad ng Tao Upang Pamahalaan ang mga Mapagkukunan.
Bagaman ang tao ay may awtoridad sa ibang mga nilikha sa mundo, hindi siya ang may lubusang awtoridad. Ang tao ay may pananagutan sa Dios.
Ang mundo at ang kanyang mga ibinubunga o inaani ay pag-aari pa rin ng Dios.
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang Awit 24:1 at Awit 50:10-11 para sa grupo.
Pag-aari ng Dios ang mundo. Idinisenyo ng Dios ang mundo upang ipahayag ang kanyang kaluwalhatian (Awit 19:1), tugunan ang mga pangangailangan ng mga tao (Genesis 1:29), at maging isang magandang lugar para panirahan nila. Layunin ng Dios na maging kasiyahan natin ang mundo at ang mga bagay na nagmumula rito. Hindi natin dapat sambahin ang mundo, dahil ito ay ginawa lamang ng kamay ng Dios (Roma 1:25). Hindi rin natin dapat pakinabangan ang mundo sa mga mapanirang pamamaraan.
Kung minsan kinukuha ng mga tao ang benepisyo mula sa lupa ngunit kasabay nito na nasisira ang lupa. Maaaring kunin ng mga tao ang mina ng mineral ngunit iniiwan nila ang lupa na walang silbi at pangit. Kung minsan kinukuha ng mga tao ang lahat ng puno sa isang lugar, at hinahayaang anurin ng ulan ang lahat ng mabuting lupa. Kung minsan hinuhuli ng mga tao ang mga maiilap na hayop para kainin hanggang sa maubos ang mga ito sa lugar. Itinatapon ng mga tao ang basura sa mga ilog hanggang sa ang tubig ay hindi na ligtas para gamitin.
Idinisenyo ng Dios ang mundo upang maging produktibo. Hindi tama na gamitin ng tao ang lupa sa paraang masisira ito. Hindi napararangalan ang Dios sa nakasisirang paggamit ng lupa.
Idinisenyo ng Dios ang mundo upang maglingkod sa maraming henerasyon ng tao sa loob ng libo-libong taon. Dapat tayong maging responsable na pangasiwaan at paunlarin ang kapaligiran para sa susunod na henerasyon. Ang taong sumisira sa lupa para sa biglaang benepisyo ay hindi nagmamahal sa kanyang kapwa at sa susunod na henerasyon.
Nais mo bang isipin na dalawampung taon mula ngayon ay mayroong magnanakaw sa iyong mga anak? Siyempre, hindi! Gayunman ninanakawan ng mga tao ang kanilang mga anak sa pagsira ng kapaligiran na paninirahanan ng kanilang mga anak. Kung wala ka pang sariling mga anak, dapat mo pa ring pagmalasakitan ang anak ng iba na sa hinaharap ay magmamana sa lupain.
Maraming tao ay maingat sa lupa na kanilang pag-aari ngunit hindi sila nagmamalasakit sa pampublikong lupain. Dapat magpakita ng halimbawa ang mga Kristiyano sa pangangalaga sa kapaligiran, dahil alam natin na ito ay pag-aari ng Dios at dahil nagmamalasakit tayo sa ating kapwa at sa susunod na henerasyon.
Kung minsan iniisip ng mga tao, “Hindi sa akin ang lupang ito, kaya’t maaari kong iwan ang aking basura dito,” o “Maaari kong putulin ang lahat ng mga puno, maging ang maliliit pa sa mga ito.”
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Deuteronomio 22:6 para sa grupo.
Sa bahagi ng mundo kung saan isinulat ang aklat ng Deuteronomio, may mga ibon na madaling mahuhuli habang nakaupo sa pugad. Kung laging kukunin ng tao ang inang ibon at ang mga itlog o mga inakay, ang mga ibong iyon ay madaling mauubos. Sinabi sa kanila ng Dios na palayain ang inang ibon upang ang lahi nito ay hindi maubos. Ang ating mga tuntunin sa kasalukuyan sa iba’t-ibang lugar ay hindi magiging magkakatulad, subalit sinasabi sa atin ng talata na dapat tayong maging maingat sa pangangalaga sa mga kayamanan sa pampublikong lupa.
Nang likhain ng Dios ang mga halaman, hindi lamang mga gulay at prutas ang kanyang nilikha, gumawa siya ng mga bulaklak at maraming magagandang bagay. Sinasabi nito sa atin na ang Dios ay hindi lamang nagpapahalaga sa mga praktikal na gamit ng lupa; pinahahalagahan rin niya ang kagandahan (Lucas12:27). Nilikha niya ang kagandahan ng kalikasan upang magbigay ng magandang kapaligiran para tirahan ng mga tao.
Lahat ng mga bundok, disyerto, mga ilog, mga palanas, at mga gubat ay nagtataglay ng natural na kagandahan. Kung minsan ang mga taong ipinanganak sa isang partikular na lugar ay hindi nakikita ang kagandahan na naroon dahil ordinaryo na iyon sa kanila.
► Isipin ninyo halimbawa na ikaw ay isang pintor. Halimbawa na nag-ukol ka ng maraming panahon upang makagawa ng magandang larawan at ibinigay iyon sa isang kaibigan. Pagkatapos, isang araw nang dalawin mo siya nakita mo ang larawan sa sahig, sira na at natapakan ng mga tao. Ano ang iyong magiging pakiramdam?
Maraming mga komunidad kung saan ang mga tao ay nagtatapon ng lahat ng kanilang basura kahit saan. Nililinis nila ang kanilang sariling bakuran ngunit iniiwan ang basura kung saan-saan. Ang mga kalsada sa kanilang pamayanan ay puno ng basura.
► Ano ang dapat maunawaan ng mga taong ito?
Dapat tayong magmalasakit sa mga lugar na ating ginagamit kasama ng ibang tao, para sa kanilang kapakanan at para rin sa ating sariling kapakanan.
► Ano ang maaaring gawin ng iglesya upang baguhin ang kanilang pamayanan?
Ang Paggamit ng mga Hayop
Ang mga hayop ay naiiba sa mga tao. Hindi sila nilikha sa imahen ng Dios. Sagayun, hindi sila nagtataglay ng walang kamatayang espiritu (Ecclesiates 3:21) at hindi sila nagtataglay ng mga karapatan ng tao.
Pinahintulutan ng Dios ang mga tao na kainin ang mga hayop, na nagpapahiwatig na maaaring mangaso ng mga maiilap na hayop para sa pagkain at mag-alaga ng mga maaamong hayop para sa pagkain.
Sa halos buong kasaysayan ng tao naging pangkaraniwan na sa mga tao na magkaroon ng hayop para alagaan o para magawa ang mga trabaho.
► Mahalaga ba sa Dios kung paano tinatrato ng mga tao ang mga hayop?
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Kawikaan 12:10 para sa grupo.
Sinasabi ng talatang ito na isang katangian ng isang taong matuwid ay ang pag-aalaga niyang mabuti sa kanyang mga hayop. Ang kalupitan ay katangian ng isang masamang tao.
Dapat tiyakin ng isang taong nagmamay-ari ng hayop na ito ay may pagkain, tubig, at silungan na kailangan nito. May maling bagay sa isang tao na hindi nangangalaga sa mga pangangailangan ng kanyang mga alagang hayop.
Tandaan ninyo na lahat ng mga hayop ay pag-aari ng Dios (Awit 50:10-11). Silang lahat ay dinisenyo at nilikha ng Dios. Nilikha niya ang mga ito nang maraming pagkakaiba-iba. Maaari sana niyang nilikha lamang ang ilang klase upang magsilbing pagkain at para sa trabaho, subalit gumawa siya ng libo-libong uri ng hayop, bukod pa sa mga insekto at microscopic na anyo ng buhay. Ang kahanga-hangang pagiging malikhain ng Dios ay ipinakita sa iba’t-ibang uri ng mga hayop.
May mga hayop na kayang magpakita ng katapatan at pagpapahalaga sa nag mamay-ari sa kanila. Natutuwa sila sa atensiyon mula sa mga tao at natututo silang tumugon. Sapat ang kanilang katalinuhan upang matuto ng maraming mga bagay. Malinaw na idinisenyo sila ng Dios para magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa mga tao. Binigyan ng Dios ang mga hayop ng espesyal na respeto para sa mga tao (Genesis 9:2).
Nilikha ng Dios ang mga hayop nang may katalinuhan at likas na tumutugon sa mga tao. Ang pag-abuso sa kanila ay kawalang respeto sa mga layunin ng Dios. Dagdag pa sa katotohanang iyon, mayroong mali at baluktot sa isang taong natutuwa kapag nahihirapan ang isang hayop.
Maraming beses na ginagamit ng Kasulatan ang paglalarawan ng isang pastol. Si David ay isang pastol bago siya naging hari ng Israel. Isinulat ni David ang Awit 23 at inihahambing niya ang Dios sa isang pastol. Nalalaman ni David na inaalagaan ng Dios ang mga tao sa paraang inaalagaan ng pastol ang kanyang mga tupa. Sa Bagong Tipan ang mga pastor ay inihahambing sa mga pastol (1 Pedro 5:2 at marami pang iba). Ang paghahambing na ito ay hindi magkakaroon ng kahulugan kung hindi inaasahan ng Dios na alagaan ng tao ang kanilang mga hayop.
Ang pag-aalaga ni David ng mga tupa ay bahagi ng kanyang pagsasanay sa pangangalaga sa mga tao. Sa parehong paraan, ang ating pangangalaga sa lupa at mga hayop na ipinagkatiwala sa atin ng Dios ay maghahanda sa atin upang alagaan ang mga tao.
Ang Kahalagahan ng Luntian
Luntian ang pinakakaraniwang kulay sa kalikasan maliban sa mga lugar na nagkukulang sa tubig o mabuting lupa. Iyon ang kulay na pinakana maginhawa sa ating mga mata.
Maraming mga tao na naninirahan sa mga lunsod ang nakararamdam ng kapahingahan kapag sila ay lumalabas sa lunsod at pumupunta sa isang kapaligirang mas malapit sa kalikasan.
Maraming kapaligiran sa lunsod ang halos ay wala nang halamang nabubuhay. Karamihan sa lugar ay natatakpan ng konkreto o aspaltado. May ilang lipunang nagsisimula nang gumawa ng mga parke at iba pang luntiang lugar sa mga lunsod. Ang mga tao sa bawat komunidad ay dapat magtulungan nang sama-sama upang magbigay ng mga lugar para tumubo ang mga puno at iba pang halaman. Dapat silang maglaan ng mga luntiang lugar para maging kasiyahan ng mga tao at higit para sa mga bata upang kanilang maging laruan. Maaaring magkaroon ang mga pamilya ng kanilang sariling luntiang lugar sa kanilang mga bakuran at tahanan sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga halaman.
Mga Kaibahan ng isang Kristiyanong Kapaligiran
Sa simula ng leksiyong ito ay ang kahulugan ng ecology/kapaligiran.
► Bakit dapat pangalagaan ng mga Kristiyano ang kapaligiran?
May mga taong nag-iisip na maaari nating mailigtas ang daigdig sa pamamagitan ng pagpigil sa polusyon. Bilang mga tao, hindi natin naililigtas iyon, bagaman dapat nating gawin ang ating bahagi upang panatilihin ito hanggang kaya natin. Nalalaman ng mga Kristiyano na hindi natin kayang hanggang wakas na mababaligtad ang pagkasira ng sanlibutan. Sa wakas, babaguhin ng Dios ang mundo (Pahayag 21:1). Samakatuwid, nalalaman natin na hindi natin maililigtas ang daigdig.
May mga tao na naniniwala na ang mga tao ay hindi mas mahalaga kaysa iba pang nilalang, at dapat nating igalang ang mga hayop dahil ang kanilang mga karapatan ay kapantay ng sa atin. Alam ng mga Kristiyano na ang mga tao ay binigyan ng Dios ng kapamahalaan sa daigdig. Alam natin na ang mga tao ay naiiba sa mga hayop dahil tayo ay natatanging nilikha sa imahen ng Dios at nagtataglay ng walang hanggang kaluluwa. Samakatuwid, ang mga hayop ay walang mga karapatan na maihahambing sa mga karapatan ng tao.
Pinangangalagaan ng mga Kristiyano ang daigdig dahil
(1) Ito ay pag-aari ng Dios
(2) Ang mga tao ay may tungkulin mula sa Dios upang pangalagaan ang daigdig
(3) Pinagmamalasakitan natin ang susunod na henerasyon ng mga tao
► Anong karaniwang kaugalian sa inyong bansa o komunidad ang nagpapakita na ang mga tao ay walang di-nagbabagong pang-unawang Kristiyano patungkol sa kapaligiran?
► Isang maaaring talakayin sa klase: Papikitin ang isang tao at ipalarawan sa kanya kung ano ang lagi niyang nakikita kapag umaalis siya sa bakuran ng sambahan? Ano ang hitsura ng lugar sa harap ng sambahan? Mayroon bang basura sa paligid? Mukha bang mayroong nangangalaga dito? Sino ang dapat mangalaga sa lugar na iyon? Ilarawan kung paano iyon maaaring baguhin ng mga tao sa sambahan. Bakit dapat nilang isipin na pangalagaan ang kapaligiran? Ano ang magiging impluwensiya sa iba ng kanilang pangangalaga? Gayun din ang maaaring isipin ng mga mag-aaral sa kapaligiran ng kanilang mga tahanan.
Para sa Pagbabahaginan ng Grupo
Pag-isipan ang mga sumusunod na katanungan.
► Anong mga kaugalian ang dapat baguhin?
► Paano makagagawa ng pagkakaiba ang inyong iglesya sa komunidad nito sa pamamagitan ng halimbawa at pagtuturo?
► Paano mapabubuti ng inyong komunidad ang kapaligiran nito kung makikiisa ang mga tao sa komunidad?
Panalangin
Aming Ama sa Langit,
Maraming salamat po sa paglikha ng mundo na may kagandahan at lahat ng mapagkukunan ng pangangailangan. Salamat sa pagtitiwala sa amin ng tungkulin ng pangangalaga para sa mundong iyong nilikha.
Tulungan po ninyo kaming mamuhay nang may pagpapahalaga sa iyong kamangha-manghang sannilikha.
Tulungan po ninyo kaming sama-samang magtrabaho upang pangalagaan ang kagandahan at lahat ng mapagkukunan ng pangangailangan sa sanlibutan.
Amen
Leksiyon 8 Mga Takdang Aralin
(1) Sumulat ng isang parapo na naglalarawan sa iyong plano upang baguhin ang iyong mga kaugalian dahil sa katotohanang natutuhan sa leksiyong ito.
(2) Sumulat ng isang pahina na naglalarawan sa mga maling gawain ng inyong lipunan. Pagkatapos, magpatuloy sa paglalarawan kung paano mo ipapaliwanag sa isang tao kung bakit ang mga gawain ay dapat maiba. Ibatay ang iyong mga inaangkin sa espesipik na Kasulatan at sa pananaw ng mundo na ayon sa Biblia.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.