Si William Wilberforce, Tagapagtanggol ng Sangkatauhan
Si William Wilberforce (1759-1833) ay miyembro ng Parliamento ng Britanya na naging isang Kristiyano at nagsimulang labanan ang pang-aalipin, pagtatrabaho ng mga bata, at maling pagtrato sa mahihirap. Nagtrabaho siya sa loob ng 20 taon upang ipasa ang batas na magwawakas sa pangangalakal ng mga alipin na nagdadala ng mga bilanggo mula sa Africa upang ipagbili sa buong Imperyong Britanya. Madalas siyang nabibigo na ang iba ay tila ipinagwawalang-bahala ang usapin. Minsan nakuha niya ang karamihan sa mga miyembro ng parliamento upang pumayag na suportahan ang batas, ngunit nakuha ng mga sumasalungat ang ilan sa mga miyembro upang hindi dumalo sa sesyon ng parliamento. Binigyan nila sila ng tiket sa sinehan, at ang batas ay hindi nakapasa. Tinapos ng batas ang pangangalakal ng mga alipin noong 1807, ngunit ang pang-aalipin mismo ay hindi pa itinuturing na labag sa batas. Nagpatuloy si Wilberforce sa pagkampanya para sa lubusang pagbabawal sa pang-aalipin. Ang pang-aalipin ay natapos sa halos kabuuan ng British Empire noong 1833. Namatay si Wilberforce tatlong araw lamang pagkatapos matanggap ang balita na ang batas ay maipapasa na.
Panimula
Mayroong iba’t-ibang karanasan sa pakikipag-ugnayan sa mga relasyon ng mga Kristiyano sa kanilang pamahalaan. Sa ilang mga pagkakataon at lugar sa kasaysayan mayroong isang pambansang iglesya na kapanalig ng pamahalaan. Sa ibang mga pagkakataon at lugar, ginawang illegal ng pamahalaan ang iglesya at pinag-usig ito. May mga bansa na nagpapahintulot sa mga tao na malayang gawin ang alinmang relihiyon at ang kanilang pamahalaan ay nagsasabing wala silang relihiyon na pinapanigan.
Ang relasyon sa pagitan ng mga Kristiyano at ng pamahalaan ay nagbubunga ng maraming mahihirap na katanungan. Kung minsan ang isang iglesya sa isang lugar ay nakabubuo ng kaugnayan sa pamahalaan na hindi maaaring umiral sa ibang bahagi ng mundo kung saan ang pamahalaan ay lubhang naiiba.
Hindi sasagutin ng leksiyong ito ang bawat tanong o ipaliwanag kung ano ang dapat gawin ng isang Kristiyano sa bawat pagkakataon, subali’t titingnan natin ang ilang prinsipyong naaayon sa Biblia tungkol sa kaugnayan ng isang Kristiyano sa pamahalaan.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 13:1-7 para sa grupo. Anong mga pangungusap tungkol sa pamahalaan ang nakikita mo sa siping ito?
Sinasabi ng Biblia na ang Dios ang nagtatag ng pamahalaan para sa tao. Nais ng Dios na umiral ang pamahalaan, at ang taong tumatanggi na sumunod sa pamahalaan ng tao ay nagrerebelde laban sa Dios (Roma 13:2).
► Ano ang layunin ng pamahalaan, ayon sa mga talatang ito?
Isang layunin ng pamahalaan ay parusahan ang masamang pag-uugali sa pamamagitan ng pagpapatupad sa mga batas (Roma 13:3).
Ang tagapamuno ay naglilingkod sa Dios at tinutupad ang mga layunin ng Dios kapag pinarurusahan niya ang mga lumalabag sa batas.(Roma 13:4).
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Timoteo 2:1-2 para sa grupo.
Inaasahan na ipapanalangin natin ang mga tao sa pamahalaan upang makapamuhay tayo ng matahimik at mapayapa. Sinasabi nito sa atin na kapag ang pamahalaan ay kumikilos sa paraan nararapat dito, pinangangalagaan nito ang kapayapaan ng lipunan.
Impluwensiya ng Kristiyano
► Sinabi sa atin ni Hesus na dapat tayong maging asin at ilaw (Mateo 5:13-16). Ano ang ibig niyang sabihin?
May mga tao na naniniwala na ang mga Kristiyano ay hindi dapat bumoto o humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan, dahil ang mga pamahalaan sa mundo ay hindi namumuno sa pamamagitan ng mga prinsipyong Kristiyano. May mga Kristiyano na naniniwala na ang iglesya ay dapat maging isang nakabukod na komunidad na hindi nakikibahagi sa lipunan dahil ang lipunan ay lubhang masama.
Sumulat si propeta Jeremias sa mga Judio na kinuha mula sa kanilang sariling bansa upang mamuhay sa paganong lipunan. Hindi sila kusang-loob na naroon. Kung mayroong sumasampalataya sa Dios na may dahilan upang hindi makilahok sa lipunan, tiyak na may dahilan ang mga Judiong ito. Naroon sila nang laban sa kanilang kalooban, pagano ang relihiyon ng lipunan, nang-aapi ang pamahalaan at winasak na nito ang kanilang bansa, at ang mga Judio ay naghihintay sa araw na maaari silang umalis.
Subalit pakinggan ninyo ang mensahe ng Dios na ibinigay sa propeta para sa mga taong ito:
Hanapin ninyo ang kapayapaan ng lunsod kung saan ko kayo ipadadala upang mabilanggo, at manalangin kayo sa Dios para sa kapakanan nito, dahil sa kapayapaan nito matatagpuan ninyo ang inyong kapayapaan (Jeremias 29:7).
Shalom, ang salitang Hebreo ay karaniwang isinasalin bilang kapayapaan, tumutukoy hindi lamang sa kapayapaan mismo, kundi sa mga biyayang kasama ng kapayapaan. Tumutukoy ito sa mga biyaya ng Dios. Ang mga sumasamba sa Dios na ito ay makatatagpo ng biyaya ng Dios habang sinisikap nilang dalhin ang mga biyayang iyon sa isang lipunang makasalanan na walang anumang nalalaman tungkol sa kanya at pinag-usig pa ang kanyang bayan!
Ang mga taong naglilingkod sa Dios ay dapat makaimpluwensiya sa kanilang lipunan upang igalang ang kalooban ng Dios upang ang kanilang lipunan ay pagpalain. Hindi lamang nila dapat ibahagi ang ebanghelyo, kundi isabuhay rin ang mga prinsipyo ng Dios sa bawat kalagayan at bawat pagpapasya.
Ang pamahalaan at lipunan ay dapat hubugin ng Salita ng Dios. Mula sa nahayag na katotohanan ng Dios ay dapat magmula ang etika (mga tuntunin para sa tamang aksiyon), mula sa etika dapat magmula ang pulitika (ang pamahalaan para sa hustisya at kalayaan), at pagkatapos ay ekonomiya (pamamahala sa mga pinagkukunan ng pangangailangan). Kaya’t ang tamang pagkakasunod-sunod ay katotohanan, pagkatapos ay etika, pagkatapos ay pulitika, pagkatapos ay ekonomiya.
Kasulatan
Etika
Pulitika
Ekonomiya
Ang natural na tendensiya ng lipunan ng tao ay baligtarin ang kaayusang iyon. Ginagawang prayoridad ng mga tao ang kanilang pansariling ekonomiya, pagkatapos ay sinusuportahan ang mga tagapanguna at mga batas na magbibigay sa kanila kung ano ang kanilang nais kahit na kailangan nilang mawalan ng katarungan at kalayaan, pagkatapos binubuo ang kanilang etika upang umayon sa kanilang ginagawa, at pagkatapos ay magdidisenyo ng relihiyon na sasang-ayon sa kanilang pag-uugali. Kaya’t ang karaniwang pagkakasunod-sunod ay ekonomiya, pagkatapos ay pulitika, pagkatapos ay etika, pagkatapos ay relihiyon.
Ekonomiya
Pulitika
Etika
Relihiyon
Ang klaseng ito ng relihiyon ay sobrang nahubog ng mga maling prinsipyo kaya’t ito’y nagkukulang ng maraming katotohanan.
Ang iglesya ay dapat manindigan para sa katotohanang ayon sa Biblia, hindi lang sa pagtanggi sa mga kasalanan ng lipunan, kundi sa pagpapaliwanag at pagpapakita kung paano dapat ang isang lipunan. Kapag hindi maipaliwanag at maipakita ng mga Kristiyano kung ano ang dapat ginagawa ng lipunan, dapat nating asahan na ang mga taong walang kaalaman sa katotohanan ng Biblia ay mabibigong gamitin ito.
Hindi lamang dapat punahin ng mga Kristiyano ang kanilang lipunan. Ang mga Kristiyano ay dapat maging bahagi ng kanilang lipunan. Dapat aktibong ilahok ang kanilang mga sarili sa kanilang mga komunidad at maging mga tagapagsulong ng katarungan. Dapat palaging wasto ang pag-uugali ng mga Kristiyano sa lahat ng kanilang mga pakikipag-ugnayan at sagayun maimpluwensiyahan ang iba upang maging matuwid. Dapat silang makilahok sa pamahalaan at mga samahang nakakaimpluwensiya sa lipunan hangga’t magagawa nila iyon nang hindi lumalabag sa alinmang prinsipyong Kristiyano. Kung pinahihintulutan, dapat silang bumoto at sumuporta sa mga kandidato, yaong may pinakamalapit sa pagkakaroon ng katangiang Kristiyano.
► Ano ang isang halimbawa ng paghihigpit ng lipunan sa iglesya upang ito ay gumawa ng mga pasya para sa kapakanan ng kalusugan ng ekonomiya sa halip na gumawa ng mga desisyon batay sa katotohanan ng Kasulatan?
Ang Mga Kristiyano at ang mga Batas ng Pamahalaan ng Tao
Ang mga Kristiyano sa buong kasaysayan ay nahirapang malaman kung paano susundin ang mga prinsipyong Kristiyano habang ang kanilang pamahalaan ay sumusunod sa ibang prinsipyo. Kung minsan matindi ang di pagkakasundo, at ang mga Kristiyano ay nagdurusa para sa kanilang mga pinaninindigan dahil hindi nila magawa ang mga bagay na hinihingi sa kanila ng pamahalaan.
Sinasabi sa atin ng Biblia na magbayad ng mga buwis na hinihingi ng pamahalaan
(Roma 13:7, Mateo 22:21).
Sinasabi ng Biblia na sundin natin ang mga batas ng ating bansa (Tito 3:1). Gayunman, sinasabi rin sa atin ng Biblia na dapat nating sundin ang Dios kapag ang mga utos ng Dios ay sinasalungat ang mga batas ng tao (Mga Gawa 5:29).
Maaaring iutos ng pamahalaan na ang mga tao ay lumaban bilang mga sundalo para sa isang di-makatarungang dahilan. Maaaring iutos ng pamahalaan ang kamatayan ng mga sanggol upang pababain ang sobrang populasyon. Maaaring iutos ng pamahalaan na ang populasyon ay makiisa sa pang-aalipin ng isang grupong etniko.
Kung minsan ang usapin ay tungkol sa pagsamba. Maaaring usigin ang mga Kristiyano kapag hindi nila sinasamba ang mga dios ng kanilang pamilya o tribo. Maaaring usigin ang mga Kristiyano kapag ibang relihiyon ang pinapanigan ng kanilang pamahalaan.
May mga bansa na may batas laban sa pag-eebanghelyo at pagtuturo ng Biblia. Pinag-uusig ang mga Kristiyano kapag sila ay nagbabahagi ng ebanghelyo. Ang ilang bansa ay nagpaparusa sa mga magulang na nagtuturo sa kanilang mga anak ng tungkol sa Dios.
Mayroon tayong mga halimbawa sa Biblia ng mga taong may pananampalataya na hindi sumunod sa hindi makatarungang mga utos ng mga tagapanguna. Nagpatuloy si Daniel sa pananalangin kahit na ipinagbawal na ang pananalangin. Tumangging sumamba sa rebulto ng hari ang tatlong kaibigan ni Daniel. Sinuway ng mga komadronang Israelita ang Paraon nang iutos niya sa kanila na patayin ang mga sanggol na Israelita.
Sa buong kasaysayan, nag-ebanghelyo ang mga Kristiyano kahit na ito ay ipinagbabawal. Kahit ipinagbabawal, nagtawid ng Biblia ang mga Kristiyano sa mga hangganan ng mga bansa. Palihim ring nagkikita-kita ang mga Kristiyano upang sumamba. Nahadlangan rin ng mga Kristiyano—nang walang karahasan—ang mga klinika na nagsasagawa ng aborsiyon. Tinulungan rin ng mga Kristiyano ang mga nakatakas na mga alipin.
Karamihan sa mga Kristiyano ay nagnanais na mamuhay nang mapayapa at hindi maharap sa mga katulad na pagpapasya. Gayunman, kapag ang isang Kristiyano ay nahaharap sa isang kalituhan sa kabutihang-asal dapat niyang gawin kung ano ang tama kahit pa kailanganin niyang magsakripisyo para doon. Kung mayroon siyang pagkakataon na pigilin ang kawalang katarungan o ibahagi ang ebanghelyo, gumagawa siya ng seryosong pasya kapag nagpapasya siyang kumilos o hindi.
► Maaari mo bang ilarawan ang isang mahirap na kalagayang legal na maaaring maganap para sa isang Kristiyano sa inyong bansa?
Panunuhol
Naglalakbay ang isang pastor sa isang banyagang bansa. Taglay niya ang mga kinakailangang dokumento, nguni’t ilang beses din siyang pinahinto ng mga pulis upang hingan ng maliliit na halaga ng pera. Kung hindi siya magbibigay sa kanila ng pera, aantalahin nila ang kanyang paglalakbay at bibigyan nila siya ng problema.
► Ano ang dapat gawin ng pastor sa ganitong sitwasyon?
Ang suhol ay perang ibinabayad sa isang taong may awtoridad upang impluwensiyahan siya na ipahintulot ang paggawa ng isang bagay. Mali na suhulan ang isang tao upang gawin ang isang bagay na hindi niya dapat gawin. Halimbawa, kung ang isang gusali o ang isang sasakyan ay hindi nakatutugon sa mga wastong pangangailangan nito, hindi tama na suhulan ang isang inspektor upang pirmahan ang isang bagay na hindi naman totoo. Hindi tama na suhulan ang isang hukom o pulis upang magbigay ng di-makatarungang pasya.
Kung minsan ang isang taong may awtoridad ay humihingi ng suhol upang gawin kung ano ang inaasahang gagawin niya. Sa gayung pagkakataon, ang taong nagbabayad sa kanya ay hindi nagbabayad upang gumawa siya ng mali. Mali para sa opisyal na hingin iyon (Lucas 3:4), ngunit maaaring walang pagpipilian ang taong nagbabayad. Halimbawa dito ay ang paghingi ng permiso para sa isang bagay na dapat pahintulutan o upang makuha ang kalayaan ng isang taong walang kasalanan. Kung minsan ang suhol ay katulad ng pagnanakaw. Mali ang pagnanakaw, subali’t hindi natin sinisisi ang biktima.
Ang isang maingat na pagtingin sa Kasulatan ay nagpapakita na hinahatulan ng Dios ang mga kumukuha ng suhol ngunit maawain para sa mga napipilitang bayaran iyon (Exodo 18:21; 23:8; Deuteronomio 10:17; 16:19; 27:25). Hindi kailanman dapat magbayad ng suhol ang mga Kristiyano para sa kaginhawahan, subali’t hindi sila nagkakasala kapag sila ay pinipilit ng masasamang opisyal.
► Ano ang isang halimbawa ng maling suhol?
Paglilingkod sa Militar
Maraming Kristiyano ang naniniwala na mali ang maglingkod bilang sundalo para sa kanilang bansa. Ibinabatay nila ang kanilang paniniwala sa ilang pangungusap sa Kasulatan. Sinabi ni Hesus na dapat nating iharap ang kabilang pisngi kapag may sumampal sa atin (Mateo 5:39). Sinabi ni Hesus na ang kanyang mga lingkod ay hindi lumalaban, dahil ang kanyang kaharian ay hindi dito sa mundo (Juan 18:36). Sinabi ni Apostol Pablo na ang ating mga sandata ay hindi pisikal (2 Corinto10:4). Naniniwala ang mga Kristiyanong ito na mali ang anumang karahasan laban sa ibang tao. Marami sa mga Kristiyanong ito ay naninirahan sa mga bansa kung saan ang pamahalaan ay hindi nagpapahintulot ng kalayaan at pinag-usig ang mga Kristiyano.
Ang ibang Kristiyano ay naniniwala na dapat maging maluwag sa ating loob na ipagtanggol ang ating bansa bilang mga sundalo. Sinasabi ng Kasulatan na itinatag ng Dios ang pamahalaan at maaaring gumamit ang pamahalaan ng mga sandata upang parusahan ang mga gumagawa ng masama (Roma 13:4). Tila malinaw na idinisenyo ng Dios ang lalaki upang pangalagaan ang kanyang pamilya, at samakatuwid, tila natural na protektahan ng mga lalaki ang kanilang mga pamilya mula sa pag-atake sa anyo ng isang hukbo. Nang si Juan Bautista ay tanungin ng isang sundalo kung paano magsisisi, sinabi ni Juan sa kanya na huwag tatanggap ng suhol o gumawa ng pansariling karahasan ngunit hindi niya siya sinabihan na umalis sa hukbo (Lucas 3:14). Nang sabihin ni Hesus na iharap ang kabilang pisngi, hindi niya sinasabi na hindi natin dapat protektahan ang ating sarili sa anumang pag-atake, sa halip ay hindi natin dapat ipaghiganti ang ating sarili sa mga nakasasakit na pagkilos, tulad ng pagsampal sa mukha. Sinabi niya na ang kanyang mga lingkod ay hindi lumalaban upang magtatag ng kahariang panlupa para sa kanya, dahil hindi siya magtatatag ng kaharian sa ganoong paraan. Kung ang pamahalaan ay ideya ng Dios, at kung dapat ipagtanggol ng pamahalaan ang kanyang mga nasasakupan, kaya’t tama para sa mga Kristiyano na magsilbi sa kanilang pamahalaan upang tumulong na tuparin nito ang kanyang mga responsibilidad.
Sa loob ng mga siglo sa kasaysayan ng iglesya, maraming mga Kristiyano sa maraming bansa ang naglingkod na sa militar, maging sa labanan, dahil naniniwala sila na dapat nilang gampanan ang kanilang bahagi sa pagtatanggol ng kanilang bansa mula sa pag-atake ng kaaway.
Hindi nagkakasundo ang mga Kristiyano sa buong mundo tungkol sa usapin ng paglilingkod sa militar. Mahalaga para sa isang tao na isaalang-alang nang may panalangin ang Kasulatan at katwiran, pagkatapos ay sundin ang kanyang pinaninindigan.
► Paano sinasagot ng mga iglesya sa inyong bansa ang tanong tungkol sa paglilingkod sa militar?
Para sa Pagbabahaginan sa Grupo
Karamihan sa mga Kristiyano ay may matibay na mga palagay sa mga usaping ito. Mahalaga na maunawaan na ang mga Kristiyano sa iba’t-ibang panahon at lugar ay hindi rin magkakasang-ayon tungkol sa mga tanong na ito. Dapat nating iwasan na husgahan ang mga motibo ng iba dahil sa kanilang mga sariling palagay.
► Paano natin dapat suriin ang karaniwang relasyon sa pagitan ng mga iglesya at pamahalaan sa ating bansa? Mayroon bang bagay na dapat magbago?
Panalangin
Aming Ama sa Langit,
Salamat po sa pagdidisenyo ng pamahalaan upang magbigay ng proteksiyon at kalayaan. Tulungan mo po akong maging matapat sa iyo sa kabila ng mga pagkakamali ng pamahalaan ng tao.
Tulungan mo po kaming tuparin ang aming tungkulin na protektahan ang iba at maging impluwensiya sa aming lipunan.
Pinananabikan namin ang pagdating ng iyong kaharian sa kapuspusan nito.
Amen.
Leksiyon 12 Takdang-Aralin
(1) Ang Biblia ay naglalaman ng maraming pagkakataon na ang Dios ay kumikilos sa pamamagitan ng mga opisyal ng pamahalaan upang tuparin ang kanyang mga layunin sa buhay ng kanyang bayan. Sinasabi ng Kawikaan 21:1, “Ang puso ng hari ay nasa kamay ng Panginoon, tulad ng tubig ng ilog: inililiko niya ito saan man niya iyon ibigin.” Pumili ng isa sa mga talatang ito upang pag-aralan:
Genesis 41:14-49, 42:1-3, 45:4-7
Ester 4, 7-8
Nehemias 1-2
Sumulat ng tungkol sa mga obserbasyong ito:
Ano ang kinakailangang mangyari sa buhay ng bayan ng Dios?
Paano ginamit ng Dios ang isang tagapangunang hindi makadios upang tuparin ang kanyang mga layunin?
Paano ginamit ng Dios ang isang taong makadios upang tuparin ang kanyang layunin?
(2) Pumili ng isa sa mga paksang ito:
Impluwensiyang Kristiyano
Ang mga Kristiyano at mga batas ng tao
Panunuhol
Paglilingkod sa Militar
Hanapin ang mga Kasulatang natatagpuan sa leksiyong ito na kaugnay ng iyong paksa. Sumulat ng isang pahinang nagpapaliwanag kung ano sa iyong palagay ang pamamaraan ayon sa Kasulatan upang harapin ang paksang ito.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.