Sa katapusan ng leksiyong ito, ang mag-aaral ay dapat:
(1) Bigyang halaga ang kahalagahan ng pag-unawa sa kasaysayan ng iglesya
(2) Maunawaan kung paanong ang unang iglesya ay naiiba sa romanong kapaligiran nito.
(3) Kilalanin ang mga dahilan ng paglago at ng pag-uusig ng unang iglesya.
(4) Ilapat ang mga leksiyon mula sa unang iglesya sa buhay sa kasalukuyang panahon.
Bakit natin pag—aaralan ang Kasaysayan ng Iglesya?
Inaalala ng Kasaysayan ng Iglesya ang Ating Nakaraan
Si Eason ay isang masigasig na kabataang Kristiyano sa Taiwan. Nang ibahagi ni Eason ang ebanghelyo sa isang nakatatandang kapitbahay, tumugon ito at nagsabi, “Ang aming kulturang Tsino ay isang matandang kultura. Ang Kristiyano ay maikling panahon pa lamang nakikilala sa Tsina. Bakit ko ipagpapalit ang aming sinaunang mga dios para sa isang bagong relihiyon?” Nang magsimulang humanap ng kasagutan si Eason para sa kanyang kapitbahay, natuklasan niya na ang Kristiyanismo ay hindi bago –maging sa Tsina. Habang ang nalalaman ng kapitbahay ni Eason ay tungkol lamang sa mga modernong misyonero, ang mensaheng Kristiyano ay nalalaman na sa Tsina simula pa noong A.D. 635.
Sa pag-aaral ng kasaysayan ng iglesya, nalalaman natin na ang Kristiyanismo ay hindi bago. Magkakaroon tayo ng pagpapahalaga para sa paglaganap ng iglesya sa buong mundo; nakikita natin kung paano kumilos ang Diyos sa kasaysayan; kinikilala natin na sa kabila ng kabiguan ng tao, natupad ng Diyos ang Kanyang mga layunin para sa Kanyang iglesya.
Petsa ( A.D. )
Pangyayari
ca. 30
Pentekostes
ca. 47-57
Paglalakbay pangmisyon ni Pablo
49
Ang Konseho ng Jerusalem
64-68
Pag-uusig ni Nero
70
Pagkawasak ng Jerusalem
Nangungusap ang Kasaysayan ng Iglesya sa Ating Kasalukuyan
Kapag nauunawaan natin ang ating ugat sa kasaysayan, nagkakaroon tayo ng mas mabuting pagkaunawa sa ating kasalukuyan. Ang liham ni Judas ay isinulat upang magbigay babala laban sa mga bulaang tagapagturo na “bumabaluktot sa biyaya ng ating Diyos sa pagbibigay sa hilig ng laman at itinatanggi ang ating nag-iisang Panginoon at Hari, na si Kristo Hesus.”[1] Nagbababala si Judas laban sa kasalukuyang mga panganib sa pamamagitan ng pagtuturo sa nakalipas: Ang biyaya ng Diyos upang iligtas ang Israel mula sa Ehipto, ang paghatol ng Diyos sa Sodom at Gomorrah, atbp. Nalalaman ni Judas na ang mga halimbawa mula sa nakaraan ay nagsisilbi bilang pagpapalakas-loob sa katapatan sa kasalukuyan at bilang isang babala laban sa kawalang katapatan.
Habang pinag-aaralan natin ang pagkabuo ng mga credo[2] sa simula ng kasaysayan ng iglesya, nagkakaroon tayo ng mas malalim na pagpapahalaga sa ating mga pagpapahayag ng doktrina sa kasalukuyan. Kapag ang mga batang Kristiyano ay nahihirapan sa pag-unawa sa doktrina ng Trinidad, sila ay nahaharap sa parehong katanungan na hinarap din sa Konseho ng Nicaea noong AD 325.
Habang pinag-aaralan natin ang Reformation at ang mga dibisyon sa pagitan ng mga Reformers, nauunawaan natin ang presensiya ng maraming denominasyon sa kasalukuyan. Madalas na nagkakaroon tayo ng mas mabuting pag-unawa sa mga suliranin ng iglesya sa kasalukuyan kapag nakikita natin ang mga katulad na sitwasyon sa nakaraang panahon.
Ang pag-aaral sa kasaysayan ng iglesya ay nagbibigay ng inspirasyon sa atin sa mga panahon ng paghhirap. Nakahihikayat sa ating ministeryo sa kasalukuyan ang pagbasa sa katapangan ni Ambrose sa harap ni Emperador Theodosius, ang pag-alala sa “Narito Akong Nakatayo” ni Luther, at ang pag-aaral sa matinding damdamin ni William Carey tungkol sa pagmimisyon.
[3]Ginagabayan ng Kasaysayan ng Iglesya ang Ating Hinaharap
Ang mga leksiyon mula sa kasaysayan ng iglesya ay dapat gumabay sa ating mga pasya para sa hinaharap. Sinabi ni George Santayana, “Ang mga hindi nakaaalala sa nakaraan ay nakatakdang ulitin ito.” Kung hindi tayo matututo sa nakaraan, uulitin natin ang mga pagkakamali na nagawa ng mga nauna sa atin. Ginamit ni Pablo ang mga leksiyon mula sa kasaysayan ng Israel upang gabayan ang mga bagong mananampalataya sa Corinto.[4]
Sa ating pag-aaral ng mga pagtugon ng unang iglesya sa maling paniniwala, natututuhan natin kung paano tutugon sa mga maling paniniwala na nagbabanta sa iglesya sa kasalukuyan. Karamihan sa mga maling paniniwala o katuruan sa kasalukuyan ay mga bagong anyo ng mga maling katuruan sa nakaraan. Habang pinag-aaralan natin ang walang lamang formalism ng medieval na Romano Katolikong Iglesya, tayo ay binibigyang babala laban sa pagpapahintulot sa istruktura ng iglesya upang ipalit sa presensiya ng Diyos sa iglesya sa kasalukuyan. Sa ating pag-aaral ng mga tagumpay at kabiguan ng mga nakalipas na pagmimisyon, natututuhan natin ang mga leksiyon para sa hinaharap na mga gawain ng pag-eebanghelyo. Ang pag-aaral sa kasaysayan ng iglesya ay nagtuturo ng mga leksiyong makatutulong sa atin sa hinaharap.
► Ano ang ilan sa mga leksiyon mula sa kasaysayan ng Kristiyanismo sa inyong bansa na maaaring makagabay sa iyo sa pangunguna sa iglesya sa kasalukuyan?
[2]Ang credo ay isang formal na pahayag ng paniniwala. Kabilang sa mga Kristiyanong credo ang Credo ng mga Apostol, ang Credo ng Nicene, at iba pang credo na sinang-ayunan ng mga konseho ng mga iglesya.
[3]"Binibigyan tayo ng kasaysayan ng isang bintana kung saan natitingnan natin ang mundo, at isang salamin upang siyasatin ang ating mga sarili.”
- Robert McKenzie
Mga Prinsipyo sa Pag-aaral ng Kasaysayan ng Iglesya
Sa isang survey ng mga pangunahing “turning points” ng kasaysayan ng iglesya, nagbigay si Mark Noll ng apat na prinsipyo na dapat gumabay sa ating pag-aaral ng kasaysayan ng Kristiyanismo. Ang mga prinsipyong ito ay hinango sa mga salita ni Hesus sa kanyang mga disipulo sa Mateo 28 at Mga Gawa 1.[1]
(1) Ang prinsipyo ng pagiging pinakamakapangyarihan.
“ Lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa ay ibinigay na sa akin.” Itinuturo ng prinsipyo ng pagiging pinakamakapangyarihan na ang Diyos ang siyang may kontrol at tumutupad sa kanyang mga layunin sa loob at sa pamamagitan ng iglesya.
(2) Ang prinsipyo ng pagmimisyon
“Kaya’t humayo kayo at gawin ninyong mga alagad ko ang lahat ng bansa.” Ang prinsipyo ng pagmimisyon ay nagtuturo na ang iglesya ay lumalago sa dalawang direksiyon. Ang iglesya ay lumalago nang palabas habang dinadala nito ang ebanghelyo sa lahat ng bansa. Ang iglesya ay lumalago nang papaloob habang natututuhan nito ang tunay na pagdidisipulo at nahuhubog tungo sa pagiging katulad ni Kristo.
(3) Ang prinsipyo ng Pagbibigay-kakayahan.
“Masdan ninyo, kasama ninyo Ako sa lahat ng oras, hanggang sa dulo ng panahon.” Ang prinsipyo ng pagbibigay-kakayahan ay nagpapaalala sa atin na sa kabila ng mga pagkukulang ng iglesya, si Kristo ay patuloy na kumikilos sa iglesya upang tuparin ang kanyang misyon sa mundo.
(4) Ang prinsipyo ng contextualization.
“Kayo ang magiging saksi ko… hanggang sa dulo ng mundo.” Ang prinsipyo ng contextualization ay nagtuturo sa atin na ang ebanghelyo ay pag-aari ng lahat ng kultura. Ang ebanghelyo ay hindi pag-aari ng iglesya sa Jerusalem, sa iglesya sa England, o sa iglesya sa Amerika. Habang lumalaganap ang pananampalatayang Kristiyano sa lahat ng bansa, ito ay nakakaapekto sa lahat ng kultura. Ang kasaysayan ng Kristiyanismo ay nagpapakita na ang ebanghelyo ay dapat isalin, kapwa sa lengguwahe at kultura, para sa lahat ng bansa.
►Paano inilalarawan ng kasaysayan ng Kristiyanismo ang mga prinsipyong ito sa inyong bansa? Habang pinag-aaralan ninyo ang kursong ito, bumalik sa pahinang ito nang madalas upang makita kung paanong ang mga prinsipyong ito ay nakikita sa bawat panahon ng kasaysayan ng iglesya.
[1]Mark A. Noll, Turning Points: Decisive Moments in the History of Christianity (MI: Baker, 2012), 1, 330-331
Mula sa Jerusalem hanggang sa Dulo ng Mundo
[1]Sinabi ni Hesus sa kanyang mga disipulo, “Subali’t kayo ay tatanggap ng kapangyarihan kapag dumating ang Banal na Espiritu sa inyo, at kayo ay magiging mga saksi ko sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria, at sa dulo ng daigdig.”[2] Ang mga lugar na kinakatawan sa araw ng Pentekostes ay umaabot hanggang sa halos kabuuan ng Imperyong Romano; ang mga nagbalik-loob na ito ang nagdala ng ebanghelyo sa kanilang mga pinagmulang lugar. Sa katapusan ng unang siglo, ang iglesya ay lumaganap na sa kabuuan ng Imperyong Romano. Sinasabi ng tradisyon ng iglesya na dinala ni Tomas ang ebanghelyo sa Persia at India. Maaaring natanggap ng Tsina ang ebanghelyo noong una o ikalawang siglo sa pamamagitan ng pakikipagkalakalan sa India.[3] Ang unang iglesya ay naglaan ng sarili sa pagsusugo ni Hesus.
Sino ang mga Kristiyano?
Pagkatapos ng Muling Pagkabuhay, maraming sagot sa tanong, “Sino ang mga Kristiyano?” Sumagot ang Roma,” Ang mga Kristiyano ay isang sekta ng mga Judio.”[4] Maraming Judio ang sumagot, “Ang mga Kristiyano ay mga tumalikod sa pananampalataya na iniwan ang tunay na pananampalataya.” Sumagot ang mga Kristiyano, “Kami ang katuparan ng mga pangako ng Diyos sa Israel. Kami ay mga tagasunod ng ipinangakong Mesiyas.”
Noong A.D. 49, hinarap ng unang iglesya ang tanong, “Sino ang mga Kristiyano?” sa Konseho ng Jerusalem. Habang dinadala ang mga Hentil sa iglesya sa pamamagitan ng pangangaral nina Pedro, Pablo at Barnabas, at iba pang apostol, tinalakay ng iglesya ang mga kundisyon kung paanong ang isang tao ay nagiging bahagi ng katawan ni Kristo. Ang ilang mananampalataya na “kabilang sa grupo ng mga Pariseo” ay nakipagtalo na dapat tuparing lahat ng mga mananampalatayang Gentil ang mga hinihingi ng Batas ni Moses. Tumugon si Pedro sa pagpapatotoo na nilinis na ng Diyos “ang kanilang puso sa pamamagitan ng pananampalataya” nang hiwalay sa pagtutuli. Sa panghuli, ipinasya ng mga tagapanguna sa iglesya na ang mga mananampalatayang Hentil ay malaya mula sa mga batas ng Judio patungkol sa pagkain at pagtutuli.[5]
Ang Konseho ng Jerusalem ay nagbigay ng isang modelo para sa mga pagpapasya ng iglesya sa hinaharap. Habang nahaharap ang mga sumunod na henerasyon sa mahihirap na usapin, ipinakita ng Mga Gawa 15 :
Ang awtoridad ng Kasulatan. Ang bawat isa sa mga pagbabawal sa Mga Gawa 15 ay mula sa Leviticus 17 -18. Ang bawat isa sa mga ito ay ipinagbawal kapwa sa mga Judio at sa “mga banyaga na pansamantalang nakikipamayan kasama nila.”[6] Hindi pinili ng mga apostol ang mga hinihinging ito nang walang layunin. Pinag-aralan nila ang Kasulatan upang tuklasin kung ano ang hinihingi ng Kautusan sa mga Gentil na naninirahan sa Israel.
Ang awtoridad ng Banal na Espiritu. Ang pasya ng Konseho ng Jerusalem ay hindi ginabayan ng nakapaligid na kultura, kundi ng Banal na Espiritu.[7] Sa kanyang pinakamabuting kalagayan, ang iglesya ay ginabayan sa pangunguna ng Banal na Espiritu sa halip na ng pampulitika at pangkulturang impluwensiya. Kapag nabigo itong sundin ang ganitong halimbawa, nabigo rin ang iglesya sa kanyang pagkatawag bilang liwanag at asin ng sanlibutan.
Ang Awtoridad ng mga tagapanguna sa iglesya. Nasa ilalim ng awtoridad ng Kasulatan ang mga tagapanguna sa iglesya, nguni’t kapag ang kanilang katuruan ay hindi sumasalungat sa Kasulatan, ang kanilang awtoridad ay dapat igalang.
Sa katapusan ng unang siglo, ang mga Kristiyano at mga Judio ay itinuturing na magkahiwalay. Hindi na pinahihintulutan ng mga Judio ang mga Kristiyano na sumamba sa mga sinagoga. Sumasamba ang mga Kristiyano sa unang araw sa halip na sa ikapitong araw ng linggo. Ang Kristiyanismo ay hindi na tinitingnan bilang isang sekta ng mga Judio.
Ang Simula ng Pag-uusig
Ipinakita ng aklat ng Mga Gawa ang mga unang di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tagapangunang Judio at ng iglesya. Gayunman, ang Imperyong Romano ay hindi nagsimula ng malawakang pag-uusig sa mga Kristiyano hanggang noong A.D. 64.
Pinahintulutan ng Roma ang mga tao sa ilalim ng kanilang kapangyarihan na sumamba sa alinmang dios sa kundisyon na kikilalanin nila na ang emperador na Romano ay banal. Para sa karamihan sa mga tao sa unang siglo, ito ay hindi isang suliranin. Karamihan sa mga pagano ay sumasamba sa maraming dios-diosan. Tanging ang mga Judio at mga Kristiyano ang monotheistic o sumasamba sa iisang Diyos.
Upang panatilihin ang kapayapaan sa probinsiya ang Judea, pinahintulutan ng Roma ang mga Judio na sambahin si Jehovah lamang. Kapag itinuturing ng mga tagapangunang Romano na ang Kristiyanismo bilang bahagi ng pananampalatayang Judio, binigyan nila ang mga Kristiyano ng parehong kalayaang sumamba na tinanggap ng mga Judio. Gayunman, pagkatapos ng A.D. 64, nagsimulang ituring ng Roma ang Kristiyanismo bilang isang hiwalay na relihiyon na walang pagbubukod mula sa pagsamba sa emperador.
Dalawang pangyayari ang gumanap ng pangunahing bahagi sa pag-uusig sa mga Kristiyano. Una, noong A.D. 64 isang sunog ang tumupok sa halos kabuuan ng lungsod ng Roma. Maraming mamamayan ang nag-akusa kay Emperador Nero bilang siyang dahilan ng sunog. Inakusahan ni Nero ang mga Kristiyano (na hindi na gaanong popular) sa pagsisimula ng sunog. Ito ang nagsimula sa panahon ng matinding pag-uusig. Sa pagitan ng A.D. 64 at ng kamatayan ni Nero apat na taon ang nakalipas, sina Pablo, Pedro at marami pang ibang Kristiyano ang pinatay dahil sa pananampalataya ng Roma.
Ang ikalawang pangyayari na nagbunga ng pag-uusig sa mga Kristiyano ay ang pagkawasak ng Jerusalem noong A.D. 70. Bagaman pinahintulutan ng Roma ang pananampalatayang Judio, mayroong patuloy na tensiyon sa pagitan ng mga Judio at ng Roma. Pagkatapos na muling maitayo ang Templo noong A.D. 64, libo-libong manggagawang Judio ang nawalan ng trabaho. Ang pagdaramdam ay naging lantarang pag-aalsa noong A.D. 66. Apat na taon ang lumipas, sinakop ng hukbong Romano na pinangunahan ni Tito ang Jerusalem pagkatapos ng matagal na paglusob. Nawasak ang Templo, sinunog ang mga sinagoga, at nangalat ang mga Judio. Mula sa puntong ito, ang mga Judio at mga Kristiyano ay kapwa pinag-usig sa buong Imperyong Romano. ()
Bakit Pinag-usig ang Mga Kristiyano?
(1) Ang mga Kristiyano ay inakusahan ng hindi paniniwala sa Diyos.
Hindi maunawaan ng Roma ang isang relihiyon na sumasamba sa Diyos na walang mga imahen at tumatanggi sa mga dios ng mga Romano. Sa kanilang pananaw, ang mga Kristiyano at mga Judio ay mga atheist/mga taong hindi naniniwala sa Diyos.
Ang “atheism” ay higit pa sa isang panrelihiyong paglabag para sa mga Romano; nakita nila ito bilang isang paglabag na pampulitika. Naniniwala ang mga Romano na ang dios ang nagpoprotekta sa kanilang imperyo. Ang pagtanggi na maghandog sa mga dios ay naglalagay sa panganib sa imperyo. Sa ikalawang siglo, isinulat ni Tertullian, “Kapag ang Tiber (Ilog) ay nagpabaha sa lungsod, o kung ang Nilo ay hindi lumalalim, o kung hindi umuulan, kapag mayroong lindol, taggutom, salot, agad ang sigaw ay ‘Ihagis ang mga Kristiyano sa mga leon.’”[8]
Pinag-isa ng Roma ang imperyo kapwa sa pamamagitan ng pagsamba sa dios-diosan at sa pamamagitan ng pagsamba kay Caesar. Para sa mga Romano, ang mga Kristiyano na tumangging parangalan ang emperador bilang isang dios ay hindi makabayan. Papayag ang Roma na sambahin ng mga Kristiyano si Kristo sa kundisyon na sasambahin din nila si Caesar at ipapahayag na “Si Caesar ang Panginoon.” Gayunman, para sa mga Kristiyano iisa lamang ang Panginoon. Ibinigay ng mga mananampalataya sa unang iglesya ang kanilang buhay dahil sa kanilang paninindigan na si Hesus (at tanging si Hesus lamang) ang Panginoon.
(2) Mali ang pagkaunawa sa mga gawain ng mga Kristiyano.
Binabanggit ng mga Kristiyano ang pagkain at pag-inom sa katawan at dugo ni Hesus. Tinutukoy nila ang isa’t-isa bilang “kapatid”. Hindi nila pinahihintulutan ang mga hindi mananampalataya na manatili sa gawain kapag isinasagawa ang Komunyon. Ang lahat ng ito ay nagbunga ng maling haka-haka ng paghahandog ng tao at gawaing mahalay.
(3) Ang Kristiyanismo ay isang bagong relihiyon.
Sa kasalukuyan, maraming tao ang naniniwala na “ang mas bago ay mas mabuti.” Sa sinaunang mundo, ang kabaligtaran ang totoo; maraming Romano ang naniniwala na “ang mas luma ang mas mabuti.” Pinabayaan nila ang relihiyong Judio dahil ito ang luma. Ang Kristiyanong pananampalataya, gayunman, ay itinuturing na bagong relihiyon na walang mga handog, walang templo at walang banal na lunsod.
(4) Hinamon ng mga Kristiyano ang istruktura ng lipunan.
Sa Imperyong Romano, ang pang-aalipin ay tinatanggap bilang normal. Walang karapatan ang mga babae at mga bata. Lubos ang kapangyarihan ng isang ama; kapag ayaw niya ang kanyang anak, iniiwan lamang niya ang di-gustong sanggol sa basurahan upang mamatay.
Sa kabaligtaran, sinabi ng mga Kristiyano na kay Kristo ay walang alipin o malaya, lalaki o babae.[9] Sinagip ng mga Kristiyano ang mga pinabayaang mga sanggol at ipinagtanggol ang mahihirap. Alinman sa mga ito ay hindi nauunawaan ng mga Romano. Para sa mga Romano, ang mga karapatan ay para lamang sa malalakas; pinangalagaan ng mga Kristiyano ang mahihina.
► Tinanggihan ng mga unang Kristiyano ang mga nakaugalian pangkultura na nabigong pahalagahan ang imahen ng Diyos sa sangkatauhan. Anong mga kaugalian sa inyong kultura ang nagpapawalang-halaga sa buhay ng tao? Paano nilalabanan ng mga Kristiyano sa inyong kultura ang mga maling kaugaliang ito?
Bakit Lumaganap ang Kristiyanismo?
Tunay na mahimala ang paglago ng unang iglesya. Mula sa iilang disipulo sa panahon ng paghuli kay Hesus, ang ebanghelyo ay lumaganap hanggang ang bawat malaking bayan sa Imperyong Romano ay mayroon nang iglesya. Paano ito nangyari?
(1) Ang unang iglesya ay may kapangyarihang nagmula sa Banal na Espiritu.
Inutusan ni Hesus ang kanyang mga alagad, “Kaya’t humayo kayo at gawing alagad ko ang lahat ng bansa…” Ipinangako rin niya, “At tandaan ninyo, Ako’y laging ninyong kasama, hanggang sa wakas ng panahon.”[10] Ang Diyos na nag-utos sa mga alagad upang mag-ebanghelyo sa mundo ay siya ring Diyos na nagbigay ng kapangyarihan sa kanila upang mag-ebanghelyo.
Ito ay muling nakita sa simula ng Mga Gawa. Una, ibinigay ni Hesus ang pangako, “Ngunit tatanggapin ninyo ang kapangyarihan kapag dumating ang Banal na Espiritu sa inyo…”. Pagkatapos, ibinigay niya ang pagsusugo,“…at kayo ay magiging mga saksi ko sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”[11] Ang huling bahagi ng Mga Gawa ay nagpapakita ng katuparan ng pangako at ang pagsunod ng mga apostol sa utos. Ang paglago ng unang iglesya ay hindi resulta ng gawain lamang ng tao; ang paglago ng unang iglesya ay binigyang kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
(2) Ang unang iglesya ay nagtalaga ng sarili sa Great Commission.
Sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Roma, “Dahil hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo, dahil ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan….”[12] Seryosong tinanggap ng mga apostol ang pagsusugo ni Hesus. Lumaganap ang iglesya sa buong Imperyong Romano habang sinusunod ng mga Kristiyano ang pagsusugo ni Hesus.
Ipinakita ng aklat ng Mga Gawa ang pagtupad ng iglesya sa Dakilang Pagsusugo. Kasama ng ministeryo ng mga dakilang tagapanguna na tulad nina Simon Pedro at Pablo, itinala ng Mga Gawa ang impluwensiya ng mga di-gaanong kilalang mga mananampalataya. Bilang resulta ng pag-uusig na nangyari laban sa iglesya pagkatapos na mamatay si Esteban, tumakas ang mga mananampalataya sa Phoenicia, Cyprus, at Antioch. Ang ilan sa mga tumakas na ito ay nagsimulang mangaral sa mga Griego sa Antioch at “isang malaking bilang na sumampalataya ang nanumbalik sa Panginoon.”[13] Ang mga bagong mananampalatayang ito marahil ang bumuo sa pamunuan ng iglesya sa Antioch na sa paglipas ng panahon ay naging ang iglesyang nagsusugo sa ministeryo ni Pablo sa mga Hentil.
Ang mga talatang ito sa Mga Gawa 11 ay dapat pansinin sa dalawang kadahilanan:
Ipinapakita nito na ginamit ng Diyos ang pag-uusig upang isulong ang paglaganap ng ebanghelyo.
Ipinapakita nito na ang pag-eebanghelyo ay hindi limitado sa mga apostol at tagapanguna sa Jerusalem. Ang mga walang pangalang “mga lalaki mula sa Cyprus at Cyrene” ay sumunod sa Dakilang Pagsusugo. Ang pag-eebanghelyo ay tungkulin ng bawat mananampalataya.
(3) Ang unang iglesya ay naglingkod sa kanilang panahon.
Nagbigay-halimbawa si Hesus ng ministeryong hindi lamang nagpapahayag ng walang hanggang buhay, kundi ito ay tumugon din sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang mga pinaglilingkuran. Tinularan ng unang iglesya ang halimbawa ng kanilang Panginoon. Marami sa mga pinakaunang nagbalik-loob ay nagmula sa mga grupo na hindi pinapansin sa lipunan ng Roma –mga alipin, kababaihan at mga mahihirap. Si Celsus, isang kritiko mula sa ikalawang siglo ang tumuligsa sa iglesya, “Ang kanilang layunin ay kumbinsihin lamang ang mga walang halaga at mga taong napakahamak, mga hangal, mga alipin, kawawang mga kababaihan, at mga bata.” Bagaman hindi binigyang-pansin ni Celsus ang ebidensiya na may mga miyembro pa rin ng nasa mataas na antas sa lipunan ang naging mga mananamapalataya rin, ang kanyang obserbasyon sa pangkalahatan ay totoo; ang mahihirap ang siyang pinakamadaling tumanggap ng ebanghelyo.
Ang emperador sa ikaapat na siglo na si Julian the Apostate, ay isang mahigpit na kaaway ng iglesya. Gayunman, maging ang kaaway ng Kristiyanismo ay kumilala na ang Kristiyanismo “ay naisulong sa pamamagitan ng mapagmahal na paglilingkod na ipinagkaloob sa mga banyaga… Isang eskandalo na wala isa mang Judio ang namamalimos, at ang walang dios na mga taga-Galilea (ang mga Kristiyano) ay nangalaga hindi lamang sa kanilang sariling mahihirap kundi pati na rin sa amin.”[14] Sinunod ng mga Kristiyano ang utos ni Hesus na mahalin mo ang iyong kapwa nang tulad sa iyong sarili.
(4) Hinamon ng unang iglesya ang istrukturang panlipunan ng mga Romano.
May mga Romano na sumalungat sa iglesya dahil hinamon ng iglesya ang kanilang istrukturang panlipunan; gayunman, ang ilan ay naakit sa iglesya dahil din sa dahilang ito. Walang karapatan sa istrukturang panlipunan ng Romano ang mga kababaihan, mga bata at mga alipin; tinatrato ng iglesya ang mga mga grupong ito nang may paggalang.
Isang paganong manunulat ang naglarawan ng tungkulin ng kababaihan sa ganitong paraan: “Mayroon kaming mga babaeng bayaran para sa kasiyahan, mga babaeng alipin para sa seksuwak na gawain araw-araw, at mga asawang babae upang magkaroon ng legal na mga anak at upang matapat na magsilbi sa amin.”[15] Kabaligtaran sa pananaw na ito, sinunod ng mga Kristiyano ang halimbawa ng kanilang Panginoon sa pagpaparangal sa kababaihan.
(5) Nagbigay ang unang iglesya ng isang modelo ng kadalisayang moral.
Maging karamihan sa mga Hentil ang sumama ang loob dahil sa kabulukan ng moral ng Imperyong Romano. Sila ay naakit sa pananampalatayang Kristiyano dahil sa pananaw ng mataas na moral nito at sa matuwid na pamumuhay ng mga Kristiyano. Hinamon ni Pablo ang mga Kristiyano sa Filipos upang mamuhay nang walang kapintasan, na maging “walang kapintasan sa gitna ng isang baluktot at masamang henerasyon.” Sa paggawa nito, sila ay “magniningning bilang mga ilaw ng sanlibutan.”[16] Habang nakikita ng mga tao sa Imperyong Romano ang walang kapintasang pamumuhay ng mga unang Kristiyano, sila ay naakit sa ebanghelyo.
► Ihambing ang mga hamon at mga pagkakataon ng unang iglesya sa lipunan kung saan ka nagmiministeryo. Paano naiiba ang iglesya sa mga normal na aspeto ng inyong kultura? Anong mga pagkakataon ang ibinigay ng Diyos sa iyo para ipalaganap ang ebanghelyo sa inyong lipunan?
[1]"Walang tao, Griyego o barbarian, o mula sa iba pang lahi, maging sila man ay naninirahan sa mga kubol o maglalakbay sa mga karwahe na may bubong, na sa kanilang mga panalangin at pasasalamat ay hindi inihandog sa pangalan ng ipinakong si Hesus para sa Ama at Manlilikha ng lahat ng bagay."
- Justin Martyr, ca. A.D. 150
Ang pinakanaunang Kristiyanong liham na naririto pa pagkatapos ng Bagong Tipan ay pitong liham na isinulat ni Ignatius sa kanyang paglalakbay upang magdusa ng pagiging martir sa Roma. Tatlong liham ang nakalaan sa mga iglesyang nakalista sa Pahayag (Efeso, Philadelphia at Smyrna). Ang iba ay nakalaan sa mga iglesya sa Roma, Tralles, at Magnesia, gayundin ang isang personal na liham para kay Polycarp, ang obispo ng Smyrna.
Lumaki si Ignatius sa Antioch sa Syria, ang ikatlong malaking lunsod sa Imperyo ng Roma. Sa Antioch unang tinawag na Kristiyano ang mga mananampalataya.[2] Ang iglesya sa Antioch ang nagsugo kina Pablo at Bernabe sa kanilang unang paglalakbay na pangmisyon samantalang si Ignatius ay isang kabataang lalaki pa lamang.
Taong A.D. 69, pinili si Ignatius bilang pastor ng iglesya sa Antioch pagkatapos na mamatay si Evodius. Nagbalik-loob si Evodius kay Kristo sa pamamagitan ng ministeryo nina Simon Pedro at maaaring namatay din bilang isang martir sa ilalim ni Nero. Kaunti lamang ang nalalaman tungkol sa ministeryo ni Ignatius sa iglesya sa Antioch hanggang sa siya ay maaresto. Ang nalalaman ay ang pagpapatuloy ng Antioch bilang isang iglesyang nagsusugo ng mga misyonero hanggang sa matapos ang unang siglo. Ang iglesya sa Antioch ay bantog dahil sa kanyang pagiging makalinga para sa mga naglalakbay na Kristiyano. Sinasabi nga na walang sinumang estranghero sa Antioch; ang bawat mananampalatayang manlalakbay ay malugod na tinatanggap bilang bahagi ng pamilyang Kristiyano.
Inaresto si Ignatius sa panahon ng pamumuno ni Emperador Trajan. Si Trajan ay naglalakbay sa Asia Minor nang marinig niya na nagkaroon si Ignatius ng malaking tagumpay sa pag-eebanghelyo sa Antioch. Iniharap si Ignatius kay Trajan at inakusahan siya ng “hindi paniniwala sa Diyos”, sa pagtanggi sa mga dios ng mga Romano.
Nang humarap si Ignatius kay Trajan, sinamantala niya ang pagkakataon upang ipangaral ang ebanghelyo. Nang hingin ni Trajan ang pagtatanggol ni Ignatius, tumanggi si Ignatius na ipagtanggol ang kanyang mga ginagawa. Sa halip, ipinahayag niya ang mensahe na si Hesus ay ang Tagapagligtas na namatay para sa ating mga kasalanan at ang Panginoon na muling binuhay mula sa mga patay upang ipakita ang kanyang kapangyarihan laban sa kamatayan.
Sa kanyang galit dahil tumanggi si Ignatius na sumuko, tumayo si Trajan at hinatulan siya ng kamatayan. Sa halip na bitayin siya agad, nagpasya si Trajan na gumawa ng isang pagtatanghal sa isang mangangaral na tumangging yumukod sa Roma. Iniutos ni Trajan na dalhin si Ignatius sa Roma at ipakain sa mababangis ng hayop sa Coliseum.
Dinala sa Roma si Ignatius ng isang grupo ng sampung sundalo na inabuso siya sa kanilang paglalakbay. Tumagal ang paglalakbay ng labing-isang buwan. Sa kanyang sulat sa mga Romano, inihambing ni Ignatius ang mga sundalo sa mga malulupit na hayop, sinabi niya, “Mula sa Siria maging hanggang sa Roma, ako’y nakipaglaban sa mababangis na mga hayop, sa lupa man o sa dagat, maging gabi man o araw, nang nakagapos sa gitna ng sampung leopardo, maging kasama ng mga sundalo, na nagiging mas masama pa kapag sila’y tinatrato nang may kabaitan.”
Sa kanyang mga liham, nagpatotoo si Ignatius na handa siyang mamatay bilang isang martir, isang “saksi” para kay Kristo. Dahil nalalaman niya na siya ay ipapakain sa mababangis na mga hayop sa Coliseum, kanyang isinulat, “Ako ang trigo ng Diyos at ako ay giniling ng mga ngipin ng mababangis na hayop upang ako’y matagpuang purong tinapay ni Kristo.” Namatay si Ignatius bilang isang saksi para sa ebanghelyo. Nalalaman niya ang pagiging tagasunod ni Hesus ay maaaring mangahulugan ng kamatayan. Sa kanyang pagharap sa kamatayan, nagpatotoo si Ignatius, “Ngayon ako’y nagsisimulang maging isang disipulo.”
[1]Image: "Ignatius van Antiochië in de arena voor de leeuwen gesteld, RP-P-OB-44.230", Rijksmuseum, retrieved from https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Ignatius_van_Antiochi%C3%AB_in_de_arena_voor_de_leeuwen_gesteld,_RP-P-OB-44.230.jpg, public domain.
Konklusiyon: Ang Mensahe ng Kasaysayan ng Iglesya para sa Iglesya sa Kasalukuyan.
Ang iglesyang apostoliko ay minarkahan ng mga banal na buhay na matinding sumalungat sa kanilang kultura, ng isang matinding pagmamahal sa pag-eebanghelyo at ng katapatan sa harap ng pag-uusig. Inilarawan ni Hesus ang mga katangiang ito sa kanyang Sermon sa Bundok: “Mapalad kayo, kapag nilalait kayo ng tao at kayo ay inuusig..”; ”Kayo ang asin ng sanlibutan”; ”Kayo ang liwanag ng sanlibutan”. Hindi nagulat ang unang iglesya na ang pag-eebanghelyo at makadios na pamumuhay ay magreresulta sa pag-uusig.
Bilang mga Kristiyano, tayo ay tinawag upang mamuhay nang may kabanalan; tayo ay tinawag upang maging “asin ng sanlibutan.” Sa mundo ni Hesus, ang asin ay pinahahalagahan bilang isang bagay na nagpapadalisay. Dahil walang mga refrigerator, ang asin ang nagprepreserba sa mga pagkain na maaaring mabulok. Ang iglesya ay dapat maging isang pangpreserba.
Sa kasaysayan ng iglesya, nakikita natin ang mga panahon (tulad ng Middle Ages) kung saan ang iglesya ay nakiayon sa kultura sa kanilang kapaligiran. Kapag nangyayari ang mga ito, ang iglesya ay hindi na asin. Sa ibang pagkakataon (tulad ng Reformation at noong ika-18 siglo), nakita natin ang epekto ng isang iglesya na nanatiling nakatayo nang matatag sa harap ng mga kasalanan sa kanilang kultura.
Sa isang lipunan na “bulok” dahil sa mga epekto ng kasalanan, ang iglesya ang dapat magpadalisay sa ating lipunan. Ito ay nangangailangan na ang mga Kristiyano ay maging matapat sa mga iniuutos ng Kasulatan; nangangailangan ito na tumanggi ang Kristiyano na makiayon sa mga hinihingi ng ating panahon.
Bilang mga Kristiyano, tayo ay tinawag upang mag-ebanghelyo; tinawag tayo upang maging “ilaw ng sanlibutan.” Sa buong kasaysayan ng iglesya, nakita natin ang mga pagkakataon kapag ang iglesya ay nawawalan ng kanyang matinding pagnanais na mag-ebanghelyo at nabibigo sa kanyang misyon sa mundo. Sa ibang pagkakataon, nakikita natin ang epekto ng iglesya na naglaan ng kanyang sarili sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa buong mundo.
Kapag ang iglesya ay matapat sa utos ni Hesus na maging asin at ilaw, ang iglesya ay mahaharap sa pag-uusig. Hindi kailanman uupo lang sa isang tabi si Satanas at mamasdan ang paglago ng iglesya; siya ay lalaban. Gayunman, sa kanyang pagsulat sa panahon ng pag-uusig ni Nero, pinalakas ni Pedro ang loob ng mga Kristiyano sa ganitong mga salita: “Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng biyaya, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Kristo.”[1] Ang paghihirap ay sa “maikling panahon lamang”; ang kaluwalhatian ay “pangwalanghanggan.”
Leksiyon 1 Mga Pangunahing Pangyayari sa Kasaysayan
Petsa ( A.D. )
Pangyayari
ca. 30
Pentekostes: Ang pagtatatag ng iglesyang Kristiyano
ca. 47-57
Mga Paglalakbay Pangmisyon ni Pablo: Dinala ang ebanghelyo sa mga Hentil
49
Ang Konseho ng Jerusalem: Ang mga Hentil ay hindi kailangang sumunod sa mga batas ritwal ng mga Judio.
64-68
Inusig ni Nero ang iglesya.
Ginawang martir sina Pablo at Pedro.
70
Winasak ng Roma ang Jerusalem.
Leksiyon 1 Takdang Aralin
Sumulat ng isang pahinang essay na pinamagatang “ Ang aking Mga Plano sa Pag-aaral ng Kasaysayan ng Iglesya.” Ang essay na ito ay dapat magbigay buod sa iyong mga layunin para sa kursong ito. Maglista ng 2-3 bagay na nais mong higit pang maunawaan sa pagtatapos ng mga leksiyong ito. Sa katapusan ng kurso, pagbalik-aralan ang essay na ito upang makita kung natupad mo ang mga layunin mo para sa kursong ito.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.