Ang mga petsa ng Middle Ages ay mahirap tiyakin. Walang dyaryo na naglathala ng ulong-balita na “Ang araw na ito ang simula ng Middle Ages!” Ang mga aklat ay madalas na nagsisimula sa Middle Ages sa Utos ni Constantine sa Milan noong 313, ang Konseho ng Nicaea noong 325, ang pagbagsak ng Roma noong 410, o ang pagbagsak ng huling Romanong Emperador noong 476. Para sa leksiyong ito, magsisimula ako sa pagsikat ni Pope Gregory “the Great” noong 590, dahil ang pamumuno ni Gregory ay gumawa ng dramatikong pagbabago sa impluwensya ng Simbahang Romano Katoliko.
Hindi rin nagkakasundo ang mga aklat tungkol sa katapusan ng Middle Ages. Ang ilan ay nagtatapos sa mga Krusada noong 1095 at ang iba ay sa pagbagsak ng Constantinople noong 1453. Pinili ko ang 1517 dahil ang Ninety-Five Theses ni Luther ay nagmarka sa paghina ng kapangyarihan ng Simbahang Romano Katoliko.
Hindi lamang ang mga petsa ang mahirap tukuyin, mahirap limitahan ang mga pangyayari na pag-aaralan. Sa halip na isang kumpletong pagsasaliksik, pumili ako ng mga paksa na nagpapakita ng unti-unting pagkabuo ng iglesya sa panahon ng Middle Ages. Dahil sa pamamaraang ito, ang leksiyong ito ay wala sa eksaktong pagkakasunod-sunod sa petsa. Ang talaarawan sa ibaba ang tutulong sa inyo upang ilagay ang mga pangyayari mula sa leksiyong ito sa tamang pagkakasunod-sunod. Tatalakayin ng leksiyong ito ang simula ng Middle Ages. Tatalakayin ng Leksiyon 7 ang huling bahagi ng Middle Ages.
Petsa ( A.D. )
Pangyayari
590
Pinili si Gregory bilang Pope
Ika-7 siglo
Pagsikat ng Islam
756
“Ang donasyon ni Pepin” ay nagbigay ng kontrol sa malaking bahagi ng Italy sa iglesyang Romano.
800
Kinoronahan ng Pope si Charlemagne.
962
Kinoronahan si Otto I bilang Banal na Romanong Emperador.
1054
Simula ng Pagkakahati/Schism ng Silangan at Kanluran
Sina Leo at Gregory – Ang mga “Unang Papa”
Kung paanong mayroong di-pagkakasundo tungkol sa petsa ng Middle Ages, mayroon ding di-pagkakasundo tungkol sa unang papa. Inaangkin ng Simbahang Romano Katoliko na si Simon Pedro ang unang “Obispo ng Roma” o Pope. Gayunman, karamihan sa mga historyador ang nagtuturing sa dalawang mas huling obispo, sina Leo I (naglingkod noong 440-461) at Gregory I (naglingkod 590-604), bilang ang mga unang obispo na humawak ng mga tungkulin na katulad ng modernong papa.
Inangkin ni Leo na siya ay sumunod kay Apostol Pedro, na ginawa siyang Ulo ng buong kaKristiyanuhan. Mula sa puntong ito, ang Obispo ng Roma ay hindi na tinitingnan bilang isa sa mga obispo; ngayon inaangkin ng Obispo ng Roma ang awtoridad sa lahat ng iba pang obispo. Tulad ng nakita natin sa Leksiyon 3, ipinagtanggol ng Tome ni Leo ang orthodoxy sa Konseho ng Chalcedon. Tinanggap ng mga obispong Kanluranin ang mga inaangkin na pagiging pangunahin ni Leo.
Dagdag pa sa suporta sa loob ng iglesya, nagkaroon ng kapangyarihan si Leo dahil sa kahinaang pampulitika ng Roma. Upang makuha ang pampulitikang suporta ni Leo, ibinigay ni Emperador Valentinian III ang tatak ng pagsang-ayon ng Imperyo sa pag-angkin ni Leo sa awtoridad. Nang lusubin ni Attila the Hun ang Italy noong 452, si Leo sa halip na ang emperador ang sumalubong kay Attila sa daan sa labas ng Roma at kinumbinsi ito na umatras. Noong 455, sinakop (uli) ng mga Vandals ang Roma. Muli, si Pope Leo ang nakipag-usap sa hari ng mga Vandals, at nakakuha ng isang pangako na hindi papatayin ang mga sibilyan.
Ang isa pang Obispo na madalas na tinatawag na unang pope ay si Gregory “the Great.” Si Gregory ay ipinanganak sa Roma at naging makapangyarihang politiko, at kalaunan ay naglingkod ng perpekto (bilang mayor) sa lungsod. Noong siya ay nag-edad na trenta, tinawag siya ng Diyos na magministeryo. Ibinigay ni Gregory ang kanyang mga ari-arian at naging isang monghe.
Noong 590, nagdusa ang Roma dahil sa serye ng mga kalamidad: mga baha, atake ng mga barbaro at salot. Sa halip na magtago sa monasteryo, inilagay ni Gregory ang kanyang buhay upang maglingkod sa mga may sakit. Nang mamatay ang obispo dahil sa salot, si Gregory ay itinalaga na maging obispo ng Roma, labag man sa kanyang sariling kagustuhan. Bagaman hindi tinawag ni Gregory ang kanyang sarili na pope, inangkin niya ang kapangyarihan na ngayon ay iniuugnay sa Pope ng Romanong Katoliko. Dahil dito, siya ay madalas na itinuturing na unang modernong pope.
► Kung ikaw ay nakatira sa isang bansa na malakas ang impluwensya ng Simbahang Romano Katoliko, magtalaga ng mga miyembro ng inyong klase upang pag-aralan ang simbahang Katoliko sa inyong komunidad. Tingnan ang dalawang katanungan:
(1) Bakit popular ang Katoliko sa inyong komunidad?
(2) Ano ang maaaring gawin ng mga ebanghelikong Kristiyano upang maakay ang mga Katolikong Romano sa isang personal na nakapagliligtas na pagkakilala kay Kristo Hesus?
Mga Dakilang Kristiyanong Dapat Mong Makilala: Pope Gregory
Ang Ambag ni Gregory sa Pagmimisyon
Nang siya ay bata pa, nakita ni Gregory ang mga bihag mula sa England na ibinababa sa pantalan. Mula sa panahong iyon, ninais na niya na mag-ebanghelyo sa mga tao sa Britanya. Ang Britanya ay naabot na ng ebanghelyo noong ikaapat na siglo. Gayunman, sa ikalimang siglo, nasakop ng mga barbarong Anglo-Saxon ang Britanya at winasak ang mga simbahan. Noong 596, nagpadala si Gregory ng grupo ng apatnapung mongheng Benectine na mangangaral sa mga Anglo-Saxons. Nagtatag sila ng Kristiyanong pagmimisyon, at ang isa sa mga monghe na si Augustine, ay naging Obispo ng Canterbury. Ang Canterbury ang naging sentro ng English Christianity.
Ang Ambag ni Gregory sa Musika ng Simbahan
Kilala si Gregory sa pagbago niya sa musika sa simbahan at organisasyon ng liturhiya. Hanggang sa huling bahagi ng ika-dalawampung siglo, karamihan sa musikang kinakanta sa Romano Katolikong simbahan ay tinatawag na “Gregorian chant” mula kay Pope Gregory.
Pamumuno ni Gregory sa Iglesya
Kahit na si Gregory ay hindi kasing intelektuwal na pinuno kagaya ni Augustine o ni Jerome, siya naman ang pinaka-pinagpalang pinuno na humawak sa tungkulin bilang pope. Karagdagan pa, mayroon siyang higit na simpatya sa pangangailangan ng tao. Hindi tulad ni Leo na kumuha ng titulong Pontifex Maximus (“Kataas-taasang obispo”), tinawag ni Gregory ang kanyang sarili bilang “Tagapaglingkod ng mga Tagapaglingkod ng Diyos.” Ang dakilang reputasyon ni Gregory ay batay sa kagustuhan niya at sa kakayahan na maiayos ang burukrasya ng iglesya upang mapagsilbihan ang pangangailangan ng mga tao.
Teolohiya ni Gregory
Nakakalungkot, ang mga aral na pangteolohiya ni Gregory ay nag-akay sa Simbahang Katoliko palayo sa Banal na Kasulatan. Naimpluwensyahan niya ang ilan sa mga pinaka-mapaminsalang doktrina ng Romano Katoliko.
Inilagay ni Gregory ang tradisyon bilang kapantay ng Banal na Kasulatan bilang pamantayan.
Iminungkahi ni Gregory ang doktrina ng purgatoryo, isang lugar kung saan ang mga Kristiyano ay dinadalisay matapos mamatay.
Itinuro ni Gregory na ang pagpapatawad ng Diyos ay nangangailangan ng pangungumpisal at gawain ng pagpapakasakit sa halip na simpleng pananampalataya sa pagtubos na ginawa ni Kristo.
Itinuro ni Gregory na ang pagiging tagapamagitan ng mga namatay na santo ay makatutulong sa mga mananampalataya sa ngayon. Bilang resulta nito, hinikayat niya ang paglikom ng mga relics na nakaugnay sa mga martir at mga santo sa nakaraan.
Itinuro ni Gregory ang doktrina ng transubstantiation, ang katuruan na ang elemento ng Huling Hapunan ay nagiging tunay na katawan at dugo ni Kristo. Ang misa ay naging muling pagsasagawa ng kamatayan ni Kristo sa kapakanan ng mananampalataya.
…Mula Noon Hanggang Ngayon…Kontekstwalisasyon ng Ebanghelyo
Ang misyon ni Gregory sa pagmimisyon sa Britanya ay nagbibigay ng mahalagang aral sa iglesya sa ngayon.[1] Nakakuha si Augustine at mga kasamang monghe ng tumatanggap na madla. Sa loob ng isang taon, nabautismuhan si Haring Ethelbert at 10,000 Anglo-Saxons. Inaalala ni Augustine kung paano madadala sa iglesya ang mga bagong mananampalataya. Hindi sapat sa kaniya ang mababaw na pagbabago. Nang sumulat si Augustine kay Gregory upang humingi ng payo, sumagot si Gregory noong 601 sa isa sa klasikong liham sa kasaysayan ng pagmimisyon.
Pinayuhan ni Gregory si Augustine na i-contextualize ang ebanghelyo para sa mga Anglo-Saxon. Partikular, sinabi niya:
Dapat wasakin ang mga diyos-diyosan. Ngunit, kung ang templo ay maayos na naitayo, isang mabuting kaisipan na ihiwalay sila sa gawa ng dyablo, at sanayin sila sa pagpupuri sa tunay na Diyos.
Ang mga paghahandog sa huwad na diyos (“mga diyablo”) ay dapat mapalitan ng pagdiriwang “bilang pagpuri sa Diyos…. Dapat silang magpasalamat sa nagbigay ng lahat ng mabuting bagay. Kung hahayaan nating sila sa ganitong panlabas na kasiyahan, mas malamang sa matagpuan nila ang kanilang daan sa tunay na panloob na kasiyahan.”
Pinayuhan niya si Augustine na maging matiyaga sa mga bagong mananampalataya habang ginagabayan sila sa kanilang bagong buhay. “Ang taong nakatakdang umakyat sa mataas na bundok ay hindi nakakaakyat sa pamamagitan ng paglukso at pagtalon, ngunit paitaas nang paitaas, isa isang hakbang.”
Iminungkahi ni Timothy Tennent ang tatlong aralin kaugnay ng kontekstwalisasyon mula sa liham na ito:
(1) Kung maaari, ang mga bahagi ng kultura ay dapat maisama sa mensaheng Kristiyano. Sinabi ni Gregory kay Augustine na wasakin ang mga diyos-diyosan ng mga pagano, ngunit gawing simbahan ang mga templo sa halip na wasakin ang mga gusali.
(2) Kung maaari, palitan ng bagong kasanayan ang mga lumang kasanayang pagano. Naintindihan ni Gregory na hindi basta na lamang maiaalis ng misyonero ang mga kasanayang pagano; kailangan ding maghatid ang misyonero ng bagong kasanayan na magpapakilala sa ebanghelyo. Maaaring hindi tayo sumasang-ayon sa payo ni Gregory, nguni’t ang kanyang prinsipyo ay sinunod ng maraming misyonero.
Halimbawa, “Araw ng Pagwawalis ng Puntod” ay araw kung saan ang mga paganong Intsik ay pumupunta sa puntod ng kanilang pamilya at nagdarasal sa kanilang mga ninuno. Maraming simbahan sa Taiwan ang nagdaraos ng espesyal na misa sa araw na iyon kung saan maraming Kristiyano ang maaaring magbigay-pugay sa pamana ng kanilang pamilya nang hindi nakikisali sa pagsamba sa mga ninuno. Pinapalitan nila ang paganong gawain ng Kristiyanong pagkilala sa pamilya.
(3) Ang mga bagong mananampalataya ay dapat matiyagang maturuan na mabago ang kanilang pang araw-araw na pamumuhay. Kinikilala ni Gregory na maraming oras ang kailangan upang lubos na maunawaan ng mananampalatayang Saxon ang lahat ng aspeto ng pananampalataya at kasanayang Kristiyano. Hinikayat niya si Augustine na maging matiyaga sa mga bagong mananampalataya.
Isang halimbawa sa Bagong Tipan ang makikita sa liham ni Pablo sa mga mananampalataya sa Efeso. Ang mga bagong mananampalataya ay naninirahan sa isang paganong kapaligiran at buong buhay nang namumuhay bilang pagano na dapat mabago. Sumulat si Pablo upang gabayan sila kung paano silang mamumuhay sa kanilang bagong pananampalatayang Kristiyano. Sa matibay na pahayag, inutusan niya silang mamuhay kung paanong tinawag sila ng Diyos na mamuhay. Iniutos ni Pablo sa kanila
…iwaksi ninyo ang inyong dating pagkatao, na pag-aari ng inyong dating paraan ng pamumuhay at nasira dahil sa maling hangarin, at magbago sa espiritu ng isipan, at isuot ang bagong pagkatao, na likha sa wangis ng Diyos sa tunay na katuwiran at kabanalan.[2]
Hindi nagbigay si Pablo ng pagkakataon upang magpatuloy sa sinasadyang kasalanan. Ngunit, sa mga sumunod na talata, matiyaga niyang ipinaliwanag kung paanong ang nabagong buhay ay makikita sa kanilang kaugalian, buhay pamilya, at pang araw-araw na kaugalian. Bilang nagpapalaganap ng ebanghelyo, hindi natin dapat bigyang katwiran ang makasalanang pamumuhay. Sa halip dapat nating matiyagang turuan ang mga bagong mananampalataya sa buhay Kristiyano. Hindi sapat na ipahayag ang mensahe ng pagbabalik-loob at iwanan ang bagong “sanggol kay Kristo” nang mag-isa. Dapat tayong maglaan ng oras upang magdisipulo ng mga bagong mananampalataya upang sila ay tumatag sa pananampalataya.
[1]Ang seksiyong ito ay hinalaw mula kay Timothy C. Tennent, Invitation to World Missions (MI: Kregel Publications, 2010), 236-240
Sa Leksiyon 3, nakita natin ang simula ng monastic movement. Unti-unti, ang monastic movement ay nabago mula sa pagiging mag-isa patungo sa pagiging komunidad.
Noong ikatlong siglo, isang Egyptian na nagngangalang Antony ang nagbenta ng kanyang mga ari-arian, ibinigay ang pera sa mahihirap, at lumipat sa isang kweba at doon nanirahan ng kaniyang buong buhay. Ang isinulat ni Obispo Athanasius na Life of Antony ay humikayat sa marami na sundan ang halimbawa ni Antony. Ginugol ni Simon (isang Stylite) ang tatlumpung taon na nanirahan sa isang lugar na dalawampung metro ang taas mula sa lupa. Pinagtuunan ng mga monghe sa disyerto ang pagkakahiwalay at asceticism o mahigpit na pagpepenitensya.
Mga taong 520, itinatag ni Benedict ng Nursia ang isang monasteryo sa Monte Cassino. Isinulat niya ang isang gabay na tinawag na Rule, na nakahikayat sa paglago ng kilusang monastiko. Sa halip na paghiwalay, binigyang-diin ng Rule of Benedict ang araw-araw na kasanayan sa pagbabasa ng Banal na Kasulatan, pagdarasal, at pagtatrabaho. Binigyang-diin ng monasteriyong Benedictine ang komunidad, pag-aaral, pagmimisyon, at pisikal na trabaho sa halip na matinding pagpepenitensya.
Noong taong 589, inatake at sinunog ng mga barbaro ang mga monasteryo ni Benedict. Lumikas ang mga monghe sa Roma, kung saan kasalukuyang nakakamit ni Gregory ang posisyon bilang Obispo ng Roma. Humanga si Gregory sa Benedict’s Rule. Sa paghahanap ng mga misyonero para sa England, pinili ni Gregory ang apatnapu’t-isang mongheng Benedictine. Sa Middle Ages, malaki ang naging impluwensya ng mga monasteryo sa Simbahang Romano Katoliko.
Madaling makita ang mga pagkakamali ng kilusang monastiko.
Pagtatangkang makamit ang pabor mula sa Diyos sa pamamagitan ng mga gawa sa halip na pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya.
Mga kailangan para sa pamumuhay ng walang asawa na hindi batay sa Biblia na nagdulot ng isang pamantayan ng moralidad para sa mga monghe at ibang pamantayan para sa ordinaryong Kristiyano.
Kung minsan ang monasteryo ay nakalilikom ng malaking halaga, na nagresulta sa pagiging mapagmataas at pagiging tamad. Sa huling bahagi ng Middle Ages, ang mga monghe ay naisasalarawan bilang mataba, tamad na kleriko na kumakain sa mga dukha. Nakakalungkot, ang pagsasalarawang ito kung minsan ay nangyayari sa totoong buhay!
Mas mahirap para sa atin bilang mga Protestanteng ebangheliko na makita ang kalakasan ng kilusang ito. Gayunman, nakagawa ang mga monghe ng maraming mahahalagang ambag sa mundo sa Middle Ages. Maaaring sabihin na ang sibilisasyon ay napanatili sa libong taon sa pamamagitan ng mga monghe. Ilan sa kanilang ambag:
Sa pagitan ng 500 at 1000, napanatili ng monasteriyo ang pag-aaral. Maraming monghe ang naglaan ng kanilang buhay sa pagkopya ng mga sinaunang kasulatan. Karamihan sa sinaunang kasulatan (kasama ang klasikong Griyego at maraming kasulatan ng Biblia) ay maaaring naglaho na kung hindi nakopya at naisulat ng kamay ng maraming henerasyon ng mga monghe.
Nagsilbi ang mga monghe sa kanilang komunidad. Ang edukasyon para sa mga kabataan ay kadalasang ibinibigay ng monasteryo. Sa ika-walong siglo, iniutos ni Charlemagne na magkaroon ng paaralan sa lahat ng monasteryo. Ang mga naglalakbay ay makakaasang may lugar na pwedeng panatilihan sa monasteryo. Ang mga may sakit ay nagtutungo sa monasteryo upang mapangalagaan. Ang mga sakahan sa monasteryo ay nagsisilbing modelo sa mga lokal na magsasaka, tinuturuan ang mga magsasaka sa lugar upang makapagtanim ng mas mainam na pananim.
Ang mga monghe ang nangungunang misyonero sa Middle Ages. Si Columba, isang monghe mula sa Ireland, ay nagbahagi ng ebanghelyo sa Scots. Si Aidan, nagmula din sa Ireland, nahikayat ang mga tao sa hilagang England. Si Boniface ay naglakbay mula England upang mangaral sa ngayon ay tinatawag na France at Germany. Kilala siya bilang ang “Apostol sa Germany” at nakilala bilang isa sa pinaka-maimpluwensyang tao sa kasaysayan ng Europe. Ang magkapatid na sina Cyril at Methodius ay mga monghe na nagsalin ng Biblia sa Slavonic at nangaral ng ebanghelyo sa Moravia and Bohemia. Sinabi ng historiyador na si Mark Noll na halos lahat ng cross-cultural evangelism sa Middle Ages ay gawa ng mga monghe.[1]
Ang Reformation ay ipinanganak sa mga monasteryo. Ang espirituwal na kasiglahan ng mga mongheng katulad ni Bernard ng Clairvaux, ni Thomas Aquinas, ni Martin Luther, at ni Thomas a’ Kempis ay naghikayat ng pagiging tapat kay Kristo sa panahon na marami sa iglesya ay mas naiimpluwensyahan ng pagnanais ng pampulitikang kapangyarihan at panandaliang yaman.
►Maraming aspeto ng monasticism ang salungat sa mensahe ng Biblia. Subalit, ang pinakamagagaling sa mga monghe ay nagnanais na sumunod sa panuntunan ng Diyos na manatili sa mundo nguni’t hindi kabilang sa mundo.[2] Ano ang mga aral sa iglesya sa ngayon ang maaari nating matutunan mula sa mga monghe ng Middle Ages? Ang monastic pattern ba ng disiplina sa espiritu ay nag-aalok ng mga leksiyon para sa mga kasalukuyang Kristiyano?
[1]Mark Noll, Turning Points: Decisive Moments in the History of Christianity, 3rd ed. (MI: Baker Academic, 2012), 92
Sa huling pagbagsak ng Roma noong 476, makikitang ang kanluraning sibilisasyon ay mapapahamak. Sa mga sumunod na siglo, walang sentrong gobyerno, kaunti ang paaralan, kaunti ang batas, at walang pangdaigdigang sistema ng pananalapi. Magkakaroon ng sistema ng pagmamay-ari ng lupa kung saan ang mayayamang may-ari ng lupa (“panginoon”) ay nagbibigay ng proteksyon sa mga dukha (“utusan”) na nagsasaka sa lupa. Ang mga utusan ay nakatatangap ng pagkain upang mabuhay ngunit hindi sapat.
Ang modernong Europa ay lumago mula sa pagkasirang ito, higit sa lahat ay sa pamamagitan ng impluwensya ng Kristiyanismo. Matapos ang pagbagsak ng Roma, ang iglesiyang Kristiyano ang pangunahing lakas na nagbubuklod sa Europa.
Ang Franks ay pulitikal na lakas na nagmula sa ngayon ay tinatawag na kanluraning Germany. Bagaman sila ay mga pagano, ang kanilang pinunong si Clovis ay naging mananampalatayang Kristiyano noong 496. Nang si Clovis ay nabautismuhan, sinamahan siya ng 3,000 sa kaniyang hukbo sa bautismo. Noong 600, kontrolado na ng Franks ang karamihan sa lugar sa gitnang Europa.
Noong 324, nakapagtatag na si Constantine ng silanganing sentro para sa Imperio ng Roma sa Byzantium, at binago ang pangalan ng lungsod na tinawag na Constantinople. Ang silanganing Imperyo ng Roma (tinatawag din na ang Imperyo ng Byzantine) ay mananatili hanggang 1453 nang ito ay wasakin ng hukbo ng mga Muslim. Matapos ang pagbagsak ng Roma, nagkaroon ng mga hindi pagkakaunawaan sa mga emperador ng Constantinople at mga pope sa Roma. Habang nagpapalawig ang mga silanganing emperador ng kanilang teritoryo patungo sa kanluran, ang mga pope ay naghanap ng mga kaalyado sa pulitika. Ang suporta ng Franks sa Romanong iglesya ang nagbigay ng malaking kapangyarihang pulitikal sa mga pope.
Sa kasamaang palad, ang Kristiyanismo sa mga Franks ay naging instrumentong pampulitika sa halip na kilusang pang-espirituwal. Hinangaan ng mga Franks si apostol Pedro sa kanyang pagpayag na gumamit ng espada; ito ang naging modelo para sa “ebanghelismo” sa karamihan sa Middle Ages. Nakita nila si Hesus bilang naluwalhating mandirigma, katulad ni Clovis. Nang ang isang tribong Alemanya ay tumangging magpabautismo, pinugutan ng ulo ni Clovis ang 4,500 katao sa isang araw lamang. Pagkatapos ay bumalik sila sa kampo upang magdiwang ng Pasko. Maaari mong isipin na karamihan sa mga tao sa ilalim ng pamumuno ni Clovis ay sumang-ayon sa bautismo. Ang panglahatang pagbabalik-loob ay itinatakda ng pulitikal na pinuno, at hindi ng personal na pangako kay Kristo.
Maraming karaniwang tao na naging mananampalataya sa ganitong paraan ang kaunti lamang ang kaalaman patungkol sa ebanghelyo. Para sa marami, ang sinasabing pakinabang ng mga “santo” ay higit na nangangahulugan nang higit kaysa kay Kristo mismo. Marami sa karaniwang tao ang naniniwala na ang bawat santo ay nakapagbibigay ng ilang espesyal na pakinabang: pinangalagaan ni St. Anthony ang mga baboy ng magsasaka; pinagagaling ni St. Genevieve ang mga lagnat; dahil kay St. Gaul mas maraming itlog ang mga manok. Ang Kristiyanismo ay naging “magic potion” upang masagot ang mga problema sa mundo, sa halip na personal na relasyon kay Kristo Hesus.
Kabilang sa ilan sa mga pangunahing pangalan na dapat ninyong malaman:
Charles Martel (the Hammer)
Si Charles Martel (the Hammer) ay namuno mula 688-741. Natalo ni Charles ang mga Muslim sa Digmaan sa Tours noong 732, napigilan ang kanilang paglaganap sa Europe.[1] Hinikayat niya ang ebanghelyo sa mga tribo sa silanganing Rhine (ngayon ay Germany).
Pepin III
Si Pepin III ay namuno bilang Hari ng mga Franks mula 741-768. Noong 756, ibinigay ni Pepin ang karamihan sa sentrong Italya kay Pope Stephen. Ang “Donasyon ni Pepin” (kasama ang huwad na “Donasyon ni Constantine”) ay naging basehan para sa pulitikal na kapangyarihan ng Romano Katolikong Simbahan sa huling bahagi ng Middle Ages.
Charlemagne
Ang anak na lalaki ni Pepin, si Charlemagne,[2]ay nakoronahan bilang “Emperador ng mga Romano” sa araw ng Pasko, A.D. 800 ni Pope Leo III. Ang kapansin-pansin sa kaganapang ito ay ang pagkakaroon ng Obispo ng sapat na kapangyarihan upang koronahan ang isang pampulitikal na pinuno para sa imperyo ng Roma. Ang kaugnayan sa pagitan ng iglesya at ng estado ay mas malapit kumpara sa ibang panahon mula sa mga araw ni Constantine.
Ang samahang ito sa pagitan ni Leo III at Charlemagne ang nagbuklod sa kanluraning Imperyo ng Roma sa unang pagkakataon simula ng bumagsak ang Roma. Nakilala si Charlemagne bilang Banal na Emperador ng Roma, isang emperador na nakita ang sarili bilang tagapangalaga ng iglesya. Si Leo III ang Pope, isang obispo na nakita ang kanyang sarili bilang ang pangwakas na awtoridad sa imperyo.
Sa unang bahagi ng kanyang pamumuno, nalupig ni Charlemagne ang mga bagong teritoryo at pinilit ang mga naninirahan sa mga lugar na iyon na umanib sa Kristiyanismo. Hindi nagtagal, kontrolado na niya ang maraming teritoryo higit sa sino mang pinuno matapos ang pagbagsak ng Imperyo ng Roma. Tiningnan siya ng maraming tao bilang “ang bagong Constantine" na magbabalik ng kaluwalhatian ng imperyong Kristiyano.
Naniniwala si Charlemagne na responsibilidad ng estado ang katawan at ang iglesya ang responsable sa kaluluwa. Sa halip na ang pangitain ni Augustine na “Dalawang Lungsod” (ang Lungsod ng Tao at ang Lungsod ng Diyos), iminungkahi ni Charlemagne ang isang Kaharian ng Diyos na may “dalawang hukbo.” Ang espirituwal na hukbo ay kontrolado ng pope; ang makalupa na hukbo ay kontrolado ng emperador.
Nguni’t, sa kasanayan, mas madalas na mas higit ang kapangyarihan ni Charlemagne sa iglesya kaysa sa pope. Nagtalaga at nagtanggal siya ng mga obispo; iniutos niya ang pagbabago sa liturhiya; gumawa siya ng mga panuntunan sa mga monasteryo; itinalaga niya maging ang isa sa kanyang mga diyakono upang maglathala ng sermon na gagamitin sa buong kaharian. Katulad ng kanyang sinundan na si Constantine, ipinakita ni Charlemagne ang mga kabutihang pampulitika at ang panganib na espirituwal ng magkaroon ng malapit na samahan sa pagitan ng iglesya at ng estado.
Otto I
Si Otto I ay namuno noong 962-973. Pagkamatay ni Charlemagne, ang pumalit sa kanya ay hindi kayang panatilihin ang imperyo na kanyang itinatag. Gayunpaman, ang kaisipan ng pinag-isang Emperyo ng Roma na suportado ng emperador at ng iglesya ang humikayat sa mga pope at mga pinuno sa pulitika. Noong 962, isang pinunong German, na si Otto I, ang muling nagtatag ng Banal na Imperyo ng Roma, na hango sa modelo ni Charlemagne.
Mula sa pananaw ng isang tao, makikita na ang medieval church ay matagumpay. Ang iglesya ng Roma ay nagkamit ng kapangyarihang pulitikal at katayuan sa komunidad. Gayunpaman, ang tagumpay na ito ay naganap nang may kabayarang espirituwal. Sa mga sumunod na ilang siglo, nagkaroon ng paulit-ulit na hindi pagkakaunawaan dahil sa pag-aaway sa kapangyarihang pampulitika ng mga emperador at mga pope. Ang kayamanan at kapangyarihang pulitikal ay naging mas mahalaga pa kaysa sa ebanghelyo.
Sa mga siglong ito, sinubukan ng mga pope na kontrolin ang pagpili ng mga emperador, at ang mga emperador ay sumubok na kontrolin ang pagtatalaga ng mga pope. Si Marozia, isang babaeng Italyana na may mataas na pinag-aralan, ang nagkaroon ng kontrol sa pagtatalaga ng mga pope sa loob ng animnapung taon. Pinatay niya ang isang pope, naging ina ng isa, at naging kalaguyo ng pangatlo. Nang ang kanyang apo ay nahirang na Pope John XII, uminom siya, nagdiwang at nagpasalamat sa diyablo. Ang kapangyarihang pampulitika ang sumira sa espirituwal na buhay ng iglesya. Ang “kasal” sa pagitan ng iglesya at ng estado ay isang ipinilit na kasal na nabigong isulong ang layunin ng ebanghelyo.
► Talakayin ang kaugnayan sa pagitan ng imperyo at ng iglesya sa ilalim ng pamumuno ni Charlemagne. Ano ang isang tiyak na aral na maaari nating matutunan sa panahong ito sa kasaysayan ng iglesya?
[1]Pag-aaral natin ang pagtayo ng Islam sa Aralin 7.
[2]Ang kanyang pangalan ay “Charles Augustus.”pagkilala sa kanyang kapangyarihan at pagpapalawig sa teritoryo ng Roma, siya ay nakilala bilang “Charlemagne” (salitang Latin na ang kahulugan ay “Charles the Great”).
Ang Silanganin/Kanluraning Pagkakahati
Noong taong 1054, si Cardinal Humbert, kinatawan ni Pope Leo IX ay pumasok sa Church of Holy Wisdom sa Constantinople at naglagay ng liham ng pagpapatalsik sa altar.[1] Ang pagpapatalsik ay nangangahulugan na hindi na kinikilala ng pope ng Romano Katoliko ang mga kasapi ng Silanganing Iglesya bilang kasapi ng tunay na iglesya. Ang pagkakahati sa pagitan ng Katolisismong Romano sa kanluranin at Orthodoxy sa silangan ay ang naipon na sigalot sa loob ng maraming siglo. Mula sa Konseho ng Chalcedon noong 451, ang silanganin at kanluraning iglesya ay kumilos sa magkaibang direksyon.[2]
Kinikilala ng Konseho ng Chalcedon si Obispo Leo ng Roma bilang pangunahing namumuno sa Kanluraning iglesya at ang obispo ng Constantinople bilang ang “obispo ng Bagong Roma,” na may kapantay na kapangyarihan kay Leo. Mula sa puntong iyon, dalawang pinuno ang kinilala ng iglesya, ang Iglesyang Romano sa Kanluraning Imperyo at ang iglesyang Griyego sa Silanganing Imperyo. Paulit-ulit, nagkakaroon ng usapin sa pagitan ng dalawang hati ng iglesya.
Usapin Patungkol sa mga Imahen
Sa Silanganing Iglesya, maraming Kristiyano ang gumamit sa two-dimensional “imahen” sa pagsamba. Si John ng Damascus, isang magiting na teologo ng Silanganing Iglesya, ang nagpilit na ang mga mananampalataya ay hindi sumasamba sa mga imahen. Ang layunin ng mga imahen ay makapagbigay sa mga mananampalataya ng nakikitang paalala na ang mga santo noon ay kasama sa pagsamba sa ngayon.[3]
Ngunit sa pagsasagawa, maraming ordinaryong Kristiyano ang hindi gumawa ng mga pagkakaiba sa teolohiya na ginawa ni John ng Damascus. Hindi nila nakita ang pagkakaiba sa pagitan ng imahen at ng espirituwal na reyalidad na dapat nitong kinakatawan. Inakusahan ng mga Muslim ang mga Kristiyano sa silangan na sumasamba sa idolo dahil sa paggamit nila ng mga imahen.
Noong 726, Si Emperador Leo III ng Silanganing Imperyo ay pinawalang bisa ang batas sa paggamit ng mga imahen. Para kay Leo, ito ay isa lamang usaping pampulitika. Ang mga imahen ay itinaguyod (at ginawa) ng mga monghe na naging balakid sa pulitikal na kapangyarihan ni Leo. Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mga tagasunod ng mga imahen at ang mga “iconoclasts” (maninira ng mga imahe) na sumunod sa utos ng emperador na wasakin ang mga imahen.
Sa kanluran, sinuportahan ng pope ang paggamit ng mga simbolong nakikita sa pagsamba. Nang lumaon, ang Ikalawang Konseho ng Nicaea (787) ay nagtipon upang pag-usapan ang usapin. Napagkasunduan nila na ang mga rebulto ay katanggap-tanggap kung ang mismong rebulto ay hindi sinasamba. Sinabi nila na ang mga rebulto ay “iginagalang,” pero hindi sinasamba. Ang pakiki-alam ng simbahang Kanluranin ay nagdulot ng sama ng loob sa marami sa simbahan sa Silangan.
Ang Kontrobersiya sa Filioque
Noong 598, isinama ng Konseho ng Toledo ang salitang Latin na filoque sa Credo ng Nicene. Ipinahayag ng orihinal na credo na, “Ang Espiritu ay nagmula sa Ama.” Ipinahayag ng binagong creed na, “Ang Espiritu ay nagmula sa Ama at sa Anak.”
Sinasabi ng Simbahan ng Romano Katoliko na sinusuportahan ng Juan 16:7 ang pagbabagong ito. Matindi ang naging reaksyon ng Silanganing Iglesia. Ipinahayag nila na kung ang buong iglesya (silanganin at kanluranin) ay sumang-ayon sa Credo ng Nicene sa Konseho ng Chalcedon, hindi ito maaaring mabago nang walang ibang konseho ng buong iglesya.
Naniniwala ang mga teologo sa kanluran na ang pagsasabi na ang Espiritu ay nanggaling sa Ama “at sa Anak” ay nagbibigay diin sa pagiging Diyos ng Anak, pinangangalagaan mula sa Arianismo. Naniniwala ang mga teologo sa silangan na ang pahayag na ito ang nagpabago sa ugnayan sa pagitan ng mga miyembro ng Trinidad. Binigyang diin ng Kanluran ang pagkakaisa ng Godhead; binigyang diin ng Silangan ang mga indibidwal na persona ng Trinidad. Noong 867, kinondena ni Bishop Photius ng Constantinople ang pagbabago. Ang kontrobersyal na filoque ay naging isa sa mga pangunahing dahilan na ibinigay para sa huling paghati sa pagitan ng dalawang simbahan noong 1054.
Ang Pagkakahati Noong 1054
Ang mga pope na namuno sa ika-sampung siglo ay malayo sa ideya ng mga sinaunang Pope Leo I at Gregory the Great. Sila ay kadalasang masama at mababa ang moral. Subalit, ilang emperador ng Banal na Imperyo ng Roma ang naghangad na makapagdala ng pagbabago sa iglesya. Noong 1039, si Henry III ay nakoronahan bilang emperador. Siya ay isang matapat na Kristiyano at nangakong bubuhaying muli ang simbahang Katoliko.
Kumilos si Henry III upang makuha ang paghahalal ng isang obispong Aleman bilang isang pope upang maiwasan ang lokal na pulitika na pinapayagan ang makapangyarihang pamilyang Italyano na kontrolin ang pagka-pope. Noong 1048, isang mongheng Aleman na nagngangalang Bruno ay nahalal bilang Pope Leo IX.[4] Si Leo ay kabahagi sa naisin ni Henry na pagbabago. Magkasama nilang tinutulan ang kawalang-ingat sa moral ng mga obispo at pinahinto ang pagsasagawa ng simony.[5] Nakipaglaban si Leon IX upang palayain ang iglesya mula sa kontrol ng pulitika. Upang maiwasang maipasa ng mga pari ang kanilang posisyon sa simbahan sa kanilang mga anak, ipinagbawal niya ang pagpapakasal ng mga pari.
Napagpasyahan ni Leo na ang paraan upang matiyak na magtatagal ang pagbabago ay ang pag-angkin sa kapangyarihan sa lahat ng mga Kristiyano, kabilang dito ang mga nasa Silangan. Sinulatan niya ang Obispo ng Constantinople na nagsasaad na ang “Donasyon ni Constantine”[6] ay nagbigay sa pope ng awtoridad kapwa sa dalawang bahagi ng iglesya.
Tumanggi ang Obispo ng Constantinople na kilalanin ang awtoridad ni Leo. Bilang tugon, ipinadala ni Leo ang kanyang kaibigan, si Cardinal Humbert, na makipag-usap ng kapayapaan. Sa halip na makahanap ng mapayapang solusyon, pinatalsik ni Humbert ang Silanganin na si Cerularius, at sinabing siya ay isang heretiko. Si Cerularius naman ay kinondena si Pope Leo IX at ang simbahang Romano.
Ang pagkakahati na ito na tinatawag na Paghahati o Schism noong 1054, ay hindi na naayos pa. Hindi bababa sa dalawang beses sa pagitan ng 1274 at 1439 ay nagkaroon ng pagpupulong upang muling pagsamahin ang mga iglesya. Sa dalawang pagkakataon, ang pagpupulong ay natapos nang walang resolusyon.
Sa ngayon ang pagkakaiba sa pagitan ng Roma at mga iglesya sa Silangan ay ang heograpiya, pangkasaysayan, at teolohikal. Sa heograpiya, ang Russian Orthodox, Greek Orthodox, at labintatlong maliliit na iglesya ang bumubuo sa Iglesia sa Silangan. Ang mga simbahang Orthodox ay pinakamalakas sa Silangang Europa, Gitnang Silangan, at Russia. Ang mga pagkakaiba sa kasaysayan ay nagsimula noong Pagkakahati noong 1054. Sa teolohikal, kinikilala lamang ng mga simbahang Silanganin ang unang pitong ecumenical na konseho at tinanggihan ang awtoridad ng mga sumusunod na konseho tulad ng Konseho ng Toledo, na nagdagdag sa sugnay na filioque.
►Ang paghahati noong 1054 ay naimpluwensyahan ng mga pagkakaiba-iba ng kultura (sa pagitan ng Silangan at Kanluran), ng mga pagkakaiba sa teolohiko (tulad ng kontrobersyal na filioque), at ng mga hidwaan ng pagkatao (sa pagitan nina Cerularius at Humbert). Anong mga aral ang maaari nating matutunan mula sa pagkakahating ito upang maiwasan ang paghahati sa iglesya sa ngayon?
Iglesyang Romano Katoliko
Silanganing Orthodox na Iglesya
Ang kahulugan ng Katoliko ay “pangkalahatan/unibersal.” Nagpapahiwatig ng awtoridad sa lahat ng totoong mga Kristiyano.
Ang kahulugan ng Orthodox ay “tamang paniniwala.” Nagpapahiwatig ng katapatan sa mga sinaunang katuruang Kristiyano.
Ang Obispo ng Roma (ang pope) ay kumakatawan sa awtoridad ni Kristo sa buong iglesya.
Nangangasiwa ang isang Patriyarka sa bawat sangay ng Orthodoxy. Ang Patriyarka ng Constantinople ay iginagalang sa lahat ng sangay ng Orthodoxy, nguni’t wala siyang awtoridad sa labas ng kanyang sariling nasasakupan.
Ang awtoridad ay nagmula sa Banal na Kasulatan, mga konseho ng simbahan, tradisyon, at mga obispo.
Ang awtoridad ay nagmula sa Banal na Kasulatan, pitong konseho ng buong iglesya, at sa mga sinaunang ama ng simbahan.
Hindi nag-aasawa ang pari.
Nag-aasawa ang pari.
Itinuturo ang purgatoryo at Immaculate Conception ni Maria.
Itinatanggi ang purgatoryo at ang Immaculate Concepcion ni Maria.
Itinuturo ang transubstantiation.
Itinuturo ang transubstantiation.
Binigyang diin ng mga iskolar ng simbahan ang doktrina at kaayusan ng simbahan.
Binigyang diin ng mga iskolar ng simbahan ang mga gawain sa pagsamba at debosyon sa monasteryo.
[1]Ang isang dokumento o liham mula sa pope ay tinatawag na Bull. Ito ay isang Bull of Excommunication.
[2]Upang pag-aralan ang mga pagkakaiba sa kasaysayan at teolohika sa pagitan ng Katolisismo at Orthodoxy, tingnan ang Kabanata 15 ni Bruce L. Shelley, Church History in Plain Language, 3rd ed. (USA: Thomas Nelson, 2008).
[3]Itinuturo ng mga teologong Silanganin ang Hebreo 12:1 para sa suporta.
[4]Simula noong ika-10 siglo, gumamit na ang mga pope ng bagong pangalan kapag sila’y nahalal bilang papa.
[5]Ang Simony ay ang pagbebenta ng mga tungkulin sa iglesya. Ito ay tinawag na “simony” dahil sa tangka ni Simon na Magician na bilhin ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu sa Mga Gawa 8:18-19.
[6]Ang dokumentong ito ay napatunayang isang panlilinlang gamit ang hindi tunay na dokumento.
Ang Pagdating ng Ebanghelyo sa Russia
Ang pinakadakilang pag-abot na pagmimisyon ng Orthodox Church ay sa Russia.[1] Ang Kristiyanismong Orthodox ay naging pambansang relihiyon ng Russia, kahit na winasak ng Soviet Communists ang 98% ng mga simbahang Orthodox pagkatapos ng 1917. Katulad sa mga kaso nina Constantine at Charlemagne, ang pagbabagong-loob ng Russia sa Kristiyanismo ay nangyari sa pamamagitan ng makapangyarihang pinuno sa pulitika.
Noong 980, minana ni Prince Vladimir ang korona ng Kievan Rus (kasalukuyang Ukraine). Noong una, sinundan niya ang kanyang ama sa paganong pagsamba. Gayunpaman, nagpadala siya ng mga emisaryo upang pag-aralan ang mga dakilang relihiyon - Islam, Judaismo, Romanong Katoliko, at Eastern Orthodoxy. Ang mga emisaryo ay labis na namangha sa kagandahan ng mga katedral sa Constantinople at ang detalyadong liturya sa Silangan. Matapos makita ang pagsamba sa Silanganing Orthodox, isinulat nila, “Hindi namin alam kung kami ay nasa Langit o nasa Lupa.… Ang alam lamang namin na ang Diyos ay naninirahan doon sa mga tao, at ang kanilang pagsamba ay mas mabuti kaysa sa mga seremonya ng ibang mga bansa.”
Noong 988, inialok ng emperador ng Byzantine kay Vladimir ang kanyang kapatid na babae upang mapapangasawa, sa kondisyon na ito ay mag-convert sa paniniwalang Eastern Orthodox. Naakit na malapit na sa liturhiyang Silanganin, nag-convert si Vladimir. Dinala niya ang mga misyonero mula sa Silangan sa kanyang bansa at isinulong ang Kristiyanismo bilang opisyal na relihiyon ng bansa. Tulad ng nakita natin sa pag-convert ni Clovis, ang pag-convert ng isang pinuno ay madaling sinundan ng maramihang pagbabautismo sa kanyang mga nasasakupan. Bagaman ang kanyang pagbabalik-loob ay isang pampulitikang pasya, si Vladimir mismo ay tila naging isang tunay na Kristiyano.
Sa loob ng maraming siglo, ang Russian Orthodox Chruch ang tanging simbahan na magagamit para sa mga Ruso. Maraming kasapi ng Orthodox Church ang kaunti lamang ang nalalaman sa mga aral at gawain nito; sila ay nagiging Orthodox kapag sila ay nabautismuhan bilang sanggol, o sila ay sumali dahil sa pampulitika o panlipunang pamimilit, nang walang anumang tunay na kaugnayan kay Kristo. Maraming sumusunod sa kaugaliang Orthodoxy nang hindi man lamang nagbabasa ng Banal na Kasulatan para sa kanilang sarili.
Hanggang noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, mayroon lamang napakakaunting presensya ng pag-eebanghelyo sa Russia. Ang lahat ng Kristiyano ay sumasamba sa simbahan ng Orthodox. Gayunpaman, kahit sa loob ng pormal at kadalasan ay walang laman na mga simbahan, ang Diyos ay may tao. Bagaman ang mga rituwal ng Orthodoxy ay hindi nagbibigay ng katiyakan sa pansariling kaligtasan, maraming taos-pusong mananampalataya sa loob ng Russian Orthodox Church. Sa panahon ng pag-uusig ni Josef Stalin sa iglesya, nanatiling tapat kay Kristo ang mga Kristiyano sa loob ng Iglesyang Orthodox.
[1]Karamihan sa mga nilalaman ng paglalarawang ito ay ipinagkaloob ni Rev. Richard Grout, isang beteranong misyonero sa Russia.
Konklusyon: Ang Kasaysayan ng Iglesya ay Nagsasalita Ngayon
Ang mga suliranin ng sinaunang Middle Ages ay nagpapakita ng ilang kagamitan ni Satanas sa kanyang pagsisikap na iligaw ang iglesya. Malaki ang nagawa ni Pope Gregory upang pagsilbihan ang mga tao sa panahon niya, ngunit nagturo siya ng mga maling katuruan katulad ng purgatoryo. Maraming monghe ang naniwala na ang matinding pag-aayuno at mahigpit na pagpipinitensya ay makakakuha ng merito sa Diyos. Sa pamamagitan ng mga maling doktrinang ito, inakay ni Satanas ang iglesya ng Middle Ages papalayo sa mensahe ng Bagong Tipan.
Sa ngayon, dapat tayong magbantay laban sa mga pag-atake ni Satanas. Ang mga Evangelical ay malamang na hindi babalik sa doktrina ng purgatoryo. Gayunpaman, maraming ebangheliko ang nahahalina sa maling katuruan patungkol sa espirituwal na kaloob, sa ebanghelyo ng kasaganahan, at sa mga kaisipan patungkol sa mga huling araw na hindi ayon sa Salita ng Diyos. Ang kasaysayan ng iglesya sa Middle Ages ay nagpapakita ng panganib ng maling doktrina.
Ang mga suliranin sa pagitan ng Kanluranin at Silanganing iglesya ay nagpapakita rin ng maaaring pagkakahati. Habang dapat tayong humiwalay sa mga nagtuturo ng maling doktrina, ang paghihiwalay sa pagitan ng Silanganin at Kanluraning iglesya ay kadalasang udyok, hindi ng katapatan sa katotohanan, kundi ng pansariling suliranin, mga layuning pampulitikal, at suliranin sa kapangyarihan. Hindi natin dapat hayaan ang personal na suliranin na maging sanhi ng pagkahati ng iglesya ni Kristo Hesus. Ang Kaharian ng Diyos ay mas malaki kaysa sa aking pansariling hangarin!
Leksiyon 6 Mga Pangunahing Pangyayari sa Kasaysayan ng Iglesiya
Petsa (A.D. )
Pangyayari
590
Si Gregory ay hinirang na obispo ng Roma.
Ika-7 Siglo
Pagkatatag ng Islam
787
Isinaad ng Ikalawang Konseho ng Nicaea na ang mga imahen ay maaaring “igalang,” ngunit hindi “sasambahin.”
800
Kinoronahan ng pope si Charlemagne bilang Emperador.
857
Si Photius, Obispo ng Constantinople, ay sumalungat sa Pope patungkol sa pagdaragdag ng mga salitang “at sa Anak” sa Credo ng Nicene.
962
Kinoronahan si Otto bilang Banal na Emperador ng Roma.
1054
Pagkakahati ng Silanganin at Kanluraning Iglesya.
Leksiyon 6 Mahahalagang Tao sa Kasaysayan ng Iglesya
Si Augustine ng Canterbury (namatay sa pagitan ng 604 at 609). Isang misyonero sa England na ipinadala ni Pope Gregory the Great; nag-convert kay Haring Ethelbert ng Kent at naging unang Arsobispo ng Canterbury.
Charlemagne (ca. 742-814). Unang “Banal na Emperador ng Roma.” Hinikayat niya ang edukasyon, mga pagbabago sa simbahan, at pagkakaisa sa Imperyo.
Gregory the Great (ca. 540-604). Nagpalawak ng kapangyarihan ng pope. Ipinadala niya ang unang grupo ng misyonero sa England sa pamumuno ni Augustine ng Canterbury.
Leo the Great (namatay noong 461): Obispo ng Roma mula 440 hanggang 461. Ang kaniyang Tome noong 449 ang nagtaas sa orthodox Christology at sinang-ayunan ng Konseho ng Chalcedon noong 451.
Leksiyon 6 – Mga Takdang-Aralin
(1) Kumuha ng pagsusulit sa leksiyong ito. Nakapaloob sa pagsusulit ang mga petsa mula sa “Pangunahing Pangyayari sa Kasaysayan ng Iglesya” timeline (590-1024).
(2) Maghanda ng biograpikal na paglalarawan ng isa sa mga sumusunod na pinuno: Charlemagne, John ng Damascus, o Bede. Dapat nakapaloob sa iyong paglalarawan ang tatlong bahagi:
Biograpiya: Kailan siya nabuhay? Saan siya nanirahan? Kailan at saan siya namatay?
Pangyayari: Ano ang pinakamahalagang mga pangyayari sa kaniyang buhay?
Impluwensya: Ano ang pangmatagalan niyang impluwensya sa simbahang Kristiyano?
Aplikasyon: Ano ang isang aral para sa iglesya sa ngayon mula sa pinunong ito?
May dalawa kang pagpipilian sa pagpapakita ng pagsasalarawan na ito:
Magpasa ng 2 pahinang isinulat sa papel sa pinuno ng klase.
Magbigay ng 3-5 minutong pagpapahayag sa klase.
Leksiyon 6 Pagsusulit
(1) Para sa kursong ito, ang salitang Middle Ages ay tumutukoy sa panahon mula AD _______ (ang pagsikat ni Gregory the Great) hanggang AD ___________ (ang petsa ng Ninety-Five Theses ni Luther).
(2) Ang unang Obispo ng Roma na umangkin sa awtoridad sa lahat ng kaKristiyanuhan ay si _____________.
(3) Nagpadala si Gregory the Great ng mga misyonero upang mag-ebanghelyo sa England. Si ________________ ay naging kauna-unahang obispo ng Canterbury.
(4) Ayon sa doktrina ng ____________________________, ang mga elemento ng Hapag ng Diyos ay nagiging aktwal na katawan at dugo ni Kristo.
(5) Ang Batas na gumabay sa paglawak ng monastisismo sa Middle Ages ay isinulat ni ________________.
(6) Si _____________ ay nakoronahang “Banal na Emperador ng Roma” sa Araw ng Pasko, taong 800. Pinag-isa nito ang Kanluraning Imperiyo ng Roma sa unang pagkakataon simula ng pagbagsak ng Roma.
(7) Itinanggi ng ________________________ (tagapag-wasak ng mga imahen) ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba.
(8) Noong ______________ (anong taon), ang Silanganin at Kanluraning iglesya ay tuluyan nang nagkahiwalay.
(9) Ang salitang Latin na ______________________ ay nangangahulugan ng “at ang Anak.” Ito ang pangunahing sanhi ng alitan sa pagitan ng Silanganin at Kanluraning iglesya.
(10) Isulat kung aling sangay ng iglesya (Roman o Orthodox) ay kaugnay ng bawat katangian:
Nagtuturo patungkol sa Purgatoryo: __________________
Pinahihintulutan ang pag-aasawa ng pari: __________________
Pinamumunuan ng Pope: __________________
Ginagabayan ng Patriyarka: __________________
(11) Matapos magbalik-loob si ____________________, naging opisyal na iglesya ng Russia ang Eastern Orthodox.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.