Ang mga modernong mambabasa kung minsan ay nag-iisip na ang unang iglesya ay hindi nagkaroon ng malalaking suliranin. Iniisip natin, “Masaya sana kung napabilang tayo at namuhay sa unang iglesya dahil ang lahat doon ay nagkakaisa at may pagbabagong-loob!” Ang mga sulat ni Pablo sa Corinto at Galacia ay nagpapakita ng naiibang larawan. Ang mga iglesya sa unang siglo ay nahirapan sa mga maling doktrina, mga kasalanan sa mga miyembro, mga pagkalito tungkol sa mahahalagang katuruan sa Bibliya, at mga tanong tungkol sa awtoridad at disiplina sa iglesya. Sa ibang salita, ang mga aklat na ito ay nagpapakita ng isang mundong napakalaki ng pagkakatulad sa kasalukuyan. Dahil dito, ang mga sulat na ito sa naguguluhang mga iglesya sa unang siglo ay maraming maituturo sa mga naguguluhang iglesya ng ika-21 siglo.
1 Corinto
Ang Sumulat at Petsa
Ang Corinto ay isang daungan sa isang tangway sa pagitan ng Dagat ng Aegean at Ionian. Ang mga kalakal ay ibinababa sa isang panig ng tangway, ibinibiyahe patawid sa makitid na lupain, at isinasakay sa mga barko sa kabilang panig. Ang estratihikong lokasyon ng Corinto ay nagbibigay ng malaking pagkakataon para sa ebanghelyo. Naghihintay sa lunsod na ito ang mga mandaragat habang ibinababa o ikinakarga ang mga kalakal sa kanilang mga barko. Ito ay nagbibigay ng pagkakataon upang mag-ebanghelyo sa mga taon mula sa lahat ng lugar sa Imperyo.
Itinatag ni Pablo ang iglesya sa Cortinto sa panahon ng kanyang ikalawang paglalakbay pangmisyon, mga A.D. 50.[1] Kasama nina Aquila at Prisila, dalawang Kristiyano mula sa Roma, nanatili at nangaral si Pablo sa Corinto sa loob ng labingwalong buwan. Nagsimula siya sa pagtuturo sa sinagoga. Nang siya’y paalisin mula sa sinagoga, lumipat siya sa isang pribadong tahanan malapit doon. Maraming taga-Corinto, kabilang ang tagapamahala sa sinagoga ang tumugon sa pangangaral ng Ebanghelyo.
Isinulat ni Pablo ang 1 Corinto mga limang taon pagkalipas. Isinulat ito sa panahon ng pananatili ni Pablo sa Efeso sa kanyang ikatlong paglalakbay pangmisyon.[2] Sumulat si Pablo bilang tugon sa mga suliranin na umusbong sa iglesya ng Corinto. Hindi agad makapaglakbay si Pablo patungo sa Corinto, kaya’t isinulat niya ang liham at ipinadala ito kay Timoteo. Itinalaga si Timoteo upang siyang maghatid ng sulat at magbigay ng dagdag na mga tagubilin sa kanyang pagbisita.[3]
Istilo
Ang 1 Corinto ay kapwa simple at mahirap na ipaliwanag! Simple ito dahil ang 1 Corinto ay isang “sulat na pang-okasyon” –isang liham na isinulat bilang tugon sa isang particular na sitwasyon (o okasyon). Sa isang banda, nagiging simple ang liham dahil dito. Sa halip na isang komplikadong kasunduhan tungkol sa doktrina, tinutugunan ni Pablo ang isang tiyak na suliranin.
Gayunman, ang ganitong tipo ng sulat ay maaaring maging mahirap dahil iisang bahagi lamang ng problema sa pagitan ni Pablo at ng iglesya ang nasa sa atin. Ang paghanap sa mga suliranin na sinisikap tugunan ni Pablo ang nagiging dahilan na ito’y nagiging mahirap bigyang kahulugan.
May dalawang halimbawa na nagpapakita kung paano tumugon si Pablo sa mga tanong mula sa Corinto. Nagsisimula ang 1 Corinto 7:1 sa, “Ngayon, tungkol naman sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin…” Pagkatapos sumulat si Pablo ng isang talata na marahil ay sinipi sa kanilang sulat, “Mabuti para sa isang lalaki na huwag mag-asawa.” Pagkatapos, tumugon si Pablo sa ideyang ito na pinakamabuti para sa mga lalaki at mga babae na iwasang magkaroon ng relasyong seksuwal: “Gayunman, upang maiwasan ang pakikiapid, hayaan ang bawat lalaki ay magkaroon ng kanyang sariling asawang babae, at ang bawat babae ay magkaroon ng kanyang sariling asawang lalaki.”
Gayundin nagsisimula ang 1 Corinto 8:1, “Ngayon patungkol naman sa mag pagkaing inihandog sa mga Diyos-Diyosan…” Ang sumunod na talata ay marahil sinipi sa kanilang sulat, “Alam natin na ‘lahat tayo’y nagtataglay ng kaalaman’”. Tumugon si Pablo, “Ang ‘kaalamang’ ito ay nagbubunsod sa tao upang magpalalo, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay.”[4] Kapag binabasa natin ang mga sulat sa Corinto, binabasa natin ang isang bahagi lamang ng dalawang panig. May mga pagkakataon na dapat nating ibukod ang payo ni Pablo mula sa isang pagbanggit mula sa mga Kristiyano na nasa Corinto.
Layunin
Ang unang sulat ni Pablo sa Corinto ay bunsod ng isang nakakabahalang ulat mula sa tatlong tagapanguna sa iglesya.[5] Nag-ulat sina Estefano, Fortunato at Aquico, na nagkakaroon ng pagkakampi-kampi sa iglesya, na pinahihintulutan ang hayagang pagkakasala,at hinahamon ang awtoridad ni Pablo bilang apostol. Isinulat ni Pablo ang 1 Corinto upang tumugon sa mga suliraning ito at sagutin ang mga tanong mula sa mga mananampalatayang taga Corinto.
Nilalaman ng 1 Corinto
Sa pasimula, ipinahayag ni Pablo ang kanyang awtoridad bilang “isang apostol ni Kristo Hesus” at ipinaaalaala sa mga mananampalataya sa Corinto na sila ay “pinapaging-banal sa pamamagitan ni Kristo Hesus, at tinawag upang maging mga banal.”[6] Pagkatapos hinarap niya ang isang serye ng mga suliranin na nagpapakita ng kabiguan ng mga taga-Corinto na mamuhay ayon sa pagkatawag ng Diyos sa kanyang bayan.
Pagkakampi-kampi (1 Cor. 1-4)
Itinatag ni Pablo ang iglesya sa Corinto. Nangaral na doon ang matalinong orador na si Apolos pagkatapos bigyang tagubilin nina Aquila at Priscilla.[7] Posibleng nakabisita na si Pedro sa Corinto.[8] Ang iglesya ng Corinto ay nagkampi-kampi, at ang bawat grupo ay nag-aangkin na ang isa sa mga tagapagturong ito ang kanilang lider. May mga lider na nagpahayag na sila ay higit sa mga pagkakampi-kamping ito, na nag-aangkin, “sinusunod ko si Kristo.” Gayunman, maging ang grupong ito ay nabubunsod ng espiritung mapagmataas, hindi ng kababaang-loob.[9]
Pagkatapos, ang mga usaping tinalakay sa 1 Corinto ay nagpapakita na ang pagkakahati-hating ito ay nakaapekto sa lingguhang pagsamba at pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon sa Corinto. Dagdag pa rito, ang pagkakahating ito ay maaaring naging dahilan ng kawalang kagustuhan ng iglesya na harapin ang kasalanan sa kanilang mga miyembro.
Nagsisimula si Pablo sa pagtatanggol sa kanyang ministeryo. Ang mga nag-aangkin na si Apolos ang kanilang patron ay tumanggi sa awtoridad ni Pablo bilang apostol at kinutya ang para sa kanila ay hindi kaaya-ayang kaanyuan at pananalita ni Pablo. Ipinagtanggol ni Pablo ang kanyang awtoridad bilang apostol upang magkaroon ng tuntungan para sa pagtugon sa mga suliranin sa iglesya. Bilang kanilang espirituwal na ama, labis na minamahal ni Pablo ang “kanyang mga minamahal na mga anak”[10] kaya’t hindi niya sila basta iiwan sa kanilang mga sariling paraan. Kaya, nagsimula si Pablo sa isang masigasig na pagtatanggol sa kanyang ministeryo; “Ako si Pablo, tinawag upang maging apostol ni Kristo Hesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos..”[11]
Dahil may mga miyembro na inihahambing ang simpleng pagsasalita ni Pablo sa mahusay na pananalumpati ni Apolos, ipinaliwanag ni Pablo na dumating siya “Hindi dahil sa malalalim na pananalita o matataas na katalinuhan.” “Ang aking pagsasalita at aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng nakaiingganyong mga salita ng karunungan ng tao, kundi sa pagpapakita ng Espiritu at ng kapangyarihan...”[12] Hindi inaatake ni Pablo si Apolos[13] subali’t ipinapakita na ang kanyang sariling ministeryo sa Corinto ay batay sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu na kumikilos sa pamamagitan ng kanyang mensahe. Ang mga taga-Corinto ay lumuluwalhati sa karunungan ng tao; tinatawag sila ni Pablo na manumbalik sa ebanghelyo.
Imoralidad (1 Cor. 5-6)
► Paano dapat tumugon sa mga hayag na kasalanan sa mga miyembro ng iglesya?
Bilang isang Romanong lungsod sa baybay-dagat, ang Corinto ay nakakalatan ng mga paganong templo. Bahagi ng kanilang pagsamba sa diyos-diyosan ang prostitusyon, at kilala ang Corinto sa kanilang kasamaang seksuwal. Ang salitang “Corinthianize” ay nangangahulugan na sirain ang moralidad ng isang tao.
Tumangging disiplinahin ng iglesya sa Corinto ang kanilang miyembro na nabubuhay sa immoral na relasyon sa asawa ng kanyang ama, isang gawaing tinatanggihan maging ng mga pagano.[14] Gayunman labis na naging mapagmataas ang iglesya ng Corinto kaya’t tumanggi silang harapin ang suliraning ito.
Ang tagubilin ni Pablo ay mahalaga upang maunawaan ang wastong pagdisiplina sa iglesya. Sinabi ni Pablo na dapat tanggalin ang nagkasala sa pag-asang ito ay magsisisi.[15] Dapat hatulan ng iglesya ang kasalanan sa mga miyembro nito, sa dalawang kadahilanan: upang ibalik sa pagsisisi ang nagkasala at upang maiwasang masiraan ang ebanghelyo. Hindi tinutukoy ni Pablo ang mga ginagawa ng mga di-mananampalataya, o maging ng isang nagsising bumalik sa kasalanan. Tinutukoy niya ang sinasadyang nagpapatuloy na kasalanan ng isang aktibong miyembro ng iglesya.
Kaugnay nito, hinarap din ni Pablo ang mga usapin sa hukuman sa mga mananampalataya. Habang ang mga taga-Corinto ay tumatangging hatulan ang hayag na kasalanan sa iglesya, mabilis silang magdala ng mga pansariling pagrereklamo sa iba sa mga pampublikong hukuman. Itinatanong ni Pablo kung paanong “hinahatulan ninyo ang mundo” kung hindi naman kayo matalino sa pag-aayos ng inyong mga di-pagkakaunawaan sa inyong magkakapatid na Kristiyano.
Mga Tanong Mula sa mga taga-Corinto (1 Cor. 7:1-16:9)
Ngayon naman, tinutugon ni Pablo ang isang serye ng mga katanungan na itinanong ng mga taga-Corinto sa isang liham na ipinadala nila kay Pablo.[16] Ang bawat paksa ay pinasimulan sa, “Ngayon kaugnay ng….” at binabanggit ni Pabblo ang kanilang katanungan at pagkatapos ay tumutugon sa usaping ipinahayag.
Hindi Pag-aasawa at Pag-aasawa (1 Cor. 7:1-23)
May mga nagtuturo na “Mabuti para sa isang lalaki na huwag magkaroon ng relasyong seksuwal sa isang babae.”[17] Tumugon si Pablo na ang pag-aasawa ang wastong konteksto ng pagpapahayag ng pagtatalik. Sa bahaging ito, tinatalakay din niya ang suliranin sa paghihiwalay, isang usapin na partikular na mahirap para sa mga bagong mananampalataya na kasal sa hindi Kristiyano.
Ang mga Walang Asawa at mga Balo (1 Cor. 7:25-40)
Dahil sa “kasalukuyang kahirapan,” naniniwala si Pablo na pinakamabuti para sa mga walang asawa ang manatiling walang asawa. Gayunman, nilinaw niya na ito ay kanyang pansariling panuntunan, hindi ito “kautusan ng Panginoon.” Ang “kasalukuyang kahirapan” ay tumutukoy sa pag-uusig ng pamahalaang Romano sa mga mananampalataya. Maaari ring tumutukoy ito sa posibilidad ng humihigpit na pag-uusig habang ang “takdang oras” ng pagbabalik ng Panginoon ay unti-unting nalalapit.[18]
Pagkaing Inialay sa mga Diyos-Diyosan (1 Cor. 8:1-11:1)
► Sa konteksto ng inyong ministeryo, ano ang mga pangkulturang gawain ang katumbas ng usapin sa Corinto tungkol sa pagkaing inialay sa Diyos-Diyosan?
Ang pinakamahabang pagtalakay ni Pabblo ang sa sagot sa mahirap na katanungan tungkol sa pagkain na inialay sa Diyos-Diyosan. Ibinatay ng mga taga-Corinto ang kanilang pasiya sa kanilang mataas na kaalaman, “Alam natin na tayong lahat ay may kaalaman.” Tumugon si Pablo na, sa halip na ibatay ang ating pasiya nang lubusan sa kaalaman (na nagiging dahilan upang magpalalo), dapat tayong kumilos dahil sa ating pag-ibig (na “nagpapatatag”).
Ipinakita ni Pablo ang pagkakaiba ng pagkain sa hapag kainan ng mga paganong templo at sa pamimili sa mga pampublikong pamilihan. Sa pagkain sa hapag kainan sa templo, ang isang mananampalatayang “nakakaalam” ay maaaring makasira sa isang mas mahinang kapatiran na matutuksong suwayin ang kanilang budhi. Bilang isang halimbawa ng espiritung dapat ipakita ng mga taga Corinto, ipinaaalala ni Pablo sa kanila na inalis na niya ang kanyang karapatan na maghintay sa kanilang suportang pangpananalapi bilang kanilang pastor upang mag-ebanghelyo sa kanilang lunsod.
Dagdag pa rito, ang pagkain sa templo ng mga pagano ay pakikibahagi sa gawaing pagsamba sa diyos-diyosan.[19] Bilang pagwawakas, sinabi ni Pablo, “Hindi kayo maaaring makibahagi sa Hapag ng Panginoon, at sa hapag ng demonyo.”
Habang ang mga mananampalataya ay hindi dapat kumain sa paganong kontekstong panrelihiyon, iba naman ang itinuturo ni Pablo sa usapin ng pamimili sa isang pampublikong pamilihan na nagbebenta ng karneng inialay na sa mga Diyos-Diyosan. Dahil walang direktang koneksiyon sa pagsamba sa Diyos-Diyosan, iminumungkahi ni Pablo na “huwag na kayong magtatanong” at bilhin kung ano ang mayroon. Ang pasubali sa kalayaang ito ay kung mayroong tao na “matitisod”. Ang isang mas mahinang kapatiran ay maaari pa ring mag-isip na maging ang pagbili ng karneng ito ay kaugnay pa rin sa pagsamba sa diyos-iyosan. Sa pagkakataong ito, ipinaaalala ni Pablo sa mga taga-Corinto na tungkulin ng Kristiyano hindi ang hanapin ang “kanyang sariling kabutihan, kundi ang kabutihan ng kanyang kapitbahay.”
Ang susing prinsipyo ay pag-ibig. Ang pag-ibig sa Diyos ang pumipigil sa mananampalataya na makibahagi sa piyesta para sa diyos-diyosan na nasa templong pagano. Ang ating pag-ibig sa ating kapwa mananampalataya ang pipigil sa isang mananampalataya upang kumain ng karneng maaaring makasira sa pananampalataya ng isang mas mahinang kapatid.
Pagsamba at mga Kaloob (1 Cor. 11:2-14:40)
Sumunod na tinalakay ni Pablo ang mga tungkol sa awtoridad, pagsasagawa ng Hapunan ng Panginoon, at mga espirituwal na kaloob. Ang mga usaping ito ay bunsod ng pagmamataas at pagbabaha-bahagi na unti-unting naghahati sa iglesya ng Corinto.
Sa halip na tingnan ang kanilang mga sarili bilang kamiyembro ng iisang katawan, ginagamit ng mga taga-Corinto ang mga espirituwal na kaloob bilang paraan ng pagtataas sa sarili. Ang tamang pagtugon sa ugaling ito ay tandaan na ang pag-ibig ay mas higit sa mga espirituwal na kaloob.
Ang Muling Pagkabuhay ni Kristo at ng mga Patay (1 Cor. 15)
Bilang pagtugon sa mga katanungan tungkol sa hinaharap ng mga namayapang mananampalataya, sinimulan ni Pablo sa pamamagitan ng pagtatatag ng pangkasaysayang katotohanan ng muling pagkabuhay ni Kristo. Pagkatapos, ipinaliwanag niya na ang muling pagkabuhay ni Hesus ang siya “unang bunga nila na mga nangatutulog.” Dahil nalupig na ni Kristo ang kamatayan, ang mananampalataya ay mayroon ding pangako ng muling pagkabuhay.
Ang Pagkolekta para sa Mga Banal sa Jerusalem (1 Cor. 16:1-4)
Sa kanyang ikatlong paglalakbay pangmisyon, nagkolekta si Pablo ng kaloob mula sa mga iglesyang Hentil bilang suporta sa mga mananampalataya sa Jerusalem na naghihirap dahil sa pagsalungat ng mga lider na Hudyo. Mahalaga ang kaloob na ito para kay Pablo bilang isang praktikal na pagpapahayag ng doktrina ng pagkakaisa ng iglesya. Dahil sa kaloob na ito, ipinakita ng mga Kristiyanong Hentil na ang kanilang pagiging miyembro ng iglesya ay may kalakip na tungkulin na suportahan ang kanilang kapatiran (Hudyo) Kristiyano.
Pagpapaalam (1 Cor. 16:5-24)
Tinapos ni Pablo ang kanyang liham sa isang balangkas ng kanyang mga plano na bumisita sa hinaharap sa Corinto, pagbati sa kanyang sariling kamay, at ang pamamaalam.
[15] Upang “ibigay na siya kay Satanas” marahil ay tumutukoy sa pag-aalis sa kanya sa iglesya. Sa labas ng iglesya, siya ay nasa sanlibutan na, ang mundo ni Satanas.
[19] Ang 1 Cor. 10:1-22 ay gumagamit ng kuwento ng kawalang katapatan ng Israel bilang babala laban sa pakikibahagi sa gawain para sa mga Diyos-Diyosan.
2 Corinto
Pinangyarihan at Layunin ng 2 Corinto
Ang 2 Corinto ay isinulat isang taon pagkatapos ng 1 Corinto. Tila ang pagbisita ni Timoteo ay hindi talaga nagbunga ng kalutasan ng mga suliranin sa Corinto. Pagkatapos si Pablo mismo ang bumisita sa iglesya. Ito ay isang “masakit” na pagbisita sa panahong tinatanggihan ng iglesya ang kanyang awtoridad.[1] Bumalik si Pablo sa Efeso, kung saan sumulat siya ng isa pang liham (na ngayon ay nawawala) at ipinadala iyon kay Tito.[2]
Mula sa Efeso, naglakbay si Pablo patungo sa Macedonia kung saan siya naghintay ng balita mula sa Corinto. Iniulat ni Tito na karamihan sa mga taga-Corinto ay nagsisi na sa kanilang pagrerebelde.[3] Gayunman, may isang maliit na grupo na patuloy na tumatanggi sa awtoridad ni Pablo. Ang huling bahagi ng 2 Corinto ay humaharap sa grupong ito at naghanda sa ikatlong pagbisita ni Pablo.
Ang mga layunin ng 2 Corinto ay:
Upang purihin ang mga taga-Corinto para sa kanilang pagsisisi ayon sa ulat ni Tito. (1-7)
Upang kumpletuhin ang likom na kaloob para sa Jerusalem (8-9)
Upang harapin ang patuloy na pagrerebelde ng ilang miyembro (10-13)
Ang sumusunod na tsart ay nagpapakita ng timeline ng 1 at 2 Corinto. Bagaman ang ilang petsa ay hindi tiyak, ito ang tinatayang pinakatamang talaorasan ng pakikibahagi ni Pablo sa iglesya ng Corinto.
Si Pablo at ang Iglesya sa Corinto
Mga Pagbisita ni Pablo sa Corinto
Mga Sulat ni Pablo sa Corinto
Itinatag ni Pablo ang iglesya sa ika-2 paglalakbay pangmisyon (A.D. 50)
Isang sulat na hindi Nalalaman
(1 Cor. 5:9).
1 Corinto, isinulat mula sa Efeso at inihatid ni Timoteo (A.D. 55)
Isang “masakit” na pagbisita nang tanggihan ang awtoridad ni Pablo
(2 Cor. 2:1).
Isang hindi nalalamang “matinding” liham,dinala ni Tito mula sa Efeso, na nagbunga ng pagsisisi (2 Cor. 7:8-16).
2 Corinto, isinulat mula sa Macedonia at inihatid ni Tito (A.D. 56)
Ang huling pagbisita ni Pablo sa Corinto (A.D. 57)(2 Cor. 12:14)
Nilalaman ng 2 Corinto
Ang istilo ng 2 Corinto ay nagpapakita ng iba’t-ibang layunin nito. Mababasa ito tulad ng isang antolohiya, na nagbibigay ng tugon ni Pablo sa maraming iba’t-ibang usapin. Tulad ng 1 Corinto, ito ay isang sulat na napapanahon, tumutugon sa specific na usapin na kaugnay sa kalagayan sa Corinto. Sa halip na isang balangkas ng magulong liham na ito, mas makatutulong na tukuyin ang ilang tema na tumutugon sa kabuuan ng liham.
Pagtatanggol sa Pagiging Apostol ni Pablo
Bagaman mayroong malinaw na pagkahiya, ipinagtanggol ni Pablo ang kanyang pagiging apostol sa isang may kahabaang talata. Ginamit ng mga kaaway ni Pablo ang paghihirap at kahinaan niya bilang ebidensiya laban sa kanyang awtoridad bilang isang apostol. Niluluwalhati ng mga kaaway na ito ang tagumpay at kapangyarihan; niluluwalhati ni Pablo ang kanyang mga kahinaan, “upang ang kapangyarihan ni Kristo ay mahayag sa pamamagitan ko.”[4] Ang kanyang awtoridad ay nagmumula sa Diyos, na piniling kumilos sa pamamagitan ng mga kahinaan ni Pablo bilang paraan upang mahayag ang kaluwalhatian ng Diyos.
Pagtatanggol sa Integridad ni Pablo
Nagplano si Pablo na dumalaw sa Corinto ng mas maaga, subalit ipinagpaliban niya ang pagdalaw upang maghilom muna ang sugat ng kanyang naunang pagdalaw. Sa dahilang ito, naglakbay siya sa Macedonia sa halip na direktang magtungo sa Corinto. Ang pagbabago sa mga planong ito ay naging basehan ng pag-atake ng mga kaaway ni Pablo; pinaratangan nila siyang hindi mapagtitiwalaan. Ipinaliwanag niya ang kanyang pagbabago ng plano ayon sa pangunguna ng Diyos sa kanyang ministeryo.[5]
Mga Plano Para sa Ikatlong Pagdalaw ni Pablo
Mayroon pang ilan na nagpapatuloy sa pagtanggi sa kanyang awtoridad at nagsasabi na si Pablo ay mahina. Isinulat ni Pablo na siya’y babalik sa Corinto, at namamanhik sa kanila na magsisi bago siya dumating. Sa kabila ng kaguluhan na bunga ng mga pagsalungat na ito, ang layunin ni Pablo ay ang muling pagkakasundo. Sa simula ng sulat, pinangakuan niya ng kapatawaran ang sinumang nagsisising sumasalungat.[6] Sa dulo ng sulat, muli siyang namanhik para sa pagpapanumbalik. Ang layunin ni Pablo ay muling pagkakasundo, hindi pagganti.
Ang tinatayang petsa para sa Galacia ay mga A.D. 48. Nag-ebanghelyo sina Pablo at Bernabe sa Timugang bahagi ng Galacia sa unang paglalakbay pangmisyon, na nagsimula noong A.D. 47. Tinatayang isinulat ni Pablo ang Galacia bilang tugon sa mga suliraning nabuo sa mga bagong nagbalik-loob pagkatapos niyang lumisan.
Isa sa mga argumento na pumapabor sa petsang ito ay ang katotohanan na hindi binanggit ni Pablo ang Konseho ng Jerusalem sa kanyang sulat. Dahil ang sulat ay tumatalakay sa usapin ng mga Hentil at ng Batas (ang usaping ito ay napagpasyahan na sa Konseho ng Jerusalem noong A.D. 49.), tinatayang dapat sana’y nabanggit ni Pablo ang konsehong ito kung siya ay sumusulat pagkalipas ng A.D. 49. Ang petsa ng A.D. 48 ang naglagay sa Galacia bilang una sa mga liham ni Pablo.
Layunin
Ang layunin ng Galacia ay malinaw mula pa sa unang talataan. Matapos lumapit kay Kristo bilang resulta ng ministeryo ni Pablo, ang mga mananampalataya sa Galacia ay tumalikod sa ebanghelyo. Subali’t sumulat si Pablo upang muli silang pabalikin sa ebangheyo ni Kristo Hesus, ang “mabuting balita” ng batas ng pag-ibig na ipinamumuhay sa kapangyarihan ng Espiritu.
Pagkatapos umalis nina Pablo at Bernabe sa Galacia,agad binisita ng mga bulaang guro ang iglesya. Ipinangaral nila na ang mga Kristiyanong Hentil ay dapat magpatuli at sundin ang mga batas ng Hudyo. Ang mga tagapagturong ito ay hindi lubusang tumatanggi sa nakapagliligtas na gawa ni Hesus. Gayunman, ipinipilit nila na tayo ay pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo at pagsunod sa mga Batas.Sumulat si Pablo upang ipaalala sa mga nagbalik-loob sa panahon niya na tayo ay pinawalang-sala dahil sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.
Nilalaman
Ang Galacia ang sulat ni Pablo na may pinakamalakas na mga salitang ginamit. Sinaway niya ang mga taga-Galacia dahil sa kanilang kahangalan sa paglingon sa ibang mga ebanghelyo at tinatawag sila upang bumalik sa tunay na ebanghelyo ni Kristo. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng serye ng magkakasalungat na mga pagpili. Ang sulat sa Galacia ay isang pagtawag para sa dramatikong pagpili: kalayaan kay Kristo o pagkaalipin sa laman.
Ang Tunay na Ebanghelyo laban sa Huwad na Ebanghelyo
Di tulad ng mga huling sulat ni Pablo kung saan tinutukoy ang kanyang sarili kapwa bilang isang apostol at bilang isang alipin ni Kristo Hesus, sa Galacia tinukoy ni Pablo ang kanyang sarili tanging gamit ang mga salita ng awtoridad. “Si Pablo, isang apostol, (hindi ng tao, o sa pamamagitan ng tao, kundi sa pamamagitan ni Kristo Hesus, at Diyos Ama, na siyang bumuhay sa kanya mula sa mga patay)...”[1] Ito ang lengguwahe ng awtoridad sa pagiging apostol.
Ang mensahe ni Pablo ay hinahamon ng mga nagtuturo sa Hudaismo sa Galacia. Bahagi ng hamong ito ay tila ang, “Si Pablo ay hindi isang disipulo ni Hesus. Sa katotohanan, inusig niya ang iglesya! Bakit kayo nakikinig sa kanyang mensahe? Hindi siya tunay na apostol.” Tumugon si Pablo, “Hindi ako pinili ng mga tao o sa pamamagitan ng pagsisikap ng mga tao. Ako ay isang apostol na tinawag ni Hesus mismo at sa pamamagitan ng Diyos Ama, na siyang bumuhay sa kanya mula sa mga patay.”
Nais ni Pablo na malaman ng mga mananampalataya sa Galacia na ang ebanghelyong ipinangaral niya sa kanila ay ang tunay na ebanghelyo ni Kristo Hesus. Isa sa mga sermon ni Pablo sa Galacia ay nakatala sa Mga Gawa 13:16-41.
►Basanhin ang sermon ni Pablo sa Mga Gawa 13:16-41. Anong mga paksa ang kabilang sa sermon?
Pansinin ang nilalaman ng buod na ito ng ebanghelyo:
Kumilos ang Diyos sa pamamagitan ng kasaysayan ng Israel upang magtatag ng isang Tagapagligtas.
Si Hesus ang Tagapagligtas, na ipinahayag ni Juan Bautista.
Tinanggihan si Hesus ng “mga naninirahan sa Jerusalem, at ng kanilang mga pinuno.”[2]
Ipinako nila si Hesus sa krus, subali’t “ibinangon siyang muli ng Diyos mula sa mga patay.”[3]
Nakita si Hesus ng maraming saksi pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay.
“Ang lahat ng sumasampalataya ay pinawalang-sala mula sa lahat ng bagay, kung saan ikaw’y hindi mapawawalang-sala ng batas ni Moses.”[4] Ito ay isang napakahalagang mensahe para sa mga Hentil na nagbalik-loob. Mula sa kanyang unang mensahe na ipinangaral ni Pablo na tayo ay pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya (“ang lahat ng sumampalataya”) hindi sa pamamagitan ng batas ni Moses.
Ito ang tunay na ebanghelyo, ang mensahe ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya lamang sa Diyos. Sa panahong isinusulat ni Pablo ang Galacia, ang mga bagong mananampalataya ay bumaling sa “naiibang ebanghelyo,” isang ebanghelyo na hindi naman ebanghelyo.[5] Ang pagkagapos sa “pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng Batas” ay tunay na malayo ang kahulugan sa mabuting balita ng “pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya” pangaral ni Pablo.
Ano ang “maling ebanghelyo” ng mga legalista? Itinuturo ng mga nagtuturo sa Hudaismo[7]na angmga mananampalatayang Hentil ay tumatanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagtupad sa lahat ng aspeto ng Batas ni Moses. Sa halip, itinuro ni Pablo na tayo ay pinawalang-sala sa biyaya, hindi sa mga gawa. Ibinatay niya ito sa apat na pangangatwiran:
Karanasan ni Pablo. Itinuturo ni Pablo ang ebanghelyong ipinahayag sa daan patungo sa Damasco. Si Pablo noon ay kaaway ng ebanghelyo, at inuusig ang iglesya. Siya ay “sumusulong sa Hudaismoo higit pa sa marami sa kanyang mga kaedad sa mga tao, labis siyang masigasig para sa mga tradisyon ng aking mga ama.”[8] Kung ang kaligtasan ay nagmumula sa pagsunod sa kautusan, hindi kailangan ni Pablo ang ebanghelyo; matapat siya sa pagsunod sa Kautusan. Ang Diyos “ay nasisiyahan na ipahayag ang kanyang Anak,” at akayin si Pablo sa katotohanan na “ang isang tao ay hindi pinawawalang-sala sa pagsunod sa kautusan, sa halip sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Hesus.”[9]
Ang karanasan ng mga taga-Galacia. Tinanggap ng mga taga-Galacia ang Espiritu “sa pakikinig nang may pananampalataya,” hindi “sa mga gawa ng kautusan.” Hindi nila “magagawang perpekto sa pamamagitan ng laman” ang gawain na “sinimulan ng Espiritu.”[10]
Ang karanasan ni Abraham. “Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at dahil dito’y ibinilang siyang matuwid.” Ngayon, ang lahat ng sumasampalataya “ay mga anak ni Abraham.”[11] Kung paanong si Abraham ay pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya, ang mga Kristiyano ay pinawawalang-sala rin sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa mga gawa.
Ang batas mismo. Ipinakikita ni Pablo na lahat ng nananangan sa gawa ng kautusan ay nahaharap sa sumpa ng Diyos, subali’t “ang matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya.”[12] Hinahamon ni Pablo ang mga nagbalik-loob na mga Hentil na “Tumindig nang matatag sa kalayaan kung saan tayo’y pinalaya ni Kristo, at huwag na kayong muling magapos sa pamatok ng pagkaalipin.”[13]
Ang Bunga ng Espiritu labas sa Pagkaalipin ng Laman
► Ang kalayaan ba mula sa “mga gawa ng Kautusan” ay nagbibigay sa atin ng liseniya na sundin ang mga kagustuhan ng laman?
Kinikilala ni Pablo ang panganib na ang mensahe ng pagpapawalang-salas sa pamamagitan ng pananampalataya lamang ay mailapat sa buhay sa maling paraan. Ang isang mambabasa sa sulat ni Pablo ay maaaring magpasya, “Ito ay magandang balita! Ako ay pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya. Hindi na mahalaga ang Kautusan. Magagawa ko na ang anumang nais kong gawin! Maaari na akong mamuhay ayon sa kagustuhang ng aking laman.” Kapwa sa Roma at Galacia, tumugon si Pablo sa maling katuruang ito. Sa Roma,ipinaalala niya sa kanyang mga mambabasa na ang mga namatay sa kasalanan ay hindi na dapat magpatuloy na mamuhay sa kasalanan.[14] Sa Galacia, iniuutos ni Pablo, “Lumakad kayo sa Espiritu, at hindi na ninyo tutuparin ang mga pita ng laman.”[15]
Binigyang babala ni Pablo ang kanyang mga mambabasa na kailangan nating “huwag gamitin ang kalayaan para sa pagkakataon para sa laman, sa halip sa pag-ibig ay maglingkod sa isa’t-isa.”[16] Hindi kailanman itinuro ni Pablo na walang kabuluhan ang kautusan; itinuturo niya na ang kautusan ay natutpad sa pag-ibig. Ang tugon ni Pablo sa legalismo ay hindi lisensiya iyon sa sinasadyang kasalanan. Ang tugon sa legalismo ay pag-ibig. Ang kautusan ay natupad sa pag-ibig. Kung iniibig natin ang Diyos, susundin natin ang batas ng Diyos nang maluwag sa loob; sa pamamagitan ng kautusan malalaman natin kung paano mamumuhay sa paraang kalugod-lugod sa Diyos. Susunod tayo hindi dahil sa pagkaalipin, kundi dahil sa pag-ibig. Tinutupad ng pag-ibig ang kautusan.[17]
Pinaghahambing ni Pablo ang mga gawa ng laman sa bunga ng Espiritu.[18] Itinuturo niya na kung tayo’y nabubuhay sa Espiritu, tayo’y lalakad sa Espiritu; ipakikita natin ang kanyang bunga sa ating buhay. Kung tayo’y naghahasik sa laman, tayo’y aani ng kasamaan. Kung tayo’y maghahasik sa Espiritu, tayo’y aani ng buhay na walang hanggan.[19] Ang batas ng pag-ibig ay hindi lisensiya upang magkasala. Sa halip, pag-ibig ang nagbibigay sa atin ng kapangyarihang lumakad nang may pagsunod sa Diyos.
Ang batas ng pag-ibig ay may dakilang praktikal na implikasyon para sa mananampalataya . Sa pamumuhay sa ganitong paraan, maibabalik natin ang mga nahulog sa tukso; magiging katuwang tayo sa pagdadala ng kabigatan ng isa’t-isa; mag-iisip tayo nang maayos tungkol sa ating sarili; tayo’y aani ng buhay na walang-hanggan.[20] Ito ang tunay na kalayaang Kristiyano.
[6] Sino ang Isang Legalista?Ang isang tao ba na maingat na sumusunod sa Diyos ay isang legalista? Hindi! Inaaasahan ng Diyos ang kanyang mga anak na sumunod. Ang isang legalista ay isang tao na sumusunod sa Batas ng Diyos upang makamit ang kaligtasan.Ang usapin ay ang puso. Sa panlabas, ang isang legalist at ang isang taong may pananampalataya ay tila pareho. Ang isang may pananampalataya ay sumusunod sa Diyos dahil mahal niya ang Diyos at nais niyang bigyang-lugod angDiyos. Ang legalist ay sumusunod sa Diyos upang makamit ang pabor ng Diyos. Ang motibasyon para sa pagsunod, hindi ang pagsunod mismo, ang naglalarawan sa isang legalist.
[7] Ang “Judaizer” ay isang salitang ginagamit upang tukuyin ang mga guro sa unang iglesya na nagsikap na pagsamahin ang mga gawaing Hudyo at ang doktrinang Kristiyano. Ipinapahayag nilang sila’y Kristiyano, subali’t ipinipilit nilang ang mga mananampalatayang Hentil ay kailangan ding sumunod sa Batas ng mga Hudyo.
[17] Tatlong Pananaw sa Gawa
Legalismo: “Naligtas ako sa pamamagitan ng mga gawa.”
Lisenssiya:”Ako ay naligtas sa biyaya. Walang halaga ang mga gawa.”
Pag-ibig: “Ako’y naligtas sa biyaya. Sinusunod ko ang Diyos dahil sa pag-ibig para sa taong nagligtas sa akin sa pamamgitan ng kanyang biyaya!”
Kapag humaharap tayo sa mga kahirapan sa iglesya, kung minsan natutukso tayong isipin na “Hindi kailanman ganito kasama sa nakalipas na panahon!” Ipinaaalala sa atin ng Corinto at Galacia na “Ang mga suliranin sa kasalukuyan ay hindi bago.” Ang mga sulat na ito ay direktang nangungusap sa iglesya ng ika-21 siglo.
Ipinaaalala sa atin ng 1 Corinto ang pagkakaisa sa iglesya. Bagaman magkakaiba tayo sa maraming bahagi, ang katawan ni Kristo ay iisang katawan. Ang katotohanang iyon ang dapat gumabay sa atin sa pangangasiwa ng mga pagkakaiba-iba sa loob ng iglesya; dapat itong gumabay sa atin sa pagharap sa mga di-pagkakasundo sa pagitan ng mga Kristiyano; at, dapat itong gumabay sa atin sa paggamit ng ating mga kaloob upang patatagin ang katawan ni Kristo.
Ang mga sulat na ito ay nagpapaalala sa atin na tayo ay tinawag sa ministeryo ng pagkakasundo. Sa Corinto, ipinakikita ni Pablo na ang kapatawaran ay dapat ipagkaloob kapag nagkaroon ng pagkakampi-kampi sa iglesya. Sa gayun ding paraan, sa Galacia ipinakikita ni Pablo na kailangan nating sikapin na mapanumbalik ang mga nabuwal.
Ipinaaalala sa atin ng Galacia ang dakilang doktrina ng pagpapawalang-sala sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Nagbabala si Pablo sa anumang pagsisikap na magturo ng “pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya at …..” Walang anuman (batas ni Moses, mga gawa, o anupaman) ang maaaring maidagdag sa pananampalataya sa ginawa ni Kristo bilang batayan para sa ating pagpapawalang-sala sa harapan ng Diyos.[1]
Ipinaaalaala ng Galacia sa atin ang mga implikasyon sa buhay ng batas ng pag-ibig. Ang batas ng pag-ibig ay bumabago sa ating buhay bilang mga mananampalataya.
[1]Ang Ebanghelyo: Naligtas tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Judaizers: Naligtas tayo sa pananampalataya + Kautusan. Banta sa Ebanghelyo ngayon: Tayo ay naligtas sa pananampalataya + __________.
Konklusyon
Sa simula ng Mayo, 1738 nagpatotoo si William Holland tungkol sa katiyakan ng pananampalataya pagkatapos makinig kay Charles Wesley na nagbasa sa Komentaryo sa Galacia na isinulat ni Luther. Isinulat ni Charles Wesley sa kanyang talaarawan o journal, “Gumugol ako ng ilang pribadong oras sa gabing ito kasama ni Martin Luther, na labis na nagpala sa akin…nagsikap ako, naghintay at nanalangin upang maramdaman kung ‘sino ang umibig sa akin, at nagbigay ng kanyang sarili para sa akin.”
Ilang araw pagkalipas noon, sa araw ng Pentekostes, si Charles mismo ang nagpatotoo sa katiyakang ito. Apat na araw pagkalipas, habang nakikinig kay William Holland na nagbabasa mula sa Paunang Salita sa Aklat ng Mga Taga Roma na sinulat ni Martin Luther, nagkaroon si John Wesley ng katiyakan sa pananampalataya.
Ang mensahe ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya ang bumago kay Luther, kina Wesley at sa milyong ibang mananampalataya. Ang mensaheng ito ay kasing halaga ngayon tulad noon sa ikalabimpitong siglo.[1]
[1] Mula sa J.I. Packer’s “Introduction” to Luther’s Commentary on Galatians. Crossway Classic Commentaries, 1998.
Mga Takdang-Aralin ng Aralin
Ipakita ang iyong pagkaunawa sa araling ito sa mga sumusunod na takdang-aralin.
(1) Pumili ng isa sa mga sumusunod na takdang-aralin:
Bilang isang gabay sa pag-aaral ng 1 Corinto, maghanda ng isa pahinang balangkas na tumutukoy sa bawat isang usapin na tinalakay ni Pablo sa kanyang liham. Ang iyong balangkas ay dapat maglaman ng tatlong bagay:
Ang katanungan o suliranin
Isang maikling buod ng tugon ni Pablo
Ang reperensiya sa Kasulatan sa 1 Corinto kung saan tinalakay ang katanungan
Sumulat ng isang pahinang sanaysay tungkol sa mga modernong mga hamon sa doktrina ng pagpapawalang-sala ayon sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Bagaman hindi na natin hinaharap ang Judaizers at ang kanilang pagtatangkang hilingin ang pagtutuli, ano ang iba pang mga bagay na kung minsan ay idinadagdag ng Kristiyano sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya bilang batayan ng pagpapawalang-sala?
(2) Kumuha ng pagsusulit sa materyal mula sa araling ito. Ang pagsusulit ay may kasama ng mga talata sa Kasulatan na dapat isaulo.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 6
(1) Bakit mahalagang lunsod ang Corinto para sa estratehiya sa pag-eebanghelyo ni Pablo?
(2) Sino ang kasamang nagtrabaho ni Pablo sa pagsisimula ng iglesya sa Corinto?
(3) Anong mga suliranin sa Corinto ang naging dahilan ng pagsulat ng 1 Corinto?
(4) Anong talata ang nagpapahiwatig sa bawat tanong na sinasagot ni Pablo sa 1 Corinto?
(5) Maglista ng tatlong tema na tinugunan ni Pablo sa 2 Corinto.
(6) Ano ang layunin ng liham ni Pablo sa mga taga-Galacia?
(7) Ano ang maling katuruan ng mga Judaizers?
(8) Ano ang pagpipiliang inialok sa Galacia?
(9) Ilarawan ang isang legalista.
(10) Sa kanyang pangangatwiran laban sa legalista, tinukoy ni Pablo ang apat na mga bagay. Ano-ano ang mga ito?
(11) Isulat ang 1 Corinto 1:20-21 at Galacia 5:22-23 mula sa memorya.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.