Ang lahat ng mga paglalarawan sa seksiyong ito ay mga tunay na pangyayari, ngunit ang mga pangalan at detalye ay binago. Ito ay mga halimbawa ng pagnanakaw, o pagsisinungaling o pareho.
(1) Nagtatrabaho si George sa isang pabrika. Madalas siyang nag-uuwi ng mga gamit na panlinis, mga kasangkapan, at maliliit na bagay dahil alam niya na kayang palitan iyon ng pabrika.
(2) Si Pedro ay isang drayber ng trak ng gasolina para sa isang malaking kumpanya. Kung minsan habang siya ay nagmamaneho ng trak ng kumpanya, nakakikita siya sa tabing daan ng karatula na nagsasabi na “Bumibili kami ng krudo.” Paminsan-minsan tumitigil siya at nagbebenta sa kanila ng kaunting krudo galing sa trak, dahil alam niya na hindi naman malalaman ng kumpanya na nabawasan iyon.
(3) Pinagtitiwalaan si Tamara na bumili ng kompyuter para sa opisinang kanyang pinagtatrabahuhan. Sinuhulan niya ang ahente sa tindahan na gumawa ng mga resibo na may mataas na presyo kaysa sa pagkakabili upang makupit niya ang bahagi ng pera.
(4) Sa isang parke sa isang malaking lunsod, may isang lalaki na nagbebenta ng bombilya ng ilaw na hindi na nagagamit. Alam ng mga bumibili nito na hindi na ito magagamit. Binibili nila ito upang dalhin sa kanilang opisina kung saan nagnanakaw sila ng maayos na bumbilya, at pinapalitan iyon ng lumang bumbilya.
(5) Si Alex ay isang punung-guro sa paaralan. Isang araw, pumunta sa kanya ang ama ng isa sa mga mag-aaral at hinihingi na bigyan ang kanyang anak ng mataas na grado sa Algebra. Binigyan niya si Alex ng pera. Inutusan ni Alex ang guro sa Algebra na bigyan ang mag-aaral ng mataas na grado.
(6) Si Angelo ay isang guro sa unibersidad. Maliit lamang ang kanyang sahod. Sinabi niya sa kanyang klase na magiging napakahirap ng pagsusulit at walang sinumang mag-aaral ang makapapasa sa pagsusulit nang hindi bumibili sa kanya ng isang pahina na may mga sagot.
(7) Si Alex ay isang punung-guro sa isang paaralan ng gobyerno. Isang araw, si Vanya, isang kaibigang nagtatrabaho sa isang organisasyong pangmisyon ay nagtanong kung maaaring umupa ng ilang kwarto sa gusali ng paaralan. Nagbigay ng presyo si Alex, at dinadala ni Vanya kay Alex ang upa buwan-buwan. Inangkin ni Alex ang pera at hindi kailanman iniulat ang kinita.
(8) Si Vanya ay nagtatrabaho sa isang misyon na nangailangang umupa ng espasyo para sa silid-aralan. Pumunta siya sa kanyang kaibigang si Alex na punung-guro sa isang paaralan. Nagkasundo sila sa presyo ng upa, pagkatapos, sinabi nila sa misyon ang mas mataas na halaga. Buwan-buwan, dinadala ni Vanya kay Alex ang pera subali’t itinatago ang sobrang halaga.
(9) Nagtatrabaho si Sergei sa isang ministeryong nangangailangan ng bagong gusali. Pinahanap siya ng ministeryo ng isang construction company na magtatayo para sa kanila. Nakipag-usap si Sergei sa ilang contruction companies. Sa halip na piliin ang kompanyang magbibigay ng pinakamabuting presyo, pinili niya ang kumpanya na nangakong hahatian siya sa perang makukuha nila sa ministeryo.
(10) Kailangan ni Alberto ng rehistro para sa kanyang kotse, subalit alam niya na hindi ito papasa sa inspeksiyon dahil ang ilan sa mga ilaw nito ay hindi gumagana. Dinala niya ang kanyang kotse sa departamento para iparehistro pero nakita niya na mahaba ang pila ng mga taong naghihintay para ipainspeksiyon at iparehistro ang kanilang sasakyan. Isang lalaki malapit sa pinto ang nagsabi sa kanya na kung magbabayad siya sa halagang nais niya ay maikukuha niya si Alberto ng rehistro nang mabilis at hindi na kailangan ng inspeksiyon. Binayaran ni Alberto ang presyo at hindi nagtagal ay pauwi na siya dala ang rehistro.
(11) Dumating si Simon para kunin ang kanyang kotse sa paradahan ng sasakyan. Sinabi ng bantay doon ang presyo ng pagparada sa lugar. Binigyan ni Simon ang bantay ng kulang na bayad ngunit hindi niya kinuha ang parking tiket. Ibibigay niya ito sa ibang pumarada upang maging kanya na ang perang ibinayad ni Simon.
(12) Hindi nag-aral ng mabuti si Anna para sa pagsusulit. Nang dumating siya sa klase naupo siya malapit sa isang matalinong kaibigan upang maaari siyang kumopya ng mga sagot mula sa pagsusulit ng kanyang kaibigan.
(13) Nagmamaneho si Igor ng traktorang may araro para sa isang malaking bukid ng gobyerno. Gusto niyang maagang matapos. Itinaas niya ang araro upang hindi ito gaanong huhukay nang malalim, sagayun, mapaaandar niya ng mas mabilis ang traktora. Ang bukid ay mukhang handa na, subali’t hindi ito nagbunga ng mabuting ani dahil hindi ito naararo nang maayos.
(14) Isinugo ng isang misyon si Pastor Pierre para magpastor sa isang iglesya. Pinadadalhan siya ng misyon ng buwanang sahod. Dahil gusto niyang suportahan din siya ng iglesya, sinabi niya sa mga miyembro ng kanyang iglesya na hindi siya sinusuportahan ng misyon.
(15) Isang magnanakaw ang pumasok sa bahay ni Ella at nagnakaw ng pera. Nang ikinuwento niya ito sa kanyang mga kaibigan, sinabi niya na kumuha rin ng ibang gamit ang magnanakaw kahit hindi naman. Naawa sa kanya ang kanyang mga kaibigan at binigyan nila siya ng pera para mapalitan ang mga bagay na akala nila ay nanakaw.
(16) Si Gulovo ang hepe ng isang maliit na baranggay. Tagapanguna rin siya sa iglesya ng baranggay. Ang mga tao ay makaluma, hindi nakapag-aral, at mahihirap, subalit ang baranggay ay nagmamay-ari ng malawak na lupain. Ang mga mangangalakal mula sa lunsod ay humihiling na bumili ng lupa para sa proyektong sakahan. Ibinenta ni Gulovo ang buong lupain ng baranggay at ginamit ang pera upang magpatayo ng bahay para sa kanya sa lunsod.
(17) Taon-taon ang Fairfield Community Church ay pumipili ng isang ina upang parangalan bilang “Ina ng Taon.” Pinili nila si Wilma, hindi dahil siya ay isang mabuting halimbawa ng pagiging ina, kundi dahil alam nila na magbibigay siya ng malaking donasyon sa iglesya. Pagkatapos nila siyang parangalan, nagbigay na pera si Wilma para sa iglesya upang ibili ng bagong gate para sa ari-arian. Nang sumunod na taon, nagpasya ang iglesya na muling piliin si Wilma bilang “Ina ng Taon,” kahit na nakalipat na siya sa ibang lunsod.
(18) Si Barney ay isang drayber para sa ministeryo. Gabi-gabi dinadala niya ang sasakyan ng ministeryo para iparada sa isang ligtas na lugar. Kung minsan bago iparada ang sasakyan ay ginagamit niya iyon upang magsakay ng mga pasahero o magsakay ng mga gamit para sa kanyang sariling suki.