Lesson 1: Ang mga Nauugnay sa Gobyerno na Repormista A.D. 1517-1618
28 min read
by Randall McElwain
Mga Layunin ng Aralin
Sa katapusan ng araling ito, magagawa ng mag-aaral na:
(1) Makilala ang mga pangunahing pinuno ng mga Nauugnay sa Gobyerno na Repormasyon.
(2) Maunawaan ang mga magkakaibang teolohikal na tradisyon na nabuo mula sa Repormasyon.
(3) Ipaliwanag ang limang “Lamang” na mga pangungusap mula sa Repormasyon.
(4) Mabigyan ng pagkakaiba ang katuruan ng Calvinismo at Arminianismo.
Pambungad
Repormasyon ang kataga na ginagamit para sa isang partikular na yugto sa kasaysayan na kung saan maraming mga simbahan at mga mananampalataya ang nagtangkang maghatid ng pagbabago sa Simbahang Romano Katoliko, ngunit sa bandang huli ay nagpasyang humiwalay. Ang yugtong ito ay tinatawag ring Protestanteng Repormasyon. Ang mga pinuno ng Repormasyon ay tinawag na Repormista. Ang mga Kristiyanong sumunod sa paniniwala ng mga Repormista ay tinawag na Protestante. Di tulad sa Simbahang Romano Katoliko, ang simbahang Protestante ay may maraming denominasyon at ministeryo na hindi nagsasama-sama sa iisang organisasyon. Ang mga simbahang Protestante ay may iba’t ibang pangalan o katawagan.
Biblia at ang Repormasyon
Ang Biblia ay isinalin sa wikang Latin ni Jerome noong 405. Ang edisyon na iyon ng Biblia ay tinawag na Vulgate. Ang layunin ng pagsasalin ay upang ihatid ang Biblia sa karaniwang wika ng mga tao. Subalit, ginawang opisyal na Biblia ng Simbahang Romano Katoliko ang Vulgate at patuloy itong ginamit kahit na sa panahong marami ng mga tao ang hindi na nagbabasa ng Latino. Nangangahulugan ito na ang simbahang Katoliko ay nagkaroon ng kontrol sa kung ano talaga ang nilalaman at sinasabi sa Biblia. Bunga nito, ang taong bayan ay walang kakayahan na suriin ang simbahan o lipunan gamit ang Biblia. Ayon kay Martin Luther, hindi siya nakakita ng Biblia noong siya ay bata pa.
Inilathala ni Erasmus ang una at pang-iskolar na edisyon ng Bagong Tipan sa wikang Griego noong 1516. Sa kanyang pambungad, hinikayat ni Erasmus ang pagsasalin ng Biblia tungo sa karaniwang mga wika ng mga tao. Dulot nito, si Martin Luther at ang iba pa ay nagpasyang isalin ang Bagong Tipan ni Erasmus tungo sa iba’t ibang wika ng mga tao. At habang ang Biblia ay naibibigay sa publiko, hindi na mapigilan ng Simbahang Romano Katoliko ang paglaganap ng mga biblikal na katuruan. Ang Repormasyon kung gayon ay naitatag sapagkat nabuksan ang pinto tungo sa Salita ng Diyos.
Sa iyong bansa, sino ang mga mayroon ng mga Biblia na mababasa sa kanilang sariling wika?
Paanong ang mga mananampalataya ay tumutugon sa suplay o sa kakulangan ng Biblia ayon sa kanilang sariling wika?
Paanong ang suplay o kakulangan ng Biblia ay nakakaapekto sa mga simbahan?
Anong uri ng mga hadlang ang pumipigil sa mga tao na personal na mabasa at mapakinggan ang Salita ng Diyos?
Mga Pinuno ng Repormasyon
Sina Martin Luther, Ulrich Zwingli, at John Calvin ay itinuturing na mga Nauugnay sa Gobyerno na Repormista sapagkat binigyang diin nila ang organisasyunal na istraktura at kapangyarihan ng isang gobyernong Kristiyano na ipatupad ang mga prinsipyong Kristiyano sa lipunan. Sa susunod na aralin, pag-aaralan natin ang iba pang repormasyong gawain na naganap noong ika-16 at ika-17 mga siglo.
[1]Bahagi ng Himno ni Luther Hango sa Awit 130
“Pag-ibig at biyaya mo lamang ang may kapangyarihan
Na pawiin ang aking mga kasalanan;
Walang bisa ang anumang itinuturing na sariling kabanalan
Upang wakasan ang kakila-kilabot na pang-aalipin ng kasalanan.
Sa harapan mo ay walang sinumang makapagyayabang,
Lahat ay dapat na manginig sa iyong matinding kautusan
Kami ay mabubuhay sa iyong awa lamang.
Nakita ni Luther ang Awit 130 bilang buod ng Lumang Tipan para sa ebanghelyo. Ipinapakita rito ang ating matinding kasalanan at ang dakilang biyaya ng Diyos.
Paglipas ng dalawang daang taon, narinig ni John Wesley ang Awit 130 na inaawit sa isang panambahan. At mismong sa araw na iyon ay naging Kristyano siya.
Si Martin Luther at ang Repormasyon
Bagamat ang mga sanhi ng Repormasyon ay bumabalik sa ika-12 siglo, si Martin Luther (1483-1546) ang siyang nakilala bilang nagsimula ng kilusang Repormasyon. Habang pinag-aaralan ni Luther ang Bagong Tipan sa wikang Griego, natuklasan niya ang tunay na mensahe ng ebanghelyo. At sa loob ng ilang mga taon, ang Repormasyon ay lumaganap sa iba’t ibang panig ng Europa.
May apat na katanungan ang sentro sa Repormasyon.[1] Ang mga kasagutan ni Luther sa mga katanungang ito ay nagpapakita ng pangunahing mensahe na binibigyang diin noong Repormasyon.
Paano maliligtas ang isang tao?
Saan nakabatay ang espirituwal na awtoridad?
Ano ang Iglesia?
Anong uri ng buhay ang nakalulugod sa Diyos?
Kaligtasan
Paano maliligtas ang isang tao? Ang sagot ng Simbahang Romano Katoliko, “Ang isang tao ay maliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya at mabubuting gawa.” Bahagi sa mabubuting gawa na ito ang katapatan sa katuruan ng simbahan at mga rituwal nito.
Nasa gitna noon si Luther ng bagyo at malalakas na pagkidlat, nang si Luther nangako na kung iingatan siya ng Diyos mula sa mga mapanganib na kidlat na iyon, siya ay aanib sa isang monasteryo. Siya ay naging monghe sa edad na 22. Naging masigasig siya sa anumang tuntunin sa monasteryo. Halos masira niya ang kanyang kalusugan ng dahil sa mahabang pag-aayuno at di pangkaraniwang mga gawain. Patotoo ni Luther, “Kung mayroon man na pwedeng makarating sa langit sa pamamagitan ng pagiging isang monghe, ako yun.” Gaya ni Pablo sa Filipos 3:4-6, sinubukan ni Luther na tanggapin siya ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang sariling pagsusumikap, sa halip na sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos.
Subalit isang araw habang isinasagawa niya ang rituwal ng panambahan, napaghinuha at naunawaan ni Luther na ang buhay niya ay puno ng kasalanan. Kaya noong 1510, naglakbay siya patungo sa Roma sa pag-asang matatagpuan roon ang kapayapaan ng kaluluwa na kanyang hinahanap. Subalit, natagpuan niya roon na ang mga pinuno ng simbahan (na namumuhay sa kasalanan) ay nagsasagawa ng mga rituwal ng panambahan na walang espirituwal na sigasig. Sinabi niya sa kanyang sulat, “Ang Roma na minsa’y kilalang pinakabanal na lungsod ay naging malala na sa kasalanan.”
Pakiramdam ni Luther ay nabigo ang simbahan na siya ay tulungan. Kaya nagsimula siyang maghanap na sagot sa katanungan, “Paanong ang isang makasalanan ay magiging matuwid sa harapan ng banal na Diyos?” Nabasa niya sa aklat ng Roma ang ganito, “Sapagkat dito ang katuwiran ng Diyos ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya; gaya ng nasusulat, ‘Ngunit ang taong matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya’” (Roma 1:17). Dito ay natagpuan niya ang isang kahanga-hangang katotohanan na “sa pamamagitan lamang ng biyaya at habag ng Diyos ay aariing-ganap ang tao sa pamamagitan ng pananampalataya.” Mula sa talatang ito ay naunawaan ni Luther na ang “katuwiran ng Diyos” ay hindi lamang hinihingi ng Diyos, kundi kaloob ng Diyos.
Sinagot ng mga Repormista ang tanong na, “Paano maliligtas ang isang tao” sa pamamagitan ng tugon na, “Tayo ay nagiging matuwid o napapawalang-sala dulot ng biyaya at sa pamamagitan lamang ng pananampalataya.” Ang mga Repormista ay nakilala sa mga prinsipyong biyaya lamang at pananampalataya lamang.
Ang doktrina ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya ay may tatlong sangkap na kataga:
Pagpapawalang-sala ay ang pagpapahayag na ang isang makasalanan na nagsisi sa kanyang mga kasalanan ay ginawang matuwid sa harapan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagpapawalang-sala, tayo ay tinatanggap ng Diyos na para bang hindi tayo nagkasala sa kanyang harapan.
Dulot ng biyaya lamang ay nangangahulugan na wala tayong anumang gawa na makapagbibigay sa atin ng kaligtasan. Ang kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng biyayaatmga gawa. Ang kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng biyayaatpagsang-ayon ng simbahan. Ang kaligtasan ay dumarating sa pamamagitan lamang ng biyaya sapagkat inako ni Jesus ang ating makasalanang kalagayan.
Sa pamamagitan ng pananampalataya lamang ay nangangahulugan na tinatanggap natin ang kaloob ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig sa mga pangako ng Diyos. Wala tayong anumang gawa na magdudulot ng kaligtasan; sa halip, ang kaligtasan ay walang bayad na kaloob ng Diyos. Ito ay tinatanggap natin sa pamamagitan ng pananampalataya sa mga pangako ng Diyos.[2]
Ang doktrina ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan lamang ng pananampalataya ay pundasyong katuruan ng Protestanteng Repormasyon. Ipinangaral ng mga Repormista na walang anumang pwedeng idagdag sa pananampalataya upang makamit ang pag-aaring ganap. Sa kanyang huling sanaysay ay isinulat ni Luther ang ganito, “Tayo ay mga pulubi. Iyan ang totoo.” Ang pangungusap na ito ay hindi nangangahulugan ng kawalang pag-asa; ito’y kapahayagan ng kagalakan na dahil sa biyaya, dinirinig at sinasagot ng Diyos ang iyak ng isang pulubi.
► Paano mo ipapaliwanag sa tatlong uri ng tao ang doktrina ng pagpapawalang-sala na dulot ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya?
Sa isang Romano Katoliko na naniniwala na siya ay napawalang-sala sa pamamagitan ng simbahang Katoliko
Sa isang di-mananampalataya na naniniwala na siya napawalang-sala sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay
Sa isang nagdadalamhating makasalanan na naniniwalang hindi siya karapat-dapat napawalang-sala
Espirituwal na Awtoridad
Saan nakabatay ang espirituwal na awtoridad? Ang sagot ng Simbahang Romano Katoliko, “Lahat ng espirituwal na awtoridad ay matatagpuan sa Simbahan sa Roma na pinamumunuan ng Santo Papa.”
Noong 1513, inaprubahan ng Santo Papa na si Leo X ang pagtitinda ng mga katibayang papel na di umano’y nagbibigay ng kapatawaran sa kasalanan at upang sa pamamagitan nito’y matapos niya ang ipinapatayong Basilika ni San Pedro. Sa kanyang pangangaral ay ipinangako ng isang German na monghe na si Johann Tetzel, na sinumang bibili ng nasabing katibayang papel ng kapatawaran ay magiging “higit na malinis pa kaysa kay Adan bago siya bumagsak sa pagkakasala.” Bilang tugon, isinulat ni Luther sa kanyang Ninety-Five Theses ang isang detalyadong talaan ng mga puntos na mariing tumututol sa pagtitinda ng katibayan ng kapatawaran. At ayon sa kaugalian ng panahong iyon, ipinaskil ni Luther sa pintuan ng simbahan sa Wittenburg ang kanyang mga mungkahing pananaw na maaaring talakayin sa publiko. Tumugon si Johann Eck, na isang Romano Katolikong theologian, at inakusan si Luther na nagtuturo ng kabulaanan.
Hindi nais ni Luther na umalis sa Simbahang Katoliko; ang nais niya’y magkaroon ng pagtutuwid sa mga kamalian na nasa loob ng simbahan. Gayunma’y ang kanyang patuloy na pag-aaral ng Biblia ay unti-unting naghatid sa kanya na tutulan ang mga katuruan ng Simbahang Katoliko. Nang binasa niya ang Bagong Tipan sa wikang Griego, nakita niya na ang panawagan ni Jesus tungkol sa pagsisisi ay hindi nangangahulugan na dapat mong parusahan ang sarili o kaya’y gumawa ka ng mga relihiyosong rituwal para sa iyong mga kasalanan, na gaya ng ipinapahiwatig sa kataga ng Latin Vulgate. Nakita ni Luther na ang pagsisisi ay nangangahulugan ng pagbabago ng puso at isip. Kaya tinutulan ni Luther ang turo na minamaliit ang hinihingi ng kabanalan ng Diyos bilang pagsasagawa ng rituwal lamang. Ayon sa turo ni Luther, binabago ng biyaya ng Diyos ang ating buong pagkatao.
Di nagtagal, natuklasan rin ni Luther na ang Biblia ang siyang dapat na ilagay na mataas kaysa sa simbahan. Sa kanyang pakikipagdebate kay Eck, mariing ipinahayag ni Luther ang prinsipyo ng Repormasyon, “Hindi magagawa ng simbahan o maging ng Santo Papa na itatag ang mga katuruan ng pananampalataya. Ang mga ito ay dapat na magmula sa Biblia.” Ang prinsipyo ay ipinahayag sa katagang “Biblia lamang.” Ang mga Protestante ay naninindigan sa prinsipyong walang anumang awtoridad ang maaaring tumayo ng higit sa Banal na Kasulatan. Pinapangalagahan ni Luther ang mga isinulat ng mga kilalang mananampalataya sa kasaysayan ng Iglesia, ngunit nakita rin niya na ang ganap na espirituwal na awtoridad ay nasa Banal na Kasulatan at hindi sa Romano Katolikong Simbahan.
Noong 1521, ipinatawag si Luther sa imperyal na hukuman na nasa ilalim ni Charles V, na siyang tinaguriang Holy Roman Emperor. Sa korte na ito ay humarap si Luther upang ipahayag ang mga kamalian na kanyang isinulat. Ngunit muling ipinahayag ni Luther ang kanyang paninindigan sa kapamahalaan ng Biblia. Sinabi niya, “Ako ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng Biblia at ang aking budhi ay naka-angkla sa Salita ng Diyos.”[3]
Sa kanyang tugon kay Luther, ang imperyal na kalihim na naroroon ay nangatwiran, “Kung hahayaan natin na sinumang sumalungat sa konseho ng simbahan at sa kinagisnang paniniwala nito ay dapat na (sagutin) sa pamamagitan ng Biblia, ang Kristiyanismo ay mawawalan ng katiyakan.”[4] Pananaw ng mga opisyales na Katoliko na ang indibidwal na pagbabasa ng Biblia ay maghahatid ng kaguluhan.
► Kung ang bawat Kristiyano ay hahayaan na ipaliwanag ang Biblia para sa kanyang sarili, paano kaya makakamit ang pagkakaisa sa Iglesia?
Ang Iglesia
Ano ang iglesia? Ang sagot ng Simbahang Romano Katoliko, “Ang tunay lamang na iglesia at ang tanging pinagmumulan ng kaligtasan ay ang simbahan na pinamumunuan ng Roma.”
Noong bumisita si Luther sa Roma noong 1510 at nakita niya ang makasalanang pamumuhay ng mga obispo at kardinal roon, naunawaan niya na ang Simbahang Romano Katoliko ay tumalikod na mula sa katotohanan ng Diyos. At sa kanyang patuloy na pag-aaral ng Biblia, natuklasan niya na sa pamamagitan ng pananampalataya, ang mga indibidwal na mga mananampalataya ay maaaring direktang lumapit sa Diyos na hindi kinakailangan ang pamamagitan ng mga pari at rituwal ng simbahan. Sa kanyang sulat, ikinatuwiran ni Luther na hindi hinayaan ng Simbahang Romano Katoliko ang mga mananampalataya na magkaroon ng bukas na daan tungo sa Diyos. Subalit ayon sa turo ng mga Repormista, “ang lahat ng mga mananampalataya ay mga pari na tinawag ng Diyos upang maghatid ng mga espirituwal na handog sa Kanya.” Ang iglesia ay binubuo ng lahat ng mga tunay na mananampalataya.
Ang ganitong pananaw ni Luther sa simbahan ay nakaapekto sa kanyang mga susunod pang katuruan. Tinanggihan niya ang katuruan ng Romano Katolikong simbahan tungkol sa dami ng mga rituwal na kinakailangan. Tanging ang bautismo at Banal na Hapunan ng Panginoon ang kanyang tinanggap bilang biblikal. Parehas niya ring ibinibigay sa kongregasyon ang tinapay at alak, sa halip na tinapay lamang, na gaya ng ginagawa ng Simbahang Katoliko nang panahong iyon.
Matapat na Pamumuhay Kristiyano
Anong uri ng buhay ang nakalulugod sa Diyos? Ang sagot ng Simbahang Romano Katoliko, “Tanging ang mga monghe at pari ang siyang ganap na namumuhay ng deboto para sa Diyos.” Naniniwala silang ang mga ordinaryong manggagawa na mayroong pamilya ay hindi maaaring maging banal at matuwid.
Ayon kay Luther, ang mga Kristiyano ay tinatawag na paglingkuran ang Diyos sa anumang trabaho. Lahat ng kapaki-pakinabang na hanapbuhay ay pinagpapala ng Diyos. Lahat ng mga Kristiyano ay tinatawag na mamuhay ng may buong pagsunod sa Diyos. Hinikayat rin ni Luther ang mga ministro na mag-asawa at noong 1525, pinakasalan niya ang dating madre na si Katherine von Bora.
[5]Ipinangaral ni Luther na ang mga mabubuting gawa ay bunga, hindi bukal o sanhi ng espirituwal na buhay. “Ang mga mabubuting gawa ay hindi nagpapabuti sa isang tao, subalit ang mabuting tao ay gumagawa ng mga mabubuting gawa.” Sa madaling salita, para sa mga Repormista, ang buhay Kristiyano ay hindi pagsusumikap na makamit ang kaligtasan sa pamamagitan ng sariling gawa, kundi pagsasagawa ng mabuti bilang masayang pagtugon sa kaligtasan.
Ang pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi layunin ng paglagong Kristiyano. Sa halip, ang isang mananampalataya na pinawalang-sala na ay nagsisimula sa proseso ng pagiging isang disipulo na naghahatid ng pagbabago sa lahat ng bahagi ng kanyang buhay. Si Dietrich Bonhoeffer, ay isa sa pinakasikat na Lutheran ng ika-20 siglo. Nagbigay siya ng babala tungkol sa maling pananaw sa biyaya: yaong ideya na mayroon raw matatanggap na kapatawaran kahit na walang pagsisisi sa mga kasalanan. Ayon sa kanya, ang ganitong “biyaya” ay “biyaya na walang diwa ng pagiging isang disipulo; biyayang walang krus…”
Hindi plano ng Diyos para sa mga mananampalataya na umiwas sa lipunan at mamuhay na parang monghe. Hindi niya plano na mamuhay ng makamundo ang Kristiyano. Sa halip, tinawag ng Diyos ang mga Kristiyano na mamuhay na sumusunod sa kanyang Salita sa anumang lugar at oras na kanilang kinalalagyan.
► Sa mga simbahang kilala mo, anong uri ng tao ang itinuturing na pinakabanal at espirituwal? Ano ang mga biblikal na katangian ng isang makaDiyos na tao?
► Gamit ang memorya, ilista ang apat na katanungan na naging sentro ng Repormasyon? Sa 1-2 pangungusap, ibuod ang sagot ng mga Repormista sa mga tanong na ito.
Mga Naging Epekto ng Katuruan ni Luther
Ang hangarin ni Luther ay ang magkaroon ng repormasyon sa loob ng Simbahang Romano Katoliko at hindi ang bumuo ng panibagong simbahan. Subalit noong 1521, pinagbawalan ng Simbahang Romano Katoliko si Luther at inakusahan siya na nagtuturo ng bulaang doktrina. Hindi nagtagal, ang Repormasyon ay lumaganap sa buong Germany at sa iba pang panig ng Europa. Sa loob ng 10- linggo noong 1521, isinalin ni Luther ang buong aklat ng Bagong Tipan sa wikang German, at nagkaroon ang Biblia sa wika ng mga tao. Sa mga sumunod na taon, isinalin rin niya ang mga liturhiya (ang mga nakasulat na bahagi ng panambahan) sa wikang German. Noong hindi pa niya ito ginagawa, ang panambahan sa simbahan ay idinaraos sa wikang Latin. Inilagay rin ni Luther ang pangangaral at pagtuturo ng Salita ng Diyos na siyang sentro ng panambahan, sa halip na ang mga rituwal ng simbahan.
Gayunpaman bilang isang tao, si Luther man ay mayroong nagawang pagkakamali sa kanyang ideya at pamumuno. May mga katuruan siya sa ibang mga usapin na hindi pa ganap na nalinang. Subalit, hindi maitatanggi na ang impluwensya ni Luther sa simbahang Kristiyano ay napakalaki. At bagamat may ibang mga dalubhasa at pinuno na tumulong sa pagpapaunlad at pagpapalaganap ng mga ideya ng Repormasyon, maraming mga mananalaysay ng simbahan ang naniniwla na si Luther ang siyang nagbigay ng matinding impluwensya sa Repormasyon.
Ang mga “Lamang” ng Repormasyon
Biblia Lamang
Biblia Lamang ang siyang ganap na awtoridad para sa buhay at doktrina.
Biyaya Lamang
Biyaya Lamang ang daan ng kaligtasan.
Pananampalataya Lamang
Pananampalataya Lamang ang siyang paraan upang matanggap ang kaligtasan.
Cristo Lamang
Si Cristo Lamang ang siyang nagkaloob ng ating kaligtasan.
Kaluwalhatian ng Diyos Lamang
Bilang mga mananampalataya, inuukol natin ang lahat ng bahagi ng ating buhay at pamumuhay para sa Kaluwalhatian ng Diyos lamang.
[1]Hango kay Bruce L. Shelley, Church History in Plain Language, 3rd edition (USA: Thomas Nelson, 2008), 238.
[2]Para sa higit pang kaalaman tungkol sa doktrina ng pagpapawalang-sala dulot ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, tingnan ang kurso sa Shepherds Global Classroom na pinamagatang Roma.
[3]Hango kay Mark A. Noll, Turning Points, 3rd edition (MI: Baker Academic, 2012), 146.
[4]Dapat tandaan na bagamat kinikilala ni Luther na ang Biblia ang siyang ganap na awtoridad sa lahat ng bahagi ng buhay, hindi niya itinuro na lahat ng tao ay may pantay na awtoridad sa pagpapaliwanag ng Banal na Kasulatan. Si Luther ay may mataas na paggalang sa mga sinaunang kredo at sa pag-aaral ng mga teksto sa wikang Hebreo at Griego. Ang maingat na pag-aaral ng Biblia ay mahalaga para kay Luther at sa iba pang Repormista.
[5]“Marami ang napa-isip na simple at madaling bagay ang pananampalatayang Kristiyano…Ito ay dahil sa hindi talaga nila ito nararanasan.”
- Martin Luther
Ang Paglaganap ng Ebanghelyo – Dumating ang Mabuting Balita sa Caribbean
Noong ika-16 at ika-17 siglo, ang pinaka-aktibong gawain ng pagmimisyon ay pinamumunuan pa rin ng Simbahang Romano Katoliko.
May ilang Europeanong bansa na nagsugo ng kanilang mga sundalo at kolonista upang magpalawak ng teritoryo sa iba pang panig ng mundo. Minsan, may mga pari na pumupunta sa mga bagong teritoryo na ito upang maglingkod sa kanilang mga ipinadalang mga kababayan roon at para na rin mangaral sa mga katutubo ng kolonyang iyon. Minsan, hindi makatarungan ang pagtrato na ginagawa ng mga Europeano sa mga katutubo at minsa’y nagsasagawa sila ng pang-aalipin. Gayunpaman, maraming mga misyonero ng Simbahang Romano Katoliko na masasabing may tunay na pagmamahal sa Diyos at hangad na ipalaganap ang ebanghelyo. Kapansin-pansin na ang tunay na espirituwalidad ay madalas na makikita sa mga misyonero at lokal na mga pari ng Simbahang Katoliko kaysa sa mga opisyales na nasa Roma.
Ang isang halimbawa ng isang Katolikong misyonero na tunay na nagmamahal sa Diyos at nagmamalasakit sa mga tao ay si Bartolomé de las Casas (1484-1566). Sa edad na 18, itinalaga niya ang sarili sa pagmimisyon at pagpapalaganap ng ebanghelyo. Noong 1502, dumating siya sa isang isla na ngayon ay tinatawag na Haiti at Dominican Republic.
Naging kaugalian ng mga sumasakop na Espanyol na magkaroon ng mga alipin mula sa mga katutubo ng isang bansa; nagkamali sila na tawagin ang mga ito na Indian. Para sa mga Espanyol, ginawa raw nila ito upang maituro sa mga katutubo ang pananampalatayang Kristiyano. Subalit nakita ni las Casas ang kalupitan at kawalang katarungan sa sistemang ito. Kaya siya’y naging tagapagtanggol ng mga katutubo at nagawa niyang hikayatin ang gobyerno ng Espanya na ipasa ang batas na magtatanggol sa mga katutubo. Dahil rito, siya ay binansagang “Tagapagtanggol ng mga Indian.”
Ang mga liham ni Casas ay nagpapakita na ang kanyang mga ginawang pagtatanggol ay bunsod ng kanyang paninindigang Kristiyano. Tulad ni William Carey paglipas ng tatlong siglo, nakita ni Casas na ang pagmamahal sa Diyos ay nangangahulugan ng pagmamahal sa kapwa. Ang ganitong pagmamahal ang siyang gumabay ng kanyang pananaw sa mga panlipunang polisiya.
► Paanong ang iyong paninindigang Kristiyano ay nakakaapekto sa iyong pananaw sa kapwa? Maaari ka bang makapagbigay ng mga partikular na halimbawa kung paanong ipinapakita ng iyong simbahan ang pagmamahal sa kapwa sa inyong lipunan? Ano ang ilang mga kaparaanan na ang ebanghelyo ay gumawa ng pagbabago sa kalagayan ng mga tao sa inyong lipunan?
Si Ulrich Zwingli at ang Swiss na Repormasyon
Si Ulrich Zwingli[1] (1484-1531) na taga-Switzerland ay kasabay na nabuhay ni Martin Luther sa panahong din iyon. Si Zwingli ay naordinahan sa edad na 20 at nagpastor sa Glarus sa loob ng 10 taon. Noong 1518, siya ay tinawag na magpastor sa Zurich, Switzerland. Sa Zurich, si Zwingli ay namuno ng repormasyon tulad ng pamumuno ni Luther sa Germany. Ayon kay Zwingli, natuklasan niya ang katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Biblia at hindi mula kay Luther.
Tinangkilik ni Zwingli ang pagsasalin ng Biblia tungo sa wika ng mga tao. Pinalitan niya ang mga tradisyunal at rituwal na panambahan ng pagsambang nakatuon sa sentralidad ng Biblia. Noong Enero 1, 1519, pinasimulan ni Zwingli ang serye ng mga sermon sa buong Bagong Tipan. Ang mga taong nakaugaling makinig ng mga liturhiya sa wikang Latin (ang nakasulat na bahagi ng panambahan) ay sa wakas nakarinig ng malinaw na kapahayagan ng Salita ng Diyos. Ang eksposisyon ng Biblia (maingat na pagtuturo ng mga nasusulat sa Biblia) ay mahalaga para sa mga Repormista.
Mayroong dalawang pangunahing pananaw si Zwingli na iba kay Luther. Ang isa ay may kinalaman sa Banal na Hapunan ng Panginoon. Bagamat tinutulan ni Luther ang paniniwala ng Simbahang Romano Katoliko na ang tinapay at alak ay nagiging literal na katawan ni Cristo sa oras ng pagdiriwang ng Hapunan, naniniwala naman si Luther na si Cristo ay pisikal na nananahan sa mga sangkap ng komunyon. Si Zwingli ay hindi naniniwala sa pananaw ng mga Katoliko at ng mga Lutheran pagdating sa komunyon. Nakita niya ang Banal na Hapunan bilang pag-alaala o sagisag lamang ng kamatayan ni Cristo.
Ang ikalawang pagkakaiba ay may kinalaman sa aplikasyon ng Biblia, bagamat bawat pinuno ay naniniwala na ang Biblia ang kanilang mataas na kapamahalaan.
Naniniwala si Luther na anumang bagay na hindi ipinagbabawal sa Biblia ay maaring gamitin sa pagsamba. Sa kabilang banda, naniniwala si Zwingli na anumang bagay na hindi partikular na inuutos sa Biblia ay bawal. Ang magkaibang pananaw na ito ay naghatid ng malaking pagkakaiba sa panambahan. Si Luther ay naghatid ng iba’t ibang gawi sa pagsamba, gaya ng paggamit ng pipe organs, pagkakaroon ng koro, at mga bagong himno. Kabaligtaran nito, inalis ni Zwingli ang organ sa simbahan sapagkat hindi siya makakita ng talata na nagpapahintulot ng paggamit nito sa pagsambang Kristiyano. Sa ganito ring dahilan, hindi pinahintulutan ni Zwingli ang paggamit ng mga kandila, mga estatwa, at instrumental na musika sa mga Swiss na simbahan.
► Saglit na sagutan ang mga katanungang ito. Ano ang ugnayan na mayroon sa pagitan ng turo ng Biblia at ng mga gawi ng pagsamba sa iyong simbahan? Ang iyo bang simbahan ay napapasunod ng isa sa dalawang pananaw na ito kapag gumagawa ng kapasyahan pagdating sa gawi ng pagsamba?
Anumang bagay na hindi ipinagbabawal ng Biblia ay maaaring gamitin sa pagsamba.
Anumang bagay na hindi partikular na inuutos ng Biblia ay bawal gamitin sa pagsamba.
Ang pagkakaiba sa pagitan ni Luther, Zwingli, at iba pang tulad nila ay naghatid ng iba’t ibang denominasyon sa loob ng Protestantismo. Sa halip na mayroong isang Protestanteng simbahan, nagkaroon ng maraming mga simbahan na may mga natatanging mga katuruan at gawi.
[1]Ang pangalan ni Zwingli ay madalas bigkasin na Huldrych Zwingli.
Si John Calvin at ang Nabagong Teolohiya
Si John Calvin (1509-1564) ay sumunod sa yapak ng mga Repormasyong prinsipyo ni Luther at sumang-ayon sa kanya sa mga sagot sa apat na katanungan – na ating tinalakay sa simula ng aralin na ito.
[1]Si John Calvin ay isang matalinong mag-aaral sa Unibersidad ng Paris, kung saan doon ay natutunan niya ang mga ideya ng Repormasyon. Ang kanyang pagsuporta sa mga prinsipyo ng Protestantismo ay naghatid sa kanya na sumalungat sa mga opisyales, at dahil rito’y tumakas siya patungo sa Switzerland. Sa Switzerland, inilathala ni Calvin ang kanyang maimpluwensyang aklat na Institutes of the Christian Religion. Ang kanyang ginawang pagpapatingkad o rebisyon sa aklat ay umabot ng halos 25 taon. Nagsulat rin siya ng mga komentaryo sa maraming aklat ng Biblia.
Noong 1536, si Calvin ay nanirahan sa Geneva, Switzerland na taglay ang opisyal na titulong “Propesor ng Banal na Kasulatan.” Ang Geneva ay naging sentro para sa mga Protestante na naglalakbay mula sa iba’t ibang panig ng Europa upang matutunan ang teolohiya ni Calvin. Si Zwingli ay may malaking impluwensya sa mga bahagi ng Switzerland na nagsasalita ng German; ang malakas na impluwensya naman ni Calvin ay nasa mga bahaging nagsasalita ng Pranses. Ang mga Presbyterian na mga simbahan at ilang mga simbahan na gumagamit ng katagang Reformed bilang pangalan ng kanilang simbahan ay bumabalik sa theologian na Pranses bilang kanilang ugat at pinagmulan.
Sa lahat ng bahagi ng katuruan ni Calvin, binigyang diin niya ang dakilang soberanya ng Diyos. Hinggil sa kaligtasan, naniniwala si Calvin na pinili na ng Diyos kung sino ang maliligtas at kung sino ang hahatulan. Pagdating sa gobyernong sibil, naniniwala siya na dapat sikapin ng iglesia na itatag ang kaharian ng Diyos dito sa lupa.
Sina Luther at Calvin ay may magkaibang paniniwala tungkol sa relasyon ng iglesia at ng estado. Para kay Luther, ang pamahalaan ay may kapangyarihan, sa pamamagitan ng mga pinuno nito, na magpasya kung ano ang relihiyon na para sa bawat rehiyon. Subalit ang turo ni Calvin na ang sibil na gobyerno ay walang awtoridad sa iglesia, gayunma’y dapat na gabayan ng iglesia ang mga namumuno sa gobyerno.
Tinangka at sinikap ni Calvin na isaayos ang istraktura ng Geneva bilang isang Kristiyanong lipunan. Bagamat sa isang pagkakataon ay nagawa siyang palayasin ng kanyang mga kaaway mula sa lungsod na ito sa loob ng tatlong taon, subalit muli siyang nakabalik sa kanyang espirituwal na pamumuno sa siyudad na ito at namuno rito hanggang sa araw ng kanyang kamatayan. Ipinag-utos niya na ang bawat mamamayan ng lungsod ay dapat magpahayag ng pananampalataya. Nagbigay rin siya ng edukasyon para sa lahat ng tao. At kapag ang mga tao ay hindi namumuhay ng alinsunod sa Biblia, hindi niya sila pinapapasok at binibigyan ng bahagi sa simbahan.
Habang itinuring ni Luther ang pamahalaan na isang makapangyarihan, tutol naman si Calvin sa ganap na kapangyarihan ng mga pinuno ng gobyerno. At sa sumunod na henerasyon, tututulan ng mga Calvinist ang makakapangyarihang monarkiya sa Europa. Sa Pranses, nilabanan ng mga Calvinist Huguenots ang monarkiyang Katoliko. Sa Netherlands, ang mga ministeryong Calvinist ay nag-rally at nag-anyaya sa mga bansa na ibagsak ang pamamahala ng Katolikong Espanya. At sa Scotland, matagumpay na napigilan ni John Knox ang isang Reyna na tinaguriang “Bloody Mary” na gustong ibalik ang bansa sa Katolisismo.
►Inisip nina Luther at Calvin na ang gobyerno at iglesia ay dapat na magkaisa sa kanilang awtoridad upang magkaroon ng mga Kristiyanong mamamayan. Paanong ang iyong lipunan ay naiiba? Ano sa palagay mo ang dapat na maging relasyon ng gobyerno at simbahan?
[1]“Kung ang pinakadakilang talata ni Luther ay
‘Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya,’
Ang pinakadakilang talata naman ni Calvin ay,
‘Mangyari ang iyong kalooban,
Dito sa lupa tulad ng sa langit.’”
-Bruce Shelley, Church History in Plain Language
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Mong Makikilala: Jacobus Arminius
Si Jacobus Arminius (1560-1609)[1] ay isang Dutch theologian na humamon sa ilang katuruan ni Calvin. Ayon sa turo ni Calvin, ang Diyos ay lumikha ng mga taong tatanggap ng kaligtasan at mga taong hahatulan. Ang doktrinang ito ay nagtuturo na ang Diyos ay nagpasya na, bago pa lang maganap ang Pagbagsak nina Adan at Eva, kung sino ang maliligtas at kung sino ang mapapahamak.
Si Arminius ay nag-aral sa ilalim ng pagtuturo ni Theodore Beza na siyang humalili kay Calvin bilang pinuno ng simbahan sa Geneva. Paglipas ng panahon, nagsimulang tanungin ni Arminius ang ilang mahahalagang aspeto ng teolohiya ng Calvinismo, habang naglilingkod siya bilang pastor sa Amsterdam.
Habang pinag-aaralan niya ang Roma 7, nakumbinsi si Arminius na ang mananampalataya ay maaaring mamuhay na malaya mula sa makasalanang pagnanasa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Sa tulong ng pananaw ng mga sinaunang tagapagturo sa iglesia, nakita ni Arminius na ang Roma 7 ay larawan ng isang hindi naipanganak muli na tao. Ang di-naipanganak muli na tao ay pinukaw ng Banal na Espiritu at mayroong “pagnanais na gumawa ng mabuti subalit walang kakayahan na ito ay isakatuparan” (Roma 7:18). Nagpapatuloy pa rin siya sa paggawa ng kasalanan bagamat nalalaman niyang mali iyon. Subalit ang pagbabago ay matatagpuan sa Roma 8:1-2; “Ngayon nga'y wala nang kahatulan sa mga na kay Cristo Jesus. Sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhay na na kay Cristo Jesus ay nagpalaya sa atin mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.”
At nang makarating siya sa Roma 9, nagsimulang tanungin rito ni Arminius ang katuruan ni Calvin hinggil sa ginawang pagpili ng Diyos sa simula’t-simula pa lang kung sino ang maliligtas at kung sino ang mapapahamak; na kung saan sa turong ito ay sinasabi na walang anumang paraan upang mabago ang itinakdang kapalaran ng isang tao. Tinutulan ni Arminius ang ideya na ang isang lubos na mapagmahal na Diyos ay magkakait ng biyaya sa sinuman. Naniniwala si Arminius na ang biyaya ay walang bayad at para sa lahat ng tao. Kaya ipinasya niyang paniwalaan na sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo, ginawang posible ng Diyos para sa lahat ng tao ang makapagsisi, sumampalataya sa ebanghelyo, at magtamo ng kaligtasan.
Itinuro ni Arminius na ang desisyon na ginawa ng Diyos hinggil sa kaligtasan ay isang “walang hanggan at mapagbiyayang panukala kay Cristo, na kung saan ipinasya niya ang pagpapawalang-sala at kupkupin ang mga mananampalataya at bigyan sila ng buhay na walang hanggan…” Ang Diyos ay nagpasya na iligtas ang sinumang sasampalataya (Juan 3:16).
Subalit ang mga Calvinist ay naniniwala na dahil sa makasalanang kalikasan ng tao, hindi magawa ng tao na piliin ang kaligtasan maliban na kontrolin ng Diyos ang kanilang mga kalooban. Ayon sa maraming Calvinist, ang katuruan ni Arminius ay tumatanggi sa kapangyarihan ng orihinal na kasalanan at nagbibigay sa tao ng kapangyarihan na makamit ang kaligtasan. Subalit hindi itinatanggi ni Arminius ang orihinal na kasalanan. Sa halip, itinuro niya na ang biyaya ng Diyos ay nananaig sa kapangyarihan ng orihinal na kasalanan at nagbibigay sa bawat tao ng posibilidad na piliin ang kaligtasan.
Sina Calvin at Arminius ay kapwa may malaking impluwensya sa mga katuruan ng mga modernong simbahan. Halimbawa, ang Simbahan sa Inglatera ay bumuo ng isang kredo na tinaguriang Westminster Confession of Faith batay sa mga katuruan ni Calvin. Ang Presbyterian na simbahan ay sumusunod sa mga katuruan ni Calvin. Samantala, ang mga orihinal na simbahang Methodist ay sumusunod naman sa mga katuruan ni Arminius, bagamat may ilang mga Methodist na simbahan ngayon na tumatangging sila ay Arminian. Maraming Baptist na simbahan naman ay nagtataglay ng mga doktrina na masasabing nasa pagitan o gitna na dalawang doktrinal na pananaw na ito.
Calvinismo
Arminianismo
Ganap na Walang Ugnayan. Ang tao ay ganap na walang ugnayan at walang kakayahan na tumugon sa biyaya ng Diyos hanggang hindi binubuhay ng Diyos ang kanilang espiritu.
Wala tayong kakayahan na tumugon sa Diyos sa sarili nating kakayahan, subalit ang Diyos ay nagbibigay ng kakayahan sa tao na tumugon sa ebanghelyo.
Walang Kondisyon na Paghirang. Pinili na ng Diyos mula pa lang sa walang hanggan kung sino ang maliligtas. Ang Diyos ay hindi nagbigay ng biyaya sa mga taong hindi niya ipinasyang maligtas.
Panukala ng Diyos mula sa walang hanggan na iligtas ang lahat ng sasampalataya kay Cristo.
Limitadong Pagtubos. Ang kamatayan ni Cristo ay nagkaloob ng katubusan para lamang sa mga ipinasya ng Diyos na maligtas.
Si Cristo ay namatay para sa lahat ng tao.
Di-Mapipigilang Biyaya. Ang mga taong pinili ng Diyos na maligtas ay walang kakayahan na tanggihan ang kanyang biyaya.
Ang Diyos ay nagbibigay ng kakayahan sa tao na magsisi at sumampalataya, subalit hindi pinipilit ng Diyos ang kanilang kalooban.
Pagsisigasig ng mga Mananampalataya. Silang mga niligtas ng Diyos ay magpapatuloy hanggang wakas; hindi sila mahuhulog mula sa kalagayan ng biyaya.
Ang pinal na kaligtasan ay naka-angla sa pagpapatuloy ng isang mananampalataya kay Cristo.
► Paano mo susuriin at titimbangin ang paniniwala ng mga Calvinist at Arminian sa biblikal na paraan at pananaw? Ano sa palagay mo ang epekto ng bawat paniniwala sa gawi at pagsasakatuparan ng ministeryo?
[1]Imahe: “British Library digitised na imahe na hango sa pahina 512 ng ‘Algemeene geschiedenis der Vaderlands...’”, hinango mula sa British Library https://www.flickr.com/photos/britishlibrary/11018029026, “Walang sinasabing restrikyon sa karapatang-aralin.”
Konklusyon: Mga Lakas at Kahinaan ng Gobyerno na Repormasyon
Bawat ebanghelikal ay dapat na magkaroon ng malalim na pasasalamat sa mga mga Repormistang Nauugnay sa Gobyerno. Sa pamamagitan ni Martin Luther, muling nakamtan ng mga mananampalataya ang magalak sa mga biblikal na katuruan tungkol sa pagpapawalang-sala na dulot ng biyaya at sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa pamamagitan ni Ulrich Zwingli, ang ebanghelikal na simbahan ay natutong gumalang sa maingat na pagtuturo ng Biblia. Sa pamamagitan ni John Calvin, tayo ay pinapaalalahanan tungkol sa kahalagahan ng doktrina ng soberanya ng Diyos. Tunay na ginamit ng Diyos ang mga Repormista upang muling pukawin at ibangon ang kanyang Iglesia mula sa maraming siglo ng pagkakalubog.
Subalit, ang pag-aaral sa buhay ng mga Repormista ay nagpapaalala rin sa atin na ang Diyos ay gumagamit ng mga di-perpektong tao. Ibinalik ni Martin Luther ang pagbibigay diin sa pagpapawalang-sala na dulot ng biyaya at sa pamamagitan ng pananampalataya, gayunma’y nabigo siyang maunawaan ng lubos ang nagpapabagong kapangyarihan ng biyaya upang gawing banal ang isang mananampalataya. Ang paggamit ni Zwingli ng puwersang militar upang itaguyod ang Protestantismo sa mga rehiyong Katoliko ay batay sa kanyang maling pagkakaunawa kung paano papalaganapin ang kaharian ng Diyos. At bagamat si John Calvin ay dapat na igalang sa kanyang mataas na pananaw sa kadakilaan at kapangyarihan ng Diyos, madalas naman niyang di mapansin at di mapaglaan ng turo ang pag-ibig ng Diyos para sa lahat ng tao.
Ang aral ay ito: Dapat na lagi tayong bumalik sa Salita ng Diyos bilang ating ganap na awtoridad. Walang sinumang tagapagturong tao na hindi nagkakamali. At bagamat dapat na matuto tayo mula sa tradisyon at mga dakilang tagapagturo sa nakaraan, ang atin pa ring ganap na awtoridad ay ang Biblia. Ito ang dahilan kung bakit binigyang diin ng mga Repormista ang prinsipyo ng Biblia lamang. Ang Banal na Kasulatan ang siyang dapat na maging ganap na awtoridad natin pagdating sa doktrina at pamumuhay.
Aralin 1, Mga Takdang Aralin
(1) Gamit ang memorya, isulat ang limang “Lamang” na pangungusap ng Repormasyon. Para sa bawat pangungusap, magsulat ng karagdagang dalawang pangungusap na ipinapaliwanag kung bakit ito mahalaga. Ano ang problema na sinasagot ng mga repormista nang binuo nila ang bawat pangungusap?
(2) Pumili ng apat sa mga tanong-pantalakayan sa araling ito at magsulat ng 1-2 talata para sa bawat isa.
(3) Sa iyong isusulat, ipakita mo ang pagkakatulad at pagkakaiba sa pagitan ng mga turo ng Calvinismo at Arminianismo.
(4) Magbigay ng dalawang partikular na mga aral na matututunan mula sa buhay ng bawat pinuno ng simbahan. Maaari mo itong ibahagi sa klase sa susunod ninyong pagkikita.
Martin Luther
Ulrich Zwingli
John Calvin
Jacobus Arminius
Proyekto ng Kurso
Ang iyong tagapagturo ang magbibigay ng takdang petsa para sa proyekto sa kurso. Magpapasa ka ng 6-8 na pahina hinggil sa paglaganap ng Kristiyanismo sa iyong bansa o sa kinabibilangan mong lipunan. Ang papel na ito ay naglalaman ng tatlong bahagi:
Ang kwento ng pagdating ng ebanghelyo sa iyong mga kababayan
Isang pagsusuri sa kalakasan ng simbahan sa iyong pamayanan
Isang pangitain o hangarin para sa pagpapaunlad at impluwensya ng simbahan sa susunod na 20 taon
Kung aaprubahan ng inyong tagapamuno, maaari mong gawin ang paghahanda ng papel na ito na kasama ang iyong kaklase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.