Isa sa mga pangunahing paniniwala ni John Wesley ay ang pagbibigay diin sa ganap na kabanalan.[1] Ipinangaral ni Wesley na sa pamamagitan ng pagsuko sa Diyos at pananalig sa kanyang mga pangako, ang isang mananampalataya ay maaaring magkaroon ng dalisay na puso. Ipinangaral niya na ang utos ni Jesus sa Mateo 5:48 ay nagpapahiwatig ng isang pangako na matatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya. At sa pamamagitan ng ebanghelistikong pagsusumikap ng mga Wesley at ng mga mangangaral na Methodist, ang mensaheng ito ay naging maimpluwensya sa mundo.
Matapos ang pagkamatay ni Francis Asbury noong 1816, ang Methodismo ay nagsimulang magbago. Ang pagbabago ay hindi pa masyadong halata sa umpisa, subalit paglaon ay hindi na nabibigyang diin ng mga simbahang Methodist ang doktrina ng ganap na kabanalan. Bagamat hindi itinatanggi ng Methodismo ang doktrina ng Christian Perfection, iilang pastor lamang ang nangangaral nito, at iilang layman ang nagpapamuhay.
Apat na salik ang nagbunsod sa ika-19 na siglo na Methodist na manghina ang pansin sa doktrina ng ganap na kabanalan at sa buhay na itinalaga sa pagpapakabanal. Ang mga isyu na humadlang sa mensahe ng kabanalan ay kinabibilangan ng:
Tagumpay sa pananalapi. Sa kalagitnaan ng ika-19 na siglo, maraming mga Methodist ang naging kumportable sa pananalapi. Namuhay sila na parang hindi na kailangan pang umasa ng lubusan sa Diyos.
Pagiging Kagalang-galang. Ang mga Methodist na simbahan ay naghangad ng mataas na katatayuan sa lipunan. Pinigilan nila ang kapahayagan ng damdamin at ninais na magmukhang marangal sa mata ng komunidad.
Akademikong pagsalakay sa pananampalataya. Noong ika-19 na siglo, maraming mga pastor at iskolar na Methodist ang naimpluwensyahan ng mga German na iskolar na tumatanggi sa tumpak na katangian at awtoridad ng Biblia.
Pagkawala ng pangitain. Habang hinaharap ng mga Methodist ang mga panloob na isyu, nawalan na sila ng malinaw na layunin para sa organisasyon. Tila walang sinuman ang naghangad na magbigay ng adhikain para sa magiging kinabukasan ng Methodismo.
Dagdag sa isyung ito, ang Amerika ay dumaranas ng digmaang-sibil. Ang mga estado ay hati-hati sa maraming mga isyu, kabilang na rito ang karapatan ng mga estado at kung ang mga indibidwal ba ay dapat pahintulutan na magkaron ng mga sariling alipin. Ang Methodist Episcopal Church ay nahati sa mga isyung ito; at noong 1844, ang denominasyon ay nahati na sa mga magkakahiwalay na simbahan, sa hilaga at timog.
Sa kabila ng ganitong mga problema, ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos pa rin sa puso ng mga kalalakihan at mga kababaihan, gaya ng lagi niyang ginagawa. At mula sa pagkilos na ito ng Diyos, ang apoy ng Holiness Movement ay muling nag-alab. Sa araling ito, pag-aaralan natin ang paghahangad sa kabanalan ng mga taong patuloy na nagugutom para sa isang dalisay na puso, sa kabila ng mga hamon kinaharap ng denominasyong Methodist.
► Talakayin ang apat na dahilang naitala para sa pagbaba ng pagpapahalaga sa doktrina ng buong pagpapakabanal at sa buhay ng kabanalan ng ika-19 na siglo na mga Methodist. Itanong:
Alin sa mga isyung ito ang makikita sa iyong lipunan?
Paano naaapektuhan ng mga isyung ito ang simbahan at ang pagbibigay-diin nito sa buhay kabanalan?
Anong iba pang mga isyu sa iyong lipunan ang posibleng maging hadlang sa paghahangad ng simbahan sa kabanalan?
[1]Ang materyal sa araling ito ay binuo ni Reverend Robert Booth, editor ng God’s Missionary Standard.
Ang Paglaganap ng Mensahe ng Kabanalan sa Amerika (1835-1858)
Mga Sinaunang Paglulunsad
Noong Mayo 21, 1835, sa New York City, si Sarah Lankford ay nagpatotoo tungkol sa dalisay na puso. Nag-i-isponsor si Lankford ng mga pagpupulong sa panalangin sa dalawang simbahan ng Methodist sa New York. At noong Agosto 1835, inilipat niya ang mga pagpupulong sa panalangin na ito sa isang silid doon sa kanyang sariling bahay.
Ang mga pagpupulong na ito sa panalangin ay naging kilala bilang Pagpupulong ng Martes na nagbibigay pansin sa Pagsusulong ng Kabanalan sa Lungsod ng New York. Habang dumadalo sa mga pulong na ito, ang kapatid ni Sarah na si Phoebe Palmer ay nagpatotoo noong 1837 tungkol sa kanyang naranasang buong pagpapabanal.
Si Phoebe Palmer at ang kanyang asawa na si Walter, isang medikal doktor, ang kapagdaka’y mamumuno sa daang-daang tao na nagugutom sa buhay ng kabanalan. Ang mga Pagpupulong ng Martes ang siyang magiging pangunahing inspirasyon para sa paglaganap ng mensahe ng kabanalan sa kalagitnaan ng ika-19 na siglo.
Noong Hulyo 1839, nagsimulang maglathala si Rev. Timothy Merritt ng isang magasina na pinamagatang Guide to Christian Perfection. Sa pangunahing editoryal, binalangkas ni Merritt ang layunin para sa magasin. Tanong niya, “Ano ang Dapat Gawin para Mapanumbalik ang Gawain ng Kabanalan sa Simbahan?”
Ang Guide to Christian Perfection ay isang mahalagang publikasyon sa pagpapalaganap ng mensahe ng kabanalan sa buong Estados Unidos. Sa buwanang peryodiko nito, isinama ni Merritt ang mga patotoo tungkol sa turo ng ganap na kabanalan, humikayat ng mga panauhing manunulat na sumulat tungkol sa mensahe ng kabanalan, at nag-anunsyo ng mga lugar na pagdarausan ng mga gawaing nagbibigay diin sa kabanalan. Ang magasin ay tungkol sa kabanalan upang ipalaganap ang mensahe ng kabanalan.
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Ninyong Makilala: Phoebe Palmer (1807-1874)
Si Phoebe Palmer[1] ang siyang kumatawan sa ilang mga pumatok sa ika-19 na siglo ng ebanghelikalismo: pagdami ng pagkakataon para sa mga kababaihan sa ministeryo, ang pagbibigay diin ng Methodist sa Kristiyanong kabanalan, sigasig sa pagbabahagi ng ebanghelyo, at malasakit sa mga pangangailangan ng lipunan.
Bagamat ang mga Pagpupulong ng Martes para sa pagsusulong ng kabanalan ay sinimulan para sa mga kababaihan, dumating ang panahon na nakidalo na rin dito ang mga kalalakihan. Aabot sa 300 na mga tao ang dumadalo sa bawat sesyon. At marami sa mga ministro ng Methodist ang nagpatotoo tungkol sa karanasan nila sa ganap na kabanalan.
Noong 1842, inilathala ni Palmer ang The Way of Holiness, na nagbibigay diin sa karanasan sa biyaya na dapat mangyari sa ilang sandali matapos ang pagbabalik-loob. Nagsimula rin siyang maglingkod bilang editor ng isang peryudikal, ang Guide to Holiness, na inilathala ng kanyang asawa si Walter Palmer. Nangaral rin siya ng mga revival at nagsagawa ng mga kampanya sa Estados Unidos at sa Great Britain. Tinatayang 25,000 na mga tao ang naakay sa pananampalataya sa ilalim ng kanyang ministeryo.
Bagamat si Palmer ay higit na naaalala sa kanyang mga katuruan ng kabanalan, mayroon rin siyang pasyon para sa ebanghelistikong mga gawain at pag-abot sa lipunan. Bukod sa iba pang bagay, si Phoebe Palmer:
Tumulong sa pagpapasimula ng Five Points Mission, ang unang permanenteng misyon sa mga loobang-lungsod ng Amerika.
Gumawa ng ministeryo sa mga bilangguan.
Isang nangungunang tagasuporta ng unang misyon ng Methodist sa Tsina.
Nagtangkang magtatag ng misyon sa Palestina.
Nag-organisa ng Ladies Christian Association, bago lumabas ang YMCA.
Naimpluwensiyahan ni Palmer ang iba pang mga repormista ng lipunan na gaya nina William at Catherine Booth. Sa pamamagitan ng impluwensya ni Palmer ay nagsimulang mangaral si Catherine Booth kasama si William. Sa kanyang aklat na, The Promise of the Father, nangatuwiran si Phoebe Palmer na ang mga babae ay dapat na kabilang sa ministeryo na kasama ng mga lalaki. Ang aklat na ito, gayundin ang mga pakikipag-usap kay Phoebe Palmer, ang umimpluwensya kay Catherine Booth na pumasok sa publikong ministeryo.
Naniniwala ang mga tagapagturo ng kabanalan na ang mensahe ng ganap na kabanalan ay nagpapasigla ng pagbabahagi ng ebanghelyo at paglilingkod sa mga nangangailangan. Naniniwala sila na ang taong may ganap na pag-ibig ay nagiging sensitibo sa lahat ng aspeto ng pangangailangan ng tao.
Ang Paglaganap ng Mensahe ng Kabanalan sa Amerika (1835-1858) (Pagpapatuloy)
Pagkakabuo ng Simbahang Wesleyan Methodist
Noong 1833, si Orange Scott, isang ebanghelistang Methodist at pastor, ay nakadama na tila binabalewala ng simbahan ang kasalanan ng mga Amerikano hinggil sa pang-aalipin. Napagtanto ni Scott na bagamat ang nagtatag ng Methodismo na si John Wesley ay isang masigasig na kalaban ng pang-aalipin, ang simbahan ng Methodist ay nagkompromiso na sa bagay na ito.
Si Scott ay nagsimulang magbasa tungkol sa mga gawain ng abolisyon. Bumili siya ng mga babasahin sa Liberator, isang abolisyonistang pahayagan na ang patnugot ay si William Lloyd Garrison, at ipinamahagi ang mga ito sa 100 Methodist na pastor sa New England. May ibang mga pastor na nakiisa kay Scott sa kanyang puna laban sa simbahang Methodist tungkol sa isyu ng pang-aalipin. Di-nagtagal, ang mga obispo ng Simbahang Methodist ay nagbigay sa kanya ng pagpipilian – maaari niyang labanan ang pang-aalipin o maaari siyang magpatuloy bilang isang Methodist elder; ngunit hindi niya magawang pagsabayin ang dalawa.
Naging kumbinsado si Orange Scott na ang mga banal na puso ay dapat na makita sa banal na mga buhay at ang mga banal na tao ay dapat na maghangad na wakasan ang mga kasamaan sa lipunan. At noong Nobyembre 8, 1842, siya at ang dalawa pang ministro ay umalis mula sa Simbahang Methodist Episcopal.
Sa sumunod na ilang taon, inilathala ni Scott ang isang peryodiko na tinatawag na, The True Wesleyan. At noong Mayo 31, 1843, pinangunahan ni Scott ang isang kombensiyon na nagtipon sa Utica, New York, upang magtatag ng bagong denominasyon na tinatawag na Wesleyan Methodist Connection.
Si Scott ay namatay noong 1847 sa edad na 47. Ang kanyang huling habilin ay, “Hayaan natin na ang lahat ng ating ministeryo at mga tao ay magsumikap sa pagkakaisa sa Espiritu, sa bigkis ng kaganapan at walang anumang kinatatakutan.”
Pagkakabuo ng Simbahang Free Methodist
Lumaki ang salungatan sa Simbahang Methodist sa pagitan noong 1835 at 1858 ng dahil sa isyu ng kabanalan. Hanggang 1858, halos lahat ng mga pagsusumikap ay nakatuon sa pagrereporma ng simbahang Methodist. Ngunit noong 1859, ang pokus ay nag-iba.
Si Rev. Benjamin Titus Roberts ay isang kilalang pastor sa simbahang Methodist. Siya at ang iba pa ay nagsimulang magprotesta sa tinatawag nilang “New School Methodist.” Nababahala sila tungkol sa ilang mga kaganapan sa Simbahang Methodist:
Ang pagkahumaling na tanggihan ang kahalagahan ng ganap na kabanalan. Maraming mga pastor na Methodist ang naniniwala na ang pagpapawalang-sala at ganap na kabanalan ay isang sabay na karanasan.
Ang pagnanais na magkaroon ng madetalyeng mga simbahan at pormal na pananambahan, sa halip na ang maging simple lang gaya ng mga naunang Methodist.
Ang karangalan ng tagumpay sa pananalapi. Ang pagpapaupa ng mga upuan sa mga miyembro ng simbahan ay nagbigay sa mga mayayaman ng marangyang lugar, subalit ang mga mahihirap ay nalagay sa mga upuan na nagpapakilalang sila’y mahirap lamang.
Ang pagtanggi na komprontahin ang kasalanan ng pang-aalipin.
Bilang tugon sa mga isyu na ito, ang Free Methodist Church ay naorganisa noong 1860 sa Pekin, New York. Ilan sa kanilang mga pangunahing paniniwala ay:
Kalayaan mula sa kasalanan. Naniniwala sila at nagtuturo ng kabanalan at di-pakikiayon sa takbo ng sanlibutan.
Kalayaan mula sa pang-aalipin. Naniniwala sila na bawat tao ay dapat na tratuhin na kapantay; walang sinuman ang dapat na alipinin.
Kalayaan mula sa mga lihim na samahan. Hindi nila pinahintulutan ang kanilang mga miyembro na makibahagi sa mga malihim na samahan na gaya ng Masonic Lodge.
Kalayaan mula sa pulitikal na kapangyarihan ng simbahan. Naniniwala sila na ang simbahang Methodist ay lumimot na sa kanyang pinagmulan at ngayon ay kumukontrol na sa pamamalakad ng mga simbahan.
Kalayaan mula sa pormalidad ng pagsamba. Sa paniniwalang hindi dapat na maging pormal ang pagsamba, na gaya ng nangyari sa simbahang Methodist, itinaguyod nila ang pagsamba na hindi nakabatay sa scripted na panambahan.
Ang limang paniniwala na ito ay nakaakit ng mga karaniwang tao, at ang Free Methodist Church ay lumaganap hindi lamang sa New York. Ang denominasyon na ito ay nag-ambag ng malaki sa paglaganap ng mensahe ng kabanalan.
Ang Mensahe ng Kabanalan sa mga Peryudikal at mga Aklat
Dagdag sa mga maimpluwensyang peryudiko na gaya ng Guide to Holiness at The True Wesleyan, marami pang mga aklat tungkol sa kabanalan ang nailathala noong ika-19 na siglo. Sinulat ni Randolph Foster ang Nature and Blessedness of Christian Purity noong 1851. Paglipas ng limang taon, isinulat naman ni Jesse Peck ang Central Idea of Christian Perfection. Ang mga aklat na ito ay nagtuturo na bawat mananampalataya ay tinawag upang mamuhay ng banal.
Isang kongregasyunal na mangangaral at educator na nagngangalang Thomas Upham ang hinikayat ng kanyang asawa na dumalo sa Martes na Pagpupulong ni Phoebe Palmer sa New York City. Sa pamamagitan ng Martes na Pagpupulong, si Upham ay nakapagbigay ng patotoo tungkol sa malalim na pagtatalaga at nagsimulang magturo ng mensahe ng kabanalan. Nagsimula rin siyang magsulat ng mga artikulo sa Guide to Holiness ni Palmer.
Si Upham ay isang malalim mag-isip na nakakuha ng interes ng mga edukadong tao na interesado sa isang buhay na banal. Ang kanyang aklat na pinamagatang Principles of the Interior or Hidden Life: Designed Particularly for the Consideration of Those Who Are Seeking Assurance of Faith and Perfect Love ay mayroong malawak na pagtanggap.
Isa pang pastor na dumalo sa Martes na Pagpupulong ni Palmer ay ang Presbyterian na mangangaral na si William Boardman. Noong 1858, nagsulat siya ng libro na pinamagatang, The Higher Christian Life, na batay sa kanyang mga personal na karanasan at paghahangad sa mataas na antas ng Kristyanismo. Si Boardman ay hindi isang iskolar, subalit ang aklat na ito ay nagustuhan ng mga karaniwang tao. Ito ay naging sikat sa buong Estados Unidos, Canada, at Inglatera.
Marami sa mga sinaunang manunulat sa peryudiko at aklat na nagbibigay diin sa kabanalan ng Kristyano ay direktang naimpluwensyahan ng Martes na Pagpupulong. Ang mga taong gaya nina Thomas Upham, Matthew Simpson, at John Inskip ay dumalo sa mga pagpupulong na ito at nakaranas ng pagkilos ng ganap na kabanalan. Dinala ng mga taong ito at ng iba pang tulad nila ang mensahe ng kabanalan sa kani-kanilang mga simbahan.
Noong 1850s, nagpasya ang mga Palmer na dalhin ang kanilang pagtuturo sa labas ng kanilang mga Martes na Pagpupulong patungo sa madlang tagapakinig. Dahil rito, sina William at Phoebe ay nagsimulang maglakbay bilang mga ebanghelista at nangaral tungkol sa kagandahan ng kabanalan at banal na pamumuhay sa mga pagtitipon na ginanap sa mga kampo at revival. Noong 1857, sila’y napunta sa Canada at nagsagawa ng mga sunod-sunod na gawain na tumulong sa pagpapalaganap ng mensahe ng kabanalan sa bansang iyon.
Ang Paglaganap ng Mensahe ng Kabanalan sa Europa at Amerika
Noong 1861, sumiklab ang Digmaang Sibil sa Estados Unidos. Pinabagal nito ang paglaganap ng revival subalit hindi nito ito napahinto. Kaya sina Walter at Phoebe Palmer ay napunta at gumugol ng panahon sa Inglatera at Scotland. Ang mga aklat nina William Boardman at Thomas Upham ay mainit at malawakang tinanggap sa Inglatera. Ito ay naghanda ng daan para sa mga Palmer. Sa mga panahong ito, nakilala ni Phoebe Palmer sina William at Catherine Booth, ang mga tagapagtatag ng Salvation Army. Ang Salvation Army ay opisyal na inilunsad noong 1865 at kalaunan ay naging kilala sa buong mundo. Ayon kay William Booth, naniniwala siya sa doktrina at methodolohiya ng mga Wesley.
Ang Holiness Revival noong 1867
Si John Inskip ay isang Methodist na pastor na nag-aral sa Dickinson College sa Pennsylvania. Kahit isa pa lang siyang mag-aaral sa Dickinson, interesado na si Inskip sa doktrina ng kabanalan, subalit naniniwala siya na marami sa mga naghananap ng ganap na kabanalan ay may kalituhan.
Noong 1864, ang asawa ni Inskip na si Martha ay dumalo sa pagtitipon sa kampo sa Sing Sing, New York. Dumalo siya roon na may partikular na interes na matugunan ang kanyang patuloy na espirituwal na pagkagutom. Sa pagtitipon sa kampo, naranasan niya ang biyaya ng ganap na kabanalan. Umuwi siya at sinabi ito sa kanyang asawa. Pagkaraan ng siyam na araw, habang nangangaral ng isang sermon tungkol sa kabanalan, si John mismo ay nakaranas ng pagpapabanal.
Di-nagtagal pagkatapos nito, dumalo rin si Inskip sa Martes na Pagpupulong para sa pagsusulong ng kabanalan at inanyayahan ang mga Palmer na magdaos ng mga espesyal na pagtitipon sa kanyang simbahan upang ituro at ipangaral ang kabanalan.
Noong 1866, nagsimulang talakayin ng isang mangangaral ng kabanalan, si Rev. J.A. Wood at si Mrs. Harriet Drake, ang mga paraan upang ipalaganap ang mensahe ng kabanalan. Nag-alok si Mrs. Drake na bayaran ang kalahati ng mga gastusin para sa pag-oorganisa ng isang pagtitipon sa kampo na magbibigay pansin sa mensahe ng kabanalan.
Ang unang inorganisa at plinano na pagtitipon sa kampo na nagsusulong ng kabanalan ay ginanap sa Vineland, New Jersey. Ang pagtitipon ay nagsimula noong Hulyo 17, 1867, at umabot sa 10,000 mga tao ang dumalo. At sa pagtatapos ng pagtitipon, nagkaroon ng desisyon na bumuo ng isang organisasyon na tinatawag na National Camp Meeting Association for the Promotion of Holiness. Si Rev. John Inskip ang napili upang maging unang pangulo.
[1]Nagpasya ang organisayon na ito na idaos ang susunod na pagtitipon sa Pennsylvania, sa mga taong nagsasalita ng German, upang sila man ay maabot ng mensahe ng kabanalan. Noong Hulyo 14, 1868, ang National Camp Meeting Association for the Promotion of Holiness ay nagbukas sa Manheim, Pennsylvania. Ang panambahan sa gabi ay naiulat na umabot sa 10,000-15,000 na mga dumalo. Ang madlang iyon ay umabot pa ng 25,000 na mga tao bago nagtapos ang pagtitipon. Ang mga tagapagsalita ay kinabibilangan nila John S. Inskip, Alfred Cookman, J.A. Wood, William McDonald, George Hughes, Phoebe Palmer, at Matthew Simpson.
Inilarawan ni George Hughes ang sermon ni Matthew Simpson na ganito: “Nakataas ang kanyang kamay. Ang kanyang makapangyarihang tinig ay umaalingawngaw sa hangin ng gabi. Ang mga tunog ng iyakan at daing [sa mga nakikinig] ay naghalo. Tila bang ibinaba ni Matthew Simpson ang kapangyarihan. Ang mga haleluyah, tulad ng tunog ng lagaslas ng mga tubig, ang siyang pumuno sa dakong panambahan. Kung ilan ang lumusong sa nagpapadalisay na batis ng gabing iyon ay hindi natin kailanman malalaman.”
Ang National Camp Meeting Association for the Promotion of Holiness ay nagpatuloy sa pagdaraos ng mga pagtitipon sa kampo sa iba’t ibang panig ng Estados Unidos. Ang mga pagpupulong na ito ay dinaluhan ng libu-libo. Ang mga dumalo rito ay nagmula sa Canada, England, India, Germany, at iba pang bansa sa Europa.
Ang Pagkakatatag ng Salvation Army
Si William Booth ay naakay sa Panginoon sa ilalim ng pangangaral ni James Caugney, isang Methodist na mangangaral sa Amerika. Nang maglakbay sina Walter at Phoebe Palmer sa England, naimpluwensiyahan nilang pareho sina William at Catherine Booth. Ang mga Booth ay natuon sa mensahe ng kabanalan.
Nakadama ng panawagan ng Diyos ang mga Booth na abutin ang mga itinakwil ng lipunan sa East London. Naniniwala sila na ang ebanghelyo ay dapat na magsilbi kapwa sa espirituwal at pisikal na mga pangangailangan ng mahihirap. Noong 1865, itinatag nina William at Catherine Booth ang Christian Revival Association, na kalaunan ay tinawag na East London Christian Mission.
Matapos mangaral sa mga lansangan ng halos dalawang taon, noong 1867, binili ng mga Booth ang isang lugar na dating bar at ginawa itong People’s Mission Hall para sa gawain ng ebanghelismo at pag-abot sa lipunan. Sa loob ng ilang mga taon, ang misyon ay naging kilala bilang Salvation Army at nagsimulang gumamit ng mga terminong pang-militar. Ang mga kaanib nito ay bumuo ng mga estasyon ng misyon na tinawag na “corps.” Ang mga miyembro ng Salvation Army ay nakasuot ng uniporme at may mga ranggo mula sa pagiging Kadete hanggang sa pagiging General. Dinisenyo ni Catherine Booth ang unang bandila ng Salvation Army. At sa pagtatapos ng 1878, ang Salvation Army ay nagkaroon ng 127 na “mga opisyal.” Ang 101 na bilang sa mga ito ay mismong naakay sa Panginoon sa mga pagpupulong ng Salvation Army.
Ang Salvation Army ay kilala sa buong London sa kanyang gawain ng ebanghelismo at panlipunang ministeryo. Naniniwala sila na dapat na ihatid ng ebanghelyo ang mga dukha kay Jesus – at dapat na pawiin ng ebanghelyo ang kahirapan ng mga taong pinalaya mula sa pagkaalipin sa alak at kasalanan.
Ang mga Booth ay umasa sa mga donasyon at iba pang humanitarian na tulong para sa ministeryo ng Salvation Army. Noong 1890, inilathala ng mga Booth ang In Darkest England and the Way Out upang ilarawan kung paano malulutas ang problema ng kahirapan sa bansa gamit ang mga prinsipyong Kristiyano. Ang aklat na ito ay nagbigay ng malawak na pansin kina William at Catherine Booth at sa Salvation Army.
[1]Mga Paglalarawan sa Pagtitipon sa Kampo sa Manheim
“Isang magkasabay na madamdaming pagsabog ng hapis at kaluwalhatian ang narinig sa lahat ng bahagi ng kongregasyon; at halos isang oras, hindi mailarawan ang eksena.”
- Rev. John Inskip
“Ang kaganapan ay hindi mailarawan. Iyon ay isa sa pinakamakapangyarihang kapahayagan ng kapangyahan ng Diyos na aming nakita. Ilang libong tao ang tila nakadapa sa ilalim ng malakas na impluwensya ng supernatural na kapangyarihan.”
- Pahayagan ng Lancaster Daily Express
Mga Dakilang Kristiyano na Dapat Ninyong Makilala: William at Catherine Booth
Si William Booth[1] ay isinilang sa kahirapan. Namatay ang kanyang ama noong si William ay 13 taong gulang, na siyang dahilan upang ang pamilya ay malagay sa napakahirap na pinansiyal na kalagayan. Bilang isang tinedyer, nagtrabaho si William upang matulungan ang pamilya. Noong siya ay 15 taong gulang, habang pauwi sa kanyang bahay, siya’y naakay sa pananampalataya matapos dumalo sa isang serbisyo sa Wesley Chapel. Pagkatapos iyon, nagbigay siya ng patotoo ng dalisay na puso. Pagkatapos ng dalawang taon, nagsimula siyang mangaral.
Nagsimulang mangaral si Booth sa mga itinakwil at mahihirap sa Nottingham, Inglatera. Isang araw, dinala niya ang isang grupo ng mga mahihirap na kabataang lalaki mula sa mga lansangan tungo sa simbahan ng Methodist. Nagalit ang isang mangangaral kay Booth sa pagdadala niya sa mga ito sa simbahan. Si John Wesley na nagtatag ng Methodismo ay pinalayas mula sa mga simbahan ng Anglican noong dinala niya ang mga mahihirap na minero ng karbon sa simbahan; at ngayon ang mga Methodist na mangangaral na may magandang katatayuan sa lipunan ang siya namang nagtataboy sa mga mahihirap palabas sa mga simbahan ng Methodist.
Sa loob ng ilang taon, dinala ng Diyos si William Booth sa London na may misyon na maghatid ng revival sa isa sa mga dakilang lungsod ng ika-19 na siglo. Noong 1865, si Booth ay nagsimulang mangaral sa isang tolda sa mga lugar na may malubhang kahirapan. Ipinahayag niya na ginagawa na niya ngayon sa wakas ang panawagan sa kanya ng Diyos.
Hindi nagtagal, si Booth ay nangangaral na sa anumang lugar na may makikinig na mga tao. Ang kanyang mga tagapakinig ay madalas na namamangha sa kamalayan sa presensya at kapangyarihan ng Diyos. At noong 1879, sa pamamagitan ng pangangaral ng 127 na mga opisyal, ang Salvation Army ay nakapagsagawa ng 75,000 na mga serbisyo sa isang taon. Noong 1880, ang Salvation Army ay nakaabot sa Estados Unidos. Noong 1881, narating nila ang Pransiya at pagkaraa ng isang taon ay nakapagdala sila ng mga manggagawa sa India.
Ang Salvation Army ay kilala sa kanilang pangangaral sa labas. Nangaral sila ng mga ebanghelistikong mensahe sa mga publikong lugar. Ang kanilang mga miyembro ay nakasuot ng kakaibang uniporme na katulad ng uniporme ng mga sundalo. Nag-organisa rin sila ng mga banda na gumagamit ng mga brass na instrumento upang tumugtog sa kanilang mga pampublikong mga serbisyo.
Bagamat ang Salvation Army ay nagsimula sa pangangaral, ito ay naging kilala rin sa pagtugon sa mga pisikal na pangangailangan ng mga mahihirap. Noong 1887, ang Salvation Army ay naging kilala sa tatlong paglilingkod: “sopas, sabon, at kaligtasan.” Napagtanto ni Booth na ang pisikal at panlipunang kapaligiran ng mga mahihirap ang siyang dahilan upang hindi nila pahalagahan ang mensahe ng kaligtasan at kabanalan. Kaya’t nagsimula siyang tugunan ang mga panlipunang isyu upang magbigay ng daan para sa ebanghelyo.
Ang aklat ni Booth na In Darkest England and the Way Out ay nagmungkahi ng mga paraan upang wakasan ang kahirapan sa Inglatera. Ipinakita ni Booth na ang Inglatera ay nahahati sa pagitan ng mayaman at mahirap. Naniniwala siya na ang pagkakahating ito ay nakakapinsala sa espirituwal at ekonomiyang kalagayan ng bansa. Bagamat hindi ginamit ng Ingles na gobyerno ang ilan sa mga ideya na nasa aklat, libu-libong mga tao ang naiahon mula sa kahirapan sa pamamagitan ng gawain ng Salvation Army.
Ang asawa ni Booth na si Catherine ay mahalaga rin sa Salvation Army. Siya ay nagtrabaho rin ng matiyaga. Ang kanyang kahali-halinang ugali ay nakatulong upang makuha ang suporta ng mga taong nasa mataas na katayuan. Nang siya ay mamatay noong 1890, ang mga lansangan sa London ay napuno ng isang prusisyon sa libing na umabot sa mahigit na apat na milya. Sa loob ng 25 taon, ang mga Booth ay kapuwa nagsumikap para sa Salvation Army. At noong 1890, ang Army ay nagkaroon ng 2,900 na center sa 34 na iba’t ibang bansa.
Sa huling bahagi ng buhay, si General Booth ay iginalang ng iba’t ibang uri ng mga tao na gaya nina Charles Spurgeon, Winston Churchill, at Cardinal Manning. Maging ang Prinsipe ng Wales ay naging patron ng Salvation Army; at nang makorononahan siya bilang Haring Edward VII noong 1902, inimbitahan si Booth sa koronasyon.
Sa kabila ng kanyang kasikatan, hindi nawala ang sigasig ni General Booth sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Sa kanyang pagbisita sa Buckingham Palace, tinanong ng hari si Booth kung ano ang kanyang ginagawa bilang libangan. Sumagot si Booth, “Sir, may mga taong mahilig sa sining, katanyagan, at ginto. Ako ay may pasyon para sa mga kaluluwa.” At minsan, habang nasa matinding pag-aalala para sa mga hindi pa mananampalataya, naibubulas niya, “Oh Diyos, ano ang masasabi ko? Mga kaluluwa! Mga kaluluwa! Mga kaluluwa! Ang puso ko ay nagugutom para sa mga kaluluwa!”
Nang tanungin tungkol sa sikreto ng kanyang tagumpay, sinabi ni William Booth:
“Sasabihin ko sa iyo ang sikreto. Hawak ng Diyos ang lahat sa akin. May mga taong may mas mahusay na isipan kaysa sa akin, mga taong may malaking oportunidad. Subalit sa araw na inilagay ko sa aking puso ang mga mahihirap ng London at nagkaroon ako ng pangitain ng lahat ng magagawa ni Jesu-Cristo para sa kanila, sa araw na iyon ay nagpasya ako na ang Diyos na ang may hawak ng lahat sa buhay ni William Booth. At kung mayroon mang kapangyarihan sa Salvation Army ngayon, ito ay dahil sa nasa Diyos ang lahat ng pagsamba ng aking puso, ang lahat ng kapangyarihan ng aking kalooban, at ang lahat ng impluwensya sa aking buhay.”
Tinatayang naglakbay si Booth ng 5 milyong milya at nangaral ng 60,000 na beses. Ang patuloy na naging sigaw ni William Booth ay, “Humayo kayo para sa mga kaluluwa at puntahan ninyo ang pinakamasama!” Tunay na ang Diyos lamang ang siyang may hawak at matatagpuan kay William Booth.
Ang Paglaganap ng Mensahe ng Kabanalan sa Europa at Amerika (Pagpapatuloy)
Ang Salvation Army at ang Mensahe ng Kabanalan
Noong 1877, sinabi ni William Booth, “Ang kabanalan sa Panginoon ay isang pundamentong katotohanan para sa amin; ito ang nangunguna sa aming mga doktrina.” Pagkatapos ay sumulat si Booth ng isang talumpati sa kanyang mga tinaguriang sundalo. Ang sabi niya, “ang tanong ko sa inyo, sino ang nagligtas sa inyo? Ang buhay na Diyos, at kanya kang pababanalin…gagawin niya ito.” Sa madaling salita, si General Booth ay matapat sa mensahe ng kabanalan.
Sa simula pa lamang, ang Salvation Army ay nakabatay na sa mga turo at prinsipyo ng kabanalan. Ang mga opisyales ng Salvation Army na gaya ni Brigadier General Samuel Logan Brengle ay nangaral sa mga revival na may kinalaman sa kabanalan at sa mga pagpupulong sa kampo para sa National Camp Meeting Association for the Promotion of Holiness. Si Brengle ay nagsulat rin ng mga aklat tungkol sa kabanalan na hanggang ngayon nakalathala pa rin.
Tulad ni Orange Scott, sina William at Catherine Booth ay naniniwala na ang mga banal na puso ay dapat na magbunga ng banal na pamumuhay at ang mga banal na tao ay dapat na maghangad na wakasan ang mga kasamaan sa lipunan. Ang hangarin na ito ay naghatid sa mga Booth sa pinakamadilim na dako ng Inglatera. Nagtayo sila ng mga tirahan para sa mga walang bahay, nagbukas ng mga tahanan upang maging rehabilitasyon para sa mga patutot at tumayo laban sa pag-abuso sa alkohol.
Siyempre, hindi lahat ay naging masaya sa mga Booth at sa Salvation Army. Nagkaroon sila ng mga kalaban sa iba’t ibang dahilan. May iba na tinuligsa sila ng dahil sa paggamit nila ng mga kababaihan upang mangaral. May iba na tinuya sila ng dahil sa kanilang pangangaral sa publiko. May iba na nagsabi na ang musika ng kanilang mga banda ay masyadong maingay. Madalas na may ibato sa kanila na mga bulok na pagkain. May ilan na sinusubukang guluhin ang kanilang mga pagpupulong. Subalit sa kabila ng oposisyon, nakakuha pa rin sila ng maraming tagasuporta. Minsan ay sinabi ni Charles Spurgeon ang ganito tungkol sa kanila, “Ang 5,000 na kapulisan ay walang kakayahan na punan ang nagagawa ng Salvation Army sa pagsupil ng krimen at kaguluhan.” Binago ng Salvation Army ang buong mga komunidad gamit ang kapangyarihan ng ebanghelyo.
Sa hilaga ng Inglatera, may isang mayamang negosyante na si Frank Crossley na nakakilala sa mga Booth at inanyayahan sila sa kanyang tahanan upang magdaos ng mga pagpupulong. At upang maisulong ang mensahe ng kabanalan, bumili siya ng isang lumang music hall, ang Star Hall, at nagtayo ng isang misyon para sa mga mahihirap ng Manchester. Sa loob ng maraming taon, ang Starr Hall ay naging sentro ng mensahe ng kabanalan sa Manchester Inglatera.
Unti-unti, nagsimulang magpadala ang Salvation Army ng mga banda at mga corps sa ibang panig ng mundo. Sa kasalukuyan, mayroong mahigit 15,000 corps sa 126 na mga bansa.
► Binigyang diin ni William Booth na ang ebanghelyo ay dapat na magsalita sa parehong espirituwal at pisikal na mga pangangailangan. May ilang mga Kristiyano na nangangaral ng espirituwal na mensahe habang binabalewala ang pisikal na mga pangangailangan; may ibang mga Kristiyano na naglilingkod sa pisikal na pangangailangan ngunit bigo namang ipahayag ang mensahe ng kaligtasan mula sa kasalanan. Tinutugunan ba ng iyong simbahan ang dalawang pangangailangan na ito? Kung ang iyong simbahan ay nabibigo sa pagtugon sa isang pangangailangan o sa isa pa, talakayin kung paano ka makakagawa ng isang mahusay na balanseng pagtugon.
Iba pang mga Grupo ng Holiness sa Europa
Sa huling bahagi ng ika-19 at unang bahagi ng ika-20 na siglo, may iba pang mga holiness na grupo na lumago sa Inglatera sa iba’t ibang panig ng Europa. Si Reader Harris ay isa sa mga unang dumalo sa Star Hall Convention na itinaguyod ni Frank Crossley. Pinili ni Harris na magtrabaho sa mga umiiral na simbahan kaysa ang magpasimula ng kanyang sariling simbahan. Binuo niya ang Pentecostal League of Prayer na humihikayat sa mga miyembro ng simbahan ng anumang denominasyon na hanapin ang isang pusong dalisay. Ang Pentecostal League of Prayer sa kalaunan ay nagkaroon ng 13,000 na mga miyembro.
Si David Thomas ay naging kabahagi ng Pentecostal League of Prayer. Nagkaroon siya ng pangamba na ang ilan sa ganap na pinabanal sa pamamagitan ng ministeryo ng Pentecostal League ay babalik sa kanilang mga pinagmulang simbahan ngunit kalauna’y manlalamig. Kaya’t bilang tugon rito, binuo niya ang International Holiness Mission. Nagtatag siya ng 20 misyon sa Inglatera. At isa sa kanyang mga naakay sa Panginoon ay naghatid ng mensahe sa South Africa at nagbukas roon ng misyon.
Pagkatapos nito, si Maynard James ay nakaranas ng ganap na pagpapabanal at nagsimula ng isa sa mga misyon ng International Holiness Mission. Itinaguyod ni James at ng kanyang Calvary Holiness Church ang ministeryo ng banal na mga mangangaral na tulad ni Norman Grubb, Leonard Ravenhill, at Duncan Campbell. Madalas niyang iugnay ang kanyang sarili sa Church of the Nazarene, isang denominasyon ng kabanalan na ating tatalakayin maya-maya lamang. Naging kasama rin si James sa African Evangelist Band, isang interdenominasyunal na organisasyon na nagbibigay-diin sa kabanalan.
Kasabay ng pangangaral ng mga Palmers at Booth, ang ikatlong pangkat ng mag-asawa na nangaral rin ng kabanalan sa huling bahagi ng ika-19 na siglo ay sina Robert Pearsall at Hannah Whitall Smith. Ang kanilang kombensiyon ay naging kilala bilang Keswick Movement.
Ang mga Smith ay mag-asawang Quaker na mula sa Philadephia, Pennsylvania. Sila ay naging mga kilalang mangangaral ng mensahe ng kabanalan sa Estados Unidos at sa Inglatera. Si Hannah ay nakaranas ng ganap na pagpapabanal matapos niyang dumalo sa isang Methodist na pagpupulong sa panalangin ng mga kababaihan. Nang makita ni Robert ang pagbabago sa buhay Hannah, sinimulan niyang hanapin ang gayong parehong karanasan sa Diyos. Nagpatotoo siya sa ganap na pagpapabanal na naranasan noong 1867.
Noong 1874, naglakbay ang mga Smith patungo sa Inglatera upang magsalita sa mga kombensiyon na nakaukol sa kabanalan. Sila’y naging popular sa mga aristokrata na Ingles at sa mga unibersidad. Ang kanilang katuruan ay nakilala bilang “Higher Life” o kilusang Keswick.
Mula sa Iglatera, naglakbay ang mga Smith sa kontinental na Europa, nangaral sa Pransiya, Germany, at Switzerland. Ang mensahe ng kabanalan ay nakaantig sa puso ng mga German Pietist at nagkaroon ng malawak na pagtanggap sa kanila. Nangaral rin si Robert Smith ng mensahe ng kabanalan sa mga simbahang Lutheran at Reformed at nakakita ng maraming mga mananampalataya na nagpatotoo tungkol sa pagkakaroon ng dalisay na puso.
Isa sa mga grupong German na lumago mula sa mga ginawang revival ni Smith ay tinawag na Fellowship Movement. Ang German holiness na grupo na ito ay nagkaroon ng tatlong pangunahing diin: samahan ng mga Kristiyano, ebanghelismo, at pagtataguyod ng doktrina ng kabanalan.
Matapos na magbalik si Smith mula sa kontinente, inorganisa niya ang Brighton Convention sa Inglatera. At tulad ng istilo sa National Camp Meetings, ang kombensiyon na ito ay umakit ng mahigit 8,000 na mga tao. Ang gawain ng Higher Life ay nakatawag ng pansin ng mga mangangaral na tulad ni J. Hudson Taylor, D.L. Moody, Evan Hopkins, Charles Cullis, at marami pang iba. Hinikayat rin ng mga Smith at ng kanilang mga kasamahan ang mga grupo na tulad ng Salvation Army at Pentecostal League na magpatuloy sa pamamahayag ng mensahe ng kabanalan.
Ang Pagkakatatag ng Church of the Nazarene
Sa unang bahagi ng ika-20 siglo, naging maliwanag na ang mga mangangaral ng kabanalan ay nabigo sa kanilang pagtatangkang i-reporma ang Methodist na Simbahan sa Estados Unidos. Bilang tugon, ang mga pinuno ng kabanalan ay nagsimulang bumuo ng mga denominasyon na hiwalay sa Methodist na Simbahan.
Noong Oktubre 1895, inorganisa ni Phineas Bresee at ng humigit-kumulang na 100 na iba pa ang Church of the Nazarene sa Los Angeles. Naniniwala sila na ang ganap na kabanalan ay natanggap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. Ipinangaral nila ang mga Kristiyanong pinabanal ay dapat na sumunod sa halimbawa ni Cristo at mangaral sa mga dukha.
Noong 1908, ang Association of Pentecostal Churches of America at ang Church of the Nazarene ay nagkaisa at nakilala bilang Pentecostal Church of the Nazarene. Pagkalipas ng ilang taon, inalis ng denominasyon ang salitang Pentecostal at nakilala na ngayon bilang Church of the Nazarene. Sa kasalukuyan, ang mga Nazarenes ay mayroong humigit-kumulang 30,000 na mga simbahan at mahigit 2 milyon na mga miyembro sa buong mundo.
Ang Wesleyan na Mensahe sa Ika-20 Siglo
Ang unang bahagi ng ika-20 siglo ay isang magulong panahon para sa Methodismo sapagkat ang mga Wesleyan ay humarap sa atake ng mga German iskolar tungkol sa awtoridad ng Biblia.[1] Maraming mga Amerikanong mga Methodista ang naghangad na ibangong muli ang makasaysayang Methodismo.
Sa paghahangad na bumalik sa ugat ng kanilang kabanalan, ang Pilgrim Holiness Church at ang Church of the Nazarene ay nabuo mula sa mga simbahan na humiwalay sa Methodist na Simbahan. Noong unang bahagi ng ika-20 siglo, isang bagong National Holiness Association ang bumalik sa tradisyunal na Methodist na nagbibigay-diin sa revival at Kristiyanong kabanalan.
Habang ang denominasyon ng Methodist ay sumunod sa ibang malalaki at lumang mga denominasyon na tinanggap ang pagtanggi sa katumpakan at awtoridad ng Biblia, ang mga tagapagtanggol ng kabanalan ay bumuo naman ng mga bagong kongregasyon upang mapanatili ang mga pagpapahalagang kinakatawan sa sinaunang Methodismong revival. Ang mga holiness na simbahan ay nagsugo ng mga misyonero, nagtatag ng mga palimbagan at peryodiko, at nagbukas ng mga kolehiyo ng Biblia upang magsanay ng mga pastor at mga manggagawang Kristiyano.
Sa buong ika-20 siglo, maraming mga holiness na simbahan ang nagpatuloy sa pagpapahayag ng mensahe na ipinangaral ng mga Wesley – ang posibilidad ng pagkakaroon ng isang dalisay na puso na puno ng perpektong pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Patuloy nilang ipinahayag ang panawagan ni Jesus na “Maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal.” (Mateo 5:48), na kung saan ay nagpapahiwatig ng pangako na gagawin tayong banal ng Diyos kapag hinahanap natin siya ng may pananampalataya.
Ngayon, tulad ng sa unang bahagi ng gawain ng Methodist, ang mga pagtatalo ay lumitaw sa pagitan ng hangaring maging mahalaga sa kultural at sa mga pamantayan ng katotohanan sa Biblia. Sa Estados Unidos man at sa ibang bansa, ang mensahe na ang lahat ng mga tao ay kailangang maligtas; lahat ng tao ay maaaring maligtas; lahat ng tao ay maaaring malaman na sila ay ligtas; at lahat ng tao ay maaaring ganap na maligtas ay kinakailangan rin sa panahon ngayon gaya noong ika-18 siglo. Karamihan sa mga taong nagtuturo ng mga doktrina ni Wesley ngayon ay hindi gumagamit ng bansag na Methodist. Gayunma’y nagpapatuloy sila sa paghahatid ng mensahe ng pag-asa na na kay Cristo sa ating mundo.
[1]Ang bahaging ito ay hinalaw mula kay William Snider, “Paper on Twentieth Century Methodism.”
Kabanalan sa Pagkilos: Pagmamahal sa Diyos at Pagmamahal sa ating Kapwa
Binigyang kahulugan ni John Wesley ang “Kristiyanong Kaganapan” o Christian Perfection bilang perpektong pagmamahal sa Diyos at perpektong pagmamahal sa kapwa. Naunawaan niya na ang pamantayan ng Diyos sa 1 Pedro 1:15-16 at Mateo 5:48 ay hindi tumutukoy sa ganap na kaperpektuhan ng Diyos, o sa kaperpektuhan ng mga anghel, o sa kaperpektuhan ni Adan bago siya nagkasala. Sa halip, “ang maging sakdal na gaya ng inyong Ama na nasa langit na sakdal” (Mateo 5:48) ay nangangahulugan ng pagmamahal na gaya ng sa pagmamahal ng Diyos.
Ang pamantayan na ito ng pagiging perpekto ay makikita sa ministeryo ni John at Charles Wesley. Tunay na mahal nila ang Diyos at sinikap nilang mamuhay ng maingat at disiplinado na naglalarawan sa pag-ibig na iyon. Sila ay matapat sa paglilingkod sa Diyos at walang humpay silang naglakbay upang ipalaganap ang Salita.
Mahal ng mga Wesley ang Diyos at ang kanilang kapwa. Itinalaga nila ang kanilang sarili sa paglilingkod sa mga taong nasasaktan. May mga pagkakataong ginugugol ni Charles ang kanyang gabi kasama ang mga bilanggong hinatulan ng kamatayan. Nilabanan rin ni John ang mga sakit sa lipunan na lumikha ng isang klase ng mga tao na hindi makaangat mula sa kahirapan. Isa sa mga liham ni John ay humikayat kay William Wilberforce na ipagpatuloy ang laban sa pang-aalipin. Naniniwala ang mga Wesley sa kabanalan at isinasabuhay ito; minahal nila ang Diyos at minahal rin nila ang kanilang kapwa.
Si Phoebe Palmer ay isa ring guro ng kabanalan na nakaunawa na ang kabanalan ay nangangahulugan ng pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa. Si Gng. Palmer ay masigasig sa kanyang paghahangad ng isang maingat at banal na buhay. Itinalaga niya rin ang sarili sa paglilingkod sa mga pangangailangan ng mga mahihirap na nakatira sa mga iskwater ng New York, sa mga bilangguan, at sa iba pang lugar na natagpuan niyang naghihirap ang sangkatauhan. Pinaniwalaan at isinabuhay ni Phoebe Palmer ang kabanalan; minahal niya ang Diyos at minahal niya rin angn kanyang kapwa.
Kapuwa minahal ni William at ni Catherine Booth ang Diyos. Nagtatag sila ng isang organisasyong napakadisiplinado sa paghahanap sa Diyos na tinagurian nila itong isang “hukbo.” Minahal rin nila ang kanilang kapwa. Hindi kayang tanggapin ng mga Booth ang isang ebanghelyo na nangangako ng isang panghinaharap na langit ngunit hindi makatugon sa pagdurusa sa mundong ito. Naalala nila ang unang pampublikong pahayag ni Jesus. “Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, sapagkat ako'y hinirang niya upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha. Ako'y sinugo niya upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag, at ang muling pagkakaroon ng paningin sa mga bulag, upang palayain ang mga naaapi” (Lukas 4:18).
► Sa kanilang pinakamahusay, ang mga taong banal ay kilala kapwa sa pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa-tao. Kapag iniisip ng mga tao ang iyong simbahan, iniisip ba nila ang isang simbahan na nagmamahal sa Diyos at nagmamahal sa mga tao? Paano mo mainam na maipapahayag ang pagmamahal na iyon sa iyong mundo?
Konklusyon: Ang Mensahe ng Kabanalan sa Kasalukuyan
Marami na ang nagbago mula sa revival ng kabanalan noong ika-19 na siglo. May ilang organisasyon na nagturo ng doktrina ng kabanalan ay naglaho na. Ang kilusan ng kabanalan ay nagkaroon rin ng kanyang bahagi ng problema at pagkakawatak-watak.
Gayunpaman, sa kabila ng mga paghihirap na ito, higit na maraming grupo ang nagpapahayag ng mensahe ng kabanalan kumpara sa dati. Bagaman may mga sinaunang grupo na tumalikod sa paghahangad ng isang banal na buhay, may ibang mga denominasyon ng kabanalan na nagpatuloy sa pagpapahayag ng posibilidad na magkaroon ng isang dalisay na puso at magkaroon ng tagumpay laban sa ninanasang kasalanan.
May lumilitaw na bagong pagkakamulat at kamalayan sa loob ng maraming mga simbahan hinggil sa tawag ng kabanalan. Mayroong pagnanasa na matulad kay Jesus at maranasan ang kanyang nananahang kapangyarihan. Mayroong pagnanasa na hanapin ang doktrina ng kabanalan na ipinapahayag ng malinaw at matapat. Ang mensahe ni Orange Scott, na siyang nagtatag ng Wesleyan Methodist Church, ay mabuting tandaan natin: ang mga banal na puso ay dapat na makita sa mga banal na buhay.
Aralin 5, Mga Takdang Aralin
(1) Balik-aralan ang apat na salik na nagbunsod sa mga Methodist ng ika-19 na siglo na bawasan ang kanilang pagbibigay-diin sa doktrina at pamumuhay sa kabanalan. Nakikita mo ba ang alinman sa mga panganib na ito na nagbabanta sa mga simbahan ngayon? Anong mga aral ang ating matutuhan mula sa kasaysayan ng Iglesia na mag-iiwas sa atin ngayon na magawa ang pagkakamali ng mga mananampalataya noon? Isulat ang iyong mga pagsusuri at pagkatapos ay sumulat ng ilang mga biblikal na patnubay kung paano maiiwasan ng simbahan ngayon na magawa ang mga parehas na pagkakamali.
(2) Binigyang kahulugan ni John Wesley ang Kristiyanong kabanalan bilang perpektong pag-ibig para sa Diyos at perpektong pag-ibig para sa kapwa. Pangalanan mo ang ilan sa mga taong binanggit sa araling ito na gumawa ng pagbabago sa kaharian ng Diyos ng dahil sa kanilang pagmamahal sa Diyos at kapwa-tao. Sumulat ng 4-5 na talata tungkol sa ilang praktikal na paraan na kung saan ay personal mong maipapakita ang perpektong pagmamahal sa Diyos at sa kapwa sa araw-araw na buhay. Sa 1-2 na mga pangungusap, ipaliwanag ang magiging epekto nito sa pandaigdigang Simbahan kung maraming tao ang talagang magmamahal sa Diyos at kapwa na siyang nararapat.
(3) Maghanda ng isang buod na talambuhay ng isa sa mga sumusunod na pinunong Kristiyano: Phoebe Palmer, William Booth, o si Johan Inskip. Ang buod mo ay dapat na naglalaman ng apat na bahagi:
Talambuhay: Kailan siya nabuhay? Saan siya tumira? Kailan at saan siya namatay?
Kaganapan: Ano ang mga mahahalagang kaganapan sa kanilang buhay?
Impluwensya: Ano ang kanyang hindi malilimutang impluwensya sa simbahang Kristiyano?
Aplikasyon: Ano ang isang aral para sa simbahan ngayon na matututuhan mula sa pinuno na ito?
May dalawa kang pagpipilian sa pag-presenta ng buod na ito:
Magpasa ka ng 2-pahinang sanaysay sa tagapamuno ng inyong klase.
Magbigay ng 3-5 minuto na presentasyon sa inyong klase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.