Bagamat ang mga Gobyerno na Repormista ang pinakakilalang mga pinuno ng Repormasyon, hindi lamang sila ang mga aktibong Repormista noong ika-16 at ika-17 siglo. Sa araling ito, pag-aaralan natin ang ilang mga di-kilalang mga gawain na nabuo sa loob ng siglong ito.
Pag-aaralan natin ang mga Radikal na Repormista na naniwalang hindi lubusang naiwaksi ng mga Gobyerno na Repormista ang mga gawain ng Simbahang Romano Katoliko. Matutuhangyan natin ang simula ng Repormasyon sa bansang Inglatera, isang uri ng gawain na malaki ang pagkakaiba sa Repormasyon na naganap sa kontinente ng Europa. Makikita rin natin ang gawain ng repormasyon sa loob ng Simbahang Romano Katoliko bilang tugon sa Repormasyon. At sa bandang huli, matutunghayan natin ang pagsulpot ng mga denominasyon sa loob ng Protestantismo.
Ang mga Radikal na Repormista
Sa Aralin 1, pinag-aralan natin ang mga Gobyerno na Repormista na sina Luther, Zwingli, at Calvin. Natunghayan natin na higit pang mga hakbang ang ginawa ni Zwingli kumpara kay Luther; na sa pagdating sa usapin ng pagsamba, tanging ang mga gawi ng pagsamba na inuutos sa Biblia ang maaaring gawin. At sa pamamagitan ng pagtanggi sa anumang mga gawi na hindi inuutos sa Biblia, sinubukan ni Zwingli na ipakita sa Zurich, Switzerland ang para sa kanya’y Kristiyanismo ng Bagong Tipan. Subalit dalawa sa malapit na tagasunod ni Zwingli na sina Conrad Grebel at Feliz Manz ang naniwalang hindi pa rin maituturing na malapit sa Kristiyanismo ng Bagong Tipan ang mga Swiss na simbahan. Ang mga taong ito ang siyang binansagang “Radikal na mga Repormista.”
Nagkaroon ng maraming uri ng mga Radikal na Repormista. May iba na nagbigay pansin sa mga bagong espirituwal na mga kapahayagan at tumanggi sa lahat ng tradisyon ng simbahan. May grupo naman na tinalikuran ang mga pangunahing katuruang Kristiyano ng dahil sa kanilang paghahanap ng bagong mga espirituwal na kapahayagan. Subalit, sa araling ito, pag-aaralan lang natin ang Radikal na mga Repormista na nabuo mula sa Swiss na simbahan. Nagturo sila ng mga paniniwalang nagpasimula ng gawain at tradisyon ng mga Anabaptist/Mennonite.
Bagamat sila ay tinatawag na mga Repormista, marami sa mga Radikal na Repormista ay naniwalang kulang pa rin ang nagawa ng Repormasyon. Ang totoo niyan, may iba sa kanila na naniwalang ang Lutheran na simbahan ay isang anyo pa rin ng Simbahang Romano Katoliko. Kaya sa halip na maghatid ng pagbabago sa umiiral na simbahan, ang mga Repormistang ito ay kusang-loob na umalis at lumabas mula sa umiiral na mga organisasyon ng panahong iyon, upang bumuo ng simbahang ayon sa iglesia ng unang siglo.
Ang mga prinsipyong marka ng mga Radikal na Repormista sa Swiss na Simbahan ay ang mga sumusunod:
Paghihiwalay ng iglesia at gobyerno
Bautismo ng Mananampalataya
Pagdidisipulo
Konsepto ng Iglesia
Pagtanggi sa lahat ng karahasan
Paghihiwalay ng iglesia at gobyerno
Isa sa mga malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga Nauugnay sa Gobyernong Repormista at Radikal na mga Repormista ay ang relasyon sa pagitan ng iglesia at gobyerno. Ang mga Nauugnay sa Gobyernong Repormista ay naniniwala sa posibilidad ng Kristiyanong gobyerno at sa malapit na pagtutulungan ng iglesia at pamahalaan. Naniniwala sila sa konsepto ng estadong iglesia (tulad ng Lutheran sa Germany; Zwinglian sa Zurich; Calvinist sa Geneva).
Subalit ang relasyon sa pagitan ng iglesia at ng estado ay naging isyu noong ikinatuwiran ni Feliz Manz (sa Zurich) na ang Banal na Hapunan ay dapat na idaos ayon sa wika ng mga tao sa halip na sa Latin. Ipinaalam ni Zwingli ang usaping ito sa pamahalaan ng lungsod. Subalit hindi sumang-ayon si Manz at ang kanyang mga tagasunod sa hakbang na ito: sapagkat ito ay hindi usapin na hawak ng gobyerno, kundi isang biblikal na usapin.
Yamang ang Bagong Tipan ay hindi nagtuturo ng alyansa o pagsasanib sa pagitan ng Iglesia at estado, tinutulan ng mga Radikal na Repormista ang konsepto ng estadong iglesia na kung saan ang gobyernong-sibil ay nagpapatupad ng mga teolohikal na paniniwala. Gamit ang ganitong lohika at pangangatuwiran, tinutulan ng mga Radikal na Repormista ang sapilitang pagbibigay ng ikapu at ninais nilang magtatag ng mga simbahang may sariling pamamahala. Ayon sa mga Radikal na mga Repormista, ang tanging tungkulin at kaugnayan lamang ng pamahalaan sa iglesia ay ang magbigay sa bawat mamamayan ng malayang konsensya. Ang ganitong malakas na pagtutol sa isang sentral na awtoridad ay nagpatuloy sa tradisyon ng tinaguriang free church sa Europa. (Ang free church ay denominasyon ng simbahan na humiwalay sa gobyerno.)
Bautismo ng Mananampalataya
Sa patuloy na paghahanap nina Grebel at Manz ng kasagutan sa Biblia, natuklasan nila na walang utos sa Bagong Tipan na bautismuhan ang sanggol. Walang matagpuan na basehan sa Biblia ang mga Radikal na Repormista para sa pagsasagawa ng bautismo sa sanggol. Ang kanilang alalahanin ay bunsod na rin ng dahilan na ang mga indibidwal na nabautismuhan noong sila ay sanggol pa ay maaaring mag-akala na sila ay ligtas, bagamat wala naman silang personal na relasyon kay Cristo.
Nang dahil rito, tinutulan ng mga Radikal na Repormista ang pagsasagawa ng bautismo sa mga sanggol, kundi gumawa lamang ng pagbabautismo matapos na ang isang indibidwal ay magpahayag ng kanyang pananampalataya kay Cristo. Binautismuhan pa rin nila ang mga matatandang mananampalataya kahit na ang mga ito ay nabautismuhan na noong sila’y mga sanggol pa lamang. Ito ang dahilan kung bakit sila nakilalang mga Anabaptist, na ang ibig sabihin ay, “mga taong muling nagbabautismo.”
Ang isyu ng bautismo ang siyang naging pangunahing punto ng pagtatalo sa pagitan ng mga Radikal na Repormista at ni Zwingli. Noong ika-16 na siglo, ang bautismo ay itinuturing na higit pa sa patotoo ng pananampalataya o hinihinging kondisyon upang mapabilang sa isang simbahan. At dahil sa ang iglesia at estado ay may malapit na ugnayan, ang bautismo ang siyang naging daan upang ang isang bagong silang na sanggol ay ituring na kabilang sa isang lipunan. Subalit nang isinagawa ng mga Anabaptist ang bautismo sa mga mananampalataya, ipinakita nila ang malaking pagkakaiba ng pagiging kabahagi ng simbahan kumpara sa pagiging kabahagi ng lipunan.
► Ang mga sumusuporta sa pagbabautismo sa sanggol ay naniniwala na ang sinasabi sa Gawa 16:30-33 ay nagpapakita na ang mga bata sa Kristiyanong pamilya ay dapat na bautismuhan, kahit na wala pa silang kakayahan na magpahayag ng kanilang personal na desisyon ng pananampalataya. Subalit ang mga sumusuporta sa bautismo ng mananampalataya ay naniniwala rin na ang Gawa 2:38 at ang iba pang mga talata sa Biblia ay nagpapakita na ang bautismo ay para lamang sa indibidwal na nagpahayag kanyang pananampalataya. Basahin mo ang mga talatang ito at ibigay ang iyong sariling mga dahilan ng paniniwala, ito man ay panig para sa bautismo sa mananampalataya o sa pagbabautismo sa sanggol.
Pagdidisipulo
Ipinangaral ng mga Radikal na Repormista na ang Kristiyanismo ay higit pa sa doktrina, pagiging miyembro ng estadong iglesia, o kaya’y maging sa personal na saloobin at karanasan. Naniniwala sila na ang tunay na pagiging disipulo ay nakaugnay sa lahat ng aspeto ng buhay. At dahil rito, ang mga Radikal na Repormista ay nakilala sa kanilang paninindigan na isabuhay ang pananampalatayang Kristiyano sa panlipunang pangangailangan.
Konsepto ng Iglesia
Para sa mga Nauugnay sa Gobyernong Repormista, ang isang buong komunidad ay maaaring ituring na Lutheran o Calvinist anuman ang pribadong paniniwala ng isang indibidwal. Subalit ang mga Radikal na Repormista ay may ibang paniniwala. Naniniwala sila na ang simbahan ay grupo ng mga indibidwal na mga mananampalataya na tapat sa kanilang lokal na kongregasyon. Ang tunay na simbahan kung gayon ay hindi binubuo ng buong komunidad.
Mahalaga para sa mga Radikal na Repormista ang lokal na simbahan sapagkat ito ang komunidad na kung saan ang mga disipulo o alagad ay hinuhubog. Sa pamamagitan ng sama-samang pag-agapay, tinutulungan ng lokal na simbahan ay bawat mananampalataya na lumago sa wangis ni Cristo.
Naniniwala ang mga Radikal na Repormista na walang awtoridad ng tao (gobyerno man o relihiyon) ang may kontrol sa mga lokal na simbahan. (Bagamat sina Luther at Zwingli ay sumang-ayon rito sa umpisa, nagbago rin sa bandang huli ang kanilang isip.) Naniniwala ang mga Radikal na Repormista na bawat kongregasyon ay tuwiran o direktang nasa ilalim ng awtoridad ng Diyos. At dahil rito, ang mga desisyon ay dapat na gawin ng buong miyembro ng lokal na simbahan.
Pagtanggi sa Lahat ng Karahasan
Ang mga Anabaptist, tulad ng marami nilang tagasunod ngayon, ay nagturo na ang pag-ibig ng Kristiyano ay nagbabawal sa kanya na makibahagi sa anumang anyo ng pakikipaglaban. Bilang bahagi ng kanilang paninindigan na magkaroon ng ganap na pagsunod kay Jesus, determinado silang huwag labanan ang masamang tao (Mateo 5:39). Kapag sila ay sinasalakay, tumatanggi silang ipagtanggol ang kanilang mga sarili. At bagamat ang Simbahang Romano Katoliko at mga Protestante ay kapwa gumagamit ng militar na lakas upang ipagtanggol ang Iglesia, ang mga Radikal na Repormista ay nanindigan na huwag gumamit ng dahas.
► Dapat bang gumamit ang mga Kristiyano ng puwersa upang maniwala ang iba sa tamang doktrina at mamuhay ng ayon sa mga tuntuning Kristiyano?
►Tama bang ipagtanngol ng isang Kristiyano ang kanyang sarili laban sa taong nais manakit sa kanya?
Kay lungkot na ang kwento ng mga Radikal na Repormista ay nauwi sa pagkakabaha-bahagi sa pagitan ng mga kapwa Repormista. Noong 1525, si Zwingli ang tumatayong pastor pa rin sa Zurich, Switzerland. Ang lungsod na ito ay Protestante at bawat sanggol ay binautismuhan para maging bahagi ng simbahan.
Noong tumanggi si Felix Manz na bautismuhan ang kanyang bagong silang na sanggol, iniutos ng Konseho ng Lungsod na palayasin siya at ang kanyang mga tagasunod palabas ng lungsod. Kaya noong Enero ng 1525, ang unang kongregasyon ng Anabaptist ay naitatag sa nayon ng Zollikon, malapit sa lungsod ng Zurich. At noong Marso ng 1526, nagpatupad ng hatol ang konseho ng Zurich na sinumang matagpuan na muling magpabautismo ay lulunurin hanggang malagutan ng hininga.
Si Manz ay naging martir sapagkat hinatulan siyang lunurin noong Enero ng 1527. At sa pagpasok ng 1600, halos 10,000 na mga Anabaptist ay namatay bilang martir; madalas na ito ay kagagawan mismo ng mga Protestante. At sa paglipas ng panahon, ang mga Anabaptist ay naghanap ng bagong matitirhan sa Moravia, na kung saan nakatagpo sila ng mga pinuno na pinahintulutan silang isagawa ang kanilang mga paniniwala.
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Ninyong Makikilala: Menno Simons
Si Menno Simons[1] (1496-1561) ay naging pinuno ng mga Anabaptist sa isang kritikal na panahon sa kasaysayan ng Radikal na Repormasyon. Sa pagitan ng taong 1525, na kung saan ang mga Anabaptist ay pinalayas mula sa Zurich, at 1535, may ilang mga Anabaptist na nagsimulang magturo ng mga maling doktrina. At dahil tinanggihan nila ang awtoridad sa simbahan na labas sa lokal na kongregasyon, naging madali para sa mga bulaang tagapagturo na magkaroon ng mga tagasunod. May ilang mga pinuno na nagsimulang mangaral ng mensahe na naniniwala sa marahas na pagpapabagsak sa gobyerno. At noong 1535, ang Radikal na Repormasyon ay nalagay sa panganib na mawala ang katotohanan. Subalit dumating si Menno Simons ay sinagip ang mga Anabaptist mula sa mga maling katuruan.
Si Menno Simons[2] ay na-ordinahan bilang pari ng Romano Katoliko sa edad na 28. Bagamat siya ay pari, wala siyang alam sa Biblia. Ayon sa kanyang patotoo, “Natakot ako na kung babasahin ko ang Biblia, ililigaw ako nito!” Naglingkod siya bilang isang pari, subalit sa pagsapit ng gabi ay matatagpuan siyang nakikipag-inuman at nagsusugal.
Makalipas ang dalawang taon, nagpasya si Simons na simulang pag-aralan ang Biblia. At paglipas ng ilang taong pag-aaral, naunawaan niya na ang kanyang paniniwala sa Katolikong katuruan ay mali. Siya ay naging Protestante at nagsimulang mangaral ng mga doktrina nito sa kanyang pulpito sa simbahang Katoliko. Paglipas ng isang taon, nilisan niya ang simbahang Katoliko at nakisama sa mga Radikal na Repormista.
Alam ni Simons na ang mga Anabaptist ay kapwa kinalaban ng mga Katoliko at mga Protestante. Alam niya rin na marami sa mga Anabaptist ang sumusunod sa mga maling paniniwala. Gayunma’y sinimulang ituro ni Simons sa mga Anabaptist ang biblikal na doktrina. Sa loob ng 25 taon, naglathala siya ng mga babasahin para sa mga Anabaptist, nangaral sa iba’t ibang lugar sa Germany at Netherlands, at tumulong sa pag-organisa ng gawain ng Anabaptist.
Halos ginugol ni Simons ang kanyang buhay sa kakatago. Ang emperador mismo ay nagbigay ng gantimpala sa sinumang makakahuli sa kanya. Ang totoo niyan, may isang tao na hinatulan ng kamatayan sapagkat pinatuloy niya si Simons sa kanyang bahay. Gayunpaman, tinanggap ni Simons ang mga pag-uusig bilang likas na bunga ng pagsunod kay Cristo. Ang sabi niya, “Kung ang Pinuno ay nagtiis ng pagpapahirap, dalamhati, hapis, at pasakit, paanong ang kanyang mga lingkod, mga anak, at mga kasapi ay aasa ng kapayapaan at kalayaan na may kinalaman sa kanilang katawan?”
Sinagip ni Simons ang Radikal na Repormasyon mula sa panganib ng heretikong katuruan at ibinalik ito tungo sa biblikal na pananampalatayang Kristiyano. Ang kanyang impluwensya ay napakalakas na marami sa mga Anabaptist ay binansagang Mennonites.
[1]Mark Galli at Ted Olsen, 131 Christians Everyone Should Know (Nashville, TN: Broadman & Holman Publishers, 2000), 166–168
[2]Imahe: “Meno simonis”, hango sa https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Meno_simonis.jpg, para sa publiko.
Ang Repormasyon at Puritanismo sa Inglatera
Ang Pulitikal na Simula ng Repormasyong Ingles
Hindi tulad ng Lutheran, Anabaptist, o Calvinist, ang Repormasyong Ingles ay nagsimula dahil sa pulitikal na isyu, hindi dahil sa doktrinal na katanungan. Ang ibang repormasyon ay nagsimula ng dahil sa mga isyu ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya, bautismo sa sumasampalataya, o kaya’y ng dahil sa partikular na pananaw hinggil sa soberanya ng Diyos. Subalit, ang Repormasyong Ingles ay nagsimula noong humiwalay si Haring Henry VIII mula sa Roma sapagkat may nais siyang gawing desisyon na hindi pinahintulutan ng Roma.
Matapos ang 18 taon ng pagsusumikap na magkaroon ng anak na lalaki na magiging kahalili niya, ninais ni Henry na hiwalayan si Catherine ng Aragon at pakasalan si Anne Boleyn. Subalit ng dahil sa pulitikal na dahilan ay tumanggi ang Santo Papa na pawalang-bisa ang kasal, kinumbinsi ni Henry ang mga pinuno ng Simbahang Ingles na pawalang-bisa ang kanyang kasal kay Catherine. Nang mangyari ito ay pinakasalan niya si Anne, at nagsilang ng isang anak na babae. At nang hindi nagawa ni Anne na magsilang ng anak na lalaki naglabas si Henry VIII ng paratang ng pangangalunya laban kay Anne. Pagkatapos nito ay pinakasalan naman niya si Jane Seymour, na pamamagitan niya ay nagkaroon ng anak na lalaki si Henry.
Matapos na ipagbawal ng Santo Papa ang kaugnayan ni Henry sa Simbahang Katoliko, hinikayat ng hari ang Parlyamento na ipasa ang tinaguriang 1535 Act of Supremacy na nagdi-deklara sa hari bilang pinuno ng Simbahan sa Inglatera. Dahil rito, nakapagbigay si Henry na relihiyong awtoridad (ang kapangyarihan na magtalaga ng mga obispo, magpasya ng mga doktrina, at mag-organisa ng mga kasulatan para sa panambahan) sa Arsobispo ng Cantebury, si Thomas Cranmer. Gayunma’y sa ilalim ni Henry VIII, ang paghiwalay sa Roma ay pangunahing dulot lamang ng pulitikal na kadahilanan.
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Ninyong Makikilala: William Tyndale
Sa ating Surbey sa Kasaysayan ng Iglesia 1, binalikan natin ang buhay ni John Wycliffe, na siyang nanguna sa unang pagsasalin ng Biblia sa wikang Ingles. Ang kanyang ginawang pagsasalin ay kinopya sa pamamagitan ng sulat-kamay subalit hindi nailimbag. Si William Tyndale (1494-1536)[1] ang nakapaglimbag ng unang Biblia sa wikang Ingles.[2]
Si William Tyndale ay napakahusay sa mga lenggwahe. Kaya niyang makapagsalita ng pitong wika at makapagbasa ng matandang wika ng Hebreo at Griego. Gaya nina Luther, Zwingli, at ng marami pang iba, si Tyndale ay naimpluwensyahan ring malaki ng edisyon ng Bagong Tipan sa Griego na ginawa ni Erasmus. Sa kanyang pagbabasa ng Bagong Tipan, natuklasan ni Tyndale ang doktrina ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya.
Alam ni Tyndale na maraming mamamayan ang walang Biblia na nasulat sa kanilang sariling wika. At dahil rito, itinalaga niya ang sarili sa paghahatid ng Biblia sa mga karaniwang tao.
Matapos ang kanyang pag-aaral sa Oxford at Cambridge, humiling si Tyndale ng pahintulot na isalin ang Bagong Tipan sa wikang Ingles. Subalit tinanggihan siya ng kanyang obispo. Alam ni Tyndale na walang ligtas na lugar sa Inglatera upang magawa niyang isalin ang Bagong Tipan. Noong 1408, isang batas ang ipinatupad na nagbabawal sa pagsasalin ng Biblia tungo sa wikang Ingles; isa itong krimen na may parusang kamatayan.
Kaya naman, naglakbay si Tyndale sa Europa upang maghanap ng ligtas na lugar na kung saan magagawa niya ang trabaho ng pagsasalin. Hindi siya bumalik sa Inglatera. At matapos ang paglalakbay sa iba’t ibang mga lungsod, si Tyndale ay nanirahan sa Worms, Germany at tinapos roon, taong 1525, ang unang salin ng Bagong Tipan sa wikang Ingles.
Nang ang kanyang salin ng Bagong Tipan ay ipinuslit patungo sa Inglatera, ipinag-utos ng arkobispo ng Cantebury sa mga kinauukulan na bumili ng kopya nito at sunugin. Ginamit ni Tyndale ang mga salaping nalikom upang makapaglimbag ng isa pang edisyon ng Bagong Tipan, na kung saan maaari niyang itama ang mga maling nagawa ng paglilimbag sa unang edisyon!
Alam ni Tyndale na maaari siyang mamatay ng dahil sa pagsasalin ng Biblia na wala ang pahintulot ng simbahan. Subalit maliit na bagay lang ito para sa kanya kumpara sa kanyang panawagan na isalin ang Biblia sa wika ng kanyang mga kababayan. Ang sabi niya, “…Kung ang Diyos ay panig sa atin, di ba’t hindi mahalaga kung sinuman ang kalaban natin, sila man ay mga obispo, kardinal, o santo papa...?” Mula sa Germany, si Tyndale ay nagtungo sa Antwerp, Belgium na kung saan nanahan siya doon ng siyam na taon. Doo’y mas lalo niyang pinabuti ang isinalin niyang Bagong Tipan at simulan na rin ang pagsasalin sa Lumang Tipan.
Ang pagsasalin ni Tyndale ay mahalaga sapagkat iyon ang unang pagsasalin na hango sa mga kasulatang Griego at Hebreo, at dahil na rin sa husay ng kanyang pagsasalin. Ang kanyang pagsasalin ang naging pundasyon para sa mga susunod pang mga pagsasalin ng Biblia sa wikang Ingles. At kahit na sa paglipas ng 100 taon, naging maimpluwensya pa rin siya sa mga kataga at pagkakaayos ng mga salita sa mga sumunod na pagsasalin.
Subalit noong 1535, si Tyndale ay trinaydor at inaresto ng dahil sa sala di-umano ng pagtuturo ng maling aral. At noong Oktubre 1536, dinala siya sa liwasang bayan na kung saan ay may krus na nakatayo. Nang tumanggi siyang talikuran ang kanyang mga turo, iginapos siya sa krus, sinakal, at sinunog.
Ang mga huling salita na binitiwan ni Tyndale ay isang panalangin. Ang sabi niya, “Panginoon, buksan mo ang mga mata ng Hari ng Inglatera.” Ang kanyang panalangin ay tinugon sa paglipas ng ilang taon. Noong 1539, iniutos ni Henry VIII na bawat simbahan ay dapat na magkaroon ng kopya ng Biblia sa wikang Ingles at bigyan nito ang kanilang mga miyembro. Ang inaprubahang salin ay inilathala ni Miles Coverdale. Ito ang kauna-unahang nailimbag na edisyon ng Biblia sa Ingles. Gayunma’y dahil sa pagtutol ng hari, ang pangalan ni Tyndale ay hindi inilagay sa talaan ng mga tagapagsalin, ngunit marami sa mga pagsasalin ay batay sa salin ni Tyndale. At kung paanong ang pagsasalin ni Luther ay nagpasiklab ng Repormasyon sa Germany, gayundin naman, ang pagsasalin ni Tyndale ay may mahalagang papel na ginampanan sa Repormasyong Ingles.
[2]Mga Pinagkunan:
+ Mark Galli and Ted Olsen, 131 Christians Everyone Should Know (Nashville, TN: Broadman & Holman Publishers, 2000), 349–350
+ John Woodbridge, Great Leaders of the Christian Church (Chicago: Moody Press, 1988), 201-205
Ang Repormasyon at Puritanismo sa Inglatera (Pagpapatuloy)
Sapagkat ang motibasyon ni Henry VIII ay primaryong pulitikal, at wala siyang pakialam sa mga doktrinal na isyu, dalawang mahalagang pagbabago lamang ang kanyang inaprubahan sa Simbahan ng Inglatera: (1) Ipinagbawal niya ang mga monasteryo at (2) matapos ang kanyang naunang pagtutol sa isinaling Biblia ni Tyndale, inaprubahan niya ito na gamitin sa mga simbahan.
Nang namatay si Henry noong 1547, ang kanyang 10 gulang na anak na si Edward VI ang humalili sa kanya sa trono. At sa ika-anim na taon ng paghahari ni Edward, inihatid ng grupo ng mga tagapayo ang Simbahang Ingles tungo sa direksyon ng Protestantismo. Ang Arsobispo ng Cantembury na si Thomas Cranmer ang nanguna sa repormang ito. Pinalitan niya ang panambahan sa Latin ng tinaguriang Book of Common Prayer na nasusulat sa wikang Ingles. Nagsulat rin siya ng buod ng mga doktrinal na paniniwala para sa Simbahan ng Inglatera na nakabatay sa Protestanteng mga prinsipyo.
Si Edward ay namatay noong 1553 at si Mary, na anak ni Catherine, na siyang unang asawa ni Henry ang naupo sa trono. Bilang isang debotong Romano Katoliko, si Mary ay tinaguriang “Bloody Mary” sapagkat ipinapatay niya ang halos 300 mga Protestante, kasama ang Arsobispong si Cranmer at ang mga sinunog na Obispong sina Ridley at Latimer.
Matapos ang kamatayan ni Queen Mary noong 1557, si Elizabeth I (anak na babae ni Anne Boleyn) ang siyang naupo sa trono. Sa loob ng kanyang 45taon na paghahari, ang Simbahan sa Inglatera ay naging Protestante at ang Biblia ay kinilala bilang isang ganap na kapamahalaan. Ang tinaguriang “Thirty-Nine Articles” ang naglatag ng katuruan ng simbahan ayon sa Protestanteng pamamaraan.[2] Gayunpaman, ang Simbahan sa Inglatera ay marami pa rin silang pinanatiling Katolikong gawi sa panambahan kahit ang kanilang doktrina ay pangprotestante. Ang layunin nila ay ang maghanap ng pwedeng pagkasunduan ng mga Protestante at Katoliko.
[1]“Lakasan mo ang iyong loob, Ginoong Ridley at magpakatapang ka! Sa araw na ito ay magiging nagliliwanag na kandila tayo para sa Inglatera, na sa biyaya ng Diyos, ay hindi kailanman mauupos.”
-Pangungusap ng obispong si Latimer sa obispo na si Ridley habang sila ay sinusunog
[2]Ang “Thirty-Nine Articles” ay rebiso ng naunang isinulat ni Thomas Cranmer na “Forty-Two Articles.”
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Mong Makilala: Ang Martir na si Thomas Cranmer
Ang Obispong si Cranmer ay naging pinuno ng Repormasyong Ingles. Subalit, noong si Mary na isang Romano Katoliko ay naupo sa trono, tinangka niyang patayin si Cranmer kung hindi niya tatalikuran ang Protestanteng doktrina.
Nasaksihan ni Cranmer ang pagsunog kina Latimer at Ridley at sa marami pang iba na ipinapatay. Dahil sa takot, nagsulat siya ng ilang mga liham na nagsasaad ng kanyang pagtalikod sa Protestanteng doktrina. Gayunpaman, nagpasya pa rin ang hukuman na siya’y parusahan kahit na ginawa na niya ang ipinapagawa nila. Dagdag pa rito, hiniling nila kay Cranmer, na sa araw ng kanyang kamatayan ay basahin niya sa harap ng Unibersidad na Simbahan ng Oxford ang kanyang pahayag ng pagtalikod mula sa mga ebanghelikal na paniniwala. At noong Marso 21, 1556, pinatayo si Cranmer sa harapan ng maraming tao na naghihintay ng kanyang sasabihin. Sabik na hinintay rin ng kanyang mga kaaway ang kanyang pahayag ng pagtalikod.
Sinimulang basahin ni Cranmer ang pahayag na inaprubahan ng mga opisyales. Subalit gayon na lamang ang kanilang pagkagulat nang huminto siya at sinabi, “Ngayon ay nais kong sabihin ang isang malaking bagay na bumabagabag sa aking konsensya na higit pa sa anumang bagay na aking nasabi at nagawa sa buong buhay ko…” Tinalikuran ni Cranmer ang kanyang naunang pagtatatwa at muling pinagtibay ang kanyang pananampalataya sa ebanghelyo.
Matapos ito, sinunggaban si Cranmer ng mga opisyal at itinali sa isang poste ng kahoy na pagsusunungan sa kanya. May mga pari na nagmakaawa sa kanya na bawiin ang kanyang mga sinabi, subalit tumanggi siya. At habang hinaharap niya ang kamatayan, sinabi ni Cranmer na dahil ang kanyang kanang kamay ang lumagda sa naunang pahayag ng pagtalikod, “ang kamay ko ang siyang dapat na unang parusahan at sunugin. At tungkol sa santo papa, siya ay itinuturing kong kaaway ni Cristo, ang Anti-Cristo, at bulaan ang mga doktrina.” Si Cranmer ay namatay habang dinarasal ang mga pangungusap ni Esteban mula sa Gawa 7, “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu. Nakikita ko na nakabukas ang kalangitan at si Jesus ay nakatindig sa kanan ng Diyos.”
Sa isang banda, si Cranmer ay hindi maituturing na bayani ng pananampalataya sapagkat tinalikuran niya ang katotohanan upang iligtas ang kanyang buhay. Subalit nagtapos pa rin siya bilang isang dakilang saksi para sa katotohanan sapagkat nagawa niyang muling ipahayag ang tunay na pananampalataya noong alam niyang siya’y hahatulan pa rin ng kamatayan. Nalaman ng lahat ang kanyang tunay na paniniwala sapagkat ang taong malapit ng humarap sa Diyos ay hindi magsasalita ng kasinungalingan.
Sa oras ng kahinaan, ang pananampalataya ni Thomas Cranmer ay bumagsak. Tulad ni Simon Pedro sa oras na nililitis si Jesus, tinanggihan rin ni Cranmer ang kanyang panginoon. Subalit ang Diyos ay tapat at pinanumbalik niya sa pananampalataya si Cranmer. At sa bandang huli, tulad ni Pedro, si Cranmer ay namatay na isang martir na taglay ang hindi nagmamaliw na patotoo para sa kapangyarihan ng ebanghelyo.
Ang Repormasyon at Puritanismo sa Inglatera (Pagpapatuloy)
Ang mga Puritanong Ingles
May ilang mga miyembro ng Simbahan sa Inglatera na nagnais na ang simbahan ay mas higit pang sumunod sa mga prinsipyo ng Repormasyon. Subalit pinagtawanan sila ng marami at tinawag sa katagang “Puritan” sapagkat nais nilang dalisayin ang simbahan. Sa pagitan ng 1567 at 1660, sinikap ng mga Puritan na baguhin ang kanilang lipunan sa pamamagitan ng ikalawang Repormasyong Ingles. Hindi tinutulan ng mga Puritan ang pagkakaisa ng estado at iglesia o kaya’y ang umalis sila mula sa Simbahan ng Inglatera. Sa halip, sinubukan nilang linisin ang simbahan sa mismong loob nito. Naniniwala ang mga Puritan na ang Simbahan sa Inglatera (na kilala rin sa tawag na Anglikanong Simbahan) ay marami pa ring pinanatiling mga gawi ng panambahan na mula sa Simbahang Romano Katoliko: tulad ng, pormal na liturhiya (ang nakasulat na bahagi ng panambahan), espesyal na kasuotan para sa ministro, pista ng mga santo, at iba pang Katolikong kaugalian.
Ang gawain ng mga Puritan ay may tatlong yugto ng impluwensya.
Yugto 1
Sa ilalim ng pamamahala ni Queen Elizabeth (1558-1603), sinubukan ng mga Puritan na dalisayin ang simbahan mula sa loob nito. Nakinig si Elizabeth sa mga hinaing ng mga Puritan subalit wala siyang ipinatupad na pagbabago sa istraktura ng simbahan. Ngunit noong 1539, ang mga Puritan ay nagtamo ng sapat na impluwensya na dahil rito’y kinumbinsi ni Elizabeth ang Parlyamento na magpasa ng batas na laban sa mga Puritan upang pahinain ang kanilang kapangyarihan.
Yugto 2
Sina James I at Charles I (1603-1642) ay naging kalaban ng mga Puritan. Matapos ang kamatayan ni Elizabeth noong 1603, si James I ang naupo sa trono. At sapagkat siya ay naimpluwensyahan ng mga Calvinist, umasa ang mga Puritan na irereporma ni James ang Simbahan sa Inglatera tungo sa isang pamamahala na kung saan ang mga tao ay may kalayaan na pumili ng kanilang ministro. Isang petisyon na nilagdaan ng 1,000 mga ministro ang humiling kay James na “linisin” ang simbahan. Subalit hindi siya naniwala sa ideya ng kongregasyunal na pamamahala at sa impluwensya ng mga Puritan. Sa halip, naging matindi ang kanyang paniniwala na ang hari ay may “banal na karapatan” na pamahalaan pati ang Iglesia. Bunga nito, tinunaw niya ang Parliyamento at ipinatupad ang ganap na monarkiya. Maging ang humalili kay James na si Charles I ay wala ring pagmamalasakit sa mga Puritan.
Habang may ilang mga Puritan na nagpatuloy sa paghahanap ng reporma sa panahon ng paghahari nina James at Charles, may iba na umalis mula sa Simbahan ng Inglatera at naging kilala sa tawag na “Separatista.” May ilan sa kanila ay nanirahan sa Amsterdam, Netherlands at humawak sa turo ng bautismo na para lamang sa sumasampalataya at itinatag roon ang simbahang Baptist para sa mga Ingles. Samantalata, may ilan sa grupo ng mga Separatista na nanirahan ng 10 taon sa Leyden bago naglakbay, sakay ng barkong Mayflower, upang bumuo ng isang kolonya sa Plymouth, Massachusetts, sa Amerika. Humigit kumulang 20,000 mga Puritan ang lumipat at nanirahan sa Amerika sa pagitan ng mga taong 1630 at 1640.
Yugto 3
Noong 1637, hinirang ni Charles I si William Laud bilang arsobispo ng Canterbury, isang katungkulan na may awtoridad sa Simbahan ng Inglatera. Sinubukan ni Laud na gamitin ang aklat ng mga Ingles na Book of Common Prayer sa Simbahan sa Scotland, bagay na naging mitsa upang maghimagsik ang mga Scots. Sa bandang huli, ang alitan ay hindi lamang naganap sa Scotland kundi naging isang malaking digmaang sibil sa Inglatera. Ang mga taong sumusuporta sa hari at sa awtoridad ng simbahan ay nakipaglaban sa mga Puritan na nagnanais na ang mga kongregasyon ay magkaroon ng kalayaan para sa pagbabago. Ang sandatahan ng mga Puritan ay pinangunahan ni Oliver Cromwell. Sa mga Puritan, ang digmaan na ito ay isang krusada para sa pagbabago. Sila’y nanalangin bago makipaglaban at umaawit ng mga himno habang nakikipaglaban. Si Charles I ay sumuko kay Cromwell noong 1646 at hinatulan ng kamatayan noong 1649.
Ang Inglatera ay napasailalim ng kontrol ng mga Puritan hanggang taong 1660. Ito ang panahon ng kanilang dakilang pulitikal na kapangyarihan. Sinubukan nilang hubugin ang Inglatera ayon sa modelo ng Geneva, Switzerland sa ilalim ng pamamahala ni Calvin. Subalit, mayroong pagkakabaha-bahagi na namuo sa pagitan ng mga Puritan na nagpahina ng kanilang impluwensya. At matapos ang kamatayan ni Cromwell, ang mga Ingles ay nanumbalik sa monarkiya at episkopal na anyo ng pamamahala sa simbahan. At mula noon, ang mga Puritan ay nawala na sa kapangyarihan, subalit nagpatuloy pa rin sa kanilang mga protesta hinggil sa mga gawi ng panambahan sa Simbahan ng Inglatera.
Si John Bunyan ang pinakatanyag na tao sa yugtong ito. Si Bunyan ay isang mangangaral na tumangging bigyan ng lisensya ng Simbahan ng Inglatera. Siya ay ipinakulong ng 12 taon sapagkat nangaral siya na walang lisensya. Nagsulat siya ng siyam na libro at kasama na rito ang Pilgrim’s Progress, isang libro na ipinapaliwang ang ebanghelyo sa pamamagitan ng simbolikong kwento tungkol sa isang tao na naglalakbay patungo sa langit. Ang libro na ito ay napabilang sa mga pinaka-maimpluwensyang mga aklat sa kasaysayan.
Mula sa yugtong ito, ang Kristiyanismo ay nagkaroon ng tatlong grupo:
Ang Simbahan sa Inglatera
Dissenters, ito ang grupo na sumang-ayon na ang simbahan at gobyerno ay dapat na magkaugnay; ang simbahan ay dapat na i-reporma (Puritan man o Katoliko)
Nonconformists, ito ang grupo na sumalungat sa pagkakaisa ng simbahan at gobyerno (Independents, Separatists, Congregationalists, Presbyterians, Methodists, Quakers, at Baptists)
Ang mga Puritan na lumipat at nanirahan sa Amerika ay naging makapangyarihang impluwensya sa sinaunang panahon ng mga kolonya sa Amerika. At bagamat sila ay madalas na kutyain bilang mga nagmamalabis o ekstremista, sinikap ng mga sinaunang Puritan na matapat na mamuhay ng may pagsunod sa Salita ng Diyos.
Sa kasalukuyan, maraming mga mananampalataya na maaaring malito sa bahaging ito ng kasaysayan. Maraming mga tao sa Inglatera ng yugtong ito na ipinalagay ang kanilang mga sarili na Kristiyano. Ngunit tungkol sa mga Kristiyano na may ibang paniniwala, nahirapan silang kontrolin ang gobyerno upang magawang ihatid ang mga simbahan ng kanilang bansa sa iisang tamang doktrina at paraan ng pagsamba.
Maraming mga bansa ngayon na nagbibigay ng kalayaan sa maraming uri ng mga simbahan at relihiyon na maipahayag ang kanilang sariling paniniwala. Ang mga tao sa gayong mga bansa ay walang ideya sa kung ano ang itsura ng isang simbahan na komokontrol sa gobyerno upang dalhin ang mga tao na maging bahagi ng isang relihiyon lamang.
Sa ibang mga bansa, maraming tao ang kabilang sa isang relihiyon na salungat sa Kristiyanismo. Sa pakiramdam nila, ang kanilang relihiyon ay bahagi ng kanilang kultural na identidad, at sa palagay nila, ang mga Kristiyano ay walang galang sa kanilang kultura at pambansang identidad. Bunga nito, marami sa mga Kristiyano sa bansang iyon ay nahihirapan sa pagsasabuhay ng kanilang pananampalataya at hindi sumasagi sa kanilang isip na makokontrol nila ang gobyerno.
Bawat isa sa mga sumusunod na ideya ay ipinapalagay o inaasahan sa ilang lipunan, ngunit sa ibang lipunan ay maaaring ituring ang mga ito na kakaiba.
Ang relihiyon ay napakahalagang usapin na hindi dapat pagpasyahan ng kahit sino lang na indibidwal; ang gobyerno ang siyang dapat na mamahala rito.
Ang mga tao ay isinisilang tungo sa relihiyon ng kanilang mga magulang; hindi sila dapat kaylanman magbago ng relihiyon.
Hindi dapat hikayatin ng sinuman ang ibang tao na baguhin ang kanilang relihiyon.
Ang pananampalataya ay personal at hindi dapat kontrolin ng anumang awtoridad.
Ang pananampalataya ay nakabatay sa Biblia at hindi dapat pakialaman ng gobyerno.
Dapat na sundin ng simbahan ang Biblia; ang gobyerno ay dapat na magbigay ng kalayaan at hindi dapat makialam sa mga gawain ng simbahan.
Dapat na paniwalaan ng mga tao ang kanilang tunay na saloobin; ang mga paniniwala na iniuutos ng awtoridad ay hindi tunay na paniniwala.
► Anong mga ideya tungkol sa relihiyon at kalayaan ang mayroon sa iyong bansa? Alin sa mga ideya na naitala sa itaas ang maituturing na tama ayon sa mga biblikal na prinsipyo?
Ang Kontra-Repormasyon
Ang Simbahang Romano Katoliko ay tumugon sa Repormasyon sa pamamagitan ng paghatol sa mga Protestante at sa mga reporma na nangyayari sa loob. Ang tugon ng Simbahang Katoliko ay may tatlong aspeto:
Paghatol laban sa mga Aklat ng mga Protestante
Nilabanan ng Santo Papa Paul III ang mga ideya ng mga Protestante sa pamamagitan ng pagbibigay ng utos sa mga kinauukulan na hanapin at patayin ang mga Protestante na nakatira sa mga teritoryong nasa ilalim ng pamamahala ng Simbahang Katoliko. Naglabas siya ng talaan ng mga libro na ipinagbabawal basahin ng sinumang Katoliko. Ang bisa ng talaan na ito ay pinanatili hanggang 1959. Kasama sa mga librong ipinagbabawal rito ay ang mga aklat na sinulat ng mga Repormista at maging mga Protestanteng Biblia.
Tulad ni Martin Luther, ang Espanyol na sundalo na si Ignatius ng Loyala ay nagkaroon rin ng dramatikong karanasan ng pagiging Kristiyano. Habang nagpapagaling siya sa mga sugat na natamo sa digmaan, siya’y nagbabasa ng tungkol sa buhay ni Cristo. At sa edad na 30, tinalikuran ni Ignatius ang kanyang trabaho bilang sundalo, naglakbay tungo sa Holy Land, at nagsimulang mag-aral para maging isang pari. Si Ignatius ay may dalawang kontribusyon sa reporma ng Simbahang Romano Katoliko.
Una, si Ignatius ay nagsulat ng aklat na pinamagatang Spiritual Exercises na ginagamit para sa espirituwal na paghubog. Sa loob ng apat na linggo, ang isang disipulo ng gawaing ito ay gugugol ng oras sa pananalangin at pagbubulay. Bawat linggo ay mayroong partikular na paksa:
Makasalanang kalikasan ng tao
Si Cristo bilang hari
Ang paghihirap ni Cristo
Ang muling pagkabuhay ni Cristo
Ikalawa, binuo ni Ignautis ang samahan na tinatawag na “Society of Jesus” (Heswita) bilang mga tinaguriang “mga sundalo ni Cristo.” Ang mga Heswita ang siyang nagpanumbalik na misyonerong pananaw at gawain ng Simbahang Katoliko. Si Francis Xavier ang siyang unang misyonerong Heswita na nangaral sa bansang India, Timog-silangang Asya, at Japan.
Ang Konseho sa Trent
Nakita ng Simbahang Katoliko ang pangangailangan ng reporma sa loob ng kanyang organisasyon. Kaya si Santo Papa Paul III ay nagpatawag ng konseho na magpupulong sa Trent, sa hilagang bahagi ng Italya. Dito’y pinag-usapan nila ang mga problema ng simbahan. Ang pagpupulong ng konseho sa Trent ay naganap ng tatlong sesyon sa pagitan ng 1545 at 1563.
Ang Konseho ay nagpatupad ng mga reporma sa loob ng simbahan. Sapagkat maraming mga pari ang hindi nakapag-aral ng maayos –hindi nila kayang basahin ang nakasulat na mga rituwal ng panambahan – kaya ang konseho ay nagtayo ng mga seminaryo upang sanayin ang mga pari. At dahil iilan lamang sa mga mananambahan ang may alam sa Latin, iniutos ng konseho sa mga pari na ipaliwanag sa mga tao ang mga rituwal ng panambahan sa kanilang sariling wika. Sinaway rin ng konseho ang mga pari at mga manunugtog na walang ugali ng paggalang sa panambahan.
Mariing tinutulan ng Konseho sa Trent ang doktrina ng mga Repormista. Pinagtibay ng konseho ang doktrina na ang tinapay at alak ay nagiging literal na katawan ni Cristo. Mariing tinanggihan nito ang pagpapawalang-sala sa pamamagitan lamang ng pananampalataya bilang “lason na sumisira ng kalayaan.”[2] Pinagtibay nito ang katuruan ng Katoliko na ang Simbahang Romano Katoliko lamang ang tagapagliwanag ng Biblia. Pinagtibay rin nito ang mga sakramento ng Simbahang Katoliko, ang Banal na Hapunan bilang isang sakripisyo, pananalangin sa mga santo, at pagkukumpisal sa pari.
[1]“Turuan Mo kami Panginoon, na paglingkuran ka ng karapat-dapat;
Na magbigay at hindi binibilang ang halaga;
Na makipaglaban at sugat ay hindi alintana;
Na magpagod na hindi naghahanap ng pahinga;
Na magsumikap at hiling lamang ang gantimpala,
ng pagkakaalam namin na kalooban Mo'y aming ginagawa.”
- Ignacio ng Loyola
[2]Hango kay Bruce L. Shelley, Church History in Plain Language, 3rd edition (USA: Thomas Nelson, 2008), 277.
Ang Paglaganap ng Ebanghelyo – Ang Pagdating ng Ebanghelyo sa Japan
Si Francis Xavier (1506-1552) ang siyang kauna-unahang taga-kanluran na misyonero na nakapunta sa iba’t ibang panig ng India at Japan. Sa kanyang liham sa kanyang mga superiyor sa Europa, nanawagan siyang sana’y sundan siya ng iba. Wika niya, “Sabihin mo sa mga mag-aaral na talikuran ang kanilang mga munting ambisyon sa buhay at pumunta sa silangan upang mangaral ng ebanghelyo.”
Matapos mangaral sa India, siya’y pumunta sa Indonesia at Japan. Si Xavier ang unang naghatid ng ebanghelyo sa Japan. Bagamat siya’y namatay sa loob ng ikatlong taon ng kanyang pagdating, ang kanyang misyon ay nagpatuloy na lumago. Noong 1577, isang misyonero ang nagpahayag na “Sa loob ng 10 taon, ang lahat ng lugar sa Japan ay magiging Kristiyano kung tayo ay may sapat na mga misyonero na pupunta rito.” At sa pagtatapos ng siglo, nagkaroon ng maraming mga simbahang Kristiyano, dalawang Kristiyanong kolehiyo, at 300,000 na mga Kristiyano sa Japan.
Subalit noong 1596, isinakatuparan ng gobyerno ng Japan na sugpuin ang kanilang tinaguriang “banyagang relihiyon.” Noong 1597, may ipinako silang 26 na mga Kristiyanong Hapon. At sa loob ng 50- taon, halos umabot ng 4,000 mga Kristiyano ang namatay bilang martir. At sa kalagitnaan ng ika-17 siglo, tanging munting grupo lamang ng mga Kristiyano ang natira. At sa mga sumunod na 400 taon, ang mga Kristiyano ay nahirapan ng muling makapagtayo ng isang malakas na simbahang Kristiyano. Gayunpaman, ang nakamit na tagumpay ni Francis Xavier ay laging nagbibigay ng pag-asa para sa mga taong nagnanasang muling abutin ang bansang ito ng ebanghelyo.
Si Xavier ay nagpakita ng isang prinsipyo na naging mahalagang pananaw sa sumunod na Protestanteng pagmimisyon. Hangga’t ang isang lokal na kaugalian ay hindi lumalabag sa mga biblikal na prinsipyo, hindi kinailangan ni Xavier na iutos sa kanyang mga naakay sa pananampalatataya na talikuran ang kanilang kaugalian. Naunawaan ni Xavier na ang isang Kristiyanong Hapon ay isa pa ring Hapon, hindi isang Italyano. At dahil rito, naglagay siya ng malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng Europiyanong kultura at pananampalatayang Kristiyano.
Bagamat maraming mga misyonerong nabigong i-konteksto ang ebanghelyo sa ganitong pamamaraan, ginamit naman ito ni Hudson Taylor sa kanyang pagbabahagi ng ebanghelyo sa Tsina noong ika-19 na siglo. At ito ang siyang naging modelo ng ika-20 siglo na pagmimisyon ng mga Protestante. Hindi hinihingi ng Kristyanismo sa mga bagong mananampalataya na talikuran ang kanilang kultura.
Ang Tatlumpung Taong Digmaan at Pagkakaroon ng mga Denominasyon
Sino ang isang Kristiyano? Maraming mga Kristiyano ang sasang-ayon na ang pangkalahatang o unibersal na Iglesia ay binubuo ng mga tunay na mananampalataya. Ang Katawan ni Cristo ay higit na malaki kumpara sa isang denominasyon. Gayunpaman, ang ganitong pananaw noon ay bago sa pandinig ng marami.
Bago ang Repormasyon, itinuturing halos lahat ng Kristiyano na sila ay nagkakaisa sa isang malawakang Iglesia na sumusunod sa mga turo ng mga Apostol. Subalit nang dumating ang Repormasyon, ang identidad ng Iglesia ay naging nakalilito sapagkat maraming mga magkakahiwalay na simbahan ang nabuo. May ibang mga Kristiyano na walang kaalaman sa ibang mga Kristiyano na nasa ibang denominasyon.
At dahil sa inisip ng mga tao na ang kanilang denominasyon lamang ang siyang totoong Kristyanismo, hindi nila pinahintulutan ang ibang mga denominasyon. Nagkaisa ang lokal na pamahalaan at simbahan para ihatid ang kanilang mga nasasakupan sa isang denominasyon lamang.
Halimbawa, sa mga lugar sa Germany na Lutheran ang paniniwala, ang mga mamamayan ay inaasahan na maging Lutheran. Hindi pinahintulutan ng gobyerno ang ibang mga Protestanteng denominasyon na magkaroon ng panambahan; kinuha rin nila ang mga pag-aari ng mga obispong Katoliko. Ang Lutheranismo ang siyang naging estadong relihiyon ng bansa.
Sa Germany, noong 1540 at 1550, ang hukbong sandatahan mula sa teritoryo ng mga Lutheran ay nakipaglaban sa hukbong sandatahan ng mga Katoliko. At noong 1555, ang magkalaban ay bumuo ng kasunduang pangkapayapaan. Napagpasyahan nila ang pinuno ng bawat rehiyon ang siyang magpapasya ng pananampalataya ng kanilang nasasakupan. Ang Europa ay nagkabaha-bahagi batay sa relihiyong pinili ng kanilang pinuno.
Ang Tatlumpung Taong Digmaan (1618-1648) na nag-umpisa sa relihiyosong alitan sa Germany ay nauwi sa bandang huli sa pulitikal na digmaan. Noong 1618, ang bagong Katolikong hari ng Bohemia na si Ferdinand II ay nagtangkang ipaggiitan ang Katolisismo sa kanyang mga Protestanteng nasasakupan. Subalit ang mga Bohemian ay naghimagsik at ibinigay ang korona kay Frederick V, isang Calvinist na pinuno sa isang bahagi ng Germany. Ito ang siyang nagpasimula ng digmaan sa pagitan ng mga Katoliko at Calvinist.[1]
Ang mga hari ng ibang mga bansa, kasama ang kanilang mga hukbo, ay nakisangkot sa digmaang ito. Totoo na sila ay nakipaglaban para sa relihiyon subalit hangad rin nilang magkaroon ng bagong teritoryo.
Noong 1648, ang Kasunduang Pangkapayapaan sa Westphalia ang tumapos ng digmaan. Sa kasunduang ito, ang mga pinuno ay inaasahang magbibigay ng pahintulot at kalayaan sa mga Protestante at Katoliko na nasa loob ng kanilang nasasakupan; sa halip na ang pagkaisahin sila sa iisang simbahan. Ang Santo Papa ay pinagbawalan na makialam sa mga usapin ng mga German. Ang simbahan at gobyerno sa Germany ay magkahiwalay na. At nang panahong iyon, nagsimulang tanggapin ng mga Kristiyano ang ideya na ang ibang mga denominasyon ay mga Kristiyano rin at dapat na magkaroon ng mapayapaang pakikipag-ugnayan sa kanila.
Sa pagitan ng 1642 at 1649, ang Kapulungan ng Westminster sa Inglatera ay nagtipon upang isulat ang tinaguriang Westminster Confession of Faith. Ilang mga kaanib ng Kapulungan na ito (ang mga Kongregasyonalista) ay nagpahayag ng apat na prinsipyo na nagbibigay buod sa batayan ng mga denominasyon sa loob ng unibersal na iglesia:
Dahil hindi laging malinaw na nakikita ng tao ang katotohanan, laging magkakaroon rin ng magkakaibang mga opinyon tungkol sa panlabas na mga anyo ng iglesia.
Ang mga pagkakaibang ito ay maaaring walang kinalaman sa mga pundamento ng pananampalataya, subalit sila ay mahalaga. Sila ay mahalaga sapagkat dapat isagawa ng bawat Kristiyano ang kanyang pinaniniwalang itinuturo ng Biblia.
At dahil walang anumang simbahan na mayroong ganap o kumpletong pagkakaunawa sa katotohanan ng Diyos, ang unibersal na iglesia ay hindi maaaring katawanin o ihayag ng isang istraktura lang ng simbahan.
Ang paghihiwalay ng mga organisasyon ng simbahan ay hindi nangangailangan ng pagtanggi sa isa’t-isa. Maaaring panatilihin ang pagkakaiba ng mga denominasyon habang patuloy na nagkakaisa kay Cristo.
Ang mga prinsipyong ito ay naging saligan ng modernong denominasyon. Ang isang mahigpit at matinding katapatan sa isang denominasyon ay hahantong sa pagkakabahagi-bahagi. Subalit, kung may tamang pagkakaunawa, ang denominasyon ay nagbibigay ng kalayaan sa bawat indibidwal na Kristiyano na sumamba ayon sa kanilang paninindigan, habang iginagalang ang paniniwala ng ibang mga Kristiyano na kumakapit sa ibang paninindigan.
► Sa iyong sariling pangungusap ay ipaliwanag mo ang bawat isa sa apat na puntos na nabanggit sa itaas. Paanong ang mga puntos na ito ay gagabay sa ugnayan ng magkakaibang simbahan? Paano ito gagabay sa paraan ng pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga taong nasa magkaibang simbahan?
[1]Hindi kasali sa ginawang kasunduang pangkapayapaan noong 1555 ang mga Calvinist, sapagkat ang kasunduan na iyon ay sa pagitan lamang ng mga Lutheran at Katoliko.
Konklusyon: Ang Kasaysayan ng Iglesia ay Nangungusap Ngayon
Ang pag-aaral ng kasaysayan ng iglesia ay maaaring magpahina ng ating kalooban dahilan sa mga naganap na alitan!
Isang kasabihan ang nangibabaw sa Repormasyon na ganito ang sinasabi: “Ang iglesia—ay nireporma at laging nirireporma ng Salita ng Diyos.” At dahil ang iglesia dito sa lupa ay laging binubuo ng mga tao na may mga kahinaan at limitasyon, dapat tayong bumalik sa Salita ng Diyos upang tayo ay mareporma.
Kaya, ito ay dapat na magpasigla sa atin ng kapakumbabaan at kagalakan. Ang pag-aaral ng kasaysayan ng iglesia ay dapat na magpasigla ng kapakumbabaan; walang sinuman sa atin ang may ganap na pagkakaunawa sa katotohanan. At dahil rito, dapat tayong magpakumbaba na hayaan ang Salita ng Diyos na baguhin o i-reporma tayo sa pamamagitan ng lumalalim na kaalaman sa kanyang Salita.
Ang pag-aaral ng kasaysayan ng iglesia ay dapat na magbigay ng kagalakan; sapagkat kung paanong ang Diyos ay kumilos sa mga kahinaan at mga pagkakamali ng mga Kristiyano sa nakaraan, siya ay kumikilos sa atin sa kasalukuyan – sa kabila ng ating mga kahinaan. At kung tayo ay magiging matapat sa Diyos, kanyang isasakatuparan sa ating buhay at sa pamamagitan natin ang kanyang mga layunin.
Ang mga Ugat ng mga Protestanteng Denominasyon
Lutheran
Nireporma
Radikal na reporma
Anglican
Presbyterian
Anabaptist
Metodista
Dutch at German Reformed
Mennonite
Kabanalan/Wesleyan Denominasyon
Ilang mga Baptists
Ilang mga Baptists
English Baptists
Aralin 2, Mga Takdang Aralin
(1) Sa isang talata, bibuod mo ang limang prinsipyo na binigyang diin ng mga Radikal na Repormista. Ipaliwanag kung ano ang kanilang pinaniniwalaan at kung paanong ang kanilang mga paniniwala ay naiiba sa mga Nauugnay na sa Gobyerno na Repormista.
(2) Magsulat ng 1-2 talata na ipinapaliwanag kung paanong ang Simbahang Romano Katoliko ay tumugon sa Protestanteng Repormasyon.
(3) Isulat ang apat na prinsipyo na mula sa Kapulungan ng Westminster na naging batayan ng modernong denominasyon.
(4) Maghanda ng isang buod na talambuhay ng isa sa mga sumusunod na mga pinunong Kristiyano: Nicholas Ridley, Ignatius ng Loyola, o si Francis Xavier. Ang buod ang dapat na mayroong tatlong bahagi:
Talambuhay: Kailan siya nabuhay? Saan siya tumira? Kailan at saan siya namatay?
Kaganapan: Ano ang mga mahahalagang kaganapan sa kanyang buhay?
Impluwensya: Ano ang kanyang naging pangmatagalang impluwensya sa simbahang Kristiyano?
May dalawa kang pagpipilian sa pag-presenta ng buod na ito:
Magpasa ka ng 2 pahina ng sanaysay sa tagapamuno ng inyong klase.
Magbigay ng 3-5 minuto na presentasyon sa inyong klase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.