Lesson 9: Timoteo at Tito: Mga Liham sa Mga Pastor
19 min read
by Randall McElwain
Mga Layunin ng Aralin
Kapag natapos ang araling ito, ang mag-aaral ay dapat:
(1) Nalalaman ang tinatayang petsa at pangkasaysayang Pinangyarihan ng mga Liham sa mga Pastor.
(2) Balangkasin ang mga pangunahing tema at layunin ng Mga Liham sa mga Pastor.
(3) Paunlarin ang mga Biblikal na kwalipikasyon para sa mga lider ng Iglesya.
(4) Makalikha ng mas mataas na paggalang sa mga responsibilidad ng pastor sa mga tungkulin tulad ng pagtuturo ng doktrina, organisasyon ng iglesya, at espirituwal na pamumuno.
(5) Mahamon sa isang buhay ng katapatan sa pagkatawag ng Diyos.
(6) Ibigay ang buod ng mga praktikal na prinsipyo para sa Kristiyanong ministeryo mula sa Mga Sulat sa Pastor.
(7) Iugnay ang mensahe ng mga aklat na ito sa mga pangangailangan ng mundo ngayon.
Ang Tito at 1 at 2 Timoteo ay kilala bilang ang Mga Sulat ng Isang Pastor o Pastoral Epistles, o Liham sa mga Pastor. Isinulat ang mga ito ni Pablo para sa mga kabataang lalaki na kanyang sinanay. Sila ngayon ay mga pastor na nangunguna sa mga iglesya. Sumulat si Pablo upang matugunan ang mga problema na lumitaw sa kanilang mga iglesya.
Kaiba sa mga liham sa mga iglesya, ang mga ito ay personal na mga liham. Ang mga ito ay mga liham mula sa isang respetadong guro sa mga mag-aaral na nahaharap sa mga hamon sa kanilang unang pagkatalaga. Dahil sa background na ito, ang mga aklat na ito ay mahahalagang mapagkukunan para sa mga bagong pastor na humahanap ng Biblikal na payo sa pangunguna sa iglesya.
Ang May-akda at Petsa ng Mga Sulat sa Pastor
Ang 1 Timoteo at Tito ay isinulat ni Pablo, malamang na sa pagitan ng A.D. 64 at 65. Ang 2 Timoteo ang huling sulat ni Pablo, na isinulat sa panahon bago ang kanyang pagkamatay noong A.D. 66 o 67.
Sa kursong ito, nagbigay kami ng kaunting pansin lamang sa mga argumento tungkol sa may-akda ng mga aklat ng Bagong Tipan. Bilang mga ebangheliko, tinatanggap namin ang patotoo ng Bagong Tipan tungkol sa pag-akda. Gayunpaman, dahil ang pagkakasunud-sunud ng mga Sulat sa Pastor ay kadalasang pinagtatalunan, kapakipakinabang na matugunan ang mga argumento tungkol sa pagka-may-akda ni Pablo.
Sa mga argumento na ginamit upang pabulaanan na si Pablo ang may-akda ng Tito at 1 at 2 Timoteo ay kasama sa mga sumusunod:
Timeline. Ang mga aklat na ito ay hindi angkop sa kronolohiya ng Gawa.
Estilo. Ang estilo ng pagsulat ng mga aklat na ito ay naiiba kaysa sa iba pang mga liham ni Pablo.
Nilalaman. Ang ilan sa nilalaman ng mga liham na ito ay nagpapakita ng iba’t ibang diin kaysa sa iba pang mga liham ni Pablo. Halimbawa, sa Mga Sulat sa Pastor, inilalagay ni Pablo ang isang malaking diin sa istraktura ng iglesya at mga opisyal ng iglesya. Ang kanyang iba pang mga liham ay walang pagbibigay-diin na tulad nito.
Bagaman walang espasyo upang lubos na matugunan ang bagay na ito, ang isang maikling tugon sa bawat isa sa mga ito ay nagpapakita na mayroon tayong sapat na dahilan upang tanggapin si Pablo bilang may-akda ng mga liham na ito.
Timeline. Ang Mga Sulat sa Pastor ay hindi nagmula sa panahon na sakop sa Mga Gawa. Itinala ng tradisyon ng sinaunang iglesiya na si Pablo ay inilabas mula sa bilangguan malapit sa A.D. 62. Pagkatapos ay naglakbay siya sa ikaapat na misyong paglalakbay kung saan siya bumisita sa Crete,[1] Efeso,[2] Macedonia,[3] at Nicopolis,[4] at maaaring bumisita sa Espanya. Ang Mga Sulat sa Pastor ay mula sa ikaapat na paglalakbay.
Estilo. Ang argumento sa estilo ng pagsusulat ay napapasailalim o subjective. Ang isang personal na liham sa malapit na katrabaho ay magpapakita ng ibang istilo ng pagsulat kaysa sa mga liham sa mga iglesya.
Nilalaman. Ang argumento na ito ay katulad ng argumento mula sa estilo ng pagsulat; ang mga liham sa kanyang mga kasamahan sa trabaho ay magkakaroon ng iba’t ibang mga diin kaysa sa mga liham sa mga iglesya.
Maging ang Mga Gawa at mga naunang mga liham ni Pablo ay tumutukoy sa mga opisyal ng iglesya tulad ng mga matatanda, mga Obispo, at mga diakono.[5] Sinulatan ni Pablo sina Tito at Timoteo upang gabayan sila habang pinamunuan at inaayos nila ang mga batang iglesya; natural lang na naglalagay siya ng espesyal na diin sa mga kwalipikasyon para sa mga pinuno ng iglesya.
Sinuportahan din ng mga personal na sanggunian sa mga aklat na ito si Pablo bilang may-akda. Ang parehong 2 Timoteo at Tito ay nagtatapos sa tiyak na mga pahayag na nauugnay kay Pablo. Nagsusulat siya tungkol sa mga katrabaho tulad nina Demas, Cresente, at Lucas. Nagpaplano siya para sa isang pagsasama-sama kasama ni Tito sa hinaharap. Naaalaala niya si Juan Markos, na noong kasama niya ay nagkaroon sila ng salungatan sa mga naunang taon. Nagsusulat siya tungkol sa kanyang nalalapit na kamatayan. Ang mga sulat na ito ay malinaw na isinulat ni Pablo sa kanyang malalapit na mga kasama.
Ang pinakamahalagang katibayan para sa pagiging may-akda ni Pablo ay ang patotoo mismo sa Kasulatan. Ang bawat sulat ay nasisimula sa pagtukoy kay Pablo bilang may-akda.[6] Para sa mga ebanghelikal na tumatanggap ng inspirasyon at kawalan ng kamalian ng Kasulatan, ito mismo ay sapat na katibayan. Mula sa pinakamaagang mga araw tinanggap ng iglesya ang mga liham na ito bilang inspirasyon ng Diyos sa pamamagitan ni Apostol Pablo.
Sa kanyang paglalakbay kasunod ng pagpapalaya mula sa bilangguan, iniwan ni Pablo si Timoteo bilang pastor ng iglesia sa Efeso habang nagpatuloy si Pablo sa Macedonia.[1] Ang batang iglesiya na ito ay nagsimula ng lima hanggang walong taon noon sa pamamagitan ni Pablo. Isinulat ni Pablo ang liham na ito upang magbigay ng mga tagubilin tungkol sa mga bulaang guro, upang hikayatin ang kabataang si Timoteo sa kanyang katungkulan bilang pastor, at upang magbigay ng tiyak na tagubilin tungkol sa mga bagay patungkol sa patakaran ng iglesya at ang pagtatalaga ng mga opisyal ng iglesya.
Nilalaman
Bulaang Guro sa Iglesya
Ang unang layunin ni Pablo sa liham na ito ay upang tulungan si Timoteo na makitungo sa mga bulaang guro na nanggugulo sa iglesiya sa Efeso. Sa halip na harapin ang mga detalye ng pagtuturong ito, binabalaan ni Pablo ang mga epekto ng pagtuturo. Ang huwad na pagtuturo ay nagresulta sa mga tanong at diskusyon ng mga argumento.[2] Gustong makita ang mga guro na ito bilang mga guro, ngunit hindi nila nauunawaan ang mga bagay na itinuturo nila.[3] Sa halip na “walang kabuluhan na pananalita” (walang laman na argumento at ispekulasyon), nais ng Diyos na ang kanyang iglesiya na pagtibayin nila ang isa’t isa (“makalangit na paglilingkod”) sa pag-ibig na nagmumula sa isang dalisay na puso, mabuting budhi, at tapat na pananampalataya.[4]
Lumilitaw na bahagi ng mensahe ng mga huwad na guro ay may kaugnayan sa maling paggamit ng batas. Pinatunayan ni Pablo ang kahalagahan ng batas “kung gagamitin ito ng isang tao nang maayos” at ipinapakita ang mga kasalanan na bunga ng pagsuway sa mga alituntuning itinuturo sa batas.[5] Habang nagpapakita ang mga Taga Galacia na ang mga Kristiyano ay inaaring-ganap sa pamamagitan ng biyaya, hindi batas; ipinakikita ng Timoteo na ang batas ay may mahalagang papel sa babala laban sa pag-uugali na hindi nagbibigay-lugod sa Diyos.
Si Pablo ay nagbibigay ng tatlong tugon sa mga huwad na guro:
Paghihikayat kay Timoteo. Si Pablo ay nagbibigay ng sarili niyang patotoo bilang isang taong naging kaaway ni Kristo ngunit nakatanggap ng awa. Dahil dito, maaaring makapaglunsad si Timoteo ng “mabuting pakikidigma” nang may tiwala sa kapangyarihan ni Kristo na baguhin ang buhay.[6]
Isang diin sa Tunay na Pagtuturo. Tumugon si Pablo sa huwad na doktrina sa pamamagitan ng totoong doktrina. Sa 1 Timoteo 4, itinakda ni Pablo ang tamang doktrina bilang panlinis sa lason ng maling doktrina.
Babala laban sa Maling Pagganyak. Sa bandang huli ng sulat, tinitingnan ni Pablo ang pagganyak ng mga huwad na guro. Sa 1 Timoteo 6, nagbabala si Pablo na ang kanilang pagtuturo ay nagmumula sa kapalaluan, masamang isip, at kasakiman. Ang sagot dito ay kaligayahan sa kung ano ang mayroon tayo. Ang pag-ibig sa pera ay naging dahilan upang ang ilan ay magkamali mula sa pananampalataya. Sa halip, dapat sundin ng mga tunay na Kristiyano pagkatapos ng “katuwiran, kabanalan, at pananampalataya, pagmamahal, pagtitiis, at kaamuan”[7]
Tagubilin para sa Iglesya
► Ano ang mga kwalipikasyon para sa mga lider sa iyong kongregasyon? Gumawa ng listahan at ihambing ang iyong listahan sa 1 Timoteo 3 at Tito 1.
Ang karamihan sa 1 Timoteo ay binubuo ng payo ni Pablo kay Timoteo. Nagbibigay si Pablo ng gabay sa kabataang si Timoteo sa mga isyu tulad ng:
Panglahatang panalangin at pampublikong pagsamba (1 Tim. 2)
Ang mga isyu ng pagsamba at pag-uugali sa pampublikong pagsamba ay mahalaga para sa isang batang pastor tulad ni Timoteo.
Mga kwalipikasyon para sa mga pinuno ng iglesya (1 Tim. 3)
Mayroong dalawang mga tanggapan sa unang iglesya. Ang mga obispo (o ‘tagapangasiwa’) ay nagtuturo at nangangaral; responsibilidad nila na pangalagaan ang kawan at bantayan ang mga miyembro mula sa espirituwal na pinsala.[8] Ang mga diyakono ay may espirituwal na mga responsibilidad, ngunit particular na responsible para sa mga lugar ng pisikal na paglilingkod.[9] Ang mga kwalipikasyon ni Pablo para sa parehong mga opisina ay higit na nakatutok sa katangian kaysa sa mga tungkulin. Ang pangunahing pag-aalala ni Pablo ay: ang mga pinuno ng iglesiya ay dapat may katangian na sila’y nagiging karapat-dapat upang manguna sa iglesiya ng Diyos. .
Ang mga pangangailangan ng mga espesyal na grupo sa loob ng iglesya(1 Tim. 5:1-6:2)
Ang isa pang usapin para sa isang batang pastor ay kung paano haharapin ang mga pangangailangan ng iba’t ibang grupo sa iglesya. Si Pablo ay nagbibigay ng tagubilin para sa pagtulong sa mga balo, mga matanda ng iglesya, at maging mga alipin.
Konklusyon
Tinapos ni Pablo ang kanyang liham kay Timoteo na may hamon sa katapatan sa “mabuting paglaban ng pananampalataya” at isang paalaala na hindi siya dapat matakot sa “mga walang kabuluhang usapan” at maling “kaalaman.”[10] Si Timoteo ay pinagkatiwalaan ng ebanghelyo. Iyon ay dapat na kanyang pangunahing pag-aalala at dapat itong maging pangunahing pag-aalala ng bawat pastor na sumusunod sa mga yapak ni Timoteo.
Si Tito ay isang Hentil na Kristiyano, maaaring nagbalik-loob sa ilalim ng ministeryo ni Pablo.[1] Kasama niya si Pablo sa Konseho ng Jerusalem at kinakatawan si Pablo sa Corinto sa panahon ng pakikibaka ni Pablo sa magulong iglesya. Sa panahon ng liham na ito, si Tito ay naglilingkod sa bulubunduking isla ng Creta. Kasunod ng pagdalaw ni Pablo sa Creta, Si Tito ay naiwan upang mangasiwa sa mga iglesya sa mga lunsod na may maraming mga baliham, hiniling ni Pablo kay Tito na sumama sa kanya sa Nicopolis.[2] Mula sa 2 Timoteo 4:10, lumilitaw na si Tito ay naipadala mula sa Nicopolis hanggang sa kalapit na bayan ng Dalmatia. Sa panahong ito, si Pablo ay naaresto at ipinadala sa Roma kung saan siya ay namatay bilang isang martir.
Layunin
Tulad ng 1 Timoteo, isinulat ang Tito upang gabayan ang isang batang pastor sa pagtatayo ng lokal na iglesya. Hinarap ni Pablo ang mga bulaang guro, pamumuno ng iglesya, at pag-uugali ng Kristiyano. Ang isang sentral na tema ng liham ay ang kahalagahan ng pamumuhay ng Kristiyano bilang pagpapakita ng pananampalatayang nakapagliligtas.
Nilalaman
Ang Panganib ng Mga Maling Guro
Ang maling pagtuturo ay isang nananatiling panganib sa unang iglesiya. Tumugon si Pablo sa tatlong paraan:
Nanawagan siya para sa mahusay na pamumuno sa iglesya (Tit. 1:5-9).
Nangatwiran siya na ang pamumuhay ng mga huwad na guro ay nagpapatunay sa pagkakamali ng kanilang mensahe (Tit. 1:10-16 at 3:9-11).
Nagbibigay siya ng larawan ng tamang pamumuhay (Tito 2: 1-3:9). Tulad ng dati, ang diskarte ni Pablo ay upang bigyan ng diin ang katotohanan, hindi lamang sa pag-atake sa mga mali.
Ang Kahalagahan ng Mabuting Mga Gawa
Ang mga maling guro ay kilala sa masamang pamumuhay na bunga ng kanilang pagtuturo. Ang mga sumusunod sa mga huwad na guro sa Creta ay kasuklam-suklam, masuwayin, at di-katanggap-tangap.[3] Sa parehong paraan, ang tunay na pagtuturo ay dapat na kilala para sa pamumuhay na nakahihikayat nito. Pagkatapos ng babala laban sa maling pagtuturo, inilalaan ni Pablo ang marami sa kanyang liham sa larawan ng tunay na pamumuhay ng Kristiyano. Sinabi ni Pablo na ang tamang doktrina ay hahantong sa tamang pag-uugali.
Hinahamon ni Pablo si Tito na “ituro kung ano ang naaayon sa tamang doktrina.”[4] Kung ang mga miyembro ng iglesya ng Creta ay mabubuhay ayon sa nararapat, ang kanilang buhay ay tutugma sa doktrinang itinuro ni Pablo at ni Tito. Nagbibigay si Pablo ng mga tiyak na tagubilin para sa matatandang lalaki, may edad na babae, batang babae, kabataang lalaki, at mga tagapaglingkod. Ipinaalaala ni Pablo kay Tito na ang isang pinuno ay dapat magbigay ng isang modelo ng parehong mabuting gawa at ng tamang doktrina.
Ang maingat na pamumuhay ay isang mahalagang patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo. Nagbibigay si Pablo ng dalawang motibo para sa mabubuting gawa:
Isang negatibong pag-uudyok: “upang ang salita ng Diyos ay hindi malapastangan.”[5]
Isang positibong pagganyak: upang “mapaganda ng doktrina ng Diyos na ating Tagapagligtas sa lahat ng bagay.”[6]
Dapat ipakita ng ating pamumuhay ang modelo ni Hesus “na nagbigay ng kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo mula sa lahat ng kawalan ng batas at upang dalisayin para sa kanyang sarili ang isang bayan para maging kanyang sariling pag-aari na masigasig sa mabubuting gawa.”[7] Ang mga hindi naniniwala ay naaakit sa ebanghelyo sa pamamagitan ng buhay ng maka-diyos na mga tao.
Ang pagtuturo ni Pablo sa aklat ng Tito ay isang mahalagang kasama sa kanyang pagtuturo sa Galacia. Sa Galacia, nagbabala si Pablo laban sa mga naniniwala na ang mabubuting gawa ay magbibigay sa kanila ng katwiran. Sa Tito, nagbabala si Pablo laban sa mga nagtuturo na ang pagpapawalang-sala ay hindi nagbubunga ng mabubuting gawa.[8]
Kapag tayo ay tunay na pinawawalang-sala dahil sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, mabubuhay tayo ng isang buhay na nagbago. Ipinaliwanag ni Pablo kay Tito na gaya ng sa Galacia na tayo ay naligtas “hindi dahil sa mga gawa ng katuwiran na ating ginawa, kundi ayon sa kanyang awa..”[9] Bagaman hindi tayo naliligtas sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa, ang kaligtasan ay nagbabago sa bawat aspeto ng ating buhay. Bago tayo napawalang-sala, tayo ay “hangal, masuwayin, nalinlang, nagsisipaglingkod sa iba’t ibang pita at kasiyahan...”[10] Ngayon na tayo ay naging bago, kailangan nating “maging maingat upang mapanatili ang mabubuting gawa.”[11]
Nagtatapos si Pablo sa personal na mga tagubilin. Ipinadala niya si Artemio o si Tiquico upang palitan si Tito sa Creta. Kapag dumating ang kapalit na ito, isasama ni Tito si Zenas at si Apolos. At sila’y sasama kay Pablo sa Nicopolis.
[8]“‘Ang biyaya ng Diyos…ay lumitaw sa lahat ng tao.’Kasing laya ng sinag ng araw sa mga tao, kaya ang espirituwal na Araw ang lumitaw sa lahat. Sa parehong kaso, tanging ang mga sinasadyang isinara ang kanilang mga mata ay pinagkaitan ng magandang grasya.”
- Mula kay Adam Clarke, Komento sa Unang Testamento
Ang 2 Timoteo, ang huling sulat ni Pablo, ay isinulat noong A.D. 65-67 habang hinihintay niya ang kanyang kamatayan. Inabandona siya ng ilang mga kasamahan, at ang iba ay nasa kanilang takdang gawain; kaya siya ay nag-iisa. Sinulatan niya si Timoteo upang humingi ng tulong. Si Pablo ay nilalamig, kaya hiniling niya kay Timoteo na magdala ng balabal. Kailangan niya ng mga katulong; kaya hiniling niya kay Timoteo na isama si Juan Marcos. Nais niyang ipagpatuloy ang kanyang gawain hanggang sa wakas; kaya ipinadadala niya ang kanyang mga libro, “lalo na ang mga pergamino.”[1]
Ang Dalawang Pagkabilanggo ni Pablo
Unang Pagkabilanggo
Ikalawang Pagkabilanggo
Inakusahan ng mga Hudyo
Naaresto ng Roma.
May kalayaan si Pablong tumanggap ng mga bisita.
Si Pablo ay nag-iisa.
Sa isang paupahang bahay.
Sa isang malamig na selda ng bilangguan.
Nagtapos sa paglaya ni Pablo.
Nagtapos sa pagpatay kay Pablo.
Nilalaman
Katapatan
Sa pagtatapos ng kanyang buhay, nililingon ni Pablo ang isang buhay na nabuhay sa tapat na pagsunod sa tawag ng Diyos. Inaasam din niya ang mga tulad ni Timoteo, na magpapatuloy sa ministeryo sa hinaharap. Ang katapatan ay isang mahalagang pag-aalala para kay Pablo sa puntong ito sa kanyang buhay. Hinahamon niya si Timoteo na magpatuloy na tapat sa ministeryo.
Bilang mga halimbawa ng kawalang-katapatan, itinuturo ni Pablo ang ilan sa lalawigan ng Asya na pinabayaan siya, partikular na sina Figelo at Hermogenes.[2] Si Pablo ay nagdusa ng kabiguan sa mga kasamahan sa trabaho na bumagsak sa tabi ng daan. Nang maglaon, binanggit niya si Demas, isa pang dating katrabaho na nag-abandona sa kanya.[3] Ang katapatan sa Diyos ay hindi tumitiyak ng isang buhay na walang kabiguan. Marahil higit pa sa mga pisikal na pagdurusa ng pagkawasak ng barko, pagbugbog, at pagkabilanggo, higit pa sa mga kabigatan sa pag-iisip, ng pagharap sa mga problema sa mga iglesya tulad ng Galacia at Corinto, si Pablo ay nagdusa mula sa emosyonal na hirap ng loob dala ng pag-abandona sa kanya sa kritikal na oras na ito.
Sa kabutihang palad, nagagalak si Pablo sa mga halimbawa ng katapatan. Naaalala niya si Onesiphorus, isang halimbawa ng paglilingkod sa Efeso at sa Roma.[4] Itinuturo niya ang mga katrabaho tulad ng Crescens, Tito, at Tychicus na matapat na naglilingkod.[5] Sa isang kahanga-hangang pagpapakita ng biyaya ng Diyos, hiniling ni Pablo na samahan ni Marcos si Timoteo sa Roma. Si Juan Marcos ay ang huminto sa kalahatian ng Gawain sa panahon ng unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero at siyang naging sanhi ng paghihiwalay nina Pablo at Bernabe.[6] Pagkalipas ng labinlimang taon, ipinakita ni Marcos ang kanyang pagiging maaasahan; Humihingi si Pablo ng tulong kay Marcos “sapagkat siya ay kapaki-pakinabang sa akin para sa ministeryo.”[7]
Ang mga ito ay higit sa personal na mga pagbabalik-tanaw; nais ni Pablo na pukawin ang katapatan ni Timoteo. Sa isang serye ng mga paghahambing, ipinakita ni Pablo kung ano ang ibig sabihin ng maging tapat.
Ang isang kawal ay tapat sa nagtatalaga sa kanya (2 Tim. 2:3-4).
Ang isang atleta ay nakikipagkumpitensya ayon sa mga patakaran (2 Tim. 2:5).
Ang isang magsasaka ay nagpapakita na ang katapatan ay magreresulta sa mga gantimpala sa hinaharap (2 Tim. 2:6).
Mga Huwad na Guro
Ang banta ng huwad na pagtuturo ay patuloy na isang tunay na alalahanin para kay Pablo. Hinahamon niya si Timoteo na manatiling tapat at tumanggi na mabagabag ng “mga hangal at mga tanon ng walang pinag-aralan”. Ang mga ito ay nagmumula sa “mga masasamang tao at mga manloloko” na “nanlilinlang, at nalilinlang.”[8] Sa halip, dapat magpatuloy si Timoteo “sa mga bagay na natutuhan mo at nakatiyak ka….”[9] Dapat niyang “ipangaral ang Salita”; dapat niyang “pabulaanan, sawayin, at payuhan”, dapat niyang “bantayan ang lahat ng bagay, magtiis ng mga paghihirap, gawin ang gawain ng isang ebanghelista”; sa madaling sabi, kailangan niyang “ganap na patunayan ang kaniyang ministeryo.”[10] Dito, tulad ng sa 1 Timoteo at Tito, ang sagot sa huwad na pagtuturo ay katapatan sa katotohanan.
Pamamaalam
Ang 2 Timoteo ay pamamaalam ni Pablo sa buhay at ministeryo sa lupa. Gayunpaman, may pananalig si Pablo sa hinaharap; Inaasam niya ang gantimpala para sa katapatan.
Ilang taon bago ito, nagpatotoo si Pablo, “Ngunit hindi ko isinasaalang-alang ang aking buhay ng anumang halaga o mahalaga sa aking sarili, kung maaari kong tapusin ang aking takbuhin at ang ministeryo na aking natanggap mula sa Panginoong Hesus, upang magpatotoo sa ebanghelyo ng biyaya ng Diyos.”[11] Ngayon, habang nakaharap sa kamatayan, nagpatotoo siya, “Nakipaglaban ako sa isang mahusay na paglaban, natapos ko ang aking takbuhin, iningatan ko ang pananampalataya: Mula ngayon ay inilaan para sa akin ang isang korona ng katuwiran, na ibibigay ng matuwid na hukom, Ang Panginoon, sa akin sa araw na iyon: at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng mga umiibig sa kanyang pagdating.”[12]
Itinuturo ng Mga Sulat sa Pastor ang kahalagahan ng tamang doktrina. Ang pinaka-epektibong sagot sa maling pagtuturo ay katotohanan. Sa mga liham na ito, si Pablo ay nagbibigay ng higit na pansin sa tamang doktrina kaysa sa maling pagtuturo. Sa katulad na paraan, ang aming pinaka-epektibong tugon sa maling doktrina ngayon ay ang ebanghelyo “na minsan ay ibinigay sa mga banal.”[1]
Sa isang kapanahunan kung kalian ang kabiguang moral at hindi makatotohanang pagtuturo ay nagwasak ng ilang mga pinuno ng iglesya, ang mga Liham sa Pastor ay mahalaga para sa pagtuturo ng mga kwalipikasyon para sa mga pinuno ng iglesya. Walang sinumang iglesya ang maaaring balewalain ang mga pamantayang ito. Ang matalinong mga iglesiya ay pipili ng mga lider na nakatuon sa mga katangiang kinikilala ni Pablo sa 1 Timoteo at Tito.
Itinuro ni Tito ang kahalagahan ng mabubuting gawa bilang isang pagpapakita ng ebanghelyo. Paminsan-minsan ang buhay ng mga nag-aangking Kristiyano ay nakakapinsala sa patotoo ng iglesiya. Dapat gawing kaaakit-akit ng mga mananampalataya ang ebanghelyo sa mga hindi mananampalataya. Ang tamang doktrina ay dapat magresulta sa tamang pag-uugali.
Ang panghuling mga salita ni Pablo ay nagbibigay ng panawagan sa panghabang-buhay na katapatan. Mga mag-aaral, habang kayo’y nagpapatuloy sa ministeryo, makararanas kayo ng buhay na maraming hamon. Tulad ni Pablo, maaari kang iniwan ng mga katrabaho. Tulad ni Timoteo at Tito, maaari mong makaharap ang mga bulaang guro. At, tulad ng mga mananampalataya sa lahat ng edad, haharapin mo ang tukso at pagsalungat. Ipinaalala sa iyo ng pangwakas na mga salita ni Pablo na sulit at mas mahalaga ang premyong kakamtin kaysa sa mga paghihirap na daranasin. Huwag kang sumuko; naghihintay ang isang korona para sa iyo.
Si William Borden ay ipinanganak sa isang mayamang pamilya noong 1887. Si Borden ay dumalo sa Yale University upang maghanda para maging isang negosyante ngunit tinawag siya ng Diyos upang maging misyonero sa mga Muslim ng Hilagang Tsina. Sa kanyang pagpunta sa Tsina, habang nag-aaral ng Arabic sa Egipto, si Borden ay nagkasakit ng meningitis at namatay sa edad na 25. Hindi niya nakita ang Tsina.
Pagkamatay niya, ibinigay ang Bibliya niya sa kaniyang mga magulang. Sa Bibliya natagpuan nila ang isang tala mula sa petsa kung saan sinabi niya ang oo sa pagtawag ng Diyos sa Tsina. Isinulat ni Borden ang mga salitang, “Walang Reserba”. Itinalaga niya nang lubos ang kanyang buhay sa pagsunod sa tawag ng Diyos. Nang salungatin ng kanyang pamilya ang kanyang pagkatawag at pinilit si William na sumali sa negosyo ng pamilya, isinulat niya ang “Walang Atrasan.” Itinalaga ni Borden ang kanyang sarili sa pagpapatuloy sa takbuhin nang walang atrasan. Ilanga raw lamang bago siya mamatay, nagdagdag siya ng huling note “Walang Pagsisisi”. Maaaring harapin ni Borden ang kinabukasan na tiwala na siya ay namuhay sa pagsunod sa pagkatawag ng Diyos.
Naunawaan ni William Borden ang huling patotoo ni Pablo. Para sa taong nagbibigay sa sarili ng walang reserba at sumusunod sa Diyos nang walang pag-urong, mayroong isang korona ng katuwiran. Sa araw na iyon, sasabihin natin kay Pablo at kay William Borden, “Wala akong mga pinagsisisihan”. Iyan ay isang karapat-dapat na layunin para sa bawat mananampalataya.
Mga Takdang-Aralin ng Aralin
Ipakita ang iyong pag-unawa sa araling ito sa mga sumusunod na takdang-aralin:
(1) Gawin kapwa ang mga sumusunod na takdang-aralin:
Maghanda ng isang listahan ng mga kwalipikasyon para sa mga pinuno ng iglesya sa inyo kinalalagyan. Dapat mong ilapat ang mga pamantayan ng Bibliya sa 1 Timoteo at Tito sa kalagayang pangkultura na iyong pinaglilingkuran.
Matapos basahin ang 2 Timoteo, isulat ang isang pahina na “liham ng pamamaalam”. Kung ikaw ay nakaharap sa kamatayan, anong patotoo ang iyong iiwan? Ang atas na ito ay maaaring makatulong sa iyo upang suriin ang iyong kasalukuyang buhay at ministeryo at upang hubugin ang iyong ministeryo sa hinaharap habang higit mong nalalaman ang pamana mo sa mga sumusunod sa iyo.
(2) Kumuha ng pagsususlit batay sa materyal ng araling ito.Kabilang sa pagsusulit ang mga Kasulatan na itinalaga upang isaulo.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 9
(1) Ano ang pinaka-tinitiyak na petsa para sa mga Liham sa Pastor?
(2) Tukuyin ang isang paraan kung saan ipinakikita ng nilalaman ng 2 Timoteo at Tito si Pablo bilang may-akda.
(3) Ano ang layunin ni Pablo sa pagsulat ng 1 Timoteo?
(4) Paano nagpapatibay kay Timoteo ang patotoo ni Pablo kapag nakaharap sa mga huwad na guro?
(5) Ilista at tukuyin ang dalawang mga tungkulin sa unang iglesya.
(6) Ano ang relasyon ni Tito kay Pablo?
(7) Ano ang layunin ni Pablo sa pagsulat ng Liham kay Tito?
(8) Ano ang dalawang motibasyon para sa mabuting gawa na ibinigay ni Pablo kay Tito?
(9) Paano tumutugma ang karanasan ni Juan Marko sa mensahe ni Pablo tungkol sa katapatan sa 2 Timoteo?
(10) Ilista ang apat na paraan kung paano ang mga Liham sa Pastor ay nagsasalita sa iglesia ngayon.
(11) Isulat ang 2 Timoteo 4:7-8 at Tito 2:11-14 mula sa memorya.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.