Para sa maraming tao, ang mga katedral tulad ng Notre Dame at Chartres ay nagbibigay ng pinakamemorableng larawan ng Middle Ages. Ang magagandang gusaling ito marahil ang pinakaartistikong tagumpay sa panahong ito sa kasaysayan.
Ang mga Gothic na katedral ay kumakatawan kapwa sa pinakamabuti at pinakamasama sa Kristiyanismong medieval. Sa gawing mabuti, nagpapakita ang mga ito ng malalim na pagkagutom para sa Diyos. Ang mga katedral ay mga “teolohiya na nakaukit sa bato,” isang paraan upang ipahayag ang kaluwalhatian ng Diyos sa isang gusali. Sa isang panahon na karamihan sa mga tao ay hindi nakakabasa, ang bintanang stained glass ng isang katedral ay nagkukwento ng Biblia sa paraang nauunawaan ng ordinaryong tao.
Sa negatibong banda, ang mga estatwa, mga altar at mga kapilya ay nagpakita ng isang relihiyon ng mga ritwal na nawalan na ng malapit na kaugnayan sa Diyos. Pinalitan ng mga kandila ang personal na mga panalangin; ang pagsamba ay isinasagawa sa isang lengguwahe na ilang tao lamang ang nakakaunawa; ang misa ay naging isang ritwal na muling isinasadula ang kamatayan ni Kristo na hindi naman mapapakinabangan ng karaniwang tao (tanging ang pari ang makakainom sa alak sa komunyon).
Sa leksiyong ito, sisiyasatin natin ang huling bahagi ng Middle Ages. Makikita natin ang korapsiyon ng Simbahang Katoliko Romano habang hinahanap ng mga pope ang kapanyarihang pampulitika sa halip na espirituwal na reyalidad. Makikita rin natin kung paano nagtindig ang Diyos ng matatapat na mga lingkod na ipinangaral ang katotohanan ng ebanghelyo, maging ito’y maglalagay-panganib sa kanilang mga buhay.
Petsa ( A.D. )
Pangyayari
1054
Simula ng Paghahati-hati ng Silangan at Kanluran
1095-1291
Ang Mga Krusada
Ika-12-13 Siglo
Scholasticism
Ika-12-16 Siglo
Mga Katedral na Gothic
1309-1417
Pagkabihag sa Babilonia at ang Matinding Paghahati-hati
Ang Paglaganap ng Islam
Ang kasaysayan ng iglesya sa huling bahagi ng Middle Ages ay hindi mauunawaan nang hindi nauunawaan ang paglago ng Islam. Dalawa sa pinakamahirap na usapin ng huling bahagi ng Middle Ages, ang mga Krusada at ang nasisirang relasyon sa pagitan ng Silanganin at Kanluraning iglesya, ay matinding naimpluwensyahan ng mabilis na paglaganap ng Islam.
Si Muhammad ay isinilang mga 570. Noong 610, inangkin niya na binigyan siya ni anghel Gabriel ng isang mensahe mula kay Allah, ang nag-iisang tunay na Diyos. Ang mga pahayag na ito ay inipon sa Koran at nagtindig si Muhammad ng isang grupo ng mga tagasunod na tinatawag na Muslim (“sila na nagpasakop”). Ang kanilang relihiyon ay kilala bilang Islam.
Nang si Muhammad at ang kanyang mga tagasunod ay itaboy palabas sa Mecca noong 622, umatras sila sa Medina kung saan higit pang maraming Arabo ang nagsimulang sumunod sa bagong relihiyong ito. Taong 630, matagumpay na nakabalik si Muhammad sa Mecca.
Pagkatapos nito, naging mabilis ang paglaganap ng Islam. Taong 632, nang mamatay si Muhammad, ang Arabia ay 1/3 Muslim. Taong 634, ang buong Arabia ay naangkin na ng Islam. Sa sumunod na sampung taon, nasakop na ng hukbong Islamic ang Siria, modernong Iran, Palestine, at mga bahagi ng Egipto.
Taong 638, nakontrol na ng mga Muslim ang Jerusalem. Taong 690, itinayo nila ang Dome of the Rock sa ibabaw ng bato kung saan ipinapahayag ng mga Muslim na si Muhammad ay umakyat sa langit. Sa katapusan ng ika-pitong siglo, ang Carthage at malaking bahagi ng Hilagang Africa ang kontrolado ng mga Muslim. Mula roon, nagsimulang sakupin ng mga hukbong Islam ang gawing silangan ng Mediterranean. Noong 711, nilusob nila ang Europa at sinakop ang Espanya at Portugal. Taong 720, ang hukbong Islamic ay nakatawid na sa lugar na ngayon ay France.
Ang paglaganap ng Islam ay maiuugnay sa ilang kadahilanan:
(1) Kalakasang Militar. Ang hukbong Islamic ay binubuo ng mga epektibong mandirigma na pinangungunahan ng malalakas na heneral. Ang pangako ng walang hanggang kaligtasan ang nakakuha ng katapatan ng maraming sundalo.
(2) Pampulitikang Kadahilanan. Sa mga unang araw, pinahintulutan ng mga Muslim ang kaunting kalayaan sa relihiyon sa mga lugar na kanilang sinasakop. Dahil dito, hindi nakita ng maraming komunidad ng Kristiyano ang banta na kinakatawan ng Islam. Ito ay espesyal na totoo sa Hilagang Africa kung saan maraming tao ang tumutol sa mataas na buwis na ipinataw ng mga tagapamahalang Kristiyano mula sa Constantinople sa mga lugar na nasa kanilang pamumuno.
Makalipas ito, pagkatapos na magkaroon ng kontrol ang Islam, inalis nila ang kanilang mga kalayaan. Ang mga taong nasakop nila ay naharap sa tatlong pagpipilian: lumipat sa Islam, kamatayan o multa.
(3) Teolohikal. Natagpuan ng mga hukbong Muslim na ang Hilagang Africanong Kristiyanismo ay lubhang nagkakahati-hati. Kasunod ng Arian controversy, maraming Africanong Kristiyano ay nagtataglay ng mababaw na pagtatalaga ng sarili para sa iglesya. Karamihan sa Africanong Kristiyano ay Nestorian. Dagdag pa dito, ang paggamit ng mga imahen ay nagbigay ng pananaw ng pagsamba sa dios-diosan.
Ang pagtatalaga ng sarili ng Islam sa monotheism o paniniwala sa iisang Diyos ay tila mas malakas kaysa sa iglesya sa Africa. Ang pagiging simple ng doktrina ng Islam tungkol sa Diyos (“Mayroon lang isang Diyos”) ay nakaakit sa mga taong nalilito ng mga argumento tungkol sa Trinidad.
May mga pamayanan na hindi man lang tinutulan ang mga mananakop; maluwag sa kanilang loob na binago ang kanilang iglesya at ginawang mosque ng Muslim. Sinamantala ng Islam ang kahinaan ng iglesya upang makuha ang malaking bahagi ng Hilagang Africa.
Ang pagpapalawak ng Muslim sa wakas ay naitigil ni Charles Martel sa Labanan sa Tours noong 732. Ang mga Silanganin at Kanluraning iglesya ay kapwa nagdusa bilang resulta ng pananakop ng mga Muslim, subali’t ang Silanganing Iglesya ang pinakaapektado. Ang iglesya sa Hilagang Africa (tahanan ni Augustine, Athanasius, at Clement ng Alexandria) ay nawala. Nawala rin ang Banal na Lupain. Sa kabuuan ng bandang huli ng Middle Ages ang mga gawaing pangmisyon ay halos natuon sa Hilagang-kanlurang bahagi ng Europa. Ang mga kanluraning misyonero ay nagkaroon lamang ng kaunti o walang tagumpay sa pag-eebanghelyo sa mga Muslim.
► Ang kalituhan sa teolohiya sa iglesya ng Hilagang Africa ay nagbukas ng pinto para sa Islam. Anong kahinaan sa doktrina sa kasalukuyan ang nagbibigay ng bukas na pinto para sa maling relihiyon sa ating panahon?
Ang mga Krusada
Bagaman ang pakanlurang pagpapalawak ng Islam ay natigil sa Digmaan sa Tours noong 732, umabot pa hanggang 1095 bago nagkaroon ng malinaw na pagkilos na isinagawa upang bawiin ang teritoryong Muslim lampas pa sa Kanlurang Europa. Ang nakakalungkot, ang pagkilos na ito ay sa pamamagitan ng pwersang militar sa halip na isang gawaing pag-eebanghelyo. Ang mga Krusada ay isang serye ng kampanyang militar na pagsisikap na muling sakupin ang mga lupain na noon ay kontrolado na ng mga Muslim.
Una pa sa 1095, nakipaglaban ang mga hukbong kanluranin upang paalisin ang mga Muslim mula sa mga lugar na kontrolado nila sa Kanlurang Europa. Mula 1095 hanggang 1291, ang mga Krusada ay nagsikap na bawiin ang Palestine mula sa mga Muslim na Turko.
Mayroong hindi bababa sa dalawang motibasyon sa mga Krusada: kalayaang makapasok sa Banal na Lupain at ang banta ng higit pang pagpapalawak ng mga Muslim sa mga lupaing kontrolado ng mga tagapangunang Kristiyano. Maraming tao sa Middle Ages ang naniwala na maaari silang magkamit ng pabor sa Diyos sa pamamagitan ng paglalakbay sa Jerusalerm. Pagkatapos ng 638, kontrolado na ng mga Muslim ang Jerusalem at lahat ng daan patungo sa lungsod. Pinilit nila ang mga manlalakbay na Kristiyano na magbayad ng mataas na buwis upang makapaglakbay sa mga daang ito.
Nang manawagan si Pope Urban II para sa Unang Krusada upang palayain ang Jerusalem mula sa kontrol ng mga Muslim noong 1095, libo ang bilang ng mga taong tumugon. Ang isang monghe, si Peter ang Ermitanyo, ay nangalap ng 20,000 magsasaka upang lumaban. Sila ay walang kasanayan at walang may kakayahang maging tagapangunang pangmilitar. Silang lahat ay napatay. Gayunman, noong Hulyo 15, 1099, mga hukbong may kasanasyan ang sumakop sa Jerusalem. Ang ilang mga nagkrusada ay hindi nakakita ng anumang pagkakaiba sa mga Muslim at mga Judio, sinunog nila ng buhay ang mga Judio sa kanilang mga sinagoga. Ang mga nakakita ay nag-ulat na ang dugo ay umagos nang hanggang bukong-bukong sa Templo sa Bundok. Sa Unang Krusada pa lamang, malinaw na ang mga pag-atakeng militar ay naghatid ng ibang resulta kaysa sa isang ebanghelikong pag-abot.
Noong 1146, nanghikayat si Bernard ng Clairvaux ng Ikalawang Krusada upang labanan ang isang banta ng Muslim sa Jerusalem. Nabigo ang krusada, at ang Jerusalem ay muling nasakop ni Saladin noong 1187. Ang Ikatlong Krusada ay pinangunahan ng mga Hari ng France at England, kasama ang Banal na Emperador na Romano. Nabigo ang mga nagkrusada na muling sakupin ang Jerusalem, subali’t nagawa nilang makipag-ugnayan kay Saladin upang pahintulutan ang mga paglalakbay sa Jerusalem.
Noong 1198, si Pope Innocent III ang nanghikayat ng Ikaapat na Krusada upang muling sakupin ang Egipto. Sa kasamaang-palad, inatake ng mga Crusaders ang Constantinople at tinangkang alisin sa trono ang tagapanguna ng Imperyong Silanganin. Sa araw ng Biyernes Santo 1204, nilusob ng mga Crusaders ang lungsod. Sa loob ng tatlong araw, winasak nila ang mga simbahan, nilusaw ang mga gintong ginagamit sa komunyon, at inabuso at pinatay ang mga kapwa Kristiyano sa pangalan ni Kristo. Ang mga Crusaders mula sa Iglesyang Romano ay naghari sa noon ay Silanganing Imperyo sa sumunod na animnapung taon. Mula sa puntong ito, walang posibilidad ng muling pagkakaisa sa pagitan ng dalawang bahagi ng iglesya. Ang pagkakahati sa pagitan ng Romanong Katoliko at Silanganing Orthodox ay naging permanente.
Isa pang mababang panahon ng mga krusada ay ang Krusada ng mga Bata noong 1212. Humigit kumulang sa 100,000 kabataan at mga bata ang nagtangka ng krusada. Ang average na edad ng mga “crusaders” na ito ay labindalawa. Nabigo ang krusada na tuparin ang anumang layuning militar. Marami ang namatay sa paglalakbay; karamihan sa mga nakaligtas ay nahuli at ipinagbili bilang mga alipin. Ang mga Krusada ay natigil noong 1291 nang ang lunsod ng Acre (ang huling natitirang lugar kung saan malakas ang impluwensya ng mga crusada sa Palestine) ay nahulog sa mga Muslim.
Ano ang mga pangmatagalang epekto ng mga Krusada?
Pampulitika, Pinalakas ng mga Krusada ang kapangyarihan ng mga pambansang hari. Sa bandang simula ng Middle Ages, ang pangunahing katapatan ng mga tao ay sa kanilang lokal na “panginoon” o may-ari ng lupa; ang hari ay may kaunti o walang epekto sa kanilang mga buhay. Gayunman, habang ang mga hari ay nagtatatag ng mga hukbo upang labanan ang mga Krusada, ang mga tao ay mas nagkaroon ng kamalayan sa kanilang pambansang pagkakakilanlan.
Pansamantalang pinalakas ng mga Krusada ang awtoridad ng mga pope. Gayunman, habang mas nagiging malakas ang mga hari, ang awtoridad ng pope ay nababawasan.
Isa pang epekto ay nakikita sa relasyon sa pagitan ng Silanganin at Kanluraning iglesya. Ang pagkilos ng mga Krusada sa Constantinople ay nagbunga ng nananatiling kapaitan sa Silangan. Maaaring nakapigil ang mga Krusada sa muling pagkakaisa ng iglesya.
Ang pagsasagawa ng mga indulhensiya ay nagkaroon ng kasikatan sa panahon ng mga Krusada. Ang pagbebenta ng mga indulhensiya ay pangunahing motibasyon para sa Ninety-Five Theses ni Luther.
Nakahikayat ang mga Krusada ng bagong interes sa mundo ng mga Arabo. Pinag-aralan ni Raymond Lull ang Arabic upang makapag-ebanghelyo sa mga Muslim. Nagtatag siya ng isang kolehiyo upang magsanay ng mga misyonero sa Islam at sumulat ng apologetic arguments upang hikayatin ang mga Muslim. Namatay siya bilang isang martir sa Hilagang Africa.
Ang mga Krusada, tulad ng pagkabuo ng Banal na Imperyong Romano, ay nagpakita ng resulta ng pagtatangka na ipalaganap ang pananampalatayang Kristiyano sa pamamagitan ng espada sa halip na sa pamamagitan ng nakakabagong kapangyarihan ng ebanghelyo ni Kristo Hesus.
► Sa pagsikat ng radikal na Islam at terorismong Islam, ang mga usapin na nakahikayat sa mga Krusada ay muling nalagay sa mga pangunahing balita sa maraming bahagi ng mundo. Paano dapat tumugon sa kasalukuyan ang mga Kristiyano sa harap ng paghamon ng Islam? Kung ikaw ay naninirahan sa isang parte ng mundo kung saan ang Islam ay isang malakas na pwersa, paano nagsisikap ang mga iglesya sa inyong bansa upang abutin ang mga Muslim para kay Kristo?
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Ninyong Makilala: Si Raymond Lull (1235-1315), Misyonero sa Mundo ng mga Muslim
Kilala si Raymond Lull bilang ang unang misyonero sa mga Muslim. Sa panahon na ang mga Krusada ay isang kabiguan, nagsimula si Lull ng isang kampanya ng pagmamahal. Kung minsan, tinatawag siyang “Ang Hangal sa Pag-ibig” dahil sa kanyang paninindigan na ang mga Muslim ay mahihikayat kay Kristo sa pamamagitan ng tunay at masakripisyong pag-ibig. Ang ministeryo ni Raymond Lull[1] ay nagpapakita na hindi lamang ang mga Krusad ang tanging Kristiyanong tugon sa Islam.
Nagbalik-loob si Lull sa edad na 28, pagkatapos ng isang baluktot na pamumuhay bilang isang kabataang lalaki. Katulad ni Augustine, hinanap ni Lull ang kasiyahan sa isang mahalay ng pamumuhay. Kasunod ng kanyang pagbabalik-loob, ibinenta ni Lull ang kanyang ari-arian, ibinigay ang pera sa mahihirap, at inialay ang kanyang sarili bilang “alipin ni Kristo.”
Sa edad na 40, tinawag si Lull sa tungkuling pagmimisyon. Sa loob ng siyam na taon, pinag-aralan niya ang lengguwaheng Arabic at ang kultura at relihiyong Islam. Tinanggihan niya ang mga saloobing laban sa Islam na hinihimok ng mga Krusada. Sa kasamaang-palad, sa kanyang paghahanap ng ibang misyonero sa mundo ng mga Islam, halos walang interesado. Sa edad na 52, isinagawa ni Lull ang kanyang unang paglalakbay pang-ebanghelyo mula sa Genoa, Italy patungo sa Tunis sa Hilagang Africa. Doon nakipagdebate siya sa mga iskolar na Muslim. May ilang Muslim na nagpahayag ng pananampalataya kay Kristo. Ipinahuli ng hari si Lull at hinatulan ng kamatayan.
Pagkatapos ng panawagan ng ilang negosyante, pumayag ang hari na ipatapon pabaik sa kanyang lugar si Lull sa halip na bitayin ito. Gayunman, tumalon si Lull mula sa barko at bumalik sa Tunis. Nanatili siyang nagtatago habang nagpapatuloy sa pagdidisipulo ng mga bagong nagbalik-loob.
Nang siya’y bumalik sa Italya, sinubukan niyang mangalap ng mga misyonero kapwa para sa mga komunidad na Muslim at Judio. Nagpatuloy siya sa pagsasagawa ng mga paglalakbay na pangmisyon sa Hilagang Africa, cyprus, at Armenia. Madalas siyang mabugbog at minsan ay naipakulong sa bartolina sa loob ng isang taon at kalahati. Maging doon, nagpatuloy siya sa pangangaral sa mga kasamang bilanggo.
Sa edad na 80, muling naglakbay si Lull sa Algeria kung saan siya ay lihim na nagturo sa loob ng isang taon. Sa wakas, pagkatapos ng isang taon, hindi na niya mapigilan ang pagkakataon na mangaral sa publiko. Pumunta siya sa pamilihang bayan at nangaral hanggang batuhin siya ng isang galit na grupo. Namatay si Lull sa edad na 80 matapos ipahayag na, “Ang kamatayan ay hindi makatatakot sa isang matapat na lingkod ni Kristo na nagsisikap na dalhin ang mga kaluluwa sa pagkaalam sa katotohanan.” Sa buong panahon ng kanyang ministeryo, ipinilit niya na ang kanyang mga hinikayat na maging misyonero ay magtalaga ng sarili sa posibilidad ng pagiging martir. Ipinamuhay ni Lull ang paninindigan niyang ito.
[2]Patuloy na nakaimpluwensya sa mga misyonero sa mga Muslim ang mga isinulat ni Lull, maging pagkatapos na siya’y mamatay. Habang naghahanda siya para sa kanyang pag-abot na pagmimisyon, nalaman niya na walang manunulat na Kristiyano ang tumutugon sa mga paghamon ng mga pilosopong Islam. Nagsimula siyang masigasig na sumulat, nakasulat siya ng halos tatlong daang mga sulatin, marami sa mga ito ay bilang tugon sa mga pagtutol ng Islam sa ebanghelyo.
Sa kanyang pag-aaral sa kasaysayan ng pagmimisyon, tinukoy ni Timothy C. Tennent ang tatlong ambag na ginawa ni Raymond Lull sa pagmimisyon.[3] Ang bawa’t isa sa mga ito ay mahalaga sa pag-eebanghelyo ng mga Kristiyano sa mga Muslim sa kasalukuyan.
Kinilala ni Lull ang pangmatagalang epekto ng mga Krusada. Nalalaman niya na ang hindi isang kampanyang pangmilitar ang pinakaepektibong paraan upang ipahayag ang ebanghelyo. Sa ating mundo, hindi dapat pahintulutan ng mga Kristiyano ang mga usaping pampulitika at pangmilitar na hadlangan ang ating kakayahang ipalaganap ang ebanghelyo.
Nauunawaan ni Lull ang kahalagahan ng apologetics para sa pag-eebanghelyong Kristiyano. Nalalaman niya na ang epektibong pag-eebanghelyo ay dapat sumagot sa mga pagtutol ng Islam sa pananampalatayang Kristiyano. Ngayon, ang mga Kristiyano ay dapat tumugon ng may katalinuhan sa mga pagtutol ng Islam sa pananampalatayang Kristiyano.
Nakatuon si Lull sa pagpapakilos sa ibang misyonero. Naiintindihan niya na ang pag-eebanghelyo sa mga Muslim ay hindi matutupad ng isang tao lamang. Katulad ng ibang epektibong misyonero sa buong kasaysayan, siya ay nakatuon sa paghahanap ng ibang misyonero. Sa kanyang buong buhay, iniukol niya ang kanyang mga pagsisikap sa paghanap ng ibang misyonero. Sa kasalukuyan, dapat tayong magpatuloy sa paghahanap ng magiging misyonero. Ang mga grupo ng tao na hindi pa nararating sa mga bansang Islam ay tatanggap sa ebanghelyo tanging kung paano itinatalaga ng mga Kristiyano ang kanilang buhay sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.
[1]Image: "Bildnis des Raimvndvs Lvllvs", retrieved from the Leipzig University Library https://www.flickr.com/photos/ubleipzig/16874103939/, public domain.
[2]“Nakita ko ang maraming kabalyero na patungo sa Banal na Lupain sa pag-asang masasakop iyon sa pamamagitan ng pwersa o sandata; nguni’t sa halip na matupad ang layunin, silang lahat sa katapusan ay napalis na lahat. Samakatuwid, aking paniniwala na ang pagsakop sa Banal na Lupain ay dapat subukin nang walang ibang paraan kaysa sa isinagawa ni Kristo at kanyang mga apostol upag matupad iyon: sa pag-ibig, sa pananalangin, sa pagluha, at sa paghahandog ng ating sariling buhay.”
- Raymond Lull
[3]Timothy C. Tennent, Invitation to World Missions, (MI: Kregel Publications, 2010), 240-243
Ang Pangangailangan ng Pagbabago sa Romanong Katolikong Simbahan
Ang paglaganap ng Reformation movement ay karaniwang inilalagay sa petsa 1517, simula sa Ninety-Five Theses ni Luther. Gayunman, ang Reformation ay hindi nagsimula kay Martin Luther. Ang Reformation ang naipong resulta ng sunod-sunod na serye ng pagsisikap na magkaroon ng revival na lumago sa loob ng limang siglo bago kay Luther at ng kanyang mga kapanahon. Ilang kadahilanan sa ika-12 at ika-13 siglo ang tumukoy sa pangangailangan ng reporma sa Simbahang Romano Katoliko.
Kapangyarihang Walang Limitasyon
Sa gabi bago siya ipako sa krus, hinugasan ni Hesus ang paa ng kanyang mga disipulo at sinabi:
Kung ako ngayon, inyong Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong paa, gayundin kayo ay dapat maghugas ng paa ng isa’t-isa. Dahil binigyan ko kayo ng halimbawa, na dapat din ninyong gawin kung ano ang ginawa ko sa inyo. Tunay na tunay na sinasabi ko sa inyo, ang isang alipin ay hindi higit kaysa sa kanyang panginoon, o ang mensahero ay as higit kaysa sa nagsugo sa kanya.[1]
Sa pag-angkin sa modelong ito, ginamit ni Pope Gregory I ang titulong, “Alipin ng mga Alipin ng Diyos.” Salungat dito, ang mga sumunod na pope ay pinapurihan sa kapangyarihan. Sa ika-13 siglo, kinuha ni Innocent III ang titulong “Vicar o Kahalili ni Kristo.” Sa halip na isang alipin, tiningnan niya ang kanyang sarili bilang tagapamuno ng “buong mundo.”
Noong ika-11 siglo, ipinahayag ni Pope Gregory VII na ang awtoridad ng pope ay unibersal, na ang mga prinsipe ay dapat yumukod sa pope, at ang pope ay may awtoridad upang magpalaya ng mga nasasakupan mula sa kanilang pagtatapat sa isang tagapangunang panlupa.[2] Idineklara din ni Gregory VII na ang romano Katolikong Simbahan ay hindi pa nagkamali at hindi kailanman magkakamali.
Noong ika-labintatlong siglo, inangkin ni Pope Innocent III na ang pope ay “isang tagapamagitan sa Diyos at ng tao, nasa ilalim ng Diyos, nguni’t lampas sa tao; mas mababa sa Diyos nguni’t mas mataas kaysa tao.”[3] Ito ay malayo sa espiritu ni Hesus. Humawak ang pope ng halos walang limitasyong kapangyarihan.
Sinabi ni Innocent III na ang pagiging pope ay katulad ng araw; ang mga hari ay katulad ng buwan. Kung paanong ang buwan ay tumatanggap ng kanyang liwanag mula sa araw, ang mga hari ay tumatanggap ng kanilang kapangyarihan mula sa pope. Ginamit ng mga pope ang kanilang kapangyarihan upang kontrolin ang pulitika sa Europa. Gamit ang banta ng pagtitiwalag sa simbahan, nagawang pilitin ng mga pope ang mga hari na magpasailalim sa kanilang pamumuno.
Kapag ang isang hari ay tumutol sa mga kautusan ng pope, ang isang buong bansa ay maaaring bantaan ng isang “interdict”, isasara ang lahat ng simbahan. Kapag ang isang bansa ay nasa ilalim ng pagbabawal ng isang pope, hindi maaaring magsagawa ng mga sakramento ang mga pari maliban sa pagbabautismo ng mga sanggol at “extreme unction” para sa malapit nang mamatay. Hindi maaaring magsagawa ng misa at ang mga patay ay hindi maaaring ilibing sa mga benditadong lugar.
Para sa mga tao na naniniwala na ang kaligtasan ay dumarating lamang sa pamamagitan ng simbahan, ito ay isang seryosong banta. Naniniwala sila na ang pope ay may kapangyarihang magdala ng parusang kamatayan sa bawat taong namuhay sa ilalim ng isang hari na tumutol sa mga kautusan ng pope. Bilang resulta nito, ang mga tao ay nag-aaklas laban sa hari upang pilitin siyang sundin ang pope. Matagumpay na nagamit ni Pope Innocent III ang banta ng pagbabawal nang walumpu’t-limang beses upang pilitin ang mga tagapamuno na magpasailalim sa kanyang mga kautusan. Hanggang noong ikalabindalawang siglo, ang kapangyarihang pampulitika ng pope ay tila walang hangganan. Ang kapangyarihan ng pope ay mas higit kaysa sa kapangyarihan ng sinumang hari.
Ang Inquisition
Ang Inquisition ay nanatiling isa sa pinakamadilim na bahagi sa kasaysayan ng Romano Katolikong Simbahan. Sa unang iglesya, tinanggihan ng mga konseho ang mga erehe na itinanggi ang pangunahing mga katotohanan ng pananampalatayang Kristiyano. Sa mga unang Krusada, ginamit ng pope ang kapangyarihang militar upang parusahan ang mga sumasalungat sa Kristiyanismo. Sa bandang huli ng Middle Ages, inilunsad ng mga pope ang Inquisition laban sa mga Kristiyano na tumanggi sa alinmang itinuturo ng pope. Hindi sapat na itiwalag sa simbahan ang mga erehe; ang mga pinaratangan ng maling katuruan ngayon ay pinarurusahan at pinapatay. Inilunsad ni Innocent III ang isang krusada kung saan ang mga taga-Hilaga na “Kristiyanong” Pranses ay pinatay ang mga Pranses na taga-Timog na erehe.[4]
Unang lumitaw ang Inquisition noong 1184 nang iutos ni Pope Lucius III sa mga obispo na “magtanong” tungkol sa mga paniniwala ng kanilang mga miyembro. Ang mga nagtuturo ng maling paniniwala ay itiniwalag. Noong 1215, tumawag si Pope Innocent III ng isang konseho ng iglesya sa palasyo ng Lateran sa Roma. Itong Ika-Apat na Konseho ng Lateran ang opisyal na nag-aproba sa Inquisition bilang isang institusyon ng simbahan.
Taong 1220, ibinigay ng pope ang pangunguna sa Inquisition sa mga Dominikano, isang relihiyosong kilusan na nakatuon sa kahirapan, paglilingkod at pagsunod sa iglesya. Sa Inquisition, ang isang inakusahan na erehe ay walang karapatan. Walang nakasulat na batas na gumagabay sa nagtatanong. Ang paglilitis ay lihim, at kailangang patunayan ng inakusahan ang kanyang pagiging inosente nang hindi nalalaman kung sino ang nagpaparatang sa kanya. Bihira sa mga pinararatangan ang nakakukuha ng abogado para ipagtanggol sila; nalalaman ng mga abogado na maaari silang isakdal ng Inquisition kapag ipinagtanggol nila ang isang naparatangang erehe.
Noong 1252, pinahintulutan ni Pope Innocent IV ang pagpaparusa bilang isang paraan upang makakuha ng mga kumpisal mula sa mga inakusahang erehe. Ang Inquisition ang naging paraan upang pahirapan at patayin ang mga nagtatangkang magdala ng pagpapanibagong-sigla sa iglesya.
[3]Binanggit ni Bruce L. Shelley, sa Church History in Plain Language, 3rd ed. (USA: Thomas Nelson, 2008), 185.
[4]Ang Albigenses ay isang grupong heretic na naniniwala sa ideyang Gnostic na ang mga bagay ay masama. Itinanggi nila na si Kristo ay tunay na tao. Itinuro ng mga Albigenses na ang pagpapakasal, karne, at mga materyal na pag-aari ay makasalanan.
Mga Tanda ng Kahinaan sa Simbahang Romano Katoliko
Maging nang ang mga pope katulad ni Innocent III ay nagtaglay ng kapangyarihang walang hangganan, may mga tanda na hindi lahat ng bagay ay maayos sa loob ng Simbahang Romano Katoliko. Tulad ng kanser na lumalaki sa loob ng isang tao na sa panlabas ay mukhang malusog, mayroong lumalaking tanda ng kahinaan.
Scholasticism
Ang scholastisism ay tumutukoy sa pamamaraang teolohikal ng bandang huli ng Middle Ages. Sinikap nitong pagkasunduin ang doktrinang Kristiyano at ang pangangatwiran ng tao. Ang layunin ng scholastisism ay ang maayos at makatwirang pagpapahayag ng doktrina ng Romano Katoliko.
Ang scholastisism ay maaaring ipahayag sa alinman sa seksiyon patungkol sa lumalagong kapangyarihan ng Iglesyang Romano o sa seksiyong ito tungkol sa mga kahinaan sa simbahan. Ipinakikita ng scholastisism kapwa ang lumalagong pagbibigay diin sa pag-aaral sa iglesya (isang tanda ng kalakasan) at ang lumalagong kawalang-kasiyahan sa awtoridad ng Romano Katolikong Simbahan (isang tanda ng kahinaan). Ang mga “iskolar” (mga teologo ng Kilusang Scholastic) ay nagbigay ng mga tanong na direktang humantong sa Reformation.
Ang Pagsikat ng mga Unibersidad
Sa simula ng Middle Ages, karamihan sa mga paaralan ay pinatatakbo ng mga monghe ng Romano Katoliko. Sa hulihan ng Middle Ages, malalaking katedral ang nagpapatakbo sa mga paaralan. Sa paglipas ng panahon, ang mga guro ay nagsimulang magbukas ng mga paaralang hindi umaasa sa mga katedral. Ito ang natatag bilang mga unibersidad. Sa bandang ika-labintatlong siglo, mahahalagang unibersidad ang naitatag sa Paris, Orleans, Cambridge, Oxford, Bologna at Padua.
Ang mga unang unibersidad ay hindi sumasalungat sa mga doktrina ng Kristiyano. Sa halip, sila ay tumututol sa lubusang awtoridad ng pamunuan ng iglesya. Naniniwala sila (tulad ng mga Kristiyano sa unang mga siglo) na ang Kasulatan at pangangatwiran ay hindi magkasalungat. Ang mga unibersidad ay naging pinakamalakas na sentro ng pagsalungat sa lubos na kapangyarihan ng Romano Katolikong iglesya.
Si Anselm ng Canterbury (1033-1109)
[1]Si Anselm ay isang mongheng Benedictine na naglingkod bilang arsobispo ng Canterbury mula 1093-1109. Siya ay itinuring na tagapagtatag ng Scholastisism dahil sa kanyang pagbibigay-diin sa makatwirang pagkaunawa ng teolohiya at pilosopiyang Kristiyano.
Binuo ni Anselm ang “ontological” na pangangatwiran para sa pag-iral ng Diyos, isang pangangatwiran na ginagamit pa rin ng mga apologists sa kasalukuyan. Sa halip na gamitin ang awtoridad ng iglesya, nanawagan si Anselm sa pangangatwiran. Hindi naniniwala si Anselm na makakapalit ang katwiran sa kapahayagan o pananampalataya. Nagsalita siya tungkol sa “pananampalatayang naghahanap ng pag-unawa.” Naniwala si Anselm na nauuna ang pananampalataya sa katwiran. Ginamit niya ang katwiran upang maunawaan nang mas malalim kung ano ang kanyang pinaniniwalaan.
Ang pinakatanyag na isinulat ni Anselm ay ang pag-aaral ng Pagkakatawang-tao, Cur Deus Homo (Bakit Naging Tao ang Diyos). Sa aklat na ito, ipinaliwanag ni Anselm ang kahalagahan ng pagkakatawang-tao sa pagpapakita na tanging ang Diyos -na-Tao ang makakatugon sa mga hinihingi ng katarungan para sa ating kasalanan.
Gamit ang medieval language of honor, isinulat ni Anselm na ang kasalanan ng tao ang nakasakit sa karangalan ng Diyos. Ang karangalang ito ay dapat maibalik sa pamamagitan ng pagbabayad sa parusa para sa ating kasalanan. Gayunman, ang pagbabayad-utang na nararapat sa Diyos ay higit pa sa kayang ibayad ng mga tao. Ang kasalanan laban sa Diyos ay hindi maaaring bayaran ng tao. Hindi natin kailanman kayang bayaran ang utang natin sa Diyos. Nagtapos si Anselm sa pagsasabing ang Diyos ay dapat maging tao upang maibigay ang sapat na hinihingi para sa kasalanan.
Kinilala ni Anselm na si Hesus (ang Diyos -na-Tao) ang tanging maaaring makapagbayad sa pagkakautang na ito. Bilang Diyos, may kakayahan si Hesus na magbayad-utang para sa kasalanan ng tao; bilang tao, makatwirang mababayaran ni Hesus ang pagkakautang ng sangkatauhan. Ang teoriya ni Anselm ay kilala bilang ang “satisfaction theory” ng pagbabayad-utang at nanatiling isang napakaimpluwensyang paraan ng pagpapaliwanag sa doktrina ng pagbabayad-sala.
Si Peter Abelard (1079-1142)
Ginugol ng French philosopher at teologo na si Peter Abelard ang malaking bahagi ng kanyang buhay sa mga monasteryo, madalas na ipinakukulong ng mga awtoridad ng iglesya. Dalawang beses na hinatulan ng kamatayan ng konseho ng iglesya si Abelard dahil sa pagiging erehe.
Ang pinakamaimpluwensyang isinulat ni Abelard ay isang kasunduan na may titulong Sic et Non (Oo o Hindi) kung saan nagtanong siya ng 158 na katanungan at sinagot ang mga ito mula sa mga naunang mapagkukunan. Binanggit niya ang Kasulatan, mga ama ng iglesya, at maging mga klasikong pagano. Ipinakita niya na ang mga pinagkukunang ito ay madalas na tila sumasalungat sa isa’t-isa. Ang layunin ni Abelard ay hindi para pawalang bisa ang Kasulatan o ang mga ama ng iglesya. Ang kanyang layunin ay ipakita na ang pamunuan ng Romano Katoliko ay hindi ang ultimong awtoridad.
Katulad ni Anselm ng Canterbury, sinikap ipaliwanag ni Peter Abelard ang pagbabayad-sala. Sa halip na magtuon sa prinsipyo ng divine justice katulad ni Anselm, ikinatwiran niya na ang pangunahing layunin ng kamatayan ni Kristo ay ang maipakita ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan. Habang nakikita ng mga makasalanan ang pag-ibig ng Diyos, maaakay sila sa pagsisisi. Ang teoriya ni Abelard ay nakilala bilang ang teoriya ng “impluwensiyang pangmoral” ng pagbabayad-sala at naging popular sa mga liberal na mga teologo.
Si Thomas Aquinas (1224-1274)
Si Thomas Aquinas ay itinuturing na pinakadakilang teologo ng Romano Katolikong iglesya. Katulad ni Abelard, pinag-aralan ni Thomas Aquinas ang Banal na Kasulatan, ang mga unang ama ng iglesya at mga iskolar na hindi Kristiyano. Sa kanyang masterpiece na Summa Theologica (Summation of Theological Knowledge), ipinakita ni Aquinas na ang katwiran at ang Banal na Kasulatan ay hindi magkasalungat. Ang Diyos na nagbigay ng inspirasyon sa Banal na Kasulatan ang nagbigay sa atin ng pag-iisip upang maunawaan ang Kasulatan. Katulad ni Anselm, sumulat si Aquinas ng mga pagpapaliwanag na nagpapatunay sa pag-iral ng Diyos.
Isang pangunahing pagkakaiba nina Aquinas at Abelard ay ang pagkakaroon ni Aquinas ng mas higit na respeto para sa awtoridad ng iglesya. Naniwala siya na ang kaligtasan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng pagpapasailalim sa awtoridad ng pope.
Itinuro ni Aquinas at ng kanyang mga tagasunod ang doktrina ng transubstantiation. Itinuturo ng doktrinang ito na sa Eukaristiya (komunyon), ang tinapay at alak ay nababago at nagiging aktuwal na katawan at dugo ni Kristo Hesus.
Itinuro ni Aquinas ang doktrina ng Romano Katoliko ng pagpipinetensya at tinanggap ang paggamit ng mga indulhensiya. Ayon kay Aquinas, ang iglesya ay may kakayahang lumapit sa isang “kabang-yaman ng merito” (na itinayo sa pamamagitan ng ginawa ni Kristo at ng mabubuting gawa ng mga sumunod na santo). Pagkatapos mamatay, ang masasama ay agad na pumupunta sa impiyerno; ang matapat ay agad na pumupunta sa langit. Karamihan sa mga Kristiyano, gayunman, ay hindi sapat ang kadalisayan upang agad na makapunta sa langit. Kailangan silang dalisayin sa apoy ng purgatoryo. Ayon kay Aquinas, ang pope at ang kanyang mga pari ay may awtoridad na magkaloob ng “indulhensiya” mula sa “kabang-yaman ng merito” upang palayain ang mga kaluluwa mula sa purgatoryo.[2]
Tinanggihan ng mga Reformer ang paggamit ng mga indulhensiya dahil ang kapatawaran na nakabatay sa kabayaran o merito ay hindi nakabatay sa biyaya lamang. Salungat sa inaangkin ng pope na siya ay isang tagapamagitan sa Diyos at sa tao, inaalala ng mga Reformer ang mga salita ni Apostol Pablo na “mayroon lamang isang tagapamagitan sa Diyos at sa tao, at ito ay si Kristo Hesus.”[3]
Ang “Pagkabihag sa Babilonia” at ang “Malawakang Pagkakahati”
Noong 1300, ipinahayag ni Pope Boniface VIII ang Year of Jubilee. Inihayag niya ang indulhensiya na tumitiyak sa kapatawaran ng lahat ng kasalanan para sa mga taong bumisita sa simbahan ng St. Peter at St. Paul sa Roma sa panahon ng Banal na Taon.[4] Libo-libong manlalakbay ang bumisita sa Roma sa taong iyon.
Mukhang malakas ang Romano Katolikong Simbahan. Gayunman, sa loob ng tatlong taon, si Boniface ay halos mamatay sa kahihiyan at ang iglesya ay naharap sa siglo ng paghihirap. Hindi na muling nagkaroon ng pope na nagtataglay ng kapangyarihang hindi tinututulan tulad ng ginawa ni Innocent III noong ika-labintatlong siglo.
Noong 1296, naglabas si Boniface ng isang dokumento na nagbabanta ng pagtitiwalag sa iglesya sa sinumang tagapamuno na hihingi ng buwis sa mga pari. Isandaang taon na ang nakararaan, ginamit na rin ni Innocent III ang parehong banta upang pilitin ang mga pambansang tagapanguna upang sumunod sa kanyang mga naisin. Gayunman, sa mga nakapagitang taon, nagbago ang Europa. Sa panahong ito, si Edward I sa England at si Philip the Fair sa France ay tumangging magpasailalim kay Boniface. Ang dalawang hari ay nagbanta ng pagganti, at si Boniface ay napilitang bawiin ang kanyang banta.
Pagkatapos ng matagumpay na Year of Jubilee noong 1300, muling sinubok ni Boniface na gamitin ang kanyang awtoridad sa pamamagitan ng pagpapahayag na “Kinakailangan na ang bawat isang tao ay magpasailalim sa Roman pontiff.” Isa sa mga ministro ni Philip ang tumugon na, “Ang espada ng hari ay yari sa bakal; ang espada ng pope ay yari sa mga salita.” Sa huli si Boniface ay naikulong sa kanyang sariling silid-tulugan ng mga hukbo ng hari at namatay sa kahihiyan. Ang isang kapahayagan ng pope ay hindi na ang panghuling salita sa pulitika ng Europa.
Ang sumunod kay Boniface (si Clement V) ay isang taga-France na hindi kailanman nakatuntong sa Roma. Si Clement at ang sumunod na anim na pope ay namuno mula sa Avignon, France. Ang panahong ito ng pitumput-dalawang taon ay tinawag na “ang Pagkabihag sa Babilonia” dahil ang pakiramdam ng mga tao na ang iglesya ay katulad ng isang bilanggo sa hari ng France. Sa nakalipas na panahon, ang Banal na Romanong Emperador ay naging isang instrumento ng pope; ngayon ang pope ay isang bulag na tau-tauhan ng haring ng France.
Noong 1377, bumalik si Pope Gregory XI sa Roma. Gayunman, hindi nagtagal ang iglesya ay nakaranas ng higit na mga suliranin. Hindi pa gaano katagal mula nung natapos ang “Pagkabihag sa Babilonia” nagsimula naman ang “Dakilang Paghahati.”
Namatay si Gregory hindi pa gaano katagalan mula sa kanyang pagbalik sa Roma. Pinili ng mga Cardinal ang isang bagong pope, si Urban VI. Sa loob ng ilang buwan, ipinasya ng mga cardinal na siya ay labis na diktador at dapat alisin. Nagtalaga sila ng isang bagong pope, subali’t tumangging umalis si Urban VI.
Sa loob ng tatlumpu’t-siyam na taon, si Pope Urban VI ay namuno mula sa Roma habang ang karibal na pope, si Clement VII ay namuno mula sa Avignon. Sila ay kapwa nagsasabi na siya ang tunay na kahalili ni Pedro. Nagkaroon ng mga labanan ang kanilang mga tagasunod.
Noong 1409, ang mga cardinal mula sa dalawang grupo ay nagkasundo na ang sitwasyon ay hindi na kayang tiisin. Ang Konseho ng Pisa ay nagkasundo na palitan ang dalawang pope ng ikatlong tao, si Alexander V. Gayunman, ang orihinal na mga pope ay tumangging bumaba. Ngayon, mayroon nang tatlong pope, ang bawat isa sa kanila ay nag-aangkin na taglay niya ang awtoridad sa buong iglesya. Kahit sino ay sasang-ayon na ang tatlong pope ay sobrang bilang ng pope!
Bilang tugon, isa pang konseho ng iglesya na binubuo ng 350 obispo ang nagpulong sa Constance (1414-1418) upang tapusin ang paghahati, labanan ang heresy, at baguhin ang iglesya. Nakumbinsi nila ang isang pope na magbitiw, tanggalin ang dalawang iba pa, at naghalal ng bagong pope, si Martin V.
Ang Pagkabihag sa Babilonia at Malawakang Pagkakahati ay nagpakita ng kahinaan ng Romano Katolikong Iglesya bago ang Reformation. Winasak ng kasamaan ang kredibilidad ng iglesya mahabang panahon bago pa ang Ninety-Five Theses ni Martin Luther. Lumikha ang Romanong Iglesya ng kapaligiran kung saan ang mga paratang ni Luther ay naunawaan. Maging sa bandang huli ng Middle Ages, kumikilos ang Diyos upang papanumbalikin ang lakas ng tunay na Kristiyanismong naaayon sa Biblia.
Mga Kadahilanan ng Paghina ng Papacy
Pagsikat ng Mga Bansa-Estado
Sa panahon ng Middle Ages, ang pagkakakilanlan bilang bansa ay naging mas malakas kaysa sa pagkakakilanlan bilang isang iglesya. Ang malalakas ng hari ay tumanggi sa pag-angkin ng pope sa pangkalahatang kapangyarihan. Sa paglipas ng panahon, ang banta ng pagbabawal ay nawalan na ng epekto sa mga tao.
Inquisition
Ang mga pang-aabuso sa Inquisition ay nagbunga ng paghihinanakit sa karaniwang tao.
Pananalapi
Ang isang sumisibol na middle class ay naghihinanakit sa walang tigil na paghingi ng pera ng Roma, laluna dahil ang pope ang nagkokontrol sa mas maraming kayamanan kaysa karamihan sa mga hari.[5]
Imoralidad
Nakita ng mga tao na ang nasa pamunuan ng iglesya ay naging mas imoral kaysa sa mga ordinaryong mamamayan.
Pagkakahati sa iglesya.
Ang Pagkabihag sa Babilonia at ang Malawakang Pagkakahati ay nagdala ng kahihiyan sa mata ng mga ordinaryong tao. Hindi na iginagalang o itinuturing na banal ng mga karaniwang tao ang iglesya.
Ang Kabiguan ng Kilusang Tagapagkasundo
Sa unang iglesya, ang mga pagkakaibang teolohikal ay nalulutas sa pamamagitan ng mga ecumenical na konseho.[6] Pinatunayan ng Konseho ng Nicaea at Constantinople ang mga dakilang credo ng pananampalatayang Kristiyano. Gayunman, sa panahon ng Middle Ages, ang mga konseho ay kontrolado ng mga pope. Kapag nais ng pope na magkaroon ng awtoridad para sa kanyang itinuturo, tatawagin niya ang isang konseho upang itatak ang kanilang pagsang-ayon sa kaniyang mga pasya. Ang mga konseho ay walang kapangyarihan na higit pa sa kung ano lamang ang ibinibigay ng pope.
Sa panahon ng Pagkabihag sa Babilonia at sa Malawakang Pagkakahati, ang ilang tagapanguna sa iglesya ay nagpasya na bumalik sa modelo ng mga konseho ng iglesya. Naniwala sila na ang isang konseho na nakahiwalay sa pope ay makapaghahatid ng pagbabago sa iglesya. Kasunod ng Konseho ng Constance na tumapos sa Malawakang Pagkakahati, nagkasundo ang mga obispo na regular na magkikita-kita upang lutasin ang mga usapin sa loob ng iglesya. Ito ay nakilala bilang ang kilusan ng pagkakasundo.
Umasa ang mga tagapamuno sa iglesya na ito ay makakabawas sa panganib ng korapsiyon ng isang pope. Gayunman, nabigo ang kilusan ng pagkakasundo. Ang sumunod kay Pope Martin V, si Pope Euguene IV ay tumanggi sa mga pasya ng sumunod na konseho. Noong 1449, namatay na ang kilusan ng pagkakasundo. Muli, humawak ang pope ng lubusang kapangyarihan sa Romano Katolikong Simbahan, bagaman nawawala na ang kapangyarihan ng iglesya sa lipunan.
[1]“Hindi ko sinisikap na makaunawa upang maniwala, sa halip, ako’y naniniwala upang ako’y makaunawa. Malibang ako’y unang maniwala,hindi ako makauunawa.”
- Anselm
[2]Mula kay Cyprian sa ikatlong siglo, ang mga iglesya ay humingi ng mga gawain ng pagpipinitensya upang ipakita ang tunay na kalungkutan para sa kasalanan. Ang isang indulhensiya ay nagpapahintulot sa tao na iwasan ang mga gawaing ito ng pagpipinitensiya o pagpapahirap sa sarili. Sa paglipas ng panahon, ang mga ito ay naging dahilan para sa nagpapatuloy na kasalanan. Kusang-loob na nagpapatuloy ang mga tao sa kasalanan at “bumibili ng indulhensiya,” sa halip na magsisi at tumalikod sa kasalanan.
[4]Ang pagbibigay ng “Indulhensiyang Panlahatan” (lubos na pagpapatawad sa lahat ng kasalanan) sa pagbisita sa Roma sa panahon ng “Banal na Taon” ay inulit noong 1975 ni Pope Paul VI.
[5]Kabilang sa kinikita ng pope: ari-ariang pag-aari ng iglesya, ikapu, kabayaran ng mga opisyal ng iglesya, ang “karapatan sa mga nasamsam” kung saan ibinibigay ang mga personal na ari-arian ng isang obispo sa pope kapag ang obispo ay namatay, pagbebenta ng mga indulhensiya, at marami pang iba’t-ibang buwis at kabayaran.
[6]Ang konsehong ecumenical ay isang pagpupulong ng mga kinatawan ng buong pandaigdigang iglesya.
Isang Nakalampas na Pagkakataon Para sa Ebanghelyo sa Tsina
Nakita natin ang epekto ng pagbabalik-loob ni Constantine sa Roma, ni Clovis kasama ng mga Franks, at ni Vladimir sa Russia. Ang kwento ni Kublai Khan ay nagpapakita kung paanong ang isa pang makasaysayang pagkakataon para sa pag-eebanghelyo ay nakalampas dahil sa pulitika sa iglesya.
Taong 1266, nakilala ng ama ni Marco Polo si Kublai Khan, ang tagapamunong Mongol. Humingi si Khan ng isandaang monghe upang magturo sa kanyang nasasakupan. Gayunman, noong ika-labintatlong siglo, ang Romano Katolikong Simbahan ay nababalot sa di-pagkakasundong pampulitika. Ang mga tagapanguna sa iglesya ay mas nag-aalala tungkol sa kapangyarihan kaysa sa pag-eebanghelyo. Si Pope Gregory X ay nakatagpo lamang ng walong monghe para sa misyong ito. Nang maging mahirap ang paglalakbay, maging ang walong ito ay bumalik. Nang makarating ang mga misyonero sa Mongolia matapos ang ilang dekada, ang Islam at Buddhismo ay kapwa matibay nang nakatatag sa lugar. Para sa sumunod na ilang siglo, ang mga Tsino ay nanatiling bihag sa dalawang huwad na relihiyong ito.
Isang misyonero (si Patrick) ang nag-ebanghelyo sa Ireland. Dahil sa sigasig ni Patrick sa pag-eebanghelyo, naipalaganap ng mga misyonerong Irish ang ebanghelyo sa buong Kanlurang Europa. Isipin ninyo kung ano sana ang nagawa ng isandaang misyonerong Kristiyano sa China noong ika-labintatlong siglo!
► Mayroon bang nakakalampas na mga pagkakataon sa atin upang mag-ebanghelyo sa kasalukuyan? Mayroon bang mga tao na hindi pa naaabot sa inyong mga kapitbahay? Bisitahin ang operationworld.org upang malaman ang mga pagkakataon para sa pagmimisyon sa ngayon.
Konklusyon: Nagsasalita ang Kasaysayan ng Iglesya sa Kasalukuyan
Mayroon akong kaibigan na dahil sa mga pagkakamali ng Romanong Katolisismo, ay naniniwala na walang tunay na Kristiyano ang naging kaanib ng Romano Katolikong Iglesya. Sa kanyang isip, ang mga taong dumadalo sa pagsambang Kristiyano mula 313 hanggang 1571 ay walang pagkakaiba sa mga paganong sumasamba sa dios-diosan.
Bilang namumuhay sa isang modernong lipunan, mahirap unawain na mayroong mga tunay na Kristiyano na sumasamba kasama ng mga nagkrusada na pumatay at gumahasa sa ibang Kristiyano. Mahirap ilarawan sa isip ang mga tunay na Kristiyano na tumatanggap ng mga espirituwal na pagkain mula sa masamang kaparian. Tiyak na agad agad tayong magpapalit ng iglesya!
Gayunman, hindi maisip ng mga Kristiyano noong Middle Ages ang pagsisimula ng bagong iglesya. Ang maging Kristiyano ay nangangahulugan na maging kabilang ng “isang banal, apostolikong iglesya.” Hanggang sa bandang huli ng Middle Ages, ang bawa’t isa ay nag-isip na ang nag-iisang iglesya sa isang pamayanan ay bahagi ng banal, apostolikong iglesyang iyon. Sa loob ng isang iglesya, mayroong malawak na saklaw ang mga paniniwalang teolohikal at pamamaraan sa pagsamba.
Isang aral para sa atin sa kasalukuyan ay ang pagpapalakas ng loob na ang Diyos ay laging may tao! Maging noong ang malaking bahagi ng iglesya ay naaalipin sa maling katuruan, pinangalagaan ng Diyos ang banal na bayan. Maging nang ang pamunuan ng Romanong iglesya ay nagbigay pahalaga sa kapangyarihang pampulitika kaysa sa espirituwal na kabanalan, mayroong mga tao na nananabik sa malalim na relasyon sa Diyos at namuhay nang may kabanalan.
Sa pinakamadilim na mga araw ng Middle Ages, nang ang opisyal na iglesya ay tumalikod sa tunay na pananampalataya, nang sinasakop ng Islam ang malalawak na rehiyon ng Africa, at nang mayroon lamang iilang boses para sa ebanghelyo, nagtindig ang Diyos ng mga lalaki upang pangalagaan ang Kanyang Salita. Sa kasalukuyan, nang ang Islam, ang Bagong Atheismo, at iba pang kalaban ni Kristo ay tila nananalo sa labanan para sa mga puso ng henerasyong ito, dapat tayong manatiling matapat sa Salita ng Diyos. Marahil inihahanda ka ng Diyos “para sa panahong katulad nito.”
Leksiyon 7 Mga Pangunahing Pangyayari sa Kasaysayan ng Iglesya
Petsa (A.D.)
Pangyayari
1054
Pagkakahati sa Pagitan ng Silanganan at Kanlurang Iglesya
1095-1291
Ang mga Krusada
1204
Inatake ng mga nag-Krusada ang lungsod ng Constantinople.
1305-1377
Ang “Pagkabihag sa Babilonia” ng Pagiging Pope ng Romanong Katoliko
1378-1417
Ang Malawakang Pagkakahati ng Simbahang Romano Katoliko
Leksiyon 7 Mga Pangunahing Tao sa Kasaysayan ng Iglesya
Si Peter Abelard (1079-1143). Teologong scholastic na nagbigay-diin sa paggamit ng pangangatwiran sa teolohiya. Binuo niya ang teoriya ng impluwensiyang moral ng pagbabayad-sala.
Si Anselm (ca. 1033-1109). Teologong scholastic at arsobispo ng Canterbury. Bumuo siya ng mga pangangatwiran para sa pag-iral ng Diyos at ang teoriya ng pagiging sapat ng pagbabayad-sala.
Si Thomas Aquinas (1225-1274). Pinakadakila sa mga teologong scholastic. Ang kanyang Summa Theologiae ay nagtangkang pagsamahin ang teolohiyang Kristiyano at teolohiyang Griyego.
Si Innocent III (1161-1216). Isa sa pinakamakapangyarihang pope sa kasaysayan. Inangkin niya ang kapangyarihan sumasaklaw sa lahat ng tagapangunang walang kaugnayan sa relihiyon.
Leksyon 7 Mga Takdang Aralin
(1) Kumuha ng pagsusulit sa leksiyong ito. Kabilang sa pagsusulit ang mga petsa mula sa “Pangunahing Pangyayari sa Kasaysayan ng Iglesya” timeline (1054-1517).
(2) Maghanda ng isang paglalarawan sa talambuhay ng isa sa mga sumusunod ng tagapangunang Kristiyano: Francis ng Assisi, Bernard ng Clairvaux, o si Thomas Aquinas. Ang iyong paglalarawan ay dapat magkaroon ng apat na bahagi:
Talambuhay: Kailan siya nabuhay? Saan siya nanirahan? Kailan at saan siya namatay?
Mga Pangyayari: Ano ang mga pinakamahalagang pangyayari sa kanyang buhay?
Impluwensya: Ano ang kanyang pangmatagalang impluwensya sa iglesyang Kristiyano?
Pagsasabuhay: Ano ang isang aral mula sa tagapangunang ito para sa kasalukuyang iglesya?
Mayroon kang dalawang pagpipilian sa pagpapahayag ng iyong paglalarawan:
Magsumite ng 2-pahinang nakasulat na talambuhay sa tagapanguna sa inyong klase.
Magbigay ng 3-5 minuto ng pasalitang presentasyon sa inyong klase.
Leksiyon 7 Pagsusulit
(1) Ano ang dalawang usaping teolohikal ang nakatulong sa tagumpay ng Islam sa Hilagang Africa?
(2) Pinigil ni ________________ang paglaganap ng Muslim sa Europa sa Labanan sa Tours noong 723.
(3) Ang mga Krusada ay ipinaglaban mula ________ hanggang _______.
(4) Inangkin ni Pope ______________ noong ika-labintatlong siglo na ang pope ay “mas mababa kaysa sa Diyos, ngunit higit pa sa tao.”
(5) Ang ________________________ ay ang pamamaraan ng Romano Katolikong upang makita at maparusahan ang mga pinararatangang erehe sa huling bahagi ng Middle Ages.
(6) Binuo ng teologong scholastic na si ________________________ ang teoriya ng sapat na pagtubos sa kanyang aklat tungkol sa pagkakatawang-tao.
(7) Binuo ni Peter Abelard ang teoriya ng ____________________ ng pagbabayad-sala.
(8) Si _____________________ ay itinuturing na pinakadakilang teologo ng Romano Katolikong Simbahan. Itinuro niya ang doktrina ng transubstantiation at mga indulhensiya.
(9) Ang mga taong 1305-1377 ay tinatawag na ______________________ng pagkapope ng Romanong Katoliko.
(10) Sa panahon ng _____________________, tatlong pope ang nag-aangkin ng awtoridad sa lahat ng iglesya.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.