Maraming kilusang panrelihiyon ang lumago sa loob ng ilang taon at pagkatapos ay nawala lang. Ang isang kilusang nananatili ay dapat kumilos sa kabila ng mga hamon na lumitaw sa ikalawang henerasyon, pagkatapos lumipas ang paunang kagalakan.
Hinarap ng iglesya ang hamong ito pagkatapos ng kamatayan ng mga apostol. Sa bandang katapusan ng unang siglo, ang mga apostol at mga unang nagbalik-loob ay pawang namatay na. Ang isang bagong henerasyon ng mga Kristiyano ay naharap sa mga bagong hamon.
Ang unang iglesya ay humarap sa hamon ng pag-uusig. Ang unang henerasyon ng mga apostol na nakakita kay Hesus na may katawan ay nagbigay ng kanilang buhay para sa ebanghelyo. Ang mga mananampalataya ba na hindi nakakita kay Hesus ay mananatiling matapat sa harap ng kamatayan?
Ang unang iglesya ay humarap sa hamon ng pag-eebanghelyo. Umalis sa Silid sa itaas ang unang henerasyon ng mga mananampalataya pagkatapos ng Pentekostes upang ipalaganap ang ebanghelyo sa kanilang panahon. Ang mga mananampalataya ba na hindi naman kabilang sa mga nasa Silid sa itaas ay magpapatuloy na tuparin ang pagsusugo ni Kristo upang ipangaral ang ebanghelyo hanggang sa dulo ng mundo?
Petsa ( A.D. )
Pangyayari
70
Pagkawasak ng Jerusalem
89-96
Pag-uusig ni Domitian
155
Pagiging Martir ni Polycarp
190
Ang Muratorian Canon
303-313
Panahon ng mga Martir sa ilalim ni Diocletian at Galerius
313
Kautusan ng Milan
Ang mga tanong na ito ay napapanahon pa rin sa kasalukuyan. Ang mga Kristiyano sa maraming bahagi ng mundo ay nahaharap sa pag-uusig. Ang mga Kristiyano ba sa ngayon ay mananatiling matapat sa harap ng pag-uusig at maging ang banta ng kamatayan?
May tungkulin pa rin ang mga Kristiyano sa ngayon upang dalhin ang ebanghelyo hanggang sa dulo ng daigdig. Ang mga Kristiyano ba sa kasalukuyan ay tutugon sa pagsusugo ni Kristo sa kanyang mga tagasunod, “Kayo ay magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”[1]
Sa leksiyong ito titingnan natin ang kasaysayan ng iglesya mula sa pagbagsak ng Jerusalem noong A.D. 70 hanggang sa simula ng ika-apat na siglo. Sa panahong ito ng “Kristiyanismong katoliko,” binigyang kahulugan ng iglesya ang maraming tenets ng orthodox theology.[2] Sa panahon ng mga siglong ito, ang mga ama ng iglesya ay nagtatag ng mga prinsipyo na siyang gagabay sa pananampalataya at mga gawain ng lahat ng mga iglesya.
►Anong mga usapin na hinarap ng unang iglesya ang hinaharap ng mga Kristiyano sa inyong kultura sa ngayon? Habang pinag-aaralan mo ang leksiyong ito, hanapin ang mga prinsipyong maaaring makagabay sa iglesya sa ngayon.
[2]Ang “Katoliko” ay nangangahulugang “unibersal.” Ang salitang ito ay nangangahulugan ng unibersal na Kristiyanong Iglesya na binubuo ng lahat ng manananampalataya. Sa paglipas lamang ng panahon na ang salitang Katoliko ay ginamit upang tukuyin nang tiyakan sa Romano Katolikong Simbahan.
Mamatay para sa Pananampalataya: Ang mga Martir
Isa sa mga unang patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo ay ang kamatayan ng mga martir ng unang siglo. Tanungin mo ang iyong sarili, “Sino ang magpapakamatay para sa isang kasinungalingan?” Totoo na maraming tao na ang namatay dahil sa kasinungalingan – subali’t sila’y naniwala na totoo ang kasinungalingan. Ang mga teroristang Islam, ang mga miyembro ng kultong nagpapakamatay, ang mga martir para sa maling relihiyon lahat ay namatay na naniniwalang ang kanilang relihiyon ay totoo.
Gayunman, ang mga apostol ay mga saksi sa Muling Pagkabuhay. Kung ang libingan ay hindi naging walang laman, nalalaman nila na ang Muling Pagkabuhay ay isang kasinungalingan. Kung ang 500 saksi sa 1 Corinto 15:6 ay hindi nakita si Hesus pagkatapos na siya’y ipako sa krus, nalalaman nila na ang testimonya ni Pablo ay isang kasinungalingan. Sa halip, ang mga unang mananampalataya ay humarap sa kamatayan dahil nalalaman nila ang katotohanan ng ebanghelyo. Ang salitang “martir” ay nagmula sa salitang Griego na, martys, na tumutukoy sa isang legal na saksi. Ang mga unang martir ay hindi namatay dahil sa isang kasinungalingan; namatay sila bilang mga saksi sa katotohanan ng ebanghelyo. Namatay sila dahil nakita nila ang muling pagkabuhay ni Hesus at nalalaman nila na Siya ay Panginoon.
Ang mga tala na sulat nina Mateo, Marcos, at Lucas ay umikot sa mga iglesya sa panahon ng kalagitnaan ng unang siglo; ang tala na sulat ni Juan ay isinulat sa bandang hulihan ng unang siglo. Sa panahon ng bandang hulihan ng unang siglo, ang apat na ebanghelyo ay mga may awtoridad na saksi sa katotohanan ng muling pagkabuhay. Ang sumunod na henerasyon ng mga martir ay nagbatay ng kanilang pananampalataya sa mga ebanghelyong ito. Ang ikalawang henerasyon ng mga mananampalataya ay nanatiling tapat sa pananampalataya sa harap ng pag-uusig at kamatayan.
Kasunod ng kamatayan ni Nero noong 68 A.D. at sa pagkawasak ng Jerusalem noong 70 A.D., Hindi pinansin ng mga emperador ng Roma ang mga Kristiyano sa loob ng ilang taon. Gayunman, sa simula ng 80’s, naging emperador si Domitian. Taong A.D. 89, ipinag-utos niya sa mga Judio na ipadala ang kanilang panrelihiyong ikapu sa Roma at igalang siya bilang “panginoon at Diyos.” Nang tumanggi ang mga Judio at mga Kristiyano na tawagin siyang “panginoon at Diyos,” pinagbawalan ni Domitian ang lahat ng “gawaing pang-Judio” at ang pagsambang Kristiyano.
Ibinilanggo si Juan sa Isla ng Patmos sa panahon ng pamumuno ni Domitian. Habang nasa Patmos, isinulat niya ang aklat ng Pahayag na nagpapakita na tanging si Hesus lamang ang karapat-dapat na tawaging “Panginoon at Diyos” at upang palakasin ang loob ng mga naghihirap na Kristiyano. Kahit mayroon man na pagsalungat ang mga emperador ng Roma, ang Diyos ay magiging matagumpay laban sa mga kapangyarihan ng mundong ito.
[1]Ang pag-uusig ng mga Kristiyano ay nagpatuloy nang pana-panahon sa kabuuan ng ikalawa at ikatlong siglo. Pinarusahan ni Trajan ang mga Kristiyano na iniuulat sa mga opisyal, subalit hindi niya hinanap ang mga Kristiyano. Pinarusahan ni Septimius Severus (193-211) ang mga Kristiyano at mga Judio dahil sila ay sumasamba sa iisang Diyos lamang at tumangging maghandog sa mga dios nang Romano.
Pinarusahan nina Decius at Valerian, dalawang emperador mula sa ikatlong siglo, ang mga Kristiyano na tumangging maghandog sa mga dios. Ang mga Judio ay hindi saklaw ng pangangailangang maghandog sa mga dios, subali’t sa panahong ito ang iglesyang Kristiyano ay hindi na itinuturing na bahagi ng pananampalatayang Judio.
Naluklok sa kapangyarihan si Diocletian noong A.D. 284. Simula noong 303, nagsimula siyang usigin ang mga Kristiyano. Hindi lamang indibidwal na mga Kristiyano ang pinapatay (katulad sa mga unang mga pag-uusig), kundi iniutos ni Diocletian ang pagwasak sa mga simbahan, sinunog ang mga Kasulatan, at ang mga mananampalataya ay pinahirapan bago sila patayin.
Ang matinding pag-uusig na ito ay nagpatuloy maging sa ilalim ng pumalit kay Diocletian na si Galerius. Natigil lamang ang pag-uusig nang ipalabas ni Emperador Constantino ang kanyang “Kautusan sa Milan” noong A.D. 313. Pinahintulutan ng kautusan ni Constantino ang mga Kristiyano na makasamba nang malaya. Ito ang nagtapos sa mga siglo ng pag-uusig ng mga Romano sa mga mananampalataya.
Mga Panahon ng Pag-uusig ng mga Romano
Petsa ( A.D. )
Pangyayari
64-68
Inakusahan ni Nero ang mga Kristiyano sa pagsunog sa Roma
Ang pagiging martir nina Pedro at Pablo
89-96
Hiningi ni Domitian ang titulong “panginoon at Diyos”
Ibinilanggo si Juan
193-211
Pinarusahan ni Septimus Severus ang mga sumamba sa iisang Diyos lamang
247-251
Hiningi ni Decius na ang lahat (maliban sa mga Judio) na magsunog ng handog sa mga dios
257-260
Iniutos ni Valerian ang kamatayan ng mga Kristiyanong obispo
303-313
Pinahirapan nina Diocletian at Galerius ang mga Kristiyano, sinunog ang mga simbahan, at winasak ang mga kopya ng Kasulatan.
…Mula Noon Hanggang Ngayon…
Nagpapatuloy ang pag-uusig sa iglesya hanggang sa kasalukuyan sa mga lugar na tulad ng Sudan, hilagang Nigeria, at Hilagang Korea. Tinatayang apatnapu’t limang milyong Kristiyano ang naging martir sa ika-dalawampung siglo (isa sa bawat limang minuto). Habang pinag-aaralan mo ang leksiyong ito, mag-ukol ng isang araw sa pag-aayuno at pananalangin para sa iglesyang pinag-uusig. Ipanalangin na:
(1) Bigyan ng Diyos ang mga Kristiyano ng kalakasan sa harap ng pag-uusig.
(2) Gamitin ng Diyos ang kanilang patotoo upang abutin ang kanilang mga mang-uusig para kay Kristo.
[1]"Ang dugo ng mga martir ay ang binhi ng iglesya."
- Tertullian (ca. 197)
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Mong Makilala: si Polycarp, ang Obispo ng Smyrna (ca. 69-155)
"Walumpu’t anim na taon na ako’y naging Kanyang alipin, at wala Siyang ginawang anumang kamalian sa akin. Paano ko lalapastanganin ang aking Hari na nagligtas sa akin?” (Polycarp).
Ayon sa sinaunang tradisyon, si Polycarp ay isang disipulo ni Juan. Dahil dito, siya ay naging isang mahalagang kaugnayan sa pagitan ng mga apostol at ng ikalawang henerasyon ng mga mananampalatayang Kristiyano. Siya ay nagbalik-loob noong bata pa siya at ginugol ang buong buhay niya sa pagsisilbi bilang isang lider sa iglesya. Bagaman kaunti lamang ang kanyang pormal na pag-aaral, siya ay isang epektibong tagapanguna, na ang kababaang-loob at katapangan ay naka-impressed sa mga nakakikilala sa kanya.
Naglingkod si Polycarp bilang obispo ng Smyrna (ang modernong Izmir sa Turkey). Siya ay isang matapang na kalaban ni Marcion, ang Gnostic heretic na tinalakay sa unang bahagi ng kabanatang ito. Kahit kapag nasasalubong niya si Marcion sa mga kalsada ng Roma, tumanggi si Polycarp na palambutin ang kanyang pagtanggi sa mga heretic na katuruan ni Marcion. Sa halip na sikaping makuha ang pabor ng bantog na gurong ito, tinawag ni Polycarp si Marcion na “anak ni Satanas.” Ang mga katuruan ni Polycarp ang naging daan upang ang maraming Gnostics ay magbalik-loob sa tunay na pananampalatayang Kristiyano.
Dagdag pa sa dalisay na doktrina, inaalala ni Polycarp na ang mga Kristiyano ay manatili sa buhay na may etikal na integridad. Isinulat niya ang Liham sa mga taga-Filipos na naging isang mahalagang gabay para sa paniniwalang Kristiyano sa ikalawang siglo. Sa kanyang liham-pastoral, tinalakay ni Polycarp ang mga praktikal na usapin patungkol sa buhay Kristiyano. Nagbabala siya laban sa materyalismo at kawalang katapatan sa pananalapi. Noon, tulad ngayon, ang salapi ay isang malakas na tukso upang ihulog sa kasalanan ang mga Kristiyano.
Ang Smyrna ay isa sa dalawang iglesya na hindi tumanggap ng paghatol sa mga Liham sa Pitong Iglesya sa Pahayag. Ang mensahe sa Smyrna ay nagbabala tungkol sa pag-uusig, subali’t nangako ng korona ng buhay para sa mga mananatiling matapat. “Maging matapat maging hanggang kamatayan, at ipagkakaloob ko sa inyo ang korona ng buhay. Ang sinumang nagtatagumpay ay hindi na masasaktan ng ikalawang kamatayan.”[2] Si Polycarp ay tumatayong saksi sa pangakong iyon.
Sa edad na walumpu’t-anim, si Polycarp ay binigyang-babala na siya ay aarestuhin. Kailan lamang ay pinatay ng mga opisyal ng Smyrna ang ilang Kristiyano at ngayon ay hinihingi ang buhay ng obispo. Naniniwala sila na kapag pinatay nila ang obispo, mamamatay rin ang iglesya sa Smyrna.
Nalalaman ni Polycarp ang pagiging seryoso ng bantang ito. Binati na niya si Ignatius nang si Ignatius ay ibiniyahe padaan sa Smyrna patungo sa kanyang pagiging martir sa Roma. Pagkalipas nito iniukol ni Ignatius ang isa sa kanyang pitong liham kay Polycarp. Nalalaman ni Polycarp ang panganib, subali’t tumanggi siyang itanggi si Kristo.
Nang dumating ang mga sundalo upang hulihin si Polycarp, iniutos niyang silbihan sila ng pagkain at inumin habang siya’y nananalangin. Ang mga sundalong nakikinig sa kanyang panalangin ay labis na nabagbag ang kalooban kaya’t iniwan nila siyang nananalangin sa loob ng dalawang oras bago siya dinala sa arena.
Sa arena, sinabi sa kanya ng gobernador na itanggi si Kristo at nangako na ililigtas niya ang kanyang buhay. Ang tanging dapat sabihin ni Polycarp ay ang mga salitang “Si Caesar ang Panginoon.” Sa panahong ito sa kasaysayan ng Roma, kaunti lamang ang nakapag-aral na mga tao –maging ang Caesar—ang tunay na naniniwala sa mga dios ng Roma. Dahil dito, maraming tao ang humihikayat sa mga Kristiyano na sabihin ang mga salitang iyon bilang paraan upang maiwasan ang kamatayan. Ipinipilit nila, “Hindi mo kinakailangang paniwalaan ang mga salitang iyon. Simple lamang na sasabihin mo ang mga walang kahulugang salitang iyon nang hindi binibitiwan ang iyong pananampalataya kay Kristo.”
Tumugon si Polycarp sa isang patotoo sa katapatan ni Kristo. Ang kanyang mga salita ay umalingawngaw sa buong kasaysayan: “Walumpu’t-anim na taon na ako’y kanyang lingkod, at wala Siyang ginawang mali sa akin. Paano ko lalapastanganin ang aking Hari na nagligtas sa akin?”[3] Tumanggi siyang ikompromiso ang kanyang pananampalataya kay Kristo upang iligtas ang kanyang buhay. Pagkatapos ipinag-utos ng gobernador na sunugin sa tulos si Polycarp.
Isinulat ng isang saksi sa pagiging martir ni Polycarp na ang kamatayan ni Polycarp ay nakaapekto sa lahat ng taong nakasaksi dito: “Pinag-usapan siya maging ng mga hindi naniniwala sa lahat ng dako.” Maging sa kamatayan, si Polycarp ay isang saksi para sa Diyos sa mundo. Matapat si Polycarp sa katotohanan, maging hanggang sa umabot sa kamatayan.
Ang kamatayan ni Polycarp at iba pang Kristiyano sa ikalawang siglo ay nagpapakita na ang mensahe ng ebanghelyo ay hindi nawawalan ng kapangyarihan kahit lumipas pa ang unang henerasyon ng mga mananampalataya. Nagbigay ng lakas ng loob ang Banal na Espiritu sa mga apostol sa harap ng pag-uusig; ang Banal na Espiritu ang nagbigay kay Polycarp at sa kanyang mga kapanahon ng tapang sa harap ng kamatayan; ang Banal na Espiritu ang magbibigay ng lakas ng loob sa ngayon sa harap ng pagsalungat ni Satanas.
[1]Image: "Saint Polycarp", retrieved from the Wellcome Collection, https://wellcomecollection.org/works/s5rsncq, public domain mark.
► Ano ang kahulugan sa iyo ng salitang “paumanhin”?
Sa kasalukuyan, ginagamit natin ang salitang “paumanhin” upang tumukoy sa isang pagpapahayag ng pagsisisi dahil sa isang pagkakamali. Ang paghingi ng paumanhin sa isang tao ay nangangahulugan ng pagsasabi ng, “Ikinalulungkot ko ang aking ginawa.”
Gayunman, ang salitang apology ay orihinal na nagmula sa salitang Latin na apologia na nangangahulugan ng “pagbibigay ng pagtatanggol” sa katotohanan. Sa ikalawang siglo, ang mga manunulat na tinatawag na “Apologists” ay nagtanggol sa pananampalatayang Kristiyano laban sa mga umuusig na Romano. Ipinaliwanag ng mga manunulat na ito ang pananampalatayang Kristiyano sa mga edukadong tao sa kanilang panahon. Nais nilang ipakita na ang mga Kristiyano ay hindi isang pampulitikang banta sa Imperyong Romano. Tulad ng nakita natin sa Leksiyon 1, ang ilan sa mga pag-uusig laban sa mga Kristiyano ay batay sa maling pagkakaunawa sa kanilang mga ginagawa sa pagsamba. Sinikap ng mga apologists na ipaliwanag ang mga ginagawang ito sa mga hindi mananampalataya.
Dagdag pa rito, ipinahayag rin ng mga apologist ang ebanghelyo sa mga pagano. Madalas nilang ginagamit ang mga salita at ideya ng Griegong pilosopiya upang ipaliwanag ang ebanghelyo. Tinukoy ng mga apolgists ang sermon ni Pablo sa mga pilosopo sa Athena bilang isang halimbawa ng paggamit ng paganong pilosopiya bilang isang kasangkapan para sa ebanghelyo.[1]
Justin Martyr (ca. 110-165) lumaki siya sa isang pamilyang Hentil. Sinanay siya sa Griegong pilosopiya sa halip na sa teolohiyang Judio. Pinag-aralan ni Justin ang maraming Griegong philosophers sa kanyang paghahanap sa katotohanan. Ang bawat isa sa mga ito ay nagdala ng pagkadismaya. Sa katagalan, may nakilala siyang isang matandang Kristiyano na nagpakilala sa kanya sa ebanghelyo. Sa pamamagitan ng lalaking ito, natagpuan ni Justin ang katotohanan kay Kristo.
Natuklasan ni Justin na nasasagot ng pananampalatayang Kristiyano ang mga tanong na hindi kayang sagutin ng alinmang pilosopiyang Griego. Dagdag pa rito, ang katapangan ng mga martir ang kumumbinsi sa kanya na nalalaman ng mga Kristiyano ang katotohanan. Makalipas ito, isinulat niya, “Nang makita ko ang mga Kristiyanong walang takot sa kamatayan, alam ko na imposible na sila ay namumuhay sa kasamaan at karangyaan.” Sa paglipas ng panahon, namatay si Justin dahil sa kanyang pananampalataya. Pinugutan siya ng ulo dahil sa pananampalataya noong A.D. 165 pagkatapos sumulat sa Emperador, “Maaari mo kaming patayin, subali’t hindi mo kami maaaring saktan.”
Pagkatapos niyang magbalik-loob, pinag-aralan ni Justin ang Lumang Tipan at nakita niya kung paanong inihanda ng mga propetang Hebreo ang daan para kay Hesus na Manunubos. Nahikayat si Justin na kung paanong ginamit ng Diyos ang Batas ni Moises upang ipakita sa mga Judio na kailangan nila ng isang Manunubos, ginamit ng Diyos ang mga katuruan ng mga philosophers na Griego upang ipakita ang kanilang pangangailangan ng isang Tagapagligtas.
Nakita ni Justin na ang mga tanong ng mga pilosopong Griego ay hindi maaaring sagutin nang hiwalay kay Hesus. Dahil dito, gumamit si Justin ng mga kaisipan mula sa mga paganong pilosopo upang ituro ang pananampalatayang Kristiyano.
[2]Ang Dialogue with Tryphona isinulat ni Justin ay gumamit ng salitang logos mula sa Juan 1 bilang batayan ng kanyang pagtatanggol sa ebanghelyo.[3] Sinabi niya na ibinigay ng Diyos ang “binhi ng Salita” sa mga Griegong pilosopo upang ihanda ang daan para sa pagdating ng Mesiyas. Binanggit niya si Socrates na tumanggi sa mga Griegong dios at diyosa. Sinabi ni Justin na sa pamamagitan ng pagpapakita na ang mga dios na ito ay huwad, pinalaya ni Socrates ang mga Hentil “mula sa mga demonyo.”[4] Inihanda nito ang mga Hentil para sa mensahe ng tunay na Diyos at para sa pagdating ni Kristo bilang ang “Salita na nagkatawang-tao.”
Dalawang apologists na taga Hilagang Africa, sina Clement ng Alexandria at Origen, ang gumamit ng Griegong pilosopiya upang ipaliwanag at ipagtanggol ang pananampalatayang Kristiyano. Ang Alexandria, ang ikalawang pinakamalaking lungsod ng Imperyong Romano, ay nagtataglay ng malaking populasyong Judio. Sa Alexandria, ang pilosopong Judio na si Philo (isang kapanahon ni Pablo) ay nagsikap na ipaliwanag ang Judaismo gamit ang mga pilosopikal na terrminong Griego. Sa katapusan ng ikalawang siglo, sinundan ni Clement ng Alexandria ang patotoo ni Justin sa pagsisikap na humanap ng mga kaugnayan sa pagitan ng pananampalatayang Kristiyano at ng pilosopiyang Griego.
Si Origen, ang sumunod kay Clement, ay nagpatuloy sa kanyang espekulasyong pilosopikal. Sinikap niyang ipaliwanag ang ebanghelyo sa kulturang Griego gamit ang isang allegorical na pamamaraan tungo sa Lumang Tipan. Halimbawa, sumulat si Origen ng isang komentaryo sa Awit ng mga Awit kung saan binigyan niya ng kahulugan ang bawat talata bilang isang larawan ng pag-ibig ni Kristo para sa iglesya. Ang mga sumunod na mga nagpahayag tulad nina Augustine ay sumunod sa allegorical na interpretasyon ni Origen. Gayunman, marami sa mga pilosopikal na ideya ni Origen ay tinanggihan ng iglesya katagalan bilang salungat sa Kasulatan.
…Mula Noon Hanggang sa Kasalukuyan…
May mga iskolar na pangmisyon sa kasalukuyan ang humihikayat sa mga nag-eebanghelyo na gamitin ang pamamaraan ng patotoo ni Justin sa pag-eebanghelyo. Ipinapanukala nila na dapat nating pag-aralan ang mga paniniwala ng mga hindi-Kristiyano upang makapag tatag ng mga tulay sa pagitan ng mga maling relihiyon at ng ebanghelyo. Sa ganitong pamamaraan, naglalabas ang Kristiyano ng mga katanungan kung saan ang isang hindi mananampalataya ay walang kasagutan. Ang layunin ay makalikha ng pagkagutom para sa mga sagot na matatagpuan lamang sa ebanghelyo ni Kristo Hesus.
►Anong mga katuruan sa inyong lipunan ang nagbibigay ng pagkakataon para sa mensahe ng ebanghelyo? Sa paanong paraan ang mga katuruang ito ay nakalilikha ng pagkagutom para sa katotohanan? Ano ang mga panganib sa pag-aaral sa mga maling ideyang ito?
[1]Binanggit ni Pablo ang nakaukit sa isang paganong altar sa kanyang sermon sa Areopagus (Mga Gawa 17:18-31).
[2]Matteo Ricci
Sa simula ng ika-17 siglo, si Matteo Ricci, isang misyonero sa Tsina, ay sumunod sa paraan ng patotoo ni Justin sa pag-eebanghelyo. Hiniram ni Ricci ang mga konsepto ni Confusius (kabilang dito ang
Tradisyunal na pangalan ng mga Intsik para sa Dios upang ipahayag ang ebanghelyo. Sa pamamagitan ng kanyang impluwensiya, ilang opisyal ng pamahalaan ang nagbalik-loob at naging Kristiyano. Gayunman, marami ang naniniwala na ikinompromiso ni Ricci ang doktrinang Kristiyano sa kanyang pagsisikap na iangkop sa mga tradiyong Tsino. Sa kasalukuyan, nahaharap pa rin ang mga Kristiyano sa hamon ng pagpapahayag sa ebanghelyo sa ibang kultura nang hindi ikinokompromiso ang mensahe ng ebanghelyo.
[3]Sa Juan 1:1, ang Griegong salita na logos ay isinalin bilang Salita at ginamit upang tukuyin si Cristo Hesus.
Ang Paglaganap ng Ebanghelyo – Sa Buong Imperyo ng Romano at Lampas pa Roon
Pagkatapos ng Pentekostes, ang sentro ng Kristiyanismo ay unti-unting kumilos palayo sa Jerusalem. Habang tumitindi ang pag-uusig, maraming Kristiyano ang tumakas patungo sa Antioch sa Siria. Ang iglesya ay naging pangunahing iglesyang nagsusugo ng misyonero sa Mga Gawa. Sa bandang dulo ng ikaapat na siglo, halos kalahati ng populasyon ng Antioch na 500,000 katao ay naging Kristiyano na.[1]
Dinala ni Pablo ang ebanghelyo pakanluran sa daang Asia Minor (ang modernong Turkey). Mga A.D. 112, ang ebanghelyo ay lumaganap na sa Asia Minor. Binigyang babala ng gobernador si Emperor Trajan na ang mga templong pagano ay malapit nang mawalan ng tao dahil napakarami nang tao ang nahikayat sa Kristiyanismo.
Nangaral sina Pablo at Pedro sa Roma. Mga A.D. 250, mayroon nang humigit-kumulang sa 30,000 na Kristiyano sa Roma mismo. Mula sa Roma, lumaganap ang ebanghelyo sa buong Imperyo. Dinala ni Pablo ang ebanghelyo sa Espanya pagkatapos niyang lumaya mula sa bilangguan. Itinatag ang mga iglesya sa kasalukuyang France mga kalagitnaan ng ikalawang siglo. Mga A.D. 314, mayroon nang hindi bababa sa tatlong Obispo na nagmula sa Britanya.
[2]Isa pang sentro ng unang Kristiyanismo ay sa Hilagang Africa. Salungat sa Roma, kung saan karamihan sa mga Kristiyano ay nagmula sa mabababang klase ng tao, ang mga iglesya sa Hilagang Africa ay nakaakit ng maraming tao mula sa nakatataas ng klase ng tao.
Sa bandang katapusan ng ikatlong siglo, nakaabot na ang ebanghelyo sa buong Imperyo ng Roma. Sa kabila ng Imperyo ng Roma, naglakbay ang ebanghelyo patungong silangan sa Edessa at hanggang sa India. Ayon sa maagang tradisyon ng iglesya, dinala ni apostol Tomas ang ebanghelyo sa India kung saan siya ay pinatay ng isang grupo ng high-caste Brahmins nang siya ay tumangging maghandog sa diosang si Kali. Ito ang pinakamatandang pagbanggit sa ebanghelyo na kumilos sa labas ng Imperyong Romano. May mga iskolar na naniniwala na ang ebanghelyo ay maaaring naglakbay mula sa India patungo sa Tsina sa Silk Road sa bandang una o simula ng ikalawang siglo.
Habang dinadala ng mga Kristiyano ang ebanghelyo sa Jerusalem, Judea, Samaria at sa dulo ng mundo, sinunod nila ang Dakilang Pagsusugo (Great Commission). Ang teologong African na si John Mbiti ay madalas magpaalala sa kanyang mga tagapakinig na hindi dinala ng mga misyonero ang Diyos sa Africa; dinala ng Diyos ang mga misyonero sa Africa.[3] Habang sumusunod tayo sa pagtawag ng Diyos, tinutupad Niya ang Kanyang gawain sa ating mundo.
[1]Bruce L. Shelley, Church History in Plain Language, 3rd ed. (USA: Thomas Nelson, 2008), 29
[2]THE MISSIO DEI Ang Dios na Kumikilos sa Mundo
“Hindi dinala ng mga misyonero ang Dios sa Africa; dinala ng Dios ang mga misyonero sa Africa.”
[3]Binanggit ni Timothy C. Tennent, sa Invitation to World Missions (Michigan: Kregel, 2010, 75)
Konklusyon: Nagsasalita ang Kasaysayan ng Iglesya sa Kasalukuyan
Minsan ay sinabi ni Mahatma Gandhi, “Hindi ako kailanman naging interesado sa isang Hesus na pangkasaysayan. Hindi ako dapat mag-alala kung mapatunayan man ng sinuman na ang taong si Hesus ay hindi kalianman nabuhay.. Dahil ang Sermon sa Bundok ay totoo pa rin para sa akin.” Nakakalungkot, maraming tao na nag-aangkin na siya ay Kristiyano ngunit naniniwala katulad ni Gandhi. Sinasabi nila na ang mga katuruan ni Hesus, ngunit hindi malahaga para sa kanila ang mga katotohanan sa kanyang buhay.
Ang mga unang ama ng iglesya ay nababatid ang kahalagahan ng pangkasaysayang katotohanan ng buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus. Ang ethical at espirituwal na katuruan ni Hesus ay nakabatay sa kung sino si Hesus. Malinaw ang salita ni Pablo, “Kung hindi muling binuhay si Kristo, walang kabuluhan ang iyong pananampalataya at ikaw ay nasa iyong mga kasalanan pa.”[1]
Sa ikalawang henerasyon ng iglesya, ang mga ama ng iglesya ay handang harapin ang pagiging martir dahil sa kanilang pagtitiwala sa buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus. Tulad ng mga ama ng iglesya, dapat nating panghawakan ang mga katotohanan ng Kristiyanismo. Ang mga ama ng iglesya ay humarap sa pagiging martir sa halip na itatwa ang pananampalataya; ang mga Kristiyano sa kasalukuyan ay tinatawag upang sundan ang kanilang halimbawa, nanatiling matapat maging hanggang sa kamatayan.
Sa ikalawang henerasyon ng iglesya, ibinigay ng mga ama ng iglesya ang kanilang buhay para sa pagpapahayag ng ebanghelyo. Dinala nila ang ebanghelyo sa mga sulok ng Imperyong Romano. Ang mga Kristiyano sa kasalukuyan ay tinatawag upang sundan ang kanilang halimbawa, na italaga ang kanilang sarili sa paggawa ng mga disipulo sa lahat ng mga bansa.
Leksiyon 2 Mga Pangunahing Pangyayari sa Kasaysayan ng Iglesya
Petsa ( A.D. )
Pangyayari
70
Pagkawasak ng Jerusalem
89-96
Pag-uusig ni Domitian sa mga Kristiyano
155
Ginawang martir si Polycarp.
190
Kabilang sa Muratorian Canon ang lahat ng aklat ng Bagong Tipan maliban sa Hebreo, Santiago, at ang mga Sulat ni Pedro.
303-313
Panahon ng mga Martir sa ilalim ni Diocletian
313
Ang Kautusan sa Milan ni Constantine na naglegal sa Kristiyanismo sa Imperyong Romano.
Leksiyon 2 Mga Pangunahing Tao sa Kasaysayan ng Iglesya
Clement ng Rome (Unang Siglo). Obispo ng Roma sa bandang huli ng unang siglo. Sumulat siya sa iglesya sa Corinto na tumalakay sa mga suliranin ng kaayusan at awtoridad sa iglesya.
Ignatius (ca.35-ca.117). Obispo ng Antioch. Sumulat siya ng pitong liham sa mga iglesya habang naglalakbay patungo sa Roma upang humarap sa kamatayan. Ipinakita ng kanyang mga liham ang teolohiya ng unang henerasyon pagkatapos ng Bagong Tipan.
Irenaeus (ca. 130-202). Isa sa pinakamaimpluwensiyang tagapanguna sa unang iglesya. Ang kanyang Against Heresies ay kumalaban sa Gnosticism. Nagkaroon siya ng bahagi sa pagbuo ng canon at sa doktrina ng pagkakatawang-tao.
Justin Martyr (100-165). Siya ang pinakamahalagang Kristiyanong apologist. Gumamit siya ng pilosopiyang Griego upang ipaliwanag ang Kristiyanismo sa mga hindi mananampalataya.
Origen (185-254). Obispo ng Alexandria. Bagaman tinanggihan niya ang Gnosticism, tinanggap niya ang maraming ideyang pilosopikal ng mga Griego na nakahikayat sa mga Gnostics. Gumamit sya ng mga allegorical interpretation upang ipaliwanag ang mahihirap na talata sa Biblia.
Polycarp (ca.69-155). Obispo ng Smyrna at iginagalang na tagapangunang Kristiyano. Naging martir siya sa edad na 86.
Leksiyon 2 Mga Takdang Aralin
(1) Kumuha ng pagsusulit sa leksiyong ito. Kasama sa pagsusulit ang mga petsa mula sa “Mga Susing Pangyayari sa Kasaysayan ng Iglesya” timeline (100-313).
(2) Maghanda ng isang buod ng talambuhay ng isa sa mga sumusunod na tagapangunang Kristiyano: Justin Martyr, Clement ng Alexandria o si Irenaeus. Dapat kasama sa iyong buod ang apat na bahagi:
Talambuhay: Kailan siya nabuhay? Saan siya nanirahan? Kailan at saan siya namatay?
Mga Pangyayari: Ano ang pinakamahalagang pangyayari sa kanyang buhay?
Impluwensiya: Ano ang kanyang pangmatagalang impluwensiya sa iglesyang Kristiyano?
Aplikasyon: Ano ang isang leksiyon para sa iglesya sa kasalukuyan mula sa tagapangunang ito?
Mayroon kang dalawang pagpipilian sa pagpiprisinta sa buod na ito:
Magsumite ng 2 pahinang nakasulat na papel sa tagapanguna sa inyong klase.
Magbigay ng 3-5 minutong presentasyon na pasalita sa inyong klase.
Leksiyon 2 Pagsusulit
(1) Ang pag-uusig sa iglesya mula A.D. 89-96 ay pinangunahan ni Emperador____________________.
(2) Noong A.D. 303, iniutos ni Emperador ____________________ na wasakin ang mga iglesya at sunugin ang mga Kristiyanong Kasulatan.
(3) Ang apologist na si _________________ ay gumamit ng Griegong pilosopiya upang ipaliwanag ang Kristiyanismo sa mga hindi mananampalataya mula sa paganong pinagmulan o nakalakihan.
(4) Ang apologist na si _______________ ay gumamit ng allegorical approach sa Lumang Tipan upang ipaliwanag ang ebanghelyo sa mga taong nagsasalita ng Griego sa Alexandria.
(5) Ang ____________________ canon ay inilista noong A.D. 190. Kabilang dito ang karamihan sa ating kasalukuyang Bagong Tipan.
(6) Ang Kautusan ng Milan ay ipinahayag noong A.D. ____________.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.