Ang pag-aaral sa ika-20 siglo na kasaysayan ng Iglesia ay higit na mahirap kaysa sa pag-aaral sa mga naunang siglo. Ito ay dahil sa hindi natin alam kung anong mga kaganapan sa ika-20 na siglo ang magkakaroon ng pinakamalaki at pangmatagalang epekto sa simbahan. May ilang mga bagay na mahalaga sa kasalukuyan na maaaring hindi maging mahalaga sa pananaw ng ika-23 na siglo.
Sa paglipas ng panahon, nagiging mas malinaw ang ating pananaw sa kasaysayan ng Iglesia. Halimbawa, ang kasaysayan ng simbahan noong 1430 ay maaaring maglaman ng ganito:
Tinangka ni John Wycliffe na gumawa ng mga pagbabago sa simbahan sa Inglatera. Isinalin niya ang Biblia sa Ingles upang ang kasulatan ay mabasa at maipaliwanag ng mga karaniwang tao. Pinuna niya ang mga walang buhay na rituwal ng Simbahang Romano Katoliko. Gayunpaman, nabigo si Wycliffe sa kanyang mga pagsisikap. Namatay siya bago natapos ang pagsasalin ng Biblia. Ipinagbawal ang kanyang mga isinulat at idineklara siyang bulaang tagapagturo ng Konseho ng Constance. Iilan lamang na mga naglalakbay na mga mangangaral ang nagpatuloy sa pagtuturo ng mga doktrina ni Wycliffe. Si Wycliffe ay isang mabuting tao, subalit nabigo siyang maisakatuparan ang kanyang layunin.
Ang isang kasaysayan ng simbahan na isinulat noong 1500 ay maaaring magkaroon ng ibang pananaw kay Wycliffe. Ipapakita nito ang impluwensya ni Wycliffe kay William Tyndale:
Si John Wycliffe ay isang nakakapukaw ng loob ng pinuno ng simbahan. Namatay siya bago niya natapos ang kanyang gawain, ngunit ang mga lalaking tulad ni Lollards at William Tyndale ang siyang nagpatuloy sa pagpapalaganap ng mga ideyang itinaguyod ni Wycliffe. Ang kanyang impluwensya ay nananatili pa rin hanggang ngayon.
Ang kasaysayan ng simbahan na isinulat sa 1900 ay magpapaliwanag sa mahalagang papel na ginampanan ni Wycliffe para sa Repormasyon.
Makapangyarihang nanawagan si John Wycliffe para sa revival at pagpapanibago ng simbahan, na tumulong siyang nakaimpluwensya sa Repormasyon na naganap matapos ang kanyang panahon. Ang kanyang trabaho ng pagsasalin ng Biblia ay nagtulak kay William Tyndale na kumpletuhin ang pagsasalin sa Ingles. Sina Martin Luther at ang iba pang mga Repormista ay nabigyan ng inspirasyon sa halimbawang ipinakita ni Wycliffe na tumayo para sa katotohanan ng ebanghelyo. Ilang tao lamang ang may matinding epekto na nagawa sa kasaysayan ng Iglesia na gaya ni John Wycliffe.
Nangangailangan ng sapat na panahon upang masiyasat ang kasaysayan. Sa araling ito, titingnan natin ang ilang paksa na nagpapakita ng ilan sa mga nauso sa kontemporaryong simbahan.
Marahil ang pinakamagandang paraan upang buorin ang ika-20 na siglo na kasaysayan ng Iglesia ay ang tawagin ito na “Panahon ng Pagbabago.” Sa teolohikal na punto, ang mga kontrobersya ay naghatid ng mga pagbabago sa simbahan. Bagamat may ilang mga malalaking organisasyong simbahan ay tumalikod sa awtoridad ng Biblia, ang mga ebanghelikal ay nagpatuloy sa pagkakaroon ng malaking impluwensya sa iba’t ibang panig ng mundo. Kumpara sa mga Europeano at North American na mga simbahan, ang mga simbahan sa Asya, Africa, at Latin America ay kasalukuyang tumataas ang bilang kumpara sa ibang Krisityanismo sa buong mundo.
Ang Epekto ng Liberal na Teolohiya sa Ika-20 na Siglo na Simbahan
Ang salitang liberal, sa teolohikal na usapan, ay tumutukoy sa teolohiya na hindi naniniwala sa Biblia bilang ganap na awtoridad. Sa liberal na teolohiya, ang katuwiran ng isip ng tao, agham, at mga teorya sa kasaysayan ang siyang naging higit na awtoridad para sa paniniwalang Kristiyano kaysa sa Biblia.
Sa kalagitnaan ng ika-19 na siglo, dalawang lalaki ang naglathala ng mga ideya na nagpahina sa pananampalataya ng maraming mga Kristiyano. Si Charles Darwin at si Julius Wellhausen, isang biblikal na iskolar, na nagmungkahi ng mga teoryang tumatanggi sa katotohanan ng Biblia.
Si Darwin ang nagturo ng teorya ng ebolusyon na tumatanggi sa biblikal na paglalahad tungkol sa Paglikha. Itinuro naman ni Wellhausen na ang Biblia ay nagmula sa iba’t ibang manunulat, sa halip na tumpak na kinasihan ng Diyos. Ang kasaysayan ng ika-20 siglo ng simbahan ay nagpapakita ng labanan sa pagitan modernong teolohiya at ebanghelismo. Sa araling ito, titingnan natin ang ilan sa mga pangunahing teolohikal na nausong pananaw na umimpluwensya sa ika-20 siglong simbahan.
Mga Akademikong Pag-atake sa Pananampalataya
Sa huling bahagi ng ika-19 na siglo, may dalawang pilosopikal na pagsulong ang humamon sa pananampalataya ng simbahan.
Noong 1859, ang aklat ni Charles Darwin na The Origin of Species ay nagmungkahi ng teorya ng ebolusyon. Batay ito sa kaisipang Enlightenment na natunghayan natin sa Aralin 3, ang teoryang ito ay nagmungkahi ng pananaw hinggil sa biolohikal na pagkabuo ng mga bagay-bagay na hindi kinakailangan ang Diyos. Ikinatuwiran ni Darwin at ng kanyang mga tagasunod na ang buhay ay nagmula sa mga di-nabubuhay na bagay sa pamamagitan ng proseso ng natural na pagpili o natural selection na nagaganap sa loob ng mahigit milyun-milyong mga taon. Itinatanggi ng teoryang ito ang ulat ng paglikha sa Genesis 1-2. At para sa mga pastor na tumanggap sa teoryang ito, ang Genesis ay hindi na isang makapangyarihang ulat tungkol sa paglikha.
Samantala, iminungkahi naman ng mga German na iskolar ng Biblia, tulad ni Julius Wellhausen (1844-1918), na ang mga relihiyosong pananaw ng tao ay unti-unting nagbago tungo sa pagiging monoteismo na itinuturo sa Biblia. Gayunma’y hindi naniniwala si Wellhausen na si Moises ang may-akda ng Pentateuch. Ikinatuwiran niya na karamihan sa Biblia ay isinulat ng mga huli o kinalaunang may-akda, sa halip ng mga may-akdang sinasabi sa Biblia. At tulad ng teorya ng ebolusyon, pinahina rin ng pananaw na ito ang awtoridad ng Biblia. Di nagtagal, itinanggi na rin ng ilang mga propesor ang mga ulat ng himala sa Biblia, ang pangangailan sa katubusang hatid ng kamatayan ni Cristo, at maging ang pagka-Diyos ni Jesu-Cristo.
Ang mga pastor na tumanggap sa mga teoryang ito ay hindi na maaaring tumingin sa Biblia bilang inspirado at hindi nagkakamaling Salita ng Diyos. Sa halip, itinuring ang aklat na gawa lamang ng mga taong may-akda. At di nagtagal, ang maling ideya na ito ay ipinakalat ng mga pastor sa kanilang mga kongregasyon.
[1]Habang ang Darwinismo at ang pagtanggi ng mga German sa katumpakan ng Biblia ay lumaganap sa mga seminaryo na nagsasanay sa mga magiging pastor, may ibang mga theologian na tumalikod naman sa pagbibigay diin sa biblikal na katotohanan at nagmungkahi ng isang “Panlipunang Ebanghelyo” na tutugon raw sa mga pangangailangan ng lipunan, kahit na binabalewala nila ang mga espirituwal na isyu. Pinalitan ng panlipunang aksyon ng espirituwal na katuturan ng ebanghelyo. Ang mga taong tulad ni Walter Rauschenbusch ay nagturo na ang kaharian ng Diyos ay nangangahulugan ng kamatayan ng kapitalismo at pandaigdigang paglago ng sosyalismo.
May ilang mga pastor na nagturo ng unibersalismo, kung saan ang Diyos raw bilang isang mapagmahal na “Ama ng buong sangkatauhan” ay hindi kailanman magpapadala ng mga tao sa impiyerno. Itinuro nila ang humanismo na nagsasabing ang tao ay likas na mabuti. Si Adolph von Harnack, isang theologian ng unang bahagi ng ika-20 siglo ay nagbigay kahulugan sa kahalagahan ng Kristiyanismo bilang “unibersal na pagiging ama ng Diyos, unibersal na pagkakapatiran ng mga tao, at walang hanggang halaga ng kaluluwa ng tao.” Itinuro ng liberal na teolohiya na ang tao ay magpapatuloy na pabutihin ang kanyang sarili hanggang sa ang mundo ay maging isang perpektong lugar.
Bilang tugon, may ilang konserbatibo na gaya ni D.L. Moody na umiwas sa theolohikal na pakikipagdebate. Ayon kay Moody, “Ang sanlibutan ay isang wasak na sasakyan. Binigyan ako ng Diyos ng bangka ng kaligtasan at sinabi sa aking, ‘Iligtas mo ang lahat ng iyong makakaya.’” Umiwas siya sa lahat ng pakikipagdiskusyon tungkol sa modernong theolohiya. Gaya ng ilang ika-17 siglo na grupo ng mga Pietista, silang mga sumunod sa ganitong pagtugon ay nagpasyang ipangaral ang Biblia at umiwas sa pakikipagtalo sa mga liberal na theologian.
Samantala may ibang mga konserbatibong Kristiyano na naghangad na bumuo ng isang akademikong tugon sa mga pagtangging ginawa sa awtoridad ng Biblia. Sa huling bahagi ng ika-19 na siglo, nag-organisa sina Charles Hodge at B.B. Warfield ng kumperensya upang talakayin ang mga pundamentong katuruan ng Biblia. Mula sa kumperensya na ito ay nagkaroon ng serye ng mga sanaysay, na inilathala sa pagitan ng 1910 at 1915 tungkol sa limang saligang doktrina ng pananampalataya:
Ang inspirasyon at ganap na kawastuhan ng Biblia
Ang pagka-Diyos ni Jesu-Cristo
Ang kapanganakan ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng isang birhen
Ang kamatayan ni Jesu-Cristo para sa ating mga kasalanan
Ang pisikal na muling pagkabuhay at pisikal na pagbabalik ni Cristo sa daigdig
Ang alitan sa pagitan ng mga nagsasalungatang pananaw na ito sa Biblia ay nagpatuloy hanggang sa unang bahagi ng ika-20 na siglo. Noong 1914, halos bawat pangunahing denominasyon ng Protestante ay nagkaroon ng pakikipagtalo sa kanilang mga miyembro hinggil sa ganitong isyu.
Si Harry Emerson Fosdick ay nangaral ng isang sermon na inaatake ang pangunahing katuruan ng Kristiyano. Sinabi niya na ang Biblia ay naglalaman ng mga kamalian; na ang doktrina tungkol sa pagbubuntis at panganganak ng isang birhen ay hindi na kinakailangan, at ang doktrina tungkol sa pisikal na Ikalawang Pagparito ay kakatwa at di-totoo.
Ipinagtanggol naman ni Richard Niebuhr ang katuruan ng Biblia; sinabi niya na ang gayong maling teolohiya ay nangangaral ng “isang Diyos na walang poot, na naghahatid ng mga taong walang kasalanan tungo sa isang kaharian na walang kahatulan, sa pamamagitan ng isang Cristo na walang krus.”[2] Ito ay labis na napakalayo sa ebanghelyo ng Bagong Tipan.
Ang Katuruan ng Liberal na Teolohiya
Ang Katuruan ng Ebanghelikal na Teolohiya
Ang Biblia ay isang pagtatala na ginawa ng tao tungkol sa relihiyosong pag-unlad. Ito ay nagpabago-bago sa paglipas ng panahon habang nagbabago ang mga ideya.
Ang Biblia ay kinasihan ng Diyos at isang makapangyarihang paghahayag ng Diyos at ng kanyang kalikasan.
Ang tao ay likas na mabuti. Siya ay nagiging makasalanan lamang sapagkat siya ay naiimpluwensiyahan ng kanyang kapaligiran.
Ang tao ay likas na makasalanan. Bawat tao ay dapat na tubusin sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesu-Cristo na magliligtas sa tao.
Si Jesus ay isang mabuting tao na nagbigay ng moral na halimbawa para sa iba.
Si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos na namatay para sa kasalanan ng tao at nilupig ang kamatayan sa kanyang muling pagkabuhay. Siya ang tanging sagot sa pangangailangan ng tao para matubos.
Ang unang gawain ng simbahan ay panlipunang hustisya at repormasyon ng lipunan.
Ang unang gawain ng simbahan ay ebanghelismo at pagbabago.
Bagong Pananampalatayang Kristiyano
May ilang pastor na naniniwala na hindi tumpak ang Biblia, subalit nais pa rin nilang magkaroon ang mga tao ng espirituwal na karanasan na batay sa Biblia. Sinikap nilang makahanap ng paraan upang paniwalaan pa rin ang pangunahing mensahe ng Biblia bagamat kumbinsado sila na ito ay hindi naman lubusang kinasihan ng Diyos.
Sina Karl Barth (1886-1968), at Emil Brunner (1889-1966), at kasama na rin ang kanilang mga tagasunod ay nagmungkahi ng isang bagong uri ng pananampalatayang Kristiyano. Itinuro nila na ang mga kwento sa Biblia ay makakatulong sa atin na magkaroon ng pananampalataya at personal na espirituwal na karanasan bagamat ang mga kwentong ito ay hindi naman literal na totoo. Ayon sa kanila, maaari nating marasanan ang isang espirituwal na pagkabuhay kahit na si Jesus ay hindi naman literal na nabuhay mula sa mga patay.
Sa halip na paniwalaan na kinasihan ng Diyos ang Biblia nang ito’y isinulat, sinabi nila na ang isang mambabasa ng Biblia ay nagiging inspirado habang ito ay binabasa. Subalit, nakikita natin na ang orihinal na pananampalatayang Kristiyano ay nakabatay sa patotoo ng mga apostol na nagsasabing ang pagsilang, buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesus ay totoong naganap. Ginagamit ng Banal na Espiritu ang Biblia upang ihatid tayo sa espirituwal na karanasan sapagkat ito ay totoo.
Teolohiya ng Liberasyon
May ilang mga theologian na nais tumugon sa pangangailangan ng mga lipunang mahihirap at walang kalayaan. Binigyang diin nila ang ilang bahagi sa Biblia na kung saan ay iniligtas ng Diyos ang mga tao mula sa mga tiwaling pamahalaan at mayayamang tao na nangingibabaw sa lipunan. Hinikayat ng teolohiya ng liberasyon ang mga tao na makibahagi sa rebolusyon. Hindi binigyang diin ng teolohiya ng liberasyon ang kaligtasan mula sa kasalanan at espirituwal na tagumpay para sa mga indibidwal. Binigyang diin ng pananaw na ito ang kalayaan at kaunlaran sa ibabaw ng lupa. Ang teolohiya ng liberasyon ay lubhang naiiba sa ebanghelyo ng Biblia.
Ang Relihiyon ay Hindi Napapanahon
Ang isa pang bagay na nakaapekto sa simbahan noong huling bahagi ng ika-19 na siglo ay ang paglago ng mga lungsod. Ang mga bagong pabrika sa Europa at America ay humikayat sa paglago ng mga malalaking siyudad sapagkat ang mga tao ay lumilipat sa siyudad upang magtrabaho. Kapag sila’y lumilipat, iniiwan ng mga tao ang kapaligiran ng tahanan na kanilang kinagisnan kung saan ang kanilang kinabibilang grupo roon ay nagpapanatili ng tradisyunal na tuntuning moral. Sa lagay na ito, iniiwan ng mga tao ang kanilang mga simbahan at marami sa kanila ay hindi kumukunekta sa mga simbahan sa lungsod. Ang araw ng Linggo, na walang trabaho ay madalas na ginugugol sa paglilibang sa halip na pagsamba.
Pagsapit ng ika-20 siglo, karamihan sa kanlurang bahagi ng mundo ay nagpalagay na ang Kristiyanismo ay hindi na napapanahon sa modernong mundo. Hindi na itinatanong ng maraming tao, “Ang mga pahayag ba ng Kristiyanismo ay totoo?” Basta binalewala na lamang nila ang relihiyon na hindi kinakailangan sa pang-araw-araw na buhay. Ang lipunan ay hindi na ginagabayan ng relihiyon.
At sa halip na magkaroon ng mga talakayan tungkol sa pananampalataya, karamihan sa mga tao sa kanluran ay nagsimulang mamuhay na para bang ang Kristiyanismo ay wala ng halaga. Mula ng maakay si Constantine sa pananampalataya, ang Kristiyanismo ang naging pangunahing impluwensya sa kultura ng Europa. Ngunit sa ika-20 siglo, ang Kristiyanismo ay wala na sa sentro ng pamumuhay ng mga Europeano. Sa kasalukuyan, ang Europa ay binansagan na “post-Christian” – hindi na ito Kristiyanong bansa.
► Sa mga isyung nakalista sa seksyon na ito, ano ang higit na maimpluwensya sa iyong kultura? Ang mga isyu ba na ito ay nakakaapekto sa mga simbahan sa iyong lipunan? Kung gayon, paano ka makakatugon bilang isang ebanghelikal na lider?
[1]“Ang pipitsuging biyaya ay ang pangangaral ng
Kapatawaran na walang pagsisisi,
bautismo na walang pagdidisiplina ng Iglesia,
komunyon na walang pagpapahayag ng kasalanan…
Ito ay biyaya na walang pagdidisipulo
biyaya na walang krus,
biyaya na walang Jesu-Cristo.
Ang mamahalin na biyaya ay mamahalin sapagkat
ito’y tumatawag ng pagsunod;
at ito ay biyaya sapagkat
ito’y tumatawag ng pagsunod kay Jesu-Cristo.
Ito ay mamahalin sapagkat
isang buhay ang naisakripisyo;
at ito ay biyaya sapagkat
ibinibigay nito ang natatanging tunay na buhay.
Ito ay mamahalin sapagkat hinahatulan nito ang kasalanan,
at biyaya sapagkat pinapawalang-sala nito ang makasalanan.
Higit sa lahat, ito ay mamahalin sapagkat
buhay ng Anak ng Diyos ang nai-alay dito.
Higit sa lahat, ito ay biyaya sapagkat
hindi ipinagkait ng Diyos ang Kanyang Anak
bilang kabayaran para sa ating mga kasalanan.”
- Dietrich Bonhoeffer,
tugon sa liberal na teolohiya
[2]Hango kay Bruce Shelley, Church History in Plain Language, 3rd edition (Nashville, Thomas Nelson, 2008), 395.
Ang Ebanghelikalismo ng Ika-20 na Siglo
Sa unang bahagi ng ika-20 na siglo, maraming tao ang naniniwala na ang ebanghelikal na Kristyanismo ay maglalaho na. Dahilan sa mga akademikong pag-atake laban sa pananampalataya at ang paghihiwalay ng pananampalataya mula sa pamumuhay, tila ang araw ng biblikal na Kristyanismo ay hindi na sisikat.
Subalit, ang unang kalahati ng ika-20 na siglo ay ipinakita ang kahinaan ng bagong di-biblikal na teolohiya. Ang 10 milyong mga kamatayan na dulot ng Unang Digmaang Pandaigdig at ang pagkakaroon ng depresyon sa ekonomiya noong 1920 ang siyang bumasag sa optimistikong mga pagpapalagay ng paniniwala na nakabatay sa tao sa halip na sa Diyos. Ang mga digmaang ito ay nagpapakita na ang tao ay hindi likas na mabuti; ang daigdig ay hindi “langit sa lupa.”
Ang pagkakatuklas ng Dead Sea Scrolls noong 1947 ang nagpakita na mapagkakatiwalaan ang biblia. Kontra sa pananaw ng mga kritiko na ang ating modernong Biblia ay hindi mapagkakatiwalaan, ipinakita ng Dead Sea Scrolls na ang mga modernong kopya ng Hebreong Biblia ay halos magkapareho sa sinaunang mga kopya. Sa madaling salita, iningatan ng Diyos ang kanyang salita para sa kanyang bayan.
Sa kasalukuyan, ang pinakamabilis na lumalagong mga simbahan sa mundo ay ang ebanghelikal. Mayroong mga pagkakaiba sa mga ebanghelikal na mga denominasyon, subalit pare-parehas nilang pinanghahawakan ang ilang mga prinsipyo: ang awtoridad ng Biblia, historikong katuruang Kristiyano, at ang kahalagahan ng personal na pagtatalaga ng sarili kay Jesu-Cristo.
Ang mga ebanghelikal noong 1940 ay sinimulan nilang hanapin kung papaano nila papanatilihin ang paggalang sa awtoridad ng Biblia habang inuunawa at binabago ang modernong mundo. Ito ay humantong sa isang yugto ng pagbabago na kung saan ang paggalang sa Biblia ay sinangkapan ng historikong ebanghelikal na pokus sa paghayo sa mundo. Noong 1941, isang grupo ng mga konserbatibong ebanghelikal ang nagpulong sa Moody Bible Institute upang i-organisa ang National Association of Evangelicals. Ang NAE ay nagbigay pansin sa paghayo:
Ang National Religious Broadcasters ay bumuo ng mga programa sa radyo at telebisyon.
Ang Chaplains Commission naman ay sumuporta sa mga paghayo sa militar.
Ang World Relief Commission ay nagbigay ng agarang tulong sa mga lugar na dumanas ng mga sakuna.
Ang Mission Exhange naman ay humikayat ng pagtutulungan sa pagitan ng mga organisasyong misyonero.
[1]Para sa maraming tao sa mundo, si Billy Graham ang mukha ng ebanghelikal na paghayo. Ang kanyang mga ebanghelistikong kampanya ay umabot sa buong mundo. Samantala, si Carl F.H. Henry naman, na kaibigan ni Graham, ay nagtangka na ipabatid ang historikong mensahe ng Kristiyanismo sa modernong mundo sa pamamagitan ng isang bagong magasin, Christianity Today.
Sinikap ng ika-20 siglo na mga ebanghelikal na iugnay ang Biblia sa espirituwal, moral, at panlipunang pangangailangan ng modernong mundo. Kung paanong ang mga organisasyon ng mga boluntaryo noong ika-19 na siglo ay nanguna sa pagsusulong ng mga panlipunang reporma at mga paghayo, ang mga bagong ministeryong organisasyon ang siyang nanguna naman sa ebanghelikal na paghayo sa huling bahagi ng ika-20 na siglo.
Kaalinsabay sa mga kampanya ni Billy Graham at ng iba pang mga ebanghelista, may mga grupo rin na naitatag upang magpokus sa mga partikular na uri ng paghayo:
Ang Campus Crusade ay inorganisa ni Bill Bright para abutin ang mga estudyante sa unibersidad.
Ang Youth for Christ ay nakatuon sa mga estudyante sa high school.
Ang Navigators na itinatag ni Dawson Trotman ang siyang nagbabahagi ng ebanghelyo sa mga mandaragat noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang Gideons International ang namamahagi ng mga Biblia sa mga paaralan, bilangguan, at mga hotel.
Samantala, ang mga grupong gaya ng World Vision International at Samaritan’s Purse ang siyang napalaganap ng ebanghelyo sa pamamagitan ng panlipunang mga pagkilos.
Ang pangunahing punto ng debate ay hinggil sa kawastuhan ng Biblia. Kaya noong 1978, may 200 ebanghelikal na lider ay nagpulong sa Chicago, Illinois, at binuo ang tinaguriang International Council on Biblical Inerrancy. Isinulat nila ang “Chicago Statement on Biblical Inerrancy” upang tugunan ang doktrina tungkol sa katangian ng Biblia. Ang Chicago Statement ay:
Nagpapahayag kung bakit ang doktrina tungkol sa katumpakan ng Biblia ay mahalaga sa mga Kristiyano.
Pinagtitibay nito na ang Biblia ang siyang ganap na awtoridad na angat sa indibidwal na budhi, tradisyon, at mga katuruan ng simbahan.
Nagsasaad na ang Diyos ay kumilos sa pamamagitan ng mga taong may-akda gamit ang kanilang mga personalidad.
Nagpapakita na ang mga orihinal na sulat (hindi ang mga sumunod na kopya) ang siyang walang pagkakamali. Subalit, pinagtitibay rin ng Chicago Statement na walang anumang doktrina ng pananampalatayang Kristiyano ang naapektuhan dulot ng kawalan ng orihinal na manuskrito.
Tumatanggi na may pagkakasalungatan sa Biblia.
Nagbibigay ng mga tuntunin para sa maayos na pagpapaliwanag ng Biblia.
Nagbababala tungkol sa panganib na hatid sa simbahan at sa indibidwal na mananampalataya kung tatanggihan nila ang katumpakan ng Biblia.
Ang Chicago Statement ay tumutulong sa mga pastor at guro na maunawaan ang mga mahahalagang prinsipyo ng pagpapaliwanag sa Biblia at nagbibigay rin ng patnubay para sa pagtatanggol ng katumpakan ng Biblia.[2]
[1]“Ang pangunahing gampanin ng ebanghelikal ay ang pangangaral ng ebanghelyo, na ang interes ay ang muling pagsilang ng isang indibidwal sa pamamagitan ng supernatural na biyaya ng Diyos, sa paraang ang pagliligtas ng Diyos ay makikitang pinakamainam na solusyon sa ating mga problema, indibidwal man o panlipunan.”
- Carl. F. H. Henry
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Ninyong Makikilala: C.S. Lewis (1898-1963)
Ipinakita ni C.S. Lewis ang kapangyarihan ng ebanghelyo na bumago ng buhay. Si Lewis ay ipinanganak sa isang Kristiyanong pamilya sa Ireland. Ang kanyang lolo sa tuhod ay isang ministrong Methodist, at ang kanyang lolo ay isang ebanghelikal na Anglican. Subalit, noong binata pa si Lewis, hindi siya naniniwala sa Kristiyanismo. Gaya ng maraming tao, hindi magawang maniwala ni Lewis sa isang mapagmahal na Diyos ng dahil sa presensya ng kahirapan at sakit sa mundo. Ang ina ni Lewis ay namatay ng dahil sa kanser noong siya ay siyam na taong gulang pa lamang. Kaya nagpasya si Lewis na kung ang Diyos man ay umiiral, siya ay malupit na Diyos. Kaya sa loob ng tatlong taon, ipinahayag ni Lewis ang sarili na isang ateista.
Si Lewis ay naging isang matalinong mag-aaral ng literatura sa Unibersidad ng Oxford. Nang siya ay magtapos, siya’y naging isa sa pinakasikat na tagapagturo sa Oxford.
Sa patuloy na pag-aaral ni Lewis sa mga literaturang Ingles, napagtanto niya na ang mga Kristiyanong may-akda ay may lalim na hindi niya makita sa ibang panitikan. Dagdag pa rito, dalawa sa matalik na kaibigan ni Lewis sa English faculty ay mga Kristiyano. Sa pamamagitan ng pakikipagtalakayan sa mga lalaking ito at sa pamamagitan ng mga sariling pagbabasa, napilitan si Lewis na kilalanin ang intelektuwal na kakulangan ng ateismo. Noong 1929, umamin si Lewis sa realidad ng pag-iral ng Diyos at binasangang “pinaka-alanganin na akay sa buong Inglatera.” Sa yugtong ito, ipinahayag na ni Lewis na ang Diyos ay umiiral; subalit hindi pa siya naging isang Kristiyano.
Pagkalipas ng dalawang taon, isinuko ni Lewis ang kanyang buhay kay Cristo. Sa pagkakataong ito, si Lewis ay nagkaroon ng taus-pusong pagbabago, hindi lamang mental na pagsang-ayon na umiiral ang Diyos. Si Lewis ay hindi na “alanganin na akay”; siya ngayon ay “sinurpresa ng kagalakan.”
Matapos na siya’y maging Kristiyano, ibinuhos ni Lewis ang kanyang lakas sa kanyang pananampalataya. At tulad ng inaasahan, ang publikong pagpapahayag ni Lewis ng kanyang pananampalatayang Kristiyano ay may sakripisyo. Bagamat isa siya sa mga pinakasikat na tagapagturo at may-akda ng isang iginagalang na akdang pampanitikan, hindi kailanman inalok ng Oxford si Lewis ng buong pagkapropesor. Ang malaking dahilan rito ay gawa ng kanyang mga kasamahan na di Kristiyano.
Si Lewis ay naging isa sa pinaka-maimpluwensyang Kristiyanong manunulat ng ika-20 na siglo. Nagsulat siya ng 25 na mga libro na tumutugon sa maraming aspeto ng paniniwalang Kristiyano. Siya ay isang mahusay na tagapagtanggol ng pananampalatayang Kristyano. At bagamat siya ay isang napakatalinong iskolar, si Lewis ay mayroong kakayahan na mangusap sa mga karaniwang tagapakinig na kasing epektibo ng kanyang pagtuturo sa mga iskolar ng Oxford. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, gumawa si Lewis ng isang serye ng mga pamamahayag sa radyo na kung saan ipinaliwanag niya ang pananampalatayang Kristiyano. Ang mga broadcast na ito ang siyang naging batayan ng Mere Christianity, isa sa mga naging pinaka-maimpluwensyang aklat ng ika-20 siglo.
Sumulat rin si Lewis ng mga librong para sa mga bata. Ang kanyang serye na libro na The Chronicles of Narnia na nailathala noong 1950 ay isa pa rin sa mga pinaka naiibigang libro para sa mga bata sa buong mundo. Ang pambatang mga aklat na ito ay nagsasalaysay ng kwento ng isang manunubos (na inilalarawan ng isang dakilang leon na si Aslan) na inialay ang kanyang buhay upang sagipin ang isang mundo na nasa gapos ng kapangyarihan ng kasamaan. Sa pamamagitan ng isang simbolikong kwento, ipinakita ni Lewis sa mga bata ang kapangyarihan ng pagtubos.
Ang mga pagsusulat ni Lewis ay nakatuon sa mga mahahalagang katotohanan ng Kristiyanismo. Sa panahon iyon na nais ng mga liberal na talikuran ang mga pangunahing doktrina upang gawing kaakit-akit ang Kristiyanismo sa mga intelektuwal, pinatunayan ni Lewis na ang mga mahahalagang doktrina ng Kristiyanismo ay maaaring matalinong ipagtanggol.
Si C.S. Lewis ay isa pang halimbawa kung paanong ang tunay na pananampalatayang Kristiyano ay maipapakita sa ating relasyon sa mundong nakapaligid sa atin. Nang dahil sa kanyang mga pagsusulat, si Lewis ay naging isang mayaman. Gayunpaman, tumanggi siyang baguhin ang kanyang simpleng pamumuhay. Sa halip, inilaan niya ang kanyang mga kinita mula sa kanyang mga libro para sa mga kawanggawa. Sinuportahan niya ang maraming mahihirap na pamilya, nagbigay ng edukasyon para sa mga ulila, at nagbigay ng pera sa maraming mga kawanggawa at organisasyon ng simbahan. Ang dating ateista ay tunay na nagbago sa pamamagitan ng kapangyarihan ng ebanghelyo.
Ang Ebanghelikalismo ng Ika-20 na Siglo (Pagpapatuloy)
Ang Pagbangon ng Pentecostalismo
Isa mga pinakakontrobersyal na aspeto ng ika-20 siglo ng ebanghelikal na renewal ay ang pagbangon ng Pentecostalismo. Ang gawaing ito ay nagsimula noong 1906 sa isang revival na ginanap sa Azusa Street Mission sa Los Angeles. Ang mga Pentecostal roon ay nagpatotoo tungkol sa kanilang karanasan ng pagsasalita sa “iba’t ibang wika.” Ang mga Kristiyano na mula sa iba’t ibang panig ng mundo ay dumalaw sa Azusa Street.
Naakit ng Pentecostalismo ang mga mahihirap at nasa mababang katatayuan sa lipunan sa pamamagitan ng mensahe ng pagpapalaya. Ito ay nakahikayat rin ng mga tao mula sa lahat ng antas ng ekonomiya ng dahil sa mensahe nito tungkol sa espirituwal na kapangyarihan.
Ang Assemblies of God, ang Church of God in Christ, at ang Pentecostal Holiness Church ay ilan lamang sa mga denominasyon na nagsimula mula sa gawaing ito. Dagdag pa, ang Pentecostal o “charismatic” na mga grupo ay nabuo rin sa loob ng mga denominasyon na gaya ng sa mga simbahan ng Lutheran at Presbyterian.
Noong huling bahagi ng ika-20 na siglo, ang mga simbahang Pentecostal ang siyang pinakamabilis na lumalagong mga simbahan sa Africa at Asia. Ayon sa Altas of Global Christianity, halos 614 milyong mga tao ay bahagi ng gawain ng Pentecostal ngayon.[1] Ang paglago na ito ay nakabatay sa malakas na pagbibigay pansin sa ebanghelismo at sa mensahe na nagpapatotoo sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu na bumago ng mga buhay.
[1]Bagamat maraming mga Amerikanong Kristiyano ay pangunahing iniuugnay ang Pentecostalismo sa pagsasalita sa iba’t ibang mga wika, hindi ito ang primaryong pagkakakilanlan sa ibang mga bansa. Sa isang pag-aaral ng isang Nigerian na Pentecostal na si Dr. Danny McCain ng Unibersidad ng Jos, natuklasan niyang wala pang kalahati ng mga Pentecostal sa Nigeria ay nagsasabing nakapagsasalita sila sa iba’t ibang wika.
Mga Gawaing Nagtataguyod ng Pagkakaisa sa Ika-20 Siglo
Bago naganap ang Repormasyon, ang pagiging “Kristiyano” ay nangangahulugan ng pagiging isang Romano Katoliko o Eastern Orthodox. Noong ika-16 na siglo, ang pagiging Protestante ay nangangahulugan ng pagiging isang Lutheran, Reformed, Anabaptist, o Anglican. Sa pagbangon ng mga denominasyon kasunod ng Peace of Augsburg at ng Westminster Assembly, ang simbahang Kristiyano ay nahati sa mas lumalawak pang bilang ng mga grupo.[1]
Sa unang bahagi ng ika-20 siglo, sa Estados Unidos pa lang ay mayroon ng 200 na mga Protestanteng mga denominasyon bukod pa sa libu-libong mga independiyenteng mga simbahan. Kaya bilang tugon, sinimulan ng ilang lider na lumikha ng mas mabuting pagkakaunawaan, pagkakaisa, at pagtutulungan sa pagitan ng mga grupong Kristyano.
Liberal na Gawain ng Pagkakaisa
Sa pasimula ng 1846, sinubukan ng Evangelical Alliance na pag-isahin ang mga simbahan sa Europa sa pagsasama. Ang American Federal Council of Churches, na itinatag noong 1908, ay nagbigay ng pagkakaisa sa 31 na mga Amerikanong denominasyon. Ang organisasyon na ito ay kalaunang naging National Council of Churches of Christ.
Ang pinakamalaking organisasyon na nagbibigay pagkakaisa ay ang World Council of Churches na binuo noong 1948. Nitong 2023, ito ay mayroong 349 miyembrong mga denominasyon mulasa higit 110 na mga bansa.[2]
Sa kasamaang palad, sa pasimula, ang World Council of Churches ay malakas na naimpluwensyahan ng teolohiya na tumatanggi sa katumpakan at awtoridad ng Biblia. Ang World Council ay higit na interesado sa mga panlipunan, ekonomiya, at pulitikal na mga usapin sa halip na biblikal na doktrina.
Pagkakaisa sa Pagitan ng mga Ebanghelikal
Kinikilala ng mga Ebanghelikal na ang tunay na biblikal na pagkakaisa ay nakabatay sa awtoridad ng Biblia. Noong 1940, hinangad ng National Association of Evangelicals na pag-isahin ang mga mananampalataya na may parehas na paninindigan sa biblikal na awtoridad.
Ang mga ebanghelikal ay nakadama ng pagnanais na magkaroon ng pagkakaisa nang sila ay nagtulungan sa pandaigdigang ebanghelismo. Ang pangangaral sa madla nina Billy Graham at Luis Palau ang nagpatuloy sa ebanghelistikong pamamaraan ni D.L. Moody. At habang mga simbahan ay nagtulungan sa pag-oorganisa ng mga ebanghelistikong gawain, nagkaroon rin sila ng paggalang sa isa’t isa.
Isang serye ng kumperensya sa pagbabahagi ng ebanghelyo ang naghatid sa mga Kristiyano na magsama-sama mula sa iba’t ibang denominasyon na pinagmulan. Ang World Congress on Evangelism noong 1966 sa Berlin ay nakakuha ng 1,200 na mga kalahok mula sa higit 100 na mga bansa.
Ang Lausanne International Congress on World Evangelization noong 1974 ay nagkaroon ng 2,500 kalahok mula sa 150 mga bansa. Sa pangunguna ng isang Amerikanong ebanghelista, si Billy Graham at ng isang British na Anglikanong ministro na si John R.W. Stott, ang mga kalahok sa Kongreso ay lumagda sa Lausanne Covenant na nagsasabing, “ang nakikitang pagkakaisa ng simbahan sa katotohanan ay layunin ng Diyos.” Ang Covenant ay nagpahayag ng dalawang layunin para sa pagkakaisa ng Iglesia:
Sa theolohikal na pananaw, ang pagkakaisa ng simbahan ay sumasalamin sa pagkakaisa ng Trinidad. Ang pagkakaisa ng simbahan ay kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu, na ginawa posible sa pamamagitan ng krus ni Cristo.
Sa praktikal na punto, ang pagkakaisa ng simbahan ay nagbibigay-daan para sa mabisang pangangaral ng ebanghelyo sa mundo.[3]
Hindi tulad ng mga kumperensya ng World Council of Churches, pinagtibay ng Lausanne Congress na ang doktrina ay mahalaga sa gawain ng pandaigdigang ebanghelisasyon. Pinagtibay sa Congress na ito ang banal na inspirasyon at pagiging katiwa-tiwala ng Biblia at ang pananangan kay Cristo lamang para sa kaligtasan. Kinilala sa Congress na ang ebanghelyo ay parehas na may sangkap na katarungang panlipunan at ebanghelismo.
Noong 1986, isang sumunod na kumperensya sa Amstermdam ang nakapagtipon ng 8,200 na mga ebanghelista, karamihan ay mula sa Asia, Africa, at Latin America. Minsan pa, ang congress na ito ay sumang-ayon sa pandaigdigang ebanghelisasyon at sa integridad ng doktrina na mahalaga sa pagkakaisa ng simbahan.
[1]Kung nakalimutan mo ang mga katagang ito, balikan ang seksyon sa Aralin 2 hinggil sa Tatlumpung Taong Digmaan at ang pagbangon ng mga denominasyon.
[3]Bruce L. Shelley, Church History in Plain Language, 3rd edition (USA: Thomas Nelson, 2008), 449
Ang Paglago ng Pandaigdigang Simbahan
Noong 1910, mayroong 200 milyong mga Protestante sa buong mundo. Pagkalipas ng 100 taon, nagkaroon ng humigit-kumulang na 800 milyong Protestante sa buong mundo. Tinatayang 300 milyon sa mga ito ay mga ebanghelikal.[1]
Ngayon,[2] mahigit 50,000 na misyonero mula sa Africa, Asia, at Latin America ang nagmiministeryo sa ibang mga bansa. Ang mga simbahan sa Korea at Tsina ay nagpapadala ng mga libo-libong mga misyonero sa ibang mga bansa. Ang “Back to Jerusalem” na gawain sa Tsina ay nakatalaga para sa paghahatid ng ebanghelyo para sa mga Muslim sa central Asya at sa north Africa. Dagdag pa, ang mga lider ng mga bahay-simbahan ay nananawagan para sa 100,000 na mga misyonero na umalis mula sa Tsina at nagbigay ng hula na 10,000 sa mga ito ay mamamatay bilang mga martir. Marahil, pagdating ng 2025, mas marami na ang mga dayuhang misyonero na nagmumula sa Tsina kaysa sa ibang panig ng mundo.
Samantala, ang Europa, na siyang historikong sentro ng Kristiyanismo, ay higit ng nangangailangan ng ebanghelyo. Wala pang 10% na mga mamamayang British ang linggu-linggong dumadalo sa simbahan; higit pa sa 50% ang hindikailanman dumadalo ng simbahan. Sa Denmark at Sweden, wala pang isang tao mula sa bilang ang 20 dumadalo sa pagsisimba. Ang ika-21 siglong Kristiyanismo ay tunay na para sa lahat ng nasyonalidad at pangkat etniko at hindi dapat ituring na relihiyon lamang ng mga puti.
Ang sumusunod na tsart ay nagpapakita ng pagbabago sa Kristiyanismo sa buong mundo mula 1900 hanggang 2005. Anim na mga bansa ang napabilang sa top 10 mga bansa noong 2005 na wala sa listahan noong 1910. Lima sa bagong mga bansa ay mula sa Asia at Africa. Mula 10 milyon na mga Kristiyano noong 1910, ang Africa ngayon ay mayroong ng halos 500 milyong mga taong nagsasabi na sila’y Kristiyano. Tinataya rin na limang mga bagong kongregasyon ang naitatatag sa Africa bawat araw. Ayon sa prediksyon ng mga iskolar, pagdating ng 2050, 8 sa mga top 10 na mga Kristiyanong bansa ay nasa Asia at Africa.
Karamihan sa mga Kristiyano
noong 1900
Karamihan sa mga Kristiyano
noong 2005
Karamihan sa mga Kristiyano
sa taong 2050
(Tinatantiya)
USA
USA
USA
Russia
Brazil
Tsina
Alemanya
Tsina
Brazil
France
Mexico
Congo-Zaire
Britain
Russia
India
Italya
Pilipinas
Mexico
Ukraine
India
Nigeria
Poland
Alemanya
Pilipinas
Espanya
Nigeria
Ethiopia
Brazil
Congo-Zaire
Uganda
Mga salik na mahalaga sa paglago ng ebanghelikal na simbahan sa buong mundo ay ang mga sumusunod:
Paninindigan sa Biblikal na Awtoridad
Ang mga malalaki at matatandang mga denominasyon ay nawalan ng malaking porsyento ng bilang ng kanilang miyembro noong ika-20 na siglo. Sa pagitan ng 1925 at 1985, ang bilang ng mga misyonero na mula sa mga denominasyong tumanggi sa awtoridad ng Biblia ay bumaba mula sa 11,000 hanggang 3,000 na bilang. Sa kabaligtaran, sa pagitan ng 1953 at 1985, ang bilang ng mga ebanghelikal na misyonero ay nagtriple mula 10,000 hanggang 35,000. Sa isang pag-aaral tungkol sa mga denominasyon na hindi naniniwala sa awtoridad ng Biblia, ganito ang matatagpuang mga palatandaan:
Ang mga pastor ay nagtuturo na ang Biblia ay hindi kinasihang Salita ng Diyos, ang sinasaad sa Biblia tungkol sa mga himala ay mga alamat lamang, at ang pananampalataya kay Cristo ay isa lamang sa maraming mga daan tungo sa kaligtasan.
Ang kahalagahan ng paniniwala ay naglaho. Ang simbahan ay naging panlipunang institusyon lamang.
Ang mga tao ay hindi magkukusa na italaga ang kanilang mga sarili sa isang panlipunang organisayon na masigasig na naniniwala sa alamat. Ang simbahan ay nanliit at ang ebanghelistikong misyon at paninindigan ay nanghina.[3]
Pagbulusok matapos Tumanggi sa Biblia
1. Pagtanggi sa inspirasyon ng Biblia.
2. Ang simbahan ay naging panlipunang institusyon.
3. Ang masigasig na paninindigan sa ebanghelismo at misyon ay nanghina.
Sa parehong mga taon na ang mga denominasyong tumatanggi sa Biblia ay nanghihina at kumukonti, ang mga ebanghelikal na denominasyon naman ay lumalakas at dumarami. Maraming halimbawa ang pwedeng gamitin ngunit magbigay lamang tayo ng tatlo sa puntong ito. Sa pagitan ng 1965 at 1985:
Ang bilang ng Assemblies of God ay nadoble.
Ang Church of the Nazarene ay tumaas ng halos 50%.
Ang Southern Baptist Convention ay tumaas ng halos 40%.
Ang simbahan ay lumalago kapag ang Biblia ay ipinapangaral at inilalapat ng maayos sa buhay ng mga mananampalataya. Subalit ang simbahan ay nahihirapan kapag ang awtoridad ng Biblia ay tinatanggihan; kapag ang mga pastor ay nabibigong mangaral ng mga sermong biblikal, at kapag ang mga layman ay namumuhay sa kusang pagsuway sa mga prinsipyo ng Biblia.
[1]Ang mga istatistika sa araling ito ay nagmula sa World Christian Database (2008 na bersyon) at ni Earle E. Cairns, Christianity through the Centuries (1996). Sa mga bansa na gaya ng Tsina, ang pagtatantiya ay may malaking pagkakaiba. Ang impormasyon tungkol sa gawain ng pagmimisyon sa Tsina ay nagmula kay Timothy C. Tennent, sa kanyang Theology in the Context of World Christianity, (Zondervan, 2007).
[2]Imahe: “Regional Distribution of Christians” from “Global Christianity – A Report on the Size and Distribution of the World’s Christian Population” Pew Research Center, Washington, D.C. (Disyembre 19, 2011) nakuha mula sa https://www.pewresearch.org/religion/2011/12/19/global-christianity-exec/, malayang gamitin na may attribution.
[3]Vanishing Boundaries. Binanggit sa Timothy Paul Jones, Christian History Made Easy (CA: Rose Publishing, 2009), 167
Ang Ebanghelyo ay Isinalin para sa Mundo: Wycliffe Bible Translators
Tunay na mabuting itaguyod ang awtoridad ng Biblia, subalit paano naman ang mga taong walang Biblia sa kanilang sariling wika? Kaya’t noong 1917, isang misyonero na nagngangalang Cameron Townsend ang naglakbay sa Guatemala upang doo’y maglingkod. Gumamit siya ng mga Biblia sa wikang Espansyol para sa taong naroroon, subalit natuklasan na lamang niya na ang mga taong naninirahan sa kanyang nayon ay hindi nagbabasa ng Espanyol. Sila’y nagsasalita ng Cakchiquel, isang wika na wala pang salin ng Biblia.
Noong 1934, nagsimula si Townsend ng isang paaralan na nagsasanay sa mga tao sa pagsasalin ng Biblia. Pagkatapos nito, noong 1942, itinatag niya ang Wycliffe Bible Translators para sa layuning magbigay ng salin ng Biblia sa bawat wika sa buong mundo.
Pagsapit ng 2013, ang buong Biblia ay naisalin na sa mahigit 500 na mga wika; ang Bagong Tipan ay isinalin sa mahigit 1,800 na mga wika; at mayroong isang aklat sa Biblia na naisalin sa mahigit 2,800 na mga wika. Ang pagkakaroon ng Biblia sa bawat lokal na wika ay tumulong sa paglago ng mga simbahan sa buong mundo.
Gayunpaman, marami pa rin ang dapat gawin. Humigit-kumulang 1,900 na mga wika ay wala pa ring pagsasalin ng Biblia. Milyon-milyon pa ring mga tao ang naghihintay sa Salita ng Diyos na maipahayag sa kanilang sariling wika. Sa kataga pa ng isang ebanghelikal na pinuno na si Carl F.H. Henry, “Ang ebanghelyo ay mabuting balita lamang kung ito ay nakarating sa isang lugar sa tamang panahon.”
► Ano ang iyong magagawa upang ang Salita ng Diyos ay maihatid sa grupo ng mga taong wala pa nito?
Ang Paglago ng Pandaigdigang Simbahan (Pagpapatuloy)
Isang Paninindigan para sa Katutubong Liderato
Ang isang katutubong simbahan ay yaong pinapangunahan at sinusuportahan ng mga mananampalataya na katutubo sa gayong lokal na kultura, sa halip na pinapangunahan ng mga misyonero na mula sa ibang bansa o kaya’y pinopondohan ng mga mananampalataya sa ibang lugar. Ang mga katutubong simbahan ay palagay ang loob sa kanilang sariling kultura at sinasagawa ang kanilang kultura, liban lang sa mga bagay na ang prinsipyong Kristiyano ay gagawin silang naiiba. Ang mga simbahan na mahusay sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa pamamagitan ng ebanghelismo at pagtatatag ng mga bagong simbahan ay ang mga katutubong simbahan.
[1]Ang katutubong liderato sa simbahan ay hindi isang bagong konsepto. Sa aklat ng mga Gawa, si Pablo ay nagtatag ng mga simbahan na kayang suportahan, pamahalaan at palaganapin ang mga sarili. Noong ika-19 na siglo, hinikayat ni Henry Venn ang pagkakahirang kay Samuel Crowther bilang isang Anglican na obispo sa Africa at hinangad naman ni William Carey na makabuo ng isang katutubong simbahan sa India.
Ang simbahan sa Tsina ay naging modelo ng katutubong liderato sa simbahan sa ika-20 na siglo. Nang ang mga misyonero ay sapilitang pinaalis sa Tsina dahil sa Maoist Revolution noong 1950, mayroong tinatayang 500,000 na nabinyagang Protestante sa Tsina. At noong 1996, ang bilang na ito ay lumago sa hindi bababa sa 33 milyon. Marami pang mga pagtatantiya ang ginagawa ngayon sa kabuong bilang mga Kristiyano sa Tsina na umaabot halos 100 milyon.
Isa pang halimbawa ng katutubong liderato at paglago ay makikita sa East Africa. Noong 1937, dahil sa pananakop ni Mussolini, maraming mga misyonero ang napilitang lisanin ang tribo ng Walmo sa Ethiopia. Noong sila ay umalis, mayroong 48 na mga mananampalataya sa tribo; subalit nang ang mga misyonero ay bumalik noong 1945, nakita nila ang higit pa sa 10,000 na mga mananampalataya.
Isang Sigasig para sa Revival
Sa buong kasaysayan ng Iglesia, ang mga panahon ng revival ay naging mahalaga para sa paglago ng simbahan. Ang mga revival sa unang bahagi ng ika-20 na siglo na naitala sa Aralin 4 ay naglatag ng pundasyon para sa paglago ng simbahan sa Korea at Tsina.
Ang 1935 na revival sa Uganda, Kenya at Tanzania ay naghatid ng libo-libong mga bagong mananampalataya tungo sa ebanghelikal na mga simbahan. Ang revival sa pulo ng Indonesia sa Timor noong 1960 ay naghatid sa mga simbahan roon na maging triple ang bilang mula sa 100,000 na mga miyembro tungo sa mas higit pa sa 300,000. Ang mga mananaliksik sa simbahang Afrika ay nag-ulat ng pagtatantiya na 40%ng mga Afrikano ay lumipat na mula sa kanilang tradisyunal na mga relihiyon tungo sa Kristiyanismo noong ika-20 na siglo.[2]
[1]“Nitong nakaraang Linggo, possible na mas maraming Kristyanong mananamplataya ang dumalo ng simbahan sa Tsina kaysa sa lahat ng bahagi ng tinaguriang ‘Kristiyanong Europa.’ Subalit noong 1970, walang legal na umiiral na mga simbahan sa lahat ng bahagi ng Tsina.”
-Mark Noll
[2]Peter Jenkins, The Great and Holy War (NY: Harper, 2014), 317
Konklusyon: Mga Hamon para sa Simbahan Ngayon
Sa maraming paraan, masasabi na ang paglago ng mga katutubong simbahan ay isa sa mga malalaking tagumpay ng ika-20 siglo na Kristiyanismo. Subalit, ang paglago ay may kaakibat na mga bagong hamon. Ang mga hamon na kinakaharap ng pandaigdigang simbahan ngayon ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
Teolohikal na Integridad
Sa ika-21 na siglo, gaya na rin noong unang siglo, naging banta ang mga bulaang tagapagturo sa katotohanan ng ebanghelyo. Babala ni Pedro, “Ngunit may lilitaw ding mga bulaang propeta sa gitna ng sambayanan, kung paanong sa inyo'y magkakaroon ng mga bulaang guro, na palihim na magpapasok ng mga nakapipinsalang turo. Itatakuwil nila pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na nagdadala sa kanilang sarili ng mabilis na pagkapuksa. At maraming susunod sa kanilang mga gawang mahahalay, na dahil sa kanila ay lalaitin ang daan ng katotohanan” (2 Pedro 2:1-2). Ang babala na ito ni Pedro ay mabisa pa rin hanggang ngayon. Sa panahon ng mabilis na paglago, hindi dapat kalimutan ng mga simbahan ang biblikal na katotohanan. Ang pandaigdigang simbahan ngayon ay nangangailangan ng pastoral na pagsasanay na huhubog sa mga pinuno ng simbahan na magkaroon ng biblikal na pundasyon, etikal na integridad, at abilidad sa pamumuno.
Ugnayan sa Pagitan ng Simbahan at ng Sanlibutan
Ang pag-usbong ng mga katutubong simbahan ay nagdulot ng mga bagong hamon na katulad ng hinarap ng sinaunang Iglesia. Tanong ng sinaunang Iglesia, “Aling mga bahagi sa kultura ng Hentil ang neutral at aling mga bahagi ang laban sa ebanghelyo?” Dahil ang ebanghelyo ay patuloy na inilalapat sa bawat kultura, bawat simbahan ay haharap sa tanong na ito sa panibagong mga pamamaran. Alin sa kultural na gawi, kaugalian, mga pagdiriwang, panitikan, at musikal na mga produksyon ang masasabing neutral sa moral? Aling mga aspeto ang nakaugnay sa relihiyosong paniniwala na laban sa Kristiyanong pananampalataya?
►Anong mga teolohikal na isyu ang nagbabanta sa integridad ng simbahan sa iyong komunidad? Anong mga bahagi ng iyong kultura ang nagsisilbing hamon sa mga mananampalataya?
Aralin 6, Takdang Aralin
(1) Ibigay ang limang pundasyong doktrina ng pananampalataya kung saan ang isang serye ng akademikong mga sanaysay ay naisulat noong 1910-1915. Magsulat ng isang talata tungkol sa bawat doktrina na nagpapakita kung bakit mahalaga ito sa biblikal na Kristiyanismo. Ano ang nangyari sa mga pastor at simbahan na nakipagkompromiso o tumanggi sa doktrinang iyon?
(2) Ano ang malaking pagkakaiba ng mga simbahan sa iyong bansa? Kapanayamin ang isang pinuno ng simbahan na mula sa isang Kristiyanong tradisyon na ibang-iba sa inyo (kung maaari isang simbahan na kontektado sa gobyerno o isang denominasyon na itinuturing mong hindi gaanong ebanghelikal) at magtanong tungkol sa kasaysayan ng kanilang denominasyon. Mga posibleng itanong:
Ano ang pinagkaiba ng iyong denominasyon sa iba?
Ang iyong denominasyon ba ay nagbago/nailipat mula sa orihinal nitong layunin/binibigyang diin?
Ano ang ilan sa mga hamon na hinarap ng iyong denominasyon sa kasaysayan nito?
Ano ang ilan sa mga lakas ng iyong denominasyon?
Ano ang ilan sa mga kahinaan ng iyong denominasyon?
Isulat ang kanilang mga sagot sa iyong mga tanong at pagkatapos ay sumulat ng maikling buod ng iyong natutunan mula sa pag-uusap na ito.
(3) Magsulat ng 1-2 na pahina na sanaysay na kung saan tumutugon ka sa mga hamon na naitala sa araling ito. Maaari mong sagutin ang mga teolohikal na isyu gaya ng liberalismo o ang isang praktikal na isyu na gaya ng pangangailangan para sa katutubong liderato. Ang iyong sanaysay ay dapat na nasa dalawang bahagi:
Ipaliwanag kung bakit mahalaga ang isyung ito sa iyong simbahan.
Magbigay ng ilang ideya para matugunan ang problema sa iyong simbahan.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.