Si Martin Luther ay naging isang monghe dahil inisip niya na ito ang pinakamabuting paraan upang italaga ang sarili sa paglilingkod sa Dios. Ang mga disiplina na kabilang sa paraan ng pamumuhay ng isang monghe ay pagbabawal sa pagkain, pag-aayuno, simpleng pananamit, limitadong pag-aari, at hindi pag-aasawa. Ang kasigasigan ni Martin na ipailalim ang kanyang katawan sa Dios ay naging dahilan rin upang parusahan niya ang kanyang katawan sa pamamagitan ng paglatigo. Pagkatapos niyang maunawaan ang ebanghelyo ng kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, napagtanto niya na hindi niya maaaring makamit ang biyaya sa pagpapahirap sa kanyang katawan. Tinalikuran niya ang kanyang pangako sa pagmomonghe dahil iyon ay hindi ayon sa Kasulatan. Pinakasalan niya si Katherina, isang dating madre, at nagkaroon ng anim na anak.
Introduksiyon: Kalituhan sa Corinto
Ang ilang tao sa Corinto ang hindi naniniwala na ang mga Kristiyano ay muling bubuhayin. Iniisip nila na ang katawan ay itatapon kapag namatay at ang espiritu ng Kristiyano lamang ang pupunta sa langit.
May ilang nagsasabi, “Dahil ang katawan ay mamamatay at itatapon, hindi mahalaga kung ano ang gagawin natin dito sa ngayon. Ang makasalanang paggamit ng katawan ay hindi mahalaga, dahil ang katawan ay walang pangwakas na halaga.”
Ang ibang itinatanggi ang muling pagkabuhay ay nagsasabi, “Ang katawan ay itatapon dahil ang mga pagnanasa nito ay masama. Sa langit wala na tayong mga pisikal na mga pagnanais. Dahil masama ang mga pisikal na pagnanasa, hindi natin dapat sundin ang mga iyon ngayon. Hindi tayo dapat kumain ng mabubuting pagkain, magsuot ng komportableng damit, o maging makipagtalik kapag nag-asawa. Dapat nating supilin ang katawan sa lahat ng paraang kaya natin hanggang sa iwan natin ito.”
Kapwa mali ang mga pananaw na ito. Kapwa ito nakabatay sa pagkakamali. Sa 1 Corinto 15, ipinaliwanag ni Pablo kung bakit mahalaga ang doktrina ng muling pagkabuhay.
Bagaman wasto para sa atin ang mas mag-usap tungkol sa espirituwal na buhay kaysa sa mga usaping pisikal, ang ating mga katawan ay nakakaapekto sa mga usaping espirituwal. Nilikha tayo ng Dios hindi bilang mga espiritu lamang kundi bilang mga espiritung may pisikal na katawan. Tayo ay hindi basta mga hayop lamang, gayunman tayo ay hindi lamang mga espiritu na pansamantalang naninirahan sa mga katawan.
Pagtatalaga sa Dios
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Corinto 6:19-20 para sa grupo.
Sinasabi sa atin ng mga talatang ito na ang ating mga katawan ay pag-aari ng Dios dahil tinubos niya tayo. Ang ating katawan ay templo ng Banal na Espiritu at hindi dapat gamitin para sa kasalanan.
Sinasabi ng Biblia na ang pisikal na katawan ay dapat lubusang ipasakop sa Dios.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 12:1 para sa grupo.
Sinasabi ng talatang ito na ang ating mga katawan ay dapat maging banal at ito ay pag-aari ng Dios. Ang pagsamba na nais ng Dios mula sa atin ay lubusang pagsunod.
Hindi tayo makapaglilingkod sa Dios ng tuloy-tuloy kung tayo ay kinokontrol ng mga pagnanasa ng ating mga katawan. Ang anumang kaugaliang kasalanan ay katulad ng pagiging lulong sa masama.
Isipin mo ang isang hayop na may dalawang amo. Ang isang amo ay nagbibigay ng utos, ngunit ang hayop ay hindi makasunod dahil ikinadena siya ng ikalawang amo. Ang amo na may hawak sa kadena ay hinihila ang hayop kahit saan niya ibig. Maaaring mas mahal ng hayop ang unang amo, ngunit hindi niya ito masunod. Ito ang katulad ng pagiging lulong sa masama. Maaaring nais ng tao na pagsilbihan ang Dios, ngunit ang pagkalulong ay isang kadena na hindi niya mapaglabanan.
Ang mga pagkalulong at karamihan sa mga anyo ng kasalanan ay nakakasira sa katawan at pag-iisip ng tao. Dahil ang ating mga katawan ay pag-aari ng Dios at itinalaga upang maglingkod sa kanya, mali na sirain ito. Ang talatang binasa natin sa Roma ay nagsasabi sa atin na dapat nating ibigay ang ating mga katawan bilang handog sa Dios, ngunit hindi natin iyon magagawa kung hindi natin nasusupil ang ating mga sarili.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Corinto 9:24-27 para sa grupo.
Alipin mo ang iyong katawan, ngunit dapat mo itong kontrolin. Napakabuti nito bilang isang alipin. Kapag hindi ito nasupil, ito ang iyong nagiging panginoon, at ang katawan ay isang napakasamang panginoon. Sinabi ni Pablo na hindi niya hinahayaan makapanaig sa kanya ang anumang pagnanasa (1Corinto 6:12).
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 6:13 para sa grupo.
Ang katawan ay katulad ng isang grupo ng kagamitan na pag-aari mo. Nasa ilalim ng iyong pagkontrol ang mga kagamitan. Hindi mo na gagamitin ang mga iyon sa kasalanan kundi para sa Dios.
Mga Likas na Pagnanasa
May mga tao na nag-iisip na hindi natin maiiwasan ang kasalanan dahil sa ating mga likas na pagnanasa. Totoo na tayo ay isinilang na may likas na pagkamakasalanan na nagdadala sa atin sa kasalanan. Kabilang sa kalikasang iyon hindi lamang ang mga pisikal na pagnanasa kundi gayun din ang mga pagnanasa ng isip at kalooban na nakakiling sa kasalanan. Ang isang taong hindi pa muling binubuhay ng Espiritu ng Dios ay hindi titigil sa pagkakasala, bagaman maaari siyang magtagumpay sa paglaban sa ilang kasalanan. Ang isang makasalanan na hindi pa nakararanas ng biyaya ng Dios ay maaaring hindi maniwala na makapamumuhay siya nang matagumpay.
Hindi ang natural na mga pagnanasa ang suliranin. Nilikha ng Dios ang mga likas na pagnanasa. Si Adan ay may mga likas na pagnanasa ngunit hindi siya makasalanan hanggang sa piliin niya na suwayin ang Dios. Ang mga pagnanasang ito ay bahagi ng disenyo ng Dios para sa sangkatauhan. Ang mga ito ay hindi makasalanan sa ganang sarili nila, ngunit dahil sa kanila nagiging posible ang pagtukso.
► Ano ang ilang halimbawa ng likas na pagnanasa?
Ang sumusunod na chart ay hindi kumpleto, ngunit nagbibigay ng ilang halimbawa ng mga likas na pagnanasa, ang ilan ay karaniwan at wastong pagpapahayag ng mga pagnanasang iyon, at ang ilang paraan na nagiging posible ang pagtukso.
Pansinin na ang mga likas na pagnanasa ay hindi palaging pagnanasa ng katawan. Ang mga ito ay likas dahil ang mga ito ay nagmumula sa kalikasan ng tao, ngunit hindi lahat ng ito ay pisikal na pagnanasa.
Mga Kategory ng Likas na Pagnanasa
Mga Halimbawa ng Wastong Pagpapaha-yag ng Mga Likas na Pagnanasa
Mga Posibleng Kasalanan
Pangangalaga sa Sarili
Pag-iingat para sa Kaligtasan
Karuwagan
Pagtanggap ng mga Tao
Maingat na pananamit, pagpapakita ng paggalang
Pagmamataas, Pagkainggit
Kasiyahang Pampisikal
Pagkain, pagtulog, at pakikipagtalik sa buhay-mag-asawa
Pagmamalabis sa gawaing makasalanan
Mga Kasiyahan sa Lipunan
Pakikisalamuha sa Iba
Magtsismis,pagiging mapagmataas
Pisikal na Kaginhawahan
Pagpili sa kariwasaan
Katamaran,
Materyalismo
Seguridad sa Pananalapi
Pagiging matipid, pamumuhunan sa negosyo
Kasakiman, kawalan ng katapatan
► Mayroon bang likas na pagnanasa na lagi mong masusunod?
Walang alinmang likas na pagnanasa ang maaaring pahintulutan na maghari nang walang katanungan. Walang alinmang likas na pagnanasa ang lagi mong ligtas na masusunod dahil hindi nililimitahan ng isang pagnanasa ang sarili nito sa mga bagay na matuwid para sa iyo. Halimbawa, ang pagnanasa ng gutom ay hindi napipili kung alin ang kanyang sariling pagkain, pagkain ng ibang tao, o pagkain na hindi kayang bilhin ng tao.
May mga pagkakataon na maging ang wastong pagpapahayag ng pagnanasa ay dapat supilin. Hindi dahil ang isang tao ay nagugutom ay hindi nangangahulugan na maaari niyang basta kunin ang pagkain ng ibang tao. Natural na naisin natin ang pagpapahinga, ngunit kung minsan ang isang tao ay kinakailangang magtrabaho kahit na siya ay napapagod. Natural sa atin na naisin na umiwas sa panganib, ngunit dapat labanan ng isang tao ang pagnanais na tumakbo palayo sa panganib kapag tungkulin niya na pangalagaan ang ibang tao.
Ang mga likas ng pagnanasa ay maaaring sobra ang pagkabaluktot at naliligaw kaya’t ito ay nagkakaroon ng hindi natural at hindi makataong anyo. Iyon ang dahilan kung bakit ang ilang tao ay gumagawa ng labis na makasalanan o malupit na mga pagkilos. Ang mga likas na pagnanasa ay nababaluktot o naililigaw ng 1) maling katuruan, 2) ang pagbuo ng masasamang huwaran ng pag-iisip, 3) pananatili sa makasalanang kapaligiran, o 4) mga sariling makasalanang gawain ng tao.
Dapat asahan ng bawat mananampalataya na daranas siya ng tukso dahil sa mga likas na pagnanasa. Hindi karaniwang inaalis ng biyaya ang mga likas na pagnanasa, nguni’t nagbibigay ito sa tao ng kapangyarihan na supilin ang kanyang mga kilos at ituon ang kanyang mga pagnanais tungo sa mga lehitimong mga bagay.
Dahil sa mga natural na pagnanasa kinakailangan ang espirituwal na mga disiplina upang mapanatili ang espirituwal na tagumpay. Hindi pinalalaya ng biyaya ang tao mula sa pangangailangan ng pagsunod sa mga tagubilin ng Kasulatan, pagdalo sa pananambahan, pananatili sa pagsupil ng katawan, at pagsasagawa ng pananalangin at pag-aaral ng Biblia. Ang isang mananampalataya na seryoso tungkol sa pagpapanatili ng espirituwal na tagumpay ay maaari ring maglagay ng pansarling pagbabawal upang protektahan ang kanyang mga lugar ng kahinaan.
Ang tukso ay tila kaakit-akit, ngunit kung ang puso ay nakatatag upang naisin ang kalooban ng Dios, ang taong ito ay tunay na makatatanggi sa pagtukso mula sa kanyang puso (1 Juan 5:3). Hindi niya iisipin na tinatanggihan niya kung ano talaga ang makapagpapasaya sa kanya. Sa pamamagitan ng pananampalataya nalalaman niya na hindi ipagbabawal ng Dios ang anumang hindi makasasama, kahit na hindi niya nakikita ang kasamaan ng isang bagay na ipinagbabawal (Deuteronomio 6:24). Sa pamamagitan ng pananampalataya nalalaman niya na walang anumang salungat sa kalooban ng Dios ang tunay na nakasisiya sa kanya, dahil ang kanyang kasiyahan ay nasa Dios (Awit 16:2, Awit 84:11).
Diet at Ehersisyo
► Ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa pagkain?
Hindi tahasang ipinagbabawal ng Biblia ang anuman para sa pagkain. Ang mga pagbabawal sa pagkain ng Lumang Tipan ay hindi hinihingi sa mga Kristiyano sa Bagong Tipan (1 Timoteo 4:4, Marcos 7:19). Mayroong isang usapin sa mga pagkain na inialay sa mga dios-diosan, subalit iyon ay hindi dahil ang pagkain mismo ay mali, kundi dahil ang ilang tao ay kumain ng pagkain na bahagi ng pagsamba sa dios-diosan (1 Corinto 8).
Ang diet ay mahalaga para sa kapakanan ng pisikal na kalusugan at lakas. Dahil tayo ay mga lingkod ng Dios, dapat nating naisin na manatili sa mabuting kalagayang pisikal. Dapat nating sikapin na hindi masira o paigsiin ang ating buhay dahil sa masamang pagkain. Maraming tao ang wala namang maraming pagpipilian sa pagkain, dahil kailangan nilang kainin kung ano ang mayroon at kung ano ang kaya nilang bilhin, subali’t dapat nilang piliin ang pinakamabuting magagawa nila. Dapat din nilang turuan ang kanilang mga anak na gumawa ng mabuting pagpili sa pagkain.
May mga tao na may sapat na perang pambili ng pagkain kung minsan ay kumakain ng labis dahil sa lasa ng pagkain na gusto nila sa halip na piliin ang pagkain na magbibigay sa kanila ng pinakamainam na sustansiya. Natutukso rin ang mga tao na gumastos ng sobra sa mga hindi masustansiyang pagkain. May mga tao na hindi makabili ng aklat para sa pagsasanay sa ministeryo, subalit gumagastos ng malaking halaga linggo-linggo para sa sitsirya at Coke.
Ang pisikal na ehersisyo ay kinakailangan para ang tao ay manatili sa mabuting kundisyong pisikal. Hindi dapat hayaan ng isang tao ang kakulangan sa ehersisyo upang magkulang siya ng lakas o magkaroon ng sobrang timbang na makahahadlang sa kanya upang magawa ang kanyang pinakamabuti para sa Dios. Kung ang pinapasukang trabaho ng isang tao ay nangangailangan ng pisikal na paggawa, maaaring mangailangan siya ng dagdag na pisikal na eherisyo; kung hindi, dapat niyang disiplinahin ang kanyang katawan upang manatili sa mabuting kundisyon.
Dapat isaalang-alang ng isang Kristiyano ang diet at ehersisyo dahil siya ay pag-aari ng Dios. Gayunman, ang mga tiyakang tagubilin tungkol sa diet at ehersisyo ay hindi nakasulat sa Biblia. Dapat humanap ang tao ng paraan kung paano gagamitin ang prinsipyo ng pagtatalaga ng buhay sa Dios sa kanilang sariling kalagayan. Dapat nating iwasan ang paghusga at pagpuna sa iba. Ang mga detalyeng ito ay hindi dapat gawing mga alituntunin ng espirituwal na pamumuhay malibang ang isang piling grupo ng tao ay magtalaga ng sarili sa mga tiyak na disiplina.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 14:4 para sa grupo.
Dapat nating ilapat ang mga prinsipyo ng Kasulatan sa mga tiyak na paraan, subalit hindi natin dapat husgahan ang mga taong gumagamit ng mga ito sa ibang paraan, kapag ang tiyak na aplikasyon nito ay wala sa Kasulatan.
Mahimalang Pisikal na Kagalingan
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 8:18-23 para sa grupo.
Ang karamdaman ay isang bunga ng sumpa na dumating sa buong sanlibutan nang magkasala ang mga unang tao. Ang plano ng kaligtasan ng Dios ay sa wakas ay papanumbalikin ang sannilikha at wawakasan ang lahat ng paghihirap. Gayunman, sinasabi ng mga talatang ito na ang pagpapanumbalik ay hindi mangyayari agad. Bagaman tayo ay ligtas na, ang ating mga katawan ay magpapatuloy na makakaranas ng pagtanda at karamdaman hanggang matapos ang plano ng kaligtasan ng Dios.
Gumawa na ng mga himala ang Dios sa mundo. Maraming himala ng pagpapagaling ang nakatala sa Biblia. Ipinangako ng Dios ang kagalingan bilang tugon sa mga panalanging may pananampalataya ng iglesya (Santiago 5:14-15). Hindi kinakailangan na ang taong maysakit ay may pananampalataya para sa kanyang sariling paggaling; ang iglesya ay maaaring magkaroon ng pananampalataya para sa kanya. Samakatuwid, ang taong may sakit ay hindi dapat paratangan na kulang sa pananampalataya.[1]
Hindi natin maaasahan na ang isang taong may pananampalataya ay hindi magdaranas ng sakit. Pinahintulutan ng Dios na pisikal na magdusa si Job sa loob ng ilang panahon bagaman si Job ay naging matapat sa Dios (Job 2:8).
Sinabi ni Pablo na pinahintulutan ng Dios ang isang “tinik sa aking laman” upang panatilihin siyang mababang-loob at nakadepende sa Dios. Tatlong beses na nanalangin si Pablo upang siya ay iligtas, ngunit sa wakas ay napagtanto niya na nais ng Dios na bigyan siya ng kalakasan upang pagtiisan iyon sa halip na pagalingin siya (2 Corinto 12:7-9). Marahil parang ang “tinik sa aking laman” ay isang pisikal na sakit, bagaman hindi natin iyon natitiyak.
Nagtiis si Pablo ng pisikal na karamdaman habang siya ay nag-eebanghelyo sa mga taga-Galacia (Galacia 4:13-15). Maliwanag na mayroon siyang problema sa kanyang mga mata, dahil sinabi niya na minamahal siya ng mga taga-Galacia kaya’t maluwag sa kanilang loob ng ibibigay nila sa kanya ang kanilang mga mata. Hindi natin alam kung gumaling si Pablo sa karamdamang ito sa sumunod na mga panahon, ngunit malinaw na hindi siya agad gumaling. Malinaw na hindi itinuro ni Pablo na ang bawat mananampalataya ay dapat laging malaya sa karamdaman, at hindi inisip ng mga taga-Galacia na ang kanyang karamdaman ay sumalungat sa ebanghelyo na kanyang ipinangaral.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Filipos 2:25-30 para sa grupo.
Maysakit si Epafrodito at nasa panganib na mamatay. Nagkasakit siya dahil labis siyang nagtatrabaho upang tulungan si Pablo. Sinabi ni Pablo na karapat-dapat parangalan si Epafrodito dahil inilagay niya sa panganib ang kanyang buhay para sa gawain ni Kristo.
Ang mga halimbawa nina Job, Pablo at Epafrodito ay nagpapakita sa atin na hindi natin dapat paratangan ang mga tao ng kakulangan ng pananampalataya kapag sila ay nagkasakit. Hindi natin dapat ipalagay na sila ay pinarurusahan dahil sa kasalanan. Ang Dios lamang ang nakakaalam kung mayroong espirituwal na dahilan para sa paghihirap ng isang tao. Ang ilan sa mga pinakadakilang Kristiyano sa kasaysayan, mga tao na may dakilang pananampalataya, ay nagdusa ng karamdaman sa matagal na panahon.
Hindi ipinagbabawal ng Biblia ang pagpunta sa mga doktor at paggamit ng medisina. Bagaman nananalangin tayo ng kalusugan at kagalingan, hindi masama na gamitin natin ang tulong na mayroon tayo.
Mali na hanapin natin ang pagpapagaling mula sa mga taong nagsasabi na mayroon silang kapangyarihan ng mahika o naglilingkod sa mga espiritu na hindi mula sa Dios. Hindi tayo naglilingkod kay Satanas, at hindi tayo dapat humanap ng mga benepisyo mula sa kanya. Ang ating katapatan ay sa Dios, at dapat tayong makontento sa kanyang mga pagpapala. Kung pinipili niya na hindi magpagaling, dapat tayong manalangin para sa biyaya at kalakasan upang maging matapat.
[1]Pinagaling ni Jesus ang lalaking paralisado dahil sa pananampalataya ng kanyang mga kaibigan, (Marcos 2:5).
Mga Sangkap na Mapanganib
May mga taong gumagamit ng mapanganib na sangkap na nagbibigay ng kasiyahan sa kanilang katawan ngunit may masamang epekto.
Ang mga narkotiko ay nakakasira sa katawan, nakakasira ng isip, nagbubunga ng pagkalulong sa masamang sangkap, at ipinagbabawal sa karamihan sa mga lugar.
Maliban sa napakaliliit na sukat, ang alkohol ay nakakaapekto sa pang-unawa ng isang tao at nagiging dahilan upang siya ay kumilos sa paraang hindi niya gagawin kung hindi siya apektado ng alkohol. Nakakalulong rin ang alkohol. Kung maraming maiinom, nakakasama ito sa kalusugan. Labis itong ginagamit sa mga lugar ng makamundo, imoral na paglilibang. Hindi direktang ipinagbabawal ng Biblia ang alkohol, nguni’t maraming iglesya ang nagbabawal nito dahil nakakaapekto ito sa pag-uugali at pagpapasya, nakakalulong, at madalas na kasama ng imoral na pag-uugali. Maraming Kristiyano ang nag-aalala na kung ang isang tao ay maingat na gumagamit ng alkohol habang iniiwasan ang mga panganib, maaari niyang maimpluwensiyahan ang iba sa masamang paraan, lalung lalo na ang mga kabataan.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Kawikaan 20:1 at 31:4-5 para sa klase.
Ang tabako, sinisigarilyo o nginunguya nang regular, ay nakakalulong at nagpapaikli ng buhay nang ilang taon. Ang gumagamit nito ay may mataas na panganib ng kanser.
Hindi nagbabawal ng tiyakan ang Biblia ng narkotiko, alkohol o tabako. Gayunman, karamihan sa mga tao na nakauunawa ng pagiging mapanganib nito ay naniniwala na hindi dapat gumamit nito ang Kristiyano. Hindi iyon ang nangyayari sa lahat ng lugar, sa mga panahon bago nalaman ng mga tao ang lubos na epekto ng mga sangkap na ito.
Ang pinakamalaking panganib ng mga sangkap na ito ay ang pagkalulong ng sinumang gagamit nito. Kinokontrol ng pagkalulong ang buhay ng tao. Inuubos nito ang kanyang mga pinagkukunan ng pangangailangan (o ari-arian). Nakakaapekto ito sa kanyang pang-unawa, at nakapangangatwiran siya nang wala sa tama upang ituring na matuwid ang mga ito. Gumagawa siya ng mga sakripisyong nakasasama sa kanyang pamilya at trabaho. Ang pagkalulong ay humihingi ng katapatan na katulad ng isang relihiyon at sumasalungat sa katapatan sa Dios.
Kalinisan at Kaayusan
Ang Kristiyano ay dapat magkaroon ng mga kaugalian ng pisikal na kalinisan na halos kasimbuti ng normal na kinagawian sa kanyang kultura. Hindi siya dapat mapansin ng iba dahil sa pagkakaroon ng hindi kaaya-ayang amoy, buhok na tila hindi sinusuklay, o damit na marumi o masama ang kalagayan. Ang isang taong naghihirap ay maaaring magkaroon ng kahirapan sa pagpapanatili ng mabuting kaanyuan, ngunit dapat niyang gawin ang lahat ng kanyang makakaya.
Dapat kang makinig kapag pinupuna ng iyong mga kaibigan ang iyong hitsura o hygiene/pansariling kalinisan. Dapat turuan ng mga magulang ng mabubuting kaugalian ang kanilang mga anak.
Hindi dapat sundin ng mga Kristiyano ang paraan ng sanlibutan, nagdadamit at gumagamit ng mga alahas upang ipakita na sila ay mas higit kaysa sa iba. Gayunman, ang isang walang ingat na kaayusan ay maaaring magpahiwatig na ang taong iyon ay may kaunting paggalang sa mga taong kanyang nakakaharap. Halimbawa, kapag ikaw ay hindi maingat tungkol sa iyong kaayusan kapag nagtungo ka sa isang pagtitipon, maaaring isipin na para sa iyo ang pagtitipon at ang mga tao ay hindi karapat-dapat igalang. Dapat ipakita ng mga Kristiyano kung paano pararangalan ang Dios at ipakita ang respeto sa iba sa pamamagitan ng pagdadamit ng naaangkop.
Ang mga taong hindi nagtataglay ng espirituwal at walang hanggang prayoridad ay madalas na binibigyang-diin ang kanilang katawan sa pamamagitan ng pagdadamit sa paraang nakakatawag ng atensiyon. Ang lalaki ay maaaring ipakita ang kanyang malaking katawan. Maaaring gusto ng babae na maging pisikal na kaakit-akit sa kalalakihan. Ang isang Kristiyano ay hindi dapat magnais na magpakita ng pagmamataas o makuha ang maling uri ng atensiyon sa pamamagitan ng kanyang pananamit.
Para sa Pagbabahaginan sa grupo
Hikayatin ang mga mag-aaral na isipin kung paanong ang pagtatalaga ng sarili sa Dios ay makagagawa ng pagbabago sa kanilang paraan ng pamumuhay.
► Paano nagpapakita ang iyong mga kaugalian na ang iyong katawan ay pag-aari ng Dios?
Iwasan ang mahahabang pagtatalo na naglalayong ipatupad ang mga alituntunin ng pagkain o mga katulad na pagbabawal bilang mga kinakailangan sa mga Kristiyano.
► How Paano mo ipapaliwanag sa isang tao kung bakit hindi ka gumagamit ng mga sangkap tulad ng narkotiko, alkohol at mga katulad nito?
Panalangin
Aming Ama sa Langit,
Salamat po sa kahanga-hangang disenyo na ibinigay ninyo sa amin upang makapamuhay una sa mundo at pagkatapos ay sa langit.
Tulungan mo po akong mamuhay na may lubos na dedikasyon sa iyo, dahil alam ko na ako’y nilikha mo at tinubos.
Tulungan mo po akong mamuhay nang malaya sa anumang makakahadlang sa aking paglilingkod at pagsamba sa iyo.
Salamat po sa dakilang pribilehiyo na mayroon ako na maging templo ng iyong Banal na Espiritu. Nais kong mamuhay sa paraang nagpaparangal sa iyo.
Amen
Leksiyon 13 Mga Takdang Aralin
(1) Isulat ang iyong mga sagot sa bawat isa sa mga sumusunod na tanong sa isang personal na journal entry. (Hindi mo ito dapat ipasa sa tagapanguna sa klase).
Lubos mo na bang itinalaga ang iyong sarili sa Dios? Ano ang kahulugan niyon sa iyo?
Anong mga likas na pagnanasa ang pinakamadalas na nagdudulot ng tukso sa iyong buhay?
Anong dalawa o tatlong talata sa Kasulatan ang dapat mong isaulo upang tulungan kang magpatuloy sa pagtatagumpay laban sa mga tuksong ito?
Anong mga pagbabago ang sinabi sa iyo ng Dios na dapat mong gawin na napag-aralan mo sa leksiyong ito?
(2) Pag-aralan ang 1 Corinto 15. Una, hatiin ito sa mga seksiyon na ang bawat isa ay tatalakay ng mas maliit na paksa. Sumulat ng isang parapo para sa bawat seksiyon na nagpapaliwanag sa mensahe ng naturang seksiyon. Ano ang mga praktikal na direksiyon na dapat ibatay sa kabanatang ito?
Print Course
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.