Sa pagtatapos ng leksiyong ito, ang mag-aaral ay dapat:
(1) Maisabuhay ang prinsipyo ng pag-ibig, kapayapaan, at respeto sa kanyang mga pakikipag-ugnayan sa iba.
(2) Yakapin ang siyam na tuntunin sa Kasulatan sa layuning bigyang kakayahan ang pananalita ng Kristiyano upang pagpalain ang iba at luwalhatiin ang Dios.
Si Robinson Crusoe, Namangha sa Relasyon/Pakikipag-ugnayan
Sa kathang-isip na kuwento ni Robinson Crusoe, isang lalaki ang nakaligtas sa pagkawasak ng barko sa dagat sa pamamagitan ng paglangoy sa isang isla. Doon, siya ay nag-iisa sa loob ng maraming buwan. Nagtayo siya ng masisilungan, gumawa ng damit, at natuto kung paano humanap ng makakain. Isang araw habang naglalakad sa dalampasigan ay nagulat siya nang makakita ng bakas ng paa ng tao sa buhanginan. Nangangahulugan iyon na may ibang tao doon. Hindi niya alam kung ang taong iyon ay maaaring maging isang kaibigan o isang kaaway. Wala siyang nalalamang anuman tungkol sa pagkatao ng taong iyon, ang lengguwahe, etnikong pinagmulan, o dahilan kung bakit ito naroon. Hindi niya nalalaman kung paano mababago ng taong iyon ang kanyang buhay sa isla. Dahil ang mga kaugnayan ay may malaking epekto sa buhay ng isang indibidwal, naranasan ni Robinson kapwa ang pag-asa at pagkatakot nang makita niya ang bakas ng paa.
Ang Kahalagahan ng mga Kaugnayan sa Espirituwal na Pag-unlad
Ang Iglesya sa unang siglo ay kinailangang magtrabaho sa maraming di-pagkakasundo.. ang mga Judio at mga Hentil…mga kalagayang panlipunan…mga kultura…mga kasarian…Sinabi sa kanila ni Apostol Pablo na “tanggapin ninyo ang isa’t-isa..” (Roma 15:7).
► Isipin ang isang lalaking nag-iisa sa isang isla. Maaari ba siyang maging matiyaga sa sinuman? Maaari ba siyang magpatawad sa sinuman?
Hindi mo maaaring paunlarin at ipakita ang Kristiyanong katangian ng pagtitiyaga nang walang relasyon sa ibang tao. Hindi ka maaaring magpatawad sa iba o patawarin ng iba kung walang pakikipag-ugnayan.
►Ano ang ilang gawain at katangian ng Kristiyano na nangangailangan ng ibang tao?
Ang mga bagay na ito ay nangyayari sa mga pakikipag-ugnayan sa ibang tao. Ang mga kalidad ay maaaring mapaunlad at maipakita lamang sa mga relasyon. Nangangahulugan iyon na ang ating mga relasyon sa ibang tao ay mayroong malaking epekto sa ating espirituwal na paglago o pag-unlad.
Nagbigay ang Biblia ng mga direksiyon para sa iba’t-ibang klase ng relasyon. May mga tiyak na direksiyon para sa kaugnayan sa pagitan ng mag-asawa, magulang at mga anak, amo at manggagawa, pastor at iglesya, at matatanda at mga kabataan.
Mayroong hindi bababa sa tatlong prinsipyo sa Kasulatan na naaangkop sa anumang klase ng kaugnayan ng mga tao: ang mga prinsipyo ng kapayapaan, pag-ibig, at paggalang.
Ang Prinsipyo ng Kapayapaan
“Pagsikapan ninyo na maging mapayapa ang inyong kaugnayan sa lahat ng tao, at magpakabanal kayo, sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo namumuhay nang ganito.” (Hebreo 12:14)
Ang talatang ito ay mariing nagpapahayag ng kahalagahan ng mga kaugnayan. Malapit ang koneksiyon ng kabanalan sa pagsisikap na matamo ang kapayapaan sa pakikipag-ugnayan sa lahat ng tao.
►Ano ang ilang bagay na dapat nating gawin upang matamo ang mapayapang kaugnayan sa mga tao?
Upang sikaping matamo ang kapayapaan, kailangan mong pakitunguhan ang bawat tao ayon sa nararapat sa kanila. Para sa mga tao na pinagkakautangan mo ng pasasalamat, respeto, o pagsunod, dapat mo iyong ibigay. Kung hindi, ikaw ay nagkakasala ng pagiging dahilan ng di-pagkakasundo. Kapag nabigo kang tuparin ang iyong mga tungkulin, tuparin ang iyong mga pangako, o bayaran ang dapat mong bayaran sa iba, hindi mo sinisikap na matamo ang kapayapaan. Kapag napagtanto mo na nabigo kang ibigay kung ano ang dapat mong ibigay, dapat kang humingi ng kapatawaran at tuparin ang iyong mga obligasyon sa abot ng iyong makakaya.
Ngunit ang pagsisikap na matamo ang kapayapaan ay nangangailangan ng higit pa sa pagbibigay ng iyong pagkakautang. Kabilang dito ang pagbibigay ng pag-ibig at kabutihan na hindi mo pagkakautang.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Tito 3:2-3 para sa grupo.
Dapat tayong maging matiyaga at mapagpatawad, inuunawa na ang mga taong hindi pa nagbabalik-loob ay maaaring mayroong mga maling saloobin at mga maling motibo.
Kung nais mo ng kapayapaan hahanapin mo ang pakikipag-ayos kapag mayroong di-pagkakasundo. Ika’y dapat nakahandang magpatawad. Hindi mo agad iisipin na hindi na maibabalik ang kapayapaan. Hindi mo madaling tatanggapin ang permanenteng pagkakahiwalay.
Sinabi ni Hesus na dapat kang pumunta sa taong nagkasala sa iyo at ipaliwanag sa kanya kung ano ang kanyang ginawa.[1] Kung ipinapalagay mo na napakaliit ng bagay na iyon upang magkaroon ng komprontasyon, sagayun hindi mo dapat sabihin iyon sa iba o magkaroon ng sama ng loob sa nakasakit sa iyo.
Kung minsan ang mga tao ay nahihirapang magpatawad sa ibang Kristiyano na nakagawa ng mali laban sa kanila. Maaari tayong umasa ng maling pagtrato mula sa mga taong hindi pa nagbabalik-loob, subali’t mahirap maunawaan kapag ang ibang Kristiyano ay gumagawa ng masama laban sa atin.
Sinabi ni Hesus na dapat tayong maging handang magpatawad 70 beses na 7 beses.[2] Isang karaniwang dahilan na ang mga tao ay umaalis sa iglesya at sumusuko sa espirituwal ay ang sama ng loob sa maling pagtrato mula sa mga Kristiyano. Ang paghihinanakit ay madalas dumarating bago ang ibang klase ng espirituwal na pagkabigo.
Kapag ang isang tao ay tumatangging magpatawad, inilalagay niya ang isang bahagi ng kanyang buhay sa pagtutol sa awtoridad ng Dios, dahil iniutos ng Dios na tayo ay dapat magpatawad. Ang bahaging iyon ay nagiging teritoryo kung saan makakaapekto si Satanas sa iba pang bahagi ng ating buhay. Kapag ang isang tao ay tumatangging magpatawad, hindi magtatagal at hindi na niya magagawang tumanggi sa mga tukso na tila lubusang walang kaugnayan.
Ang batayan ng bawat personal na kasalanan ay ang ating pagpapahalaga sa ating mga karapatan. Dahil naniniwala tayo na nararapat sa atin ang tiyak na pakikisama o respeto, tayo ay nasasaktan kapag hindi natin iyon natanggap. Pinaniniwalaan nating nararapat tayong tumanggap nang mas mabuti kaysa sa natanggap natin.
Ang susi sa pagpapatawad sa iba ay ang maunawaan ang kahulugan ng pagtubos. Ang pagtubos ay nangangahulugan ng muling pagbili. Dahil tayo ay tinubos ng Dios, tayo ay pag-aari na Niya, at ang ating mga karapatan ay sa Kanya na. Dapat sinasadya nating isuko ang ating mga karapatan sa Dios. Maaari mong ipanalangin na, “Panginoon, nalalaman ko na ang lahat ng aking karapatan ay sa iyo. Nais kong pamahalaan mo iyon at ibigay lamang sa akin kung ano ang nakikita mong makabubuti sa akin.” Pagkatapos, kapag mabuti ang pakikitungo ng mga tao sa iyo, maaari mong pasalamatan ang Dios na pinahintulutan niya ang pribilehiyong iyon sa iyo. Kapag hindi maganda ang pakikitungo ng iba sa iyo, maaari mong alalahanin na ang Dios ang may kapamahalaan sa iyong mga karapatan, at nakita Niya na sa mga panahong iyon ay magiging mas mabuti para sa iyong pag-unlad ang hindi pagtataglay ng karapatan iyon.
Sa pamamagitan ng pagpapatawad sa iba, nagpapasakop ka sa Dios at hinahayaan Siyang paunlarin ka ayon sa kanyang piniling paraan. Ang prinsipyong ito ng pagsusuko ng iyong mga karapatan sa Dios ay mailalapat sa lahat ng pakikipag-ugnayan sa mga tao. (Kabilang sa ibang reperensiya patungkol sa pagpapatawad ay Colosas 3:13, Mateo 6:15, at Roma 12:19).
Dapat pa rin nating tratuhin nang may pag-ibig ang taong hindi natin pinagkakautangan ng anupaman. Dahil nakatanggap tayo ng biyaya, tayo ay may pagkakautang sa Dios. Hindi natin Siya kayang bayaran. Wala siyang pangangailangan, subalit sinabi Niya sa atin na ibigay natin sa iba ang hindi nararapat na pag-ibig na ating natanggap.
"Huwag kayong magkautang ng anuman sa sinuman maliban sa mahalin ninyo ang isa’t-isa.” (Roma 13:8).
Ang pag-ibig ay ebidensiya na ang isang tao ay isang tunay na Kristiyano.
“Kung ang sinuman ay nagsasabi, ‘Mahal ko ang Dios,’ ngunit namumuhi sa kanyang kapatid, siya ay isang sinungaling; dahil kung hindi niya minamahal ang kanyang kapatid na kanyang nakikita, paano niya mamahalin ang Dios na hindi pa niya nakikita? (1 Juan 4:20).
Mayroong espesyal na pagmamahalan sa pagitan ng mga mananampalatayang Kristiyano, at personal na tinitingnan ni Hesus ang iyong mga ikinikilos at saloobin tungo sa ibang mananampalataya. Sasabihin Niya sa araw ng paghuhukom, “Kung paanong ginawa mo iyon sa isa sa pinakahamak sa iyong mga kapatid, ginawa mo iyon sa akin.” (Mateo 25:40).
Nguni’t ang pag-ibig ng Kristiyano ay dapat ipinapahayag hindi lamang para sa ibang Kristiyano. Sa Mateo 5:44-45a sinabi ni Hesus,
Ngunit sinasabi ko sa inyo, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, gawan ninyo ng mabuti ang mga namumuhi sa inyo, at manalangin kayo para sa mga taong nang-aapi at umuusig sa inyo, upang kayo ay maging mga anak ng inyong Amang nasa langit; dahil pinasisikat niya ang araw kapwa sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga matuwid at sa mga hindi matuwid.
May mga taong nahihirapang maging mabuti sa mga taong nakagagawa ng mali sa kanila, ngunit wala kailanmang dahilan upang maging magaspang ang pag-uugali. Hindi natin dapat tratuhin ang mga tao ayon sa nararapat sa kanila. Dapat natin silang tratuhin nang may pag-ibig at kabutihan maging nararapat man o hindi iyon sa kanila. Dapat nating tandaan na noong tayo’y mga makasalanan pa, hindi tayo nararapat sa pag-ibig ng Dios, ngunit minahal pa rin Niya tayo.[1]
► Kung iaalok ko sa iyo nang walang bayad ang isandaang-pisong papel na marumi at lukot-lukot, gugustuhin mo bang matanggap iyon? Tatanggihan mo ba iyon dahil iyon ay marumi at lukot-lukot?
Tatanggapin mo iyon dahil mayroon iyong halaga na hindi nakadepende sa kanyang kundisyon.
Ang bawat tao ay nararapat tumanggap ng paggalang dahil ang mga tao ay nilikha sa imahen ng Dios.[1] Ang imahen ng Dios ay nagbibigay sa bawat tao ng likas na kahalagahan.
Kahit na kung ang isang tao ay hindi nagtataglay ng mataas na karunungan, o kakulangan sa kakayahan, kasanayan, at anumang ibang bagay upang siya’y maging matagumpay o kapaki-pakinabang ayon sa pangkaraniwang pamantayan, mayroon siyang halaga dahil siya ay isang taong nilikha sa imahen ng Dios.
Ang isang likas na halaga ng isang tao ay nananatili maging kung pinababa niya ang halaga ng kanyang sarili dahil sa mga maling pagpili. Maaaring tumigil siya sa pag-aaral, winasak ang kanyang kalusugan, at nagkaroon ng masasamang kaugalian, mahalaga pa rin siya bilang isang tao na may kaluluwang imortal sa imahen ng Dios.
Dahil sa likas na halaga ng imahen ng Dios sa tao, dapat ipakita ang paggalang sa bawat pag-uugnayan ng mga tao. Ang paggalang ang minimum.
Ang pagmamanipula at panlilinlang ay mali, dahil ang bawat tao ay gumagawa ng mga pagpili na may pangwalanghanggang epekto at kinakailangang malaman ang tunay na isasaalang-alang para sa isang desisyon. Ang pag-uutos sa isang tao na gawin ang isang tamang bagay sa mga maling kadahilanan ay hindi katagumpayan, dahil hindi pa siya nakagagawa ng tamang pagpili.
Hangga’t maaari, dapat nating pakisamahan nang may paggalang ang isang tao kahit pa ang kanyang pag-uugali ay mali o masama. Maging ang pagtutuwid ng mga kamalian at pagpaparusa sa maling ginagawa (ng mga taong may wastong autoridad upang isagawa ito) ay ginagawa nang may kamalayan na tayo ay nakikipagharap sa mga imortal na mga nilalang na may kalikasan ng Dios.
Dapat ay mayroong masaganang halimbawa ng pagsasabuhay ng mga prinsipyong ito.
► Magbahagi at magtanong ng mga halimbawa kung paanong ang isang tao ay nagsikap na magkaroon ng kapayapaan.
► Magbahagi at hingin ang pagtatalaga ng sarili mula sa mga miyembro na magpatawad sa mga taong nagkaroon sila ng sama ng loob.
► Magtanong ng sitwasyon kung kailan ang isang tao ay makapagpapakita sa ibang tao ng mas maraming pagmamahal kaysa nararapat sa kanila.
► Talakayin kung ano ang kahulugan ng pagtrato sa isang tao nang may paggalang kahit ang kanyang pag-uugali ay mali.
Mga Prinsipyo ng Biblia sa Pakikipag-usap
► May isang matandang kasabihan na nagsasabi, “Ang panulat ay mas makapangyarihan kaysa sa espada.” Ano ang kahulugan nito?
Mayroong kapangyarihan sa isang ideya, sa panghihikayat, sa pakikipag-usap. Mas marami kang matutupad sa pamamagitan ng paghikayat sa mga tao kaysa kung sila ay pipilitin. Ang isang ideya—isang konsepto—ay maaaring lumaganap at makaimpluwensiya sa maraming tao.
Nagsasalita ang Biblia tungkol sa kapangyarihan ng mga salita upang gumawa ng mabuti o masama (Santiago 3). Ang plano ng pagliligtas ay natutupad sa pamamagitan ng kapangyarihan ng ebanghelyo, na ipinagkatiwala sa mga taong mensahero.
Paano natin magagamit ang ating mga salita upang tuparin ang mabuti at iwasan ang masama? Nagbigay ang Biblia ng ilang prinsipyo o panuntunan.
(1) Huwag masyadong magsalita.
"Ang isang hangal ay nagpaparami ng mga salita..." (Mangangaral 10:14).
"Sa karamihan ng mga salita, hindi nawawala ang kasalanan, ngunit siya na nagpipigil sa kanyang mga labi ay matalino.” (Kawikaan 10:19).
"Maging ang isang hangal ay itinuturing na matalino kapag siya ay nananahimik; kapag itinitikom niya ang kanyang mga labi, siya ay itinuturing na nakauunawa.” (Kawikaan 17:28).
Kaya’t huwag labis na magsalita. Ang isang madaldal ay hindi maayos na nagbibigay halaga maging sa kanyang mga salita o salita ng iba. Bumabanggit siya ng mga bagay na hindi niya tunay na ibig sabihin, at iniisip niya na ang ibang tao ay gayun din ang gagawin. Nagbibigay siya ng mga palagay kahit walang kaalaman. Hindi ka dapat magbigay ng palagay tungkol sa isang bagay na hindi mo nalalaman; hindi lahat ng palagay ay magkakapareho ng halaga.
(2) Huwag kang magsalita bago ka mag-isip.
Huwag mong hayaan ang iyong damdamin na maging dahilan upang magbigay ka ng mga pangungusap na pagsisisihan mo.
“Samakatuwid, aking mga minamahal na mga kapatid, ang bawat isa ay dapat mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkagalit” (Santiago 1:19).
“Kung magalit ang mangmang ay walang pakundangan, ngunit ang matalino ay nagpipigil na ang kanyang galit ay mahalata” (Kawikaan 29:11).
“Ang mahinahon ay nagpapakita ng kaunawaan, ngunit ang madaling magalit ay tanda ng kamangmangan (Kawikaan 14:29).
(3) Huwag ninyong husgahan ang isang pangyayari ayon sa unang pagtingin.
"Nakakahiya at isang mangmang ang isang taong sumasagot sa tanong na hindi naman niya nalalaman” (Kawikaan 18:13).
“Ang unang pahayag ay inaakalang tama, hangga’t hindi naririnig ang tanong ng kabila.” (Kawikaan 18:17).
Karamihan sa mga kaguluhan ay dahil sa hindi pagkakaunawaan. Ang panahon at pagiging maingat ay karaniwang nakalulutas sa mga ito. Kung ang isang tao na kilala sa pagiging matapat ay nagsasabi ng isang bagay na tila mali para sa iyo, huwag kang maging mabilis sa paghusga sa kanya.
"Ang nakikisali sa gulo ng may gulo ay katulad ng isang taong dumadakma sa tainga ng aso.” (Kawikaan 26:17).
(4) Maging maingat sa pagpapatawa.
Dahil sa epekto ng taglay ng mga salita, ang hindi kontroladong pagpapatawa ay katulad ng isang sandata sa kamay ng isang baliw.
"Tulad ng isang baliw na naglalaro ng sandatang nakamamatay, ay ang taong nandaraya sa kanyang kapwa, at saka sasabihing, ‘Nagbibiro lang ako” (Kawikaan 26:18-19).
Huwag kayong maging dahilan upang ang mga tao ay makagawa ng seryosong pagkakamali dahil pinaniwalaan ang inyong biro. Huwag ninyong sabihing kayo ay seryoso kung hindi naman –hindi na uli sila maniniwala sa iyo. Huwag pagtawanan ang mga depekto na hindi maiiwasan ng mga tao. Huwag magbiro tungkol sa mga pagkakamali ng ibang tao. Huwag magbiro tungkol sa kasalanan at ginagawa itong tila walang halaga.
► Ano ang ilan pa sa maling paggamit ng pagpapatawa?
(5) Huwag mong sabihin iyon sa maling tao.
“Walang maitatago sa bibig ng isang madaldal, ngunit ang tunay na kaibigan ay mapagkakatiwalaan.” (Kawikaan 11:13).
"Namamatay ang apoy kapag ubos na ang kahoy; natitigil ang away kung walang manunulsol.” (Kawikaan 26:20)
Maaaring may isang bagay na kailangang sabihin, ngunit marahil hindi ikaw ang tamang tao upang magsabi nito. Hindi mo iyon maaaring sabihin sa lugar ng taong may awtoridad na dapat siyang magsabi noon.
Huwag magkalat ng impormasyon tungkol sa mga pagkakamali ng ibang tao.
Hindi ipagkakatiwala sa iyo ng mga tao ang kanilang personal na impormasyon kapag iniisip nila na ipagsasabi mo iyon sa iba.
"Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, ilihim at lutasin agad, at nang hindi lumala. (Kawikaan 25:9).
Sinasabi ng isang duwag ang kanyang kaso sa mga maling tao sa halip na sundin ang pamamaraan sa Mateo 18:15-17.
(6) Maging maingat sa pagpuna.
Mayroong tamang panahon at pamamaraan ng pagpuna.
"Ang isang lantad na pagsaway ay mas mabuti kaysa nakatagong pagmamahal. May pakinabang sa hampas ng isang kaibigan…” (Kawikaan 27:5-6a).
Tiyakin na ang iyong pagpuna ay nagnanais na magtatag, at hindi upang makasira. Dapat mong ipakita na nagmamalasakit ka sa kanila at nais mong tumulong. Karaniwan na kinakailangan ang isang malusog na relasyon bago makatulong ang iyong mga pagpuna.
(7) Huwag manlinlang.
"Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t-isa, dahil hinubad na ninyo ang inyong lumang pagkatao pati na ang mga gawa nito.” (Colosas 3:9)
Ang panlilinlang ay angkop sa makasalanang buhay, hindi sa buhay Kristiyano.
“Namumuhi ang Panginoon sa taong sinungaling, ngunit ang tapat ay ligaya niya at aliw.” (Kawikaan 12:22).
(8) Panatilihing dalisay ang inyong pananalita.
"...huwag kayong gagamit ng anumang malaswa o walang kabuluhang pananalita at pagbibirong hindi nararapat. Sa halip magpasalamat kayo sa Dios.” (Efeso 5:4).
Huwag magkuwento tungkol sa nakaraan o kasalukuyang eskandalo maliban kung naaangkop upang opisyal na harapin ang sitwasyon. Huwag magbibiro sa mga bagay na dapat ay sabihin lamang ng palihim. Ang mga makasanlibutan ay karaniwang gumagamit ng mga salitang seksuwal o salitang ukol sa mga pribadong bahagi ng katawan sa kanilang mga eksklamasyon, subalit iyon ay hindi naaangkop sa isang Kristiyano. Kawalang-galang ang paggamit ng mga salitang tumutukoy sa Dios o kay Hesus bilang isang eksklamasyon o salita kapag nagugulat sa panahon ng kabalisaan, malibang tunay kang sinsero sa pagtawag sa Dios upang ikaw ay tulungan.
(9) Huwag ninyong paghiwa-hiwalayin ang mga tao sa pamamagitan ng iyong mga salita.
"Ang taong baluktot ang isipan ay naghahasik ng kaguluhan, at sinisira naman ng tsismis ang magandang samahan. (Kawikaan 16:28)
"Ang anim na bagay na ito ang kinamumuhian ng Panginoon, oo, pito ang kasuklam-suklam sa Kanya…[ang ikapito] ang taong naghahasik ng pag-aaway sa mga kapatiran.” (Kawikaan 6:16, 19).
Huwag mong sikaping pagandahin ang iyong sarili kahit isakripisyo at masaktan ang iba. Huwag ninyong sisirain ang pagiging epektibo ng ministeryo ng iba sa pamamagitan ng tsismis.
Bago kayo magsalita, isaalang-alang ninyo hindi lamang ang “Ito ba ay totoo?” Itanong rin: “Bakit ko kailangang sabihin ito?”
Konklusyon
Ang isang Kristiyano ay dapat maging handang humingi ng tawad kapag napagtanto niyang nakasakit siya ng ibang tao dahil sa kanyang mga salita. Dapat siyang maging handa na ituwid ang anumang nasabi niya kapag napagtanto niyang hindi iyon tumpak.
Ang masasama at nakagagalit na mga salita mula sa iba ay hindi nagbibigay ng katwiran upang magsalita ka rin ng masasama.
May ilang mga pagkakamali sa pagsasalita na sa katagalan ay maaaring mapaunlad. Halimbawa, maaari mong matutuhan na mag-isip muna bago magsalita. Mayroon pang ibang pagkakamali na nagpapakita ng suliranin na nasa puso, tulad ng pagnanais na saktan ang ibang tao sa pamamagitan ng iyong mga salita. Kung ikaw ay nagkakasala sa ganung klase ng pagsasalita, kailangan mong hilingin sa Dios na patawarin ka at linisin ang iyong puso mula sa ganoong kaugalian.
Ang iyong pagsasalita ay nagpapahayag ng maraming bagay tungkol sa iyong puso. Huwag mong sirain ang iyong patotoo bilang Kristiyano sa paraan ng pagsasalita na hindi kasang-ayon sa mga pinahahalagahan ng Kristiyano.
Ang iyong pananalita ay maaaring magpala sa mga nakapaligid sa iyo. Karamihan sa ministeryo ay binubuo ng pakikipag-komunikasyon. Ang epekto ng iyong mga salita ay mas higit na mapatataas kung susundin mo ang mga prinsipyo ayon sa Biblia.
Para sa Pagbabahaginan ng Grupo
► Karamihan sa mga tao ay nakikita ang mga pagkakamali sa sinasabi ng iba, ngunit hindi ang sa kanila. Ang tagapanguna sa klase ay maaaring magbahagi ng isang pagkakataon na siya ay nabigong sundin ang isa sa mga prinsipyong ito o maaaring aminin kung saang prinsipyo siya pinakamahina.
► Hilingan ang mga miyembro na pumili ng prinsipyo kung saan sila ay mahina at mangako na pabubutihin iyon sa tulong ng Dios.
Panalangin
Aming Ama sa Langit,
Tulungan mo po akong mamuhay ayon sa prinsipyo ng kapayapaan, pag-ibig at respeto sa Biblia sa lahat ng aking mga pakikipag-ugnayan.
Nais kong maging mapagpatawad sa mga taong nakagagawa ng kamalian laban sa akin. Tulungan mo akong hanapin ang muling pakikipagkasundo sa mga taong mayroong di-pagkakasundo sa akin.
Tulungan mo akong igalang ang bawat tao bilang isang nilikha sa iyong sariling imahen. Tulungan mo po akong alalahanin ang maaaring maging epekto ng aking mga pakikipag-usap, at panagutan ang aking mga salita. Nais kong tuparin ng aking mga salita ang mabuti at hindi ang masama.
Nais kong ang aking testimonya para sa iyo ay maigalang.
Salamat sa pribilehiyo na maipahayag ang iyong katotohanan.
Amen
Mga Takdang-Aralin ng Leksiyon 4
(1) Basahin ang Santiago 3. Tingnan ang malaking potensiyal ng pag-uusap na inilarawan dito. Sa mga talatang 13-18 pansinin kung paanong ang pagsasalita ay natural na umaagos mula sa espirituwal na kundisyon ng isang tao. Basahin ang Efeso 4:25-32. Sumulat ng isang parapong panalangin bilang tugon sa mga Kasulatang ito.
(2) Pag-aralan ang Efeso 5:22-6:9. Ilista at ipaliwanag ang mga espesipikong direksiyon para sa pag-uugali sa iba’t-ibang kaugnayan. Sumulat ng paliwanag kung paanong ang mga direksiyong ito ay nakaugnay sa mga prinsipyo ng pag-ibig, kapayapaan, at respeto na tinalakay sa leksiyong ito.
(3) Pumili ng tatlo sa mga sumusunod na katanungan. Sumulat ng parapo na sumasagot sa bawat isa sa mga ito:
Ano ang mga praktikal na ipinapahiwatig ng katotohanan na tinawag tayo ng Dios upang sikaping matamo ang kapayapaan sa ating mga pakikipag-ugnayan?
Bakit kinakailangan ang pagpapatawad sa iba upang mapanatili ang kaligtasan ng isang tao?
Ano ang ibig sabihin kapag sinabing dapat ibigay ng isang tao ang kanyang mga karapatan sa Dios?
Ano ang motibasyon ng ating pagmamahal sa iba na maaaring hindi naman karapat-dapat dito?
Paano dapat makaapekto sa ating mga pakikipag-ugnayan sa iba ang katotohanan na ang lahat ng tao ay nilikha sa imahen ng Dios?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.