► Bakit mayroon tayong hindi lamang iisang pagkukuwento tungkol sa buhay ni Hesus?
Pagkatapos ng pag-akyat sa langit ni Hesus, inasahan ng mga apostol na siya ay agad na muling babalik. Nang magsimula nilang maunawaan na ang kanyang pagbalik ay hindi agad na magaganap, at higit sa lahat, habang nagkakaedad ang mga apostol, naghanda sila ng mga nakasulat na mga pagsasalaysay upang ituro sa mga bagong mananampalataya, at upang iwasan ang mga baluktot na pagsasalaysay tungkol sa buhay ni Hesus. Sa paglaganap ng iglesya sa Imperyong Romano, ang mga pastor at tagapagturo ay nangailangan ng mga mapanghahawakang nakasulat na pagsasalaysay ng buhay at ministeryo ni Hesus. Ang mga ito ay mahahalagang dahilan kaya’t nasulat ang mga ebanghelyo.
Ang unang tatlong ebanghelyo ay tinatawag na mga sinoptikonh ebanghelyo dahil ang mga ito ay nagbibigay ng iba’t-ibang pananaw tungkol sa parehong pangyayari.[1] Samantalang ang Ebanghelyo ni Juan ay naglalaman ng katangi-tanging materyal na hindi matatagpuan sa ibang ebanghelyo. Ang Mateo, Marcos, at Lucas ay maraming pagkakatulad sa isa’t-isa.
Ang mga sumulat ng ebanghelyo, na madalas na tinatawag na Ebanghelista, ay hindi lamang basta tila mga sekretaryo na kumukopya ng idinidikta sa kanya. Sa halip, mahimalang kumilos ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mga pagkatao ng bawat Ebanghelista upang ipahayag, nang walang kamalian, ang mensahe ng Diyos.
Isang halimbawa ang magpapakita ng pagkakaiba-iba ng mga ebanghelyo. Nagbibigay si Mateo ng detalyadong pagsasalaysay ng patotoo ni Pedro tungkol sa pagiging Diyos ni Hesus, ang pagbabasbas ni Hesus kay Pedro, at pagsaway ni Pedro kay Hesus.[2] Sina Marcos at Lucas ay nagbigay ng mas maigsing pagsasalaysay ng kwento.[3] Hindi binanggit ni Marcos ang pagbabasbas ni Hesus kay Pedro, samantalang kapwa hindi binanggit ni Lucas ang pagbabasbas at ang kuwento ng pagsaway ni Pedro kay Hesus. Walang pagsasalungatan sa pagitan ng mga kuwento; iyon ay isang pangyayari na isinalaysay mula sa tatlong magkakaibang pananaw.
Mateo 16:13-23
Marcos 8:27-33
Lucas 9:18-22
“Sumagot si Simon Pedro, ‘Ikaw ang Kristo, ang Anak ng buhay na Diyos.’”
“Sumagot sa kanya si Pedro, sa kanya, ‘Ikaw ang Kristo.’”
“At sumagot si Pedro, ‘Ang Kristo ng Diyos.’”
“At sumagot si Hesus sa kanya, ‘Mapalad ka, Simon Bar-Jonah!’”
Hindi isinama.
Hindi isinama.
“At niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan, ‘Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! ! Hindi po dapat mangyari ito sa iyo.’”
“At niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at nagsimulang pagsabihan siya.”
Hindi isinama.
Walang isang Ebanghelyo ang nakapagsalaysay ng buong kwento ng buhay ni Hesus. Sa katunayan, sinabi ni Juan na ang isang kumpletong tala ay makapupuno sa lahat ng aklat sa mundo.[4] Ang mga ebanghelyo ay hindi isang komprehensibong biograpiya. Sa halip, ang Banal na Espiritu ang nagbigay inspirasyon sa bawat sumulat upang bigyang diin ang iba’t-ibang aspeto ng ministeryo ni Hesus. Sama-sama, ang mga ebanghelyo ay nagbibigay sa atin ng maramimh bahagi ng larawan ng buhay ni Hesus.
Sa pamamagitan ng pag-aaral ng kuwento ng bawat ebanghelyo, mas higit nating mauunawaan ang pagpili ng materyal sa bawat ebanghelyo. Magkakaiba ang tagapakinig at layunin ng pagsulat ng bawat manunulat.
[1] Ang salitang synoptic gospels (ebanghelyong synoptic) ay nangangahulugan na ebanghelyong “sama-samang nasaksihan”.
Ang mga ama ng iglesya ay nagkakaisa sa pagtukoy kay apostol Mateo bilang siyang sumulat ng unang ebanghelyo. Ang petsa ay marahil nasa pagitan ng A.D. 50 at A.D.70. Isang mahalagang tema sa Mateo ay ang katuparan ng propesiya. Dahil hindi binanggit ni Mateo ang katuparan ng propesiya ni Hesus tungkol sa pagkawasak ng Templo, malamang na ang ebanghelyo ni Mateo ay isinulat bago A.D. 70.[1]
May ilang katangian ang nagpapahiwatig na ang Ebanghelyo ni Mateo ay pangunahing tumutukoy sa mga tagapakinig/mambabasang Hudyo.
Hindi ipinapaliwanag ni Mateo ang mga kaugaliang Hudyo sa kanyang mga mambabasa.
Gumamit si Mateo ng mas maraming pagbanggit mula sa Lumang Tipan kaysa sa ibang mga Ebanghelista.
Nagbigay si Mateo ng espesyal na atensiyon sa katuparan ng propesiya ni Hesus sa Lumang Tipan.
Sa mga pagkakataon na ginagamit ni Marcos at ni Lucas ang mga salitang “Kaharian ng Diyos”, ginagamit ni Mateo ang katumbas ng mga salitang “Kaharian ng Langit.” Ito ay naglalarawan ng pag-aatubili ng Hudyo na gamitin ang pangalan ng Diyos.
Ang Nilalaman ng Ebanghelyo ni Mateo
► Paano inilalarawan ni Mateo si Hesus bilang ang Hari?
Si Hesus Bilang Ang Hari
Ang Mateo ay madalas na tinatawag na ang Ebanghelyo ng Hari. Sa kabuuan ng Mateo, si Hesus ay inilarawan bilang ang Hari ng mga Hudyo at, sa wakas, ng lahat ng mga bansa. Ang mga pantas ay naglakbay mula sa Silangan upang kilalanin ang pagsilang ng isang bagong hari. Sinikap ni Herodes na wasakin ang kanyang karibal na hari. Sa Mateo, si Hesus ay nakita bilang ang Hari.
Ginagamit ni Mateo ang mga salitang “Anak ni David” nang higit sa ibang Ebanghelyo. Ito ay isang makaharing titulo na nagpapakita na si Hesus ay nagmula sa lahi ni David. Ang pangalang ito ay ginamit nang si Hesus ay pumasok sa Jerusalem na sakay ng isang asno, isang maharlikang pagpasok na tumupad sa Zacharias 9:9.[2]
Itinuturo ni Hesus ang batas ng kaharian sa kanyang Pangangaral sa Bundok. Itinuturo niya ang kaharian ng langit sa pamamagitan ng serye ng mga talinhaga. Sa itaas ng kanyang krus ay ang karatulang nagsasabi na “Ito si Hesus ang Hari ng mga Hudyo.” Ang Mateo ang ebanghelyo ng Hari.
Si Hesus bilang Katuparan ng Lumang Tipan
Labing-isang beses na binanggit ni Mateo ang katuparan ng propesiya sa buhay ni Hesus. Kabilang sa mga propesiya na binanggit ni Mateo ang:
Isisilang si Hesus ng isang birhen (1:22)
Ang paglalakbay sa Egipto (2:15)
Ang pagpatay ni Herodes sa mga sanggol (2:17)
Ang ministeryo ng pagpapagaling ni Hesus (8:17)
Ang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem (21:4)
Ang katumbas na tatlumpung pirasong pilak para sa pagkakanulo sa kanya (27:9)
Ang mga Pangangaral ni Hesus
Pinanatili ni Mateo ang mas marami sa mga pangangaral ni Hesus nang higit sa ibang mga sumulat ng ebanghelyo. Si Marcos ay nakatuon sa mga ginagawa ni Hesus, samantalang si Mateo ay mas nagbigay ng pansin sa mga salita ni Hesus. Mayroong limang malalaking sermon sa Mateo, na nagbibigay ng istruktura para sa buong ebanghelyo. Ang mga naunang mga komentarista ay nakapansin na kung paanong ang limang aklat ni Moses ang nagtatag ng pundasyon ng Israel, ang limang pangangaral na ito ang nagtatag ng pundasyon para sa iglesya. Ang limang pangunahing pangangaral ng Mateo ay:
Ang Pangangaral sa Bundok (5-7)
Ang pagsusugo sa Labindalawa (10)
Ang mga Talinhaga ng Kaharian (13)
Mga katuruan tungkol sa mga relasyon sa kaharian (18)
Ang Pangangaral sa Bundok ng Olibo tungkol sa wakas ng panahon (24-25)
Ang Ebanghelyo ni Mateo sa Iglesya Ngayon
Ang mga sermon sa Ebanghelyo ni Mateo ay nangungusap sa Iglesya Ngayon na kasinglakas nang unang ipinaangaral iyon ni Hesus sa Galilea at Judea.
Ang Pangangaral sa Bundok ay nagbibigay ng klasikong buod ng buhay sa Kaharian ng Diyos. Sa pagpapakita ng pagkakaiba ng mga tradisyon ng mga Pariseo at ng “batas ng pag-ibig,” itinuturo ni Hesus kung paano tayo dapat mamuhay bilang mga mamamayan ng Kaharian ng Langit. Ang tema ng sermon ay “kaya’t kayo ay dapat maging ganap, kung paanong ang inyong Amang nasa langit ay ganap.”[3] Ang utos na ito ay sa konteksto na nagpapakita na ang ating Ama ay isang Diyos ng pag-ibig na “pinasisikat niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan.”[4] Ang maging “ganap” sa Kaharian ng Diyos ay nangangahulugan na taglayin ang puso ng ating Ama sa langit, isang puso ng hindi makasariling pagmamahal. Bagaman ang isang puso ng perpektong pag-ibig ay imposible sa ating kalakasan bilang tao, ang ating Amang Makalangit na nag-uutos sa atin na magkaroon ng perpektong puso ay ang Diyos na nagpapaging posible nito sa pamamagitan ng kanyang biyaya.[5]
Ang mga katuruan ni Hesus tungkol sa mga relasyon sa Kaharian ng Diyos ay nagbibigay ng modelo para sa mga relasyon sa Iglesya Ngayon.[6] Ang Mateo 18:15-20 ay nagbibigay ng gabay para sa biblikal na pagdisiplina sa iglesya kung saan ang kasalanan ay tinutugunan sa pamamagitan ng iglesya, hindi sa pamamagitan ng tsismis at mga haka-haka. Ang pagdisiplinang ito ay isinasagawa sa konteksto na nagbibigay ng kapatawaran at pagpapanumbalik, isang prinsipyo na nakikita sa tugon ni Hesus sa katanungan ni Pedro tungkol sa pagpapatawad.[7]
Ang Dakilang Pagsusugo ay tumatawag sa atin upang gumawa ng mga disipulo sa lahat ng mga bansa. Tulad ng pagtawag ni Hesus na tayo’y maging ganap, tinutupad natin ang pagtawag na ito hindi sa ating sariling kalakasan kundi sa pamamagitan ng kalakasan ng tumawag sa atin. Ang tumawag ang siya ring nagbigay ng pangako na “ako’y laging sasainyo, maging hanggang sa dulo ng daigdig.”[8]
[1] Ang propesiyang ito (Mateo 24:2) ay natupad noong A.D. 70 nang sakupin ng Romanong heneral na si Titus ang Jerusalem. Ang “Arko ni Titus” na nagdiriwang sa tagumpay ng Romano laban sa Jerusalem ay nakatayo pa rin sa Roma.
[5] “’Kaya nga dapat kayong maging ganap; kung paanong ang inyong Amang nasa langit ay ganap…’ Alam na alam niya kung gaano kabilis na ang ating di-paniniwala ay magsasabing, imposible ito! Kung kaya’t itinataya niya dito ang lahat ng kapangyarihan, katotohanan, at katapatan niya sa kung kanino ang lahat ng bagay ay possible.”
- John Wesley, Mga Notes sa Bagong Tipan
May walong ama ng iglesya ang tumukoy kay Juan Marcos bilang ang sumulat ng ikalawang ebanghelyo.[1] Isang pinsan ni Barnabas, si Marcos ay naglakbay kasama nina Pablo at Barnabas sa kanilang unang pangmisyonerong paglalakbay.[2] Bagaman ang kanyang kabiguan sa paglalakbay na iyon ang siyang naging dahilan ng di-pagkakaunawaan sa pagitan ni Pablo at Barnabas, sa paglipas ng panahon muling nakuha ni Juan Marcos ang tiwala ni Pablo at nagging kapaki-pakinabang sa kanyang ministeryo.[3]
Ang mga ama ng unang iglesya ay tumukoy kay Simon Pedro bilang ang pinagkunan ni Marcos bilang apostol. Malapitang nagtrabaho si Juan Marcos kay Pedro kung kaya’t tinawag siyang “aking anak.”[4] Ang Ebanghelyo ni Marcos ay nagtala ng sariling karanasan at alaala ni Pedro sa ministeryo Hesus.
Dahil ang mga pangyayari sa Marcos ay hindi lagging sumusunod sa pagkakaayos tulad ng Mateo at Lucas, magiging kapaki-pakinabang na malaman na si Obispo Papias, isang ama ng unang iglesya, ay bumanggit kay Apostol Juan nang sabihin niyang si Mark ay “naging tagapagsalin ni Pedro at isinulat niya nang tama ang lahat ng kanyang naaalala, nang hindi laging ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga bagay na sinabi o ginawa ng Panginoon.”[5] Tamang-tama ang pagsasalaysay ni Marcos, subali’t hindi niya sinikap na ilagay ang mga pangyayari sa mahigpit na pagkakasunod-sunod na panahon.
Ang Ebanghelyo ni Marcos ay marahil isinulat mula sa Roma at pangunahin naituon sa mga tagapakinig na Hentil. Madalas na ipinapaliwanag ni Marcos ang mga Aramaic na expressions na ginagamit ni Hesus.[6] Dagdag pa rito, ipinapaliwanag niya ang mga terminolohiyang Hudyo sa kanyang mga Romanong mambabasa. Halimbawa, ipinaliliwanag ni Marcos na ang “dalawang kusing” (baryang Hudyo) “ay bubuo sa isang farthing” (isang baryang Romano).[7]
Ang Marcos ang pinakamaigsing ebanghelyo, at higit na mas kaunting detalye kaysa sa ibang mga ebanghelyo. Ang Marcos ay isang ebanghelyo ng aksiyon, isang katangian na maaaring sumalamin sa impluwensiya ni Simon Pedro. Ito ay isang tuwirang tala ng buhay at ministeryo ni “Kristo Hesus, ang Anak ng Diyos.”[8]
Ang Nilalaman ng Ebanghelyo ni Marcos
► Paano binigyang-diin ni Marcos ang gampanin ni Hesus bilang isang lingkod?
Si Hesus ang Lingkod
Ang Marcos ay madalas tawaging Ebanghelyo ng Lingkod. Binibigyan ni Marcos ng mas maraming atensiyon ang mga ginawa ni Hesus sa halip na ang kanyang mga salita. Kumpara sa limang pangunahing pangangaral ni Mateo, ang Marcos ay mayroon lamang isang pangangaral (Marcos 13). Ang Ebanghelyo ni Marcos ay nagbibigay ng higit na atensiyon sa mga himala; at nagtala siya ng labinsiyam na himala sa isang maikling aklat na may labing-anim na kabanata.
Isinasalamin ang kanyang pagsasalarawan kay Hesus bilang isang abang lingkod, hindi nagbigay si Marcos ng listahan ng salinlahing pinagmulan at wala ring salaysay tungkol sa kapanganakan. Nagsimula siya sa ministeryo ni Hesus sa kanyang sapat na edad.
Ang isang susing talata para sa Ebanghelyo ni Marcos ay nagpapakita ng dalawang aspeto ng ministeryo ni Hesus sa lupa. “Sapagkat ang Anak ng tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.”[9] Naparito si Hesus upang maglingkod at upang ibigay ang kanyang buhay bilang isang sakripisyo.
Si Hesus ang Anak ng Diyos
Ang Marcos ay nagsisimula sa isang pagpapahayag ng pagiging Diyos ni Hesus, "Ang
simula ng ebanghelyo ni Hesu-Kristo, ang Anak ng Diyos.”[10] Sa krus, ang sundalong Romano ay nagpahayag, “Tunay nga na ang taong ito ang Anak ng Diyos.”[11]
Ipinapakita ni Marcos na si Hesus ay isang lingkod, subali’t ipinapakita rin niya ang kapangyarihan ni Hesus bilang Anak ng Diyos. Ang isang mambabasang Romano ay maaaring umasa sa isang maka-Diyos na tagapangunang magpapakita ng kanyang kapangyarihan sa mundong ito. Ipinapakita ni Marcos ang kapangyarihang iyon sa maraming paraan. Sa buong ebanghelyo, isinasama ni Marcos ang mga patotoo sa pagiging Diyos ni Hesus:
Sa pagbabautismo, nagpatotoo ang Ama, “Ikaw ang aking minamahal na Anak, na aking lubos na kinalulugdan.”[12]
Kinilala ng mga demonyo na si Hesus “ang Banal ng Diyos.”[13]
Ginamit ni Hesus ang kapangyarihan na taglay lamang ng Diyos nang siya ay magpatawad sa mga kasalanan[14] at inaangkin ang awtoridad tungkol sa Araw ng Pamamahinga.[15]
Ang mga himala ni Hesus ay nagpapakita ng kanyang kapangyarihan sa kalikasan,[16] karamdaman,[17] at maging sa kamatayan.[18]
Ang Lihim ng Mesiyas
Kaugnay sa pagbibigay-diin ni Marcos sa pagiging Diyos ni Hesus, may mga mambabasa na nalilito sa Pabloit-ulit na utos na manahimik sa kabuuan ng Ebanghelyo. Pabloit-ulit na ang mga kumilala na si Hesus ang Mesiyas ay pinagbawalang ipagsabi iyon sa iba. Ito ay nakilala bilang “ang Lihim ng Mesiyas.” Mayroong tatlong pangyayari kung saan iniutos ni Hesus na tumahimik ang tao.
Ang mga demonyo ay pinagbawalang magsalita tungkol sa kalikasang pagiging Diyos ni Hesus.[19] Iniwasan ni Hesus ang pakikipag-ugnayan sa mga demonyo, kahit pa ang kanilang ipinapahayag ay totoo.
Ang mga taong pinagaling kung minsan ay inuutusang tumahimik.[20] Ito marahil ay upang maiwasan ang mga grupo ng mga tao na nagkakatipon nang malaman ng publiko ang ministeryo ng pagpapagaling ni Hesus. Nang suwayin ng isang ketongin ang utos na ito at ipahayag sa maraming tao ang kapangyarihan ni Hesus, napakaraming tao ang nagkatipon kaya’t “hindi na hayagang makapasok si Hesus sa bayan, kundi doon na lamang sa mga ilang na pook.”[21] Ang panlupang ministeryo ni Hesus ay hindi pangunahing tungkol sa kagalingan ng katawan. Hindi niya hinayaang ang mga kamangha-manghang pagpapagaling ay pumalit sa pangmatagalang ministeryo na siyang dahilan ng kanyang pagparito –pagsasanay sa mga disipulo na ipalaganap ang ebanghelyo at itatag ang iglesya.
Nang sa wakas ay napagtanto ng mga alagad kung sino talaga si Hesus, hindi niya sila pinayagan na sabihin ito.[22] Ang malamang na dahilan ay ang panganib ng hindi pagkakaunawaan. Kahit pagkatapos magpatotoo ni Pedro na si Hesus ang Mesiyas, hindi lubos na naunawaan ng mga disipulo ang tunay na dahilan ng pagparito ni Hesus.[23] Hindi sila handang ipangaral ang pagdating ng kanyang kaharian hanggang sa matapos ang muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit. Hanggang sa panahong iyon, anumang pagpapahayag ng mga disipulo ay maaaring mayroong kalituhan.
Ang Ebanghelyo ni Marcos sa Iglesya Ngayon
Ang prayoridad ng paglilingkod sa ministeryo ni Hesus ay nagpapaalala sa atin na habang tinutugunannatin ang pisikal at emosyonal na pangangailangan ng ating mundo, nagkakaroon din tayo ng mga pagkakataon na maglingkod sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan. Ang mga Kristiyano sa Imperyong Romano ay niglagay sa panganib ang kanilang buhay upang mangalaga sa mga may malubhang karamdaman sa mga lungsod na naapektuhan ng mga salot. Ang mga Kristiyano sa Middle Ages ay nagtatag ng mga ospital upang maglingkod sa mga ketongin at mahihirap. Ang mga organisasyong Kristiyano sa panahon natin ay nagbibigay ng mga damit sa mga ulila, dumadalaw sa mga nasa bilangguan, nagpapakain sa mga nagugutom, at nangangalaga sa mga may sakit. Ang paglilingkod sa mga pinakanangangailangan sa ating lipunan ay dapat lagging maging bahagi ng misyon ng iglesya. “Dahil maging ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod....”[24]
[1] “Habang ipinapangaral ni Pedro ang Salita sa publiko sa Roma, maraming humiling kay Marcos, na sumunod na sa kanyang nang mahabang panahon at nakaaalala sa kanyang mga sinasabi, na dapat niyang isulat ang mga iyon.”
- Clement of Alexandria quoted in Eusebius, Ecclesiastical History 6.14.5-7
[5] Binanggit sa Eusebius, Ecclesiastical History,3.39.14-17.
[6] Ang Aramaic ang karaniwang lengguwahe na ginamit sa Palestina sa panahon ng unang siglo, kapalit ng Hebreo. Mga halimbawa ng paliwanag ni Marcos ng mga Aramaic na salita ay kabilang ang Marcos 5:41, 7:11 at 14:36.
Ang karapatan ni Lucas bilang isang manunulat ng Bagong Tipan ay nagmumula sa kanyang kaugnayan kay Apostol Pablo. Si Lucas ay isang Hentil na may mataas na pinag-aralan, isang doctor na kasamang naglalakbay ni Pablo at kasama rin niya hanggang sa halos dulo ng buhay ni Pablo. Ilang bahagi ng Mga Gawa ay nagpapakita ng presensiya ni Lucas; si Lucas ay bumabanggit ng “sila” o “kami” sa kanyang pagsusulat ng mga pangyayari habang kasama siya ni Pablo.[1]
Ang petsa ng Ebanghelyo ni Lucas ay malawakang nakabase sa relasyon nito sa aklat ng mga Gawa. Nagsimula si Lucas ng pagsasalaysay na nagpatuloy sa Aklat ng mga Gawa. Batay sa pagtatapos ng Gawa, maaaring isipin na ang Gawa ay isinulat ilang panahon bago magsimula ang pag-uusig ni Nero noong A.D. 64.[2] Ito ay nagpapahiwatig na ang Lucas ay malamang isinulat sa bandang huli ng 50’s o sa simula ng 60’s.
Ang mga mambabasa at layunin ng pagsulat ni Lucas ay tinukoy sa paunag salita.[3] Si Lucas ay sumusulat kay Teofilo, marahil ay isang opisyal na Romano. Ipinahihiwatig ng Gawa 1:4 na si Teofilo ay isang bagong Kristiyano na “binigyang kautusan” patungkol sa buhay ni Hesus. Ang mga bagong mananampalataya, particular ang mga Hentil, ay binibigyan ng ilang buwan ng pagtuturo tungkol sa buhay ni Hesus, ang bagong buhay ng isang Kristiyano, at ang mga doktrina ng iglesyang Kristiyano. Sumusulat si Lucas upang magbigay ng isang maayos na pagsasalaysay ng mga bagay na itinuro kay Teofilo.
Ang Nilalaman ng Ebanghelyo ni Lucas
►Anong mga detalye ang binigyang-diin ni Lucas upang ipakita ang pagiging tao ni Hesus?
Si Hesus ang Anak ng Tao
Ang Chalcedonian Creed ay binuo noong A.D. 451 upang linawin ang katuruan ng iglesya patungkol sa kalikasan ni Kristo. Ipinapahayag ng creed o paniniwala na si Kristo ay nagtataglay ng dalawang kalikasan (bilang Diyos at bilang tao) na magkasama sa iisang persona: “perpekto sa pagka-Diyos at perpekto rin sa pagiging tao; tunay na Diyos at tunay na tao.”[4] Nagbibigay si Lucas ng isang malinaw na larawan ng pagiging tao ni Hesus, “ganap sa pagiging tao.”
Ipinapakita ni Lucas na si Hesus ay lubusang tao. Nagbigay siya ng detalyadong kwento ng pagsilang ni Hesus.[5] Bagaman ang paglilihi ay higit sa karaniwan, si Hesus ay isinilang bilang isang normal na sanggol. Siya ay lubusang tao.
Ang talaan ng salinlahi ni Mateo, na pangunaging nakatuon sa mga Hudyo, ay tumutunton sa ninuno ni Hesus kay Abraham. Ang talaan ng salinlahi ni Lucas, na nakatuon sa Griegong tumatanggap at nagpapakita kay Hesus bilang ang Anak ng Tao, ay tumutunton sa ninuno ni Hesus kay Adan.[6]
Ang pagkakasunod-sunod ng mga unang kabanata ni Lucas ay naglalarawan ng kanyang layunin na ipakita si Hesus bilang ang “ikalawang Adan.” Sa halip na simulan sa isang talaan ng salinlahi (tulad ni Mateo), inilagay ni Lucas ang talaan ng salinlahi pagkatapos ng salaysay tungkol sa bautismo. Ang talaan ng salinlahi ay nagtatapos sa “na anak ni Adan, na anak ng Diyos.” Ito ay agad sinundan ng salaysay ng pagtukso kay Hesus. Ang unang Adan (na nakatira sa isang magandang hardin) ay nahulog sa tukso; ang ikalawang Adan (na pinahina ng apatnapung araw nang walang pagkain at nag-iisa sa ilang) ay napaglabanan ang tukso. Bilang tao, nagbigay si Hesus ng isang halimbawa para sa bawat mananampalataya na nahaharap sa tukso. Ipinakita ni Hesus na dapat nating harapin ang mga atake ni Satanas sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu (na makakamit sa pamamagitan ng pananalangin) at Kasulatan.[7]
Sa kabuuan ng ebanghelyo, ipinakita ni Lucas ang pisikal na aspeto ng buhay ni Hesus sa lupa: gutom, tulog, at ang kanyang matinding paghihirap sa Garden ng Getsemane.[8]Si Hesus ay lubusang tao.
Si Hesus ang Tagapagligtas ng Daigdig
Ang Ebanghelyo ni Lucas ay nagpapakita na si Hesus ay dumating bilang Tagapagligtas ng lahat ng sangkatauhan. Si Simeon ay nagsalita tungkol kay Hesus bilang “isang liwanag para sa paghahayag sa mga Hentil.”[9]
Ang pagnanais ni Lucas na ipakita si Hesus bilang ang Tagapagligtas ng buong mundo ay nakikita sa kanyang focus sa mga taong walang katayuan sa lipunan. Ipinakikita ni Mateo ang mga Magi, mga iginagalang na iskolar mula sa Silangan, na nagparangal sa kapanganakan ni Hesus; itinuturo ni Lucas ang mga pastol.[10]Ang mga pastol ay walang katotohanan bilang mga saksi; ang kanilang patotoo ay hindi tinatanggap sa hukuman ng mga Hudyo. Itinuturo ni Lucas ang pagpapahayag ng mga anghel sa mga pastol bilang patotoo na si Hesus ay dumating sa lahat ng tao.
Ang mga babae, isa pang grupo na maliit ang katayuan sa lipunan sa panahon ni Hesus, ay nagkaroon ng mahalagang gampanin sa ebanghelyo ni Lucas. Si Ana, isang babaeng propeta, ay tumayo sa tabi ni Simeon sa paghahandog sa templo.[11] Pinahintulutan ni Hesus si Maria na “umupo sa kanyang paanan” kasama ng mga lalaking disipulo.[12] Nakakagulat, ang mga kababaihan ang tagasuporta sa pananalapi ng ministeryo ni Hesus.[13]
Maraming ibang mga grupo na may mababang kalagayan sa lipunan ang ipinakilala sa Lucas. Binisita ni Hesus ang tahanan ni Zaqueo, ang maniningil ng buwis, isa sa mga pinaka hindi iginagalang na grupo sa Palestina sa unang siglo.[14] Nagkuwento si Hesus ng isang talinhaga na ang bida ay isang Samaritano.[15] Sa krus, nagpakita si Hesus ng pagkahabag sa isang magnanakaw na walang maaaring asahan kundi kahatulan.[16]
Ang Kahalagahan ng Panalangin
Ang Lucas ay nagpapakita na ang panalangin ay mahalaga sa buhay ni Hesus. Sa labinlimang tiyak na reperensiya sa pananalangin ni Hesus sa mga ebanghelyo, labing-isa dito ay matatagpuan sa Lucas. Nang siya’y nakaharap sa isang mahalagang pagpapasiya, ginugol ni Hesus ang buong gabi sa pananalangin.[17] Dalawa sa mahahalagang talinhaga ni Hesus tungkol sa panalangin ay nakatala sa Lucas 18. Ang mga talinhagang ito ay nagtuturo tungkol sa pagtitiyaga at kababaang-loob sa pananalangin.[18] Ang pananalangin ay isang mahalagang tema sa Lucas.
Ang Tungkulin ng Banal na Espiritu
Ang Ebanghelyo ni Lucas ay nagbibigay ng malapit na pansin sa tungkulin ng Banal na Espiritu sa buhay ni Hesus. Ang temang ito ay magpapatuloy sa Aklat ng mga Gawa habang ipinapakita ni Lucas ang tungkulin ng Banal na Espiritu sa unang iglesya.
Ang tungkulin ng Banal na Espiritu ay nakikita sa kabuuan ng Lucas:
Sina Juan Bautista, Elizabeth, at Zacarias ay puspos ng Banal na Espiritu.[19]
Ang Banal na Espiritu ay dumating kay Maria nang ipaglihi si Hesus.[20]
Dumating ang Banal na Espiritu sa pagbabautismo kay Hesus.[22]
Ang Banal na Espiritu ang nag-akay kay Hesus sa ilang upang doon tuksuhin.[23]
Ang Banal na Espiritu ay kasama ni Hesus nang siya’y bumalik sa Galilea para sa ministeryo.[24]
Sa bago ang kaganapan ng Pentekostes, ipinangako ni Hesus ang Banal na Espiritu para sa mga humihingi nito.[25]
Ang Ebanghelyo ni Lucas sa Iglesya Ngayon
Para sa kasalukuyang mapagdudang mundo, ang maingat naatensiyon ni Lucas sa detalye ay nagbibigay ng makapangyarihang patotoo sa katotohanan ng Kasulatan. Inilalagay ni Lucas ang simula ng pampublikong ministeryo ni Hesus sa konteksto na nagpapakita ng maingat na detalye ng kanyang salaysay:
“Ngayon sa ikalabinlimang taon ng pamumuno ni Tiberius Caesar, si Poncio Pilato ang gobernador ng Judea, at si Herodes bilang ang tetrarka ng Galilea, at ang kanyang kapatid na si Philip ang tetrarka ng Ituraea at sa rehiyon ng Trachonitis, at Lysanias ang tetrarka ng Abilene, sina Annas at Caiaphas ang siyang mga punong-pari....”[26]
Sa ating pagpapakilala kay Kristo sa isang nag-aalinlangang mundo, maaari tayong mangaral nang may pagtitiwala. Ang ating pananampalataya ay hindi “bulag na pananampalataya” sa isang kathang-isip na relihiyosong nilalang. Ang ating pananampalataya ay nakatatag sa isang katauhan sa kasaysayan, ang nagkatawang-taong Anak ng Diyos na namuhay sa piling natin, namatay para sa ating mga kasalanan, muling binuhay sa ikatlong araw, at umakyat sa langit kung saan siya’y nakaupo sa kanang kamay ng Ama.
Ang tungkulin ng pananalangin sa buhay ni Hesus ay nagsisilbing isang modelo para sa bawat Kristiyano. Kung si Hesus, na walang kasalanan at nagtataglay ng malapit na pakikipag-isa sa Ama, ay nakita ang kahalagahan ng pananalangin, lalong higit na dapat nating makita ang pananalangin bilang pangunahin sa ating mga buhay. Ang ebanghelistang si Leonard Ravenhill ay sumulat, “Walang sinumang tao ang mas higit pa sa kanyang buhay panalangin. Ang pastor na hindi nananalangin ay naglalaro...”[27]
Sa panghuli, kung paanong ang Banal na Espiritu ay napakahalaga sa ministeryo ni Hesus, ang Banal na Espiritu ay dapat ding maging sentro sa buhay ng Iglesya Ngayon. Nagpapakita ang kasaysayan ng iglesya ng dalawang panganib kaugnay sa Banal na Espiritu. Ang isang panganib ay ang pagbibigay-diin sa tungkulin ng Banal na Espiritu na isinasa-isantabi ang iba pang persona ng Trinidad. Ang katumbas na panganib ay ang pagpapaliit ng tungkulin ng Banal na Espiritu sa iglesya. Nagbigay ng babala si A.W.Tozer na ang iglesya ay may kakayahang pahintulutan ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu na mapalitan ng “isang mumurahin at gawa- gawang kapangyarihan.”[28] Kamakailan lamang, nagbabala si Francis Chan: “Ang iglesya ay nawawalan ng kabuluhan kapag ito’y nagiging simpleng gawa lamang ng tao. Hindi ganyan ang pagkalikha sa atin, kapag ang lahat ng bagay sa ating mga buhay at iglesya ay naipapaliwanag nang hiwalay sa gawain at presensiya ng Espiritu ng Diyos.”[29]
Ipinapakita ng Mga Gawa ang kahalagahan ng Banal na Espiritu sa iglesya; ipinapakita ni Lucas ang kahalagahan ng Banal na Espiritu sa buhay ng indibidwal. Nagtiwala si Hesus sa paggabay at kapangyarihan ng Banal na Espiritu sa kanyang ministeryo sa lupa; hindi natin dapat pahintulutan ang anumang “mumurahin at gawa-gawang kapangyarihan upang pumalit sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu” sa Iglesya Ngayon.
[1] Ang mga bahagi ng Gawa na nagpapahiwatig ng presensiya ni Lucas sa grupo ay 16:10-17; 20:5-21:18; 27:1-28:16.
[2] Sa Gawa 28:30, si Pablo ay nakabilanggo sa bahay, subalit hindi pa nanganganib para sa kanyang buhay.
[29] Francis Chan. Forgotten God: Reversing Our Neglect of the Holy Spirit.
Konklusyon
Si Thomas Linacre ay isang propesor sa Oxford at pansariling manggagamot ni Haring Henry VIII. Pagkatapos niyang basahin sa unang pagkakataon ang mga Ebanghelyo, isinulat niya sa kanyang talaarawan, “Alin sa dalawa, hindi ito ang ebanghelyo o tayo ay hindi mga Kristiyano.” Kinilala ni Linacre na ang buhay ng isang tunay na Kristiyano ay binago ni Hesu-Kristo. Kapag inihahambing niya ang kanyang buhay at ang buhay ng mga nagsasabing sila’y mga Kristiyano sa kanyang paligid Kristiyano, subali’t hindi natin ipinapakita ang imahen ni Kristo Hesus.”
Mula sa mga sermon sa bundok ayon kay Mateo, hanggang sa paglalarawan ni Marcos sa paglilingkod ni Hesus sa mga nangangailangan, hanggang sa pagbibigay-diin ni Lucas sa Banal na Espiritu, ang mga ebanghelyo ay nagpapakita ng larawan ng ministeryo ni Hesu-Kristo. Sa pamamagitan nito, ang mga ebanghelyo ay nagpapakita ng kahulugan ng pagiging isang Kristiyano. Sa ating pagbasa ng mga ebanghelyo, dapat nating tanungin ang ating mga sarili, “Nasasalamin ba sa aking buhay ang nakakabago-ng-buhay na biyaya ni Hesu-Kristo?”
Mga Takdang-Aralin ng Aralin
Ipakita ang iyong pagkaunawa sa kabanatang ito sa mga sumusunod na takdang-aralin:
(1) Pumili ng dalawa sa mga sumusunod na takdang-aralin:
Maghanda ng isang sermon o aralin sa Bibliya sa isa sa mga talinhaga ni Hesus. Ito ay maaaring 5-6 na pahinang manuskrito (mga 200-2500 salita) o isang nakarekord na sermon o aralin.
Maghanda ng isang sermon o aralin sa Bibliya tungkol sa kahalagahan ng pagpapako sa krus o ng Muling Pagkabuhay sa buhay ng Kristiyano. Ito ay maaaring 5-6 na pahinang manuskrito (mga 200-2500 salita) o isang nakarecord na sermon o aralin.
Maghanda ng timeline ng Linggo ng Pagpapakasakit (Semana Santa) na maaaring gamitin para sa pagtuturo. Ito ay maaaring isang presentasyong gamit ay papel o gamit ang kompyuter. Ang timeline ay dapat maglaman ng mga pangunahing pangyayari sa Linggo ng Pagpapakasakit.
Gumuhit ng isang mapa ng Palestina na nagpapakita ng lokasyon ng bawat isa sa mga sumusunod na rehiyon at mga lunsod: Judea, Galilea, Samaria, Decapolis, Jerusalem, Nazareth, Jericho at Caesarea Philippi.
(2) Kumuha ng pagsusulit batay sa materyal mula sa araling ito. Kasama rin sa pagsusulit ang mga talata sa Kasulatan na nakatakdang isaulo.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 2
(1) Bakit tinatawag na Sinoptikong Ebanghelyo ang unang tatlong ebanghelyo?
(2) Magbigay ng tatlong ebidensiya na ang Mateo ay nakatuon sa mga mambabasang Hudyo.
(3) Maglista ng tatlong pangunahing tema ng Mateo.
(4) Maglista ng tatlong pangunahiing tema ng Marcos.
(5) Ilista at ipaliwanag ang tatlong tagapakinig na nakaugnay sa Sikreto ng pagiging Mesiyas ng Marcos.
(6) Ano ang nalalaman natin tungkok kay Teofilo? Tungkol kay Lucas?
(7) Ano ang itinuturo ng Chalcedonian Creed tungkol sa kalikasan ni Hesus?
(8) Maglista ng apat na pangunahing tema ng Lucas.
(9) Maglista ng tatlong halimbawa ng ministeryo ni Hesus mula sa Lucas sa mga taong may mababang kalagayan sa lipunan.
(10) Maglista ng tatlong halimbawa ng gawain ng Banal na Espiritusa panahon ng buhay sa mundo ni Hesus.
(11) Isulat ang Mateo 5:48; Marcos 10:45; Lucas 19:10 mula sa memorya.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.