Sa pagtatapos ng leksiyong ito, ang mag-aaral ay dapat:
(1) Maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng Biblia kapag tinutukoy nito “ang sanlibutan.”
(2) Makita ang mga bahagi kung saan ang mga pinahahalagahan ng sanlibutan ay nakakaimpluwensiya sa kanyang buhay.
(3) Ilarawan kung paano at bakit ang pag-iisip ng isang Kristiyano ay dapat maging iba sa pag-iisip ng isang makasalanan.
(4) Ipaliwanag kung ano ang kahulugan para sa isang Kristiyano na mamuhay ng isang buhay na may integridad.
(5) Ipakita na ang katotohanang Kristiyano ay dapat ilapat sa lahat ng detalye ng buhay.
Si John Chrysostom, Tagapangaral ng Integridad
Si John Chrysostom (370’s),[1] ay isang makaDios na pastor na nakilala bilang “ang ginintuang bibig” dahil sa kanyang makapangyarihan at oratorical na pangangaral. Siya ay lubhang minahal ng pangkaraniwang tao at naging pinakakilalang mangangaral ng Silangang Imperyong Romano. Siya ay “nakidnap” noong 398 at dinala sa kapitolyong lunsod ng Constantinople (ang Istanbul, Turkey sa modernong panahon) upang maglingkod bilang pastor at patriarka ng pambansang Iglesya na may 100,000 miyembro.
Kilala si John dahil sa kanyang hindi ikinokompromisong karakter. Ginamit niya ang kanyang tungkulin upang maglingkod sa mga pangangailangan ng buong lunsod, hindi lamang para sa mga mayayaman. Pinakain niya ang mahihirap, nagtayo ng mga ospital, at sumuporta sa mga balo. Kinompronta niya ang mga obispo sa Asia Minor dahil sa kanilang korapsyon at maling pamamahala sa pananalapi at nangaral laban sa kanilang indulhensiya at imoralidad. Binigyang babala niya ang nasa mataas na posisyon sa Constantinople na ang pagdalo sa teatro ang wawasak sa kanila. Inihambing niya ang pagdalo sa teatro sa pagkakalantad sa isang nakamamatay na mikrobyo. Sinabi ni John,
Kapag nakakita ka ng isang babaeng walang kahihiyan sa teatro, na lumalakad sa entablado nang walang takip ang ulo at magaspang ang pag-uugali, nakadamit ng kasuotang napapalamutian ng ginto, ipinagmamalaki ang kanyang kahalayan, umaawit ng mga imoral na awitin, ipinapakita ang kanyang mga hita sa kanyang sayaw, at nagsasalita ng walang kahihiyang mga pananalita…huwag mong subukang sabihin na walang nangyayari sa iyo bilang tao?...Mahabang panahon pagkatapos na isara ang teatro at ang lahat ay nagsialisan na, ang mga larawang iyon ay nananatiling nakalutang pa sa harap ng iyong kaluluwa, ang kanilang mga salita, ang kanilang ugali, ang kanilang mga sulyap, kanilang lakad, kanilang posisyon…ang kanilang walang dangal na hita--at ikaw naman, uuwi kang balot ng libong sugat! Subali’t hindi ka nag-iisa—ang masamang babae ay kasama mo—bagaman hindi lantaran at nakikita…kundi sa iyong puso, at sa iyong budhi, at doon sa iyong kalooban sinindihan niya ang pugon ng Babilonia..kung saan ang kapayapaan ng iyong tahanan, ang kadalisayan ng iyong puso, ang kaligayahan ng iyong kasal ay matutupok!
Ang babala ni Juan, sa mayayamang mamamayan
Isang kahangalan at kasamaang pampubliko na punuin ang inyong mga kabinet ng damit at hayaan ang tao na nilikha sa imahen ng Dios at sa wangis natin na tumayong hubad at nanginginig sa ginaw kung kaya’t halos hindi sila makatindig nang matuwid…Kayo ay malalaki at matataba, nagdadaos kayo ng inumang pagsasalu-salo hanggang sa kalaliman ng gabi, at natutulog sa komportable at malambot na higaan. At hindi ba ninyo iniisip kung paano kayo magbibigay sulit sa inyong maling paggamit ng mga kaloob ng Dios...Dahil ang salapi natin ay sa Panginoon, sa paano mang paraan natin iyon inipon. Ito ang dahilan kung bakit ipinahintulot na magkaroon pa kayo ng higit pa; hindi upang waldasin lamang ninyo…kundi upang ipamahagi ninyo sa mga nangangailangan.
Sa katagalan si John Chrysostom ay ipinatapon sa silangang baybayin ng Black Sea subali’t namatay habang naglalakbay (A.D. 407). Ang kanyang panghuling mga salita ay, “Kaluwalhatian para sa Dios sa lahat ng bagay. Amen.”
[1]Gerald L. Sittser. Water from a Deep Well. (Downers Grove: InterVarsity Press, 2007), 135
Isang Biblikal na Pag-unawa sa Sanlibutan
Ang Juan 17 ay ang panalangin ni Hesus para sa kanyang mga alagad sandaling panahon bago ang kanyang pagkapako sa krus. Ipinapahayag nito ang kanyang dakilang pag-ibig at malasakit para sa kanyang mga disipulo. Sinabi niya na ipinapanalangin rin Niya ang mga sasampalataya sa mensahe ng mga apostol (tal. 20), kaya’t ang mga mananampalataya sa ngayon ay kabilang doon.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Juan 17:14-18 para sa grupo.
Ano ang ibig sabihin ni Hesus nang sabihin niyang hindi siya taga-sanlibutan? Alam natin na hindi siya nagmula sa mundong ito; siya ang Anak ng Dios, na dumating sa mundo mula sa langit. Gayunman, nang ipahayag Niya na hindi siya mula sa sanlibutan, hindi niya tinutukoy ang katotohanan na siya ay nagmula sa ibang lugar sa labas ng mundong ito. Sinabi niya na ang mga disipulo ay hindi rin taga-sanlibutan, kung paanong siya ay hindi taga-sanlibutan. Nangungusap si Hesus tungkol sa mga taong isinilang sa daigdig, isinilang sa mga magulang na tao, at lumaki bilang mamamayan ng kanilang sariling bansa.
Kaya’t ano ang ibig sabihin ni Hesus nang sabihin niyang hindi taga-sanlibutan ang kanyang mga disipulo? Kailangan nating maunawaan kung ano ang sinasabi ng Biblia kapag tinutukoy nito ang sanlibutan.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Efeso 2: 1-3 para sa grupo.
Ipinapakita sa atin ng mga talatang ito na ang pamumuhay katulad ng paraan ng pamumuhay ng sanlibutan ay pareho ng pagsunod sa direksiyon ni Satanas. Nakikita rin natin na ang tao sa sanlibutan ay sumusunod sa kanilang mga makasalanang pagnanasa, at mararanasan nila ang poot ng Dios. Nakatanggap ang mga mananampalataya ng bagong buhay at hindi na namumuhay nang katulad ng sanlibutan.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Juan 2:15-17 para sa grupo.
Ang sanlibutan ay binanggit sa 1 Juan bilang isang masamang bagay. Hindi ito dapat mahalin, at ang mga bagay dito ay hindi dapat mahalin. Ang mga maling pagnanasa at motibo ay tipikal sa daigdig. Ang mga makasalanang pagnanasa ay tinatawag na mga pagnanasa nang sanlibutan.
Si Satanas ay tinatawag na tagapanguna ng sanlibutang ito (Juan 16:11). Hindi ito nangangahulugan na karapatan niya ang pag-aari sa sanlibutan; siya ang lider ng isang rebelyon laban sa Dios, at ang tao sa sanlibutan ay sumusunod sa kanya. Hinatulan na siya, at ang mga taong nagpapaptuloy sa pagsunod sa kanya ay hahatulan rin.
Ang pagiging kaibigan ng sanlibutan ay ang pagturing din sa kanya na kaaway ng Dios (Santiago 4:4).
Ang sanlibutan ay binubuo ng milyong bilang ng natural, nahulog na mga tao, na hiwalay sa Dios at pinagkakaisa ng bagay na magkakatulad na taglay nila. Una, mayroon silang maling pagmamahal o pagnanasa. Minamahal nila ang mga bagay sa sanlibutan nang higit kaysa sa Manlilikha ng sanlibutan. Sinasabi ng 1 Juan 2:15-17 na, “Huwag ninyong mahalin ang sanlibutan… Dahil ang lahat ng nasa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamalaki sa buhay—ay hindi mula sa Ama kundi mula sa sanlibutan.”
Ikalawa, ang kanilang mga maling pagnanasa ay nauuwi sa maling pag-uugali/gawain; isang pamumuhay na nakatuon sa pagbibigay kasiyahan sa kanilang sarili, madalas ay isinasakripisyo ang katwiran at habag (Amos 5:11-15; 21-24). Lumalakad sila sa kanilang sariling daan, hinihingi kung ano ang kanilang gusto, at ipinapasya kung ano ang tama at mali para sa kanilang sarili. Bagaman mayroon silang maraming anyo ng relihiyon, ginagawa ng lahat ng nasa sanlibutan ang kanilang sarili (kaisipan ng tao, karunungan ng tao, panlasa ng tao, kabutihan ng tao, kapangyarihan ng tao) bilang sentro ng kanilang pagsamba (Roma 1:25). Tinututulan nila ang awtoridad ng Dios at pinaniniwalaan ang pilosopiya ng buhay na nagbibigay katuwiran sa kung ano ang ipinasiya nilang gawin. Hindi nila sinisikap na malaman kung ano ang tama at gawin ito. Ginagawa nila kung ano ang kanilang gusto, pagkatapos ay humahanap ng paraan upang ipaliwanag na ito ay tama.
Ang mga hindi Kristiyanong psychologists at tagapayo sa sanlibutan ay nagsisikap na tulungan ang mga tao na bigyang kalutasan ang kanilang guilt nang hindi nagsisisi at hindi hinahanap ang kapatawaran ng Dios. Ang mga pilosopo sa sanlibutan ay nagsisikap na ilarawan ang isang layunin upang mamuhay na hindi kabilang ang Dios. Ang mga siyentipiko sa sanlibutan ay nagsisikap na ipaliwanag ang pinagmulan ng lahat ng bagay habang itinatanggi ang Manlilikha. Ang mga pulitiko at mga manggagawang panlipunan ng sanlibutan ay nagsisikap na humanap ng paraan upang pigilan ang natural, negatibong bunga ng kasalanan habang itinatanggi na ang kasalanan ang siyang tunay na suliranin. Ang mga nagdidisenyo ng pananamit sa sanlibutan ay nagsisikap na lumikha ng damit na malaswa at nakakatawag-pansin. Ang mga entertainers ng sanlibutan ay nagbibiro tungkol sa kasalanan, moralidad at relihiyon. Ang mga pastor sa sanlibutan ay naniniwala sa isang dios na sumasang-ayon sa kasalanan at nagsasabi na ikaw ay magiging mayaman, masaya at magkaroon ng mabuting pagtingin sa sarili.
Nagbigay ng babala ang Colosas 2:8 sa atin na huwag nating hayaang manakawan tayo ng pilosopiya at pandaraya, ng mga elemento ng sanlibutan. Ang isang con-artist ay nagnanakaw sa pamamagitan ng pagbebenta ng isang maling ideya. Sa pamamagitan ng pagkumbinsi sa mga tao gamit ang maling mga ideya, ninanakaw ng sanlibutan sa mga tao ang kanilang relasyon sa Dios, mga benepisyong espirituwal, at ng langit.
Ang mga pilosopiya at nakakokontrol na motibasyon ng sanlibutan ay nakikita sa paraan ng pamumuhay ng mga tao na nasa sanlibutan. Ang lahat ng pananalita, pag-uugali, pananamit, paglilibang, at mga ginagawa ng mundo ay mga pagpapahayag ng pagiging makasalanan ng kanilang mga puso.
Hindi maaaring sundan ng mga Kristiyano ang moralidad ng kanilang lipunan. Magiging iba ang mga Kristiyano sa kanilang lipunan.
Ang mga kultura ay hinubog ng bagay na ito na tinatawag ng Biblia na sanlibutan. Ang mga henerasyon ng tao sa isang lugar ay nagtatatag ng kultura. Nais nila ng maraming mabubuting bagay tulad ng seguridad, kasaganaan, at matatag na pamilya, subali’t hinahabol nila ang mga bagay na may makasanlibutang pilosopiya at ang determinasyon na matagpuan ang mga iyon nang hindi nagpapasakop sa Salita ng Dios. Ito ay nangangahulugan na ang mga Kristiyano ay hindi lubusang makasusunod sa kanilang sariling kultura. Ang ilang kultura ay mas naiimpluwensiyahan ng mga prinsipyo ayon sa Biblia kaysa sa iba, subali’t walang kultura sa alinmang bansa ang lubusang Kristiyano.
► Batay sa napag-aralan na natin, ano ang ibig sabihin na ang mga disipulo ni Hesus ay “hindi taga-sanlibutan”?
Hindi sinusunod ng mga Kristiyano ang mga makasalanang pagnanasa at mga ambisyon. Nais nilang bigyang-lugod ang Dios nang higit sa lahat. Ang kanilang mga minamahal ay naging, at nagpapatuloy na binabago (Filipos 1:9-11). Nakasulat na sa kanilang mga puso (Jeremias 31:33) ang kautusan ng Dios. Ang mga kautusan ng Dios ay hindi kabigatan para sa mga Kristiyano sa halip ay isang kasiyahan (1 Juan 5:1-3; Awit 19:7-11). Ang mga Kristiyano ay may pangwalang-hanggang prayoridad (Mateo 6:33). Ang kanilang mga ugali ay nagpapakita na nais nilang labanan ang tukso at mamuhay nang matagumpay laban sa kasalanan.
Iniisip ng mga tao sa sanlibutan na ang mga Kristiyano ay kakaiba dahil hindi sila interesado sa parehong mga bagay (1 Pedro 4:4). Sinabi ni Hesus na ang sanlibutan ay namumuhi sa isang tao na naiiba sa espirituwal (Juan 17:14). Ang mundo ay may (antagonism) paglaban sa mga hindi nakikiayon dito. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Sa sanlibutan ay magkakaroon kayo ng kapighatian” (Juan 16:33). Sinabi ni Apostol Pablo, “Ang lahat ng namumuhay nang makaDios kay Kristo Hesus ay magdaranas ng pag-uusig” (2 Timoteo 3:12).
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 2 Corinto 6:14-18 para sa grupo.
Sinasabi ng Biblia na ang mga mananampalataya ay dapat bumukod sa sanlibutan. Ang pagiging bukod na ito ay nagsisimula sa saloobin ng tao, tulad ng itinuro ni Hesus sa Sermon sa Bundok. Dito inilarawan niya ang saloobin ng isang Kristiyano bilang pag-uugali ng kababaang-loob, kalungkutan para sa kasalanan, kaamuan, katuwiran, habag, kadalisayan ng puso, kapayapaan at bukal sa loob na pagtitiis ng pag-uusig. Ang mga natatanging saloobin ay magbubunga ng natatanging pag-uugali. Halimbawa, ang mga Kristiyano ay hindi maaaring makipareha sa iba kung hinihingi nito na gawin ang mga bagay na mali. Ipinapangako ng Dios na magiging Ama siya sa sinumang nakabukod mula sa sanlibutan. Tandaan, tiningnan natin ang isang talata na nagsasabing ang kaibigan ng sanlibutan ay kaaway ng Dios (Santiago 4:4).
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Mateo 5:13-16 para sa grupo.
Ang pagkabukod at hiwalay mula sa sanlibutan ay hindi nangangahulugan na ang mga Kristiyano ay dapat humiwalay mula sa lipunan at bumuo ng kanilang sariling mga komunidad. Sinabi ni Hesus na hindi niya idinadalangin na ang kanyang mga disipulo ay alisin mula sa mundo (Juan 17:15). Sinabi rin niya na ang kanyang mga disipulo ay asin at ilaw para sa sanlibutan, na ang ibig sabihin sila ay dapat naroon at nakikita sa lipunan. Ang Kristiyano ay dapat makibahagi sa pamahalaan at sa gawain sa komunidad maliban na lamang kung ang pakikibahagi/pakikilahok dito ay mangangailangan na gumawa siya ng mga maling bagay.
Sinabi sa atin ni Gerald Sittser kung ano ang larawan nito sa unang Kristiyanismo:
Si Aristides, isang pilosopong taga-Athens na ...namuhay noong ikadalawang siglo, ay naglista ng ilang katangian na nagbubukod sa mga Kristiyano mula sa lahat ng populasyon. Ang mga Kristiyano, ayon sa kanya, ay modelo ng katapatan sa asawa, makatotohanan, nasisiyahan/kontento, gumagalang sa magulang, nagmamahal sa kapwa, kadalisayan, katiyagaan sa harap ng pag-uusig at kagandahang-loob sa mga estranghero. Pinangalagaan nila ang mga balo at mga ulila. Tinatrato din nila ang mga alipin nang may hindi karaniwang kabaitan. “Ang sinumang alipin, maging lalaki man o babae.. naaakit sila na maging Kristiyano dahil sa pagmamahal nila sa kanila. Kapag naging Kristiyano sila, sila ay nagiging kapatid nang walang pagtatangi.”[1]
Ang liham ni Santiago ay nagbibigay-diin na ang tunay na pananampalatayang Kristiyano ay ipinapakita sa pamumuhay. Sinabi ni Santiago na ang isang tao na nakaririnig ng Salita ng Dios nguni’t hindi ito ginagawa ay nililinlang ang kanyang sarili (1:22). May mga taong nag-iisip na sila ay mas mabuti kaysa iba dahil mas marami silang nalalamang katotohanang Kristiyano—bagaman hindi nila ito sinusunod – subalit iyon ay hindi totoo.
Sinabi ni Santiago na may mga taong relihiyoso, ngunit walang kabuluhan ang kanilang relihiyon. Nalulugod ang Dios sa relihiyon ng isang tao na tumutugon sa mga pangangailangan ng iba at pinananatili ang kanyang sarili na dalisay, na hindi naparurumi ng sanlibutan. (1:27).
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Santiago 2:14-26 para sa grupo.
May mga tao na nagsasabi na dahil ang kaligtasan ay natatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng mga gawa, ang ating mga ginagawa ay hindi na mahalaga. Iniisip nila na ang isang tao ay posibleng magkaroon ng nakapagliligtas na pananampalataya kahit na ang kanyang mga saloobin at pamumuhay ay katulad ng isang hindi mananampalataya. Ang talatang ito sa sulat ni Santiago ay nagsasalita tungkol sa mga ganoong klaseng tao.
Sinasabi ni Santiago na ang paniniwala ay hindi sapat; maging ang mga demonyo ay mayroon ding tamang paniniwala, subali’t sila’y wala sa tamang relasyon sa Dios (tal.19). Ang isang taong naniniwala sa Dios ngunit hindi nagpapasakop/sumusunod sa Dios ay katulad ng isang taong nakaririnig sa ebanghelyo ngunit hindi naman nagsisisi.
Mahalaga na ipaliwanag ang mga talatang 21 at 24. Sinabi nila na si Abraham ay pinawalang-sala sa pamamagitan ng mga gawa, at ang isang tao ay pinawawalang-sala sa pamamagitan ng pinagsamang gawa at pananampalataya. Ito ay tila sumasalungat sa ibang kasulatan na nagbibigay-diin na ang isang tao ay naliligtas sa pamamagitan nang nag-iisang paraan lamang at ito ay sa pamamagitan ng biyaya at hindi sa pamamagitan ng gawa.[1] Sa salitang pinawalang-sala, hindi ibig sabihin ni Santiago na ang tao ay naliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya at gawa kundi ang isang tao ay ipinapakita na taong naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya at nagbubunga ng gawa. Hindi siya naligtas sa pamamagitan ng gawa, ngunit kung hindi siya namumuhay bilang isang Kristiyano, hindi rin siya nagtataglay ng nakapagliligtas na pananampalataya. Sinasabi ni Santiago na patay ang pananampalataya ng isang tao kung hindi siya nagtataglay ng buhay na umaayon sa pananampalataya (talata 26).
Sinabi ni Santiago na kung paanong imposible para sa isang puno ang magkaroon ng dalawang klaseng bunga o ang isang bukal ay maglabas ng dalawang klase ng tubig, ang isang tao ay hindi dapat makapagsalita ng kapwa pagpapala at pagsumpa (3:9-12). Ang pag-uugali ng isang tao ay dapat tuloy-tuloy na tumutugma sa kanyang pananampalatayang Kristiyano.
Sa Roma 2:21-24, sinabi ni Pablo sa mga Judio na nag-iisip na sila ay nakahihigit sa mga Hentil dahil taglay nila ang kasulatan, bagaman hindi nila ito sinusunod. Itinanong niya, “Kayo na nagsasabi na ang tao ay hindi dapat magnakaw; kayo ba ay hindi nagnanakaw?” Sinabi niya, “Kayo na nagmamalaki dahil taglay ninyo ang kautusan, subalit hindi ninyo pinararangalan ang Dios dahil sa inyong paglabag dito.” Ang katotohanan na itinataas nila ang kanilang sarili bilang mga taong relihiyoso gayunman ay hindi nagtataglay ng mabuting karakter ang nag-udyok sa mga Hentil upang magsalita ng mga kalapastanganan laban sa Dios at sa Kasulatan.
Ang salitang integridad ay nagmula sa salitang integrate. Ang kahulugan ng integrate ay gawing hindi nagbabago ang isang bagay sa kabuuan ng buong sistema. Halimbawa, ang isang tao na matapat ay ihahalo ang katapatan sa kabuuan ng kanyang pag-uugali at pananalita. Ang isang taong nagsasabi na siya ay matapat subalit gumagawa ng mga bagay na hindi matapat ay walang integridad.
Ang salitang integridad ay maaaring iangkop sa karakter ng isang tao. Sa ilang lengguwahe ang salita ay ginagamit rin upang ilarawan ang ibang mga bagay, tulad ng istruktura ng isang gusali.
► Ano sa inyong palagay ang kahulugan kapag sinabing may integridad ang istruktura ng isang gusali?
Mahalaga para sa isang gusali na manatiling nakatayo. Dapat nitong suportahan ang sariling bigat at ang bigat ng anumang gawain na magaganap sa loob nito. Kapag ito ay gumuho, ang mga tao at ari-arian ay maaaring masaktan, at ang halaga ng gusali ay nawawala. Ang integridad para sa isang gusali ay nangangahulugan na ang mga prinsipyo ng matibay na konstruksiyon ay ginamit sa kabuuan ng buong istruktura.
Mabuti rin na ang gusali ay manatiling nakatayo sa loob ng mahabang panahon. Ang isang tao na nagtatayo ng bahay ay umaasa na ito ay mananatiling nakatayo habang siya’y nabubuhay. Ang mga gusali para sa pamahalaan o malalaking negosyo ay nangangailanan ng malaking puhunan at inaasahang mananatiling nakatayo sa loob ng ilang henerasyon.
Kapag ang isang gusali ay nagsimulang tumagilid o gumuho, ito ay dahil kulang ito sa integridad. Kung minsan ang isang gusali ay nasisira ng lindol, at bagaman ito ay nakatayo pa, hindi na ito ligtas gamitin. Wala na itong integridad.
Bago simulan ang pagtatayo ng isang mahalagang gusali, mayroon itong blueprint— isang drawing na may mga detalye. Ang pinakamahalagang detalye ay kung gaano katibay ang gusali upang manatili itong nakatayo. Ang mga bahagi ng gusali ay dapat konektado sa isa’t-isa at sumusuporta sa isa’t-isa.
Mahalaga para sa tagapagtayo na sundin ang plano kapag siya ay nagtatayo na nito. Kung babawasan niya ang mga gastusin sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga kinakailangang bahagi ng istruktura, hindi magiging ligtas ang gusali.
► Ano ang ibig sabihin na ang isang tao ay may integridad?
Ginamit ni Hesus ang paglalarawan ng integridad ng isang gusali. Sinabi niya na ang isang taong nakaririnig at sumusunod sa Dios ay katulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay sa bato. Ang bahay na iyon ay mananatiling nakatayo kapag dumating ang bagyo. Ang isang taong hindi sumusunod sa Dios ay katulad ng isang tao na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Hindi sapat na maririnig at malalaman lamang ang katotohanan.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Santiago 1:22-25 para sa grupo.
Sinabi ni Santiago na nililinlang ng isang tao ang kanyang sarili kapag naririnig niya ang Salita ng Dios ngunit hindi naman niya ito sinusunod. Tinutukoy niya ang isang tao na nag-iisip na siya ay mabuting tao dahil nalalaman niya ang mga katotohanan sa Biblia gayunman ay hindi niya ito patuloy na ipinamumuhay. Ang taong ito ay walang integridad.
Sinabi ni Santiago na kapag binabasa natin ang Salita ng Dios hindi tayo dapat maging katulad ng taong tumitingin sa isang salamin ngunit hindi binabago ang sarili kahit na ito’y kanyang nakita. Ang katotohanan ng Dios ay nakakapagpabago. Habang tinitingnan natin ang Salita ng Dios ay nakikita natin ang ating mga pagkukulang, at dapat nating hayaan ang Espiritu ng Dios na baguhin ang ating karakter at pag-uugali upang umayon sa katotohanan ng Dios.
Ang integridad ay ipinapakita sa paraan ng pamumuhay. Ang isang tao ay hindi dapat masiyahan sa kanyang sarili kapag napagtanto niya na ang isang saloobin o ugali ay hindi umaayon sa katotohanan ng Dios.
Ang Pagsubok sa Bunga
Sinabi ni Hesus na darating ang maraming huwad na propeta. Sila ay mga taong nagnanais ng estado ng panrelihiyong tagapanguna o nagnanais na gawing negosyo ang ministeryo, subalit hindi sila nagtataglay ng karakter ng isang Kristiyano. Sinabi niya na makikilala natin sila sa pamamagitan ng kanilang mga bunga (Mateo 7:15-18). Ang bunga ay hindi tumutukoy sa tagumpay. Ang prutas ay ang natural na pagpapahayag ng karakter ng puno. Ang bunga ng isang tao ay ang demonstrasyon sa kanyang buhay ng kanyang panloob na karakter. Kapag ang isang tao ay hindi nagbubunga ng bunga nang Espiritu (Galacia 5:22-23; 1 Corinto 13), o ipinamumuhay ang buhay na makasalanan, mayroon siyang makasalanang karakter at hindi siya isang tunay na espirituwal na tagapanguna (1 Corinto 6:9-10; 2 Corinto 11:13-15).
Sinabi ni Apostol Pedro na ang mananampalataya ay hindi dapat makontrol ng kanilang dating mga pagnanasa kundi maging banal sa lahat ng kanilang ginagawa. (1 Pedro 1:14-15).
Ang mabuting bunga ay hindi nangangahulugan na nauunawaan ng isang tao kung paano perpektong ilalapat ang lahat ng prinsipyong Kristiyano sa kanyang mga kaugalian. Tayong lahat ay nasa proseso ng pagkaalam sa katotohanan ng Dios. Ang isang batang nagtatrabaho sa isang hardin ay maaaring magkamali at bunutin ang mga maling halaman. Hindi tayo hinahatulan ng Dios sa mga matapat na pagkakamali. Gayunman, hindi maidadahilan ng isang tao ang biyaya upang tumanggi na pagsisihan ang kanyang mga kasalanan. Sinasabi ni Apostol Juan sa atin na ang isang tao ay nalilinis habang siya ay “lumalakad sa liwanag,” at namumuhay ayon sa katotohanan (1 Juan 1:7).
Integridad sa Pamumuno
Gumagawa ang mga tagapanguna ng pagpapasiya na hindi kailangang gawin ng iba. Ang mga tungkulin at pagkakataon ng isang tagapanguna ay lumilikha ng maraming oportunidad para sa tukso. Ang mga pasya ng tagapanguna ay espesyal na mahalaga dahil ang mga ito ay nakakaapekto sa maraming tao.
Dapat tandaan ng isang lider ng ministeryo na siya, sa pagsunod sa halimbawa ni Hesus, ay tinawag upang maglingkod sa Dios at sa tao. Ang kanyang layunin ay dapat hindi ang maging isang tanyag na tao na pinupuri at pinaglilingkuran ng iba.
Kapag ang kongregasyon ay may malaking bilang ng mga taong hindi tapat sa pagsamba sa Dios, sinisikap nilang baguhin ang paraan ng pagsamba upang ituon ang pansin sa pagganap. Kinikilala ng mga taong ito ang talento nang higit sa pagtutuon sa espirituwal. Nais nilang mga tagapagtanghal ang manguna sa gawain ng pagsamba sa halip na mga tunay na tagapangunang epirituwal. Nalilibang sila ng mga makamundong pagtatanghal. Pumapayag silang umupa ng mga hindi pa nagbabalik-loob na mga musikero na payag din na tumugtog sa mga disko at hindi kuwalipikado upang makibahagi sa pagsamba. Dapat bantayan ng pastor ang pagsamba ng iglesya upang ito ay makaakit at maglingkod sa mga tunay na sumasamba.[1]
► Kung ang isang tao ay dadalaw sa isang iglesya sa Linggo ng umaga at makikita ang parehong mga musikero na nakita niya sa isang disco noong Sabado ng gabi, ano kaya ang iisipin niya tungkol sa iglesya?
Maaaring matukso ang isang tagapanguna na ituring ang kanyang sarili na hindi saklaw ng mga normal na tuntunin ng moralidad. May mga pastor na nagkakaroon ng maling relasyon sa mga lalaki o babae sa kanilang kongregasyon nang katulad lang ng mga makasanlibutang tagapanguna sa kanilang kultura. Ang ilang iglesya ay mali sa pagkunsinti sa imoral na pag-uugali at gawain ng mga pastor dahil sa kanilang kalagayan.
Maaaring matukso ang isang pastor na paniwalaan na pag-aari niya ang iglesya. Kapag ganito ang paraan ng kaniyang pag-iisip, inilalagay niya ang mga tao sa posisyon dahil sila ay matapat sa kanya, hindi dahil magagampanan nila nang maayos ang mga gawain. Pinapaboran ng ganitong klaseng pastor ang kanyang mga kamag-anak at nais din niyang piliin kung sino ang magmamana ng iglesya kapag wala na siya. Pinagtatakpan niya ang mga kasalanan at pagkakamali ng kanyang mga tagasuporta sa iglesya. Tinatrato niya ang pananalapi at pag-aari ng iglesya na tila ba ang mga ito ay sariling kanya.
Ang Patotoo ng Iglesya
Ang iglesya ay maaaring maging baluktot kapag nabigo itong kailanganin ang integridad. Kapag ang kongregasyon ay nakikibahagi sa mga pagnanais ng sanlibutan, tinatanggap nila ang mga tagapanguna na katulad ng sanlibutan. Pinababayaan nila ang kasalanan sa kanilang tagapangunang panrelihiyon. Maging ang mga tapat na Kristiyano ay maaaring sumunod sa mga makasalanang tagapanguna dahil hindi nila nauunawaan ang pangangailangan ng integridad at mabuting bunga. Kapag nangyari ito, ang mga makasanlibutan ay siyang magkokontrol sa iglesya, at nasisira/nawawalan ito ng patotoo.
Nagbabala si Pedro na ang mga huwad na tagapangunang espirituwal ay gagawing negosyo ang iglesya (2 Pedro 2:3). Kapag ang iglesya ay naging sikat sa kanilang lipunan, nagiging interesado ang mga makasanlibutan sa pagkakaroon ng katungkulan sa iglesya. Pinag-aaralan nila ang mga anyo ng pagsamba at pangungunang panrelihiyon nang hindi nagiging mga Kristiyano. Ang isang iglesya na hindi nagtataglay ng mabuting doktrina ay nabibigong makita ang mga ito.[2]
Ginamit ni Hesus ang ilustrasyon ng asin upang ipaliwanag kung ano ang nangyayari kapag nawawala ang pagiging bukod ng iglesya (Mateo 5:13). Ang asin na nawawalan ng kanyang alat ay walang ipinagkaiba at hindi mas mabuti kaysa sa buhangin o graba.
Kapag ang iglesya ay naging katulad ng lipunan, hindi na maaaring baguhin ng iglesya ang lipunan.
Kinukutya ng sanlibutan ang iglesya kapag ang iglesya ay sumusunod sa mga gawain ng sanlibutan at hindi na sumusunod sa katotohanan ng Biblia.
[1]Para sa lubos na pagsasaliksik sa pagsambang Kristiyano, tingnan ang kursong Pagsisimula sa PagsambangKristiyano ng Shepherds Global Classroom, nasa https://www.shepherdsglobal.org/courses
[2]Ang 2 Peter 2 at ang aklat ni Judas ay isinulat sa paksa ng mga huwad na tagapangunang espirituwal.
Pagiging Kinatawan ng Dios
Ang theology ay ang sistema ng ating mga paniniwalang Kristiyano, kabilang dito ang mga doktrina tungkol sa Dios, sa sangkatauhan, sa kasalanan, kay Kristo at sa kaligtasan. Ang ating mga paniniwala tungkol sa Dios ay pundasyon ng lahat ng ating iba pang paniniwala.
Nang magsimulang ipahayag ng Dios ang kanyang sarili, ang unang layunin ng kanyang pagpapahayag ay upang ipakita kung anong uri ng Dios siya. Pangunahing inilarawan ng Dios ang Kanyang sarili bilang banal. Ang salitang Hebreo para sa kabanalan (kadosh) ay ginamit ng higit sa 600 beses sa Lumang Tipan. Halimbawa, paulit-ulit na tinukoy ni Isaias ang Dios bilang “Ang Nag-iisang Banal ng Israel.” Ang kabanalan ng Dios ang tema ng pagsamba (Awit 99:3, 5). Hindi sumamba ang bayan ng Dios dahil lamang sa kanyang kapangyarihan, kundi dahil sa kanyang kabanalan.
Inihayag rin ng Dios ang kanyang sarili bilang pag-ibig. Ang nangungunang talata sa Lumang Tipan kung saan ipinahayag ng Dios ang kanyang sarili kay Moises at sa Israel ay sa Exodo 34:6-7. Doon inilarawan ng Dios ang kanyang sarili bilang “ang mahabagin at mapagmahal na Dios, hindi madaling magalit, masagana sa pag-ibig at katapatan, nananatili ang pag-ibig sa libo-libo, at nagpapatawad sa kasamaan, pagrerebelde at kasalanan. Gayunman, hindi niya pinababayaang hindi maparusahan ang nagkasala…”[1] Mahalagang panatilihing magkasama ang kabanalan at pag-ibig ng Dios. Ang isang salitang madalas gamitin upang ilarawan ang katangiang ito ng Dios ay “banal na pag-ibig.” Dahil ang Dios ay banal, hinihingi niya na tayo ay maging banal; dahil ang Dios ay pag-ibig gumawa siya ng paraan para sa atin upang maging banal, kung paanong siya ay banal.
Ipinakita ng kabanalan ng Dios na ang mga tao ay hindi angkop na maglingkod at sumamba sa Dios nang hindi muna nababago sa pamamagitan ng biyaya. Nakita ni Propeta Isaias na mayroon siyang pagkakatulad sa mga makasalanang kanyang pinangangaralan—mayroon siyang puso na hindi dalisay (Isaias 6:5). “Maruming labi” ay kumakatawan sa mga maling salita at kilos na nagmumula sa isang hindi dalisay na puso. Ang karumihang ito ang dahilan kung bakit hindi angkop na makaharap sa presensiya ng Dios si Isaias. Hindi sinikap ni Isaias na bigyang katuwiran ang kanyang kondisyon, gayun din ang Dios. Tumugon ang Dios nang may awa sa pagpapahayag ng propeta; hindi isang biyayang nagpapabaya kundi isang nakakalinis at nakakapagpabagong biyaya (Isaias 6:6-7).
Ang Dios ng Israel ay naiiba sa mga huwad na dios at humihingi ng ibang uri ng pagsamba. Sa Awit 24 itinanong ni Haring David, “Sino ang pinahihintulutang lumapit sa presensiya ng Panginoon?” (Talatang 3). Itinanong niya, “Sino ang tinatanggap ng Dios upang sumamba?” Pagkatapos, ibinigay niya ang sagot, “Ang taong may malinis na mga kamay at dalisay na puso” (talatang 4). Hindi lahat ay tinatanggap upang sumamba sa Dios. Ang isang sumasamba ay hindi lamang isang taong kayang itaas ang kanyang mga kamay at nakararamdam ng mga emosyon. Ang isang taong makasalanan ay hindi kuwalipikado.[2]
Sinabi ng Dios na ang kanyang sariling kabanalan ay ang batayan para sa Kanyang paghingi na ang mga sasamba sa kanya ay dapat banal. “Dapat kayong maging banal; sapagkat Ako ay banal” (Levitico 11:44-45, 19:2, 20:26, 21:8). Ang Dios ay hindi isang dios na katulad ng mga sinaunang dios-diosan sa silangan o ang mga dios ng nakalipas na mitolohiya ng Griego at Romano. Ang mga mito tungkol sa mga dios na ito ay naglarawan sa kanila bilang masasama, mapanlinlang, at malupit. Ang mga dios na ito ay nagtataglay ng lahat ng kakulangan sa karakter ng sanlibutan. Tulad ng mga anino sa isang pader, ang mga ito ay eksaheradong pagbaluktot sa imahen ng tao. Ang mga dios na ito ay hindi nangangailangan ng batayang moral o isang panuntunan ng karakter, at ang mga sumasamba sa kanila ay masasama at malupit.
Ang Dios ng Israel ay hindi isang paglalarawan ng imahen ng tao. Siya ay hindi isang imahinasyon, subali’t ipinahayag niya ang kanyang sarili sa tao. Siya ay naiiba, at ito ang dahilan kung bakit ang mga sumasamba sa kanya ay dapat naiiba.
Ang pamantayan ng Dios ay inulit sa Bagong Tipan: “Ngunit kung paanong siya na tumawag sa inyo ay banal, gayun din naman magpakabanal kayo sa lahat ng paraan ng pananalita; dahil nasusulat, ‘Maging banal kayo; dahil ako ay banal’” (1 Pedro 1:15-16). Ang pananalita ay isang salita na tumutukoy sa mga saloobin, pag-uugali, at gawain—bawat bahagi ng buhay. Hindi hinihingi ng Dios na ang mga sumasamba sa kanya ay maging banal na panseremonya lamang o tawaging “banal” kahit sa katotohanan ay hindi naman. Inaasahan niya na ang mga sumasamba sa kanya ay tunay na namumuhay nang may kabanalan.
Ang ating saloobin at pag-uugali ay nagpapakita kung ano ang iniisip natin tungkol sa Dios at sa klase ng kaugnayan na mayroon tayo sa kanya. Sinabi ni Apostol Pablo na ang mga Judio na nagmamalaki na taglay nila ang kautusan ng Dios ay hindi nagparangal sa Dios dahil kanilang pagsuway dito. Dahil sa kanilang pag-uugali, ang mga tao ay nagsasalita ng masama tungkol sa kanila at tungkol sa kanilang Dios. (Roma 2:23-24).
Anong klase ng Dios ang kinakatawan mo? Ano ang iniisip ng mga tao kung ano ang katulad ng iyong Dios? Kung nais mong malaman ng mga tao na ang Dios ay banal habang siya ay mapagpatawad at maawain, kailangan nilang makita na ikaw ay gayun din.
Kailangan ng mga iglesya na ang kanilang mga pastor ay magturo ng hindi nagbabago at lubusang doktrina. Hindi dapat kaligtaaan ng pastor ang pangunahing doktrina. Dapat itong marinig ng bawat henerasyon at lahat ng bagong nagbalik-loob. Maging ang mga matatatag na Kristiyano ay nangangailangang paalalahanan. Ang mga sermon ng mga pastor ay hindi lamang dapat emosyonal, dynamic na pagganap para sa pagkakaroon ng kasabikan. Dapat niyang ilarawan ang Dios at ilarawan kung paanong ang buhay Kristiyano ay dapat umangkop ayon sa Biblia sa konsepto ng Dios sa lahat ng detalye nito.
Dapat baguhin ng iglesya ang lipunan at kultura, subali’t mangyayari lamang iyon kapag ang konsepto ng Dios ayon sa Biblia ay inilalapat sa mga detalye ng ating mga buhay.
[2]Para sa buong pagsasaliksik ng tunay na pagsamba, tingnan ang kurso ng Shepherds Global Classroom na Introduksiyon sa Pagsambang Kristiyano, makukuha sa https://www.shepherdsglobal.org/courses
Para sa Pagbabahaginan sa Grupo
► Anong mga konsepto sa leksiyong ito ang bago para sa iyo? Ano ang plano mo upang baguhin ang iyong pagharap sa pamumuhay Kristiyano?
► Ano ang konsepto na sa palagay mo ay karaniwang napapabayaan sa mga iglesya sa iyong kultura? Paano mo ipapaliwanag ang konseptong iyon sa isang kilala mo?
Panalangin
Aming Ama sa Langit,
Nais kong parangalan ka sa isang buhay na umaayon sa iyong karakter. Nais kong maging kinatawan mo sa isang mundo na hindi nagpapasakop sa iyo.
Panatilihin mo po ang aking buhay sa iyong katotohanan. Tulungan mo akong maging handang baguhin ang anumang bagay na hindi dapat maging bahagi ng buhay ng isang Kristiyano.
Salamat po sa iyong nagbibigay-kapangyarihan na Espiritu at nakakapagpabagong biyaya.
Amen
Leksiyon 1 Mga Takdang-Aralin
(1) Sumulat ng isang paragraph tungkol sa isang pinahahalagahan ng mundo na nakaimpluwensiya sa iyong pag-iisip o pag-uugali sa nakaraang panahon. Pagkatapos humanap ng dalawang talata sa Kasulatan na tumutukoy sa bahaging ito ng buhay at itala ang mga ito. Sumulat ng isang paragraph tungkol sa kung paano ka makapagsisimulang mamuhay nang may pagsunod sa mga Kasulatan ito.
(2) Pag-aralan ang Tito 2:11-14. Maghanda ng maikling presentasyon tungkol sa integridad ng Kristiyano batay sa talatang ito. Gamitin ang talatang ito upang ipaliwanag kung bakit dapat ilapat ang mga katotohanan ng Biblia sa lahat ng detalye ng ating buhay. Ibahagi ang presentasyon sa simula ng susunod na oras ng klase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.