Sa nakaraang mga aralin, natunghayan natin ang mga tradisyong Romano Katoliko, Eastern Orthodox, at Protestante. Subalit sa mga huling aralin, itutuon lang natin ang ating pag-aaral sa ebanghelikal na tradisyon. Bibigyan natin ang espesyal na pansin ang mabilis na paglaganap ng pagmimisyon sa daigdig noong ika-19 at ika-20 na siglo.
Noong 1800, karamihan sa mga Kristiyanong Protestante ay nasa Amerika o Europa. Nasa 1% lamang ng mga Protestanteng Kristiyano ang naninirahan sa Afrika, Asya, at Latin Amerika. Subalit sa pagtatapos ng 1800, 10% ng mga Protestante ay nanirahan na sa mga bahaging iyon ng mundo. At sa kasalukuyan, ang bilang ay tinatayang umabot sa 67%.
Sa panahon ngayon, ang pinakamalakas na lugar ng Protestante sa mundo ay matatagpuan sa Asya, Afrika, at Latin Amerika. Noong 1900, ang Afrika ay mayroon lamang 9% na mga Kristiyano; subalit noong 2005, ang Afrika ay nagkaroon ng 46% na mga Kristiyano. Noong 1900, ang Asya ay may 2% na mga Kristiyano lamang; subalit noong 2005, mayroon ng 9% na mga Kristiyano sa Asya. Ang mga ugat ng pagbabagong ito ay matatagpuan sa ika-19 na siglo ng pagmimisyon. Sa mga Araling 4 at 6, makikita natin kung paanong ang Kristyanismo ay napunta sa iba’t ibang panig ng mundo noong ika-19 at ika-20 na
siglo.[1]
Ang ika-19 na siglo ang kasukdulan ng Imperyong Britanya. Ang London ang siyang pinakamalaking lungsod sa mundo at ang naging sentro ng pananalapi sa Europa.Sinuportahan ng hukbong-pandagat ng Britanya ang pagsulong ng komersyo at kolonisasyon sa buong mundo. At sa katapusan ng ika-19 na siglo, ang Inglatera ay naging pinakamalaking imperyo sa kasaysayan.
Ang ika-19 na siglo ay panahon rin ng ebanghelikal na reporma sa Inglatera. Ang naganap na revival noong ika-18 na siglo ay nagbigay diin sa espirituwal na pagsilang, pagbabago ng buhay, at katapatan sa paglilingkod. Ang revival na ito ay naghatid ng patuloy na reporma noong ika-19 na siglo.
Ang Gawain ng Methodist sa Pagbubukas ng Ika-19 na Siglo
Matapos ang kamatayan ng magkapatid na Wesley, ang gawain ng Methodist ay patuloy na lumaganap sa Inglatera at sa Estados Unidos. Ang dalawang mahahalagang pinuno sa patuloy na paglago ng Methodismo ay sina Adam Clarke ng England at si Francis Asbury ng Amerika.
Si Adam Clarke ay ipinanganak sa North Ireland noong 1760. Siya ay naging Kristiyano sa edad na 19 sa pamamagitan ng ministeryo ng isang mangangaral na Methodist. Siya ay nagsimulang mangaral sa edad na 22.
Isa siya sa maituturing na pinakamatalinong isipan ng ika-19 na siglo. Nag-aral siya sa pamamagitan lamang ng sarili. Nagawa niyang matuto ng 10 wika at nagsulat ng anim na makakapal na libro na komentaryo sa Biblia. Ang Komentaryo ni Adam Clarke ay nananatiling kapaki-pakinabang na aklat sa loob ng 200 taon mula ng ito ay kanyang inilathala.
Naglathala pa si Clarke ng 22 na mga aklat bilang karagdagan sa kanyang komentaryo. Nangaral siya ng mahigit 50 mga taon at naglingkod bilang parehas na pangulo ng Irish Methodist at English Methodist na Kapulungan. Gumugol rin siya ng 10 taon sa pagsusuri ng mga estadong-papeles ng pamahalaang Britanya. At bilang parangal sa kanyang iskolar na gawain, si Clarke ay ginawaran ng honorary Doctoral degree ng Unibersidad ng Aberdeen.
Si Dr. Clarke ay may malalim na pagpapahalaga sa ebanghelismo. Noong 1818, may nakilala siyang dalawang Budista na naglakbay sa Inglatera mula sa Ceylon (ngayon ay modernong Sri-Lanka). Dalawang taon silang magkakasama at kalaunan, sila ay binautismuhan niya at pinabalik sa kanilang bayan sa Ceylon upang dalhin roon ang ebanghelyo.
Si Dr. Clarke ay matapat sa pangangaral ng mensahe ng kabanalan. Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay noong 1832, ipinangaral niya ang posibilidad ng pagkakaroon ng isang puso na “puno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos” (Efeso 3:19).
Ang Clapham na Sekta
Bago dumating ang ika-19 na siglo, karamihan sa mga relihiyosong gawain sa Inglatera ay naganap sa mga tradisyunal na mga denominasyon – ang Simbahan ng Inglatera, Baptist, Congregational, o Methodist. Noong ika-19 na siglo, isang pagbabago ang naganap na pinamunuan ng mga indibidwal na sumali sa mga relihiyosong samahan na binuo para sa layuning panlipunang reporma, espirituwal na revival, at pagmimisyon.
Isang grupo ng mga ebanghelikal na may mataas na katatayuan sa lipunan na nakatira sa nayon ng Clapham malapit sa London ang naging kilala sa tawag na “Clapham Sect.” Ito ay hindi isang denominasyon o kaya’y isang opisyal na organisasyon. Bagkus, ito ay isang impormal na komunidad ng mga Kristiyano na nagbibigay pansin sa panlipunan at espirituwal na reporma ng lipunang Ingles. Ang kanilang espirituwal na tagapamuno ay ministro ng Simbahan ng Inglatera, si John Venn. Kasama sa mga miyembro ang Gobernador Heneral ng India; ang Tagapangulo ng East India Company, at ang kilalang si William Wilberforce na isang Miyembro ng Parlyamento (sa Inglatera).
Ang mga miyembro ng Clapham ay nagsimula ng maraming organisasyon kabilang ang Church Missionary Society at isang ministeryo ng pamamahagi ng Biblia, at kasama na rin ang mga ministeryong naglilingkod sa mga mahihirap at nagpapabuti ng kondisyon ng mga bilangguan. Ang kanilang pinakamalaking kontribusyon sa lipunan ay ang pakikipaglaban sa pang-aalipin. Bagamat sa nakaraang panahon ay ipinagbawal sa maraming mga Kristiyanong bansa ang pang-aalipin, ibinalik ng Inglatera ang pangangalakal ng alipin sa Afrika nong 1562. At pagsapit ng 1770, ang mga barko sa Britanya ay naghahatid kada taon ng 50,000 mga alipin na mula sa Kanlurang Afrika.
Malakas ang paniniwala ni William Wilberforce (1759-1833) na inilagay siya ng Diyos sa Parlyamento upang tutulan ang pangangalakal ng mga alipin. At simula noong 1789, nagsimula siyang mangampanya ng ilang dekada laban sa pang-aalipin. Naglathala rin ang komunidad ng Clapham ng mga babasahin na laban sa pang-aalipin at nagbigay ng mga pagtuturong isinisiwalat ang kasamaan ng pang-aalipin.
Matapos ang mga taon ng pakikibaka, ang pangangalakal ng mga alipin ay pinawalang-bisa noong 1809. At si Wilberforce ay agad na nagsimula ng kanyang kampanya na laban na mismo sa pagkakaroon ng alipin. Ang tinaguriang Emancipation Act ang siyang nagpalaya sa lahat ng alipin sa Imperyong Britanya. Ito ay ipinasa noong Hulyo 25, 1833, apat na araw bago namatay si Wilberforce. Habang si Wilberforce ang namumuno sa laban, ang buong sekta ng Clapham ay nakibahagi. Naniniwala sila na ang ebanghelyo ay hindi lamang may pakialam sa mga espirituwal na isyu, kundi mismong sa katarungan sa lahat ng aspeto ng lipunan.
► Ano ang ilang isyu sa iyong lipunan na ang mga Kristiyano ay dapat na naninindigan laban sa katiwalian at pang-aapi?
Si William Booth at ang Salvation Army
Sa unang bahagi ng ika-19 na siglo, ang komunidad ng Clapham ay nagtrabaho kasama ang mga taong may mataas na katatayuan sa lipunan upang i-reporma ang lipunang Ingles. At sa huling bahagi ng ika-19 na siglo, isang Methodist na ministro, si William Booth (1829-1912) ay nagsimulang mangaral sa mga lansangan ng London upang ibahagi ang ebanghelyo at maglingkod sa mga mahihirap ng lipunan.
Pinasimulan ni William Booth ang gawaing ito noong 1864; at sa loob ng 20 taon, nagkaroon siya ng halos 1,000 na mga manggagawa. Inorganisa tulad ng isang yunit ng militar, ang mga boluntaryong ito ay tinawag na Salvation Army na pinamumunuan ni Heneral Booth. Muli, isang bagong boluntaryong organisasyon ang binuo para manguna sa panlipunang reporma. Sa susunod na aralin, pag-aaralan natin ng higit pa ang ministeryo ng Salvation Army.
Mga Boluntaryong Gawaing Kristiyano
Ang Clapham Sect at Salvation Army ay parehas na nagpapakita ng kahalagahan ng organisasyon ng mga boluntaryo para sa lagay ng Kristyanismo ng ika-19 na siglo. Ang mga boluntaryong organisasyon ang siyang nagbigay daan para sa iba’t ibang mga denominasyon ng Kristiyano na magkaisa para sa isang partikular na pangangailangan. Ang mga boluntaryong organisasyon ang siyang sumuporta sa mga pagmimisyon, pamamahagi ng Biblia, reporma sa mga bilangguan, pagtulong sa mga mahihirap, at pagbuwag ng pang-aalipin.
Ang Sunday School ay isa pang halimbawa ng gawain na nagpapakita ng pagtugon ng Kristiyano sa panlipunang pangangailangan. Noong 1780, si Robert Raikes na isang tagapaglathala ng pahayagang Anglican ay nagsimulang mag-alok ng libreng edukasyon para sa mga mahihirap na bata. Noong panahong iyon, ang Inglatera ay wala pang estadong-paaralan. Ang mga mahihirap na bata ay lumalaking kakaunti o walang pinag-aralan. At dahil sa ang mga bata ay nagtratrabaho ng isang linggo sa mga pabrika, si Raikes ay nag-alok ng mga klase sa pagbabasa at pagtuturo ng relihiyon tuwing Linggo. Bunga nito, ang bilang ng mga krimen sa lungsod na kinabibilangan ni Raikes ay dramatikong bumaba. Maging ang mga opisyal ay nagsimulang maghikayat na palaganapin pa ang Sunday School sa iba pang mga lungsod. At pagsapit ng 1830, 1,250,000 na mga bata sa iba’t ibang panig ng Inglatera (mga ¼ ng populasyon) ay dumadalo ng Sunday School.
Isinabuhay ng mga boluntaryong organisasyon ng Kristiyano ang prinsipyo ni Luther na ang lahat ng Kristiyano ay tinawag ng Diyos upang maglingkod, anuman ang kanilang trabaho. Sa pamamagitan ng mga organisasyong ito, ang mga karaniwang tao ay nagkaroon ng pagkakataon na manguna sa mga gawain.
Ebanghelikal na Paghayo sa Mundo
Noong 1800, ang Protestanteng Kristyanismo ay matatagpuan lamang halos sa Europa at Hilagang Amerika. May 18 siglo ang lumipas matapos iatas ni Jesus ang Dakilang Komisyon, marami pang bahagi sa mundo ay hindi pa nakakarinig ng ebanghelyo. Hindi ito nangangahulugan na walang pagsusumikap ang mga misyonero bago ang ika-19 na siglo. Dapat tandaan na ang mga Moravian na misyonero ay aktibo na sa pagsasalin ng Biblia, sa pagpapatayo ng mga paaralan upang mabasa ng mga tao ang Biblia, at maging sa pagsasanay ng mga pastor sa bansang iyon.
[1]Gayunpaman, ang gawain ng pagmimisyon ay karaniwang maliit lamang ang nasasakop; ito’y parang “mga isla sa palibot ng maraming pagano.”[2] Ngunit noong unang bahagi ng ika-19 na siglo, binago ni William Carey ang pananaw ng simbahan sa pagmimisyon. Naging pananaw niya ang pagbabago ng buong lipunan. At mula rito, ipinalaganap ng iba ang ebanghelo sa iba’t ibang panig ng mundo.
Si William Carey, ang “Ama ng Modernong Pagmimisyon”
Noong 1783, si William Carey ay nabautismuhan at naging kaanib ng English Baptist na denominasyon. Siya ay naging guro at pastor ng isang lokal simbahan. Ngunit matapos niyang basahin ang aklat ni Jonathan Edwards na pinamagatang Life of David Brainerd, isang aklat na nagsasalaysay ng mga pagsisikap ni Brainerd na bahaginan ng ebanghelyo ang mga Katutubong Amerikano, siya ay nagkaroon ng sigasig para sa pagbabahagi ng ebanghelyo.
Noong panahong iyon, inakala ng maraming English Baptist na ang gawain ng pagmimisyon ay hindi kinakailangan. Naniniwala sila na kahit na wala ang pagsusumikap ng tao, magagawa ng Diyos na iligtas ang mga taong kanyang hinirang. Noong iminungkahi ni William Carey sa isang pagtitipon ng mga ministro na tungkulin ng bawat Kristiyano na ipalaganap ang ebanghelyo, isang iginagalang na pastor ang tumugon sa kanya, “Bata, maupo ka; kapag gustuhin ng Diyos na baguhin ang mga pagano, gagawin niya ito na hindi kinakailangan ang tulong mo o ang aking tulong.” Pagkaraan ng ilang taon, naglathala si Carey ng isang maliit na aklat na nagpapahayag tungkol sa tungkulin ng mga mananampalataya na magsikap para sa pagbabagong buhay ng mga pagano. Iyon ay panawagan para sa pandaigdigang pagmimisyon.
Hindi si Carey ang kauna-unahang nakakita ng pangangailangan para sa pandaigdigang pagmimisyon. Marami pang iba na nakibahagi sa kanyang pasyon na abutin ang sanlibutan para kay Cristo. Noong 1784, ang pinuno ng Methodist na si Thomas Coke ay nagsumite ng isang “Plano para sa Kapisanan para sa Pagtatatag ng mga Misyon sa mga Paganong Lugar.” Sa taong ding iyon, ang Anglican na pastor na si Joseph White ay nangaral sa Oxford gamit ang talata ng Marcos 16:15. Ang paksa niya ay, “Hinggil sa Tungkulin na Subukang Palaganapin ang Ebanghelyo sa ating mga Nasasakupan sa Mahometan at Gentoo sa India.”
Nauunawaan ni Carey na ang pagbabago ng isang lipunan ay dapat na magsimula sa kalooban. Dahil rito, nagbigay siya ng malaking pansin sa pagsasalin ng Biblia sa katutubong wika ng mga tao, paggalang sa kanilang kultura at tradisyon ng isang bansa (hangga’t hindi sumasalungat ang mga ito sa mga prinsipyo ng Biblia), at sa pagsasanay sa mga lokal na ministro.
► Paano ka tutugon sa isang taong nagsasabing, “Kung ibig ng Diyos na iligtas ang mga pagano, gagawin niya ito na hindi kailangan ang tulong mo at tulong ko”? Suportahan mo ang iyong ng mga talata sa Biblia.
[1]“Umasa ng mga dakilang bagay mula sa Diyos;
gumawa ng mga dakilang bagay para sa Diyos.”
-Salawikain ni William Carey
[2]Bruce Shelley, Church History in Plain Language, 3rd edition (Nashville, Thomas Nelson, 2008), 374
Ang Paglaganap ng Ebanghelyo – Dumating ang Ebanghelyo sa India
Hindi si William Carey ang kauna-unahang tao na naghatid ng ebanghelyo sa bansang India. Ayon sa tradisyon ng simbahan, si apostol Thomas ay dumating at nangaral sa India noong A.D. 52. Noong ika-apat na siglo, iniulat ng mananalaysay ng simbahan na si Eusebius ang pagkakaroon ng isang komunidad ng mga Kristiyano sa India.
Noong 1705, ang dalawang German na Pietista na sina Bartholomäus Ziegenbalg at Heinrich Plätschau, ay dumating bilang mga misyonerong Protestante sa India. Isinalin nila ang Biblia sa Tamil at Hindustani. Gayunpaman, ang pinakadakilang pagsusumikap sa modernong pagmimisyon sa India ay pinangunahan ni William Carey. Si Carey ay naglingkod sa India mula 1793 hanggang sa araw ng kanyang kamatayan noong 1834. At dahil ang British East India Company ay salungat sa gawain ng pagmimisyon sa India, si Carey ay nanirahan sa Serampore, isang lugar na kontrolado ng mga Dutch.
Sa kanyang 41 taon na pamamalagi sa India, inilatag ni Carey ang pundasyon para sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa India. Isinalin nina Carey at ng kanyang mga kasamahan ang Biblia sa wikang Bengali, Sanskrit, at iba pang apat na wika. Isinalin rin nila ang ilang bahagi ng Biblia sa iba pang 24 na wika. Nagsulat rin si Carey ng mga ebanghelikong awitin sa wikang Bengali. Nagsimula siya ng unang kolehiyo sa Asya (Serampore College) upang makapagsanay ng mga magiging pastor sa bansa, at para magbigay ng edukasyong liberal arts sa mga tao.
Naging tanong ni William Carey, “Ano kaya ang magiging itsura ng India kung si Jesus ang siyang magiging Panginoon ng bansang ito?” Sa pamamagitan ng pananaw na ito, inilapat ni Carey ang ebanghelyo sa buong kultura ng bansa. At naabot ng Pananampalatayang Kristiyano ang lahat ng aspeto ng lipunan sa India.
Laban sa turo ng mga Hindu na nagsasabing ang kalikasan ay isang ilusyon na dapat iwaksi, naniniwala si Carey na ang kalikasan ay nilikhang mabuti ng mapagmahal na Diyos. Dahil dito, naglathala siya ng mga unang batayang aklat ng siyensya sa India. Nag-organisa siya ng mga reporma sa agrikultura upang mapabuti ang produksiyon ng sakahan.
Laban rin sa kaugalian ng mga Indian na sunugin ng buhay ang mga ketongin sa paniniwalang dadalisayin sila ng apoy, naniniwala si Carey na mahal ng Diyos ang mga ketongin. At dahil rito, nangampanya siya para sa makataong pagtrato sa mga biktima ng ketong.
At dahil naniniwala rin siya sa katarungang pang-ekonomiya, ipinakilala ni Carey ang pagkakaroon ng savings bank na magpapahiram ng pera sa mga tao na may makatuwirang interest rates. At dahil naniniwala siya na ang Kristyanismo ay makikinabang sa malayang talakayan, itinatag niya ang kauna-unahang pahayagan na naglilimbag sa wikang Oriental.
Dahil naniniwala siya na ang lahat ng tao ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos, nilabanan ni Carey ang pang-aapi na ginagawa sa mga kababaihan. Nagpatayo siya ng mga paaralan para sa mga babae, na bihirang makatanggap ng edukasyon noong ika-18 siglo sa India. Nilabanan rin niya ang poligamiya, ang pagpatay sa mga sanggol na babae, at ang pagsusunog sa mga balo – na lahat ay sinusuportahan ng relihiyong Hindu. Nagsumikap si Carey ng 25 taon upang makamit ang legal na kasulatan na magbabawal sa pagsusunog sa mga balo (sati).
Ipinakita sa atin ni William Carey ang pangmatagalang epekto na magagawa ng isang taong mayroong pangitain para sa kaharian ng Diyos sa ating lipunan. Sa pamamagitan ng kanyang impluwensya, ang Protestanteng misyon ay tuluyang nagbago magpakailanman.
► Paano ka tutugon sa isang taong nagsasabi, “Ang misyon ng simbahan ay ang ipangaral ang ebanghelyo. Hindi tayo dapat makisangkot sa mga problemang panlipunan at pang-ekonomiya.”
Ebanghelikal na Paghayo sa Mundo (Pagpapatuloy)
Iba pang Ika-19 na Siglong Gawain ng Pagmimisyon
Daan-daang mga misyonero ang naglakbay sa buong mundo noong ika-19 na siglo. At sa unang pagkakataon, ang mga ebanghelikal na Protestante ang siyang nangunguna sa gawain ng pagmimisyon. Sa unang dalawang dekada ng ika-19 siglo:
Si Henry Martin ay nagpunta sa India (1805).
Si Robert Morrison ang naging unang Protestanteng misyonero sa Tsina (1807).
Si Adoniram Judson ay nagpunta sa Burma (ngayon ay tinatawag ng Myanmar) bilang unang Amerikanong misyonero (1812).
Pinangunahan ni Samuel Marsden ang grupo ng mga misyonero tungo sa New Zealand (1814).
Si Robert Moffat ay nagpunta sa Afrika (1816).
Sa kalagitnaan ng siglong ito, isang diwa ng optimismo na sinasangkapan ng sigasig para sa pagmimisyon ang nagbigay ng inspirasyon sa Student Foreign Volunteer Movement for Foreign Missions na magtakda ng layunin ng “ebanghelisasyon sa mundo ng henerasyong ito.” Ang ika-19 na siglo ay panahon ng pagmimisyon.
Si David Livingstone ay naglakbay sa gitna ng Afrika at ibinukas ang kontinente para sa ebanghelyo. Sa kanyang 1859 na talumpati para sa mga mag-aaral sa Cambridge, sinabi niya, “Bumalik ako sa Afrika upang magbukas ng daan para sa komersyo at Kristiyanismo. Nawa’y gawin ninyo sa abot ng inyong makakaya ang gawaing sinimulan ko. Ipinapaubaya ko ito sa inyo.”
Hindi ito nangangahulugan na nakita ni Livingstone ang pagmimisyon bilang isang paraan ng pagbubukas sa Afrika sa pananamantalang komersyal na interes ng Britanya. Gaya ni Carey, naniniwala rin si Livingstone na dapat baguhin ng ebanghelyo ang lahat ng bahagi ng lipunan. Batid ni Livingstone na sa Afrika, ang pangangalakal ng mga alipin ay isang karaniwang paraan ng pagpapayaman. Ngunit naniniwala siya na ang pagbubukas ng kontinente sa lehitimong komersyo ang siyang tatapos sa imoral na pangangalakal ng alipin.
Ang mga Protestanteng misyonero ay hindi kasangkapan para sa komersiyo ng Britanya. Ang totoo niyan, madalas na salungatin ng mga kumpanyang nasa ilalim ng Britanya ang mga misyonero, sapagkat naniniwala silang ipagtatanggol ng mga misyonero ang mga katutubo laban sa hindi makatarungang gawain ng mga British. Ang British East India Company ang siyang humadlang kay Wiliam Carey na manirahan sa Calcutta at ang nagpalayas kay Adoniram Judson palabas ng India. Kaya’t taliwas sa mga akusasyon ng mga modernong mananalaysay, ang ika-19 na siglo ng pagmimisyon ay inspirado ng pag-ibig para sa Diyos, at hindi bunsod ng paghahangad ng kayamanan.
…Mula Noon Hanggang Ngayon…
►Ano ang magiging kalagayan ng iyong bansa kung si Jesus ang kinikilalang Panginoon? Talakayin ang ilang praktikal na paraan kung saan magagawang baguhin ng ebanghelyo ang iyong lipunan?
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Ninyong Makilala: Samuel Ajayi Crowther (c. 1806-1891)
Isa sa mga bayani ng simbahan sa Nigeria ay si Samuel Crowther.[1] Siya ang unang Afrikanong obispo sa Simbahang Anglikano. Ipinanganak siya sa Yorubaland (ang kasalukuyang Western Nigeria). Noong siya ay tinedyer, naging bihag siya ng mga Muslim na nangangalakal ng alipin at ipinagbili sa mga mangangalakal na Portuges.
Matapos na buwagin ang pangangalakal ng mga alipin noong 1807, itinatag ng mga ebangheliko ng Britanya ang kolonya ng Afrika doon sa Sierra Leone bilang kanlungan para sa mga dating alipin. At noong 1822, pinahinto ng British Navy ang barkong Portuges na dito’y lulan si Ajayi at ang iba pang mga bilanggo. Siya ay dinala sa Sierra Leone. Dito ay naging Kristiyano si Ajayi at sinimulang gamitin ang pangalang Samuel Crowther bilang kanyang nabinyagang pangalan.
Si Crowther ay isa mga unang naging mag-aaral sa Fourah Bay College, na itinatag ng Church Missionary Society noong 1827 para sa pagsasanay ng mga magiging pinuno sa mga simbahan sa Afrika. Si Crowther ay napatunayang mahusay sa wika at hindi nagtagal ay nahirang na magturo sa ibang mga nayon. At noong 1841, siya ay ipinadala sa Inglatera para sa karagdagang pagsasanay. Mula roon ay naordinahan siya at isinugong bilang isang misyonero sa Yorubaland. Sa kanyang sariling bayan, natagpuan ni Crowther ang kanyang ina at kapatid na babae matapos ang mahigit 20 taon na pagkakahiwalay; sila ang kanyang naging mga unang naakay sa pananampalataya.
Dalawa ang naging kontribusyon ni Crowther na nagdulot ng pangmatagalang epekto. Una, isinalin niya ang Biblia sa wika ng Yoruba; ito ang naging unang Aprikanong pagsasalin na ginawa ng isang katutubo. Ikalawa, itinatag niya ang estasyon ng pagmimisyon na halos pinamumunuan ng mga Afrikano sa Nupe at Hausa.
Noong 1864, inayos ni Henry Venn (isang kaanib ng komunidad ng Clapham) ang pagkakahirang kay Crowther na maging obispo ng Kanlurang Afrika. Si Samuel Crowther ang naging kauna-unahang katutubong pinuno ng simbahan sa Afrika. Ngunit kay lungkot na may grupo ng mga Ingles na misyonero na nagtraydor sa kanya at inalis si Crowther mula sa kanyang katungkulan. Gayunpaman, ang kanyang alaala ay nagpapakita ng potensyal ng isang katutubong Afrikanong Kristiyanismo.
Mayroon bang kahinaan ang ika-19 na siglo ng pagmimisyon? Syempre mayroon. May ilang mga misyonero na kakaunti ang kaalaman pagdating sa bansa na kanilang pinuntahan. Ang kanilang mga pamamaraan ay hindi epektibo kung minsan at hindi pangmatagalan ang epekto.
Maraming mga misyonero ang nag-akala na ang isang naakay ay gagawin nito lahat ang mga gawi ng kultura ng mananampalataya. May ilan ring mga misyonero na nag-akala na ang isang Tsino na naging Kristiyano ay magsisimulang magdamit at kumain na tulad ng isang Ingles na tao; at mananambahan sa gusaling simbahan ng mga taga-Kanluran. Ang mga misyonerong ito ay nabigo sa pagtatanim ng mga simbahang angkop sa isang bagong kultura.
Gayunpaman, sa kabila ng mga kabiguang ito, ipinakita ng ika-19 na siglo na pagmimisyon ang lakas ng ebanghelikalismo. Mula kay Constantine hanggang sa ika-17 siglong pagmimisyon ng Romano Katoliko sa Latin Amerika, ang Kristiyanismo ay ipinalaganap sa pamamagitan ng puwersa. Subalit ang pagmimisyon ng mga ebanghelikal ay nagpakita na ang ebanghelyo lamang, na walang tulong ng gobyerno o sapilitang pagbabalik-loob, “ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya” (Roma 1:16).
Ang ika-19 na siglo ng pagmimisyon ay nagpapakita ng kapangyarihan ng mga layman o karaniwang tao sa Kristiyanismo. Sa unang mga dekada ng ika-19 na siglo, ilang mahahalagang organisasyong misyonero ang nabuo ng mga karaniwang misyonerong Kristiyano.
Angika-19 na siglo ng pagmimisyon ay nagpapakita ng epekto ng ebanghelyo sa mga praktikal na pangangailangan ng lipunan. Sa maraming bansa, ang mga ospital at paaralan na itinatag ng mga misyonero ay patuloy pa ring napapakinabangan sa kanilang mga komunidad hanggang ngayon. Ipinapakita ng pagmimisyon na ang ebanghelyo, kapag naunawaan ng maayos, ay bumabago ng lahat sa lipunan.
Ang Paglago ng Iglesia noong Ika-19 na Siglo*
1750
1900
Ang daigdig ay mayroong 22% na mga Kristiyano
Ang daigdig ay mayroong 34% na mga Kristiyano
26% ng mga tao ang nakapakinig ng ebanghelyo.
51% ng mga tao ang nakapakinig ng ebanghelyo.
Mas mababa sa 1% ng mga Protestante ang nakatira sa Africa, Asya, at Latin America.
10% ng mga Protestante ay nakatira sa Africa, Asya, at Latin America.
60 mga wika ay mayroong nakalimbag na Biblia.
537 mga wika ay mayroong nakalimbag na Biblia.
* David B. Barrett, George T. Kurian, at Todd M. Johnson, World Christian Encyclopedia, 2nd edition (New York: Oxford University Press, 2009), 27-29
Ang Paglaganap ng Ebanghelyo – Ang Ebanghelyo ay Dumating sa Interyor ng Tsina
Ang mga Kristiyanong Persiano ay nakarating sa Tsina noong ika-7siglo. Ang Romano Katoliko na si Matteo Ricci ay nangaral sa mga opisyal ng gobyerno ng Tsina noong ika-17 siglo.
Noong 1807, si Robert Morrison ay naging unang misyonerong Protestante sa Tsina. At sa kalagitnaan ng ika-19 na siglo, maraming organisasyon ang mayroong kanya-kanyang misyonero sa Tsina. Subalit, dahil nililimitahan ng patakaran ng gobyerno ang pagpasok ng mga dayuhan sa Interyor, ang mga misyon na ito ay matatagpuan lamang sa mga lugar na malapit sa baybayin. Noong ika-19 na siglo, labag sa batas ang mangaral ng ebanghelyo at mamigay ng mga babasahing Kristiyano sa Tsina. Ang mga banyaga ay hindi pinapahintulutan na matuto ng wikang Tsino.
Ang mga Protestante na matatas sa wikang Tsino ay naglingkod bilang mga tagapagsalin para sa mga opisyal ng pamahalaan at kalaunan ay nakaimpluwensya para sa pagsasagawa ng pagbabago sa patakaran ng pamahalaan. Si William Martin na isang Presbyterian na misyonero ay nakapaglagay ng isang sugnay o probisyon sa 1858 na Kasunduan sa Tianjin na nagpapahintulot sa mga misyonero na makapasok sa loob ng Tsina. Ito ang nagbukas ng pinto para sa China Inland Mission ni Hudson Taylor.
Si Hudson Taylor (1832-1905) ay isa sa mga nakilalang misyonero sa Tsina. Ang kanyang naging pananaw para sa loobang bahagi ng Tsina ay nangangailangan ng bagong pamamaraan sa pagmimisyon. Bagamat maraming ika-19 na siglo na mga misyonero noon ang nag-akala na “ang Kristyanismo ay katumbas ng Kanlurang kultura,” ipinakita ni Taylor na ang ebanghelyo ay hindi nakatali sa mga kultural na ekspektasyon. Ang respeto niya para sa tradisyong Tsino ang nag-alis ng mga hadlang sa ebanghelyo.
Sa kanyang unang taon sa Tsina, si Taylor at ang kanyang kasama, si Joseph Edkins, ay naglakbay sakay ng bangka sa tabi ng Ilog Huangpu habang namimigay ng mga Biblia at babasahin. Di nagtagal, ang lungsod ng Ningbo ay ginawa ni Taylor na kanyang punong-tanggapan upang abutin ang mga looban ng Tsina.
Nang maunawaan niya ang lawak ng gawaing kakaharapin niya, nagpasiya si Taylor na kumuha ng 24 na mga misyonero, dalawa para sa bawat probinsiya ng Tsina at Mongolia. Sa kanyang aklat na China: Its Spiritual Need and Claims, itinanong ni Taylor, “Maaari bang maupo na lang ng tahimik ang mga Kristiyano sa Inglatera habang ang karamihang ito ay napapahamak ng dahil sa kakulangan ng kaalaman?...Nananatili tayo sa isang bahay na kasama ang isang tupa, at walang pakialam sa 99 na mapapahamak!”
Sa panahon na sinimulan ni Taylor ang kanyang pagsusumikap, mayroong kabuuang 90 na misyonerong Protestante sa buong Tsina. Sa kanyang pagkamatay noong 1905, ang China Inland Mission lamang ang mayroong 205 na mga estasyon na pinangangasiwaan ng 849 na mga misyonero. Mahigit 125,000 na mga Kristiyanong Tsino ang nauugnay sa misyon.
Anim na prinsipyo ang natuklasan ni Taylor para sa China Inland Mission:
Ang misyon ay dapat na hindi denominasyunal.
Walang garantiya ng pasahod.
Walang gagawin na paghingi ng pondo (ito ay “misyon ng pananampalataya”).
Ang mga gawain ay pamumunuan ng mga pinuno sa Tsina.
Ang organisasyon ay hahayo sa mga loobang bahagi ng Tsina.
Ang mga misyonero ay magdadamit ng mg kasuotang Tsino at mananambahan sa gusali ng mga Tsino.
Bagamat ang mga prinsipyong ito ay hindi laging magagamit sa bawat organisasyon ng pagmimisyon, nagpapakita naman ang mga ito ng sigasig ni Taylor para sa isang pambansang simbahan; sa halip na isang banyagang simbahan. At dahilan sa ganitong pamamaraan, ang mga naibunga ng China Inland Mission ay nagpatuloy pa rin kahit na noong pinalayas ng rebolusyong Komunista ang lahat ng mga misyonero noong 1951.
Marahil ang pinakamalaking pagbabago na nagawa ni Taylor ay hinggil sa kanyang pagkukusa na ihiwalay ang ebanghelyo mula sa kinagawiang kultura ng mga taga-Kanluran. Naniniwala siya na ang isang misyonero ay dapat na makibagay sa lahat ng tao, upang sa anumang pamamaraan ay maakay niya ang iba sa kaligtasan (1 Corinto 9:22). Ang pagdadamit na Tsino at pagtitirintas ng buhok ang nagsilbing sagisag ng kusang-loob na pakikibagay ni Taylor sa batayang pag-uugali ng mga Tsino, hangga’t ang mga ito ay hindi naman sumasalungat sa mga prinsipyong Kristiyano.
Ang pagsisikap na makapagbahagi ng ebanghelyo sa Tsina ay humarap sa napakaraming mga hamon. Noong 1900, ang Boxer Rebellion ay may pinatay ang 136 na matatandang misyonero, 53 na mga anak ng mga misyonero, at halos 50,000 na mga Kristiyanong Tsino. Noong 1926, halos 8,000 mga misyonero ang tumakas dulot ng magulong panahon ng Northern Expedition. At noong 1953, lahat ng mga misyonero ay sapilitang pinalayas ng Komunistang Rebolusyon. Gayunpaman, ang mga binhing itinanim ng mga misyonero ay nagpatuloy na lumago. At noong ang mga taga-Kanluran ay bumalik sa Tsina noong 1980s, natuklasan nila ang mga lumalagong mga kabahayang simbahan, na may sigasig sa pagbabahagi ng ebanghelyo, at may mga dakilang kwento ng revival sa kasaysayan ng Kristiyanismo.
Ang Paglago ng Simbahang Tsino*
Taon
Dami
Taon
Dami
Taon
Dami
Mga Protestanteng Misyonero
1807
1
1930
6,346
1951
0
Populasyon ng Tsina
1812
362 milyon
1949
450 milyon
1996
1.2 bilyon
Nabautismuhang Protestante
1834
10
1934
500,000
1996
33 milyon
Mga Protestante kada Tsino
1850
1 sa 1 milyon
1952
1 sa 1,000
1996
1 sa 36
* Istatistika mula kay Tony Lambert, OMF International.
Ebanghelikal na Revival sa Amerika
Sa Aralin 3, napag-aralan natin ang Great Awakening sa Amerika. Subalit ang epekto ng revival na ito ay unti-unting kumupas noong panahon ng Rebolusyong Amerikano. Ang mga kahirapan na dulot ng digmaan at ang paglaganap ng mga ideya ng Enlightenment sa mga kabataan ay naghatid ng espirituwal na pagbulusok. At sa pagtatapos ng ika-18 siglo, may ilang mga kolehiyo na nag-ulat na wala silang matagpuang Kristiyano sa kanilang mga estudyante.
Ang paglawak ng kanlurang hangganan ng Amerika ay nakadagdag rin sa mga hamon na kinaharap ng simbahan. Sa pagitan ng 1792 at 1821, siyam na estado ang naidagdag sa orhinal na 13 na kolonya. At noong 1850, kalahati sa bilang ng mga Amerikano ay nanirahan sa kanluran na kung saan ay kakaunti lamang ang bilang ng mga simbahan at mga pastor. Ang mga pangunahing denominasyon na naroroon ay hindi nakasabay sa pagdami ng populasyon. Ang mga taong nasanay mabuhay sa primitibo o sinaunang kabihasnan ay walang interes sa relihiyon. Ang kanilang lakas ay nakatuon lamang sa mahirap na kalagayan ng kanilang buhay; at kapag sila ay walang trabaho, ang kanilang hinahanap ay kasiyahan, hindi ang pananambahan sa loob ng simbahan.
Ito ang kalagayan sa pagtatapos ng ika-18 siglo. Ayon kay Rodney Stark, may 17%lamang ng mga Amerikano ang aktibong Kristiyano noong panahon ng Rebolusyong Amerikano. Gayunpaman, noong ika-19 na siglo, ang mga sunod-sunod na gawain ng revival ang siyang nagpanumbalik sa batang bansa na ito pabalik sa ebanghelyo. At sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, 50% ng mga Amerikano ay naging aktibong mga Kristiyano.
Ang Gawain ng mga Methodist sa Amerika
Sa Amerika, pinamunuan ni Francis Asbury ang Simbahang Methodist gaya ng pamumuno ng mga Wesley sa gawain ng Methodist sa Inglatera. Siya ay ipinanganak noong 1745 sa Staffordshire, Inglatera. Si Asbury ay naging mangangaral na Methodist sa edad na 18 at hinirang ni John Wesley na maging manlalakbay na mangangaral sa edad na 22.
Noong 1771, sa edad na 26, si Asbury ay tumugon sa panawagan ni John Wesley hinggil sa mga magboboluntaryong mangaral sa Amerika. Matapos ito, ginugol niya ang mga sumunod na 45 na taon sa Amerika. At nang sumiklab ang Rebolusyon, sina Asbury at James Dempster lamang ang mga British na Methodist na nanatili at nangangaral sa Amerika.
Sa loob ng kanyang 45-taon na pagmiministeryo, si Asbury ay nakapaglakbay ng higit 300,000 na milya na nakasakay sa kabayo at karwahe, kahit na madalas siyang nagkakasakit. Siya ay nangaral ng mahigit 16,000 na beses. May ilang mga mananalaysay na naniniwala na si Francis Asbury ang pinaka kilalang mukha sa Amerika – higit siyang kilala ng mga tao kaysa kay Pangulong George Washington. Siya ay kilalang-kilala na anupa’t ang mga liham na may katagang, “Bishop Asbury, Estados Unidos ng Amerika” ay inihahatid sa kanya.
Nang si Asbury ay dumating sa Philadelphia, mayroong humigit-kumulang na 600 Methodist sa buong kolonya ng Amerika. At nang siya ay namatay, mayroon ng 200,000 na Methodist sa Amerika, na pinaglilingkuran ng 4,000 na Methodist na mga mangangaral.
Si Asbury ay may pasyon para sa ebanghelismo. Noong ika-18 na siglo, karamihan sa mga Amerikano ay naninirahan sa labas ng mga lungsod kung saan marami ng mga simbahan. Si Asbury ay nagtanim ng mga simbahan sa mga rural na lugar at nagtalaga ng mga manlalakbay na mga mangangaral (tinaguriang circuit riders) na naglalakbay mula sa isang simbahan tungo sa isang simbahan sa bawat distrito. Ang mga circuit riders na ito ang naghatid ng ebanghelyo sa mga bagong teritoryo sa Kanluran.
Si Asbury ay nagkaroon rin ng pasyon para panlipunang epekto ng ebanghelyo. Sinimulan niya ang Sunday School para makapag-aral ang mga mahihirap; nilabanan niya rin ang pang-aalipin; at nilabanan ang alkoholismo sa mga taong nasa frontier. Utang na loob ng Methodismo sa Amerika ang kanyang kapanganakan sa mangangaral na ito na nagbigay ng kanyang buhay para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.
Ang Ikalawang Great Awakening
Sa simula ng unang bahagi ng 1790s, isang diwa ng revival ang lumaganap sa sa buong bansa bilang tugon sa mga naglalakihang mga pagtitipon na nananalangin para sa espirituwal na pagbangon. Ang mga simbahan sa silangan ay nagsimulang makaranas ng revival, na sinundan ng mga revival sa mga kampus at ilan pang mga kilalang kolehiyo.
Mula sa silangan, lumaganap ang revival tungo sa mga teritoryo sa kanluran. Gaya ng Wesleyan revival na umabot sa mga minero sa Bristol, Inglatera, ang revival na ito ay umabot rin sa mga populasyong hindi edukado. Di tulad ng mga edukadong Wesley sa Oxford na nangaral sa Bristol, ang pangangaral sa revival na ito ay isinakatuparan ng mga mangangaral na may kakaunti lamang ng pagsasanay sa ministeryo. Iilan lamang na mga kilalang lider ang may kaugnayan sa Ikalawang Great Awakening; sa halip, ang revival na ito ay karaniwang pinangunahan ng mga lokal na pastor.
Si James McGready, isang Presbyterian na ministro, ay isa sa mga unang nangaral ng revival na mensahe sa kanluran. Matapos na siya ay palayasin sa North Carolina ng dahil sa kanyang maalab na pangangaral, nanirahan si McGready sa Kentucy. Noong 1800, ang mga tao ay naglalakbay ng hanggang 100 milya ang layo upang dumalo sa magkakasunod na serbisyo ng pangangaral sa Gaspar River, Kentucky. Ang kaganapan na iyon ay tinawag na pagtitipon sa kampo sapagkat ang mga tao ay dumarating at gumugugol ng ilang araw sa mga tolda o iba pang pansamantalang tirahan.
Pagkatapos nito, noong 1801, mahigit 20,000 mga tao (10% na populasyon ng Kentucky) ang dumalo sa pagtitipon sa kampo sa Cane Ridge, Kentucky. At dahil walang gusali na pwedeng humawak sa napakaraming tao, gumawa sila ng mga entablado sa labas at limang mangangaral ang sabay-sabay na nangangaral sa iba’t ibang bahagi ng napakalaking pagtitipon na iyon.
Ang mga Epekto ng Ikalawang Great Awakening ay kinabibilangan ng:[1]
Ang mga kolehiyo ay nagkaroon ng magandang pagbabago.
Sampu-sampung libong mga bagong miyembro ang naidaragdag sa mga ebanghelikal na mga denominasyon.
Ang pagtitipon para manalangin tuwing Miyerkules at pagkakaroon ng Sunday school ay naging pangkaraniwan.
May mga bagong naitatag na kolehiyo at seminaryo upang magsanay ng mga magiging ministro.
Ang Amerika ay nagkaroon ng pagbibigay pansin sa misyon na katulad ng sa Inglatera.
Ang revival ay nagkaroon rin ng mga pangmatagalang epekto sa lipunan. Noong ika-19 na siglo, binuo ng mga Amerikanong ebanghelikal ang American Bible Society upang mamahagi ng mga Biblia, ang American Temperance Union upang labanan ang abuso sa alkohol, ang Home Missionary Society upang mangaral ng ebanghelyo sa mga teritoryo sa kanluran, at mga ministeryong naghahatid ng reporma sa mga bilangguan at pangangalaga sa mga may kapansanan.
Ang mga tagapagturo ng kabanalan noong ika-19 na siglo, partikular sina Charles Finney, Asa Mahan, at Phoebe Palmer ay naniniwala na ang Banal na Espiritu ay maaaring magbigay ng tagumpay hindi lamang sa laban sa personal na kasalanan, kundi pati na rin sa mga kasalanan ng lipunan. Ang mga taong ito ay hindi lamang nangaral ng espirituwal na tagumpay at banal na pamumuhay, kundi hinangad nilang i-reporma ang lipunang Amerikano sa pamamagitan ng kapangyarihan ng ebanghelyo.
Mga Sumunod na Ebanghelistikong Gawain
[2]Ilang taon matapos ang Ikalawang Great Awakening, nagsimulang mangaral si Charles G. Finney (1792-1875) sa New York. Halos 1,000 mga tao ang naakay niya sa pananampalataya sa Rochester, New York noong 1830. May ibang mga bahagi naman sa bansa na nag-ulat ng revival, na kung saan halos 100,000 mga tao ang naging mga bagong mananampalataya.
Bagamat si Finney ay naordinahan na Presbyterian, hindi siya naniniwala sa doktrina ng Calvinist tungkol sa limitadong pagtubos. Siya ay nangaral tungkol sa posibilidad ng pagkakaroon ng isang dalisay na puso at buhay na malaya sa pagnanasa ng kasalanan. Dagdag sa kanyang ebanghelistikong mga pagsusumikap, siya ay nagsulat rin ng isang systematic thelogy at naglingkod bilang pangulo ng Oberlin College.
Mula 1858-1859, ang tinaguriang Laymen’s Revival ay lumaganap sa buong bansa. Ang revival na ito ay nagsimula sa Canada at pinangunahan ng mga negosyanteng nagtitipon-tipon para manalangin sa oras ng kanilang pananghalian. Tinatayang nagkaroon ng 1,000,000 mga bagong kristiyano sa Amerika sa loob ng dalawang taon, at kasama na rito ang 100,000 na mga alipin. At mula sa Estados Unidos, ang revival ay lumaganap rin sa British Isles, na kung saan panibagong 1,000,000 mga tao ang nagpahayag ng kanilang pagbabalik-loob sa Diyos.
Kasunod sa Digmaang Sibil sa Estados Unidos, narito naman si D.L. Moody at ang kanyang kasama na si Ira Sankey na nanguna ng kanilang ebanghelistikong mga gawain sa mga pangunahing lungsod. Dahil maraming tao ang lumipat sa mga lungsod at walang kinabibilangang lokal na simbahan, dinala sa kanila ni Moody ang ebanghelyo at hindi lang nangaral sa mga lokal na gusali ng simbahan – gaya ng ginawa nina Wesley at Whitefield sa Bristol. Sa kanyang paglalakbay sa London, nangaral siya sa mahigit 2,500,000 na mga tao.
[3]Mula 1905-1910, ang isang Welsh Revival na nagsimula sa ilalim ng ministeryo ng isang minero ng karbon na si Evan Roberts ay naghatid ng impluwensya sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa Amerika, ang Unibersidad ng Baylor at Kolehiyo ng Asbury ay nag-ulat ng revival. Sa Indonesia, nagkaroon ng tinaguriang pitong-taong “Great Repentance” na kung saan nagkaroon ng 200,000 mga bagong kristiyano. Sa India, isang misyonero na nagngangalang John Hyde, na nakilala sa bansag na “Praying Hyde,” ay nanguna sa pagkakaroon ng mga pagpupulong sa panalangin na nagbunga ng malawakang pagbabalik-loob mula sa taong-bayan. Noong 1907 ay nagkaroon ng “Korean Pentecost” na sinundan ng ilang linggong pananalangin para sa revival. Si Rees Howells ay nagsimula naman ng “Bible College of South Wales” na nagsusugo ng mga manggagawa sa iba’t ibang panig ng Afrika. At sa Latin Amerika, ang mga ebanghelikal na simbahan ay tatlong ulit na dumami mula sa 132,000 mga miyembro noong 1903 tungo sa 369,000 noong 1910.
[1]Ang impormasyon ay mula kay Howard F. Vos, An Introduction to Church History (Chicago: Moody Press, 1984), 138-139.
[2]“Akala ng marami ay patatawarin sila ng biyaya kung hindi sila maililigtas nito mula sa kasalanan…Ngunit huwag umasa ang sinuman na maliligtas sila mula sa impyerno, liban na iligtas sila ng biyaya mula sa kasalanan.”
- Charles G. Finney
[3]“Ang epektibong sanhi ng lahat ng tunay na revival ay ang nagbibigay-buhay, nagbabagong-buhay, at nagpapabanal na kapangyarihan ng Banal na Espiritu – na pinupukaw ang matigas na puso ng makasalanan at pinanunumbalik ang mga mananampalatayang nahulog sa kasalanan.”
- Halaw kay J. Wilbur Chapman
Konklusyon: Ang Kasaysayan ng Iglesia ay Nangungusap Ngayon
Maraming mga mananalaysay ang pumupuna sa mga pagkakamaling nagawa ng ika-19 na siglo na revival at mga misyonerong gawain.
Ang ika-19 na siglong mga misyonero ay nagkamali sa kanilang mga pag-iisip at pamamaraan. Gayunpaman, ang kanilang mga misyonerong gawain ay nakapag-ambag ng malaki sa kaharian ng Diyos. Daan-daang misyonero ang nagbuwis ng kanilang buhay upang ipalaganap ang ebanghelyo. At bunga ng kanilang mga gawain, ang mga simbahan sa buong daigdig sa pagtatapos ng ika-19 na siglo ay mas lalo pang lumakas kaysa sa simula ng siglo.
Ang mga bansa sa iba’t ibang panig ng mundo ay nakinabang sa panlipunang impluwensya na ginawa ng mga misyonero. Sa isang pag-aaral na inilathala sa The American Political Science Review, ipinakita ni Robert Woodberry na ang mga Protestanteng misyonero ay may mas higit na impluwensya sa pag-usbong ng demokrasya sa mga di-Kanluranin na bansa kumpara sa anumang pulitikal na gawain. Natuklasan ni Woodberry na “kapag marami ang bilang ng mga Protestanteng misyonero sa bawat lokal na populasyon noong 1923, mas mataas rin ang posibilidad na ang isang bansa ay magkaroon ng isang matatag na demokrasya.”[1]
Ang kapangyarihan ng ebanghelyo ay patuloy na bumabago ng mga indibidwal, mga komunidad, at mga bansa. Ang mensahe ng ebanghelyo, hindi ang mensahero ang siyang “kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya” (Roma 1:16).
[1]Robert D. Woodberry, “The Missionary Roots of Liberal Democracy,” American Political Science Review Volume 106, Number 2, May 2012
Aralin 4, Mga Takdang Aralin
(1) Noong 1800, nagsimulang tumingin ang mga mananampalataya ng labas sa kanilang mga sariling simbahan at grupo at sinimulang tanawin ang mga pangangailangan ng mundong nakapaligid sa kanila. Ano ang mga pangangailangang nakikita mo sa mga taong nakapaligid sa iyo? Paanong ang iyong simbahan ay tutugon sa mga pangangailangang iyon? Magsulat ng 5-6 na talata tungkol sa kung paano dapat gumawa ng pagbabago ang mga lokal na mananampalataya sa mundong nakapaligid sa kanila. Maglagay ng mga sumusuportang talata sa Biblia.
(2) May ilang nagsasabi na, “Ang misyon ng simbahan ay ang ipangaral ang ebanghelyo. Hindi tayo dapat makialam sa mga suliraning panlipunan at ekonomiya.” Sa 3-4 na talata, magbigay ka ng biblikal na tugon. Ipaliwanag kung bakit ang dalawang tauhan na ibinigay sa araling ito ay nagbibigay ng mabuting halimbawa at tugon.
(3) Maghanda ng buod na talambuhay ng mga sumusunod ng Kristiyanong pinuno: Samuel Ajayi Crowther, Charles Finney, o D.L. Moody. Ang iyong buod ay dapat na naglalaman ng apat na bahagi:
Talambuhay: Kailan siya nabuhay? Saan siya tumira? Kailan at saan siya namatay?
Kaganapan: Ano ang mga mahahalagang kaganapan sa kanyang buhay?
Impluwensya: Ano ang kanyang naging pangmatagalang impluwensya sa simbahang Kristiyano?
Aplikasyon: Ano ang isang aral para sa simbahan ngayon na matututuhan mula sa pinuno na ito?
May dalawa kang pagpipilian sa pag-presenta ng buod na ito:
Magpasa ka ng 2 pahina ng sanaysay sa tagapamuno ng inyong klase.
Magbigay ng 3-5 minuto na presentasyon sa inyong klase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.