Ang mga aklat ng Bagong Tipan mula sa Aklat ng Hebreo hanggang sa Judas ay tinatawag na Pangkalahatang mga Liham.[1]Hindi tulad ng karamihan sa mga sulat ni Pablo, ang mga sulat na ito ay walang tiyak na tagapakinig na pinag-uukulan o kaya’y sa isang taong hindi natin gaanong kilala at kaunti lamang ang ating nalalaman tungkol sa kanya.
Ang mga sulat na ito ay mula sa isang mahabang liham “sa mga Hebreo” hanggang sa isang maikling liham mula kay Apostol Juan para kay Gayo. Ang mga Pangkalahatang mga Liham ay tumatalakay sa iba’t-ibang usapin, subali’t magkakatulad sa lahat ng mga aklat ang pagbibigay-diin sa praktikal na pamumuhay Kristiyano. Ang mga aklat na ito ay nagtuturo sa atin kung paano mamumuhay bilang mga Kristiyano sa isang hindi-Kristiyanong mundo. Ang mga Kristiyano ng unang siglo ay humarap sa mga hamon na katulad ng mga hamon na kinakaharap natin sa ngayon: maling doktrina, pagtukso, at pagsalungat mula sa mga di-mananampalataya. Ang bawat isa sa mga usaping ito ay hinarap sa mga sulat na ito. Bagaman ang mga sulat na ito ay maiiksi lamang ang sukat, ang mga ito ay mahalaga sa mga mananampalataya na humaharap sa mga paghamon sa ating pananampalataya.
[1] Ang mga sulat na ito kung minsan ay tinatawag na “mga katolikong Liham” Sa kontekstong ito ang “katoliko” ay isang salitang pangkalahatan; hindi ito tumutukoy sa Iglesya Katolika Romana. Ito rin ang parehong paggamit sa Credo ng mga Apostol: “Sumasampalataya kami sa banal na iglesya katolika, sa kasamahan ng mga banal….”
Ang Liham sa Mga Hebreo: Isang Mas Mabuting Paraan
Ang Sumulat
Hindi tinukoy ng aklat ng Hebreo kung sino ang sumulat. Madalas na iniisip na si Pablo ang siyang sumulat.
Mga pangangatwiran na sumusuporta na si Pablo ang sumulat:
Ang pagbibigay-diin ng Hebreo sa katauhan at gawain ni Kristo ay karaniwan sa mga sulat ni Pablo.
Ang pagbabasbas sa huling kabanata ay katulad ng kay Pablo.[2]
Kabilang sa mga katwirang sumasalungat na si Pablo ang siyang sumulat ay ang ilang pagkakaiba sa istilo sa pagitan ng Hebreo at ng iba pang mga sulat:
Hindi ginamit sa Hebreo ang phrase na “Kristo Hesus”, isang parirala o phrase na ginamit nang higit sa limampung beses sa mga sulat ni Pablo.
Kaiba sa ibang sulat ni Pablo, ang Hebreo ay hindi nagsisimula sa isang pagbati at hindi rin nagtatapos sa isang pamamaalam.
Sa kabuuan ng kasaysayan ng iglesya, may ilang bilang ng ibang manunulat na ang naimungkahi. Karamihan sa mga iminumungkahing mga sumulat ay may kaugnayan kay Pablo, tulad nina Bernabe, Lucas at Apollos. Ito marahil ang dahilan ng pagkakatulad sa istilo ni Pablo. Sa pangwakas, ang sumulat ay hindi pa rin natukoy.
Layunin
Pinagsasama ng aklat ng Hebreo ang mga elemento ng isang liham (mga personal na pagbati sa dulo) at mga katangian ng isang sermon (eksposisyon ng mga teksto sa Lumang Tipan). Tinutukoy ng sumulat ang kanyang sulat bilang isang “salita ng exhortation,”[3] isang salitang ginamit sa Mga Gawa 13:15 upang ilarawan ang isang sermon. Ang pinakamabuting paglalarawan sa Hebreo ay “Liham na Nangangaral”, isang sermon sa anyo ng isang liham.
Ang unang mga tumanggap ng sulat na ito ay mga Kristiyanong Hudyo na natuksong tumalikod sa pananampalataya kay Kristo at bumalik sa kanilang dating mga kinagawian. Ang kanilang pinagmulan na Hudyo ay nakita sa kanilang kaalaman sa mga sakripisyo at ritwal ng Lumang Tipan.
Napagtiisan ng mga Kristiyanong ito ang pag-uusig nang may katapatan, subalit nasa panganib na maging “mahina ang loob at nanlulupaypay.”[4] Ang sumulat ng Hebreo ay sumulat upang bigyang-babala ang mga mananampalatayang ito laban sa apostasy at upang hikayatin sila sa katapatan. Paulitit-ulit, ipinaalala niya sa kanila na ang katauhan at gawain ni Hesus ay superior sa sistema ng mga saserdote at sakripisyo sa Lumang Tipan.
Petsa
Tinatayang isinulat ang liham sa Hebreo bago A.D. 70. Tinutukoy ng liham ang sistemang pangsakripisyo bilang isang pangkasalukuyang katotohanan.[5] Iminumungkahi nito na ang sulat ay isinulat bago ang pagkawasak ng templo dahil sa mga Romano taong A.D. 70.
Ang Lumang Tipan sa Hebreo
►Ano ang kaugnayan sa pagitan ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan?
Bago tingnan ang nilalaman ng Hebreo, mahalaga na tumugon sa isang karaniwang maling pagkaunawa tungkol sa aklat. Maraming mambabasa ang nagbigay kahulugan sa Hebreo bilang isang pag-atake sa Lumang Tipan. Dahil ang Hebreo ay nagtuturo na ang bagong tipan ay isang “mas mabuting” tipan, may mga nag-isip na ang lumang tipan ay nabigo sa layunin nito.
Gayunman, nagpapakita ang Hebreo ng malaking respeto sa Lumang Tipan.
Ang mga “bayani” sa Hebreo 11 ay mga tauhan sa Lumang Tipan.
Ang mga araling itinuturo ng Hebreo ay batay sa mga teksto mula sa Lumang Tipan.[6] Halimbawa, ang Hebreo 1 ay may labing-apat na talata. Sa mga ito, siyam ay direktang sinipi sa Lumang Tipan, kabilang dito ang Awit 2; 2 Sam. 7:14; Deut. 32:43; Awit 104:4; Awit 45:6, 7; Isaias 61:1,3; Awit 102:25-27; at Awit. 110:1.
Hindi itinuturo ng Hebreo na napilitan ang Diyos na baguhin ang kanyang plano dahil sa kabiguan ng Lumang Tipan. Sa halip, ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo ay “itinakda na bago pa man ang pundasyon ng daigdig.”[7] Maging sa Lumang Tipan, ang kaligtasan ay ipinagkaloob ng Diyos dahil sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng panlabas na ritwal. Ito ay nakikita sa Hebreo 11, kung saan “sa pamamagitan ng pananampalataya” ang bawat isa sa mga bayaning ito ng Lumang Tipan ay nagbigay-lugod sa Diyos.
Mayroong malinaw na pagpapatuloy sa pagitan ng Lumang Tipan at Bagong Tipan. Si Kristo ang katuparan ng mga pangako at batas ng Lumang Tipan. Ang suliranin sa Lumang Tipan ay ang kabiguan ng Israel, hindi kabiguan ng layunin ng Diyos. Nabigong tuparin ng Israel ang tipan mula sa puso.[8] Binago niya ang isang sistemang pangsakripisyo batay sa pananampalataya at naging mga ritwal na walang kabuluhan. Ang mga propeta ng Lumang Tipan at si Hesus ay kapwa kinondena ang korapsiyon ng Israel sa layunin ng Diyos.
Mula sa pundasyon ng mundo, itinuturo ng Lumang Tipan ang pagdating ni Kristo. Ang Lumang Tipan ay hindi itinakdang maging kumpleto sa kanyang sarili lamang; itinuturo nita ang isang katuparan sa hinaharap. Ang katuparang ito ay nakita sa katauhan at gawain ni Kristo Hesus. Ang bagong tipan ay “mas mabuti” dahil ito ay tutupad sa mga pangako ng hindi kumpletong Lumang Tipan.
Ang Nilalaman
Ang aklat ng Hebreo ay naglalaman ng dalawang magkaagapay na tema. Ang isang tema (Ang Mas Mabuting Daan) ay naghahambing ng mga pribilehiyo ng buhay kay Kristo sa mas mahinang pribilehiyo na makukuha sa ilalim ng Lumang Tipan.
Ang ikalawang tema (Mag-ingat) ay nakikita sa isang serye ng limang “babala” para sa mga natutuksong iwanan ang pananampalataya at bumalik sa kanilang lumang buhay. Sa bawat seksiyon ng babala, ibinibigay ng Hebreo ang babala at pagkatapos nagbibigay ng pagpapalakas loob sa mambabasa.
Mas Mabuting Paraan
Sa isang serye ng paghahambing, ipinapakita ng Hebreo na:
Si Kristo ay masnakatataas kaysa sa mga propeta ng Lumang Tipan (1:1-3).
Si Kristo ay mas nakatataas kaysa sa mga anghel, dahil siya ay Anak ng Diyos (1:4-14).
Si Kristo ay mas nakatataas kaysa sa mga anghel, dahil siya ang Anak ng Tao. Ang mundo ay nasa ilalim ng kanyang pamamahala (2:4-18).
Si Kristo ay may nakatataas kaysa kay Moises, ang matapat na lingkod ng Diyos at lider ng Israel (3:1-6)
Si Kristo ay mas nakatataas kaysa kay Aaron at sa mataas na pagiging saserdote (4:14-7:28).
Nagkaloob si Kristo ng nakatataas na tipan (8:1-13).
Si Kristo ay gumawa ng nakatataas na sakripisyo (9:1-18).
Nagpapakita ang Hebreo ng serye ng pagkakasalungatan sa pagitan ng mabubuting pangako ng Lumang Tipan at ng mas mabuting katuparan na nasa atin sa pamamagitan ni Kristo. Para sa mga Kristiyanong Hudyo upang bumalik sa lumang pangako ay isang kahangalan! Matapos matikman ang katuparan at makibahagi “sa Banal na Espiritu”, “muling ipapako” ng mga Kristiyanong Hebreo “ang Anak ng Diyos” kung sila’y muling babalik sa kanilang lumang mga nakagawian.[9]
Mag-ingat
►Ano ang apostasy? Posible ba sa isang tunay na nagbalik-loob na umalis at talikuran ang pananampalatya?
Kasabay ng mga testimonya para sa mas mabuting paraan na ipinagkaloob sa pamamagitan ni Kristo, ang Hebreo ay nagbibigay ng mga babala para sa mga natutuksong talikuran ang pananampalataya. Ang dumadaming pribilehiyo ay nagbibigay din ng dumadaming responsibilidad. Kaugnay sa tungkuling ito ang Hebreo ay nagbibigay ng seryosong babala sa mga mananampalataya na nakatikim ng mabubuting bagay ng bagong tipan at natutuksong bumalik sa dating ugali.
Ang bawat babala ay may kasamang paghikayat sa katapatan. Habang itinuturo ng Hebreo na maaaring mangyari ang pagtalikod, hindi nito ipinahihiwatig na ang pagtalikod ay hindi maiiwasan! Ang plano ng Diyos para sa bawat mananampalataya ay isang buhay ng katapatan. Ipinapakita ng Hebreo na ang isang matagumpay na buhay ay maaaring makamit ng bawat Kristiyano.
Tayo ay binigyang babala tungkol sa unti-unting paglayo mula sa mensahe na ating narinig. (2:1)
Ang babala ay seryoso dahil sa mga dakilang pribilehiyo na ating natanggap (2:2-3).
Lumalakas ang ating loob dahil sa halimbawa ni Hesus, na tinukso at nagbibigay ng lakas sa lahat nang natutukso (2:18).
Babala #2 - Hebreo 3:12-4:16
Tayo ay binigyang babala na huwag “maging matigas dahil sa panlilinlang ng kasalanan” (3:12-13).
Seryoso ang babala dahil posibleng “lumisan mula sa buhay na Diyos.” Nakikibahagi tayo kay Kristo “kung tayo’y kumakapit…nang mahigpit hanggang sa wakas” (3:12-14).
Lumalakas ang ating loob dahil sa pangako na si Hesus ang ating punong saserdote, kung paanong tayo’y makakatagpo ng “biyayang tulong sa panahon ng pangangailangan” (4:14-16).
Babala #3 - Hebreo 5:11-6:12
Tayo ay binigyang babala laban sa pagbabalik sa mga “gawaing patay” (5:11-6:6)
Seryoso ang babala dahil imposibleng baligtarin ang pagtalikod sa Diyos (6:4-6).
Lumalakas ang ating loob na malaman na ang lahat ng matapat ay “magmamana ng mga ipinangako” (6:9-12).
Babala #4 - Hebreo 10:26-39
Tayo ay binigyang babala na “kung sinasadya natin ang pagkakasala pagkatapos tanggapin ang kaalaman tungkol sa katotohanan”, mayroong paghuhukom (10:26-27).
Seryoso ang babala dahil sa mga prebilehiyo ng bagong tipan. Kung ang mga nagwalang bahala sa batas ni Moses ay matinding huhukumin, “mas higit na malala” ang kaparusahang dapat nating tanggapin kung tinapak-tapakan na natin ang Anak ng Diyos.” Ang babalang ito ay hindi dapat ipagwalang-bahala, dahil “ito ay isang nakakatakot na bagay kung mahulog sa kamay ng buhay na Diyos” (10:28-31).
Lumalakas ang ating loob dahil tayo’y “naniniwala sa pagliligtas ng kaluluwa.” Posibleng tumalikod, subali’t possible ring magtiyaga. Mayroon tayong tiwala sa kapangyarihan ng Diyos na mahigpit na hawakan ang mananampalataya. Ang posiblilidad ng pagiging matapat ay nakikita sa “Tanghalan ng Katanyagan sa Pananampalataya” ng Hebreo 11 (10:32-39).
Babala #5- Hebreo 12:25-29
Tayo ay binigyang-babala na hindi natin dapat tanggihan ang mensahe na tinanggap natin (12:25).
Seryoso ang babala dahil sa mga pribilehiyo ng bagong tipan (12:25-27).
Lumalakas ang ating loob dahil “maaari tayong maglingkod sa Diyos nang katanggap-tanggap” dahil sa kanyang biyaya (12:28-29).
[10] Ang balangkas na ito ay hinango sa Encountering the New Testament ni Walter Elwell and Robert Yarbrough; Baker Academic, 2005.
Pagtalikod o Apostasy
Ano ang Pagtalikod o apostasy?
Ang Apostasy ay binigyang kahulugan bilang “isang sinasadyang pagtanggi at pagtalikod sa pananampalatayang ipinahayag na ng isang tao.”[1] Ang kahulugang ito ay nagbibigay-diin sa tatlong elemento ng pagtalikod o apostasy:
Ito ay sinasadya. Ang mga pag-aalinlangan tungkol sa doktrina, di-katiyakan sa kaligtasan ng isang tao, o maging ang pagkahulog sa tukso ay hindi nangangahulugan ng apostasy. Ang apostasy ay ang sinasadyang pagtanggi sa pananampalatayang Kristiyano.
Ito ay “pagtanggi at pagtalikod sa pananampalataya”. Ito ay higit pa sa kasalanan; ito ay pagtanggi sa katotohanan ng pananampalatayang Kristiyano. Sa Hebreo, ito ay ang pagtanggi sa nakatutubos na gawain ni Hesus at pagbalik sa mga ritwal noong hindi pa siya Kristiyano.[2]Dinagdagan ng mga Judaizers ng mga kailangan pang gawin ang nakatutubos na gawa ni Kristo; ang mga tumalikod ay lubusang tinanggihan ang nakatutubos na gawa ni Kristo.
Ito ay pagtanggi sa pananampalatayang “dati na niyang ipinahayag”. Ang apostasy ay naiiba sa di-paniniwala ng isang tao na hindi pa kahit kailan nakilala si Kristo. Ito ay ang pagtanggi sa pananampalataya ng isang taong sa nakaraan ay “nakaranas na sa mabuting salita ng Diyos at sa mga kapangyarihan ng mundong darating.”[3]
Ano ang pagkakaiba ng pagtalikod o apostasy at panunumbalik sa dati o backsliding?
Ang apostasy sa Hebreo ay ang mas permanente at mulat ang isip na pagtanggi sa pananampalataya kaysa sa backsliding. Ipinagkaila ni Pedro si Hesus, pagkatapos ay nagsisi sa kanyang kasalanan. Nagkulang ang tapang ni Pedro; subali’t hindi niya tinanggihan ang pananampalatayang Kristiyano. Ang kanyang pagbalik sa dating gawi/backsliding ay resulta ng kanyang takot, hindi sa pagtanggi kay Kristo.
Ang isang backslider na nahulog sa tukso ay maaaring tanggapin ang katotohanan ng pananampalatayang Kristiyano. Sa kabilang dako, ang apostasy ay may kalakip na pagkakaila at pagtanggi sa katotohanan ng pananampalatayang Kristiyano.
Ang ilan sa mga babala ng Hebreo ay kaugnay sa panunumbalik sa dati at kawalang-ingat. Gayunman, ang lubusang pagtanggi sa pananampalatayang Kristiyano ang tila siyang ideya sa likod ng Hebreo 6:4-6. Kapag ang isang tumalikod ay tumanggi sa nakapagliligtas na kamatayan ni Hesus, pinuputol niya ang landas patungo sa pagpapanumbalik. Ang isang tao na nagsisisi sa kanyanyang panunumbalik sa dati backslider, sa kabilang dako, ay maaaring ibalik sa pamamagitan ng nakapagliligtas na kamatayan ni Kristo.
Posible ba para sa isang tunay na Kristiyano ang makagawa ng apostasy?
May ilang ebangheliko na nangangatwiran na posible para sa isang tunay na Kristiyano na makagawa ng apostasy. Gayunman ang mga posibleng babala ng Hebreo ay nagkakaroon lamang ng kahulugan tanging kung ang sumulat ay humaharap sa isang tunay na panganib. Ang Hebreo 6:4-6 ay may malakas na pagpapahiwatig na ang permanente at lubusang pagtalikod sa pananampalataya ay maaari ngang mangyari.
[1] L.G. Whitlock, “Apostasy” in Evangelical Dictionary of Theology (ed. By Walter Elwell). Baker Books, 1984.
Nagbababala ang Hebreo laban sa tunay na panganib ng pagtalikod sa pananampalataya. Ang isang pangkaraniwang tema sa Pangkalahatang mga Liham ay ang mga banta sa iglesya. Madalas ang babala ay laban sa mga maling paniniwala na bumabaluktot sa doktrinang Kristiyano. Sa Hebreo, ang babala ay laban sa lubusang pagtalikod sa pananampalatayang Kristiyano. Ang panganib ay kasing totoo ngayon tulad noong unang siglo.
Oo, itinuturo ng Hebreo, possible na iwan ang pananampalataya. Subali’t higit na mas mahalaga kaysa rito, itinuturo ng Hebreo ang posibilidad ng pagiging tapat. Nasa atin ang benepisyo ng pagiging tagapamagitan ni Kristo para sa atin. Sa mahigpit na pagkapit sa ating ipinapahayag na pananampalataya, sa paghikayat sa isa’t-isa sa pag-ibig at mabubuting gawa, at sa pagpapalakas ng loob ng isa’t-isa sa pamamagitan ng pagtitipon-tipon para sa sama-samang pagsamba, tayo ay maaaring maging matapat.[1] Ang sukdulang punto ng Hebreo ay ang Kabanata 11 sa testimonya nito tungkol sa mga matatapat sa pananampalataya at ngayon ay nagbibigay ng ulap ng mga saksi sa lahat ng “tumatakbo nang may pagtitiyaga sa takbuhin na nakatakda sa ating harapan”[2]
“Tayo’y mga manlalakbay
Sa makipot na daan
At sila na nauna na sa atin ay nakapila sa daan
Pinapalakpakan ang matapat, pinalalakas ang loob ng nanghihina
Ang kanilang buhay ay nakaaantig na patotoo sa nagpapatuloy na biyaya ng Diyos.
Naliligid ng napakakapal ng ulap ng mga saksi
Takbuhin natin ang karera hindi lamang para sa premyo
Kundi tulad ng mga nauna na sa atin
Iwan natin sa kanila na nasa ating likuran
Ang pamana ng katapatan na ipinasa sa pamamagitan ng mga maka-Diyos na buhay.
Nawa’y matagpuan tayong matapat ng lahat ng sumusunod sa atin
Nawa’y maging liwanag sa kanilang landas ang apoy ng ating debosyon
Nawa’y ang mga marka ng tapak na ating iiwan
sila upang sumampalataya
At ang buhay na ating ipinamumuhay ay makahikayat sa kanila upang sumunod.
Nawa’y matagpuan ng lahat ng sumusunod sa atin na tayo’y matapat.”
Ang sumulat ng liham na ito ay “si Santiago, isang lingkod ng Diyos at ng Panginoong Hesu-Kristo.”[1] Si Santiago, ang kapatid sa ina ni Hesus, ay isang mapagduda sa panahon na nabubuhay si Hesus subalit nakumbinsi siya ng muling pagkabuhay(ni Hesus).[2] Namatay siya na isang martir para sa pananampalataya noong A.D. 62.
Ang sulat na ito ay marahil isinulat sa bandang simula ng taong 40’s. Dahil si Santiago ay tagapanguna sa Konseho ng Jerusalem na nagtalo tungkol sa usapin ng pananampalataya at mga gawa, malamang na binanggit na ni Santiago ang tungkol sa Konseho kung ang liham ay isinulat pagkatapos ng A.D. 49.[3]
Tagapakinig at Layunin
Sumulat si Santiago sa “labindalawang tribo na nangalat sa ibang lugar.”[4] Ang salitang ito (diaspora) ay unang tumukoy sa pangangalat ng mga Hudyo kasunod ng pagbagsak ng Jerusalem noong 586 B.C. Ginamit ni Santiago ang salita upang tumukoy sa mga Kristiyanong Hudyo na naninirahan sa labas ng Jerusalem. Ang malimit na pagtukoy ni Santiago sa Lumang Tipan ay nagpapakita na ang kanyang mga tagapakinig ay ang pinag-uusig na Hudyong Kristiyano. Humarap sila sa mga tukso ng di-pagkakasundo at sa isang makamundong paraan ng pamumuhay. Sumulat si Santiago upang ipaalala sa mga mananampalataya na ang kanilang pananampalataya ay dapat makita sa kanilang mga gawa. Dapat isabuhay ng mga mananampalataya ang kanilang pananampalataya.
Nilalaman
Si Santiago at ang Lumang Tipan
Tulad ng propetang si Amos, ipinakikita ni Santiago na ang ating pananampalatayang ipinahahayag ay dapat makaapekto sa ating pang-araw-araw na buhay. Kapwa binigyang diin nina Amos at Santiago na ang tunay na relihiyon ay makikita sa ating pagtrato sa iba. Sa 108 na mga talata, nagbibigay si Santiago ng mahigit sa limampung kautusan. Ito ay isang praktikal na sulat.
► Basahin ang Santiago 5:1-5 at Amos 4:1-2 at 5:21-24. Ano ang pagkakatulad ng mga talata?
Tulad ng Kawikaan, si Santiago ay gumagamit ng maiikling mga kasabihan na nagbubuod ng mahahalagang katotohanan. Maraming mga paksa sa Santiago ang katulad sa mga tema sa Aklat ng mga Kawikaan: ang dila, kayamanan, galit, at karunungan.
Tulad ng Batas ng Lumang Tipan, ang Santiago ay nagpapakita kung paanong ang isang banal na tao ay nagsisilbing salamin ng katauhan ng isang banal na Diyos. Ang “Kodigo ng Kabanalan” sa Levitico 19 ay nagpapakita kung paano ang isang banal na bayan ay mamumuhay nang may pagsunod sa isang banal na Diyos. Tulad nito, ipinapakita ng Santiago kung paano mamumuhay ang mga mananampalataya ng Bagong Tipan ng ayon sa pagsunod sa Diyos. Kapwa sila nagpapakita na ang paniniwalang ating ipinapahayag ay dapat makita sa buhay na ating ipinamumuhay.
Ang Kodigo ng Kabanalan at si Santiago
Levitico 19
Santiago
19:13 “huwag ipagpaliban ang pagbabayad sa inyong pinapagtrabaho.”
5:4 “sumisigaw laban sa inyo ang upa na hindi ninyo ibinigay sa mga gumapas sa inyong bukirin.”
19:15 “huwag kayong hahatol nang walang katarungan upang pagbigyan ang mahirap o suyuin ang mayaman.”
2:9 “Ngunit kung hindi pare-pareho ang pagtingin ninyo sa tao, kayo’y nagkakasala”
19: 18 “Huwag kang maghihiganti, o magtatanim ng hinanakit laban sa iyong kasamahan.”
5:9 “Huwag kayong maghinanakitan, mga kapatid.”
19:18b “Ibigin moang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”
2:8 “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”
Pananampalataya at Mga Gawa
Tinawag ni Martin Luther ang Santiago bilang “Liham ng Dayami” dahil sa pagbibigay-diin nito sa mga gawa. Naniniwala siya na ang sulat ay sumalungat sa katuruan ni Pablo tungkol sa pagpapawalang-sala sa pananampalataya lamang. Sa panlabas, tila may salungatan sa pagitan ng Santiago 2:24 (“sa pamamagitan ng gawa ang isang tao ay pinawawalang-sala, at hindi sa pananampalataya lamang”) at Roma 3:28 (“Samakatuwid, sinasabi naming ang isang tao ay pinawawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya nang wala ang mga gawa ng kautusan”). Gayunman, ang mga pangungusap na ito ay iniuukol sa dalawang magkaibang mga tagapakinig na nahaharap sa magkaibang pagsubok. Sa ganitong konteksto, ang di-pagkakasundo sa pagitan ng dalawang talata ay nalulutas.
Tinutukoy ni Pablo ang mga taong nagsisikap na makamit ang kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa (pagsunod sa Batas). Itinugon ni Pablo na ang kaligtasan ay nakakamit dahil sa biyaya ng Diyos at natatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya.
Tinutukoy ng Santiago ang mga taong tumitingin sa pananampalataya bilang isa lamang pangkaisipang pagsang-ayon sa katotohanan ng ebanghelyo. Hindi nababago ang kanilang mga buhay, dahil ang kanilang pananampalataya ay hindi tunay na pananampalataya. Ipinipilit ni Santiago na ang tunay na pananampalataya ay bumabago ng buhay. Hindi tinatanong ni Santiago ang pagiging sentro ng pananampalataya, subali’t ipinakikita niya na ang tunay na pananampalataya ay nakikita sa mga kilos. Ipinakikita ni Santiago na ang pananampalataya ni Abraham at ni Rahab ay nakita sa kanilang mga kilos.[5]
Hindi sinasalungat ng mensahe ni Santiago ang mensahe ni Pablo; ito ay isang mahalagang katuwang sa mensahe ni Pablo ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Ipinapakita ni Pablo na tayo ay pinawalang-sala (ginawang matuwid) sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Ipinapakita ni Santiago na ang pagiging matuwid na ito (pagpapawalang-sala sa harap ng ibang tao) ay nakikita sa ating mga gawa.
Dahil ang ating pananampalataya ay ipinakikita sa pamamagitan ng ating mga kilos, sinasagot ni Santiago ang mga tanong tungkol sa pagsasabuhay ng Kristiyano. Ito ay pananampalatayang kumikilos:
Pagiging matatag sa mga pagsubok at tukso (1:2-18)
Pakikinig at pagsasagawa ng Salita (1:19-27)
Hindi pantay na pagtingin (2:1-13)
Ang Dila (3:1-13)
Pag-ayon sa Mundo (3:14-4:4)
Pagmamataas (4:5-11)
Tukso para sa Mayayaman (4:13-5:6)
Pagtitiis sa Paghihirap (5:7-11)
Pagharap sa mga nahuhulog sa kasalanan (5:19-20)
Sa mga paalalang ito, ipinapakita ni Santiago na ang tunay na pananampalataya ay babago sa paraan ng ating pamumuhay. Ang pananampalataya ay higit pa sa pagsang-ayon sa katotohanan; ang pananampalataya ay bumabago sa ating buong pagkatao.
Ang Sulat ni Santiago sa Iglesya Ngayon
Bagaman ang sulat ni Santiago ay iniukol sa mga inuusig na Hudyong Kristiyano sa unang siglo, ang pagbibigay-diin nito sa praktikal na pagiging Kristiyano ay malakas na nangungusap sa modernong mundo. Ang mga praktikal na pagtuturo tungkol sa dila, kayamanan, galit at mga pag-uugnayan sa iglesya ay hindi kailanman nawawala sa panahon. Ang Santiago ay isang kapaki-pakinabang na aklat para sa bawat henerasyon.
Ang Antinomianismo ay tumutukoy sa maling katuruan na ang mga Kristiyano ay pinalaya na mula sa pagsunod sa ethical o moral na batas. Ang doktrinang ito ay nagpapahiwatig na ang mga mananampalataya na pinawalang-sala sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya ay malaya sa lahat ng pagpipigil. Sa bawat henerasyon, ang iglesya ay tinutukso ng paghatak ng antinomianism. Ang Santiago ay nananatiling isang makapangyarihang paalala na ang buhay ng Kristiyano ay magiging kapansin-pansing naiiba sa buhay ng isang hindi mananampalataya. Sa pamamagitan ng ating mga gawa, makikita ng mundo ang pagbabago na resulta ng nakapagliligtas na pananampalataya kay Kristo.
[6] Pananamplatayaang Gumagawa
“Ang problema ng mga problema ay ang maisabuhay ang pagigigng Kristiyano.”
- naiugnay kay John Wesley
Konklusyon
Ang Hebreo at ang Sulat ni Santiago ay kapwa tumutukoy kay Abraham bilang isang modelo ng pananampalatayang isinasabuhay. Inilista ng Hebreo 11 si Abraham bilang isa sa mga bayani ng pananampalataya; ang Santiago 2 ay nagpapakita na sa pamamagitan ng kanyang mga ginawa kaya’t nakikita natin ang pananampalataya ni Abraham.
Nakita ang pananampalataya ni Abraham sa kanyang pagsunod sa pagtawag ng Diyos; “Sa pananampalataya sumunod si Abraham nang siya’y tawagin upang magtungo sa isang lugar na kanyang tatanggapin bilang mana. At siya’y humayo, nang hindi nalalaman kung saan siya patungo.”[1] Ang pananampalataya ay higit pa sa pagsasabi, “Naniniwala ako sa mga pangako ng Diyos”; sinasabi ng pananampalataya, “Pupunta ako kung saan mo ako inaakay.”
Muling nakita ang pananampalataya ni Abraham sa kanyang pagsunod sa pagtawag ng Diyos na ialay si Isaac bilang sakripisyo.[2] Muli, ang pananampalataya ay higit pa sa pagsasabing, “Naniniwala ako sa Diyos.” Sinasabi ng pananampalataya, “Susunod ako sa iyong utos, kahit pa hindi ko iyon naiintindihan.” Ito ay tunay na pananampalataya.
Sumulat si Santiago sa mga taong nag-aangkin na sila’y may pananampalataya, subali’t ang buhay ay hindi nababago ng pananampalatayang ito. Tinutukoy ni Santiago si Abraham bilang isang halimbawa kung ano ang nangyayari bilang resulta ng tunay na pananampalataya. Nakikita ang pananampalataya ni Abraham sa kanyang pagsunod sa utos ng Diyos upang ialay si Isaac sa altar. Nagwakas si Santiago sa pagsasabing, “Nakikita natin ang kanyang pananampalatayang kumikilos kalakip ng kanyang mga gawa, at ang kanyang pananampalataya ay nalulubos sa pamamagitan ng kanyang mga gawa.”[3]
Ang halimbawa ni Abraham ay nagpapakita ng wastong pag-uugnayan sa pagitan ng pananampalataya at ng mga gawa. Kung tayo’y tunay na naniniwala (pananampalataya), ito ang babago sa paraan ng ating pamumuhay (mga gawa). Ang pagpapahayag ng pananampalataya nang walang pagbabago sa paraan ng ating pamumuhay ay patay; ang pagtatangka na baguhin ang paraan ng ating pamumuhay nang hiwalay sa tunay na pananampalataya ay walang halaga.Ang Roma, Galacia, Hebreo at Santiago ay lahat nagkakaisa: ang tunay na pananampalataya ay magreresulta sa isang nagbagong buhay.
Ipakita ang inyong pagkaunawa sa araling ito sa mga sumusunod na takdang-aralin:
(1) Maghanda ng isang sermon o aralin sa Bibliya sa isa sa mga sumusunod na paksa. Maaari mo itong isulat bilang isang 5-6 (mga 200-2500 na salita) na pahinang manuskrito o magrekord ng sermon o ng aralin sa Bibliya para sa isang iglesya o maliit na grupo.
“Mga Halimbawa ng Pananampalataya.” Gumamit ng mga halimbawa ng pananampalataya mula sa Hebreo 11 gayundin sa kasaysayan ng iglesya. Humanap ng mga halimbawa mula sa inyong bansa o kultural na pinangyarihan na maghihikayat ng katapatan sa inyong kongregasyon.
“Apostasy.” Tulad ng Hebreo, ang sermon ay dapat may kasamang babala laban sa apostasy/pagtalikod sa pananampalataya at paghikayat sa katapatan.
Isang sermon o aralin sa Bibliya hango sa Santiago sa isang usapin sa pamumuhay Kristiyano: ang dila, di-pagkakaunawaan, kayamanan, pananalangin, at iba pa.
(2) Kumuha ng pagsusulit batay sa materyal mula sa araling ito. Kalakip sa pagsusulit ang mga Kasulatang nakatakda para isaulo.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 10
(1) Bakit tinatawag na “Pangkalahatang Mga Liham” ang mga aklat ng Hebreo hanggang Judas?
(2) Ilista ang dalawang pangangatwiran na pabor sa pagsasabing si Pablo ang sumulat ng Hebreo.
(3) Ilista ang dalawang pangangatwiran laban sa pagsasabing si Pablo ang sumulat ng Hebreo.
(4) Ilista ang dalawang paraan kung paanong ang Aklat ng Hebreo ay nagpapakita ng malaking respeto para sa Lumang Tipan.
(5) Paano naging mas mabuti ang bagong tipan kaysa sa lumang tipan?
(6) Ano ang pagkakaiba ng backsliding at apostasy?
(7) Kailan naniwala kay Hesus bilang Mesiyas si Santiago na kapatid niya?
(8) Batay sa pagbati, sino ang tinatayang tagapakinig para sa Sulat ni Santiago?
(9) Sa isang talata, ipakita ang kaugnayan sa pagitan ng Santiago 2:24 (ang tao ay pinawawalang-sala sa gawa, at hindi sa panananampalataya lamang) at ng Roma 3:28 (ang tao ay pinawawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya nang wala ang mga gawa ng batas).
(10) Ipaliwanag ang antinomianism.
(11) Isulat ang Hebreo 4:14-16 at Santiago 2:17-18 mula sa memorya.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.