Sa katapusan ng leksiyong ito, ang mag-aaral ay dapat:
(1) Nauunawaan ang plano ng Dios sa pag-aasawa at ang mga panuntunan sa pag-aasawa na nangangalaga dito mula sa mga suliranin at nagbibigay ng mga pagpapala.
(2) Ipaliwanag ang mga direksiyon mula sa Biblia para sa mga pamilya.
Si Robertson McQuilkin, Isang Tumutupad sa Pangako
Si Dr. Robertson McQuilkin ay naglingkod bilang isang misyonero sa Japan sa loob ng labindalawang taon. Nang lumaon siya ay naging presidente ng Columbia International University. Kilala siya bilang isang manunulat, isang tagapagsalita, at tagapagturo. Ang kanyang asawang si Muriel ay nagkasakit ng Alzheimer’s disease. Nang lumala ang sakit hanggang sa ang kundisyon ni Muriel ay nangailangan na ng patuloy na pangangalaga, nag-resign si Dr. McQuilkin sa pagiging presidente ng unibersidad upang alagaan ang kanyang asawa. Sinabi niya na tinutupad lamang niya ang pangako na kanyang ginawa sa kanya nang sila ay ikasal. Naniniwala siya na ang pag-aalaga sa kanyang asawa ay mas mahalaga kaysa manatili sa kanyang posisyon bilang presidente ng unibersidad.
Ang Institusyon ng Pag-aasawa Ayon sa Dios
Ang pag-aasawa ay itinatag ng Dios para sa unang lalaki at babae na kanyang nilikha.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Genesis 2:21-24 para sa grupo. Ano ang sinasabi sa atin ng mga talatang ito tungkol sa pag-aasawa?
Ang pag-aasawa ay idinisenyo ng Dios na eksakto sa kinakailangan ng tao. Idinisenyo ito eksakto para sa kalikasan ng tao. Sa lahat ng bagay na idinisenyo ng Dios at sa lahat ng bagay na hinihingi niya, lagi niyang ninanais kung ano ang pinakamabuti para sa atin.[1] Nalalaman ng Dios na ang kanyang plano para sa pag-aasawa ay magbibigay sa bawat kabiyak ng pinakamabuting emosyonal, relasyonal at espirituwal na kabutihan.
Ang pag-aasawa ay idinisenyo rin upang sumalamin sa katauhan ng Dios at sa kanyang mga relasyon. Ang Dios Ama, ang Dios Anak, at ang Dios Espiritu Santo ay namamalagi at mananatiling magkakaugnay sa isa’t-isa. Ang bawat isa ay natatangi sa kanyang tungkulin, ngunit ang lahat ng Persona ng Trinidad ay permanenteng Iisa at may Isa lamang ang pinakadiwa. Sa relasyon sa pagitan ng mga Persona ng Trinidad, nakikita natin ang pagkakaisa, pagkakalapit-lapit, katapatan, at nananatiling pagmamahal. Ang Biblikal na pag-aasawa ay inihahalintulad sa kahanga-hangang relasyong ito. Ang plano ng Dios para sa bawat asawang lalaki at babae na maging dalisay sa kanilang pag-ibig at nakatalaga habang-buhay sa isa’t-isa.
Sinabi ng Dios na sa pag-aasawa ay iiwan ng lalaki at babae ang kanilang mga magulang at sila ay magsasama. Inilalagay ng pag-aasawa ang dalawang tao sa isang pagkakaibigan at pagiging kabiyak na mas matibay at mas malapit kaysa alinmang kaugnayan ng mga tao.
Ang pag-aasawa ay hindi lamang dalawang taong magkasama sa isang limitadong samahan. Ang kanilang mga buhay ay pinagbuklod na upang sa isang kahulugan sila ay katulad na ng iisang persona. Ito ay hindi pagbubura ng kanilang pansariling personalidad, kundi isang espesyal na pagiging iisa.
Idinisenyo ng Dios ang pag-aasawa upang maging permanente. Sa pag-aasawa ay nangangako ang isang lalaki at isang babae na maging matapat sa isa’t-isa hangga’t nabubuhay silang dalawa.
Itinala ng Biblia ang mga salita ni Hesus tungkol sa pag-aasawa, na binigkas sa isang pakikipag-usap sa mga Pariseo.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Mateo 19:3-8 para sa grupo.
Sinabi ni Hesus na layunin ng Dios na ang pag-aasawa ay maging permanente. Sinabi niya na ang paghihiwalay ay itinatag para sa mga taong hindi sumusunod sa Dios.
Maraming dahilan kung bakit idinisenyo ng Dios na maging permanente ang pag-aasawa, na ang ilan ay tinalakay na natin sa huling seksiyon. Ang isa pang dahilan kung bakit dapat permanente ang pag-aasawa ay para sa kapakanan ng mga anak. Ang pagsunod sa plano ng Dios sa pag-aasawa ay lumilikha ng pinakamabuting kapaligiran para sa pagpapalaki sa mga anak. Habang pinararangalan ng mga magulang ang Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga prinsipyo sa kanilang pag-aasawa at pamilya, makapagpapalaki sila ng mga makaDios na mga anak.[1]
Idinisenyo ng Dios ang buhay ng tao sa paraang kailangan ng mga bata ng ilang taon upang lumaki at magkaroon ng sapat na gulang. Sa panahong ito, ang mga anak ay nakadepende sa mga magulang para sa proteksiyon, mga pangangailangan, at pagsasanay. Ito ay naiiba sa mga hayop na lumalaki at nagiging sapat ang gulang sa loob ng isa o dalawang taon lamang. Nangangailangan ang mga tao ng mas mahabang panahon upang makapagpaunlad ng may gulang na katauhan. Idinisenyo ng Dios ang pamilya bilang paraan ng pagpapalaki sa mga anak. Marami sa mga suliranin sa lipunan ay nagmula sa kawalan ng pamilyang mayroong matatapat na mga magulang.
Ang pag-aasawa ay nangangailangan ng mga tao na mangangako na italaga ang kanilang buong buhay para sa isa’t-isa. Ang bawat kultura ay may mga anyo at isang seremonya upang ipakita na ang pag-aasawa ay isang seryosong pagtatalaga ng sarili. Ang seremonya ay isang paraan para sa isang lalaki at isang babae upang ipahayag sa publiko na ginagawa nila ang isang buong buhay na pagtatalaga ng sarili.
Karamihan sa mga pamahalaan ay nag-iingat ng mga tala ng pag-aasawa. Ang mga batas patungkol sa pag-aasawa ay nakakaapekto sa pagmamay-ari ng mga ari-arian, ang pangangalaga sa mga anak, at pagmamana.
Narito ang isang halimbawa ng pangako sa kasal na ginamit na sa maraming kasal:
Tinatanggap kita na maging akin asawa [asawang lalaki/asawang babae], upang ariin at ingatan, mula sa araw na ito, sa mabuti, o sa masama, sa kasaganahan o paghihirap, sa karamdamanan at sa kalusugan, upang mahalin at ingatan, hanggang paghiwalayin tayo ng kamatayan, ayon sa banal na kautusan ng Dios; at sa gayun ipinapangako ko ang aking sarili sa iyo.
Ang romantikong mga pakiramdam ay hindi mananatiling hindi nagbabago sa lahat ng panahon. Ang pag-aasawa ay hindi maibabatay sa mga pakiramdam na nagbabago. Ang mga pangako sa kasal ay nangangahulugan na ang isang lalaki at isang babae ay nangangako na magiging matapat sa isa’t-isa habang sila ay nabubuhay, at ang pangakong iyon ay hindi depende sa anumang kundisyon.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 2 Corinto 6:14-18 para sa grupo.
Sinasabi sa atin ng mga talatang ito na ang pagtatalaga ng sarili ng isang Kritiyano ay nahahadlangan kung sobra ang lapit ng kaniyang koneksiyon sa mga hindi mananampalataya. Kung paanong ang isang Kristiyano ay hindi makakasamba kasama ng isang sumasamba kay Satanas, hindi siya makasusunod sa paraan ng pamumuhay at mga prayoridad ng mga hindi mananampalataya. Ang babala ay maaaring ilapat sa iba’t-ibang uri ng relasyon, kabilang ang mga pakikipagsosyo sa negosyo.
Ang pag-aasawa ang pinakamalapit na pakikisama ng mga tao. Ang isang Kristiyano ay hindi dapat mag-isip na mag-asawa ng isang hindi matapat na Kristiyano (1 Corinto 7:39). Ang isang Kristiyano na may asawang hindi mananampalataya ay makararanas na labis na kapighatian at maraming hadlang sa pagpapalaki sa mga anak at sa mga pagpapasiya patungkol sa paraan ng pamumuhay.
Kung ang mag-asawa ay kapwa Kristiyano ngunit nanggaling sa magkaibang iglesya, dapat nilang tiyakin na sila ay magkatugma sa mahahalagang usaping espirituwal. Dapat nilang iplano na maging bahagi ng iisang lokal na iglesya pagkatapos na sila ay makasal.
► Bakit nagsisimula ang pag-aasawa sa mga pangako at hindi lamang simpleng pangungusap ng pag-ibig?
Ang Moral na Pamantayan ng Dios
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Hebreo 13:4 para sa grupo.
Sinasabi ng talatang ito sa atin na ang pag-aasawa ay dapat binibigyan ng mataas na paggalang. Ang kasalanang seksuwal ay kawalang-galang sa pag-aasawa. Hahatulan ng Dios ang seksuwal na imoralidad.
Kabilang sa mga kasalanang seksuwal ang pakikipagtalik nang hindi kasal, pangangalunya, gawaing homosexual, at paggamit ng pornograpiya. Ang pakikiapid ay gawaing seksuwal sa pagitan ng dalawang taong hindi kasal. Ang pangangalunya ay gawaing seksuwal na kahit ang isa lang sa dalawang tao ay kasal sa iba. Ang homoseksuwal na gawain ay gawaing sekswal sa pagitan ng dalawang tao na pareho ang kasarian. Kabilang sa pornograpiya ang mga sulat, larawan, at video na nakadisenyo upang makalikha ng reaksiyong seksuwal sa pagpapakita ng kahubaran o gawaing seksuwal. Ang lahat ng ito ay paglabag sa relasyon sa buhay-mag-asawa.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Corinto 6:9-10 para sa grupo.
Ang bawat lipunan ay may pangkulturang pananaw sa mga pakikipag-ugnayan ng mga lalaki at babae. Ang mga pangkulturang pananaw na ito ay may mas mababang pamantayan kaysa sa mga pamantayan ng moralidad ayon sa Biblia. Maraming kultura ang mayroon lamang mga batas na kinakailangan upang mapanatili ang isang maayos na lipunan. Hinahayaan lamang nila ang seksuwal na kasalanan kung ito ay maingat na nagagawa na sapat upang makaiwas sa masasamang bunga nito o eskandalo. Iba ang pamantayan ng moralidad ayon sa Biblia.
Nakakalungkot, may mga iglesya na sinusunod ang moralidad ng kanilang kultura sa halip na ang moralidad ayon sa Biblia. Pinarurusahan nila ang mga taong ang kasalanan ay nagiging lantad at walang ingat, ngunit kinukunsinti nila ang parehong mga kasalanan ng mga taong nagiging mas maingat.
Sinasabi sa atin ng mga talatang ito na ang mga taong gumagawa ng mga kasalanang ito ay hindi mga Kristiyano at hindi makakapunta sa langit. Ang ilan sa mga mananampalatayang taga-Corinto ay nakagawa ng kasalanang ito sa nakalipas na panahon ngunit nailigtas na mula sa mga ito.
Anumang doktrina na nagbibigay katwiran sa alinman sa mga kasalanang ito para sa isang taong nagpapahayag na siya ay Kristiyano ay isang maling doktrina. Kung tinatawag ng isang tao ang kanyang sarili na Kristiyano gayunman ay gumagawa pa rin ng kasalanang seksuwal, ang iglesya ay inuutusan ng Kasulatan na alisin siya mula sa iglesya at huwag siyang ituring na isang Kristiyano (1 Corinto 5:11-13).
Dapat magpakita ng mabuting halimbawa ng kaugalian ang mga tagapanguna sa iglesya. Kapag pinahihintulutan ng iglesya ang mga tagapanguna sa pagsamba na magdamit nang malaswa o hayaan ang mga mapang-akit na anyo ng sayaw sa iglesya, ipinahihiwatig nila na ang mga pagnanasang malaswa ay normal. Ipinahihiwatig nila na ang seksuwal na kasalanan ay hindi seryoso.
Ang mga istilo ng pananamit ng isang lipunan ay maaaring magpahiwatig na ang isang babae ay hindi sapat ang bihis malibang siya ay nakadamit upang magmukhang seksuwal na kaakit-akit sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga bahagi ng kanyang katawan. Kung minsan nahuhulog sa pagkakamaling ito ang ilang miyembro ng iglesya, lalo na kapag espesyal ang okasyon. Iniisip nilang kulang ang kanilang bihis maliban kung susundin nila ang uso o moda ng kanilang lipunan. Dapat ituro ng iglesya na ito ay mali. Ang isang Kristiyano ay hindi dapat magnais na lumikha ng maling pagnanasa sa iba. Sinasabi sa atin ng 1 Timoteo 2:9-10 na ang mga Kristiyano ay dapat manamit at kumilos sa paraang malalaman ng sinumang makakikita sa kanila na sila ay namumuhay ng maingat, dalisay na buhay at hindi nagnanais na magkasala o maging dahilan upang ang iba ay magkasala. Ang kababaihang Kristiyano ay dapat “…gayakan ang kanilang sarili sa kagalang-galang na gayak, may kahinhinan at pagpipigil sa sarili…”[1]
Tulong Para sa Makasalanan
Sinasabi ng Galacia 6:1 na ang iglesya ay may tungkulin na sikapin na mapanumbalik ang isang miyembro na nagkasala. Hindi ito nangangahulugan na ang isang tao ay dapat manatili sa isang posisyon sa ministeryo o agad na maibalik sa posisyon sa ministeryo pagkatapos na siya ay magkasala. Ang pagpapanumbalik ay nangangahulugan na muling tanggapin sa pakikisama at pangangalaga ng iglesya. Kung ang miyembro ay tunay na nagsisisi, siya ay pinatatawad ng Dios at ng iglesya. Ang iglesya ay dapat magbigay ng espirituwal na pananagutan upang tulungan siya na mapanatili ang tagumpay at maging malakas sa espirituwal.
Kapag ang isang babaeng hindi kasal ay magbuntis, hindi siya dapat alisin/itiwalag sa pakikisama at pangangalaga ng iglesya nang hindi tinatangka ang pagpapanumbalik sa espirituwal. Kung siya ay magsisisi at magpapasakop sa espirituwal na pananagutan, siya ay patatawarin. Ang kanyang kasalanan ay hindi mas malala kaysa sa kasalanan ng lalaking kasangkot. Kung minsan ang babae ay tinatrato nang mas malubha sa simpleng dahilan na sobrang lantad ang resulta ng kanyang kasalanan.
Ang iglesya ay isang pamilya ng pananampalataya. Hindi sapat para sa iglesya na hatulan ang kasalanan. Dapat pangalagaan ng iglesya ang kanyang mga miyembro. Halimbawa, kung ang babae ay sinusuportahan sa pinansiyal sa pamamagitan ng makasalanang pamamaraan, hindi lamang siya dapat sabihan ng iglesya na ang kanyang ginagawa ay mali, gayundin dapat maging handa ang iglesya na siya ay tulungan sa kanyang mga pangangailangan kung siya ay magsisisi.
Isang tunay na sitwasyon……
Ilang kabataang babae ang dumadalo sa isang malaking iglesya at umaawit sa koro. Mahihirap lamang ang kanilang mga pamilya. Mayroong imoral na mga relasyon ang mga kabataang babaeng ito sa mga lalaki upang kumita ng pera para matulungan ang kanilang mga pamilya. Ano ang dapat gawin ng iglesya sa ganitong sitwasyon?
► Ano ang dapat gawin ng inyong iglesya upang tulungan ang mga tao na iwan ang makasalanang paraan ng pamumuhay?
Pornograpiya
Ang pornograpiya ay mga babasahin, mga larawan, o video na idinesenyo upang maging dahilan ng seksuwal na reaksiyon sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabuharan o seksuwal na aktibidad.
Ginagawa ng internet na maging madaling makita ang pornograpiya sa buong mundo. Ang malawakang paggamit ng teknolohiya ay ginagawang tukso ang pornograpiya para sa mga taong hindi naturuang ilapat ang mga prinsipyong Kristiyano sa usapin. Maraming may gulang na mga pastor at tagapanguna ang hindi kailanman naharap sa mga tuksong iyon dahil wala pa ang internet noong kanilang kabataan. Maaaring halos hindi nila maunawaan kung ano ang kinakaharap ng bagong henerasyon.
Mali ang pornograpiya dahil ito ay nakadisenyo upang hikayatin ang tao na magkaroon ng kasiyahan sa pag-iisip mula sa mga gawain ng pakikiapid, pangangalunya, at marami pang anyo ng baluktot na seksuwal na gawain. Ito ay nakakaakit sa isang taong may makasalanang pagnanasa. Inaanyayahan ng pornograpiya at binibigyang kakayahan nito ang isang tao na magkaroon ng kasiyahan sa mga imoral na gawaing hinahatulan at kinamumuhian ng Dios.
Nakakahumaling ang pornograpiya. Ang taong gumagamit ng pornograpiya ay nakararamdam ng malakas na pangangailangan para dito. Ni hindi niya maisip kung paano mamumuhay kung wala ito. Sa isip niya ang buhay ay magiging walang kahulugan at walang kabuluhan kung wala ang mga imahinasyon na nakukuha niya sa pornograpiya. Katulad lamang ng lahat ng ibang uri ng pagkahumaling, nagiging lubusan ang pagnanasa, at ang sinumang gumagamit ay nagsisimulang isakripisyo ang mabubuting bagay sa kanyang buhay.
Ang pornograpiya ay lumalala. Ang gumagamit ay nangangailangan ng mas tumitinding tahasan at makasalanang mga materyal. Nagsisimula siyang magkaroon ng kasiyahan sa mga imahinasyon na dati ay nagbibigay sa kanya ng pakiramdam ng pagkainis at panginginig sa takot.
Ang pornograpiya ay nakakasira. Ang gumagamit nito ay nagkukulang sa kakayahang masiyahan sa normal na relasyon. Ang kanyang mga pagnanasa ay nagiging sobrang hindi natural kaya’t hindi kailanman ito masisiyahan. Hindi siya nagiging sensitibo sa pag-abuso ng iba.
Dapat magbigay ng babala ang mga pastor at mga magulang sa mga kabataan tungkol sa panganib ng addiction o pagkalulong. Hindi dapat bigyan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng walang limitasyong paggamit ng internet kung kulang pa ang mga ito ng sapat na kakayahang labanan ang tukso. Ang sinumang nahihirapang labanan ang tukso ng paggamit ng pornograpiya ay dapat maglagay sa kanyang sarili sa relasyon na may pananagutan. Dapat siyang regular na mag-ulat sa taong ito.
►Anong mga gawain ang dapat mong irekomenda sa mga tao upang maprotektahan sila mula sa pagkalulong sa pornograpiya? Paano makakatulong ang iglesya?
Mga Gawaing Homosexual
Ang ilang modernong lipunan na tumatanggi sa awtoridad ng Biblia ay tumatanggi rin sa paglalarawan ng pag-aasawa ayon sa Biblia. Sinasabi nila na ang mga tao ay may kalayaang pumili ng relasyon na galing sa parehong kasarian.
Ipinagbabawal ng Biblia ang gawaing homosexual.
► Dapat sama-samang tingnan ng grupo ang Roma 1:26-27, 1 Timoteo 1:10, at 1 Corinto 6:9.
Ibinibilang ng tatlong talatang ito sa Biblia ang gawaing seksuwal sa isang listahan ng ilan sa pinakamasasamang uri ng kasalanan. Ang mga taong sumusunod sa mga kasalanang ito ay tinatanggihan ang awtoridad ng Dios.
May mga taong nagsasabi na sila ay mayroong natural na pagkahilig sa pakikipagrelasyon sa parehong kasarian/homosexual. Sinasabi nila na hindi sila dapat sisihin para sa kanilang kaugalian dahil hindi nila pinili na magkaroon ng ganoong mga pagnanasa.
Itinuturo ng Biblia na ang bawat tao ay sumunod sa natural na tendensiya upang magkasala (Isaias 53:6). Tinatawag tayo ng Dios upang pagsisihan ang ating sariling sinasadyang kasalanan (Isaias 55:7). Dahil tayo ay isinilang na may likas na pagiging makasalanan, ang ating natural na pagnanais ay hindi mapagtitiwalaan upang siyang manguna sa atin. Ang isang tao ay maaaring makaramdam ng malakas na natural na tendensiya upang makiapid, o maging marahas, o magnakaw, nguni’t ang natural na pagnanasa ay hindi nangangahulugan na ang pagnanais ay tama.
Mga Prinsipyo sa Pagpaparangal sa Dios Nang May Kadalisayang Moral Bago Mag-asawa
Nahaharap ang mga kabataan sa matinding tukso bago sila ikasal. Mahalaga para sa kanila na tandaan na kailangan nila ng kasama sa buhay na magiging matapat.[1] Hindi nila dapat isipin ang isang relasyon sa isang tao na ang gusto ay panandaliang kasiyahan nang walang kasal. Hindi nila dapat naisin na magkaroon ng relasyon sa isang taong hindi naman matapat na Kristiyano (1 Corinto 7:39). Dapat lamang nilang isaalang-alang ang isang taong magiging matapat na kabahagi sa buhay-may-asawa at magiging isang mabuting magulang.
Ang isang kabataan na nagnanais na magkaroon ng mabuting pag-aasawa ay dapat maging matapat, Kristiyanong nakatalaga ang sarili upang maakit ang tamang uri ng tao.[2] Ipinapakita ng isang tao ang mabuting katauhan sa pamamagitan ng angkop na pag-uugali at disenteng pananamit (1 Timoteo 2:9-10). Ang mga taong hindi maingat sa pakikitungo sa mga taong kabilang sa katapat na kasarian ay nagpapahiwatig na sila ay nakahandang magkaroon ng relasyon batay sa maling mga pagnanais.[3] Ang isang taong nagbibihis sa paraang nakalilikha ng maling pagnanasa ay umaakit ng maling uri ng tao.[4]
Nagbigay ang Dios sa mga kabataan ng mga magulang, mga pastor, at iba pang tagapangunang Kristiyano upang magbigay ng paggabay sa pag-uugali, pananamit, at pagpili ng mga relasyon. Sa pagpapasakop ng mga kabataan sa mga tagapangunang ito bilang pagsunod sa Dios, magkakaroon sila ng pinakadakilang mga pagpapala ng Dios at poprotektahan sila mula sa matinding kasamaan at tukso.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Pedro 5:5 at Hebreo 13:17 para sa grupo.
Responsibilidad ba ng mga anak at mga kabataan na magpasakop sa katalinuhan at pangunguna ng kanilang mga magulang at espirituwal na mga awtoridad? Tungkulin ng mga tagapangunang ito na tulungan ang mga kabataan na mamuhay nang matagumpay laban sa tukso.
► Basahin nang sama-sama ang Roma 13:14 at 1 Corinto 10:13.
Hindi pinahihintulutan ng Dios na malagay ang mga Kristiyano sa mga sitwasyon ng tukso nang higit sa kanilang kayang paglabanan at takasan kung sila ay handang gawin iyon. Tungkulin ng mga kabataan na takasan ang tukso (2 Timoteo 2:22). Gayunman, dapat hadlangan hangga’t maaari ng mga magulang ang kanilang mga kabataan na maranasan ang hindi kinakailangang mga tukso. Mayroong tatlong paraan kung paano ito ginagawa ng mga magulang:
(1) Sa pagbibigay ng mga tiyak na panuntunan tungkol sa kung ano ang dapat gawin at hindi dapat gawin ng mga bata, sino ang dapat nilang kasama, at kung saan sila dapat pumunta (Efeso 6:1-4).
Hindi dapat pahintulutan ng mga magulang ang kanilang mga anak na malagay sa mga sitwasyon kung saan hindi pa sapat ang kanilang maturity upang protektahan sila mula sa tukso. Halimbawa, kung ang isang kabataang lalaki at isang kabataang babae ay walang kasama sa isang pribadong lugar, maaari silang matukso na gumawa ng maling pagkilos.
Sa pagpapanatili sa kanilang mga anak na magkaroon ng pananagutan sa mga lugar ng pagtukso.
Sa pagbibigay sa mga anak ng payong Biblikal.
Dapat tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na matutuhang pag-isipan ang mga sitwasyon na nasasa-isip ang mga prinsipyo ng Biblia (Kawikaan 4:1-9; 7:1, 4-5). Dapat nilang kausapin ang kanilang mga anak tungkol sa mga panganib na kanilang nakikita. Dapat nilang tulungan ang kanilang mga anak na isaalang-alang ang iba’t-ibang pagpili na kakailanganin nilang gawin. Maaari nilang tulungan ang kanilang anak na pag-isipan agad ang hinaharap kung paanong maiiwasan ang tukso at kung ano ang gagawin kapag naharap sila sa mga tukso.
Ang iglesya ay dapat maging hiwalay sa kultura nito kapag ipinagtatanggol nito ang moralidad ng Biblia. Maraming kultura ang hindi itinuturing na seryoso ang seksuwal na kasalanan. Inaasahan nila ang mga kabataang dalaga at binata na magkaroon ng relasyong seksuwal bago sila ikasal. Hindi dapat magkompromiso ang iglesya sa kasalanan. Hindi dapat isipin ng iglesya na normal ang kasalanang seksuwal sa mga kabataan. Sinasabi ng Dios na ang mga imoral ay hindi mga Kristiyano (Efeso 5:3-7, Hebreo 13:4).
Ang tagal ng panahon na umiiral ang relasyon bago ang kasal ay hindi panahon para magsimula ang seksuwal na relasyon. Sa halip ito ay isang panahon kung saan ang lalaki at ang babae ay dapat tiyakin na magkaisa sila sa parehong espirituwal at Biblikal na prayoridad. Ito ang panahon na sila ay nagtatatag ng pag-unawa sa isa’t-isa na nagbibigay kakayahan sa kanila na sapat na pagtiwalaan ang isa’t-isa upang gumawa ng permanenteng pagtatalaga ng sarili sa isa’t-isa. Kung hindi sila makakaabot sa ganitong pagtitiwala sa katauhan ng isa’t-isa, dapat nilang wakasan ang relasyon at hindi na magpakasal.
Ang mga tao sa ilang lipunan ay ipinagpapaliban ang kasal dahil inaasahan ng kanilang kultura na ang kasal ay magiging isang detalyado, magastos at mamahaling seremonya. Maraming beses, ang mag-asawa ay nagsasama nang maraming taon at mayroon nang mga anak habang ipinagpapaliban ang kasal. Para sa ilang mag-asawa, ang gastos sa kanilang kasal ay nakasakit sa kanilang pananalapi sa matagal na panahon matapos ang kasal dahil ginastos nila ang lahat para sa araw ng kasal at marahil ay nakahiram pa ng pera sa iba. Ang iglesya ay dapat maging isang komunidad ng pananampalataya na nagbibigay ng ibang modelo ng pag-aasawa. Ang pag-aasawang Kristiyano ay para sa isang lalaki at babae na nakatalaga ang sarili sa isa’t-isa at sa Dios at hindi nangangailangan ng malaking gastos na nagpapaliban sa kasal o nakakasakit sa kinabukasan ng mag-asawa.
► Ano ang ilang paraan na ang pag-aasawang Kristiyano ay dapat naiiba sa mga kaugalian sa pag-aasawa ng lipunan?
Ang pag-aasawa ay plano ng Dios sa karamihan sa mga tao. Gayunman, inilarawan ni Apostol Pablo ang ilan sa mga dahilan kung bakit may mga tao na hindi nag-aasawa. Sa 1 Corinto 7:26 binanggit niya “ang kasalukuyang kapighatian” — mahihirap na kalagayan sa buhay na maaaring kabilang ang pag-uusig. Sinabi niya na maaaring mas mabuti na hindi na mag-asawa sa gayung mga kalagayan.
Ang parehong sipi (1 Corinto 7:32-35) ay nagsasabi na ang isang taong walang asawa ay may espesyal na benepisyo. Ang isang taong walang asawa ay makapagtutuon sa paglilingkod sa Dios nang walang iniisip na kailangang pangalagaan ang kanyang asawa. Kapag ang isang tao ay tinawag ng Dios upang magtuon sa ministeryo nang hindi nag-aasawa, maaari siyang tunay na maging epektibo at pinagpala sa kanyang ministeryo.
Maaaring mayroon pang ibang dahilan kung bakit pinipili ng Dios na ang isang tao ay manatiling walang asawa (Mateo 19:10-11). Hindi natin dapat isipin na ito ay isang hindi natural na kalagayan. Hindi natin dapat isipin na ang bawat taong walang asawa ay kinakailangang ihanap ng magiging kasama sa buhay. Hindi natin dapat isipin na ang kaligayahan at kalubusan sa buhay ay nakabatay sa pag-aasawa.[1]
Ang isang walang asawa ay dapat maging maingat sa pag-iwas na magkaroon ng mga maling relasyon dahil sa emosyonal at pisikal na pangangailangan. Nagbibigay ang Dios ng kaligayahan at kakontentuhan sa taong lubusang inilalaan ang kanyang buhay para sa kanya.
► Basahin nang sama-sama ang 1 Pedro 3:1-7 at Efeso 5:22-33. Dapat panatilihing nakabukas ng grupo ang mga siping ito para sa pagsasaliksik sa panahon ng talakayan.
Ang lalaki ay sinabihan na mahalin ang kanyang asawang babae kung paanong minahal ni Kristo ang iglesya. Ibinigay ni Hesus ang kanyang sarili bilang sakripisyo para sa iglesya. Dapat isakripisyo ng asawang lalaki ang kaniyang sariling mga benepisyo, kaginhawahan, at mga naisin upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanyang asawang babae. Isang talata ang nagsasabi na dapat siyang “mamuhay nang kasama niya nang may karunungan,” nangangahulugan na dapat niyang gawin ang kanyang pinakamabuti upang unawain siya. Dapat niyang pag-aralan ang kanyang asawa upang maunawaan ang kanyang mga pangangailangan.
Ang babae ay tinawag na “ang mas mahinang sisidlan” sa talatang ito. Nangangailangan ang asawang babae ng konsiderasyon mula sa kanyang asawang lalaki. Dapat niya siyang ipagtanggol hindi lamang sa pisikal na panganib kundi mula rin sa pag-aalala at emosyonal na paghihirap.
Sinabihan ang asawang babae na magpasakop sa kanyang asawang lalaki at respetuhin siya.
Inaasahang tatanggapin ng asawang babae ang pagiging tagapanguna ng kanyang asawang lalaki, kahit na ang lalaki ay hindi mananampalataya. Kapag ginawa niya ito, ang kanyang asawang hindi mananampalataya ay mas maaaring maging isang mananampalataya.
Mahalagang alalahanin kung paanong ibinigay ang mga kautusan sa mga talatang ito. Ang asawang lalaki ay hindi sinabihan na ipilit ang awtoridad sa kanyang asawang babae. Ang asawang babae ay sinabihan na sundin ang kanyang asawang lalaki, ngunit ang asawang lalaki ay hindi inutusan na pilitin siyang sumunod. Sinabihan siya na mahalin ang kanyang asawang babae at magsakripisyo kung kinakailangan upang siya ay pangalagaan. Gayundin naman, ang asawang babae ay hindi sinabihan na hingin ang pangangalaga mula sa kanyang asawa; siya ay sinabihan na respetuhin niya ang kanyang asawang lalaki.
Ang prayoridad ng asawang lalaki ay hindi dapat ang pagpapanatili ng kanyang awtoridad kundi ang pagbibigay ng mapagmahal na pangangalaga. Ang prayoridad ng asawang babae ay hindi dapat ang paghingi ng pangangalaga para sa kanyang sarili kundi ang respetuhin ang kanyang asawang lalaki.
Nagbigay ng babala ang apostol sa asawang lalaki na ang kanyang mga panalangin ay mahahadlangan kapag hindi niya maayos na pinangangalagaan ang kanyang kabiyak. Sinasabi nito sa atin na ang ating kaugalian/ginagawa sa ating buhay-mag-asawa ay nakakaapekto sa ating relasyon sa Dios.
Sinabi ni Apostol Juan na kung hindi minamahal ng isang tao ang kanyang kapatid, hindi rin niya minamahal ang Dios (1 Juan 4:20). Gayundin naman, mula sa mga salita ni Pablo at Pedro makikita natin na ang isang taong hindi nangangalaga para sa kanyang asawang babae tulad ng dapat niyang gawin ay hindi nagmamahal sa Dios tulad ng nararapat. Ang asawang babae na hindi rumirespeto sa kanyang asawang lalaki, ay hindi rumirespeto sa Dios tulad ng nararapat.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Corinto 7:1-5 para sa grupo.
Sinasabi ng mga talatang ito na ang isang layunin ng pag-aasawa ay bigyang kasiyahan ang mga seksuwal na pagnanasa. Ibinigay na ng asawang lalaki at asawang babae ang kanilang mga sarili sa isa’t-isa at itinanggi na ang sariling pag-angkin sa kanilang sariling mga katawan. Ito ay nangangahulugan na ang isang taong may-asawa ay hindi dapat umasa na makipagtalik lamang kung kailan niya nais kundi dapat din siyang tumugon sa mga pagnanais ng kanyang kabiyak. Hindi sinasabi sa atin ng mga talata na maaaring ipilit ng isang tao ang pagbibigay kasiyahan sa kanya nang laban sa kagustuhan ng kanyang kabiyak. Sa halip, sinasabi ng talata sa isa’t-isa na tumugon sa pangangailangan ng isa’t-isa.
Sinasabi ng siping ito na ang mga taong may-asawa ay hindi dapat pagkaitan ang isa’t-isa ng pribilehiyong ito. Ang maikling panahon ng hindi pagtatalik na may kasamang pag-aayuno ay lehitimo, subalit ang matagalang pagkakahiwalay ay magbubunga ng tukso dahil sa pagnanasang hindi natutugunan. Kung minsan pinipili ng mag-asawa na magkahiwalay sa loob ng ilang buwan o higit pa dahil ang isa ay nagtatrabaho o nag-aaral sa malayong lugar. Bago gawin ang ganitong pasya, dapat nilang isaalang-alang kung ang plano ay naaayon sa plano ng Dios. Maaari silang makaranas ng mga suliranin dahil sa matagal na pagkakahiwalay.
Isang layunin ng pag-aasawa ay ang pagbuo ng mga pamilya na nagbibigay ng kailangan para sa kanilang mga miyembro.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Timoteo 5:8 para sa grupo.
Ang talatang ito ay kasama sa isang sipi na naglalarawan ng tungkulin ng mga miyembro ng iglesya na mangalaga sa isa’t-isa. Ang unang responsibilidad ng isang tao ay ang kanyang sariling pamilya. Dapat tiyakin ng isang magulang na natutugunan ang mga pangangailangan ng kanyang anak, tulad ng tirahan, pagkain, pananamit at edukasyon. Dapat gawin ng magulang ang lahat ng kanyang magagawa upang makapagbigay ng pangangailangan sa halip na iwan sa iba ang responsibilidad na ito.
Para sa Pagbabahaginan ng Grupo
Ang mga paksa sa leskiyong ito ay magbubunga ng maraming talakayan.
Dapat sikapin ng mga mag-aaral na ilapat ang prinsipyong ng Kasulatan sa leksiyong ito sa kanilang mga kalagayan.
► Ano ang katotohanan tungkol sa pag-aasawa na tila nalilimutan na ng maraming tao?
► Paano sama-samang makapagtatrabaho ang mga tao sa iglesya (higit pa sa pagkakaroon ng PanLinggong Klase) upang tumulong sa hamon ng pagsasanay sa mga anak upang sumunod kay Kristo?
Panalangin
Aming Ama sa Langit,
Salamat po sa inyong kamangha-manghang disenyo ng pag-aasawa. Tulungan mo po akong maging matapat sa iyong kalooban sa bawat bahagi ng aking buhay. Tulungan mo po akong maging mabuting halimbawa ng pagiging matapat na Kristiyano. Tulungan mo po akong hikayatin ang iba na sundin ang iyong kalooban.
Tulungan mo po ako na makipagtulungan sa iglesya sa pagtulong sa mga pamilya, mga kabataan, at mga bata upang maging matibay sa pananampalataya at pagsunod.
Salamat po sa pribilehiyo na ibinibigay mo sa amin upang magkaroon ng mga relasyon na iyong pinagpapala.
Amen
Leksiyon 7 Mga Takdang Aralin
(1) Kung ikaw ay wala pang asawa, sumulat ng dalawang parapo ng pagtatalaga ng sarili sa pagsunod sa mga prinsipyo ng Dios para sa iyong mga relasyon bago ikasal at sa iyong pag-aasawa sa hinaharap. Kung ikaw ay may asawa na, sumulat ng dalawang parapo ng pagtatalaga ng sarili sa pagsunod sa mga prinsipyo ng Dios sa iyong buhay-may-aasawa.
(2) Pumili ng isa o higit pang paksa mula sa leksiyong ito at sumulat ng isang pahina na naglalarawan kung paano mailalapat ng tao sa inyong lipunan ang mga prinsipyo mula sa Kasulatan.
Halimbawa:
Ilarawan ang Kristiyanong relasyon ng isang lalaki at isang babae na nagpaplanong magpakasal sa inyong lipunan.
Ilarawan ang pag-uugali ng isang lalaki o babae na nagnanais na magpakita ng katapatan sa buhay-may-asawa sa inyong lipunan.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.