Isaulo ang 1 Pedro 1:6-7, 1 Juan 1:6-7, at Judas 1:24-25.
Panimula
Sa bawat henerasyon, ang iglesya ay humaharap sa mga pagsubok. Sa bandang huling kalahati ng unang siglo, ang pag-uusig mula sa labas at mga maling tagapagturo mula sa loob ay mga seryosong panganib para sa iglesya. Ang mga bantang ito ay nagpatuloy sa kabuuan ng kasaysayan ng iglesya. Ang mga liham nina Pedro, Juan at Judas ay nagbabala laban sa mga panganib na ito. Mas mahalaga pa rito, hinikayat niya tayo sa katapatan sa harap ng mga panganib na ito. Ang maiikling liham na ito ay naghahatid ng malaking mensahe: ang Diyos na tumawag sa atin ay may kakayahang ibigay sa atin ang tagumpay laban sa anumang maghihiwalay sa atin mula sa kanya.
Ang mga Liham ni Pedro: Katapatan sa Panahon ng Kahirapan
Ang Sumulat
Si Simon Pedro ay isa sa mga pinakakilalang tagapanguna sa unang iglesya. Matapos siyang ipakilala kay Hesus ng kanyang kapatid na si Andres, si Pedro ay naging bahagi ng “inner circle” ni Hesus. Ang kanyang orihinal na pangalan ay Simon (“Siya ay narinig”), subali’t pinalitan ni Hesus ang kanyang pangalan at ginawang Pedro (“Bato”).
Ang mabilis na pananalita at labis na tiwala ni Pedro ang maraming beses na naging dahilan na nalagay sa gulo si Pedro sa panahon ng ministeryo ni Hesus sa lupa. Umabot ito sa mababang panahon kung saan ipinagkaila ni Pedro si Hesus sa panahon ng paglilitis sa kanya. Pagkatapos ng muling pagkabuhay, nanumbalik si Pedro at naging pangunahing tinig ng unang iglesya. Tatlong libong tao ang nagbalik-loob sa ilalim ng ministeryo ni Pedro sa araw ng Pentekostes. Naglakbay siya bilang isang misyonero at ipinako sa krus sa Roma sa panahon ng pag-uusig ni Nero. Ayon sa tradisyon ng iglesya, humiling si Pedro na ipako siya sa krus nang pabaligtad dahil ang pakiramdam niya hindi siya nararapat mamatay sa parehong paraan tulad ng Tagapagligtas na minsan na niyang ipinagkaila.[1]
Tagapakinig at Lugar ng Pagsusulat
Nagpahatid ng pagbati si Pedro mula sa “Babilonia”, isang pagtukoy sa Roma.[2] Ang Babilonia ay kumakatawan sa mga lakas na sumasalungat sa mga tao ng Diyos; ang kaaway ng iglesya ngayon ay ang Imperyong Romano.
Sa pagkakatulad sa imahe ng Babilonia, iniukol ni Pedro ang kanyang unang liham sa mga “nabilanggo ng pagkatapon” sa Asia Minor.[3] Kung paanong ang Israel ay nangalat sa panahon ng pagkakapatapon, ang iglesya ay nangalat dahil sa pag-uusig mula sa Roma. Di tulad ng Israel, ang mga Kristiyano ay nagdurusa dahil sa kanilang katapatan sa halip na dahil sa pagsuway; sila ay nakikibahagi sa paghihirap ni Kristo.[4]
Ang mga pangunahing tagapakinig para sa mga liham ng ito ay mga Hentil. Ang mga ito ay mga nagbalik-loob na hindi na nabubuhay sa “dating mga pita sa kanilang kawalang-kaalaman.”[5] Walang tinutukoy na tagapakinig ang 2 Pedro, subali’t ito ang ikalawang sulat ni Pedro para sa parehong grupo ng mambabasa.[6]
Petsa
Malamang na ang mga liham na ito ay isinulat ni Pedro nang malapit na siyang mamatay mga kalagitnaan ng 60 A.D. Ang mga liham ay karaniwang nilalagyan ng petsa sa pagitan ng 62 at 67 A.D.
Layunin
Ang 1 at 2 pedro ay humihikayat sa mga nagdurusang Kristiyano na maging matapat. Kung paanong si Kristo ay nagdusa at pagkatapos ay itinaas, ang mga Kristiyano ay nagdurusa muna sa mundong ito at pagkatapos ay magdiriwang sa walang hanggang kaluwalhatian. Dapat silang maging matapat sa harap ng kapwa pagdurusa (1 Pedro) at maling katuruan (2 Pedro). Binibigyang katiyakan ni Pedro ang kanyang mga mambabasa na ang Diyos ang magbibigay ng gantimpala sa mga mananatiling nagtitiis.
Mga Tema ng 1 Pedro
Ang Pag-asa ng Kristiyano
Bilang ang “pinili ayon sa kaalaman ng Diyos Ama,” ang mga mananampalataya ay pinangakuan ng “isang manang hindi masisira, hindi madudumihan, at hindi kukupas, nakalaan para sa iyo sa langit”[7] Bagaman mayroong pagdurusa sa mundong ito, “tinutulungan tayo ng kapangyarihan ng Diyos sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pananampalataya, para sa kaligtasan na handang ihayag sa mga huling panahon.”[8] Anuman ang maging pagsubok sa ating pananampalataya, taglay natin ang pag-asa ng walang hanggang kaluwalhatian. Ang pag-asang ito ang nagdudulot ng “hindi maipaliwanag na kaligayahan” sa mga “nagdurusang mananampalataya.”[9]
Isang Pagtawag sa Kabanalan
Dahil taglay natin ang pag-asa ng walang hanggang kaluwalhatian, dapat tayong mahikayat na tumugon sa pagtawag ng Diyos para sa kabanalan. Binanggit ni Pedro ang Levitico 19:2 kung saan hinahamon niya ang kanyang mga mambabasa upang maging banal kung paanong ang Diyos ay banal. Ito ay makikita sa pag-ibig natin sa ating kapatid,[10] kauhawan sa espirituwal na katotohanan,[11] at sa dalisay na pamumuhay.[12]
Isang nakakagulat na pagbibigay-diin sa isang liham na nakalaan sa mga inuusig na mananampalataya ay ang turo ni Pedro tungkol sa pagpapasakop sa awtoridad. Nalalaman niya na ang paghihirap ay maaaring makatukso sa mga Kristiyano upang tanggihan ang lahat ng awtoridad sa mundo, isinulat ni Pedro na ang banal na bayan ay dapat “magpasakop kayo sa bawat ordinansa ng tao alang-alang sa Panginoon”. Ang pagpapasakop na ito ay alang-alang kay Kristo, na nagpasailalim ng kanyang sarili sa mga tagapanguna sa lupa. Dapat magpasakop ang mga mananampalataya sa mga awtoridad na pampulitika gayundin sa mga nararapat na awtoridad sa pamilya.[13] Kung tayo ay magdurusa, dapat tayong magdusa bilang mga Kristiyano, hindi dahil sa paggawa ng mali.[14]
Pagdurusa sa Landas Patungo sa Kaluwalhatian
Ihinula ng mga propeta ng Lumang Tipan na si Kristo ay magdurusa muna bago tanggapin “ang kaluwalhatian na siyang susunod.”[15] “Nagdusa si Kristo para sa atin sa kanyang katawang-lupa,”[16] at tayo rin ay dapat umasa na may pagdurusa. Kung paanong si Kristo ay itinaas sa kaluwalhatian, tayo rin ay tatanggap ng kaluwalhatian na ipinangako sa mga anak ng Diyos. Si Pedro mismo ay nakasaksi sa paghihirap ni Kristo at tumanggap ng pangako ng “kaluwalhatiang ihahayag.”[17] Ang pangakong iyon ang nagpapalakas ng loob ng bawat nagdurusang mananampalataya.[18]
Mga Tema ng 2 Pedro
Paglago sa pagiging maka-Diyos
Sa kanyang ikalawang sulat, hinamon ni Pedro ang mga Kristiyano na magpatuloy sa paglago sa pagiging maka-Diyos. Bilang “nakikibahagi sa maka-Diyos na kalikasan”, “nagbibigay ng lahat ng kasipagan, idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; at sa kabutihan kaalaman; at sa kaalaman pagpipigil sa sarili; at sa pagpipigil sa sarili tiyaga; at sa tiyaga pagiging maka-Diyos; at sa pagiging maka-Diyos kabutihang loob sa kapatid; at sa kabutihang loob sa kapatid ay awa.”[19]
Babala Laban sa Maling Katuruan
Ang pag-uusig (ang pangunahing babala sa 1 Pedro) ay nagmumula sa labas ng iglesya; ang maling katuruan (ang pangunahiing babala ng 2 Pedro) ay karaniwang nagmumula sa loob ng iglesya. Inilantad ni Pedro ang katuruan ng “mga bulaang propeta” na pumapasok sa iglesya. Ang panganib ng kanilang katuruan ay makikita sa kanilang hindi maka-Diyos na katangian, na ibinubuod sa 2 Pedro 2:10-16. Ang paglalarawan ay nagtatapos sa isang kawikaan, “Ang aso ay bumabalik sa kanyang sariling suka; at ang baboy na nahugasan na sa kanyang lubluban sa lambak.”[20]
Katapatan Kaugnay sa Muling Pagbabalik ng Panginoon
Ang mga hindi madaling maniwala ay nagsisikap na pahinain ang loob ng mga Kristiyano sa pamamagitan ng pagkuwestion sa pagbabalik ng Panginoon. Ipinipilit nila na “ang lahat ng bagay ay nagpapatuloy kung ano ang mga ito mula pa sa simula ng paglikha.”[21] Tumugon si Pedro na ang pagkaantala sa pagbabalik ni Kristo ay dahil sa matiyagang awa ng Diyos.
Hindi ninanais ng Diyos na ang sinuman ay mapahamak, kundi “na ang lahat ay dapat magsisi.”[22] Ang kanyang pagkaantala ay nagbibigay ng pagkakataon para magsisi. Gayunmanm ang pagkaantala ay hindi dapat mag-akay sa atin upang pag-alinlanganan ang katiyakan ng muling pagbalik ni Kristo. “Ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw sa gabi.”[23] Kaugnay sa kanyang tiyak na pagbabalik, dapat tayong mamuhay bilang banal na bayan; dapat tayong “matagpuan niya sa kapayapaan, walang bahid, at walang kapintasan”; at, dapat tayong magpatuloy sa “paglago sa biyaya, at sa kaalaman sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesukristo.”[24]
[18] “…patayin niyo kami, pahirapan kami, hatulan kami, pulbusin man kami; ang inyong kawalang katarungan ang patunay na kami ay inosente. Samakatuwid pinahihintulutan ng Diyos na kami ay magdusa….
…Mas madalas na kami’y pinahihirapan ninyo, mas higit kaming dumarami; ang dugo ng mga Kristiyano ang binhi ng iglesya.”
- Tertullian noon 197 A.D.
[25] Sinipi mula sa Unger’s Bible Handbook ni Merrill F. Unger.
Ang Mga Liham ni Juan: Pakikisama sa Diyos
Ang Sumulat at ang Petsa
Ang mga unang ama ng iglesya tulad nina Ireneo at Clemente ng Alexandria ay tumutukoy kay Apostol Juan bilang siyang sumulat ng mga aklat na ito. Tulad ni Pedro, si Juan ay isang mangingisda at naging isa sa “inner circle” ni Hesus. Naroon siya sa paglilitis kay Hesus at kasama ni Maria nang ipako si Hesus. Kasama ni Pedro, si Juan ay isa sa mga unang saksi sa libingang walang laman. Sa kanyang ebanghelyo, tinukoy ni Juan ang kanyang sarili bilang “ang isa pang disipulo” at ang disipulo na “minamahal ni Hesus.”
Ayon kay Eusebio, si Juan at ang iba pang Kristiyano ay tumakas mula sa Jerusalem ilang panahon bago wasakin ng Roma ang lungsod noong 70 A.D. Ang mga Kristiyano ay lumikas sa bayan ng Pella sa Perea (sa silangang panig ng Ilog Jordan). Makalipas iyon, nagministeryo si Juan sa Efeso. Ang tatlong liham mula kay Juan ay marahil isinulat mula sa Efeso sa panahon ng huling bahagi ng unang siglo.
Mga Tagapakinig
Hindi tinukoy ng 1 Juan ang sinumang tiyak ng tagapakinig. Tinukoy ni Juan ang kanyang mga tagapakinig bilang “ang aking maliliit na mga anak” at “mga kapatid”. Ito ay nagpapahiwatig na siya ay tumutukoy sa mga kapwa mananampalataya. Nagkaroon siya ng malapit na relasyon sa kanila.
Ang 2 Juan ay nakatuon sa “ang piniling babae at ang kanyang mga anak, na aking minamahal sa katotohanan.”[1] May dalawang posibleng pagpapakahulugan sa mga salitang ito:
Marahil ito’y isang babaeng hindi pinangalanan na nagpahintulot sa iglesya na magtipon-tipon sa kanyang bahay.
“Ang piniling babae” ay maaaring tumukoy sa isang lokal na iglesya na alam ni Juan; “ang kanyang mga anak” ay maaaring tumukoy sa mga miyembro ng iglesyang iyon.
Ang 3 Juan ay nakalaan kay Gayo, isang nagbalik-loob dahil kay Juan.
Ang Layunin at Nilalaman ng 1 Juan
Ang una sa tatlong sulat ang pinakamahaba. Sa halip na may tradisyunal na pagbati, sinimulan ni Juan sa isang pangungusap na sumusuporta sa awtoridad ng kanyang liham. Hindi siya sumusulat mula sa mga sabi-sabi lamang, kundi tungkol sa mga bagay “na aming narinig, na aming nakita, napagmasdan, at nahawakan.”[2] Ang 1 Juan ay kahawig ng Ebanghelyo ni Juan sa pagbibigay-diin nito sa tunay na pangyayaring katotohanan ng buhay ni Kristo.
Mga Kundisyon sa Pakikisama sa Diyos
Isinaad ni Juan ang layunin ng kanyang pagsulat sa simula ng kanyang liham; “ang mga ito ay isinusulat namin sa inyo, upang malubos ang inyong kaligayahanl.”[3] Ang kaligayahang ito ay sa pamamagitan ng pakikisama sa Ama at sa kanyang Anak na si Hesu-Kristo.[4] Sa pagsulat tungkol sa ating pakikisama sa Diyos, ginagamit ni Juan ang salitang “makilala”. Ang “makilala” ang Diyos ay higit pa sa kaalamang pangkaisipan lamang; ito ay isang relasyon ayon sa karanasan. Isinasaad ni Juan ang mga kundisyon sa pagpapanatili ng pakikisama sa Diyos:
Dapat tayong lumakad sa liwanag (1:6-7).
Hindi tayo dapat lumakad sa kasalanan (2:1-2).
Ang Kasalanan at Pakikisama sa Diyos
Kabilang sa mga turo ni Juan tungkol sa kasalanan ang dalawang mahahalagang katotohanan:[5]
Nagkakaloob ang Diyos ng kalakasan para sa isang matagumpay na buhay; “Ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo, upang hindi kayo magkasala.” Kung nananatili tayo sa pakikisama sa Diyos, hindi tayo mananatili sa pakikisama sa kasalanan (1:6-2:5; 3:6-9). Bilang mga anak ng Diyos, hindi tayo magpapatuloy sa paggawa ng sinasadyang kasalanan. Hindi tayo makalalakad kasama ng kasalanan at lumakad din kasama ng Diyos nang sabay.
Nagkakaloob ang Diyos ng biyaya para sa mga nahuhulog; “Kung ang sinuman ay nagkakasala, mayroon tayong tagapamagitan sa Ama, si Hesu-Kristo ang makatuwiran.” Bagaman ninanais ng Diyos ang isang buhay ng nagpapatuloy na tagumpay, nangangako rin siya ng biyaya para sa sinumang nagsisisi matapos na siya’y magkasala (1:9; 2:1-2).
Ang Pag-ibig at Pakikisama sa Diyos
Pag-ibig sa Diyos
Ang nagpapatuloy na tagumpay laban sa kasalanan ay hindi nakabatay lamang sa pansariling disiplina o pagpipigil sa sarili; ito ay nakabatay sa pag-ibig ng Diyos. Ang prinsipyong nakakapigil sa buhay Kristiyano ay pag-ibig sa Diyos.[6] Sa pamamagitan ng pag-ibig ng Diyos kaya’t natutupad natin ang kanyang mga iniuutos. Kung iniibig natin ang Diyos, “hindi natin mamahalin ang mundo, maging ang mga bagay na nasa mundo.”[7]
Pag-ibig Para sa Ibang mga Kristiyano
Ang isang taong hindi nagmamahal sa kanyang kapatid “ay hindi sa Diyos.” Kung iniibig natin ang Diyos, mamahalin natin ang mga anak ng Diyos.[8] Ang katibayan na tayo ay lumipat na mula sa kamatayan patungo sa buhay ay ang ating pag-ibig para sa ating mga kapatid na Kristiyano. Ang pag-ibig na ito ay mahigit pa sa mga salitang walang-laman; ito ay nakikita sa ating mga ikinikilos.[9]
Ang Katiyakan ng mga Anak ng Diyos
Sumulat si Juan sa kanyang mga mambabasa “upang malaman ninyo na kayo’y may buhay na walang hanggan, at kayo’y sumampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos.”[10] Ang nagpapatuloy na katiyakan ay nangangailangan ng nagpapatuloy na pagsunod. Alam natin na tayo’y mga anak ng Diyos kung ipinapakita natin ang mga katangiang ito:
Pagsunod sa Katotohanan (1:6-7)
Ang aspetong ito ng katiyakan ay katulad ng salita ni Hesus na binanggit sa Juan 8:31; “Kung nagpapatuloy ka sa aking salita, sagayun kayo nga ay tunay na mga alagad ko.” Ang ating katiyakan bilang mga tagasunod ni Kristo ay batay sa nagpapatuloy na atensiyon at pagsunod sa kanyang salita.
Walang sinasadyang kasalanan (3:8-10)
Dahil hindi tayo maaaring magkaroon ng pakikisama sa Diyos kung nagpapatuloy tayo sa sinasadyang pagrerebelde laban sa Diyos, malinaw na wala tayong katiyakan kung nagpapatuloy tayo sa pagrerebeldeng iyon.
Pag-ibig para sa ibang Kristiyano (3:14-19)
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga disipulo, “Sa pamamagitan ng mga ito, malalaman ng lahat ng tao na kayo’y aking mga alagad, kung mayroon kayong pag-ibig sa isa’t-isa.”[11] Inulit ni Juan ang pagbibigay-diin na ito sa kanyang liham; “Alam natin na lumipat na tayo mula sa kamatayan patungo sa buhay, dahil minamahal natin ang mga kapatiran.”[12]
Ang Layunin at Nilalaman ng 2 Juan
Ang mensahe ng 2 Juan ay kaalinsabay ng 1 Juan. Ang pakikisama sa Diyos ay may kalakip na pamumuhay sa pag-ibig ng Diyos at paglakad sa katotohanan ng Diyos. Ang pag-ibig na iniuutos sa 2 Juan ay hindi isang bagong utos; ito ay itinuro na mula pa sa simula.[13]
Ang utos ng pag-ibg na ibinigay sa 2 Juan ay isang mapang-waring pagmamahal na humahawak sa katotohanan. Ang pagwawari ay mahalaga dahil maraming nanlilinlang na hindi ipinapahayag si Kristo. Nagbabala is Juan sa “babaeng pinili” na humawak sa katotohanan na “si Kristo Hesus ay dumating bilang tao.”[14] Hinihingi ng pakikisama sa Diyos na tayo’y tumanggi sa mga maling katuruan.[15]
Ang Layunin at Nilalaman ng 3 Juan
Ang 3 Juan ay isang personal na liham tungkol sa hospitalidad ng Kristiyano. Ang “hospitalidad ng Kristiyano” ay higit pa sa pagiging palakaibigan na ipinapakita mo sa ibang tao; ito ay isang pagpapahayag ng pagkakaisa ng iglesya. Nagbabala ang 2 Juan laban sa mabilis na pagtanggap ng mga nagtuturo ng maling doktrina. Nagbabala ang 3 Juan laban sa pagtanggi sa mga nagtuturo ng tunay na doktrina.
Tinatanggap ni Gayo ang mga naglalakbay na mga ebanghelista sa hospitalidad na Kristiyano at tinatrato sila bilang “kapwa katulong sa katotohanan.”[16] Kabaligtaran dito, tumatanggi si Diotrepes na tanggapin ang mga kapatid na ito. Hinahanap ni Diotrepes ang posisyon para sa kaniyang sarili, tinatanggihan ang awtoridad bilang apostol ni Juan, at pinaaalis ang mga tunay na Kristiyano na humahamon sa kanya.[17]
Pinaghahambing ng 3 Juan ang ugali ni Diotrepes at ang pag-ibig Kristiyano na ipinakikita ni Demetrio. Ipinapakita ng maikling liham na ito ang praktikal na aplikasyon ng pag-ibig Kristiyano na iniutos sa 1 Juan at ang pagkakaisa ng iglesya sa pagsusulong sa katotohanan na iniutos sa 2 Juan.
Si Judas ay kapatid na lalaki sa ina ni Hesus. Tulad ng kanyang kapatid na si Santiago, si Judas ay hindi naniwala kay Hesus hanggang nang maganap ang muling pagkabuhay.[1] Sa kanyang liham, tinukoy ni Judas ang kanyang sarili bilang “ang alipin ni Kristo Hesus, at kapatid ni Santiago.”[2]
Ang tanging katibayan patungkol sa petsa ng Liham ni Judas ay ang pagkakatulad nito sa 2 Pedro. Ang katotohanan na ang mga liham ay nakapatungkol sa parehong suliranin ay nagpapahiwatig na ang Judas ay maaaring isinulat sa parehong panahon ng 2 Pedro, sa bandang simula hanggang sa kalahatian ng 60’s.
Ang Mga Mambabasa
Ang Judas ay nakalaan sa “kanila na pinapaging-banal ng Diyos Ama, at iningatan kay Kristo Hesus, ang tinawag..”[3] Ang pagbanggit sa mga temang Hudyo ay nagpapahiwatig na ang aklat ay nakalaan sa mga Kristiyanong Hudyo.
Layunin at Nilalaman
Ipinahihiwatig ni Judas na ninais niyang sumulat ng isang liham tungkol sa doktrina sa tema ng ating kaligtasan.[4] Gayunman, dahil ang mga bulaang tagapagturo ay nakapasok na sa iglesya, ang Banal na Espiritu ang naghikayat kay Judas upang balaan ang kanyang mga kapwa mananampalataya laban sa mga maling katuruan.
Kabilang sa mensahe ni Judas ang:
Isang babala laban sa mga bulaang tagapagturo at sa kanilang mensahe.
Isang paglalarawan ng paghuhukom na darating sa mga tagapagturong ito.
Isang paghikayat sa pagtitiyaga.
Isang pangwakas na doxolohiya para sa Kanya na “makapag-iingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makapaghaharap sa inyo nang walang kapintasan at may malaking kagalakan sa kanyang kaluwalhatian.”[5]
[1] Mateo 13:55; Marcos 6:3; Juan 7:3-5; 1 Cor. 15:7.
Ang Pangkalahatang mga Liham, pangunahin ang 1 Pedro, ay humihikayat sa atin na maging matapat sa pagdurusa. Hinamon ni Pedro ang kanyang mga mambabasa na “magpakababa” sa ngayon, upang “kayo’y kanyang itaas sa takdang panahon.”[1] Karaniwan ang paghihirap sa buhay Kristiyano, subali’t ang pagdurusang ito ay magtatapos sa kaluwalhatian. Ang pangakong ito ay nagpalakas ng loob ng mga Kristiyano sa unang siglo, at dapat ding magpalakas ng loob ng mga Kristiyano sa ika-21 siglo.
Ang bawat isa sa mga liham na ito ay naghihikayat ng praktikal na pamumuhay Kristiyano. Maging ito man ay ang pagtawag ni Pedro na magpasakop sa awtoridad, ang mensahe ng pagmamahal sa ating mga kapatid ng 1 Juan, ang pagpapaalala sa katotohanan ng 2 Juan at ang tawag sa hospitalidad ng Kristiyano ng 3 Juan o ang babala ni Judas laban sa mga huwad na tagapangaral, ang Pangkalahatang mga Liham ay nagtuturo na ang katotohanan ay higit pa sa pangkaisipang kaalaman. Tayo ay tinawag upang isabuhay ang mga katotohanang Biblikal sa ating pang-araw-araw na buhay.
Noong unang siglo, maraming Kristiyano (kabilang ang karamihan sa mga apostol) ay namatay para sa kanilang pananampalataya. Sa ikalawang siglo, pinatay si Polycarp dahil sa kanyang pagtanggi na magsunog ng insenso para sa Emperador. Sa ika-apat na siglo, pinugutan ng ulo si Catherine ng Alexandria pagkatapos magpatotoo sa harap ng Emperador.
Noong ika-14 na siglo, sinunog ang katawan ni John Wycliffe dahil isinalin niya ang Bibliya sa wikang Ingles. Noong ika-15 siglo, sinunog nang nakatali sa tulos si John Huss dahil sa kanyang pagtanggi sa mga doktrina ng Katoliko Romano. Noong ika-16 na siglo dalawampu’t anim na Kristiyano ang ipinako sa krus sa Nagasaki, Japan, sa panahon ng pag-uusig na nagtulak sa iglesya upang magtago.
Noong ika-20 siglo, libo-libong Kristiyano ang namatay bilang martir sa China, sa Soviet Union, at sa iba pang totalitarian na mga bansa. Sa ika-21 siglo, ang mga Kristiyano sa mga bansang Islam ay araw-araw na nahaharap sa mga banta ng pag-uusig at kamatayan.
Sa bawat henerasyon, ang mga Kristiyano ay namatay para sa kanilang pananampalataya. Subali’t para sa iglesya, hindi ito isang dahilan upang panghinaan ng loob. Ipinapaalala ni Pedro sa mga mananampalataya na “ang Diyos na bukal ng lahat ng biyaya, na humirang sa inyo para sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian sa pamamagitan ni Kristo Hesus, matapos ninyong magdusa nang sandaling panahon, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at lakas ng loob at isang saligang matibay at di matitinag.”[1] Matagumpay ang iglesya! Ito ang pangako ng Pangkalahatang mga Liham.
Ipahayag ang iyong pagkaunawa sa araling ito sa pamamagitan ng mga sumusunod na takdang-aralin:
(1) Maghanda ng isang sermon o isang aralin sa Bibliya sa isa sa mga sumusunod na paksa. Maaari mo itong isulat bilang isang 5-6 na pahinang manuskrito (mga 2000-2500 na salita) o magrekord ng isang sermon o isang aralin sa Bibliya.
“Pagdurusa sa Buhay Kristiyano.” Gamitin ang mga prinsipyong natutuhan sa 1 Pedro at pagkatapos ay ilarawan ang mga iyon gamit ang mga halimbawa mula sa kasaysayan ng iglesya, partikular mula sa kasaysayan ng iglesya sa inyong bansa.
“Pakikisama sa Diyos.” Isama ang isang criteria/listahang tuntunin para sa pakikisama sa Diyos na hinango sa 1 Juan.
(2) Kumuha ng isang pagsusulit sa materyal na mula sa araling ito. Kabilang sa pagsusulit ang mga talatang itinakdang isaulo.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 11
(1) Ano ang malamang na kahulugan ng “Babilonia” sa pagbati ni Pedro?
(2) Ano ang pangunahing panganib na kinakaharap ng iglesya sa 1 Pedro?
(3) Ano ang pangunahing panganib na kinakaharap ng iglesia sa 2 Pedro?
(4) Ano ang dalawang posibleng pagpapakahulugan sa talatang “ang babaeng pinili at kanyang mga anak” sa 2 Juan?
(5) Anong dalawang katotohanan ang mahalaga sa pagtuturo sa 1 Juan tungkol sa kasalanan?
(6) Ayon sa 1 Juan, anong tatlong katangian ang maaaring makita sa sino mang anak ng Diyos?
(7) Ano ang pangunahing layunin ng 3 Juan?
(8) Ano ang relasyon sa pagitan nina Judas at Hesus?
(9) Isulat ang 1 Pedro 1:6-7, 1 Juan 1:6-7, at Judas 1:24-25 mula sa memorya.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.