Sa araling ito, tutunghayan natin ang yugto sa kasaysayan na nagsimula sa Kasunduang Pangkapayapaan sa Westphalia noong 1648 at nagtapos sa Rebolusyong Pranses noong 1789. Tutunghayan natin rito ang dalawang magkaibang pagbabago, ang rationalismo at revival.
Una, ang pangangatuwiran ng isip ng tao ang siyang naging ganap na awtoridad para sa maraming tao. Ang yugto na ito ay madalas na tawaging “Enlightenment” o “Age of Reason.” Gayunpaman, ang mas tumpak na tawag sa panahong ito ay “Panahon ng Rationalismo.” Ang Rationalismo ay isang paniniwala na ang pangangatuwiran ng isipan ng tao ang siyang pinakamataas na awtoridad. Ang mga Kristiyano ay laging may pagpapahalaga sa isipan, subalit sa panahon ng Enlightenment, ang isipan ay naging nag-iisang awtoridad para sa maraming tao.
Ikalawa, sa loob ng panahong ito, mayroong revival na lumaganap sa mga kolonya ng Inglatera at Amerika. Ang bunga ng revival ang siyang nagsilang sa modernong gawain ng pagmimisyon, naghatid ng mga pagbabago sa mga lipunan ng Britanya at Amerika, at naghatid ng personal na pagbabago sa buhay espirituwal.
Ang Paglago ng Rationalismo
Sa panahon ng Repormasyon, ang katuwiran ng isipan ay mahalaga. Gayunpaman, ang kapahayagan ng Diyos pa rin ang siyang ganap na awtoridad. Ipinakita ng mga Repormista na ang Biblia ang siyang awtoritatibong kapahayagan ng Diyos. Ang katuwiran ng isipan ay tumulong sa mga Repormista na maintindihan ang katotohanan ng Diyos; hindi ito sumasalungat sa katotohanan ng Diyos.
Ngunit sa pananaw na rationalismo, pinalitan ng pangangatuwiran ng isipan ang Biblia bilang ganap na awtoridad. At dahil rito, maraming tao ang tumalikod sa katotohanan ng Kristyanismo sapagkat inakala nilang salungat ang mga ito sa katuwiran ng isipan. Ang awtoridad ng Biblia ay hindi itinuring na sapat na katibayan para sa Kristyanismo. Sa halip, ang katuwiran ng isip ang siyang naging awtoridad; maaaring tanggapin ng isang tao ang Kristyanismo, ngunit bilang paraan lamang ng kasiyahan sa buhay.
Mga Pinagmulan ng Rationalismo noong panahon ng Renaissance (1300-1700)
Noong ika-16 at ika-17 mga siglo, ang interes sa pag-aaral ng Banal na Kasulatan ay pinantayan rin ng interes ng pag-aaral sa mga kasulatan ng sinaunang kabihasnan ng Griego. Si Erasmus na naghatid ng Bagong Tipan sa wikang Griego ay naghatid rin ng panibagong pag-aaral sa mga klasiko ng Griego.
Ang ganitong yugto sa kasaysayan ay tinawag na “Renaissance.” Ang salitang “Renaissance” ay nangangahulugan ng “muling pagsilang.” Wala itong kinalaman sa partikular ng petsa o panahon, kundi sa panibagong paraan ng pag-iisip o sa isang pilosopikal na pananaw. Napukaw sa mga siglong ito ang pagkakaroon ng interes na pag-aralan ang sinaunang mga kasulatan at pilosopiya.
Kapansin-pansin na ang Renaissance at Repormasyon ay parehas na naganap sa isang yugto ng panahon, subalit malaki ang kanilang pagkakaiba pagdating sa pananaw sa tao. Nakita ng mga Repormista ang sangkatauhan ay bumagsak sa kasalanan; ang kanyang higit na pangangailangan ay biyaya ng Diyos. Samantala, nakita ng mga pilosopo ng Renaissance ang sangkatauhan bilang punong-puno ng potensiyal; ang kanyang higit na kailangan ay edukasyon.
Para sa mga pilosopo ng Renaissance, ang tao ang siyang ganap na pinagmumulan ng awtoridad. Si Descartes (1596-1650) ang naglatag ng ganitong uri ng pananaw. Para sa kanya, upang mahanap ang katotohanan, kailangan muna ng tao na magsimulang pagdudahan ang lahat ng bagay. Gayunpaman, hindi niya maaring pagdudahan ang kanyang sarili. At mula sa ganitong katotohanan, maaaring magbigay ng pangangatuwiran ang tao sa iba pang mga katotohanan, kasama na ang pag-iral ng Diyos.
Dumating si Descartes sa pananaw na mayroong Diyos, subalit ang kanyang narating na konklusyon ay lubhang naiiba mula sa mga Repormista. Para sa mga Repormista, ang Salita ng Diyos ang ganap na awtoridad; subalit para kay Descartes at sa mga pilosopo ng Renaissance, ang Salita ng Diyos ay kailangang bigyang tibay ng pangangatuwiran ng tao. Ito ay nagbigay ng panibagong pananaw hinggil sa awtoridad. Ang pangangatuwiran ng tao, at hindi ang kapahayagan ng Diyos, ang siyang naging ganap na kapamahalaan. At ang pananaw na ito ni Descartes ang siyang sinundang pananaw ng mga sumunod na pilosopo. Sila ay nagsimula sa pangangatuwiran ng isipan ng tao sa halip na sa Salita ng Diyos. Subalit gamit ang ganitong pananaw, nagkaroon sila ng iba’t ibang konklusyon na laban sa Salita ng Diyos; hindi nila ito binigyang tibay.
► Ang pangangatuwiran ba ng tao ay laging mapagkakatiwalaan? Ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa mga taong nagtitiwala sa kanilang sariling karunungan?
Ang Panahon ng Enlightenment (1650-1800)
Sa pagtatapos ng ika-17 siglo, si Isaac Newton ay naglathala ng kanyang pag-aaral tungkol sa gravity bilang pangunahing prinsipyo ng mosyon sa sansinukob. Ang pananaliksik ni Newton ay nagpasimula ng isang siglo ng siyentipikong pag-unlad. May dalawang tugon sa mga tuklas ni Newton at sa bagong mundo ng agham.
Ang mga Kristiyano ay tumugon sa mga tuklas ni Newton sa pamamagitan ng pagbibigay ng harmonya sa pagitan ng katuwiran ng isip at pananampalataya. Alam ng mga Kristiyano na ang Diyos ay nagsasalita sa dalawang paraan: sa Biblia at sa kalikasan. Ang kalikasan ay pinagmumulan rin ng kapahayagan ng Diyos. Ayon sa salmista, “Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan, at ang mga gawa ng kanyang kamay ay inihahayag ng kalawakan” (Awit 19:1). Gayunpaman, ang Salita ng Diyos pa rin ang ganap na kapahayagan. Patuloy ng salmista, “Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagpapanauli ng kaluluwa; ang patotoo ng Panginoon ay tiyak, na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman” (Awit 19:7).
Bagamat pinapahalagahan ng mga Kristiyano ang pananampalataya at katuwiran ng isip, ang mga di-mananampalataya ay kumakapit sa katuwiran ng isip lamang bilang tanging pinagkukunan ng katotohanan. Para sa mga di-mananampalatayang pilosopo, “Kung mauunawaan natin ang katotohanan sa pamamagitan lamang ng katuwiran ng isip, hindi na natin kailangan ang Biblia.”
Dahil, ang yugto na ito ng kasaysayan ang naglalaman ng maraming siyentipikong tuklas at pagbabago ng pilosopiya, ito ay binansagang Kaliwanagan o Enlightenment. Sa katagang ito, ang liwanag ay tumutukoy sa kalagayan ng tao na nakatatagpo ng liwanag ng katotohanan matapos ang maraming siglo ng kamangmangan. Sa yugtong ito, marami silang mga tinanggihang mga relihiyosong paniniwala at itinuring ang mga ito na kamangmangan. Ang panahon ng Enlightenment ay humigit-kumulang nasa mga taong 1650-1800, bagamat hindi lahat ng mga mananalaysay ay may pare-parehas na petsa.
Ang mga naunang mga pilosopo ng Enlightenment ay nagpatuloy sa kanilang pagsambit ng pananampalatayang Kristiyano, subalit tinatanggap lamang nila ang mga ito kung mapatunayan ng katuwiran ng isip. Halimbawa, isa sa mga mahahalagang tagapag-isip ng Enlightenment ay si John Locke (1632-1704). Hindi itinanggi ni Locke ang Kristyanismo; subalit dahil nilimitahan niya ang Kristyanismo sa mga prinsipyong kayang patunayan ng katuwiran ng isip na hiwalay sa kapahayagan ng Diyos, ipinakita niya ang paraan ng pag-iisip na naghatid sa iba na tanggihan mismo ang Kristyanismo.
Si Voltaire (1684-1778) at ang iba pang tulad niya ay nagtangkang palitan ang biblikal na kapahayaan ng katuwiran ng isip. Pagkatapos ng isang lindol na yumanig sa maraming lugar sa Lisbon noong 1755, nagsulat si Voltaire ng isang nobela na kung saan ay kinukutya niya ang Diyos ng Biblia.
May ilang mga pilosopo na nagturo na sakali man na mayroong Diyos na umiiral, tiyak na hindi siya ang Diyos ng Biblia. Ang Diyos na nabuo sa kanilang isipan ay siya na lumikha ng mundo, ngunit iniwan rin lang ito na kumilos ayon sa dikta ng kalikasan. Naniniwala rin ang mga pilosopo na ito na ang mga himala na naitala sa Biblia (kasama na ang muling pagkabuhay) ay mga kwento lamang na kinatha ng mga may-akda. Sa madaling salita, ang Biblia ay hindi na itinuturing na kapahayagan mismo ng Diyos.
Sinasabi ng mga pilosopo ng Enlightenment na sila ay naghahanap sa katotohanan. Subalit sa simula pa lang, binigyang kahulugan nila ang katotohanan sa paraang tumatanggi sa mga Kristiyanong katuruan. Para sa kanilang akala, ang katotohanan ay dapat raw na bigyang tibay at tiyakin sa pamamagitan ng batayang gawa ng tao at hindi ng Diyos.
Halimbawa, ang Scottish na pilosopo na si David Hume (1711-1776) ay hindi naniniwala sa mga himala. Sinabi niya na dahil hindi natin mapapatunayan na ang mga himala sa Bagong Tipan ay nangyari, hindi makatuwiran na sila’y paniwalaan. Ayon sa turo ng mga pilosopo, ang biblikal na kapahayagan ay hindi sapat na katibayan para anumang paniniwala. Hindi sila naniniwala sa mga historikal na katibayan para sa muling pagkabuhay.
► Anong mga problema ang nagkakaroon sa mga tao kapag sinusubukan nilang hanapin ang katotohanan na hiwalay sa Salita ng Diyos?
Sapagkat ang pananampalataya ay itinuring na kontra sa katuwiran ng isip, ang pananampalataya ay itinuring rin na personal na kapasyahan na walang kaugnayan sa realidad. Kaya, ang isang taong may pananampalataya ay hindi inaasahan na isabuhay ang itinuturing na relihiyosong katotohanan sa negosyo at publikong pamumuhay. Ang isang tao ay hindi dapat na maging mapagpuna sa relihiyosong paniniwala ng iba.
…Mula Noon hanggang Ngayon…
Ang mga ideya ng Enlightenment ay popular pa rin. Maraming tao ang tumanggap sa prinsipyo ng Enlightenment na ang pribadong pananampalataya ay hindi dapat na umapekto sa publikong pag-uugali. Halimbawa:
Sa Amerika, maraming mga tao na nagsasabing sila’y mga Kristiyano ay umaamin na ang kanilang mga relihiyosong paniniwala ay hindi nagsisilbing gabay sa kanilang mga kapasyahan sa negosyo.
Sa Tsina, isang pulitikong opisyal ay nagsabi, “Pinahihintulan namin ang ganap na kalayaan sa relihiyon – hangga’t hindi ninyo ibinabahagi ang iyong relihiyosong paniniwala sa iba.”
► Sa iyong lipunan, nadarama ba ng mga tao na walang sinuman ang dapat na makipagtalo tungkol sa relihiyon sapagkat ito ay personal lamang na kapasyahan? Nadarama ba ng mga tao na ang relihiyosong paniniwala ay hindi dapat gumabay sa kanilang mga ginagawa sa negosyo o publikong buhay? Paano ka tutugon sa ganitong mga pag-uugali?
Ang Rebolusyong Pranses (1789)
Kapag sinusubukan ng tao na pamahalaan ang mundong ito na hiwalay sa Diyos, ang resulta ay kaguluhan. Noong panahon ng Enlightenment, ang mga taong gaya nina Voltaire at David Hume ay sumubok na lumikha ng mundo na walang puwang ang Diyos. Lumikha sila ng mundo na kung saan ang sangkatauhan ay nabubuhay ng hiwalay sa kautusan ng Diyos.
Ano ang naging mga resulta ng kanilang pilosopiya? Ang mga bunga ng Enlightenment ay makikita sa Reboluysong Pranses noong 1789. Ang taong-bayan sa Pransiya ay naghimagsik sa hari at sa mga nasa mataas na katatayuan sapagkat nais nilang magtatag ng isang lipunan na may kalayaan para sa lahat. Sumiklab ang digmaan sa pagitan ng mga tagasuporta ng rebolusyon at tagasuporta ng hari. May ibang mga bansa na nagpadala ng mga hukbo para tulungan ang hari sa pakikipaglaban. Ngunit maliban sa kamatayan ng mga sundalo, may mga libo-libo pang pinatay ang mga pinuno ng Rebolusyon sapagkat ang mga ito ay mga mayayamang may-ari ng lupa na hindi naging patas sa mga mahihirap. Dagdag pa, pinatay rin nila ang sinumang pinaghihinalaang humahadlang sa rebolusyon. Maging ang isa sa kanilang mga heneral ay kanilang pinatay sapagkat nakagawa ito ng pagkakamali na nagpatalo sa kanila sa labanan.
Subalit 10 taon bago nito, pinalaya ng Amerikanong Rebolusyon ang Estados Unidos mula sa Great Britain. Maraming tao ang umasa na ang Rebolusyong Pranses ay maghahatid ng parehas na kalayaan sa Pransiya. Subalit ang mga rebolusyunaryo ng Pransya ay walang tamang pundasyon ng kalayaan sapagkat hindi sila naniniwala sa karapatang-pantao na kaloob ng Diyos.
Ang mga pinuno ng Rebolusyong Pranses ay mahigpit na mga kalaban ng Kristyanismo. Naniniwala sila na napatunayan ng katuwiran ng isip na ang Kristyanismo ay mali. Naniniwala rin sila na ang simbahan ay may malapit na kaugnayan sa hari at sa mga taong may mataas na katatayuan na umaapi sa mga mahihirap. Mahigit 30,000 mga pari ang napilitang magtago, inalis sa bagong kalendaryo ang lahat ng relihiyosong mga pagdiriwang, ang mga simbahan ay ginawang “Mga Templo ng Kaisipan” at ang altar sa Katedral ng Notre Dame ay ginawa trono para sa isang artistang babae na binansagang “Diyosa ng Kaisipan.”
Noong 1799, sapilitang kinuha ni Napoleon Banaparte ang kapangyarihan mula sa gobyerno ng Pransya na itinatatag ng Rebolusyon. At noong 1804, inihayag niya ang sarili bilang Emperador. Sa madaling salita, nabigo ang Rebolusyon na itatag ang isang permanenteng gobyerno na magbibigay sa mga mamamayan ng Pransya ng kalayaang gusto nila.
Isa sa mga dahilan ng kabiguan ng Rebolusyong Pranses ay dahil sa hindi ito nakabatay sa biblikal na paggalang karapatang-pantao, kundi sa pilosopiya ng Enlightenment na walang pakialam sa Diyos. Ang Rebolusyong Pranses ay itinayo sa pagluwalhati ng tao sa halip na sa pagluwalhati sa Diyos; ipinapakita niya ang kabiguan ng rationalismo ng Enlightenment.
Mga Tugon sa Rationalismo: Pietismo
Noong ika-17 at ika-18 mga siglo, ang mga Kristiyano ay kinailangang magpasya sa kanilang magiging tugon sa mga hamon ng rationalismo. Paano mapapanatili ng mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya sa harap ng mga pilosopo at tagapag-isip na nag-iisip na ang Kristyanismo ay isang alamat?
Ang tugon ng grupo na tinatawag na Pietismo ay ang pagbibigay diin sa personal na pananampalataya. Binigyang diin nila ang “relihiyon ng puso” higit kaysa sa organisadong istruktura ng simbahan at intelektwal na mga katanungan. Ang German na Pietismo ay bumuo ng tugon sa dalawang problema:
Akala ng mga tao na ang pananampalatayang Kristiyano ay pagiging miyembro ng simbahan at paniniwala sa ilang mga doktrina. (Ang Pietismo ay tumawag sa mga tao tungo sa buhay na pananampalataya at relasyon kay Cristo.)
Ang mga rationalista ay nagbigay ng mga pangangatuwiran na tumatanggi sa pananampalatayang Kristiyano. (Binigyang diin ng mga Pietista ang personal na karanasan sa pananampalataya na hindi nangangailangan ng pakikipagtalo sa mga rationalista.)
► Sa ilang mga bansa, ang mga Kristiyano na walang mahusay na pinag-aralan ay maaaring makadama ng kawalang kakayahan na makipagtalo sa mga atheista at iba pang mga relihiyon. Maaaring ang binibigyang diin nila ay personal na karanasan ng pananampalataya na hindi nakadepende sa katuwiran ng isip o katibayan. Ano ang lakas ng ganitong pamamaraan? Ano ang kahinaan?
Philip Jacob Spener (1635-1705)
Si Philip Jacob Spener ay isang Lutheran pastor sa Frankfort, Germany. Nang matuklasan niya na iilan lang sa mga Kristiyano sa lungsod na iyon ay namumuhay ng makaDiyos, nagsimula siyang mangaral ng mga sermon tungkol sa pagsisisi at pagiging isang disipulo. Habang sila ay nakikinig sa kanyang mga sermon na hango sa Sermon sa Bundok, marami sa mga miyembro ng simbahan ay naging mga tunay na Kristiyano sa unang pagkakataon. Bagamat marami ang nagsasabi na sila ay Kristiyano, wala naman talaga silang kaalaman sa realidad ng muling pagsilang.
Ang mga bagong Kristiyano na ito ay nagsimulang magpulong-pulong sa bahay ni Spencer para sa lingguhang pag-aaral ng Biblia. Kinutya ng maraming mga tao ang mga pagtitpon na iyong bilang “mga pagtitipon ng mga banal,” at tinawag ang mga taong dumadalo na “Pietista.” Ito ang naging simula ng Pietismo.
Si Spener ay may iminungkahi na anim na bahagi ng reporma. Ang mga ito ang siyang naging pangunahing binibigyang diin sa gawain ng Pietismo. Mungkahi ni Spener:
Ang Biblia ay dapat na higit na ginagamit ng mga Kristiyano.
Bawat Kristiyano ay dapat na tiwala sa kanyang direktang paglapit sa Diyos.
Ang Kristyanismo ay dapat na higit pa sa kaalaman; ang pananampalatayang Kristiyano ay dapat na makita sa araw-araw na pamumuhay.
Ang mga Kristiyano ay dapat na magpakita ng pag-ibig kapag tinatalakay ang mga kontrobersyal na doktrina.
Ang mga pastor ay dapat na sinanay sa banal na pamumuhay, hindi lang sa akademikong kaalaman.
Ang mga pastor ay dapat na mangaral ng mga sermon na tuwirang nangungusap sa pangangailangan ng mga ordinaryong tao.[1]
Kung iyong makikita, marami sa mga usaping ito ay bumabalik sa mga naunang tema ni Luther. Hinangad ng mga Pietista na ibalik ang Lutheranismo sa kanyang tunay at espirituwal na pansin.
August Hermann Francke (1663-1727)
Bahagi ng kanyang mga pinagsikapang reporma, si Philip Spener ay tumulong sa pagpapasimula ng Unibersidad ng Halle, malapit sa Berlin, Germany. Ang unibersidad na ito ay pinasimulan upang ipakita kung paanong ang Pietismo ay maaaring gamitin sa pagsasanay ng mga ministro.
Noong 1691, si August Francke ay hinirang na maging propesor ng Hebreo at theolohiya sa Unibersidad ng Halle. Si Francke ay naging pinuno ng gawain ng Pietismo at ipinagpatuloy ang pagtataguyod ng mensahe ng personal na pagbabalik-loob sa Diyos at pagiging isang disipulo na ipinangaral ni Philip Spener. Siya ay nagturo sa Unibersidad at nagpastor ng isang simbahan na malapit sa bayan; dahil rito, ang lungsod ng Halle ay naging sentro ng Pietismo.
Katulad ng mga sumunod na ebanghelikal, sinikap ni Francke na ipamuhay ang kanyang pananampalataya sa mga praktikal na paraan. Nagpasimula siya ng paaaralan para sa mga mahihirap, nagtatag ng mga bahay-ampunan at ospital, nagpatayo ng mga kabahayan para sa mga balo, at nag-organisa ng kompanya ng palimbagan ng Biblia. Noong 1705, isa sa mga tagasunod ni Francke, si Bartholomäus Ziegenbalg, ay naging kauna-unahang Protestanteng misyonero sa India.
Mga Misyonerong Prinsipyo ng Pietismo
Lahat ng Kristiyano ay dapat na turuan na bumasa upang mabasa nila ang Biblia.
Ang Biblia ay dapat na ihatid sa katutubong wika.
Dapat na pag-aralan ng mangangaral ang mga tao upang maunawaan sila.
Ang layunin ng lahat na misyonerong gawain ay ang pagbabalik-loob ng tao sa Diyos.
Ang isang lokal at katutubong simbahan na may kanyang sariling ministeryo ay dapat na itatag.
► Ang mga prinsipyong ito ay patuloy na mahalaga sa ebanghelismo at malusog na ministeryo. Talakayanin ninyo kung paanong ang inyong mga simbahan ay magagawang sumunod sa mga prinsipyong ito at maging epektibo sa pag-abot ng mga taong nangangailangan ng ebanghelyo.
Count von Zinzendorf (1700-1760) at ang mga Moravian
[2]Binabalikan ng mga Moravian ang kanilang kasaysayan sa Bohemian Brethren na mga tagasunod ni Jan Hus. Ang mga Moravia ay pinag-uusig at kinailangang tumakas mula sa kanilang mga tahanan sa Bohemia. Noong 1732, isang grupo ng mga Moravian ay humingi ng proteksiyon kay Count Nikolaus Ludwig von Zinzendorf.
Si Zinzendorf ay lumaki sa pamilya ng isang Pietista sa Halle, sa ilalim ng impluwensya ni August Francke. Inaasahan siyang maglingkod rin sa gobyerno katulad ng kanyang ama, subalit agad niyang iniwan ang kanyang posisyon at bumili ng isang malaking ari-arian. Ang pag-aari na ito ang siyang naging tahanan ng mga Moravian. Si Zinzendorf ang siyang tumayong pinuno sa komunidad na ito na tinawag na Herrnhut na ang kahulugan ay “Ang Bantay ng Panginoon.”
Ang naunang grupo ng 10 tao na pumunta sa Herrnhut ay lumago ng mahigit 300 saloob ng ilang mga taon. Ang mga mananampalataya rito ay nagpasyang namuhay ng simple at makaDiyos na pamumuhay. Tulad ni John Wesley sa sumunod na henerasyon at ni Dietrich Bonhoeffer noong ika-20 siglo, naunawaan ni Zinzendorf na ang banal na buhay ay dapat na ipamuhay sa pakikipagrelasyon sa ibang mga mananampalataya. Ang sabi niya, “Walang Kristyanismo kung walang komunidad.” Tulad rin nito, sinabi rin ni John Wesley, “Lahat ng kabanalan ay panlipunang kabanalan.” Ang mga Kristiyano ay namumuhay na bahagi ng isang katawan.
Ilang mga katangian ang kapansin-pansin sa mga Moravian:
Ang mga Moravian ay nakikibahagi sa paniniwala ng mga Pietista na paninindigan sa taus-pusong pagbabalik-loob sa Diyos. Gaya ng mga Pietista, pinahalagahan ng mga Moravian ang personal na karanasan kaysa doktrinal na mga kapahayagan.
Binigyang diin ng mga Moravian ang panalangin. Noong Mayo 12, 1727 naranasan ng mga Moravian ang pagbuhos ng Banal na Espiritu habang sila ay nagkakatipon sa panalangin ng araw ng Miyerkules. Nang buwan ng Agosto, nagsimula silang magkaroon ng 24-oras na pagbabantay sa panalangin na nagpatuloy ng mahigit 100 taon. Sa loob ng anim na buwan matapos ito, may 26 kabataang Moravian na nagboluntaryo para sa misyonerong paglilingkod – ito ay sa panahon na ang gawain ng pagmimisyon sa ibang bansa ay halos hindi pa nauunawaan sa mga Protestanteng simbahan.
Ang Pagtitipon sa Panalangin na Tumagal ng Isang Daang Taon
Noong 1727, ang komunidad sa Herrnhut ay maging magulo. Nagkaroon ng pagtatalo sa doktrina, paraan ng pamumuhay, at mga personalidad. Subalit, sa isang pagtitipon sa panalangin noong Miyerkules, Mayo 12, 1727, ang Espiritu ng Diyos ay dumating sa makapangyarihang paraan. Nang buwan ng Agosto ng taong iyon, 48 na mga kalalakihan at kababaihan ay nagbigay ng panata na magsagawa ng 24-oras na bantay sa pananalangin. At sa sumunod na isang daang taon, laging mayroong dalawa o tatlong Moravian na nakatalaga kada isang oras sa isang araw para manalangin. Sa loob ng 100 taon:
Mahigit 300 na mga Moravian ay nagboluntaryo para sa misyonerong paglilingkod.
Ang Methodist revival ay lumaganap sa iba’t ibang dako ng Inglatera at Amerika.
Binuhay muli ng Great Awakening ang iglesia sa Amerika.
Si William Carey ay napunta sa India at naitatag ang modernong gawain ng pagmimisyon.
► Ano kaya ang mangyayari kung ang simbahan ngayon ay mamanata sa isang masigasig at matapat na pananalangin na gaya ng ginawa ng mga Moravian?
Sa ating pag-aaral sa malawakang paglaganap ng pagmimisyon noong ika-18 siglo, dapat nating alalahanin na ang pagtitipon sa panalangin ng mga Moravian ay nagpapatuloy sa mga panahong iyon. Ang pandaigdigang pagmimisyon ay lumago mula sa panalangin.
Ang mga Moravian na Kristiyano ang may kaisipang-misyonero noong gitna ng ika-18 siglo. Ilan sa mga naunang mga Protestanteng misyonero ay sinugo ng mga Moravian.
[1]Hango kay Mark Noll, Turning Points, (MI: Baker Academic, 2012), 224-225.
[2]“IIsa lamang ang aking kinahihiligan. Siya lamang, wala ng iba.”
- Zinzendorf
Ang Paglaganap ng Ebanghelyo – Ang mga Moravian at ang Pagmimisyon
Noong 1731, si Count Zinzendorf ay dumalo sa koronasyon ni Haring Christian VI ng Denmark. Doon ay nakilala niya ang dalawang katutubong Greenlander at isang alipin na Aprikano na nagmula sa West Indies. Ayon sa patotoo ng dalawang bagong akay na ito, sa unang pagkakataon pa lang nilang napakinggan ang pangalan ni Cristo at humiling sila ng mga misyonero na pumunta sa kanilang bayan. Sa sumunod na taon, ang mga Moravian ay nagpadala ng dalawang misyonero sa Virgin Islands.
Ito ang simula ng unang masikap at malawakang Protestanteng pagmimisyon. Sa loob ng ika-18 siglo, ang mga Moravian ay nagpadala pa ng mahigit 300 na mga misyonero tungo sa Carribean, Greenland, Africa, Ceylon (modernong Sri Lanka), Algeria, at South America.
Ang mga Morivian ay halos nagmula sa mga taong may trabaho. (Ang unang dalawang misyonero na napunta sa Virgin Islands ay sina Leonard Potter, isang magpapalayok, at si David Nitschmann, isang karpentero.) Gaya ni Apostol Pablo, ang mga misyonerong Moravian ay humayo bilang mga manggagawa na sinusuportahan ang kanilang mga sarili. Itinuro nila ang kanilang hanap-buhay sa mga katutubong naging Kristiyano. Ang mga misyonerong Moravian ay naglingkod kapuwa sa espirituwal at ekonomikal na pangangailangan ng mga taong kanilang pinagmiministeryuhan.
Ang mga pagsusumikap ng mga Moravian na misyonero ay ang mga sumusunod:
1733 – Pagmimisyon sa Greenland.
1736 – Pagmimisyon sa mga mamamayan ng Nenets na nasa hilagang bahagi ng Russia.
1738 – Si George Schmidt ay naglingkod sa mga katutubo ng Khoikhoi sa Timog Africa.
1740 – Si David Zeisberger ay naglingkod sa mga mamamayan ng Creek sa Georgia, America.
1771 – Itinatag ng mga Moravian ang misyon para sa mga Eskimo sa Labrador.
Ang mga Moravians ay naniniwala na bawat Kristiyano ay ebanghelista. Nagbigay sila ng kaunting pagkakaiba sa pagitan ng mga taong nagpapatotoo sa kanilang mga tahanan at sa kanilang nagpapatotoo ng kanilang pananampalataya sa ibang mga bansa. Bawat mananampalataya ay inaasahan na isakatuparan ang Dakilang Komisyon. Ayon sa ilang pag-aaral, tinatantiya na 1 sa bawat 60 na Moravian ay naglingkod bilang isang misyonero.[1]
Ang sigasig ng mga Moravian para sa pagmimisyon ay dumating sa isang malaking sakripisyo. Siyam sa 18 mga unang Moravian na misyonero na sinugo sa St. Thomas ay namatay lahat sa loob ng anim na buwan. 75 mula sa 160 na misyonero sa Guyana ay namatay dahil sa lason at tropikal na lagnat. Ang ganitong karanasan ay hindi karaniwan. Kusang-loob na ibinigay ng mga Moravian ang kanilang buhay para sa kapakanan ng ebanghelyo.
[1]Ruth A. Tucker, From Jerusalem to Irian Jaya, (Grand Rapids: Zondervan, 2004), 97-113
Mga Tugon sa Rationalismo: Pietismo (Pagpapatuloy)
Ang Epekto ng Pietismo
Bagamat isang gawain ng mga German, ang Pietismo ay nagkaroon ng pandaigdigang epekto. Sa pamamagitan ni John Wesley at ni George Whitefield, ang Pietismo ay nagkaroon ng mahalagang impluwensya sa sumunod na ebanghelikal na simbahan. Ilan sa mga naging ambag ng Pietismo ay ang mga sumusunod:
Pagbibigay diin sa tunay na pagbabalik-loob sa Diyos
Pagbabalik sa pangangaral ng Salita bilang pokus ng panambahan
Pagbibigay diin sa espirituwalidad ng mga miyembro ng simbahan, hindi lamang ng mga pinuno ng simbahan
Pasyon o sigasig para sa pagmimisyon
Marahil ang higit na panganib ng Pietismo ay ang pagbibigay diin sa damdamin na nagsasantabi sa katuwiran ng isip. Madalang na harapin ng mga Pietista ang paglaganap ng mga maling pilosopiya; sa halip, natuon sila sa personal na pananampalataya at binabalewala ang nagbabagong kalagayan ng lipunan sa kanilang paligid. Paglipas ng panahon, ang mga sumunod na ebanghelikal ay minsa’y mayroong ring parehas na pansin na gaya ng mga Pietista at nabigo silang iugnay ang mensahe ng ebanghelyo sa mga ideya at isyu ng lipunan na kanilang kinalalagyan.
Ang Pietista ay tama sa pagtuturo na ang pananampalataya ay personal na nararanasan. Inimpluwensyahan nila si John Wesley sa mensahe ng personal na pagbabalik-loob sa Diyos at katiyakan. Subalit mali sila sa pag-aakalang ang kaunawaan sa doktrina ay hindi kinakailangan.
Noong ika-19 siglo, ang liberal na theologian na si Schleiermacher ay nangatuwiran na ang relihiyon raw ay purong damdamin lang, na walang batayan sa kasaysayan at theolohiya. Ang kanyang pananaw ay nakilala bilang “romantikong theolohiya.” Ginamit ni Schleiermacher ang mga argumento ng mga Pietista upang suportahan ang kanyang katuruan, bagamat ang mga Pietista ay hindi naman sumasang-ayon sa kanyang mga naging konklusyon. Ayon sa romantikong teolohiya, ang relihiyon ay hindi ito tungkol sa mga sa sa kawastuhan ng doktrina o kaya’y ng tamang pag-uugali. Sa halip, ang relihiyon ay primaryong patungkol sa “pakiramdam” ng pagtitiwala sa Diyos. Ang sabi pa ng mga romantik na theologian, hindi mahalaga kung ang kamatayan o muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo ay totoo sa kasaysayan; ang talagang mahalaga lang ay mga damdaming nililikha ng kwentong ito sa mga sumasampalataya. Subalit ang ganitong pananaw ay nagpapakita ng panganib ng paghihiwalay ng doktrina mula sa karanasan.
► Mahalaga ba ang historikal na katotohanan ng buhay at kamatayan at pagkabuhay ni Jesus? Ano ang ating matututunan mula sa halimbawa ng mga apostol? Bakit dapat na maghanda ang isang pastor o ebanghelista sa pagsagot sa mga pilosopiya ng modernong lipunan?
Mga Tugon sa Rationalismo: Ebanghelikal na Revival
Ang Great Awakening sa Amerika
Noong 1630s, humigit-kumulang na 20,000 mga Puritan ang lumipat at nanirahan sa Massachusetts Bay Colony mula sa Europa. Hinangad ng mga Puritan na magtatag ng isang Kristiyanong sistemang pampulitika. Ang mga batas ay nakabatay sa mga prinsipyo ng Biblia. Tanging ang mga miyembro lamang ng simbahan ang siyang papayagang bumuto.
Subalit ang ikalawang henerasyon ng mga Puritan ay hindi makapagbigay ng tiyak na patotoo hinggil sa kanilang pagbabalik-loob sa Diyos at dahil rito’y hindi sila kuwalipikado para sa pagiging miyembro ng simbahan. Ang mga miyembro lamang ang maaaring bumuto sa mga halalan at ang maaaring iboto para sa isang katungkulan sa gobyerno. Gayunman, noong 1662, ang mga simbahan ay nagpatupad ng tinatawag nilang “Half-Way Covenant” na nagpahintulot sa mga di makapagbigay ng patotoo tungkol sa kanilang pagbabalik-loob sa Diyos na ituring pa rin silang mga miyembro bagamat hindi sa lubusang kalagayan. Ito ay nagbigay ng pahintulot sa mga di-mananampalataya na makibahagi sa gobyerno. At noong 1691, ang pagiging miyembro ng simbahan ay hindi na kinakailangan para sa mga botante.
Noong 1720, isang ministro ng Dutch Reformed, si Theodore J. Frelinghuysen, ay nagsimulang mangaral ng mga mensahe ng revival sa New Jersey. Simula noon, ang mga simbahan sa New Jersey ay nagsimulang makaranasan ng bagong pagkilos ng Banal na Espiritu. Di nagtagal, si William Tennent ay nagsimula ng isang maliit na institusyon para sa pagsasanay sa ministeryo (ito ay pakutyang tinawag na log college ng mga taong nasa sikat at matatag na institusyon) na ang mga nagtapos ay nakatuon sa revival. Ang revival ay lumaganap sa mga kapulungan ng Presbyterian at Baptist na nasa iba’t ibang panig ng Virginia at Carolina.
Paglipas ng ilang taon, noong 1734, ang Northampton, Massachusetts, ay nagsimulang makaranas ng revival sa ilalim ng pangangaral ni Jonathan Edwards. Bagamat si Edwards ay walang dinamikong istilo ng pagsasalita, ginamit siya ng Diyos upang palaganapin ang revival sa iba’t ibang panig ng New England. Matapos ang serye ng mga sermon na kung saan nagbabala si Edwards laban sa “espirituwal kababawan” ng mga miyembro ng simbahan, ang Diyos ay nagsimulang maghatid ng revival sa New England.
Sa mga buwan sa pagitan ng karanasan ni John Wesley na maging Kristiyano at simula ng kanyang pangangaral sa mga kabukiran, nabasa niya ang ulat ni Jonathan Edwards tungkol sa nangyaring revival sa New England. Ang ulat na ito ay (tinawag na A Faithful Narrative of the Surprising Work of God) ay nagkaroon ng malaking impluwensya kay Wesley. Nagkaroon siya ng malalim na hangarin na makita ang parehas na pagkilos ng Diyos para sa bansang Inglatera. Ang Great Awakening sa Amerika ay nagkaroon ng malaking epekto sa Methodist Revival sa Inglatera.
Pagkatapos nito, noong 1739, si George Whitefield ay naglakbay patungo sa Amerika. Libo-libong mga tao ang nakarinig ng kanyang mga pangangaral sa lansangan. Si Whitefield ay nangaral mula sa timog ng Georgia tungo sa hilaga ng New York. Nangaral rin siya sa Northampton at hinikayat rito si Edwards na bumisita rin sa iba pang mga bayan upang ipangaral ang mensahe ng revival. At noong 1741, karamihan sa mga mamamayan ng New England ay naantig ang puso ng revival.
Ang mga epekto ng revival ay kapansin-pansin. Sa pagitan ng 1740 at 1742, hindi bababa sa 30,000 na bagong miyembro ang naidagdag sa mga simbahan sa mga kolonya. May siyam din na kolehiyo ang naitatag upang magsanay ng mga magiging ministro. Ang mga ebanghelista ay nangaral sa mga liblib at mga katutubong mga komunidad. May mga misyonerong napunta sa ilang mga katutubong tribo sa Amerika.
Ang Revival ng Methodist sa Inglatera
Noong ika-18 siglo, ang Simbahan ng Inglatera ay agarang nangangailangan ng revival. Noong panahong iyon, nabawi na ng Simbahan sa Inglatera ang pulitikal na kapangyarihan mula sa mga Puritan. Ang mga ibang simbahan (Baptists, Congregationalist, at Presbyterian) ay nangailangan ng espesyal na lisensya upang makapagdaos ng panambahan. Tanging ang mga Anglikano (silang kabilang sa Simbahan ng Inglatera) ang maaaring humawak ng mga katungkulan sa gobyerno. Sa pulitika, ang Simbahan ng Inglatera ay malakas, subalit sa espirituwal, sila’y walang laman.[1]
Maraming tao sa Simbahang Anglikan ay nag-akala na hindi na kailangan na ipangaral ang ebanghelyo sa labas ng simbahan sapagkat naniniwala silang pinili na ng Diyos ang mga maliligtas. Labis ang impluwensya ng deismo sa simbahan na madalang na marinig ang ebanghelyo sa mga simbahang Anglikano. May iba na nagbibigay diin sa maayos na pag-uugali at magalang na kilos, subalit wala silang inaasahang pagbabago ng puso. Itinuring ng maraming Anglikano na anumang ekspresyon ng damdamin o personal na katiyakan sa kaligtasan ay panatisismo lamang.
Sina John at Charles Wesley ay lumaki sa Anglikanong Simbahan. Nag-aral sila sa Oxford at naordinahan sa Simbahan ng Inglatera, ngunit ang kanilang katiyakan sa pananampalataya noong 1738 ang bumago ng kanilang pangangaral. Sina John at Charles at George Whitefield, ay nagsimulang mangaral ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya at ng katiyakan ng kaligtasan.
Noong 1739, si Whitefield ay nagsimulang mangaral sa mga maaliwalas na lugar na malapit sa Bristol, England. Hindi nagtagal ay nakumbinsi niya si John Wesley na sumunod sa kanya. Noong una, naniniwala si Wesley na ang pangangaral ay dapat lang na gawin sa isang maayos na gusali ng simbahan. Subalit napagtanto niya na karamihan sa mga taong kailangan makarinig ng ebanghelyo ay wala naman sa loob ng simbahan. Kaya nagsimula siyang mangaral ng maaga sa maraming bilang ng mga minero na naglalakad patungo sa trabaho. Siya ay namangha sa tugon ng mga minero na madalang pumasok sa isang gusali ng simbahan. At sa natitirang bahagi ng kanyang buhay, si John ay nangaral sa iba’t ibang panig ng British Isles. Naglakbay siya sakay ng kabayo ng mga 250,000 na milya at nangaral ng 40,000 na beses (higit sa dalawang beses sa isang araw sa loob ng 50 taon).
Hindi plano nina John at Charles Wesley na magtatag ng mga simbahan na hiwalay sa Simbahan ng Inglatera. Gayunpaman, ang kanilang mga bagong akay na nagmula sa mababang katatayuan sa buhay ay hindi nakadama ng pagtanggap mula sa mga lokal na simbahan ng Anglikan. Dahil rito, ang mga Wesley ay bumuo ng mga grupo na nagsilbing espirituwal na tahanan para sa mga bagong mananampalataya na ito. Ang mga mananampalataya sa mga grupong ito ay tinawag na Methodist.
Nang dahil sa lumalagong bilang ng mga bagong mananampalataya, kinailangan ni John Wesley na magkaroon ng mga espirituwal na mga pinuno para sa mga grupong ito. Nagsimula siyang humirang ng mga mangangaral na hindi naordinahan ng simbahan. At noong 1744, (limang taon lamang matapos ang pagsisimula ng revival), nakita ni Wesley ang pangangailangan na bumuo ng isang Taunang Pagpupulong para gabayan ang gawain. Gaya ng gawain ng Pietismo na umusbong sa loob ng German Lutheran na Simbahan, ang mga Methodist ay naging simbahan sa loob ng Anglikan na Simbahan.
Noong 1771, humiling si Wesley sa Taunang Pagpupulong ng mga boluntaryo para magministero sa Amerika. Si Francis Asbury, isang 26 na taong gulang na Methodist na mangangaral ay nagboluntaryo. Nang dumating siya sa Philadelphia, Pennsylvania mayroong 600 na Methodist sa Amerika. At noong 1784, dahil ang mga obispong Ingles ay hindi nila maaaring ordinahan ang mga ministro sa Amerika, (ang Amerika ay nakipaglaban para sa kalayaan mula sa Inglatera) hinirang ni Wesley si Thomas Coke bilang “Superintendent” sa Amerikanong Methodist. Sa pamamagitan nito, ang Methodist sa America ay naging isang bagong denominasyon.
Noong 1795, apat na taon pagkatapos ng pagkamatay ni John Wesley, ang Wesleyan na Methodist na simbahan sa Inglatera ay humiwalay sa Simbahan ng Inglatera.
Sa pagkamatay ni Wesley noong 1791, mayroon ng 79,000 na Methodist sa Inglatera at 40,000 sa North America. Sa pagkamatay ni Asbury noong 1816, ang Amerikanong Simbahang Methodist ay lumaki at umabot ng 200,000 na miyembro; sa loob ng 45 taon, si Asbury ay nakapag-ordina ng 4,000 na Methodist na ministro. Sa kasalukuyan, humigit-kumulang na 80 milyon na Kristiyano ang tinutunton ang kanilang teolohikal na ugat sa gawain ng Methodist.
► Mula sa halimbawa ng mga ebanghelista sa kasaysayan, ano ang ating matututuhan tungkol sa pangangailangang bumuo ng mga bagong pamamaraan upang abutin ang mga tao ng ebanghelyo? Ang mga paraan ba ng iyong simbahan ay umaabot lang sa limitadong populasyon, habang karamihan sa mga tao ng lugar na iyon ay hindi naaabot ng ebanghelyo?
…Mula Noon hanggang Ngayon…
► Ang mga Wesley ay nangaral sa labas ng dahil sa kanilang pasyon at sigasig sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga di-mananampalataya. Itinatag nila ang Methodist na mga grupo sapagkat naniniwala silang ang bunga ng ebanghelismo ay mapapangalagaan lamang sa pamamagitan ng maingat na pagdidisipulo. Suriin mo ang iyong ministeryo ngayon. Binibigyang-pansin mo bang pareho ang pagbabahagi ng ebanghelyo at pagdidisipulo? Naaakay mo ba ang mga di-mananampalataya patungo kay Cristo? Ikaw ba ay nagdidisipulo ng mga bagong mananampalataya at dinadala sila sa maturidad? Kung ang bawat bahagi na ito ay mahina, talakayin mo ang ilang mga paraan upang palakasin ang iyong ministeryo.
[1]Ang mga katagang Simbahan ng Inglatera at Simbahang Anglikano ay parehas na tumutukoy sa estadong simbahan ng Inglatera.
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Ninyong Makilala: John at Charles Wesley
Sina John (1703-1791)[1] at Charles (1707-1789)[2] Wesley ay mga anak nina Samuel at Susanna Wesley. Si Samuel ay isang Anglikan na ministro; si Susanna isang makapangyarihang impluwensya sa kanyang 10 mga anak.
Ang magkapatid ay nag-aral sa Oxford. Bilang mga mag-aaral, sila’y nag-organisa ng grupo ng pagdidisipulo para sa mga kabataang naghahanap ng espirtuwal na paglago. At dahil sa kanilang mapamaraang paghahanap ng espirituwal na displina, pakutya silang tinawag ng mga tao na “Grupong Banal” o “Methodist.”
Noong 1735, naglakbay sina John at Charles sa Atlantiko upang maglingkod sa mga bagong kolonya ng Amerika sa Georgia. Subalit hindi naging matagumpay ang misyon ng magkapatid roon. Si Charles ay nag-alangan na pumunta sa Georgia at di nagtagal ay umuwi rin. Si John naman ay nagsimula ng di pagkakaunawaan sapagkat ginamit niya ang liturhikal na pamamaraan ng Anglikan sa karaniwang kalagayan ng lipunan sa Georgia. Kaya di nagtagal, umuwi rin siya sa England noong 1737.
Sakay ng barko patungong Georgia, nakatagpo ni John Wesley ang isang grupo ng mga Moravian na mula sa Hermut. Habang bumabagyo, narinig ni Wesley na mahinahong umaawit ng mga himno ang mga Moravian. Nang tinanong ni Wesley ang dahilan kung bakit hindi sila natatakot, isang Moravian ang sumagot at buong katiyakan na sinabi sa kanya na hindi sila takot sa kamatayan sapagkat natitiyak nila ang kanilang kaligtasan. Nagulat si Wesley nang marinig ang kanilang walang pagdududang pag-angkin sa kaligtasan. Kaya sa kanyang pagbabalik sa Inglatera, sinimulan niyang hanapin ang katiyakang ipinapahayag ng mga Moravian. Karamihan sa ika-18 siglo na mga Anglikano, ang kaisipan ng mga Wesley ay walang sinuman ang makakatiyak sa kaligtasan hanggang sa kamatayan.
Pagbalik sa London, nagsimulang bisitahin ng magkapatid na Wesley si Peter Bohler na isang Moravian. Binibigyang diin ng turo ni Bohler ang pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya bilang isang personal na karanasan, hindi lang isang doktrinal na pahayag. At noong linggo ng Pentecostes 1738, nagbigay ng patotoo si Charles tungkol sa katiyakan ng kaligtasan. Paglipas ng tatlong araw, natuklasan rin ni John ang pagliligtas ng Diyos sa kanyang buhay. Ayon sa kanyang patotoo, “Isang katiyakan ang ipinagkaloob sa akin na inalis niya ang aking mga kasalanan, ang aking angking kasalanan, at iniligtas ako mula sa tuntunin ng kasalanan at kamatayan.”
Sa sumunod na 50 taon, ipinangaral ng magkapatid ang ebanghelyo sa buong British Isles. At nang sila ay pagkaitan ng mga pulpito sa Anglikan, sinundan nila ang halimbawa ni George Whitefield at nagsimulang mangaral ng hayagan.
Binuod ni Philip Watson ang mensahe ng Methodist revival sa apat na pangungusap.[3]
[4](1) Ang lahat ng tao ay kailangang maligtas – Orihinal na Kasalanan. Ipinagpalagay ng ika-18 siglo na mga Anglikano na ang tao ay likas na mabuti. Subalit ipinangaral ng mga Wesley na ang “lahat ng tao ay nagkasala” (Roma 3:23) at nasa ilalim ng kahatulan ng banal na Diyos. Ang mensaheng ito ay gumulat sa mga Ingles na may mataas na katatayuan sa lipunan. Matapos na mapakinggan ang isang Methodist na sermon, ang Duchess ng Buckingham ay nagreklamo dahil sinabi na ang kanyang puso ay makasalanan din katulad ng mga mababang uri ng tao sa lipunan.
(2) Lahat ng tao ay maaaring maligtas. – Walang Limitasyong Pagliligtas. Bilang tugon sa mga Calvinist na nagtuturong iilang tao lamang ang hinirang ng Diyos upang maligtas, itinuro ng mga Wesley na ang sinumang sumampalataya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
(3) Lahat ng tao ay maaaring malaman na sila ay ligtas. – Katiyakan. Naniniwala ang mga ika-18 siglo na mga Anglikano na iilang mga tao lamang ang maaaring makaalam na sila ay ligtas. Subalit ang pinakanakakagulat na mensahe ng mga Wesley ay ang balitang magagawang alamin ng isang Kristiyano na siya ay may matuwid na relasyon sa Diyos.
(4) Lahat ng tao ay maaaring ganap na maligtas. – Kristiyanong Kasakdalan. Naniniwala si John na ang mga utos ng Diyos ay nagpapahiwatig ng mga pangako. Sa madaling salita, ang Diyos na tumatawag sa atin na maging banal ang siya ring magpapabanal sa atin.
Ito ang pundasyon ng mensahe ng mga Wesley. At habang lumalaganap ang mensaheng ito sa Inglatera, libo-libong mga tao ang naging Kristiyano at ang lipunang Ingles ay nagbago. Ang mensaheng ito ay nakabatay sa walang bayad na biyaya ng Diyos sa halip na sa gawa ng tao. Gayunma’y kinikilala nito ang responsibilidad ng tao na tumugon sa pamamagitan ng pananampalataya sa panawagan ng Diyos.
Si John ang tagapag-organisa. Isinaayos ng kanyang mga grupo ang istraktura para sa pagdidisipulo. Samantala, si Charles naman ang makata. Nagsulat siya ng mahigit 6,000 na mga himno. Ang mga himnong ito ang nagpalaganap ng mensahe ng Methodist na labas sa kanilang lipunan. Maraming mga Kristiyano sa iba’t ibang denominasyon ay umawit ng mga himno ni Wesley tungkol sa mensahe ng katiyakan (“Bumangon ka, kaluluwa ko, bumangon ka; iwaksi mo ang iyong mga kinatatakutang kasalanan”) at ang posibilidad ng pagkakaroon ng isang dalisay na puso (“Oh ang magkaroon ng pusong magpupuri sa aking Diyos, isang pusong pinalaya mula sa kasalanan”).
Ang mensahe na ang lahat ng tao ay kailangang maligtas, ang lahat ng tao ay maaaring maligtas, ang lahat ng tao ay maaaring malaman na sila ay ligtas, at ang lahat ng tao ay ganap na maligtas ay nananatili pa ring isang makapangyarihang mensahe ng revival sa ika-21 na siglo.
► Paanong ang apat ng puntos ni Wesley tungkol sa kaligtasan ay magpapasigla sa ministeryo ng simbahan? Pag-isipan mo ang bawat puntos at isaalang-alang ang mga praktikal nitong epekto. Ano ang magiging resulta kung ang isang simbahan ay hindi maniniwala sa isa sa mga puntos?
[3]Philip S. Watson, Anatomy of a Conversion: The Message and Mission of John and Charles Wesley (Grand Rapids: Zondervan, 1990).
[4]“Karapat-dapat ba ako
sa dugo ng Tagapagligtas?
Namatay Siya para sa akin, samantalang ako ang sanhi ng Kanyang pasakit?
Para sa akin, nagtiis hanggang kamatayan?
Pambihirang pagsinta! Paano ngang
Ikaw na aking Diyos, ay namatay para sa akin?”
-Charles Wesley
Mga Tugon sa Rationalismo: Ebanghelikal na Revival (Pagpapatuloy)
Mga Aral mula sa mga Revival sa Inglatera at Amerika
Mayroong ilang mahahalagang aral na matutunan mula sa naganap na Great Awakening sa Amerika at sa Methodist revival sa Inglatera. Ang mga aral na ito ay dapat na magbigay sa atin ng inspirasyon habang ating inaasam na maranasan ang revival sa ika-21 na siglo.
Una, ipinapakita ng mga naganap na revival na ang Diyos ay kumikilos sa iba’t ibang pamamaraan at sa pamamagitan ng iba’t ibang mga tao upang isakatuparan ang kanyang mga layunin. Si George Whitefield ay isang makapangyarihang mananalumpati na may kakayahang magsalita sa 30,000 na mga tao na walang mikropono. Siya ay dalubhasang mananalumpati na kayang bumighani ng napakaraming tagapakinig.
Sa kabaligtaran, si Jonathan Edwards ay itinuturing na walang masiglang istilo ng pagsasalita. Binabasa niya ang kanyang mga sermon mula sa isang manuskrito at madalas na nag-aalangan sa pagbabasa at tila walang damdamin. Ang kanyang mga sermon ay dramatiko lamang sa sulat, ngunit hindi sa personal. Gayunma’y parehas na ginamit ng Diyos ang dalawang ebanghelista na ito upang magsimula ang revival.
Sina John at Charles Wesley ang mga iskolar na nag-aral sa Unibersidad ng Oxford, subalit ang mga nagtapos sa “Log College” ni William Tennent ay kapos sa akademikong pagsasanay. Gayunma’y parehas na ginamit ng Diyos ang dalawang gawain upang magsimula ang revival. Kaya nga, ang Diyos ay kumikilos sa mga taong ganap na nagpapasakop.
Ikalawa, ang mga revival na ito ay nagpapaktia ng kapangyarihan ng panalangin. Natunghayan natin ang epekto ng panalangin sa mga misyon ng mga Moravian. Parehas na epekto rin ang nakita sa mga revival na naganap sa Inglatera at Amerika. Sina Whitefield, Edwards, at ang magkapatid na Wesley ay mga mapanalangining mga tao. Masidhi nilang hinahanap ang Diyos bago sila magsalita sa pulpito. Sa madaling salita, ang pagdating ng revival ay bunga ng maalab na panalangin.
Ikatlo, ang mga revival na ito ay nagpapakita ng pangmatagalang epekto ng tunay na revival. Ang Rebolusyong Pranses ang siyang sukdulang kaganapan sa panahon ng Rationalismo. At gaya ng ating natunghayan, ang Rebolusyong Pranses ay pinamunuan ng mga taong walang takot sa Diyos na pumatay ng mga libo-libong mga tao sa ngalan raw ng “kalayaan.” Ngunit ang naging bunga ng Rebolusyong Pranses ay isang diktatura na pinamumunuan ni Napoleon.
Ang Amerikanong Rebolusyon na nagsimula 25 taon matapos ang Great Awakening ay naiiba kumpara sa Rebolusyong Pranses. Ang Amerikanong Rebolusyon ay pinamunuan ng mga taong may paggalang sa Kristiyanong pananampalataya. Naniniwala sila na ang karapatang-pantao ay kaloob sa atin ng Diyos. Ang naibunga ng Amerikanong Rebolusyon ay ang konstitusyon na nagbibigay garantiya sa bawat mamamayan ng kalayaang sumamba na walang panghahadlang ng gobyerno.
Parehas na naiwasan ng Amerika at Inglatera ang mga kakila-kilabot na mga pangyayari ng Rebolusyong Pranses. Ayon sa maraming mga mananalaysay, ito raw ay dulot ng Great Awakening at Methodist Revival. Ang mga bansang ito ay nakaiwas sa kahindik-hindik na epekto ng Rebolusyong Pranses sapagkat ang Diyos ay dakilang kumilos sa kalagitnaang panahon ngika-18 siglo.
Konklusyon: Ang Kasaysayan ng Iglesia ay Nangungusap Ngayon
Habang binabasa mo ang araling ito, sumagi ba sa isip mo na, “Parang katulad lang iyan ngayon”? Ang ika-17 at ika-18 siglo ay may maraming pagkakatulad sa ika-21 na siglo. Katulad ng ika-18 na siglo na sa Pransiya, ang mga tinaguriang “intelektuwal” ng ika-21 na siglo ay tumatanggi rin sa katotohanan ng Biblia. Sinasabi nila na hindi natin mapagkakatiwalaan ang Biblia. Gayunpaman, kung paanong ang Diyos ay kumilos sa mga Moravian, Methodist, at sa ibang gawain na naghatid ng revival sa ika-18 na siglo, magagawa rin ng Diyos na maghatid ng revival sa panahon natin ngayon.
Tulad ng ika-18 na siglo, may ilang mga Kristiyano ngayon na inihihiwalay ang sarili mula sa mundo at hinahanap ang kanilang personal na pananampalatayang Kristiyano na hiwalay sa araw-araw na buhay sa “sekular” na mundo. Ang halimbawa ng mga sinaunang Methodist ay nagbibigay sa atin ng naiibang landas; isang kapasyahan na maging asin at liwanag ng ating lipunan. Nang kinaharap ng mga Methodist ang kanilang lipunan gamit ang ebanghelyo, ang lipunan sa Britanya ay nagbago. Gayundin naman, kung ating haharapin ang ating lipunan na taglay ang ebanghelyo, magagawa rin ng Diyos na baguhin ang ating lipunan. Kaya nga, hinikayat kitang huwag ihiwalay ang iyong sarili mula sa lipunan. Sa halip, ikaw ay maging liwanag, asin, at tagapaghatid ng pagbabago sa iyong lipunan (Mateo 5:13-16). Sa madaling salita, ikaw ay maging isang disipulo.
Aralin 3, Mga Takdang Aralin
(1) Pag-aralan ang mga sumusunod na talata sa Biblia, at pagkatapos ay magsulat ng 2-3 mga talata na ibinibigay ang pagkakaiba ng katuwiran ng isip ng tao sa makaDiyos na karunungan. Sa iyong sulat, pagnilayan mo kung ano ang ating pwedeng matutunan sa kasaysayan kapag hindi pinapahalagahan ng mga tao ang karunungan ng Diyos at yumayakap lamang sa kanilang sariling maling pangangatuwiran.
Kawikaan 1:7
Kawikaan 3:5-7
Kawikaan 28:26
1 Corinto 1:25-30
1 Corinto 3:19
Colosas 2:5, 8
(2) Magsulat tungkol sa naging epekto ng Pietismo sa mundo noong ika-18 na siglo. Ibigay ang apat na mahahalagang kontribusyon na ginawa ng mga Pietista sa simbahan ng kanilang panahon at maikling talakayin ang ilan sa kanilang mga kahinaan.
(3) Itala ang apat na pahayag na nagbubuod sa mensahe ng Methodist revival at maghanap ng talata na sumusuporta sa bawat punto.
(4) Magbigay ng dalawang partikular na mga aral na matututunan mula sa buhay ng bawat pinuno ng simbahan. Maaari mo itong ibahagi sa klase sa susunod ninyong pagkikita.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.