Sa Leksiyon 3, pinag-aralan natin ang tugon ng iglesya sa heresy. Sa pamamagitan ng pagtatatag ng canon, awtoridad ng mga opisyal ng iglesya at pagpapatotoo ng mga credo, binigyang-kahulugan ng iglesya ang orthodoxy sa liwanag ng Biblikal na katuruan. Sa Leksiyon 4 at 5 pag-aaralan natin ang nagpapatuloy na pag-unlad ng mga credo sa pamamagitan ng serye ng mga konseho na tumugon sa mga bagong katanungan na lumalabas. Karamihan sa mga tanong na ito ay kaugnay sa kalikasan ni Kristo Hesus. Itinatanong ng mga Kristiyano ang mga tanong na tulad ng:
“Ano ang kaugnayan sa pagitan ng Ama at ng Anak?”
“Nagtataglay ba si Hesus ng dalawang kalooban –kalooban ng Diyos at kalooban ng tao?”
“Si Hesus ba ay ganap na tao?”
Bagaman ang mga tanong na ito ay tila simpleng teorya lamang, nangusap ito sa puso ng ebanghelyo. Tulad ng makikita natin sa pagpapatuloy, kung sino si Hesus ay direktang nakaugnay sa kung ano ang ginawa ni Hesus. Ang kanyang ginawang pagbabayad-sala ay batay sa kanyang identity bilang lubos na Diyos at lubos na tao. Ang mga usaping ito ay tinapos sa mga credo na isinulat ng isang serye ng mga konseho ng mga ecumenical na iglesya.
Petsa ( A.D. )
Pangyayari
313
Kautusan sa Milan
325
Konseho ng Nicaea
367
Liham ni Atanacio noong Araw ng Muling Pagkabuhay
397
Pinatotohanan ng Konseho ng Carthage ang canon ng Bagong Tipan
410
Pagbagsak ng Roma
Ang Pagbabalik-loob ni Constantine
Sa panahon ng ikalawang siglo, tila gumuguho na ang Imperyong Romano. Tatlumpung emperador ang sumikat at bumagsak sa panahon ng ikatlong siglo. Ang mga emperador at kanilang mga pamilya ay madalas na pinapatay ng mga kaagaw sa trono.
Noong 284, naging makapangyarihan si Diocletian at nagdala ng bagong katatagan sa Imperyo. Namuno siya sa loob ng dalawampung taon at muling ibinalik ang kapangyarihan ng Roma. Gayunman, sa mga huling taon ng kanyang paghahari, nagsagawa si Diocletian ng labis na pag-uusig sa mga Kristiyano. Walang nakakatiyak sa dahilan ng pagbabago ng kanyang puso, bagaman may ilang historians na naniniwala na siya ay naninibugho dahil ang mga Kristiyano ay mas matapat kay Kristo kaysa kay Caesar. Partikular siyang natatakot sa mga sundalong Kristiyano na nangako ng kanilang lubusang katapatan kay Hesus.
Si Diocletian at isa sa kanyang mga heneral, si Galerio ay pumatay ng libo-libong Kristiyano dahil sa kanilang pananampalataya. Inalis nila ang mga Kristiyano mula sa hukbo ng Romano. Winasak nila ang mga gusaling sambahan at sinunog ang mga kopya ng Banal na Kasulatan.
Sumunod si Galerio kay Diocletian bilang emperador at ipinapatuloy niya ang pag-uusig sa buong panahon ng kanyang pamumuno. Gayunman, sa bingit ng kanyang kamatayan, kinilala ni Galerio na nabigo ang kanyang pag-uusig; ang karamihan sa mga Kristiyano ay matapat sa harap ng pag-uusig. Isa sa mga huling kautusan ni Galeio ay nagpahintulot sa mga Kristiyano na malayang sumamba. [1]
Pagkatapos ng kamatayan ni Galerio, dalawang heneral, sina Constantine at Maxentius, ay naglaban para sa pagkontrol sa Imperyo. Noong 312, hinarap ng hukbo ni Constantine si Maxentius sa Roma. Isang araw bago ang digmaan, nakakita si Constantine ng isang pangitain ng isang krus, at ayon sa alamat, narinig niya ang mga salitang, “Sa pamamagitan ng tandang ito, ikaw ay magwawagi.” Nang sumunod na araw, tinalo ng hukbo ni Constantine si Maxentius at pumasok sa Roma sa ilalim ng simbolo ng krus.
Isang taon pagkalipas nito, ang Kautusan sa Milan ni Constantine ay nagpahintulot sa “lahat ng Kristiyano at lahat ng iba pa upang sumamba ayon sa kanilang kagustuhan, upang kung ano mang Diyos ang nabubuhay sa langit ay magiging mabuti sa atin.” Ang pagbabalik-loob ni Constantine at ang kanyang Kautusan sa Milan noong 313 ay mahahalagang pangyayari sa panahon sa kasaysayan ng iglesya.
Ang sumulat ng unang naitalang kasaysayan ng iglesya ay si Eusebius. Siya ang obispo ng Caesarea at madalas na tinatawag na “Ama ng Kasaysayan ng Iglesya.” Nabuhay si Eusebius sa panahon ng pamumuno ni Constantine at naniwala na ginagamit ng Diyos si Constantine upang magdala ng “isang bagong panahon ng kaligtasan” sa mundo. Isinulat niya ang tungkol sa kagalakan ng mga Kristiyano nang marinig ang Kautusan ni Constantine; “Ang buong sangkatauhan ay pinalaya mula sa pagpapahirap ng mga malulupit na pinuno. Kami mismo, na naglagak ng aming pag-asa kay Kristo na bigay Diyos, ay nagkaroon ng hindi mabigkas na labis na kagalakan.”
Taong 325, tinipon ni Constantine ang 300 obispo sa Nicaea upang talakayin ang doktrina ng Kristiyanong Orthodox. Isipin ninyo ang pagbabago –ang ilan sa mga obispong nagkita sa pagpupulong na ito na ipinatawag ng emperador ay pinag-usig ng naunang emperador mga labinlimang taon pa lamang ang nakalilipas. Ang isa sa mga obispo ay binulag sa isang mata sa panahon ng pagpapahirap. Ang isa naman ay nawalan ng paggamit ng kanyang mga kamay. Ngayon ang mga obispong ito ay nasa posisyon na ng kapangyarihan.
Bago ang kanyang kamatayan noong 337, binautismuhan si Constantine. Pagkatapos ng kanyang bautismo, tumanggi siyang isuot ang kanyang purple imperial robe kundi isinuot niya ang kanyang puting damit pambautismo hanggang sa kanyang kamatayan.
Binigyan ni Constantine ang mga tagapanguna sa iglesya ng espesyal na pabor at naging awtoridad sa mga di-pagkakaunawaan sa iglesya. “Ang Kristiyanismo ay naging kapwa daan patungo sa Diyos at daan upang pag-isahin ang imperyo.”[2] Sa sumunod na 1200 taon, naging mas malapit ang kaugnayan ng iglesya at ng estado.
Naghatid kapwa ng pagkakataon at panganib ang mga ginawa ni Constantine. Sa isang banda, ang Kautusan sa Milan ay tumapos sa pag-uusig. Maaari nang maging malawak ang iglesya nang walang pagsalungat. Nagpahayag ng pagiging Kristiyano ang mga opisyal ng pamahalaan. Ang “pagpapagingKristiyano ng Roma” ay nalubos na.
Gayunman, may isa pang panig ang pangyayaring ito. Maging bago pa inilabas ang kautusan ni Constantine, 2/3 ng mga mamamayan sa Roma ay mga Kristiyano na. Maging sa ilalim ng pag-uusig, lumago ang iglesya habang nagpapatotoo ang mga Kristiyano sa kanilang mga kapitbahay. Pagkatapos ng pagbabalik-loob ni Constantine, ang alab ng kalooban sa pag-eebanghelyo ay madalas na napapalitan ng paghahangad sa posisyon at awtoridad.
[3]Ang obispo ng Roma (na sa kalaunan ay tinawag ng “pope”) ay unti-unting nagkaroon ng higit na kapangyarihan. Ang istraktura ng iglesya ay naging tulad ng bureaucracy ng Roma. Sa ibang salita ni Peter Heather, “Ang Pagiging Romano ng Kristyanismo” ay nagsimula na.
Sa ilang bahagi ng mundo, ang kaugnayan sa pagitan ng Kristiyanismo at ng Imperyong Romano ang nagpahirap sa pag-eebanghelyo. Sa Persia, halimbawa, ang Kristiyanismo ay nakilala bilang ang relihiyon ng kanilang mga kaaway sa pulitika. Noon tulad ngayon, ang malapit na relasyon sa pagitan ng Kristiyanismo at kapangyarihang pulitikal ay mapanganib.
Sa pagitan ng A.D. 300 at 400, mabilis na lumaganap ang mga iglesya at ang mga Kristiyano ay nagkaroon ng estadong panlipunan at kayamanan. Magagarang gusali (na tinatawag na “basilica”) ay pumalit sa malalapit na pagsasama-sama ng mga iglesya sa mga tahanan. Sa halip ng hindi pormal na pagsamba ng unang iglesya, ginaya ng mga pormal na mga liturhiya ang grandeur ng korte sa Roma.
Sa kasamaang-palad, ang kaunlarang panlipunan at pang-ekonomiya ay hindi laging patotoo sa kaunlarang espirituwal. Pagkatapos ipakita ng emperador ang kanyang suporta sa Kristiyanismo, may mga taong nakianib sa iglesya upang paunlarin ang kanilang pagkakataon sa tagumpay pampulitika. Ang iba naman ay nakianib para sa kalagayang panlipunan. Taong 380 nang ni-require ni Emperador Theodosius sa lahat ng mamamayang Romano na ipahayag ang Kristiyanismo. Ang patotoo ng isang Kristiyano ay naging isang pahayag na pulitikal.
Ang mga taon na sumunod sa Kautusan sa Milan ay naghatid ng maraming hamon sa mga Kristiyano. Sa mga unang araw ng iglesya, ang pagiging martir ang naging pinakamalaking pagsusulit sa mga Kristiyano. Sa ika-4 na siglo, ang dalawang pinakamalaking panganib para sa mga Kristiyano ay ang maling katuruan at “Kristiyanismong panlipunan” na walang tunay na lalim ng pananampalataya.
…Mula Noon Hanggang Ngayon…..
Kapag ang iglesya at ang estado ay may malapit na pagkakaugnay sa isa’t-isa, kapwa natatagpuan ng mga Kristiyano ang mga pagkakataon at mga panganib. Nagkakaroon ang mga Kristiyano ng mga pagkakataon upang impluwensyahan ang lipunan para sa layunin ni Kristo, ngunit nahaharap sila sa tukso na ikompromiso ang mensahe ng iglesya upang panatilihin ang pagsang-ayon ng mga tao na nasa posisyon ng kapangyarihan.
► Isipin ninyo ang mga tagapanguna sa iglesya sa mga tahanan sa Tsina na nakulong noong 1995 ay inanyayahan sa 2030 upang bigyang payo ang Presidente ng Tsina. Anong mga pagkakataon at panganib ang maaaring kaharapin ng iglesya? Paano mananatiling matapat ang mga Kristiyano sa mga panahon ng popularidad katulad lang ng kapag sila’y nasa panahon ng pag-uusig?
► Talakayin ang kaugnayan sa pagitan ng Kristiyanismo at ng gobyerno sa inyong bansa. Mayroon ba kayong pagkakataon upang impluwensyahan ang iyong bansa para kay Kristo? Anong mga panganib ang iyong kinakaharap sa kaugnayan sa pagitan ng iglesya at ng bansa?
[1]Image: "Simple Labarum" by Арман Балуни, retrieved from https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Simple_Labarum.png, public domain.
[3]Sa ika-4 na siglo, “Ang Kristiyanismo ay kumilos mula sa mga libingan patungo sa mga palasyo. Sinimulan nito ang ika-4 na siglo bilang isang pinag-uusig na minority; winakasan nito ang siglo bilang ang nakatatag na relihiyon ng imperyo.”
- Bruce L. Shelley
Ang Konseho ng Nicaea
Sa mga unang siglo ng iglesya, nahirapan ang mga Kristiyano na ilarawan ang kalikasan ni Kristo. Ang pagkakatawang-tao ay mahirap ipaliwanag; paanong si Hesus ay kapwa lubos na Diyos at ganap na tao?
May mga taong binigyang-diin ang pagkakaisa ng Godhead. Ito ay nagbunga ng maling katuruan na tinawag na Modalismo. Ayon sa mga modalista, ang Diyos ay isang persona na nagpakita sa tatlong iba’t-ibang paraan sa kabuuan ng kasaysayan. Ang isa pang pagkakamali ng modalismo ay ang pagtatanggi ng pagiging tao ni Hesus, bagaman naniwala sila sa kanyang pagiging Diyos.
Ang ibang tao ay nagbigay-diin sa pagbubukod sa pagitan ng Ama at ng Anak. Ang pinakamalaking hamon sa iglesya sa ika-apat na siglo ay sinimulan ni Arius, isang matanda mula sa Alexandria, sa Egipto. Katulad ng marami sa kanyang mga kasabayan na Egiptio, sinikap ni Arius na pagsamahin ang mga ideyang pilosopikal ng Griego at ang teoholiyang Kristiyano. Tulad ng mga Griego, naniwala siya na hindi nakaranas ng mga damdamin ang Diyos. Sinabi ni Arius na kung si Hesus ay lubos na banal, nangangahulugan ito na nakaramdam ang Diyos ng sakit at kalungkutan sa katauhan ni Kristo Hesus. Dahil ipinilit ni Arius na hindi nakararanas ang Diyos ng emosyon, kinailangan niyang ihiwalay ang paghihirap ni Hesus mula sa Diyos. Ang solusyon ni Arius ay ang ituro na si Hesus ay hindi walang-hanggang Diyos. Sa halip, itinuro ni Arius na si Hesus ay ang unang tao na nilikha ng Diyos.
Sinabi ni Arius, “Ang Anak ay may pasimula, subali’t…ang Diyos ay walang simula.”[1] Sa pananaw na ito, si Hesus ay higit pa sa pagiging tao lamang, nguni’t mas mababa kaysa lubusang Diyos. Binuod ni Arius ang kanyang doktrina sa isang awit:
Ang hindi nilikhang Diyos ay ginawa ang anak
Simula ng mga bagay na nilikha…
Ang Anak ay hindi kapantay ng Ama,
O nakikihati man Siya sa parehong katatayuan.
Lumikha si Arius ng malaking kalituhan sa iglesya. Bilang tugon, tumawag at pinagsama-sama ni Emperador Constantine ang 300 obispo sa Nicaea (isang pamayanan sa modernong Turkey) upang pagdebatihan ang doktrina ni Arius. Sa Nicaea, ipinasya ng mga obispo na mali ang Arianismo. Nagkasundo ang mga obispo na:
Si Hesus ay naging tao para sa atin at para sa ating kaligtasan.
Maraming pangkaraniwang tao ang hindi nakauunawa sa pormal na talakayan sa Nicaea. Gayunman isang matalinong musikero at matapat na obispo, si Ambrose ng Milan, ang nagbuod ng doktrinang orthodox ng pagiging Diyos ni Kristo sa mga himno na inaawit at nauunawaan ng mga karaniwang Kristiyano. Isang himno ang inaawit pa rin ilang linggo bago ang Pasko ang nagtuturo ng pagiging Diyos ni Kristo.
O pumarito ka, Manunubos ng mundo,
At ipakita ang iyong pagkapanganak mula sa isang birhen.
Hayaang mamangha ang lahat ng tao:
Ang kapanganakang iyan ay para lamang sa Diyos ng lahat.
Ipinanganak hindi ayon sa kagustuhan ng tao
Kundi ng Espiritu, Ikaw ay nananatili
Ang Salita ng Diyos na inihayag sa katawan
Ang ipinangakong bunga na inihayag sa tao.
…Mula Noon Hanggang Ngayon…
Ang maling katuruan ni Arius ay itinuturo sa kasalukuyan ng mga Mormon at mga Saksi ni Jehovah. Ginagamit nila ang Colosas 1:15 at Hebreo 1:5-6 upang sikaping patunayan na nilikha ng Diyos si Hesus. Kung nilikha ng Diyos si Hesus, sagayun si Hesus ay hindi tunay na Diyos. Gayunman, malinaw na ipinapakita ng Kasulatan na si Hesus ay banal.
Ang Colosas at Hebreo ay gumagamit ng salitang Judio na nagpapakita na si Hesus ay umiiral na bago pa likhain ang tao. Ang mga talata ay hindi nagpapahiwatig na si Hesus ay isang taong nilikha; ang mga ito ay nagpapatotoo sa Kanyang pag-iral bago ang simula. Si Hesus ay tunay na “Diyos ng mismong Diyos.”/God of very God.”[5]
[1]Binanggit ni Bruce L. Shelley, Church History in Plain Language, 3rd ed. (USA: Thomas Nelson, 2008), 100.
[2]“Luwalhati sa Ama, at sa Anak, at sa Banal na Espiritu; Mula pa sa simula, ngayon, sa magpawalanghanggan, sa mundong walang wakas.”
- “Gloria Patri”
“Gloria Patri” ay isang himno na tumutugon sa maling katuruan ng Arianismo. Inaawit pa rin ito sa mga iglesya sa kasalukuyan.
[3]Mahalaga ang talatang “isang substance”. Sa Griego, ang salita ay homoousios (ang parehong substance). Iminungkahi ng ilang naniniwala kay Arius ang salitang homoiousios (katulad o katulad na substance). Ito ay nangahulugan na si Kristo ay katulad ng Ama, ngunit hindi ang parehong substance ng Ama. Itinanggi nito ang lubos na pagiging Dios ni Hesus. Dahil dito, ang salitang homoiousios ay tinanggihan sa Nicaea.
[4]Nangangahulugan ito na si Hesus ay hindi nilikha, kundi siya ang Anak ng Dios mula sa walang hanggan. Hindi siya bahagi ng sannilikha; siya ay walang hanggan. Ipinaliwanag ni C.S. Lewis ang pagkakaiba ng “ipinanganak” at “nilikha”:
Ang ipanganak ay ang maging ama ng: ang lumikha ay ang paggawa ng isang bagay. Ito ang pagkakaiba. Kapag ipinanganak nanganganak ka ng isang bagay na parehong uri sa iyong sarili. Ang isang tao ay nanganganak ng sanggol na tao, ang isang beaver ay nanganganak ng maliliit na beaver at ang isang ibon ay nangingitlog ng mga itlog na nagiging maliliit na ibon.
Kapag ikaw ay lumilikha, gumagawa ka ng isang bagay na iba ang uri sa iyong sarili. Ang isang ibon ay gumagawa ng pugad, ang isang beaver ay nagtatayo ng dam, ang isang tao ay gumagawa ng estatwa. Kung siya ay may sapat na talento, maaari siyang gumawa ng isang estatwa na katulad ng isang tao. Subali’t ito ay hindi tunay na tao; mukha lamang itong tao. Hindi ito buhay. (Hinalaw mula sa Mere Christianity).
Ang ipinanganak ng Dios ay Dios; katulad na ang ipinanganganak ng tao ay tao. Ang nililikha ng Dios ay hindi Dios, kung paanong ang nililikha ng tao ay hindi tao.
[5]Para sa dagdag na impormasyon sa paksang ito, tingnan ang mga leksiyon tungkol sa mga Mormon at Saksi ni Jehovah sa kurso ng Shepherds Global Classroom World Religions and Cults.
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Mong Makilala: Ambrose, Tagapagtanggol ng Orthodoxy (339-397)
Si Ambrose ay lumaki sa isang pamilyang Kristiyano, ngunit hindi nagnais na maging pastor.[1] Siya ay naging gobernador na isa sa mga probinsiya ng Italya hanggang sa siya ay mapili bilang obispo nang biglaang mamatay ang obispo ng Milan. Ayaw maging obispo ni Ambrose, nguni’t matapat siyang naglingkod sa loob ng mahigit na dalawampung taon.
Ipinagtanggol ni Ambrose ang katuruang orthodox bilang pagsalungat sa maling katuruan ng Arianismo. Muli rin niyang sinimulan ang sama-samang pag-awit ng kongregasyon sa iglesya. Dahil sa impluwensya ni Ambrose kung kaya’t ang pag-awit ng mga himno ay isang mahalagang bahagi ng pagsamba sa kasalukuyan.
Isa pang lugar kung saan ipinagtanggol ni Ambrose ang iglesya ay sa kaugnayan sa pagitan ng iglesya at ng estado. Pagkatapos ng Kautusan ni Constantine sa Milan, sinikap ng mga emperador na Romano na maglingkod ang iglesya sa mga layunin ng Imperyo. Tumanggi si Ambrose na hayaan ang estado na magkaroon ng kapangyarihan sa ibabaw ng iglesya.
Nang patayin ng Kristiyanong Emperador na si Theodosius ang 7000 katao sa lungsod ng Tesalonica bilang paghihiganti sa isang kaguluhan, sumulat si Ambrose ng isang liham na nagbabawal sa Emperador na sumamba hanggang hindi siya nagsisisi sa harap ng publiko para sa kanyang mga ginawa. Tumanggi si Ambrose na ikompromiso ang katotohanan ng Diyos para sa kapakanan ng popularidad sa pulitika.
[1]Image: "S. Ambrosii Episcopi Effigies Ex Antiquis", retrieved from https://commons.wikimedia.org/wiki/File:S._Ambrosii_Episcopi_Effigies_Ex_Antiquis.jpg, public domain.
Si Athanasius Laban sa Mundo
Isa sa mga tao sa Konseho ng Nicaea ay si Athanasius, ang katuwang ng obispo ng Alexandria. Ginugol niya ang natitirang panahon sa kanyang buhay sa pagtatanggol sa katuruang naitatag sa Nicaea.
[1]Pagkatapos magdeklara ang Konseho ng Nicaea, si Arius at dalawa sa kanyang mga obispo ang tumangging lagdaan ang pagpapatotoo sa lubusang pagkaDiyos ni Hesus. Bilang tugon tinanggal ng Konseho ang tatlong lalaking ito mula sa pagiging miyembro ng iglesya.
Sa loob ng dalawang taon, nagpasya si Constantine na ibalik sa lubos na pagiging miyembro ng iglesya si Arius, kahit na patuloy pa ring itinuturo ni Arius ang kanyang maling katuruan. Mas pinahahalagahan ni Constantine ang pagkakaisang pampulitika kaysa sa integridad ng doktrina. Sa ngayon si Athanasius na ang obispo ng Alexandria at tumanggaing ipabalik si Arius sa pagiging miyembro. Bunga nito, ipinakulong ni Constantine si Athanasius. Ang nagtuturo ng maling katuruan ay naibalik sa posisyon at ang tagapagtanggol ng katotohanan ay ikinulong. Ang pangyayaring ito ay naglarawan ng mga suliranin na naging resulta ng pagkakaroon ng magkahalong kaugnayan sa pagitan ng iglesya at ng estado.
Taong 337, namatay si Constantine. Kasunod ng pagkamatay ni Constantine, bumalik si Athanasius sa Alexandria upang pamunuan ang iglesya. Gayunman, sa panahong ito ang mga tagasunod ni Arius ay nagkaroon na ng kapangyarihan sa iglesya. Muling ipinakulong si Athanasius ng mga tagapanguna sa iglesya na tumanggap na sa Arianismo. Sa natitirang panahon sa buhay ni Athanasius, ipinagtanggol niya ang tunay na pananampalatayang Kristiyano laban sa mga atake ng tagapanguna kapwa sa pampulitika at sa panrelihiyon.
[2]Taong 360, naging emperador si Julian “Ang Apostate” (tumalikod sa pananampalataya) kasunod ng pamumuno ng anak at apo ni Constatine. Tinanggihan ni Julian ang Kristiyanismo at pinawalang-bisa ang mga pribilehiyo na ibinigay ni Constantine sa iglesya. Kinatawan ni Athanasius ang iglesya laban sa kapangyarihan ni Julian, kaya’t muling ipinakulong ni Julian si Athanasius.
Ipinakulong si Athanasius ng limang beses ng apat na iba’t-ibang Emperador na Romano. Tinangka siyang patayin ng kanyang mga kaaway nang hindi bababa sa anim na beses. Ang kanyang buhay ay inilarawan ng talatang “Athanasius contra mundum, si “Athanasius laban sa mundo.” Gumugol si Athanasius nang may kabuuang labimpitong taon sa pagkakakulong dahil sa kanyang katapatan sa orthodoxy at sa kanyang kombiksiyon na ang iglesyang Kristiyano ay hindi kailanman dapat maging kasangkapan ng isang imperyong pampulitika.
[1]Si Athanasius at ang Pagkakatawang-tao
“Sumulat si Athanasius ng isang bantog na kasunduan On the Incarnation/Sa Pagkakatawang-tao kung saan ipinaliwanag niya kung bakit ang lubos na pagiging Dios at ang lubos na pagiging tao ni Hesus ay napakahalaga sa pananampalatayang Kristiyano. Ang isa lamang lubos na tao ang maaaring magbayad-sala para sa kasalanan ng tao; Ang isang lubusang banal ang may kapangyarihang iligtas tayo.
Dahil dito, ipinakita ni Athanasius na ang pagtanggi sa lubos na pagiging Dios ni Kristo ay pagtanggi rin sa katotohanan ng pagbabayad-sala. Ang labanan sa Nicaea ay hindi lamang sa teoriya; ito ay isang labanan para sa puso ng pananampalatayang Kristiyano.”
- Hinango kina Mark Galli at Ted Olsen, 131 Christians Everyone Should Know
[2]Si Athanasius at ang Canon
Dagdag pa sa kanyang pagtatangggol sa orthodoxy, nagbigay rin si Athanasius ng isa pang dakilang kontribusyon sa iglesya. Taon-taon, sumusulat siya ng isang liham sa mga iglesya sa kanyang nasasakupan. Tinalakay sa mga liham na ito ang mahahalagang usapin para sa mga iglesya. Noong 367, inilista ng sulat ni Athanasius ang mga aklat na dapat ituring na “Ang Bagong Tipan.” Ang listahang ito ng dalawampu’t-pitong aklat ang sa pagdaan ng panahon ay ginamit na ng buong iglesyang Kristiyano, na bumuo sa ating canon ng Bagong Tipan. Mahalaga ito dahil pinatotohanan nito ang mga aklat na may taglay na awtoridad para sa buhay Kristiyano.
Si Jerome at ang mga Monghe sa Disyerto
Dahil sa pagkilala ni Constantine sa Kristiyanismo, maraming tao ang naakay sa iglesya. Gayunman, ang ilan sa mga ito ay nagpakita lamang ng kaunting patunay ng tunay na pagbabalik-loob. Ang mga motibong pampulitika at panlipunan ang humikayat sa kanila na angkinin ang Kristiyanismo bilang kanilang relihiyon.
Maraming mananampalataya ang nakakita sa panganib ng kaugnayan sa pagitan ng iglesya at ng imperyo. Tumakas sila sa mga lugar na disyerto at namuhay nang walang kasama, tinatanggihan ang mga kasiyahang pisikal sa kanilang paghahangad ng mga layuning espirituwal. Ilang kadahilanan ang humikayat sa mga monghe sa disyerto:
May mga monghe na nagtago sa disyerto upang labanan ang tukso. Naniwala sila ng sila ay magiging higit na espirituwal kung iiwasan nila ang mga tukso ng sanlibutan.
Ang iba ay nagsikap na ipahayag ang pananampalataya ng mga martir. Nang ang pagiging martir ay tila hindi na mangyayari, tinalikuran nila ang mga kasiyahan ng buhay upang ipahayag ang kanilang dedikasyon.
Ang ibang monghe ay tinawag sa isang buhay ng pananalangin; nanirahan sila sa disyerto upang iukol ang kanilang sarili sa pananalangin para sa iglesya at sa lipunan.
Malaki ang naging impluwensya ng mga monghe sa disyerto kay Obispo Athanasius. Matapos sumulat si Athanasius ng talambuhay ni Anthony, maraming Kristiyano ang umanib sa kilusang ito. Bagaman mayroon pa ring mga monghe na nagpatuloy sa pamumuhay na mag-isa, ang iba ay nagsama-sama sa mga komunidad na tinatawag na monasteryo. (Ang mga babaeng monghe, na tinatawag na “madre”, ay bumuo ng mga kumbento, mula sa salitang Latin na “lugar ng pagtitipon.”)
Katulad ng pagsusulong ni Constantine ng Kristiyanismo, ang paglago ng kilusang monastiko ay nagkaroon ng positibo at negatibong epekto. Bilang positibong epekto, ang mga monghe ay nagsulong ng pagbabagong-buhay sa iglesya. Sa panahon ni Atanasius, ay pinanatiling totoo ng mga monghe sa disyerto ang iglesya sa orthodoxy laban sa mga panggigipit ng emperador. Sa paglipas ng panahon, sa panahon ng Middle Ages, pinanatili ng mga monghe ang Banal na Kasulatan at ang karunungang bumasa at sumulat.
Si Jerome, na isinilang sa Italia mga 345, ay isang monghe na nagkaroon ng malaking epekto sa kasaysayan ng iglesya. Nanirahan si Jerome sa Bethlehem noong 387 at itinalaga ang kanyang buhay sa pagsasalin ng Biblia mula sa Hebreo at Griego sa Latin, ang pangkaraniwang lengguwahe sa kanyang panahon. Ang kanyang salin ay tinawag na ang “Vulgate” (salitang Latin para sa “karaniwan”). Ito ang naging batayang salin ng Kasulatan sa daan-daang taon.
Sa kasamaang-palad, ang mga monasteryo ay naglalarawan rin ng mga suliranin sa iglesya. Kung paanong ang mga sakripisyo sa Lumang Tipan ay naging walang kahulugang mga ritwal, ang mga tuntunin ng monastisismo ay lumago upang palitan ang reyalidad ng relihiyon ng puso. Sa Middle Ages, ang mga gawain sa monasteryo tulad ng labis na pag-aayuno, pag-abuso sa katawan upang patayin ang seksuwal na pagnanasa, ipinatutupad ang hindi pag-aasawa, at iba pang gawain na nakasama sa iglesya. Itinuro ni Jerome na ang ina ni Hesus ay nanatiling isang birhen sa kanyang buong buhay. Ito ay naging opisyal na doktrina ng Simbahang Romano Katoliko at humantong sa mga sekswal na katuruan na hindi ayon sa Biblia, kabilang ang isang patakaran na nagbabawal sa mga clergy na mag-asawa, isang patakaran na hindi kailanman makikita sa Kasulatan.
Nakarating ang Ebanghelyo sa Ireland
Kabaligtaran sa popular na mitolohiya, ang “St. Patrick ng mga Katolikong Irish” ay hindi Romanong Katoliko; hindi siya Irish; at hindi siya kailanman pinatotohanang bilang isang santo.
Malapit sa A.D. 390, si Patrick ay isinilang sa isang pamilyang Kristiyano sa Romanong lalawigan ng Britanya. Bilang isang kabataan, siya ay nahuli at dinala bilang isang alipin sa Ireland . Pagkalipas ng ilang panahon, isinulat niya na habang naninirahan sa Ireland, “binuksan ng Panginoon ang pang-unawa ng aking di-paniniwala…upang ako’y buong pusong bumaling sa Panginoong aking Diyos.” Mula sa sandaling iyon nag-ukol si Patrick ng maraming oras sa taimtim na pananalangin at paghanap sa direksyon ng Diyos sa kanyang buhay. Sa kanyang talambuhay na Confessions, isinulat niya na “Ang pag-aalaga ng mga kawan ang aking gawain sa araw-araw, at ako ay walang sawang nananalangin… Ang pag-ibig ng Diyos at ang pagkatakot sa Kanya ay unti-unting lumukob sa akin.”
Pagkalipas ng anim na taon, nakatakas si Patrick at bumalik sa Britanya. Doon, sa isang kwento na katulad ng pagtawag kay Pablo sa Macedonia, narinig ni Patrick ang boses ng isang lalaki sa Ireland na nagsasabi, “Halika at lumakad kang muli kasama namin.” Naging isang ministro siya at malapit sa 432, bumalik siya bilang isang misyonero sa lugar kung saan siya ay naging alipin. Ang pagnanais ni Patrick sa pag-eebanghelyo ay nagdala ng ebanghelyo sa Ireland at lampas pa doon.
Sa panahong iyon, ang Ireland ay itinuturing na “dulo ng mundo.” Ito ay matatagpuan sa dulo ng Imperyong Romano. Ang karamihan sa mga tao ay mga pagano, nagsasagawa ng pangkukulam, mahika at paghahandog ng mga tao. Sa ilalim ng pangangaral ni Patrick, ang ilan sa mga nangungunang druid (paganong pari) ay nagbalik-loob. Ang kapatid na lalaki ng hari ay naging isang Kristiyano, at ang iglesya ay itinatag sa lugar ng kanyang tahanan. Taong 447, labinlimang taon pagkatapos dumating si Patrick, ang halos buong Ireland ay nakarinig na ng ebanghelyo.
Nangaral si Patrick sa loob ng tatlumpung taon. Hanggang sa panahon na siya ay mamatay, nakapagsimula na si Patrick ng tinatayang 200 iglesya at nakapagbautismo na ng 100,000 ng nagbalik-loob. Isinulong ni Patrick ang tunay na pagdidisipulo, tumangging bautismuhan ang mga bagong nagbalik-loob hanggang sa sila ay magpakita ng katatagan sa pananampalataya. Bumuo siya ng isang grupo ng mga pastor upang maglingkod sa mga iglesya na kanyang sinimulan.
Marahil ang pinakamahalagang bagay para sa paglaganap ng ebanghelyo, itinatag ni Patrick ang isang di-karaniwang iglesyang Celtic, na hindi isang karugtong ng iglesya ng Roma. Kasunod ng kamatayan ni Patrick, ang mga misyonero mula sa Ireland ang nagdala ng ebanghelyo sa buong sentro ng Europa, kasing layo ng norte tulad ng Iceland at pabalik sa Britanya, ang lugar kung saan nagmula ang kanilang unang misyonero. Sa mga taon pagkatapos ng kamatayan ni Patrick, ang pinakadakilang gawain ng pag-eebanghelyo ng Kristiyanismo ay pinangunahan ng mga Irish na misyonero, mga bunga ng ministeryo ni Patrick.
Ang “Dakilang mga Taga-Cappadocia”
Pagkatapos ng kamatayan ni Athanasius, tatlong tagapanguna mula sa Cappadocia (sa modernong Turkey) ay naging ang pangunahing tagasuporta ng Credo ng Nicene. Sa bandang huli ng ika-apat na siglo, si Basil (ang obispo ng Caesarea), ang kanyang kapatid na lalaki na si Gregory (obispo ng Nyssa), at isang kaibigan, si Gregory (obispo ng Nazianzus) ay sumulat ng mga sulating nagsusulong ng orthodox theology. Ang “mga “Dakilang taga-Cappadocia” ay ang mga pangunahing teologo ng Eastern Church.
Si Basil (ca. 330-379) at ang kanyang kapatid na babae na si Macrina ay nagpasimula ng mga kumbento at mga monasteryo. Hindi tulad ng ilan sa mga monghe sa disyerto, ipinagbawal nila ang labis na pag-aayuno at pagpaparusa sa sarili. Sa halip na umatras sa mga lugar ng disyerto, nagtayo sila ng mga monasteryo sa mga lungsod. Naniwala si Basil na ang pamumuhay sa komunidad ang modelo para sa mga mananampalataya sa halip na pamumuhay nang nag-iisa. Naniniwala siya na marami sa mga utos ni Hesus ay maaari lamang matupad sa loob ng komunidad. Siya ang unang nag-organisa ng monasteryo na nagsasagawa ng pitong oras ng pananalangin bawat araw. Ang takdang oras na ito ay nakahikayat sa mga monghe na manalangin nang sama-sama at magbigay-sigla sa paglagong espirituwal ng isa’t-isa.
Marahil, ang pinakamahalaga, binigyang-diin ni Basil na dapat mahalin ng mga monghe at mga madre ang kanilang kapwa sa pamamagitan ng paglilingkod. Nagtayo si Basil ng mga ospital, tahanan para sa mga ketongin, mga paaralan, at mga tahanan para sa mga naglalakbay na dayuhan sa mga nasasakupan ng mga monasteryo. Nagtanim ng mga halaman para sa pagkain ang mga madre at monghe at lumikha ng mga produkto. Ang mga bagay na ito ay ipinagbibili at ang kinikita ay ibinibigay sa mahihirap. Naniwala si Basil na naglilingkod tayo kay Kristo kapag naglilingkod tayo sa iba.
Sumalungat ang mga Cappadocian sa Arianismo. Taong 370, nagkaroon ng di-pagkakaunawaan si Basil kay Emperador Valens, masigasig na tagasunod ng Arianismo. Sinugo ng emperador ang imperial na bantay upang pagbantaan si Basil. Sumagot si Basil na ang kamatayan ay hindi banta; nasasabik siyang mamatay para kay Kristo. Dagdag pa rito, wala siyang mga ari-arian, kaya’t ang pagkatapon o pagkakulong ay halos walang kahulugan. Nakibahagi si Basil sa patotoo ni Pablo, “Sapagka’t para sa akin ang mabuhay ay si Kristo, at ang kamatayan ay pakinabang.”[1]
Ang mga unang Kristiyano ay humarap sa dalawang maling katuruan tungkol sa kalikasan ni Kristo. Itinanggi ng Arianismo ang pagiging Diyos ni Hesus; itinanggi ng Apollinarianismo ang kanyang pagiging lubos na tao. Itinuro ni Apollinarius, obispo ng Laodicea, na si Hesus ay nagtataglay ng katawan ng tao, subali’t walang kaluluwa ng tao. Ayon kay Apollinarius, ang banal na kalikasan ni Hesus ay “umako sa kanyang pagiging tao.” Tumugon ang mga Cappadocian, “Ang kanyang pagiging Diyos ay sumanib sa laman lamang at hindi tunay na tao!”[2] Kung ang tagumpay ni Hesus laban sa tukso ay tunay na modelo para sa atin, si Hesus ay dapat lubos na tao.
Bilang tugon kay Apollinarius, si Theodoius, ang emperador ng Silanganing Imperyo, ay tumawag ng konseho ng iglesya noong A.D. 381. Tinatayang 150 obispo ang nagkita-kita sa Constantinople at pinagtibay ang Konseho ng Nicaea. Niliwanag nila ang relasyon sa pagitan ng kalikasang banal at pagkatao ni Hesus.
Sinang-ayunan ng Konseho ng Constantinople ang pinahabang version ng pagpapahayag ng pananampalataya na pinatotohanan sa Nicaea. Ito ang nakilala bilang ang Credo ng Nicaea. Ito ay nakilala bilang Nicene Creed. Ang kredong ito ay patuloy na binibigkas sa maraming iglesya sa kasalukuyan. Sinasabi ng bahaging kaugnay ng pagiging Diyos ni Kristo ang nagsasabi na:”
Sumasampalataya kami sa isang Panginoong Kristo Hesus, ang nag-iisang anak ng Diyos, ipinanganak ng Ama bago ang lahat; Diyos ng Diyos, Liwanag ng Liwanag, ang mismong Diyos ng mismong Diyos; ipinanganak, hindi nilikha, na iisang substance sa Ama, na sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng bagay.
Siya na para sa atin at para sa ating kaligtasan ay bumaba mula sa langit, at nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu kay Birheng Maria, at ginawa siyang tao…
Karagdagan sa katuruan tungkol sa kalikasan ni Hesus, ang Cappadocians ay sumulat tungkol sa Banal na Espiritu at sa Kanyang ministeryo. Ang Konseho ng Constantinople ay nagdagdag sa Credo ng Nicene ng pangungusap na nagsasabi na ang Banal na Espiritu ay isang banal na persona, kung paanong si Hesus ay banal.
[3]Sa ikaapat na siglo, tinanggihan ng maraming Kristiyano ang ideya na hindi natin kailanman matutupad ang utos ni Hesus na “Maging banal kayo kung paanong ang inyong Ama sa Langit ay banal.”[4] Isa sa mga Cappadocian, si Gregory ng Nyssa, ay nagpilit na kung iniutos ito ni Hesus, ito ay para doon sa mga sumasampalataya. Natatanto Niya na ang “maging perpekto” ay hindi nangangahulugan na walang dagdag na paglago.
Sa halip, sinabi niya, ang pagiging perpekto ay “nagpapatuloy na paglago sa kabutihan.”[5] Nagdiwang si Pablo na tayo ay “unti-unting binabago upang matulad sa parehong anyo sa isang antas ng kaluwalhatian patungo sa isa pa.”[6]
Ginamit ni Gregory ang mga salitang ito upang ipakita na ang “pagiging perpekto” ay ang paglago sa araw-araw sa imahen ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng kanyang mga isinulat tungkol sa Banal na Espiritu at sa paghahangad ng banal na buhay, naimpluwensyahan niya ang pananaw ni John Wesley tungkol sa kabanalan. Nakatulong kay Wesley ang mga isinulat ni Gregory upang makita ang layunin ng Diyos para sa kanyang bayan.[7]
►Talakayin ang pakahulugan ni Greory ng Nyssa sa pagiging perpekto. Posible ba na magkaroon ng perpektong puso na nagpapatuloy sa paglago sa imahen ni Kristo Hesus? Ipinapangaral mo ba ito sa mga taong pinagmiministeryuhan mo? May kauhawan ba ang inyong mga miyembro para maging perpekto?
[2]Binanggit ni Timothy Paul Jones, Christian History Made Easy (CA: Rose Publishing, 2009), 50.
[3]Sa Isang Hindi Nahahating Puso
“Ang kapayapaan ay inilalarawan bilang ang pagkakasundo ng mga taong nahahati. Kapag tinatapos natin ang digmaang panloob sa ating kalooban, tayo ay may kapayapaan.”
- Gregory of Nyssa
[7]Upang pag-aralan ang doktrina ng kabanalan, maaaring tingnan ang Shepherds GlobalClassroomcourse, Doctrine and Practice of the Holy Life.
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Mong Makilala: Si John Chrysostom, ang “May Ginintuang Dila” (347-407)
Nagsilbi si “John ng Antioch”[1] bilang pastor sa Antioch, Syria at pagkatapos ay bilang obispo ng Constantinople. Dahil sa kanyang kakayahan bilang isang tagapagsalita sa publiko, siya ay nakilala bilang si Juan “Chrysostom - ang may Ginintuang Dila.” Mahalaga si Chrysostom sa atin hindi dahil siya ay isang mabuting tagapagsalita kundi dahil sa nilalaman ng kanyang mensahe.
Una, itinuon ni Chrysostom ang turo niya sa orihinal na layunin ng teksto sa Biblia. Nangaral siya sa panahon na ang maraming tagapangaral ay sumusunod sa paraan ni Origen, binibigyang kahulugan ang Biblia sa paraang allegorical upang matagpuan ang mga natatagong kahulugan ng Kasulatan. Gayunman, hinanap ni John Chrysostom ang “simpleng kahulugan” ng teksto. Ipinilit niya na ang Diyos na kumasi sa Biblia ang lumikha sa malinaw na mensahe nito na kayang maunawaan ng mga ordinaryong mambabasa. Madalas siyang nangangaral ng serye ng mga sermon na direkta mula sa mga aklat ng Biblia. Ito ang nagpahintulot sa kanya na magfocus sa mas malalaking tema ng Banal na Kasulatan.
Ikalawa, ipinangaral ni Chrysostom ang kahalagahan ng banal na pamumuhay. Sa panahon na maraming pari na walang asawa ang naninirahan kasama ng “espirituwal na mga kapatid na babae,” iniutos ni Chrysostom na iwan na nila ang kanilang makasalanang mga relasyon. Hinarap niya ang mga tagapangunang pampulitika. Nang ang emperatris ay nagbigay ng mamahaling regalo sa iglesya upang suhulan si Chrysostom upang tumigil sa pangangaral laban sa kanyang makasalanang pamumuhay, tumanggi si John na baguhin ang kanyang mensahe.
Hiningi rin ni Chrysostom ang parehong antas ng banal na pamumuhay mula sa mga ordinaryong miyembro ng iglesya. Sa isang sermon na ipinangaral niya bago isilbi ang komunyon, nagbabala si Chrysostom na sinumang lumabag sa Mateo 5: 23-24 ay hindi dapat makibahagi sa komunyon. “Dahil hindi dapat isipin na ang nakikiapid at ang mandudusta ay maaaring makibahagi sa banal na Hapag, kaya’t imposible na simumang mayroong kaaway, at may malisya, ay maaaring masiyahan sa banal na Komunyon… Huwag hayaan ang sinumang may kaaway ang tumanggap ng Katawan ng Panginoon! Makipagkasundo, pagkatapos ay lumapit ka!.... Kasama ng isang kapwa mananampalataya, wala na dapat galit sa inyong puso.” Ipinangaral ni Chrysostom na dapat tayong maging banal sa ating panlabas na kilos at maging sa ating panloob na ugali.
► Paano nagbibigay ang pangangaral at ministeryo ni Chrysostom ng isang modelo para sa ministeryo sa kasalukuyan?
[1]Image: "St. John Chrysostom" by P.S. Duval lith., retrieved from the Library of Congress Prints and Photographs Division http://hdl.loc.gov/loc.pnp/pga.13841, "No known restrictions on publication."
Konklusyon: Nagsasalita ang Kasaysayan ng Iglesya sa Kasalukuyan
Ang listahan ng mga pangalan na pinag-aralan sa leksiyong ito ay tulad ng “Hall of Fame” para sa kasaysayan ng iglesya. Ang pagbasa tungkol sa mga bayaning tulad nina Ambrose at Athanasius na nanindigan para sa katotohanan sa harap ng panggigipit na pampulitika, ng mga misyonerong tulad ni Patrick na nagdala ng ebanghelyo sa mga bagong panahon, at ng mga makadiyos na kalalakihan na tulad ni Basil ng Caesarea at ni Gregory ng Nyssa na pinagsikapan ang makadiyos na pamumuhay ay ang pagbasa sa ilan sa mga dakilang pangalan sa iglesya.
Gayunman, unawain na hiwalay sa pagtawag ng Diyos sa kanilang buhay at sa kanilang pagsunod sa Diyos, sila ay mga ordinaryong tao lamang na maaaring nabuhay at namatay nang walang nakapapansin. Hindi humahanap ang Diyos ng mga hindi karaniwang tao; humahanap Siya ng mga ordinaryong tao na lubusang nagtatalaga ng buhay sa Kanya.
Habang binabasa ninyo ang Banal na Kasulatan, makikita ninyo na gumagamit ang Diyos ng mga mangingisda katulad nina Pedro, mga mapag-alinlangan katulad ni Tomas, mga pastol katulad nina David, at maniningil ng buwis katulad nina Mateo upang tuparin ang Kanyang mga layunin. Sa inyong pagbasa ng kasaysayan ng iglesya, makikita ninyo na gumagamit ang Diyos ng mga ordinaryong tao upang ipakita ang Kanyang kaluwalhatian. Tinatapos ko ang leksiyong ito sa pagpapaalala sa inyo na humahanap pa rin ang Diyos ng mga ordinaryong tao na lubusang nagtatapat sa Kanya. Gumagamit pa rin ang Diyos ng mga ordinaryong tao upang tuparin ang Kanyang extraordinary na plano.
Leksiyon 4 Mga Pangunahing Pangyayari sa Kasaysayan ng Iglesya
Petsa ( A.D. )
Pangyayari
313
Kautusan ni Constantine sa Milan
325
Ang Konseho ng Nicaea
367
Inilista sa “Sulat sa Araw ng Muling Pagkabuhay” ni Athanasius ang dalawampu’t pitong aklat ng Bagong Tipan.
397
Pinagtibay ng Konseho ng Carthage ang canon ng Bagong Tipan.
410
Nasakop ang Roma ng mga Visigoths.
Leksiyon 4 Mga Pangunahing Tao sa Kasaysayan ng Iglesya
Si Ambrose (ca.339-397). Obispo ng Milan. Naging daan ang kanyang pangangaral sa pagbabalik-loob ni Agustin ng Hippo.
Si Athanasius (ca.296-373). Obispo ng Alexandria na nagtanggol sa orthodoxy laban sa Arianism. Ang kanyang “Liham sa Araw ng Muling Pagkabuhay” ang unang kumpletong listahan ng mga canonical na aklat ng Luma at Bagong Tipan.
Si Augustine (354-430). Obispo ng Hippo. Isa siya sa pinakamahalagang teologo ng iglesyang Kristiyano. Binigyang-diin niya ang mga doktrina ng orihinal na kasalanan, predestination, at kaligtasan dahil sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya.
Si John Chrysostom (ca.347-407): Obispo ng Constantinople na nakilala dahil sa kanyang kahusayan sa pangangaral. Tinagurian siyang ang “May Ginintuang Dila”. Si Chrysostom ang pinakarespetadong teologo ng Silanganing Orthodox na Iglesya.
Si Constantine the Great (namatay noong 337). Ang Emperador na naglabas ng Kautusan ng Milan.
Si Eusebius (ca.260- ca.340). Obispo ng Caesarea. Tinawag siyang “Ang Ama ng Kasaysayan ng Iglesya”
Si Gregory Nazianzus (329-389). Isa sa “Mga Dakilang taga-Cappadocia” na sumalungat sa Arianismo.
Si Jerome (ca.345-420). Isa sa pinakadakilang iskolar ng Biblia ng Iglesyang Kanluranin. Isinalin niya ang Biblia sa Latin (tinawag na ang “Vulgate”)
Si Patrick (ika-5 siglo). Misyonerong British sa Ireland, tinawag na “Apostol sa mga Irish.”
Leksiyon 4 Mga Takdang Aralin
(1) Kumuha ng pagsusulit sa leksiyong ito. Kabilang sa pagsusulit ang mga petsa mula sa “Pangunahing Pangyayari sa Kasaysayan ng Iglesya” timeline (313-410.)
(2) Maghanda ng buod ng talambuhay ng isa sa mga sumusunod na tagapangunang Kristiyano: si Athanasius, si Eusebius, si Jerome o Ambrose. Dapat may apat na bahagi ang iyon buod:
Talambuhay: Kailan siya nabuhay? Saan siya nanirahan? Kailan at saan siya namatay?
Mga Pangyayari: Ano ang pinakamahalagang pangyayari sa kanyang buhay?
Impluwensiya: Ano ang kanyang nagtatagal na impluwensya sa iglesyang Kristiyano?
Aplikasyon: Ano ang isang aral mula sa tagapangunang ito para sa iglesya sa kasalukuyan?
Mayroon kang dalawang pagpipilian sa pagpapahayag ng buod na ito:
Magsumite ng 2-pahinang nakasulat na buod sa iyong tagapanguna sa klase.
Magbigay ng 3-5 minuto ng pasalitang presentasyon sa inyong klase.
Pagsusulit sa Leksiyon 4
(1) Noong 313, inilabas ni Constantine ang ___________________ na nagpaging legal sa Kristiyanismo sa Imperyong Romano.
(2) Ang “Ama ng Kasaysayan ng Iglesya” ay si ______________________, obispo ng Caesarea noong ika-apat na siglo.
(3) Ayon kay_____________ (who), si Hesus ang una sa mga nilikha ng Diyos, hindi siya pangwalang-hanggang banal.
(4) Ang Konseho ng ______________________noong ______ (petsa) ay nagtakwil sa Arianismo.
(5) Ang salin ni Jerome ng Biblia sa salitang Latin ay tinawag na _______________.
(6) Ang pinakamaagang nakilalang misyonero sa Ireland ay si _______________.
(7) Si Gregory ng Nazianzus, si Gregory ng Nyssa, at si Basil ng Caesarea ay tinawag na ___________________ ________________ dahil sa kanilang mga isinulat na nagtatanggol sa orthodox theology.
(8) Ang lungsod ng Roma ay unang napasailalim sa mga Visigoths noong A.D. _________.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.