Sa Lumang Tipan, ang aklat ni Josue ay nagpakita ng paglipat ng Israel mula sa buhay sa ilang patungo sa buhay sa Canaan, at mula sa pangunguna ni Moses sa pangunguna ni Josue. Ang Josue ay nagpapakita ng mahalagang pagbabago sa kasaysayan ng bayan ng Diyos, ang Israel.
Sa Bagong Tipan, ang Aklat ng Mga Gawa ay nagpapakita ng pagbabago mula sa ministeryo sa lupa ni Hesus patungo sa espirituwal na ministeryo ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng iglesya. Kumikilos ito mula sa pagtutuon ng pansin sa gawain ni Hesus tungo sa patutuon ng pansin sa gawain ng mga apostol. Ipinapakita ng Mga Gawa ang mahalagang pagbabago sa kasaysayan ng bayan ng Diyos, ang iglesya.
Pinapakita ng aklat ng Josue ang bahagi ng hindi pa lubos na matagumpay na pagbabago. Sa katapusan ng aklat, ang bayan ng Israel ay nangako ng katapatan sa Diyos.[1] Gayunman, ang mga Cananeo ay hindi lubusang natalo. Sa sumunod na henerasyon, ang Israel ay sumasamba sa mga Diyos ng Cananeo.[2]
Ang Mga Gawa ay nagpapakita ng mas matagumpay na pagbabago. Ang pagsusugo na nagsimula sa aklat ay natupad sa dulo ng aklat.[3] Ang Mga Gawa ay nagsimula sa isang iglesyang Hudyo na nakasentro sa Jerusalem; at natatapos ito sa isang iglesyang binubuo ng iba’t-ibang kultura na nakasentro sa Antioch. Ang Mga Gawa ay nagsimula sa Jerusalem; nagtapos ito sa Roma. Nagsimula ang Mga Gawa kay Pedro, isa sa mas malalim sa sirkulo ni Hesus, sa pasimula; nagtapos ito kay Pablo, isang dating mang-uusig ng iglesya, sa pasimula.
Nagbigay ang Aralin 1 ng buod na pagtanaw sa mundo ng Bagong Tipan. Ang isang pagbabalik-tanaw sa araling iyon ay magpapaalala sa iyo para sa pag-aaral ng Mga Gawa. Ilang dagdag na katotohanan ay mahalaga para maunawaan ang paglaganap ng unang iglesya sa kabuuan ng Imperyong Romano.
Heograpiya. Ang tuon ng Mga Gawa ay kumikilos mula sa Palestina hanggang sa mas malawak na mundo ng Imperyong Romano. Mangyaring mag-ukol ng ilang panahon upang tingnan ito sa mapa sa inyong Bibliya o sa isang Libro ng mga mapa sa Bibliya.[1] Pansinin ang mga sumusunod na lugar na mahalaga sa Mga Gawa:
Ang Antioch sa probinsiya ng Siria: ang sentro ng Kristiyanong outreach o pag-abot sa labas ng Judea.
Ang Filipos sa probinsiya ng Macedonia: ang unang iglesyang itinayo sa lupaing Europeo.
Ang Efeso sa probinsiya ng Asya: ang kapitolyo ng probinsiya. Ang estratehiya ni Pablo ay magtatag ng mga iglesya sa mga pangunahing lunsod ng Imperyong Romano. Mula sa simulang iglesya sa isang sentral na lokasyon ang ebanghelyo ay lalaganap na sa buong probinsiya.
Ang Corinto ay isang probinsiya ng Achaia: Ang lokasyon ng Corinto sa isang tangway ng Dagat Mediterranean ang dahilan na ito’y naging mahalagang lunsod para sa pag-eebanghelyo.
Roma: Ang layunin ni Pablo ay maebanghelyo ang buong imperyo mula sa sentrong lunsod na ito.
Kasaysayan. Dalawang emperador na Romano ang naging mahalaga sa Mga Gawa at sa mga Sulat.
Si Nero ay emperador mula A.D. 54-68. Sa panahon ng panunungkulan ni Nero, ang mga Kristiyano ang sinisisi para sa malawakang sunog na nagwasak sa halos buong Roma. Ang maling paratang na ito ang nagsimula sa malawakang pag-uusig sa mga Kristiyano. Sina Pedro at Pablo ay kabilang sa maraming Kristiyano na pinatay ni Nero.
Si Domitian ay emperador mula A.D. 81-96. Inangkin niya ang titulong “Panginoon at Diyos” at inusig ang mga Kristiyanong tumangging manumpa ng katapatan sa kanya. Malamang na ang Aklat ng Pahayag ay nagmula sa panahong ito.
[1] Online Bible maps are available at http://www.openbible.info/geo/.
Ang Background ng Aklat ng mga Gawa
Ang Sumulat at Petsa
Sa Mga Gawa, nagpapatuloy si Lucas sa pagsasalaysay na sinimulan niya sa kanyang ebanghelyo. “Ang dating kasunduan na ginawa ko, O Teofilo...”[1]
Sa dulo ng aklat ng Mga Gawa, si Pablo ay bilanggo sa bahay sa Roma.[2] Ito ay nagpapahiwatig ng marahil ay petsa sa bandang huli ng 50’s o sa simula ng 60’s, bago harapin ni Pablo ang nalalapit na pagiging martir.
Layunin
Ipinakikita ng Ebanghelyo ni Lucas si Hesuss habang sinasanay ang mga disipulo sa pangunguna sa iglesya. Ipinakikita ng Mga Gawa ang mga disipulo na nagdadala ng ebanghelyo sa mundo. Ipinakikita ng Mga Gawa ang paglaganap ng Ebanghelyo mula sa Jerusalem at Judea hanggang sa Samaria at sa pinakamalayong bahagi ng mundo.
Mahahalagang mga Tema
Detalyeng pangkasaysayan
Tulad ng Ebanghelyo ni Lucas, ang Mga Gawa ay nagbibigay ng masusi at maingat na atensiyon sa detalyeng pangkasaysayan. Binabanggit sa Mga Gawa ang mahigit sa tatlumpung mga bansa, mahigit sa limampung bayan, at halos isang daang mga tiyak na indibidwal.[3]
Pag-eebanghelyo at pagmimisyon
Sa simula ng mga Gawa, inutusan ni Hesus ang kanyang mga disipulo na ipangaral ang ebanghelyo sa Jerusalem, Judea, Samaria at hanggang sa “dulo ng mundo.” Sa katapusan ng Mga Gawa, ang ebanghelyo ay ipinapangaral na sa Imperyong Romano.
Ang Gawain ng Banal na Espiritu
Ang Ebanghelyo ni Lucas ay nagbigay-pansin sa tungkulin ng Banal na Espiritu sa pansanlibutang ministeryo ni Hesus. Sa Mga Gawa, ipinapakita ni Lucas ang tungkulin ng Banal na Espiritu sa unang iglesya. Ang Banal na Espiritu ang pangunahing tauhan sa Mga Gawa. Sa pamamagitan ng Espiritu kaya’t ang mga disipulo ay nabigyang kakayahan para sa ministeryo.
Ang Mensahe ng Ebanghelyo
Ang Ebanghelyo ni Lucas ay isinulat upang patotohanan ang pagiging tamang tama ng mga bagay na itinuro kay Teofilo bilang isang bagong mananampalataya. Ibinabahagi ng mga Gawa ang parehong interes sa pagtuturo ng Ebanghelyo sa mga bagong nagbabalik-loob. Halos ¼ ng buong libro ay binubuo ng mga pangangaral. Kabilang sa mahahalagang pangangaral sa Mga Gawa ang:
Pangangaral ni Pedro sa araw ng Pentekostes (Mga Gawa 2)
Pagpapatotoo ni Esteban sa harap ng Sanhedrin (Mga Gawa 7)
Ang pangangaral ni Pedro sa bahay ni Cornelius (Mga Gawa 10)
Ang pangangaral ni Pablo sa Bundok ng Mars sa Athenas (Mga Gawa 17)
Ipinapakita ng mga pangangaral ito ang pangunahing mensahe na ipinangaral ng mga apostol:
Ang pagiging Panginoon ni Jesu Kristo.
Ang pangkasaysayang katotohanan ng ebanghelyo.
Ang kaligtasan dahil sa biyaya sa pamamagitan pananampalataya.[4]
[3] Walter A. Elwell and Robert W. Yarbrough. Encountering the New Testament. Mich: Baker Academic, 2005, 211.
[4] Tinatawag ng mga theologians ang buod na mensaheng ito na kerygma, ang ipinangaral na ebanghelyo.
Nilalaman ng Aklat ng mga Gawa
Nagsisimula ang Mga Gawa sa panahong ang mga disipulo ay nasa kalagayan ng kalituhan. Sa pagsunod sa kanyang pagpasok sa Jerusalem, ang mga disipulo ay umasa na itatatag niya ang kanyang kaharian sa lupa. Sa halip, siya ay dinakip, nilitis at ipinako sa krus. Sa kanyang muling pagkabuhay, muli silang nagalak sa pag-iisip na maaaring magkaroon ng kaharian ng tagapagligtas.
Sa simula ng Mga Gawa, sinabi ni Hesus sa mga disipulo na manatili sa Jerusalen upang “hintayin ang ipinangako ng Ama.” Itinanong nila, “Panginoon, muli mona bang itatatag ang iyong kaharian sa Israel?” Hindi nila maiintindihan ang kanyang tugon hanggang makalipas ang ilan pang panahon.
“Hindi para sa inyo na malaman ang oras o ang panahon, na tanging ang Ama ang naglagay sa kanyang sariling kapangyarihan. Subali’t kayo’y tatanggap ng kapangyarihan, pagkatapos na dumating sa inyo ang Banal na Espiritu: at kayo ay magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa buong Judea, at Samaria, at hanggang sa dulo ng mundo.”[1]
Ang pagsusugong ito ay nagbibigay ng isang paraan ng pagtanaw sa istruktura ng Mga Gawa: ang ebanghelyo sa Jerusalem (1-7); ang ebanghelyo sa Judea at Samaria (8-12); ang ebanghelyo sa pinakadulo ng mundo. (13-28).
Ang Ebanghelyo sa Jerusalem (Mga Gawa 1-7)
Ang sentro ng gawain sa Mga Gawa 1-7 ay sa Jerusalem. Kasama sa sanaysay na ito ang kuwento ng Pentekostes, isang larawan ng buhay sa unang iglesya, at ang pagiging martir ni Esteban.
Pentekostes: Ang Pagsilang ng Iglesya
Pagkatapos ng pag-akyat (ni Hesus) sa langit, bumalik ang mga disipulo sa Jerusalem at “nagpatuloy sa nagkakaisang pananalangin at paghiling.”[2] Naroon sila sa araw ng Pentekostes, ipinagdiwang ang “Pista ng mga LInggo” pitong linggo pagkatapos ng Paskuwa.[3] Ipinagdiriwang ng Pista ng mga Linggo ang pagkakaloob ng Batas sa Israel. Sa kasalukuyan, ipinagdiriwang sa Pentekostes ang pagkakaloob ng Banal na Espiritu sa iglesya. Sa kanyang sermon sa Pentekostes ipinapaliwanag ang mahimalang tanda sa araw na ito, ipinaalaala ni Pedro sa kanyang mga tagapakinig na hinulaan na ni Joel na isang araw ibubuhos ng Diyos ang kanyang Espiritu sa lahat ng tao. Ang pangakong ito ay natupad sa araw ng Pentekostes.[4]
Buhay sa Unang Iglelsya
► Paano nagiging isang modelo para sa iglesya ngayon ang unang iglesya? Sa paanong paraan dapat matulad ang ating pagsamba sa pagsamba sa araw ng Pentekostes? Sa anong mga paraan dapat maiba ang ating pagsamba sa pagsamba sa araw ng Pentekostes?
Ang larawan ng buhay sa unang iglesya ay nagbubunga ng mahalagang tanong sa pagbibigay kahulugan ng aklat ng Mga Gawa. Ang Mga Gawa ay isang aklat ng kasaysayan, hindi isang sulat ng teolihiya tulad ng Roma. Ang isang aklat ng kasaysayan ay nagtataglay ng kapwa paglalarawan (“ito ang kanilang ginawa”) at mga mungkahi (“ito ang dapat ninyong gawin”).
Kapag nagbabasa tungkol sa unang iglesya, ang mambabasa ay dapat magtanong, “Sinasabi ba ng Mga Gawa na ang katangiang ito ay dapat maging bahagi ng buhay iglesya sa panahong ito?” o “Simple lamang bang inilalarawan ng Mga Gawa ang isang panahon sa kasaysayan ng iglesya?” Isang paraan upang alamin ang sagot ay itanong, “Paano ito naaangkop sa pangkalahatang katuruan ng Bibliya? Ito ba ay iniutos din sa ibang bahagi ng Kasulatan?”
May dalawang halimbawang nagpapakita ng pagkakaiba sa pagitan ng mungkahi at paglalarawan sa Mga Gawa.
Ayon sa Mga Gawa 2:42, iniukol ng mga Kristiyano ng unang siglo ang kanilang mga sarili sa mga katuruan ng mga apostol, sa pakikipag-kaisa sa ibang mga mananampalataya, at sa panalangin. Ang mga pag-aaral ng Bibliya, pagtitipon-tipon para sa pagsamba, at pananalangin ay iniutos para sa atin ngayon; hindi sila mga paglalarawan lamang ng isang panahon sa kasaysayan.
Ayon sa Mga Gawa 2:45. Ang mga unang Kristiyano ay nagbenta ng kanilang mga ari-arian at “ang lahat ng bagay ay pag-aari rin ng lahat.” Dahil ang gayung gawain ay hindi iniutos sa iba mang lugar sa Kasulatan, maaari nating sabihin na ito ay isang paglalarawan lamang ng buhay sa panahong iyon, sa halip na isang panuntunang iminumungkahi para sa kasalukuyan.[5]
► Bago magpatuloy sa araling ito, mag-ukol ng panahon upang pag-aralan ang mga gawain ng unang iglesya. Sa bawat gawaing pag-aaralan, isipin, “Ang Gawain bang ito ay iniuutos para sa kasalukuyan, o ito ay isa lamang paglalarawan ng buhay sa unang iglesya?” Ang iyong sagot ay dapat depende sa pagtingin sa kabuuan ng Kasulatan, hindi sa pagtatanong lamang ng .”Ano ba ang gusto ko?”
Pag-aaral sa mga katuruan ng mga Apostol
Pakikisalamuha sa ibang manananmpalataya
Araw-araw na pagsamba sa templo
Mga tanda at himala upang patotothanan ang gawain ng Banal na Espiritu
Pagbebenta ng kanilangmga ari-arian
Pagpupuri sa Diyos
Nagpapatuloy nap ag-eebanghelyo
Pagsasalita sa ibang wika
Si Esteban: Ang Unang Kristiyanong Martir
Pagkatapos ng Pentekostes, ang iglesya ay nagpatuloy sa mabilis na paglago. Maraming tao ang nagbalik-loob, kabilang ang “malaking bilang ng mga saserdote.”[6] Sa kabila ng mga pagsisikap ng mga lide na Hudyo na itago ang katotohanan ng muling pagkabuhay, nalalaman ng mga saserdoteng ito ang katotohanan: ang pagkapunit ng tabing sa templo, ang pagkawala ng katawan sa libingan, at ang pagsasabwatan na itago ang katotohanan. Nagpatuloy ang mga tanda at himala sa buong panahon ng mga unang araw ng iglesya, na nagpapatotoo sa ministeryo ng mga apostol bilang pagpapatuloy sa ministeryo ni Hesus.
Sa kalagayang iyon, hindi maiiwasan ang mga pag-uusig. Pagkatapos paratangan ng paglapastangan sa Diyos ng mga bulaang saksi si Esteban, siya ay binato hanggang sa mamatay. Sa harap ng pagiging martir, ipinangaral ni Esteban ang isang sermon na tumutunton sa pagkilos ng Diyos mula kay Abraham hanggang kay Hesus. Ipinakilala ng Mga Gawa si Saulo sa ganitong pangungusap, “At si Saulo ay sumang-ayon sa kanyang kamatayan.”[7] Si Pablo, na naging pinakadakilang misyonero ng iglesya, ay unang nakilala bilang si Saulo, na lumilikha “ng kaguluhan sa iglesya” sa pamamagitan ng pagpapakulong sa mga mananampalataya.[8]
Ang Ebanghelyo sa Judea at Samaria (Mga Gawa 8-12)
Sa Mga Gawa 8-12, lumaganap ang ebanghelyo sa kabila pa ng Jerusalem hanggang sa Judea at Samaria. Ang pag-uusig ay isang dahilan na nagtulak sa mga unang mananampalataya sa labas ng Jerusalem hanggang sa Judea at Samaria. Sa kanilang pagtakas, dinala nila ang ebanghelyo. Ginamit ng Diyos ang pag-uusig upang tuparin ang utos sa Mga Gawa 1:8. Sa Mga Gawa 8-12,
Si Felipe, isang Hudyo na nagsasalita ng Griego, ay nangaral sa Samaria at nagkaroon ng malaking resulta (8:4-24)
Nangaral si Felipe sa isang eunukong taga-Ethiopia na naglalakbay upang sumamba (8:26-40).
Si Saulo, na naglalakbay upang dakpin ang mga mananampalataya sa Damascus, ay nagbalik-loob (9:1-22)
Nangaral si Pedro kay Cornelius, isang Romanong kumander ng militar (10:1-11:18)
Nagministeryo si Bernabe sa Antioch, ang kapitolyo ng Romanong probinsiya ng Siria (11:22-30). Mahalaga ang ministeryong ito sa dalawang kadahilanan.
(1) Ipinakilala ni Bernabe si Saulo sa iglesya sa Antioch. Ang ministeryo doon ni Saulo ay nagkaroon ng mahalagang bahagi sa kanyang paglago.[9]
(2) Ang Antioch ang naging pangunahing iglesyang nagsusugo ng misyonero sa kalahatian ng unang siglo. Ang bawat isa sa mga paglalakbay ni Pablo ay nagsisimula sa Antioch.
Ang Ebanghelyo hanggang sa Dulo ng Daigdig (Mga Gawa 13-28)
Ang Unang Paglalakbay Pangmisyon (Mga Gawa 13-14)
Ang huling kalahati ng Mga Gawa ay tumutunton sa ministeryo ni Apostol Pablo. Kasunod ng kanyang pagbabalik-loob, gumugol siya ng panahon sa Arabia, Damascus, at Cilicia. Pagkatapos siya ay isinama ni Bernabe upang magturo sa iglesya sa Antioch, isang iglesyang sinimulan ng mga Kristiyanong itinaboy mula sa Jerusalem dahil sa pag-uusig ni Saulo.
Simula A.D. 47-49, sina Pablo at Bernabe, kasama ang pinsan ni Bernabe na si Juan Marcos, ay naglakbay sa Cyprus (bayan ni Bernabe) at Asia Minor. Maraming panahon sa paglalakbay na ito ang ginugol sa pagtatatag ng mga iglesya sa Galacia, isang Romanong probinsiya sa Asia Minor. Mula sa paglalakbay na ito hanggang sa mga kasunod pa, nakilala si Saulo bilang si Pablo. Ang Saulo ay pangalang Hebreo; ang Pablo ay pangalang Romano. Ang pagbabagong ito sa pangalan ay sumisimbolo sa espesyal na pagkatawag kay Pablo sa mga Hentil.
Habang sila’y nasa Perga ng Pampilia, iniwan ni Juan Marcos ang grupo at bumalik sa kanyang tahanan.[10] Pagkatapos maglakbay nang hanggang sa Derbe, binalikan nina Pablo at Bernabe ang kanilang mga pinagdaanan, binisita ang mga iglesyang kanilang itinatag bago sila bumalik sa kanilang pinagmulang lugar sa Antioch.
Ang Konseho sa Jerusalem (Mga Gawa 15:1-35)
► Anong mga prinsipyo mula sa Konseho ng Jerusalem ang dapat gumabay sa atin sa ngayon?
Ang pagbabalik-loob ng mga Hentil sa pamamagitan ng ministeryo ni Pablo ay nagbunga ng mabigat na usapin sa iglesya. Nagkaroon ng pagkakahati sa pagitan mga Kristiyanong Hudyo na nagpipilit na maging ang mga Kristiyanong Hentil ay magsagawa rin ng lahat ng aspeto ng Batas ni Moses[11] at ang mga nagsasabi na ang batas ni Moses ay hindi nagtatali o kinakailangang sundin ng mga Kristiyanong Hentil.
Taong A.D. 49, ang mga lider ng iglesya ay nagtipon-tipon sa Jerusalem upang tapusin na ang usapin. Ang mga nagnanais na ipatupad ang pagtutuli para sa mga Hentil ang unang nagsalita. Pagkatapos, nagsalita si Pedro tungkol sa kanyang karanasan sa bahay ni Cornelio kung saan “hindi naglagay ang Diyos ng anumang pagkakaiba sa pagitan natin (mga Hudyo) at nila (mga Hentil), at dinalisay ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya.”[12] Tinukoy nina Pablo at Bernabe ang mga ebidensiya ng pagkilos ng Diyos sa mga Hentil.
Si Santiago, ang lider ng iglesya sa Jerusalem, ay nagtapos sa pasya ng Konseho na ang mga Hentil ay kailangang umiwas sa apat na mga gawain:
Karne na inialay sa mga Diyos-Diyosan.
Karne na galing sa hayop na nabigti
Karne na mayroon pang dugo
Seksuwal na imoralidad
Ito ay hindi isang listahan ng mga tuntunin kung saan ang mga Hentil ay nagkakamit ng kaligtasan. Sa halip, ito ay isang modelo para sa pagkakaisa ng mga Kristiyano na nagmula sa napakalawak na iba’t-ibang pinagmulan. Ang mga kinakailangan patungkol sa pagkain ay nagpahintulot na sama-samang kumain ang mga Hudyo at Hentil, isang mahalagang simbolo ng pagkakaisa sa unang iglesya. Ang pagbibigay-diin sa seksuwal na imoralidad ay mahalaga dahil sa mahiwagang background ng maraming bagong nagbabalik-loob na mga Hentil.
Sinikap ng Konseho na magkaroon ng balanse sa dalawang prinsipyo. Ang prinsipyo ng kalayaan na pumigil sa mga Kristiyanong Hudyo na maglagay ng “isang pamatok sa leeg ng mga disipulo” gamit ang mga hindi kinakailangang mga kasunduan.[13] Ang prinsipyo ng pakikisalamuha na nagtakda sa mga Hentil na umiwas sa mga gawaing hindi kinakailangan ngunit nakakasakit sa kalooban ng kanilang mga kapatid na Hudyo.
Ang Ikalawang Paglalakbay Pangmisyon (Mga Gawa 15:36-22)
Hindi lahat ng di-pagkakasundo sa unang iglesya ay patungkol sa mga prinsipyo. Naghiwalay sina Pablo at Bernabe dahil sa isang personal na di-pagkakaunawaan patungkol kay Juan Marcos.[14] Ang hindi pagkakasundong ito ay nagpapakita na ang Diyos ay kumikilos kahit pa sa gitna ng mahihirap na personal na mga kalagayan. Si Silas ay naging isang mahalagang manggagawa; ang mga pagsisikap nina Pablo at Bernabe ay naging doble dahil sa kanilang magkahiwalay na gawain; at si Pablo ay muling nakipagkaisa kay Juan Marcos pagkalipas ng ilang panahon.[15]
Sinimulan nina Pablo at Silas ang ikalawang paglalakbay pangmisyon na ito sa pagdalaw sa mga iglesyang sinimulan nina Pablo at Bernabe sa kanilang unang paglalakbay pangmisyon. Nagministeryo din sina Pablo at Silas sa Filipos, Tesalonica, Berea, Athenas at Corinto. Sa paglalakbay na ito, ang Ebanghelyo ay naipangaral sa lupaing Europeo pagkatapos na makakita si Pablo ng isang pangitain ng isang lalaki mula sa Macedonia na humihingi ng tulong.[16] Ang kabataang si Timoteo ay sumama sa grupo ni Pablo sa Lystra; at si Lucas ay umanib kina Pablo sa Troas.[17] Gumugol si Pablo ng labingwalong buwan sa pagtatatag ng isang iglesya sa Corinto. Ang grupo ay bumalik sa Antioch pagkatapos ng mahigit sa tatlong taong paglalakbay (A.D. 50-53).
Ipinapakita ng ikalawang paglalakbay na pangmisyon ang pagtutol na kinaharap ni Pablo sa pangangaral. Sila ay nabilanggo sa Filipos; ang tahanang kanilang tinirhan sa Tesalonica ay inatake ng galit na pulutong; ang mga kaaway mula sa Tesalonica ay sumunod sa kanila hanggang sa Berea; at si Pablo ay nilitis sa Corinto.[18]
Ang paglago ng iglesya ay dumating sa malaking halaga. Hindi isinusuko ni Satanas ang alinmang teritoryo nang hindi lumalaban. Gayunman, ipinapakita ng Mga Gawa ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu at ang tagumpay ng Ebanghelyo habang itinatatag ang mga iglesya sa kabuuan ng Asia Minor, Macedonia at Acaya.
Ang Ikatlong Paglalakbay Pangmisyon (Mga Gawa 18:23-21:15)
Sandaling panahon lamang nanatili si Pablo sa Antioch bago lumisan upang bisitahin ang mga iglesya sa rehiyon ng Galacia at Phrygia. Ang unang bahagi ng paglalakbay na ito ay inilaan sa pagpapalakas ng loob ng mga mananampalataya sa mga iglesyang sinimulan sa mga naunang mga paglalakbay.[19] Ang ikatlong paglalakbay ay tumagal mula A.D. 53-57. Ang pinakamatagal (tatlong taon) ay ginugol sa Efeso. Habang nasa Efeso isinulat ni Pablo kapwa ang dalawang liham sa Corinto, na tinatalakay ang mga suliranin sa mahirap na iglesyang ito.
Pagkatapos umalis sa Efeso dahil sa pagsalungat ng mga kaaway, naglakbay si Pablo sa Macedonia at Acaya. Humingi siya ng tulong mula sa karamihan na mga Hentil na iglesya sa rehiyong ito upang suportahan ang mga nangangailangan ng Kristiyanong Hudyo sa Jerusalem. Ang pagpapakitang ito ng pagkakaisa ng iglesya ay nagpatunay na ang mga Hudyo at Hentil ay kapwa miyembrong iglesya ni Kristo.
Pagdakip at Pagkakabilanggo (Mga Gawa 21:15-28:31)
Pagbalik mula sa ikatlong paglalakbay pangmisyon, tumigil si Pablo sa Caesaria kung saan binigyang-babala ni propeta Agabus si Pablo na siya’y dadakpin sa Jerusalem.[20] Ang huling bahagi ng Mga Gawa ay nagsalaysay ng pagdakip kay Pablo, ang kanyang pagkabilanggo sa Caesarea, ang kanyang pag-apela sa Roma (ang karapatan bilang isang mamamayang Romano), ang mapanganib na paglalakbay patungo sa Roma (kabilang ang pagkawasak ng barko sa isla ng Malta), at dalawang taon ng ministeryo sa Roma habang nakakulong sa kanyang tahanan.
Ang katapusan ng Mga Gawa ay nagpapakita ng katuparan ng pagsusugo ni Hesus sa Jerusalem, Judea, Samaria at “maging sa pinakadulo ng daigdig.” Habang nakakulong sa tahanan, malayang nakapagministeryo si Pablo, “Ipinapangaral ang kaharian ng Diyos, at itinuturo ang mga bagay patungkol sa Panginoong JesuKristo, nang may lubos na pagtitiwala, nang walang nagbabawal sa kanya.”[21] Kahit pa may pagsalungat mula sa mga lider na Hudyo (sa unang bahagi ng Mga Gawa) o maging mula sa pamahalaang Romano (sa huling bahagi ng Mga Gawa), ang Banal na Espiritu ay patuloy na nagbibigay ng kapangyarihan sa iglesya upang tuparin ang pagsusugo ni Kristo.
Timeline ng Ministeryo ni Pablo
(Ang mga petsa ay mga pagtaya lamang.)
[5] Maraming iskolar ang naniniwala ana ang gawaing ito ay kaugnay sa a)pangangailangang tulungan ang mga Kristiyanong nawalan ng hanap-buhay at tahanan dahil sa kanilang pananampalataya at b) ang paniniwala ng unang iglesya sa nalalapit na pagbalik ni Hesus.
[9] “Masaya ang taong unang nakibahagi
Sa pangalan at kalikasan ng kanilang Panginoon.
Sila na tumalikod sa lahat ng pagkakasala
At sumamba sa Diyos sa espiritu at katotohanan.
Kung para saan sila’y tinawag, tunay ngang
Anointed o Pinahiran ng kapangyarihan ni Jehovah.
Ang Kanyang mga anak na inaakay ng kanyang Espiritu.
At isinilang na sa Diyos, hindi na sila muling nagkasala.”
- Charles Wesley, hymn on Acts 11:26
[11] Ang mga Kristiyanong ito ay mula sa “sekta ng mga Pariseo” (Mga Gawa 15:5). Ang usapin ay hindi ang pangkalahatang “Hudyo laban sa Hentil” na debate. Si Santiago, halimbawa, ay nanguna sa paghanap ng kalutasan sa suliranin.
Ang Ebanghelyo ni Lucas ay nagpapakita ng kahalagahan ng Banal na Espiritu sa ministeryo sa lupa ni Hesus; ang Aklat ng Mga Gawa ay nagpapakita ng kahalagahan ng Banal na Espiritu sa ministeryo ng iglesya. May ilang aspeto ng karanasan ng unang iglesya ang maaaring maulit nang wala ang presensiya ng Banal na Espiritu. Maaari nating pag-aralan ang Bibliya sa ating sariling kakayahan; maaari nating panatilihin ang antas ng pakikisama sa iglesya sa ating sariling kakayahan; maaari pa nga nating ulitin ang ilang tanda at kamangha-manghang mga bagay sa ating sariling kakayahan. Subali’t kung wala ang presensiya ng Banal na Espiritu sa ating kalagitnaan, hindi natin kailanman nakakamit ang katotohanang inilarawan sa Mga Gawa.
Ang cross-cultural na paglago ng iglesya sa Mga Gawa ay nagbibigay ng isang halimbawa para sa Iglesya Ngayon. Naghatid ng mga bagong mananampalataya ang Pentekostes mula sa Europa (Roma), Asya (Parthia at Media), at Africa (Egipto at Libya) sa nagsisimula pa lang na iglesya. Ipinapakita ng Mga Gawa ang isang iglesya na binubuo ng magkakaibang kultura na gumagawa “sa iisang layunin”. Kapag nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan, natutuhan ng iglesya na humanap ng kalutasan sa pamamagitan ng paggabay ng Banal na Espiritu. Ang layunin natin sa pag-eebanghelyo sa ngayon ay dapat katulad nito, upang ipalaganap ang ebanghelyo ni Kristo Hesus hanggang sa cultural na mga hangganan. Nagbibigay ang Mga Gawa ng isang modelo para sa iglesya na nagbubuklod sa lahat ng tunay na mananampalataya sa katawan ni Kristo.
Ang mga prinsipyo ng kalayaan at pakikisalamuha na binalangkas sa Konseho ng Jerusalem ay nagbigay ng modelo sa pagharap sa mga usapin ng konsiyensiya sa iglesya sa ating panahon. Tulad ng inuulit ni Pablo sa Roma 14 at 1 Corinto 8, dapat iwasan ng mga Kristiyano ang dalawang pagkakamali.
Ang prinsipyo ng kalayaan ay nag-uutos sa atin na iwasan nating ipatupad ang ating mga personal na paniniwala sa ibang mananampalataya.
Ang prinsipyo ng pakikisalamuha ay nag-uutos sa atin na iwasang gamitin ang ating kalayaan sa ikasisira ng isang mas mahinang kapatid. Ang kababaang-loob na ito ay malayo ang mararating sa pag-aalis ng mga hadlang sa pagitan ng magkakapatid na Kristiyano.
Sa mga iglesyang nahaharap sa pag-uusig, ang paglago ng unang iglesya sa harap ng pagsalungat ay isang inspirasyon tungo sa katapatan. Higit pa sa pagtulong lamang sa iglesya upang mabuhay, ginamit ng Diyos ang pag-uusig upang isulong ang mga disipulo sa labas ng Jerusalem at tuparin ang Kanyang misyon para sa iglesya. Habang hinahayaan natin ang Diyos na kumilos sa pamamagitan natin, itatayo niya ang Kanyang iglesya sa harap ng pagsalungat mula sa ating mundo.
Konklusyon
Sa Mga Gawa nakita natin ang pagbabago ng isang nag-aatubiling grupo ng mga disipulo na magkakasama sa Jerusalem at naging isang grupo ng mapagtiwalang ebanghelista na ipinapangaral ang ebanghelyo sa Roma at sa kabila pa nito. Ipinapakita ng Mga Gawa ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu na kumikilos sa loob at sa pamamagitan ng iglesya.
Isa sa mga dakilang ebidensiya para sa nakakapagpabagong kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay ang buhay ng Labindalawang Apostol. Mula sa mga lalaking tumakas sa lugar nang dakpin si Hesus, ang mga disipulong ito ay naging mga lalaking handang mamatay para sa Panginoong muling nabuhay. Ang isang maikling buod ng tradisyon patungkol sa pagkamatay ng mga apostol ang nagpapatoo sa pagbabagong nangyari sa Pentekostes. Sinelyuhan ng dugo ng mga disipulo ang kanilang patotoo.
Si Santiago ay pinatay ni Herodes Agrippa 12 taon lamang pagkalipas ng Pentekostes
Si Simon Pedro ay ipinako sa krus. Dahil ang pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat mamatay tulad ng kanyang Panginoon, hiniling niya na ipako siya sa krus nang patiwarik.
Si Andres, kapatid ni Pedro, ay ipinako sa krus sa Acaya, malapit sa Corinto.
Si Tomas ay nagbago mula sa “Si Tomas na mapag-alinlangan” at naging isang lalaking tunay na itinalaga ang sarili, nagtungo siya sa India bilang misyonero kung saan siya namatay na isang martir, marahil sa pamamagitan ng sibat.
Si Felipe ay pinahirapan at ipinako sa krus sa Phrygia.
Si Mateo ay pinugutan ng ulo sa Nad-Davar sa Ethiopia.
Si Nathaniel (Bartolome) ay pinahirapan at pagkatapos ay ipinako sa krus.
Si Santiago na Mas Kaunti ay dinala sa tuktok ng templo upang itatwa si Hesus. Nang siya’y tumanggi, siya ay ihinulog mula sa templo.
Si Simon na Masigasig ay ipinako sa krus sa Syria pagkatapos mangaral sa Egipto at Persia.
Si Judas Tadeo ay binugbog hanggang mamatay habang nangangaral sa mga paring pagano sa Mesopotamia.
Si Matias ay piniling kapalit ni Judas Iscariote. Nangaral siya sa Ethiopia at pagkalipas ay binato hanggang mamatay habang nakabitin sa isang krus.
Si Juan ay ang tanging apostol na namatay nang natural na kamatayan. Gayunman, matagal siyang nakulong sa isla ng Patmos.
Bilang pangwakas, mangyaring isipin, “Ano ang nais gawin ng Diyos sa ngayon sa pamamagitan ng iglesya?” Mayroong 120 disipulo sa araw ng Pentekostes; sa panahong iyon, tinatayang 45,000,000 katao ang nakatira sa Imperyong Romano. Mula sa pananaw ng isang tao, ang tungkulin ng pag-eebanghelyo sa mundong ito ay imposible. Kahanga-hanga, malapit sa katapusan ng unang siglo, ang ebanghelyo ay lumaganap na mula sa 120 puspos-ng-Espiritung mga mananampaltaya sa bawat sulok ng Imperyong Romano. Ano ang nais gawin ng Diyos sa pamamagitan ng Iglesya Ngayon?
Mga Takdang-Aralin ng Aralin
Ipakita mo ang iyong pagkaunawa sa araling ito sa mga sumusunod na takdang-aralin:
(1) Pumili ng isa sa mga sumusunod na takdang-aralin:
Sa Pahina 5 ng araling ito, tayo ay inatasang isipin ang listahan ng mga gawain ng unang iglesya. Inatasan kayong magpasya kung ang bawat isang gawain ba ay isang paglalarawan o isang mungkahi para sa kasalukuyang panahon. Para sa bawat gawain na sa palagay mo ay isang mungkahi, humanap na kahit isa man lang na reperensiya sa Kasulatan na malinaw na nag-uutos ng naturang gawain.
Gamit ang pangangaral ni Pedro sa Mga Gawa 2 o ang pangangaral ni Pablo sa Mga Gawa 7, sumulat ng isang pahinang sanaysay kung saan bibigyan mo ng buod ang mga pangunahing tema ng pangangaral ng mga apostol.
(2) Kumuha ng pagsusulit sa materyal galing sa araling ito. Kabilang sa pagsusulit ang Kasulatang nakatakdang isaulo.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 4
(1) Bakit mahalaga ang Efeso sa istratehiya ng pag-eebanghelyo ni Pablo?
(2) Bakit mahalaga ang Roma sa istratehiya ng pag-eebanghelyo ni Pablo?
(3) Sino-sinong emperador sa Roma ang nakaugnay sa pag-uusig sa unang iglesya?
(4) Bakit ang mga petsa sa bandang hulihan ng 50’s o simula ng 60’s ang tinatayang maaaring siyang panahon ng Mga Gawa?
(5) Maglista ng tatlong aspeto ng kerygma, ang buod na mensahe na ipinangaral ng mga apostol.
(6) Sino ang unang Kristiyanong martir?
(7) Ano ang tungkulin ng pag-uusig sa ebanghelikong outreach ng unang iglesya?
(8) Alin ang pangunahing maramihang-kultural o multi-cultural at iglesyang nagsusugo ng misyonero sa unang siglo ng iglesya?
(9) Ilista ang apat na mga kailangan na ipinataw ng Konseho ng Jerusalem sa mga mananampalatayang Hentil?
(10) Ano ang mga positibong resulta na naging bunga ng paghihiwalay nina Pablo at Bernabe?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.