Mga Layunin ng Aralin
Sa katapusan ng araling ito, magagawa ng mag-aaral na:
(1) Malaman ang mga mahahalagang aral mula sa kasaysayan ng iglesia.
(2) Mailapat ang mga aral mula sa kasaysayan ng iglesia sa ministeryo ngayon.
Search through all lessons and sections in this course
Searching...
No results found
No matches for ""
Try different keywords or check your spelling
20 min read
by Randall McElwain
Sa katapusan ng araling ito, magagawa ng mag-aaral na:
(1) Malaman ang mga mahahalagang aral mula sa kasaysayan ng iglesia.
(2) Mailapat ang mga aral mula sa kasaysayan ng iglesia sa ministeryo ngayon.
Sa Bibliyang Hebreo, ang “Historikal na mga Aklat” ay tinatawag na “Dating (o Sinaunang) mga Propeta.” Ang pangalan ay nagpapakita ng layunin ng biblikal na kasaysayan. Ang gawain ng isang propeta ay ang maghatid ng mensahe sa bayan ng Diyos. Ang layunin ng Historikal na mga Aklat ay propetikal: ang ihatid ang mensahe ng Diyos sa bayan ng Diyos.
Ang mensahe ay minsang nasa anyo ng magagandang halimbawa na dapat tularan. Halimbawa, si David ay isang taong ang puso’y alinsunod sa puso ng Diyos. Nang ang buong Israel ay natakot kay Goliat, hinarap ni David ang Filisteong ito sa ngalan ng PANGINOON ng mga Hukbo (1 Samuel 17:45). Ang halimbawa ng katapatan ni David sa Diyos ay nagbibigay sa atin ng halimbawa ngayon.
Ang mensahe naman kung minsan ay anyo ng masamang halimbawa na dapat iwasan. Halimbawa, sa kabila ng mga tagumpay ni David, nagkasala pa rin siya laban kay Bathseba at Urias. Sa mga sumunod na buhay ni David, inani niya ang bunga ng pagkakasalang iyon. Ang kasalanan ni David ay nagbibigay sa atin ngayon ng babala.
Isa pang halimbawa ng aral na mapupulot sa kasaysayan ay matatagpuan sa aklat ni Judas sa Bagong Tipan. Nagbabala si Judas laban sa “mga hindi maka-Diyos, na kanilang pinalitan ng kahalayan ang biyaya ng ating Diyos, at itinatatuwa ang kaisa-isa nating Pinuno at Panginoon na si Jesu-Cristo” (Judas 1:4). Inihambing ni Judas ang mga taong ito sa mga taong nabuhay sa kasaysayan ng Biblia. Ikinumpara niya ang kanilang ugali sa mga mahahalay ng Sodoma at Gomora (1:7). Yaong mga makasalanang lungsod na “inilagay bilang halimbawa, na nagdaranas ng kaparusahan sa apoy na walang hanggan.” Ang kaparusahan sa Sodoma at Gomora ay nagsisilbing babala laban sa mga taong namumuhay na gaya ng mga bulaang guro na binanggit niya. Pagkatapos ay nagbalik tanaw si Judas (1:11) sa mga historikal na pangyayari na nagbibigay babala laban sa paghihimagsik at pagsuway: ang handog ni Cain, kahangalan ni Balaam, at ang paghihimagsik ni Kora.
Bakit binanggit ni Judas ang aral na ito sa kasaysayan? Sapagkat ang pamumuhay nina Cain, Balaam, at Kora ay nagsisilbing babala sa mga tao ng kapanahunan ni Judas. Ang kasaysayan ay nagtuturo ng mga aral sa kasalukuyan. Nagbibigay ito ng babala laban sa mga panganib at nagtuturo ng mga positibong halimbawa. Sa pamamagitan ng pagkatuto sa mga aral ng kasaysayan, magagawa nating iwasan ang mga pagkakamali ng nakaraan. Sa araling ito, babalikan natin ang mga aral na ating natutuhan mula sa ating pag-aaral ng kasaysayan ng iglesia.
[1]Maraming beses na sinubukan ng mga kaaway ni Cristo na sirain ang simbahan, subalit ipinapakita sa kasaysayan ng simbahan na ang Diyos ay higit na malakas kaya sa sinumang kaaway. Sa kabila ng mga kaaway ng iglesia, isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang layunin sa kasaysayan ng sangkatauhan.
Sa ating pag-aaral ng biblikal na kasaysayan, makikita natin ang soberanya ng Diyos. Isinakatuparan Niya ang kanyang mga layunin sa kabila ng pagsalungat ni Faraon at Nebokadnesar. Ginamit ng Diyos si Cyrus upang ibalik ang mga Judio sa Jerusalem. Ginamit niya si Caesar Augustus para dalhin sina Jose at Maria sa Bethlehem. Ipinakikita ng kasaysayan ng Biblia na ang Diyos ay soberano.
Sa gayunding paraan, makikita natin ang soberanya ng Diyos sa ating pag-aaral sa kasaysayan ng iglesia. Noong unang bahagi ng ika-apat na siglo, sinubukan ni Diocletian na sirain ang simbahan sa pamamagitan ng pagpatay sa mga pinunong Kristiyano; subalit, sa loob ng 20 taon, ang Kristiyanismo ay naging opisyal na relihiyon ng Imperyong Roma. At noong ika-pitong siglo, tinangka ng mga Muslim na itaboy ang Kristyianismo sa Afrika; ngunit ngayon, nakakakita tayo ng malaking pagkiling sa ebanghelyo ng mga Muslim. Maraming mga Muslim ang naaakay sa pananampalataya kay Cristo simula noong 1990 kaysa sa nakaraang 14 na mga siglo, pagsamahin man ang mga siglong ito. Noong ika-15 na siglo, sinubukan ng Simbahang Romano Katoliko na wasakin ang Protestanteng Repormasyon sa pamamagitan ng pagpatay sa mga namumuno rito. Gayunma’y lumaganap ang mga Protestanteng revival sa iba’t ibang panig ng mundo.
Noong ika-20 siglo, kumilos ang Diyos upang lumaganap ang ebanghelyo sa buong Tsina, sa kabila ng pagsalungat ni Mao Tse-Tung. At noong 1966, isang ulat sa South China Morning Post ang nag-anunsyo na ganito ang sinasabi, “ANG KRISTIYANISMO SA SHANGHAI AY MAGTATAPOS NA.” Sinabi sa artikulo, “Ang huling pahina ng kasaysayan ng relihiyong Kristiyano sa Shanghai ay naisulat noong Agosto 24.”
Subalit mahigit 50 taon pagkatapos ng ulat na iyon, mayroong dose-dosenang simbahan at mahigit 100,000 mga Kristiyano ang nasa siyudad ng Shanghai ngayon. Nagpapakita ang kasaysayan ng Iglesia na ang Diyos ay soberano.
Bilang mga ika-21 siglo na mga Kristiyano, mapagkakatiwalaan natin ang soberanya at katapatan ng Diyos. Sa ating pagharap sa mga panggigipit ng ating lipunan, alam natin na ang Diyos na naging tapat sa mga Kristiyanong humarap ng pagsalungat at pag-uusig noong ikalawang siglo ay magiging tapat rin sa atin ngayon. Isinasakatuparan ng Diyos ang kanyang layunin sa kasaysayan ng sangkatauhan. Ito ay nagbibigay sa atin ng kapanatagan na harapin ang kinabukasan.
Bagaman magagawang isakatuparan ng soberanong Diyos ang kanyang mga layunin na hindi gumagamit ng mga tao, pinili niya pa rin sa diwa ng biyaya na kumilos sa pamamagitan ng mga tao. At sa ating pag-aaral ng kasaysayan ng Biblia, makikita natin na ang Diyos ay kumilos sa pamamagitan ng mga matapat na taong gaya nina Abraham; kumilos siya sa pamamagitan ng taong may kapintasan na gaya ni Jacob. Kumilos siya sa pamamagitan ng matalinong isipan ni Apostol Pablo, at kumilos siya sa pamamagitan ng prankang pag-iisip ni Simon Pedro.
Sa ating pag-aaral ng kasaysayan ng iglesia, makikita natin ang ganitong parehas na prinsipyo. Ang Diyos ay kumilos sa pamamagitan ng mga taong may iba’t ibang personalidad, kakayahan, at katatayuan sa lipunan. Noong Repormasyon, ang Diyos ay kumilos sa pamamagitan ng prankang pananalita ng isang German na monghe na si Martin Luther – at sa pamamagitan rin ng isang dalubhasa sa klasiko na si Erasmus. Sa Methodist revival, kumilos ang Diyos sa pamamagitan ng isang iskolar sa Oxford na si John Wesley – at sa pamamagitan ng sariling pag-aaral ng isang mangangaral na si Francis Asbury.
Sa ating pag-aaral ng kasaysayan ng iglesia, natunghayan natin na ang Diyos ay kumikilos sa pamamagitan ng mga taong mapanalanginin. Sa Aralin 4, nakita natin ang dakilang revival at gawain ng pagmimisyon noong ika-19 na siglo. Nakakapanabik ring makita kung paanong ang Diyos ay kumilos sa pamamagitan ng mga taong gaya nina William Booth, William Carey, at Samuel Ajayi Crowther upang isakatuparan ang kanyang mga layunin. Subalit, hindi natin dapat kalimutan ang 100-taon na pagpupulong sa panalangin na nagsimula sa matahimik na grupo ng mga Moravians noong 1727. Bagamat ang mga pangalan ng mga tao sa pulong-panalangin na iyon ay hindi natin kilala, ang bunga ng kanilang panalangin ay nakita sa mga revival na lumaganap noong siglo na iyon.
Noong 1906, narinig ng isang grupo ng mga misyonero sa Korea ang mga revival sa Wales at India. May 20 mga misyonero ang nagsimulang manalangin ng araw-araw para sa revival. At noong unang bahagi ng 1907, sa loob ng isang linggo ng araw-araw na pananalangin sa isang simbahan sa Pyongyang, nagsimulang kumilos ang Diyos. Isang matanda sa isa sa mga simbahan ang tumayo upang ipagtapat ang isang nakatagong kasalanan. Ang pagtatapat na ito ay nagbukas ng daan para sa Espiritu ng Diyos. Hanggang 2 a.m. ng madaling araw, dose-dosenang tao ang nagkukumpisal ng kasalanan at humihingi ng kapatawaran. At sa sumunod na dalawang buwan, mahigit 2,000 tao ang lumapit kay Cristo sa Pyongyang. At sa sumunod na tatlong taon, mahigit 80,000 na mga akay sa Panginoon ang naligtas sa buong Korea. Ang Diyos ay kumikilos bilang tugon sa panalangin.
Sa ating pag-aaral ng kasaysayan ng Iglesia, nakikita natin na ang Diyos ay kumikilos sa pamamgitan ng mga taong may pasyon o sigasig sa pagmimisyon. Sa Aralin 5 ay nabasa natin ang pangitain ni Booth para sa mga di-mananampalataya; “Mga kaluluwa! Mga kaluluwa! Mga kaluluwa! Ang aking puso ay nagugutom para sa mga kaluluwa.” Ang sigasig na ito ay makikita sa maraming mga kalalakihan at kababaihan na ginamit ng Panginoon upang baguhin ang kasaysayan ng simbahan. Ang Diyos ay kumikilos sa pamamagitan ng mga kalalakihan at kababaihan na mayroong puso na nagmamahal sa mga tao tulad ng pagmamahal ng Diyos. Mula kay Apostol Thomas na naglakbay sa India noong unang siglo hanggang kay Cameron Townsend na inilaan ang buhay para sa pagsasalin ng Biblia noong ika-20 siglo, ang Diyos ay kumilos sa pamamagitan ng mga kalalakihan at kababaihan na mayroong sigasig sa pag-akay ng mga kaluluwa.
Sa ating pag-aaral ng kasaysayan ng Iglesia, nakikita natin na ang Diyos ay kumikilos sa pamamagitan ng mga taong ganap na sumuko sa kanyang kalooban. Isa sa mga dakilang ebanghelista ng ika-19 na siglo ay si Dwight L. Moody. Walang mataas na pinag-aralan si Moody, subalit itinalaga niya ang sarili sa Diyos. Isang araw, ang kanyang kaibigan ni si Henry Varley ay nagsabi ng ganito, “Hindi pa nakikita ng mundo kung ano ang magagawa ng Diyos sa, para sa, at sa pamamagitan ng isang taong ganap at buong nakatalaga para sa kanya.” Sinimulang pag-isipan ni Moody ang mga salita ni Varley. Ang Diyos ay hindi humihingi ng edukasyon, kayamanan, o dakilang kakayahan. Siya ay naghahanap ng “isang taong ganap at buong nakatalaga para sa kanya.” At ipinasya ni Moody na maging isa sa mga taong iyon. At si Moody nga ay naging isa sa mga dakilang ebanghelista sa kasaysayan. Nagtatag siya ng Bible college at Christian publishing na kumpanya, na nagpapatuloy pa rin sa nakalipas na 100 taon matapos ang kamatayan ni Moody. Tunay na ang Diyos ay kumikilos sa pamamagitan ng mga taong ganap na sumuko sa kanyang kalooban.
Si Frank Crossley (1839-1897) ay isang negosyante sa Manchester England. Ipinakita niya kung paano ginagamit ng Diyos ang isang ordinaryong tao na ganap na sumuko sa kanya. Matapos niyang mapakinggan ang patotoo ng isang tinedyer na babae sa Salvation Army, nagpatotoo si Crossley sa kanyang naranasang ganap na pagbabanal. Di nagtagal, agad na nakipag-ugnayan si Crossley kay General William Booth upang maging isang ministro sa Salvation Army. Ngunit tugon ni Booth, “Ginawa ka ng Diyos na isang negosyante. Gamitin mo ang iyong negosyo para sa kaharian ng Diyos.” Tinanggap ni Crossley ang payo ni Booth at pinaglingkuran ang kaharian ng Diyos sa dalawang pamamaraan.
Una, ginamit ni Crossley ang kanyang kayamanan upang suportahan ang ebanghelismo. Sa panahon ng kanyang buhay, nagbigay siya ng milyun-milyong dolyar sa Salvation Army. Ang kanyang negosyo ay nagbigay sa kanya ng pagkakataong suportahan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo.
Ikalawa, at higit na mahalaga, sinunod ni Crossley ang mga prinsipyong Kristiyano sa kanyang pang-araw-araw na negosyo. Inilipat niya ang kanyang pabrika sa pinakamahirap na lugar sa Manchester at nagbigay ng mga trabaho sa mga nangangailangan. Nang maglaon, ibinenta niya ang kanyang bahay upang manirahan kasama ng mga tao sa industriyal na lungsod na ito. Bumili siya ng isang lumang music hall, ang Star Hall, at itinalaga ito sa gawain ng pagmimisyon.
Kahit pagkatapos ng pagkamatay ni Crossley, nagpatuloy pa rin ang Star Hall bilang isang Bible School, Christian publishing house, at lugar ng pagtitipon para sa kumbensyon ng pagpapakabanal para sa gawain ng Salvation Army. Si Frank Crossley ay hindi isang mangangaral at hindi rin naging isang misyonero sa ibang bansa; siya ay isang Kristiyano – at ito ay sapat na. Ipinamuhay niya ang panawagan ni Pablo na maging “mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang salinlahing liko at masama, na sa gitna nila'y lumiliwanag kayong tulad ng mga ilaw sa sanlibutan” (Filipos 2:15). Libu-libong mga buhay ang nahipo ng ebanghelyo sa pamamagitan ng buhay ni Frank Crossley; 20,000 na mga t ao ang dumalo sa libing ng “ordinaryong Kristiyano” na ito.
Ang kasaysayan ng iglesia ay kakikitaan ng maraming madidilim na yugto. Mayroong buong siglo na kung saan ang isang institusyunal na simbahan ay kakikitaan lamang ng kakaunting tanda ng espirituwal na buhay. Subalit, nagpatuloy pa ring kumilos ang Diyos sa pamamagitan ng simbahan upang isakatuparan ang kanyang mga layunin.
Sa ating pag-aaral ng biblikal na kasaysayan, nakikita natin ang kahalagahan ng simbahan para sa mga layunin ng Diyos. Mula sa simbahan sa Antioch, ang ebanghelyo ang lumaganap sa buong Asia Minor at sa kanlurang daigdig. Ang Diyos ay kumikilos sa pamamagitan ng kanyang iglesia.
Sa ating pag-aaral ng kasaysayan ng iglesia, nakikita natin na patuloy na kumikilos ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang iglesia. Ang iglesia ay nagsisilbing sanggalang laban sa mga maling katuruan. Sa ating pag-aaral ng kasaysayan ng iglesia, tayo ay napapaalalahanan hinggil sa pangunahing katuruang Kristiyano; ito ang mga doktrina na pinaniniwalaan ng bayan ng Diyos sa iba’t ibang dako ng mundo sa lahat ng panahon. Nagbigay ng malaking diin si Pablo sa gampanin ng simbahan. Isinulat niya na ang simbahan ay “haligi at suhay ng katotohanan” (1 Timothy 3:15).
Sapagkat ang Diyos ay kumikilos sa pamamagitan ng kanyang iglesia, dapat nating alalahanin ang ilang katotohanan tungkol sa iglesia:
(1) Ang Iglesia ay dapat na manatiling gutom para sa revival.
[1]Ang kasaysayan ng iglesia ay nagpapakita ng paulit-ulit na pangangailangan natin ng revival. Sa ating pag-aaral ng kasaysayan ng iglesia, nakikita natin na ang pag-uusig ay hindi sapat upang malupig ang iglesia. Sa kabila ng panghahadlang ng mundo, ang iglesia ay nananatiling nakatayong malakas. Sa katunayan, ang iglesia ay madalas na lumalago sa panahon ng pag-uusig. Hindi sapat ang pag-uusig upang sirain ang iglesia.
Subalit, ang kawalang-interes at kompromiso ay mabisang nakakasira sa patotoo ng iglesia. At dahil rito, dapat nating panatilihin ang ating sigasig. Dapat tayong manatiling gutom para sa espirituwal na pagbabago at revival.
Ang mga yugto ng revival na gaya ng Repormasyon, ng Wesley revival, ng Great Awakening, at ng pandaigdigang revival na nagsimula noong ika-20 na siglo ay naghatid ng bagong espirituwal na buhay at sigasig para sa ebanghelismo ng iglesia. Ang tunay na revival sa loob ng iglesia ay naghatid ng sariwang sigasig para sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga taong nasa labas ng simbahan. Hindi natin dapat hayaan ang katamlayan na maging pamantayan para sa simbahan.
(2) Dapat na pangalagahan ng iglesia ang pagpapanatili ng pagkakaisa.
Ipinapakita sa kasaysayan ng iglesia ang inklinasyon ng simbahan sa pagkakabaha-bahagi. Sa kanyang panalangin bilang Punong Saserdote, nanalangin si Jesus para sa iglesia.
Gayunma'y hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita, upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako'y sa iyo, sana sila'y manatili sa atin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na ako'y isinugo mo. (Juan 17:20-21)
Isa itong makapangyarihang panalangin! Nanalangin si Jesus na ang iglesia ay maging isa. Sa pamamagitan ng pagkakaisang ito, sinabi niya na ang mundo ay maniniwala na siya’y isinugo ng Diyos. Ang pagkakaisa ng iglesia ay nagsisilbing patotoo kay Cristo. Ito ay makapangyarihang panalangin. Subalit kay lungkot, na hindi laging hinahangad ng mga Kristiyano ang pagkakaisa na ipinahayag ni Jesus.
Dahil ang pagkakaisa ng iglesia ay nagsisilbing saksi para kay Cristo, laging sinisikap ni Satanas na hatiin ang iglesia. Ang mga pagkakabaha-bahagi at alitan sa iglesia ay madalas na nagsisilbing saksi laban sa ebanghelyo. Kapag babasahin natin na may mga Kristiyano na pumapatay ng ibang Kristiyano noong panahon matapos ang Repormasyon, makikita rin natin dito ang matinding halimbawa ng pagkakabaha-bahagi sa iglesia. Sa paglipas ng mga siglo, ang mga simbahan ay nagkawatak-watak ng dahil sa maraming isyu; may iba na mahalaga at may iba na hindi gaanong mahalaga.
Hindi ito nangangahulugan na dapat tayong maghanap ng pakunwaring “pagkakaisa” na binabalewala ang mga pagkakaiba. Ang pagkakaiba sa kanyang sarili ay hindi naman masama. Ang mga denominasyon ay umiiral sapagkat ang mga Kristiyano ay may magkakaibang mga paninindigan tungkol sa ilang mahalagang isyu. Mayroong pakinabang kapag sumasamba ka kasama ng mga mananampalatayang kaparehas mo sa paninindigan.
Subalit ang panganib ay wala sa pagkakaiba; ang panganib ay kapag hinahati natin ang mahalagang pagkakaisa sa iglesia ng dahil sa pagkakaiba ng mga paninindigan. Bilang mga mananampalataya, dapat na pahalagahan natin ang teolohikal na paninindigan ng ating pananampalatayang tradisyon, at igalang sa kabilang banda ang patotoong Kristiyano nilang hindi natin kasang-ayon. Napapanatili nito ang pagkakaisa sa iglesia habang iginagalang ang mga pagkakaiba sa loob ng katawan ni Cristo.
(3) Ang iglesia ay dapat na manatiling tapat sa katotohanan ng Biblia.
Paulit-ulit, ang iglesia ay laging may kinakaharap ng mga bulaang guro. Sa bawat henerasyon—mula sa kanilang tumanggi sa pagkaDiyos ni Jesus noong unang siglo, sa pamamagitan ni Arius noong ika-apat na siglo, at sa ilan ngayon na patuloy na tumatanggi sa doktrina ng Banal na Trinidad—laging sinusubukan ng mga bulaang guro na iligaw ang bayan ng Diyos. Ang sabi ni Martin Luther, “Saanman na ang Diyos ay nagtatatag ng isang simbahan, ang diyablo naman ay nagtatatag rin ng isang kapilya sa tabi nito.” Sa madaling salita, laging sinusubukan ni Satanas na salakayin ang tunay na Iglesia sa pamamagitan ng mga bulaan.
Mayroong tatlong aral na dapat nating tandaan tungkol sa mga bulaang guro.
Ang mga bulaang guro ay mapanlinlang.
Hindi ipinapahayag ng mga bulaang guro, “Ako ay nagtuturo ng maling aral! Sinisikap kong linlangin ang iglesia.” Sa halip, sila’y kumikilos na katulad ng mga anghel ng liwanag
(2 Corinto 11:13-14). Madalas silang nagsisimula sa mabuting katuruan ngunit unti-unti ring lumalayo mula sa katotohanan.
Ilan lamang mga bulaang mangangaral ang tumatanggi sa lahat ng biblikal na katotohanan. Sa halip, ang ginagawa nila ay binabaluktot ang ilang mga bahagi ng ebanghelyo. Ganito ang ginawa ng Simbahang Romano Katoliko nang binaluktot nila ang katuruan ni Pablo hinggil sa awtoridad ng simbahan upang ipahayag na hawak daw ng santo papa ang mga susi sa kalangitan para sa lahat ng tao. Gayundin naman, binabaluktot rin ng mga bulaang guro ngayon ang katuruan ni Jesus upang palabasin na ang mga Kristiyano raw ay may karapatang iutos sa Diyos na pagalingin ang lahat ng uri nilang karamdaman na hindi kinakailangang magpasakop sa kanyang kalooban. Ang mga salitang ito ay tila malapit sa katotohanan, subalit ang turong ito ay mapanlinlang.
Ang mga bulaang guro ay umaapela sa mga pagnanais ng tao.
Ang mga bulaang guro ay umaapela o nagsusumamo sa makalamang pagnanasa sa halip na sa katotohanan. Ngunit babala ni Pablo, “Sapagkat darating ang panahon na hindi nila matitiis ang wastong aral; kundi, sa pagkakaroon nila ng makakating tainga, ay mag-iipon sila para sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling pagnanasa, at tatalikod sa pakikinig sa katotohanan ang kanilang mga tainga, at babaling sa mga kathang-isip”
(2 Timoteo 4:3-4). Sa madaling salita, nakita ni Apostol Pablo ang panahon na ang mga tao ay maghahanap ng mga tagapagturong umaakit sa kanilang makalamang pagnanasa.
Hindi magtatanong ang mga bulaang guro na, “Ano ang kailangan ng aking mga tagasunod?” Sa halip, tinatanong nila, “Ano ang gusto ng aking mga tagasunod?” Sinusubukan nilang bigyang lugod ang mga pagnanasa ng mga nakikinig sa kanila. Subalit kontra rito, ang tunay na pastor ay magtatanong ng ganito, “Ano ang kailangan ng aking simbahan na marinig mula sa Diyos?”
Ang katapatan sa Biblia ang siyang sagot sa mga bulaang guro.
Ang pinakamadilim na yugto ng kasaysayan ng iglesia ay yaong panahon na tinalikuran ng simbahan ang awtoridad ng Biblia. Sa nakaraang mga panahon, ang mga obispo ng Romano Katoliko ay nagpahayag ng awtoridad na kapantay sa Biblia. Sa ika-20 siglo, may ilang mga theologian na tumalikod sa awtoridad ng Biblia. Sa bawat pagkakataon, ang simbahan ay nalalagay sa paghihirap kapag ang Salita ng Diyos ay binabalewala.
Noong ika-20 siglo, ang mga ebanghelikal na simbahan na tapat sa Biblia ay nakakita ng malawakang paglago. Ang mga malalaki at matatandang mga denominasyon na tumalikod sa Biblia upang maging angkop sa kultura ay nanliit hindi lamang sa espirituwal kundi maging sa bilang. Pinaparangalan ng Diyos ang simbahan na nagpaparangal sa kanyang Salita.
(4) Dapat na konprontahin ng iglesia ang sanlibutan gamit ang katotohanan ng Biblia.
[2]Ang tukso na umiwas sa isang makasalanang lipunan ay maaaring maging kaakit-akit na hakbang para sa isang matapat na Kristiyano. Sa oras ng kaguluhan, mas madaling umatras at pumasok na lang sa mga pader ng simbahan at iwan ang sanlibutan sa kanyang kapalaran.
Subalit, ipinapakita sa pag-aaral ng biblikal na kasaysayan na ang Diyos ay nagbangon ng mga kalalakihan na tulad ni Daniel upang harapin ang isang paganong pinuno. Ginamit ng Diyos si Elias upang konprontahin si Haring Ahab. Tinawag ng Diyos si Pablo upang magpatotoo sa harapan ng Romanong si Caesar. Tinatawag ng Diyos ang kanyang bayan upang harapin ang mundo gamit ang kanyang mensahe.
Ang pag-aaral ng kasaysayan ng iglesia ay nagpapakita na ang Diyos ay patuloy na tumatawag sa kanyang iglesia na harapin ang sanlibutan gamit ang mensahe ng Biblia. Sa Surbey ng Kasaysayan ng Iglesia 1, pinag-aralan natin si Athanasius na halos mag-isang tumayo laban sa maling doktrina, na para na ring isang paninindigan laban sa buong sanlibutan. Sa pamamagitan ni Athanasius, ang orthodox na doktrina ay naingatan laban sa mga atake ng mga tagasunod ni Arius. Sa ganito ring paraan, si William Wilberforce ay tumayo rin laban sa sanlibutan gamit ang mensahe ng Biblia at hinatulan ang pangangalakal ng mga alipin sa pamamagitan nito. Paulit-ulit nating makikita na ibinabangon ng Diyos ang kanyang Iglesia upang ipahayag ang kanyang katotohanan sa ating sanlibutan. Kaya’t hindi tayo dapat magtago sa pribado nating pananampalataya; kundi dapat nating ipahayag ang katotohanan sa madla.
Sa ating pag-aaral ng kasaysayan ng Iglesia, nakikinabang tayo sa maraming paraan. Natututo tayo ng mga positibong aral mula sa mga bayani ng nakaraan; nakakatanggap tayo ng mga babala mula sa mga pagkakamali ng nakaraan. Sa ating pag-aaral ng kasaysayan ng Iglesia, nauunawaan natin ng maigi kung saan nag-ugat sa kasaysayan ang ating lokal na simbahan at theolohikal na pananaw. Sa ating pag-aaral ng kasaysayan ng Iglesia, natututo tayong bigyang ng pagkakaiba ang mga paniniwala na sentral sa Kristyanong pananampalataya at yaong mga paniniwala na maituturing na sekondarya at nakaugnay sa mga popular na tradisyon o panahon sa kasaysayan.
Magpatuloy ka sa pagbabasa ng kasaysayan ng iglesia at magbasa ng mga talambuhay ng mga dakilang Kristiyano. At sa iyong pagbabasa, hilingin mo sa Diyos na ituro sa iyo ang mga aral na tutulong sa iyo upang maging mabisang lider ng kasalukuyang simbahan.
►Talakayin ninyo ang mga aral na inyong natutunan sa pag-aaral ng kasaysayan ng iglesia. Ano ang ilan sa mga positibong aral na gagabay sa inyong ministeryo? Ano ang ilan sa mga babala na mag-iingat sa inyo na magkamali? Maghanap ng mga paraan na mailalapat mo ang mga aral sa kasaysayan ng iglesia sa iyong ministeryo.
Ibibigay sa iyo ng iyong tagapagturo ang takdang petsa para sa proyekto ng kurso. Magpasa ng 6-8 pahinang papel hinggil sa paglaganap ng Kristiyanismo sa iyong bansa o sa iyong kinabibilangang grupo. Ang papel na ito ay dapat na naglalaman ng tatlong bahagi:
Ang kwento ng pagdating ng ebanghelyo sa iyong mga kababayan
Isang pagsusuri sa kalakasan ng simbahan sa iyong pamayanan
Isang pangitain o hangarin para sa pagpapaunlad at impluwensya ng simbahan sa susunod na 20 taon
Kung aaprubahan ng inyong tagapamuno, maaari mong gawin ang paghahanda ng papel na ito na kasama ang iyong kaklase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.
Questions? Reach out to us anytime at info@shepherdsglobal.org
Total
$21.99By submitting your contact info, you agree to receive occasional email updates about this ministry.
Download audio files for offline listening
No audio files are available for this course yet.
Check back soon or visit our audio courses page.
Share this free course with others