Nanood si Rico ng isang pagsamba sa telebisyon. Ang simbahan ay kumukuha ng alay para sa isang espesyal na proyekto. Isang mangangaral sa simbahan ang nanalangin na bigyan ng basbas ang lahat ng nagbigay ng pera para sa proyekto. Nangako ang mangangaral na ang mga nagbibigay ay tatanggap mula sa Diyos ng isang daang beses kaysa sa ibinigay nila. Nag-isip si Rico kung dapat ba siyang mag-donate online para sa proyekto.
► Basahin nang malakas ang Mateo 6:25-34 nang sama-sama. Dapat magsulat ang bawat mag-aaral ng isang talata na nagbubuod sa talata ng banal na kasulatan na ito. Ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa paraan ng paglalaan ng Diyos para sa ating mga pangangailangan? Ang bawat mag-aaral ay dapat magsulat ng isang listahan ng mga pahayag. Bilang isang pangkat, talakayin kung ano ang iyong isinulat.
Mga Pagpapala ng Diyos para sa Sangkatauhan
Pinagpapala ng Diyos ang kanyang nilikha (Genesis 1:22, 28). Nilikha ng Diyos ang mga unang tao at inilagay sila sa isang perpektong kapaligiran upang ibigay ang lahat ng kailangan nila (Genesis 2:8-9). Bago nagkasala ang unang mga tao, kaaya-aya ang pagtatrabaho at walang pisikal na pagdurusa o pagtanda o kamatayan (Genesis 3:17-19). Ang disenyo ng Diyos sa buhay para sa sangkatauhan sa paglikha ay nagpapakita sa atin na gusto niyang ibigay ang lahat ng kailangan natin.
Noong si Jesus ay nasa lupa, ipinakita niya ang pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagpapagaling ng mga sakit at pagpapakain sa mga nagugutom, ipinakita niya na ang Diyos ay nagmamalasakit sa ating pisikal na mga pangangailangan. Sa libingan ni Lazarus, ipinakita ni Jesus ang habag ng Diyos nang umiyak siya para sa nagdadalamhating pamilya (Juan 11:35) pagkatapos ay binuhay si Lazarus mula sa mga patay.
Isinulat ni Apostol Juan na nais niyang umunlad at maging malusog ang mga mananampalataya (3 Juan 1:2).
Sa talatang binasa mo sa simula ng araling ito, sinabi ni Jesus na kung paanong ang Diyos ay nagkakaloob para sa mga maya at nagpapaganda ng mga bulaklak ay magkakaloob din siya para sa kanyang mga anak (Mateo 6:25-34). Sinabi niya na ang mga anak ng Diyos ay hindi dapat mag-alala tungkol sa kanilang mga pangangailangan. Ang isang mananampalataya ay dapat gawing isang mas mataas na priyoridad ang kaharian ng Diyos kaysa sa mga personal na pangangailangan.
► Dapat basahin ng mag-aaral ang 1 Timoteo 6:6-10 para sa grupo.
Nais ng Diyos na maging kontento ang kanyang mga anak kaysa maghangad na maging mayaman. Binabalaan tayo ng talatang ito na huwag mahalin ang pera, dahil ang pag-ibig sa pera ay nagdudulot ng lahat ng uri ng kasamaan. Isinulat ni Apostol Pablo na dapat tayong makuntento kung ang ating mga pangunahing pangangailangan ay natutugunan. Sinabi niya na ang mga nagsisikap na yumaman ay nahuhulog sa mga tukso at maling pagnanasa. Ang taong nagmamahal sa pera ay makakatagpo ng maraming kalungkutan.
Isang Biblikal na Pananaw sa Pagdurusa
Ang pagdurusa ay bunga ng kasalanan, kahit na ang pagdurusa ng isang indibiduwal ay hindi nasusukat sa kanya bilang resulta ng kanyang sariling kasalanan. Ang pagdurusa ay hindi pantay na ipinamamahagi sa buhay na ito. Nagdurusa tayo, hindi lamang dahil sa ating sariling kasalanan, kundi dahil sa mga kasalanan ng iba.
Nilikha ng Diyos ang isang perpektong mundo at hindi kailanman nilayon na umiral ang sakit, pagtanda, at kamatayan. Sa huli, ibabalik niya ang isang perpektong mundo. Ang pagtubos ni Kristo ay naglaan para sa hinaharap na ganap na pagpapanumbalik ng lahat ng nilikha.
Hindi lahat ng benepisyo ng pagtubos ay ganap na natatanggap sa ngayon. May pagkakasunud-sunod ng mga priyoridad ang Diyos na kanyang sinusunod. Dahil ang pagdurusa ay bunga ng kasalanan, ang kasalanan ay kailangan munang harapin. Kung biglang aalisin ng Diyos ang lahat ng pagdurusa, hindi makikita ng mga tao ang kasamaan ng kasalanan. Ang pagdurusa ay nagpapakita ng kasamaan ng kasalanan at ang pangangailangan para sa pagsisisi.
Sa pamamagitan ng paglikha sa mga tao bilang malayang nilalang, ipinakita ng Diyos ang kanyang mga prayoridad. Kinamumuhian ng Diyos ang kasalanan, ngunit itinuturing niyang mahalaga para sa mga tao na malayang gumawa ng mga pagpili. Nais ng Diyos na gawin ng mga tao ang tama dahil pinili nila, hindi dahil pinipilit nilang gawin ito. Nais ng Diyos na iligtas ang mga tao na may pakikipagtulungan sa kanilang pinili, kaya umaapela siya sa kanilang mga kalooban habang pinahihintulutan ang pagdurusa na ipakita ang mga resulta ng kasalanan. Habang nakikita ng mga tao ang kabutihan ng Diyos sa isang nagdurusang mundo, nakikita nila na dapat silang magsisi sa kasalanan at sumunod sa Diyos.
Hinaharap muna ng Diyos ang kasalanan, at nangangailangan iyon ng panahon dahil binigyan niya ang mga tao ng malayang pagpapasya. Ang kasalanan ng mundo ay hindi agad mawawala sa isang iglap dahil ang mga tao ay dapat na indibidwal na magpapasya. Ang mga nagsisisi ay papasok sa bagong mundo ng Diyos, kung saan walang pagdurusa. Yaong mga ayaw iwanan ang kanilang kasalanan ay hindi kailanman maliligtas sa pagdurusa.
Hindi limitado ang kapangyarihan ng Diyos, ngunit mayroon siyang pagkakasunud-sunod ng mga priyoridad. Upang mailigtas ang mga tao bilang kusang-loob, nagsisisi na mga mananampalataya, kailangan muna niyang harapin ang kasalanan kaysa sa pagdurusa. Minsan ang Diyos ay nagpapagaling, ngunit ang kabuuang kagalingan para sa lahat ng tao ay hindi garantisado sa kasalukuyan. Kaya naman patuloy tayong tumatanda at pisikal na nasisira. Dapat tayong maghintay ng may pananampalataya hanggang sa huling pagtubos ng katawan (Roma 8:23).
Mga Pundasyon ng Bibliya tungkol sa Kasaganaan
► Ano ang ilang mga paraan ng pagbibigay ng Diyos nang mga pangangailangan ng mga tao?
Kung minsan ang Diyos ay nagbibigay sa isang di-pangkaraniwang, mapaghimalang paraan. Halimbawa, naghulog siya ng espesyal na pagkain mula sa langit para sa mga tao ng Israel (Exodo 16:14-15). Mahimalang pinarami ni Jesus ang tinapay at isda para sa mga tao sa dalawang pagkakataon (Marcos 6:34-44, Marcos 8:1-9). Gayunpaman, ang Diyos ay nagpapakita ng karaniwang mga paraan upang magdala ng mga pagpapala sa mga tao.
1. Pinagpapala ng Diyos ang trabaho. Ang pagtatrabaho ay bahagi ng perpektong buhay na dinisenyo ng Diyos para sa mga unang tao (Genesis 2:15). Sinasabi ng kasulatan na kumikita tayo sa trabaho (Kawikaan 14:23). Ang isang tao ay dapat magtrabaho upang magkaroon ng mga mapagkukunang maibabahagi sa iba (Efeso 4:28). Madalas pinupuna ng Bibliya ang taong tamad (Kawikaan 6:9, Kawikaan 10:26, Kawikaan 20:4). Hindi dapat suportahan ng simbahan ang isang taong ayaw magtrabaho (2 Tesalonica 3:10). Ang taong may kakayahang magtrabaho ay hindi dapat umasa na ibibigay ng Diyos ang kanyang mga pangangailangan ng walang pagtatrabaho.
2. Pinagpapala ng Diyos ang negosyo. Ang paglalarawan ng bibliya ng isang mabait na babae ay kinabibilangan ng detalye na siya ay nagnenegosyo para kumita (Kawikaan 31:16, 24). Ang Diyos ay nalulugod sa matapat na negosyo ngunit kinasusuklaman ang kawalan ng katapatan (Kawikaan 11:1). Hindi nalulugod ang Diyos sa negosyong hindi patas sa mga taong nasa mahihirap na sitwasyon (Kawikaan 22:16, Amos 8:4-8).
3. Pinagpapala ng Diyos ang ari-arian. Sinabi ni propeta Mikas na ang pagpapala ng Diyos sa isang bansa ay kinabibilangan ng ligtas na personal na pag-aari (Mikas 4:4). Maraming beses nangako ang Diyos na pagpapalain niya ang lupa at mga hayop sa bukid na pag-aari ng kanyang mga anak (Deuteronomio 28:4). Mabuti para sa isang tao na bumuo ng ari-arian upang ito ay kumita.
4. Pinagpapala ng Diyos ang pamilya ng simbahan. Plano ng Diyos na pangalagaan ng simbahan ang mga tao nito tulad ng mga miyembro ng isang pamilya. Ang mga mananampalataya ay dapat tumulong sa mga nasa pamilya ng pananampalataya (Galacia 6:10, 1 Timoteo 5:3). Ang simbahan ay isa sa mga paraan na tinutugunan ng Diyos ang mga pangangailangan ng mga mananampalataya.
5. Pinagpapala ng Diyos ang pagbibigay ng sakripisyo. Nangako si Apostol Pablo sa simbahan na ibibigay ng Diyos ang kanilang mga pangangailangan dahil gumawa sila ng sakripisyong pagbibigay upang makapaglingkod siya sa iba (Filipos 4:14-19). Sinabi ni Jesus na ang maliit na handog ng isang balo ay nabibilang na isang malaking handog dahil sa sakripisyong pagbibigay (Marcos 12:43-44). Ang bawat tao sa simbahan ay dapat mag-ambag sa ministeryo ng simbahan at maghanap ng mga paraan upang matulungan ang iba sa espirituwal na pamilya.
6. Pinagpapala ng Diyos ang regular na pagbibigay. Ang sistema ng Lumang Tipan ng mga ikapu at mga handog ay nagpapakita sa atin na ang isang mananampalataya ay dapat na regular na magbigay ng 10% ng kanyang kita at karagdagang mga handog. Nangako ang Diyos ng pagpapala sa pananalapi sa mga taong nagbigay ng ikapu (Malakias 3:10).
7. Pinagpapala ng Diyos ang pagsusuporta sa mga pastor. Nilalayon ng Diyos na ang mga pastor ay suportahan ng kanilang mga ministeryo (1 Corinto 9:14). Ang mga mananampalataya ay dapat magbigay upang suportahan ang kanilang mga pastor (Galacia 6:6). Ang isang pastor ay dapat na handang magtrabaho kung kinakailangan (Gawa 20:34). Dapat na ang motibasyon ng pastor ay pag-ibig at hindi ng pera (1 Pedro 5:2). Maraming mga guro ng maling doktrina ang may motibasyon ng pagnanais ng pera (Tito 1:11, 2 Pedro 2:3). Maling bumili o ipagbili ang mga pagpapala ng Diyos para sa pera (Gawa 8:20).
Mga Huwad na Guro ng Kasaganaan
Binabalaan tayo ng Bibliya tungkol sa mga mangangaral na may maling mensahe na kaakit-akit sa mga tao (2 Timoteo 4:1-4). Ang mga huwad na guro ng kasaganaan ay may ilang karaniwang katangian:
1. Inaakit nila ang mga hindi mananampalataya sa pamamagitan ng pag-akit sa mga makamundong layunin sa halip na humiling ng pagsisisi.
2. Hindi sila nagbibigay ng makatotohanang Kristiyanong pananaw sa pagdurusa ng tao.
3. Mayroon silang mapagmataas na ugali na walang galang sa ibang simbahan, matatandang Kristiyano, at maging sa Diyos.
4. Gumagawa sila ng mga pangako na hindi ipinapangako ng Diyos, na humahantong sa pagkabigo at pagkawala ng pananampalataya.
Kung minsan ang mga huwad na guro ng kasaganaan ay nakakakuha ng pansin sa mga hindi pangkaraniwang doktrina at mahuhusay na pangangaral. Sinasabi nila na nagpapakita sila ng mga himala at mga paghahayag na wala sa ibang mga simbahan. Gusto nilang parangalan bilang mga sikat na tao sa relihiyon.
Binibigyang-diin nila ang bagong paghahayag, at marami sa kanilang mga doktrina ay hindi matatagpuan sa Bibliya. Sinasabi nilang natututo sila ng mga bagong doktrinang ito mula sa pakikipag-usap sa Diyos.
Sila ay pinakakilala sa kanilang mga turo tungkol sa pananampalataya, na binibigyang-diin na ang bawat tao ay maaaring magkaroon ng kalusugan at kayamanan kung matututo siyang gumamit ng pananampalataya. Nangangako sila na ang bawat tao ay maaaring gumaling. Sinasabi nila na plano ng Diyos na maging mayaman ang bawat Kristiyano.
[1]Sinasabi nila na maraming mga himala ang nangyayari sa kanilang ministeryo, ngunit walang magandang ebidensya na maraming mga himala ang totoo. Sinasabi nilang nagbibigay sila ng mga direksyon upang ang bawat mananampalataya ay yumaman, ngunit ang mga pinuno lamang ang yumayaman—mula sa mga donasyon ng kanilang mga tagasunod.
Ang mga grupo ng taong sumusunod sa mga gurong ito ay hindi mayaman, at hindi rin sila nakakaranas ng buong kalusugan. Sa halip, mga tao silang umaasa, na pinangungunahan ng mga hindi napatunayang kwento ng tagumpay.
Maraming mga bagong simbahan na may maling pagtuturo ng kasaganaan ang nagsimula sa mga bansa sa buong mundo. Ginagaya ng ilan sa kanila ang mga gurong Amerikano sa telebisyon. Gumagamit ang ilan ng mga libro at video mula sa mga huwad na mangangaral ng kasaganaan sa Amerika. Ang ilang mga huwad na guro ng kaunlaran ay nagsimula ng mga simbahan sa ibang mga bansa at kinukuha ang mga handog para sa kanilang sarili sa halip na gamitin ang pera upang pagpalain ang mga lokal na kongregasyon.
“Ngunit ang sinumang magsasabi sa Espiritu, ‘Bigyan mo ako ng pera,’ o iba pang katulad nito, hindi mo siya dapat pakinggan. Ngunit kung sasabihin niya sa iyo na magbigay para sa kapakanan ng iba na nangangailangan, huwag siyang hatulan ng sinuman."
- Didache
(mula sa simbahan ng ikalawang siglo)
Maling Teolohiya ng Kasaganaan
Ang mga huwad na guro ng kasaganaan ay bumuo ng maling teolohiya upang suportahan ang kanilang mga ideya.
Sinasabi ng mga huwad na guro ng kasaganaan na ang pananampalataya ay ang di-personal na kapangyarihan at sangkap ng sandaigdigan. Naniniwala sila na ang pananampalataya ay isang kapangyarihang magagamit ng mga tao kung paanong ginagamit ito ng Diyos.
Iniisip ng mga huwad na guro ng kasaganaan na magagamit ng tao ang pananampalataya nang hindi umaasa sa Diyos at nang hindi sinusubukang malaman ang kalooban ng Diyos. Sa kabaligtaran, sinabi ni Jesus na manalangin tayo para matupad ang kalooban ng Ama (Mateo 6:10). Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang pananampalataya ay umaakay sa atin na magtiwala sa Diyos at hanapin ang gantimpala na ibinibigay niya (Hebreo 11:6).
Sinasabi ng mga huwad na guro ng kasaganaan na hindi pag-aari ng Diyos ang lupa o pinamamahalaan ito. Itinuturo nila na ibinigay ng Diyos ang awtoridad sa lupa sa tao, at ibinigay ito ng tao kay Satanas. Sinasabi nila na ang Diyos ay hindi makakagawa ng anuman sa lupa kung hindi siya pinahihintulutan ng mga tao. Sa kabaligtaran, sinasabi ng Bibliya na ang lupa at lahat ng naririto ay pag-aari ng Diyos (Awit 24:1). Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ang Hukom ng buong lupa at kumikilos sa lupa (1 Samuel 2:10).
[1]Ang kanilang mga doktrina tungkol sa pananampalataya ay batay sa mga doktrina ng Diyos na iba sa makasaysayang Kristiyanismo. Halimbawa, itinuturo nila na ang Diyos Ama ay isang pisikal na tao. Naniniwala sila na ang mga tao ay pisikal na kopya ng Diyos. Naniniwala sila na dahil ang mga tao ay mga kopya ng Diyos, dapat nilang gawin ang ginagawa ng Diyos.
Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay Espiritu (Juan 4:24) at hindi tao (Mga Bilang 2
3:19). Si Jesus ang natatanging Anak ng Diyos na nagsagawa ng ating kaligtasan (Juan 3:16). Ngunit ang mga huwad na guro ng kasaganaan ay nagsasabi na ang Diyos ay isang tao na katulad natin at si Jesus ay walang pinagkaiba sa atin.
Ang sabi ni Kenneth Copeland tungkol kay Adam,
Si Adan ang kopya, at kamukha ng [Diyos]. Kung patayuin mo si Adan sa tabi ng Diyos, magkamukha sila. Kung pagtabihin mo si Jesus at si Adan, magkamukha sila at magkatulad ang tunog.[2]
Hindi siya medyo katulad ng Diyos. Hindi siya halos katulad ng Diyos. Hindi rin siya mas mababa sa Diyos... Si Adan ay katulad ng Diyos, na katulad din ni Jesus.[3]
Sinabi ni Kenneth Hagin, “Bawat tao na ipinanganak na muli ay isang pagkakatawang-tao, at ang Kristiyanismo ay isang himala. Ang mananampalataya ay isang pagkakatawang-tao gaya ni Jesus ng Nazaret.” [4]
Sinabi ni Benny Hinn, “Huwag mong sabihin sa akin na mayroon kang Jesus. Ikaw ang lahat ng bagay na siya noon at ang lahat ng kung ano siya at kailanman ay magiging siya." [5]
Sabi ni Morris Cerullo, “At kapag tumayo tayo dito, kapatid, hindi ka tumitingin kay Morris Cerullo, nakatingin ka sa Diyos. Nakatingin ka kay Jesus." [6]
Sinasabi ng Diyos,
… ako'y Diyos, at walang iba;ako'y Diyos, at walang gaya ko,na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula,at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari;na nagsasabi, ‘Ang layunin ko ay maitatatag,at gagawin ko ang lahat ng aking kaligayahan,’ (Isaias 46:9-10).
Sinasabi ng Bibliya, “Ang lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng narito;ang sanlibutan, at silang naninirahan dito” (Awit 24:1).
Ngunit sinasabi ng mga huwad na guro ng kasaganaan na wala ng awtoridad sa lupa ang Diyos.
Sinabi ni Kenneth Copeland,
Siya [Diyos] ay kailangang magkaroon ng isang tao na katulad ng una [si Adan]. Dapat itong maging isang lalaki. Siya ay dapat na tao lang. Hindi siya maaaring maging Diyos at sumasalakay dito na may mga katangian at dignidad na hindi karaniwan sa tao. Hindi niya magagawa iyon. Hindi ito legal.[7]
Hindi siya gumamit ng anumang bagay na hindi karaniwan sa tao para magawa ang kanyang trabaho.[8]
[9]Sinabi rin ni Copeland, “Siya [Diyos] ay hindi maaaring bumalik sa alabok ng lupa at gumawa ng isa pang tao. Hindi na niya pag-aari ang alikabok ng lupa.”
Sinabi ni Frederick Price,
Ngayon nakakagulat ito! Kailangang bigyan ng pahintulot ang Diyos na gumawa sa lupain na ito sa ngalan ng tao... Oo! Ikaw ang may kontrol! Kaya kung ang tao ang may kontrol, sinong wala na nito? Ang Diyos... Noong binigyan ng Diyos si Adan ng kapangyarihan, ibig sabihin, wala nang kapangyarihan ang Diyos. Kaya't walang magagawa ang Diyos sa mundong ito maliban kung hahayaan natin siya. At ang paraan ng pagpapahintulot o pagbibigay natin sa kanya ng pahintulot ay sa pamamagitan ng panalangin. [10]
Ang teolohiya ng mga huwad na guro ng kasaganaan ay sumasalungat sa Bibliya at sa mga pangunahing paniniwala ng Kristiyanismo na itinatag sa simula pa.
“Sa mga kasalanan na kung saan ang puso ng tao ay nakahilig, halos walang iba ang higit na nakapopoot sa Diyos kaysa sa idolatriya, sapagkat ang idolatriya ay sa esensya, isang insulto sa kanyang pagkatao.... Ang isang diyos na ipinanganak sa mga anino ng isang nahulog na puso ay natural na hindi magiging tunay na pagkakahawig ng tunay na Diyos. ‘Akala mo,’ ang sabi ng Panginoon sa masamang tao sa Awit 50:21, ‘na ako ay isang katulad mo.’”
- Halaw mula sa A.W. Tozer
[2]Kenneth Copeland, “The Authority of the Believer IV” (Fort Worth, TX: Kenneth Copeland Ministries, 1987), audiotape #01-0304, side 1.
[3]Kenneth Copeland, “Following the Faith of Abraham,” (Fort Worth, TX: Kenneth Copeland Ministries, 1985), audiotape side 1.
[4]Kenneth Hagin, “The Incarnation,” The Word of Faith # 13, 12 (December, 1980), 14.
[5]Benny Hinn, “Our Position in Christ #2 - The Word Made Flesh,” (Orlando, FL: Orlando Christian Center, 1991), audiotape #A031190-2, side 2.
[6]Morris Cerullo, “The Endtime Manifestation of the Sons of God,” audiotape 1.
[7]Kenneth Copeland, “The Incarnation,” (Fort Worth, TX: Kenneth Copeland Ministries, 1985), audiotape #01-0402, side 1.
“Nakakagulat na ang mga taong nagsasabing Kristiyano ay maaaring mag-isip na sa makasanlibutang espiritu, makasanlibutang mga kasama, at kanilang buhay na pinamamahalaan ng makamundong mga kasabihan, maaari silang magkaroon ng pabor ng Diyos o makarating sa kaharian ng langit!”
- Adam Clarke
[10]Frederick Price, “Prayer: Do You Know What Prayer Is... and How to Pray?” The Word Study Bible (Tulsa, OK: Harrison House, 1990), 1178.
Biblikal na Pagwawasto
Sumulat si Pablo sa mga mananampalataya sa Corinto upang itama ang isang hindi pagkakaunawaan na kanilang taglay tungkol sa buhay Kristiyano (tingnan ang 1 Corinto 4:8-13). Marami sa kanila ay mahirap bago naging Kristiyano. Inisip nila na dahil sila ay naging mga anak ng Diyos, na may pananampalataya at espirituwal na mga kaloob, maaari silang magsimulang magkaroon ng kayamanan at katayuan sa mundo. Sinabi ni Pablo sa kanila na maging ang mga apostol ay dumanas ng kahirapan at mababa ang katayuan sa mundo. Bagama't mayroon silang malaking pananampalataya at mga espirituwal na kaloob, kung minsan ay nagugutom sila, walang tirahan, at nagtatrabaho upang suportahan ang kanilang sarili. Ang pananampalataya ay hindi isang garantiya ng yaman.
Sa ibang talata, ipinaliwanag ni Pablo na ang lahat ng nilikha ay nagdurusa pa rin sa mga resulta ng sumpa sa kasalanan (tingnan ang Roma 8:22-23). Lahat ng nabubuhay na nilalang ay nagdurusa at nagpupunyagi upang mabuhay. Aniya, kahit na ang mga Kristiyano ay nagdurusa pa rin sa pisikal at naghihintay sa oras kung kailan matutubos ang kanilang mga katawan. Bagama't tayo ay naligtas mula sa kasalanan, hindi pa natin nararanasan ang ganap na pagpapagaling na ibinigay sa pagtubos. Nakakaranas pa rin tayo ng sakit, pagtanda, at kamatayan dahil wala pa tayo sa langit. Minsan ang Diyos ay nagpapagaling, ngunit hindi tayo garantisadong mabubuhay tayo nang malaya sa lahat ng pisikal na problema.
Sinaway ni Apostol Santiago ang mga taong nagmamahal sa mga bagay ng mundo at nanalangin para sa mga bagay upang matugunan ang kanilang sariling mga pagnanasa (Santiago 4:3). Nalungkot si Apostol Pablo kay Demas na umalis sa ministeryo dahil mahal niya ang mga bagay ng mundo (2 Timoteo 4:10). Tila, kapwa naunawaan nina Santiago at Pablo na ang pananampalataya ay hindi garantiya ng kayamanan.
Nakatala sa Hebreo 11 ang buhay ng maraming bayani ng pananampalataya. Nakamit nila ang mga dakilang bagay dahil naniwala sila sa mga pangako ng Diyos at sumunod sa Diyos. Tiniis nila ang mahihirap na panahon dahil sa kanilang katapatan sa Diyos. Marami sa kanila ang walang tirahan at kulang sa pagkain at damit (Hebreo 11:37-38). Hindi nila dinanas ang mga bagay na ito dahil wala silang pananampalataya, kundi dahil mayroon silang pananampalataya. Handa silang mawala ang lahat sa mundo alang-alang sa kanilang relasyon sa Diyos.
► Ano ang ilang ebidensiya sa Bibliya na hindi ginagarantiyahan ng pananampalataya ang kayamanan?
Ang ebanghelyo sa Bibliya ay isang mensahe ng pag-asa sa taong nakakaalam na siya ay nagkasala at nagnanais ng kapatawaran at kapayapaan sa Diyos. Ang relasyon sa Diyos ay nagsisimula sa pagsisisi at pagpapasakop sa ating kalooban. Ang Kristiyano ay nabubuhay sa araw-araw na pagsunod, kababaang-loob, at pagsuko sa kalooban ng Diyos. Inaanyayahan tayo ng Diyos na dalhin ang lahat ng pangangailangan sa kanya sa panalangin, ngunit dapat nating tanggapin ang kanyang kalooban sa bawat sitwasyon. Ipinangako ng Diyos na ang lahat ay nasa ilalim ng kanyang kontrol at gagawin niya ang lahat para sa ating ikabubuti (Roma 8:28-29), ngunit hindi niya ipinangako na aalisin kaagad ang lahat ng pagdurusa (Roma 8:16-18, 1 Pedro 1:6).
Ang Panalangin ng Panginoon ay isang halimbawa ng pag-uugaling Kristiyano. Kabaligtaran ito sa ugali ng mga huwad na guro ng kaunlaran na nag-aangkin ng kapangyarihan at karangalan para sa kanilang sarili. Sa panalanging ito, nalaman natin na ang priyoridad ay ang kaharian at kaluwalhatian ng Diyos, at ang lahat ay dapat ipasailalim sa kanyang kalooban (tingnan ang Mateo 6:9-13).
► Paano dapat naiiba ang saloobin ng isang Kristiyano tungkol sa pagpapagaling at pera sa saloobin na ipinapakita ng mga huwad na guro ng kasaganaan?
Isang Patotoo
Kailangang palakihin ng isang simbahan sa Santo Domingo ang kanilang gusali. Nanalangin sila na magkaloob ang Diyos. Humingi rin sila ng tulong sa isang mission organization. Ang mga tao ng kongregasyon ay nagbigay ng kanilang sariling pera nang may pagsasakripisyo. Ibinigay din nila ang kanilang oras at trabaho para sa proyekto ng gusali. Pinagpala ng Diyos ang kanilang dedikasyon at sakripisyo, at natapos ang gusali.
Pag-aaral ng Banal na Kasulatan- Bahagi 2
► Ngayon basahin muli ang Mateo 6:25-34. Ang bawat mag-aaral ay dapat magsulat ng isang talata na nagpapaliwanag sa mensahe ng talatang ito para sa isang taong sumusunod sa isang huwad na guro ng kasaganaan. Maaaring ibahagi ng ilang mag-aaral ang kanilang isinulat.
Takdang Aralin para sa Bawat Aralin
Tandaan na humanap ng pagkakataong ipahayag ang ebanghelyo sa isang tao mula sa relihiyosong grupong ito. Ang mga huwad na guro ng kasaganaan ay matatagpuan sa iba't ibang simbahan, ngunit ang kanilang mga mensahe ay magkakatulad. Maghandang ibahagi sa iyong mga kamag-aral ang tungkol sa pag-uusap na mayroon kayo. Isulat ang iyong 2-pahinang nakasulat na ulat at ibigay ito sa iyong pinuno ng klase.
Print Course
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.