Sa katapusan ng araling ito, ang mag-aaral ay dapat:
(1) Malaman ang heograpiya ng Palestina at ang kahalagahan nito sa Bagong Tipan.
(2) Maunawaan ang pangkasaysayang pinangyarihan ng Bagong Tipan.
(3) Makilala ang impluwensiya ng Roma, Griego at Hudyo sa Bagong Tipan.
(4) Kilalanin at pahalagahan ang sinaunang kaugalian at pamamaraan ng Bagong Tipan.
Paghahanda para sa Araling Ito
Basahin ang Mateo 1:1-7; Lucas 1:1-5; 2:1-5.
Isaulo ang Galacia 4:4-5.
Ang Kahalagahan ng Kasaysayan at Heograpiya sa Bagong Tipan
► Mahalaga ba ang katotohanang pangkasaysayan ng Bibliya sa pananampalatayang Kristiyano? Bakit?
Ang pananampalatayang Kristiyano ay nakabatay sa katotohanang pangkasaysayan. Ang ating pananampalatayan ay nakaugat sa mga gawa ng Diyos na aktibo sa kasaysayan ng sangkatauhan at nakaugat sa buhay ni Hesus na “nagkatawang-tao, at nanirahan sa piling natin….”[1] Dahil dito, ang Pinangyarihan na pangkasaysayan ng Kristiyanismo ay mahalaga sa Bagong Tipan. Ang mga hinalaw sa Mateo at Lucas sa simula ng araling ito ay nagpapakita ng pagbibigay-diin ng sumulat sa pangkasaysayang Pinangyarihan ng buhay ni Hesus.
Napakalaki ng pagkakaiba ng Kristiyanismo sa maraming relihiyon sa mundo. Ang mga mag-aaral ng relihiyong Silanganin ay nagpapakita na ang Buddhismo ay pareho lamang kahit wala si Buddha; ang Hinduismo ay malawakang pareho lamang kahit wala ang marami sa mga diyos nito. Subali’t, ang Kristiyanismo ay walang kahulugan kung wala ang buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus ng Nazaret. “Kung si Kristo ay hindi muling nabuhay, sagayun ang aming pangangaral ay walang kabuluhan, at ang inyong pananampalataya ay wala ring kabuluhan.”[2]
Ang Kristiyanismo ay isang pananampalatayang pangkasaysayan; ang Bibliya ay isang aklat pangkasaysayan. Hindi ito nagsasalaysay ng mga alamat at mga mito; ito ay isang talaan ng mga pangyayari sa kasaysayan. May mga makabagong iskolar na nag-aangkin na ang Bibliya ay isang katipunan lamang ng mga dakilang etikal na katuruan na inilalarawan ng mga alamat ng sinaunag agham. Gayon man, hindi ibinibigay sa atin ng Bibliya ang ganitong pagpipilian; malinaw na ipinapahayag ng Kasulatan na ito ay katotohanang pangkasaysayan.
Ang Bagong Tipan ay nakabatay sa isang tiyak na panahon, lugar at kultura. Ang panahon ay ang unang siglo A.D.; ang lugar ay sa Palestina at sa mundo ng Romano; ang kultura ay Hudyo, Griego at Romano. Dahil sa kahalagahan ng pangkasaysayan at heograpikal na pinangyarihan na ito, sisimulan natin ang ating pag-aaral na may kalakip na pagsusuri sa mundo ni Hesus at ng unang iglesya.
Ang lupain ng Palestina ay pangunahin sa kasaysayan ng Israel at ng panlupang ministeryo ni Hesus. Maging ang titulong “Hesus ng Nazaret” ay nagpapahiwatig ng kahalagahan ng kanyang buhay sa isang natatanging lugar.
Ang Palestina ay humigit-kumulang 75 kilometro ang lapad at 235 kilometro ang haba.[1] Bagaman maliit, ang lugar na ito ay nasa isang madiskarteng lokasyon para sa mga pangyayari sa sinaunang kasaysayan. Ang lokasyon nito sa pagitan ng Ehipto sa Timog-Kanluran, Syria sa Hilaga, Assyria sa Hilagang-Silangan, at Babilonia sa Silangan kaya’t ito’y naging tawiran para sa kalakalan at isang mahalagang lugar ng estratehiya para sa militar.
Mga Katangian ng Lugar sa Kanlurang—Silangan
Kapag naglalakbay mula Kanluran patungong Silangan (mula sa Dagat Mediterranean patungo sa Ilog Jordan), ang isang taong naglalakbay patawid sa Palestina ay nahaharap sa tatlong magkakaibang lupain. Mula sa Coastal Plain malapit sa Dagat Mediterranean, ang lupain ay tumataas patawid sa Central Highlands sa isang mataas na lugar na humigit-kumulang sa 800 metro[2] sa itaas ng antas ng dagat. Ang Jerusalem ang mataas na bahagi ng Israel, pareho sa espirituwal at sa Heograpikal.
Mas malayo pa sa gawing Silangan ang Ilang ng Judea. Isang lugar na hindi tinitirhan sa mga kabundukan at baku-bakong lupain, ang rehiyong ito ay mapanganib para sa mga manlalakbay at hindi kaaya-aya para sa mga naninirahan doon.
Mula sa bulubunduking lugar, ang Lambak ng Jordan ay mas mababa ng 415 meters[3] ilalim ng antas ng dagat, ang pinakamababang punto ng lupa sa ating mundo. Ang Ilog Jordan ay umiikot ng 100 kilometero[4] mula sa mga bundok sa Hilaga ng Dagat ng Galilea hanggang sa Patay na Dagat sa Timog. Itinago ng isang sektang Hudyo na tinatawag na Essenes ang kanilang aklatan sa mga kuweba sa paligid ng Patay na Dagat nang atakihin ng mga Romano ang Judea noong taong A.D. 66. Ang mga balumbon sa Patay na Dagat (Dead Sea Scrolls) ay natagpuan noong 1946 at nagbigay sa atin ng pinakamatandang manuskrito ng Lumang Tipan.
Sa karamihan ng kanyang ministeryo, ang Ilog Jordan ang pinakasilangang hangganan ng mga paglalakbay ni Hesus. Gayunman, may mga pagkakataon na siya’y tumatawid sa Dagat ng Galilea upang maglakbay sa Trans-Jordanian area. Kabilang sa rehiyong ito ang Decapolis (“Ang Sampung Lungsod” na sinimulan sa panahon ng paghahari ng Griyego) at Perea. Nakahandang maglingkod si Hesus sa mga Hentil sa rehiyong iyon, na ikinagulat ng kanyang mga tagasunod. Sa Decapolis at Perea, nakakita ang mga disipulo ni Hesus ng mga pahiwatig ng kanyang tagubilin na mangaral “sa Jerusalem, at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”[5]
Hilaga-Timog na Katangian ng Lupain
Kung maglalakbay mula Hilaga hanggang Timog, ang isang manlalakbay ay dadaan mula sa Galilea, tatawid sa Samaria hanggang Judea, ang sentro ng relihiyon at pulitika ng Palestina. Ang Galilea ang komersiyal na rehiyon na nakapaligid sa Dagat ng Galilea, isang lawa ng sariwang tubig. Ang Nazareth ay isa sa mga maliliit na nayon sa magandang lugar na ito. Tinamasa ng Galilea ang kasaganahan ng isda mula sa Dagat ng Galilea gayundin ng mga prutas at gulay na inaani sa buong taon sa Kapatagan ng Genesaret, isang mahinahong lugar sa hilagang-kanlurang baybayin ng Dagat ng Galilea.
Ang rehiyon ng Samaria ang naghihiwalay sa mga Hudyo sa hilaga mula sa Templo ng Jerusalem. Ang mga Samaritano ay mga salin-lahi ng mga Hudyo na nakipag-asawa sa ibang lahi pagkatapos ng pananakop ng Assyria noong 722 B.C. Sinusunod ng mga Samaritano ang Batas ng Lumang Tipan, isinasagawa ang pagtutuli, ipinagdiriwang ang mga Kapistahan, at naghihintay sa darating na Mesiyas. Gayunman, mayroong sariling lugar ng pagsamba ang mga Samaritano sa Bundok ng Gerazim at itinuturing na marumi ng mga Hudyo. Maraming Hudyo ang mas gugustuhing tumawid sa Ilog Jordan upang maglakbay sa silanganang baybayin ng Jordan kaysa tumawid sa Samaria. Si Hesus, gayunman, ay naglakbay patawid sa Samaria upang magministeryo sa babae sa balon. Narinig ng babaeng Samaritanang ito ang unang direktang pag-angkin ni Hesus na siya ang Mesiyas.[6]
Ang Judea at ang sentrong lunsod nito, ang Jerusalem, ay nasa Timog. Natatanaw mula sa maraming milya, ang Bundok ng Sion ang relihiyosong sentro ng pananampalatayang Hudyo. Bawat taon sa pista ng Paskuwa, dumadalaw ang mga pamilyang Hudyo sa Templo. Naglakbay dito ang pamilya ni Hesus noong siya’y bata pa; at sa “Bahay ng aking Ama” natagpuang nakaupo si Hesus kasama ng mga tagapagturo.[7]
Simula sa pagbagsak ng Jerusalem sa Babilonia noong 586 B.C., ang kasaysayan ng Palestina ay isang kuwento ng kaguluhan at pag-aalsa. Hindi na kailanmang nabawi ng Juda ang kanyang naunang kaluwalhatian.
Ang Imperyong Babilonia ang nagkontrol sa Palestina hanggang nahulog ang Babilonia sa emperor ng Persia, si Cyrus, noong 539 B.C. Pinahintulutan ni Cyrus ang mga Hudyo na bumalik sa Jerusalem. Sa panahon ng sumunod na siglo, ang lungsod ay muling itinayo sa ilalim ng pamumuno ni Ezra, Zerubbabel, at Nehemias. Gayunman, ang Jerusalem ay nasa ilalim pa rin ng kontrol ng Persia. Dahil sa impluwensiya ng Persia, ang karaniwang tao sa panahon ni Hesus ay nagsasalita ng Aramaic, ang wika ng Imperyong Persia.
Taong 334 B.C., tinalo ni Alexander the Great ang Persia. Naging bahagi ng Imperyong Griego ang Palestina. Nang mamatay si Alexander noong 323 B.C., ang kanyang imperyo ay nahati sa apat na heneral. Ang Palestina ay naging lugar ng digmaan sa pagitan ng dalawa sa mga heneral na ito at sa kanilang mga tagasunod, ang mga Ptolemies at ang mga Seleucids. Ito ang isa sa pinakamadilim na panahon sa kasaysayan ng Hudyo. Sa panahong ito, sinira ni Antiochus Epiphanes (isang Griegong Seleucid na namumuno) ang templo nang magtayo siya ng altar para sa Griegong diyos na si Zeus sa Templo.
Ang kalupitan ni Antiochus Epiphanes ang humikayat sa pag-aalsa ng mga Macabeo. Ang pamilyang Macabeo ay muling kinontrol ang Judea at itinatag ang dinastiyang Hasmonean. Mula 166-163 B.C., ang Palestina ay pinamahalaan ng pamilyang Macabeo at kanilang mga kahalili. Sa kasamaang palad, ito ay panahon ng kawalang-tatag ng bansa dahil sa pag-aawayan ng mga pamilya at relihiyosong pagtalikod. Taong 67 B.C., ang pamilya ay nagkaroon na ng digmaang sibil.
Agad na sinamantala ng Roma ang pagkakahati sa pagitan ng mga pinunong Hudyo upang magkaroon ng kapangyarihan sa Palestina. Taong 63 B.C., sinakop ng Romanong Heneral na si Pompey ang Jerusalem. Itinalaga ni Pompey ang kanyang kinatawan na si Hyrcanus II, bilang punong pari at ginawa siyang tagamahalang de facto ng Judea. Sa panahon ni Kristo, ang Palestina ay pinamamahalaan ng Roma.
Taong 37 B.C. itinalaga ng Senadong Romano si Herod ang Dakila bilang hari ng Judea. Si Herod ay isang Idumaean, isang salinlahi ng mga Edomita. Ang mga Edomita ay sinaunang kaaway ng Israel. Tumanggi silang dumaan ang mga Israelita sa kanilang lupain nang papunta sila sa Canaan.[1] Ang kooperasyon ng Edom sa Babilonia sa pagwasak ng Jerusalem ang nagdulot ng propesiya ng paghatol ni Obadias.[2]
Taong 30 B.C., nalupig na ni Herodes ang kaniyang mga kaaway at siya na ang tanging tagapanguna ng Judea. Si Herodes ay isang magulong paghahalo ng positibo at negatibong mga kalidad. Sa isang banda, siya ay iginagalang ng mga Hudyo –muling itinayo ang templo at sumusunod sa kanilang batas sa pagkain. Sa kabilang banda, siya ay tila baliw sa panibugho – pinatay niya ang ilan sa kanyang mga anak na lalaki nang ang mga ito’y umabot na sa edad na maaari na niyang maging karibal sa trono. Para kay Herodes, ang maramihang pagpatay sa Betlehem ay isang maliit na halaga lamang bilang kabayaran upang protektahan ang kanyang posisyon. Nailigtas si Hesus nang mabigyang babala ng isang anghel si Jose upang tumakas papuntang Egipto.
Pagkatapos mamatay ni Herod ang Dakila noong taong 4 B.C., ang kanyang kaharian ay nahati na sa kanyang tatlong anak na lalaki. Ang mga tagapamahalang ito ay may direktang epekto sa kasaysayan ng Bagong Tipan at sa ministeryo ni Hesus.
Si Herod Archelaus ay binigyan ng kontrol sa Judea. Dahil sa reputasyon ni Archelaus sa pagiging malupit, bumalik sina Jose at Maria sa Nazareth sa halip na sa Bethlehem.[3] Ang kalupitann ni Archelaus ang naging dahilan ng isang delegasyon ng mga Hudyo upang humingi ng tulong sa Roma. Pinaalis si Archelaus at ang Judea ay ipinailalim sa kapangyarihan ng mga tagapamahala na itinalaga ng Roma.
Sa panahon ng paglilitis kay Hesus, Si Poncio Pilato ang Romanong tagapamahala naninirahan sa Caesarea at naglalakbay patungong Jerusalem sa panahon ng mahahalagang mga kapistahan.[4] Ang tagapamahala ay nagtataglay ng hindi maiiwasan na tungkuling maging tagapamagitan sa Roma at sa mga tagapamunong mga Hudyo. Kailangang ipatupad ni Pilato ang mga kahilingan ng Roma upang hindi maghimagsik ang mga Hudyo. Upang matupad ito, binigyan niya ng malaking kalayaan ang Sanhedrin sa paggawa ng mga pangrelihiyon at pangkulturang mga pagpapasiya para sa bansa. Si Caifas, ang Punong Pari ay natatakot na alisin sa kanya ang kalayaang ito kung ang mga ginagawa ni Hesus ang magdadala ng galit ng Roma.[5]
Si Herod Phillip ang pinaka-mapagbigay sa mga anak ni Herodes. Pinamunuan niya ang hilagang silangan ng Galilea. Ginugol ni Hesus ang maraming oras sa rehiyong ito upang makaiwas sa panganib ng pag-aresto ng mga relihiyosong pinuno ng Hudyo sa Jerusalem. Isinagawa niya ang sakripisyo para sa ating mga kasalanan sa takdang panahon ng Diyos, hindi ayon sa mga tagapanguna sa Templo.
Muling itinayo ni Herod Philip ang lunsod ng Panias at tinawag itong Caesarea Philippi. Dito binigkas ni Pedro ang kaniyang dakilang pagpapahayag, “Ikaw nga ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.”[6]
Si Herod Antipas ang tagapanguna sa Galilea at Perea mula 4 B.C. hanggang A.D. 39 nang ipakulong at ipapatay ni Antipas si Juan Bautista.[7] Dahil si Herod Antipas ang may awtoridad sa Galilea, sinikap iwasan ni Pilato ang responsibilidad sa kapalaran ni Hesus sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanya kay Antipas para sa paglilitis.[8] Gayunman, tumanggi si Herodes na ibigay ang hatol at ipinabalik si Hesus kay Pilato para sa paghatol.
Ang cultural na pinangyarihan ng Bagong Tipan ay kasing halaga ng pangkasaysayang pinangyarihan nito. Isinugo ng Diyos si Hesus sa isang mundong naiimpluwensiyahan ng tatlong magkakaibang kultura. Ang bawat isa sa mga kulturang ito ay nagkaroon ng mahalagang epekto sa mundo ng Bagong Tipan.
Ang Pinangyarihag Griego ng Bagong Tipan
Ang impluwensiya ni Alexander ang Dakila ay tumagal ng matagal pagkatapos ng kanyang kamatayan noong taong 323 B.C. Marahil ang kanyang pinakamahalagang kontribusyon sa Bagong Tipan ay ang wikang Griyego mismo. Naibigay ng Griego ang isang pangkalahatang wika para sa paglaganap ng ebanghelyo.
Ang Bagong Tipan ay isinulat sa Koine Greek, ang “pangkaraniwang Griego” na sinalita sa kabuuang mundo ng Mediterranean sa unang siglo. Samantalang ang Aramaic (ang sinalitang wika ng Palestina) at Hebreo (ang wika ng Lumang Tipan) ay limitado sa mga Hudyo, ang Griego ay sinalita sa buong Imperyong Romano. Ang mensahe ng mga apostol ay naunawaan saanman sila mangaral.
Ang pagiging katiyakan ng Griego ay angkop para sa malalim na teolohikal na konsepto ng mga liham ni Pablo. Ang Hebreo ay isang maganda at matulaing wika na angkop sa mayamang paglalarawan ng mga manunula at propeta ng Lumang Tipan. Ang Griego ay mas tiyak at nagpahintulot kay Pablo upang bigyang katuruan ang kanyang mga napagbalik-loob sa mga mahahalagang doktrina ng pagpapaging-ganap at pagpapaging-banal.
Ang Septuagint ay ang Griegong salin ng Lumang Tipan. Ang saling ito, mula sa ikatlong siglo B.C. ay nagpahintulot sa mga Hudyong nagsasalita ng Griego upang basahin ang Kasulatan. Dagdag pa sa rito, dahil sa Septuagint ay nagging madali nang gamitin ang Lumang Tipan (ang Bibliya ng sinaunang iglesya) ng mga na Hentil na napagbalik-loob.
Ang Romanong Pinangyarihan ng Bagong Tipan
Halos bawat aklat ng Bagong Tipan ay nagpapakita ng impluwensiya ng Romanong Pinangyarihan. Si Hesus at ang mga apostol ay namuhay sa mundo ng mga Romano.
Ang Mga Ebanghelyo
Ang impluwensiya ng Romano sa buhay ni Hesus ay nakita sa kanyang kapanganakan. Ginamit ng Diyos ang isang sensus na isinagawa ng isang paganong emperador upang tuparin ang propesiya ni Micah na ang Mesiyas ay isisilang sa Bethlehem.[1] Kung paanong ang tagapamahala ng Persia na si Cyrus ay naging instrument ng Diyos upang ibalik ang kanyang bayan mula sa pagkabihag, si Caesar Augusto ay naging instrumento ng Diyos upang ibalik sina Jose at Maria mula sa Nazareth patungong Bethlehem.
Mayroong dalawang paraan ng pagsasagawa ng sensus. Mas ginusto ng mga Romano na magparehistro ang bawat tao sa lunsod kung saan sila tumira. Gayunman, ang mga Hudyo ay mas ginusto na magkaroon ng talaan ayon sa mga lipi sa bawat tahanan ng mga ninuno ng pamilya.Marahil para bigyang pabor ang mga Hudyo, pinahintulutan ng Roma ang Judea na magsagawa ng sensus sa kanilang tradisyunal na paraan. Dahil dito, kinailangan nina Jose at Maria na maglakbay ng 100 milya[2] mula sa kanilang bayang pinagmulan sa Nazareth.
Ipinakita ng mga Ebanghelyo ang hidwaan sa pagitan ni Hesus at mga tagapangunang Romano na nagkaroon ng pakiramdam ng banta sa kanyang mensahe ng bagong kaharian. Mula sa maramihang pagpatay ni Herodes sa mga sanggol hanggang sa isinulat ni Pilato sa krus (“Hari ng mga Hudyo”), ang di-pagkakasundo sa pagitan ng Kaharian ng Diyos at ng Kaharian ni Caesar ay nakita sa buong ministeryo ni Hesus sa lupa. Bagaman kaunti lamang ang sinabi ni Hesus tungkol sa Roma at sa pulitika nito, ang mensahe ng Kaharian ng Diyos ay isang hamon sa mga kaharian sa mundong ito.
Ang Aklat ng mga Gawa
Ang Mga Gawa ay nagpakita kung paano ginamit ng Diyos ang Imperyong Romano upang ipalaganap ang ebanghelyo. Ang salitang pax Romana ay tumutukoy sa brutal na ipinatupad na “kapayapaan” ng Imperyong Romano.[3] Bagaman ang kapangyarihan ng Roma ay madalas na ginagamit nang walang katarungan (tulad ng pagpapako kay Hesus), ang kapangyarihan ng Roma ay nagprotekta rin sa mga manlalakbay mula sa mga barbaro, pinagkaisa ang Imperyo, at nagpahintulot sa mga paglalakbay pangmisyon ng mga apostol. Gumawa ang Roma ng 85,000 na kilometro[4] na mga kalsada, mula sa Ilog Euphrates sa silangan hanggang sa Scotland sa Kanlauran, at nagtatag ng mga rutang pandagat sa kahabaan ng Mediterranean. Ang mga paglalakbay pangmisyon ni Pablo ay nangyari dahil sa mga daan at rutang pandagat na itinatag ng Roma.
Di tulad ng tradisyunal na kulturang Hudyo, na lumaganap sa maliliit na bayan at rural na lugar, ang Roma ay isang imperyo ng mga dakilang lunsod. Ang mga lunsod na ito ay may dakilang kahalagahan para sa paglaganap ng ebanghelyo. Ang mga paglalakbay ni Pablo ay maaaring matunton sa pagmarka sa mga pangunahing lunsod ng Imperyong Romano. Sa bawat rehiyon, nag-ebanghelyo si Pablo sa mga pangunahing lunsod upang maabot ang karamihan sa mga tao. Ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo sa mga pangunahing lunsod ng Imperyong Romano, at nagpanatili ng layuning mangaral sa Roma mismo, ang sentro ng mundo sa unang siglo.[5]
Lubusang ginamit ni Pablo ang kanyang karapatan bilang mamamayang Romano upang tumulong sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Mula sa kanyang pag-angkin ng legal na proteksiyon sa Filipos[6] hanggang sa kanyang kahilingan para sa isang paglilitis sa harap ni Caesar,[7] ginamit ni Pablo ang kanyang pagiging mamamayan para sa isinusulong ni Kristo.
Ang Mga Liham ni Pablo
Ang mga liham ni Pablo ay nagpahiwatig ng kaalaman sa mundo ng Romano. Ginagamit ng Filipos ang wika ng pagkamamamayan upang ipaalala sa mga mambabasa na ang kanilang “pagkamamamayan ay sa langit.”[8] Isinulat ni Pablo ang kanyang panawagan kay Filemon dahil alam niya na ang batas Romano ang ginamit para sa pagbitay kay Onesimus, isang takas na alipin at nagbagong-loob sa pamamagitan ni Pablo. Sa Roma, Galacia, at Efeso, ginagamit ni Pablo ang legal na wika ng Roma upang ipaliwanag ang teolohikal na konsepto tulad ng pagpapawalang-sala at kapatawaran.
Maging ang paglalarawan ni Pablo tungkol sa pag-ampon ay mas kilala sa mga Romano kaysa sa mga Hudyo.[9] Ang pag-aampon ay napakakaraniwan sa lipunan ng Romano. Nauunawaan ng mga Romano na ang pag-aampon ay may kalakip na pagkansela sa mga lumang pagkakautang, karapatan ng pagmamana para sa bagong anak na lalaki, at ang simula ng isang bagong buhay. Ginamit ni Pablo ang mga legal na konseptong Romano upang ipaliwanag ang pagbabago kapag ang isang bagong mananampalataya ay inaampon sa pamilya ng Diyos.
Ang Aklat ng Pahayag
Ipinagmalaki ng Roma ang kanyang sarili sa kakayahang payagan ang ibang paniniwalang pangrelihiyon; gayunman, ang lahat ng tao ay kinailangang kilalanin ang pagiging Diyos ng Emperador. Pinahihintulutan ng Roma ang anumang katuruang Hudyo o Kristiyano basta ipapahayag ng sumasamba na “si Caesar ang panginoon.” Gayunman, ang mensaheng Kristiyano na “Si Kristo Hesus ang Panginoon” ay hindi katanggap-tanggap sa pamahalaang Romano.[10] Hindi naging matagal bago nagkaroon ng pagsasalungat sa pagitan ng iglesya at ng Roma.
Gayunman, bagaman ang tao ang nagplano ng masama, “Niloob ito ng Diyos para sa kabutihan.”[11] Ang pag-uusig ay naging pangunahing paraang ginamit ng Diyos upang palawigin ang Dakilang Pagsusugo. Dahil sap ag-uusig, ang mga Kristiyano ay “nagsipangatal sa lahat ng dako rehiyon ng Judea at Samaria.” Sa plano ng Diyos, “ang mga nagsipangalat nga ay nagsipaglakbay, at ipinangangaral ang Salita.”[12]
Ang Aklat ng Pahayag ay isinulat sa konteksto ng pag-uusig na ito ng Romano. Ang mga pangitain ni Juan ay nagpapatunay sa naghihirap na Kristiyano na ang Roma (o anumang kapangyarihan na sumasalungat sa Diyos) ay malulupig. Ang Diyos, hindi si Caesar,ang may control sa kasaysayan ng sangkatauhan.
Ang Hudyong Pinangyarihan ng Bagong Tipan
Mga Inaasahan Tungkol sa Mesiyas
Ang “Kristo” ay ang Griegong katumbas ng Hebreong salita para sa “Mesiyas”. Ang pulutong na sumusunod kay Hesus ay naghahanap ng isang Mesiyas. Ipinahayag ni Pablo na “Ang Hesus na ito na aking ipinangangaral sa inyo, ay ang Kristo”.[13] Ang kanilang pag-asa para sa isang darating na Mesiyas ang nagbukas sa pandinig ng mga tao sa pangangaral ni Hesus.
Mga Sinagoga
Pagkatapos ng pagkawasak ng Templo noong 586 B.C., ang mga sinagoga ang naging lugar para sa pagsamba ng mga Hudyo. Ang alinmang komunidad na may sampung lalaki ay nagtataglay ng isang sinagoga. Ang sinagoga ang lugar para sa pagsamba, isang paaralan, isang relihiyoso at korte sibil, at isang sentro para sa mga gawaing panlipunan. Ipinangaral ni Hesus ang kanyang ikalawang nakatalang sermon sa isang sinagoga, nagpagaling sa isang sinagoga, at nagturo sa isang sinagoga.[14]
Maging matapos pahintulutan ni Cyrus ang mga Hudyo na makabalik sa kanilang sariling bayan, maraming mga Hudyo ang nanatili sa Babilonia; sa Alexandria, Egipto; at ibang lunsod kung saan sila tumakas pagkatapos ng pagbagsak ng Jerusalem. Ito ay naging mahalaga para sa paglaganap ng ebanghelyo. Sa halos bawat lunsod kung saan nangaral ang mga apostol, nakatatagpo sila ng populasyon ng mga Hudyo na nagtitipon sa mga sinagoga.
Kapag bumisita sa isang bagong lunsod, nagsisimula si Pablo sa pamamagitan ng pangangaral sa sinagoga kung saan nakatatagpo siya ng mga Hudyong sumasamba at matapat na “may takot sa Diyos”, mga Hentil na naghahanap ng katotohanan.[15] Ang mga Hentil na ito ay bukas sa mensahe ng ebanghelyo.
Mga Relihiyosong Grupo ng mga Hudyo
Ang mga Pariseo ang pinakakilalang relihiyosong grupo sa panahon ni Hesus. Bagaman kaunti lamang sila sa bilang (humigit kumulang 6,000), sila ay popular sa mga pangkaraniwang tao. Ang “nakabukod na grupong ito” ay iginagalang para sa kanilang maingat na pagsunod sa Batas ni Moises. Taglay ng mga Pariseo ang maraming mga paniniwala na katulad din sa mga Kristiyano: muling pagkabuhay, mga anghel, panalangin, at ang pagrespeto sa Lumang Tipan. Gayunman, nagdagdag sila ng maraming sinasalitang tradisyon sa Batas ni Moises. Sa huli, karamihan sa mga Pariseo ay tumanggi sa pag-angkin ni Hesus na siya ang Mesiyas.
Ang mga Saduceo ay nagtataglay ng kapangyarihang pampulitika sa panahon ni Hesus. Sa pakikipag-isa sa Roma, ang mga Saduceo ay nagkaroon ng kontrol sa mataas na pagiging saserdote at ang Sanhedrin. Para sa mga Saduceo tanging ang Torah ang makapangyarihan.[16] Tinanggihan nila ang mga aklat ng propesiya at sinasalitang tradisyon. Bilang resulta nito, tinanggihan nila ang paniniwala sa mga anghel, mga espiritu at sa muling pagkabuhay. Dahil ang kanilang kapangyarihan ay nakatuon sa pulitika sa Templo, ang mga Saduceo ay nawala pagkatapos ng pagkawasak ng templo noong A.D.70.
[16] Ang Torah ay nangangahulugan ng “ang Batas.” Ito ang terminong Hebreo para sa limang aklat ni Moises.
Mga Kaugalian ng Mundo ng Bagong Tipan
Kung mas mabuti ang ating pang-unawa sa mga kaugalian ng mundo ng Bagong Tipan, mas mabuti ang ating magiging pang-unawa sa mensahe ng Bagong Tipan. Sa nakaraang mga taon, pinag-aralan ng mga iskolar ang mga kaugalian at mga pamamaraan ng buhay ng sinaunang Judea. Ang ilang halimbawa ay magpapakita ng kahalagahan ng pag-aaral sa mga kaugalian ng Bagong Tipan.
Karamihan sa mga pamilyang Hudyo ay nakatira sa mga bahay na iisa ang kuwarto. Ang mga hayop ay karaniwang nakakulong sa isang kuwarto sa labas ng bahay, na may sabsaban para sa pagpapakain ng mga hayop. Nang dumating sina Maria at Jose sa Betlehem, marahil sila ay pinahintulutang manatili sa kwarto sa labas, kahit na ang pangunahing kwarto para sa bisita (panuluyan) ay puno na sa panahon ng census. Ang may-ari ng panuluyan, na malayo sa pagiging hindi mabait, ay nag-alok ng pinakamabuting pagtanggap na mayroon siya sa abalang panahong iyon.
Ang mga pastol na taga-Judea ay madalas na nagpapahintulot na ilang kawan ng mga tupa na magkasama-sama. Kapag panahon na upang paghiwa-hiwalayin ang mga tupa, ang bawat pastol ay nagbibigay ng isang “pagtawag” at nagtitipon-tipon ang mga tupa. Nakikilala ng mga tupa ang tinig ng kanilang pastol. Sinabi ni Hesus na ang kanyang mga tupa ay “sumusunod sa kanya: dahil nakikilala nila ang kanyang tinig. At hindi nila susundin ang isang estranghero, kundi tatakas sila sa kanya: dahil hindi nila kilala ang tinig ng estranghero.”[1]
Ang tugon ni Hesus kay Judas sa Huling Hapunan ay madalas na nauunawaan sa maling paraan. Nang itanong ni Pedro kung sino ang magkakanulo sa kanya, tumugon si Hesus, “Siya iyon na bibigyan ko ng sansubo ng tinapay na ito kapag naisawsaw ko na ito.”[2] Sinasabi ni Juan na pagkatapos niyon ibinigay ni Hesus ang piraso ng tinapay na isinawsaw sa kopa kay Judas Iscariote. Maraming mambabasa ang nag-isip na itinuturo ni Hesus si Judas bilang ang magkakanulo. Gayunman, isinulat ni Juan na hindi alam ng ibang disipulo na si Judas ang magkakanulo. Sa mundo ng Bagong Tipan, ang lahat ay kumakain sa iisang plato. Ang mensahe ni Hesus ay simpleng, “May isang kumakain dito sa gabing ito ang magiging tagapagkanulo.” Sa oras na ito ng pagsubok, tinrato ni Hesus si Judas nang may pagmamahal.
Para sa dagdag na impormasyon sa mga kaugalian sa mundo ng Bagong Tipan, maaari mong basahin ang Manners and Customs of the Bible, na mayroon sa online.[3]
[3] Fred H. Wight. Manners and Customs of the Bible, 1953. Available online at http://www.baptistbiblebelievers.com/OTStudies/MannersandCustomsInBibleLands1953/tabid/232/Default.aspx.
Subalit kapag dumating na ang takdang panahon….
Ang talata ni Pablo ay nagpapahiwatig ng isang babaeng buntis na naghihintay ng sandali ng panganganak. At sa takdang oras, isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak sa mundo na ang Diyos mismo ang naghanda. Nakahanda na ang mundo….[1]
Ayon sa Heograpiya. Ang Palestina ay isang maliit na lupain sa sangandaan ng sinaunang mga kultura. Ito ang nagsisilbing lugar na pinagsisimulan para sa paglaganap ng ebanghelyo sa bawat sulok ng mundo.
Ayon sa Kasaysayan. Ang Imperyong Romano ay nagkaloob ng pamamaraan para sa paglaganap ng ebanghelyo.
Ayon sa Kultura. Isang natatanging synthesis ng wikang Griego, ang sistemang pulitikal na Romano, at ang relihiyosong tradisyon ng mga Hudyo ay nagbigay ng lugar na ang Diyos mismo ang nagtakda para sa pagsilang ng iglesyang Kristiyano.
Ang Diyos hindi nagtira ng kaya Niyang gawin upang ihanda ang mundo para sa ebanghelyo. Kapag matapos ninyo ang araling ito, manalangin, “O Diyos, ano ang iyong ginagawa upang ihanda ang aking mundo para sa ministeryo na ibinigay mo sa akin?”
[1] “Subalit kapag dumating na ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, isinilang ng isang babae, ginawa sa ilalim ng batas…”
- Galacia 4:4
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 1
(1) Kung maglalakbay mula Kanluran patungong Silangan, ilista ang tatlong Heograpikal na rehiyon ng Palestina.
(2) Ano ang kahalagahan ng Samaria sa ministeryo ni Hesus?
(3) Ilarawan ang relasyon ni Herod ang Dakil at ng mga Hudyo.
(4) Alin sa mga anak ni Herod ang nasangkot sa paglilitis at pagpapako sa krus kay Hesus?
(5) Ilista ang tatlong kontibusyon ng wikang Griego sa unang iglesya.
(6) Bigyang kahulugan ang pax Romana.
(7) Maglista ng apat na roles na ginampanan ng mga sinagoga sa komunidad ng mga Hudyo.
(8) Sa anong mga katuruan nagkakatulad ang mga Pariseo at ang mga Kristiyano?
(9) Anong bagay tungkol sa mga Pariseo ang hinatulan ni Hesus?
(10) Ano ang mga pangunahing pagkakaiba ng mga Pariseo at ng mga Saduceo?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.