Sa simula ng kursong ito, binanggit ko ang Africanong teologo na si John Mbiti. Sinabi niya na hindi dinala ng mga misyonero ang Diyos sa Africa; dinala ng Diyos ang mga misyonero sa Africa.[1] Matagal na panahon bago pa dumating ang mga misyonero, inihahanda na ng Diyos ang daan para sa ebanghelyo.
Sa katulad na paraan, maaari nating sabihin na “Hindi dinala ni Martin Luther ang Diyos sa Reformation; dinala ng Diyos si Martin Luther sa Reformation.” Maging bago pa dumating si Martin Luther, muling binubuhay na ng Diyos ang Kanyang iglesya. Ginamit ng Diyos ang mga monghe tulad nina Bernard ng Clairvaux upang ihayag ang pagkagutom para sa katotohanan, ang mga mangangaral na tulad nina John Wycliffe upang gawing available ang Kasulatan sa pangkaraniwang lengguwahe, at maging ang mga imbentor na tulad ni Johannes Gutenberg na lumikha ng mga tools na ginamit nina Luther at ng iba pa upang magkaroon ng Biblia na available para sa lahat.
Sa leksiyong ito, makikita natin kung paano inihanda ng Diyos ang daan para sa mga Reformers. Ito ang maglalagay ng pundasyon para sa pag-aaral patungkol sa Reformation sa unang leksiyon ng Pagsasaliksik sa Kasaysayan ng Iglesya II.
Petsa ( A.D. )
Pangyayari
1090-1153
Si Bernard ng Clairvaux
1209
Pagtatatag ng mga Franciscano
1384
Kamatayan ni John Wycliffe
1415
Pagiging Martir ni Jan Hus
1454
Inilathala ang Gutenberg Bible
1517
Ninety-Five Theses ni Luther
[1]Binanggit ni Timothy C. Tennent, Invitation to World Missions (Michigan: Kregel, 2010), 75
Ang mga Mystics at ang Pagkagutom sa Kabanalan
Sa panahon ng mga siglo bago ang Reformation, ang mga isinulat ng mga mystics ay nagpakita ng nagpapatuloy na pagkagutom para sa kabanalan. Maging habang maraming miyembro ng Iglesya Romano Katoliko ay nasisiyahan sa mga walang kabuluhang ritwal, may mga Kristiyano na humanap ng isang bagay na mahalaga, ang malapit na relasyon sa Diyos.
Sa parehong panahon na ang mga Scholastics na tulad nina Anselm at Abelard ay naghahanap ng rasyonal na pagkaunawa sa teolohiya, binigyang-diin ng mga mystics ang pansariling karanasan kay Kristo. Ang mga mystics ay hindi humahadlang sa pag-aaral, subalit sila’y nagbigay diin sa pansariling karanasan sa halip na sa mga pagpapaliwanag na pang-intellectual.
Si Bernard ng Clairvaux (1090-1153)
Isa sa mga pangunahing Medieval mystic ay ang Pranses na monghe na si Bernard ng Clairvaux. Si Bernard ay isinilang sa isang mayamang pamilya. Umalis ang kanyang ama upang makipaglaban sa Unang Krusada nang si Bernard ay anim na taong gulang.
Sa halip na mamuhay bilang isang nobleman, si Bernard ay naging isang monghe. Sa edad na 22, si Bernard kasama ang tatlumpung kaibigan ay sumali sa monasteryo sa Citaeaux. Tatlong taon pagkalipas, isinugo si Bernard upang magtatag ng isang bagong monsteryo sa Clairvaux. Sa sumunod na apatnapung taon, nagtatag si Bernard ng pitumpung monasteryo at naging isang tagapangasiwa para sa karagdagan pang siyamnapung monasteryo.
Bagaman bihirang umalis si Bernard sa kanyang monasteryo, siya ay naging isa sa pinakamainpluwensyang tao sa Europa. Siya ay isang iginagalang na tagapayo ng mga hari at mga pope. Ang isa sa kanyang mga monghe ay naihalal na maging si Pope Eugene III.
Madaling makita ang mga kahinaan ni Bernard. Ang kanyang mga pangangaral ang naging inspirasyon ng nabigong Ikalawang Krusada. Kinumbinsi niya ang mga pope na itiwalag sa pagiging Katoliko ang kaniyang mga kaaway, isang gawain na naglagay ng pundasyon para sa Inquisition. Hinati niya ang mga Kristiyano sa mga monghe (isang “mas mataas” na level ng pagiging espirituwal) at ordinaryong mamamayan (isang “mas mababang” level ng pagiging espirituwal).
Gayunman, sa kabila ng kanyang mga kapintasan, nagpapakita si Bernard ng pagkagutom para sa kabanalan. Tinawag siya ni Martin Luther na “ ang pinakamahusay na monghe na nabuhay na aking hinahangaan nang higit pa sa lahat kahit pagsama-samahin pa.”
Ang himno ni Bernard na may pamagat na “Jesus the Very Thought of Thee” ay isang magandang larawan ng kahulugan ng pagkakaroon ng lubos na kasiyahan sa relasyon kay Hesus. Kumatawan si Bernard sa kauhawan sa kabanalan na naging tanda ng bayan ng Diyos sa buong panahon ng kasaysayan ng Iglesya.
Hesus, ang maisip ka lamang
Ang tamis na pumupuno sa dibdib;
Subalit mas matamis ang Makita ang iyong mukha,
At mamahinga sa presensya mo.
O pag-asa ng bawat pusong nagsisisi,
O tuwa ng lahat ng lahat ng mapagpakumbaba
Para doon sa nadadapa, kay buti Mong
Tunay! O kay buti mo sa lahat ng sa iyo’y humahanap
Ah, this Ngunit ano ang para sa mga nakatatagpo? Ah, ito nga
Hindi ang dila o ang panulat ang makapagpapakita
Ang pag-ibig ni Hesus, kung ano nga,
Walang iba, tanging ang Kanyang minamahal ang nakaaalam.
Si Catherine ng Siena (c. 1347-1380)
Isang mystic na Italyano, si Catherine ng Siena, ay nagpahayag na naririnig niya si Hesus na nagsasalita sa mga pangitain. Bilang resulta ng isa sa mga pangitaing ito, itinalaga ni Catherine ang kanyang sarili sa buhay ng paglilingkod. Karamihan sa mga kapanahon ni Catherine na nagnanais na gugulin ang kanilang mga buhay sa paglilingkod sa Diyos ay pumasok sa kumbento o kaya’y sa monasteryo. Sa halip, naniwala si Catherine na tinawag siya ng Diyos upang maglingkod sa mundo. Tinawag siya upang tutulan ang kasalanan sa mga tagapanguna sa iglesya, upang mag-ebanghelyo, at gamutin ang mga may sakit at malapit na mamatay.
Nabuhay si Catherine sa mga taon ng Pagkabihag sa Babilonia nang ang pope ay nakabilanggo sa Avignon sa France. Naniwala si Catherine na magiging matagumpay sana ang mga reporma sa simbahan kung ang pope ay namumuno mula sa Roma. Kinumbinsi niya si Gregory XI na bumalik sa Roma mula sa Avignon noong 1376. Katulad ni Bernard ng Clairveaux, nakaimpluwensya si Catherine sa mga makapangyarihang tagapanguna sa iglesya kahit na wala siyang opisyal na kapangyarihan. At katulad ni Bernard, si Catherine ay nagpakita ng malalim na pagkagutom para sa relasyon sa Diyos.
Si Thomas à Kempis (“ng Kemperen,” ang kanyang bayang pinagmulan sa Germany) ay miyembro ng Dutch “Kapatiran ng Pangkaraniwang Buhay,” isang grupo na naglayong magtatag ng malapit na personal na relasyon sa Diyos habang naglilingkod sa komunidad. Si Thomas ay isang gifted na guro at manunulat.
Ang pinakadaking ginawa ni Thomas ay ang The Imitation of Christ, (Ang Pagtulad kay Kristo) isang aklat ng debosyon na naging isa sa pinakanaka maimpluwensyang aklat sa kasaysayan. Kinilala nina Thomas More, Martin Luther at John Wesley ang Imitation of Christ bilang isang mahalagang impluwensya sa kanilang espirituwal na paglago. Tulad ng mga himno ni Bernard ng Clairvaux, ang The Imitation of Christ ay nagpapakita ng malalim na pagnanais para maranasan ang Diyos.
Karamihan sa mga mytics ay nanatiling matapat sa Simbahang Romano Katoliko. Gayunman, ang samahang mystic ay naghayag ng lumalalim na sama ng loob sa mga ritwal ng medieval na pagsamba. Ang mga sinserong Kristiyano ay naghahangad na makilala ang Diyos sa isang totoo at personal na paraan. Ang pagkagutom na ito ay nagbunga sa panahon ng Reformation.
►Talakayin kapwa ang mga kalakasan at kahinaan ng medieval na mystics. Mas marami ka bang natututuhan mula sa direksyon ng mga scholastics o sa direksyon ng mga mystic? Batay sa tendensiyang ito, ano ang mga panganib na dapat mong bantayan at malaman?
[1]“Kung wala ang Daan, walang patutunguhan;
Kung wala ang Katotohanan, wala ang pagkaalam;
Kung wala ang Buhay, walang pagkabuhay.”
“Kung tatanggap ka ng tubo,
Magbasa ka nang may kapakumbabaan, simplisidad, at pananampalataya. Huwag ninyong hanapin ang katanyagan ng pagiging maalam.”
“At sa Araw ng Paghuhukom,
Hindi tayo tatanungin kung ano ang ating binasa, kundi kung ano ang ating ginawa.”
- Thomas à Kempis
Ang Mga Mangangaral at ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo
Isa sa mga tanda ng Reformation ay ang pangangaral ng ebanghelyo. Ibinalik nina Martin Luther, John Calvin, John Knox at ng kanilang mga kapanahon ang pangangaral ng Banal na Kasulatan bilang sentro ng pagsamba. Ito ang isa sa pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng Middle Ages at ng Reformation.
Patungkol naman sa kauhawan sa kabanalan na nagbunga sa Reformation, ang pagtitiwala sa kapangyarihan ng ebanghelyo ay makikita na maraming siglong mas maaga sa panahon ng Middle Ages. Matagal na panahon bago pa dumating si Luther, nagtatayo na ang Diyos ng mga mangangaral na naniniwala sa ebanghelyo bilang “ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat isang sumasampalataya.”[1]
Si Peter Waldo (ca. 1140-1218) at ang mga Waldensians
Naniwala si Peter Waldo na ang iglesya ay naging labis na mayaman at makapangyarihan. Ibinigay niya ang kanyang ari-arian sa mahihirap, humikayat ng dalawang pari upang magsalin sa salitang Pranses ng mga bahagi ng Biblia, at nagsimula siyang mangaral. Ang kanyang mga tagasunod ay naglakbay ng pares-pares, at nangaral sa mga pamilihan. Tinawag nila ang kanilang sarili bilang "Ang Mahihirap sa Espiritu”; tinatawag natin silang mga Waldensian.
Taong 1184, si Waldo at ang kanyang mga tagasunod ay itiniwalag ni Pope Lucius III dahil sa pangangaral nang walang pagsang-ayon ng mga Obispo. Naniniwala ang mga Waldensian na ang bawat tao ay dapat magkaroon ng Biblia sa kanyang sariling wika, at ang Banal na Kasulatan ang dapat maging huling awtoridad sa pananampalataya. Bagaman hindi itinuro ng mga Waldensian ang buong mensahe ng Reformation na kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya lamang, ang kanilang kilusan ay nagpapakita ng maagang hakbang palayo sa awtoridad ng Simbahang Romano Katoliko at patungo sa awtoridad ng Kasulatan.
Si Francis ng Assisi (1182-1226) at ang mga Franciscano
Si Francis ng Assisi ay anak ng isang mayamang mangangalakal na taga-Italya, subali’t iniwan niya ang kanyang kayamanan upang ipangaral ang kagalakan ng “apostolic poverty.” Pagkalipas, may iba pang sumunod sa kanya; tinawag niya ang kanyang grupo na ang Friars Minor, o ang “Order of the Lesser Brothers.”
Ang grupong ito ay sinang-ayunan ng Pope at nakilala bilang ang mga Franciscans. Nanatiling tapat si Francis sa Simbahang Romano Katoliko, subalit ang kanyang modelo ng kababaang-loob at paglilingkod ay malinaw na salungat sa mga pinahahalagahan ng medieval na Simbahang Romano Katoliko. Bagama’t nanatiling tapat si Francis sa iglesya, kinilala niya na hindi tinatawag ng ebanghelyo ang mga Kristiyano para sa makasariling ambisyon, pulitika sa iglesya, at ang paghahangad sa kapangyarihan sa anumang halaga.
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Mong Makilala: John Wycliffe (1330-1384)
Si John Wycliffe[1] ng Ingglatera ay tinawag na “Morningstar of the Reformation.” Apatnapu’t tatlong taon pagkatapos niyang mamatay, hinukay ng Simbahang Katoliko ang kanyang katawan, sinunog ang kanyang bangkay, at itinapon ang kanyang abo sa ilog. Gayunman, ang pagwasak sa katawan ni Wycliffe ay hindi sumira sa kanyang legacy. Isinulat ng isang manunulat, “Dinala ng Ilog ng Swift ang kanyang abo sa Avon (Ilog); Avon patungong Severn; at sa Severn patungo sa dagat. Ang abo ni Wycliffe, tulad ng kanyang doktrina, ay lumaganap sa buong mundo.”
[2]Natapos ni Wycliffe ang kanyang doctorate sa Oxford at itinuring na pangunahing teologo ng Oxford. Nang iutos ng Roma sa England na magpadala ng pera sa pope, ipinayo ni Wycliffe sa Parliamento na tumanggi. Sinabi niya na ang iglesya ay lubha nang napakayaman. Narinig ng pope ang pahayag ni Wycliffe kaya’t nahatulan siya ng heresy.
Dahil sa kanyang popularidad sa England (at sa kahinaan ng Romano Katolikong Simbahan sa panahon ng Malawakang Pagkakahati), Si Wycliffe ay “ibinilanggo sa kanyang sariling bahay” sa halip na dalhin sa Roma upang doon patayin. Nagpastor siya sa isang iglesya sa Lutterworth at sumulat ng mga babasahin tungkol sa doktrina. Nangatwiran siya laban sa doktrina ng transubstantiation, ang pagbibigay ng mga indulhensiya at ang pagsasagawa ng pagkukumpisal. Ipinahayag niya na tayo ay pinawawalang-sala tanging sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo.
Pinakamahalaga, nagsimula siyang isalin ang Biblia sa salitang Ingles. Dahil kinikilala niya na ang Banal na Kasulatan bilang ang ultimong awtoridad para sa mananampalataya, sinikap ni Wycliffe na magkaroon ng Biblia ang bawat tao sa England. Naniniwala siya na “Lubusang mas matututuhan ng mga taga-England ang batas ni Kristo kung ito ay sa salitang Ingles.”
Namatay si Wycliffe bago matapos ang kanyang pagsasalin, ngunit dalawang katulong niya ang tumapos sa pagsasalin. Maging pagkatapos ng kanyang kamatayan, ang kanyang impluwensya ay nagpatuloy na nakahikayat ng reporma. Ang kanyang mga tagasunod, na tinawag na “Lollards” (“mumblers”) ng kanilang mga kaaway, ay nangaral sa buong England (Ingglatera).
Isang siglo pagkalipas, inilathala ni William Tyndale ang unang nakaimprentang Biblia sa modern English. Ipinahayag ni Tyndale ang kanyang layunin sa isang paring Katoliko na pumuna sa kanya, “Kung ililigtas ng Diyos ang aking buhay, hindi magtatagal at magagawa kong ipaalam sa isang nag-aararo ang Banal na Kasulatan higit kaysa sa iyo!”
Naniwala sina Wycliffe, Tyndale at ang kanilang mga tagasunod na ang Salita ng Diyos ay makakahikayat ng tunay na pagbabalik-sigla at aakayin ang mga tao sa kaligtasan. Simula sa kanilang panahon, ang iba na kabahagi nila sa kanilang paniniwala ay nagsalin na ng Biblia sa mahigit sa 2000 lengguwahe.
[1]Image: "Portrait of John Wycliffe", Histoire du Concile de Constance (1727), retrieved from https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Portrait_of_John_Wycliffe.jpg, public domain.
[2]“Ibinigay ng Dios ang kanyang tupa upang pastulan, hindi upang ahitan at gupitan.”
- John Wycliffe
Mga Tagapangaral at ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo (pagpapatuloy)
Jan Hus (1373-1415)
Maging bago ang German Reformation, mayroon nang isang aktibong kilusang ng reporma sa Bohemia (ang modernong Czechoslovakia). Isa sa mga tagapanguna sa kilusang ito ay isang kilalang pastor, si Jan Hus.
Bilang isang mag-aaral sa Unibersidad ng Prague, binasa ni Jan Hus ang mga isinulat ni John Wycliffe at itinuring ang kanyang sarili na isang tagasunod ni Wycliffe. Nang magtapos siya sa kolehiyo, si Hus ay itinalaga bilang mangangaral sa Bethlehem Chapel, isang kapilya na sinimulan ng isang mayamang mangangalakal bilang isang lugar kung saan ang mga reformers ay nakakapangaral nang malaya.
Katulad ni Wycliffe, alam ni Jan Hus na si Kristo, hindi ang pope, ang ulo ng iglesya. Matapang si Hus sa pangangaral laban sa korapsyon sa iglesya. Pinuna niya ang pagbebenta ng pope ng mga indulhensiya. Naglagay siya sa mga pader ng simbahan ng mga paintings na naghambing sa pope at kay Hesus. Sa isa sa mga ito, ang pope ay nakasakay sa kabayo habang si Hesus ay naglalakad. Sa isa pa, hinugasan ni Hesus ang paa ng mga disipulo samantalang inuutusan ng pope ang mga nanonood na halikan ang kanyang mga paa.
Pagkatapos magreklamo ng Arsobispo ng Prague sa pope tungkol sa maanghang na sermon ni Hus, si Hus ay pinagbawalang mangaral. Nang tumangging sumunod si Hus, siya ay tinanggal bilang Katoliko at sapilitang ipinatapon.
Noong 1414, tinawag ng Konseho ng Constance si Hus upang ipagtanggol ang kanyang pangangaral.[1]Nangako ang mga Obispo ng “ligtas na pagbiyahe” kay Hus. Umasa si Hus na makatatanggap ng isang pagdinig para sa kanyang mga iniisip at naniwala na maaari niyang hikayatin ang mga Obispo upang harapin ang korapsiyon sa iglesya. Sa halip, sumira sa kanilang pangako ang mga Obispo, hinatulan ng kamatayan si Hus bilang isang erehe, at siya ay ipinasunog sa isang tulos.
Pagkatapos ng kanyang kamatayan, si Hus ay naging pambansang bayani sa Bohemia. Ang pangangaral at pagiging martir ni Hus ay isang mitsa sa paglaganap ng mensahe ng Reformation.
►Ang bawat nananatiling revival sa kasaysayan ng iglesya ay nagsimula sa pagbabalik ng awtoridad at pagiging sentro ng Banal na Kasulatan. Ano ang role ng Banal na Kasulatan sa inyong iglesya? Sentro ba sa inyong ministeryo ang pangangaral ng Biblia?
[1]Alalahanin na mula sa naunang leksiyon na ang Konseho ng Constance ay ang konsehong nagwakas sa Malawakang Pagkakahati-hati.
Inihanda ng Diyos ang Daan Para sa Mga Reformers
Isang Monghe na Naghahayag ng Propesiya: Girolamo Savonarola (1452-1498)
Sa bandang huli ng ika-15 siglo, ang pangangaral ni Savonarola ay naghatid ng pagbabalik-sigla sa kanyang lunsod ng Florence at yumanig sa Roma. Bagaman nanatiling Romano Katoliko si Savonarola, nagpakita siya ng isang hakbang patungo sa pagbabago. Simple ang mensahe ni Savonarola: Ipinapangako ng Diyos ang paghuhukom sa baluktot na pamunuan ng iglesya at awa sa mga nagsisisi.
Noong 1492, nahalal si Cardinal Borgia bilang si Pope Alexander VI. Si Borgia ay isa sa pinakamasamang lalaking naluklok bilang pope. Marami siyang kabit na babae at hindi bababa sa pitong anak. Tumugon si Savonarola sa pagkakahalal kay Borgia sa isang babala, “Masdan nyo ang espada ng Panginoon ay bigla at mabilis na bababa sa mundo.” Nang subukan ni Alexander na patahimikin si Savonarola sa pamamagitan ng pag-aalok sa kanya ng posisyon bilang cardinal, tumanggi si Savonarola. Pagkatapos, pinagbawalan ng pope si Savonarola sa pangangaral. Nagpatuloy si Savonarola sa pangangaral ng kanyang mensahe ng pagbabago.
Bilang tugon, itiniwalag ng pope si Savonarola at pinahirapan. Pinahirapan si Savonarola sa loob ng maraming linggo. Pinahirapan si Savonarola bago siya ibinitin at sunugin ang kanyang katawan. Habang nahaharap sa kamatayan sa edad na apatnapu’t lima, nanalangin si Savonarola, “O Panginoon, hindi ako umaasa sa aking sariling katuwiran, kundi sa inyong awa.” Habang siya’y dinadala sa bitayan, isang Obispo ang naghubad ng kanyang roba at sinabi, “Ihinihiwalay kita mula sa iglesya nang matagumpay.” Sumagot si Savonarola, “Iyan ay lampas sa iyong kapangyarihan.”
Bagaman hindi umalis si Savonarola sa Simbahang Romano Katoliko, siya ay isang impluwensya na tumulong upang ihanda ang daan para sa Reformation. Katulad ng mga Reformers, tumanggi siyang hayaan ang mga tradisyon ng iglesya na pumalit sa awtoridad ng Banal na Kasulatan. Maraming pagkakatulad kay Luther sa sumunod na henerasyon, isinulat ni Savonarola, “Ginagamit ko ang Banal na Kasulatan bilang aking tanging gabay.” Ang pagtitiwalang ito sa katotohanan ng Banal na Kasulatan ay naging isa sa mga pangunahing katangian ng Reformation.
Isang Inventive Printer: Johannes Gutenberg (1398-1468)
Mga 1450, si Johannes Gutenberg, isang manlilimbag sa Mainz, Germany, ay nakabuo ng isang movable-type press na nagpahintulot ng malawakang pag-iimprenta ng mga aklat. Ito ay madalas na tinatawag na pinakamahalagang pangyayari sa modernong mundo. Ang isang single press ay nakapaglilimbag ng umaabot sa 1500 na pahina sa bawat araw.
Noong 1454, inilimbag ni Gutenberg ang buong Biblia sa kanyang press. Sa halip na mabagal na kopyahin ang mga pahina sa pamamagitan ng kamay, maaaring ilimbag ang Biblia nang maramihan. Ang Salita ng Diyos ay maaaring maging available para sa pangkaraniwang tao. Ito ay magiging susi para sa Reformation.
Noong October 31, 1517, ipinako ni Martin Luther ang kanyang Siyamnapu’t –Limang Theses sa pinto ng Simbahan sa Wittenberg. Nang sumunod na dalawang taon, dalawampu’t dalawang edisyon ng atake ni Luther sa pagbebenta ng mga indulhensiya ang nailimbag. Bagaman ang karamihan sa mga German ay hindi bumabasa, ang isang gurong marunong bumasa at sumulat o ang isang propesyonal ay kukuha ng kopya ng isinulat ni Luther at binabasa ito sa mga pulutong na nagkakatipon sa liwasang-bayan.
Sa loob ng sampung taon matapos ng unang paglilimbag ni Luther, nagkaroon ng mahigit sa isandaang printer na naglilimbag ng tracts ng Reformation. Sa pamamagitan ng teknolohiya ng printing press, ang mensahe ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan lamang ng pananampalataya ay naglakbay sa buong Germany at sa kanluraning mundo. Maaaring patayin ng pope ang mga mangangaral; maaari niyang ipagbawal ang pagsasalin ng Biblia; maaari niyang sunugin ang mga kopya ng Biblia, subali’t hindi niya maaaring burahin ang kanilang mensahe. Ang mga printer ay nakapaglimbag ng mga Biblia at aklat para sa mga Kristiyano nang mas mabilis kaysa sa pagsusunog ng pope sa mga ito!
…Mula Noon Hanggang Ngayon…
Kinailangan bang hintayin ng Diyos si Gutenberg? Hindi! Subali’t kung paanong ginamit ng Diyos si Caesar Augustus upang dalhin si Maria at si Jose sa Bethlehem para sa pagsilang ni Hesus, ginamit ng Diyos si Gutenberg upang bumuo ng teknolohiya na siyang magpapalaganap sa mensahe ng mga Reformer higit na malayo pa sa maaabot ng kanilang mga paglalakbay. Habang naglilingkod kayo sa Diyos, alalahanin ninyo na hindi ka nag-iisa. Inihahanda ng Diyos ang daan para sa ministeryo kung saan ka Niya tinatawag.
Isang Iskolar na Griyego: Desiderius Erasmus (1466-1536)
Si Erasmus ay isang iskolar na Dutch na tumanggi sa mga kalabisan ng Simbahang Romano. Bilang isang Griegong iskolar, nabasa ni Erasmus ang Bagong Tipan na nakatago mula sa karamihan sa mga tao sa ika-16 na siglo. Pagkatapos napagtanto niya na marami sa mga itinuturo ng simbahang Romano Katoliko ay salungat sa Banal na Kasulatan. Ang kanyang aklat na In Praise of Folly ay umatake sa mga pilgrimages at sa pagsamba sa mga relikaryo. Isinulat niya, “O ang kahangalan ng mga taong nagbibigay-pitagan sa buto ni Apostol Pablo at hindi nararamdaman ang ningning ng kanyang espiritu sa kanyang mga liham.”
Bagaman hindi umalis si Erasmus sa Simbahang Romano Katoliko, ang kanyang paglilimbag ng Griegong Bagong Tipan ay nakaimpluwensya sa Reformation. Habang pinaghahambing ng mga tao ang teksto ng Banal na Kasulatan sa mga katuruan ng Iglesya Katolika, napagtanto nila kung gaano kalayo na naligaw ang Romano Katoliko mula sa ebanghelyo. Ang Latin Vulgate na naroon bago pa man dumating si Erasmus ay nagkaroon ng maling mga pagsasalin na sumuporta sa maling katuruan ng Romano Katoliko.[1] Ginamit ng Diyos si Desiderius Erasmus upang ihanda ang daan para sa Reformation.
Mga Tagapagsalita ng Reformation
John Wycliffe
1329-1384
Tinutulan ang transubstantiation at mga indulhensiya. Binigyang-diin ang awtoridad ng Kasulatan.
Muling hinukay ang katawan at sinunog pagkatapos niyang mamatay.
John Hus
1373-1415
Tinutulan ang mga indulhensiya at paggalang sa mga imahen. Binigyang diin ang awtoridad ng Banal na Kasulatan.
Sinunog sa tulos.
Girolamo Savonarola
1452-1498
Inatake ang imoralidad ng mga tagapanguna sa iglesya.
Ibinitin at sinunog.
Desiderius Erasmus
1466-1536
Inatake ang pagiging mapag-paimbabaw sa iglesya. Inilathala ang Bagong Tipan sa salitang Griego.
Nanatili sa simbahang Romano.
[1]Isa sa pinakamalinaw na suliranin ay ang pagsasalin ng Vulgate ng Mateo 3:2. Ipinangaral ni Juan Bautista, “Magsisi kayo, dahil malapit na ang kaharian ng langit.” Sa Vulgate, ito ay isinalin na, “Magpinitensiya; dahil malapit na ang kaharian ng langit.” Ito ay ginamit upang ipagtanggol ang doktrina ng penitensiya ng Romano Katoliko.
Misyon ng Romano Katoliko:Ang Soberenya ng Diyos at ang Paglaganap ng Ebanghelyo
Ang ika-labing-apat na siglo ay isa sa pinakamababang panahon sa kasaysayan ng Iglesyang Katoliko Romano.[1] Ang mga pope sa panahong iyon ay mga tiwali at imoral na tao na higit na mas interesado sa kapangyarihang pulitikal at kayamanan kaysa sa ebanghelyo. Noong 1302, ipinahayag ng pope na walang sinumang maliligtas kung wala ang lubusang pagpapasailalim sa kanyang awtoridad. At tulad ng nakita sa Leksiyon 5, ito ang siglo ng “Pagkabihag sa Babilonia” kung saan ang pope ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng haring Pranses. At sa katapusan ng siglo, ang Malawakang Pagkakahati-hati ay nagresulta sa tatlong pope na sabay-sabay na inihalal.
Sa panahon ng ika-14 na siglo, mahigit sa 5,000,000 Kristiyano ang ginawang martir ng mga Muslim sa Africa at Asia, sa mga Mongol sa Tsina, at ng Romano Katoliko sa Europa. Mahigit sa 335,000 Coptic na Kristiyano, 150,000 ng Kristiyanong Iraqi, at 200,000 Kristiyanong taga-India ang pinatay ng mga Muslim. Ang Mongul na pinuno na si Timur ay pumatay ng higit sa 4,000,000 na Kristiyano habang sinisikap niyang ibalik ang Imperyong Mongol bilang isang Muslim na kapangyarihan. Sa Europa, ang mga lalaking tulad nina John Wycliffe at Jan Hus ay pinag-usig dahil sa pangangaral ng ebanghelyo. Bilang resulta ng mga pangyayaring ito, ang porsiyento ng populasyon ng mundo na nagpahayag ng pananampalatayang Kristiyano ay bumaba mula sa 24% noong 1300 at naging 18% noong 1400.
Kasabay ng pag-uusig na panrelihiyon, nagkaroon ng teribleng pampulitika at natural na mga sakuna. Ang bubonic plague ay pumatay ng halos 75 milyong katao sa buong mundo—halos 70% ng populasyon sa maraming lugar. Ang Isang daang Taong Digmaan sa pagitan ng England at France ay nagdulot ng kawalang katatagan sa Europa.
Dahil sa mga negatibong datos na ito, nakakagulat na malaman na ang ika-14 na siglo ay ang simula ng dakilang kilusang pangmisyon na pinangunahan ng mga monghe at mga paring Romano Katoliko. Libo-libong monghe at pari ang naglakbay sa mga lugar tulad ng India at Indonesia upang ipangaral ang ebanghelyo. Maging habang ang hierarchy ng iglesya ay kontrolado ng masasamang obispo, nagtindig ang Diyos ng mga simpleng kalalakihan at lokal na mga pari na matapat sa kanyang pagtawag. Halos 75,000 misyonerong Katoliko ang naglingkod sa panahon ng ika-14 na siglo. Libo-libo sa mga ito ang nagbigay ng kanilang buhay para sa layunin ng ebanghelyo.
Bakit ako nagtuon ng atensiyon sa misyon ng Romano Katoliko sa ika-14 na siglo sa isang kurso na nakatuon sa mga ebangheliko ng ika-21 siglo? Upang hikayatin kayo na kilalanin na ang isang makapangyarihang Diyos ay maaaring kumilos maging sa mga panahon ng kahirapan at kaguluhan upang tuparin ang Kanyan mga layunin. Sa kabila ng pampulitika at maging pagsalungat sa iglesya, ang Diyos ay humahanap ng mga taong nagtatalaga ng sarili na maaari Niyang gamitin upang tuparin ang Kanyang misyon sa ating mundo.
[1]Ang statistics sa seksiyong ito ay mula kay Patrick Johnstone, The Future of the Global Church (IL: InterVarsity Press, 2011), 48-49
Konklusyon: Nangungusap ang Kasaysayan ng Iglesya sa Kasalukuyan
Sa simula ng kursong ito, nakita natin ang apat na prinsipyo mula sa Mateo 28 at Mga Gawa 1 na dapat gumabay sa atin habang pinag-aaralan ang kasaysayan ng Kristiyanismo. Habang nakikita natin na kumikilos ang mga prinsipyong ito sa kasaysayan ng iglesya, tayo ay nahihikayat na malaman na ang Diyos ay kumikilos sa iglesya sa kasalukuyan. Ang Diyos ng iglesya ng unang siglo at ng Reformation ay siya ring Diyos na kumikilos sa iglesya ng ika-21 siglo.
“Lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa ay ipinagkaloob na sa akin.” Ang prinsipyo ng soberenya ay nagtuturo na tinutupad ng Diyos ang kanyang mga layunin sa iglesya at sa pamamagitan ng iglesya.
“Kaya’t humayo kayo at gawing tagasunod ko ang lahat mula sa lahat ng bansa.” Ang prinsipyo ng pagmimisyon ay nagtuturo na ang iglesya ay lumalago kapwa papalabas habang dinadala nito ang ebanghelyo sa lahat ng bansa at papaloob habang natututuhan nito ang tunay na pagdidisipulo at nahuhubog sa imahen ni Kristo.
“Masdan ninyo, Ako’y kasama ninyo sa lahat ng panahon, hanggang sa dulo ng panahon.” Ang prinsipyo ng pagbibigay-kalakasan ay nagtuturo sa atin na sa kabila ng mga pagkukulang ng iglesya, si Kristo ay patuloy na kumikilos sa iglesya upang tuparin ang kanyang misyon sa mundo.
“Kayo ang magiging mga saksi ko…hanggang sa dulo ng daigdig.” Ang prinsipyo ng contextualization ay nagtuturo sa atin na ang ebanghelyo ay pag-aari ng lahat ng kultura. Ang kasaysayan ng Kristiyanismo ay nagpapakita na ang ebanghelyo ay dapat isalin, kapwa sa lengguwahe at sa kultura, ng lahat ng bansa.
► Sa ating pagtatapos ng kursong ito, pagbalik-aralan ang mga leksiyong ito upang humanap ng isang halimbawa para sa bawat isang prinsipyo. Ibahagi ang mga halimbawa na inyong nakita sa buong klase.
Leksiyon 8 Mga Pangunahing Pangyayari sa Kasaysayan ng Iglesya
Petsa ( A.D. )
Pangyayari
1378-1417
Ang Malawakang Pagkakahati ng Pagiging Pope
1384
Kamatayan ni John Wycliffe
1415
Pagiging Martir ni Jan Hus
1454
Inilathala ang Biblia ng Gutenberg
1517
Ang Ninety-Five Theses ni Luther
Leksiyon 8 Mga Pangunahing Tao sa Kasaysayan ng Iglesya
Si Bernard of Clairvaux (1090-1153). Isang medieval mystic at manunulat ng himno. Nakaimpluwensya siya sa paghikayat sa mga tao na lumaban sa Ikalawang Krusada.
Desiderius Erasmus (1466-1536). Isang Dutch iskolar ng lengguwaheng Griego na naglathala ng kopya ng Bagong Tipan sa Griego. Ito ang nagbigay kakayahan sa mga Reformers na basahin ang Bagong Tipan sa orihinal na lengguwahe nito.
Jan Hus (c. 1372-1415). Pastor at propesor sa Prague na nagpakalat ng mga katuruan ni John Wycliffe. Siya ay sinunog sa tulos bilang isang erehe.
Girolamo Savonarola (1452-1498). Bagaman siya ay nanatiling tapat sa simbahang Katoliko, inatake niya ang imoralidad ng pamunuan ng simbahan.
John Wycliffe (c. 1330-84). Reformer na Ingles na ipinaglaban ang awtoridad ng Banal na Kasulatan, ang pagiging saserdote ng lahat ng mananampalataya, at ang pagsasalin ng Biblia sa lengguwahe ng mga tao. Siya ay hinatulan na isang erehe matapos na siya’y mamatay.
Mga Takdang-Aralin ng Leksiyon 8
(1) Kumuha ng pagsusulit sa leksiyong ito. Kasama sa pagsusulit ang mga petsa mula sa “Mga Susing Pangyayari sa Kasaysayan ng Iglesya” timeline (1090-1517).
(2) Maghanda ng isang talambuhay ng isa sa mga sumusunod na tagapangunang Kristiyano: Jan Hus, Girolamo Savonarola, o Desiderius Erasmus. Dapat magkaroon ng apat na bahagi ang inyong talambuhay:
Talambuhay: Kailan siya nabuhay? Saan siya tumira? Kailan at saan siya namatay?
Mga Pangyayari: Ano ang pinakamahalagang pangyayari sa kanyang buhay?
Impluwensya: Ano ang kanyang impluwensyang nagtatagal sa iglesyang Kristiyano?
Aplikasyon: Ano ang isang leksiyon para sa iglesya sa kasalukuyan mula sa tagapangunang ito?
Mayroon kang dalawang pagpipilian sa paghahanda ng paglalarawang ito:
Magsumite ng 2-pahinang nakasulat na papel sa tagapanguna sa inyong klase.
Magbigay ng 3-5-minuto ng presentasyong pasalita sa inyong klase.
Pagsusulit sa Leksiyon 8
(1) Ang pangunahing binigyang-diin ng mga scholastics ay ang isang rational na pagkaunawa sa teolohiya. Ang pangunahing binigyang-diin ng ____________________ ay ang pansariling karanasan kay Kristo.
(2) Ang pinakamaimpluwensyang gawang debosyonal ng Middle Ages ay ang ____________________na isinulat ni Thomas à Kempis.
(3) Ang unang dalawang pagsasalin ng Biblia sa English ay ginawa ni _____________at ng kanyang mga katulong noong ika-labing-apat na siglo, at ni _______________ noong ika-labing-anim na siglo.
(4) Ang taga-Prague na ang pagiging martir ay nakahikayat sa reform movement sa Bohemia ay si ______________.
(5) Ang monghe na naghatid ng revival sa lungsod ng Florence ay si_________________.
(6) Ang printing press ay inimbento ni ________________________.
(7) Ang unang Biblia na inilimbag mula sa isang moveable type ay inilathala noong ______________.
(8) Ang paglalathala ni _____________ noong 1516 ng Griegong Bagong Tipan ang nagbigay ng teksto ng Banal na Kasulatan sa mga tagapangaral at nagpasimula ng mensahe ng Reformation.
Lesson 8:Pagsisimula ng Reformation A.D. 1090-1517
Print Course
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.