Si Brother Lawrence ay isang simpleng monghe na nanirahan sa isang monasteryo noong 1600’s. Kilalang-kilala siya sa paggawa ng mga pang karaniwang gawain—pagbabalat ng mga patatas, paghuhugas ng pinggan, atbp. —dahil sa pag-ibig sa Dios at hindi niya kailanman pinahintulutang malayo sa kanyang isipan ang presensiya ng Dios. Ang Dios ang pinanatili niyang sentro ng kanyang buong buhay, kabilang dito ang kanyang trabaho.
“Pamumuhay sa Presensiya ng Dios”/ The Practice of the Presence of God
Ang The Practice of the Presence of God ay isang napakaikling aklat na nabasa na ng milyong tao. Naglalaman ito ng mga panayam at mga sulat mula kay Brother Lawrence. Isinulat niya, “Ang ating pagpapa-banal [ay] hindi nakabatay sa pagpapalit natin ng ating mga ginagawa o trabaho, kundi sa paggawa para sa kapakanan ng Dios ng mga bagay na karaniwan nating ginagawa para sa ating sarili.”
► Ano ang trabaho? Ang trabaho ba ay hanapbuhay/pagiging empleyado lamang – uupahan upang gumawa ng isang bagay?
Kabilang sa trabaho ang pagiging empleyado, subalit kabilang din dito ang mga tungkulin ng pangangalaga sa ating sarili at sa iba, ang pangangasiwa sa mga bagay na tinataglay natin, paglikha ng mga bagay-bagay, pagnenegosyo para sa tubo nito, at malayang pagtulong sa iba.
► Dapat bang magtrabaho ang mga Kristiyano? Bakit?
Maraming tao ang nag-iisip na magiging kahanga-hanga na magkaroon ng sapat na pera na hindi na nila kailangan pang magtrabaho. Iniisip nila na ang pinaka kasiya-siyang buhay ay isang buhay ng paglilibang.
Isang Biblikal na Pag-unawa sa Trabaho
Isipin ninyo kung paano idinisenyo ng Dios ang daigdig sa pasimula. Ito ay perpekto. Ito ang perpektong kapaligiran para sa unang taong nilikha ng Dios. Binigyan ng Dios ng gawain ang mga unang tao. Maaaring idisenyo ng Dios ang mundo upang tugunan ang lahat ng pangangailangan ng tao nang hindi nagtatrabaho, subali’t hindi niya iyon ginawa. Nalalaman ng Dios na ang pinakamabuting buhay para sa mga tao ay kinabibilangan ng pagtratrabaho.
Sa plano ng Dios ang ating trabaho ay kasangkot sa ating mga relasyon. Dapat matutuhan ng mga tao na makipagtulungan, umasa sa isa’t-isa, maging maaasahan para sa isa’t-isa, gamitin ang kalakasan at tulungan ang iba na may kahinaan, harapin nang sama-sama ang mga hamon, ayusin ang mga di-pagkakasundo, itama ang mga pagkakamali, maaaring sanayin at magsanay ng iba.
Ibinigay ng Dios ang awtoridad at responsibilidad upang pamahalaan ang daigdig, ipailalim ito sa kanilang pagkontrol, at pagyamanin ito para sa kanyang kaluwalhatian. Ang takdang gawaing ito ang nagdulot ng pagpaunlad ng agrikultura, pag-aalaga ng mga hayop, pagkuha ng mga mineral sa lupa, at pagpapaunlad ng teknolohiya.
Nilikha tayo ng Dios nang mas mataas kaysa anumang ibang nilikha dahil nagtataglay tayo ng isang bagay ng Kanyang kalikasan. Sinasabi ng Awit 8:6-8 na
Ginawa mo sila (sangkatauhan) na tagapamahala sa lahat ng ginawa ng iyong mga kamay; inilagay mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kanilang mga paa: lahat ng langkay at mga kawan, at ang mga hayop na maiilap, ang mga ibon sa himpapawid, at ang isda sa dagat, ang lahat ng lumalangoy sa mga landas ng mga karagatan.
Dahil sa unang kasalanan, nagbago ang daigdig, at naging kabilang sa trabaho ang maraming kahirapan at kabiguan na wala sa orihinal na disenyo ng Dios. Gayunman, dapat nating matanto na dinisenyo tayo ng Dios na nangangailangan na magtrabaho.
Ang ating trabaho ay katulad ng gawain ng Dios na paglikha. Ang trabaho ay ang paraan ng tao sa muling paghubog sa kanyang kapaligiran. Hindi lamang ang pagkita ng ikabubuhay ang nag-iisang layunin ng pagtatrabaho. Natural sa mga tao na baguhin ang kanilang kapaligiran. Sinisikap nilang isa-ayos ang kanilang mga tahanan. Sinisikap nilang itapon ang basura. Ang isang taong hindi na nagnanais na magtrabaho ay tinalikuran na ang kanyang pagnanais at kakayahan baguhin ang kanyang kapaligiran. Tinalikuran na niya ang isang bahagi ng kahulugan ng pagiging isang tao.
► Ano ang inyong naiisip kapag nakakita kayo ng isang bahay o bakuran na hindi maayos na napangangalagaan?
Ang likas na oryentasyon ng tao na lumikha, magplano, mag-organisa at gumawa— ng trabaho, ay bahagi ng imahen ng Dios sa tao. Samakatuwid, ang lahat ng trabaho ay banal para sa Kristiyano. Ang lahat ng trabaho ay isang gawain ng pagsamba kapag ito ay ginagawa upang bigyang lugod ang Panginoon (Colosas 3:17, 23). Sinabi ni Hesus na ang kanyang Ama ay nagtrabaho, at samakatuwid siya rin ay nagtrabaho (Juan 5:17).
Hindi mo dapat isipin ang trabaho bilang isang hindi kanais-nais na pangangailangan, tulad ng pag-inom ng gamot kapag ikaw ay may sakit. Ang trabaho ay hindi lamang isang bagay na kailangan upang manatiling buhay. Ito ay bahagi ng disenyo ng Dios para sa sangkatauhan.
Sinasabi ng 2 Tesalonica 3:10 na dapat tayong magtrabaho, “Dahil kahit noong kasama ninyo kami, iniutos namin ito sa inyo: Kung ang sinuman ay hindi magtatrabaho, hindi rin siya kakain.”
Ano ang ating gagawin kung ang ating trabaho ay tila hindi masyadong mahalaga? Sinabi ni Mahatma Gandhi, “Ang iyong ginagawa ay tila hindi mahalaga, subalit ang pinakamahalaga ay ang gawin mo iyon.” Isipin ninyo ang isang tao na inupahan upang magwalis ng sahig. Iyon ay tila isang hindi gaanong mahalagang gawain, subalit siya ay gumagawa ng isang mahalagang pagpili. Kapag siya’y nagtutungo sa trabaho araw-araw, pinipili niyang gawin iyon sa halip na ubusin ang kanyang oras sa walang kabuluhan, na hindi nagbibigay halaga sa sinuman. Pinipili niya na maging responsable sa pagsuporta sa kanyang sarili sa halip na maging isang pabigat sa kanyang mga kaibigan o pamilya. Pinangangalagaan niya ang mga taong dumidepende sa kanya, marahil ang kanyang asawa at mga anak, sa halip na pilitin silang humanap ng tulong sa iba. Ang lahat ng mga konsiderasyong iyon ay tumutulong sa atin na malaman na kahit ang trabaho mismo ay tila hindi mahalaga, mahalaga na pinipili niyang gawin iyon.
Marami bang tao na tunay na hindi makapagtrabaho? Hindi. Kahit na ang isang tao ay hindi makahanap ng trabahong mapapasukan upang magtrabaho para sa suweldo, maaari siyang makagawa ng mga bagay upang makatulong na tugunan ang mga pangangailangan ng iba.
Ang isang Kristiyano ay dapat magtrabaho dahil mayroon siyang tungkulin para sa kanyang sarili at sa iba. Hindi dapat umasa ang isang tao na iba ang magkakaloob ng kanyang mga pangangailangan kung hindi siya sumasang-ayon na gawin ang kanyang makakaya.
Ang isang mananampalataya ay may responsibilidad unang-unang para sa kanyang pamilya. “Ngunit kung ang sinuman ay hindi nagkakaloob para sa kanyang sarili, at lalo na para sa kanyang sariling sambahayan, itinanggi na niya ang pananampalataya at mas masama pa kaysa sa isang hindi mananampalataya.” (1 Timoteo 5:8)
Ang mananampalataya ay inuutusan ng Kasulatan na magtrabaho upang matugunan niya ang pangangailangan ng iba. “Hayaan ang sinumang nagnakaw na huwag nang magnakaw, at sa halip hayaan siyang magtrabaho, na ginagawa ng kanyang mga kamay kung ano ang mabuti, upang magkaroon siya ng maibibigay sa sinumang nangangailangan.” (Efeso 4:28). Pansinin ang paghahambing sa pagitan ng nagnanakaw, kumukuha ng isang bagay nang walang bayad; at ang isang nagtatrabaho upang siya ay makapagbigay. Ang isang Kristiyano ay hindi lamang isang tao na hindi nagnanakaw, kundi isang tao na nagtatrabaho upang makapagbigay.
Maaari kang makahanap ng trabaho kahit hindi ka upahan ng sinuman. Humanap ka ng mga paraan upang maging matulungin at tugunan ang mga pangangailangan ng iba. Mas mabuti ang mabuhay sa ganoong paraan kaysa walang gawin at magreklamo na walang sinumang tumutulong sa iyo.
Ang isang mananampalataya ay dapat magtrabaho upang magbigay ng kailangan para sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya, at upang makapagbigay din sa iba na may pangangailangan.
Ang Karaniwang Paraan ng Dios sa Pagkakaloob ng Ating Mga Pangangailangan
►Ano ang sasabihin mo sa isang tao na nagsasabing hindi siya magtatrabaho dahil umaasa siya sa Dios upang ipagkaloob ang kanyang mga pangangailangan?
Isipin mo na isang panahon ng tag-araw ay naglakad ka sa inyong bakuran at natagpuan mo na ang isang malaking bahagi nito ay tinubuan ng kamatis, mais, beans at iba pang gulay, at sapat iyon para sa iyo sa mahabang panahon.
Mukha ba iyong isang himala? Nangyari iyon sa libong tao noong nakaraang tag araw. Naglakad sila sa kanilang mga bakuran at natagpuan ang lahat nang tumutubong iyon at marami pang iba. Subali’t hindi sila namangha o kaya’y nagulat, dahil ilang buwan bago iyon, nilinang nila ang bukid, nagtanim ng mga buto doon, at pagkatapos sa loob ng ilang buwan ay tiniyak na ito ay nadiligan at nadamuhan. Kaya’t nang makita nila ang mga tumutubong pananim, ito talaga ang kanilang inaasahan.
Maaari kang tumugon, “Sagayun, hindi iyon isang himala.” Subalit gumawa ang Dios ng milyon milyong mga halaman at ang tao ay hindi kailanman nakagawa ng kahit isa. Sinasabi ng Awit 104:14, “Pinatutubo niya ang damo para sa mga hayop, at halaman [mga gulay] para maglingkod sa tao, at nang makapagkaloob siya ng pagkain mula sa lupa.” Ginagawa iyon ng Dios, ngunit ang tao ang naghahanda para dito sa pamamagitan ng paghahanda ng lupa, pagtatanim ng mga binhi, at pagdidilig kung kinakailangan.
Maraming tao ang nag-iisip na ang anumang kilos ng Dios ay isang bagay na hindi karaniwan, isang pagkabukod sa batas ng kalikasan, katulad nang magpagaling si Hesus o kaya’y nang tumigil ang araw. Kaya’t sa ganoong kaisipan, ang pagtubo ng mga halaman ay hindi mahimala, dahil ito ay pangkaraniwan.
Subalit sa paghiling para sa isang himala, madalas na hindi natin pinapansin ang mga karaniwang paraan ng Dios na gawin ang mga bagay. Milyon ang bilang ng mga tao na naglakad sa kanilang bakuran sa araw na ito at hindi nakakita ng anumang tumutubo upang mayroon silang makain. Hindi sila nakibahagi sa paraan ng Dios ng paglikha ng pagkain. Ang proseso ng pagtubo ng pagkain ay isa lamang halimbawa ng normal na paraan ng pagtatrabaho ng Dios. Halimbawa, ang normal na paraan ng Dios ng pagkakaloob para sa mga pangangailangan ay sa pamamagitan ng pagtatrabaho ng tao. Itinuturo sa atin ng Kawikaan 14:23 na “Sa lahat ng pagsisikap ay mayroong pakinabang…” samantalang ang Kawikaan 19:15 ay nagbababala sa atin na “...ang isang tamad na kaluluwa ay magdaranas ng kagutuman.”
May mga tao na humihiling sa Dios na magkakaloob sa kanila ng mga bagay o pagkain, subali’t tinatanggihan ang mga pagkakataon upang magtrabaho, dahil ang mga pagkakataong ito ay hindi mga bagay na gusto nilang gawin.
Ano ang mangyayari kung pumapayag kang magtrabaho subalit hindi ka pa nakikita ng sinumang gustong umupa sa iyo? Mayroong trabaho na maaari mong gawin upang tulungan ang iba, at sa pamamagitan ng trabahong iyon, ang ilan sa iyong mga pangangailangan ay matutugunan. Kung ikaw ay hindi nakaempleyo, mayroon kang oras. Bakit hindi ka tumingin-tingin sa paligid at hanapin kung ano ang iyong magagawa upang tumulong sa iba?
Isipin ninyo ang isang trabaho at inuubos ang maraming oras sa pag-upo at walang ginagawa. Wala nga bang anumang bagay na mahalaga ang maaari niyang gawin? Sa kanilang pamayanan ay may mga taong nangangailangan ng tulong. Mayroong basura sa kanilang bakuran at sa daan na dapat linisin. Mayroong lupa na maaaring linangin upang mapagtaniman ng halaman. Maaaring may mga libro na maaari niyang basahin at madagdagan ang kaniyang kaalaman. Mayroong tao na maaari niyang ipanalangin. Ang isang taong nakaupo at walang ginagawa ay may isang amo, ang kanyang sarili, at ang kanyang amo ay hindi kumikilos o nagpapa-unlad. Hindi siya nagiging mabuting amo ng kanyang sarili, kaya’t marahil hindi siya magkakaroon ng pagkakataon na pangasiwaan ang iba.
Sa maraming panahon at lugar, karamihan sa mga tao ay hindi inuupahan ng sinuman. Sila ay nagbibigay ng mga bagay na pwedeng ipagpalit, o kaya ay nag-aalok sila ng serbisyo sa iba. Ang lahat ng ito ay paraan ng Dios upang magkaloob ng ating mga pangangailangan.
Mga Prinsipyo ng Biblia Patungkol sa Pamamasukan ng mga Kristiyano.
Ang mga prinsipyo ng responsibilidad at katapatan ay nagbibigay ng ilang kabutihang-asal para sa mga Kristiyano na kanilang magagamit sa kanilang mga trabaho.
► Paano dapat ilapat ng Kristiyano ang mga prinsipyo ng Biblia kapag siya ay nagtatrabaho para sa isang amo?
Ang Bagong Tipan ay nagbigay ng mga alituntunin para sa mga manggagawa. Sa panahon na ang mga aklat ng Bagong Tipan ay isinusulat, maraming manggagawa ang alipin. Ang isang manggagawa sa panahon ngayon ay naiiba sa isang alipin sa dahilan na siya ay maaaring mayroong pagkakataon na lumipat sa ibang pagtatrabahuhan. Ang kalayaang iyon ay pinagiging posible para sa kanila na tanggapin o tanggihan ang mga termino ng pagtatrabaho. Gayunman, kung sila ay nakipagkasundo upang magtrabaho para sa mga tiyak na benepisyo, sila ay inaasahan ng Kasulatan na maging mabubuting manggagawa habang sila ay nananatili sa kanilang amo.
Maaaring ikaw ay nasa isang sitwasyon kung saan hindi ka malayang pumili ng trabaho na nais mong gawin. Marahil ikaw ay napilitang magtrabaho sa isang nakagigipit na sitwasyon. Dapat taglayin mo pa din ang saloobin ng isang Kristiyano. Ang ilang tao ay nagtatrabaho ng mabagal at hindi maayos kapag sila ay pinupwersa dahil gusto nilang ipakita na hindi sila sumasang-ayon sa pagtatrabaho. Kapag ginagawa ito ng isang tao, ipinapakita niya na hindi siya malaya. Kung nais mong kumilos nang malaya, dapat kang magtrabaho nang may kagalakan at gawin nang maayos ang trabaho. Kapag nagtrabaho ka nang gayun, ikaw ay kumikilos nang may kalayaan, dahil walang sinumang makapipilit sa iyo na gawin iyon.
Kung walang sinumang kumuha sa iyo para upahan, ikaw ang iyong sariling superbisor. Anong klaseng manggagawa ka para sa iyong sarili?
Efeso 6:5-8 – Ang Prinsipyo ng Responsibilidad/Tungkulin
► Isang mag-aaral ang dapat bumasa ng Efeso 6:5-8 para sa grupo. Talakayin ang kahulugan ng talatang ito, pagkatapos ay tingnan ang listahan sa ibaba upang idagdag sa iyong mga obserbasyon.
Ilang aplikasyon mula sa Efeso 6:5-8:
(1) Ang isang manggagawa ay dapat sumunod sa kanyang amo, hindi lamang kapag nakikita siya ng kanyang amo, kundi palagi. Nangangahulugan din iyon na hindi niya dapat kaligtaan ang mga detalye na alam niyang hindi naman tiyak na sisiyasatin (“…hindi lamang serbisyong nakikita…”).
(2) Dapat panatilihin ng isang manggagawa ang kalidad at kasipagan sa kanyang trabaho na tila ba nagtratrabaho siya para sa Dios (“…bilang mga tagapaglingkod ni Kristo, na ginagawa ang kalooban ng Dios…”).
(3) Ang isang manggagawa ay pagpapalain ng Dios para sa katapatan sa kanyang trabaho (“Tatanggapin niya ang pareho mula sa Panginoon…”).
Tito 2:9-10 – Ang Prinsipyo ng Katapatan
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Tito 2:9-10 para sa grupo. Talakayin ang kahulugan ng talatang ito, pagkatapos ay tingnan ang listahan sa ibaba upang idagdag sa iyong mga obserbasyon.
Ilang aplikasyon mula sa Tito 2:9-10:
(1) Ang isang manggagawa ay dapat maging magalang sa kanyang pagtugon sa mga direksiyon ng kanyang amo (“…hindi sumasagot nang pabalang…”). Ano ang ilang resulta kapag nagsasalita nang walang paggalang ang isang empleyado tungkol sa kanyang amo sa harap na ibang manggagawa?
(2) Ang isang manggagawa ay hindi dapat magnakaw sa kanyang amo, kahit pa iniisip niya na karapat-dapat siya sa mas mataas na pasahod (“…hindi nangungupit…”).
(3) Ang matapat na pagtatrabaho ay isang patotoo para sa ebanghelyo; ang kawalang katapatan ay isang kasiraan para sa ebanghelyo (“…upang kanilang mapalamutian ang doktrina ng Dios…”)
► Ano ang ilang halimbawa kung saan ang tao ay hindi matapat sa kanilang trabaho? Ilarawan kung paano dapat maiba ang isang Kristiyano.
Sinasabi ng mga talata sa Kasulatan sa Tito at Efeso kung paano ang isang tao ay dapat magtrabaho kapag siya ay uupahan. Mailalapat din ang parehong mga prinsipyo sa isang tao na uupahan upang magtayo o mag-ayos ng isang bagay. Dapat niyang ibigay ang parehong kalidad ng trabaho na nais niyang gawin ng iba para sa kanya. Ang isang lumilikha ng mga bagay na ititinda ay hindi dapat magtago ng mga depekto nito upang paniwalain ang mga bumibili na sila ay natanggap ng mas maayos na bagay.
Pagbuo ng mga Kanais-nais na Katangian para sa Pagtratrabaho nang May Upa
Anong mga katangian ng manggagawa ang hinahanap ng isang amo? Ipinapakita ng isang pagsasaliksik na nais ng mga amo ay ang mga taong nagtataglay ng positibong saloobin tungkol sa trabaho. Nais nila ng mga taong mapagkakatiwalaan at handang matuto. Inuupahan ang mga tao para sa kanilang saloobin tungkol sa trabaho nang higit kaysa sa kanilang kasanayan o mga talento. Ang Dios ay nagpapahalaga rin sa ating mga saloobin tungkol sa trabaho tulad ng nakita na natin sa Kasulatan.
Pagyamanin ninyo ang mga katangian na magiging dahilan ng inyong pagiging mahalagang manggagawa. Dapat kayong maging handang maglingkod. Dapat kayong maging matapat, mapagkakatiwalaan, at matiyaga. Ang ilang walang trabaho ay nag-iisip lang ng tungkol sa kanilang pangangailangan. Hindi ka uupahan ng isang amo upang tulungan ka; uupahan ka niya upang tulungan mo siya. Dapat kang maging isang uri ng tao na magiging mahalaga sa isang amo.
Maaaring sabihin ng isang tao, “Ako ay magiging palakaibigan at matulungin at matapat kung ako ay uupahan para dito,” subali’t ang mga kumukuha ng manggagawa ay hindi uupa ng isang taong hindi palakaibigan at babayaran siya upang maging palakaibigan. Hindi sila uupa ng isang hindi matapat na tao at babayaran siya upang maging matapat. Naghahanap sila ng isang palakaibigan, matulungin at matapat na tao upang upahan.
Sa iglesya iba ang mga bagay. Hindi natin hinihintay na ang isang tao ay magbibigay o maging palakaibigan bago natin siya tulungan. Umaabot din ang Dios sa iyo at pinagpapala ka bago ka pa gumawa ng anumang mabuti. Subalit para sa iyong ikabubuti, kailangan mong magsimulang tumugon sa biyaya. Matuto kang magbigay at maglingkod at ngumiti.
Pagyamanin mo ang iyong mga katangian. Mag-aral ka ng mga kakayahan sa pamamagitan ng pagtatrabaho kasama ng mga taong nagtataglay na ng mga kakayahang iyon. Marahil makapag-bibigay ka ng serbisyo sa iba. Marahil makagagawa ka ng isang bagay na maibebenta. Maaari kang magtanim ng halaman. Higit sa lahat, magkaroon ka ng saloobin ng pagiging matulungin sa iba kahit hindi iyon nagbibigay ng benepisyo sa iyo. Pagpapalain ng Dios ang iyong paglilingkod.
Ano ang kahulugan ng maglingkod? Ang maglingkod ay ang paggamit ng iyong mga kakayahan, panahon, at lakas para sa kapakanan ng iba.
Nagtatrabaho ka man o hindi para sa isang amo, ang paglilingkod ay nangangailangan na isa-santabi mo ang ilan sa iyong mga karapatan at prebilehiyo. Halimbawa, kung ikaw ay nagtatrabaho para sa iba maaaring hindi ka makakatulog ng mas matagal sa umaga kahit iyon ang gusto mong gawin, at hindi mo maaaring gamitin ang oras ng trabaho sa paggawa ng ibang bagay na gusto mong gawin. Isinusuko mo ang mga aspeto ng iyong buhay para sa isang layunin kung bakit ikaw ay inupahan. Ang pagiging upahan ay nakakaapekto rin sa paraan ng iyong pananamit at sa paraan ng iyong pakikitungo sa ibang tao.
Ang pagiging handa sa paglilingkod ay naghahatid ng maraming benepisyo:
(1) Ito ay bumubuo ng mga relasyon na nagreresulta sa pagtugon sa ilan sa iyong mga pangangailangan. Madalas ito ay nangyayari sa mga hindi inaasahang paraan, kung kaya’t hindi lamang ito pagtulong sa mga taong iniisip mong makakagawa ng mga bagay para sa iyo.
(2) Nagbibigay ito sa iyo ng mahalagang lugar sa iglesya, ang katawan ni Kristo.
(3) Magagawa ka nitong isang tao na nanaisin ng sinuman na upahan.
Ano ang mangyayari kung magsisimula kang lumikha ng isang bagong kaisipan –humahanap ng mga paraan upang maglingkod sa iba? Sinabi ni Hesus, “Mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap” (Mga Gawa 20:35). Pinaniniwalaan mo ba ito? Namumuhay ka ba katulad ng iyong pinaniniwalaan?
Mayroong espirituwal na prinsipyo ng pag-iisip sa mga pangangailangan ng iba at hindi lubusang nakatuon ang ating pansin sa ating sariling mga pangangailangan (Filipos 2:4). Mayroon ding praktikal na prinsipyo. Tandaan, ang mga taong kumukuha ng uupahan ay hindi karaniwang ginagawa iyon upang tulungan ang kanilang inuupahan. Inuupahan nila ang isang tao dahil iniisip nila na ang taong iyon ay makatutugon sa kanilang pangangailangan. Kayat kung ang isang tao ay nag-iisip lamang ng kung ano ang gusto niyang gawin ng iba para sa kanya, maaaring hindi siya karapat-dapat na upahan.
Nangyayari ang maraming bagay kapag ang mga tao ay sumasang-ayon na magtrabaho. Ang mga benepisyong iyon ay mga bagay na tila mga himala kung ang mga ito ay nangyayari nang hindi inaasahan, subali’t ang Dios ay may normal na paraan ng pagdadala ng mga benepisyong iyon sa iyong buhay.
Marahil sayang lamang ang panahon na tayo ay aasa, humihiling, o kahit nananalangin sa Dios na gumawa ng himala kung hindi ka sumasang-ayon na magtrabaho upang makatanggap ka ng tulong sa paraang nais ng Dios na ibigay iyon sa iyo.
Para sa Pagbabahaginan sa Grupo
► Maaaring may isang magbahagi ng kwento kung paanong ang maayos na pagtratrabaho para sa isang amo ay nagbigay ng pagkakataon para sa ebanghelyo.
► Maaaring may isang magbahagi ng kwento kung paanong ang pagtulong sa isang tao sa komunidad ay isang mabuting pagpapakita ng pagmamalasakit ng Kristiyano.
► Dapat sama-samang magbahaginan ang grupo ng mga ideya tungkol sa mga pagkakataon sa trabaho na maaaring pasukan ng isang taong walang hanapbuhay.
Panalangin
Aming Ama sa Langit,
Salamat po sa pribilehiyo upang ako ay makapagtrabaho nang malikhain. Tulungan mo po akong makakita ng mga pagkakataon upang tumulong sa iba. Ipagkaloob po ninyo ang aking mga pangangailangan habang ako ay nagtatrabaho upang tanggapin ang responsibilidad sa aking sarili at sa iba.
Pagpalain mo po ako ng mga mapagkukunan upang masuportahan ko ang aking pamilya, magkaloob sa iglesya, at tulungan ang iba sa kanilang pangangailangan.
Tulungan mo po akong maging matapat at mapagkakatiwalaan sa lahat ng aking mga tungkulin. Ihanda mo po ako para sa higit na mga pagkakataon at tungkulin kung iyon ang inyong kalooban. Salamat po sa pananatiling matapat sa akin.
Amen
Leksiyon 3 Mga Takdang-Aralin
(1) Pag-aralan ang mga talatang ito mula sa Kawikaan:
Mga Kawikaan 6:6-11
Mga Kawikaan 10:4-5
Mga Kawikaan 12:11
Mga Kawikaan 12:24
Mga Kawikaan 12:27
Mga Kawikaan 13:4
Mga Kawikaan 13:11
Mga Kawikaan 14:23
Mga Kawikaan 18:9
Mga Kawikaan 20:13
Mga Kawikaan 22:29
Mga Kawikaan 24:30-34
Mga Kawikaan 26:13-16
Sumulat ng isang pahina ng mga puntos at pagsasabuhay tungkol sa trabaho at katamaran mula sa mga talatang ito.
(2) Magtrabaho kasama ng ibang kamag-aral upang maghanda ng maikling presentasyon sa isa sa mga paksang nakalista sa ibaba. (Ang tagapanguna sa klase ay magtatakda ng paksa sa bawat grupo). Ibahagi ang presentasyon sa simula ng susunod na oras ng klase.
Trabaho at ang imahen ng Dios sa tao.
Trabaho at responsibilidad para sa sarili at para sa iba
Ang paraan na dapat magtrabaho ang isang manggagawang Kristiyano (Ang mga presentasyong ito ay dapat batay sa Efeso 6:5-8 at Tito 2:9-10.)
Ang paraan kung paano karaniwang nagkakaloob ang Dios ng mga pangangailangan ng mga tao.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.