Ang Tsunami sa Palu, isang Kabiguan sa Komunikasyon
Noong Setyembe, 2018, isang lindol sa ilalim ng isang isla ang naging dahilan upang magkaroon ng isang tsunami (higanteng alon) patungo sa lunsod ng Palu, sa Indonesia. Isang lalaki na nasa tuktok ng isang mataas na gusali ang nakakita sa dumarating na alon. Sumigaw siya ng babala sa mga tao sa mga kalsada sa ibaba, subali’t karamihan sa kanila ay bumalewala sa kanya. Mahigit sa 4,000 tao ang namatay, at 10,000 ang nasugatan.
Sampung taon bago iyon (2008), ang pamahalaan ay naglagay ng 22 lumulutang na mga buoys sa dagat na may electronic sensors na nakadisenyo upang magpadala ng babala kapag may padating na tsunami. Gayunman, sa loob ng sumunod na tatlong taon, hindi napangalagaan ang mga buoys, at lahat ng ito ay tumigil sa paggana. Walang alinman sa mga ito ang nagpahatid ng babala tungkol sa tsunami noong 2018.
Komunikasyon sa Ating Kumander
► Ano ang bagay na ikinakabit sa lahat ng sasakyan ng militar?
Ang bawat tangke, dyip, eroplano at iba pa ay mayroong radyo. Ito ay hindi isang radyo para pakinggan ng mga sundalo ang kanilang paboritong musika, kundi isang radyo para sa komunikasyon.
Ang komunikasyon ay kinakailangan upang manalo sa isang digmaan. Hindi nakikita ng mga sundalo sa isang labanan ang buong lawak ng aksiyon. Maaaring hindi nila alam kung nasaan ang kanilang mga kaibigan at nasaan ang kanilang mga kalaban. Hindi nila nalalaman kung saang direksiyon sila dapat bumaril, at saang direksiyon sila dapat pumunta, maliban sa pamamagitan ng komunikasyon mula sa kanilang kumander.
Nagkaroon na ng maraming kaso kung saan ang mga sundalo ay napatay ng “friendly fire”/pagbaril mula sa kaibigan, mga balang mali ang direksiyon mula sa kanilang kapwa sundalo. Nagkaroon na ng mga pagkakataon na ang mga missiles at bomba ay tumama sa mga kaibigan sa halip na sa mga kalaban dahil sa masamang komunikasyon.
Sa modernong labanan, karaniwang estratehiya ang sikapin na pabagsakin ang sentro ng komunikasyon ng mga kalaban. Ang panig na matagumpay na makagagawa noon ay malamang na siyang manalo sa labanan.
Tayo ay nasa espiritual na labanan. Tinutukso at sinisikap tayong linlangin ng demonyo. Sinisikap ng sanlibutan na hilahin tayo sa paraan ng pamumuhay at mga pinahahalagahan nito. Kung minsan ang mga taong nasa paligid natin ang siyang humahadlang at sumisira ng ating kalooban sa pamumuhay para sa Dios. Tayo ay katulad ng mga sundalong nasa isang malupit na bansa, na mayroon lamang kaunting kaibigan at maraming kaaway.
Nais ng Dios na magtagumpay tayo sa espirituwal na labanan. Panalangin ang ating paraan ng komunikasyon sa ating kumander.
Isipin ninyo ang isang sundalo sa isang labanan na nagpasyang balewalain ang mga utos sa kanya at sundin ang kanyang sariling kagustuhan. Maaari siyang makagawa ng masama sa halip na mabuti; maaari siyang mabigo na tulungan ang mga taong umaasa sa kanya; at maaari siyang mapatay o mabihag.
"Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, humiling at sumamo sa patnubay ng Espiritu. Lagi kayong maging handa, at patuloy na ipanalangin ang lahat ng hinirang ng Dios.” (Efeso 6:18).
Ang talatang ito ay nasa hulihan ng sipi kung saan inilarawan ni Pablo ang espirituwal na baluti ng isang Kristiyano sa baluti ng militar sa kaniyang panahon. Sinabi niya na ang ating mga kaaway ay hindi sa pisikal, kundi espirituwal.
Marahil kung mayroon nang mga radyo para sa mga sundalo noong panahong iyon, maaaring ginamit iyon ni Pablo upang ilarawan ang ibang bahagi ng kagamitan ng espirituwal na sundalo –ang panalangin. Pagkatapos ilarawan ang baluti, sinabi ni Pablo na ang pananalangin ay kailangang gamitin kasama ng espirituwal na baluti.
Habang tayo ay nahaharap sa pakikipaglaban sa espirituwal na kasamaan, dapat tayong magpatuloy sa pananalangin, nananatiling may komunikasyon sa ating kumander. Tayo ay tinawag upang maging mapagbantay sa pananalangin, nananatiling mapagmasid at nagtitiyaga.
Nangako ng paggabay ang Dios para sa mga makikinig.
“Magtiwala sa Panginoon nang buo mong puso at huwag manangan sa iyong sariling pang-unawa; sa lahat ng iyong daan ay kilalanin Siya, at gagabayan Niya ang iyong mga landas.” (Kawikaan 3:5-6).
"Ang mga hakbang ng mabuting tao ay itinakda ng Panginoon…” (Awit 37:23).
Ang Kristiyano ay hindi nagpapasya sa paraang katulad ng mga tao sa sanlibutan. May mga tao na ginagabayan lamang ng kanilang sariling pagnanasa at mga ambisyon. Sinasabi nila, “Kailangan kong gawin kung ano ang tama para sa akin.” Ang ibig nilang sabihin ay isinasaalang-alang muna nila ang kanilang sariling mga naisin sa halip na hayaan ang ibang tao ang magkontrol sa kanila. Iniisip nila na ang kalayaan ay nangangahulugan ng pagiging sentro ng sarili. Naiiba ang Kristiyano dahil nais niyang bigyang-lugod ang Dios at pagpalain ang iba sa pamamagitan ng kanyang buhay.
May mga tao na nagpapayo sa atin na tumingin sa ating kalooban para sa lahat ng kasagutan. Naniniwala sila na ang ating mga damdamin at katutubong ugali ay sapat na gabay para sa mga pagpapasya. Hinihikayat nila ang mga kabataan na ipagsawalang-bahala ang tradisyon at ang mga payo ng mga nakakatanda. Hinahamak nila ang kalinisang-asal/moralidad na panrelihiyon. Ang ganitong klase ng payo ay laganap sa modernong pag-aaliw sa Hollywood. Naglalabas sila ng mga kuwento tungkol sa isang kabataan na nagtagumpay sa pamamagitan ng pagrerebelde laban sa awtoridad at tradisyon upang sundin ang kanyang sariling mga pangarap. Hindi nila ipinapakita ang katotohanan na ang ganoong mga pagpapasiya ay naghahatid sa kalungkutan at kapahamakan.
Sa ilang kultura, ang mga pansariling pagpapasiya ay nalilimitahan ng mas malawak na pamilya/angkan o tribo o lipi. Ang mga indibidwal ay hindi inaasahang umalis sa rehiyon, baguhin ang kanilang hanapbuhay, magpatuloy sa mas mataas na pag-aaral, o mag-asawa nang walang pahintulot ng grupo/tribo. Ang pinakamahirap na pagbabago sa kapaligirang iyon ay kung ang isang tao ay magbabago ng kanyang relihiyon. Kapag ang isang tao ay naging Kristiyano at ginagabayan ng mga prinsipyong hindi nauunawaan ng kanyang mga kababayan, maaari siyang dumanas ng pag-uusig. Ang isang Kristiyano sa ganoon sitwasyon ay dapat manalangin para sa katalinuhan at paggabay.
Kailangan natin ang paggabay ng Dios sa lahat ng oras, at ginagabayan Niya tayo sa mga paraang hindi natin laging namamalayan. Hindi Niya tayo kinakalimutan, kahit na hindi natin Siya iniisip. Subalit may mga pagkakataon na espesyal na kinakailangan nating hingin ang Kanyang direksiyon at hilingin sa Kanya na tulungan tayong makita ang mga pagpipilian sa kung ano talaga sila. Maaaring nais ng Dios na baguhin ang ating landas sa isang hindi inaasahang paraan.
► Ano ang mga pagkakataon na kinakailangan natin ang espesyal na direksiyon mula sa Dios?
Dapat tayong humingi ng direksiyon mula sa Dios…
(1) Kapag gumagawa tayo ng mga pagpapasiyang nakakabago ng buhay: pag-aasawa, hanap-buhay, pag-aaral/edukasyon, pagtatalaga ng sarili sa isang lokal na iglesya
(2) Kapag gumagawa ng mga praktikal na pasiya: mga pagkakataon sa hanap-buhay, saan titira, pagbili ng may malaking halaga
(3) Kapag nagpaplano at nagsasagawa ng ministeryo:[1] ang personal na pagkatawag sa isang tao, saan at kanino magmiministeryo, mga temang ipapangaral at ituturo.
(4) Kapag nakikilahok sa buhay ng iglesya:[2] paano sasamba, ano ang pag-aaralan, ano ang ibibigay, paano magiging bahagi ng katawan ni Kristo sa mundo.
[1]Sinasabi ng Mga Gawa 16:6-9 ang espesyal na paggabay na ibinigay ng Banal na Espiritu kina Pablo at Silas sa kanilang paglalakbay na pangmisyon.
[2]May kamalayan ang unang iglesya sa Banal na Espiritu na nagbibigay ng direksiyon sa kanilang pagsamba, nagbabantay sa kanilang doktrina, gumagabay sa kanilang paglutas ng mga suliranin, at pagbibigay-kapangyarihan sa kanilang mensahe. Tingnan ang Mga Gawa 15:28, 5:3-5, at 6:10.
Paano Mo Higit na Mauunawaan ang Paggabay ng Dios
(1) Manatili kang malapit sa Dios sa panalangin. Kung ang malaking bahagi ng iyong buhay ay nawawalan ng kaugnayan sa iyong pakikipag-usap sa Dios, sinusunod mo ang iyong sariling mga kagustuhan at limitadong pagkaunawa.
(2) Huwag mong pagtiwalaan ang iyong sariling pangangatwiran nang higit sa tiyak na katotohanang ayon sa Kasulatan. Tulad ng sinasabi ng talata sa itaas, “…huwag kang umasa sa iyong sariling pagkaunawa” (Kawikaan 3:5).
(3) Lagi mong sundin ang natitiyak mong kalooban ng Dios. Mapauunlad nito ang iyong pagkaunawa. Ang isang taong sumusuway sa Salita ng Dios ay hindi tunay na ninanais ang kalooban ng Dios dahil ipinapahayag ng Dios ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng Kasulatan. Kung sinusunod mo lamang ang ilang bahagi ng nalalaman mong kalooban ng Dios para sa iyo, higit ka pang maguguluhan—ang liwanag ay magiging kadiliman (Lucas 11:35).
Nalalaman natin na iyon ay kalooban ng Dios kaya’t:
Pinapasan natin ang ating krus araw-araw at sumusunod kay Hesus (Lucas 9:23)
Ginagawa ang mabuti at sinasabi ang katotohanan sa ating mga puso (Awit 15:3)
Iginagalang ang matatapat na tagapangunang espirituwal (1 Tesalonica 5:12-23)
Nagagalak sa lahat ng panahon (1 Tesalonica 5:12-13)
Walang tigil sa pananalangin (1 Tesalonica 5:16)
Nagpapasalamat sa lahat ng pagkakataon (1 Tesalonica 5:17)
Hindi pinapasakitan ang Espiritu (1 Tesalonica 5:18)
Hindi hinahamak ang mga propesiya (1 Tesalonica 5:19)
Sinusubok/sinisiyasat ang lahat ng bagay (1 Tesalonica 5:20)
Pinanghahawakan kung ano ang mabuti (1 Tesalonica 5:21)
Umiiwas sa lahat ng anyo ng kasamaan (1 Tesalonica 5:22)
Pabanalin nang lubusan (1 Tesalonica 5:23)
At marami pang ibang kautusan na maaaring ibuod sa isang salita: pag-ibig! (Roma 13:8-10). Habang ginagawa natin ang alam natin na kalooban ng Dios, marami sa ating mga pagpapasiyang hindi tungkol sa buhay ang natural na nahahayag.
(4) Maging matiyaga. Maaaring kailangan mong maghintay habang nagbubukas ng mga pinto ang Dios at naghahanda ng mga pagkakataon para sa iyo. Huwag kang magmadali sa paggawa ng mga pagpapasiya dahil sa pagkainip. “Mamahinga ka sa Panginoon, matiyaga kang maghintay sa Kanya” (Awit 37:7). Huwag kang gumawa kailanman ng isang bagay na alam mong mali dahil sa pakiramdam na nagmamadali ang bagay o sitwasyon.
(5) Makinig sa mabuting payo. “Dahil sa kalooban ng matalinong paggabay maaari kang makipagdigmaan, at sa kasaganaan ng mga tagapayo, mayroon kang tagumpay.” (Kawiakaan 24:6).[1] Kapag nais ng Dios na gumawa ka ng malaking pagpapasya, at madalas na ipinapakita rin iyon sa ibang mahalagang tao sa iyong buhay. Kapag mayroong makadios na nakatatanda na nakakikilala at nagmamalasakit sa iyo, hindi ka dapat madaling magpasya sa paggawa ng bagay na sa palagay nila ay isang pagkakamali.
►Ibahagi ang isang halimbawa ng pasya na alam mong ayon sa direksiyon ng Dios. Paano ipinakita ng Dios sa iyo na iyon ang tamang desisyon?
► Makatutulong rin kung maibabahgi mo rin ang isang halimbawa ng maling desisyon. Nabigo ka bang sundin ang isa sa apat na prinsipyo ng pagiging mas mabuting taong nagagabayan ng Dios?
Pahintulutan rin ang iba na magbahagi ng katulad nito.
► Sa kasalukuyan, maaaring may isang nagsisikap na gumawa ng pagpapasya na payag silang talakayin iyon sa grupo.
Mga Pagkakamaling Dapat Iwasan Kapag Hinahanap ang Paggabay ng Dios
May isang kuwento tungkol sa isang mangangaral na nagngangalang Charles Stalker na nananalangin isang umaga nang magsalita sa kanya ang Dios at sinabi, “Nais kong pumunta ka sa Tsina.” Namangha si Stalker dahil wala siyang kilala doon o pera upang pumunta doon. Napakalakas ng pagtawag kaya’t inimpake niya ang kanyang maleta at nagtungo sa istasyon kung saan magsisimula ang gayung klase ng paglalakbay. Doon, isang taong hindi niya kilala ang lumapit sa kanya at nagtanong, “Ikaw ba si Charles Stalker?” at nagpatuloy na, “Pinapunta ako dito upang dalhin sa iyo ang tiket upang makapunta ka sa Tsina.”
► Ito ba ang paraan na dapat nating normal na asahan sa Dios na ipakikita sa atin ang kanyang kalooban?
Magkakaroon ba ng suliranin sa isang taong umaasa na matagpuan ang kalooban ng Dios sa kanyang mga pagpapasya sa ganitong paraan?
May mga taong umaasa ng supernatural na direksiyon sa bawat pagpapasyang kanilang gagawin. Hindi nila pinapansin ang normal na pangangatwiran at pangyayari, dahil iniisip nila na ang kalooban ng Dios ay maaaring kasalungat ng lahat ng katwiran at pangyayari.
Hindi wasto na ipilit natin na dapat magbigay ang Dios ng supernatural na kapahayagan para sa ating mga pasya dahil madalas na hindi niya ipinapakita ang kanyang kalooban sa ganoon paraan. Kapag ipinagwawalang-bahala ng isang tao ang pangangatwiran at pangyayari, maaari niyang isipin na nakatatanggap siya ng direksiyon mula sa Dios kahit sa katotohanan ay sinusunod lamang niya ang kanyang sariling mga emosyon o imahinasyon.
Kailanman na may isang bagay na malinaw na iniuutos o ipinagbabawal sa Kasulatan, alam natin ang kalooban ng Dios. Gayunman, maraming mga desisyon sa buhay kung saan mayroon tayong pagpipilian na hindi tiyak ang iniuutos o ipinagbabawal. Paano malalaman ng isang tao kung saan siya dapat tumira, ano ang dapat niyang trabaho, at paano niya dapat gastusin ang kanyang pera?
► Kung walang espesyal na rebelasyon, paano malalaman ng isang tao ang kalooban ng Dios para sa isang pasya na hindi naman tiyak ang binibigyang direksiyon sa Kasulatan?
Ang ilang tao, dahil inaasahan nila ang kalooban ng Dios ay dapat ipahayag sa supernatural na paraan nang hiwalay sa pangangatwiran at pangyayari, ay humahanap ng hindi makatwirang pamamaraan na iniisip nila na gagamitin ng Dios upang bigyan sila ng direksiyon. Maaaring hilingin nila sa Dios na magbigay ng isang tiyak na tanda upang ipakita ang Kanyang kalooban. O maaari nilang buksan ang Biblia sa alinmang talata upang gamitin iyon sa kanilang sitwasyon.
Mas Praktikal na Payo sa Paggawa ng Mabubuting Pagpapasya
Nagbigay si John Wesley ng ilang praktikal na tagubilin kung paano mauunawaan ang kalooban ng Dios. Sinabi niya na alam natin ang pangkalahatang kalooban ng Dios sa atin, na ipinahayag sa Biblia, na tayo ay maging banal at dapat gawin natin kung ano ang mabuti. Samakatuwid, upang gumawa ng espesipikong pagpapasya, dapat nating isaalang-alang kung aling pagpipilian ang pinakamagbibigay sa atin ng kakayahan upang maging banal at tuparin ang pinakamabuti.
Natututuhan natin mula sa karanasan kung aling mga pangyayari ang nakakatulong sa espirituwal para sa atin at kung alin ang mapanganib. May mga pangyayari na mapanganib sa espirituwal sa kahit kanino; ang iba ay mapanganib para sa ilang tao ngunit hindi para sa bawat isa. Hanggat makakaya natin, dapat nating ilagay ang ating mga sarili sa mga kalagayang makakatulong sa atin upang maging malakas sa espirituwal at dapat umiwas sa mga sitwasyon na magdadala sa atin sa tukso (1 Corinto 10:12-13).
Sa pamamagitan ng katwiran at karanasan, at sa payo ng iba, maaari rin nating malaman kung aling pagpipilian ang magpapahintulot sa atin na matupad ang pinakamabuti.
Hindi pangkaraniwan para sa Dios na ipakita ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng espesyal na kapahayagan. Inaasahan Niya na ilalapat natin ang mga prinsipyo ng Kasulatan habang maingat nating binibigyang katwiran at sinasaliksik ang mga pangyayari. Ginagabayan tayo ng Banal na Espiritu kahit hindi natin iyon namamalayan. Para sa karamihan sa mga pagpapasya, hindi tayo dapat umasa sa rebelasyon kundi manalangin para sa karunungan at pang-unawa.
Ang mga taong nag-aangkin na mayroong espesyal na direksiyon mula sa Dios kung minsan ay tumatangging makinig sa ibang tao (Kawikaan 12:15). Maaari silang magalit kapag sinisiyasat ng mga tao ang kanilang mga pasya. Nagpapakita sila ng pagmamataas at katigasan ng kalooban sa halip na pagpapakumbaba.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Pedro 5:5-6 para sa grupo.
Maliban sa mga hindi karaniwang pagkakataon, mas mabuti para sa isang tao na hindi angkinin na sinabi sa kanya ng Dios kung ano ang eksaktong dapat gawin. Kapag sinasabi iyon ng isang tao, mahirap siyang bigyan ng sinuman ng payo o palagay. Mas mabuti para sa kanya na sabihin na sinisikap niyang gawin ang pinakamabuting pasya sa tulong ng Dios.
Bukod sa mga prinsipyong ibinigay ni Wesley, kapag iniisip ninyo ang inyong mga pagpipilian, isaalang-alang:
(1) Ito ba ay sumasang-ayon sa malinaw na iniuutos sa Kasulatan? Hindi kailanman nais ng Dios na suwayin natin ang Kanyang Salita.
(2) Ito ba ay sumasang-ayon sa mga prayoridad ng Kasulatan? Ipinapakita ng Biblia sa atin ang mga bagay na mahalaga sa Dios. Inuuna mo ba sa iyong mga pasya ang mga dapat unahing bagay?
(3) Ito ba ay sumasang-ayon sa isang makatotohanang pananaw sa mga pangyayari? Dapat mong makita kung paanong inihanda ng Dios ang iyong sitwasyon para sa pagpapasiyang ito.
(4) Makatwiran ba? Kung minsan inaakay ka ng Dios upang gawin mo ang isang bagay na tila hindi makatwiran, ngunit kahit gayunpaman, gagawin niya nang malinaw ang kanyang kalooban. Huwag kailanman tatanggihan ang katwiran bilang isang paraan ng pagtulong sa iyo na matanto ang kalooban ng Dios.
(5) Kaugaliang Kristiyano ba iyon? Huwag mong isipin na ang alinmang sitwasyon ay natatangi kaya’t maaari mong gawin ang isang bagay na ordinaryong hindi kalugod-lugod sa Dios.
(6) Kasang-ayon ba iyon ng pagmamahal sa iba tulad sa iyong sarili? Ang mga makasariling motibo ay makakabaluktot sa iyong mabuting pagpapasiya.
(7) Magkakaroon ba ito ng mabuting impluwensiya? Paano kaya kung gagawin ng iba kung ano ang ginagawa mo? Magiging mabuti ba iyon?
(8) Pinatotohanan ba ito ng mga tagapayong maka-Dios? Alam natin kung paano hahanap ng mga kaibigan na sasang-ayon sa atin, nguni’t ano kaya ang sasabihin ng mga taong tila pinakaespirituwal at matatalino tungkol sa iyong pasya?
Kapag ang kalooban ng Dios ay isang bagay na napakahindi karaniwan, naipapaalam niya iyon sa iyo nang walang pag-aalinlangan. Ang isang anghel, o isang pangitain, o isang nagliliyab na halaman ay nagbigay ng katiyakan para sa ilang tao sa nakalipas na panahon. Maaaring magbigay ang Dios ng simpleng katiyakan sa kalooban na hindi mapag-aalinlanganan. Subalit kapag walang malinaw na mensahe ang natatanggap mula sa Dios, dapat mong sundin ang mga mapagkakatiwalaang prinsipyo sa pag-unawa sa tamang pagpipilian. Huwag kang umasa na makatatanggap ng espesyal na kapahayagan para sa bawat pagpapasya. Kapag nangangatwiran ka ng matapat at may pananalangin kalakip ng mga tamang prayoridad, magiging matapat ang Dios sa paggabay sa iyong mga pasya.
Sa Roma 12:1-2 isinulat ni Pablo na,
Namamanhik ako sa inyo, mga kapatid, ayon sa habag ng Dios, na ihain ninyo ang inyong mga katawan bilang buhay na handog, banal, at katanggap-tanggap sa Dios, na siya ninyong makatwirang paglilingkod. At huwag kayong makiayon sa sanlibutang ito, kundi magbago na kayo sa pagpapanibago ng inyong mga isipan, upang mapatunayan ninyo kung ano ang mabuti at katanggap-tanggap at perpektong kalooban ng Dios.
Ipinapakita ng talatang ito kung paanong ang espirituwal na kalagayan ng isang tao ay nakakaapekto sa kanyang mga pagpapasya. Upang mahanap ang kalooban ng Dios, dapat munang lubusang italaga ng isang tao ang kanyang sarili sa Dios. Ang mga pasya ng isang Kristiyano ay sumasalungat sa mga pasya ng sanlibutan, dahil siya ay hindi na “nakikiayon sa sanlibutan” kundi nagbago na at gumagawa ng mga pasya nang may “nagpanibagong isip.”
Ang mga motibo ang pinakamahalagang dahilan sa pag-unawa sa direksiyon ng Dios. Ang taong humahanap lamang sa kalooban ng Dios upang makapagpasya siya kung gagawin niya iyon o hindi ay malamang na maguguluhan. Kung hinahanap ng isang tao ang kalooban ng Dios ayon sa Kasulatan at makatwirang pamamaraan, at buong pusong determinasyon na gawin iyon, hindi makakalampas sa kanya ang kalooban ng Dios.
Para sa Pagbabahaginan sa Grupo
► Talakayin ang ilan sa mga pagsasabuhay ng prinsipyo ayon kay Wesley. Ang ilang halimbawa ay ang pagpili sa mga kaibigang makakasama mo, mga pagpili sa paghahanapbuhay, o sa pakikipagtipan/pakikipagrelasyon (kung wala pang asawa). Pag-isipan, aling sitwasyon ang makakatulong sa akin upang maging banal at magawa ang pinakamabuti?
► May mga tao na tila hindi mapanatili ang kanilang pagkakakilanlan bilang Kristiyano kapag kasama sila ng ilang klase ng mga tao, o sa ilang natatanging mga lugar. Umisip ng mga halimbawa.
► Iba pang mga puntos na maaaring talakayin:
Ang gampanin ng motibasyon sa pagpapasya.
Ang pagkakamali sa paghihintay ng mga tanda.
Ang panganib ng sobrang pagtitiwala sa mga panloob na pakiramdam.
Panalangin
Aming Ama sa Langit,
Maraming salamat po sa pagpaplano ng mga mabubuting bagay para sa akin. Alam ko po na ginagabayan mo ang aking mga hakbang nang higit pa sa aking nakikita.
Tulungan mo po akong maging malapit sa iyo sa panalangin. Tulungan mo po akong ituon ang aking pansin sa katotohanan na ipinapakita mo sa akin.
Nais ko pong maging banal at matupad ang lahat ng kaya kong mabuti para sa iyong kaluwalhatian.
Gawin mo pong dalisay ang aking mga motibo, upang hindi nila ako mailayo sa iyong kalooban. Gabayan mo po ako sa pamamagitan ng matatalinong tagapayo na inilagay mo sa aking buhay.
Nais ko pong magtiwala sa iyo sa bawat pasya. Nais kong sundin ang iyong kalooban nang may buong pusong pagsunod.
Salamat po na ninanais mo ang pinakamabuti para sa akin.
Amen
Mga Takdang-Aralin ng Leksiyon 5
(1) Pag-aralan ang Kawikaan 3:1-12. Sumulat tungkol sa mga prayoridad, saloobin, at karakter na inilarawan dito. Isulat kung paano mo mapapaunlad sa iyong sarili ang mga katangiang iyon. (Dapat kang sumulat ng 1-2 pahina sa kabuuan.)
(2) Saliksikin ang Santiago 4:13-17. Pansinin ang soberenya ng Dios sa mga pangyayari. Ano ang kasamaan—ang “katigasan ng kalooban”—na binabanggit sa talatang 16? Sumulat ng isang parapo na ipinapaliwanag kung ano ang sinasabi ng talata sa atin tungkol sa pagpaplano para sa hinaharap.
(3) Sumulat ng dalawang parapo na nagpapaliwanag ng kaugnayan sa pagitan ng panalangin at paggawa ng mga pasya. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:
Paano dapat makaapekto ang pananalangin sa ating pagpapasya?
Ano ang ilan sa mga pagkakamali na dapat iwasan kaugnay sa pananalangin at pagpapasya?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.