Kung minsan tinatanong ko ang aking mga mag-aaral, “Nagkasipon din kaya si Hesus? Napukpok din kaya niya ang kanyang hinlalaki sa gawaan ni Jose? Nang siya ay kumuha ng pagsusulit sa paaralan, kinailangan ba niyang mag-aral at magsaulo ng mga tamang sagot?”
Siyempre, ang sagot sa bawat isang tanong na ito ay “Oo!” Si Hesus ay lubos na tao. Nagkasakit din siya ng parehong mga sakit na tiniis ng ibang tao. Hindi rin niya tinamaan ang pako nang siya ay nag-aaral magtrabaho bilang isang karpintero at napukpok ang kanyang daliri. Kailangan din niyang mag-aral sa mga pagsusulit katulad ng sinumang mag-aaral. Subali’t ang ilang mag-aaral ay nagugulat sa pag-aaral nito. Lumaki sila na may imahen ni Hesus bilang isang “superman” na hindi nagtataglay ng alinman sa mga limitasyon ng pagiging tao.
Bagaman hindi ito nakikita ng aking mga mag-aaral, hindi nila namamalayan na tinanggap nila ang mga ideya ng ilan sa mga maling katuruan na pag-aaralan natin sa leksiyong ito. Alam nila na si Hesus ay lubos na Diyos; nalimutan nila na siya ay lubos ding tao. Siya ay isinilang na isang sanggol; lumaki siya nang may karunungan bilang isang bata; siya ay tinukso sa bawat paraan katulad natin; siya ay naging isa sa atin.[1] Sa leksiyong ito, makikita natin kung paanong ang unang iglesya ay lumago sa pagkaunawa nito sa doktrina ni Kristo. Habang binabasa ninyo ang leksiyong ito, isipin ninyo ang praktikal na kahalagahan ng doktrina ng pagiging Diyos ni Kristo at ng pagiging tao ni Kristo.
Noong A.D. 410, bumagsak ang lungsod ng Roma kay Alaric, ang lider ng mga Goths, isang tribo mula sa hilaga. Sa unang pagkakataon sa loob ng walong siglo, ang lungsod ng Roma ay bumagsak. Para sa mga Kristiyano, ito ay higit pa sa isa lamang pangyayaring pampulitika; ito ay isang krisis para sa iglesya.
Una, sinisisi ng maraming tao ang mga Kristiyano para sa mga paghihirap ng Roma. Sinabi ng mga pagano na ang Roma ay umunlad dahil sa paghahandog ng mga Romano sa mga dios-diosan. Ngayon na ipinagbawal na ang mga paghahandog na ito, pinarurusahan ng mga dios-diosan ang Roma.
Pangalawa, ikinalito ng ilang Kristiyano ang kapangyarihan ng iglesya sa kapangyarihan ng Roma. Naniwala sila ang ang Imperyong Romano ay kumakatawan sa pagpapala ng Diyos. Itinanong ni Jerome, “Kung maaaring maghirap ang Roma, ano pa ang ligtas?”
Tumugon si Augustine, ang obispo ng Hippo sa Hilagang Africa, sa isang aklat, The City ofGod, na inilathala noong 426. Sa kanyang isinulat, itinuro ni Augustine na mayroong dalawang kaharian na umiiral sa mundo – ang Lungsod ng Diyos at ang Lungsod ng Tao. Ang lahat ng lungsod sa mundo ay babagsak sa paglipas ng panahon; ang lungsod ng Diyos ay pangwalang hanggan. Nakita ni Augustine na ang “mundo ay tumanda na,” nguni’t ang “kabataan ng iglesya ay magpapanibagong-lakas tulad ng isang agila.” Ang paghahari ng Diyos ay hindi depende sa kapangyarihan ng tao. Ang ultimong katapatan ng Kristiyano ay sa Lungsod ng Diyos.
Ang katuruan ni Augustine ay naging mas mahalaga sa sumunod na siglo. Noong 455, isa pang tribo, ang Vandals, ay lumusob at tinalo ang Roma. Pagkatapos, noong 476, sinakop ng Odovacer ang Roma at ipinatapon ang emperador na si Romulus Augustus. Ito ang katapusan ng Kanluraning Imperyong Romano. Subali’t sa kabila ng pagbagsak ng Roma, ang Lungsod ng Diyos ay nanatiling malakas.
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Mong Makilala: Si Augustine, ang Obispo ng Hippo (354-430)
Si Augustine, mula sa Hilagang Africa, ay isa sa pinakamaimpluwensiyang teologo ng Kanluraning Iglesya.[1] Naglingkod siya bilang obispo ng Hippo Regius (sa ngayon ay Algeria).
Tinanggihan niya ang pananampalatayang Kristiyano ng kanyang ina bilang simplistic, umubos si Augustine ng maraming taon sa pag-aaral ng pilosopiyang Griego. Namuhay siya ng malaswang pamumuhay, nagkaanak sa isang babaeng hindi niya asawa.
Bandang 385, lumipat si Augustine sa Milan upang maging propesor ng rhetoric (na pagsasalita) sa unibersidad. Si Ambroe ay obispo ng Milan at si Augustine ay nagsimulang dumalo sa katedral upang marinig ang mga kahanga-hangang sermon ni Ambrose. Nagsimulang bumisita si Augustine kay Ambrose at natuklasan niya na nasasagot ng obispo ang mga tanong ng kabataang lalaki tungkol sa pananampalatayang Kristiyano.
Nagsimulang makadama ng kumbiksiyon si Augustine sa kanyang makasalanang pamumuhay. Isang hapon, siya ay nagsimulang magbasa ng sulat ni Pablo sa mga taga-Roma. “Tayo ay lumakad nang may kaayusan sa liwanag, at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan. Gawin ninyong ang Panginoong Hesu-Kristo bilang sandata at huwag ninyong pagbigyan ang laman upang masunod ang mga hilig nito .”[2] Natuklasan ni Augustine na ang sagot sa kanyang makasariling pagnanasa ay ang biyaya ni Kristo Hesus.
Nagbalik-loob si Augustine sa edad na tatlumpu’t isa, bumalik sa Hippo at inordinahan bilang isang elder noong 391. Pagkalipas ng limang taon, itinalaga siya bilang obispo ng Hippo. Bilang obispo, ipinagtanggol ni Augustine ang orthodoxy laban sa mga maling katuruan, partikular na ang Manichaeism, isang gnostic na maling katuruan. Sumulat siya ng mga aklat na nakaimpluwensya sa mga teologo sa loob ng 1500 taon. Ang kanyang pinakamaimpluwensiyang sinulat ay ang The City of God at Confessions, isang paglalathala ng kanyang buhay noong kabataan, isang kuwento ng kanyang kabataan at pagbabalik-loob.
Ang pinakapinagtalunang turo ni Augustine ay ang kanyang doktrina ng predestination. Sa simula ng kanyang ministeryo, itinuro ni Augustine ang doktrinang karaniwan sa unang iglesya. Itinuro ng mga ama ng iglesya na ang kaligtasan ay para sa lahat. Noon pa man ay alam na ng Diyos kung sino ang tutugon sa kanyang pagtawag, subali’t ang buong sangkatauhan ay tinatawag upang maligtas.
Gayunman, bandang A.D. 410, dramatikong nagbago ang teolohiya ni Augustine. Si Pelagius, isang monghe na naglalakbay patungo sa Roma, ay nagulat dahil sa kaluwagang pangmoral ng mga nagsasabing Kristiyano doon. Tulad ng babala ni Pablo sa Roma 6, ginamit ng ilang Kristiyano ang biyaya ng Diyos bilang lisensya upang mamuhay sa sinasadyang kasalanan. Ang “solusyon” ni Pelagius ay bigyang-diin ang responsibilidad ng tao habang binabawasan ang biyaya ng Diyos. Itinanggi ni Pelagius ang doktrina ng orihinal na kasalanan; inangkin niya na tayo ay isinilang na malaya sa orihinal na kasalanan at mayroong kakayahang tumugon sa mga hinihingi ng Diyos sa ating sariling kapangyarihan.
Sa kasamaang-palad, sa pagtugon sa kamalian ni Pelagius, lubusang itinanggi ni Augustine ang gampanin ng tao sa pagtugon sa kaligtasan. Kinilala ni Augustine na ang kasalanan ni Adan ang sumira sa buong sangkatauhan; tayo ay isinilang na may likas na pagkamakasalanan at, kung hiwalay sa biyaya ng Diyos, ni hindi natin hinahanap ang Diyos. Samakatuwid, sinabi niya na pinili ng Diyos kung sino ang maliligtas maging bago pa ang pundasyon ng mundo. Itinuro ni Augustine na itinalaga na ng Diyos ang ilang tao (na tinatawag na “mga Pinili”) upang maligtas at ang iba naman (na tinawag na “reprobates”) sa kaparusahang kamatayan. Ang maling pagkaunawang ito sa predestination ay naglatag ng pundasyon ng doktrina ni John Calvin ng walang kundisyong pagpili.
Ipinakikita ng buhay ni Augustine:
Ang kapangyarihan ng biyaya. Kahit noong siya ay tumatakas mula sa Diyos, hinanap ng Diyos si Augustine, at dinala siya upang makilala niya si Obispo Ambrose ng Milan.
Ang panganib ng maling pagkaunawa sa biyaya. Pinalitan ni Pelagius ng mga gawa ang biyaya. Ang ibig sabihin nito, depende ang kaligtasan sa gawa ng tao. Mali ang pagkaunawa ni Augustine sa biyaya sa hindi matatanggihang pagkapili. Ito ay nagsusulong sa pagiging makapangyarihan ng Diyos sa lahat samantalang winawalang-pansin ang Kanyang pagibig. Ang dalawang katuruan ay nakabatay sa hindi sapat na pagkaunawa sa biyaya ng Diyos.
► Mag-ukol ng panahon upang hayaan ang ilan sa mga mag-aaral na magbahagi ng patotoo kung paanong inabot kayo ng biyaya bg Diyos habang kayo’y makasalanan pa. Tiyakin na ang inyong patotoo ay nakatuon sa biyaya ng Diyos, hindi sa inyong kasalanan!
[1]Image: "Augustine of Hippo", The Hundred Greatest Men (1885), retrieved from https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Augustine_of_Hippo.jpg, public domain.
Ang Konseho ng Nicaea at Constantinople ay nagpatunay sa kalikasang banal ni Hesus. Gayunman, ito ay nag-iwan ng dagdag na katanungan. Kung si Hesus ay kapwa tao at banal, paano umiiral ang dalawang kalikasang ito nang magkasama sa isang tao?
Si Nestorius, ang obispo ng Constantinople noong 428, ay binigyang-diin ang paghihiwalay ng dalawang kalikasan hanggang sa punto na ipinahiwatig niya na si Hesus ay may dalawang “katauhan” sa iisang katawan. Hindi tinanggap ni Nestorius na ang Diyos ay maaaring magdusa, kung kaya’t ihiniwalay niya ang pagiging tao ni Hesus sa kanyang pagiging Diyos. Gayunman, kung tama si Nestorius, tao lamang ang namatay sa Kalbaryo. Tumugon si Cyril, ang obispo ng Alexandria, “Paanong matutupad ng mga paghihirap ng tao lamang ang pagtupad sa pagtubos sa buong sanlibutan?” Isang konseho ng mga tagapamuno sa iglesya ang nagpulong sa Efeso noong 431 at kinondena ang katuruan ni Nestorius.
Dahil wala tayong alinman sa mga isinulat ni Nestorius, mahirap malaman kung ano talaga ang kanyang itinuro. Dinala ng mga misyonerong Kristiyano na sumunod kay Nestorius ang ebanghelyo sa Tsina, India at Persia. Ang impluwensiya ng mga misyonerong sumunod kay Nestorius mula sa ika-5 at ika-11 siglo ay nagturo ng dalawang leksiyon:
(1) Maging ang mga sinserong Kristiyano na may puso para sa pag-eebanghelyo ay maaaring magkamali sa pagpapakahulugan sa ilang aspeto ng katotohanan ng Biblia. Dapat lagi tayong babalik sa Kasulatan bilang pamantayan ng ating itinuturo.
(2) Kumikilos ang Diyos sa pamamagitan ng mga may kapintasang instrumentong mga tao upang tuparin ang Kanyang mga layunin. Ang mga tagasunod ni Nestorius ay maaaring nagkamali sa pag-unawa sa mahalagang aspeto ng teolohiya, ngunit ginamit pa rin sila ng Diyos upang dalhin ang ebanghelyo sa Silangan. Kung paanong kumilos ang Diyos sa pamamagitan ng nagkakamaling si Simon Pedro sa Mga Gawa 10, gumamit rin siya ng mga may kapintasang mga instrumento sa kabuuan ng kasaysayan ng iglesya.
Maging pagkatapos ng Konseho ng Efeso, ang relasyon sa pagitan ng pagiging Diyos at pagiging tao ni Kristo ay patuloy na nagbunga ng kalituhan at pagkakahati-hati sa iglesya. Noong 449, ang obispo ng Roma, si Leo I, ay sumulat ng kanyang Tome kung saan ipinahayag niya na si Hesus ay iisang “persona” na may dalawang “kalikasan”, banal(Diyos) at tao. Sa ganitong paraan, kapwa niya pinangalagaan ang dalawang doktrina: ang pagiging Diyos at ang pagiging tao ni Hesus. Isinulat ni Leo na ang dalawang kalikasan ay “pinanatiling buo at magkasama sa iisang persona.”
Ipinaliwanag ni Leo ang kahalagahan ng doktrinang ito sa kaligtasan. Sinabi niya na ang kasalanan at kamatayan ay hindi malulupig malibang ang isang hindi nabahiran ng kasalanan at kamatayan (si Hesus) ay “kinuha ang ating kalikasan at ginawa iyong sa kanya.” Ang doktrina ng kalikasan ni Kristo ay hindi simpleng talakayang akademiko lamang. Tanging dahil si Hesus ay lubusang banal at lubusang tao kung kaya’t tayo’y mayroong pag-asa ng kaligtasan.
Taong 451, tinanggap ng Konseho ng Chalcedon ang Tome ni Leo at tinanggihan ang kaisipan na magkahalo ang dalawang kalikasan ni Hesus. Pinatunayan ng konseho na si Hesus ay may dalawang kalikasan (“walang kalituhan, paghahati o paghihiwalay”) sa iisang persona. Habang ang ilang iglesyang Coptic at Syrian ay tumanggi sa pasya sa Chalcedon, tinanggap ng karamihan sa mga Kristiyano na ang Pagkakatawang-tao ay isang misteryo na hindi natin lubusang maipapaliwanag nguni’t kailangan nating tanggapin; si Hesus ay isang persona, nguni’t may dalawang kalikasan. Ito ay kilala bilang ang Credo ng Chalcedon, o ang “Pakahulugan ng Chalcedon.”
► Mahalaga ba ang mga credo para sa iglesya sa kasalukuyan? Binabanggit ba ng inyong iglesya ang alinman sa mga credo (ang Credo ng mga Apostol, ang Credo ng Nicene, o ang Credo ng Chalcedon)? Kung hindi, ano ang inyong pamantayan ng orthodoxy?
Ang Pagiging Diyos at Pagiging Tao ni Hesus
Apollinarianism
Nestorianism
Pangunahing Sentro: Alexandria, Egipto
Pangunahing Sentro: Antioch, Siria
Binibigyang-diin:
Ang pagiging Diyos ni Kristo
Ang pagiging Iisa ni Kristo
Ang Salita ay nagkatawang-tao (sa laman)
Binibigyang-Diin:
Ang pagiging tao ni Kristo
Ang dalawang kalikasan ni Kristo
Ang Salita ay nakipag-isa sa tao.
Panganib: Wala bang kaluluwa ng tao si Hesus?
Panganib: Tao lamang ba si Hesus?
Katuruan: Hindi tunay na tao si Hesus. Ang banal na Salita ay pumalit sa kaluluwa ng tao.
Katuruan: Si Hesus ay hindi tunay na Diyos. Magkahiwalay ang kanyang dalawang kalikasan.
Teolohiya ng Chalcedon: Si Hesus ay isang persona na may dalawang kalikasan.
► Alinman sa pananaw ng Alexandria o Anitochene tungkol sa kalikasan ni Kristo ay hindi madadala sa sukdulan na nagbibigay ng maling pakahulugan sa kalikasan ni Kristo. Talakayin:
Ang panganib ng bawat isang sukdulan (Apollinarianismo at Nestorianismo)
Kung paanong ang mga Kristiyano sa kasalukuyan ay maaaring magkamali sa pag-unawa sa persona ni Kristo Hesus.
Aling papanaw ang mas karaniwan sa kapaligiran ng inyong iglesya
Paano ninyo dapat ipaliwanag ang kalikasan ni Hesus sa karaniwang tao sa inyong iglesya.
Dumating ang Ebanghelyo sa Scotland
Si Columba (521-597) ay isinilang sa ngayon ay Ulster, Ireland. Ang kanyang pangalan ay nangangahulugan ng “ang kalapati” at siya ay kilala bilang ang “kalapati ng iglesya” dahil sa kanyang mga pagsisikap bilang misyonero. Isinilang si Columba sa isang maharlikang pamilya at maaari sanang naluklok sa trono. Sa halip, mula sa pagkabata naramdaman na niya ang pagtawag ng Diyos upang maglingkod sa iglesya.
Nag-aral si Columba sa pagtuturo ng ilan sa mga pangunahing guro sa kanyang panahon. Matapos na siya ay ordinahan, nagsimula si Columba na magtatag ng mga monasteryo sa mga pamayanang Irish. Siya ay iginalang bilang isang taong makadiyos at isang taong may mataas na karunungan.
Sa edad na 40, nasangkot si Columba sa kaguluhang pampulitika at nakipaglaban sa Digmaan ng Culdrevney kung saan 3000 kalalakihan ang napatay. Lubhang nagsisi si Columba kaya’t umalis siya sa Ireland bilang isang “bilanggo para kay Kristo,” disidido na makahikayat ng mga kaluluwa kasindami ng nawala sa digmaan. Iniukol ni Columba ang natitirang panahon sa kanyang buhay sa pag-eebanghelyo at nag-akay ng libo-libong Scots kay Kristo.
Si Columba at labindalawang kasamahan ang dumaong sa isla ng Iona malapit sa baybayin ng Scotland. Nagtatag sila ng isang monasteryo na naging sentro ng pag-eebanghelyo sa Scotland. Nagamit ni Columba ang kanyang mga maharlikang kakilala at kakayahang pampulitika para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.
Ang mga ala-ala ng Labanan sa Culdrevney ang nakahikayat kay Columba na magdala ng kapayapaan sa pagitan ng mga Scots at ng mahilig sa digmaan na mga Picts. Sa loob ng isang taon mula sa pagdating niya sa Iona, naakay ni Columba ang Hari ng mga Picts kay Kristo. Kilala ang mga Picts sa kanilang mabagsik na pag-uugali, subali’t nabago sila ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ni Columba, dumating ang kapayapaan sa Scotland.
Nahikayat ni Columba ang mga Kristiyanong Scottish na magpakasigasig para sa mga aklat, pangunahin na ang Biblia. Sa simula ng kanyang buhay, gumawa siya ng isang hindi-awtorisadong kopya ng Mga Awit at Mga Ebanghelyo para sa kanyang pansariling pag-aaral.[1] Ang kanyang pag-ibig sa pag-aaral ng Kasulatan ay nagbigay ng isang huwaran para sa mga nahikayat niyang magbalik-loob. Ang kanyang mga sermon ay mga simpleng pagpapaliwanag sa Biblia.
Nakahikayat din si Columba ng sigasig para sa pag-eebanghelyo. Mula sa kanyang pagdating sa Iona noong 563 hanggang sa kanyang kamatayan sa edad na 75, isinulong ni Columba ang layunin ng pagmimisyon at pag-eebanghelyo.
Isa sa mga kaligayahan ng pag-aaral ng kasaysayan ng iglesya ay ang makita ang pagkilos ng Diyos sa paglipas ng mga siglo upang matupad ang Kanyang mga layunin. Ang timetable ng Diyos ay mas higit na mas malaki kaysa sa ating limitadong kalendaryo! Sa leksiyon 4, pinag-aralan natin si Patrick na nagdala ng ebanghelyo sa Ireland. Dinala ng Diyos si Patrick mula sa England patungo sa Ireland bilang isang misyonero na nagbautismo ng libo-libo, kabilang na ang isang lalaking nagngangalang Conall. Si Columba ay apo ni Conall. Dalawang henerasyon ang lumipas, dinala ng Diyos ang apo ni Conall na si Columba mula sa Ireland patungong Scotland upang mag-ebanghelyo sa mga Scotts at mga Picts. Ano ang nais ng Diyos na gawin sa pamamagitan mo?
[1]Sa panahon ng Middle Ages, walang sinumang pinahihintulutang gumawa ng kopya ng mga Kasulatan nang walang pag-sang-ayon mula sa awtoridad ng iglesya. Ito ay naglalayon na protektahan ang Biblia mula sa pagkakamali ng mga kumokopya. Gayunman, nalimitahan nito ang pagkakaroon ng Kasulatan.
Konklusyon: Nagsasalita ang Kasaysayan ng Iglesya sa Kasalukuyan
► Nag-ukol ang mga konseho ng iglesya ng maraming pagsisikap sa pagpapaliwanag ng doktrina ni Kristo. Bakit mahalagang ituro na si Hesus ay lubusang Diyos, “na may parehong substance tulad ng Ama?” Ano ang praktikal na epekto ng doktrinang ito?
►Bakit mahalagang ituro na si Hesus ay lubos na tao? Ano ang praktikal na epekto ng doktrinang ito?
Sa isang punto sa leksiyong ito, maaaring naisip mo, "Mabuti! Isa na namang heresy; ibang konseho na naman. Sino ba ang nag-iisip sa mga konseho ng iglesya mula sa 1700 taon na ang nakalipas? Gusto ko lamang malaman ang Biblia.” Maraming tao ang tumitingin sa mga konseho at mga credo bilang mga walang kabuluhang bagay para sa iglesya sa kasalukuyan.
Sinasabi ng mga liberal na teologo, “Bakit dapat nating pahintulutan ang isang grupo ng mga kalalakihan mula sa 1700 taon na ang nakalipas ang siyang magtakda kung ano ang paniniwalaan natin sa kasalukuyan? Kailangan natin ang ating sariling ‘naliwanagang teolohiya ng ika-21 siglo.” Ang ating buhay na pananampalataya ang mahalaga! Ang aking pananampalataya ay hindi nakabatay sa mga credo, kundi sa isang personal na relasyon kay Hesus.”
[1]Tunay na ang ating personal na relasyon kay Hesus ay sentro. Totoo rin na ang teolohiyang nabuo sa simulang iglesya ay nakatutulong sa atin na maunawaan ang Hesus na siyang pundasyon ng ating pananampalataya. Ang mga talakayan tungkol sa mga konsehong ito ay nakaaapekto sa ating pang-araw-araw na buhay Kristiyano. Ang mga doktrinang ito ay naglalarawan hindi lamang ang persona ni Hesus kundi ang kanya ring gawain bilang Tagapagligtas. Kinikilala ng mga konseho ang persona ni Hesus ay hindi maaaring ihiwalay mula sa gawain ni Hesus. Ang ginawa ni Hesus ay batay sa ginawa ni Hesus.
Pinatotohanan ng Konseho ng Nicaea ang pagiging Diyos ni Kristo. Nauunawaan ng mga Obispo na kung hindi tunay na Diyos si Hesus, walang kahulugan ang kanyang kamatayan dahil ang Diyos lamang ang makapagpapatawad ng kasalanan. Kung si Hesus ay hindi Diyos, hindi siya maaaring maging Tagapagligtas [2]natin.
[3]Pinatotohanan ng Konseho ng Constantinople ang lubos na pagiging tao ni Kristo. Nauunawaan ng mga Obispo na kung si Hesus ay hindi lubos na tao, ang kanyang kamatayan ay hindi makapagbabayad-sala para sa atin. Bagaman ipinagkaloob ng Diyos ang pagsasakripisyo ng mga hayop bilang pansamantalang paunang-pagtanaw sa perpektong sakripisyo ni Hesus, ang pagtubos sa kasalanan ay nangangailangan ng perpektong sakripisyo ng tao.[4]Kung si Hesus ay hindi lubusang tao, hindi niya maipagkakaloob ang sakripisyong iyon.
Pinatunayan ng Konseho ng Ephesus at Chalcedon ang relasyon sa pagitan ng dalawang kalikasan ni Kristo. Nauunawaan ng mga Obispo na ang “paghahalo ng pagkaDiyos at pagiging tao” ay kapwa hindi makadiyos o makatao. Pinatotohanan ng mga Konsehong ito na si Kristo ay may dalawang magkabukod na kalikasan sa iisang tao, nang hindi pinagsasama o pinaghahati ang mga kalikasang ito.
Binigyang buod ng mga credo ang mga doktrina na kinakailangan sa ating pananampalataya. Bagaman hindi kailanman dapat pumalit ang mga credo sa Kasulatan bilang ang huling awtoridad, nakatutulong ang mga credo sa atin upang mas mabuting maunawaan ang mga doktrinang inihahayag sa Kasulatan. Ang mga credo ay nabuo bilang tugon sa mga kilusang erehe na nagbabanta sa tunay na pananampalataya. Ito ang paraan kung paanong natutuhan ng mga ordinaryong mamamayan ang tungkol sa pananampalatayang Kristiyano.
Ang mga Konseho ng Unang Iglesya
Lokasyon
Petsa
Pasya
Nicaea
325
Tinanggihan ang Arianism.
Ang Anak ay isang substance sa Ama.
Si Kristo ay lubos na Diyos.
Constantinople
381
Pinatotohanan ang Konseho ng Nicaea.
Si Kristo ay lubos na tao.
Pinatotohanan ang pagiging Diyos ng Banal na Espiritu.
Efeso
431
Tinanggihan ang Nestorianism.
Si Kristo ay isang persona.
Chalcedon
451
Ang dalawang kalikasan ni Kristo ay hindi magkahalo at hindi maaaring paghiwalayin.
Si Kristo ay kapwa tao at Diyos sa iisang persona.
[1]Patungkol sa Pagiging Dios ni Kristo
“Si Hesus, na kilala ko bilang aking Manunubos, ay hindi maaaring maging hindi Dios.”
- Athanasius
[2]Sa Pagiging Tao ni Kristo
“Paano makapupunta ang sangkatauhan sa Dios kung hindi pumunta ang Dios sa atin?
- Ireneo
[3]“Tungkol sa bugtong na Anak ng Ama
Bago pa magsimula ang mundo,
Siya ang Alpha at Omega,
Siya ang simula, siya ang wakas,
Sa mga bagay sa ngayon, sa nakaraan
At ang makikita sa taong hinaharap
Magpasawalang-hanggan, sa lahat ng panahon.”
Himno noong ika-4 na siglo
Sa kalikasan ni Kristo.
Leksiyon 5 Mga Pangunahing Pangyayari sa Kasaysayan ng Iglesya
Petsa ( A.D. )
Pangyayari
410
Nahulog ang Roma sa mga Goths.
426
Inilathala ni Augustine ang The City of God.
451
Pinatotohanan ng Konseho ng Chalcedon ang paniniwala ng iglesya na si Hesus ay “isang persona na may dalawang kalikasan” (Diyos at tao)
563
Dinala ni Columba ang ebanghelyo sa Scotland.
590
Paghahalal kay Gregory bilang Papa.
Leksiyon 5 Mga Pangunahing Tao sa Kasaysayan ng Iglesya
Augustine (354-430). Obispo ng Hipppo. Isa siya sa pinakamahalagang teologo ng iglesyang Kristiyano. Binigyang-diin niya ang mga doktrina ng orihinal na kasalanan, predestination, at kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya.
Columba (521-597). Isang unang misyonero sa Scotland. Naglakbay si Columba mula sa Ireland upang magtatag ng mga monasteryo at iglesya sa Scotland.
Mga Takdang Aralin sa Leksiyon 5
(1) Kumuha ng pagsusulit sa leksiyong ito. Kasama sa pagsusulit ang mga petsang galling sa “Pangunahing Pangyayari sa Kasaysayan ng Iglesya” timeline (410-590)
(2) Pagbalik-aralan ang talakayan ng mga konseho. Pumili ng isa sa mga konseho at maghanda ng maikling buod ng konseho. Dapat maglaman ng apat na parte ang iyong buod:
Pangyayari: Saan at kailan nagpulong ang konseho?
Usapin: Ano ang pangunahing usaping pangdoktrina na siyang dahilan ng pagtawag ng konseho?
Pasya: Ano ang naging pasya ng konseho patungkol sa pangunahing usapin?
Aplikasyon: Paano nakaapekto ang pasya ng konseho sa doktrina at buhay ng iglesya?
Mayroon kang dalawang pagpipilian sa pagpipresenta ng buod na ito:
Magsumite ng 2 pahinang papel na nakasulat sa iyong tagapanguna sa klase.
Magbigay ng 3-5 minutong pasalitang presentasyon sa inyong klase.
Pagsusulit sa Leksiyon 5
(1) Ang lunsod ng Roma ay nahulog sa mga Goths noong A.D. _________.
(2) Tinawag na ______________ang aklat ni Augustine na isinulat bilang tugon sa pagbagsak ng Roma.
(3) Ang tala sa simula ng buhay at pagbabalik-loob ni Augustine ay tinawag na _________________.
(4) Binigyang-diin ni _________________ang paghihiwalay ng dalawang kalikasan ni Hesus hanggang sa ipahiwatig niya na si Hesus ay “dalawang persona” sa iisang katawan.
(5) Sumulat si Leo 1 ng isang ____________ kung saan ipinahayag niya na si Hesus ay isang “persona” na may dalawang kalikasan, Diyos at tao.
(6) Ang Konseho ng Nicaea at Constantinople ay tumalakay sa kalikasan ni Kristo. Ang Konseho ng ___________noong 451 ay tumalakay kung paanong ang dalawang kalikasan ay naugnay sa isa’t-isa.
(7) Dinala ni _____________ ang ebanghelyo sa Scotland noong ika-anim na siglo.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.