Ipinapakita ng Leksiyon 2 ang dalawang suliranin na kinaharap ng ikalawang henerasyon ng iglesya: ang pag-uusig at pag-eebanghelyo. Sa Leksiyon 3, pag-aaralan natin ang iba pang dagdag na suliranin.
Ang mga suliraning tinalakay sa leksiyong ito ay maaaring mas matindi pa sa pag-uusig. Ang pag-uusig ay nanggagaling sa labas. Ang suliranin sa leksiyong ito ay galing sa loob ng iglesya. Ang mga iglesya sa ikalawa at ikatlong siglo ay humarap sa mga maling pananampalataya, hindi pagkakasundo sa pagitan ng mga mananampalataya, at ang kapahamakan ng lubusang pagtalikod sa pananampalataya at pagbalik sa dating gawain. Ang mga suliraning ito ay nagbunga ng mga bagong tanong para sa iglesya:
Maling doktrina. Mananatili bang matapat ang iglesya sa “pananampalataya na minsang nakaukol sa mga pinabanal?”[1]
Hindi pagkakasundo sa pagitan ng mga mananampalataya. Habang lumalaganap ang ebanghelyo, mananatili bang nagkakaisa ang iglesya sa kabila ng pagkakaiba ng mga kultura?
Pagtalikod sa pananampalataya at pagbalik sa dating gawain. Kung ang isang Kristiyano ay nahulog sa takot na mausig o dahil sa kabiguang pangmoral, mapanunumbalik pa ba sila sa pakikipag-ugnayan sa iglesya?
Petsa ( A.D. )
Pangyayari
70
Pagkawasak ng Jerusalem
90-150
Paglaganap ng Gnosticism
190
Ang Muratorian Canon
313
Kautusan sa Milan
367
Pinatotohanan ng Liham ni Athanasius sa Araw ng Muling Pagkabuhay ang Canon ng Bagong Tipan
Pagpapakahulugan sa Pananampalataya: Maling pananampalataya at Orthodoxy
Isinulat ni Bruce Shelley, “Ginagamit ng teolohiya ang sarili nating pananalita at ating sariling paraan ng pag-iisip upang maipaliwanag ang katotohanan ng Diyos.”[1] Isa ito sa dahilan ng magkakaibang teolohikal na pahayag sa iglesya; ang bawat kultura ay naghanap ng ibang paraan upang maipahayag ang biblikal na katotohanan sa kanilang panahon.
Noong ikalawa at ikatlong siglo, nahirapan ang mga Kristiyano na ibahagi ang ebanghelyo sa nagbabagong mundo. Ang unang henerasyon ng Kristiyano ay mga Judio na nagbahagi ng pagkaunawa sa Diyos at sa Kanyang mundo ayon sa Lumang Tipan. Nagsimula sa ikalawang siglo, karamihan ng Kristiyano ay nagmula sa kultura ng paganong Hentil. Ang mga bagong mananampalatayang ito ay hindi nagtataglay ng teolohikong pundasyon ng mga Judiong nagbalik-loob na. Sa panahon ng mga siglong ito, nahirapan ang mga Kristiyanong teologo na maipaliwanag ang pangunahing paniniwalang Kristiyano sa paraang parehong tapat sa Banal na Kasulatan at mauunawaan sa kanilang panahon.
Ang salitang orthodoxy ay nangangahulugan ng tamang paniniwala, o tamang doktrina. Ang heresy ay maling doktrina, doktrina na sumasalungat sa pangunahing katuruan ng Biblia. Mahalagang malaman na hindi lahat ng hindi pagkakaintindihan sa katuruan ay kaugnay sa maling pananampalataya. Dapat lamang gamitin ang salitang ito sa mga turo na hindi sumasang-ayon sa tunay na ebanghelyo.
Alam ng mga sinaunang Kristiyano na ang panlabas na kaaway katulad ng Roma ay banta sa iglesya. Ngunit nalaman nila na may mas matinding panganib na nanggagaling sa loob, ang panganib ng maling katuruan. Karamihan sa ating mga theological na pagkaunawa sa ngayon ay nagmula sa tugon ng iglesya sa mga maling doktrina. Nang ang mga huwad na tagapangaral ay hindi sumang-ayon sa pinakamahalagang doktrina ng pananampalataya, kumilos ang mga Kristiyano upang maipaliwanag ang mga katuruan sa Biblia sa paraang mauunawaan ng lahat ng Kristiyano. Umasa ang iglesya sa tatlong pinagmulan ng awtoridad sa pagtugon sa mga maling doktrina: ang canon (ang pinagsama-samang kinasihan na banal na Kasulatan), tagapanguna ng iglesya (bilang kinatawan ng buong iglesya), at mga credo (mga buod ng pananampalataya ayon sa kaugaliang doktrina).
Ang mga sinaunang maling doktrina ay patungkol sa likas na katangian ni Kristo Hesus. Ang ebanghelyo ni Juan ay nagpapakita na si Hesus ay kapwa lubusang banal at lubusang tao. Gusto ni Juan na malaman ng nagbabasa na si Hesus ay tunay na Diyos; “ang mga ito ay nasulat upang kayo ay sumampalataya na si Hesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos….”[2] Gusto din niyang malaman ng kanyang mambabasa na si Hesus ay ganap na tao; tinukoy niya ang dugong dumaloy sa tagiliran ni Hesus sa krus, ang marka ng mga pako sa kamay ni Hesus, at ang pagkagutom ni Hesus.
Habang ang mga sinaunang maling doktrina ay pinabulaanan ang pagiging Diyos ni Hesus,[3] ang pinakakaraniwang maling doktrina ay pinabulaan ang kanyang pagiging tao. Ang mga ereheng ito ay itinanggi ang reyalidad ng pagkakatawang-tao; sinabi nila na si Hesus ay nagwangis lamang na tao.
Gnostisismo
Isa sa pinakamapanganib na maling doktrina sa sinaunang iglesiya ay ang gnostisismo. Ang gnostisismo ay base sa pilosopiya na nagtuturo na ang mundo ay nahahati sa dalawang pwersa, mabuti at masama.[4] Humiram mula sa mga sinaunang pilosopong Griyego katulad ni Plato, ang Gnostisismo ay nagturo na ang espirituwal na mundo lamang ang lubusang mabuti; lahat ng pisikal ay masama. Bagaman may ilang Gnostiko ang nagsasabing sila ay Kristiyano, ngunit sumasalungat ang kanilang katuruan sa mga pangunahing katotohanan ng pananampalatayang Kristiyano.
Una, inaangkin ng Gnostisismo na ang kaligtasan ay nagmumula sa lihim na kaalaman.[5] Itinuturo ng gnostisismo na ang espesyal na kaalaman na ito ang nagdadala sa kanilang mga tagasunod sa tunay na espirituwal na lugar na hindi na hinahadlangan ng materyal na mundo, at nagdudulot ng espesyal na kaugnayan sa isang Diyos na lubos na perpekto na dahilan upang hindi makilala sa pisikal na mundo. Sumasalungat ito sa katuruan ng biblia na ang kaligtasan ay para sa lahat – ayon sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Hesus.[6] Sa halip na sikretong karunungan, ang kinakailangang karunungan para sa kaligtasan ay matatagpuan sa Biblia.
Pangalawa, dahil naniniwala sila na ang pisikal na mundo ay masama, itinuturo ng Gnostisismo na ang Diyos ng Lumang Tipan ay isang masamang Diyos na lumikha sa materyal na mundo, samantalang ang Hesus ng Bagong Tipan ay espirituwal na nilalang. Batay sa katuruang ito, ang “hindi makikilalang Diyos” na walang kinalaman sa pisikal na sansinukob ay ang tunay na Diyos. Ang Diyos ng Lumang Tipan ay masamang Diyos na lumikha ng mundo at pinanatili ang pagkaalipin ng mga tao sa mga bagay. Ang Diyos na ito ay pumipigil sa sangkatauhan na makabalik sa espirituwal na mundo. Ang paglaya sa pisikal na mundo ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng sikretong kaalaman ng Gnostiko.
Sumasalungat ang katuruan nito sa Genesis 1 na ang mundo na nilikha ng Diyos ay “mabuti.” Sumasalungat ito sa biblikal na katuruan na ang Diyos ay banal. At sumasalungat ito sa katuruan sa Juan 1:1-3 na si Hesus ay Diyos at ang “lahat ay nilikha sa pamamagitan niya.”
Pangatlo, pinabulaanan ng Gnostisismo ang katotohanan sa Juan 1:14, “Ang Salita ay naging tao at nanahan kasama natin.” May dalawang anyo ng Gnostisismo – parehong sumalungat sa Juan 1.
Isang anyo ng Gnostisismo ang nagsabi na si Hesus ay banal at siya ay nag-anyong tao lamang. Ang anyo ng Gnostisismo na ito ay natuturo na si Hesus ay espiritu lamang. Pinabulaanan ng katuruang ito ang pagkakatawang-tao. Itinanggi nito ang lubos na pagiging tao ni Hesu-Kristo.
Ang ikalawang anyo ng Gnostisismo ay nagsasabi na si Hesus ay isang pangkaraniwang tao na napuspos ng banal na Espiritu nang siya’y bautismuhan. Ang banal na espiritu ay humiwalay bago ang pagkapako. Pinabulaanan ng katuruang ito ang kabuuang pagiging Diyos ni Hesu-Kristo.
Kahit aling anyo ng maling doktrina ng Gnostisismo ay itinatanggi ang biblikal na doktrina ng pagbabayad-sala. Sa pagbabayad-sala kinakailangan na si Hesus ay maging tunay na Diyos at tunay na tao. Bilang kabayaran sa ating mga kasalanan, dumanas si Hesus ng tunay na pisikal na kamatayan sa krus. Bilang kapalit ng tao, kinailangan na si Hesus ay maging tao.[7] Itinangi ng Gnostisismo ang katotohanan ng pagbabayad-sala.
Ang mga manunulat ng Bagong Tipan ay labis na sumalungat laban sa maling katuruan ng Gnostisismo. Sa Colosas, hinatulan ni Pablo ang mga gumagawa ng asceticism, umaangkin ng pinakamataas na kaalaman, at itinatanggi ang muling pagkabuhay. Mariin niyang binalaan si Timoteo, “Iwasan ang walang kabuluhang usapan at pagtatalo tungkol sa hindi totoong ‘karunungan’.”[8]
Tumugon si Juan sa mga nagtatanggi sa pagiging tao ni Hesus, “Iyon na aming narinig, na nakita ng aming mga mata, na aming tiningnan at nahawakan ng sarili naming kamay….”[9] Tiniyak niya sa kanyang mambabasa na si Hesus ay tunay na tao. Sa huli, nagbabala siya na alin mang espiritu na hindi magpahayag tungkol kay Hesus “ay hindi galing sa Diyos. Ito ay ang espiritu nang kumakalaban kay Kristo.”[10]
May ilang “Ebanghelyong Gnostisismo” ang nasulat sa ikalawang siglo. Ang mga sulat na ito, katulad ng “Ang Ebanghelo ni Tomas,” “Ang Ebanghelyo ni Maria,” “Mga Gawa ni Pedro,” at “Mga Gawa ni Tomas” ay kilala at tinanggihan ng mga naunang ama ng iglesya. Kailanman ay hindi ito tinanggap na bahagi ng Bagong Tipan canon.
►Ang ideya ng Gnostisismo ay naging kilala sa unang bahagi ng ika-dalawampu’t-isang siglo. Bumalik ang mga manunulat sa ideya na may sikretong kaalaman na itinago ng sinaunang iglesiya. Ilang Ebanghelyong Gnostisismo ang itinuturo sa mga unibersidad. Naaapektuhan ba ng ideyang Gnostisismo ang komunidad kung saan kayo nagministeryo? Kung oo, alin ang mga ito?
Docetism
Isa sa pinaka maimpluwensyang grupong Gnostisismo ay pinamumunuan ni Marcion, anak ng isang mayamang pinuno ng iglesya. Noong ika 140 A.D, si Marcion ay pinatalsik sa iglesya ng kanyang ama dahil sa maling doktrina at imoral na gawain. Pumunta si Marcion sa Roma kung saan walang nakakaalam ng kanyang nakaraan. Nagbigay siya ng malaking donasyon sa simbahan sa Roma, sumapi sa simbahan, hanggang sa makapagturo ng ereheng doktrina na pinagsamang Gnostisismo at Kristiyanismo.
Ang mga turo ni Marcion ay nagsasabi na ang Diyos ng Lumang Tipan ay isang galit na Diyos, at hindi ang ama ni Hesus. Sinabi ni Marcion na ang ama ni Hesus ay mas mataas na Diyos ng biyaya at pagmamahal. Itinuro niya na ang Lumang Tipan ay hindi banal na aklat. Isang bahagi ng maling doktrina ni Marcion ay tinatawag na Docetism, na nangangahulugan na si Hesus ay pawang tao lamang. Itinatanggi ng katuruang ito ang katotohanan ng pagkakatawang tao. Katulad ng iba pang naniniwala sa Gnostisismo, naniniwala si Marcion na ang pisikal na bagay ay masama. Dahil dito, hidi niya matanggap na ang banal na Diyos ay nagkatawang tao.
Nang malaman ng simbahan sa Roma ang maling katuruan ni Marcion, siya ay inalis sa samahan ng iglesiya. Nagtayo siya ng ereheng iglesiya sa Italya at Asya Minor.
Modalism
Itinanggi ng Modalismo ang biblikal na doktrina ng Trinidad. Itinatanggi nito na ang tatlong pagkatao sa Trinidad ay magkakasamang buhay magpakailanman. Sa halip, itinuturo ng modalismo na ang Diyos ay iisang tao na nagpakita sa tatlong anyo.
Ayon sa modalismo, ipinakilala ng Diyos ang kanyang sarili bilang isang Ama sa Lumang Tipan. Sa incarnation, ipinakilala niya ang kanyang sarili bilang isang Anak. Matapos ang pagakyat sa langit, Siya ay nagpakilala sa iglesiya bilang Banal na Espiritu. Itinuturo ng Modalism na ang Ama, Anak, at ang Banal na Espiritu ay hindi magkakasama sa iisang panahon. Pinabubulaanan nito ang Trinidad na itinuturo sa Bagong Tipan.[11]
Sa ikatlong siglo, ipinagtanggol ni Tertullian, na mula sa North Africa, ang orthodoxy laban sa modalism. Dahil sa kanyang malinaw na paliwanag, tinawag si Tertullian na “Ama ng Teolohiyang Latin.” Upang maipaliwanag ang pinagmulan ng Trinidad, ginamit ni Tertullian ang pahayag na “isang substance, tatlong tao.” Ipinapakita nito na ang Diyos ay tunay na tatlong tao, hindi lamang tatlong anyo ng iisang tao.
Tumulong din si Tertullian sa mga Kristiyano upang maunawaan ang misteryo ng pagkakatawang-tao sa pamamagitan ng paglalarawan kay Hesus bilang “isang tao at dalawang substance.” Sa isang persona, si Hesus ay kapwa lubos na banal at lubos na tao.
Sinaunang Maling Katuruan
Gnosticism
Ang Kaligtasan ay base sa sikretong kaalaman.
Lahat ng materyal na bagay ay masama.
Itinatanggi ang katotohanan ng pagkakatawang-tao.
Docetism
Si Hesus ay nagmukhang tao lamang.
Modalism
Itinanggi ang doktrina ng Trinidad.
…Mula Noong Hanggang Ngayon…
Paminsan-minsan, may nagsasabing nakatuklas sila ng lumang teksto na sumasalungat sa Biblia. Kasama ang Gnostisismong katuruang “Ebanghelyo ni Tomas” at ang “Ebanghelyo ni Hudas.” Sa bawat pagkakataon, ipinapahayag ng mga nagdududa na, “Ang natuklasang ito ay nagpapatunay na ang kwento patungkol kay Hesus sa Bagong Tipan ay walang katotohanan.” Subalit, ang mga natuklasang ito ay hindi na bago.
Sa panahon ng unang siglo, isinulat ni Pablo na “nawasak” na nina Hymenaeus at Alexander ang kanilang pananampalataya. Ang mga lalaking ito ay nagtuturo ng maling doktrina patungkol sa mga “alamat” at “haka-haka” sa halip na ituro ang ebanghelyo ng pananampalataya.[12] Sa bandang huli ng unang siglo, isinulat ni Ignatius ng Antioch ang pitong liham kung saan isinalaysay niya ang pagsalungat sa mga maling katuruan na makikila bilang Gnostisismo.
Ang mga huwad na aklat katulad ng Ebanghelyo ni Tomas ay nakilala at hindi tinanggap sa ikalawang siglo. Alam ng mga Kristiyanong namuhay matapos ang pangyayaring iyon sa Ebanghelyo ang mga maling kwento; ngunit mas mahalaga, alam nila ang tunay na ebanghelyo. Sa ikalawang siglo, tinukoy ito nila Justin Martyr, Irenaeus, and Tertullian ang gnostisismong katuruan. Alam nila na mali ang mga katuruang ito.
Huwag mong hayaang mayanig ng maling ebanghelyo ang iyong pagtitiwala. Nagbabala si Judas, “Sa katapusan ng panahon, may mga manlilibak, na sumusunod sa kanilang hindi maka-diyos na gawain. Sila ang nagiging dahilan ng paghahati-hati, makamundong tao, hindi kumikilala sa Espiritu.” Simple lang ang tugon ng Kristiyano: “Patatagin mo ang sarili mo sa pananampalataya, manalangin sa Banal na Espiritu, panatilihin mo ang iyong sarili sa pagmamahal ng Diyos, at iligtas ang mga nag-aalinlangan.”[13] Ang “ebanghelyong Gnostisismo” ay hindi na bago. Ito ay mga lumang maling katuruan sa bagong pambalot. Ang ebanghelyo ay nananatiling ang magandang balita![14]
Tugon sa Maling Katuruan: The Canon
Nang itanggi ni Marcion ang pagkabuhay na muli at ang awtoridad ng Lumang Tipan, naharap siya sa isang suliranin: ang apat na Ebanghelyo ay malinaw na nagtuturo ng katauhan ni Hesus at ang iba pang aklat sa Bagong Tipan ay tumutukoy sa mga aklat sa Lumang Tipan na itinanggi ni Marcion. Simple ang kanyang solusyon: tanggapin lamang ang mga aklat na sumasang-ayon sa kanya! Maikli lamang ang listahan: bahagi ng Lucas (inalis ang kwento ng kapanganakan ni Hesus) at sampu sa mga sulat ni Pablo.
Upang maipakita na ang mensahe ni Marcion ay hindi ayon sa Biblia, kinailangang sumang-ayon sa tanong na, “Aling banal na aklat ang tunay na Salita ng Diyos?” Ang maling katuruan ni Marcion ang humikayat sa iglesiya na magtatag ng canon ng Bagong Tipan.
Ang salitang “canon” ay nangangahulugan ng panukat o batayan ng sukatan. Ang biblikal na “canon” ay tumutukoy sa mga aklat na kinasihan ng Diyos. Ang iglesiya ay may tatlong katanungan:
Ito ba ay apostoliko? May kaugnayan ba ang aklat na ito sa apostol?[15]
Ito ba ay pandaigdigan? Tinanggap ba ng iglesya sa lahat ng dako ng mundo ang aklat na ito?
Ito ba ay hindi nagbabago? Sumasang-ayon ba ang aklat na ito sa alam natin patungkol sa Diyos mula sa Lumang Tipan? Hindi kokontrahin ng Salita ng Diyos ang kanyang sarili.
Hindi ang mga unang ama ng iglesya ang lumikha sa Biblia; kinilala lamang ng mga ama ng iglesya ang mga biblikal na aklat na kinasihan ng Banal na Espiritu. Kung paanong kinasihan ng Banal na Espiritu ang pagsulat ng Kasulatan, ang Espiritu ang gumabay sa pagpili ng canon.
Sa panahong A.D. 190, kasama sa Muratorian Canon ang karamihan sa Bagong Tipan sa ngayon. Hindi kumpleto ang talaang ito, kasama rito ang dalawang aklat na sa huli ay hindi kinilala. Ngunit, ipinapakita ng Muratorian Canon na karamihan sa canon ay tinanggap sa ikalawang siglo. Ang canon ay natapos sa ika-apat na siglo. Sa panahong A.D. 367, isinulat ni Obispo Athanasius mula sa Alexandria ang Easter letter na naglalaman ng kumpletong talaan ng mga aklat ng Bagong Tipan. Noong A.D. 393 at 397, kinumpirma ng pamunuan ng iglesya sa Hippo and Carthage ang parehong canon.
Ang maling katuruan ni Marcion ay nagpapakita ng pangangailangan sa pagtukoy sa canon. Ang kilusan ng Mga Bagong Propeta na pinamumunuan ni Montanus ay nagpapakita ng pangangailangang maisara ang canon. Sa kalagitnaan ng ikalawang siglo, nangangailangan mabuhay muli ang iglesya. Ang sigla ng naunang iglesya ay nawawala; ilang Kristiyano ang namumuhay ng halos kaunti na ang ipinagkaiba sa mundo. Sa pagsubok ng iglesya na mabahaginan ang kulturang pagano, ilang Kristiyano ang nagsimulang mag-isip at kumilos katulad ng mga pagano.
Noong A.D. 160, si Montanus, isang Kristiyano mula sa Asya Minor (Turkey sa kasalukuyan) ay nagsimulang tawagin ang iglesya na bumalik sa disiplina at sa pagbabagong nakatuon sa Banal na Espiritu. Kung ang mensahe ni Montanus ay para lamang sa pagtawag sa paglayo sa mundo, pansariling disiplina, at pagiging bukas sa pamumuno ng Banal na Espiritu, maaari siyang makahikayat ng tunay na pagbabago. Ngunit, siya kasama ng dalawang babaeng propeta (sina Prisca at Maximilla) ay nagsimulang gumawa ng mga propesiya at mahulog sa estado ng labis na kasiyahan kung saan inangkin nila na nagsasalita ang Banal na Espiritu sa pamamagitan nila. Nakilala si Montanus at ang kanyang mga taga sunod na mga “Bagong Propeta.”
Dalawang suliranin na mayroon sa Montanists:
Gumawa ng maling hula ang mga Bagong Propeta. Ayon sa Deuteronomy 18:20-22, naging malinaw na hindi galing sa Banal na Espiritu ang kanilang mga hula.
Ang mga hinihingi ng mga Bagong Propeta ay humigit pa sa pamantayan sa moralidad ng Biblia. Katulad ng Gnostisismo, ipinagbawal ng mga Montanista ang pagpapakasal. Kailangan nila ng labis na pag-aayuno at ascetic na pagsasanay bilang paghahanda sa pagbalik ni Hesus.
May ilang iglesya na itinuturing ang Montanus na heretiko katulad ni Marcion; ang iba ay tumangging tawagin siyang heretiko.[16] Ngunit, itinanggi ng kabuuan ng iglesya ang katuruan ni Montanus at ng kanyang mga tagasunod. Ang inangkin ng mga Bagong Propeta na bagong pahayag ay nagbigay ng bagong motibasyon para sa paglikha ng canon ng Bagong Tipan. Sa “pagsasara ng canon” (sa basehan na wala nang anumang apostolikong aklat ang maisusulat), nahadlangan ng iglesya ang mga taong katulad ni Montanus na mailagay ang sariling propesiya nang mas mataas sa Kasulatan.
Itinanggi ng iglesya ang maling pag-angkin ni Montanus at ng kanyang mga tagasunod. Hndi nito itinanggi ang gawa ng Banal na Espiritu. Sa halip, kinilala ng iglesya ang pagkakaiba ng gawa ng Espiritu sa unang siglo at ng mga sumunod na siglo. Sa panahon ng mga Apostol, hango sa Banal na Espiritu ang pagkasulat ng Kasulatan; “nagsasalita ang mga lalaki mula sa Diyos na para bang dala sila ng Banal na Espiritu.”[17] Sa mga sumunod na panahon, pinagliwanag ng Banal na Espiritu ang Kasulatan sa isipan ng mga mambabasa; “Sa pagdating ng Espiritu ng katotohanan, gagabayan niya kayo sa lahat ng katotohanan.”[18]
Ang Canon ng Bagong Tipan ay…
Apostolic: Bawat aklat ay isinulat ng isang apostol o kasama ng apostol.
Pandaigdigan: Bawat aklat ay tinanggap sa kabuuan ng iglesiyang Kristiyano.
Hindi nagbabago: Walang aklat ang sumalungat sa naunang pagpapahayag ng Biblia.
Sarado: Walang bagong aklat ang idadagdag sa canon.
Tugon sa Maling Katuruan: Kaayusan ng Simbahan
Sa kanyang mga liham, isinulat ni Pablo ang tungkol sa mga tungkulin ng diyakono, tagapangasiwa, at matatanda ng iglesya.[19] Nagbibigay ang mga tungkuling ito ng pamumuno sa lokal na iglesya. Karaniwang nagtitipon ang iglesya sa mga pribadong tahanan, at mayroon lamang maliit na istraktura ng organisasyon sa labas ng lokal na iglesya.
Sa ikalawa at ikatlong siglo, naging mas maayos ang mga iglesya. Sa halip na magtipon sa mga pribadong tahanan, ang kongregasyon ay nagsimulang magtayo ng simbahan. Ang obispo (minsan tinatawag na tagapangasiwa) ang gumagabay sa mga simbahan sa lungsod, at nagtatalaga ng mga matatanda ng iglesya sa bawat lokal na iglesya. Ang mga obispo ay nakilala bilang “mga papa” (salitang Latin ng “mga ama”).[20] Sila ay naatasang gabayan ang iglesya sa matuwid na pagsunod sa Banal na Kasulatan. Ang mga pagtatalo katulad ng awayan sa Gnostisismo ay nagbigay ng higit na kontrol sa mga obispo, sapagkat sila ang itinuturing na huling awtoridad sa usapin ng doktrina.
Mula sa pananaw ng sumunod na kasaysayan, makikita natin ang parehong pakinabang at ang panganib ng dagdag na awtoridad. Ang pakinabang ay ang pagpapanatili ng orthodoxy laban sa mga atake ng heretiko. Isinulat ni Irenaeus, “Ang tradisyon ng mga apostol ay protektado ng pagpapalit ng matatanda sa iglesya.”[21] Naniwala siya na ang katotohanan ng ebanghelyo ay kayang protektahan ng mga obispo at mga namumuno sa iglesya. Nang maging kilala ang mga guro na nagtuturo ng maling katuruan katulad ni Arius sa ika-apat na siglo, natalo ng mga obispong orthodox katulad ni Athanasius ang kaniyang maling katuruan.
Ngunit, may panganib kung ang sino mang tao ay magtaglay ng walang hanggang kapangyarihan. Ang mga obispo ay binigyan ng kapangyarihang magdesisyon ukol sa hindi pagkakaunawaan sa doktrina; nabigyan sila ng kapangyarihang magpatawad ng kasalanan; itinuring silang tagapamagitan sa tao at ng Diyos. Lumabis ito sa gampanin ng mga obispo at mga matatanda sa iglesya sa iglesya ng Bagong Tipan.
Matapos ang Repormasyon, may tatlong pananaw patungkol sa pamumuno ng mga obispo.
Ilang gawaing “pagbalik sa Biblia” ay ipinilit na ang iglesya ngayon ay dapat bumalik sa modelo ng apostolikong iglesya. Nagbibigay ito ng kaayusan ng matatanda sa iglesya para sa bawat isang lokal na iglesya, ngunit walang istraktura ng denominasyon sa labas ng lokal na iglesya.
Ilang Kristiyano ang nagsasabi na ang balangkas ng iglesya ay dapat mabago upang matugunan ang mga pangangailangan ng bawat bagong henerasyon. Sinabi nila na ang modelo ng Mga Gawa ay tama para sa iglesya ng unang siglo ngunit hindi modelo para sa kasalukuyan.
Itinuturo ng tagapanguna ng Romano Katoliko at Silangang Orthodox na ang otoridad ng obispo ay ginagabayan ng Banal na Espiritu at ito ay permanenteng magbubuklod sa iglesya.
Tugon sa Maling Katuruan: Ang mga Kredo
[22]Ang ikatlong tugon sa maling katuruan katulad ng gnostisismo at Docetism ay ang maingat na pagpapaliwanag ng doktrina sa mga bagong mananampalataya. Ang mga pahayag sa Bagong Tipan katulad ng “Si Hesus ang Panginoon” at “Ang Diyos ay nahayag sa laman, nabigyang katwiran sa Espiritu, nakita ng mga anghel, nangaral sa mga Hentil, pinaniwalaan sa mundo, tinanggap hanggang sa kaluwalhatian” ay mga apostolikong pagbubuod ng paniniwalang Kristiyano[23] Ang mga pahayag na ito ay maaaring bahagi ng liturhiya sa binyag sa unang siglo.
Matapos ang hindi pagkakaunawaan kay Marcion, nagsimulang magtanong ang mga namumunong Kristiyano ng mas detalyadong tanong sa mga magpapabautismo upang makasigurado na naunawaan nila ang mga pangunahing doktrina ng pananampalatayang Kristiyano. Ang mga pahayag na ito ay nakilala bilang “Panuntunan ng Pananampalataya” o “Kredo.” Ang pinakakaraniwang kredo sa ngayon ay ang Kredo ng mga Apostol, na unang lumabas bilang pagtatapat sa bautismo sa ikalawang siglo sa Roma.
Isa pang pagbubuod ng sinaunang paniniwalang Kristiyano ay ang simbolo ng isda. Sa Griyego ang salitang isda ay ἰχθύς (ichthus). Ang bawat letra nito ay nagpapaalala sa mga sinaunang Kristiyano sa ilang aspeto ng paniniwala tungkol kay Hesus ng Nazareth. Ang simbolo ng isda ay naging isang simpleng “kredo” para sa sinaunang Kristiyano: Hesu Kristo, Anak ng Diyos, at ating Tagapagligtas.[24]
ἰ = Iesous (Hesus)
χ = Christos (Kristo)
θ = Theou (Diyos)
ύ = Uios (Anak)
ς = Soter (Tagapagligtas)
[1]Bruce L. Shelley, Church History in Plain Language, 3rd ed. (USA: Thomas Nelson, 2008), 48
[3]Ang pinakakilala sa mga grupong ito ay kilala sa tawag na Ebionites. Itinuturo nila na si Hesus ay isa lamang tao na naging ang Mesiyas sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa Kautusan.
[11]Ang katotohanan ng Trinidad (tatlong persona na sabay-sabay na kumikilos) ay nakikita sa mga Kasulatan tulad ng Mateo 3:16-17. Sa araw ng pagbabautismo kay Hesus, naroon ang tatlong persona ng Trinidad. Ang Anak ay binautismuhan ni Juan, ang Espiritu ay bumaba sa anyo ng isang kalapati, at ang Ama ay nagsalita mula sa langit na nagsasabi, “Ito ang aking minamahal na Anak, na lubusang kong kinalulugdan.”
[14]Kung nais mong higit pang pag-aralan ang sagot ng Biblia sa mga huwad na ebanghelyong ito, maaari mong basahin ang ang aklat ni Darrell L. Bock, The Missing Gospels (Nashville: Thomas Nelson Books, 2006).
[15]Karamihan sa mga aklat ng Bagong Tipan ay isinulat ng mga apostol. Ang nakabukod ay ang mga aklat na makaugnay sa mga apostol: si Marcos ay naglakbay kasama ni Pedro at itinala ang kanyang mga alaala; si Lucas ay naglakbay kasama ni Pablo; si Timoteo ay disipulo ni Pablo; sina Santiago at Judas ay kapatid-sa-ina ni Hesus at tinanggap kasama ng mga apostol.
[16]Maging si Tertullian, isang tagapagtanggol ng orthodox theology, ay naging tagasunod ni Montanus. Naakit siya sa pagbibigay-diin ni Montanus sa pagpapanibagong-lakas at disiplina sa sarili.
[20]Sa paglipas ng panahon, ang papa sa iglesya sa Roma ay itinuring na pinakamataas na awtoridad sa Simbahang Romano Katoliko. Inangkin ng papa ang awtoridad sa mga obispo ng mga lokal na iglesya.
[21]Binanggit sa sinulat ni Timothy Paul Jones, Christian History Made Easy (CA: Rose Publishing, 2009), 28.
[22]Naniniwala ka ba sa Diyos Ama, Pinuno ng lahat?
"Naniniwala ka ba kay Hesu Kristo, Anak ng Diyos, ipinanganak ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng birheng Maria, ipinako sa krus sa ilalim ng pamumuno ni Pontio Pilato, namatay at inilibing, nabuhay na muli sa ikatlong araw, nabuhay mula sa patay, at umakyat sa langit, umupo sa kanang kamay ng Ama, at babalik upang hatulan ang mga buhay at mga patay? Naniniwala ka ba sa Banal na Espiritu, sa banal na iglesya, at ang muling pagkabuhay ng laman?
- Sinaunang anyo ng Kredo ng mga Apostol
[24]Image: "ICTHUS", retrieved from https://commons.wikimedia.org/wiki/File:ICTHUS.gif, public domain.
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Nating Makilala: si Irenaeus, Obispo ng Lyons (ca. 130-202)
Si Irenaeus[1] ay isang pastor sa ngayong Lyons, France. Bilang isang kabataan, nag-aral siya kay Polycarp at sa huli ay kay Justin Martyr.
Noong A.D. 177, si Irenaeus ay naninirahan sa Lyons nang ipag-utos ni Marcus Aurelius ang pagpatay sa mga Kristiyano sa rehiyong iyon. Sa panahong iyon, malayo siya sa kanilang tahanan, dala ang isang liham sa Roma patungkol sa maling katuruan ni Montanus. Dahil dito, natakasan niya ang pagiging martir. Apatnapu’t walong Kristiyano mula sa Lyons ang pinahirapan at pinatay sa pag-uusig na ito. Nang siya ay bumalik, itinalaga si Irenaeus bilang obispo ng Lyons at nagsimulang itatag muli ang iglesya.
Naniniwala si Irenaeus na mayroon siyang dalawang mahalagang tungkulin bilang pastor: upang mangaral sa kanyang mga nasasakupan at palakasin sila laban sa mga maling katuruan. Hindi siya nagtangkang gumawa ng bagong doktrina; sa halip ay ninais niyang maging matapat sa ebanghelyo na kanyang natanggap mula kay Juan sa pamamagitan ni Polycarp.
Bakit mahalaga si Irenaeus sa kasaysayan ng iglesya?
(1) Pinagtibay ni Irenaeus ang kahalagahan ng canon nang Bagong Tipan.
Isa si Irenaeus sa mga unang manunulat na nagsabi na ang apat na Ebanghelyo ay mga teksto sa Biblia. Ginawa niya ito bilang tugon sa pagtanggi ni Marcion sa Mateo, Marcos at Juan. Ang mga isinulat ni Irenaeus ay mga sipi mula sa dalawampu’t-isa sa dalawampu’t-pitong aklat ng Bagong Tipan. Salungat sa makabagong kritiko na nagsasabing ang canon ng Bagong Tipan ay “nagawa” makalipas ang marami pang panahon, ipinakita ni Irenaeus na ang canon ay nakilala na maging sa simula pa man ng kasaysayan ng iglesya.
(2) Pinahalagahan ni Irenaeus ang pagkakabuklod ng iglesya.
Binigyang diin ni Irenaeus ang dalawang panlaban sa maling katuruan: ang canon ng Bagong Tipan at ang awtoridad ng mga namumuno sa iglesya. Sinabi niya na ang pagkakaisa ng mga obispo ay nagsisilbing panlaban sa maling katuruan.
Pinahalagahan ni Irenaeus ang pagkakabuklod ng iglesya. Sa hindi pagkakaunawaan sa araw ng Pasko ng Pagkabuhay, hiniling ni Irenaeus sa obispo ng Roma na tanggapin ang mga Kristiyano sa silangan na nagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay sa hindi katulad na araw ng iglesya sa kanluran.
Ang pinakasikat na aklat ni Irenaeus ay ang Against Heresies, isang tugon sa maling katuruan ng Gnostisismo. Sinabi ng mga Gnostics na mayroon silang sikretong tradisyon mula kay Hesus; sumagot si Irenaeus na ang tunay na tradisyong Kristiyano ay ang ebanghelyo na naipasa mula sa mga Apostol tungo sa mga obispo.
Sa kasamaang palad, ang mga sulat ni Irenaeus patungkol sa awtoridad ng iglesya ay nagamit bilang katuwiran na ang Iglesya ng Romano Katoliko ay ang panghuling awtoridad para sa lahat ng Kristiyano. Ginamit ng mga manunulat na Romano Katoliko ang mga ideya ni Irenaeus nang higit pa sa mismong itinuro ni Irenaeus. Para kay Irenaeus, ang kapangyarihan ng iglesya ay batay sa katapatan nito sa doktrinang itinuro sa Bagong Tipan. Sa bandang huli binaligtad ito ng mga papang Romano Katoliko at inangkin ang kapangyarihan kahit na iniwan nila ang doktrina ng Bagong Tipan. Ito ay napakasamang maling paggamit ng katuruan ni Irenaeus.
(3) Itinuro ni Irenaeus ang kahalagahan ng doktrina ng Pagkakatawang-tao.
Itinuro ng Gnostics na ang Diyos ay hindi dumating na anyong tao. Sumagot si Irenaeus na ang pagkakatawang-tao ay ang sentro ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ng pagiging isa sa atin, ginawang posible ng Diyos na tayo’y maging katulad Niya. Higit pa sa “maituring na matuwid” sa harapan ng Diyos, itiruro ni Irenaeus na ang mga anak ng Diyos ay maaaring “gawing” matuwid. Ang pangako ng Diyos na tayo ay lilikhain sa kanyang wangis ay maaaring maging tunay dahil sa pagkakawang-tao. Sa panahon na ang mga liberal na teologo ay nagsasabi na maaari nating sundin ang etikal na aral ni Hesus nang hindi naniniwala na Siya ay Anak ng Diyos, pinaalalahanan tayo ni Irenaeus na ang buhay at mga katuruan ni Hesus ay hindi maaaring paghiwalayin.
Ang buhay at ministeryo ni Irenaeus ay nagpapakita kung paano tumugon ang mga namumuno sa ikalawang siglo sa mga maling katuruan. Tumugon sila sa pamamagitan ng pagtuturo sa katotohanan ng Bagong Tipan at pagpapatunay sa kapangyarihan ng iglesyang Kristiyano. Sa sumunod na siglo, ang mga turong ito ay makukumpirma sa pormal na mga kredo ng iglesya. Kapag pinagsama-sama, ang tatlong awtoridad na ito (canon, kaayusan ng iglesya, at mga kredo) ay naging panlaban ng iglesya laban sa maling katuruan.
►Alin sa tatlong tugon sa maling katuruan (ang canon, awtoridad ng iglesya, o ang mga kredo) ang may pinakamalaking epekto sa inyong iglesya sa ngayon?
[1]Image: "Bildnis des S. Irenaevs, Episcopvs Lvgdunensis", retrieved from the Leipzig University Library https://www.flickr.com/photos/ubleipzig/16848157170/, public domain.
Pagtugon sa Pagkakaiba
Habang lumalaki ang iglesya, nagkakaroon ng mga hindi pagkakaunawaan dahil sa pagkakaiba ng kulturang kinagisnan sa mga unang araw ng iglesya. Ang mga Hudyo na nagsasalita ng Griyego ay nagreklamo na ang kanilang mga balo ay hindi nakatatanggap ng pag-aaruga katulad ng mga Hudyong nagsasalita ng Hebreo.[1] Sa paglaganap ng iglesya sa mundo ng mga Hentil, mas lalong lumaki ang hindi pagkakaunawaan. Noong A.D 49 nagtipon ang isang konseho ng iglesya upang pag-usapan ang mga bagay patungkol sa pagbabalik-loob ng mga Hentil.[2]
Sa ikatlong siglo, dumami pa ang bilang ng mga pagkakaiba sa iglesya. Ilan dito ay ang mga:
Bautismo
Sa ilang iglesya, ang mga bagong mananampalataya ay agad na nabautismuhan matapos ang pagbabalik-loob.
Sa maraming iglesya, nakakatanggap ang mga bagong mananampalataya ng isang taon ng pagtuturo bago ang bautismo.
Sa ilang iglesya, ang mga bata ay binabautismuhan.
Paggunita sa Pasko ng Pagkabuhay
Sa ikalawang siglo, nagkaroon ng pagtatalo ang mga Kristiyano patungkol sa tamang araw ng paggunita sa Pasko ng Pagkabuhay. Ang mga Kristiyano sa bahagi ng silangang Imperyo ng Roma ay nagdiriwang ng Muling Pagkabuhay sa panahon ng Paskuwa ng mga Judio. Ang mga Kristiyano sa kanlurang bahagi ng Imperyo ay nagdiriwang ng Muling Pagkabuhay tuwing unang Linggo matapos ang Paskuwa.
Ang dalawang obispo, si Polycarp (mula sa silangan) at Anicetus (mula sa Roma), ay nagkita upang pag-usapan ang usapin. Hindi sila nagkaroon ng kasunduan patungkol sa petsa, ngunit nagkasundo sila na ang pagkakaiba nila ay hindi magiging dahilan ng pagkakahati ng kanilang mga iglesya. Nakakalungkot na, ang mga sumunod na obispo ay hindi nakatuon sa pagkakaisa; may panahon na ang silanganin at kanluraning iglesya ay hindi tinanggap ang isa’t isa dahil sa petsa ng Pasko ng Pagkabuhay. Ang iglesya na natatag sa pananampalataya sa Muling Pagkabuhay ay nahati dahil sa araw ng pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay!
Kinilala ng iglesya ang iba’t ibang antas ng hindi pagkakaunawaan. Ilang usapin (katulad ng Gnostisismo at Docetismo) ay kaugnay sa pagtanggi sa katotohonang biblikal. Hindi kinunsinti ng iglesya ang mga maling katuruang ito. Ilang usapin (mga gawain sa bautismo at ang paggunita sa Pasko ng Pagkabuhay) ay dahil sa pagkakaiba sa pagpapakahulugan sa Biblia. Sa ganitong mga usapin, karaniwang pinahihintulutan ng mga Kristiyano ang ibang mga pananaw. Maaari silang sumamba ng hiwalay upang makisalamuha sa ibang mananampalataya na may kaparehong pananalig, ngunit hindi nila itinatanggi ang pananampalataya ng kanilang kaaway.
►Dahil nahaharap sa hindi pagkakaunawaan patungkol sa doktrina o nakasanayan, kailangang magdesisyon ang mga Kristiyano sa unang siglo, “Ito ba ay maling katuruan o ito ay pagkakaiba lamang ng opinyon na maaari namang tanggapin?” Anong pagkakaiba sa mga pagpapakahulugan ang naghahati sa iglesya sa ngayon? Paano ka mananatiling tapat sa iyong paniniwala sa Banal na Kasulatan, habang pinapananatili ang pagkakaisa sa katawan ni Kristo?
Isa pang Usapin: Pagtalikod sa Pananampalataya at Pagbalik sa Dating Gawain
Pagtalikod sa Pananampalataya sa Harap ng Pag-uusig
Sa taong 247, ang lungsod ng Roma ay isang libong taon na. Ang tatlong araw na pagdiriwang ay may kasamang mga paghahandog para sa mga diyos ng mga pagano. Syempre, hindi nakilahok ang mga Kristiyano sa sakripisyong ito. Sa huling bahagi ng taon, dumating ang isang salot na kumalat sa buong Roma. Ang mga Kristiyano ang sinisi ng mga Romano sa pagdating ng salot. Naniniwala sila na nagalit ang mga diyos dahil tumanggi ang mga Kristiyano na maghandog sa mga diyos ng mga pagano.
Bilang tugon, sinimulang usigin ni Emperador Decius ang mga Kristiyano na tumangging maghandog para sa mga diyos. Ang lahat ay dapat kumuha ng “katunayan ng paghahandog” na magpapatunay na sila ay gumawa ng paghahandog sa mga diyos. Maraming Kristiyano ang namatay sa apat na taon ng pag-uusig na nagtapos nang mamatay si Decius noong 251.
Upang matakasan ang pagiging martir, maraming Kristiyano ang nagtago. Ang iba ay kumuha ng pekeng katunayan, o kahit ang pagtalikod sa pananampalataya sa pamamagitan ng paghahandog sa mga diyos. Makalipas iyon, nagkaroon ng pagtatalo sa iglesya kung paano papanumbalikin ang taong nagsisi matapos talikuran ang kaniyang pananampalataya.
Pagbalik sa Maling Gawain Dahil sa Sinasadyang Kasalanan
Sa ikalawang siglo, sinabi ng opisyal na Romano na si Pliny kay Emperador Trajan na wala siyang makitang moral na mali sa mga Kristiyanong siniyasat niya. Katulad nito, sinabi ni Justin na ang pagiging dalisay ng mga Kristiyano ang nakahikayat sa kanya sa katotohanan ng ebanghelyo.
Ngunit, sa ikatlong siglo, nagkaroon ng pagbabago. Habang si Montanus ay mali sa ilan niyang mga katuruan, tama naman siya sa pagpilit na kailangan ng iglesya ang pagbabago. Maraming Kristiyano ang hindi tapat kumpara sa mga Kristiyano sa unang siglo; nagbunga ito ng mga suliranin ng mga kasalanan at pagtalikod sa pananampalataya.
May mga kasapi ng iglesya na tumalikod sa pananampalataya upang makaligtas sa pag-uusig; ang iba ay nagkasala ng sekswal na imoralidad o iba pang malubhang kasalanan. Habang ang mga Kristiyano ay laging humaharap sa tukso na tumalikod, mas mahina ang iglesya ng ikatlong siglo kaysa sa mga naunang iglesya. Ang kahinaang ito ay makikita sa pagdami ng mga tumatalikod.
Ang Tugon ng Iglesya sa Pagtalikod sa Pananamplataya at Pagbalik sa Dating Gawain
Ang mga miyembro na nagbalik mula sa pagtalikod kay Kristo sa harap ng pag-uusig o ang mga nakagawa ng seryosong sinasadyang kasalanan ay nagdulot ng mahihirap na katanungan sa iglesya. Itinanong ng mga namumuno ng iglesya:
Ang nagpapatawad na habag ba ng Diyos ay higit pa sa pinakamasamang kasalanan ng tao?
May mga kasalanan ba na wala nang kapatawaran?
Kung ang isang tao ay pinatawad na ng Diyos, sila ba ay agarang naibabalik sa iglesya?
Kung pahihintulutan ba ng iglesya na makabalik ang mga nagsisi mula sa pagtalikod sa pananampalataya, pahihintulutan ba ng iglesya ang mga sinasadyang kasalanan?
Habang sumasang-ayon ang mga Kristiyano na patatawarin ng Diyos ang mga nagsisi na bumalik sa maling gawain, maraming iglesya sa ikalawang siglo ang tumangging ibalik ang pagiging kasapi ng sino mang nakagawa ng alin man sa tatlong kasalanan: imoralidad na seksuwal, pagpatay, o pagtalikod sa pananampalataya. Ang mga taong gumawa ng ganitong mga kasalanan ay hindi pinahintulutan na bumalik sa Banal na Hapunan kahit matapos silang magsisi.
Sa ikatlong siglo, nagsimulang baguhin ng mga obispo ang panuntunang ito. Si Callistus, ang obispo ng Roma mula A.D. 217 hanggang 222, ay tinanggap ang mga miyembro na nagsisi na nagkasala ng pakikiapid. Inangkin niya ang awtoridad na gawin ito sa pamamagitan ng pagsasabing ang iglesya sa Roma ay nabigyan ng awtoridad na makapagpatawad ng kasalanan. Ito ay isang malaking hakbang sa pagtatatag ng “Simbahang Romano Katoliko” kung saan ang obispo ng Roma ay umaako ng awtoridad sa buong Kristiyanismo.
Bagaman ang pag-uusig ni Decius ay tumagal lamang ng apat na taon, nagdulot ito ng mga usapin na nanatili ng mas matagal pa. Matapos ang kamatayan ni Decius, ilang kasapi ng iglesya na tumalikod sa pananampalataya ay nagnais na makabalik sa iglesya. Maraming Kristiyano ang naniniwala na ang mga tumalikod na sa relihiyon sa panahon ng pag-uusig ay hindi na dapat hayaang makabalik sa iglesya.
Subalit, si Cyprian, na nagsilbi bilang obispo sa Carthage mula 249 hanggang 258, ay humiling sa iglesya na hayaang makabalik ang sino mang magpapakita ng tapat na pagsisisi. Iminungkahi niya ang isang sistema kung saan ang sinoman na mag hahandog sa diyos matapos lamang ang pagpapasakit ang agarang makakabalik sa iglesya. Ang mga naghandog para sa diyos nang hindi pinahirapan ay makatatanggap ng mas mahirap na kaparusahan, kasama na ang pag-amin sa publiko sa harap ng kongregasyon.
Ang mungkahi ni Cyprian ang naging sanhi ng magkatatag ng sistema ng pagsisisi[1] bago hayaan ang isang tao na makabalik sa Hapag ng Panginoon. Sa kalaunan, ito ay lumago sa sistema ng pagsisi sa Romano Katoliko at nagbunga ng paggamit ng mga indulhensiya na tinutulan ni Martin Luther.
►Anong proseso ang inyong sinusunod upang mapanumbalik ang isang miyembro na tumalikod na sa pananampalataya? May proseso ba kayo na kumikilala sa pagiging seryoso ng kasalanang sinasadya, nagpapatuloy at nag bibigay pagkakataon sa pagpapanumbalik kapag ang bumalik sa dating gawain ay tunay na nagsisi?
Pagtalikod ng mga Namumuno sa Iglesya: Ang Donatist Controversy
Mayroong mas malaking usapin kaugnay ang mga obispo na tumalikod sa panahon ng pag-uusig ni Diocletian (303-312). Ipinilit ni Donatus, na nagsilbi bilang obispo sa Carthage sa unang bahagi ng 313, na ang mga ordinaryong mananampalataya na bumalik sa dating gawi (tinawag na traydor[2]) ay kailangang mabautismuhan muli. Hanggang hindi ito nagaganap, ipinilit niya na ang kanilang ministeryo ay walang halaga; hindi kikilalanin ng iglesya ang ginawang pagbabautismo ng mga obispong ito. Ito ay isang seryosong usapin para sa mga kasapi ng iglesya. Natatakot silang ang kanilang bautismo ay hindi tanggapin ng iglesya dahil ang kanilang pastor ay hindi kwalipikado.
Ang “Donatist controversy” ay nagdulot ng pagkakahati ng iglesya na tumagal ng ilang dekada. Habang ang mga Donatists ay nagsasabi na ang bautismo o komunyon ng isang “huwad na obispo” ay hindi balido, karamihan ng iglesya ay nagpasya na ang awtoridad para sa bautismo o komunyon ay nanggaling sa iglesya, hindi sa indibidwal na pastor. Dahil dito, ang taong nabautismuhan ng isang traydor ay nabautismuhan sa mata ng Diyos; hindi kinakailangan ang ‘muling pagbabautismo’. Ito ay naging kasanayan sa buong kasaysayan ng iglesya.
[1]Ang pangungumpisal /pagpipinetensiya ay isang sistema kung saan ang isang tao ay dapat magsagawa ng tiyak na mga aksyon upang maging karapat-dapat sa kapatawaran.
[2]Ang salitang Latin ay galing sa parehong salitang ugat ng ‘traydor.’ Ipinagkanulo ng mga obispong ito ang pananampalataya.
Konklusyon: Ang Kasaysayan ng Iglesya ay Nagsasalita sa Ngayon
Ilan sa pinakamatinding banta sa iglesya ay nanggaling sa loob. Sa pagharap ng iglesya sa mga maling katuruan na itinuturo ng ilan sa sarili nitong kasapi, natutunan niya na dapat siyang manatiling matapat sa apostolikong mensahe ng Bagong Tipan.
Itinakwil ng mga naunang ama ng iglesya ang mga gurong katulad ni Marcion na bumaling sa maling katuruan. Ang mga taong katulad ni Marcion ay naniniwala na kaya nilang ituro ang bahagi ng Banal na Kasulatan habang hindi pinagtutuunan ang ibang bahagi. Ipinapakita ng kredo na ang paniniwala sa Hesus sa kasaysayan ay isang pagsubok sa tunay na paniniwalang Kristiyano.
Nakaharap muli ang mga suliraning ito sa ika-dalawampu’t-isang siglo. Muli, ilang iskolar ay nagsasabing sila ay naniniwala sa mga turo ni Hesus, ngunit itinatanggi ang katotohanan sa kasaysayan ng kanyang buhay, kamatayan, at pagkabuhay na muli. Muli, ilang iskolar ang gumagamit sa maling “ebanghelyo” katulad ng “Ebanghelyo ni Tomas” upang ituro ang mensahe ng Gnostisismo na nanlilinlang sa marami.
Sa ngayon, ang iglesya ay dapat na muling tumayo nang matatag laban sa maling katuruang ito. Katulad ng mga ama ng iglesya, dapat nating panghawakan ang katotohanan ng Kristiyanismo at itanggi ang mga maling katuruan na nagpapahina sa pananampalataya. Humarap ang mga ama ng iglesya sa pagiging martir sa halip na itanggi ang pananampalataya; ang mga Kristiyano ngayon ay tinatawag upang sumunod sa kanilang halimbawa, manatiling matapat sa pananampalataya kahit hanggang kamatayan.
Leksiyon 3 Mahalagang Pangyayari sa Kasaysayan ng Iglesya
Petsa ( A.D. )
Pangyayari
90-150
Ang paglaganap ng Gnostisismo
190
Ang Muratorian Canon kasama ang lahat ng aklat sa Bagong Tipan maliban sa Hebreo, Santiago, at Mga Sulat si Pedro
303-313
Panahon ng mga Martir sa ilalim ni Diocletian
313
Kautusan ni Constantine sa Milan na ginawang legal ang Kristiyanismo sa Imperyong Romano.
Leksiyon 3 Pangunahing mga Tao sa Kasaysayan ng Iglesya
Irenaeus (ca. 130-202). Isa sa pinakamaimpluwensiyang tagapamuno ng unang iglesya. Ang kanyang Against Heresies ay lumaban sa Gnostisismo. Nag-ambag siya sa pagkatatag ng canon at sa doktrina ng pagkakatawang-tao.
Justin Martyr (100-165). Pinakamahalagang naunang Kristiyanong apologist. Ginamit niya ang pilosopiyang Griyego upang ipaliwanag ang Kristiyanismo sa mga hindi mananampalataya.
Marcion (namatay noong 160). Nagsulong ng isang uri ng Gnostisismo. Ang kanyang maling katuruan ang nagtulak sa mga namumuno sa iglesya na magtatag ng canon ng Bagong Tipan.
Montanus (namatay noong ca. 175). Pinuno ng “Mga Bagong Propeta.” Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng pagbabago at disiplinang espirituwal. Gumawa din sila ng mga propetikong hula na napatunayang walang katotohanan.
Origen (185-254). Obispo ng Alexandria. Kahit itinanggi niya ang Gnostisismo, tinanggap naman niya ang maraming kaisipang batay sa pilosopiyang Griyego na nagmulat sa mga Gnostics. Gumamit siya ng allegorical interpretation upang ipaliwanag ang mahihirap na pahayag sa Biblia.
Tertullian (160-225). Pinuno ng iglesya sa Kanlurang African. Ipinaglaban niya ang orthodoxy laban sa modalism – ang katuruan na ang Ama, Anak, at Banal na Espiritu ay hindi iba’t ibang katauhan.
Leksiyon 3 Mga Takdang Aralin
(1) Kumuha ng pagsusulit sa leksiyong ito. Kasama sa pagsusulit ang mga petsa mula sa “Leksiyon 3 Pangunahing Pangyayari sa Kasaysayan ng Iglesya” timeline (100-313).
(2) Maghanda ng pagbubuod ng talambuhay ng isa sa mga sumusunod na pinunong Kristiyano: Irenaeus o Tertullian. Ang pagbubuod ay dapat binubuo ng apat na bahagi:
Talambuhay: Kailan siya nabuhay? Saan siya nanirahan? Kailan at saan siya namatay?
Pangyayari: Ano ang mga pinkamahalagang pangyayari sa kaniyang buhay?
Impluwensiya: Ano ang kanyang nananatiling impluwensiya sa iglesiyang Kristiyano?
Aplikasyon: Ano ang isang aral para sa iglesya ngayon mula sa pinunong ito?
Mayroong kang dalawang pagpipilian sa pagbabahagi ng pagbubuod na ito:
Magpasa sapinuno ng klase ng 2 pahinang sinulat sa papel.
Magbigay ng 3-5 minutong pagbabahagi sa klase.
Leksiyon 3 Pagsusulit
(1) Ang maling katuruan na tinatawag na ________________ ay nagturo na ang lahat ng pisikal na bagay ay masama.
(2) Ang maling katuruan na tinatawag na Docetism ay itinuro ni _____________.
(3) Ang “Ama ng teolohiyong Latin” ay si ___________________.
(4) Ang tatlong “alituntunin” para sa canon ng Bagong Tipan ay ang:
Ito ba ay ___________________?
Ito ba ay ___________________?
Ito ba ay ___________________?
(5) Sa ikalawang siglo, pinangunahan ni __________________ ang isang kilusang tumatawag sa disiplina at pagbabago na nakatuon sa Banal na Espiritu. Ngunit, gumawa siya ng maling hula na nagpawalang halaga sa kanyang kilusan.
(6) Isang kilusan na pinangunahan ni ______________ ang nagsabi na ang bautismo o komunyon na ginawa ng obispong tumalikod sa pananampalataya ay walang halaga.
(7) Si _____________________ ay isang pinuno ng iglesya sa ikalawang siglo na nag-ambag sa pagpapatotoo sa canon at ang nagturo ng kahalagahan ng pagkakatawang-tao.
(8) Noong 367, Si Obispo __________________ ay sumulat ng “Liham sa Pasko ng Pagkabuhay” na nagtala ng mga aklat ng canon ng Bagong Tipan.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.