Sa pagtatapos ng leksiyong ito,ang mag-aaral ay dapat:
(1) Tuklasin ang praktikal na relasyon sa pagitan ng Kristiyanong pag-ibig at personal na buhay ng Kristiyano.
(2) Pagnilayan ang sampung bahagi kung saan ang mga mananampalataya ay dapat na lalong iayon ang kanilang buhay sa mga prinsipyo ng Banal na Kasulatan
(3) Ipaliwanag ang di-kukulangin sa dalawang dahilan kung bakit naiiba ang mga Kristiyano sa mga personal na pagsasabuhay ng mga prinsipyo ng Banal na Kasulatan na may kaugnay sa mga isyu sa uri ng pamumuhay.
(4) Ibuod ang siyam na prinsipyo (ibinigay sa teksto) para sa paggawa ng mga desisyon sa pamumuhay.
Isang African na Ina ang lumabas upang tingnan ang kanyang anak na lalaki na naglalaro sa ilalim ng puno. Laking gulat niya nang makita ang isang malaking makamandag na ahas na nakasabit sa puno na nasa ibabaw lamang ng ulo ng kanyang anak. Parang kakagatin na ng ahas ang bata. Alam ng ina na kapag sinubukan niyang bigyan ng babala ang kanyang anak ay titingin ito sa halip na mabilis na lumayo. Sa halip na magpaliwanag, tinawag niya ito, “Anak, dumapa ka sa lupa, ngayon na.” Nagtaka ang bata, ngunit dahil tinuruan siyang sumunod, ginawa niya iyon. Pagkatapos ay sinabi ng kanyang ina, “Manatili kang nakadapa at gumapang ka papunta sa akin.” At muli siyang sumunod at ligtas na nakalayo sa ahas.
Bakit sumunod ang bata nang hindi naiintindihan ang dahilan ng utos? Iginagalang niya ang kanyang ina dahil tinuruan na siyang sumunod, at siya ay itinutuwid kapag siya ay sumusuway sa mga utos. Nagtitiwala din siya sa kanyang ina dahil alam niyang mahal siya ng kanyang ina. Dapat nating sundin nang lubusan ang Dios, hindi lamang dahil tayo ay natatakot sa pagtutuwid niya pero dahil alam natin mahal niya tayo.
Ang Motibasyong ng Pag-ibig
►Ano ang ilang mga resulta kung mas mamahalin ng isang tao ang Dios? Maaari mong isaalang-alang ang tanong sa pamamagitan ng pagtapos ng pahayag na ito: “Kung mas mamahalin ko ang Dios, Ako ay ...”
Ang isang resulta ng higit na pagmamahal sa Dios ay inilarawan sa Filipos 1:9-11:
At ito ang aking panalangin, na lalong higit na sumagana ang inyong pag-ibig sa pagkaalam at pagkaunawa, upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat, upang kayo’y maging matapat at walang kapintasan hanggang sa araw ng pagbabalik ni Kristo, na puspos ng mga bunga ng katuwiran na nakay Kristo Hesus, para sa kaluwalhatian at kapurihan ng Dios.
Ang mga talatang ito ay nagsasalita tungkol sa nagpapatuloy na proseso sa buhay ng isang mananampalataya. Ang kanyang pag-ibig ay dapat nagpapatuloy na lumalalim. Habang lumalago ang kanyang pag-ibig sa Dios, ang kanyang kakayahang malaman kung ano ang pinakamabuti ay napapalakas at napapalawak. Kapag nalalaman niya kung ano ang pinakamabuti, iniaayon niya ang kanyang buhay upang ituon sa kung ano ang pinakamabuti. Dapat itong mangyari upang ang isang Kristiyano ay maging matapat at walang kasalanan.
Kung paanong ang isang bagong silang na sanggol ay mayroong buong buhay ng pag-aaral at paglago sa kanyang harapan, gayun din tayo, sa oras ng ating pagbabalik-loob, hindi rin natin nauunawaan ang lahat ng katotohanan na dapat gumabay sa ating mga buhay. Sa mga talata sa itaas, sumulat si Pablo sa mga tao na matagal nang mga Kristiyano. Gayunman ipinanalangin ni Pablo na mananatili silang higit na nagmamahal sa Dios, at sa pamamagitan ng pag-ibig na iyon ay higit na mauunawaan at masusunod ang kalooban ng Dios.
Dapat nating asahan na patuloy na pagbubutihin ang ating mga buhay habang nagbibigay ang Dios ng pagkaunawa. Ninanais ng Dios ang ating lubos na pagsunod sa lahat ng aspeto ng ating mga buhay, hindi lamang sa panrelihiyong gawain.
Hindi natin dapat isipin na alam na natin ang lahat ng bagay na kailangan nating malaman kung paano tayo dapat mamuhay. Hindi natin dapat isipin na nagawa na natin ang lahat ng mga pagbabago na kinakailangan natin sa ating buhay.
Ilang Mga Bahagi Kung Saan Dapat Lumago ang Isang Mananampalataya
(1) Pagiging maingat sa impluwensiya (Kawikaan 22:1; Mateo 5:14-16)
May mga bagay ka bang ginagawa na ayaw mong gawin ng iba? Madidismaya ka ba kung makikita mong ginagawa ng iyong pastor ang mga bagay na ginagawa mo?
(2) Pagpipigil sa Sarili (Kawikaan 16:32, 25:28; Galacia 5:22-23)
Kinokontrol mo ba nang sapat ang iyong mga damdamin at naisin upang gawin kung ano ang dapat mong gawin, o kung minsan hinahayaan mo ang iyong mga damdamin upang ang pagkilos mo ay maging katulad lamang ng isang hindi mananampalataya?
(3) Pangangalaga sa kalusugan (1 Corinto 6:19, 10:31)
Pinangangalagaan mo ba ang iyong katawan tulad ng isang set ng kagamitan na hindi maaaring mapalitan na itinalaga para sa gawain ng Dios? Dahil ang katawan natin ay pag-aari ng Dios, hindi ito dapat sirain. Hindi mo ito dapat tratuhin nang walang pag-iingat.
(4) Pagpili ng Paglilibangan (Colosas 3:17; 1 Corinto 6:12)
Ang iyo bang pinaglilibangan ay nagdudulot sa iyo ng mga pakikipaglaban sa tukso dahil sa dulot nitong mga maling kaisipan o saloobin? Mag-ingat sa anumang nagpapakita sa kasalanan bilang kaakit-akit o nakakatuwa.
Pakiharapan mo ang iba nang may respeto, dahil ang mga tao ay nilikha sa imahen ng Dios at may walang hanggang patutunguhan. May mga kaugalian ang mga tao sa pagpapakita ng paggalang. Kailangan mong matutuhan na maging magalang sa paraang na-uunawaan ng mga tao. Dapat kang maging mabait kahit na may taong hindi karapat-dapat dito.
(6) Tuntunin ng Moralidad sa Negosyo (Kawikaan 20:23)
Lubos ka bang matapat sa lahat ng iyong pakikitungo? Inilalarawan mo ba ang mga bagay eksakto kung ano ang mga ito o pinapaniniwala mo ang mga tao sa mga bagay na hindi naman totoo?
(7) Katapatan sa Oras (Galacia 5:14)
Ang oras ay isang mahalagang resource na kailangan nating gamitin para sa Dios. Pinahahalagahan mo ba ang iyong oras o ang oras ng iba sa pamamagitan ng pagdating sa itinakdang oras hanggat maaari?
(8) Pananamit (1 Timoteo 2:9; 1 Pedro 3:3-4)
Ipinapakita ba ng iyong pananamit ang mga pagpapahalagang ito?
Disente – sapat na pagtatakip sa katawan
Kababaang-loob – hindi mo sinisikap na makatawag ng hindi nararapat na pansin o paghanga sa pamamagitan ng iyong kasuotan.
Pagiging Matipid – hindi ka bumibili ng mas mamahaling pananamit na higit kaysa sa kailangan mo
(9) Pananalita (Colosas 4:6, Efeso 4:29)
Ang iyo bang pakikipag-usap ay dalisay at magalang sa Dios at sa iba? Marami sa mga salitang ginagamit ng sanlibutan kapag nabigla o nagulat ay gumagamit ng mga malalaswa o mga salita para sa Dios.
Tumutupad ka ba sa iyong mga pangako o pagtatalaga? Maaasahan ba ng mga tao na gagawin mo ang iyong mga sinasabi? Kinakalimutan mo ba ang iyong mga pangako kung hindi ito madaling gawin/makatutulong?
Maraming tao ang hindi inaaring seryoso ang kanilang pangangailangan na mas lumago. Ang pakiramdam nila ay responsable lamang sila para sa mga simpleng kautusan sa Kasulatan, na hindi nauunawaan na ang mga kautusang iyon ay maraming paggagamitan.
Kailangan nating matanto na ang pag-unlad ay nakaugnay sa paglaki ng ating pag-ibig sa Dios. Kailangan nating seryosong magbulay-bulay sa mga talatang sinimulan natin sa leksiyong ito (Filipos 1:9-11). Kapag ang ating pag-ibig ay lumalago, ang ating pagkaalam at pagpili sa mga tamang pag-uugali ay dapat lumalago rin.
Para sa Pagbabahaginan sa grupo
► Ano ang isang halimbawa ng pagbabago na ginawa mo sa iyong buhay nang ipakita ng Dios sa iyo na ang isang saloobin, pag-uugali o ikinikilos ay hindi ang pinakamabuti?
► Mayroon bang isang bagay sa uri ng iyong pamumuhay na alam mong dapat mong baguhin? Babaguhin mo ba ito?
► Mayroon ka bang ginagawa na hindi mo natitiyak na nakalulugod sa Dios?
► Payag ka bang hayaan ang Dios na ipakita sa iyo sa panalangin ang anumang pagbabago na kailangan mong gawin?
Ipangako natin na manalangin sa linggong ito nang may bukas na puso upang maipakita sa atin ng Dios ang Kanyang mga pinahahalagahan at anumang pagbabago na nais Niyang gawin sa ating mga buhay. Ipinapangako mo bang gagawin iyon? Sa susunod na linggo tatanungin ko kayo kung ginawa ninyo iyon.
Pansariling Pagsasabuhay ng mga Prinsipyo ng Biblia
► Napansin ba ninyo ang mga pagkakaiba sa mga Kristiyano, lalo na sa mga praktikal na katanungan tungkol sa kanilang mga ginagawa at hindi ginagawa? Bakit mayroong mga ganitong pagkakaiba-iba, gayung ginagamit nila ang parehong Biblia? Dahil napakaraming mga pagkakaiba sa mga Kristiyano, mahalaga ba talaga kung ano ang ating ginagawa? Bakit?
Hindi lahat ng Kristiyano ay nagkakasundo sa mga detalye kung paano ipapamuhay ang mga prinsipyo at pinahahalagahan ng Biblia. Gayunman ang Kristiyano ay dapat maging seryoso tungkol sa pamumuhay na tumutugma sa kanyang mga pinaniniwalaan.
Ang mga pag-uugali, pinipiling paglilibangan, at pananamit, ang lahat ay nagpapakita ng mga bagay tungkol sa mga kinahihiligan ng puso.
Narito ang ilan sa mga prinsipyo na dapat tandaan ng bawat mananampalataya habang sinisikap niyang unawain kung ano ang pinakamabuti sa mga espesipikong usapin patungkol sa pamamaraan ng pamumuhay.
Mga Prinsipyo Para sa Mga Pagpapasya sa Paraan ng Pamumuhay
(1) Dapat nating sundin ang lahat ng iniuutos ng Biblia sa mga Kristiyano.
Sinabi ni Hesus sa Mateo 5:19,
Samakatuwid ang sinumang lumalabag sa isa man sa pinakamaliit sa mga kautusang ito, at itinuturo ang gayun sa tao, ay tatawaging pinakamababa sa kaharian ng langit; ngunit sinuman ang gumagawa at itinuturo ang mga ito, siya ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit.
Hindi natin maaaring simpleng piliin lamang ang mga puntos na iniisip natin na pinakamahalaga. Walang kautusan sa Kasulatan ang hindi sapat ang halaga upang balewalain natin.
(2) Ang mga kautusan ng Dios ay para sa ating ikabubuti.
Deuteronomio 10:12-13,
At ngayon, mga mamamayan ng Israel, ano ang hinihingi ng Panginoong inyong Dios, kundi ang katakutan ang Panginoong inyong Dios, mamuhay ayon sa kanyang pamamaraan, at ang mahalin siya, at paglingkuran ang Panginoon mong Dios nang buong puso, at buong kaluluwa at tuparin ang mga kautusan ng Panginoon, at ang kanyang mga panuntunan, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito para sa iyong ikabubuti.
Awit 84:11,
Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin: Ang Panginoon ay magbibigay ng biyaya at kaluwalhatian: walang mabuting bagay ang ipagkakait mula sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
Hindi ipinagkakait ng Dios sa atin ang isang bagay na mabuti, o nag-uutos ng isang bagay na makasasama sa atin. Hindi tayo mapapabuti kung wala ang Kanyang mga paghihigpit. Ang pagtanggi sa Kanyang mga direksiyon ay ang pagdududa sa Kanyang katalinuhan at pag-ibig. Pinatutunayan natin na tunay na may pananampalataya tayo sa kabutihan ng Dios at karunungan kapag sinusunod natin ang mga tagubilin ng Kanyang Salita sa halip ng sundin ang mga ideya ng tao.
(3) Ang kalayaan ng Kristiyano ay hindi kalayaan mula sa pagsunod sa Dios.
Isinulat ito ni Pablo sa mga Kristiyano sa 1 Corinto 9:21:
Para doon sa mga walang [batas ni Moises] kautusan, [ako’y nabuhay] tulad ng walang kautusan (hindi sa walang kautusan sa pagsunod sa Dios, subali’t nasa ilalim ng kautusan para kay Kristo), upang maakay ko ang mga taong walang kautusan.
Tayo ay iniligtas mula sa kautusan – kapwa ang sistemang ayon kay Moses at moral na hinihingi ng Dios—bilang isang paraan ng pagpapawalang-sala, dahil tayo ay naligtas ayon sa biyaya at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa mga kautusan ng Dios. Tayo rin ay iniligtas mula sa kahatulan ng kautusan, dahil ang mga kasalanan na nagawa natin ay pinatawad na.
Gayunman, tayo ay hindi pinalaya mula sa pangangailangan ng pagsunod sa Dios o mula sa obligasyon na umibig, “Sapagkat kayo ay tinawag para maging malaya, mga kapatid. Kaya Huwag ninyong gamitin ang inyong kalayaan bilang isang pagkakataon para sa laman, subalit sa pamamagitan ng pagmamahal ay paglingkuran nyo ang isa’t-isa.” (Galacia 5:13).[1] Kung paanong ipinapakita ng 1 Corinto 9:21 (sa itaas), tayo ay nasa ilalim ng awtoridad ng Dios. Ang kanyang kalooban sa atin ay ipinahayag sa Biblia.
Ang Legalismo ay isang espesyal na termino na kung minsan ay ginagamit ng mga tao kapag sila ay tumatalakay ng mga paksang kaugnay sa pagsunod sa Dios. Mahalagang maunawaan ang wastong kahulugan ng salitang ito. Ang legalismo ay ang maling paniniwala na ang isang tao ay naliligtas o nagkakaroon ng espiritual na paglago sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga tiyak na kahilingan sa halip na sa pamamagitan ng biyaya lamang.
Gayunman, hindi legalismo para sa isang tao na unawain na dapat niyang sundin ang Dios sa lahat ng detalye ng buhay dahil nais niyang malugod ang Dios.
"Dahil kayo ay ginawa nang malaya sa kasalanan, kayo ay naging mga alipin na ng katuwiran.”(Roma 6:18).
(4) Kung mahal natin ang Dios nais nating malaman ang kanyang kalooban, hindi ang iwasan iyon.
Sinasabi ng 1 Juan 5:2-3
Sa pamamagitan nito alam natin na mahal natin ang mga anak ng Dios, kapag mahal natin ang Dios at tinutupad ang Kanyang mga kautusan. Dahil ito ang pag-ibig ng Dios, na sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan. At ang Kanyang mga kautusan ay hindi kabigatan.[2]
Sinasabi sa Jeremias 31:33, “ Dahil ito ang tipan na aking gagawin sa tahanan ng Israel…ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kalagitnaan nila, at isusulat ko ang mga ito sa kanilang mga puso….”
Ang isang taong nagmamahal sa Dios ay hindi muna magtatanong, “Hahatulan ba ako ng Dios sa paggawa nito?” kundi, “Saan pinakamalulugod ang Dios?” o, “Ano ang pinakamabuting bagay?” (Filipos 1:10; Tito 3:8.)
(5) Nagbibigay ang Kasulatan ng batayan para sa pagtatatag ng espesipikong mga tuntunin para sa ating mga buhay.
Hindi nagbigay ang Biblia ng mga pangkalahatang prinsipyo lamang. Ang ilang mga talata ay inilista sa Takdang-aralin 2 na nagbibigay ng batayan para sa maingat na pamumuhay Kristiyano. Ang ilan sa mga ito ay nagbibigay ng espesipikong direksiyon para sa uri ng pamumuhay ng Kristiyano.
(6) Ang mga panuntunan tungkol sa mga detalye ng buhay ay hindi ang ating pinakamahalagang mga paniniwala.
Nagkamali ang mga Pariseo sa paglalagay ng pinakamalaking pagbibigay-diin sa mga minor na mga bagay. Sa Mateo 23:23, sinabi ni Hesus sa kanila
Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng kautusan at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Dahil kayo ay nagbibigay ng ikasampung bahagi ng maliliit na halamang tulad ng yerbabuena, ruda at linga ngunit kinaliligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang bagay sa kautusan: katarungan at kahabagan at pananampalataya. Dapat ninyong gawin ang mga ito nang hindi kinaliligtaan ang ibang kautusan.
Hindi sinasabi ng talatang ito na mayroong anumang katotohanan na hindi mahalaga, subali’t sinasabi nito na may mga bagay na mas mahalaga kaysa sa iba. Dapat nating pinaka pinag-uusapan ang tungkol sa pinakamahahalagang bagay.
(7) Ang pagtupad sa mga panuntunan ay hindi sapat upang patunayan ang ating pagsunod at pagmamahal sa Dios.
Sa parehong pagtatalakayan kasama ng mga Pariseo sinabi ni Hesus (talatang 25),
Kahabag-habag kayo mga tagapagturo ng kautusan at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, ngunit ang loob nito ay puno ng kasakiman at pagiging makasarili.
Maaaring mamuhay ang isang tao sa napakahigpit ng paraan ng pamumuhay gayunman ay hindi minamahal ang Dios o maging lubos ang pag-sunod sa Dios. Sa kabilang dako, maaaring mahalin ng isang tao ang Dios nang kanyang buong puso gayunman ay hindi makita ang dahilan para sa ilang mga panuntunan. Samakatuwid, ang mas mahigpit na tao ay hindi nangangahulugan na siya ay mas espirituwal.
(8) Ang ating pagtitiwala sa testimonya ng iba ay hindi depende sa maliliit na detalye ng kanilang paraan ng pamumuhay.
Sa Roma 14:10 tinanong ni Pablo ang mga Kristiyano
Subalit bakit mo hinuhusgahan ang iyong kapatid? O bakit ka nagpapakita ng paghamak sa iyong kapatid? Sapagkat tayong lahat ay tatayo sa harap ng hukuman ni Kristo.
Ang talatang ito ay nagmula sa isang sipi na tumatalakay sa iba’t-ibang pananaw ng mga Kristiyano sa mga praktikal na mga usapin. Mayroong mga matapat na di-pagkakasundo tungkol sa kung ano ang dapat at hindi dapat gawin ng Kristiyano.
Ang isang mananampalataya ay maaaring hindi sumang-ayon sa ating pagbibigay-kahulugan sa isang partikular na talata sa Kasulatan, o maaaring hindi niya nakikita ang masamang maidudulot ng isang bagay na tinanggihan natin. Maaaring ang Dios ay kumikilos sa ibang aspeto ng kanyang buhay, o inilagay siya ng Dios sa ibang kalagayang pangkultura. Hindi iyon nangangahulugan na ang taong iyon ay hindi isang tunay na Kristiyano.
► Ano ang palagay mo tungkol sa pangungusap na ito? “Ipapakita ng Dios sa bawat isa ang katotohanan kung paano siya dapat mamuhay; samakatuwid, ang lahat ng Kristiyano ay dapat magkaroon ng pare-parehong gawain.”
Hindi pa kailanman nagkaroon ng lubusang pagkakasundo ang mga Kristiyano tungkol sa lahat ng mga ginagawa sa buhay. Ang mga taong nagmamahal sa Dios at may makaDios na pamumuhay ay hindi lahat nagkakasundo tungkol sa mga ginagawa at mga detalye ng doktrina. Hindi wasto para sa atin na sabihin na ang iba ay hindi Kristiyano dahil iba ang kanilang pagbibigay-kahulugan at paglalapat ng mga Kasulatan. Maaari natin silang tanggapin bilang sinserong Kristiyano bagaman iniisip natin na ang kanilang mga palagay ay mali. Ang pagkilos ng Banal na Espiritu ay hindi dahilan upang ang lahat ng Kristiyano ay magkaroon ng magkakatulad na paraan ng pamumuhay.
Dapat din tayong maging handa na matuto mula sa mga pananaw ng ibang mga Kristiyano. Ang pagmamataas ay nagtutulak sa atin upang isipin na tayo, o ang ating kinaaanibang iglesya, ay perpektong nagbibigay-kahulugan o naglalapat ng Kasulatan. Ang mapagpakumbaba, maaaring turuan, at espiritu ng pagtanggap ay lumilikha ng pagkakaisang Kristiyano at nagpapatibay sa katawan ni Kristo.
(9) Ang pagpapaubaya ng magkakaibang pananaw ay hindi magpapahintulot sa personal na kapabayaan.
“Hayaan ang bawat isa ay lubusang maniwala sa kanyang sariling pasya.” (Roma 14:5b).
“Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng pag-aalinlangan ay nagkakasala, dahil hindi siya nagiging tapat sa kanyang paniniwala; sapagkat ang anumang ginagawa nang labag sa sariling paniniwala ay kasalanan.” (Roma 14:23).
May mga nakapipinsalang resulta kapag nilalabag ng isang tao ang kanyang budhi. Kapag nagpapasya ang tao na gawin ang isang bagay na sa kanyang isip ay masama, siya ay nagkakasala. May mga pagpapala kapag ang isang tao ay lumalakad sa liwanag na ibinigay ng Dios sa kanya (1 Juan 1:7).
Hindi magiging mahirap na simulan ang talakayan sa paksang ito. Ang ilang mag-aaral ay maaaring bigyang-diin ang pangangailangan ng mga iglesya upang iutos ang patakaran sa pag-uugali. Ang iba naman ay nagbibigay-diin sa pagpaparaya sa mga pagkakaiba-iba.
Sikapin na makakuha ng nakatarungang konsiderasyon para sa bawat isa sa siyam na prinsipyong nakalista sa itaas.
► Alin sa mga prinsipyong ito ang sa palagay mo ay nalilimutan ng maraming tao?
► Alin sa mga prinsipyong ito ang malamang na malilimutan mo?
Panalangin
Aming Ama sa Langit
Nais kong magpatuloy na lumalim ang pag-ibig ko sa iyo. Nais kong mas maunawaan ang iyong kalooban para sa akin.
Tulungan mo po akong matutuhang alamin kung ano ang pinaka nakalugod-lugod sa iyo upang makapamuhay ako nang dalisay at walang paglabag sa iyo.
Tulungan mo po akong makita ang mga kaugalian at mga saloobin na kailangang magbago,at magkaroon ng mga ugali at saloobin na nagbibigay-luwalhati sa iyo.
Nais kong mamunga para sa ikaluluwalhati ng Dios.
Amen
Leksiyon 2 Mga Takdang Aralin
(1) Pag-aralan ang 1 Corinto 13. Inilalarawan ng kabanatang ito ang buhay ng isang tao na nagtataglay ng pag-ibig na dapat mayroon siya para sa iba. Hayaan mo ang Dios na ipakita sa iyo kung paano Niya nais na baguhin ka upang gawin ang buhay mo na mas tugma sa pag-ibig. Maglista ng ilang pagbabago na nais mong pahintulutan ng Dios na magawa mo sa iyong sariling buhay.
(2) Pag-aralan ang mga sumusunod na Kasulatan na nagbibigay ng batayan para sa maingat na pag-uugaling Kristiyano:
1 Corinto 6:19-20
1 Corinto 10:31
1 Corinto 11:14-15
1 Timoteo 2:9-10
1 Pedro 3:3-4
Awit 19:14
Awit 101:3
Isulat ang pangunahing kahulugan ng bawat talata. Ilarawan ang mga detalye ng paraan ng pamumuhay na pinaniniwalaan mong dapat isagawa dahil sa mga Kasulatang ito.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.