Si Hernando Cortes: Isang Lalaking Itinalaga ang Sarili
Si Hernando Cortes ay hindi isang halimbawa na dapat nating sundan sa kanyang karakter at mga ambisyon. Gayunman, isa sa kanyang mga ginawa ay nagpakita ng lubusang pagtatalaga ng kanyang sarili sa kanyang mga layunin. Isang tagsibol noong 1519, pinangunahan ni Hernando Cortes ang isang ekspedisyon upang sakupin ang teritoryo na ngayon ay tinatawag na Mexico. Nagbigay ang gobernador ng Espanya sa misyon ng labing-isang barko at pitongdaang kalalakihan. Pagkalipas ng maraming buwan sa karagatan, sa wakas ay narating ni Cortes at kanyang mga tauhan ang dalampasigan ng Mexico. Ang sumunod na hamon ay ang paglalakbay patawid sa lupain patungo sa kapitolyong lunsod. Nalalaman ni Cortes na ang paglalakbay sa lupa ay magiging mahirap at mapanganib. Nais niya na matanto ng kanyang mga tauhan na hindi mapagpipilian ang pagbalik, kaya’t sinunog niya ang lahat ng barko. Ginawa niyang imposible ang pagbalik sa Espanya at sa parehong panahon ay lumikha ng makapangyarihang motibasyon upang magtagumpay. Sa gayon ding paraan, ang bawat taong pumapasok sa pag-aasawa ay dapat lubusang naglalaan ng sarili, natatanto na kapag siya ay nakasal at nag-asawa, wala nang ibang pagpipilian.
Panimula
Mabuting bagay ang pag-aasawa na ayon sa Biblia.[1] Subali’t ang mga mag-asawa na nagnanais na maranasan ang kagandahan at matikman ang kabutihan nito ay dapat siyasatin kung ano ang itinuturo ng Kasulatan tungkol dito, at pagkatapos ay sikapin ang pagsunod sa kanilang natutuhan. Isang kasiya-siyang pag-aasawa ay nangangailangan ng paggawa at sakripisyo.
Upang magsimulang maunawaan ang pag-aasawa dapat tayong bumalik sa pinagsimulan nito—pabalik sa Genesis. Ang istorya ng paglikha ay nagtuturo sa atin tungkol sa pag-aasawa.
► Mayroon ba sa inyo na gustong magbahagi kung paano siya nag-asawa na umaasa ng mga benepisyo ngunit hindi natatanto ang kinakailangang pagtatalaga ng sarili?
Ang pag-aasawa ayon sa Biblia ay para sa pakikipag-ugnayan.
“At sinabi ng PANGINOONG Dios, ‘Hindi mabuti ang lalake ay mag-isa; siya’y igagawa ko ng isang makakatuwang niya.” (Genesis 2:18).
Kung paanong ang Dios ay ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay nag-uugnayan, dinisenyo tayo ng Dios upang makisalamuha sa iba. Tayo ay nilikha upang makipag-usap. Tayo ay nilikha para sa matalik na relasyon at pakikipag-ugnayan. Sinabi ng Dios na hindi mabuti ang nag-iisa!
Ang bawat bahagi ng paglalarawan ng mga pangyayari sa Genesis ay nagbibigay ng dignidad at kahalagahan sa pag-aasawa. Kumuha ang Dios ng isang tadyang mula sa lalaki at ginawa itong isang magandang katuwang, at siya ay “dinala nang may natatanging karangalan sa lalaki bilang ang huli at pinakaperpektong nilikha ng Manlilikha. Ang bawat hakbang at yugto ng paglalarawang ito ay naglalayon ng pagbibigay ng kadakilaan sa pag-aasawa.”[1] “Ang salita na (“dinala siya”) ay nangangahulugan ng mataimtim na pagbibigay sa kanya sa gapos ng kasunduan sa pag-aasawa, kaya naman tinawag ito na tipan sa Dios (Kawikaan 2:17)”[2]
Ang pag-aasawa ay dapat maging masayang pagsasama.
Nang sabihin ni Adan, “Ito ngayon ang buto ng aking buto…” (2:23) ipinapahayag niya ang paggalang at umaapaw na tuwa. Hindi sinabi ni Adan, “Sa wakas, isang alipin! Mayroon na akong mauutusan upang maglalaba, magluto ng aking pagkain, imasahe ang aking likod, at tapusin ang mga gawaing bahay!” Sinabi ni Adan, “Sa wakas, isang katulad ng aking sarili!”
Ang pag-aasawa ay dapat maging pagsasama ng magkapantay.
“...isang katulong na kapantay (isang perpektong kamukha)” (2:18).
Ipinapaalala sa atin ni Matthew Henry na, “Ang babae ay nilikha mula sa isang tadyang sa tagiliran ni Adan; hindi ginawa mula sa kanyang ulo upang pangunahan siya, o mula sa kanyang mga paa upang tapakan niya, kundi mula sa kanyang tagiliran upang maging kapantay niya, sa ilalim ng kanyang braso upang proptektahan, at malapit sa kanyang puso upang mahalin.”[3]
Ipinahayag ni Adam Clarke, “Siya ay magiging perpektong sumasalamin sa lalaki, nagtataglay hindi ng mas mababa dito o higit kaysa dito, kundi sa lahat ng bagay ay katulad at kapantay ng lalaki.”[4]
Ang pag-aasawa ay magiging isang pangakong pagkakaisa.
“Samakatuwid, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at sila ay magiging isang laman” (2:24) Ang matitibay na pagsasama ay hindi nakabatay sa romansa (ang mga pakiramdam na romantiko ay lumilipas), o ang kasiyahang-loob, (bagaman ang malulusog na pag-aasawa ay nagdadala ng tuwa), o personal na katuparan (bagaman ang matitibay na pag-aasawa ay tunay na nakatutupad). Ang mga kahanga-hangang benepisyo ng pag-aasawa ay hindi dahilan upang magkaroon ng matibay na buhay-mag-asawa; ang mga ito ay bungang nagmumula sa matibay na buhay-mag-asawa. Ang pag-aasawa ay itinatag sa hindi matitinag na pundasyon ng pangako – isang lalaki at isang babae na itinalaga ang sarili para lamang sa isa’t-isa habang buhay.
Ang pag-aasawa ay dapat isang maliwanag, may pagtitiwala, at tumatanggap na relasyon – “At sila ay kapwa hubad, ang lalaki at ang kanyang asawa, at hindi sila nahihiya” (2:25). Dahil hindi pa nadudungisan ng kasalanan ang pagiging walang inosente ng unang mag-asawa, ang kanilang pag-aasawa ay walang paghatol, walang kahihiyan, at walang pagkatakot. Sinasabi sa atin ng Bagong Tipan, “Ang pag-aasawa ay marangal at ang kama ay puro at dalisay…” (Hebreo 13:4).
Ang matibay na buhay-mag-asawa ay hindi iiral kung saan mayroong kawalan ng kapanatagan, kawalan ng tiwala, pag-aalinlangan, o takot; kung saan ang mag-asawa ay hindi nakatitiyak sa pagtatalaga ng isat-isa sa pag-aasawa. Ang matibay na buhay-mag-asawa ay nangangailangan ng hindi matitinag na pangako, “Hanggang kamatayan walang makapaghihiwalay sa atin!”
Ang isang ekspresyon na figurative English ay “sunugin ang tulay sa iyong likuran,” na nangangahulugan na sa iyong ginawang pagtatalaga, ginagawang imposible na ang pagbalik.
Ang mga matatagumpay na pag-aasawa ay sinusunog na ang bawat tulay at bawat barko. Ang diborsiyo o paghihiwalay ay hindi isa sa pagpipilian maliban kung may pang-aabuso at pagtataksil sa asawa. Maging kung ang mga ito ay mangyayari, dapat nating alalahanin na madalas na natutubos ito ng Dios.
Ang pag-ibig na may pangako ay nagbibigay ng kanyang sarili, magalang, at nagpapaganda kahit na mahirap ang relasyon (1 Corinto 13). Ang mahinang pagtatalaga ng sarili ay nagbubunga ng pansamantalang paggawa, kawalang kaugnayan sa emosyonal, pag-atras, at pagkahulog sa tukso.
Ipinamumuhay ng isang asawang lalaki ang pag-ibig na may pangako kapag hindi siya sumusuko sa kanyang asawang babae kahit na hindi ito tumutugon, o walang galang, o may sakit. Ipinamumuhay ng asawang babae ang pag-ibig na may pangako kapag pinipili niyang igalang at sundin ang kanyang asawang lalaki, para sa ikalulugod ng Dios, kahit pa hindi siya minamahal ng kanyang asawang lalaki.
Nakakamit niya ang respeto ng asawang babae dahil sa pag-ibig, ang kanyang respeto ay nagkakamit ng pag-ibig ng asawang lalaki. At sila ay nagpapatuloy sa paglago!
► Anong mga suliranin ang nagiging resulta kapag nag-asawa ang isang tao na nag-iniisip na maaari niyang baguhin ang kaniyang pasya sa darating na panahon kung sakali na hindi sila magiging masaya sa kanilang pag-aasawa? Ano ang nagagawa ng lubusang pagtatalaga ng sarili—kapag ang tao ay naniniwalang permanente ang kanyang pag-aasawa?
Ang Biblikal na pag-aasawa ay ang lugar para sa Paglikha: Procreation.
“Masdan nyo, ang mga anak ay pamana mula sa PANGINOON, ang bunga ng sinapupunan ay isang gantimpala” (Awit 127:3).[5]
Ang mga bata ay regalo mula sa Dios. Nguni’t sa isang banda, sila rin ay regalo ng mga magulang sa Dios. “Hindi ba’t nilikha ka ng PANGINOON na kaisa ng iyong asawa? Sa katawan at sa espiritu ikaw ay sa kanya. At ano nga ang nais niya? Mga anak na makaDios mula sa inyong pagsasama. Kaya’t bantayan mo ang iyong puso; manatili kang matapat sa asawang babae ng iyong kabataan” (Malakias 2:15).[6]
May mga tao na mas ginugusto ang paraan ng pamumuhay na walang kasamang mga bata, ngunit itinuturo ng Biblia na nalulugod ang Dios kapag ang mga magulang ay nagtataglay ng maka-Dios na mga anak.
Mahalagang pansinin na hindi lamang ang pagkakaroon ng anak ang nais ng Dios, kundi mga maka-Dios na mga anak. Tinawag ng Dios ang mga magulang upang turuan ang kanilang mga anak upang sumunod kay Kristo.
Ang pag-aasawang Biblikal ay para kay Cristo.
Sa Efeso 5:30-32, inihayag ng Banal na Espiritu ang mas malalim na kahulugan ng pag-aasawa, na nakatago hanggang sa pagdating ni Hesus. Ang pag-aasawa ay isang larawan sa sangkatauhan –isang repleksiyon—ng relasyon sa pagitan ni Kristo at ng kanyang Iglesya.
Sinimulan ni Pablo ang bahaging ito sa pamamagitan ng paghikayat sa mga Kristiyano upang “Mapuspos kayo ng Espiritu” (Efeso 5:18). Sa kontekstong ito nag-aalok ang Espiritu ng mga sumusunod na tagubilin tungkol sa pag-aasawa:
Ang asawang babae na puspos ng Espiritu ay magpapasakop sa kanyang asawang lalaki (ang kanyang “ulo”), “sa Panginoon,” sa parehong paraan na ang mga Kristiyano ay nagpapasakop kay Hesus (Efeso 5:24, 32; tingnan din ang 1 Pedro 3:1), sagayun nagpapakita ng reberensiya (paggalang) kay Hesus at sa kanyang asawang lalaki.
Mahalaga para sa bawa’t asawang babae na manatili “ang Panginoon” sa kanyang isipan sa kanyang pagpapasakop. Sa kanya at para sa kanya kung kaya’t siya ay nagpapasakop at hindi lamang para sa kanyang asawang lalaki. Ang kanyang paningin ay nakay Hesus, na siyang nag-iisang walang kapintasan. Ang kusang-loob na pagpapasakop ng asawang babae sa kanyang asawang lalaki ay isang paraan ng pagsamba kay Hesus.
Ang pagpapasakop ayon sa Biblia, katulad ng pag-ibig, ay hindi mapipilit. Ang Biblikal na pagpapasakop ay isang regalo na ibinibigay ng mga asawang babae sa kanilang asawang lalaki bunga ng kanilang paggalang para kay Kristo (Efeso 5:33). Ang pagpapasakop sa “lahat ng bagay” (maliban sa nagiging banta sa kanyang kalusugan o nagkokompromiso sa kanyang relasyon kay Hesus), ay isang paraan ng pagsamba kay Hesus.
Ang pagpapasakop ng asawang babae sa kanyang asawang lalaki ay isang kilos ngpaggalang (talatang 33) para sa kanya, bilang bahagi ng buhay na puspos ng Espiritu (5:18-21). Ang karangalang ito na nagmumula sa isang “mapagpakumbaba at maamong espiritu” ay napakahalaga sa paningin ng Dios (1 Pedro 3:4).
Ang asawang lalaki na puspos ng Epiritu ay magmamahal sa kanyang asawang babae tulad ng pagmamahal ni Hesus sa kanyang Iglesya (Efeso 5:25). Dapat siyang mahalin ng asawang lalaki kung paanong minamahal niya ang kanyang sariling katawan (talatang 28-29). Dapat niyang ipakita ang parehong puspos ng Espiritu na pagsasakripisyo ng sarili tulad ng ipinakita ni Hesus sa kanyang Iglesya noong “ibinigay Niya ang kanyang sarili para dito.” Ito ang kanyang paraan ng “pagpapasakop” (Efeso 5:21). Ganito ang sinabi ng isang commentator:
At kung paanong ibinigay Niya (ni Hesus) ang kanyang sarili upang magdusa sa krus upang iligtas ang Iglesya, gayundin naman dapat tayong maging handang itakwil ang ating sarili at tiisin ang hirap at pagsubok, upang maisulong natin ang kaligayahan ng asawang babae. Tungkulin ng asawang lalaki na magsikap para suportahan ang babae; magkaloob ng kanyang mga pangangailangan; ipagkait sa sarili ang pahinga at ginhawa, kung kinakailangan, upang tulungan siya kung siya ay maysakit; mauna sa kanya kung may panganib; ipagtanggol siya kung siya ay nasa peligro; pagpasensiyahan siya kung siya ay nayayamot; manatiling kasama niya kung inilalayo niya siya; manalangin nang kasama niya kapag siya ay nasa espirituwal na panganib; at maging handang mamatay upang iligtas siya. Bakit hindi ito dapat mangyari? Kung nawasak ang kanilang barko, at iisa lamang ang tabla na maaaring makapagligtas, hindi ba dapat siyang maging handang ilagay ang asawang babae doon, at tiyakin ang kanyang kaligtasan at hindi alintana ang mga panganib para sa kanya? Ngunit mayroon pang dagdag rito… dapat maramdaman ng asawang lalaki na dapat ang pinakamalaking layunin ng kanyang buhay ay ang hanapin ang kaligtasan ng kanyang asawang babae. Dapat niyang maibigay sa kanya ang lahat ng kanyang kakailanganin para sa kanyang kaluluwa… At dapat niyang ipakita ang halimbawa; ang payuhan siya kung kinakailangan niya ng payo; at gawin ang daan ng kaligtasan na hanggat maaari ay maging madali para sa kanya. Kung taglay ng asawang lalaki ang Espiritu at pagtanggi-sa-sarili ng Tagapagligtas, hindi niya aariing napakalaki ng anumang sakripisyo kung kanyang isusulong ang kaligtasan ng kanyang pamilya.[7]
Dapat hanapin ng asawang lalaki ang kadalisayan ng kanyang asawang babae kung paanong dinadalisay ni Kristo ang kanyang asawang babae, ang Iglesya, “..upang Kanyang mapaging-banal at malinis... [at] iharap siya sa Kanyang Sarili ang isang maluwalhati (napakaganda) Iglesya na walang mantsa o kulubot o anumang kagaya nito” (Efeso 5:26-27).
Sa sinaunang panahon ang mga babaeng asawa ng mga monarkiya ay pisikal na dinadalisay gamit ang mamahaling mga gamit pampaganda—“anim na buwan ng langis o myrrh, at anim na buwan ng mababangong mga sangkap, at iba pang mga bagay para sa pagpapadalisay sa kababaihan” (tingnan ang Esther 2:12ff). Sa ganitong paraan inihahanda ang isang birhen para sa kanyang asawang lalaki.
Sa espirituwal na kahulugan, ang asawang lalaki ay dapat magkaloob ng lahat ng paraang kinakailangan para sa paglago ng kanyang asawang babae—katapatan, pag-ibig na walang kundisyon, pang-unawa, panalangin, pagpapayo, pagtuturo at kabutihang loob.
Kapag tinatrato ng asawang lalaki ang kanyang asawang babae sa gayung uri ng pag-ibig, siya ay masusuklian ng kaligayahan. Sinasabi ni Pablo, “Siya na umiibig sa kanyang asawang babae ay umiibig sa kanyang sarili” (Efeso 5:28). Ang mga asawang lalaki na umiibig sa kanilang mga asawang babae sa paraang nagsasakripisyo ng sarili ay higit na babayaran ng Panginoon, at mas malamang sa pamamagitan ng paggalang, pagmamahal at katapatan ng kanyang asawang babae.
► Ano ang mga espesipikong bagay na dapat gawin ng asawang lalaki upang magbigay ng suportang espirituwal sa kanyang asawang babae?
[6]New Life Version, idinagdag ang pagbibigay-diin.
[7]Albert Barnes, Commentary on Ephesians, (Kabanatang Lima)
Mga Paraan Kung Paano Mapatitibay ng Mag-asawa ang Kanilang Pagsasama
(1) Dapat nilang ipagdiwang ang orihinal na disenyo ng Dios at bigyang halaga ang kanilang mga natatanging tungkulin sa loob ng pag-aasawa.
Dapat tandaan ng mga asawang lalaki na ang kanilang mga asawang babae ay regalo mula sa Dios at isang “perpektong counterpart,” at ihandog ang kanyang buhay para sa kanyang seguridad at espirituwal, emosyonal at pisikal na kalakasan. Dapat niyang piliing magpasalamat para sa kanya at mahalin siya kahit na hindi siya karapat-dapat, natatanto na ang Dios lamang ang makababago sa mga bagay na dapat mabago sa kanya. Pararangalan ng Dios ang kanyang pagsunod at pananampalataya.
Dapat igalang ng asawang babae ang pinili ng Dios na kanyang asawang lalaki bilang kanyang ulo, ipakita sa kanya ang respeto sa lahat ng paraang magagawa niya, at igalang ang kanyang pagiging tagapanguna. Dapat niyang piliin ang pagpapasakop kahit nakakagawa ito ng mga pagkakamali at hindi karapat-dapat, ipinapanalangin sa Dios na baguhin kung ano ang dapat baguhin sa kanya. Pararangalan ng Dios ang kanyang pagsunod at pananampalataya.
(2) Ang mag-asawang ikinasal ay dapat linangin ang tunay na espirituwal at physical na pagkakalapit/intimacy.
Dapat nilang sikapin na makilala ang isa’t-isa nang walang takot, pamimintas, paghahambing sa iba, pag-abuso, kahalayan, pagbibigay-kasiyahan sa sarili o pagbababa ng karangalan. Dapat silang mamuhay nang walang itinatago at may integridad sa harap ng Dios at sa isa’t-isa.
(3) Ang mag-asawang ikinasal ay dapat sumunod sa halimbawa ng biyaya ng Dios kapag sila ay nabibigong makaabot sa mga inaasahan.
Nang mahulog sa kasalanan sina Adan at Eba at nakaramdam ng kahihiyan at pagsisisi, ipinahayag ng Dios ang kanyang kapangyarihan upang tubusin ang kanilang mga kamalian. Isinakripisyo ng Dios ang isang hayop upang gumawa ng damit para kina Adan at Eva para ipantakip sa kanilang kahubaran (Genesis 3:21). Ang mapagmahal na pagkilos na ito ng Dios ay larawan ng biyaya at pangako ng Dios na pagtubos sa pamamagitan ni Kristo. Ang damit sa pamamagitan ni Kristo ang nagbigay kakayahan sa kanila, at sa atin, na patawarin at mapanumbalik. Sa pamamagitan ni Kristo ang mga ikinasal na mag-asawa ay makababalik sa walang pagkahiyang malapit na kaugnayan maging kahit matapos na sila ay mabigo at magkasala.
Ang Halimbawa ni Hesus na Paggalang Para sa Kababaihan
Ang mga kababaihan ay itinuturing na mas mababa kaysa sa kalalakihan sa mundo ng mga Romano sa unang siglo at sa Judaismo. Ang mababang pananaw sa kababaihan ay nananatili pa rin sa maraming kultura sa buong mundo, at sa maraming mga tahanan. Hindi nirerespeto ang mga babae, ginagamit bilang mga kagamitang seksuwal, at inaabuso. Subali’t ang mataas na pagtingin ni Hesus sa mga babae ang dapat magsibling halimbawa para sa atin.
Para kay Kristo, ang kababaihan ay may likas na dignidad at kahalagahan na kapantay ng mga kalalakihan. Sinabi ni Hesus, “...at sa pasimula ang Manlilikha ay ‘ginawa silang lalaki at babae’” (Mateo 19:4; Genesis 1:27). Ang kababaihan ay nilikha sa imahen ng Dios na katulad rin ng mga lalaki. Tulad ng kalalakihan, sila ay may kamalayan-sa-sarili, pansariling kalayaan, nagtataglay ng pansariling determinasyon, at personal na reponsibilidad para sa kanilang mga ikinikilos. Kinilala ni Hesus ang kababaihan bilang nilikhang kapwa tao.
Ang mga tagasunod ni Hesus ay nahahati sa dalawang kasarian, lalaki at babae. Ang mga kababaihan ay tinitingnan ni Hesus bilang tunay na mga tao, hindi lamang simpleng pinagtutuunan ng pagnanasa ng kalalakihan. Tinitingnan Niya sila bilang mga taong dahilan ng kanyang pagparito sa mundo.
Si James Borland, kasama ni John Piper at Wayne Grudem, ay nag-aalok ng malilinaw na halimbawa ng mataas na pagtanaw ni Hesus sa kababaihan at kanyang respeto para sa kababaihan tulad ng natatagpuan sa apat na Ebanghelyo.
(1) Regular na tinutukoy ni Hesus ang mga babae habang nasa harap ng mga tao.
Ito ay hindi karaniwang gawain para sa isang lalaki sa panahon ni Hesus (Juan 4:27). Namangha ang mga disipulo nang makita nila si Hesus na nakikipag-usap sa babaeng Samaritana sa balon ng Sicar (Juan 4:7-26). Malaya rin siyang nakipag-usap sa babaeng nahuling nangangalunya (Juan8:10-11). Itinala ni Lucas na sa harap ng mga tao ay nakipag-usap si Hesus sa balo ng Nain (Lucas 7:12-13), ang babaeng dinudugo (Lucas 8:48;Mateo 9:22; Marcos 5:34), at sa isang babae na tumawag sa kanya mula sa karamihan ng mga tao (Lucas 11:27-28). Kinausap ni Hesus ang isang babaeng nakuba sa loob ng labingwalong taon (Lucas 13:12) at sa grupo ng kababaihan sa daan patungo sa krus (Lucas 23:27-31).
(2) Ipinakita ni Hesus ang kanyang respeto at mataas na paggalang sa kababaihan sa pamamagitan ng paraan ng kanyang pakikipag-usap sa kanila.
Nagsalita Siya sa maalalahanin, makalingang paraan. Itinala nina Mateo, Marcos at Lucas na kinausap ni Hesus ang babaeng dinudugo bilang isang “anak na babae” at tinukoy ang babaeng kuba bilang isang “anak na babae ni Abraham” (Lucas 13:16). Sa kanyang pagtawag sa kanila na “mga anak na babae ni Abraham” inilalagay sila ni Hesus sa pantay na kalagayang espirituwal sa mga “anak na lalaki ni Abraham.”
(3) Ipinakikita ni Hesus ang likas na halaga ng kababaihan sa pamamagitan ng personal na pananagutan sa kanilang mga kasalanan.
Ito ay makikita sa kanyang pakikipag-usap sa babae sa balon (Juan 4:16-18), ang babaeng nangangalunya (Juan 8:10-11), at ang babaeng makasalanan na nagbuhos ng langis sa kanyang mga paa (Lucas 7:44-50). Hindi niya ipinagwalang-bahala ang kanilang kasalanan sa halip hinarap ang mga ito. Ang kanyang ginawa ay nagpapakita na ang bawat isang babae ay mayroong pansariling kalayaan, may pananagutan sa kanyang sariling mga pagpili, at dapat personal na harapin ang mga usapin ng kasalanan, pagsisisi, at kapatawaran.
Paano Dapat Gumabay sa Kasalukuyang Iglesya ang Pagpapahalaga ni Hesus sa Kababaihan
Ang ideyal na gampanin ng kababaihan sa ministeryo at tahanan ayon sa Biblia ay tinatalakay sa maraming iglesya at denominasyon sa kasalukuyan, ayon sa nararapat dito, gayunman ang halaga at pagkakapantay-pantay ng kababaihan bilang mga tao na nilikha sa imahen ng Dios ay hindi kailanman dapat tanungin.
Patuloy na ipinakita ni Hesus ang halaga at dignidad ng kababaihan bilang mga tao. Inatasan ni Hesus ang mga kababaihan bilang unang nagbalita tungkol sa kanyang muling pagkabuhay (Juan 20:17). Pinahalagahan niya ang kanilang pakikipag-ugnayan, pananalangin, Kristiyanong paglilingkod, suportang pinansiyal, patotoo at pagsaksi. Pinarangalan ni Hesus ang kababaihan, tinuruan ang kababaihan at nagministeryo sa kababaihan sa mga mapag-alalang paraan.
Paggalang sa Kababaihan na Ipinakita sa Bagong Tipan
Ang halimbawa ni Hesus ng paggalang sa kababaihan ay nakita sa buhay ng Banal na Espiritu. Sa Araw ng Pentekostes, ang Banal na Espiritu ay ibinuhos kapwa sa “mga anak na lalaki at anak na babae,” at (“aliping lalaki at aliping babae”) “lalaking tagapaglingkod at babaeng tagapaglingkod” (Mga Gawa 2:17). Walang itinatangi ang Banal na Espiritu.
Sa Roma 16, pinuri ni Pablo ang isang babaeng nagngangalang Phoebe bilang isang “lingkod ng iglesya” (talatang 1), kapwa sina Priscila at Aquila bilang kanyang “kamanggagawa kay Kristo Hesus na naglagay sa panganib sa kanilang mga buhay para sa aking buhay” (talatang 3-4),[1] si Maria bilang isang “nagtrabaho nang mabuti” (talatang 6),[2] si Junia bilang isang “kilalang-kilala ng mga apostol” (talatang 7), at iba pang mga babae.
Sa 1 Tesalonica, pinarangalan ni Pablo ang dinisenyo ng Dios na tulad ng isang pagmamahal ng isang ina at kalambingan ng mga babae nang kanyang isulat, “Ngunit kami ay banayad sa inyo, kung paanong ang isang inang nag-aalaga ay nagmamahal sa kanyang sariling mga anak” (1 Tesalonica 2:7). Sa Efeso, inuutusan niya ang mga asawang lalaki na mahalin ang kanilang mga asawang babae, “kung paanong minahal ni Kristo ang Iglesya at ibinigay ang kanyang sarili para dito,” at “katulad ng kanilang sariling katawan” (Efeso 5:25, 28). Nakiki-usap si Pedro sa mga asawang lalaki upang, “mamuhay kasama nila nang may pang-unawa, binibigyang karangalan ang asawang babae…” (1 Pedro 3:7).
Malinaw, ang mga kababaihan ay itinuturing na mahalaga sa Unang Iglesya, at ang mga kalalakihan ay tinuruan na maging magalang sa kababaihan. Panahon na upang ang mga tagapangunang espirituwal sa lahat ng lugar ay manindigan para sa kababaihan at tumindig laban sa maling pagtrato sa kanila sa bawat kultura. Panahon na upang ating bigyang halaga ang kababaihan bilang mga taong natatangi ang disenyo mula sa kanilang Manlilikha ayon sa kanyang wangis. Anumang katuruan tungkol sa pagkakaiba-iba ng tungkulin ng babae at lalaki sa Iglesya o tahanan ay dapat magsimula sa ganitong pundasyon, o ang ating pagtuturo ay magiging daan para sa pag-abuso.
Ang pag-aasawa ay nilikha ng Dios, hindi ng tao. Samakatuwid, dapat tayong magtungo sa Dios para sa alituntunin, hindi sa mundo o sa kultura. Siya lamang ang nakakaalam kung paano gagawing malakas, nananatili at kapaki-pakinabang ang ating pag-aasawa. Ngunit hindi tayo kailanman magiging mga kabiyak na dapat maging tayo, kung wala ang Banal na Espiritu!
Para sa Pagtatalakayan ng Grupo
► Ipaliwanag ang mga prinsipyo na dapat ituro ng iglesya upang patibayin ang buhay-mag-asawa. Anong pang-unawa ang karaniwang kulang sa inyong kapaligiran?
► Paano naiiba ang pagtrato sa kababaihan kumpara sa mga kalalakihan sa inyong kultura?
► Paano naiiba ang pagtrato sa kababaihan kumpara sa kalalakihan sa mga iglesya sa inyong bansa? Mayroong bang pagkakaiba sa pagitan ng mga iglesya at sa kultura?
► Batay sa halimbawa ni Hesus, anong mga kaugalian ang dapat magbago?
Panalangin
Aming Ama sa Langit,
Salamat po sa pagbibigay sa amin ng kahanga-hangang regalo ng pag-aasawa. Tulungan mo po kami na italaga ang sarili na kinakailangan upang maranasan ang pag-aasawa sa paraang ayon sa plano mo.
Tulungan mo po kaming ipakita ang pag-ibig na katulad ng pag-ibig sa pagitan ni Kristo at ng Iglesya.
Tulungan mo po kaming lumampas pa sa ipinapalagay ng aming kultura sa aming respeto sa isa’t isa.
Salamat po sa pagkilos ng Banal na Espiritu na ginagawang posible ang maligaya at matibay na mga relasyon.
Amen
Leksiyon 6 Mga Takdang Aralin
(1) Ilarawan sa sulat ang pagkakaiba sa pagitan ng kababaihan at kalalakihan na ginagawa sa inyong kultura. Paano mababago ang mga pagkakaibang iyon sa pamamagitan ng maingat na paglalapat ng katotohanan ayon sa Biblia?
(2) Pumili ng dalawang prinsipyo na bago para sa iyo mula sa leksiyong ito. Sumulat ng isang parapo na nagpapaliwanag sa bawat isa sa pamamagitan ng iyong sariling mga salita.
(3) Maghanda ng maikling presentasyon sa isa sa mga paksang nakalista sa ibaba. (Itatakda ng tagapanguna sa klase ang isang paksa sa bawat mag-aaral). Ibahagi ang presentasyon sa simula ng susunod na oras ng klase.
Ang disenyo ng Dios tungkol sa pag-iisang dibdib sa buhay-mag-asawa
Mga Biblikal na hangarin sa pag-aasawa
Mga paraan upang mapatibay ang inyong buhay-mag-asawa
Ang pananaw sa kababaihan ayon sa Biblia
Mga tungkuling ibinigay ng Dios sa pag-aasawa at ang kahalagahan ng pagiging puspos sa Espiritu upang matupad ang mga tungkuling iyon.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.